Narinig Mo Na ba ang Tinig ng Diyos?

Abril 16, 2023

Hello, mga kapatid. Napakapalad natin na makapagsama-sama—salamat sa Panginoon! Tayong lahat ay mga taong mahilig makinig sa mga salita ng Diyos at nananabik na salubungin ang Panginoon. Ngayong araw, magbabahaginan tayo nang kaunti sa mga propesiya ng Panginoong Jesus at tatalakayin natin ang iba’t ibang pagkaunawa sa pagbabalik ng Panginoon. Karamihan sa mga tao ay mababaw na tinukoy ang pagbabalik ng Panginoon bilang pagbaba Niya sakay ng mga ulap, ngunit ayon sa sariling mga propesiya ng Panginoong Jesus sa Bibliya, babalik Siya at magpapahayag ng mga salita bilang ang Anak ng tao. Iprinopesiya ng Panginoon ang pagparito, o pagpapakita, ng Anak ng tao sa maraming pagkakataon, at ang pagparito ng Anak ng tao ay tumutukoy sa pagpapakita at paggawa ng Diyos sa katawang-tao. Ito lamang ang pinakatunay na interpretasyon, at malamang na hindi niyo ito maririnig sa isang simbahang panrelihiyon. Ang pagparito o pagpapakita ng Anak ng tao ay isang malaking misteryo, hindi ito malalaman ng isang tao kung hindi pa niya nasasalubong ang pagpapakita at paggawa ng Anak ng Tao.

Maraming propesiya tungkol sa pagbabalik ng Panginoon ang nasa Bibliya, pero karamihan sa mga ito ay nagmula sa mga tao, tulad ng mga apostol o mga propeta, o mula sa mga anghel. Ang mga propesiyang madalas banggitin ng mga tao ay iyong mga mula sa tao, kaya’t nananabik silang makita ang Panginoon na hayagang bumababa sakay ng mga ulap. Pero ang totoo, ang pagbabalik ng Panginoon ang pinakanatatagong lihim. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Nguni’t tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang(Mateo 24:36). Dahil walang nakakaalam ng araw o oras na iyon, maging ang mga anghel sa langit o ang Anak, maaari ba talaga na alinman sa mga ipinropesiya sa Bibliya ng mga tao o anghel ang tumpak tungkol sa pagbabalik ng Panginoon? Imposibleng tumpak ang mga iyon. Kaya, kung gusto nating salubungin ang Panginoon, dapat tayong sumunod sa mga propesiya mismo ng Panginoong Jesus. Iyon ang ating tanging pag-asa na masalubong ang Panginoon. Kaya, ang mga naghihintay na hayagang bababa ang Panginoon sakay ng mga ulap ay tiyak na masasadlak sa mga sakuna, iiyak sila at magngangalit ng kanilang mga ngipin. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Sapagkat gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kanluran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao(Mateo 24:27). “Sapagkat gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan. Datapuwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito(Lucas 17:24–25). “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan … at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating(Juan 16:12–13). “Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig sa Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko(Pahayag 3:20). “Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia(Pahayag 2:7). “Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin(Juan 10:27). Ano ang makikita natin sa mga propesiyang ito mula sa Panginoong Jesus? Malinaw na sinasabi sa atin ng mga salita ng Panginoon na babalik Siya sa mga huling araw bilang Anak ng tao. Ang totoo, ang Anak ng tao ay ang pagkakatawang-tao, at pangunahin Siyang magbibigkas ng mga salita, nagpapahayag ng maraming katotohanan, at aakayin Niya ang mga hinirang ng Diyos na pumasok sa lahat ng katotohanan. Anong gawain ang makakamit ng Panginoon sa pamamagitan ng pagparito at pagpapahayag ng mga katotohanan? Walang duda na ito ay upang isagawa ang gawain ng paghatol na sisimulan sa sambahayan ng Diyos, na lalong nagpapatunay na ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga katotohanan. Kaya paano natin masasalubong ang Panginoon? Dahil paparito Siya bilang ang Anak ng tao, at ganap na may ordinaryong anyo ang Anak ng tao, na walang hayagang pagka-supernatural, walang sinuman ang makakakita na ito ang pagpapakita ng Diyos kung titignan lamang ang Kanyang panlabas na anyo. Ang susi ay makinig sa mga pahayag ng Anak ng tao at tingnan kung ito ba ang tinig ng Diyos. Ang pagsalubong sa Panginoon ay nakakamit sa pamamagitan ng pagkakilala sa tinig ng Diyos at pagbubukas ng pinto para sa Kanya. Kung nagpapahayag Siya ng mga katotohanan at naririnig ito ng mga tao ngunit hindi nila nakikilala ang tinig Niya, hindi nila masasalubong ang Diyos. Paulit-ulit itong ipinropesiya sa Aklat ng Pahayag: “Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia(Pahayag Mga Kabanata 2, 3). Sa kabuuan, binanggit ito nang pitong beses. Kaya, upang masalubong ang Panginoon, ang marinig ang tinig ng Diyos ay talagang napakahalaga; ito ang tanging paraan upang masalubong Siya. Ngayon alam niyo na ba kung ano ang susi sa pagsalubong sa Panginoon? Tama iyan—upang masalubong ang Panginoon, talagang kailangan nating hangarin na marinig ang tinig ng Diyos, at ang “tinig” na ito ay tumutukoy sa maraming katotohanang ipinahayag ng nagbalik na Panginoon, lahat ng katotohanang hindi pa narinig ng mga tao noon at mga bagay na hindi kailanman naitala sa Bibliya. Naririnig ng matatalinong dalaga na ang mga salitang ipinapahayag ng Anak ng tao ay pawang ang katotohanan, lahat ay tinig ng Diyos at, sinasalubong nila ang Panginoon nang may labis na kagalakan. Ang Panginoon lamang ang may kakayahang magpahayag ng katotohanan; tanging ang Panginoon ang daan, katotohanan, at buhay. Ang sinumang nakakarinig sa mga salitang ipinapahayag ng Anak ng tao ngunit nananatiling walang pakialam o iwinawaksi ang mga iyon, o ayaw niyang tanggapin ang katotohanan, ay isang hangal na dalaga na aabandunahin ng Panginoon. Tiyak na masasadlak siya sa malalaking sakuna, iiyak at magngangalit ng kanyang mga ngipin. Sa ngayon, hindi pa nasalubong ng mundo ng relihiyon ang Panginoon; sa halip, nasadlak sila sa mga sakuna, sinisisi at itinatatwa nila ang Diyos, at palagi silang nasa desperadong kalagayan. Ang mga tupa ng Diyos ay masigasig na naghahanap at nagsisiyasat sa tunay na daan pagkatapos marinig ang tinig ng Diyos, na nagbibigay-daan sa kanila na masalubong ang Panginoon. Kaya dapat maging malinaw sa atin: Sa pagbabalik ng Panginoon sa mga huling araw, magpapakita Siya bilang ang Anak ng tao at magpapahayag ng lahat ng katotohanan, at ang susi para sa atin sa paghahanap sa pagpapakita ng Panginoon ay ang saliksikin kung nasaan ang lahat ng katotohanang ito na ipinapahayag ng Panginoon, hanapin ang simbahan kung saan nagsasalita ang Diyos. Kapag natuklasan mo na ang mga katotohanang ipinapahayag ng Anak ng tao, makikita mo na ang pagpapakita at gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pagtunton sa pinanggalingan ng tinig na iyon. Sa sandaling matuklasan mo na ang lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Panginoon ang magdadalisay at magliligtas sa sangkatauhan, tatanggapin mo na ang pagbabalik ng Panginoon, at pagkatapos ay masasalubong mo na Siya. Ito ang pinakamainam na paraan, at ang pinakasimpleng paraan, para salubungin ang Panginoon. Hindi na kailangang tumitig nang husto sa langit, ni hindi na kailangang tumayo sa tuktok ng bundok para salubungin ang Panginoon habang bumababa Siya sakay ng mga ulap, lalong hindi na kailangang magdasal buong araw at gabi, o mag-ayuno at manalangin. Kailangan mo lamang magbantay at maghintay, huwag tumigil kailanman sa iyong paghahanap na marinig ang tinig ng Diyos.

Sa puntong ito, maaaring nagtataka ang ilan sa inyo: Paano natin makikilala ang naririnig natin bilang tinig ng Diyos? Sa katunayan, hindi mahirap marinig ang tinig ng Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Datapuwat pagkahating gabi ay may sumigaw, ‘Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin Siya’(Mateo 25:6). Anumang oras na marinig niyo ang isang tao na nagpapatotoo sa pagpapakita at gawain ng Diyos, o na nagpahayag na ang Diyos ng maraming katotohanan, dapat niyo itong siyasatin kaagad at tingnan kung ang mga salitang ito na diumano’y sinabi ng Diyos ang katotohanan o hindi. Kung ang mga ito ang katotohanan, dapat ninyong tanggapin ang mga ito, dahil naririnig ng mga tupa ng Diyos ang Kanyang tinig. Ito ay isang bagay na pauna nang itinakda ng Diyos, at hindi ito nakasalalay sa kung gaano kaedukado ang isang tao, kung gaano kahusay ang kaalaman niya sa Bibliya, o ang lalim ng kanyang karanasan. Bilang mga Kristiyano, ano ang nadarama natin kapag naririnig natin ang maraming salita na binigkas ng Panginoong Jesus? Kahit walang karanasan o pagkaunawa sa mga salita ng Panginoon, sa sandaling marinig natin ang mga ito, mararamdaman natin na ang mga ito ang katotohanan, na nagtataglay ng awtoridad at kapangyarihan ang mga ito; mararamdaman natin na malalim at mahiwaga ang mga ito, lampas sa pang-unawa ng tao—ito ang papel ng inspirasyon at intuwisyon. Malinaw man natin itong maipahayag o hindi, tama ang pakiramdam na ito, at sapat na upang ipakita na kung ang isang tao ay may puso at kaluluwa, mararamdaman niya ang kapangyarihan at awtoridad ng mga salita mula sa Diyos. Ganyan ang pakikinig sa tinig ng Diyos. Upang suriin pa ito nang kaunti, ano pa ang ibang katangian ng mga salita ng Diyos? Tinutustusan tayo ng mga salita ng Diyos habang-buhay; nagbubunyag ito ng mga misteryo, nagbubukas ng isang bagong kapanahunan at nagwawakas ng lumang kapanahunan. Kung paanong nakapagpahayag ng mga katotohanan sa anumang oras at saanmang lugar ang Panginoong Jesus para magpastol, magdilig, at magtustos sa mga tao; inihayag din ng Panginoon ang mga misteryo ng kaharian ng langit, dinala sa sangkatauhan ang landas ng pagsisisi tungo sa kaharian ng langit, binuksan ang Kapanahunan ng Biyaya, winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan, at tinapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Isa itong bagay na hindi magagawa ng sinumang tao. Hindi ba? Kaya, sa kasalukuyan, mayroong isang Anak ng tao na nagbibigkas ng mga salita sa loob ng maraming taon, na nagpapahayag ng napakaraming katotohanan. Pagkatapos basahin ang mga salitang ito, nadama ng maraming tao na ang mga ito ay mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, ang tinig ng Diyos, at natiyak nila na ang Anak ng tao na ito na nagpapahayag ng mga katotohanan ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, na Siya ang Makapangyarihang Diyos sa katawang-tao. Ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ang lahat ng katotohanang kinakailangan para linisin at iligtas ang sangkatauhan, ibinubunyag ang mga misteryo ng 6,000 taong plano ng pamamahala ng Diyos, at ginagawa ang gawain ng paghatol simula sa sambahayan ng Diyos. Sinimulan na Niya ang Kapanahunan ng Kaharian at winakasan ang Kapanahunan ng Biyaya. Nais bang marinig ng lahat ang ilang salita ng Makapangyarihang Diyos, na marinig ang tinig ng Diyos? Basahin natin ang ilang sipi ng mga pahayag ng Makapangyarihang Diyos.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Tinawag din Akong ang Mesiyas, at tinawag Akong minsan ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas nang may pagmamahal at paggalang. Gayunman, ngayon ay hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao noong araw; Ako ang Diyos na bumalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magbibigay-wakas sa kapanahunan. Ako ang Diyos Mismo na nagbabangon mula sa dulo ng daigdig, puno ng Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan, at kaluwalhatian. Hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao kailanman, hindi Ako nakilala kailanman, at palagi nang walang-alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isa mang tao na nakakita sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa tao sa mga huling araw ngunit nakatago sa tao. Nananahan Siya sa piling ng tao, tunay at totoo, tulad ng nagniningas na araw at naglalagablab na apoy, puspos ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Wala ni isa mang tao o bagay na hindi hahatulan ng Aking mga salita, at wala ni isa mang tao o bagay na hindi padadalisayin sa pamamagitan ng pagliliyab ng apoy. Sa huli, lahat ng bansa ay pagpapalain dahil sa Aking mga salita, at dudurugin din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na nagbalik, at na Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan. At makikita ng lahat na minsan na Akong naging handog dahil sa kasalanan para sa tao, ngunit na sa mga huling araw ay nagiging mga ningas din Ako ng araw na tumutupok sa lahat ng bagay, gayundin ang Araw ng katuwiran na nagbubunyag sa lahat ng bagay. Ito ang Aking gawain sa mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at taglay Ko ang disposisyong ito upang makita ng lahat ng tao na Ako ay isang matuwid na Diyos, ang nagliliyab na araw, ang nagniningas na apoy, at upang lahat ay sambahin Ako, ang iisang tunay na Diyos, at upang makita nila ang Aking tunay na mukha: Hindi lamang Ako ang Diyos ng mga Israelita, at hindi lamang Ako ang Manunubos; Ako ang Diyos ng lahat ng nilalang sa buong kalangitan at sa lupa at sa karagatan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”). “Sa buong sansinukob ginagawa Ko ang Aking gawain, at sa Silangan, walang humpay ang mga dagundong ng kulog, niyayanig ang lahat ng bansa at denominasyon. Ang Aking tinig ang umakay sa lahat ng tao sa kasalukuyan. Idinudulot Ko na malupig ng Aking tinig ang lahat ng tao, upang madala sila sa daloy na ito, at magpasakop sa Aking harapan, sapagkat matagal Ko nang binawi ang Aking kaluwalhatian mula sa buong mundo at muli itong inilabas sa Silangan. Sino ang hindi nasasabik na makita ang Aking kaluwalhatian? Sino ang hindi sabik na naghihintay sa Aking pagbabalik? Sino ang hindi nauuhaw sa Aking muling pagpapakita? Sino ang hindi nananabik sa Aking kariktan? Sino ang hindi lalapit sa liwanag? Sino ang hindi hahanga sa kasaganaan ng Canaan? Sino ang hindi nananabik sa pagbabalik ng Manunubos? Sino ang hindi sumasamba sa Kanya na dakila ang kapangyarihan? Ang Aking tinig ay lalaganap sa buong mundo; haharapin Ko ang mga taong Aking hinirang at sasambit Ako ng iba pang mga salita sa kanila. Gaya ng malalakas na kulog na yumayanig sa mga bundok at ilog, sinasambit Ko ang Aking mga salita sa buong sansinukob at sa sangkatauhan. Kaya naman ang mga salita sa Aking bibig ay naging yaman na ng tao, at itinatangi ng lahat ng tao ang Aking mga salita. Kumikidlat mula sa Silangan patungo sa Kanluran. Ang Aking mga salita ay ayaw isuko ng tao at kasabay nito ay hindi rin niya ito maarok, kundi mas nagagalak dito. Natutuwa at nagagalak ang lahat ng tao, ipinagdiriwang ang Aking pagparito, na tila ba kasisilang lamang ng isang sanggol. Sa pamamagitan ng Aking tinig, dadalhin Ko ang lahat ng tao sa Aking harapan. Mula roon, pormal Akong papasok sa lahi ng mga tao para lumapit sila upang sambahin Ako. Taglay ang kaluwalhatiang nababanaag sa Akin at ang mga salita sa Aking bibig, pahaharapin Ko ang lahat ng tao sa Akin at makikita nila na kumikidlat mula sa Silangan at na bumaba na rin Ako sa ‘Bundok ng mga Olibo’ sa Silangan. Makikita nila na matagal na Akong nasa lupa, hindi na bilang Anak ng mga Hudyo kundi bilang Kidlat ng Silanganan. Sapagkat matagal na Akong nabuhay na muli, at lumisan mula sa sangkatauhan, at pagkatapos ay muli Akong nagpakita nang may kaluwalhatian sa mga tao. Ako Siya na sinamba napakahabang panahon na ang nakalipas bago ngayon, at Ako rin ang sanggol na tinalikuran ng mga Israelita napakahabang panahon na ang nakalipas bago ngayon. Bukod dito, Ako ang napakamaluwalhating Makapangyarihang Diyos ng kasalukuyang panahon! Palapitin ang lahat sa Aking luklukan at ipakita ang Aking maluwalhating mukha, iparinig ang Aking tinig, at patingnan ang Aking mga gawa. Ito ang kabuuan ng Aking kalooban; ito ang wakas at kasukdulan ng Aking plano, gayon din ang layunin ng Aking pamamahala: ang pasambahin sa Akin ang bawat bansa, ang kilalanin Ako ng bawat wika, ang isandig sa Akin ng bawat tao ang kanyang pananampalataya, at magpailalim sa Akin ang bawat tao!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob). “Kapag ibinabaling Ko ang Aking mukha sa sansinukob upang magsalita, naririnig ng buong sangkatauhan ang Aking tinig, at pagkatapos ay nakikita ang lahat ng Aking nagawa sa buong sansinukob. Yaong mga lumalaban sa Aking kalooban, ibig sabihin, yaong mga kumokontra sa Akin sa mga gawa ng tao, ay sasailalim sa Aking pagkastigo. Kukunin Ko ang napakaraming bituin sa kalangitan at paninibaguhin ang mga ito, at dahil sa Akin, ang araw at ang buwan ay mapapanibago—ang kalangitan ay hindi na magiging gaya ng dati at ang napakaraming bagay sa lupa ay mapapanibago. Lahat ay magiging ganap sa pamamagitan ng Aking mga salita. Ang maraming bansa sa loob ng sansinukob ay muling hahati-hatiin at papalitan ng Aking kaharian, kaya ang mga bansa sa ibabaw ng lupa ay maglalaho magpakailanman at lahat ay magiging isang kaharian na sumasamba sa Akin; lahat ng bansa sa lupa ay mawawasak at titigil sa pag-iral. Sa mga tao sa loob ng sansinukob, lahat ng nabibilang sa diyablo ay lilipulin, at lahat ng sumasamba kay Satanas ay isasadlak sa Aking naglalagablab na apoy—ibig sabihin, maliban doon sa mga sumusunod sa agos, lahat ay magiging abo. Kapag kinakastigo Ko ang maraming tao, yaong mga nasa relihiyosong mundo, sa iba’t ibang lawak, ay babalik sa Aking kaharian, na nalupig ng Aking mga gawa, dahil nakita na nila ang pagdating ng Banal na nakasakay sa isang puting ulap. Lahat ng tao ay paghihiwa-hiwalayin ayon sa sarili nilang uri, at tatanggap ng mga pagkastigo na nararapat sa kanilang mga kilos. Lahat ng kumalaban sa Akin ay masasawi; yaon namang mga hindi Ako kasali sa kanilang mga gawa sa lupa, sila, dahil sa paraan ng pagpapawalang-sala nila sa kanilang sarili, ay patuloy na iiral sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Aking mga anak at Aking mga tao. Ihahayag Ko ang Aking sarili sa napakaraming tao at sa napakaraming bansa, at sa sarili Kong tinig, maririnig Ako sa ibabaw ng lupa, na ipinapahayag ang pagkumpleto ng Aking dakilang gawain para makita ng buong sangkatauhan sa sarili nilang mga mata(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 26).

Ano ang pakiramdam ng lahat ngayon, matapos makinig sa ilang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos? Ito ba ang tinig ng Diyos? Ang bawat huling pangungusap ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay may taglay na kapangyarihan at awtoridad, at lubos itong nakakabigla sa mga tao. Sino, bukod sa Diyos, ang magagawang makipag-usap sa buong sangkatauhan? Sino ang makapagpapahayag ng kalooban ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan? Sino ang maagang makapaghahayag ng plano at mga pagsasaayos ng Diyos para sa Kanyang gawain sa mga huling araw, pati na rin sa kahihinatnan at kahahantungan ng sangkatauhan? Sino ang makapagpapaalam ng mga atas administratibo ng Diyos sa buong sansinukob? Bukod sa Diyos, walang makakagawa ng mga bagay na ito. Ang mga pahayag ng Makapangyarihang Diyos sa lahat ng sangkatauhan ang nagpapadama sa atin sa awtoridad at lakas ng mga salita ng Diyos. Ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay mga pahayag na direktang nagmula sa Diyos, ang tinig ng Diyos Mismo! Ang pagkakaroon ng mga salitang ito mula sa Makapangyarihang Diyos, ay katulad ng pagtayo ng Diyos sa itaas ng langit habang nakaharap sa buong mundo at nagsasalita. Nagsasalita ang Makapangyarihang Diyos sa sangkatauhan mula sa Kanyang posisyon bilang Panginoon ng sangnilikha, inihahayag sa sangkatauhan ang matuwid at maharlikang disposisyon ng Diyos na hindi kumukunsinti ng pagkakasala. Bagamat maaaring hindi nila maunawaan ang mga katotohanan sa loob ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos o wala silang anumang tunay na karanasan o pagkaunawa sa unang pagkarinig sa mga ito, mararamdaman pa rin ng lahat ng tupa ng Diyos na ang bawat salita mula sa Makapangyarihang Diyos ay puspos ng kapangyarihan at awtoridad at masisiguro nila na ito ang tinig ng Diyos at direkta itong nagmumula sa Espiritu ng Diyos. Tinutupad nito ang mga salita ng Panginoong Jesus, “Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin(Juan 10:27).

Ngayon, narinig na natin ang tinig ng Diyos at nakita ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos, kaya anong gawain ang gagawin ng Diyos kapag pumarito Siya upang ipahayag ang mga katotohanan? Pumarito Siya upang gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, na mapapatunayan sa pamamagitan ng mga propesiya na sinabi Mismo ng Panginoong Jesus. “Sapagkat ang Ama’y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob Niya sa Anak ang buong paghatol(Juan 5:22). “At binigyan Siya ng awtoridad na humatol, sapagkat Siya’y Anak ng tao(Juan 5:27). “At kung ang sinumang tao’y nakikinig sa Aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi Ko siya hinahatulan: sapagkat hindi Ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw(Juan 12:47–48). “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan … at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating(Juan 16:12–13). At hindi natin maaaring kalimutan ang Kabanata 4, Bersikulo 17 ng unang aklat ni Pedro: “Sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos.” Napakalinaw ng lahat ng propesiyang ito. Magsisimula sa sambahayan ng Diyos ang paghatol sa mga huling araw, at isasakatuparan ito sa lahat ng taong tumanggap sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Ibig sabihin, ang Anak ng tao na nagkatawang-tao ay magpapahayag ng maraming katotohanan sa lupa upang hatulan at linisin ang sangkatauhan, gagabayan Niya ang mga hinirang ng Diyos sa pagpasok sa lahat ng katotohanan. Ito ang gawain ng paghatol na isinasagawa ng Tagapagligtas sa mga huling araw, gawaing matagal nang pinlano ng Diyos. Ngayon, matagal-tagal nang pumarito ang Makapangyarihang Diyos, ang Anak ng tao sa katawang-tao, ipinapahayag Niya ang lahat ng katotohanan para sa paglilinis at pagliligtas ng sangkatauhan, niyayanig ang buong mundo, niyayanig ang lahat ng relihiyon at sektor. Parami nang parami ang mga taong nakakarinig sa tinig ng Diyos, naghahanap at nagsisiyasat sa tunay na daan. Hindi lamang inihayag ng Makapangyarihang Diyos ang lahat ng pangunahing misteryo ng 6,000 taong plano ng pamamahala ng Diyos at sinabi sa atin ang mga misteryo ng katotohanan tulad ng mga layunin ng Diyos sa Kanyang pamamahala sa sangkatauhan, kung paano Niya isinasagawa ang Kanyang tatlong yugto ng gawain upang iligtas ang sangkatauhan, ang mga misteryo ng pagkakatawang-tao, at ang totoong kuwento sa likod ng Bibliya; higit pa roon, inihayag din ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan kung paanong nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan at ang ating satanikong kalikasan na pagsalungat sa Diyos, habang itinuturo ang praktikal na landas para maiwaksi natin ang ating mga tiwaling disposisyon at ganap tayong mailigtas. Naihayag din ng Makapangyarihang Diyos ang kahihinatnan ng bawat uri ng tao, ang totoong mga huling hantungan ng mga tao, kung paano wawakasan ng Diyos ang kapanahunan, at kung paano lilitaw ang kaharian ni Cristo. Ang bawat isa sa mga misteryong ito ng katotohanan ay naihayag na sa atin. Nagpahayag na ng milyun-milyong salita ang Makapangyarihang Diyos, at ang mga salitang ito ang lahat ng katotohanang ginagamit para hatulan at dalisayin ang sangkatauhan. Ito ang gawain ng paghatol na isinasagawa ng Diyos sa mga huling araw. Ito ay isang hakbang ng gawain sa pamamagitan lamang ng mga salita upang lubusang linisin at iligtas ang sangkatauhan.

Kaya, paano ginagamit ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan para tapusin ang gawain ng paghatol? Tingnan natin kung ano ang sinasabi ng Kanyang mga salita. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang gawain ng paghatol ay sariling gawain ng Diyos, kaya natural na ang Diyos Mismo ang dapat gumawa nito; hindi ito maaaring gawin ng tao para sa Kanya. Sapagkat ang paghatol ay ang paglupig sa lahi ng tao sa pamamagitan ng katotohanan, walang pag-aalinlangan na magpapakita pa rin ang Diyos bilang nagkatawang-taong imahe upang gawin ang gawaing ito sa mga tao. Ibig sabihin, gagamitin ng Cristo ng mga huling araw ang katotohanan upang turuan ang mga tao sa buong mundo at ipaalam ang lahat ng katotohanan sa kanila. Ito ang gawain ng paghatol ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan). “Ang gawain ng Diyos sa kasalukuyang pagkakatawang-tao ay upang ipahayag ang Kanyang disposisyon una sa lahat sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol. Batay sa pundasyong ito, naghahatid Siya ng dagdag na katotohanan sa tao at nagtuturo sa kanya ng iba pang mga paraan ng pagsasagawa, sa gayon ay nakakamit ang Kanyang layuning lupigin ang tao at iligtas siya mula sa kanyang sariling tiwaling disposisyon. Ito ang nasa likod ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). “Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan).

Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, dapat maging malinaw na ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay pangunahing isinasakatuparan sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan, ginagamit nito ang katotohanan para hatulan, linisin, at iligtas ang sangkatauhan. Kaya, sa mga huling araw, nililinis ng Diyos ang katiwalian ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang gawain ng paghatol, inililigtas at pineperpekto ang isang grupo ng mga tao, gumagawa ng isang grupo ng mga taong kaisa sa puso at isip ng Diyos: ang bunga ng 6,000 taong plano ng pamamahala ng Diyos. Ito ang pokus ng gawain ng paghatol sa mga huling araw! Ito ang dahilan kung bakit ang Tagapagligtas, ang Makapangyarihang Diyos, ay nagpapahayag na ng mga katotohanan mula nang pumarito Siya, inilalantad at hinahatulan Niya ang bawat uri ng tiwaling disposisyon na mayroon ang mga tao. Nililinis at binabago din Niya ang ating mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng pagtatabas at pagwawasto sa atin, sa pamamagitan ng pagsubok at pagpipino sa atin; nilulutas nito ang ugat ng pagiging makasalanan ng tao, tinutulutan tayong lubusang maiwaksi ang kasalanan, lumaya mula sa impluwensya ni Satanas, at makapagpasakop at makasamba sa Diyos. Sa puntong ito, maaaring medyo nalilito ang ilang tao, iniisip na tinubos na ng Panginoong Jesus ang sangkatauhan, kaya bakit kailangan pang ipahayag ng Diyos ang mga katotohanan sa mga huling araw para hatulan ang sangkatauhan? Ito ay dahil ginawa lamang ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos, ibig sabihin, ang pananampalataya sa Panginoong Jesus ay nagdudulot ng kapatawaran ng mga kasalanan, o ng pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananalig lamang, na nagpapahintulot sa mga tao na lumapit sa Diyos sa panalangin, makipag-usap sa Diyos, at magtamasa ng Kanyang biyaya at mga pagpapala. Gayunpaman, ang tungkulin ng Panginoong Jesus bilang handog para sa kasalanan ay nagbigay-daan lamang sa kapatawaran ng mga kasalanan ng sangkatauhan; hindi nito lubusang nilutas ang ugat ng pagiging makasalanan ng tao. Ang lahat ng ito ay katunayan. Ito ang dahilan kung bakit kinikilala ng lahat ng namumuhay sa Kapanahunan ng Biyaya ang katunayan na kahit napatawad na ang mga kasalanan ng sangkatauhan, patuloy pa rin tayong nagkakasala sa lahat ng oras. Hindi natin mapigilan ang ating sarili, at bagamat gusto nating iwaksi ang kasalanan, hindi natin ito magawa. Namumuhay tayo sa pagkakasala sa araw at pangungumpisal sa gabi. Kaya iprinopesiya ng Panginoong Jesus: “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan … at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating(Juan 16:12–13). Tumutukoy ito sa gawain ng paghatol sa mga huling araw na gagawin ng Panginoong Jesus sa muli Niyang pagparito, ganap na nililinis ang tao sa kanyang mga tiwaling disposisyon at nilulutas ang ugat ng kanyang pagkamakasalanan. Sa ganito ganap at lubusang maliligtas ang mga tao. Ibig sabihin, ang mga nakakaranas lamang ng pagtubos mula sa Panginoong Jesus nang hindi nararanasan ang gawain ng paghatol sa mga huling araw ay wala nang nagagawa pa bukod sa pagkilala kung alin sa kanilang mga kilos ang makasalanan; hindi nila nakikita ang ugat ng pagiging makasalanan ng tao. Hindi nila nauunawaan ang satanikong kalikasan at mga satanikong disposisyon ng tao, lalong hindi nila kayang lutasin ang mga ito. Ang tanging paraan para malutas ang problema ng tiwaling disposisyon, na siyang ugat ng pagiging makasalanan ng tao, ay ang danasin ang gawain ng paghatol ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon ng pagtiwali ni Satanas sa kanya, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at maaaring madalisay ang tao. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay panlulupig at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; at sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang magpino, maghatol, at maglantad ganap na naibubunyag ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao. Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pag-alala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag nito. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa katawang tao, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, inihahayag nang walang katapusan ang kanyang satanikong disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw upang magtapat ng kasalanan sa gabi. Dahil dito, kahit na ang handog para sa kasalanan ay walang hanggan ang bisa sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakumpleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. … Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4). “Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). Nagkatawang-tao ang Diyos Mismo upang pumarito at isagawa ang gawain ng paghatol, nagpapahayag ng napakaraming katotohanan, at Kanyang inilalantad at hinahatulan ang mga tao sa mahabang panahon. Ito ang tanging paraan upang malinaw na makita ng mga tao ang katotohanan ng kanilang katiwalian at makilala ang sarili nilang kalikasan at diwa. Sa pamamagitan ng paghatol na ito, makikita rin ng mga tao ang pagiging matuwid at banal ng Diyos, sa gayon ay nagkakaroon sila ng paggalang sa Diyos. Ito ang tanging paraan upang unti-unti nating maiwaksi ang ating mga tiwaling disposisyon at maisabuhay ang isang tunay na wangis ng tao. Masasabi na ang tanging paraan para maisakatuparan ito ay ang magpahayag ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga katotohanan para isagawa ang gawain ng paghatol. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga, nakapakakritikal, at napakamakabuluhan ng pagpapahayag ng Makapangyarihang Diyos ng mga salita, at paggamit Niya ng katotohanan para gawin ang gawain ng paghatol!

Ang susi kung ang isang mananampalataya ay ganap na maililigtas at magkakaroon ng magandang hantungan ay nakasalalay sa kung kaya niyang salubungin ang pagpapakita at gawain ng Diyos. Dahil dito, ang pinakamahalaga ay kung naririnig ba ng isang tao o hindi ang tinig ng Diyos. Maraming tao ang nananalig sa Panginoon sa buong buhay nila, pero umaabot sila sa huling taon ng kanilang buhay nang hindi kailanman naririnig ang tinig ng Diyos o nasasalubong ang Panginoon, ibig sabihin, nauuwi sa wala ang lahat ng kanilang pagsisikap. Ito ang dahilan kung bakit ang magawang marinig ang tinig ng Diyos ang susi sa pagtukoy kung ang isang tao ay ganap na maliligtas at magkakaroon ng magandang hantungan. Maraming tao ang nagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos at kinikilala na ang mga ito ang katotohanan, pero hindi pa rin nila magawang kilalanin na ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoon. Talagang nakalulungkot ito, at bunga ito ng kahangalan at pagiging bulag ng tao. Ang mga hindi nakakakilala sa Panginoon ay tiyak na masasadlak sa mga sakuna, iiyak sila at magngangalit ng kanilang mga ngipin.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao para magsalita mula sa iba’t ibang pananaw, upang tunay na makita ng tao ang Diyos, na Siyang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Ang gayong gawain ay ginagawa upang mas makamit ang mga layunin ng paglupig sa tao, paggawang perpekto sa tao, at pag-aalis sa tao, na siyang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang kabuuan ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay natutupad. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang mga tao ay inilalantad, inaalis, at sinusubukan. Nakita na ng mga tao ang mga salita ng Diyos, narinig ang mga salitang ito, at kinilala ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa walang-hanggang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, gayundin sa pagmamahal ng Diyos sa tao at sa Kanyang hangaring iligtas ang tao. Ang salitang ‘mga salita’ ay maaaring simple at ordinaryo, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob, binabago ng mga ito ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng ngayon ang nakagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at pumaparito upang iligtas ang tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, na inaakay at tinutustusan ng Kanyang mga salita. Nabubuhay ang mga tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at mas marami pang taong nagsimulang mabuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salita at gawaing ito ay para lahat sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, ginagabayan Niya ang mga tao sa buong sansinukob gamit ang mga salita, at nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita. Sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita).

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Sino ang Nag-iisang Tunay na Diyos?

Mismo sino ang tunay na Diyos? Ito ay isang tanong na nakalilito sa maraming tao. Basahin ang artikulong ito para malaman kung sino ang nag-iisang tunay na Diyos.