Pag-uwi

Disyembre 20, 2019

Ni Muyi, South Korea

Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at dalisay, walang mga dinadala at alalahanin, napakaligayang nabubuhay sa ilalim ng pagtingin ng Diyos. … Ngunit bilang isang taong may konsensya at may diwa ng pagiging makatao, iba ang mararamdaman mo. Makararamdam ka ng init, madadama mong ikaw ay nililingap at minamahal, at madadama mo ang kasayahan(“Gaano Kahalaga Ang Pagmamahal ng Diyos sa Tao” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Sa tuwing sisimulan ko ang pag-awit ng himnong ito ng salita ng Diyos, mahirap pigilan ang mga damdaming umaantig sa kaibuturan ng aking puso. Iyan ay sa kadahilanang minsan na akong tumalikod sa Diyos at naghimagsik laban sa Kanya. Para akong isang nawawalang tupa, hindi mahanap ang daan pauwi, at dahil sa walang maliw na pagmamahal ng Diyos nakabalik ako sa bahay ng Diyos. Sa kasunod na artikulo, nais kong ibahagi sa aking mga kapatid na lalaki at babae sa Panginoon, pati na rin sa mga kaibigan na hindi pa nagbabalik sa Diyos, ang aking karanasan sa pagbabalik sa bahay ng Diyos.

Nabuhay akong may takot sa araw-araw noong bata pa ako dahil palaging nag-aaway ang aking ina at ama. Pagkatapos kong magtapos sa middle school, nagsimulang manampalataya ang nanay ko sa Panginoong Jesus dahil sa panghihimok ng isang kapitbahay, at sumama ako sa kanya sa iglesia. Mula sa panahong iyan, alam ko na ang Diyos ay Panginoon ng lahat ng nilalang, at na upang matubos ang sangkatauhan mula sa kasalanan, ipinako sa krus ang Diyos Mismong nagkatawang-tao upang maging handog para sa kasalanan ng tao—ang pagmamahal ng Diyos sa tao ay napakadakila! Nabigyang-inspirasyon ng pagmamahal ng Panginoon, nagpasiya akong manampalataya nang taimtim sa Panginoon at suklian Siya sa Kanyang pagmamahal, at dahil dito nahanap ko ang direksyon at layunin sa buhay. Pagkatapos niyon, madalas akong dumalo sa mga pulong, magbasa ng mga Banal na Kasulatan, at magbigay-papuri sa Panginoon, at sa pagdaan ng panahon nagsimula akong makadama ng kaligayahan. Lalo na nang mabasa ko sa Biblia na magbabalik ang Panginoon sa mga huling araw na nakasakay sa ulap at malugod tayong tatanggapin sa kaharian ng langit, mas lalo pang napuspos ng pag-asa ang aking puso. Bukod pa riyan, palaging ipinapaliwanag ng pastor ang talatang ito ng mga Banal na Kasulatan para sa amin sa mga pagtitipon: “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo’y nakatayong nakatingala sa langit? Ang kaparehong Jesus na ito, na kinuha mula sa inyo patungong langit, ay paparitong gaya rin ng inyong nakitang pagparoon Niya sa langit” (Mga Gawa 1:11). Mas lalo akong nakumbinsi na bababa ang Panginoong Jesus na nakasakay sa puting ulap para malugod tayong tanggapin sa ating tahanan sa langit.

Noong 2005, nakilala ko ang isang Koreano na naging nobyo ko at sumama ako sa kanya sa Korea. Dahil iba ang wika roon, sinubukan kong maghanap ng isang iglesia para sa mga dayuhang Chinese pero walang akong mahanap, at dahil dito humina nang humina ang aking espiritu. Nang hindi namamalayan, napalayo na pala ako sa Diyos. Nagpakasal kami, ngunit dahil napakalaki ng pagkakaiba ng kultura namin, hindi nagtagal ang pagsasama namin, kaya kalaunan nagdiborsiyo kami. Ang dagok na ito sa pagsasama namin ay espirituwal na gumimbal sa akin, at nagdulot ito sa akin ng napakatinding sakit. Dahil nasa ibang lupain ako na wala ni isang kaibigan o kapamilya, mas lalo kong nadama na nag-iisa ako. Ang tanging magagawa ko ay tahimik na manalangin sa Diyos at sabihin sa Kanya ang mga paghihirap ng aking puso. Hiniling ko sa Diyos na gabayan ako sa isang iglesia para sa mga Chinese nang sa gayon ay makabalik ako sa bahay ng Diyos.

Pagkaraan ng isang taon nahanap ko ang isang ministeryong Chinese sa isang iglesiang Presbyterian, at napakasaya ko. Sa wakas, muli akong nakapagbigay ng papuri sa Diyos sa iglesia. Ngunit ang nakadismaya sa akin ay, sa tuwing nagtitipon kami, magbabasa lang ang mga pastor ng mga sipi ng banal na kasulatan sa amin at magpapaliwanag nang kaunti tungkol sa literal na kahulugan ng mga salita. Sa kabuuan ang kanilang mga sermon ay walang anumang liwanag o anumang nakasisiya. Wala talaga silang naitustos na anuman para sa aming buhay, at ang mga pagtitipon ay naging walang saysay at pormalidad na lamang. Sa oras ng pagtitipon, may mga tao na magbubulungan sa isa’t isa, mayroong maglalaro ng mga game sa kanilang mga cellphone, mayroong makakatulog, mayroong naroon lamang para maghanap ng mga nobya o nobyo, at mayroon ding mga tao na mag-aakbayan sa isa’t isa. Naisip ko: “Ang iglesia ay isang templo, isang lugar para bigyang-pitagan ang Diyos. Pumupunta tayo rito para dumalo sa mga pagtitipon ngunit walang sinumang kinakikitaan ng pusong may takot sa Diyos. Marahil ay nasusuklam na ang Diyos sa nakikita Niya! Hindi ba’t tatalikdan ng Diyos ang isang lugar na nakaririmarim na gaya nito?” Ngunit parang bale-wala lang sa mga pastor at mga mangangaral ang lahat ng nangyayaring ito, at talagang hindi nila alintana ang mga ito.

Pag-uwi

Dahil nabubuhay sa napakalaking mundong ito na puno ng kasamaan, unti-unti akong nagsimula na tahakin ang maling daan, at madalas na lumabas para makipag-inuman sa mga kaibigan sa libre kong oras, hindi kailanman kumikilos na gaya ng isang mananampalataya sa Diyos. Gayunman, sa tuwing napapalayo ang aking puso sa Panginoon, papasok sa isipan ko ang Kanyang mga salita: “Datapuwa’t ang karumaldumal na espiritu, kung siya’y lumabas sa tao, ay lumalakad sa mga dakong walang tubig na humahanap ng kapahingahan, at hindi makasumpong. Kung magkagayo’y sinasabi niya, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko; at pagdating niya, ay nasusumpungan niyang walang laman, walis na, at nagagayakan. Kung magkagayo’y yumayaon siya, at nagsasama ng pito pang espiritu na lalong masasama kay sa kaniya, at sila’y nagsisipasok at nagsisitahan doon: at nagiging lalo pang masama ang huling kalagayan ng taong yaon kay sa una(Mateo 12:43–45). Ang mga salita ng Panginoon ang pumigil at nangalaga sa akin, at hinadlangan ako ng mga ito na mapalayo pa nang husto sa Diyos o makagawa ng anumang bagay na kalabisan na, dahil sa takot na mapapagalit ko ang Panginoon at masusuklam Siya sa akin. Natatakot ako na talikdan ng Panginoon at bumagsak sa mga kamay ng masamang espiritu.

Noong Pasko ng 2016, para mapasigla ang mga espiritu ng mga miyembro sa iglesia, kumuha ang iglesia ng isang grupo ng mahuhusay na mga kapatid na lalaki at babae para magtanghal. May isang kapatid na babae roon na hindi ko pa nakita noon ang kumanta ng isang awit ng papuri sa Diyos: “Ang eksena na nakapinta sa Biblia ‘Ang utos ng Diyos kay Adan’ ay nakapupukaw at makabagbag-damdaming larawan. Bagama’t ang Diyos at ang tao lamang ang narito, ang pagiging malapit nila sa isa’t isa ay ay pumupuspos sa inyo ng paghanga: 1 Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at dalisay, walang mga dinadala at alalahanin, napakaligayang nabubuhay sa ilalim ng pagtingin ng Diyos; nagpapakita ang Diyos ng malasakit para sa tao, habang ang tao ay nabubuhay sa ilalim ng pag-iingat at pagpapala ng Diyos; ang bawat bagay na ginagawa at sinasabi ng tao ay malapit na nakaugnay at hindi maihihiwalay sa Diyos. 2 Nadama ng Diyos ang pananagutan sa tao mula pa noong sandaling nilikha Niya siya. Ano ang Kanyang pananagutan? Kailangan Niyang ingatan ang tao, alagaan ang tao. Umaasa Siyang magtitiwala at susunod ang tao sa Kanyang mga salita. Ito rin ang unang inaasahan ng Diyos mula sa tao. 3 Dahil sa pag-asang ito kaya sinasabi ng Diyos ang mga sumusunod: ‘Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: Datapuwa’t sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka’t sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.’ Ang mga simpleng salitang ito ay kumakatawan sa kalooban ng Diyos. Ibinubunyag din ng mga ito na sa Kanyang puso, ang Diyos ay nagsimula nang magpakita ng malasakit para sa tao. 4 Sa iilang simpleng salita na ito, makikita natin ang puso ng Diyos. May pag-ibig ba sa puso ng Diyos? Mayroon bang malasakit? Sa mga bersikulong ito, ang pag-ibig at malasakit ng Diyos ay hindi lamang mapahahalagahan kundi madarama rin nang masinsinan. Ngunit bilang isang taong may konsensya at may diwa ng pagiging makatao, iba ang mararamdaman mo. Makararamdam ka ng init, madadama mong ikaw ay nililingap at minamahal, at madadama mo ang kasayahan. 5 Kapag nadama mo ang mga bagay na ito, paano ka makikitungo sa Diyos? Madarama mo kayang kaugnay ka ng Diyos? Mamahalin at igagalang mo kaya ang Diyos mula sa kaibuturan ng iyong puso? Mapapalapit kaya ang puso mo sa Diyos? Makikita mo mula rito kung gaano talaga kahalaga para sa tao ang pag-ibig ng Diyos. Ngunit ang lubhang mas mahalaga ay ang pagpapahalaga at pagkaunawa ng tao sa pag-ibig ng Diyos(“Gaano Kahalaga Ang Pagmamahal ng Diyos sa Tao” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin).

Sa bawat salita ng himno, mas lalong bumilis ang tibok ng aking puso at hindi ko mapigilan ang mapaluha dahil sa labis na pagkaantig. Nadama ko na naroon ako sa isang magandang larawan kasama ng Diyos, minamahal ng Diyos, at tinatamasa ang lahat ng bagay na ipinagkaloob Niya sa paglikha. Ang hangin, ang liwanag, ang tubig at iba pa—lahat ng bagay ay puspos ng pagmamahal ng Diyos! Nagtatamasa ako ng lahat ng bagay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos ngunit naging malayo ang aking puso sa Diyos, at marahil napakalungkot ng Diyos dahil dito. Partikular kong nadama na ang mga salitang “Ngunit bilang isang taong may konsensya at may diwa ng pagiging makatao, iba ang mararamdaman mo. Makararamdam ka ng init, madadama mong ikaw ay nililingap at minamahal, at madadama mo ang kasayahan” ay panawagan ng Diyos sa aking puso at espiritu. Noong 2007, noong hindi ko na makayanan pa ang mamuhay na kasama ang aking asawa at walang lugar na matatawag na tahanan, inihanda ng Diyos ang Women Migrants Human Rights Center of Korea para sa akin. Naglaan sila roon ng libreng pagkain at matutuluyan para sa akin at hinanapan ako ng abugado. Sila ang nag-asikaso ng mga legal na bagay para sa aking diborsiyo nang walang bayad. Nang sandaling mag-aaplay na ako para sa naturalization (o para maging legal na akong mamamayan ng bansa), binigyang inspirasyon ng Diyos ang isang ministro mula sa iglesiang Presbyterian para magsilbing isponsor ko. Karaniwan, ang mga Koreano ay bihirang mag-isponsor ng isang tao, lalo na’t isa akong dayuhan at, bukod pa rito, nagpunta lang ako nang tatlo o apat na beses sa partikular na iglesiang iyon. Alam ko na naging posible ito dahil sa tagong pagtulong ng Diyos. Ang isa pa ay dapat mayroong 30 milyong won na halaga ng ari-arian ang mga dayuhan na nag-aaplay para sa naturalization, pero wala ako ni 3 milyon. Hiningian ako ng Immigration Officer ng katibayan ng pagtatrabaho para maipakita na kaya kong buhayin ang aking sarili, at ginawa nilang madali ito para sa akin…. Palagi akong ginawan ng mga himala ng Diyos kapag matindi ang pangangailangan ko, at lahat ng ito ay pagpapakita ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan! Ang pagmamahal ng Diyos ay malawak at malalim, at gayunman napakasuwail ko. Matagal ko nang nalimutan ang Diyos at sinaktan ang Kanyang puso. Naantig ng himnong ito ng papuri ang aking espiritu, at matibay kong ipinasiya na muli kong palalakasin ang aking pananampalataya at hindi na kailanman makikibahagi sa masasamang gawain at hindi na magdudulot pa ng kapighatian sa Diyos.

Noong Pebrero 19, 2017, nagsimulang sumakit nang matindi ang aking ulo at mga mata. Nagpunta ako sa ospital pero hindi ako gumaling. Si Sister Li, na miyembro ng aming iglesia, ay ipinakilala ako sa isa sa kanyang mga kaibigan na may alam sa tradisyunal na panggagamot ng Chinese at sinabing magkakaroon ng epekto ang gamutan sa loob lamang ng isang linggo. Sumama ako sa kanya para magpagamot, at sa araw na iyan nakilala namin ang isang kapatid na lalaki na may apelyidong Jin, na kaibigan ng taong nakakaalam sa panggagamot ng Chinese. Hindi ko inasahan na makakakilala ako ng isang kapatid na lalaki sa Panginoon, at naisip ko na marahil ay ipinlano ito ng Diyos. Napag-usapan namin ni Brother Jin ang tungkol sa Biblia. Binasa sa amin ni Brother Jin ang tungkol sa talinghaga ng sampung dalaga mula sa Biblia. Itinanong niya sa akin, “Kapatid, hinihintay mo ba ang pagbabalik ng Panginoon?” Sinabi ko, “Oo, siyempre!” Sinabi ng kapatid na lalaki, “Kung gayon paano magbabalik ang Panginoon?” Sinabi ko nang walang alinlangan, “Sinasabi sa mga Banal na Kasulatan na Siya ay bababa na nakasakay sa ulap!” Sinabi ng kapatid na lalaki, “Alam mo ba? Bumalik na ang Panginoon.” Nagulat ako nang marinig ko iyon, at sinabing, “Sinasabi sa Marcos kabanata 13 talata 32: ‘Nguni’t tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.’ Walang nakakaalam kung kailan darating ang Panginoon. Sinabi mo na nagbalik na ang Panginoon, pero paano mo nalaman?” Hindi ako tuwirang sinagot ni Brother Jin sa halip ay naghanap ng ilang propesiya sa Biblia tungkol sa pagbabalik ng Panginoon. Sinasabi sa Lucas 12:40: “Kaya nga kayo’y magsihanda naman; sapagka’t paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip.” Sinasabi sa Lucas 17:24–26: “Sapagka’t gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan. Datapuwa’t kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito. At kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Noe, ay gayon din naman ang mangyayari sa mga kaarawan ng Anak ng tao.” Sinasabi sa Pahayag 3:20: “Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig ng Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko.” Sinasabi sa Juan 10:27: “Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin.

Nang matapos na siya sa pagbabasa, sinabi ni Brother Jin, “Iniutos sa atin ng Panginoon na lagi tayong maging mapagbantay dahil walang nakakaalam ng araw kung kailan Siya darating. Ngunit ayon sa sinasabi sa mga propesiya, kapag dumating muli ang Panginoon ito ay sa kaanyuan ng Anak ng tao. Ang Anak ng tao ay Diyos na naging tao, na nangangahulugang nagkatawang-tao ang Diyos. Bagama’t hindi natin nalalaman ang eksaktong oras ng pagdating ng Panginoon, makikilala natin Siya sa Kanyang tinig. Ito ay sa kadahilanang maririnig ng mga tupa ng Diyos ang tinig ng Diyos, at kapag narinig nila ito, susunod sila sa Kanya….” Naisip ko sa sandaling ito ang tungkol sa aming pastor na nagsabing ang sinumang nagpapatotoo na bumalik na ang Panginoon Jesus sa katawang-tao ay isang manlilinlang. Hindi na ako maaaring makinig pa sa sinasabi ni Brother Jin, kaya nagpadala ako sa pastor ng text message na nagsasabing, “Sinabi sa akin ng isang tao na bumalik na ang Panginoon na nagkatawang-tao. Saang iglesia sila miyembro?” Sumagot ang pastor, sinabing, “Sila ay mga miyembro ng Kidlat ng Silanganan.” Sinabihan niya ako na agad umalis at huwag nang makipag-ugnayan pa sa kanila. Nais niya ring huwag kong basahin ang kanilang mga aklat at nagpatuloy siya sa pagpapadala sa akin ng ilang sermon kung paano mag-iingat laban sa maling paniniwala. Naisip ko na marahil ay tama ang anumang sabihin ng pastor, at dahil dito nagpasiya ako na huwag makinig sa muling pagbabahagi nila at huwag silang pansinin.

Sa aking pagkamangha, dumating si Brother Jin at ang kanyang nakababatang kapatid na babae sa lugar kung saan ako ginagamot at nagkuwento siya sa akin ng maraming bagay tungkol sa gawain ng pagbabalik ng Panginoon. Gayunman, dahil katatanggap ko lang ng balita nang umagang iyon na pumanaw na ang aking ina, pati na rin ang pagkakaroon ko ng ilang pag-aalinlangan sa kanilang itinuturo, hindi ko basta matatanggap ang anumang sabihin nila. Nagpatuloy pa ito nang tatlong araw, at tila hindi sumusuko si Brother Jin sa pangangaral ng ebanghelyo sa akin. Ngunit dahil sa naramdamam kong paghihirap ng kalooban, sinabihan ko siya na tigilan na niya ako. Sinabi ko, “Umalis ka na. Kung patuloy ka pa ring magsasalita, at hindi ka aalis, ako ang aalis!” Nakita ni Brother Jin na talagang hindi ako nakikinig at walang nagawa kundi ang umalis. Naisip ko na hindi na tatangkain pang bumalik ni Brother Jin, ngunit sa pagkamangha ko sa sumunod na araw nagsama siya ng isa pa na nangngangalang Brother Cheng at nagpatuloy sa pangangaral ng ebanghelyo sa akin. Nasabi ko sa aking sarili: “Bakit hindi pa rin siya tumitigil?” Para hindi mapahiya, ang tanging magagawa ko ay makinig, pero hindi ako nakipagtalakayan sa kanila. Bagama’t malamig ang pakikitungo ko sa kanila, matiyaga pa rin akong kinausap ni Brother Cheng. Sinabi niya, “Dumating na ang Panginoon na nagkatawang-tao sa mundo at ginagampanan Niya ang gawain ng paghatol at pagkastigo….” Nang makita ko kung gaano ang pagtitiyaga at pagmamahal niya at kung paano niya inisip na hindi abala ang mangaral sa akin, naisip ko: “Ang mga tao sa aming iglesia ay mahina. Ang kanilang pananampalataya at pagmamahal ay nanlamig na, bakit kaya napakatindi ng pananampalataya at pagmamahal ng mga tao na naniniwala sa Kidlat ng Silanganan? Anong kapangyarihan ang sumusuporta sa kanila para magsumigasig sa kanilang gawain na ibahagi ang ebanghelyo sa akin? Kung hindi dahil sa paggawa ng Banal na Espiritu, hindi nila ito magagawa gamit ang kanilang sariling lakas!”

Sa panahong ito, may isa pang kapatid na lalaki na may apelyidong Yang ang nagsisiyasat sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw tulad ko. Samantalang madalas akong walang pakundangan at parang laging wala sa sarili, si Brother Yang naman ay masigasig sa pagsisiyasat niya sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Sinabi ni Brother Yang na hindi niya tinanggap noon ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos nang ipangaral ito sa kanya ng mga tao, ngunit ang muling pakikinig nito ngayon ay isang oportunidad na kaloob ng Diyos, at dahil dito handa siyang siyasatin ito. Nakita ni Brother Yang na interesado lamang akong makinig sa mga salita ng pastor at hindi naghahanap nang may bukas na isipan. Naghanap siya ng sipi para sa akin, sa Mateo 5:3–6: “Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob: sapagka’t kanila ang kaharian ng langit. … Mapapalad ang maaamo: sapagka’t mamanahin nila ang lupa. Mapapalad ang nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran: sapagka’t sila’y bubusugin.” Matapos kong basahin ang salita ng Panginoon, naisip ko: “Bakit hindi ko kayang mapanatili ang aking sarili sa presensya ng Panginoon at hanapin ang katotohanan? Kung totoong nagbalik na ang Panginoon, at hindi ko pinakinggan o siniyasat ang kanilang mga ipinangangaral, hindi ba’t maiiwan ako? Dapat maging bukas din ang aking isipan, at hindi ako dapat magpadalus-dalos sa pagpapasiya batay sa sarili kong opinyon.” Nang makapagpasiya na ako na bigyang-kapanatagan ang aking puso at tapat na siyasatin ito, walang anu-ano’y tinawagan ako ng isang mangangaral mula sa aking iglesia at tinanong ako kung kasama ko pa rin ang mga tao mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Sinabi kong kasama ko sila, at muli akong pinaalalahanan ng mangangaral na tumigil sa pakikipag-usap sa kanila. Napawi ng paghimok ng mangangaral ang pasiya ko na magsiyasat sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Naisip ko, “Higit na nauunawaan ng pastor at mangangaral ang Biblia kaysa sa akin, at hindi nila kinikilala na bumalik na ang Panginoon. Kaunti lang ang nauunawaan ko sa Biblia at wala akong kakayahang makahiwatig, kaya mas makabubuting makinig na lamang ako sa sinasabi ng pastor at ng mangangaral.” Nang ibaba ko ang telepono, sinabi ko kay Brother Cheng, “Kung nais ni Brother Yang na siyasatin ito, kayo namang dalawa ay maaaring magpatuloy sa inyong talakayan. Ayaw ko nang makinig pa.” Ganoon lang, muli kong tahasang tinanggihan ang pagliligtas ng Diyos.

Bumalik ako sa trabaho matapos ang isang linggong pagpapagamot. Dahil sa pagpanaw ng aking ina, puno ng kalungkutan at pighati ang aking puso at palagi ko siyang naiisip. Araw-araw kapag umuuwi ako sa bahay galing sa trabaho, titingnan ko ang larawan ng aking ina at kakausapin siya. Isang araw, bigla kong naisip: “Ako ay isang mananampalataya sa Panginoon at sa tuwing nakakaranas ako ng anumang problema o kahinaan, palagi kong masasabi ang mga bagay na ito sa Panginoon.” Pagkatapos niyon, kapag nakakaranas ako ng mga paghihirap dudulog ako sa harapan ng Panginoon at magdarasal, hinihiling sa Panginoon na bigyan ako ng kapanatagan. Ngunit anumang pagdarasal ang gawin ko, hindi naantig kailanman ang puso ko. Kung minsan makakatulog ako habang nagdarasal. Nabuhay ako sa isang kalagayan ng matinding pagkabalisa sa araw-araw sa panahong iyan, kaya kahit ang mahinang tunog sa likuran ko ay nagdulot sa akin ng hindi maipaliwanag na takot. Sa aking pagkatakot at kawalan ng pag-asa, taimtim akong nanalangin sa Panginoon: “Oh Panginoon! Ang puso ko ay puno ng kadiliman at nanginginig ako sa takot. Saan po kaya ako nagkamali? Oh Panginoon! Sa nakalipas na ilang araw sinabi sa akin ng mga tao na Ikaw ay nagbalik na bilang Makapangyarihang Diyos. Oh Panginoon! Kung talagang Ikaw ay nagbalik na at totoong ang Makapangyarihang Diyos na sinabi nila sa akin, hinihiling ko po sa Iyo na magtakda Ka ng oras at maghanda ng angkop na mga kalagayan para matawagan o mapadalhan ako ng text message ni Brother Yang. Kapag bumalik sila, anuman ang sabihin nila, magkakaroon ako ng puso na masunurin at masigasig sa pagtanggap ng Iyong bagong gawain at mga salita. Kung hindi ito ang Iyong gawain, at mali at mapanlinlang ang mensaheng ipinangangaral nila sa akin, mangyaring hadlangan Mo sila at huwag tulutang bumalik pa kahit kailan.”

Nakamamangha, pagkatapos kong manalangin nang ganito, lubos na sinagot ng Diyos ang panalangin ko. Talagang tinawagan ako ni Brother Yang, at ikinuwento sa kanya ang lahat ng nangyari sa akin sa nakalipas na ilang araw. Sinabi ni Brother Yan na nagdilim ang puso ko dahil hindi ko tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at naghimagsik laban sa Kanya. Umasa siya na ipagpapatuloy ko ang pagsisiyasat sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at sa pagkakataong ito hindi ko tinanggihan ang kanyang payo.

Di-nagtagal, pinadalhan ako ni Brother Yang ng isang pelikula tungkol sa ebanghelyo. Isang linya sa diyalogo sa pelikula ang pumukaw nang matindi sa akin: “Dahil naniniwala tayo sa Diyos dapat tayong makinig sa Diyos, hindi sa mga tao.” “Tama ‘yan!” naisip ko. “Sa Diyos ako nananampalataya, at salita ng Diyos ang dapat kong pakinggan! Ngunit sa panahong iyon na sinasabi sa akin nina Brother Jin at Brother Cheng ang tungkol sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, palagi akong nagtatanong sa pastor tungkol dito. Sinunod ko ang anumang sabihin ng pastor at ng mangangaral at hindi ninais na siyasating mabuti ang bagong gawain ng Makapangyarihang Diyos o pakinggan ang salita ng Diyos. Nanampalataya ako sa Panginoon ngunit hindi nanalangin o nagtanong sa Panginoon, at sa halip ay nabulagan sa pagtitiwala sa sinabi ng pastor at ng mangangaral. Napakahangal ko! Sinasabi sa Biblia: ‘Dapat muna kaming magsitalima sa Diyos bago sa mga tao’ (Mga Gawa 5:29). Nanampalataya ako sa Panginoon ngunit hindi sumunod sa Kanya. Sa halip, sumunod ako sa mga tao, kaya hindi ba ako naging isang tao na naniniwala at sumusunod sa mga tao? Hindi ba’t pagtanggi ito at pagkakanulo sa Panginoon? Kung ang Makapangyarihang Diyos ang Panginoong Jesus na nagbalik, at naghimagsik ako laban sa Kanya at tumanggi gaya nito, hindi tinanggap ang Makapangyarihang Diyos, hindi ba’t naging bulag at hangal ako? Hindi ko ba pinagsarhan ang Panginoon?” Naiisip ang mga ito, taimtim akong nagsisi sa aking puso at dumaloy ang mga luha sa aking mga mata.

Muli akong dumulog sa harapan ng Panginoon at nanalangin: “Panginoong Jesucristo! May nangaral ng ebanghelyo na nagsabing Ikaw ay bumalik na nagkatawang-tao, at Ikaw ang Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga huling araw. Hindi ko matitiyak sa aking sarili ang tungkol dito, ngunit handa akong dumulog sa Iyong harapan upang hanapin Ka at hilingin sa Iyo na liwanagan ako, upang maaaring makilala ko ang Iyong tinig. Kung totoong Ikaw ay nagbalik na at Ikaw ang Makapangyarihang Diyos, nais kong magsisi sa Iyo at tanggapin ang Iyong gawain at pagliligtas. Hinihiling ko sa Iyo na akayin Mo ako pabalik sa Iyong presensya.” Pagkatapos manalangin, nakadama ako ng isang uri ng kagalakan at kapanatagan na hindi ko kayang ilarawan sa mga salita lamang. Isa itong bagay na matagal ko nang hindi naramdaman, at alam ko na dininig ng Panginoon ang aking mga panalangin, na ang Panginoon ang siyang pumapanatag sa akin, at na ito ang katibayan na ibinigay sa akin ng Diyos. Nais kong pumunta agad sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos para siyasatin ito, ngunit naisip ko ang tungkol sa kung paano ko nasaktan ang damdamin ng mga kapatid na lalaki at babae ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at dahil dito nakaramdam ako ng labis na hiya na pumunta sa kanilang iglesia.

Habang pinuproblema ito, tamang-tama naman na tumawag si Brother Yang para magtanong kung may oras ako at sinabing umaasa siya na magpapatuloy ako sa pagsisiyasat sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa mga pagkakamali ko. Sinabi ni Brother Yang, “Ayos lang iyan, tayong mga mananampalataya sa Diyos ay isang pamilya lahat, at balewala iyan sa mga kapatid na lalaki at babae sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos.” Nang marinig ko ang sinabing ito ni Brother Yang, alam ko na ipinapakita ng Diyos ang pag-unawa sa aking hindi pa hustong tayog, at kaya nang sumunod na araw nagpunta ako sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos kasama si Brother Yang.

Masaya ang mga kapatid na lalaki at babae na makita na nakabalik ako sa landas. Pormal silang nagpatotoo sa akin na nagbalik na ang Panginoong Jesus para ipahayag ang katotohanan at gampanan ang gawain ng paghatol simula sa bahay ng Diyos sa mga huling araw. Ibinahagi rin nila sa akin ang ibig sabihin ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw pati na rin ang kahalagahan ng pagkakatawang-tao sa pagliligtas ng sangkatauhan. Matapos iyan, binasa ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Sinasabi Ko sa inyo, yaong mga naniniwala sa Diyos dahil sa mga tanda ay tiyak na nasa kategorya ng mga pupuksain. Yaong mga walang kakayahang tanggapin ang mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategoryang isasailalim sa walang-hanggang pagkalipol. Maraming taong walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at ito ay kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na ‘Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo’ ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapalabas ng tunay na daan at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mapagmataas. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayong kababang-uri? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan ito ay isang tanda ng pagsumpa. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa).

Pagkatapos basahin ang salita ng Diyos, pinag-isipan kong mabuti ang tungkol sa mga katotohanan na ibinahagi sa akin ng mga kapatid na lalaki at babae at na kanilang pinatotohanan. Naunawaan ko na may dalawang paraan kung paano magbabalik ang Panginoon sa mga huling araw, isa sa mga ito ay ang tagong pagdating at ang isa naman ay ang hayagang pagdating ng Panginoon sa lahat. Ngayon, ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao na nagsimula sa bahay ng Diyos ay ang talagang gawain ng tagong pagdating ng Panginoon. Dahil ang nagkatawang-taong Diyos ay nagbalik na sa kalipunan ng sangkatauhan, ang Kanyang anyo ay yaong sa karaniwang tao at walang taong makapagsasabi na Siya ang Diyos sa simpleng pagtingin lamang sa Kanya. Walang nakakaalam ng Kanyang tunay na pagkatao, at inililihim ito sa mga tao. Yaong nakakakilala lamang sa tinig ng Diyos ang makaaalam, makatatanggap, at makasusunod sa Kanya. Tulad ng sinabi ng Panginoong Jesus: “Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin(Juan 10:27). Yaong hindi nakikilala ang tinig ng Diyos ay tiyak na ituturing ang Diyos na nagkatawang-tao bilang isang karaniwang tao. Kanilang itatatwa, sasalungatin, at tatangging sundin ang Diyos, tulad ng ginawa ng mga Judiong Fariseo sa panahon nila. Nakita nila ang Panginoong Jesus ngunit hindi nila kilala ang Kanyang pagkakakilanlan, at nabubulagang kinundena ang Panginoon. Ang kasalukuyang panahon ay ang yugto ng tagong gawain ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos ang salita para hatulan, dalisayin, at gawing perpekto ang mga tao. Bago dumating ang mga kalamidad, gagawin Niya ang isang grupo ng mga tao na maging mga mananagumpay, at sa sandaling makumpleto na ang grupong ito ng mga mananagumpay, magwawakas na ang gawain ng tagong pagdating ng Diyos na nagkatawang-tao. Kapag nagsimula ang mga kalamidad, gagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at parurusahan ang masasama, at hayagan Siyang magpapakita sa lahat ng bansa at mga tao. Sa panahong iyan, matutupad ang mga propesiya na hayagang darating ang Panginoon, katulad ng sinasabi sa Biblia: “At sa gayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kaya magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at makikita nila ang Anak ng tao na napaparitong nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian(Mateo 24:30). “Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawa’t mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya(Pahayag 1:7). Ito ang dahilan kung bakit ang lahat ng lahi sa mundo ay mananangis kapag ang Panginoon ay bumaba na nakasakay ng ulap. Sa sandaling ito, ang aking puso ay biglang napuspos ng liwanag, at nakita ko na ang gawain ng tagong pagdating ng Panginoon ay isang dakilang pagliligtas para sa atin. Malilinis lamang tayo at matatamo ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap ng paghatol ng salita ng Diyos sa panahon ng tagong pagdating ng Panginoon. Kung hindi natin tatanggapin ang gawain ng paghatol ng Diyos ngayon, kung gayon kapag dumating Siya sakay ng ulap magiging tulad tayo ng mga yaong sumalungat sa Panginoon, at tiyak na mananangis tayo at magngangalit ang ating mga ngipin. Sa puntong iyan, magiging huli na ang pagsisisi natin, sapagkat sinasabi ng Makapangyarihang Diyos: “Magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan.

Salamat sa Makapangyarihang Diyos! Inihahayag ng salita ng Diyos ang lahat ng misteryo at malinaw na ipinaliliwanag ang katotohanan sa lahat ng aspeto—nabuksan ang aking mga mata at mula noon ay nahikayat sa puso at sa salita. Sa sumunod na mga araw, regular na akong nagpupunta sa iglesia para basahin ang mga salitang ipinahayag ng Diyos sa mga huling araw kasama ang mga kapatid na lalaki at babae. Nakinig kami ng mga himno at nanood ng mga music video, mga video ng mga pagbigkas ng salita ng Diyos, at mga pelikula tungkol sa ebanghelyo, na ginawang lahat ng kapatid na lalaki at babae ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Nadama ko na nagtamo ako ng isang bagay na bago sa bawat pagtitipon at walang katumbas na kaligayahan ang nadama ko. Lalo na sa mga pelikula tungkol sa ebanghelyo, ang mga kapatid na lalaki at babae ay nagbahagi ng tungkol sa lahat ng isyu nang detalyado at malinaw kaya nga nalutas nang paunti-unti ang lahat ng aking mga pag-aalinlangan at pagkalito sa aking pananampalataya sa Panginoon na kinimkim ko nang napakaraming taon. Nakita ko na talagang nasa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ang gawain ng Banal na Espiritu, at na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus! Mas lalo pa akong natuwa na, sa ikatlong araw ng pagiging miyembro ko sa iglesia, nakita ko ang kapatid na babae na kumanta sa entablado ng awit ng papuri noong Pasko ng 2016. Tinanggap din niya ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Taimtim akong nagpasalamat sa Diyos, dahil ang patnubay at kaliwanagan ng Diyos ang siyang umakay sa amin para makasabay sa mga yapak ng Cordero, ang umakay sa amin para marating ang mabuting lupain ng Canaan mula sa ilang at para makabalik sa bahay ng Diyos, at iyan ang umakay sa amin na matamasa ang kasaganahan at pagtustos ng mga salita ng Diyos sa buhay na kasama Siya!

Sa aking palagay iyon ay dahil sa natatanging kabutihang nagmula sa Diyos kaya nagawa kong makabalik sa bahay ng Diyos. Sa ugali kong mapaghimagsik, paano ko malugod na natanggap ang pagbabalik ng Panginoon kung wala ang pamumuno at patnubay ng Diyos o wala ang pagtitiyaga ng mga kapatid na lalaki at babae sa pagbabahagi sa akin ng salita ng Diyos? Talagang napakadakila ng pagmamahal sa akin ng Diyos na hindi ko kayang mailarawan! Ang gusto ko lamang ay awitin ang aking pagpupuri sa Diyos sa pamamagitan ng mga himno at sundin nang walang maliw ang Makapangyarihang Diyos!

Sumunod: Nakauwi na Ako

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Narinig Ko Na ang Tinig ng Diyos

Ni Mathieu, France Tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw mahigit dalawang taon na ang nakakalipas. Sa totoo...