Sa Panglimang Araw, Itinanghal ng Iba-iba at Sari-saring Anyo ng Buhay ang Awtoridad ng Lumikha sa Magkakaibang Paraan

Abril 18, 2018

Sinasabi ng Kasulatan, “At sinabi ng Diyos, ‘Bukalan nang sagana ang tubig ng mga gumagalaw na nilikha na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa itaas ng lupa sa bukas na kalawakan ng himpapawid.’ At nilikha ng Diyos ang malalaking hayop sa dagat, at ang bawat may buhay na nilikha na gumagalaw, na ibinukal na sagana ng tubig, ayon sa kani-kanyang uri at ang lahat na may pakpak na ibon, ayon sa kani-kanyang uri: at nakita ng Diyos na ito ay mabuti” (Genesis 1:20–21). Malinaw na sinasabi sa atin ng Kasulatan na, sa araw na ito, ginawa ng Diyos ang mga nilalang sa mga katubigan, at ang mga ibon ng himpapawid, na ang ibig sabihin ay Kanyang ginawa ang iba’t ibang isda at ibon, at pinagsama-sama ang mga iyon ayon sa uri. Sa ganitong paraan, pinasagana ng paglikha ng Diyos ang lupa, ang mga papawirin, at mga katubigan …

Habang binibigkas ang mga salita ng Diyos, isang sariwang bagong buhay, na may kanya-kanyang anyo, ang nabuhay sa isang iglap sa kalagitnaan ng mga salita ng Lumikha. Dumating sila sa mundo na nakikipaggitgitan para sa tatayuan, nagtatalunan, nagkakatuwaan sa galak…. Naglanguyan sa mga katubigan ang mga isda na may iba’t ibang hugis at sukat, naglabasan sa mga buhanginan ang lahat ng klase ng kabibe; ang may kaliskis, may talukab, at walang-gulugod na mga nilalang ay agarang naglakihan na may mga iba’t ibang anyo, kahit pa malaki o maliit, mahaba o maikli. Gayundin ay nagsimulang lumaki nang mabilis ang iba’t ibang klase ng halamang-dagat, sumasabay sa galaw ng iba’t ibang mga nabubuhay sa tubig, umaalun-alon, hinihimok ang matining na mga katubigan, na para bang sinasabi sa kanila: “Igalaw mo ang paa mo! Isama mo ang iyong mga kaibigan! Dahil hindi ka na muling mag-iisa kailanman!” Simula sa sandali na ang mga iba’t ibang buhay na nilalang na ginawa ng Diyos ay nagsilitaw sa katubigan, ang bawat sariwang bagong buhay ay nagpasigla sa mga katubigan na naging tahimik nang napakatagal, at naghatid ng isang bagong panahon…. Simula sa puntong iyon, humimlay sila sa piling ng bawat isa, at sinamahan ang bawat isa, at hindi lumayo sa isa’t isa. Umiral ang katubigan para sa mga nilalang na nasa loob nito, pinalulusog ang bawat buhay na nanirahan sa loob ng yakap nito, at ang bawat buhay ay umiral alang-alang sa katubigan dahil sa pagpapakain nito. Bawat isa ay nagsalalay ng buhay sa isa’t isa, at kasabay niyon, ang bawat isa, sa parehong paraan, ay naging patotoo sa pagiging mahimala at dakila ng paglikha ng Lumikha, at sa di-mapapantayang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha …

Nang hindi na tahimik ang karagatan ay nagsimula na ring punuin ng buhay ang mga papawirin. Ang mga ibon, malaki at maliit, ay isa-isang nagliparan sa himpapawid mula sa lupa. Hindi tulad ng mga nilalang sa karagatan, may mga pakpak sila at balahibo na tumatakip sa kanilang mga payat at masiglang mga anyo. Ikinampay nila ang kanilang mga pakpak, mapagmalaki at mayabang na ipinakikita ang kanilang napakagandang balabal na balahibo at ang kanilang natatanging mga nagagawa at kakayahang ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha. Malaya silang pumailanglang, at bihasang nagpabalik-balik sa pagitan ng langit at lupa, patawid sa mga damuhan at mga kagubatan…. Sila ang mga ginigiliw ng hangin, sila ang mga ginigiliw ng lahat ng bagay. Di-maglalaon ay magiging bigkis sila sa pagitan ng langit at lupa, at magdadala ng mga mensahe sa lahat ng bagay…. Kumanta sila, masaya silang nandaragit, nagdulot sila ng aliw, halakhak, at kasiglahan dito sa minsan nang hungkag na mundo…. Gamit nila ang kanilang malinaw at malambing na pagkanta, gamit ang mga salita sa kanilang mga puso upang purihin ang Lumikha para sa buhay na ipinagkaloob sa kanila. Masaya silang sumayaw para ipakita ang pagkaperpekto at pagiging mahimala ng paglikha ng Lumikha, at ilalaan ang kanilang buong buhay sa pagpapatotoo sa awtoridad ng Lumikha sa pamamagitan ng natatanging buhay na Kanyang ipinagkaloob sa kanila …

Kung sila man ay nasa tubig, o sa mga papawirin, sa pamamagitan ng utos ng Lumikha, ang napakaraming bagay na ito na may buhay ay umiral sa iba’t ibang kayarian ng buhay, at sa utos ng Lumikha, nagsama-sama sila ayon sa kani-kanyang uri—at ang batas na ito, ang patakarang ito, ay di-kayang baguhin ng anumang mga nilalang. Hindi sila kailanman nangahas na lumampas sa mga hangganang itinalaga para sa kanila ng Lumikha, ni hindi nila ito magawa. Ayon sa pagtatalaga ng Lumikha, namuhay sila at nagpakarami, at mahigpit na sumunod sa takbo ng buhay at mga batas na itinalaga para sa kanila ng Lumikha, at sadya silang sumunod sa Kanyang mga di-binibigkas na mga utos at sa mga kautusan at tuntunin ng kalangitan na Kanyang ibinigay sa kanila, magpahanggang sa ngayon. Nakipag-usap sila sa Lumikha sa kanilang sariling natatanging paraan, at natutuhang pahalagahan ang kahulugan ng Lumikha, at sumunod sa Kanyang mga utos. Walang sinuman ang lumabag sa awtoridad ng Lumikha kailanman, at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at utos sa kanila ay naipapaabot mula sa loob ng Kanyang mga iniisip; walang mga salitang inilabas, ngunit ang awtoridad na natatangi sa Lumikha ang kumontrol nang tahimik sa lahat ng bagay na hindi nakapagsasalita at naiiba mula sa sangkatauhan. Ang paggamit ng Kanyang awtoridad sa natatanging paraang ito ay pumilit sa tao na magtamo ng bagong kaalaman, at makagawa ng bagong pakahulugan, sa natatanging awtoridad ng Lumikha. Dito, kailangan Kong sabihin sa inyo na sa bagong araw na ito, ipinakitang muli ng paggamit ng awtoridad ng Lumikha ang pagiging bukod-tangi ng Lumikha.

Susunod, tingnan natin ang huling pangungusap sa talatang ito ng kasulatan: “nakita ng Diyos na ito ay mabuti” ito. Ano sa tingin ninyo ang ibig nitong sabihin? Ang mga damdamin ng Diyos ay nakapaloob sa mga salitang ito. Pinanood ng Diyos na mabuo at di-matinag ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha dahil sa Kanyang mga salita, at unti-unting nagsimulang magbago. Sa sandaling ito, nasiyahan ba ang Diyos sa iba’t ibang mga bagay na Kanyang nagawa sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at sa iba’t ibang gawain na Kanyang naisakatuparan? Ang sagot ay “nakita ng Diyos na ito ay mabuti” ito. Ano ang nakikita ninyo rito? Ano ang tinutukoy ng “nakita ng Diyos na ito ay mabuti”? Ano ang sinisimbolo nito? Ibig sabihin nito ay may kapangyarihan at karunungan ang Diyos na tuparin ang Kanyang binalak at iniatas, para maisakatuparan ang mga mithiing Kanyang inilatag na makamit. Nang nakumpleto na ng Diyos ang bawat gawain, nakaramdam ba Siya ng pagsisisi? Ang sagot pa rin ay “nakita ng Diyos na ito ay mabuti.” Sa madaling salita, hindi lamang sa hindi Siya nagsisi, ngunit sa halip ay nasiyahan Siya. Ano ba ang ibig sabihin ng wala Siyang pagsisisi? Ang ibig sabihin nito ay perpekto ang plano ng Diyos, na perpekto ang Kanyang kapangyarihan at karunungan, at sa pamamagitan lamang ng Kanyang awtoridad na ang naturang pagkaperpekto ay matutupad. Kapag ang tao ay gumaganap ng isang gawain, makikita ba niya, tulad ng Diyos, na ito ay maganda? Ang lahat ng bagay ba na magagawa ng tao ay naaabot ang pagkaperpekto? Makukumpleto ba ng tao ang isang bagay nang minsanan at hanggang kawalang-hanggan? Tulad ng sinasabi ng tao, “walang perpekto, ang mayroon lamang ay pagpapabuti,” walang bagay na ginagawa ng tao na makakaabot sa pagkaperpekto. Nang nakita ng Diyos na ang lahat na Kanyang nagawa na at nakamtan ay mabuti, lahat ng ginawa ng Diyos ay itinalaga ng Kanyang mga salita, ibig sabihin, noong “nakita ng Diyos na ito ay mabuti”, ang lahat ng Kanyang nagawa ay naging permanente na ang anyo, pinagsama-sama ayon sa uri, at binigyan ng permanenteng posisyon, layunin, at tungkulin, nang minsanan hanggang sa kawalang-hanggan. Bukod dito, ang kanilang papel sa gitna ng lahat ng bagay, at ang paglalakbay na dapat nilang suungin sa panahon ng pamamahala ng Diyos sa lahat ng bagay, ay naitalaga na ng Diyos, at hindi na mababago. Ito ang batas ng kalangitan na ibinigay ng Lumikha sa lahat ng bagay.

“Nakita ng Diyos na ito ay mabuti”, ang simple at di-gaanong pinahahalagahang mga salitang ito, na kadalasang binabalewala, ay ang mga salita ng batas ng kalangitan at alituntunin ng kalangitang ibinigay sa lahat ng nilalang ng Diyos. Ang mga iyon ay isa pang pagsasakatawan ng awtoridad ng Lumikha, isang bagay na mas praktikal, at mas malalim. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, hindi lamang natamo ng Lumikha kung ano ang itinakda Niya na matamo, at nakamtan ang lahat ng itinakda Niyang makamtan, kundi mapipigilan din ng Kanyang mga kamay ang lahat ng Kanyang nilikha, at mapapagharian ang lahat ng bagay na Kanyang nagawa sa ilalim ng Kanyang awtoridad, at, dagdag pa rito, ang lahat ay sistematiko at regular. Ang lahat ng bagay rin ay lumaganap, umiral, at namatay sa pamamagitan ng Kanyang salita at, bukod diyan, umiral ang mga ito sa batas na Kanyang itinalaga sa pamamagitan ng Kanyang awtoridad, at walang hindi saklaw nito! Agad na nagsimula ang batas na ito sa mismong sandali na “nakita ng Diyos na ito ay mabuti”, at ito ay iiral, magpapatuloy, at gagana para sa kapakanan ng plano ng pamamahala ng Diyos hanggang sa araw na ipawawalang-bisa ito ng Lumikha! Ang natatanging awtoridad ng Lumikha ay hindi lamang naipapamalas sa Kanyang kakayahang likhain ang lahat ng bagay at utusan ang lahat ng bagay na mabuo, kundi sa kakayahan din Niya na pamahalaan at hawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ipagkaloob ang lakas at kasiglahan sa lahat ng bagay, at, bukod pa rito, sa Kanyang kakayahang magsanhi, nang minsanan at magpasawalang-hanggan, sa lahat ng bagay na gagawin Niya sa Kanyang plano na lumitaw at umiral sa mundong ginawa Niya na may perpektong hugis, at perpektong kayarian ng buhay, at isang perpektong gagampanan. Gayundin, naipakita ito sa paraan na ang mga iniisip ng Lumikha ay hindi sumailalim sa anumang mga limitasyon, at di-limitado ng oras, espasyo, o heograpiya. Tulad ng Kanyang awtoridad, ang natatanging pagkakakilanlan ng Lumikha ay mananatiling di-nagbabago mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan. Ang Kanyang awtoridad ay laging magiging pagkakatawan at sagisag ng Kanyang natatanging pagkakakilanlan, at ang Kanyang awtoridad ay iiral magpakailanman kaagapay ng Kanyang pagkakakilanlan!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply