Sa panahong iyon, ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng naniwala sa Kanya ay pinatawad; basta’t ikaw ay naniniwala sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay naniniwala sa Kanya, wala ka na sa pagkakasala, ikaw ay pinawalang-sala na sa iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng maligtas, at mapawalang-sala ng pananampalataya. Ngunit sa mga naniwala, mayroon pa ring nanatiling mga mapanghimagsik at sumalungat sa Diyos, at kailangan pa ring dahan-dahang alisin. Ang kaligtasan ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusan nang nakamit ni Jesus, kundi na ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan. Basta’t ikaw ay naniniwala, hindi ka na kailanman nasa kasalanan pa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 2
Ang gawain sa mga huling araw ay ang bumigkas ng mga salita. May malalaking pagbabago na maibubunga sa tao sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga pagbabagong nangyayari ngayon sa mga taong ito sa pagtanggap nila ng mga salitang ito ay higit kaysa roon sa mga tao noong sila ay tumanggap ng mga tanda at mga kababalaghan sa Kapanahunan ng Biyaya. Sapagkat, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay pinalayas sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, ngunit ang tiwaling mga disposisyon sa kalooban ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay pinagaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang gawain ng kung paano maiwawaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon sa loob ng tao ay hindi pa nagawa. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananampalataya, ngunit ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi ito nangangahulugan na ang tao ay wala nang kasalanan sa kalooban niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ngunit walang paraan ang tao para lutasin ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala at kung paanong ang kanyang makasalanang kalikasan ay ganap na maiwawaksi at mababago. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, ngunit ang tao ay patuloy na namuhay sa dati niyang tiwaling maka-satanas na disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay maaaring ganap na maiwaksi at hindi na kailanman muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao. Kakailanganin nito na maunawaan ng tao ang landas ng paglago sa buhay, ang daan ng buhay, at ang daan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Kakailanganin din na ang tao ay kumilos alinsunod sa landas na ito, nang sa gayon ang disposisyon niya ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng sikat ng liwanag, upang ang lahat ng ginagawa niya ay maging kaayon ng kalooban ng Diyos, upang maiwaksi niya ang kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon, at upang makalaya siya mula sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas, at sa gayon ay ganap na makalaya mula sa kasalanan. Saka lamang matatanggap ng tao ang ganap na kaligtasan. Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, dahil sa lakas ng kanilang pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay nakakita at maging ang patay ay nabuhay muli. Gayunman, hindi nagawang matuklasan ng tao ang tiwaling maka-satanas na disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano iwaksi ito. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at kanyang maka-Diyos na itsura; kung ang isang tao ay kayang mabuhay batay sa ganito, siya ay itinuring na isang katanggap-tanggap na mananampalataya. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Ngunit, sa kanilang buong buhay, hindi nila naunawaan kahit kaunti ang daan ng buhay. Ang ginawa lamang nila ay gumawa ng mga kasalanan at pagkatapos ay ikumpisal ang kanilang mga kasalanan nang paulit-ulit nang walang anumang landas sa pagbabago ng kanilang disposisyon: Ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatuwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon ng gawain, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para dalisayin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayo’y bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagkat ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagkat ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Ngunit ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob niya at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos, at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawain ay ginagamit ng Diyos ang salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao, na nagsasanhi sa kanyang magsagawa alinsunod sa tamang landas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4
Ang laman ng tao ay kay Satanas, ito ay puno ng mga masuwaying disposisyon, nakakahiya ang karumihan nito, at ito ay isang bagay na hindi malinis. Masyadong nag-iimbot ang mga tao sa kasiyahan ng laman at napakaraming pagpapamalas ng laman; ito ang dahilan kaya kinasusuklaman ng Diyos ang laman ng tao sa isang partikular na antas. Kapag itinakwil ng mga tao ang marumi, at tiwaling mga bagay ni Satanas, nakakamit nila ang pagliligtas ng Diyos. Ngunit kung hindi pa rin nila inaalis sa kanilang sarili ang karumihan at katiwalian, nabubuhay pa rin sila sa ilalim ng sakop ni Satanas. Ang pakikipagsabwatan, panlilinlang, at kabuktutan ng mga tao ay pawang mga bagay ni Satanas. Ang pagliligtas sa iyo ng Diyos ay upang palayain ka mula sa mga bagay na ito ni Satanas. Ang gawain ng Diyos ay hindi maaaring magkamali; lahat ng ito ay ginagawa upang iligtas ang mga tao mula sa kadiliman. Kung naniwala ka na hanggang sa isang partikular na antas at magagawa mong alisin sa iyong sarili ang katiwalian ng laman, at hindi na nababalot ng katiwaliang ito, hindi ba naligtas ka na? Kung nabubuhay ka sa ilalim ng sakop ni Satanas wala kang kakayahang maipamalas ang Diyos, ikaw ay marumi, at hindi mo matatanggap ang pamana ng Diyos. Kapag nalinis at nagawa ka nang perpekto, ikaw ay magiging banal, magiging isa kang normal na tao, at pagpapalain ka ng Diyos at magiging kalugud-lugod ka sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 2
Sa bandang huli, ang mga bagay sa loob ng mga tao na mula kay Satanas at ang mga bagay ukol sa kanilang kalikasan ay dapat mabago at dapat maging kaayon sa mga kinakailangan ng katotohanan; tanging sa paraang ito lamang tunay na nakakamit ng isa ang kaligtasan. Kung, kagaya ng nakasanayan mo noong nasa relihiyon ka, nagsasalita ka lamang ng ilang mga salita ng doktrina o sumisigaw ng mga sawikain, at pagkatapos ay gumagawa ng kaunting mabubuting gawa, nagpapakita ng higit pang mabuting mga paggawi, at umiiwas sa paggawa ng ilang kasalanang halata, hindi pa rin ito nangangahulugan na nakatungtong ka na sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos. Ang kakayanan ba na makasunod sa mga tuntunin ay nagpapahiwatig na lumalakad ka sa tamang landas? Nangangahulugan ba ito na nakapili ka nang tama? Kung ang mga bagay sa loob ng iyong kalikasan ay hindi pa nagbago, at sa bandang huli nilalabanan mo pa rin at pinagkakasalahan ang Diyos, kung gayon ito ang pinakamalaki mong suliranin. Kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, hindi mo nilulutas ang suliraning ito, maaari ka ba kung gayong ibilang na naligtas na?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, Pagpili ng Tamang Daan ang Pinakamahalaga
Kung ang isang tao ay kayang bigyang-kasiyahan ang Diyos habang tinutupad ang kanyang tungkulin, may prinsipyo sa mga salita at kilos niya, at kayang pumasok sa katotohanang realidad ng lahat ng aspeto ng katotohanan, siya ay isang taong gagawing perpekto ng Diyos. Masasabi na ang gawain at mga salita ng Diyos ay lubos na naging mabisa para sa gayong mga tao, na ang mga salita ng Diyos ay naging mga buhay nila, na nakamit na nila ang katotohanan, at na nagagawa nilang mabuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos nito, ang kalikasan ng kanilang laman—iyon ay, ang pinakasaligan ng kanilang orihinal na pag-iral—ay mayayanig at mabubuwal. Pagkatapos taglayin ng mga tao ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, magiging mga bagong tao sila. Kung ang mga salita ng Diyos ay maging buhay nila, kung ang pangitain ng gawain ng Diyos, ang Kanyang mga kinakailangan mula sa sangkatauhan, ang Kanyang mga pahayag sa tao, at ang mga pamantayan para sa isang tunay na buhay na hinihingi ng Diyos na magawa nila ay maging buhay nila, kung nabubuhay sila alinsunod sa mga salita at katotohanang ito, sila ay pineperpekto sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Muling isinisilang ang gayong mga tao, at naging mga bagong tao na sila sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang kabuluhan ng pananalig sa Diyos ay upang maligtas, kaya ano ang kahulugan ng maligtas? “Maligtas,” “makakalas mula sa maitim na impluwensya ni Satanas”—madalas pag-usapan ng mga tao ang mga paksang ito, ngunit hindi nila alam kung ano ang kahulugan ng maligtas. Ano ba ang kahulugan ng maligtas? May kaugnayan ito sa kalooban ng Diyos. Sa simpleng pananalita, ang maligtas ay nangangahulugan na maaari kang magpatuloy na mabuhay, at na binuhay kang muli. Kaya bago iyon, ikaw ba ay patay? Nakapagsasalita ka, at nakahihinga ka, kaya paano masasabing patay ka? (Ang espiritu ay patay.) Bakit sinasabing patay ang mga taong patay ang espiritu? Ano ang batayan ng kasabihang ito? Kaninong nasasakupan namumuhay ang mga tao bago sila nagtamo ng kaligtasan? (Sa nasasakupan ni Satanas.) At saan umaasa ang mga tao para mabuhay sa nasasakupan ni Satanas? Umaasa sila sa kanilang satanikong kalikasan at mga tiwaling disposisyon para mabuhay. Kapag ang isang tao ay nabubuhay sa mga ito, ang buong katauhan ba nila—ang kanilang laman, at lahat ng iba pang aspeto katulad ng kanilang kaluluwa at kanilang kaisipan—ay buhay o patay? Mula sa pananaw ng Diyos, sila ay patay. Sa tingin, mukhang humihinga ka at nag-iisip, ngunit lahat ng iniisip mo palagi ay masama; ang iniisip mo ay tungkol sa mga bagay na sumusuway sa Diyos at paghihimagsik laban sa Diyos, mga bagay na kinamumuhian, kinapopootan, at kinokondena ng Diyos. Sa paningin ng Diyos, hindi lamang kabilang sa laman ang lahat ng bagay na ito, kundi lubusang pag-aari ni Satanas at ng mga diyablo ang mga ito. Kaya ano ang mga tao sa paningin ng Diyos? Mga tao ba sila? Hindi, sila ay hindi mga tao. Nakikita sila ng Diyos bilang mga diyablo, bilang mga hayop, at bilang mga Satanas, nabubuhay na mga Satanas! Nabubuhay ang mga tao ayon sa mga bagay at diwa ni Satanas, at sa paningin ng Diyos, sila mismo’y buhay na mga Satanas na may laman ng tao. Tinatawag ng Diyos ang gayong mga tao bilang mga naglalakad na bangkay, bilang patay na mga tao. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang kasalukuyang gawain ng pagliligtas upang kuhanin ang gayong mga tao—itong mga naglalakad na bangkay na namumuhay sa pamamagitan ng kanilang tiwaling mala-satanas na disposisyon at sa pamamagitan ng kanilang tiwaling diwa—kinukuha Niya ang mga tinatawag na patay na mga tao at ginagawa silang mga buhay. Ito ang ibig sabihin ng maligtas.
Ang punto ng paniniwala sa Diyos ay makamtan ang kaligtasan. Ang kahulugan ng maligtas ay na mula sa isang patay na tao ay nagiging buhay na tao ka. Ipinahihiwatig nito na nanumbalik ang iyong hininga, at buhay ka; nakikilala mo ang Diyos, at kaya nagagawa mong yumukod upang sambahin Siya. Sa puso mo, wala ka nang paglaban pa sa Diyos; hindi mo na Siya sinasalungat, sinasalakay, o naghihimagsik laban sa Kanya. Tanging ang mga taong tulad nito ang tunay na buhay sa paningin ng Diyos. Kung sinasabi lamang ng isang tao na kinikilala niya ang Diyos, siya ba kung gayon ay isa sa mga nabubuhay o hindi? (Hindi.) Kung gayon anong uri ng mga tao ang mga nabubuhay? Anong klase ng realidad ang mayroon sila? Sa pinakamababa, ang mga buhay ay nakapagsasalita ng wikang pantao. Ano iyon? Ang ibig sabihin nito, ang mga salitang kanilang sinasambit ay kinapapalooban ng mga ideya, kaisipan, at pagkakilala. Anu-anong mga bagay ang madalas isipin at gawin ng mga nabubuhay? Kaya nilang lumahok sa mga gawaing pantao at tuparin ang kanilang mga tungkulin. Ano ang katangian ng ginagawa at sinasabi nila? Ito’y na lahat ng ibinubunyag nila, lahat ng iniisip nila, at lahat ng ginagawa nila ay ginagawa nang may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Upang masabi nang mas angkop, bilang isa sa mga nabubuhay, ang bawat gawa at kaisipan mo ay hindi kinokondena ng Diyos o kinamumuhian at tinatanggihan ng Diyos; sa halip, ang mga ito’y sinasang-ayunan at pinupuri ng Diyos. Ito ang ginagawa ng nabubuhay, at siya ring dapat gawin ng nabubuhay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Tunay na Pagsunod Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pananampalataya ang Isang Tao
Kung nais ng mga tao na maging buhay na mga nilalang at magpatotoo sa Diyos, at maging kanais-nais sa Diyos, dapat nilang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos; dapat silang malugod na magpasakop sa Kanyang paghatol at pagkastigo, at dapat nilang malugod na tanggapin ang pagtatabas at pakikitungo ng Diyos. Saka lamang nila maisasagawa ang lahat ng katotohanang hinihingi ng Diyos, at saka lamang nila makakamit ang pagliligtas ng Diyos at magiging tunay na buhay na mga nilalang. Inililigtas ng Diyos ang mga buhay; nahatulan at nakastigo na sila ng Diyos, handa silang italaga ang kanilang mga sarili at masayang ibigay ang kanilang mga buhay para sa Diyos, at malugod nilang ilalaan ang kanilang buong buhay sa Diyos. Tanging kapag nagpapatotoo lamang sa Diyos ang mga buhay saka mapapahiya si Satanas; tanging ang mga buhay lamang ang maaaring magpalaganap ng gawaing ebanghelyo ng Diyos, tanging ang mga buhay lamang ang kaayon ng puso ng Diyos, at tanging ang mga buhay lamang ang tunay na mga tao. Sa simula, ang taong nilikha ng Diyos ay buhay, ngunit dahil sa katiwalian ni Satanas, namumuhay ang tao sa gitna ng kamatayan, at namumuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, kaya nga, sa ganitong paraan, naging patay na walang espiritu ang mga tao, naging mga kaaway sila na sumasalungat sa Diyos, naging mga kasangkapan sila ni Satanas, at naging mga bihag sila ni Satanas. Naging patay na mga tao na ang lahat ng buhay na mga taong nilikha ng Diyos, kaya nawala sa Diyos ang Kanyang patotoo, at nawala sa Kanya ang sangkatauhang Kanyang nilikha na tanging nagtataglay ng Kanyang hininga. Kung babawiin ng Diyos ang Kanyang patotoo at babawiin yaong mga nilikha ng Kanyang sariling kamay subalit nabihag na ni Satanas, kailangan Niyang buhayin silang muli upang maging buhay na mga nilalang sila, at kailangan Niyang bawiin sila upang mamuhay sila sa Kanyang liwanag. Ang mga patay ay yaong mga walang espiritu, yaong mga sukdulang manhid at sumasalungat sa Diyos. Una sa lahat, sila yaong mga hindi nakakikilala sa Diyos. Wala ni katiting na intensyon ang mga taong ito na sumunod sa Diyos; naghihimagsik lamang sila laban sa Kanya at sinasalungat Siya, at wala kahit na katiting na katapatan. Ang mga buhay ay yaong mga isinilang muli ang mga espiritu, na alam sumunod sa Diyos, at mga tapat sa Diyos. Taglay nila ang katotohanan, at ang patotoo, at ang mga taong ito lamang ang nakalulugod sa Diyos sa Kanyang tahanan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ikaw Ba ay Isang Taong Nabuhay Na?