Bakit Nagkakatawang-tao ang Diyos para Isagawa ang Kanyang Gawain ng Paghatol sa mga Huling Araw?

Enero 16, 2022

Ilang beses na tayong nagkausap tungkol sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Ngayo’y tingnan naman natin kung sino ang nagsasagawa ng gawaing ito ng paghatol. Alam ng lahat ng mananampalataya na isasagawa ng Diyos ang Kanyang paghatol sa gitna ng sangkatauhan sa mga huling araw, na magpapakita ang Lumikha sa sangkatauhan at personal na ipapahayag ang Kanyang mga pagbigkas. Kaya paano isinasagawa ng Diyos ang paghatol na ito? Sa Kanyang Espiritu ba na nagpapakita sa himpapawid at nagsasalita sa atin? Imposible iyan. Sinabi sa atin ng Panginoong Jesus Mismo: “Sapagkat ang Ama’y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob Niya sa Anak ang buong paghatol(Juan 5:22). “At binigyan Siya ng awtoridad na humatol, sapagkat Siya’y Anak ng tao(Juan 5:27). Makikita natin mula rito na ang gawain ng paghatol ay isinasagawa ng “Anak.” Sa anumang pagbanggit sa “Anak ng tao,” dapat nating malaman na ito ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya ang ibig sabihin nito ay paparito Siya sa katawang-tao sa mga huling araw para gawin ang gawain ng paghatol. Napakahalaga nito! Kaya alam mo ba kung tungkol saan ang gawain ng paghatol sa mga huling araw? Bakit magiging tao ang Diyos para isagawa ito? Sa madaling salita, ito ang Tagapagligtas na paparito upang iligtas ang sangkatauhan. Kapag ang Diyos ay naging tao at pumarito sa lupa, ito ang Tagapagligtas na bumababa. Personal Niyang isinasagawa ang gawain ng paghatol upang iligtas nang tuluyan ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Sa pagtanggap sa Kanyang paghatol, maaari kang mapalaya mula sa kasalanan, maging dalisay, at maligtas. Sa gayon ay mapapangalagaan ka sa mga kalamidad at sa huli ay papasok sa kaharian ng langit. Kaya, ang pagtanggap sa gawain ng paghatol ng Tagapagligtas ay may kinalaman sa kalalabasan at hantungan ng tao—hindi mo ba masasabi na napakahalaga niyan? Maaaring itanong ng maraming mananampalataya kung bakit talagang kailangang maging tao ang Diyos para sa Kanyang paghatol sa mga huling araw. Iniisip nila na paparito ang Panginoong Jesus sakay ng ulap sa anyong espiritu, na mag-uunat ng kamay ang Diyos at tatangayin tayong lahat, nang diretso patungo sa kaharian—hindi ba napakaganda niyan? Ang ganitong uri ng pag-iisip ay hindi lang masyadong mababaw, kundi hindi rin makatotohanan. Dapat ninyong malaman na ang Diyos ay may banal at matuwid na disposisyon. Dadalhin ba Niya ang mga makasalanan sa Kanyang kaharian? Pamilyar tayong lahat sa bersikulo sa Biblia na, “Kung walang kabanalan, walang taong makakakita sa Panginoon(Mga Hebreo 12:14). Lahat ay makasalanan, at patuloy na nagkakasala. Hindi dadalhin ng Diyos ang tao nang diretso sa kaharian—hindi Niya tayo inililigtas sa ganyang paraan. Kinamumuhian ng Diyos ang mga makasalanan, at hindi sila karapat-dapat na makita ang Diyos. Wala itong duda. Kung gayon paano inililigtas ng Tagapagligtas ang sangkatauhan sa mga huling araw? Una, isinasagawa Niya ang Kanyang paghatol upang linisin ang ating katiwalian, upang maligtas tayo mula sa kasalanan at mga puwersa ni Satanas, at pagkatapos ay dadalhin Niya tayo sa kaharian. Hindi ka ililigtas ng Diyos mula sa mga kalamidad, lalong hindi ka dadalhin sa kaharian kung hindi pa nalulutas ang pagiging makasalanan mo. Nagsimula na ang mga kalamidad at pakiramdam ng lahat ay katapusan na ng mundo, na papalapit na ang kamatayan. Lahat ay naghihintay na pumarito ang Tagapagligtas at iligtas ang sangkatauhan, kaya ang pagtanggap sa Kanya at sa Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw ay napakahalaga! Narito ang susi kung maliligtas ba ang mga mananampalataya at makakapasok sa kaharian ng langit.

Ngunit pag-usapan muna natin kung ano ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Iniisip ng mga taong relihiyoso na ang paghatol sa mga huling araw ay isang bagay na napakasimple, at sa anumang pagbanggit sa “paghatol,” natitiyak nila na isasagawa iyon ng Panginoong Jesus sa anyong espiritu, na ang Panginoon ay paparito at makikipagkita sa atin at dadalhin tayo sa kaharian, pagkatapos ay kokondenahin at lilipulin ang mga hindi nananalig. Sa katunayan, napakalaking pagkakamali niyan. Saan sila nagkakamali? Tuwing pumaparito ang Diyos upang isagawa ang gawain para iligtas ang sangkatauhan, ito’y talagang napakapraktikal, napakamakatotohanan, at ni bahagya ay hindi higit sa karaniwan. Dagdag pa riyan, nakakaligtaan nila ang pinakamahahalagang propesiya sa Biblia tungkol sa pagparito ng Panginoon—ang mga propesiya tungkol sa pagiging tao ng Diyos bilang Anak ng tao upang isagawa ang gawain ng paghatol. Napakalinaw na ipinahayag ng Panginoong Jesus: “Sapagkat gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kanluran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao(Mateo 24:27). “Sapagkat ang Ama’y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob Niya sa Anak ang buong paghatol(Juan 5:22). “Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw(Juan 12:48). “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:12–13). At nariyan ang 1 Pedro 4:17: “Sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos.” Hindi ba’t napakalinaw ng mga propesiyang ito? Ang Panginoon ay naging tao sa mga huling araw bilang Anak ng tao, na nagpapahayag ng mga katotohanan at gumagawa ng gawain ng paghatol. Wala itong duda. Ang gawain ng paghatol ay hindi tulad ng iniisip ng mga tao, na dinadala ng Diyos ang mga mananampalataya nang diretso sa langit, pagkatapos ay kinokondena at nililipol ang mga hindi nananalig, at iyon na iyon. Hindi iyon gayon kasimple. Ang paghatol sa mga huling araw ay nagsisimula sa sambahayan ng Diyos at unang isinasakatuparan sa mga tumatanggap sa paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Ibig sabihin, ang Anak ng tao sa katawang-tao ay pumaparito sa lupa, na nagpapahayag ng maraming katotohanan upang dalisayin at iligtas ang sangkatauhan, ginagabayan ang mga taong hinirang ng Diyos sa pagpasok sa lahat ng katotohanan. Ito ang gawain ng Tagapagligtas sa mga huling araw, at noon pa ma’y ipinlano na ito ng Diyos. Patungkol naman sa mga hindi mananampalataya, direkta silang kokondenahin at aalisin sa pamamagitan ng mga kalamidad. Ngayon, naparito na ang Tagapagligtas bilang Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao, ipinapahayag ang lahat ng katotohanang kailangan upang dalisayin at iligtas ang sangkatauhan, ginagawa ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos. Ang mga katotohanang ito na ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay yumanig sa buong mundo, at narinig na ng halos lahat mula sa bawat bansa ang mga ito. Nakikita natin na ang mga propesiya sa Bibliya tungkol sa pagbabalik ng Panginoon ay lubos nang natupad. Sa kasamaang-palad, marami pa ring taong hindi nakakaunawa sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw at patuloy lang na umaasam na makakita ng isang bagay na higit sa karaniwan: ang pagpapakita at pagsasalita ng Diyos mula sa himpapawid. Napakalabo niyan. Tingnan natin kung ano ang sinasabi ng Makapangyarihang Diyos para higit na maunawaan kung paano isinasagawa ng Diyos ang Kanyang paghatol.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang gawain ng paghatol ay sariling gawain ng Diyos, kaya natural na ang Diyos Mismo ang dapat gumawa nito; hindi ito maaaring gawin ng tao para sa Kanya. Sapagkat ang paghatol ay ang paglupig sa lahi ng tao sa pamamagitan ng katotohanan, walang pag-aalinlangan na magpapakita pa rin ang Diyos bilang nagkatawang-taong imahe upang gawin ang gawaing ito sa mga tao. Ibig sabihin, gagamitin ng Cristo ng mga huling araw ang katotohanan upang turuan ang mga tao sa buong mundo at ipaalam ang lahat ng katotohanan sa kanila. Ito ang gawain ng paghatol ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan).

Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan).

Ngayon ay dapat nating maunawaan kung paano ginagawa ng Diyos ang Kanyang paghatol sa mga huling araw. Ito una sa lahat ay sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga katotohanan, at paggamit ng mga ito para hatulan, linisin, at iligtas ang sangkatauhan. Ibig sabihin, sa mga huling araw ginagamit ng Diyos ang gawaing ito ng paghatol para linisin ang katiwalian ng tao, para iligtas at gawing perpekto ang isang grupo ng mga tao, kinukumpleto ang isang grupo ng mga taong kaisa ng Diyos sa puso’t isipan. Ito ang bunga ng 6,000-taon ng plano ng pamamahala ng Diyos, at ito ang pinakabuod ng gawain ng paghatol sa mga huling araw. Kaya nga ipinapahayag ng Tagapagligtas, ang Makapangyarihang Diyos, ang napakaraming katotohanan, inilalantad at hinahatulan ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao, nililinis at binabago ang mga tao sa pamamagitan ng pagwawasto, pagpupungos, mga pagsubok, at pagpipino, nilulutas ang ugat ng pagiging makasalanan ng tao, tinutulutan tayong lubos na matakasan ang kasalanan at mga puwersa ni Satanas, magpasakop at magpitagan sa Diyos. Maaaring ito ay medyo nakalilito para sa ilang tao. Tinubos ng Panginoong Jesus ang sangkatauhan, kaya bakit kakailanganing ipahayag ng Diyos ang mga katotohanan para hatulan ang sangkatauhan sa mga huling araw? Hindi nila makita kung gaano kalalim nang nagawang tiwali ni Satanas ang tao. Inililigtas ng Diyos ang tao sa mga huling araw sa pamamagitan ng paglutas sa ating mga tiwaling disposisyon. Hindi ito isang simpleng bagay. Hindi lang ito tungkol sa pag-amin sa ating mga kasalanan, pangungumpisal at pagsisisi sa Panginoon, at iyon na iyon. Ang mga tiwaling disposisyon ay iba sa pagiging makasalanan. Hindi ito tungkol sa mga ugaling makasalanan, kundi isang bagay ito na nasa ating isipan, sa ating kaluluwa. Ito ay mga disposisyon na malalim na nakabaon sa ating kalooban, tulad ng kayabangan, katusuhan, kasamaan, at pagkasuklam sa katotohanan. Ang mga tiwaling disposisyong ito ay nakatago nang husto sa puso ng mga tao at napakahirap makita. Kung minsa’y walang anumang uri ng lantad na kasalanan at maaaring sabihin ng isang tao ang mga bagay na masarap pakinggan, ngunit mayroon silang tuso at kasuklam-suklam na mga motibo sa puso nila, na nakalilinlang at nagpapaligaw sa iba. Ito ay isang problema sa kanilang disposisyon. Kung wala ang matagalang paghatol at mga pahayag ng Diyos, pati na ng pagwawasto, pagpupungos at mga pagsubok, hindi ito makikita ng mga tao, bukod pa sa pagbabago. Sino sa mga mananampalataya sa Panginoon ang nakatakas na sa kasalanan pagkaraan ng habambuhay na pangungumpisal ng kanilang mga kasalanan? Wala ni isa. Kaya nga, ang pagdanas lang ng pagtubos ng Panginoon nang wala ang paghatol sa mga huling araw ay nagtutulot lang sa isang tao na makilala ang kanyang makasalanang ugali, ngunit ang kanyang likas na pagiging makasalanan, ang ugat ng kanyang kasalanan—ibig sabihin, ang tiwaling disposisyong malalim na nakabaon sa kalooban—ay hindi isang bagay na nakikita ng mga tao, ni hindi mareremedyuhan. Hindi ito maikakaila ng sinuman! Kaya, sa pamamagitan lang ng personal na pagkakatawang-tao at paghatol ng Diyos sa mga huling araw, pagpapahayag ng napakaraming katotohanan, at sa pamamagitan ng Kanyang pangmatagalang paghahayag at paghatol, malinaw na makikita ng mga tao ang katotohanan ng kanilang katiwalian at malalaman ang kanilang sariling diwa, at sa pamamagitan ng paghatol na ito nila nalalaman ang pagiging matuwid at kabanalan ng Diyos, at nagkakaroon sila ng pagpipitagan sa Diyos sa kanilang puso. Ito lang ang paraan para maiwaksi ang katiwalian at maisabuhay ang isang tunay na wangis ng tao. Samakatuwid, sa pamamagitan lang ng pagkakatawang-tao at pagpapahayag ng mga katotohanan ng Diyos para isagawa ang paghatol sa mga huling araw makakamtan ang mga bungang ito. Maaaring itanong ng ilan: Bakit kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa nito sa katawang-tao? Bakit hindi Niya ito maisagawa sa anyong espiritu? Panoorin natin ang isang video ng pagbasa ng mga salita ng Diyos para mas maunawaan ito ng lahat.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang pagliligtas ng Diyos sa tao ay hindi direktang ginagawa gamit ang pamamaraan ng Espiritu at pagkakakilanlan ng Espiritu, sapagkat ang Kanyang Espiritu ay hindi maaaring mahawakan o makita ng tao, at hindi Siya maaaring malapitan ng tao. Kung sinubukan Niyang direktang iligtas ang tao sa paraan ng Espiritu, hindi magagawa ng tao na tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Kung hindi isinuot ng Diyos ang panlabas na anyo ng isang nilalang na tao, hindi magkakaroon ang tao ng paraan para tanggapin ang kaligtasang ito. Sapagkat walang paraan ang tao upang makalapit sa Kanya, katulad ng walang nakalapit sa ulap ni Jehova. Personal Niyang magagawa ang salita sa lahat ng sumusunod sa Kanya sa pamamagitan lamang ng pagiging isang nilikhang tao, ibig sabihin, sa pamamagitan ng paglalagay ng Kanyang salita sa Kanyang magiging katawang-tao. Sa ganitong paraan lamang maaaring personal na makita at marinig ng tao ang Kanyang salita, at higit pa rito, taglayin ang Kanyang salita, at nang sa gayon ay lubusang mailigtas. Kung ang Diyos ay hindi naging katawang-tao, walang nagtataglay ng laman at dugo ang makakatanggap ng ganoon kadakilang kaligtasan, at wala rin kahit isang tao ang maliligtas. Kung ang Espiritu ng Diyos ay gumawa nang direkta sa gitna ng sangkatauhan, ang buong sangkatauhan ay babagsak o di kaya ay ganap na mabibihag ni Satanas dahil hindi kaya ng tao na makalapit sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4).

Walang sinumang higit na angkop, at karapat-dapat, kaysa sa Diyos sa katawang-tao para sa gawain ng paghatol sa katiwalian ng laman ng tao. Kung ang paghatol ay tuwirang isinagawa ng Espiritu ng Diyos, kung gayon, hindi ito sasaklaw sa lahat. Bukod dito, magiging mahirap para sa tao na tanggapin ang gayong gawain, sapagkat hindi magagawa ng Espiritu na lumapit nang harap-harapan sa tao, at dahil dito, hindi magiging agaran ang mga bisa, hindi makikita ng tao nang lalong malinaw ang hindi nalalabag na disposisyon ng Diyos. Lubusang magagapi lamang si Satanas kung hahatulan ng Diyos sa katawang-tao ang katiwalian ng sangkatauhan. Dahil tulad sa tao na nagtataglay ng normal na pagkatao, maaaring tuwirang hatulan ng Diyos sa katawang-tao ang hindi pagiging matuwid ng tao; ito ang tatak ng Kanyang likas na kabanalan, at ng Kanyang pagiging katangi-tangi. Tanging ang Diyos ang karapat-dapat, at nasa katayuan na hatulan ang tao, sapagkat taglay Niya ang katotohanan, at pagiging matuwid, kaya nga nagagawa Niyang hatulan ang tao. Yaong mga walang katotohanan at katuwiran ay hindi nababagay na hatulan ang iba. Kung ginawa ng Espiritu ng Diyos ang gawaing ito, kung gayon ay hindi ito mangangahulugan ng tagumpay laban kay Satanas. Likas na higit na mabunyi ang Espiritu kaysa mga mortal na nilalang, at likas na banal ang Espiritu ng Diyos, at matagumpay laban sa laman. Kung tuwirang ginawa ng Espiritu ang gawaing ito, hindi Niya magagawang hatulan ang lahat ng pagsuway ng tao at hindi makakayang ibunyag ang lahat ng di-pagkamatuwid ng tao. Sapagkat natutupad din ang gawain ng paghatol sa pamamagitan ng mga kuru-kuro ng tao sa Diyos, at ang tao ay hindi kailanman nagkaroon ng anumang mga kuru-kuro sa Espiritu, at sa gayon ay hindi kaya ng Espiritu ang higit na mainam na paghahayag sa di-pagkamatuwid ng tao, lalong hindi kaya ang ganap na paghahayag ng gayong di-pagkamatuwid. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang kaaway ng lahat ng tao na hindi nakakakilala sa Kanya. Sa pamamagitan ng paghatol sa mga kuru-kuro ng tao at pagsalungat sa Kanya, isinisiwalat Niya ang lahat ng pagsuway ng sangkatauhan. Higit na malinaw ang mga epekto ng Kanyang gawain sa katawang-tao kaysa sa mga gawain ng Espiritu. At kaya, hindi tuwirang isinasagawa ng Espiritu ang paghatol sa lahat ng sangkatauhan, bagkus ay ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao. Makakayang makita at mahawakan ng tao ang Diyos sa katawang-tao, at ang Diyos sa katawang-tao ay makakayang ganap na lupigin ang tao. Sa kanyang kaugnayan sa Diyos sa katawang-tao, umuusad ang tao mula sa pagsalungat patungo sa pagsunod, mula sa pag-uusig patungo sa pagtanggap, mula sa mga kuru-kuro patungo sa kaalaman, at mula sa pagtanggi patungo sa pagmamahal—ito ang mga epekto ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao).

Ngayon sa palagay ko ay medyo mas nauunawaan na nating lahat kung bakit personal na isasagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol sa katawang-tao. Iyon ay dahil ang pagiging tao ng Diyos lang ang paraan para makaugnayan Niya talaga ang mga tao, para magsalita at magbahagi sa atin tungkol sa katotohanan kahit saan at kahit kailan, ilantad at hatulan tayo ayon sa katiwaliang inihahayag natin, at diligan, akayin, at suportahan tayo ayon sa ating mga pangangailangan. Ito lang ang paraan para malinaw Niyang maiparating ang kalooban at mga kinakailangan ng Diyos. Hindi ba ang personal na marinig ang tungkol sa daan ng Diyos at maunawaan ang mga katotohanang Kanyang ipinapahayag ay napakalaki ng pakinabang sa pagtatamo natin ng katotohanan at kaligtasan? Dagdag pa riyan, kapag naging tao ang Diyos bilang isang regular at karaniwang uri ng tao, sasabihin ba ninyo na ang mga tao ay maaaring may mga kuru-kuro, na maaaring suwail sila? Sigurado. Sa sandaling makita ng mga tao ang napakanormal na panlabas na hitsura ni Cristo, lumalabas ang kanilang mga kuru-kuro, pagkasuwail, at paglaban, at kahit wala silang sinasabi o hindi nila ipinapakita, gaano man sila kahusay magkunwari, nakatingin ang Diyos, at walang mga pagtatangkang itago ito ang maaaring magtagumpay. Inihahayag ng Diyos ang anumang nakatago sa kalooban ng mga tao, totoo talaga iyan. Kaya, ang Diyos lang sa katawang-tao ang pinakamainam na makapaglalantad sa mga tao, na inihahayag ang kanilang pagkasuwail at paglaban. Napakalaki ng pakinabang nito sa gawain ng paghatol. Paano kung tuwirang bumigkas ng mga salita ang Diyos sa pamamagitan ng Espiritu? Hindi makikita, mahihipo, o malalapitan ng mga tao ang Kanyang Espiritu, at nakakatakot kung magsasalita ang Kanyang Espiritu. Kung gayon paano nila maipapaalam ang nilalaman ng kanilang puso sa Diyos, o mauunawaan ang mga katotohanan? At sino ang mangangahas na magkaroon ng mga kuru-kuro kapag naharap sa Espiritu? Sino ang mangangahas na magpakita ng katiwalian, o maging suwail o lumaban? Wala ni isa. Lahat ay manginginig sa takot, magpapatirapa, mamumutla. Kapag nasa gayong takot na kalagayan ang mga tao, paano mailalantad ang katotohanan tungkol sa kanila? Hindi makikita ang ni isa sa kanilang mga kuru-kuro o pagkasuwail, kaya paano maisasagawa ang paghatol? Ano ang magiging katibayan? Kaya hindi kayang maibunyag ng gawain ng Espiritu ng Diyos ang pinakatunay na mga pag-uugali ng mga tao, na naglalantad sa kanila, at hindi makukumpleto ang gawain ng paghatol ng Diyos. At ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay mas epektibo para sa gawain ng paghatol kaysa sa Kanyang Espiritu. Makikita natin ang Makapangyarihang Diyos na namumuhay sa gitna ng sangkatauhan, kasama natin mula umaga hanggang gabi. Bawat galaw natin, bawat iniisip natin, bawat uri ng katiwaliang ibinubunyag natin, ay nakikita at lubos na nauunawaan ng Diyos. Kaya Niyang magpahayag ng mga katotohanan upang ilantad at hatulan tayo sa anumang oras at lugar, inilalantad ang ating mga katiwalian, ang ating mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, gayundin ang ating mga likas na paglaban at pagtataksil sa Diyos. Kapag binabasa natin ang mga salita ng Diyos, para bang hinahatulan Niya tayo nang harap-harapan. Napakasidhi nito at nakakahiya, at nakikita natin nang husto sa Kanyang mga salita ang katotohanan ng ating katiwalian. Taos-puso tayong namumuhi at nagsisisi sa ating sarili at nadarama natin na hindi tayo karapat-dapat na mabuhay sa harap ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghatol ng Diyos, nakikita rin natin kung gaano kasukdulan ang Kanyang pagiging matuwid at banal, at na tunay Niyang nakikita ang ating puso’t isipan. Ang mga tiwaling kaisipan at ideyang malalim na nakabaon sa ating puso, na ang ilan ay hindi pa natin napapansin, ay paisa-isang inilalantad at hinahatulan ng Diyos. Kung minsan sa pamamagitan ng marahas na pagkondena at pagsumpa, tinutulutan tayong makita ang hindi nalalabag na disposisyon ng Diyos, at pagkatapos, matututo na tayong matakot sa Diyos sa huli. Kung hindi tayo daraan sa paghatol ng Diyos, wala ni isa sa atin ang makakaalam sa pagiging matuwid o kabanalan ng Diyos, at walang sinumang makakakita na kapag namumuhay ang mga tao ayon sa kanilang mga satanikong kalikasan, sila ang uri na lumalaban sa Diyos, kaya nararapat silang isumpa at parusahan ng Diyos. Salamat sa paghatol, pagkastigo, at mga pagsubok ng Diyos kaya maaari tayong tunay na magsisi, maiwaksi nang tuluyan ang katiwalian, at madalisay at mabago. At sa pagsunod kay Cristo hanggang sa kasalukuyan, nakikita natin na nabubuhay sa piling natin ang Diyos na nagkatawang-tao, mapagpakumbaba at tago, masigasig at matiyagang nagpapahayag ng napakaraming katotohanan, para lang lubos na iligtas tayo, ang tiwaling sangkatauhan. Kung hindi personal na pumarito ang Diyos na nagkatawang-tao upang hatulan at linisin tayo, na ipinararating sa atin ang lahat ng katotohanan, ang mga taong kasing-suwail at kasing-tiwali natin ay tiyak na aalisin at parurusahan. Kung gayo’y paano tayo maliligtas? Napakalaki ng pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan, at lubhang kaibig-ibig ang Diyos. Ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos ang mga katotohanan sa atin, ginagabayan, tinutustusan, sinasamahan ang sangkatauhan sa praktikal na mga paraan. Ito lang ang ating pagkakataong marinig ang tinig ng Diyos at makita ang Kanyang mukha, na sumailalim sa paghatol at paglilinis ng Diyos, na matuto at magtamo ng maraming katotohanan at maisabuhay ang isang tunay na wangis ng tao. Ang mga pinakamalaki ang pakinabang mula sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ay ang grupo nating ito na sumusunod kay Cristo. Ang natatamo natin mula sa Diyos ay tunay na hindi masusukat. Tulad ng sinasabi sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos, “Ang pinakamainam na bagay tungkol sa Kanyang gawain sa katawang-tao ay maaari Siyang mag-iwan ng tumpak na mga salita at mga pangaral, at ang Kanyang tiyak na kalooban para sa sangkatauhan patungkol sa mga taong sumusunod sa Kanya, sa gayon pagkatapos, ang Kanyang mga tagasunod ay maaaring higit na tumpak at higit na konkretong maipasa ang lahat ng Kanyang mga gawain sa katawang-tao, at ang Kanyang kalooban para sa buong sangkatauhan, sa mga tumatanggap sa ganitong daan. Tanging ang gawain ng Diyos sa katawang-tao sa piling ng tao ang tunay na nagsasakatuparan sa katunayan na ang Diyos ay namumuhay at kasama ng tao. Tanging ang gawaing ito ang nagsasakatuparan sa mithiin ng tao na mamasdan ang mukha ng Diyos, masaksihan ang gawain ng Diyos, at marinig ang personal na salita ng Diyos. Winawakasan ng Diyos na nagkatawang-tao ang kapanahunan na likod lamang ni Jehova ang nagpakita sa sangkatauhan, at tinatapos din Niya ang kapanahunan ng paniniwala ng sangkatauhan sa malabong Diyos. Lalo na, dinadala ng gawain ng huling Diyos na nagkatawang-tao ang buong sangkatauhan sa isang kapanahunan na higit na makatotohanan, higit na praktikal, at higit na maganda. Hindi lamang Niya tinatapos ang kapanahunan ng kautusan at doktrina ngunit ang higit na mahalaga, inihahayag Niya sa sangkatauhan ang isang Diyos na tunay at normal, na matuwid at banal, na nagbubukas sa gawain ng plano ng pamamahala at nagpapamalas ng mga hiwaga at hantungan ng sangkatauhan, na lumikha sa sangkatauhan at winawakasan ang gawain ng pamamahala, at nanatiling nakatago nang libu-libong taon. Winawakasan Niya nang lubusan ang kapanahunan ng kalabuan, tinatapos Niya ang kapanahunan na ang ninais ng buong sangkatauhan ay hanapin ang mukha ng Diyos ngunit hindi nila nagawa, winawakasan Niya ang kapanahunan kung kailan nagsilbi kay Satanas ang buong sangkatauhan, at inaakay Niya ang buong sangkatauhan tungo sa isang ganap na bagong panahon. Lahat ng ito ay bunga ng gawain ng Diyos sa katawang-tao sa halip ng Espiritu ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao).

Nagpapahayag na ngayon ang Makapangyarihang Diyos ng mga katotohanan at gumagawa ng Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw sa buong tatlong dekada. Nalinis na ang mga tiwaling disposisyon ng hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol ng Kanyang mga salita, at nakumpleto na ng Diyos ang isang grupo ng mga mananagumpay bago sumapit ang mga kalamidad—sila ang mga unang bunga. Nanindigan silang sundin at patotohanan si Cristo sa kabila ng galit na galit na pang-aapi ng malaking pulang dragon. Natalo nila si Satanas at matunog na nagpatotoo para sa Diyos. Tinutupad nito ang propesiya sa Pahayag na: “Ang mga ito’y ang nanggaling sa malaking kapighatian, at nangaghugas ng kanilang mga damit, at pinaputi sa dugo ng Kordero(Pahayag 7:14). Habang nagpapahayag ng mga katotohanan ang Diyos na nagkatawang-tao, lubos na nalantad ang mga lider at anticristo, malalaki at maliliit, mula sa bawat denominasyon. Nakikita nila na mukhang regular na tao ang Makapangyarihang Diyos, na hindi Siya ang Espiritu, kaya nga walang habas nila Siyang nilabanan at kinondena. Para maingatan ang sarili nilang katayuan at pamumuhay, baliw nilang pinigilan ang mga mananampalataya na marinig ang tinig ng Diyos at suriin ang tunay na daan. Nalantad na ang tunay na mukha ng pagkamuhi sa katotohanan ng mga taong ito, at kinondena at inalis na sila. Kung hindi naging tao ang Diyos, mananatili silang nakatago sa mga iglesia, sinisipsip pa rin ang dugo ng mga mananampalataya, nilalamon ang mga handog sa Diyos, inililigaw at sinisira ang napakaraming tao. Dahil isinasagawa ng Diyos sa katawang-tao ang Kanyang paghatol, ang mga anticristo at walang pananalig, ang mga nagmamahal o hindi nagmamahal sa katotohanan, ang mga namumuhi o nasusuklam sa katotohanan, ay nahayag na lahat. At ang mga nagmamahal at nakakaunawa sa katotohanan ay malinaw na nakita ang pangit na mukha ni Satanas gayundin kung paano kinakalaban ni Satanas ang Diyos at inililigaw ang sangkatauhan. Lubos nilang itinakwil at tinalikdan si Satanas, at ganap na bumaling sa Diyos. Sa huli ay ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama, gamit ang matitinding kalamidad para puksain ang lahat ng masasamang puwersang kumakalaban sa Diyos, sa huli ay winawakasan ang lumang kapanahunang ito ng pagkakaroon ng kapangyarihan ni Satanas, at pagkatapos ay inihahatid ang mga nadalisay sa pamamagitan ng Kanyang paghatol tungo sa isang magandang hantungan. Tinutupad nito ang mga propesiya sa Pahayag: “Ang liko, ay hayaang magpakaliko pa: at ang marumi, ay hayaang magpakarumi pa: at ang matuwid, ay hayaang magpakatuwid pa: at ang banal, ay hayaang magpakabanal pa(Pahayag 22:11). “Narito, Ako’y madaling pumaparito; at ang Aking gantimpala ay nasa Akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawat isa ayon sa kanyang gawa(Pahayag 22:12).

Tapusin natin ito sa isa pang sipi mula sa Makapangyarihang Diyos. “Maraming may di-kasiya-siyang damdamin tungkol sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, dahil mahirap para sa tao na paniwalaan na ang Diyos ay magkakatawang-tao upang gawin ang paghatol. Gayunpaman, kailangang sabihin Ko sa iyo na kadalasan ang gawain ng Diyos ay lumalampas nang labis sa mga inaasahan ng tao, at mahirap para sa mga isipan ng mga tao na tanggapin. Sapagkat ang mga tao ay mga uod lamang sa lupa, samantalang ang Diyos ay ang kataas-taasang Isa na pumupuno sa sansinukob; ang isipan ng tao ay katulad lamang ng isang balon ng maruming tubig na nagbubunga lamang ng mga uod, samantalang ang bawat yugto ng gawain na pinapatnubayan ng mga kaisipan ng Diyos ay ang bunga ng karunungan ng Diyos. Palaging hinahangad ng tao na makipaglaban sa Diyos, kung saan ay sinasabi Ko na hayag na hayag kung sino ang magdurusa ng kawalan sa katapusan. Ipinapayo Ko sa inyong lahat na huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na mas mahalaga kaysa ginto. Kung kaya ng iba na tanggapin ang paghatol ng Diyos, bakit hindi mo kaya? Gaano ka na ba kataas kaysa sa iba? Kung kaya ng iba na magyuko ng ulo sa harap ng katotohanan, bakit hindi mo rin magawa ang ganoon? Ang gawain ng Diyos ay mayroong hindi-mahahadlangang bilis ng pagtakbo. Hindi na Niya uulitin ang gawain ng paghatol dahil lang sa ‘kontribusyon’ na nagawa mo, at labis kang magsisisi dahil pinalagpas mo ang gayon kagandang pagkakataon. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang Aking mga salita, kung gayon maghintay ka na lamang sa malaking puting luklukan sa langit na magpasa ng paghatol sa iyo! Kailangang malaman mo na lahat ng Israelita ay tinanggihan at itinatwa si Jesus, gayunman ang katunayan ng pagtubos ni Jesus sa sangkatauhan ay umabot pa rin sa buong sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo. Hindi ba ito isang realidad na matagal nang ginawa ng Diyos? Kung naghihintay ka pa rin kay Jesus na dalhin ka paakyat sa langit, kung gayon ay sinasabi Ko na isa kang sutil na piraso ng tuyong kahoy. Hindi kikilalanin ni Jesus ang isang huwad na tagasunod na kagaya mo, na hindi tapat sa katotohanan at naghahangad lamang ng mga biyaya. Sa kabaligtaran, hindi Siya magpapakita ng awa sa paghahagis sa iyo sa lawa ng apoy upang masunog sa loob ng sampu-sampung libong taon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan).

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Sino ang Nag-iisang Tunay na Diyos?

Mismo sino ang tunay na Diyos? Ito ay isang tanong na nakalilito sa maraming tao. Basahin ang artikulong ito para malaman kung sino ang nag-iisang tunay na Diyos.