Ano ang iglesia ng Diyos at ano ang mga relihiyosong grupo

Abril 17, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ano ba talaga ang sambahayan ng Diyos? Kung inilarawan ito ayon sa teorya, ang sambahayan ng Diyos ay isang lugar kung saan naghahari ang katotohanan, isang pagtitipon ng mga tao na ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ay ang mga salita ng Diyos. … Ang sambahayan ng Diyos ang lugar kung saan gumagawa at nangungusap ang Diyos, kung saan inililigtas ng Diyos ang mga tao, kung saan isinasagawa at tinutupad ng mga tao ang mga salita ng Diyos, kung saan naisasakatuparan ang layunin at kalooban ng Diyos nang walang hadlang, at kung saan ipinatutupad at isinasagawa ang plano ng pamamahala ng Diyos. Sa kabuuan, ang sambahayan ng Diyos ang lugar kung saan may kapangyarihan ang Diyos, kung saan naghahari ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan; hindi ito ang lugar kung saan ang sinumang indibiduwal ay may awtoridad, ginagawa ang sarili niyang gawain, o nakakamtan ang sarili niyang mga hangarin, pakana, o malalaking plano.

Hinango mula sa “Itinuturing Nila ang Sambahayan ng Diyos na Parang Sarili Nilang Personal na Pamamahay” sa Paglalantad sa mga Anticristo

Sa bawat yugto ng gawain ng Diyos mayroon ding katumbas na mga kinakailangan sa tao. Lahat niyaong nasa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nagtataglay ng presensiya at disiplina ng Banal na Espiritu, at yaong mga wala sa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nasa ilalim ng pamumuno ni Satanas, at walang anumang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga tao na nasa agos ng Banal na Espiritu ay yaong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos, at nakikipagtulungan sa bagong gawain ng Diyos. Kung yaong mga nasa loob ng agos na ito ay walang kakayahang makipagtulungan, at walang kakayahang isagawa ang katotohanan na kinakailangan ng Diyos sa panahong ito, kung gayon sila ay didisiplinahin, at ang pinakamalala ay tatalikuran ng Banal na Espiritu. Yaong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, ay mamumuhay sa loob ng agos ng Banal na Espiritu, at tatanggapin nila ang pangangalaga at pag-iingat ng Banal na Espiritu. Yaong mga handang isagawa ang katotohanan ay nililiwanagan ng Banal na Espiritu, at yaong mga hindi handa na isagawa ang katotohanan ay dinidisiplina ng Banal na Espiritu, at maaari pang maparusahan. Hindi alintana kung anong uri ng tao sila, basta’t sila ay nasa loob ng agos ng Banal na Espiritu, pananagutan ng Diyos ang lahat ng tumatanggap sa bagong gawain Niya para sa kapakanan ng Kanyang pangalan. Ang mga lumuluwalhati sa Kanyang pangalan at handang isagawa ang mga salita Niya ay makakatanggap ng Kanyang mga pagpapala; ang mga hindi sumusunod sa Kanya at hindi nagsasagawa ng Kanyang mga salita ay makakatanggap ng Kanyang kaparusahan. Ang mga tao na nasa agos ng Banal na Espiritu ay ang mga tumatanggap sa bagong gawain, at yamang natanggap na nila ang bagong gawain, sila ay nararapat na angkop na makipagtulungan sa Diyos, at hindi dapat kumilos na parang mga suwail na hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin. Ito ang tanging kinakailangan ng Diyos sa tao. Hindi ganoon para sa mga taong hindi tumatanggap sa bagong gawain: Sila ay nasa labas ng agos ng Banal na Espiritu, at ang disiplina at paninisi ng Banal na Espiritu ay hindi para sa kanila. Buong araw, ang mga taong ito ay namumuhay sa loob ng laman, sila ay namumuhay sa loob ng kanilang mga isipan, at ang lahat ng ginagawa nila ay ayon sa doktrinang bunga ng paghihimay at pananaliksik ng kanilang sariling mga utak. Hindi ito ang hinihingi ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, at lalong hindi ito pakikipagtulungan sa Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay walang presensiya ng Diyos, at, higit sa lahat, salat sa mga pagpapala at pag-iingat ng Diyos. Ang karamihan sa kanilang mga salita at mga pagkilos ay nakaayon sa mga nakalipas na mga kinakailangan ng gawain ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay doktrina, hindi katotohanan. Ang gayong doktrina at alituntunin ay sapat na upang patunayan na ang pagtitipon ng mga taong ito ay walang iba kundi relihiyon; hindi sila ang mga hinirang, o ang mga pinag-uukulan ng gawain ng Diyos. Ang pagtitipon nilang lahat na magkakasama ay matatawag lamang na maringal na kongreso ng relihiyon, at hindi matatawag na iglesia. Ito ay isang katunayan na hindi mababago. Wala sa kanila ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; ang kanilang ginagawa ay tila samyo-ng-relihiyon, ang kanilang isinasabuhay ay tila sagana sa relihiyon; hindi sila nagtataglay ng presensiya at gawain ng Banal na Espiritu, lalo nang hindi sila karapat-dapat na tumanggap ng disiplina o kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Lahat ng taong ito ay mga walang-buhay na bangkay, at mga uod na walang pagka-espirituwal. Wala silang kaalaman sa pagka-mapanghimagsik at paglaban ng tao, walang kaalaman sa lahat ng masasamang gawa ng tao, lalong wala silang kaalaman sa lahat ng gawain ng Diyos at kasalukuyang kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang alam, mabababang tao, at sila ay mga hamak na hindi nararapat tawaging mananampalataya! Wala sa kanilang mga ginagawa ang may kinalaman sa pamamahala ng Diyos, lalong hindi nito masisira ang mga plano ng Diyos. Ang mga salita at pagkilos nila ay nakasusuklam, nakakaawa, at talagang hindi karapat-dapat banggitin. Wala sa anumang ginawa niyaong mga wala sa agos ng Banal na Espiritu ang may anumang kinalaman sa bagong gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, kahit na ano ang kanilang gawin, sila ay walang disiplina ng Banal na Espiritu, at, higit sa lahat, walang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Dahil lahat sila ay mga taong walang pag-ibig para sa katotohanan, at sila ay kinamuhian at natanggihan na ng Banal na Espiritu. Sila ay tinatawag na makasalanan dahil sila ay lumalakad sa laman at ginagawa kung ano ang kanilang nais sa ilalim ng karatula ng Diyos. Habang gumagawa ang Diyos, sila ay sadyang palaban sa Kanya, at tumatakbo sa kasalungat na patutunguhan sa Kanya. Ang hindi pakikipagtulungan ng tao sa Diyos ay sukdulang mapanghimagsik sa ganang sarili, kaya’t hindi ba ang mga taong sadyang sumasalungat sa Diyos ay partikular na tinatanggap nila ang nararapat na kaparusahan?

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

“Datapuwa’t sinasabi Ko sa inyo, na dito ay may isang lalong dakila kaysa sa templo. Datapuwa’t kung nalalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, habag ang ibig Ko, at hindi hain, ay hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang kasalanan. Sapagka’t ang Anak ng tao ay Panginoon ng sabbath” (Mateo 12:6–8). Ano ang tinutukoy ng salitang “templo” rito? Sa madaling salita, tumutukoy ito sa isang kamangha-manghang, mataas na gusali, at sa Kapanahunan ng Kautusan, ang templo ay lugar para sa mga saserdote upang sambahin ang Diyos. Nang sinabi ng Panginoong Jesus na “dito ay may isang lalong dakila kaysa sa templo,” sino ang tinutukoy na “isa”? Maliwanag, ang “isa” ay ang Panginoong Jesus sa katawang-tao, sapagka’t tanging Siya ang mas dakila kaysa sa templo. Ano ang sinasabi ng mga salitang iyon sa mga tao? Sinasabi ng mga ito sa mga tao na lumabas sila sa templo—iniwan na ng Diyos ang templo at hindi na gumagawa sa loob nito, kaya dapat hanapin ng mga tao ang mga yapak ng Diyos sa labas ng templo at sundan ang Kanyang mga hakbang sa Kanyang bagong gawain. Nang sabihin ito ng Panginoong Jesus, may saligan sa likod ng Kanyang mga salita, na sa ilalim ng kautusan, itinuturing ng mga tao ang templo bilang isang bagay na higit na dakila kaysa sa Diyos Mismo. Ibig sabihin, sinamba ng mga tao ang templo sa halip na sambahin ang Diyos, kaya binalaan sila ng Panginoong Jesus na huwag sambahin ang mga idolo, bagkus sa halip ay sambahin ang Diyos, sapagka’t Siya ang kataas-taasan. Kaya, sinabi Niya: “Habag ang ibig Ko, at hindi hain.” Maliwanag na sa mga mata ng Panginoong Jesus, hindi na sumasamba kay Jehova ang karamihan sa mga tao na namumuhay sa ilalim ng kautusan, bagkus ay basta na lamang ginagawa ang pagsasakripisyo, at tinukoy ng Panginoong Jesus na ito ay ibinilang na pagsamba sa idolo. Itinuring ng mga sumasambang ito sa idolo ang templo bilang isang bagay na mas dakila at mas mataas kaysa sa Diyos. Tanging ang templo ang nasa kanilang mga puso, hindi ang Diyos, at kung mawala sa kanila ang templo, mawawala sa kanila ang kanilang tahanang dako. Kung wala ang templo ay wala silang ibang mapagsasambahan at hindi maisasagawa ang kanilang mga pagsasakripisyo. Ang kanilang tinatawag na “tahanang dako” ay kung saan ginamit nila ang pagkukunwari ng pagsamba sa Diyos na si Jehova upang makapanatili sa templo at maisagawa ang sarili nilang mga gawain. Ang kanilang tinatawag na “pagsasakripisyo” ay walang iba kundi ang pagsasagawa nila ng kanilang sariling personal na kahiya-hiyang mga pakikitungo sa ilalim ng balatkayo ng pagsasagawa ng kanilang serbisyo sa templo. Ito ang dahilan kung bakit itinuring ng mga tao sa panahong iyon ang templo bilang higit na dakila kaysa sa Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito bilang babala sa mga tao, sapagka’t ginagamit nila ang templo bilang isang balatkayo, at ang mga sakripisyo bilang isang panakip para sa pandaraya sa mga tao at pandaraya sa Diyos. Kung gamitin ang mga salitang ito sa kasalukuyan, gayon pa rin kabisa at gayon pa rin nauukol ang mga ito. Bagaman naranasan na ng mga tao ngayon ang gawain ng Diyos na iba kaysa sa naranasan ng mga tao sa Kapanahunan ng Kautusan, magkatulad ang kalikasang diwa ng mga ito.

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Gaano man karaming tao ang tumutupad sa kanilang mga tungkulin sa isang iglesia, mayroon mang dalawa o dose-dosena, sa sandaling mawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi na sila nagdaranas ng gawain ng Diyos, at wala na silang koneksyon at wala nang bahagi sa gawain ng Diyos. Sila ay naging isa nang relihiyosong grupo. Hindi ba’t nasa malaking panganib ang mga taong ito? Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan kapag nahaharap sa mga problema at hindi sila kumikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, bagkus ay nasa ilalim ng mga pagsasaayos at mga manipulasyon ng mga tao. Marami pa nga ang hindi kailanman nananalangin o naghahanap sa mga katotohanang prinsipyo habang tinutupad ang kanilang tungkulin; nagtatanong lang sila sa iba at ginagawa ang sinasabi ng iba, kumikilos ayon sa mga hudyat ng iba. Kung saan man tumuro ang ibang tao, doon sila mismo pumupunta. Sa kanilang pananampalataya, pakiramdam nila ay malabo at mahirap ang paghahanap sa katotohanan, habang ang pag-asa sa iba at paggawa sa sinasabi ng iba ay madali at labis na praktikal, kung kaya’t ginagawa nila kung ano ang pinakatuwiran at walang kahirap-hirap, nagtatanong sila sa iba at ginagawa ang sinasabi nila sa lahat ng bagay. Bunga nito, kahit matapos ang maraming taon ng pananampalataya, kapag sila ay naharap sa isang problema, ni minsan ay hindi sila humaharap sa Diyos, nananalangin at hinahanap ang Kanyang kalooban at ang katotohanan, at pagkatapos ay nagtatamo ng pang-unawa sa katotohanan, at gumagawa at kumikilos alinsunod sa kalooban ng Diyos—hindi pa sila kailanman nagkaroon ng ganoong uri ng karanasan. Ang gayong mga tao ba ay talagang nagsasagawa ng pananampalataya sa Diyos? Naisip Ko: Bakit, sa sandaling maging parte ang ilang tao ng isang grupo ay nagiging madali sa kanila—sa anyo—na agad magbago mula sa pagiging isang taong naniniwala sa Diyos sa isang taong naniniwala sa tao, at mula sa pagiging isang taong sumusunod sa Diyos sa isang taong sumusunod sa tao? Bakit napakabilis nilang magbago? Bakit sila kumikilos nang ganoon kahit matapos sumampalataya sa Diyos nang napakaraming taon? Sumampalataya sila sa Diyos nang maraming taon, ngunit kataka-taka na hindi kailanman nagkaroon ang Diyos ng lugar sa kanilang mga puso. Hindi sila kailanman nagkaroon ng anumang koneksyon sa Diyos. Ang kanilang mga gawa, mga salita, buhay, ang kanilang pagsasagawa at pagharap sa mga bagay-bagay, maging ang pagtupad sa kanilang tungkulin at sa kanilang paglilingkod sa Diyos—lahat ng ginagawa nila, lahat ng mga ugali na inilalantad nila, lahat ng ipinapahayag nila, at maging ang kanilang bawat saloobin o ideya—wala sa mga ito ang may anumang koneksyon sa pananampalataya sa Diyos. Kung gayon, ang taong ito ba ay isa sa mga tunay na mananampalataya? Maihahayag ba ng kabuuan ng mga taon ng isang tao sa pananampalataya kung gaano kataas ang tayog ng kanilang pananalig sa Diyos? Ito ba ay patunay kung mayroon silang isang normal na relasyon sa Diyos? Talagang hindi.

Hinango mula sa “Tanging Kapag Namumuhay Ka sa Harapan ng Diyos sa Lahat ng Sandali Makalalakad Ka sa Landas ng Kaligtasan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Kung, sa paniniwala sa Diyos, itinuturing ng mga tao ang katotohanan bilang isang grupo ng mga patakarang dapat panghawakan, hindi ba’t hindi maiiwasang mauwi ang kanilang paniniwala sa ilang seremonyang pangrelihiyon lamang? At ano ang mga pagkakaiba ng gayong mga seremonyang pangrelihiyon at ng Kristiyanismo? Maaaring mas malalim at mas progresibo ang mga taong ito sa paraan ng kanilang pananalita, ngunit kung ang kanilang pananampalataya ay naging isang kalipunan na lang ng mga patakaran at isang uri ng seremonya, hindi ba’t ibig sabihin noon ay naging Kristiyanismo na ito? (Oo, ganoon nga.) May mga pagkakaiba ang luma at bagong mga katuruan, ngunit kung ang mga katuruan ay walang anuman kundi isang uri ng teorya, at naging isang uri lamang ng seremonya o patakaran para sa mga tao—at, gayundin, kung hindi makatatamo ang mga tao ng katotohanan mula rito o magagamit ito upang makapasok sa katotohanang realidad—hindi ba’t ang pananampalataya nila’y naging tulad lamang ng Kristiyanismo? Sa diwa, hindi ba ito Kristiyanismo? (Oo, ganoon nga.) Kung gayon, sa inyong pag-uugali at sa pagganap ng inyong tungkulin, sa aling mga bagay kayo mayroong mga pananaw at kalagayan na pareho o katulad ng sa mga mananampalataya sa Kristiyanismo? (Sa pagsunod sa mga patakaran, at sa pagsasangkap sa ating mga sarili ng mga titik at doktrina.) (Sa pagtuon sa pagpapakita ng pagiging espirituwal at pagpapakita ng mabuting ugali, at sa pagiging taimtim at mapagpakumbaba.) Hinahangad ninyong magpakita sa iba ng mabuting ugali, ginagawa ninyo ang lahat ng inyong makakaya upang palabasin ang inyong mga sarili ng isang uri ng espirituwal na kaanyuan, at gumagawa kayo ng ilang bagay na kahit papaano ay katanggap-tanggap sa mga kuru-kuro at guni-guni ng tao, nagpapanggap na mabait. Tumatayo kayo sa mataas na pulpito na nangangaral ng mga titik at doktrina, tinuturuan ang mga tao na gumawa ng mabuti, maging mabait, at unawain ang katotohanan; nangangaral kayo ng espirituwal na doktrina, sinasabi ang mga tamang espirituwal na bagay; nag-aasta kayong mataas tungkol sa pagiging espirituwal at nagpapakita ng isang mababaw na espirituwalidad sa lahat ng sinasabi at ginagawa ninyo, subalit sa pagsasagawa at pagtupad sa inyong tungkulin, hindi ninyo kailanman hinahanap ang katotohanan. Sa sandaling maharap kayo sa problema, lubos kayong kumikilos alinsunod sa kalooban ng tao, isinasantabi ang Diyos. Hindi kayo kailanman kumilos alinsunod sa katotohanang prinsipyo, ni wala kayong anumang ideya kung ano ba ang katotohanan, kung ano ang mga layunin ng Diyos, o kung ano ang mga pamantayang hinihingi Niya sa tao; hindi ninyo kailanman sineryoso ang mga bagay na ito o ni inisip ang mga iyon. Ang ganito bang mga panlabas na kilos at mga panloob na kalagayan ng tao—ibig sabihin, ang ganito bang uri ng pananampalataya—ang bumubuo ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan? Kung walang kaugnayan ang pananampalataya ng mga tao at ang paghahanap sa katotohanan, naniniwala ba sila o hindi sa Diyos? Kahit pa ilang taon maniwala sa Kanya ang mga taong walang kaugnayan sa paghahanap ng katotohanan, magagawa ba nila o hindi na talagang matakot sa Diyos at layuan ang kasamaan? (Hindi nila magagawa.) Ano kung gayon ang panlabas na pag-uugali ng ganitong mga tao? Anong uri ng landas ang malalakaran nila? (Ang landas ng mga Fariseo.) Ano ang ipinangsasangkap nila sa mga sarili nila sa araw-araw? Hindi ba’t mga titik at doktrina? Hindi ba’t ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pagsasandata sa mga sarili nila, binibihisan ang mga sarili nila ng mga titik at doktrina upang gawin ang mga sarili nila na mas katulad ng mga Fariseo, mas espirituwal, at mas katulad ng mga tao na naglilingkod daw sa Diyos? Ano ba talaga ang kalikasan ng lahat ng pagkilos na ito? Ito ba ay pagsamba sa Diyos? Ito ba ay tunay na pananampalataya sa Kanya? (Hindi, ito ay hindi). Kaya, ano ang ginagawa nila? Nililinlang nila ang Diyos; ginagawa lamang nila ang mga hakbang ng isang proseso, at nakikilahok sa mga seremonyang pangrelihiyon. Iwinawagayway nila ang bandila ng pananampalataya at gumaganap ng mga ritwal na pangrelihiyon, tinatangkang linlangin ang Diyos upang makamit ang kanilang layong mapagpala. Hindi talaga sinasamba ng mga taong ito ang Diyos. Sa katapusan, hindi ba’t ang grupo ng mga taong ganyan ay magwawakas tulad lamang ng mga nasa loob ng iglesia na inaakalang naglilingkod sa Diyos, at inaakalang naniniwala at sumusunod sa Diyos?

Hinango mula sa “Tanging Kapag Namumuhay Ka sa Harapan ng Diyos sa Lahat ng Sandali Makalalakad Ka sa Landas ng Kaligtasan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Anong katawagan ang ibinibigay ng Diyos sa relihiyon ng mga naniwala kay Jehova? Judaismo. Naging isang uri sila ng grupong pangrelihiyon. At paano naman tinatawag ng Diyos ang relihiyon ng mga naniniwala kay Jesus? (Kristiyanismo.) Sa paningin ng Diyos, kumakatawan ang Judaismo at Kristiyanismo sa mga grupong pangrelihiyon. Bakit ganoon itinuturing ng Diyos ang mga ito? Sa lahat ng kasapi ng mga samahang pangrelihiyong ito na tinutukoy ng Diyos, mayroon bang kahit sino na natatakot sa Kanya at nilalayuan ang kasamaan, ginagawa ang kalooban Niya, at sumusunod sa daan Niya? (Wala.) Ito ang nagbibigay-linaw. Sa mga mata ng Diyos, lahat ba ng sumusunod sa Kanya sa pangalan lamang ay maaaring ang mga taong kinikilala Niya bilang mga mananampalataya? May kaugnayan ba silang lahat sa Diyos? Maaari kayang lahat sila’y layon ng Kanyang pagliligtas? (Hindi.) Kaya, darating ba ang araw na kayo ay ibababa sa itinuturing ng Diyos na grupong pangrelihiyon? (Posible.) Ang maibaba sa isang grupong pangrelihiyon—parang mahirap paniwalaan. Kung mapabilang ang mga tao sa isang grupong pangrelihiyon sa paningin ng Diyos, ililigtas ba Niya sila? Kasama ba sila sa sambahayan Niya? (Hindi.) Kaya, subukan nating ibuod: Ang mga taong ito na naniniwala lamang sa tunay na Diyos sa pangalan ngunit pinaniniwalaan Niya na kabilang sa isang grupong pangrelihiyon—anong landas ang nilalakaran nila? Masasabi kaya na ang ganitong mga tao ay lumalakad sa landas ng pagwawagayway sa bandila ng pananampalataya nang hindi kailanman sinusundan ang daan ng Diyos, at nananalig sa Kanya ngunit hindi sumasamba sa Kanya kailanman, at sa halip ay tinatalikuran Siya? Ibig sabihin, lumalakad sila sa landas ng paniniwala sa Diyos ngunit tinatalikuran Siya at hindi sumusunod sa landas ng Diyos; ang kanilang landas ay isa kung saan naniniwala sila sa Diyos ngunit sumasamba kay Satanas, sinasamba nila ang diyablo, sinisikap nilang isagawa ang sarili nilang pamamahala, at sinusubukang magtatag ng sarili nilang kaharian. Hindi ba’t ito ang diwa nito? Ang mga tao bang tulad nito ay may anumang kaugnayan sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan? (Wala.) Gaano man karaming tao ang naniniwala sa Diyos, sa sandaling ang paniniwala nila’y itinuring ng Diyos na kabilang sa isang relihiyon o grupo, natukoy na Niya na hindi sila maliligtas. Bakit Ko sinasabi ito? Sa isang pangkat o grupo ng mga taong walang gawain at paggabay ng Diyos, at na hindi sumasamba sa Kanya ni bahagya, sinong sinasamba nila? Sino ang sinusunod nila? Sa anyo at sa pangalan, sinusunod nila ang isang tao, ngunit sino ba ang talagang sinusunod nila? Sa kanilang mga puso, kinikilala nila ang Diyos, ngunit ang totoo, sila’y sumasailalim sa pagmamanipula, mga pagsasaayos at pagkontrol ng tao. Sumusunod sila kay Satanas, ang diyablo; sumusunod sila sa mga puwersang lumalaban sa Diyos at na mga kaaway Niya. Ililigtas ba ng Diyos ang kawan ng mga taong tulad nito? (Hindi.) Bakit hindi? Kaya ba nilang magsisi? (Hindi.) Hindi nila kayang magsisi. Iwinawagayway nila ang bandila ng pananampalataya, isinasagawa ang mga gawain ng tao, at pinatatakbo ang sarili nilang pamamahala, at sila’y sumasalungat sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ang kanilang pangwakas na kalalabasan ay ang pagiging kinasusuklaman at tinatanggihan ng Diyos; hindi Niya posibleng iligtas ang mga taong ito, hindi posibleng magsisi sila, nabihag na sila ni Satanas—sila’y lubusang nasa mga kamay ni Satanas.

Hinango mula sa “Tanging Kapag Namumuhay Ka sa Harapan ng Diyos sa Lahat ng Sandali Makalalakad Ka sa Landas ng Kaligtasan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kaugnay na Nilalaman