Mga salita tungkol sa pag-alam ng disposisyon at diwa ng Diyos

Abril 16, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang Diyos ay ang kung ano Siya at mayroon Siya ng kung ano ang mayroon Siya. Ang lahat ng ipinapahayag at ibinubunyag Niya ay kumakatawan sa diwa Niya at sa pagkakakilanlan Niya. Kung ano Siya at kung anong mayroon Siya, pati na rin ang diwa at pagkakakilanlan Niya, ay mga bagay na hindi maaaring palitan ng sinumang tao. Ang Kanyang disposisyon ay sumasaklaw sa Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan, kapanatagan sa sangkatauhan, poot sa sangkatauhan, at higit pa rito, ang lubos na pagkaunawa sa sangkatauhan. Gayunman, ang personalidad ng tao ay maaaring positibo, masigla, o manhid. Ang disposisyon ng Diyos ay nabibilang sa Tagapamahala ng lahat ng bagay at mga buhay na nilalang, sa Panginoon ng lahat ng nilikha. Kumakatawan ang disposisyon Niya sa karangalan, kapangyarihan, pagkamaharlika, kadakilaan, at higit sa lahat, sa kataas-taasang kapangyarihan. Ang disposisyon Niya ay ang sagisag ng awtoridad, ang sagisag ng lahat ng matuwid, ang sagisag ng lahat ng marikit at mabuti. Higit pa riyan, isa itong sagisag Niya na hindi maaaring[a] madaig o masalakay ng kadiliman at ng anumang puwersa ng kaaway, at sagisag rin Niya na hindi maaaring masaktan (ni hindi rin Siya nagpaparayang masaktan)[b] ng sinumang nilikha. Ang disposisyon Niya ang sagisag ng pinakamataas na kapangyarihan. Walang tao o mga tao na kaya o maaari na manggambala sa gawain Niya o disposisyon Niya. Ngunit ang personalidad ng tao ay isa lamang tanda ng bahagyang kalamangan ng tao sa hayop. Ang tao, sa kanyang sarili, ay walang awtoridad, walang kasarinlan, at walang kakayahang lampasan ang sarili, ngunit sa diwa niya ay isang nilalang na napapayukyok para sa awa ng lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay. Ang kagalakan ng Diyos ay dahil sa pag-iral at paglitaw ng pagkamakatuwiran at liwanag, dahil sa pagkawasak ng kadiliman at kasamaan. Nalulugod Siya sa pagdadala ng liwanag at ng isang mabuting buhay sa sangkatauhan; ang kagalakan Niya ay isang matuwid na kagalakan, isang sagisag ng pag-iral ng lahat ng bagay na positibo at, higit pa rito, isang sagisag ng pagkamapalad. Ang galit ng Diyos ay dahil sa pinsalang dulot ng pag-iral at panghihimasok ng kawalan ng katarungan sa sangkatauhan Niya, dahil sa pag-iral ng kasamaan at kadiliman, dahil sa pag-iral ng mga bagay na nagtataboy sa katotohanan, at higit pa, dahil sa pag-iral ng mga bagay na sumasalungat sa kung anong mabuti at maganda. Ang galit Niya ay sagisag na hindi na umiiral ang lahat ng bagay na negatibo at, higit pa riyan, isa itong sagisag ng kabanalan Niya. Ang kalungkutan Niya ay dahil sa sangkatauhan na mayroon sana Siyang pag-asa ngunit nahulog na sila sa kadiliman, sapagkat hindi umaabot sa mga inaasahan Niya ang gawaing ginagawa Niya sa tao, at sapagkat lahat sa sangkatauhang minamahal Niya ay hindi kayang makapamuhay sa liwanag. Nakakaramdam Siya ng kalungkutan para sa inosenteng sangkatauhan, para sa tapat ngunit mangmang na tao, at para sa taong mabuti ngunit sa kanyang sariling mga pananaw ay nagkukulang. Ang kalungkutan Niya ay sagisag ng kabutihan Niya at ng awa Niya, isang sagisag ng kagandahan at ng kabaitan. Ang kaligayahan Niya, mangyari pa, ay nagmumula sa pagkatalo ng mga kaaway Niya at pagkakamit ng mabuting pananampalataya ng tao. Higit pa riyan, umuusbong ito mula sa pagpapatalsik at pagkawasak ng lahat ng puwersa ng kaaway, at sapagkat tumatanggap ang sangkatauhan ng mabuti at mapayapang buhay. Hindi katulad ng kagalakan ng tao ang kaligayahan ng Diyos; sa halip, ito ay ang pakiramdam ng paglikom ng magagandang bunga, isang pakiramdam na higit pa sa kagalakan. Ang kasiyahan Niya ay sagisag ng paglaya ng sangkatauhan sa pagdurusa mula sa oras na ito, at isang tanda ng pagpasok ng sangkatauhan sa isang daigdig ng liwanag. Ang mga damdamin ng sangkatauhan, sa kabilang banda, ay umuusbong na lahat para sa kapakanan ng sarili niyang mga interes at hindi para sa pagkamakatuwiran, liwanag, o kung ano ang maganda, at higit sa lahat, hindi para sa biyayang ipinagkaloob ng Langit. Ang mga damdamin ng sangkatauhan ay makasarili at nabibilang sa daigdig ng kadiliman. Hindi sila umiiral para sa kapakanan ng kalooban, lalong hindi para sa plano ng Diyos, at kaya ang tao at Diyos ay hindi kailanman maaaring pag-usapan nang magkasabay. Ang Diyos ay walang hanggang kataas-taasan at marangal kailanman, samantalang ang tao ay hamak magpakailanman at walang halaga hanggang sa walang katapusan. Ito ay sapagkat ang Diyos ay walang hanggang gumagawa ng mga sakripisyo at nag-uukol ng sarili Niya para sa sangkatauhan; ang tao, gayunman, ay walang hanggang nangunguha at nagsisikap para lamang sa sarili niya. Ang Diyos ay walang katapusan ang pagpapakahirap para makaligtas ang sangkatauhan, gayon pa man, ang tao ay hindi kailanman nag-aambag ng anumang bagay para sa kapakanan ng liwanag o para sa pagkamakatuwiran. Kahit na magsikap ang tao sa maikling panahon, hindi nito makakayanan ang isang dagok, dahil ang pagsisikap ng tao ay palaging para sa sarili niyang kapakanan at hindi para sa iba. Palaging makasarili ang tao, samantalang ang Diyos ay hindi makasarili magpakailanman. Ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng makatarungan, mabuti, at maganda, habang ang tao ay ang siyang nagtatagumpay at nagpapamalas ng lahat ng kapangitan at kasamaan. Hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang diwa ng pagkamakatuwiran at kagandahan Niya, gayon pa man, ang tao ay ganap na may kakayahan, sa anumang oras at sa anumang kalagayan, na ipagkanulo ang pagkamakatuwiran at lumayo mula sa Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos

Ako ay matuwid, Ako ay matapat, at Ako ang Diyos na sumusuri sa kaibuturan ng puso ng tao! Ibubunyag Ko agad kung sino ang totoo at kung sino ang huwad. Huwag kang mangamba, lahat ng bagay ay kumikilos ayon sa Aking oras. Sino ang tunay na naghahangad sa Akin, sino ang hindi—sasabihin Ko sa inyo, isa-isa. Siguraduhin lamang ninyong kumain nang mabuti, uminom nang mabuti, at lumapit sa Akin kapag kayo ay nasa presensya Ko, at Ako Mismo ang gagawa ng Aking gawain. Huwag kayong labis na masabik sa mga agarang resulta; ang Aking gawain ay hindi isang bagay na maisasagawa agad-agad. Nakapaloob dito ang Aking mga hakbang at ang Aking karunungan, at iyan ang dahilan kung kaya mabubunyag ang Aking karunungan. Hahayaan Ko kayong makita kung ano ang ginagawa ng Aking mga kamay—ang pagpaparusa sa kasamaan at paggantimpala sa kabutihan. Ako ay talagang walang pinapaboran na kahit na sino. Ikaw na tapat na nagmamahal sa Akin, tapat Kitang mamahalin, at yaon namang mga hindi tapat na nagmamahal sa Akin, ang Aking poot ay mamamalagi magpakailanman sa kanila, upang maalala nila magpakailanman na Ako ang tunay na Diyos, ang Diyos na sumusuri sa kaibuturan ng puso ng tao. Huwag kang kumilos ng isang paraan kapag kaharap ang kapwa ngunit ibang paraan kapag nakatalikod sila; malinaw Kong nakikita ang lahat ng ginagawa mo, at kahit malinlang mo ang iba, hindi mo Ako malilinlang. Malinaw Kong nakikita iyong lahat. Hindi posibleng maitago mo ang anumang bagay; ang lahat ay nasa Aking mga kamay. Huwag mong isiping napakatalino mo dahil nagagawa mong makinabang mula sa mga munti mong pagmamanipula. Sinasabi Ko sa iyo: gaano man karaming plano ang gawin ng tao, libo-libo man o sampu-sampung libo, sa huli ay hindi sila makatatakas mula sa Aking palad. Lahat ng bagay ay kontrolado ng Aking mga kamay, lalo naman ang isang tao! Huwag mo Akong subukang iwasan o pagtaguan, huwag mong subukang manlinlang o magtago. Maaari kayang hindi mo pa rin nakikita na ang Aking maluwalhating mukha, ang Aking poot at Aking paghatol, ay naibunyag na sa madla? Sinumang hindi nagnanais sa Akin nang tapat, agad at walang-awa Ko silang hahatulan. Ang Aking awa ay umabot na sa sukdulan; wala nang natitira pa roon. Huwag na kayong maging mga paimbabaw, at itigil na ninyo ang inyong mga gawing mararahas at pabaya.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 44

Naninindigan Ako sa Aking salita, at tinatapos Ko palagi ang Aking pinaninindigan, at hindi ito mababago ng sinuman—ito ay ganap. Kung ito man ang nasabi Ko na sa nakaraan o kung ano ang sasabihin Ko sa hinaharap, lahat ay pangyayarihin Ko, paisa-isa, at pahihintulutan ang buong sangkatauhan na makita ang mga ito na magkatotoo. Ito ang prinsipyo sa likod ng Aking mga salita at gawain. … Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay? Anumang Aking sinasabi ay nangyayari, at sino sa mga tao ang makapagpapabago sa Aking isipan? Maaari kayang ito ang tipan na ginawa Ko sa lupa? Walang makahahadlang sa pagsulong ng Aking plano; Ako ay palaging naroroon sa Aking gawain gayundin sa plano ng Aking pamamahala. Sino sa mga tao ang maaaring makialam? Hindi ba’t Ako ang personal na gumawa ng mga pagsasaayos na ito? Ang pagpasok sa kalagayang ito ngayon ay hindi pa rin lumilihis mula sa Aking plano o kung ano ang Aking patiunang nakita; ito ay itinakda Ko nang lahat noon pa. Sino sa inyo ang maaaring makatarok sa hakbang na ito ng Aking plano? Ang Aking bayan ay may katiyakang makikinig sa Aking tinig, at ang bawat isa sa mga yaon na totoong nagmamahal sa Akin ay tiyak na magbabalik sa harapan ng Aking trono.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1

Ako ay isang apoy na tumutupok sa lahat at hindi Ko kinukunsinti ang pagkakasala. Dahil Ako ang lumikha sa lahat ng mga tao, anuman ang sabihin at gawin Ko, kailangan silang sumunod, at hindi sila maaaring maghimagsik. Walang karapatan ang mga tao na makialam sa Aking gawain, at lalong hindi sila karapat-dapat na suriin kung ano ang tama o mali sa Aking gawain at sa Aking mga salita. Ako ang Panginoon ng paglikha, at dapat makamit ng mga nilalang ang lahat ng hinihiling Ko nang may pusong may paggalang sa Akin; hindi nila dapat subukang mangatwiran sa Akin, at lalo nang hindi sila dapat lumaban. Pinamamahalaan Ko ang Aking mga tao gamit ang Aking awtoridad, at lahat niyaong bahagi ng Aking paglikha ay dapat magpasakop sa Aking awtoridad. Bagama’t ngayon ay matapang at mapangahas kayo sa Aking harapan, bagama’t sinusuway ninyo ang mga salitang itinuturo Ko sa inyo at wala kayong kinatatakutan, tinutugunan Ko lamang ng pagpaparaya ang inyong pagkasuwail; hindi Ako mawawalan ng pagtitimpi at hindi Ko aapektuhan ang Aking gawain nang dahil sa ikinalat ng maliliit, walang-halagang mga uod ang dumi sa bunton ng dumi ng hayop. Tinitiis Ko ang patuloy na pag-iral ng lahat ng Aking kinamumuhian at lahat ng bagay na Aking kinasusuklaman alang-alang sa kalooban ng Aking Ama, at gagawin Ko iyon hanggang sa matapos ang Aking mga pahayag, hanggang sa kahuli-hulihan Kong sandali.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag ang mga Dahong Nalalaglag ay Bumalik sa mga Ugat Nito, Pagsisisihan Mo ang Lahat ng Kasamaang Nagawa Mo

Yamang gumawa ka na ng mga resolusyon na paglingkuran Ako, hindi kita pakakawalan. Isa Akong Diyos na kinapopootan ang kasamaan, at isa Akong Diyos na naninibugho sa sangkatauhan. Yamang nailagay mo na ang mga salita mo sa dambana, hindi Ko kukunsintihin ang pagtakbo mo sa mismong harap ng mga mata Ko, ni hindi Ko kukunsintihin na naglilingkod ka sa dalawang panginoon. Inisip mo bang maaari kang magkaroon ng pangalawang pagmamahal matapos mong mailagay na ang mga salita mo sa dambana Ko at sa harap ng mga mata Ko? Paano Ko mapapayagan ang mga tao na gawin Akong isang hangal sa gayong paraan? Inisip mo bang maaari kang basta-basta gumawa ng mga panata at mga panunumpa sa Akin gamit ang dila mo? Paano ka nakagagawa ng mga panunumpa sa trono Ko, ang trono Ko na Siyang Kataas-taasan? Inisip mo bang lumipas na ang mga panunumpa mo? Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo: Kahit pa maaaring pumanaw ang mga laman ninyo, ang mga panunumpa ninyo ay hindi. Sa katapusan, parurusahan Ko kayo batay sa mga panunumpa ninyo. Gayunman, naniniwala kayong magagawa ninyong makitungo sa Akin sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salita ninyo sa harap Ko, at na makapaglilingkod sa maruruming espiritu at masasamang espiritu ang mga puso ninyo. Paano makapagpaparaya ang galit Ko sa kanila na malaaso at malababoy na mga taong dinaraya Ako? Dapat Kong isakatuparan ang mga atas administratibo Ko, at agawin pabalik mula sa mga kamay ng maruruming espiritu ang lahat ng labis na pormal at “relihiyoso” na mayroong pananampalataya sa Akin upang maaari silang “maghintay” sa Akin sa isang disiplinadong pamamaraan, maging Aking baka, maging Aking mga kabayo, at maging nasa awa ng Aking pagkakatay. Ipag-uutos Ko sa iyong ibalik ang dati mong determinasyon at muling paglingkuran Ako. Hindi Ako magpaparaya sa anumang nilikhang nanlilinlang sa Akin. Inisip mo bang maaari kang walang taros na gumawa ng mga hiling at magsinungaling sa harapan Ko? Inisip mo bang hindi Ko narinig o nakita ang mga salita at mga gawa mo? Paano mawawala sa paningin Ko ang mga salita at mga gawa mo? Paano Ko mapahihintulutan ang mga tao na linlangin Ako na katulad niyan?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!

Ako ang walang-katulad na Diyos Mismo at, higit pa, Ako ang kaisa-isang persona ng Diyos. Bukod pa roon, Ako, ang kabuuan ng katawang-tao, ang ganap na pagpapakita ng Diyos. Sinumang maglalakas-loob na hindi gumalang sa Akin, sinumang maglalakas-loob na magpakita ng paglaban sa kanilang mga mata, at sinumang maglalakas-loob na magsalita ng mga salita ng paglaban sa Akin ay tiyak na mamamatay mula sa Aking mga sumpa at poot (magkakaroon ng pagsumpa dahil sa Aking poot). At sinumang maglalakas-loob na hindi maging tapat o maging anak sa Akin, at sinumang maglalakas-loob na subukang manlinlang sa Akin ay tiyak na mamamatay sa Aking pagkamuhi. Ang Aking katuwiran, kamahalan at paghatol ay mananatili magpakailan pa man. Noong una, Ako ay mapagmahal at mahabagin, ngunit hindi ito ang disposisyon ng Aking ganap na pagka-Diyos; katuwiran, kamahalan at paghatol lamang ang bumubuo sa disposisyon Ko—ang ganap na Diyos Mismo. Noong Kapanahunan ng Biyaya, Ako ay mapagmahal at mahabagin. Dahil sa gawain na kailangan Kong tapusin, taglay Ko ang maibiging kabaitan at habag; ngunit pagkatapos, wala nang pangangailangan para sa mga ganoong bagay (at hindi na nagkaroon simula noon). Pawang katuwiran, kamahalan, at paghatol, at ito ang ganap na disposisyon ng Aking normal na pagkatao kasama ang Aking ganap na pagka-Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 79

Parurusahan Ko ang masama at gagantimpalaan ang mabuti, at ipatutupad Ko ang Aking katuwiran, at isasagawa Ko ang Aking paghatol. Gagamitin Ko ang Aking mga salita para isakatuparan ang lahat, na ipinaparanas sa lahat ng tao at lahat ng bagay ang Aking kamay na kumakastigo, at ipapakita Ko sa lahat ng tao ang Aking buong kaluwalhatian, ang Aking buong karunungan, at ang Aking buong kasaganaan. Walang taong mangangahas na tumindig para humatol, sapagkat sa Akin, lahat ng bagay ay isinasakatuparan; at dito, hayaang makita ng lahat ng tao ang Aking buong dangal, at matikman ang Aking buong tagumpay, sapagkat sa Akin lahat ng bagay ay namamalas. Mula rito, maaaring makita ang Aking dakilang kapangyarihan at Aking awtoridad. Walang mangangahas na magkasala sa Akin, at walang mangangahas na hadlangan Ako. Lahat ay nahahayag sa Akin. Sino ang mangangahas na magtago ng anuman? Tiyak na hindi Ko pakikitaan ng awa ang taong iyon! Kailangang tumanggap ng Aking matinding parusa ang mga walang hiyang iyon, at kailangang mawala sa Aking paningin ang hamak na mga taong iyon. Pamumunuan Ko sila gamit ang tungkod na bakal at gagamitin Ko ang Aking awtoridad para hatulan sila, na wala ni katiting na awa at hindi man lamang isinasaalang-alang ang kanilang damdamin, sapagkat Ako Mismo ang Diyos na walang emosyon at maringal at walang maaaring magkasala sa Akin. Dapat itong maunawaan at makita ng lahat, kung hindi ay pababagsakin at lilipulin Ko sila “nang walang dahilan o katwiran,” sapagkat pababagsakin ng Aking tungkod ang lahat ng nagkakasala sa Akin. Wala Akong pakialam kung alam man nila ang Aking mga atas administratibo; wala iyang halaga sa Akin, dahil hindi tinatanggap ng Aking persona ang pagkakasala ng sinuman. Ito ang dahilan kaya sinasabi na Ako ay isang leon; pinababagsak Ko ang sinumang Aking hipuin. Kaya nga sinasabi na kalapastanganan na ngayong sabihin na Ako ang Diyos na may habag at kagandahang-loob. Sa diwa, hindi Ako isang cordero, kundi isang leon. Walang nangangahas na magkasala sa Akin; sinumang magkasala sa Akin, parurusahan Ko ng kamatayan, agad-agad at nang walang awa!

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 120

Ang Aking tinig ay paghatol at poot; hindi Ko niluluwagan at pinapakitaan ng habag ang sinuman, sapagkat Ako ang matuwid na Diyos Mismo, at Ako ay napopoot; Ako ay nanununog, naglilinis, at nangwawasak. Sa Akin ay walang natatago o madamdamin, bagkus lahat ay bukas, matuwid, at walang kinikilingan. Dahil ang Aking mga panganay na anak ay kasama Ko na sa trono, namumuno sa lahat ng bansa at lahat ng bayan, yaong di-makatarungan at di-matuwid na mga bagay at mga tao ay sinisimulan nang mahatulan ngayon. Sisiyasatin Ko sila nang isa-isa, walang nilalagpasan at ibinubunyag sila nang ganap. Sapagkat ang Aking paghatol ay lubusan nang nabunyag at lubusan nang bukas, at wala Akong itinira ni anuman; itatapon Ko ang anumang hindi nakaayon sa Aking kalooban at hahayaan itong mapahamak nang walang-hanggan sa walang-hanggang kalaliman. Hahayaan Ko itong masunog doon nang walang-hanggan. Ito ang Aking katuwiran, at ito ang Aking pagkamatuwid. Walang sinumang makapagbabago nito, at lahat ay dapat na nasa ilalim ng Aking pamumuno.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 103

Matagal Ko nang nakitang malinaw ang sari-saring mga gawa ng masasamang espiritu. At ang mga taong ginamit ng mga masasamang espiritu (ang mga may maling hangarin, ang mga nag-iimbot sa laman o kayamanan, ang mga nagtataas sa kanilang mga sarili, ang mga nanggagambala sa iglesia, atbp.) ay nakita Ko na ring isa-isa. Huwag mong akalain na ang lahat ay tapos na sa sandaling napalayas na ang masasamang espiritu. Hayaan mong sabihin Ko sa iyo! Mula ngayon, isa-isa Kong aalisin ang mga taong ito at hindi na sila kailanman gagamitin! Ibig sabihin niyan, sinumang taong nagawang tiwali ng masasamang espiritu ay hindi Ko gagamitin, at palalayasin! Huwag isiping wala Akong pakiramdam! Alamin ito! Ako ang banal na Diyos, at hindi Ako mananahan sa isang maruming templo! Kinakasangkapan Ko lamang ang matatapat at marurunong na tao, na ganap na tapat sa Akin at maaaring maging maalalahanin sa Aking pasanin. Ito ay dahil Aking nauna nang itinalaga ang gayong mga tao, ang lubos na walang masasamang espiritu ang gumagawa sa kanila. Hayaan mong linawin Ko ang isang bagay: Mula ngayon, lahat ng walang gawain ng Banal na Espiritu ay may gawain ng masasamang espiritu. Hayaan mong ulit-ulitin Ko: Hindi Ko gusto ang kahit isang tao na may mga masasamang espiritu na gumagawa sa kanya. Silang lahat ay ihuhulog sa Hades kasama ng kanilang laman!

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 76

Ang hindi pagkunsinti ng Diyos sa pagkakasala ang Kanyang natatanging diwa; ang poot ng Diyos ang Kanyang natatanging disposisyon; ang kamaharlikahan ng Diyos ang Kanyang natatanging diwa. Ang prinsipyo sa likod ng galit ng Diyos ay ang pagpapakita ng Kanyang pagkakakilanlan at katayuan na Siya lamang ang nagtataglay. Hindi na kailangang sabihin pa na ang prinsipyong ito ay sagisag din ng diwa ng natatanging Diyos Mismo. Ang disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling likas na diwa. Hindi ito nababago ng paglipas ng panahon, o ng mga pagbabago man sa heograpikal na lokasyon. Ang Kanyang likas na disposisyon ay ang Kanyang tunay na diwa. Kanino man Niya iniuukol ang Kanyang ginagawa, hindi nagbabago ang Kanyang diwa at maging ang Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag ginagalit ng isang tao ang Diyos, yaong ipinadadala ng Diyos ay ang Kanyang likas na disposisyon; sa pagkakataong ito, ang prinsipyo sa likod ng Kanyang galit ay hindi nagbabago, gayundin ang Kanyang natatanging pagkakakilanlan at katayuan. Hindi Siya unti-unting nagagalit dahil sa isang pagbabago sa Kanyang diwa o dahil ang Kanyang disposisyon ay nagbunga ng iba’t ibang mga elemento, kundi dahil ang paglaban ng tao sa Kanya ay nakaaagrabyado sa Kanyang disposisyon. Ang lantarang pagpapagalit ng tao sa Diyos ay isang matinding hamon sa sariling pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Sa pananaw ng Diyos, kapag hinahamon Siya ng tao, kinakalaban Siya ng tao at sinusubok ang Kanyang galit. Kapag sinasalungat ng tao ang Diyos, kapag kinakalaban ng tao ang Diyos, kapag patuloy na sinusubok ng tao ang galit ng Diyos—at sa mga panahong iyon kung kailan laganap ang kasalanan—ang poot ng Diyos ay likas na magpapahayag at magpapakita. Samakatuwid, ang pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang poot ay isang simbolo na ang lahat ng puwersa ng kasamaan ay titigil sa pag-iral; isa itong simbolo na ang lahat ng kalabang puwersa ay wawasakin. Ito ang pagiging natatangi ng matuwid na disposisyon ng Diyos at ng Kanyang poot. Kapag hinahamon ang dangal at kabanalan ng Diyos, kapag ang mga makatarungang puwersa ay hinahadlangan at hindi nakikita ng tao, ipadadala ng Diyos ang Kanyang poot. Dahil sa diwa ng Diyos, lahat ng puwersang iyon sa mundo na kumakalaban sa Diyos, sumasalungat at nakikipagtalo sa Kanya ay masasama, tiwali at hindi makatarungan; ang mga ito ay nagmumula kay Satanas at nabibilang kay Satanas. Dahil makatarungan ang Diyos, at Siya ay liwanag at banal na walang-dungis, lahat ng bagay na masama, tiwali at kay Satanas ay maglalaho kapag pinakawalan na ang poot ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Ang pagbabago ng Diyos ng Kanyang mga intensyon sa mga mamamayan ng Ninive ay walang kasamang pag-aalinlangan o anumang hindi tiyak o malabo. Sa halip, isa itong pagbabago mula sa ganap na pagkagalit tungo sa ganap na pagpaparaya. Ito ay isang tunay na paghahayag ng diwa ng Diyos. Ang Diyos ay hindi kailanman nag-aalangan o nag-aatubili sa Kanyang mga kilos; ang mga prinsipyo at mga layunin sa likod ng Kanyang mga pagkilos ay malinaw at nakikita ng lahat, dalisay at walang kapintasan, lubos na walang mga daya o mga balakin na nakahalo sa loob. Sa madaling salita, walang nakahalong kadiliman o kasamaan sa diwa ng Diyos. Nagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive dahil ang kanilang masasamang gawa ay nakaabot na sa Kanyang paningin; noong panahong iyon, ang Kanyang galit ay nagmula sa Kanyang diwa. Ngunit, nang mawala na ang galit ng Diyos at minsan pa ay Kanyang ipinagkaloob ang pagpaparaya sa mga taga-Ninive, lahat ng Kanyang ipinahayag ay ang Kanya pa ring Sariling diwa. Ang kabuuan ng pagbabagong ito ay dahil sa pagbabago sa pag-uugali ng tao tungo sa Diyos. Sa loob ng buong panahong ito, ang hindi naagrabyadong disposisyon ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagparayang diwa ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagmahal at maawaing diwa ng Diyos ay hindi nagbago. Kapag nakagawa ng masasamang gawa ang mga tao at nagkasala sa Diyos, ipadadala Niya ang Kanyang galit sa kanila. Kapag tunay na nagsisi ang mga tao, magbabago ang puso ng Diyos, at huhupa ang Kanyang galit. Kapag nagpatuloy ang mga tao sa pagmamatigas na paglaban sa Diyos, ang Kanyang matinding galit ay hindi mapipigil; ang Kanyang poot ay unti-unting ididiin sa kanila hanggang sa sila ay mawasak. Ito ang diwa ng disposisyon ng Diyos. Nagpapahayag man ang Diyos ng poot o awa at kagandahang-loob, ang asal, pag-uugali at saloobin ng tao para sa Diyos na nagmumula sa kalaliman ng kanyang puso ang magdidikta ng kung ano ang ipinahahayag sa pamamagitan ng paghahayag ng disposisyon ng Diyos. Kung patuloy na isasailalim ng Diyos ang isang tao sa Kanyang galit, walang dudang kinakalaban ng puso ng taong ito ang Diyos. Dahil ang taong ito ay hindi kailanman tunay na nagsisi, hindi nagpakumbaba sa harap ng Diyos o nagtaglay ng tunay na paniniwala sa Diyos, hindi niya kailanman nakamit ang awa at pagpaparaya ng Diyos. Kapag ang isang tao ay madalas makatanggap ng pagkalinga ng Diyos, ng Kanyang awa, ng Kanyang pagpaparaya, walang dudang ang taong ito ay may tunay na paniniwala sa Diyos sa kanyang puso, at hindi kinakalaban ng kanyang puso ang Diyos. Madalas nagsisisi ang taong ito sa harap ng Diyos; samakatuwid, kahit na madalas bumababa sa taong ito ang pagdidisiplina ng Diyos, ang Kanyang poot ay hindi bababa.

Ang maikling kwentong ito ay nagpapahintulot sa mga tao na makita ang puso ng Diyos, makita ang pagiging totoo ng Kanyang diwa, makita na ang Kanyang galit at ang mga pagbabago sa Kanyang puso ay may dahilan. Sa kabila ng malinaw na pagkakaiba na ipinakita ng Diyos nang Siya ay puno ng poot at nang baguhin Niya ang Kanyang puso, bagay na nagpaniwala sa mga tao na parang may malaking puwang o pagkakaiba sa pagitan ng dalawang aspetong ito ng diwa ng Diyos—ang Kanyang galit at ang Kanyang pagpaparaya—ang saloobin ng Diyos tungo sa pagsisisi ng mga taga-Ninive ay muling nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makita ang isa pang bahagi ng tunay na disposisyon ng Diyos. Ang pagbabago ng puso ng Diyos ay tunay na nagbibigay ng pagkakataon sa sangkatauhan na makitang muli ang pagiging totoo ng awa at kagandahang-loob ng Diyos at upang makita ang tunay na paghahayag ng diwa ng Diyos. Ngunit kailangan ng sangkatauhan na kilalanin na ang awa at kagandahang-loob ng Diyos ay hindi mga kathang-isip, ni mga gawa-gawa lamang. Ito ay dahil totoo ang nararamdaman ng Diyos sa pagkakataon na iyon, ang pagbabago ng puso ng Diyos ay totoo—tunay nga na minsan pang ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Ang mga sumusunod ay nakatala sa Aklat ni Jonas 4:10–11: “At sinabi ni Jehova, Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga Ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawampung libong katao na hindi marunong magmuni-muni ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?” Ang mga ito ang aktuwal na sinabi ng Diyos na si Jehova, naitala mula sa pag-uusap sa pagitan Niya at ni Jonas. Bagaman ang pag-uusap na ito ay maigsi lamang, ito ay puno ng pagkalinga ng Lumikha sa sangkatauhan at ng Kanyang pag-aatubili na bitawan ito. Ang mga salitang ito ay nagpapahayag ng tunay na saloobin at mga nararamdaman ng Diyos sa Kanyang puso para sa Kanyang sangnilikha. Sa pamamagitan ng mga salitang ito na malinaw at tiyak, na ang katulad ay madalang marinig ng tao, ay inilalahad ng Diyos ang Kanyang tunay na intensyon para sa sangkatauhan. Ang palitan na ito ay kumakatawan sa saloobin na taglay ng Diyos sa mga mamamayan ng Ninive—ngunit anong uri ng saloobin ito? Ito ang saloobin na Kanyang taglay sa mga taga-Ninive bago at pagkatapos ng kanilang pagsisisi at ang saloobin na ipinampapakitungo Niya sa sangkatauhan. Nasa loob ng mga salitang ito ang Kanyang mga kaisipan at Kanyang disposisyon.

…………

Kahit na ang lungsod ng Ninive ay puno ng mga taong tiwali, masama at marahas katulad ng sa Sodoma, ang kanilang pagsisisi ang nagdulot sa Diyos na baguhin ang Kanyang puso at magpasya na hindi na sila wasakin. Dahil ang kanilang pagtugon sa mga salita at tagubilin ng Diyos ay nagpakita ng saloobing malinaw na kabaligtaran ng sa mga mamamayan ng Sodoma, at dahil sa kanilang tapat na pagpapasakop sa Diyos at tapat na pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, gayon din sa kanilang tunay at matapat na pag-uugali sa lahat ng pagkakataon, minsan pa ay ipinakita ng Diyos ang Kanyang taos-pusong awa at ipinagkaloob ito sa kanila. Ang ipinagkakaloob ng Diyos at ang Kanyang pagkahabag sa sangkatauhan ay imposibleng magaya ninuman; imposibleng taglayin ninuman ang awa o pagpaparaya ng Diyos, maging ang Kanyang tapat na damdamin sa sangkatauhan. Mayroon bang sinuman na ipinapalagay mong dakilang lalaki o babae, o maging isang makapangyarihang tao, na mula sa isang mataas na kinalalagyan ay nagsasalita bilang isang dakilang lalaki o babae, o sa pinakamataas na kalagayan ay makapangungusap ng ganitong uri sa sangkatauhan o sa sangnilikha? Sino sa sangkatauhan ang makaaalam ng kundisyon ng pag-iral ng sangkatauhan na tulad ng palad ng kanilang mga kamay? Sino ang makapagdadala ng pasanin at pananagutan para sa pag-iral ng sangkatauhan? Sino ang nararapat magproklama ng pagkawasak ng isang lungsod? At sino ang nararapat magpatawad sa isang lungsod? Sino ang makapagsasabi na minamahal nila ang kanilang sariling nilikha? Tanging ang Lumikha! Tanging ang Lumikha ang may paggiliw sa sangkatauhang ito. Tanging ang Lumikha ang nagpapakita ng pagkahabag at pagmamahal sa sangkatauhang ito. Tanging ang Lumikha ang may tunay at hindi napapatid na pagmamahal para sa sangkatauhan. Gayundin, tanging ang Lumikha ang makapagkakaloob ng awa sa sangkatauhang ito at umiibig sa Kanyang buong sangnilikha. Lumulundag at sumasakit ang Kanyang puso sa bawat isa sa mga kilos ng tao: Siya ay nagagalit, nababalisa, at nagdadalamhati sa kasamaan at katiwalian ng tao. Siya ay nalulugod, nagagalak, nagpapatawad at nagsasaya sa pagsisisi at paniniwala ng tao; ang bawat isa sa Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay umiiral at umiikot para sa sangkatauhan; kung ano Siya at kung anong mayroon Siya ay lubos na ipinahahayag para sa kapakanan ng sangkatauhan; ang kabuuan ng Kanyang mga damdamin ay nakaugnay sa pag-iral ng sangkatauhan. Para sa kapakanan ng sangkatauhan, naglalakbay Siya at nagmamadali; tahimik Niyang ibinibigay ang bawat himaymay ng Kanyang buhay; iniaalay Niya ang bawat minuto at segundo ng Kanyang buhay…. Hindi Niya kailanman nalaman kung paano kaawaan ang Kanyang sariling buhay, ngunit lagi Niyang kinaaawaan at minamahal ang sangkatauhan na Siya Mismo ang lumikha…. Ibinibigay Niya ang lahat ng mayroon Siya para sa sangkatauhang ito…. Iginagawad Niya ang Kanyang awa at pagpaparaya nang walang kundisyon at walang inaasahang kapalit. Ginagawa lamang Niya ito upang patuloy na manatili ang sangkatauhan sa Kanyang harapan, na tinatanggap ang Kanyang bigay na buhay; ginagawa lamang Niya ito upang balang araw ay magpasakop sa Kanya ang sangkatauhan at kilalanin na Siya ang nag-aalaga sa pag-iral ng tao at nagbibigay ng buhay ng buong sangnilikha.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

“Ang kabanalan ng Diyos” ay nangangahulugan na ang diwa ng Diyos ay walang kapintasan, na ang pagmamahal ng Diyos ay mapagparaya, na ang lahat ng ibinibigay ng Diyos sa tao ay mapagparaya; at ang kabanalan ng Diyos ay walang dungis at di-mapupulaan. Ang mga aspetong ito ng diwa ng Diyos ay hindi lamang ang mga salita na ginagamit Niya upang ipagmalaki ang Kanyang kalagayan, sa halip ginagamit ng Diyos ang Kanyang diwa upang pakitunguhan nang lihim at tapat ang bawat isang tao. Sa madaling salita, ang diwa ng Diyos ay hindi hungkag, ni hindi rin ito panteorya o pangdoktrina at tiyak na hindi isang uri ng kaalaman. Hindi ito isang uri ng edukasyon para sa tao; sa halip ay siyang tunay na pahayag ng sariling mga kilos ng Diyos at ang ibinunyag na diwa kung anong mayroon at kung ano ang Diyos.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI

Ang katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos ay ang sariling katawang-tao ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ang pinakamataas; Siya ay makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Gayon din, ang Kanyang katawang-tao ay pinakamataas, makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Ang magagawa lamang ng katawang-taong ito ay yaong matuwid at makakabuti sa sangkatauhan, yaong banal, maluwalhati, at makapangyarihan; wala Siyang kakayahang gumawa ng anumang bagay na labag sa katotohanan, na labag sa moralidad at katarungan, at lalong wala Siyang kakayahang gumawa ng anuman na magkakanulo sa Espiritu ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ay banal, at sa gayon ay hindi magagawang tiwali ni Satanas ang Kanyang katawang-tao; ang Kanyang katawang-tao ay naiiba ang diwa kaysa laman ng tao. Sapagkat ang tao, hindi ang Diyos, ang siyang ginawang tiwali ni Satanas; hindi posibleng magawang tiwali ni Satanas ang katawang-tao ng Diyos. Kaya, sa kabila ng katunayan na iisa ang espasyong tinitirhan ng tao at ni Cristo, ang tao lamang ang sinasapian, kinakasangkapan, at binibitag ni Satanas. Sa kabaligtaran, si Cristo ay hindi tinatablan ng katiwalian ni Satanas magpakailanman, dahil hindi magkakaroon ng kakayahan si Satanas kailanman na umakyat sa kataas-taasang lugar, at hindi magagawang lumapit sa Diyos kailanman. Ngayon, dapat ninyong maunawaang lahat na ang sangkatauhan lamang, na nagawa nang tiwali ni Satanas, ang siyang nagkakanulo sa Akin. Hindi magiging problema na masangkot si Cristo kahit paano sa pagkakanulo.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2

Hindi nagtataglay ang Diyos Mismo ng mga sangkap ng pagsuway; mabuti ang Kanyang diwa. Siya ang pagpapahayag ng lahat ng kagandahan at kabutihan, gayundin ng lahat ng pagmamahal. Kahit sa katawang-tao, hindi gumagawa ang Diyos ng anumang sumusuway sa Diyos Ama. Maging kabayaran man ang paghahain ng Kanyang buhay, buong puso Siyang handa na gawin ito, at wala na Siyang ibang pipiliin. Hindi nagtataglay ang Diyos ng mga sangkap ng pagmamagaling o pagpapahalaga sa sarili, o yaong sa kapalaluan at pagmamataas; hindi Siya nagtataglay ng mga sangkap ng kabuktutan. Nagmumula kay Satanas ang lahat-lahat ng sumusuway sa Diyos; si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng kapangitan at kabuktutan. Ang dahilan ng pagkakaroon ng tao ng mga katangiang kahalintulad ng kay Satanas ay dahil nagawa nang tiwali at nilinang na ni Satanas ang tao. Hindi nagawang tiwali ni Satanas si Cristo, kaya’t ang mga katangian ng Diyos ang tangi Niyang inaangkin, at wala sa mga katangian ni Satanas.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ni Cristo ay ang Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Langit

Hindi ninyo makikita ang Diyos na humahawak ng mga pananaw sa mga bagay na gaya ng sa mga tao, at higit pa rito, hindi ninyo Siya makikitang gumagamit ng mga pananaw ng mga tao, ng kanilang kaalaman, ng kanilang siyensiya, o ng kanilang pilosopiya o ng imahinasyon upang pangasiwaan ang mga bagay. Sa halip, ang lahat ng ginagawa ng Diyos at ang lahat ng Kanyang ibinubunyag ay may kaugnayan sa katotohanan. Iyon ay, bawat salitang sinabi Niya at bawat kilos na Kanyang ginawa ay may kaugnayan sa katotohanan. Ang katotohanang ito ay hindi nagmula sa walang-basehang pantasya; ang katotohanang ito at mga salitang ito ay naipapahayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang diwa at Kanyang buhay. Dahil ang mga salitang ito at ang diwa ng lahat ng ginawa ng Diyos ay katotohanan, maaari nating sabihin na ang diwa ng Diyos ay banal. Sa madaling sabi, ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay nagbibigay ng sigla at liwanag sa mga tao, nagbibigay lakas sa mga tao na makita ang mga positibong bagay at ang realidad ng mga positibong bagay na iyon, at itinuturo ang paraan sa sangkatauhan upang lumakad sila sa tamang daan. Ang mga bagay na ito ay pinagpapasyahan ng diwa ng Diyos at ng diwa ng Kanyang kabanalan.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V

Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan; nagawa man silang tiwali o sumusunod sa Kanya, itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang mga pinakaitinatangi Niyang minamahal—o gaya ng sinasabi ng mga tao, ang mga taong pinakamahalaga sa Kanya—at hindi bilang mga laruan Niya. Bagama’t sinasabi ng Diyos na Siya ang Lumikha at ang tao ay Kanyang nilikha, na para bang may kaunting pagkakaiba sa katayuan, ang realidad ay lahat ng nagawa ng Diyos para sa sangkatauhan ay sobra-sobra para sa ganitong kalikasan ng relasyon. Mahal ng Diyos ang sangkatauhan, inaalagaan ang sangkatauhan, at nagpapakita ng malasakit para sa sangkatauhan, gayundin ay patuloy at walang-tigil na naglalaan para sa sangkatauhan. Hindi Niya kailanman nararamdaman sa Kanyang puso na ito ay karagdagang gawain o bagay na karapat-dapat bigyan ng malaking parangal. Ni hindi rin Niya nararamdaman na ang pagliligtas sa sangkatauhan, pagtutustos sa kanila, at pagbibigay sa kanila ng lahat ng bagay, ay pagbibigay ng napakalaking ambag sa sangkatauhan. Tahimik at walang-imik lamang Siyang naglalaan para sa sangkatauhan, sa sarili Niyang paraan at sa pamamagitan ng sarili Niyang diwa at kung anong mayroon at kung ano Siya. Gaano man karami ang paglalaan at gaano man karaming tulong ang natatanggap ng sangkatauhan mula sa Kanya, hindi kailanman iniisip o sinusubukan ng Diyos na mabigyan ng pagkilala. Ito ay itinatakda ng diwa ng Diyos, at tiyak rin na isa itong tunay na pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

“At iginawa ng Diyos na si Jehova si Adan at ang kaniyang asawa ng mga kasuutang balat at sila’y dinamitan.” Sa tagpong ito, anong uri ng papel ang nakikita nating ginampanan ng Diyos noong kasama Niya sina Adan at Eba? … Nilikha ng Diyos ang dalawang taong ito at itinuring silang mga kasama Niya. Bilang nag-iisa nilang kapamilya, inalagaan ng Diyos ang kanilang mga buhay at tinustusan ang mga pangangailangan nila sa pagkain, damit, at tirahan. Dito, nagpapakita ang Diyos bilang magulang nila Adan at Eba. Habang ginagawa ito ng Diyos, hindi nakikita ng tao kung gaano katayog ang Diyos; hindi niya nakikita ang kataas-taasang pangingibabaw ng Diyos, ang Kanyang pagiging mahiwaga, at lalo nang hindi ang Kanyang poot o kamahalan. Ang nakikita lamang niya ay ang pagpapakumbaba ng Diyos, ang Kanyang pagsuyo, ang Kanyang malasakit para sa tao at ang Kanyang pananagutan at paglingap para sa kanya. Ang saloobin at paraan ng pakikitungo ng Diyos kina Adan at Eba ay katulad ng pagpapakita ng malasakit ng mga magulang para sa kanilang mga anak. Ganito rin ang paraan ng pagmamahal, pagsubaybay, at pagmamalasakit ng mga magulang para sa kanilang mga sariling anak na lalaki at babae—totoo, nakikita, at konkreto. Sa halip na ilagay ang Sarili Niya sa isang mataas at makapangyarihan na katayuan, personal na ginamit ng Diyos ang mga balat upang gumawa ng damit para sa tao. Hindi mahalaga kung ang balabal na balahibong ito ay ginamit upang takpan ang kanilang kahinhinan o sanggahan sila mula sa lamig. Ang mahalaga ay itong damit na ginamit upang takpan ang katawan ng tao ay ginawa ng Diyos gamit ang sarili Niyang mga kamay. Sa halip na likhain ito na gamit lamang ang isip o mahimalang mga pamamaraan, gaya ng nasa imahinasyon ng mga tao na gagawin ng Diyos, lehitimong ginawa ng Diyos ang isang bagay na sa palagay ng tao ay hindi magagawa at hindi dapat gawin ng Diyos. Maaaring tila walang halaga ito—marahil sa palagay ng ilan ay hindi na nga dapat pang banggitin ito—ngunit hinahayaan nito ang lahat ng sumusunod sa Diyos na dati ay puno ng malalabong kaisipan tungkol sa Kanya na magkaroon ng kabatiran sa Kanyang pagiging totoo at kaibig-ibig, at upang makita ang Kanyang katapatan at kababaang-loob. Nagagawa nitong payukuin dahil sa hiya ang mapagmataas na ulo ng mga lubhang napakayabang na tao na nag-iisip na sila’y mataas at malakas sa harap ng pagiging totoo at pagpapakumbaba ng Diyos. Dito, nakatutulong pa ang pagiging totoo at pagpapakumbaba ng Diyos upang maipakita sa mga tao kung gaano Siya kaibig-ibig. Kasalungat nito, ang “napakalaking” Diyos, “kaibig-ibig” na Diyos, at Diyos na “makapangyarihan sa lahat” sa puso ng mga tao ay naging mababaw at pangit, at gumuguho sa pinakamagaan na paghipo.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Mayroong isang bagay sa diwa at disposisyon ng Diyos na napakadaling hindi mapansin, isang bagay na kung ano ang mayroon ang Diyos lamang at hindi ninumang tao, kasama yaong sa tingin ng iba ay mga dakilang tao, mabubuting tao, o ang Diyos ng kanilang imahinasyon. Ano ang bagay na ito? Ito ang pagiging hindi makasarili ng Diyos. Kapag nagsasalita tungkol sa pagiging hindi makasarili, maaaring isipin mong ikaw rin ay lubhang hindi makasarili, dahil pagdating sa iyong mga anak, hindi ka kailanman nakikipagbaratan o nakikipagtawaran sa kanila, o iniisip mong ikaw rin ay lubhang hindi makasarili pagdating sa iyong mga magulang. Ano man ang iyong palagay, kahit paano ay may konsepto ka sa salitang “hindi makasarili” at iniisip ito bilang isang positibong salita, at ang pagiging isang tao na hindi makasarili ay napakarangal. Kapag ikaw ay hindi makasarili, mataas ang tingin mo sa iyong sarili. Ngunit walang nakakakita sa pagiging hindi makasarili ng Diyos sa lahat ng bagay, sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay, at sa Kanyang gawain. Bakit ganoon ito? Dahil ang tao ay masyadong makasarili! Bakit Ko sinasabi iyon? Ang sangkatauhan ay nabubuhay sa isang materyal na mundo. Maaaring sumusunod ka sa Diyos, ngunit hindi mo kailanman nakikita o napahahalagahan ang paraan na ang Diyos ay nagtutustos sa iyo, nagmamahal, at nagpapakita ng malasakit para sa iyo. Kaya ano ang nakikita mo? Nakikita mo ang mga kamag-anak mo sa dugo na nagmamahal sa iyo o mapagpalayaw sa iyo. Nakikita mo ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa iyong laman, kinakalinga mo ang mga tao at mga bagay na mahal mo. Ito ang tinatawag na pagiging hindi makasarili ng tao. Ngunit ang mga ganitong “hindi makasariling” mga tao ay hindi kailanman nagbibigay-pansin sa Diyos na nagbibigay sa kanila ng buhay. Kung ihahambing iyan sa Diyos, ang pagiging hindi makasarili ng tao ay nagiging makasarili at kasuklam-suklam. Ang pagiging hindi makasarili na pinaniniwalaan ng tao ay hungkag at hindi makatotohanan, may halo, hindi tugma sa Diyos, at hindi kaugnay sa Diyos. Ang pagiging hindi makasarili ng tao ay para sa sarili niya, habang ang pagiging hindi makasarili ng Diyos ay isang tunay na pagbubunyag ng Kanyang diwa. Ang mismong dahilan nito ay ang pagiging hindi makasarili ng Diyos kaya patuloy Niyang tinutustusan ang tao. Maaaring hindi kayo gaanong apektado ng paksang tinatalakay Ko sa araw na ito at pawang tumatango lamang sa pagsang-ayon, ngunit kapag sinusubukan mong pahalagahan ang puso ng Diyos sa iyong puso, matutuklasan mo ito nang hindi sinasadya: Sa lahat ng tao, mga usapin, at mga bagay na nadarama mo sa mundong ito, tanging ang pagiging hindi makasarili ng Diyos ang totoo at tiyak, dahil ang pag-ibig lamang ng Diyos para sa iyo ang walang pasubali at walang dungis. Bukod sa Diyos, ang lahat ng anumang tinatawag na pagiging hindi makasarili ng sinuman ay pawang huwad, mababaw, hindi matapat; mayroon itong layunin, mga tanging hangarin, may kapalit, at hindi kakayaning dumaan sa pagsubok. Maaari ninyo pang sabihin na ito ay marumi at kasumpa-sumpa.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Maraming gabi na walang tulog ang tiniis ng Diyos para sa kapakanan ng gawain ng sangkatauhan. Mula sa kaitaasan hanggang sa pinakamababang kalaliman, bumaba na Siya sa buhay na impiyerno kung saan ang tao ay nabubuhay upang gugulin ang Kanyang mga araw kasama ang tao, hindi Siya kailanman nagreklamo sa panlilimahid ng tao, at hindi Niya kailanman sinisi ang tao dahil sa kanyang pagsuway, kundi tinitiis ang pinakamatinding kahihiyan habang personal Niyang isinasakatuparan ang Kanyang gawain. Paano kayang ang Diyos ay mabibilang sa impiyerno? Paano Niya magugugol ang Kanyang buhay sa impiyerno? Nguni’t para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, nang sa gayon ang buong sangkatauhan ay makasumpong ng kapahingahan sa mas lalong madaling panahon, tiniis Niya ang kahihiyan at nagdusa ng kawalang-katarungan upang makaparito sa lupa, at personal na pumasok sa “impiyerno” at “Hades,” sa yungib ng tigre, upang iligtas ang tao. Paanong kwalipikado ang tao na labanan ang Diyos? Anong dahilan ang mayroon siya upang magreklamo tungkol sa Diyos? Paano siya nagkakaroon ng lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Dumating sa pinakamaruming lupain ng kasamaan na ito ang Diyos ng langit, at hindi kailanman ibinulalas ang Kanyang mga hinaing, o nagreklamo tungkol sa tao, bagkus ay tahimik na tinatanggap ang mga pamiminsala[1] at pang-aapi ng tao. Hindi Siya kailanman gumanti sa di-makatwirang mga hinihingi ng tao, hindi Siya kailanman humingi nang labis sa tao, at hindi Siya kailanman gumawa ng di-makatwirang mga paghingi sa tao; ginagawa lamang Niya ang lahat ng gawain na kinakailangan ng tao nang walang reklamo: pagtuturo, pagliliwanag, pagsaway, pagpipino ng mga salita, pagpapaalala, panghihikayat, pang-aaliw, paghatol at paghahayag. Alin sa Kanyang mga hakbang ang hindi naging para sa buhay ng tao? Kahit naalis na Niya ang mga inaasam-asam at kapalaran ng tao, alin sa mga hakbang na isinakatuparan ng Diyos ang hindi para sa kapalaran ng tao? Alin sa mga iyon ang hindi para sa kapakanan ng pananatiling buhay ng tao? Alin sa mga iyon ang hindi para palayain ang tao mula sa paghihirap na ito at mula sa pang-aapi ng mga pwersa ng kadiliman na kasing-itim ng gabi? Alin sa mga iyon ang hindi para sa kapakanan ng tao? Sino ang maaaring makaunawa sa puso ng Diyos, na tulad ng sa isang mapagmahal na ina? Sino ang maaaring makaunawa sa sabik na puso ng Diyos?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 9

Nagpakumbaba na ang Diyos Mismo sa antas na ginagawa Niya ang Kanyang gawain sa marurumi at tiwaling mga taong ito, at pineperpekto ang grupong ito ng mga tao. Hindi lamang naging tao ang Diyos upang mamuhay at kumain sa gitna ng mga tao, gabayan ang mga tao, at tustusan ang pangangailangan ng mga tao. Ang higit na mahalaga ay ginagawa Niya ang Kanyang dakilang gawaing iligtas at lupigin ang mga taong ito na lubhang tiwali. Dumating Siya sa puso ng malaking pulang dragon upang iligtas ang pinakatiwaling mga taong ito, para lahat ng tao ay mabago at magawang bago. Ang napakalaking hirap na tinitiis ng Diyos ay hindi lamang ang hirap na tinitiis ng Diyos na nagkatawang-tao, kundi higit sa lahat ay dumaranas ng malaking kahihiyan ang Espiritu ng Diyos—Siya ay nagpapakumbaba at itinatago nang husto ang Kanyang Sarili kaya Siya nagiging isang karaniwang tao. Ang Diyos ay nagkatawang-tao at nag-anyong tao upang makita ng mga tao na mayroon Siyang isang normal na buhay ng tao at normal na mga pangangailangan ng tao. Sapat na ito upang patunayan na nagpakumbaba ang Diyos Mismo nang labis. Ang Espiritu ng Diyos ay natatanto sa katawang-tao. Ang Kanyang Espiritu ay napakataas at dakila, subalit nag-aanyo Siyang isang karaniwang tao, isang balewalang tao, upang gawin ang gawain ng Kanyang Espiritu. Ang kakayahan, kabatiran, diwa, pagiging tao, at buhay ng bawat isa sa inyo ay nagpapakita na hindi talaga kayo karapat-dapat na tumanggap ng ganitong uri ng gawain ng Diyos. Hindi talaga kayo karapat-dapat na hayaang magtiis ang Diyos ng gayong hirap para sa inyong kapakanan. Ang Diyos ay napakadakila. Siya ay lubhang kataas-taasan, at ang mga tao ay napakaaba, ngunit gumagawa pa rin Siya sa kanila. Hindi lamang Siya nagkatawang-tao upang magtustos para sa mga tao, upang magsalita sa mga tao, kundi namumuhay pa Siyang kasama ng mga tao. Masyadong mapagkumbaba ang Diyos, masyadong kaibig-ibig.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaon Lamang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto

Lahat ng ginagawa ng Diyos ay praktikal, wala Siyang ginagawang hungkag, at nararanasan Niya Mismong lahat iyon. Pinagbabayaran ng Diyos ang halaga ng Kanyang sariling karanasan ng pagdurusa kapalit ng isang hantungan para sa sangkatauhan. Hindi ba ito praktikal na gawain? Maaaring magbayad nang matindi ang mga magulang para sa kapakanan ng kanilang mga anak, at ito ay kumakatawan sa kanilang katapatan. Sa paggawa nito, ang Diyos na nagkatawang-tao, mangyari pa, ay nagpapakita ng lubos na kataimtiman at katapatan sa sangkatauhan. Ang diwa ng Diyos ay tapat; ginagawa Niya kung ano ang Kanyang sinasabi, at kung anuman ang Kanyang ginagawa ay nakakamit. Lahat ng Kanyang ginagawa para sa mga tao ay tapat. Hindi Siya basta bumibigkas; kapag sinabi Niyang babayaran Niya ang halaga, talagang binabayaran Niya ang halaga. Kapag sinabi Niyang babalikatin Niya ang pagdurusa ng sangkatauhan at Siya ang magdurusa sa halip na sila, talagang sumasama Siya upang mamuhay sa piling nila, personal na nadarama at nararanasan ang pagdurusang ito. Pagkatapos niyon, kikilalanin ng lahat ng bagay sa sansinukob na lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama at matuwid, na lahat ng ginagawa ng Diyos ay makatotohanan: Ito ay isang malaking katibayan. Bilang karagdagan, magkakaroon ng magandang hantungan ang sangkatauhan sa hinaharap, at lahat ng natira ay pupurihin ang Diyos; pararangalan nila na ang mga gawa ng Diyos ay talagang ginawa dahil sa pagmamahal Niya sa sangkatauhan. Mapagpakumbabang dumarating ang Diyos sa sangkatauhan, bilang isang pangkaraniwang tao. Hindi lamang Niya ginagampanan ang ilang gawain, binibigkas ang ilang pananalita, pagkatapos ay aalis; sa halip, tunay Siyang dumarating sa gitna ng mga tao at dinaranas ang pasakit ng sanlibutan. Aalis lamang Siya kapag natapos na Niyang danasin ang pasakit na ito. Ganito katotoo at praktikal ang gawain ng Diyos; ang lahat ng nananatili ay magpupuri sa Kanya dahil dito, at makikita nila ang katapatan ng Diyos sa tao at ang Kanyang kagandahang-loob. Ang diwa ng Diyos tungkol sa kagandahan at kabutihan ay maaaring makita sa kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao sa laman. Anumang ginagawa ng Diyos ay taos-puso; anuman ang Kanyang sinasabi ay masigasig at tapat. Ang bawat bagay na hinahangad Niyang gawin, aktuwal na ginagawa Niya ito, at kapag nagbabayad ng halaga, aktuwal Niyang binabayaran ito; hindi lamang Siya basta bumibigkas. Ang Diyos ay isang matuwid na Diyos; ang Diyos ay isang tapat na Diyos.

Hinango mula sa “Ang Ikalawang Aspeto ng Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Nang pumarito ang Diyos sa lupa, hindi Siya makamundo, at hindi Siya naging tao upang masiyahan sa mundo. Ang lugar kung saan ipapakita ng paggawa ang Kanyang disposisyon at magiging pinakamakahulugan ay ang lugar kung saan Siya isinilang. Banal man o marumi ang lupain, at saan man Siya gumagawa, Siya ay banal. Lahat ng bagay sa mundo ay nilikha Niya, bagama’t lahat ay nagawa nang tiwali ni Satanas. Gayunpaman, lahat ng bagay ay pag-aari pa rin Niya; nasa mga kamay Niya ang lahat ng iyon. Pumupunta Siya sa isang maruming lupain at gumagawa roon upang ihayag ang Kanyang kabanalan; ginagawa lamang Niya ito alang-alang sa Kanyang gawain, na ibig sabihin ay tinitiis Niya ang malaking kahihiyan upang gawin ang gayong gawain upang iligtas ang mga tao ng maruming lupaing ito. Ginagawa ito upang magpatotoo, para sa kapakanan ng buong sangkatauhan. Ang ipinapakita sa mga tao ng gayong gawain ay ang katuwiran ng Diyos, at mas naipapakita nito ang pangingibabaw ng Diyos. Ang Kanyang kadakilaan at pagkamatuwid ay nakikita sa pagliligtas ng isang grupo ng hamak na mga tao na nililibak ng iba. Ang maisilang sa isang maruming lupain ay ni hindi man lang nagpapatunay na Siya ay hamak; tinutulutan lamang nitong makita ng lahat ng nilikha ang Kanyang kadakilaan at Kanyang tunay na pagmamahal para sa sangkatauhan. Habang mas ginagawa Niya ito, mas inihahayag nito ang Kanyang dalisay na pagmamahal, ang Kanyang perpektong pagmamahal sa tao. Ang Diyos ay banal at matuwid. Kahit isinilang Siya sa isang maruming lupain, at kahit kapiling Niya sa buhay ang mga taong iyon na puno ng karumihan, gaya noong namuhay si Jesus sa piling ng mga makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ba ginawa ang Kanyang buong gawain upang manatiling buhay ang buong sangkatauhan? Hindi ba lahat ng iyon ay upang magtamo ng dakilang kaligtasan ang sangkatauhan? Dalawang libong taon na ang nakararaan, namuhay Siya sa piling ng mga makasalanan sa loob ng ilang taon. Iyon ay alang-alang sa pagtubos. Ngayon, namumuhay Siya sa piling ng isang grupo ng marurumi at hamak na mga tao. Ito ay alang-alang sa kaligtasan. Hindi ba para sa kapakanan ninyong mga tao ang Kanyang buong gawain? Kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya nabuhay at nagdusa kasama ng mga makasalanan sa loob ng napakaraming taon pagkatapos maisilang sa isang sabsaban? At kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya magbabalik sa katawang-tao sa ikalawang pagkakataon, isisilang sa lupaing ito kung saan nagtitipon ang mga demonyo, at mamumuhay sa piling ng mga taong ito na lubhang nagawang tiwali ni Satanas? Hindi ba tapat ang Diyos? Anong bahagi ng Kanyang gawain ang hindi naging para sa sangkatauhan? Anong bahagi ang hindi naging para sa inyong tadhana? Ang Diyos ay banal—hindi iyan mababago! Hindi Siya narungisan ng dumi, bagama’t pumunta Siya sa isang maruming lupain; lahat ng ito ay maaari lamang mangahulugan na ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan ay lubhang hindi makasarili at ang pagdurusa at kahihiyang Kanyang tinitiis ay napakatindi! Hindi ba ninyo alam kung gaano kalaking kahihiyan ang Kanyang dinaranas, para sa inyong lahat at para sa inyong tadhana? Sa halip na iligtas ang mga dakilang tao o ang mga anak ng mayaman at makapangyarihang mga pamilya, tinitiyak Niyang iligtas yaong mga hamak at minamaliit ng iba. Hindi ba lahat ng ito ay Kanyang kabanalan? Hindi ba lahat ng ito ay Kanyang katuwiran?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab

Kapag naunawaan mo ang kabanalan ng Diyos, magagawa mo na talagang maniwala sa Diyos; kapag naunawaan mo ang kabanalan ng Diyos, makikilala mo talaga ang totoong kahulugan ng mga salitang “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi.” Hindi ka na mag-iisip na may ibang mga daan maliban dito na maaari mong piliing lakaran, at hindi ka na handang pagtaksilan ang lahat ng bagay na isinaayos ng Diyos para sa iyo. Sapagkat ang diwa ng Diyos ay banal, nangangahulugan iyon na tanging sa pamamagitan ng Diyos makalalakad ka sa buhay sa makatuwirang daan ng liwanag; tanging sa pamamagitan ng Diyos mo malalaman ang kahulugan ng buhay, tanging sa pamamagitan ng Diyos na maisasabuhay mo ang totoong pagkatao at taglayin at makilala ang katotohanan. Tanging sa pamamagitan lamang ng Diyos maaari mong matanggap ang buhay mula sa katotohanan. Tanging ang Diyos Mismo ang makakatulong sa iyo na layuan ang kasamaan at iadya ka mula sa kapinsalaan at kontrol ni Satanas. Maliban sa Diyos, walang sinuman at walang anuman ang makakapagligtas sa iyo mula sa dagat ng paghihirap upang hindi ka na magdusa. Ito ay pinagpapasyahan ng diwa ng Diyos. Tanging ang Diyos Mismo ang magliligtas sa iyo nang walang pag-iimbot, tanging ang Diyos ang responsable sa bandang huli para sa iyong kinabukasan, para sa iyong tadhana at para sa iyong buhay, at isinasaayos Niya ang lahat ng bagay para sa iyo. Ito ay isang bagay na hindi matatamo ng nilalang o di-nilalang. Sapagkat walang nilalang o di-nilalang ang nagtataglay ng diwa ng Diyos, walang tao o bagay ang may kakayahan na iligtas ka o akayin ka. Ito ang kahalagahan ng diwa ng Diyos sa tao.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI

Mga Talababa:

1. Ang “mga pamiminsala” ay ginagamit upang ilantad ang pagsuway ng sangkatauhan.

a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “ito ay simbolo ng pagiging walang kakayahang maging.”

b. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “pati na rin bilang isang sagisag ng pagiging hindi nagagawang masaktan (at hindi nagpaparayang masaktan).”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman