Ang mga paraan kung saan pinakanaihahayag ang pagiging pinakamakapangyarihan sa lahat ng Diyos at ang Kanyang karunungan

Abril 16, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Mula nang sinimulan Niya ang paglikha sa lahat ng bagay, nagsimulang mahayag at mabunyag ang kapangyarihan ng Diyos, dahil gumamit ang Diyos ng mga salita para likhain ang lahat ng bagay. Kahit sa ano pa mang paraan Niya nilikha ang mga iyon, ano man ang dahilan kung bakit Niya nilikha ang mga iyon, ang lahat ng bagay ay nalikha at nanindigan at umiral dahil sa mga salita ng Diyos; ito ang natatanging awtoridad ng Lumikha. Noong panahon bago lumitaw ang sangkatauhan sa mundo, ginamit ng Lumikha ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad para likhain ang lahat ng bagay para sa sangkatauhan, at ginamit ang Kanyang mga natatanging pamamaraan para ihanda ang angkop na kapaligiran para sa pamumuhay ng sangkatauhan. Lahat ng Kanyang ginawa ay paghahanda para sa sangkatauhan, na hindi maglalaon ay tatanggap ng Kanyang hininga. Ibig sabihin, noong panahon bago nilikha ang sangkatauhan, naipakita ang awtoridad ng Diyos sa lahat ng nilalang na iba sa sangkatauhan, sa mga bagay na kasing laki ng kalangitan, ng mga tanglaw, ng mga karagatan, at ng kalupaan, at doon sa maliliit na hayop at mga ibon, gayon din sa lahat ng uri ng mga insekto at mikroorganismo, kasama na ang mga iba’t ibang mikrobyo na hindi nakikita ng mata. Binigyan ng buhay ang bawat isa sa pamamagitan ng mga salita ng Lumikha, lumaganap ang bawat isa dahil sa mga salita ng Lumikha, at namuhay ang bawat isa sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha dahil sa Kanyang mga salita. Kahit na hindi nila natanggap ang hininga ng Lumikha, ipinakita pa rin nila ang buhay at kasiglahan na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha sa pamamagitan ng kanilang mga iba’t ibang anyo at mga kayarian; kahit na hindi sila nakatanggap ng abilidad na makapagsalita na ibinigay sa sangkatauhan ng Lumikha, nakatanggap ang bawat isa ng paraan ng paghahayag ng kanilang buhay na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha, at naiiba sa wika ng tao. Ang awtoridad ng Lumikha ay hindi lamang nagbibigay ng kasiglahan ng buhay sa mga animo’y di-gumagalaw na mga materyal na bagay, para hindi sila kailanman maglaho, kundi nagbibigay rin ng likas na kaisipan sa bawat nabubuhay na manganak at magparami, para hindi sila maglalaho kailanman, at para, sa mga susunod na henerasyon, ipapasa nila ang ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha na mga batas at mga prinsipyo ng pananatiling buhay. Ang paraan kung paano ginagamit ng Lumikha ang Kanyang awtoridad ay hindi mahigpit na nakakapit sa malawak o malalim na pananaw, at hindi limitado sa anumang anyo; kaya Niyang pamahalaan ang pagtakbo ng sansinukob at hawakan ang kataas-taasang kapangyarihang sa pagkabuhay at pagkamatay ng lahat ng bagay, at, higit pa rito, kaya Niyang patakbuhin ang lahat ng bagay para sila’y magsilbi sa Kanya; kaya Niyang pamahalaan ang lahat ng ginagawa ng mga kabundukan, ilog, at lawa, at pagharian ang lahat ng bagay na nakapaloob sa kanila, at, higit pa rito, ay kaya Niyang ibigay kung ano ang kailangan ng lahat ng bagay. Ito ang pagpapamalas ng natatanging awtoridad ng Lumikha sa lahat ng bagay bukod sa sangkatauhan. Ang naturang pagpapamalas ay hindi lamang panghabambuhay; ito ay hindi kailanman hihinto, o magpapahinga, at hindi ito mababago o masisira ng sinumang tao o bagay, ni madaragdagan o mababawasan ng sinumang tao o bagay—dahil walang makakapalit sa pagkakakilanlan ng Lumikha, at, samakatuwid, hindi mapapalitan ng anumang nilikha ang awtoridad ng Lumikha; hindi ito naaabot ng anumang di-nilikha.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Bago nilikha ang sangkatauhang ito, umiiral na ang kosmos—ang lahat ng planeta at ang lahat ng bituin sa kalangitan. Sa malawakang antas, palagiang umiikot ang mga bagay na ito sa kalangitan, sa ilalim ng kontrol ng Diyos, sa kabuuan ng pag-iral ng mga ito, gaano man karami ang mga nagdaang taon. Kung anong planeta ang pupunta sa kung saan sa kung anong tiyak na oras; kung anong planeta ang gagawa ng kung anong gawain, at kailan; kung anong planeta ang iikot sa kung anong landas ng planeta, at kung kailan ito maglalaho o mapapalitan—lahat ng bagay na ito ay nagpapatuloy nang walang bahagya mang pagkakamali. Ang mga posisyon ng mga planeta at ang mga agwat sa pagitan ng mga ito ay sumusunod sa mahigpit na mga disenyo, na mailalarawang lahat ng tumpak na mga datos; ang mga landas na kanilang tinatahak, ang bilis at mga disenyo ng kanilang mga orbit, ang mga panahon na ang mga ito ay nasa iba’t ibang posisyon—ang lahat ng ito ay makakayang bilangin at ilarawan ng mga natatanging batas. Sa loob ng napakahabang panahon, sumunod ang mga planetang ito sa mga batas na ito, nang walang bahagya mang paglihis. Walang kapangyarihan ang may kakayahang baguhin o gambalain ang kanilang mga landas o ang mga disenyong kanilang sinusundan. Sapagkat naitadhana na ng awtoridad ng Lumikha ang natatanging mga batas na namamahala sa galaw ng mga ito at ang tumpak na mga datos na naglalarawan sa mga ito, kusang sinusunod ng mga ito ang mga batas na ito, sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Lumikha. Sa malawakang antas, hindi mahirap para sa tao ang matuklasan ang ilang disenyo, ilang datos, at ilang naiiba at di-maipaliwanag na mga batas o di-karaniwang kaganapan. Bagama’t hindi tinatanggap ng sangkatauhan na mayroong Diyos, o ang katunayan na ang Lumikha ang gumawa at may kapamahalaan sa lahat ng bagay, at bukod pa rito ay hindi kinikilala ang pag-iral ng awtoridad ng Lumikha, patuloy na higit pang natutuklasan ng mga siyentipiko, astronomo, at pisiko na ang pag-iral ng lahat ng bagay sa sansinukob, at ang mga prinsipyo at mga disenyo na nagtatakda ng kanilang mga pagkilos, ay pinamamahalaan at kinokontrol na lahat ng isang malawak at di-nakikitang madilim na enerhiya. Ang katotohanang ito ang pumipilit sa tao na harapin at kilalanin na may Isang Makapangyarihan sa gitna ng mga disenyong ito ng pagkilos, na nagsasaayos sa lahat ng bagay. Hindi pangkaraniwan ang Kanyang kapangyarihan, at bagama’t walang sinuman ang nakakakita sa Kanyang tunay na mukha, Siya ang namamahala at kumukontrol sa lahat ng bagay sa bawat saglit. Walang tao o lakas ang may kakayahang lumampas sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Dahil nahaharap sa ganitong katotohanan, dapat kilalanin ng tao na ang mga batas na namamahala sa pag-iral ng lahat ng bagay ay hindi makakayang kontrolin ng mga tao, hindi makakayang baguhin ninuman; dapat din niyang tanggapin na hindi makakayang ganap na unawain ng mga nilikhang tao ang mga batas na ito; at ang mga ito ay hindi likas na nangyayari, bagkus ay ipinag-uutos ng isang Kataas-taasang Kapangyarihan. Ang lahat ng ito ay pagpapahayag ng awtoridad ng Diyos na maaaring makita ng sangkatauhan sa malawakang antas.

Sa pangmaliitang antas, lahat ng bundok, ilog, lawa, dagat, at kalupaan na maaaring makita ng tao sa lupa, lahat ng nararanasan niyang panahon, lahat ng bagay na naninirahan sa mundo, kabilang na ang mga halaman, hayop, mikroorganismo, at mga tao, ay napaiilalim sa kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Diyos. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Diyos, lahat ng bagay ay nalilikha o naglalaho ayon sa Kanyang mga saloobin; lumilitaw ang mga batas na namamahala sa pag-iral ng mga ito, at lumalago at dumarami ang mga ito sa pagtalima sa mga batas na ito. Walang tao o bagay na hindi saklaw ng mga batas na ito. Bakit ganito? Ang tanging sagot ay ito: Ito ay dahil sa awtoridad ng Diyos. O, sa ibang salita, ito ay dahil sa mga saloobin ng Diyos at mga salita ng Diyos; dahil sa mga pansariling kilos ng Diyos Mismo. Nangangahulugan ito na ang awtoridad ng Diyos at isip ng Diyos ang pinagmumulan ng mga batas na ito na nag-iiba at nagbabago sang-ayon sa Kanyang mga saloobin, at ang mga pag-iiba at mga pagbabagong ito ay nagaganap o lumilipas na lahat alang-alang sa Kanyang plano.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

Pinanood ng Diyos na mabuo at di-matinag ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha dahil sa Kanyang mga salita, at unti-unting nagsimulang magbago. Sa sandaling ito, nasiyahan ba ang Diyos sa iba’t ibang mga bagay na Kanyang nagawa sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at sa iba’t ibang gawain na Kanyang naisakatuparan? Ang sagot ay “nakita ng Diyos na mabuti” ito. Ano ang nakikita ninyo rito? Ano ang tinutukoy ng “nakita ng Diyos na mabuti” ito? Ano ang sinisimbolo nito? Ibig sabihin nito ay may kapangyarihan at karunungan ang Diyos na tuparin ang Kanyang binalak at iniatas, para maisakatuparan ang mga mithiing Kanyang inilatag na makamit. Nang nakumpleto na ng Diyos ang bawat gawain, nakaramdam ba Siya ng pagsisisi? Ang sagot pa rin ay “nakita ng Diyos na mabuti” ito. Sa madaling salita, hindi lamang sa hindi Siya nagsisi, ngunit sa halip ay nasiyahan Siya. Ano ba ang ibig sabihin ng wala Siyang pagsisisi? Ang ibig sabihin nito ay perpekto ang plano ng Diyos, na perpekto ang Kanyang kapangyarihan at karunungan, at sa pamamagitan lamang ng Kanyang awtoridad na ang naturang pagkaperpekto ay matutupad. Kapag ang tao ay gumaganap ng isang gawain, makikita ba niya, tulad ng Diyos, na ito ay maganda? Ang lahat ng bagay ba na magagawa ng tao ay naaabot ang pagkaperpekto? Makukumpleto ba ng tao ang isang bagay nang minsanan at hanggang kawalang-hanggan? Tulad ng sinasabi ng tao, “walang perpekto, ang mayroon lamang ay pagpapabuti,” walang bagay na ginagawa ng tao na makakaabot sa pagkaperpekto. Nang nakita ng Diyos na ang lahat na Kanyang nagawa na at nakamtan ay mabuti, lahat ng ginawa ng Diyos ay itinalaga ng Kanyang mga salita, ibig sabihin, noong “nakita ng Diyos na mabuti” ito, ang lahat ng Kanyang nagawa ay naging permanente na ang anyo, pinagsama-sama ayon sa uri, at binigyan ng permanenteng posisyon, layunin, at tungkulin, nang minsanan hanggang sa kawalang-hanggan. Bukod dito, ang kanilang papel sa gitna ng lahat ng bagay, at ang paglalakbay na dapat nilang suungin sa panahon ng pamamahala ng Diyos sa lahat ng bagay, ay naitalaga na ng Diyos, at hindi na mababago. Ito ang batas ng kalangitan na ibinigay ng Lumikha sa lahat ng bagay.

“Nakita ng Diyos na mabuti” ito, ang simple at di-gaanong pinahahalagahang mga salitang ito, na kadalasang binabalewala, ay ang mga salita ng batas ng kalangitan at alituntunin ng kalangitang ibinigay sa lahat ng nilalang ng Diyos. Ang mga iyon ay isa pang pagsasakatawan ng awtoridad ng Lumikha, isang bagay na mas praktikal, at mas malalim. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, hindi lamang natamo ng Lumikha kung ano ang itinakda Niya na matamo, at nakamtan ang lahat ng itinakda Niyang makamtan, kundi mapipigilan din ng Kanyang mga kamay ang lahat ng Kanyang nilikha, at mapapagharian ang lahat ng bagay na Kanyang nagawa sa ilalim ng Kanyang awtoridad, at, dagdag pa rito, ang lahat ay sistematiko at regular. Ang lahat ng bagay rin ay lumaganap, umiral, at namatay sa pamamagitan ng Kanyang salita at, bukod diyan, umiral ang mga ito sa batas na Kanyang itinalaga sa pamamagitan ng Kanyang awtoridad, at walang hindi saklaw nito! Agad na nagsimula ang batas na ito sa mismong sandali na “nakita ng Diyos na mabuti” ito, at ito’y iiral, magpapatuloy, at gagana para sa kapakanan ng plano ng pamamahala ng Diyos hanggang sa araw na ipawawalang-bisa ito ng Lumikha! Ang natatanging awtoridad ng Lumikha ay hindi lamang naipapakita sa Kanyang kakayahang likhain ang lahat ng bagay at utusan ang lahat ng bagay na mabuo, kundi sa kakayahan din Niya na pamahalaan at hawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ipagkaloob ang lakas at kasiglahan sa lahat ng bagay, at, bukod pa rito, sa Kanyang kakayahang magsanhi, nang minsanan at magpasawalang-hanggan, sa lahat ng bagay na gagawin Niya sa Kanyang plano na lumitaw at umiral sa mundong ginawa Niya na may perpektong hugis, at perpektong kayarian ng buhay, at isang perpektong gagampanan. Gayundin, naipakita ito sa paraan na ang mga iniisip ng Lumikha ay hindi sumailalim sa anumang mga limitasyon, at di-limitado ng oras, espasyo, o heograpiya. Tulad ng Kanyang awtoridad, ang natatanging pagkakakilanlan ng Lumikha ay mananatiling di-nagbabago mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan. Ang Kanyang awtoridad ay laging magiging pagpapakita at sagisag ng Kanyang natatanging pagkakakilanlan, at ang Kanyang awtoridad ay iiral magpakailanman kaagapay ng Kanyang pagkakakilanlan!

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Matapos basahin ang “Si Abraham ay tunay na magiging isang bansang malaki at matibay, at pagpapalain sa kaniya ang lahat ng bansa sa lupa” sa Genesis 18:18, nararamdaman ba ninyo ang awtoridad ng Diyos? Nadarama ba ninyo ang pagiging pambihira ng Lumikha? Nararamdaman ba ninyo ang pangingibabaw ng Lumikha? Ang mga salita ng Diyos ay tiyak. Sinasabi ng Diyos ang mga naturang salita hindi dahil sa Kanyang tiwala sa tagumpay o para katawanin iyon; sa halip, ang mga iyon ay katibayan ng awtoridad ng mga pagbigkas ng Diyos, at utos na tumutupad sa mga salita ng Diyos. May dalawang pagpapahayag na kailangan ninyong pagtuunan ng pansin dito. Kapag sinasabi ng Diyos na “Si Abraham ay tunay na magiging isang bansang malaki at matibay, at pagpapalain sa kaniya ang lahat ng bansa sa lupa,” may anumang elemento ba ng kalabuan sa mga salitang ito? Mayroon bang anumang elemento ng pag-aalala? Mayroon bang anumang elemento ng takot? Dahil sa mga salitang “tunay na” at “magiging” sa mga pagbigkas ng Diyos, ang mga elementong ito, na partikular sa tao at laging nakikita sa kanya, ay hindi kailanman nagkaroon ng kaugnayan sa Lumikha. Walang sinuman na mangangahas na gamitin ang ganitong mga salita kapag nagnanais ng mabuti sa iba, walang sinumang mangangahas na basbasan ang iba pa ng isang dakila at makapangyarihang bansa nang may gayong katiyakan, o mangako na ang lahat ng bansa sa mundo ay pagpapalain sa pamamagitan niya. Kapag mas tiyak ang mga salita ng Diyos, mas may pinatutunayang bagay ang mga iyon—at ano ang bagay na iyon? Pinatutunayan ng mga iyon na ang Diyos ay may gayong awtoridad, na kaya ng Kanyang awtoridad na tuparin ang mga bagay na ito, at hindi maiiwasan ang katuparan ng mga ito. Ang Diyos ay tiyak sa Kanyang puso, nang walang katiting na pag-aalinlangan, sa lahat ng Kanyang pagpapala kay Abraham. Dagdag pa rito, matutupad ang kabuuan nito alinsunod sa Kanyang mga salita, at walang kahit anong puwersa ang maaaring makapagpabago, humadlang, sumira, o gumambala sa katuparan nito. Kahit ano pa man ang nangyari, walang makakapagpawalang-bisa o makakaimpluwensiya sa katuparan at kaganapan ng mga salita ng Diyos. Ito ang mismong kapangyarihan ng mga salitang binigkas mula sa bibig ng Lumikha, at ang awtoridad ng Lumikha na hindi nagpapahintulot sa pagtatanggi ng tao! Matapos basahin ang mga salitang ito, nakakaramdam ka pa rin ba ng padududa? Binigkas ang mga salitang ito mula sa bibig ng Diyos, at may kapangyarihan, pagiging maharlika, at awtoridad sa mga salita ng Diyos. Ang gayong kapangyarihan at awtoridad, at ang di-maiiwasang katuparan ng katotohanan, ay hindi naaabot ng anumang nilikha o di-nilikha, at hindi nalalampasan ng anumang nilikha o di-nilikha. Tanging ang Lumikha lamang ang kayang makipag-usap sa sangkatauhan nang may gayong tono at intonasyon, at napatunayan na ng mga totoong impormasyon na ang Kanyang mga pangako ay hindi mga salitang walang laman, o mga walang kwentang kayabangan, kundi isang pagpapahayag ng natatanging awtoridad na di-nalalampasan ng sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Tingnan natin ang sumusunod na sipi ng kasulatan: “At nang masabi Niya ang gayon, ay sumigaw Siya ng malakas na tinig, Lazaro, lumabas ka. Siya na patay ay lumabas….” Nang ginawa ito ng Panginoong Jesus, isang bagay lang ang sinabi Niya: “Lazaro, lumabas ka.” At sa gayon ay lumabas si Lazaro mula sa kanyang libingan—ito ay naisakatuparan dahil lang sa iilang salita na binigkas ng Panginoon. Sa panahong ito, hindi nagtayo ang Panginoong Jesus ng dambana, at hindi Siya nagsagawa ng anumang iba pang pagkilos. Sinabi lang Niya ang isang bagay na ito. Dapat ba itong tawaging isang himala o isang utos? O isang uri ba ito ng salamangka? Kung tutuusin, tila matatawag itong isang himala, at kung titingnan ito mula sa makabagong pananaw, mangyari pa ay matatawag pa rin itong isang himala. Gayunpaman, tiyak na hindi ito maituturing na isang uri ng mahika na dapat magpabalik sa isang kaluluwa mula sa kamatayan, at lalong hindi ito salamangka, o anumang uri nito. Tamang sabihin na ang himalang ito ang pinakanormal, katiting na pagpapakita ng awtoridad ng Lumikha. Ito ang awtoridad at ang kapangyarihan ng Diyos. May awtoridad ang Diyos na hayaang mamatay ang isang tao, na hayaang lisanin ng kanyang espiritu ang kanyang katawan at bumalik sa Hades, o kung saan man ito dapat tumungo. Ang panahon ng kamatayan ng tao, at ang lugar kung saan sila tutungo pagkatapos mamatay—tinutukoy ang mga ito ng Diyos. Makapagpapasya Siya anumang oras at kahit saan, hindi napipigilan ng mga tao, mga pangyayari, mga bagay, espasyo, o heograpiya. Kung nais Niyang gawin ito, magagawa Niya ito, sapagka’t ang lahat ng bagay at ang lahat ng buhay na nilalang ay nasa ilalim ng Kanyang pamumuno, at ang lahat ng bagay ay isinisilang, nabubuhay, at naglalaho sa pamamagitan ng Kanyang salita at ng Kanyang awtoridad. Mabubuhay Niyang muli ang isang taong patay—at ito ay isa ring bagay na magagawa Niya anumang oras, kahit saan. Ito ang awtoridad na ang Lumikha lang ang nagtataglay.

Nang gumawa ang Panginoong Jesus ng mga bagay gaya ng pagbuhay muli kay Lazaro mula sa kamatayan, ang Kanyang layunin ay upang magbigay ng katunayan para sa mga tao at para makita ni Satanas, at upang ipaalam sa mga tao at kay Satanas na ang lahat ng tungkol sa sangkatauhan, ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay tinutukoy ng Diyos, at na bagaman Siya ay nagkatawang-tao, nananatili Siyang may kapangyarihan sa pisikal na mundo na nakikita at gayundin sa espirituwal na daigdig na hindi nakikita ng mga tao. Ito ay upang ipaalam sa mga tao at kay Satanas na ang lahat ng tungkol sa sangkatauhan ay hindi nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ito ay isang paghahayag at isang pagpapakita ng awtoridad ng Diyos, at ito ay isa ring paraan para sa Diyos na makapaghatid ng mensahe sa lahat ng bagay, na ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang pagbuhay muli ng Panginoong Jesus kay Lazaro ay isa sa mga paraan kung paano tinuturuan at binibigyang-tagubilin ng Lumikha ang sangkatauhan. Ito ay isang kongkretong pagkilos na kung saan ay ginamit Niya ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad upang bigyang-tagubilin at tustusan ang sangkatauhan. Ito ay isang paraan, na hindi gumagamit ng mga salita, para sa Lumikha na tulutan ang sangkatauhan na makita ang katotohanan na Siya ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ito ay isang paraan upang masabi Niya sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga praktikal na pagkilos na walang kaligtasan maliban sa pamamagitan Niya. Ang ganitong tahimik na pamamaraan na ginamit Niya upang bigyang-tagubilin ang sangkatauhan ay walang hanggan, di-napapawi, nagdulot sa mga puso ng tao ng isang pagkagimbal at kaliwanagan na hindi kailanman kukupas. Nakaluwalhati sa Diyos ang pagkabuhay na mag-uli ni Lazaro—may malaking epekto ito sa bawa’t isang tagasunod ng Diyos. Matatag nitong pinananatili sa bawa’t tao na nauunawaang mabuti ang pangyayaring ito ang pagkaunawa, ang pananaw na ang Diyos lang ang may kapangyarihan sa buhay at kamatayan ng sangkatauhan. …

Nang muling buhayin ng Panginoong Jesus si Lazaro mula sa kamatayan, ginamit lang Niya ang ilang salitang ito: “Lazaro, lumabas ka.” Wala na Siyang sinabi maliban dito. Kung gayon, ano ang ipinapakita ng mga salitang ito? Ipinapakita ng mga ito na magagawa ng Diyos ang anumang bagay sa pamamagitan ng pagsasalita, kabilang na ang muling pagbuhay sa isang taong patay. Nang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, nang nilikha Niya ang mundo, ginawa Niya iyon sa pamamagitan ng mga salita—sinalitang mga utos, mga salitang may awtoridad, at sa paraang ito ay nalikha ang lahat ng bagay, at sa gayon, ito ay natapos. Ang ilang salitang ito na sinabi ng Panginoong Jesus ay kagaya ng mga salitang sinabi ng Diyos nang Kanyang likhain ang kalangitan at ang lupa at ang lahat ng bagay; sa parehong paraan, taglay ng mga ito ang awtoridad ng Diyos at ang kapangyarihan ng Lumikha. Ang lahat ng bagay ay inanyuan at nanindigan dahil sa mga salita mula sa bibig ng Diyos, at sa parehong paraan, naglakad si Lazaro palabas ng kanyang libingan dahil sa mga salita mula sa bibig ng Panginoong Jesus. Ito ang awtoridad ng Diyos, ipinakita at isinakatuparan sa Kanyang nagkatawang-taong laman. Ang ganitong uri ng awtoridad at kakayahan ay pag-aari ng Lumikha, at ng Anak ng tao na kung kanino naisakatuparan ang Lumikha. Ito ang pagkaunawa na itinuro ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng muling pagbuhay kay Lazaro mula sa kamatayan.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Naninindigan Ako sa Aking salita, at tinatapos Ko palagi ang Aking pinaninindigan, at hindi ito mababago ng sinuman—ito ay ganap. Kung ito man ang nasabi Ko na sa nakaraan o kung ano ang sasabihin Ko sa hinaharap, lahat ay pangyayarihin Ko, paisa-isa, at pahihintulutan Ko ang buong sangkatauhan na makita ang mga ito na magkatotoo. Ito ang prinsipyo sa likod ng Aking mga salita at gawain. … Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay? Anumang Aking sinasabi ay nangyayari, at sino sa mga tao ang makapagpapabago sa Aking isipan? Maaari kayang ito ang tipan na ginawa Ko sa lupa? Walang makahahadlang sa pagsulong ng Aking plano; Ako ay palaging naroroon sa Aking gawain gayundin sa plano ng Aking pamamahala. Sino sa mga tao ang maaaring makialam? Hindi ba’t Ako ang personal na gumawa ng mga pagsasaayos na ito? Ang pagpasok sa kalagayang ito ngayon ay hindi pa rin lumilihis mula sa Aking plano o kung ano ang Aking patiunang nakita; ito ay itinakda Ko nang lahat noon pa. Sino sa inyo ang maaaring makatarok sa hakbang na ito ng Aking plano? Ang Aking bayan ay may katiyakang makikinig sa Aking tinig, at ang bawat isa sa mga yaon na totoong nagmamahal sa Akin ay tiyak na magbabalik sa harapan ng Aking trono.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1

Sa gawain sa mga huling araw, ang salita ay mas makapangyarihan kaysa pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, at ang awtoridad ng salita ay nahihigitan yaong sa mga tanda at mga himala. Inilalantad ng salita ang lahat ng tiwaling disposisyon na malalim na nakabaon sa puso ng tao. Wala kang paraan para kilalanin ang mga ito sa iyong sarili lamang. Kapag ang mga ito ay naibunyag sa iyo sa pamamagitan ng salita, natural na matutuklasan mo ang mga ito; hindi mo maitatanggi ang mga iyon, at lubos kang makukumbinsi. Hindi ba ito ang awtoridad ng salita? Ito ang resultang nakamit ng kasalukuyang gawain ng salita. Samakatuwid, ang tao ay hindi ganap na maililigtas mula sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagpapagaling ng sakit at pagpapalayas ng mga demonyo, at hindi rin siya magagawang ganap sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan. Ang awtoridad upang magpagaling ng mga sakit at magpalayas ng mga demonyo ay nagbibigay lamang ng biyaya sa tao, ngunit ang laman ng tao ay nabibilang pa rin kay Satanas at ang tiwaling maka-satanas na disposisyon ay nananatili pa rin sa kalooban ng tao. Sa madaling salita, yaong hindi pa nagawang malinis ay kabilang pa rin sa kasalanan at karumihan. Tanging pagkatapos na magawang malinis ang tao sa pamamagitan ng salita na siya ay makakamit ng Diyos at magiging banal. Noong ang mga demonyo ay napalayas sa tao at siya ay natubos, ito ay nangangahulugan lamang na siya ay naagaw mula sa mga kamay ni Satanas at naibalik sa Diyos. Subalit, dahil hindi siya nalinis o nabago ng Diyos, siya ay nananatiling tiwaling tao. Sa loob ng tao ay umiiral pa rin ang karumihan, pagsalungat at pagiging mapanghimagsik; ang tao ay nakabalik lamang sa Diyos sa pamamagitan ng pagtubos, ngunit wala siya ni katiting na pagkakakilala sa Diyos at may kakayahan pa ring lumaban at magtaksil sa Kanya. Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon na paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at magawang dalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay yaong panlulupig pati na rin ang pangalawang yugto ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang pinuhin, hatulan at ibunyag, na ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao ay ganap na naibubunyag. Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaaring ituring lamang bilang hindi pagkaalala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag ng tao. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, na walang-katapusang hinahayag ang kanyang maka-satanas na disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw upang magtapat ng kasalanan sa gabi. Dahil dito, kahit na ang handog para sa kasalanan ay magpakailanmang mabisa para sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakumpleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. Bilang halimbawa, nang mapagtanto ng mga tao na sila ay nagmula kay Moab, naghinaing sila, hindi na hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinakikita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng sangkatauhan sa kapamahalaan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong tiwaling maka-satanas na disposisyon nila? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, ang iyong mga kamay ay nakataas nang mas mataas kaysa iba, maging yaong kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas: “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging malapit sa Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Mag-alsa laban sa matandang Satanas! Mag-alsa laban sa malaking pulang dragon! Nawa’y ang malaking pulang dragon ay lubos na bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa’y ang Diyos ay gawin tayong ganap!” Ang iyong mga sigaw ay pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa, ang tiwaling disposisyon ng mga tao ay nabunyag. Magkagayon, tumigil ang kanilang mga sigaw, at wala na silang paninindigan. Ito ang katiwalian ng tao; mas malalim kaysa kasalanan, ito ay itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang gayong epekto. Sa gayon lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong iyon. Isinigaw ng tao ang gayon noong nakaraan sapagkat ang tao ay walang pagkaunawa sa kanyang likas na tiwaling disposisyon. Ang mga ito ang mga karumihan sa kalooban ng tao. Sa kahabaan ng gayong katagal na panahon ng paghatol at pagkastigo, ang tao ay namuhay sa isang kapaligiran na puno ng pag-aalala. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay natamo sa pamamagitan ng salita? Hindi ba’t sumigaw ka rin nang napakalakas bago ang pagsubok sa mga tagapagsilbi? “Pumasok sa kaharian! Lahat niyaong tumatanggap sa pangalang ito ay papasok sa kaharian! Ang lahat ay makikibahagi sa Diyos!” Nang ang pagsubok sa mga tagapagsilbi ay dumating, hindi ka na sumigaw. Sa pinakasimula, ang lahat ay sumigaw, “O Diyos! Saan Mo man ako ilagay, magpapasakop ako sa Iyong pamamatnubay.” Pagkabasa sa mga salita ng Diyos na “Sino ang Aking magiging Pablo?” ang sabi ng tao, “Ako ay nakahanda!” Pagkatapos ay nakita nila ang mga salitang “At ano naman ang tungkol sa pananampalataya ni Job?” at sinabing, “Nakahanda akong akuin ang pananampalataya ni Job. Diyos ko, pakiusap subukin Mo ako!” Nang dumating ang pagsubok sa mga tagapagsilbi, sila ay kaagad na bumagsak at halos hindi na muling makatayo. Pagkatapos noon, ang mga karumihan sa puso nila ay unti-unting nabawasan. Hindi ba ito natamo sa pamamagitan ng salita? Kaya, ang inyong naranasan sa kasalukuyan ay mga resulta na natamo sa pamamagitan ng salita, na higit pang mas dakila kaysa roon sa natamo sa pamamagitan ng paggawa ng mga tanda at mga himala ni Jesus. Ang kaluwalhatian ng Diyos at awtoridad ng Diyos Mismo na iyong nakikita ay hindi lamang nakikita sa pamamagitan ng pagkakapako sa krus, pagpapagaling ng karamdaman at pagpapalayas ng mga demonyo, kundi lalong higit sa pamamagitan ng paghatol ng Kanyang salita. Ipinakikita nito sa iyo na hindi lamang ang paggawa ng mga tanda, pagpapagaling ng karamdaman at pagpapalayas ng mga demonyo ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, kundi mas mahusay na kinakatawan ng paghatol ng salita ng Diyos ang awtoridad ng Diyos at mas nagbubunyag ito ng Kanyang pagka-makapangyarihan sa lahat.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Walang isa man sa gawain ng Diyos sa sangkatauhan ang naihanda na nang likhain ang mundo; sa halip, ang pag-unlad ng mga bagay-bagay ang nagtulot sa Diyos na isagawa ang Kanyang gawain sa sangkatauhan sa paisa-isang hakbang at sa mas makatotohanan at praktikal na paraan. Halimbawa, hindi nilikha ng Diyos na si Jehova ang ahas upang tuksuhin ang babae; hindi iyon ang partikular Niyang plano, ni hindi iyon isang bagay na sadya Niyang itinalaga. Masasabi ng isang tao na isang pangyayari ito na hindi inaasahan. Sa gayon, ito ang dahilan kaya pinalayas ni Jehova sina Adan at Eba mula sa Halamanan ng Eden at isinumpa na hindi na Siya muling lilikha ng tao kailanman. Gayunman, natutuklasan lamang ng mga tao ang karunungan ng Diyos ayon sa pundasyong ito. Katulad lamang ito ng sinabi Ko kanina: “Ginagamit Ko ang Aking karunungan batay sa mga pakana ni Satanas.” Paano man tumitindi ang katiwalian ng sangkatauhan o paano sila tinutukso ng ahas, mayroon pa ring karunungan si Jehova; sa gayon, naging abala na Siya sa bagong gawain mula nang likhain Niya ang mundo, at wala sa mga hakbang ng gawaing ito ang naulit kailanman. Patuloy na ginagawa ni Satanas ang kanyang mga pakana, palagi nang ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at walang tigil na isinasagawa ng Diyos na si Jehova ang Kanyang matalinong gawain. Hindi Siya nabigo kailanman, ni hindi Siya tumigil sa paggawa kailanman, mula nang likhain ang mundo. Matapos magawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, patuloy na Siyang gumagawa sa kanila upang talunin ito, ang kaaway na pinagmulan ng kanilang katiwalian. Ang labanang ito ay nanalanta na sa simula pa lamang, at magpapatuloy hanggang sa katapusan ng mundo. Sa paggawa ng lahat ng gawaing ito, hindi lamang tinulutan ng Diyos na si Jehova ang mga tao, na nagawang tiwali ni Satanas, na matanggap ang Kanyang dakilang pagliligtas, kundi tinulutan din silang makita ang Kanyang karunungan, pagiging makapangyarihan sa lahat, at awtoridad. Bukod dito, sa huli, hahayaan Niyang makita nila ang Kanyang matuwid na disposisyon—na pinarurusahan ang masasama at ginagantimpalaan ang mabubuti. Nilabanan na Niya si Satanas hanggang sa araw na ito at hindi Siya natalo kailanman. Ito ay dahil Siya ay isang matalinong Diyos, at ginagamit Niya ang Kanyang karunungan batay sa mga pakana ni Satanas. Samakatuwid, hindi lamang ginagawa ng Diyos ang lahat ng nasa langit na magpasakop sa Kanyang awtoridad, kundi napanatili rin Niya ang lahat ng nasa ibabaw ng lupa sa Kanyang paanan at, partikular na, isinasailalim Niya ang masasama na nanghihimasok at nanggugulo sa sangkatauhan sa Kanyang pagkastigo. Ang mga resulta ng lahat ng gawaing ito ay nakamtan dahil sa Kanyang karunungan. Hindi Niya naipakita kailanman ang Kanyang karunungan bago umiral ang sangkatauhan, sapagkat wala Siyang mga kaaway sa langit, sa ibabaw ng lupa, o saanman sa buong sansinukob, at walang mga puwersa ng kadiliman na nanghihimasok sa anuman sa kalikasan. Matapos Siyang ipagkanulo ng arkanghel, nilikha Niya ang sangkatauhan sa ibabaw ng lupa, at dahil sa sangkatauhan kaya Niya pormal na sinimulan ang Kanyang isang-libong-taong pakikidigma kay Satanas, ang arkanghel—isang digmaang lalong umiigting sa bawat sumunod na yugto. Naroon ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat at karunungan sa bawat isa sa mga yugtong ito. Saka lamang nasaksihan ng lahat ng nasa langit at nasa ibabaw ng lupa ang karunungan, pagiging makapangyarihan sa lahat, at, lalo na, ang realidad ng Diyos. Isinasagawa pa rin Niya ang gawain sa ganito ring makatotohanang paraan hanggang sa araw na ito; dagdag pa rito, habang isinasagawa Niya ang Kanyang gawain, ipinapakita rin Niya ang Kanyang karunungan at pagiging makapangyarihan sa lahat. Tinutulutan Niya kayong makita ang katotohanan sa loob ng bawat yugto ng gawain, makita kung paano talaga ipaliwanag ang pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos, at, bukod dito, makita ang isang tiyak na paliwanag tungkol sa realidad ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Sa Aking plano, palagiang nakasunod si Satanas sa bawat hakbang at, bilang hambingan ng Aking karunungan, ay laging sinusubukang makahanap ng mga paraan upang gambalain ang Aking orihinal na plano. Subalit maaari ba Akong sumuko sa mapanlinlang na mga pakana nito? Lahat ng nasa langit at nasa lupa ay naglilingkod sa Akin; maaari pa bang maiba ang mapanlinlang na mga pakana ni Satanas? Dito mismo nagsasalikop ang Aking karunungan; ito mismo ang kamangha-mangha sa Aking mga gawa, at ito ang prinsipyo ng pagpapatakbo para sa Aking buong plano ng pamamahala. Sa panahon ng pagtatayo ng kaharian, hindi Ko pa rin iniiwasan ang mapanlinlang na mga pakana ni Satanas, kundi patuloy Kong ginagawa ang gawaing kailangan Kong gawin. Sa sansinukob at sa lahat ng bagay, napili Ko na ang mga gawa ni Satanas bilang Aking hambingan. Hindi ba ito pagpapakita ng Aking karunungan? Hindi ba ito mismo ang kamangha-mangha tungkol sa Aking gawain?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 8

Kapag pormal Ko nang sinimulan ang gawain Ko, gagalaw ang lahat ng mga tao gaya ng Aking paggalaw, upang maging abala ang mga tao sa buong sansinukob sa mga sarili nila kasabay Ko, mayroong “lubos na pagsasaya” sa buong sansinukob, at nauudyukan Ko pasulong ang tao. Bilang bunga, nilatigo Ko ang malaking pulang dragon mismo sa isang kalagayan ng silakbo ng galit at pagkalito, at pinagsisilbihan nito ang gawain Ko, at, sa kabila ng pagiging atubili, hindi nito magawang sundin ang sarili nitong mga pagnanasa, datapuwa’t naiwang walang pagpipilian kundi magpasakop sa pamamahala Ko. Sa lahat ng mga plano Ko, ang malaking pulang dragon ay siyang Aking hambingan, kaaway Ko, at tagapagsilbi Ko rin; samakatuwid, hindi Ko kailanman niluwagan ang “mga pangangailangan” Ko rito. Samakatuwid, gagawing ganap ang huling yugto ng gawain ng pagkakatawang-tao Ko sa sambahayan nito. Sa ganitong paraan, mas nagagawang maglingkod nang maayos para sa Akin ng malaking pulang dragon, na sa pamamagitan nito’y lulupigin Ko ito at gagawing ganap ang plano Ko.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 29

Hindi maiiwasan ang tagumpay ng Diyos laban kay Satanas! Ang totoo, matagal nang nabigo si Satanas. Nang magsimulang lumaganap ang ebanghelyo sa buong lupain ng malaking pulang dragon—ibig sabihin, nang simulan ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain at pagalawin ang gawaing ito—lubos na natalo si Satanas, sapagkat ang pinaka-layunin ng pagkakatawang-tao ay upang lupigin si Satanas. Nang makita ni Satanas na minsan pang naging tao ang Diyos at nagsimulang magsagawa ng Kanyang gawain, na hindi mapigil ng anumang puwersa, sa gayon ay natulala ito nang makita ang gawaing ito, at hindi nangahas na gumawa ng anumang iba pang kalokohan. Noong una, akala ni Satanas ay pinagkalooban din ito ng maraming karunungan, at ginambala at niligalig nito ang gawain ng Diyos; gayunman, hindi nito inasahan na minsan pang magiging tao ang Diyos, o na sa Kanyang gawain, gagamitin ng Diyos ang pagkasuwail ni Satanas upang magsilbing isang paghahayag at paghatol sa sangkatauhan, nang sa gayon ay malupig ang mga tao at matalo si Satanas. Mas matalino ang Diyos kaysa kay Satanas, at ang Kanyang gawain ay higit pa kaysa rito. Kaya nga, isinaad Ko na dati, “Ang gawaing Aking ginagawa ay isinasagawa bilang tugon sa mga pandaraya ni Satanas; sa huli, ipapakita Ko ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat at ang kawalan ng kapangyarihan ni Satanas.” Gagawin ng Diyos ang Kanyang gawain sa unahan, samantalang bubuntot naman si Satanas sa likuran, hanggang ito, sa huli, ay tuluyang mawasak—ni hindi nito malalaman kung ano ang tumama rito! Matatanto lamang nito ang katotohanan kapag nadurog at nadikdik na ito, at sa oras na iyon, nasunog na ito sa lawa ng apoy. Hindi ba lubos na itong makukumbinsi sa oras na iyon? Sapagkat wala nang magagamit na mga pakana si Satanas sa oras na iyon!

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Hindi nakikibahagi ang Diyos sa pulitika ng tao, gayon pa man ang kapalaran ng isang bayan o bansa ay pinamamahalaan ng Diyos. Pinamamahalaan ng Diyos ang mundong ito at ang buong sansinukob. Ang kapalaran ng tao at ang plano ng Diyos ay may malapit na ugnayan, at walang tao, bayan o bansa ang hindi saklaw ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang tao ay nais na malaman ang kanyang kapalaran, dapat siyang humarap sa Diyos. Pasasaganain ng Diyos ang mga sumusunod at sumasamba sa Kanya, at Siya’y magdadala ng pagbagsak at pagkalipol sa mga taong lalaban at tatanggi sa Kanya.

Alalahanin ang pangyayari sa Biblia noong ginawa ng Diyos ang pagkawasak sa Sodom, at isipin din kung paano naging isang haligi ng asin ang asawa ni Lot. Gunitain kung paanong ang mga tao ng Nineve ay nagsisi sa kanilang mga kasalanan na suot ang tela ng sako at abo, at gunitain kung ano ang sumunod matapos ipapako ng mga Judio si Jesus sa krus 2,000 taon na ang nakakaraan. Ang mga Judio ay pinatalsik mula sa Israel at tumakas patungo sa mga bayan sa buong mundo. Marami ang pinatay, at ang buong bansang Judio ay napasailalim sa wala pang katulad na pasakit dahil sa pagkalipol ng kanilang bansa. Ipinako nila ang Diyos sa krus—gumawa ng isang kahindik-hindik na kasalanan—at inudyukan ang disposisyon ng Diyos. Sila ay pinagbayad sa kanilang ginawa, ipinatiis sa kanila ang mga kinahinatnan ng kanilang mga pagkilos. Hinatulan nila ang Diyos, itinakwil ang Diyos, kung kaya’t sila ay nagkaroon lamang ng isang kapalaran: ang maparusahan ng Diyos. Ito ang mapait na kinahinatnan at kapahamakan na dinala ng kanilang mga pinuno sa kanilang bayan at bansa.

Ngayon, ang Diyos ay bumalik sa mundo upang gawin ang Kanyang gawain. Ang Kanyang unang hinintuan ay ang halimbawa ng mga diktador na pamumuno: ang China, ang matatag na balwarte ng ateismo. Nagkamit ang Diyos ng isang grupo ng mga tao sa pamamagitan ng Kanyang karunungan at kapangyarihan. Sa panahong iyon, Siya ay tinutugis ng namumunong partido ng China sa lahat ng paraan at sumailalim sa matinding pagdurusa, walang lugar sa pamamahinga ng Kanyang ulo at hindi makahanap ng sisilungan. Sa kabila nito, ipinagpapatuloy pa rin ng Diyos ang gawaing Kanyang binabalak: Binibigkas Niya ang Kanyang tinig at ipinapalaganap ang ebanghelyo. Walang sinuman ang makakaarok sa pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Sa China, isang bansa na itinuturing ang Diyos bilang isang kaaway, ang Diyos ay hindi kailanman tumigil sa Kanyang gawain. Sa halip, mas maraming tao ang tumanggap ng Kanyang mga gawain at salita, dahil inililigtas ng Diyos ang bawat isang miyembro ng sangkatauhan hangga’t maaari. Nagtitiwala kami na walang bansa o kapangyarihan ang maaaring pumigil sa kung ano ang nais ng Diyos na makamit. Ang mga humahadlang sa gawain ng Diyos, lumalaban sa salita ng Diyos at nanggugulo at sumisira sa plano ng Diyos ay parurusahan ng Diyos sa huli. Siya na lumalabag sa gawain ng Diyos ay ipadadala sa impiyerno; anumang bayan na sumusuway sa gawain ng Diyos ay wawasakin; anumang bansa na tumututol sa gawain ng Diyos ay mabubura sa daigdig na ito, at titigil sa pag-iral. Hinihikayat Ko ang mga tao ng lahat ng bansa, lahat ng bayan, at maging lahat ng industriya na makinig sa tinig ng Diyos, masdan ang gawain ng Diyos at bigyang-pansin ang kapalaran ng sangkatauhan, upang maitakda ang Diyos na pinakabanal, pinaka-kagalang-galang, pinakamataas, at tanging pag-uukulan ng pagsamba ng sangkatauhan, at magbigay-daan sa buong sangkatauhan upang mamuhay sa ilalim ng pagpapala ng Diyos, tulad ng mga inapo ni Abraham na namuhay sa ilalim ng pangako ni Jehova, at tulad nina Adan at Eba, na orihinal na ginawa ng Diyos, na namuhay sa Hardin ng Eden.

Ang gawain ng Diyos ay sumusulong tulad ng rumaragasang alon. Walang sinuman ang maaaring pumigil sa Kanya, at wala ni isang maaaring magpahinto sa Kanyang mga yapak. Tanging ang mga taong nakikinig nang mabuti sa Kanyang mga salita, at mga taong naghahanap at nauuhaw sa Kanya, ang maaaring sumunod sa Kanyang mga yapak at makatanggap ng Kanyang pangako. Ang mga tao namang hindi ay sasailalim sa napakalaking kapahamakan at karapat-dapat sa kaparusahan.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman