Ano ang isang matapat na tao at bakit iniuutos ng Diyos na maging matapat ang mga tao

Abril 20, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos yaong mga tapat. Sa diwa, matapat ang Diyos, at kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos yaong mga lubos na tapat sa Kanya. Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso mo sa Diyos, pagiging wagas sa Diyos sa lahat ng mga bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng mga bagay, hindi pagtatago kailanman ng katotohanan, hindi pagsusubok na malinlang yaong mga nasa itaas at nasa ibaba mo, at hindi paggawa ng mga bagay upang manuyo lamang sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa mga kilos at mga salita mo, at hindi paglilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit dobleng hirap ito para sa inyo. Maraming mga tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa sa magsalita at kumilos nang tapat. Hindi kataka-takang may iba pa Akong lunas na nakalaan para sa mga hindi tapat. Mangyari pa, ganap Kong alam kung gaano kahirap sa inyo ang maging tapat. Sapagkat matatalino kayong lahat, napakahusay sa pagtimbang sa mga tao gamit ang sarili ninyong makitid na panukat, ginagawa nitong mas payak ang gawain Ko. At yamang niyayakap sa dibdib ng bawat isa sa inyo ang mga lihim ninyo, kung sa gayon, isa-isa Ko kayong ilalagay sa kapahamakan upang “turuan” sa pamamagitan ng apoy, at nang matapos nito ay maaaring maging pirmi kayo sa paniniwala sa mga salita Ko. Sa huli, aagawin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay matapat na Diyos,” kung saan hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy, “Mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Ipinagpapalagay Kong hindi kayo magiging kasing tagumpay nang tulad ninyo ngayon. At lalong hindi kayo magiging kasing “lalim at mahirap unawain” nang tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang mga tao, pinaghihirapan nilang magkaroon ng “maayos na pag-uugali,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong isa kang tiyak na sumusubok biru-biruin ang Diyos. Kung tadtad ng mga palusot at walang halagang mga pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong kinasusuklamang isagawa ang katotohanan. Kung marami kang mga nakatagong kaalamang atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isang kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman. Kung nakalulugod sa iyong mabuti ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubhang nagagalak kang maging isang tagapaglingkod sa tahanan ng Diyos, na gumagawa nang masigasig at matapat sa di-katanyagan, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at nagsisikap lamang na maging tapat na tao. Kung handa kang maging matapat, kung handa kang gugulin ang lahat ng nasa iyo, kung kaya mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at tumayong matatag sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa punto na ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, kung gayon ay sinasabi Ko na ang mga taong ito ay yaong pinalulusog sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

Kinalulugdan Ko yaong mga hindi mapaghinala sa iba, at gusto Ko yaong mga agarang tumatanggap ng katotohanan; nagpapakita Ako ng labis na pagkalinga sa dalawang uri ng mga taong ito, dahil matatapat silang mga tao sa Aking paningin. Kung mapanlinlang ka, magiging malihim at mapaghinala ka sa lahat ng mga tao at mga bagay, at sa gayon, ang pananampalataya mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananampalataya. Sa kakulangan ng tunay na pananampalataya, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal. At kung may gawi kang pagdudahan ang Diyos at maghaka tungkol sa Kanya, kung gayon walang kaduda-dudang ikaw ang pinakamapanlinlang sa lahat ng mga tao. Ipinagpapalagay mo kung maaaring maging katulad ng tao ang Diyos: makasalanang di-mapapatawad, makitid ang isip, salat sa pagiging makatarungan at katwiran, walang muwang sa katarungan, mahilig sa mapanirang mga kaparaanan, taksil at tuso, nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba’t ang dahilan kaya may ganitong kaisipan ang mga tao ay sapagkat wala sila ni bahagyang kaalaman sa Diyos? Halos kasalanan ang ganitong uri ng pananampalataya! Mayroong pa ngang ibang naniniwala na ang mga nagbibigay-lugod sa Akin ay yaong mga palapuri at nanghihibo, at hindi tatanggapin sa tahanan ng Diyos at mawawalan ng lugar doon yaong mga walang kasanayan sa ganoong mga bagay. Ito lamang ba ang tanging kaalamang nakuha ninyo pagkatapos ng lahat ng mga taong ito? Ito ba ang nakamit ninyo? At hindi tumitigil sa mga maling pagkaunawang ito ang kaalaman ninyo sa Akin; mas malala pa ay ang kalapastanganan ninyo sa Espiritu ng Diyos at panlalait sa Langit. Ito ang dahilan kaya sinasabi Kong magdudulot lamang ng lalong paglayo ninyo sa Akin at mas higit pang pagsalungat sa Akin ang pananampalatayang tulad ng sa inyo.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa

Itinuring Ko ang tao sa mahigpit na pamantayan sa buong panahon. Kung may kaakibat na mga balak at kondisyon ang katapatan mo, mas nanaisin Ko pang wala ang tinatawag mong katapatan, sapagkat nasusuklam Ako sa mga nanlilinlang sa Akin sa pamamagitan ng kanilang mga balak at nangingikil sa Akin sa pamamagitan ng mga kondisyon. Hiling Ko lamang na maging lubos na tapat sa Akin ang tao, at gawin ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng—at para patunayan ang—isang salita: pananampalataya. Kinamumuhian Ko ang paggamit mo ng matamis na mga pananalita upang subukang pasayahin Ako, sapagkat palagi Ko kayong pinakitunguhan nang may katapatan, at kaya ninanais Ko ring pakitunguhan ninyo Ako nang may totoong pananampalataya.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?

Ano ang mga pagpapahayag ng isang matapat na tao? Ang mapagpasyang punto sa bagay na ito ay ang isagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay. Kung sinasabi mong matapat ka, ngunit lagi mong isinasaisantabi sa iyong isip ang mga salita ng Diyos at ginagawa ang anumang balang maibigan mo, kung gayon, ito ba ay pagpapahayag ng isang matapat na tao? Sinasabi mo, “Mahina ang kakayahan ko, pero tapat ang aking puso.” Kapag may tungkuling dumarating sa iyo, gayupaman, natatakot ka na magdusa o na kung hindi mo ito tinupad nang mahusay, kailangan kong umako ng responsibilidad, kaya gumagawa ka ng mga dahilan para iwasan ito at nagrerekomenda ng iba na gumawa nito. Ito ba ang nakikita sa isang matapat na tao? Malinaw na hindi. Kung gayon, paano dapat kumilos ang matapat na tao? Dapat silang tumanggap at sumunod, at pagkatapos ay lubos na maging tapat sa paggawa ng kanilang mga tungkulin sa abot ng kanilang makakaya, nagsisikap na maabot ang kalooban ng Diyos. Ito ay ipinapahayag sa ilang paraan. Ang isang paraan ay na dapat mong tanggapin ang iyong tungkulin nang may katapatan, huwag mag-isip ng iba pa, at huwag magdalawang-isip tungkol dito. Huwag makipagsabwatan para sa iyong kapakanan. Ito ay pagpapakita ng katapatan. Ang isa pang paraan ay ang paggamit ng iyong buong lakas at puso rito. Sasabihin mo, “Ito ang lahat ng magagawa ko; gagamitin kong lahat ito, at ilalaan ko ito nang lubusan sa Diyos.” Hindi ba ito ang pagpapahayag ng katapatan? Ilaan mo ang lahat ng mayroon ka at lahat ng magagawa mo—ito ay pagpapakita ng katapatan. Kung hindi taos sa puso mo na ihandog ang lahat ng mayroon ka, kung itinatago at itinatabi mo ito, madulas sa iyong mga kilos, iniiwasan ang iyong tungkulin at ipinagagawa ito sa iba dahil takot kang pasanin ang mga ibubunga ng hindi mo maayos na pagtatrabaho, kung gayon, pagiging matapat ba ito? Hindi. Ang pagiging matapat na tao, kung gayon, ay hindi lamang ang pagkakaroon ng hangarin. Kung hindi mo ito isinasagawa kapag may mga bagay na nangyayari sa iyo, hindi ka isang matapat na tao. Kapag nakakaharap mo ang mga usapin, dapat mong isagawa ang katotohanan at magkaroon ka ng mga praktikal na pagpapahayag. Ito ang tanging paraan upang maging matapat na tao, at ang mga ito lamang ang mga pagpapahayag ng isang matapat na puso. Nararamdaman ng ilang tao na upang maging isang matapat na tao, sapat nang nagsasalita ka lamang ng katotohanan at hindi nagsasabi ng kasinungalingan. Sadya bang ganoon kakitid ang katuturan ng pagiging matapat? Hinding-hindi. Dapat mong ihayag at ibigay ang iyong puso sa Diyos; ito ang ugaling dapat taglayin ng isang matapat na tao. Samakatuwid, lubhang napakahalaga ng katapatan. Ano ang implikasyon nito? Na matitimpi ng pusong ito ang iyong pag-uugali at mapamamahalaan nito ang iyong mga kalagayan. Lubhang mahalaga ang pusong ito. Kung may ganito kang uri ng katapatan, dapat kang mamuhay sa ganitong kalagayan, magpakita ng ganitong pag-uugali, at magkaroon ng ganitong paggugol.

Hinango mula sa “Makakaya Lamang ng mga Tao na Maging Totoong Masaya sa Pamamagitan ng Pagiging Matapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Kung maraming taon ka nang sumasampalataya sa Diyos, at, habang mas maraming tao ang nakikipag-ugnayan sa iyo ay lalo nilang iniisip na tapat ka—tapat sa iyong mga salita, tapat sa ibang tao, at tapat sa pagganap sa iyong mga tungkulin, ibig sabihin, isa kang malinaw at walang itinatagong tao, walang itinatago sa iyong mga salita at mga gawa; at kung, sa pamamagitan ng iyong mga ginagawa at sinasabi, sa pamamagitan ng mga pananaw na iyong ipinapahayag, sa pamamagitan ng mga tungkuling iyong ginagampanan, at sa pamamagitan ng iyong tapat na saloobin kapag nakikipag-usap ka sa ibang tao, nakikita ng iba ang iyong puso, ang iyong pagkatao, at ang iyong disposisyon at paghahangad, pati na ang iyong mga pinakatatagu-tagong adhikain at hangarin, at nakikita nila na isa kang tapat na tao, kung ganoon, ikaw ay isang tapat na tao. Kung matagal-tagal ka nang sumasampalataya sa Diyos at ginagampanan ang iyong tungkulin, pero ang palagay ng mga tao ay hindi ka tuwiran sa iyong pananalita at hindi mo masabi nang eksakto ang iyong mga pananaw, at kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay ay hindi nila nakikita ang iyong puso o ang iyong mga pinakatatagu-tagong layunin at hangarin; at isa kang malihim na tao, napakagaling sa pagkukubli sa iyong sarili, sa pagtatakip sa iyong sarili, sa pagbabalatkayo at pagkukunwaring mabuti; at ang iba, matapos makipag-ugnayan sa iyo sa loob ng ilang taon, ay hindi pa rin makita ang iyong puso, bagkus ay medyo nararamdaman lang ang lagay ng iyong loob at iyong pagkatao, at alam kung magagalitin ka ba o mahinahon, o kung sunud-sunuran ka—kung nakikita lang nila ang iyong pagkatao ngunit hindi nila nakikita kung ano ang diwa ng pinakamalalim mong disposisyon, nanganganib ka. Anong pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito na ang puso mo ay kinokontrol pa rin ni Satanas, na hindi ka nagtamo ng kahit katiting na katotohanan, at na kahit kaunti ay hindi pa nadadalisay ang iyong tiwaling disposisyon. Napakahirap maligtas ang ganitong tao. Sa kabila ng katotohanan na hindi sila tuwiran at kaya nilang magsalita nang paikut-ikot sa ibang tao, at matalino at matalas ang isip nila, at magaling sila sa interpersonal na pakikipag-ugnayan, sinumang makatrabaho nila ay nakadarama ng pag-aalinlangan sa kanila, na hindi sila maaasahan, na hindi sila mapagkakatiwalaan—isang pakiramdam na hindi sila dapat pagkatiwalaan. Pakiramdam ng mga taong nakakatrabaho nila ay tila mayroon pa silang hindi nakikita sa kanila, isang bagay na hindi mawari. Hindi ito isang tunay na mananampalataya ng Diyos.

Hinango mula sa “Sa Pamamagitan Lamang ng Pagiging Matapat Maaaring Makapamuhay na Tulad ng Isang Tunay na Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Bakit palaging binibigyang-diin ng Diyos na ang mga tao ay dapat maging matapat? Dahil napakahalaga nito, at tuwiran itong nauugnay sa kung ikaw man ay maililigtas o hindi. Sinasabi ng ilang tao: “Ako ay mapagmataas, nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, madaling mag-init ang ulo ko, madalas kong ilantad ang pagiging natural ko, mababaw at hambog ako, gustung-gusto kong patawanin ang mga tao, palagi kong hinahangad ang pagsang-ayon ng iba….” Maliliit na bagay lang ang lahat ng ito. Huwag ka palaging magsalita tungkol sa mga ito. Anuman ang iyong disposisyon o pagkatao, basta’t nagagawa mong maging tapat gaya ng hinihingi ng Diyos, maaari kang maligtas. Kung ganoon ay anong masasabi ninyo, mahalaga bang maging tapat? Ito ang pinakamahalagang bagay, kung kaya’t sa sipi ng mga salita ng Diyos na Tatlong Pagpapala, nangungusap ang Diyos tungkol sa pagiging tapat. Sa kabila ng katotohanan na nangungusap ang Diyos tungkol sa kung paano mamuhay sa espiritu, kung paano isabuhay ang isang normal na espirituwal na buhay, o kung paano isabuhay ang isang maayos na buhay-iglesia, o kung paano isabuhay ang normal na pagkatao sa ibang mga teksto, hindi Niya saanman tahasang sinasabi sa mga tao kung ano ang dapat na maging pagkatao, o kung paano magsagawa—ngunit sa pangungusap tungkol sa pagiging tapat, pinapakitaan Niya ng landas ang mga tao, at sinasabi sa kanila kung paano ito isasagawa; ito ay malinaw na malinaw. Sinasabi ng Diyos, “Kung marami kang mga nakatagong kaalamang atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling magtatamo ng kaligtasan.” Ang pagiging tapat ay may kugnayan sa pagtatamo ng kaligtasan. Anong masasabi ninyo, mahalaga bang maging tapat? (Oo.) Ang gusto ng Diyos ay mga taong tapat. Kung kaya mong magsinungaling at manlinlang, isa kang mapanlinlang, buktot, at masamang tao, at hindi ka isang tapat na tao. Kung hindi ka tapat na tao, walang pag-asa na ililigtas ka ng Diyos, at hindi ka rin posibleng maligtas. Hindi ka naging isang tapat na tao, at sinasabi mo na dedikadong-dedikado ka na, na hindi ka mapagmataas o nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, na kayang-kaya mong magpakasakit, o na kaya mong ipalaganap ang ebanghelyo at umakay ng maraming tao palapit sa Diyos. Ngunit hindi ka tapat, at mapanlinlang ka pa rin, at hindi pa nagbago kahit kaunti. Maliligtas ka ba? (Hindi.) Kung kaya, ipinapaalala sa bawat isa sa atin ng mga salita ng Diyos na ito na, upang maligtas, una sa lahat ay dapat tayong maging tapat alinsunod sa mga salita at mga hinihingi ng Diyos. Dapat nating buksan ang ating sarili, ilantad ang ating mga tiwaling disposisyon, magawang ilantad ang ating mga motibo at mga lihim, at hanapin ang daan ng liwanag.

Hinango mula sa “Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ang nagpapatunay na tunay na kinamumuhian Niya ang mga mandaraya, na hindi Niya gusto ang mga taong mandaraya. Ang katunayan na hindi gusto ng Diyos ang mga mandaraya ay nangangahulugan na hindi Niya gusto ang kanilang mga kilos, disposisyon, at ang kanilang mga motibo; iyon ay, hindi nais ng Diyos ang paggawa nila ng mga bagay-bagay. Kaya kung bibigyan natin ng kasiyahan ang Diyos, dapat muna nating baguhin ang ating mga kilos at paraan ng pag-iral. Dati-rati, umasa tayo sa mga kasinungalingan at pagkukunwari para mamuhay sa piling ng mga tao. Ito ang ating puhunan, at ang batayan ng pag-iral, buhay, at pundasyon ng ating pagkilos, at lahat ng ito ay kinamuhian ng Diyos. Sa mga walang-pananalig sa mundo, kung hindi mo alam kung paano magmanipula o manloko, baka mahirapan kang manindigan. Makakaya mo lang magsinungaling, manloko, at makipagsabwatan at lihim na manira para protektahan ang iyong sarili at magbalatkayo para magkaroon ng mas mainam na buhay. Sa bahay ng Diyos, iyon mismo ang kabaligtaran: Habang mas nanloloko ka, mas gumagamit ka ng sopistikadong pagmamanipula para magkunwari at manloko ng mga tao, sa gayo’y mas hindi mo kakayaning manindigan, at mas kinamumuhian at inaalis ng Diyos ang gayong mga tao. Naitadhana na ng Diyos na ang matatapat na tao lamang ang magkakaroon ng bahaging gagampanan sa kaharian ng langit. Kung hindi ka matapat, at kung, sa buhay mo, hindi nakatuon ang iyong pagsasagawa sa pagiging matapat at hindi mo ipinapakita ang totoong pagkatao mo, hindi ka magkakaroon ng anumang pagkakataon kailanman na matamo ang gawain ng Diyos o ang Kanyang papuri.

Hinango mula sa “Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Sinasabi ng Diyos sa mga tao na huwag maging mapanlinlang, kundi maging tapat, magsalita nang tapat at gumawa ng matatapat na bagay. Ang kabuluhan ng pagsasabi nito ng Diyos ay upang tulutan ang mga tao na magkaroon ng tunay na wangis ng tao, para hindi sila maging kamukha ni Satanas, na nagsasalita na parang ahas na gumagapang sa lupa, laging nagsisinungaling, nililito ang katotohanan ng mga bagay-bagay. Ibig sabihin, sinasabi iyon para ang mga tao, kapwa sa salita o gawa, ay makapamuhay nang marangal at matuwid, walang kasamaan, walang anumang kahiya-hiya, may malinis na puso, magkaayon ang ugali at ang nasa kalooban; sinasabi nila ang anumang iniisip nila sa kanilang puso at hindi nila dinadaya ang sinuman o ang Diyos, walang itinatago, ang kanilang puso ay parang isang dalisay na lupain. Ito ang layunin ng Diyos sa pag-uutos sa mga tao na maging tapat.

Hinango mula sa “Ang Tao ang Pinakamalaki ang Pakinabang sa Plano ng Pamamahala ng Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Malalaman ng mga tao kung gaano sila katiwali kung hahangarin lamang nila na maging matapat at kung may pagkakawangis ba sila o wala sa tao; tanging sa pagsasagawa ng katapatan sila magkakaroon ng kamalayan kung gaano karaming kasinungalingan ang sinasabi nila at kung gaano kalalim nakatago ang panlilinlang at pandaraya nila. Tanging sa pagkakaroon ng karanasan sa pagsasagawa ng pagiging matapat makakaya ng mga tao na unti-unting malaman ang katotohanan ng kanilang sariling katiwalian at makilala ang kanilang sariling kalikasang diwa, at saka lamang magagawang palagiang madalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Tanging sa takbo ng palagiang pagdadalisay ng kanilang tiwaling disposisyon magagawang makamit ng mga tao ang katotohanan. Huwag kayong magmadali sa paglasap ng mga salitang ito. Hindi pineperpekto ng Diyos yaong mga mapanlinlang. Kung ang puso mo ay hindi tapat—kung hindi ka isang tapat na tao—kung gayon hindi ka kailanman makakamit ng Diyos. Hindi mo rin makakamit ang katotohanan, at hindi rin makakayang makamit ang Diyos. Kung hindi mo makakamit ang Diyos, at hindi mo mauunawaan ang katotohanan, ano ngayon ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan na ikaw ay laban sa Diyos, hindi ka kaayon ng Diyos, at hindi Siya ang Diyos mo. At kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, hindi ka maliligtas. Kung hindi ka maliligtas, ikaw ay magiging kaaway ng Diyos magpakailanman, at napagpasyahan na ang iyong kahahantungan. Kaya, kung nais ng mga tao na maligtas, dapat silang magsimula sa pagiging matapat. May tanda na nagtatakda sa kung sino ang makakamit ng Diyos sa huli. Alam ba ninyo kung ano ito? Nasusulat ito sa Pahayag, sa Biblia: “At sa kanilang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis.” Sino “sila?” Sila ang mga yaong nagawang perpekto at nakamit ng Diyos, at mga naligtas. Paano inilalarawan ng Diyos ang mga taong ito? Ano ang mga katangian at mga pagpapahayag ng kanilang mga kilos? (Wala silang dungis. Hindi sila nagsasabi ng kasinungalingan.) Dapat ninyong maunawaan at magagap lahat ang kahulugan ng hindi pagsasabi ng kasinungalingan: Nangangahulugan ito ng pagiging matapat. Ano ang ibig sabihin ng walang dungis? Paano tinutukoy ng Diyos ang taong walang dungis? Yaong mga walang dungis ay nagagawang matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan; sila ang mga yaong may kakayahang sumunod sa pamamaraan ng Diyos. Ang mga ganitong tao ay perpekto sa mga mata ng Diyos; sila ay walang dungis.

Hinango mula sa “Anim na Pahiwatig ng Pag-unlad sa Buhay” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman