Paano ipinamamalas ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa sangkatauhan
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay isang pagkastigo at paghatol, kung saan inihahayag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto ang mga nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang kalikasan. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng sangkatauhan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para mailantad ang kanilang pagsuway at kasamaan. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kalalabasan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang buong sangkatauhan ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kalalabasan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sasailalim sa pamamahala ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing pinagsama ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang ganap na babago at bubuo sa tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay makapagbibigay nang matinding parusa sa lahat ng hindi matuwid. Samakatuwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan, at ang pagpapahayag at pagpapakita ng Kanyang disposisyon ay ipinamamalas para sa kapakanan ng gawain sa bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang gayon-gayon na lamang at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na sa pagbubunyag ng kalalabasan ng tao sa mga huling araw, igagawad pa rin ng Diyos sa tao ang walang-hanggang awa at pagmamahal at patuloy na magiging mapagmahal sa mga tao, hindi isasailalim ang tao sa matuwid na paghatol kundi magpapakita sa kanya ng pagpaparaya, pagtitiis at pagpapatawad, at papatawarin ang tao gaano man katindi ang mga kasalanan niya, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol; kailan kung gayon magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang mapangunahan ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa nararapat na hantungan ng sangkatauhan? Gawing halimbawa ang isang hukom na laging mapagmahal, may maamong mukha at magiliw na puso. Mahal niya ang mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa sinumang tao. Kung gayon, kailan siya makaaabot sa isang makatwirang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makapaghihiwalay sa tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa kanila sa isang bagong kaharian. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay dadalhin sa katapusan sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3
Naging tao ang Diyos sa pinakapaurong at pinakamaruming lugar sa lahat, at sa ganitong paraan lamang nagagawa ng Diyos na malinaw na ipakita ang kabuuan ng Kanyang banal at matuwid na disposisyon. At paano ipinapakita ang Kanyang matuwid na disposisyon? Ipinapakita ito kapag hinahatulan Niya ang mga kasalanan ng tao, kapag hinahatulan Niya si Satanas, kapag kinamumuhian Niya ang kasalanan, at kapag kinasusuklaman Niya ang mga kaaway na kumakalaban at naghihimagsik laban sa Kanya. Ang mga salitang sinasambit Ko ngayon ay upang hatulan ang mga kasalanan ng tao, upang hatulan ang hindi pagiging matuwid ng tao, upang isumpa ang pagsuway ng tao. Ang kabuktutan at panlilinlang ng tao, ang mga salita at gawa ng tao—lahat ng hindi naaayon sa kalooban ng Diyos ay kailangang isailalim sa paghatol, at tuligsain ang pagsuway ng tao bilang kasalanan. Umiikot ang Kanyang mga salita sa mga prinsipyo ng paghatol; ginagamit Niya ang paghatol sa hindi pagiging matuwid ng tao, ang sumpa sa pagkasuwail ng tao, ang paglalantad sa mga pangit na mukha ng tao upang ipakita ang Kanyang sariling matuwid na disposisyon. Ang kabanalan ay isang pagkakatawan ng Kanyang matuwid na disposisyon, at sa katunayan ang kabanalan ng Diyos ay talagang ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang mga tiwali ninyong disposisyon ang konteksto ng mga salita ngayon—ginagamit Ko ang mga ito upang mangusap at humatol, at upang isagawa ang gawain ng paglupig. Ito lamang ang tunay na gawain, at ito lamang ang lubos na nagpapaningning sa kabanalan ng Diyos. Kung walang bahid ng tiwaling disposisyon sa iyo, hindi ka hahatulan ng Diyos, at hindi rin Niya ipapakita sa iyo ang Kanyang matuwid na disposisyon. Dahil mayroon kang tiwaling disposisyon, hindi ka basta paliligtasin ng Diyos, at sa pamamagitan nito ipinapakita ang Kanyang kabanalan. Kung makikita ng Diyos na masyadong malubha ang karumihan at pagkasuwail ng tao ngunit hindi Siya nagsalita o hinatulan ka, ni hindi ka kinastigo dahil sa iyong hindi pagiging matuwid, patutunayan nito na hindi Siya Diyos, dahil hindi Siya galit sa kasalanan; magiging kasingdumi lamang Siya ng tao. Ngayon, dahil sa karumihan mo kaya kita hinahatulan, at dahil sa katiwalian at pagkasuwail mo kaya kita kinakastigo. Hindi Ko ipinangangalandakan ang Aking kapangyarihan sa inyo o sadya kayong inaapi; ginagawa Ko ang mga bagay na ito dahil kayo, na naisilang sa lupaing ito ng karumihan, ay labis-labis nang narumihan. Sadyang naiwala ninyo ang inyong integridad at pagkatao at naging para kayong mga baboy na ipinanganak sa pinakamaruruming sulok ng daigdig, kaya nga dahil dito kaya kayo hinahatulan at kaya Ko pinapakawalan sa inyo ang Aking poot. Dahil mismo sa paghatol na ito kaya ninyo nagawang makita na ang Diyos ay ang matuwid na Diyos, at na ang Diyos ay ang banal na Diyos; dahil mismo sa Kanyang kabanalan at Kanyang katuwiran kaya Niya kayo hinahatulan at pinapakawalan Niya ang Kanyang poot sa inyo. Dahil naibubunyag Niya ang Kanyang matuwid na disposisyon kapag nakikita Niya ang pagkasuwail ng tao, at dahil naibubunyag Niya ang Kanyang kabanalan kapag nakikita Niya ang karumihan ng tao, sapat na ito upang ipakita na Siya ang Diyos Mismo, na banal at malinis, ngunit nabubuhay sa lupain ng karumihan. Kung nagtatampisaw ang isang tao sa putikan na kasama ng iba, at walang anumang banal tungkol sa kanya, at wala siyang matuwid na disposisyon, wala siyang karapatang hatulan ang kasamaan ng tao, ni hindi siya akmang magsagawa ng paghatol sa tao. Kung hahatulan ng isang tao ang iba, hindi ba parang sinasampal nila ang sarili nilang mukha? Paano magiging karapat-dapat ang mga taong pare-parehong marumi na hatulan yaong mga kagaya nila? Tanging ang banal na Diyos Mismo ang nagagawang hatulan ang buong sangkatauhang marumi. Paano mahahatulan ng tao ang mga kasalanan ng tao? Paano makikita ng tao ang mga kasalanan ng tao, at paano magiging karapat-dapat ang tao na isumpa ang mga kasalanang ito? Kung hindi karapat-dapat ang Diyos na hatulan ang mga kasalanan ng tao, paano Siya magiging matuwid na Diyos Mismo? Kapag ibinubunyag ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, nangungusap ang Diyos upang hatulan ang mga tao, at saka lamang nakikita ng mga tao na Siya ay banal. Habang hinahatulan at kinakastigo Niya ang tao para sa kanyang mga kasalanan, na inilalantad pala ang mga kasalanan ng tao, walang tao o bagay na makakatakas sa paghatol na ito; Siya ang humahatol sa lahat ng marumi, at sa gayon lamang masasabi na matuwid ang Kanyang disposisyon. Kung hindi, paano masasabi na mga hambingan kayo kapwa sa pangalan at sa katunayan?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakakamtan ang mga Epekto ng Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Paglupig
Hanggang saan ang kaalaman mo ngayon? Ang iyong mga ideya, iyong mga iniisip, iyong pag-uugali, iyong mga salita at gawa—hindi ba’t ang lahat ng mga pagpapahayag na ito ay katumbas ng hambingan ng katuwiran at kabanalan ng Diyos? Hindi ba ang iyong mga pagpapahayag ngayon ay mga pagpapakita ng tiwaling disposisyon ng tao na ibinunyag ng mga salita ng Diyos? Ang iyong mga ideya, iyong mga pagganyak, at ang katiwaliang nabunyag sa iyo ay nagpapakita ng matuwid na disposisyon ng Diyos, maging ng Kanyang kabanalan. Ang Diyos ay isinilang din sa lupain ng karumihan, subalit nananatili Siyang walang bahid ng karumihan. Naninirahan Siya sa maruming mundong tinitirhan mo, ngunit may taglay Siyang katwiran at pandama, at kinamumuhian Niya ang karumihan. Maaaring ni hindi mo magawang mapansin ang anumang marumi sa iyong mga salita at gawa, ngunit kaya Niyang gawin iyon, at itinuturo Niya ang mga ito sa iyo. Ang mga dating ugali mong iyon—ang iyong kawalan ng kalinangan, kabatiran, at pakiramdam, at ang iyong paurong na mga paraan ng pamumuhay—ay nailantad na ng mga paghahayag ngayon; kapag pumaparito ang Diyos sa lupa upang gumawa nang gayon, saka lamang namamasdan ng mga tao ang Kanyang kabanalan at matuwid na disposisyon. Hinahatulan at kinakastigo ka Niya, kaya ka nagtatamo ng pag-unawa; kung minsan, nakikita ang iyong likas na kademonyohan, at itinuturo Niya ito sa iyo. Alam Niya ang diwa ng tao na tulad ng likod ng Kanyang kamay. Nabubuhay Siya sa piling ninyo, kumakain Siya ng pagkaing kinakain mo, at naninirahan Siya sa kapaligirang tinitirhan ninyo—ngunit magkagayunman, mas marami Siyang alam; maaaring ilantad ka Niya at makita ang tiwaling diwa ng sangkatauhan. Wala Siyang higit na kinamumuhian kaysa sa mga pilosopiya sa pamumuhay at kabuktutan at panlilinlang ng tao. Kinamumuhian Niya lalo na ang makamundong pag-uugnayan ng mga tao. Maaaring hindi Siya pamilyar sa mga pilosopiya ng tao sa pamumuhay, ngunit malinaw Niyang nakikita at nailalantad ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita ng mga tao. Gumagawa Siya upang mangusap at turuan ang tao sa pamamagitan ng mga bagay na ito, ginagamit Niya ang mga bagay na ito upang hatulan ang mga tao, at upang ipakita ang Kanyang sariling matuwid at banal na disposisyon.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakakamtan ang mga Epekto ng Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Paglupig
Ang hindi pagkunsinti ng Diyos sa pagkakasala ang Kanyang natatanging diwa; ang poot ng Diyos ang Kanyang natatanging disposisyon; ang kamaharlikahan ng Diyos ang Kanyang natatanging diwa. Ang prinsipyo sa likod ng galit ng Diyos ay ang pagpapakita ng Kanyang pagkakakilanlan at katayuan na Siya lamang ang nagtataglay. Hindi na kailangang sabihin pa na ang prinsipyong ito ay sagisag din ng diwa ng natatanging Diyos Mismo. Ang disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling likas na diwa. Hindi ito nababago ng paglipas ng panahon, o ng mga pagbabago man sa heograpikal na lokasyon. Ang Kanyang likas na disposisyon ay ang Kanyang tunay na diwa. Kanino man Niya iniuukol ang Kanyang ginagawa, hindi nagbabago ang Kanyang diwa at maging ang Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag ginagalit ng isang tao ang Diyos, yaong ipinadadala ng Diyos ay ang Kanyang likas na disposisyon; sa pagkakataong ito, ang prinsipyo sa likod ng Kanyang galit ay hindi nagbabago, gayundin ang Kanyang natatanging pagkakakilanlan at katayuan. Hindi Siya unti-unting nagagalit dahil sa isang pagbabago sa Kanyang diwa o dahil ang Kanyang disposisyon ay nagbunga ng iba’t ibang mga elemento, kundi dahil ang paglaban ng tao sa Kanya ay nakaaagrabyado sa Kanyang disposisyon. Ang lantarang pagpapagalit ng tao sa Diyos ay isang matinding hamon sa sariling pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Sa pananaw ng Diyos, kapag hinahamon Siya ng tao, kinakalaban Siya ng tao at sinusubok ang Kanyang galit. Kapag sinasalungat ng tao ang Diyos, kapag kinakalaban ng tao ang Diyos, kapag patuloy na sinusubok ng tao ang galit ng Diyos—at sa mga panahong iyon kung kailan laganap ang kasalanan—ang poot ng Diyos ay likas na magpapahayag at magpapakita. Samakatuwid, ang pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang poot ay isang simbolo na ang lahat ng puwersa ng kasamaan ay titigil sa pag-iral; isa itong simbolo na ang lahat ng kalabang puwersa ay wawasakin. Ito ang pagiging natatangi ng matuwid na disposisyon ng Diyos at ng Kanyang poot. Kapag hinahamon ang dangal at kabanalan ng Diyos, kapag ang mga makatarungang puwersa ay hinahadlangan at hindi nakikita ng tao, ipadadala ng Diyos ang Kanyang poot. Dahil sa diwa ng Diyos, lahat ng puwersang iyon sa mundo na kumakalaban sa Diyos, sumasalungat at nakikipagtalo sa Kanya ay masasama, tiwali at hindi makatarungan; ang mga ito ay nagmumula kay Satanas at nabibilang kay Satanas. Dahil makatarungan ang Diyos, at Siya ay liwanag at banal na walang-dungis, lahat ng bagay na masama, tiwali at kay Satanas ay maglalaho kapag pinakawalan na ang poot ng Diyos.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang matinding galit, napipigil ang mga puwersa ng kasamaan at nawawasak ang mga masasamang bagay, samantalang tinatamasa ng matutuwid at positibong mga bagay ang pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, at sila ay pinahihintulutang magpatuloy. Ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot dahil ang hindi makatarungan, negatibo at masasamang bagay ay humahadlang, nanggugulo o sumisira sa normal na gawain at pagsulong ng makatarungan at positibong mga bagay. Ang layunin ng galit ng Diyos ay hindi ang protektahan ang Kanyang sariling katayuan at pagkakakilanlan, kundi ingatan ang pag-iral ng makatarungan, positibo, magaganda at mabubuting mga bagay, upang pangalagaan ang mga batas at kaayusan ng normal na kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan. Ito ang pinag-uugatan ng poot ng Diyos. Ang matinding galit ng Diyos ay talagang nararapat, likas at tunay na pahayag ng Kanyang disposisyon. Walang mga lihim na hangarin sa Kanyang matinding galit, ni panlilinlang man o pagbabalak, o lalo na ng mga pagnanasa, katusuhan, malisya, karahasan, kasamaan o alinman sa mga katangiang taglay ng tiwaling sangkatauhan. Bago ipinadadala ng Diyos ang Kanyang matinding galit, naramdaman na Niya ang diwa ng bawat bagay nang lubhang malinaw at ganap, at nakapagbuo na Siya ng tumpak at malinaw na mga pakahulugan at mga konklusyon. Sa gayon, ang layunin ng Diyos sa bawat bagay na Kanyang ginagawa ay sinlinaw ng kristal, tulad din ng Kanyang saloobin. Hindi magulo ang Kanyang pag-iisip; hindi Siya bulag at mapusok; tiyak na may prinsipyo Siya. Ito ang praktikal na aspeto ng poot ng Diyos, at dahil sa praktikal na aspetong ito ng poot ng Diyos kaya naabot ng sangkatauhan ang karaniwang pag-iral nito. Kung wala ang poot ng Diyos, bababa ang sangkatauhan sa mga hindi karaniwang kalagayan ng pamumuhay; at ang lahat ng bagay na matuwid, maganda at mabuti ay mawawasak at hihinto sa pag-iral. Kung wala ang poot ng Diyos, ang mga batas at mga alituntunin ng pag-iral para sa mga nilikhang nilalang ay masisira o maaaring tuluyang mawasak. Mula sa paglikha sa tao, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pangalagaan at panatilihin ang normal na pag-iral ng sangkatauhan. Sapagkat ang Kanyang matuwid na disposisyon ay naglalaman ng poot at kamaharlikahan, ang lahat ng masasamang tao, mga bagay at gamit, at lahat ng bagay na gumagambala at sumisira sa karaniwang pag-iral ng sangkatauhan ay naparurusahan, nakokontrol at nawawasak bilang resulta ng Kanyang poot. Sa mga nakalipas na libu-libong taon, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pabagsakin at wasakin ang lahat ng uri ng marurumi at masasamang mga espiritu na kumakalaban sa Diyos at kumikilos bilang mga kasabwat at utusan ni Satanas sa gawain ng Diyos ng pamamahala sa sangkatauhan. Sa gayon, ang gawain ng Diyos na pagliligtas sa tao ay laging sumusulong ayon sa Kanyang plano. Masasabi natin na dahil sa pag-iral ng poot ng Diyos, ang pinakamatuwid na mga layunin ng mga tao ay hindi kailanman nawasak.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Ang pakikitungo ng Diyos sa kabuuan ng sangkatauhan, hangal at mangmang man ito, ay pangunahing nakabatay sa awa at pagpapaubaya. Sa kabilang banda, ang Kanyang poot ay nakatago sa mas nakararaming pagkakataon at sa mas nakararaming pangyayari, at hindi ito nalalaman ng tao. Bilang resulta, mahirap para sa tao na makitang inilalabas ng Diyos ang Kanyang poot, at mahirap ding maunawaan ang Kanyang poot. Dahil dito, minamaliit ng tao ang poot ng Diyos. Kapag humaharap na ang tao sa huling gawain at hakbang ng pagpapaubaya at pagpapatawad sa tao ng Diyos—iyan ay kapag ang huling pagkakataon para sa awa ng Diyos at ang huling babala Niya ay dumapo sa sangkatauhan—kung gagamitin pa rin ng mga tao ang parehong mga paraan upang salungatin ang Diyos at hindi gumawa ng kahit anong pagsisikap upang magsisi, ayusin ang kanilang mga pag-uugali at tanggapin ang Kanyang awa, hindi na ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang pagpapaubaya at pasensya sa kanila. Bagkus, babawiin ng Diyos ang Kanyang awa sa panahong ito. Kasunod nito, ipadadala na lamang Niya ang Kanyang poot. Maaari Niyang ipahayag ang Kanyang poot sa iba’t ibang mga paraan, gaya ng kung paanong nakagagamit Siya ng iba’t ibang mga pamamaraan upang parusahan at wasakin ang mga tao.
Ang paggamit ng Diyos ng apoy upang wasakin ang lungsod ng Sodoma ang pinakamabilis Niyang paraan upang lubos na lipulin ang isang sangkatauhan o ano pa mang bagay. Higit pa sa kanilang pisikal na katawan ang winasak ng pagsunog sa mga mamamayan ng Sodoma; winasak nito ang kabuuan ng kanilang mga espiritu, ang kanilang mga kaluluwa at kanilang mga katawan, tinitiyak na ang mga tao sa loob ng lungsod na ito ay titigil sa pag-iral sa kapwa materyal na mundo at mundong hindi nakikita ng tao. Ito ay isang paraan kung paano ibinubunyag ng Diyos at ipinahahayag ang Kanyang poot. Ang ganitong paraan ng pagbubunyag at pagpapahayag ay isang aspeto ng diwa ng poot ng Diyos, kung paano ring ito ay likas na paghahayag ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot, tumitigil Siya sa paghahayag ng anumang awa o kagandahang loob, ni hindi na Siya nagpapakita pa ng Kanyang pagpapaubaya o pasensya; walang tao, bagay o dahilan na makahihimok sa Kanya upang patuloy na maging matiyaga, na muling ibigay ang Kanyang awa, at minsan pang ipagkaloob ang Kanyang pagpaparaya. Kapalit ng mga bagay na ito, walang isa mang sandali ng pag-aalinlangan, ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot at kamaharlikahan, ginagawa kung ano ang Kanyang nais. Isasagawa Niya ang mga bagay na ito sa isang mabilis at malinis na paraan ayon sa Kanyang sariling mga kagustuhan. Ito ang paraan kung paano ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot at kamaharlikahan, na hindi dapat maagrabyado ng tao, at ito ay isa ring pagpapahayag ng isang aspeto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag nasasaksihan ng mga tao na nagpapakita ng pag-aalala at pagmamahal ang Diyos sa tao, hindi nila napapansin ang Kanyang poot, nakikita ang Kanyang kamaharlikahan o nadarama ang Kanyang kawalang-paraya sa pagkakasala. Ang mga bagay na ito ang laging nagpapapaniwala sa mga tao na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay yaong awa, pagpapaubaya at pagmamahal lamang. Gayunman, kapag nakita ng isang tao na winasak ng Diyos ang isang lungsod o kinamuhian ang isang sangkatauhan, ang Kanyang matinding galit sa pagkawasak ng tao at ang Kanyang kamaharlikahan ang nagbibigay-daan sa mga tao na masilayan ang kabilang panig ng matuwid Niyang disposisyon. Ito ang hindi pagkunsinti ng Diyos sa pagkakasala. Ang disposisyon ng Diyos na hindi kumukunsinti ng pagkakasala ay lumalampas sa imahinasyon ng anumang nilikhang nilalang, at sa mga di-nilikhang nilalang, walang may kakayahang panghimasukan ito o maapektuhan ito; at lalong hindi ito kayang gayahin o tularan. Sa gayon, ang aspetong ito ng disposisyon ng Diyos ang siyang dapat na talagang mabatid ng sangkatauhan. Tanging ang Diyos Mismo ang may ganitong uri ng disposisyon, at tanging Diyos Mismo ang nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon. Nagtataglay ang Diyos ng ganitong uri ng matuwid na disposisyon dahil nasusuklam Siya sa kasamaan, kadiliman, pagka-mapanghimagsik at mga masasamang gawa ni Satanas—pagtitiwali at paglamon sa sangkatauhan—sapagkat kinasusuklaman Niya ang lahat ng paggawa ng kasalanan bilang paglaban sa Kanya at dahil sa Kanyang banal at walang-dungis na diwa. Ito ang dahilan kaya hindi Niya hahayaan ang sinumang nilikha o di-nilikhang nilalang na hayagang salungatin o labanan Siya. Kahit ang isang indibidwal na pinagpakitaan Niyang minsan ng awa o Kanyang pinili ay kailangan lamang pukawin ang Kanyang disposisyon at labagin ang Kanyang prinsipyo ng pagpapasensya at pagpaparaya, at pakakawalan Niya at ibubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon na wala kahit katiting mang awa o pag-aalinlangan—isang disposisyon na hindi kinukunsinti ang pagkakasala.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Kahit gaano man kagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive, sa sandaling nagpahayag sila ng pag-aayuno at nagsuot ng magaspang na damit at naupo sa mga abo, unti-unting lumambot ang Kanyang puso, at nagsimulang magbago ang Kanyang isip. Nang sabihin Niyang wawasakin Niya ang kanilang lungsod—ang panahon bago ang kanilang pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan—galit pa rin sa kanila ang Diyos. Sa sandaling nagsagawa sila ng serye ng mga gawain ng pagsisisi, unti-unting nagbago at napalitan ng awa at pagpaparaya ang galit ng Diyos sa mga taga-Ninive. Walang anumang magkasalungat sa magkaparehong paghahayag ng dalawang aspeto ng disposisyon ng Diyos sa magkaparehong pangyayari. Paano mauunawaan at malalaman ng isang tao ang ganitong kawalan ng pagkakasalungatan kung gayon? Magkasunod na ipinahayag ng Diyos ang magkabaligtad na bahaging ito ng mga diwa nang magsisi ang mga taga-Ninive; naipakita nito sa mga tao ang pagiging totoo at pagka-di-napupuno ng diwa ng Diyos. Ginamit ng Diyos ang Kanyang saloobin upang sabihin sa mga tao ang mga sumusunod: Ito ay hindi dahil kinukunsinti ng Diyos ang mga tao, o hindi Niya nais na maawa sa kanila; sa halip, ito ay dahil sa bihira silang magsisi nang tapat sa Diyos, at bihirang tunay na talikdan ang kanilang masasamang gawi at iwanan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling sabi, kapag nagagalit ang Diyos sa tao, umaasa Siya na makakaya ng tao na magsisi nang tapat, at umaasa Siya na makikita ang tunay na pagsisisi ng tao. Sa kasong ito, maluwag Niyang ipagpapatuloy na ipagkaloob ang Kanyang awa at pagpaparaya sa tao. Ibig sabihin nito na ang masamang ugali ng tao ang nagdudulot ng poot ng Diyos, samantalang ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay ipagkakaloob sa mga nakikinig sa Diyos at tunay na nagsisisi sa harap Niya, sa mga makatatalikod sa kanilang masasamang gawi at maiiwan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Ang saloobin ng Diyos ay napakalinaw na ipinahayag sa Kanyang pakikitungo sa mga taga-Ninive: Ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay hindi lubhang mahirap na makamit at ang hinihingi Niya sa isang tao ay tunay na pagsisisi nito. Hangga’t ang mga tao ay tatalikod sa kanilang masasamang gawi at iiwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, babaguhin ng Diyos ang Kanyang puso at ang Kanyang saloobin tungo sa kanila.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Nang binago ng Diyos ang Kanyang puso para sa mga taga-Ninive, isang pagkukunwari lamang ba ang Kanyang awa at pagpaparaya? Siyempre hindi! Kung gayon, ano ang naipakita ng pagbabago sa pagitan ng dalawang aspetong ito ng disposisyon ng Diyos sa kurso ng pagharap ng Diyos sa isang sitwasyong ito? Ang disposisyon ng Diyos ay isang ganap na buo–hinding-hindi ito nahahati. Naghahayag man Siya ng galit o awa at pagpaparaya tungo sa mga tao, ang lahat naman ng ito ay pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos ay mahalaga at malinaw. Binabago Niya ang Kanyang isip at saloobin batay sa pag-unlad ng mga bagay-bagay. Ang pagbabago ng Kanyang saloobin tungo sa mga taga-Ninive ay nagsasabi sa sangkatauhan na mayroon Siyang sariling mga kaisipan at ideya; hindi Siya isang robot o luwad na rebulto, kundi ang buhay na Diyos Mismo. Maaari Siyang magalit sa mga mamamayan ng Ninive, kung paanong maaari rin Niyang patawarin ang kanilang mga nakaraan dahil sa kanilang mga pag-uugali. Maaari Siyang magpasya na magpadala ng kasawian sa mga taga-Ninive, at maaari rin Niyang baguhin ang Kanyang pagpapasya dahil sa kanilang pagsisisi. Gusto ng mga tao na mahigpit na maglapat ng mga alituntunin at gamitin ang mga ganoong alituntunin upang limitahan at bigyang-kahulugan ang Diyos, tulad ng kanilang pagnanais na gumamit ng mga pormula upang subukang unawain ang disposisyon ng Diyos. Samakatuwid, batay sa kayang abutin ng pag-iisip ng tao, ang Diyos ay hindi nag-iisip, ni wala Siyang anumang makabuluhang mga ideya. Ngunit sa realidad, ang mga kaisipan ng Diyos ay patuloy na nagbabago ayon sa mga pagbabago sa mga bagay-bagay at sa mga kapaligiran. Habang ang mga kaisipang ito ay nagbabago, nabubunyag ang iba’t ibang aspeto ng diwa ng Diyos. Sa prosesong ito ng pagbabago, sa mismong sandaling binabago ng Diyos ang Kanyang puso, ang totoong pag-iral ng Kanyang buhay ang ibinubunyag Niya sa sangkatauhan; ibinubunyag din Niya na ang Kanyang matuwid na disposisyon ay puno ng nagbabagong kasiglahan. Kasabay nito, ginagamit ng Diyos ang Kanyang sariling tunay na mga pagbubunyag upang patunayan sa sangkatauhan ang pagiging totoo ng pag-iral ng Kanyang poot, Kanyang awa, Kanyang kagandahang-loob at Kanyang pagpaparaya. Ang Kanyang diwa ay mabubunyag sa anumang oras at saan mang lugar alinsunod sa pag-unlad ng mga bagay-bagay. May angkin Siyang poot ng isang leon at pagkahabag at pagpaparaya ng isang ina. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay hindi nagpapahintulot ng pagdududa, paglabag, pagbabago o pamamaluktot ng sinumang tao. Sa lahat ng usapin at mga bagay-bagay, ang matuwid na disposisyon ng Diyos–iyon ay, ang poot ng Diyos at awa ng Diyos–ay mabubunyag sa anumang oras at saan mang lugar. Nagbibigay Siya ng mahalagang pagpapahayag sa mga aspetong ito sa bawat sulok ng sangnilikha, at isinasakatuparan Niya ang mga iyon nang may sigla sa bawat paglipas ng sandali. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nalilimitahan ng panahon o lugar, o sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi ipinapahayag na parang makina o ibinubunyag ayon sa idinidikta ng mga hangganan ng panahon o lugar. Sa halip, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay malayang naihahayag at nabubunyag sa lahat ng panahon at mga lugar. Kapag nakita mong binago ng Diyos ang Kanyang puso at huminto sa paghahayag ng Kanyang poot at tumigil sa pagwasak sa lungsod ng Ninive, masasabi mo ba na mahabagin at mapagmahal lamang ang Diyos? Masasabi mo ba na ang poot ng Diyos ay binubuo ng walang-saysay na mga salita? Kapag ipinadarama ng Diyos ang matinding poot at binabawi ang Kanyang awa, masasabi mo ba na hindi Siya nakadarama ng tunay na pagmamahal sa sangkatauhan? Inihahayag ng Diyos ang matinding poot na ito bilang tugon sa masasamang gawa ng mga tao; ang Kanyang poot ay walang kapintasan. Ang puso ng Diyos ay naaantig ng pagsisisi ng mga tao, at ang pagsisising ito ang siyang nagdudulot ng pagbabago sa Kanyang puso. Kapag naaantig Siya, kapag may pagbabago sa Kanyang puso, at kapag nagpapakita siya ng awa at pagpaparaya sa tao, ang lahat ng ito ay lubos na walang kapintasan; ang mga iyon ay malinis, dalisay, walang-dungis at walang-halo. Ang pagpaparaya ng Diyos ay dalisay na pagpaparaya; ang Kanyang awa ay dalisay na awa. Ibinubunyag ng Kanyang disposisyon ang poot o awa at pagpaparaya, alinsunod sa pagsisisi ng tao at sa kanyang paiba-ibang asal. Kahit ano man ang Kanyang ibunyag at ipahayag, lahat ng ito ay dalisay at tuwiran; ang diwa nito ay iba mula roon sa anumang nilikha. Kapag ipinahahayag ng Diyos ang mga prinsipyo sa likod ng Kanyang mga pagkilos, malaya ang mga ito sa anumang kapintasan o dungis, at gayundin ang Kanyang kaisipan, mga ideya at bawat isang pagpapasya Niya at kilos na isinasagawa Niya. Dahil sa nakapagpasya na nang gayon ang Diyos at nakakilos na Siya nang gayon, gayon Niya rin tinatapos ang Kanyang mga sinimulan. Ang resulta ng Kanyang mga ginawa ay tama at tiyak na walang pagkakamali sapagkat ang pinagmulan ng mga iyon ay walang-kapintasan at walang-dungis. Ang poot ng Diyos ay walang-kapintasan. Gayundin, ang awa at pagpaparaya ng Diyos, na hindi taglay ng anumang nilalang, ay banal at walang-kapintasan, at kayang tagalan ang maingat na paglilimi at karanasan.
Sa pamamagitan ng pagkakaunawa ninyo sa kuwento ng Ninive, nakikita na ba ninyo ang kabilang panig ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Nakikita ba ninyo ang kabilang panig ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos? Mayroon bang sinuman sa sangkatauhan na nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon? Mayroon bang sinuman na nagtataglay ng ganitong uri ng poot na tulad ng sa Diyos? Mayroon bang sinuman na nagtataglay ng awa at pagpaparaya na tulad ng sa Diyos? Sino sa mga sangnilikha ang makatatawag ng gayon katinding poot at makapagpapasya na wasakin o padalhan ng kalamidad ang sangkatauhan? At sino ang karapat-dapat na magkaloob ng awa sa tao, na magparaya at magpatawad, at sa gayon ay baguhin ang naunang pasya na wasakin ang tao? Ipinahahayag ng Lumikha ang Kanyang matuwid na disposisyon sa pamamagitan ng Kanyang sariling natatanging mga pamamaraan at prinsipyo; wala Siya sa ilalim ng kontrol o mga pagbabawal ng sinumang tao, alinmang mga pangyayari o bagay-bagay. Sa Kanyang walang katulad na disposisyon, walang sinuman ang nakapagpapabago sa Kanyang kaisipan at mga ideya, ni walang sinuman ang nakahihimok sa Kanya at nakapagpapabago ng alinman sa Kanyang mga pagpapasya. Ang kabuuan ng asal at mga kaisipan na umiiral sa lahat ng sangnilikha ay umiiral sa ilalim ng paghatol ng Kanyang matuwid na disposisyon. Walang sinumang makapipigil sa Kanyang pagkapoot o pagkaawa; tanging ang diwa lamang ng Lumikha—o sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Lumikha—ang nakapagpapasya rito. Ito ang natatanging kalikasan ng matuwid na disposisyon ng Lumikha!
Sa pamamagitan ng pagsusuri at pag-unawa sa pagbabago ng saloobin ng Diyos sa mga taga-Ninive, nagagamit mo na ba ang salitang “natatangi” upang ilarawan ang awa na matatagpuan sa matuwid na disposisyon ng Diyos? Nauna na nating sinabi na ang poot ng Diyos ay isang aspeto ng diwa ng Kanyang natatanging matuwid na disposisyon. Bibigyang-kahulugan Ko ngayon ang dalawang aspeto, ang poot ng Diyos at ang awa ng Diyos, bilang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay banal; ito ay hindi nagpapa-agrabyado at napagdududahan; ito ay isang bagay na hindi taglay ng sinuman sa mga nilalang o hindi-nilalang. Ito ay kapwa natatangi at para lamang sa Diyos. Sinasabi nito na ang poot ng Diyos ay banal at di-naaagrabyado. Sa ganito ring paraan, ang isa pang aspeto ng matuwid na disposisyon ng Diyos—ang awa ng Diyos—ay banal at hindi nalalabag. Walang sinuman sa mga nilikha o hindi-nilikhang kabuuan ang makapapalit o kayang kumatawan sa Diyos sa Kanyang mga pagkilos, ni makapapalit o kayang kumatawan sa Kanya sa pagwasak sa Sodoma o sa pagliligtas sa Ninive. Ito ang tunay na pagpapahayag ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Ang habag at pagpapaubaya ng Diyos ay talagang umiiral, ngunit ang kabanalan at pagkamatuwid ng Diyos kapag pinapakawalan Niya ang Kanyang poot ay nagpapakita rin sa tao ng panig ng Diyos na hindi nagpapahintulot ng pagkakasala. Kapag kaya na ng tao na sundin nang ganap ang mga utos ng Diyos at kumilos alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos, masagana ang habag ng Diyos sa tao; kapag ang tao ay napuno ng katiwalian, pagkamuhi at pagkapoot sa Kanya, napakatindi ng galit ng Diyos. Hanggang saan ang tindi ng Kanyang galit? Mananatili ang Kanyang poot hanggang hindi na nakikita ng Diyos ang pagsuway at masasamang gawa ng tao, hanggang sa mawala na sila sa Kanyang harapan. Saka lamang mawawala ang galit ng Diyos. Sa madaling salita, kahit na sino pa ang tao, kung ang kanilang puso ay naging malayo sa Diyos, tumalikod sa Diyos, at hindi kailanman bumalik, paano man nila ninais na ipakita ang kanilang pagsamba at pagsunod sa Diyos sa kanilang katawan at pag-iisip, ang poot ng Diyos ay pakakawalan nang walang humpay. Masasabi na kapag lubos na pinapakawalan ng Diyos ang Kanyang galit, dahil nabigyan na ng sapat na pagkakataon ang tao, sa oras na pakawalan ito, wala nang paraan upang bawiin ito, at hindi na Siya kailanman pa mahahabag at magpapaubaya sa naturang sangkatauhan. Ito ay isang panig ng disposisyon ng Diyos na hindi nagpapahintulot ng anumang paglabag. … Siya ay mapagparaya at maawain sa mga bagay na mabait, at maganda, at mabuti. Sa mga bagay na masama, at makasalanan, at nakasusuklam, malalim ang Kanyang poot, sa paraang hindi Siya tumitigil sa Kanyang pagkapoot. Ito ang dalawang pangunahin at pinakakilalang aspeto ng disposisyon ng Diyos, at, higit pa rito, naibunyag ang mga ito ng Diyos mula simula hanggang katapusan: saganang habag at malalim na poot.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, at hangga’t sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, tiyak na magiging patas Siya tungo sa tao, sapagkat Siya ang pinakamatuwid. Kung sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, kaya ba Niyang isantabi ang tao? Ako ay patas sa lahat ng tao, at hinahatulan ang lahat ng tao ayon sa Aking matuwid na disposisyon, gayunman mayroong akmang mga kundisyon sa mga kinakailangan Ko sa tao, at yaong Aking kailangan ay dapat na matupad ng lahat ng tao, maging sinuman sila. Wala Akong pakialam kung ano ang mga kwalipikasyon mo, o kung gaano katagal mo na silang taglay; ang pinahahalagahan Ko lamang ay kung lumalakad ka sa Aking daan, at kung umiibig ka at nauuhaw para sa katotohanan o hindi. Kung ikaw ay kulang sa katotohanan, at sa halip nagdadala ng kahihiyan sa Aking pangalan, at hindi kumikilos ayon sa Aking daan, sumusunod lamang nang walang pakialam o malasakit, kung gayon sa sandaling iyon ay pababagsakin kita at parurusahan dahil sa iyong kasamaan, at ano nga ang masasabi mo sa panahong iyon? Masasabi mo bang ang Diyos ay hindi matuwid? Ngayon, kung nakasunod ka sa mga salita na Aking binitiwan, kung gayon ikaw ang uri ng taong Aking sinasang-ayunan. Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa anumang kalagayan, at naibahagi sa Kanya ang mga pagkakataong mabubuti at ang masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip na isabuhay ang isang buhay na makabuluhan. Sinasabi mo rin, “Sa ano mang katayuan, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid: Nagdusa ako para sa Kanya, gumawa para sa Kanya, at inilaan ang aking sarili sa Kanya, at masigasig akong nakagawa kahit hindi tumatanggap ng anumang pagkilala; tiyak na aalalahanin Niya ako.” Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang katuwirang ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o ng pantaong pag-uugnayan. Ang lahat ng mapanghimagsik at lumalaban, ang lahat ng hindi nakaayon sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang ititira! May ilang tao na nagsasabi, “Ngayon ay gumagawa ako para sa Iyo; kapag dumating ang katapusan, maaari Mo ba akong bigyan ng munting pagpapala?” Kaya tinatanong kita, “Nakatupad ka ba sa Aking mga salita?” Ang pagkamatuwid na iyong sinasalita ay nakasalig sa isang pag-uugnayan. Iniisip mo lamang na Ako ay matuwid at hindi nagtatangi sa lahat ng tao, at ang lahat ng yaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay siguradong maliligtas at makakamtan ang Aking mga pagpapala. Mayroong panloob na kahulugan ang Aking mga salita na “lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay tiyak na maliligtas”: Lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay silang mga lubos Kong makakamtan, sila yaong, pagkatapos Kong malupig, ay hinahanap ang katotohanan at ginagawang perpekto. Anong mga kalagayan ang iyong natamo? Ang nakamit mo lamang ay pagsunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan, ngunit bukod doon ay ano pa? Ikaw ba ay nakatugon sa Aking mga salita? Natupad mo ang isa sa Aking limang kailangan, gayunman ay wala kang hangarin na tuparin ang natitirang apat. Natagpuan mo ang pinakasimple, pinakamadaling landas, at pinagsikapan ito nang may saloobin na umaasa lamang na maging mapalad. Sa gayong tao na katulad mo ang Aking matuwid na disposisyon ay isa ng pagkastigo at paghatol, ito ay isa ng matuwid na pagganti, at ito ay ang matuwid na kaparusahan sa lahat ng masasamang tao; lahat niyaong hindi lumalakad sa Aking daan ay tiyak na parurusahan, kahit na sila ay sumunod hanggang sa katapus-tapusan. Ito ang pagkamatuwid ng Diyos. Kapag ang ganitong matuwid na disposisyon ay inihayag sa kaparusahan sa tao, ang tao ay matitigilan, at nakadarama ng panghihinayang na, habang sinusunod ang Diyos, hindi siya lumakad sa Kanyang daan. “Noong panahong yaon, nagdusa lamang ako nang kaunti habang sumusunod sa Diyos, ngunit hindi lumakad sa daan ng Diyos. Ano ang mga maidadahilan? Wala nang ibang pagpipilian kundi ang makastigo!” Gayunman sa kanyang isipan siya ay nag-iisip, “Hindi bale, nakasunod naman ako hanggang sa katapus-tapusan, kaya kahit na kastiguhin Mo ako, hindi ito magiging matinding pagkastigo, at pagkatapos mailapat ang pagkastigong ito ay nanaisin Mo pa rin ako. Alam kong matuwid Ka, at hindi Mo ako pakikitunguhan nang gayon magpakailanman. Sa kabila ng lahat, hindi ako katulad niyaong mga papawiin; yaong mga papawiin ay makatatanggap ng matinding pagkastigo, samantalang ang aking pagkastigo ay magiging mas magaan.” Ang matuwid na disposisyon ay hindi gaya ng iyong sinabi. Hindi ito ang kaso na yaong mabubuti at umaamin ng kanilang mga kasalanan ay pinakikitunguhan nang maluwag. Ang pagkamatuwid ay kabanalan, at isang disposisyon na hindi nagpapahintulot sa pagkakasala ng tao, at lahat ng marumi at hindi nabago ay ang tampulan ng poot ng Diyos. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi batas, kundi isang atas administratibo: Ito ay atas administratibo sa kaharian, at ang atas administratibong ito ay ang matuwid na kaparusahan sa sinumang hindi nagtataglay ng katotohanan at hindi nababago, at walang palugit para sa kaligtasan. Sapagkat kapag ang bawat tao ay pinagsama-sama ayon sa uri, ang mabuti ay gagantimpalaan at ang masama ay parurusahan. Yaon ang panahon na ang hantungan ng tao ay lilinawin, ito ang panahon na ang gawain ng pagliligtas ay darating sa katapusan, pagkatapos niyon, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay natapos na, at ang paghihiganti ay ilalapat sa bawat isa niyaong gumawa ng masama.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung naunawaan mo na, ipinapayo Ko na masunuring magpasakop sa pagpapahatol, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na papurihan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Yaong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring mapadalisay, ibig sabihin, yaong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay kamumuhian at itatakwil ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas marami, at mas mabigat, kaysa roon sa mga Fariseo, sapagkat napagtaksilan nila ang Diyos at naghimagsik sila laban sa Diyos. Ang gayong mga tao na ni hindi karapat-dapat na magsagawa ng paglilingkod ay tatanggap ng mas mabigat na parusa, isang parusang bukod diyan ay pangwalang-hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang ganitong mga tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba ito mismo ang paghahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba ito ang layunin ng Diyos sa paghatol sa tao, at pagbubunyag sa kanya? Ipapadala ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hahayaan ang masasamang espiritung ito na wasakin ang kanilang katawang laman ayon sa gusto nila at ang kanilang katawan ay mangangamoy-bangkay. Iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos sa kanilang mga talaang aklat ang bawat isa sa mga kasalanan niyaong mga nananalig na hindi-tapat at huwad, mga huwad na apostol, at mga huwad na manggagawa; pagkatapos, sa tamang panahon, itatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hahayaan ang maruruming espiritung ito na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto nila, upang hindi na sila makapagkatawang-taong muli kailanman at hindi na makitang muli ang liwanag kailanman. Yaong mga ipokrito na minsang naglingkod ngunit hindi nanatiling tapat hanggang sa huli ay ibinibilang ng Diyos sa masasama, kaya bumabagsak sila sa pakikipagsosyo sa mga masasama at nagiging bahagi ng kanilang magulong grupo; sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos yaong mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o hindi naglaan ng anumang pagsisikap, at pupuksain silang lahat sa pagbabago ng mga kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Yaong hindi kailanman naging tapat sa Diyos ngunit napilitan dahil sa kanilang kalagayan na humarap sa Kanya nang madalian ay ibinibilang sa mga yaong naglilingkod para sa Kanyang bayan. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang ang karamihan ay mamamatay na kasama ng mga nagbigay ng serbisyo na hindi umabot sa pamantayan. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na ang isipan ay kaayon ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos pati na yaong mga itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Sila ang magiging bunga ng paglilinis na mula sa gawain ng Diyos. Patungkol sa mga yaong hindi kabilang sa anumang kategoryang inilatag ng Diyos, ibibilang sila sa mga di-mananampalataya—at tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kahihinatnan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; kayo ang magpapasiya kung aling landas ang inyong pipiliin. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinumang hindi nakakasabay sa Kanya, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Lahat ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng Aking mga salita; walang sinumang tao ang maaaring makibahagi, at walang taong makakagawa ng gawaing Aking isasagawa. Lilinisin Ko ang hangin sa lahat ng lupain at pupuksain Ko ang lahat ng bakas ng mga demonyo sa lupa. Nagsimula na Ako, at uumpisahan Ko ang unang hakbang ng Aking gawain ng pagkastigo sa tirahan ng malaking pulang dragon. Kaya makikita na sumapit na ang Aking pagkastigo sa buong sansinukob, at na ang malaking pulang dragon at lahat ng uri ng mga karumal-dumal na espiritu ay mawawalan ng lakas na takasan ang Aking pagkastigo, sapagkat nakatingin Ako sa lahat ng lupain. Kapag natapos na ang Aking gawain sa lupa, ibig sabihin, kapag nagwakas na ang panahon ng paghatol, pormal Kong kakastiguhin ang malaking pulang dragon. Makikita ng Aking mga tao ang matuwid Kong pagkastigo sa malaking pulang dragon, siguradong magbubuhos sila ng papuri dahil sa Aking pagkamatuwid, at siguradong pupurihin nila ang Aking banal na pangalan magpakailanman dahil sa Aking pagkamatuwid. Dahil dito ay pormal ninyong gagampanan ang inyong tungkulin, at pormal ninyo Akong pupurihin sa buong lupain, magpakailan pa man!
Kapag ang panahon ng paghatol ay umabot na sa rurok nito, hindi Ko mamadaliin ang pagtapos sa Aking gawain, kundi isasama Ko rito ang katibayan ng panahon ng pagkastigo at tutulutan Kong makita ng lahat ng tao Ko ang katibayang ito; dito lalabas ang mas malaking bunga. Ang katibayang ito ang kaparaanang gagamitin Ko sa pagkastigo sa malaking pulang dragon, at hahayaan Kong mamasdan ito ng Aking mga tao sa sarili nilang mga mata upang mas malaman nila ang Aking disposisyon. Ang panahon na matatamasa Ako ng Aking mga tao ay kapag kinastigo ang malaking pulang dragon. Plano Kong gawing dahilan ito upang magbangon at maghimagsik ang mga tao ng malaking pulang dragon, at ito ang pamamaraang ginagamit Ko upang gawing perpekto ang Aking mga tao, at magandang pagkakataon ito upang lumago sa buhay ang lahat ng tao Ko. … Ngayon, sumusulong Ako na kasabay ng tao patungo sa panahon ng pagkastigo, sumusulong na kasabay siya sa Aking tabi. Ginagawa Ko ang Aking gawain, ibig sabihin, hinahampas Ko ng Aking tungkod ang tao at tumatama ito sa bahaging mapaghimagsik sa tao. Sa mga mata ng tao, tila may kakaibang mga kapangyarihan ang Aking tungkod: Sumasapit ito sa lahat ng Aking kaaway at hindi sila madaling pinatatawad nito; sa lahat ng kumokontra sa Akin, ginagampanan ng tungkod ang likas na tungkulin nito; ginagampanan ng lahat ng nasa Aking mga kamay ang kanilang tungkulin ayon sa Aking layunin, at hindi nila nasuway kailanman ang Aking mga naisin o nabago ang kanilang diwa. Dahil dito, raragasa ang mga tubig, guguho ang mga bundok, maglalaho ang malalaking ilog, magbabago palagi ang tao, lalamlam ang araw, magdidilim ang buwan, wala nang mga panahon na mamumuhay sa kapayapaan ang tao, mawawalan na ng katahimikan sa lupa, hindi na muling mananatiling panatag at tahimik ang kalangitan, at hindi na magtatagal. Mapapanibago ang lahat ng bagay at mababawi ang kanilang orihinal na anyo. Magkakawatak-watak ang lahat ng sambahayan sa lupa, at mahahati-hati ang lahat ng bansa sa mundo; mawawala na ang mga panahon na magbabalikan ang mag-asawa, hindi na muling magkikita ang ina at anak na lalaki, hindi na kailanman magtatagpo ang ama at anak na babae. Dudurugin Ko ang lahat ng dating nasa lupa.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 28
Ang awa Ko ay inihahayag sa mga nagmamahal sa Akin at nagtatatwa ng kanilang mga sarili. Samantala, ang kaparusahang sumasapit sa masasama ay mismong patunay ng matuwid na disposisyon Ko at, higit pa, patotoo sa poot Ko. Kapag sumapit ang sakuna, lahat ng sumasalungat sa Akin ay mananangis habang sila’y binibiktima ng taggutom at salot. Silang nakagawa na ng lahat ng uri ng kasamaan, ngunit sumunod na sa Akin nang maraming taon, ay hindi makatatakas sa pagbabayad para sa kanilang mga kasalanan; sila rin ay mahuhulog sa sakuna, na ang katulad ay bihirang nakita sa loob ng milyon-milyong taon, at mamumuhay sila na palaging may sindak at takot. At yaong mga tagasunod Ko na nakapagpakita na ng katapatan sa Akin ay magagalak at pupurihin ang kapangyarihan Ko. Mararanasan nila ang di-mailarawang katiwasayan at mabubuhay sa gitna ng kagalakang kailanman ay hindi Ko pa naipagkaloob sa sangkatauhan. Dahil itinuturing Kong yaman ang mabubuting gawa ng tao at kinasusuklaman ang kanilang masasamang gawa. Mula nang una Kong simulang pangunahan ang sangkatauhan, masugid na Akong umaasa na makamit ang isang pangkat ng mga taong may kaisipang katulad ng sa Akin. Samantala, hindi Ko kailanman nalilimutan yaong mga hindi Ko kaisa sa pag-iisip; lagi Ko silang kinasusuklaman sa puso Ko, hinihintay ang pagkakataong gantihan Ko sila, na maiibigan Kong makita. Ngayon ay dumating na sa wakas ang araw Ko, at hindi Ko na kailangan pang maghintay!
Ang huling gawain Ko ay hindi lamang alang-alang sa pagpaparusa sa tao, kundi alang-alang din sa pag-aayos ng patutunguhan ng tao. Bukod dito, ito ay upang kilalanin ng lahat ng mga tao ang mga gawa at mga kilos Ko. Nais Kong makita ng bawat isang tao na tama ang lahat ng nagawa Ko na, at na ang lahat ng nagawa Ko na ay pagpapahayag ng disposisyon Ko. Hindi kagagawan ng tao, lalong hindi ng kalikasan, ang nagluwal sa sangkatauhan, kundi Ako, na nag-aaruga sa lahat ng nabubuhay na nilalang sa sangnilikha. Kung wala ang pag-iral Ko, mapapahamak lamang ang sangkatauhan at pagdurusahan ang hagupit ng kapahamakan. Walang tao ang kailanman ay makikitang muli ang napakarikit na araw at buwan, o ang luntiang mundo; makakatagpo lamang ng sangkatauhan ang napakalamig na gabi at ang walang tinag na lambak ng anino ng kamatayan. Ako lamang ang kaligtasan ng sangkatauhan. Ako lamang ang pag-asa ng sangkatauhan at, higit pa rito, Ako ang Siya kung saan nakasalalay ang pag-iral ng lahat ng sangkatauhan. Kung wala Ako, agad na hihinto ang sangkatauhan. Kung wala Ako, magdurusa ng kapahamakan at yuyurakan ng lahat ng uri ng mga multo ang sangkatauhan, bagaman walang nagbibigay ng pansin sa Akin. Nakagawa na Ako ng gawaing walang ibang sinumang makagagawa, at umaasa lamang na mababayaran Ako ng tao ng ilang mabubuting gawa. Bagaman iilan lamang ang nagagawang makabayad sa Akin, tatapusin Ko pa rin ang paglalakbay Ko sa mundo ng tao at sisimulan ang susunod na hakbang ng naglaladlad na gawain Ko, sapagkat ang lahat ng nagmamadaling paroo’t parito Ko sa gitna ng tao nitong maraming taon ay naging mabunga, at napakanasisiyahan Ako. Ang pinahahalagahan Ko ay hindi ang bilang ng mga tao, kundi ang mabubuti nilang gawa. Gayunman, umaasa Akong naghahanda kayo ng sapat na mabubuting gawa para sa patutunguhan ninyo. Kung gayon ay malulugod Ako; kung hindi, wala sa inyong makatatakas sa sakunang sasapitin ninyo. Magmumula sa Akin ang sakuna at mangyari pa ay isinasaayos Ko. Kung hindi kayo lilitaw bilang mabuti sa paningin Ko, hindi ninyo matatakasang pagdusahan ang sakuna.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.