A. Mga Salita tungkol sa Pananalig sa Diyos

411. Bagaman maraming tao ang naniniwala sa Diyos, kakaunti ang nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos, at kung ano ang dapat nilang gawin upang makasunod sa puso ng Diyos. Ito ay dahil, bagaman alam na alam ng mga tao ang salitang “Diyos” at mga parirala tulad ng “ang gawain ng Diyos,” hindi nila kilala ang Diyos, lalong hindi nila alam ang Kanyang gawain. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na lahat niyaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay nagtataglay ng isang magulong paniniwala. Ang mga tao ay hindi seryoso sa kanilang paniniwala sa Diyos sapagka’t ang paniniwala sa Diyos ay masyadong di-kilala, masyadong kakaiba para sa kanila. Sa ganitong paraan, hindi sila makaabot sa mga hinihingi ng Diyos. Sa ibang salita, kung hindi kilala ng tao ang Diyos, hindi alam ang Kanyang gawa, kung gayon hindi sila angkop para sa paggamit ng Diyos, lalong hindi nila maaaring tuparin ang ninanasa ng Diyos. Ang “paniniwala sa Diyos” ay nangangahulugang paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng pagkakaintindi sa pananampalataya sa Diyos. Bukod pa rito, ang paniniwalang mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na pananalig sa Diyos; kundi, ito ay isang uri ng simpleng pananampalataya na may malakas na pangrelihiyong mga kahulugan. Ang tunay na pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng pagdanas sa mga salita at gawain ng Diyos na batay sa isang paniniwala na ang Diyos ang may tangan ng kapangyarihan sa lahat ng bagay. Sa gayon ikaw ay mapapalaya mula sa iyong tiwaling disposisyon, makakatupad sa ninanasa ng Diyos at makakakilala sa Diyos. Tanging sa pamamagitan ng ganoong paglalakbay maaaring masabing ikaw ay naniniwala sa Diyos.

Hinango mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

412. Ngayon, ano ang tunay na paniniwala sa Diyos? Ito ay ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang realidad ng iyong buhay at ang pagkilala sa Diyos mula sa Kanyang salita upang makamit ang tunay na pagmamahal sa Kanya. Upang maging malinaw: Ang paniniwala sa Diyos ay upang sumunod ka sa Diyos, mahalin ang Diyos, at gampanan ang tungkulin na dapat magampanan ng isang nilikha ng Diyos. Ito ang layunin ng paniniwala sa Diyos. Dapat mong kamtin ang isang pagkakilala sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos, sa kung gaano karapat-dapat ang Diyos sa paggalang, sa kung paano, sa Kanyang mga nilikha, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas at ginagawa silang perpekto—ito ang pinakamababa na dapat mong taglayin sa iyong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos una sa lahat ay ang paglipat mula sa isang buhay ng laman tungo sa isang buhay ng pagmamahal sa Diyos; mula sa pamumuhay ayon sa katiwalian tungo sa pamumuhay ng buhay na naaayon sa mga salita ng Diyos; ito ay paglabas mula sa ilalim ng sakop ni Satanas at pamumuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, ito ay ang nakakayanang makamit ang pagkamasunurin sa Diyos at hindi pagkamasunurin sa laman, ito ay pagpapahintulot sa Diyos na makamit ang iyong buong puso, pagpapahintulot sa Diyos na gawin kang perpekto, at pagpapalaya sa iyong sarili mula sa tiwaling mala-satanas na disposisyon. Ang paniniwala sa Diyos ay pangunahing upang ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay maaaring mahayag sa iyo, nang sa gayon maaari mong gawin ang kalooban ng Diyos, at tuparin ang plano ng Diyos, at magawang patotohanan ang Diyos sa harap ni Satanas. Ang paniniwala sa Diyos ay hindi dapat upang makita ang mga tanda at mga kababalaghan, ni hindi dapat para sa kapakanan ng iyong personal na laman. Ito ay dapat na para sa paghahabol sa pagkilala sa Diyos, at kakayahang sumunod sa Diyos, at tulad ni Pedro, sumunod sa Kanya hanggang kamatayan. Ito ay kung ano ang pangunahin upang makamit. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay upang makilala ang Diyos at upang bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay nagbibigay sa iyo nang higit na pagkakilala sa Diyos, at pagkatapos lamang nito makakasunod ka sa Diyos. Tanging kung may pagkakilala ka lamang sa Diyos mo magagawang ibigin Siya, at ito ang layuning dapat mayroon ang tao sa kanyang paniniwala sa Diyos. Kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, palagi mong sinusubukang makita ang mga tanda at mga kababalaghan, kung gayon ang pananaw ng ganitong paniniwala sa Diyos ay mali. Ang paniniwala sa Diyos ay pangunahing pagtanggap sa mga salita ng Diyos bilang realidad ng buhay. Tanging sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos mula sa Kanyang bibig at pagsasakatuparan ng mga iyon sa iyong sariling kalooban ang pagkakamit ng minimithi ng Diyos. Sa paniniwala sa Diyos, dapat habulin ng tao ang magawang perpekto ng Diyos, ang makayanang magpasakop sa Diyos, at ang ganap na pagkamasunurin sa Diyos. Kung masusunod mo ang Diyos nang hindi nagrereklamo, isinasaisip ang mga inaasam ng Diyos, kinakamit ang tayog ni Pedro, at tinataglay ang estilo ni Pedro na sinabi ng Diyos, doon mo naman makakamtan ang tagumpay sa paniniwala sa Diyos, at ito ay magiging tanda na ikaw ay nakakamtan ng Diyos.

Hinango mula sa “Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

413. Dahil ikaw ay naniniwala sa Diyos, ikaw ay dapat kumain at uminom ng Kanyang salita, danasin ang Kanyang salita, at isabuhay ang Kanyang salita. Ito lamang ang matatawag na paniniwala sa Diyos! Kung sinasabi mo sa iyong bibig na naniniwala ka sa Diyos ngunit hindi maisagawa ang kahit na ano sa Kanyang mga salita o makagawa ng anumang realidad, hindi ito masasabing naniniwala sa Diyos. Sa halip, ito ay “paghahanap ng tinapay upang pawiin ang gutom.” Ang pagsasalita lamang ng mga walang-kuwentang patotoo, walang-silbing mga bagay, at mabababaw na bagay, nang wala ni katiting na realidad: ang mga ito ay hindi bumubuo sa paniniwala sa Diyos, at sadyang hindi mo lang naintindihan ang tamang paraan ng paniniwala sa Diyos. Bakit mo kailangang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos hangga’t maaari? Ibinibilang ba itong paniniwala sa Diyos kung ikaw ay hindi kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita at naghahanap lamang para makaakyat sa langit? Ano ang unang hakbang para sa isang naniniwala sa Diyos? Sa pamamagitan ng anong landas ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Maaari ka bang magawang perpekto nang hindi kumakain at umiinom ng salita ng Diyos? Maibibilang ka bang tao sa kaharian kung wala ang salita ng Diyos bilang iyong realidad? Ano nga ba ang paniniwala sa Diyos? Ang mga nananampalataya sa Diyos ay nararapat magtaglay ng mabuting pag-uugali sa panlabas, sa pinakamababa, at higit na mahalaga sa lahat ay ang maangkin ng salita ng Diyos. Kahit na anong mangyari, hindi mo kailanman matatalikuran ang Kanyang salita. Ang iyong pagkakilala sa Diyos at pagtupad ng Kanyang kalooban ay nakakamit lahat sa pamamagitan ng Kanyang salita. Sa hinaharap, ang bawat bansa, denominasyon, relihiyon, at sektor ay malulupig sa pamamagitan ng salita. Magsasalita ang Diyos nang tuwiran, at ang lahat ng tao ay hahawakan ang salita ng Diyos sa kanilang mga kamay; sa pamamagitan nito ay magagawang perpekto ang mga tao. Sa loob at labas, ang salita ng Diyos ay lumalaganap saanman: Ang mga tao ay bibigkasin sa kanilang mga bibig ang salita ng Diyos, magsasagawa ayon sa salita ng Diyos, at iingatan sa kalooban ang salita ng Diyos, na kapwa sa loob at sa labas ay babad sa salita ng Diyos. Sa ganito gagawing perpekto ang mga tao. Ang mga tumutupad sa kalooban ng Diyos at kayang sumaksi sa Kanya ay yaong mga nagtataglay ng salita ng Diyos bilang kanilang realidad.

Hinango mula sa “Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

414. Ngayon, kailangan mong magpasimula sa tamang landas yamang ikaw ay naniniwala sa praktikal na Diyos. Sa pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos, hindi ka lamang dapat maghanap ng mga pagpapala, kundi hanaping mahalin ang Diyos at makilala ang Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang kaliwanagan at ng iyong sariling paghahabol, makakain mo at maiinom ang Kanyang salita, nakakabuo ng isang totoong pagkaunawa sa Diyos, at nagkakaroon ng isang tunay na pag-ibig ng Diyos na nanggagaling sa iyong puso. Sa madaling salita, ang iyong pag-ibig para sa Diyos ay tunay na tunay, anupa’t walang makakasira o makakahadlang sa daan ng iyong pag-ibig para sa Kanya. Ikaw kung gayon ay nasa tamang landasin ng pananampalataya sa Diyos. Pinatutunayan nito na pag-aari ka ng Diyos, sapagka’t ang puso mo ay naangkin na ng Diyos at sa gayon hindi na maaangkin ng iba pa. Dahil sa iyong karanasan, sa halaga na iyong binayaran, at sa gawain ng Diyos, umuusbong nang kusa ang pag-ibig mo para sa Diyos. Sa gayon ikaw ay napapalaya mula sa impluwensya ni Satanas at nabubuhay sa liwanag ng salita ng Diyos. Tanging kapag ikaw ay nakalaya na mula sa impluwensya ng kadiliman na masasabing nakamit mo na ang Diyos. Sa iyong paniniwala sa Diyos, dapat mong hanapin ang mithiing ito. Ito ang tungkulin ng bawat isa sa inyo. Walang dapat maging kampante sa kasalukuyang kalagayan ng mga bagay-bagay. Hindi kayo maaaring magdalawang-isip tungo sa gawain ng Diyos o ituring ito na basta-basta lang. Dapat ninyong isipin ang Diyos sa lahat ng larangan at sa lahat ng panahon, at gawin ang lahat ng bagay para sa Kanyang kapakanan. At kapag nagsasalita kayo o gumagawa ng mga bagay-bagay, dapat ninyong unahin ang mga interes ng tahanan ng Diyos. Tanging ito ang tumatalima sa kalooban ng Diyos.

Hinango mula sa “Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Naniniwala Ka sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

415. Ang isang taong naglilingkod sa Diyos ay hindi lamang dapat malaman kung paano magdusa para sa Kanya; higit pa riyan, dapat niyang maunawaan na ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay upang hangaring mahalin ang Diyos. Kinakasangkapan ka ng Diyos hindi lamang para pinuhin ka o para pagdusahin ka, kundi sa halip ay kinakasangkapan ka Niya upang malaman mo ang Kanyang mga kilos, malaman mo ang tunay na kabuluhan ng buhay ng tao, at lalo na, upang malaman mo na ang paglilingkod sa Diyos ay hindi madaling gawin. Ang pagdanas ng gawain ng Diyos ay hindi tungkol sa pagtatamasa ng biyaya, kundi sa halip ay tungkol sa pagdurusa para sa iyong pagmamahal sa Kanya. Yamang tinatamasa mo ang biyaya ng Diyos, kailangan mo ring matamasa ang Kanyang pagkastigo; kailangan mong maranasan ang lahat ng ito. Mararanasan mo ang kaliwanagan ng Diyos sa iyo, at mararanasan mo rin kung paano ka Niya pinakikitunguhan at hinahatulan. Sa ganitong paraan, ang iyong karanasan ay magiging malawak. Naisagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo sa iyo. Napakitunguhan ka na ng salita ng Diyos, ngunit hindi lamang iyan; naliwanagan at natanglawan ka rin nito. Kapag ikaw ay negatibo at mahina, nag-aalala ang Diyos para sa iyo. Lahat ng gawaing ito ay upang ipaalam sa iyo na lahat ng tungkol sa tao ay nasa loob ng mga pagsasaayos ng Diyos. Maaari mong isipin na ang paniniwala sa Diyos ay tungkol sa pagdurusa, o paggawa ng lahat ng bagay para sa Kanya; maaari mong isipin na ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay para mapayapa ang iyong laman, o upang maging maayos ang lahat sa buhay mo, o upang maging komportable at magaan ang lahat sa iyo. Gayunman, wala sa mga ito ang mga layuning dapat iugnay ng mga tao sa kanilang paniniwala sa Diyos. Kung naniniwala ka dahil sa mga layuning ito, mali ang iyong pananaw, at imposible ka talagang magawang perpekto. Ang mga kilos ng Diyos, ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang karunungan, Kanyang mga salita, at Kanyang pagiging kamangha-mangha at di-maarok ay pawang mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Dahil sa pagkaunawang ito, dapat mong gamitin ito upang alisin sa puso mo ang lahat ng personal mong kahilingan, pag-asa, at pagkaintindi. Kapag inalis mo ang mga ito, saka mo lamang matutugunan ang mga kundisyong hinihiling ng Diyos, at sa pamamagitan lamang ng paggawa nito ka magkakaroon ng buhay at mapapalugod ang Diyos. Ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay upang mapalugod Siya at maisabuhay ang disposisyon na Kanyang kinakailangan, upang maipamalas ang Kanyang mga kilos at kaluwalhatian sa pamamagitan ng grupong ito ng hindi karapat-dapat na mga tao. Ito ang tamang pananaw para sa paniniwala sa Diyos, at ito rin ang layuning dapat mong hangarin. Dapat ay mayroon kang tamang pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos at dapat mong hangaring matamo ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at magawang isabuhay ang katotohanan, at lalo nang kailangan mong makita ang Kanyang praktikal na mga gawa, Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa buong sansinukob, gayundin ang praktikal na gawaing Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Maaaring pahalagahan ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang aktuwal na mga karanasan, kung paano talaga ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila at kung ano ang Kanyang kalooban sa kanila. Ang layunin ng lahat ng ito ay upang alisin ang tiwali at napakasamang disposisyon ng mga tao. Dahil naiwaksi na ang lahat ng karumihan at kasamaan sa iyong kalooban, at naiwaksi na ang iyong mga maling layon, at nagkaroon ka na ng tunay na pananampalataya sa Diyos—sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya mo maaaring tunay na mahalin ang Diyos. Maaari mo lamang tunay na mahalin ang Diyos sa pundasyon ng iyong paniniwala sa Kanya. Magtatamo ka ba ng pagmamahal sa Diyos nang hindi ka naniniwala sa Kanya? Yamang naniniwala ka sa Diyos, hindi ka maaaring maguluhan tungkol dito. Napupuno ng lakas ang ilang tao sa sandaling makita nila na ang pananampalataya sa Diyos ay maghahatid sa kanila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang lahat ng sigla sa sandaling makita nila na kailangan nilang dumanas ng mga pagpipino. Iyan ba ang paniniwala sa Diyos? Sa huli, kailangan kang ganap at lubos na makasunod sa harap ng Diyos sa iyong pananampalataya. Naniniwala ka sa Diyos ngunit mayroon ka pa ring mga hinihiling sa Kanya, marami ka pa ring relihiyosong pagkaintindi na hindi mo mabitawan, mga personal na interes na hindi mo mapakawalan, at naghahangad ka pa rin ng mga pagpapala ng laman at nais mong sagipin ng Diyos ang iyong laman, na iligtas ang iyong kaluluwa—lahat ng ito ay mga pag-uugali ng mga tao na may maling pananaw. Kahit may pananampalataya sa Diyos ang mga taong may mga relihiyosong paniniwala, hindi sila naghahangad na baguhin ang kanilang disposisyon at hindi sila naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, kundi ang tanging hinahangad nila ay ang mga interes ng kanilang laman. Marami sa inyo ang may pananampalatayang nabibilang sa kategorya ng mga relihiyosong pananalig; hindi iyan tunay na pananampalataya sa Diyos. Upang maniwala sa Diyos, kailangang magkaroon ang mga tao ng isang pusong handang magdusa para sa Kanya at kahandaang isuko ang kanilang sarili. Hangga’t hindi natutugunan ng mga tao ang dalawang kundisyong ito, walang bisa ang kanilang pananampalataya sa Diyos, at hindi nila mababago ang kanilang disposisyon. Ang mga tao lamang na tunay na naghahanap sa katotohanan, naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, at naghahangad ng buhay ang mga tunay na naniniwala sa Diyos.

Hinango mula sa “Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

416. Marami ang nakakasunod sa Akin nang walang pag-aatubili hanggang sa panahong ito, at sa paglipas nitong ilang taon, kayong lahat ay nagdurusa nang labis na pagkapagod. Lubusan Kong natatarok ang likas na katangian at mga pag-uugali ng bawat isa sa inyo, at lubhang napakahirap ang makisama sa inyo. Ang nakapanghihinayang ay kahit na nagkaroon Ako ng maraming kabatiran tungkol sa inyo, wala kayo ni katiting na pagkaunawa tungkol sa Akin. Hindi nakapagtataka na sinasabi ng iba na kayo ay nalinlang ng isang tao sa isang sandali ng kalituhan. Tunay nga, wala kayong naiintindihan sa Aking disposisyon, at lalong hindi ninyo naaarok kung ano ang nasa Aking isipan. Ngayon, ang mga maling pagkaunawa ninyo tungkol sa Akin ay mabilis na tumitindi, at ang inyong pananampalataya sa Akin ay nananatiling magulo. Salungat sa pagsasabing may pananampalataya kayo sa Akin, mas mabuti pang sabihin na lahat kayo ay nanlalangis para sa Aking pabor at nambobola sa Akin. Napakasimple ng inyong mga motibo—sinumang makakapagkaloob ng gantimpala sa akin ay susundin ko, at sinupaman ang makakagawang patakasin ako sa mga matitinding kapahamakan ay paniniwalaan ko, maging siya man ang Diyos o anumang tiyak na Diyos. Wala rito ang nakakabahala sa Akin. Maraming ganiyang tao na kasama ninyo, at ang kundisyong ito ay napakalubha. Kung, isang araw, isang pagsubok ang ginagawa para malaman kung ilan sa inyo ang may pananampalataya kay Cristo dahil mayroon kayong pananaw sa Kanyang substansya, kung gayon, Ako’y nangangambang wala ni isa sa inyo ang makagagawa ng ayon sa Aking inaasam. Kaya’t hindi magiging masakit para sa bawat isa sa inyo na isaalang-alang ang tanong na ito: Ang Diyos na inyong pinananampalatayanan ay napakalaki ang pagkakaiba sa Akin, at yamang ganito, ano naman ang kakanyahan ng inyong pananampalataya sa Diyos? Mas higit ninyong pinaniniwalaan ang tinatawag ninyong Diyos, lalo kayong napapalayo sa Akin. Ano, kung gayon, ang buod ng usaping ito? Sigurado Ako na wala ni isa sa inyo ang kailanma’y nagsaalang-alang sa usaping ito, ngunit naiisip ba ninyo ang kabigatan ng usaping ito? Sumasagi ba sa inyong isipan ang magiging resulta kung ipagpapatuloy ninyo ang ganitong anyo ng paniniwala?

Hinango mula sa “Paano Makikilala ang Diyos na Nasa Lupa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

417. Napakasidhi ng inyong pagnanasa na kalugdan kayo ng Diyos, ngunit napakalayo ninyo sa Diyos. Ano ang nangyayari dito? Tinatanggap lamang ninyo ang Kanyang mga salita, ngunit hindi ang Kanyang pakikitungo at pagtatabas at lalong hindi ninyo natatanggap ang Kanyang bawat pagsasaayos, para magkaroon ng ganap na pananampalataya sa Kanya. Ano ba talaga ang nangyayari dito? Sa huling pagsusuri, ang inyong pananampalataya ay balat ng itlog na walang laman na kahit kailan ay hindi nakakabuhay ng inakay. Sapagkat ang inyong pananampalataya ay hindi nakakapagdala sa inyo ng katotohanan o nakakapagtamo para sa inyo ng buhay, at sa halip ay nakapagdala sa inyo ng pakiramdam ng pagtustos at pag-asa na ilusyon lamang. Ang layunin ng inyong paniniwala sa Diyos ay para sa kapakanan ng pag-asang ito at pakiramdam ng pagtustos sa halip na para sa katotohanan at buhay. Samakatuwid, masasabi Ko na ang landasin ng inyong pananampalataya sa Diyos ay walang iba kundi para subukang manlangis upang makuha ang pabor ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapaalipin at kawalang-kahihiyan, at hindi maituturing na totoong pananampalataya sa anumang paraan. Paano lilitaw ang inakay sa pananampalatayang tulad nito? Sa ibang salita, anong bunga ang maaaring umusbong sa ganitong uri ng pananampalataya? Ang layunin ng pananampalataya ninyo sa Diyos ay upang gamitin ang Diyos para tuparin ang inyong mga layunin. Hindi ba ito higit pang patunay ng inyong pagkakasala laban sa disposisyon ng Diyos? Naniniwala kayo sa pag-iral ng Diyos na nasa langit ngunit itinatanggi yaong sa Diyos na nasa lupa. Gayunpaman, hindi Ko sinasang-ayunan ang inyong mga palagay. Ang Aking pinapupurihan ay yaong mga tao lamang na nananatiling nakatungtong sa lupa at naglilingkod sa Diyos na nasa lupa, nguni’t hindi kailanman yaong hindi kumikilala kailanman sa Cristo na nasa lupa. Gaano mang katapat ang gayong mga tao sa Diyos na nasa langit, sa huli, hindi pa rin sila makakaligtas sa Aking kamay na nagpaparusa sa mga masama. Ang mga taong ito ay ang masasama; sila ay siyang masasama na lumalaban sa Diyos at hindi kailanman nagagalak sa pagsunod kay Cristo. Mangyari pa, kasama sa kanilang bilang ang lahat ng hindi nakakakilala, at, lalong higit, hindi kinikilala si Cristo.

Hinango mula sa “Paano Makikilala ang Diyos na Nasa Lupa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

418. Sa paglipas ng maraming taon, maraming tao ang nakita Kong naniniwala sa Diyos. Ano ang anyo ng paniniwalang ito? May ilang tao ang naniniwala sa Diyos na tila Siya ay walang halaga. Ang mga taong ito ay walang kasagutan sa mga tanong tungkol sa pag-iral ng Diyos dahil hindi nila nararamdaman o wala silang kamalayan sa presensiya o pagkawala ng Diyos, mas lalo na ang malinaw na pagkakita o pagkaunawa dito. Hindi namamalayan, iniisip ng mga taong ito na hindi umiiral ang Diyos. Ang ilan naman ay naniniwala sa Diyos na tila Siya ay isang tao. Naniniwala ang mga taong ito na hindi kayang gawin ng Diyos ang lahat ng bagay na hindi nila kayang gawin, at ang pag-iisip ng Diyos ay dapat kagaya ng pag-iisip nila. Ang pakahulugan ng taong ito sa Diyos ay “hindi nakikita at hindi mahipo na tao.” Mayroon ding isang grupo ng mga tao na naniniwala sa Diyos na tila Siya ay isang sunud-sunuran. Naniniwala ang mga taong ito na walang damdamin ang Diyos, na ang Diyos ay isang rebultong gawa sa luwad. Kapag nahaharap sa isang bagay, ang Diyos ay walang saloobin, walang pananaw, walang mga ideya; Siya ay nasa pagsasaayos ng tao. Naniniwala lamang ang mga tao sa gusto nilang paniwalaan. Kung Siya ay gagawing dakila, Siya ay dakila; kung Siya ay gagawing maliit, Siya ay maliit. Kapag nagkakasala ang mga tao at kailangan nila ang awa ng Diyos, kailangan nila ang pagpaparaya ng Diyos, kailangan nila ang pag-ibig ng Diyos, kung gayon dapat iabot ng Diyos ang Kanyang awa. Gumagawa ang mga taong ito ng isang Diyos sa kanilang isipan, at ginagamit nila ang Diyos na ito upang matupad ang kanilang mga pangangailangan at bigyang-kasiyahan ang lahat ng kanilang mga pagnanasa. Hindi mahalaga kung kailan o kung saan, at kahit ano ang ginagawa ng taong ito, yayakapin nila ang kahibangan na ito sa pagturing nila sa Diyos, at sa paniniwala nila sa Diyos. Mayroon pa nga yaong mga naniniwala na maaari silang iligtas ng Diyos pagkatapos nilang magkasala sa disposisyon ng Diyos. Ito ay dahil naniniwala sila na walang hanggan ang pag-ibig ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos ay matuwid, at kahit gaano magkasala ang mga tao sa Diyos, hindi aalalahanin ng Diyos ang anuman sa mga ito. Dahil ang mga kapintasan ng tao, mga kasalanan ng tao, at mga pagsuway ng tao ay pansamantalang pagpapahayag ng disposisyon ng taong iyon, magbibigay ang Diyos ng mga pagkakataon sa mga tao, at magpaparaya at titiisin sila. Mamahalin pa rin sila ng Diyos tulad ng dati. Kaya ang pag-asa ng kaligtasan nila ay maganda pa rin. Sa katunayan, kahit paano ang paniniwala ng isang tao sa Diyos, basta hindi nila hinahangad ang katotohanan, kung gayon negatibo pa rin ang saloobin ng Diyos sa kanila. Ito ay dahil habang sumasampalataya kayo sa Diyos, marahil ay pinahahalagahan ninyo ang aklat ng salita ng Diyos, pinag-aaralan ninyo ito araw-araw, binabasa ninyo ito araw-araw, ngunit isinasantabi ninyo ang tunay na Diyos, itinuturing ninyo Siya bilang walang halaga, itinuturing Siya bilang isang tao, at ang ilan sa inyo ay itinuturing Siya bilang isang sunud-sunuran. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil sa pananaw Ko, hindi alintana kung nahaharap ka sa isang bagay o isang pangyayari, ang mga bagay na umiiral sa iyong isipan, ang mga bagay na nabubuo sa loob—wala sa mga ito ang may anumang kaugnayan sa salita ng Diyos o sa paghahangad sa katotohanan. Ikaw lamang sa iyong sarili ang nakaaalam kung ano ang iniisip mo, kung ano ang sarili mong mga pananaw, at ang sarili mong mga ideya, ipinipilit mo sa Diyos ang sarili mong mga pananaw. Sa isip mo nagiging mga pananaw ng Diyos ang mga ito, at ginagawa mo mula sa mga pananaw na ito ang mga pamantayan na walang-sawa mong pinagtitibay. Sa paglipas ng panahon, ang pagpapatuloy nang ganito ang lalong maglalayo sa iyo mula sa Diyos.

Hinango mula sa “Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

419. Bakit ka ba naniniwala sa Diyos? Karamihan sa mga tao ay nalilito sa tanong na ito. Sila ay palaging may dalawang lubos na magkaibang pananaw tungkol sa praktikal na Diyos at sa Diyos na nasa langit, nagpapakita na sila ay naniniwala sa Diyos hindi para sumunod, nguni’t para makatanggap ng ilang mga pakinabang, o para makatakas sa paghihirap ng kapahamakan. Saka lamang sila medyo masunurin, subali’t ang kanilang pagsunod ay may kundisyon, ito ay para sa kapakanan ng kanilang mga sariling adhikain, at ipinilit sa kanila. Kaya, bakit ka ba naniniwala sa Diyos? Kung ito ay para lamang sa kapakanan ng iyong mga adhikain, at iyong tadhana, mas mabuti pang huwag ka na lamang maniwala. Ang paniniwalang tulad nito ay panlilinlang sa sarili, paniniguro sa sarili, at pagpapahalaga sa sarili. Kung ang iyong pananampalataya ay hindi naitatatag sa saligan ng pagsunod sa Diyos, sa kasukdulan ikaw ay parurusahan dahil sa iyong pagsalungat sa Diyos.

Hinango mula sa “Sa Inyong Pananampalataya sa Diyos Dapat Kayong Sumunod sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

420. Ang pinakamalaking pagkakamali ng tao sa pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos ay yaong sa mga salita lamang ang kanyang pananampalataya, at hindi sa anumang paraan umiiral ang Diyos sa kanyang praktikal na buhay. Ang lahat nga ng tao ay naniniwala sa pag-iral ng Diyos, subali’t ang Diyos ay hindi bahagi ng kanilang pang-araw-araw na mga buhay. Maraming panalangin sa Diyos ang nagmumula sa bibig ng tao, nguni’t ang Diyos ay may maliit na lugar sa kanyang puso, at dahil dito paulit-ulit na sinusubok ng Diyos ang tao. Sa dahilang ang tao ay hindi malinis, ang Diyos ay walang mapagpipilian kundi subukin ang tao, upang mapahiya siya at makilala ang kanyang sarili sa mga pagsubok. Kung hindi, ang tao ay lahat magiging inapo ng arkanghel, at lalong magiging tiwali. Sa panahon ng paniniwala ng tao sa Diyos, maraming personal na motibo at mga layunin ang matatanggal habang siya ay walang-humpay na nililinis ng Diyos. Kung hindi, walang tao ang magagamit ng Diyos, at walang paraan ang Diyos na gawin sa tao ang dapat Niyang gawin. Nililinis muna ng Diyos ang tao. Sa prosesong ito, maaaring makilala ng tao ang sarili niya, at maaaring baguhin ng Diyos ang tao. Pagkatapos lamang nito maaaring ibahagi ng Diyos ang Kanyang buhay sa tao, at sa ganitong paraan lamang lubusang naibabaling ang puso ng tao sa Diyos. Kaya, hindi napakasimple ang pananampalataya sa Diyos gaya ng maaaring sinasabi ng tao. Sa paningin ng Diyos, kung may kaalaman ka lamang nguni’t wala ang salita Niya bilang buhay; kung limitado ka lamang sa iyong sariling kaalaman nguni’t hindi maisasagawa ang katotohanan o maisasabuhay ang salita ng Diyos, kung gayon ito ay patunay pa rin na wala kang pusong may pag-ibig para sa Diyos, at ipinakikita na ang iyong puso ay hindi pag-aari ng Diyos. Ang pagkakilala sa Diyos sa pamamagitan ng pananalig sa Kanya; ito ang panghuling mithiin at siyang dapat hanapin ng tao. Dapat kang maglaan ng pagsisikap sa pagsasabuhay ng mga salita ng Diyos upang ang mga ito ay maging totoo sa iyong pagsasagawa. Kung mayroon ka lamang na kaalamang doktrina, kung gayon ang iyong pananampalataya sa Diyos ay mauuwi sa wala. Tanging kung iyo ring isinasagawa at isinasabuhay ang Kanyang mga salita na maituturing na ganap ang iyong pananampalataya at ayon sa kalooban ng Diyos.

Hinango mula sa “Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Naniniwala Ka sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

421. Nananampalataya ka sa Diyos at sumusunod sa Kanya, at kaya sa iyong puso ay dapat mong mahalin ang Diyos. Dapat mong isantabi ang iyong tiwaling disposisyon, dapat hanaping tuparin ang nais ng Diyos, at dapat na gampanan ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos. Dahil ikaw ay nananampalataya at sumusunod sa Diyos, dapat mong ialay ang lahat sa Kanya, at hindi dapat na gumawa ng mga personal na pagpili o paghingi, at dapat mong makamit ang pagsasakatuparan ng nais ng Diyos. Dahil ikaw ay nilikha, dapat mong sundin ang Panginoon na lumikha sa iyo, sapagka’t ikaw ay likas na walang kapamahalaan sa iyong sarili, at walang kakayahan na kontrolin ang iyong tadhana. Dahil ikaw ay isang tao na nananampalataya sa Diyos, dapat mong hanapin ang kabanalan at pagbabago. Yamang ikaw ay isang nilalang ng Diyos, dapat kang manangan sa iyong tungkulin, at panatilihin ang iyong kinalalagyan, at hindi dapat lumampas sa iyong tungkulin. Ito ay hindi upang pilitin ka, o supilin ka sa pamamagitan ng doktrina, kundi ang landas kung saan sa pamamagitan nito ay magagampanan mo ang iyong tungkulin, at maaaring makamit—at dapat na makamit—ng lahat niyaong gumagawa ng pagkamakatuwiran.

Hinango mula sa “Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

422. Ang pinakasaligang kinakailangan ng pananampalataya ng tao sa Diyos ay ang mayroon siyang tapat na puso, at na buo niyang inilalaan ang kanyang sarili, at tunay siyang sumusunod. Ang pinakamahirap sa tao ay ibigay ang kanyang buong buhay kapalit ng tunay na pananampalataya, kung saan sa pamamagitan nito ay maaari niyang makamit ang buong katotohanan, at isakatuparan ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang ng Diyos. Ito ang hindi natatamo ng mga nagkakamali, at higit pang mas hindi natatamo ng mga hindi makakatagpo kay Cristo. Dahil ang tao ay hindi magaling sa buong paglalaan ng kanyang sarili sa Diyos, dahil ang tao ay hindi handang gampanan ang kanyang tungkulin sa Lumikha, dahil nakita na ng tao ang katotohanan ngunit iniiwasan ito at tumatahak ng kanyang sariling landas, dahil laging naghahanap ang tao sa pamamagitan ng pagsunod sa landas ng mga nagkamali na, dahil laging sinasalungat ng tao ang Langit, sa gayon, laging nagkakamali ang tao, laging nadadala ng panlilinlang ni Satanas, at nabibitag sa sarili niyang lambat. Dahil hindi kilala ng tao si Cristo, dahil ang tao ay hindi sanay sa pag-unawa at pagdanas ng katotohanan, dahil ang tao ay labis na mapagsamba kay Pablo at masyadong mapag-imbot sa langit, dahil laging hinihingi ng tao na si Cristo ay sumunod sa kanya at nag-uutos sa Diyos, kaya yaong mga dakilang pinuno at yaong mga nakaranas na ng mga di-inaasahang pangyayari sa mundo ay may kamatayan pa rin, at namamatay pa rin sa gitna ng pagkastigo ng Diyos. Ang masasabi Ko lamang sa mga ganoong tao ay na namamatay sila sa kalunus-lunos na kamatayan, at ang bunga nito para sa kanila—ang kanilang kamatayan—ay hindi nang walang katarungan. Hindi ba ang kanilang kabiguan ay lalong hindi matitiis ng batas ng Langit? Ang katotohanan ay nagmumula sa mundo ng tao, ngunit ang katotohanang nasa tao ay ipinamamana ni Cristo. Ito ay nagmumula kay Cristo, ibig sabihin, mula sa Diyos Mismo, at hindi ito isang bagay na kaya ng tao. Ngunit ibinibigay lamang ni Cristo ang katotohanan; hindi Siya dumating upang pagpasyahan kung ang tao ay magiging matagumpay sa kanyang paghahangad sa katotohanan. Kaya nangangahulugan lamang ito na ang tagumpay o kabiguan sa katotohanan ay nakasalalay sa paghahangad ng tao. Ang tagumpay o kabiguan ng tao sa katotohanan ay hindi pa kailanman nagkaroon ng kinalaman kay Cristo, bagkus ay nalalaman sa pamamagitan ng kanyang paghahangad. Ang hantungan ng tao at ang kanyang tagumpay o kabiguan ay hindi maaaring ibunton sa Diyos, upang ang Diyos Mismo ay pagpasanin nito, dahil hindi ito isang bagay na para sa Diyos Mismo, kundi ito ay direktang kaugnay ng tungkuling dapat gampanan ng mga nilalang ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay mayroon talagang kaunting kaalaman tungkol sa paghahangad at hantungan nina Pablo at Pedro, ngunit walang alam ang mga tao bukod sa kinalabasan para kina Pedro at Pablo, at mangmang sila sa sikreto sa likod ng tagumpay ni Pedro, o sa mga kakulangan na humantong sa pagkabigo ni Pablo. Kaya’t, kung kayo ay tunay na walang kakayahang makakita sa substansya ng kanilang paghahangad, kung gayon ang paghahangad ng karamihan sa inyo ay mabibigo pa rin, at kahit na may kaunti sa inyo na magtatagumpay, hindi pa rin sila magiging kapantay ni Pedro. Kung ang landas ng iyong paghahangad ay ang nararapat, kung gayon ikaw ay mayroong pag-asang magtagumpay; kung ang landas na iyong tinatahak sa paghahangad ng katotohanan ay mali, kung gayon ay habambuhay mong hindi makakayanang magtagumpay, at hahantong sa katapusang gaya ng kay Pablo.

Hinango mula sa “Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

423. Bilang buod, ang pagtahak sa landas ni Pedro sa pananampalataya ng isang tao ay nangangahulugan ng paglakad sa landas ng paghahabol sa katotohanan, na siya ring landas para tunay niyang makilala ang kanyang sarili at mabago ang kanyang disposisyon. Sa pamamagitan lamang ng paglakad sa landas ni Pedro mapupunta ang isang tao sa landas ng pagiging ginawang perpekto ng Diyos. Dapat maging malinaw sa isang tao kung paano ba talaga lumakad sa landas ni Pedro, gayundin kung paano ito isagawa. Una, dapat munang isantabi ng isang tao ang kanyang mga sariling layunin, mga di-wastong paghahangad, at maging ang kanyang pamilya at lahat ng bagay na para sa kanyang sariling laman. Dapat buong-pusong mag-ukol ang isang tao, na ang ibig sabihin, kailangang ganap niyang ilaan ang kanyang sarili sa salita ng Diyos, magtuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, tumutok sa paghahanap sa katotohanan at sa paghahanap sa mga hangarin ng Diyos sa Kanyang mga salita, at subukang maunawaan ang kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay. Ito ang pinakapangunahin at ang pinakamahalagang paraan ng pagsasagawa. Ito ang ginawa ni Pedro pagkatapos niyang makita si Jesus, at sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa sa ganitong paraan nakakamit ng isa ang pinakamahusay na mga resulta. Ang buong-pusong pagtatalaga sa mga salita ng Diyos ay pangunahing nangangahulugan ng paghahanap sa katotohanan, paghahanap sa hangarin ng Diyos sa loob ng Kanyang mga salita, pagtutuon ng pansin sa pag-unawa sa kalooban ng Diyos, at pag-unawa at pagkakamit ng mas maraming katotohanan mula sa mga salita ng Diyos. Kapag binabasa ang Kanyang mga salita, hindi nakatuon si Pedro sa pag-unawa sa mga doktrina at siya ay lalo pang hindi nakatuon sa pagkakamit ng kaalamang pangteolohiya; sa halip, siya ay nakatuon sa pag-unawa sa katotohanan at pag-unawa sa kalooban ng Diyos, at pagtatamo ng pagkaunawa ng Kanyang disposisyon at ng Kanyang pagiging kaibig-ibig. Sinubukan din niyang unawain ang iba’t ibang tiwaling mga kalagayan ng tao mula sa mga salita ng Diyos, at unawain ang tiwaling kalikasan ng tao at ang tunay na mga pagkukulang ng tao, tinatamo ang lahat ng aspeto ng mga hinihiling ng Diyos sa tao upang mapalugod Siya. Nagkaroon siya ng napakaraming wastong mga pagsasagawa sa loob ng mga salita ng Diyos; ito ay halos naaayon sa kalooban ng Diyos, at ito ang pinakamahusay na pakikipagtulungan ng tao sa kanyang karanasan sa gawain ng Diyos. Habang dumaranas ng daan-daang pagsubok ng Diyos, mahigpit niyang sinuri ang kanyang sarili ayon sa bawat salita ng paghatol ng Diyos sa tao, bawat salita ng paghahayag Niya sa tao, at bawat salita ng Kanyang mga kahilingan sa tao, at sinikap na unawain ang kahulugan ng mga pagbikas na iyon. Masigasig niyang pinagnilayan at isinaulo ang bawat salitang sinabi sa kanya ni Jesus, at napakaganda ng nakamtan niyang mga resulta. Sa ganitong paraan ng pagsasagawa, naunawaan niya ang kanyang sarili mula sa mga salita ng Diyos, at hindi lang ang iba’t ibang tiwaling kalagayan ng tao ang naunawaan niya, kundi pati na ang diwa, likas na pagkatao, at ang iba’t ibang pagkukulang ng tao. Ito ang kahulugan ng tunay na maunawaan ang sarili. Mula sa mga salita ng Diyos, hindi lamang niya natamo ang tunay na pagkaunawa ukol sa sarili niya, kundi mula sa mga bagay na ipinapahayag sa mga pagbigkas ng Diyos—ang matuwid na disposisyon ng Diyos, kung ano ang mayroon at kung ano Siya, ang kalooban ng Diyos para sa Kanyang gawain, ang Kanyang mga hinihingi sa sangkatauhan—mula sa mga salitang ito nakarating siya sa lubos na pagkakilala sa Diyos. Nakarating siya sa pagkakilala sa disposisyon ng Diyos, at sa Kanyang diwa; nakilala at naunawaan niya kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos at mga hinihingi ng Diyos para sa tao. Bagama’t ang Diyos ay hindi gaanong nagsalita noong panahong iyon kagaya ng Kanyang ginagawa sa kasalukuyan, nagkaroon ng bunga kay Pedro sa mga aspetong ito. Ito ay isang bihira at napakahalagang bagay. Dumaan si Pedro sa daan-daang pagsubok, subalit hindi nagdusa nang walang-saysay. Hindi lamang niya naunawaan ang kanyang sarili mula sa mga salita at sa gawa ng Diyos, kundi nakilala rin niya ang Diyos. Dagdag pa riyan, sa mga pagbigkas ng Diyos, nagtuon siya lalo na sa mga hinihiling ng Diyos sa sangkatauhan sa loob ng Kanyang mga salita. Sa alinmang mga aspeto dapat bigyang-kasiyahan ng tao ang Diyos upang makaayon sa kalooban ng Diyos, nagawang magsikap nang husto ni Pedro sa mga aspetong ito at nakamtan ang buong kalinawan; lubhang kapaki-pakinabang patungkol sa sarili niyang pagpasok. Anuman ang pinatungkulan ng Diyos, basta’t ang mga salitang iyon ay maaaring maging kanyang buhay at nabibilang ang mga ito sa katotohanan, nakaya ni Pedro na iukit ang mga ito sa kanyang puso upang madalas na pagbulayan at pahalagahan ang mga ito. Matapos mapakinggan ang mga salita ni Jesus nakaya niyang isapuso ang mga ito, na nagpapakita na siya ay espesyal na nakatuon sa mga salita ng Diyos, at tunay na nakamtan niya ang mga resulta sa huli. Ibig sabihin, nakaya niyang malayang isagawa ang mga salita ng Diyos, tumpak na isagawa ang katotohanan at mapahanay sa kalooban ng Diyos, kumilos nang lubusang naaayon sa intensiyon ng Diyos, at isuko ang kanyang sariling personal na mga opinyon at imahinasyon. Sa ganitong paraan, pumasok si Pedro sa realidad ng mga salita ng Diyos.

Hinango mula sa “Paano Lakaran Ang Landas ni Pedro” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

424. Nang hinampas ni Moises ang bato, at ang tubig na ibinigay ni Jehova ay bumukal, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang tinugtog ni David ang lira sa pagpupuri sa Akin, si Jehova—na ang kanyang puso ay puno ng kagalakan—ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nawala kay Job ang kanyang kawan na pumupuno sa mga bundok at ang di-masukat na kayamanan, at ang kanyang katawan ay napuno ng masasakit na pigsa, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Kapag naririnig niya ang tinig Ko, si Jehova, at nakikita ang luwalhati Ko, si Jehova, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nakasunod si Pedro kay Jesucristo dahil sa kanyang pananampalataya. Naipako siya sa krus alang-alang sa Akin at nakapagbigay ng maluwalhating patotoo dahil din sa kanyang pananampalataya. Nang nakita ni Juan ang maluwalhating larawan ng Anak ng tao, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nakita niya ang pangitain ng mga huling araw, lalo nang lahat ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Ang dahilan kung bakit ang sinasabing karamihan ng mga bansang Gentil ay nakatamo ng Aking paghahayag, at nakaalam na nakabalik na Ako sa katawang-tao upang gawin ang Aking gawain sa gitna ng tao, ay dahil din sa kanilang pananampalataya. Lahat niyaong hinahampas ng Aking malupit na mga salita nguni’t nabibigyang-aliw ng mga iyon at inililigtas—hindi ba nila nagawa ang gayon dahil sa kanilang pananampalataya? Ang mga tao ay nakatanggap ng napakarami dahil sa kanilang pananampalataya, at hindi ito palaging pagpapala. Maaaring hindi nila matanggap ang uri ng kaligayahan at kagalakan na nadama ni David, o mapagkalooban ng tubig ni Jehova kagaya ni Moises. Halimbawa, pinagpala ni Jehova si Job dahil sa kanyang pananampalataya, nguni’t nagdusa rin siya ng sakuna. Kung ikaw man ay pinagpapala o nagdurusa ng sakuna, kapwa itong mga pinagpalang pangyayari. Kung walang pananampalataya, hindi mo matatanggap ang gawaing panlulupig na ito, lalong hindi mamamasdan ang mga gawa ni Jehova na ipinakikita sa harap mo ngayon. Hindi mo magagawang makakita, at lalong hindi mo magagawang tumanggap. Ang mga hagupit na ito, ang mga kalamidad na ito, at ang lahat ng paghatol—kung hindi sumapit sa iyo ang mga ito, magagawa mo bang makita ang mga gawa ni Jehova ngayon? Ngayon, ang pananampalataya ang nagtutulot sa iyo na malupig, at ang pagiging nalupig ang nagtutulot sa iyo na manalig sa bawa’t gawa ni Jehova. Dahil lamang sa pananampalataya kaya ka nakatatanggap ng gayong pagkastigo at paghatol. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol na ito, ikaw ay nilulupig at pineperpekto. Kung wala ang uri ng pagkastigo at paghatol na tinatanggap mo ngayon, ang iyong pananampalataya ay mawawalan ng kabuluhan, sapagka’t hindi mo makikilala ang Diyos; kahit gaano ka naniniwala sa Kanya, ang iyong pananampalataya ay mananatiling isang hungkag na pagpapahayag na hindi nakasalig sa realidad. Matapos mo lang tanggapin ang gawaing ito ng panlulupig, gawain na gumagawa sa iyo na lubos na masunurin, na ang iyong pananampalataya ay nagiging totoo, at maaasahan, at ang iyong puso ay bumabaling sa Diyos. Kahit na ikaw ay nagdurusa ng matinding paghatol at pagsumpa dahil sa salitang ito, “pananampalataya,” ikaw magkagayunman ay may totoong pananampalataya at ikaw ay tumatanggap ng pinakatunay, pinakatotoo, at pinakamahalagang bagay. Ito ay dahil sa pagpapatuloy lamang ng paghatol na nakikita mo ang huling hantungan ng mga nilalang ng Diyos; sa paghatol na ito mo nakikita na ang Lumikha ay dapat ibigin; sa ganitong uri ng gawaing panlulupig mo namamasdan ang bisig ng Diyos; sa panlulupig na ito ka dumarating sa lubos na pagkaunawa sa buhay ng tao; sa panlulupig na ito mo natatamo ang tamang landas ng buhay ng tao at dumarating sa pagkaunawa sa totoong kahulugan ng “tao”; sa panlulupig na ito mo lang nakikita ang matuwid na disposisyon ng Makapangyarihan sa lahat at ang Kanyang maganda at maluwalhating mukha; sa gawaing panlulupig na ito mo natututunan ang tungkol sa pinagmulan ng tao at nauunawaan ang “walang-kamatayang kasaysayan” ng buong sangkatauhan; sa ganitong panlulupig ka dumarating sa pagkaintindi sa mga ninuno ng sangkatauhan at sa pinagmulan ng katiwalian ng sangkatauhan; sa panlulupig na ito ka nakatatanggap ng kaligayahan at kaginhawahan gayundin ng walang-katapusang pagkastigo, pagdidisiplina, at mga pangaral ng Lumikha sa sangkatauhang Kanyang nilikha; sa gawaing panlulupig na ito ka nakatatanggap ng mga pagpapala, gayundin ng mga sakuna na dapat tanggapin ng tao…. Hindi ba ang lahat ng ito ay dahil sa iyong mumunting pananampalataya? Matapos matamo ang mga bagay na ito, hindi ba lumago ang iyong pananampalataya? Hindi ka ba nakatamo ng napakalaking halaga?

Hinango mula sa “Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Panlulupig (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sinundan: XI Mga Klasikong Salita tungkol Pagpasok sa Realidad ng Katotohanan

Sumunod: B. Mga Salita tungkol sa Pagdarasal at Pagsamba sa Diyos

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.
Makipag-ugnayan sa Amin
Kontakin Kami Gamit ang Messenger

Kaugnay na Nilalaman

Tatlong Paalaala

Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat sa Kanya ka lamang maging tapat sa lahat ng mga bagay, at maki-ayon sa kalooban Niya sa lahat...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito