Paano ba malalaman ang disposisyon ng Diyos mula sa Kanyang gawain
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Simula noong nagkaroon ng pamamahala ng Diyos, lagi na Siyang nakatalagang lubos sa pagsasagawa ng Kanyang gawain. Sa kabila ng pagtatakip ng Kanyang persona mula sa tao, palagi lang Siyang nasa tabi ng tao, gumagawa sa tao, nagpapahayag ng Kanyang disposisyon, ginagabayan ang lahat ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang diwa, at ginagawa ang Kanyang gawain sa bawat isang tao gamit ang Kanyang kalakasan, ang Kanyang karunungan, at ang Kanyang awtoridad, kung kaya’t nagkaroon ng Kapanahunan ng Kautusan, Kapanahunan ng Biyaya, at ng Kapanahunan ng Kaharian sa kasalukuyan. Bagama’t itinatago ng Diyos ang Kanyang persona mula sa tao, ang Kanyang disposisyon, kung ano Siya at kung anong mayroon Siya, at ang Kanyang kalooban sa sangkatauhan ay walang pangingiming ipinahahayag sa tao upang makita at maranasan ng tao. Sa madaling salita, kahit hindi makita o mahipo ng mga tao ang Diyos, ang disposisyon at diwa ng Diyos na naranasan ng sangkatauhan ay lubos na mga pagpapahayag ng Mismong Diyos. Hindi ba iyan ang katotohanan? Anumang paraan o anggulong pinipili ng Diyos para sa Kanyang gawain, palagi Niyang tinatrato ang mga tao nang nasa Kanyang totoong pagkakakilanlan, ginagawa ang dapat Niyang gawin at sinasabi ang mga salitang dapat Niyang sabihin. Mula sa anumang katayuan mangusap ang Diyos—maaaring nakatayo Siya sa ikatlong kalangitan, o nakatayo sa katawang-tao, o kahit bilang isang karaniwang tao—lagi Siyang nangungusap sa tao nang buong puso at sa Kanyang buong kaisipan, nang walang pandaraya o pagkukubli. Kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain, ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang salita at ang Kanyang disposisyon, at ipinahahayag kung anong mayroon at kung ano ang Diyos, nang walang anumang pangingimi. Ginagabayan Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang buhay, at kung ano Siya at kung anong mayroon Siya.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I
Ang disposisyon ng Diyos ay lantad sa lahat at hindi nakatago, dahil hindi kailanman sinadyang umiwas ng Diyos sa sinumang tao at hindi Niya kailanman sinadyang hangarin na itago ang Sarili Niya upang hindi Siya makilala o maunawaan ng mga tao. Ang disposisyon ng Diyos ay palaging bukas at palaging nakaharap sa bawat tao sa isang lantad na paraan. Sa pamamahala ng Diyos, ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain nang nakaharap sa lahat, at ginagawa Niya sa bawat tao ang Kanyang gawain. Sa paggawa Niya ng gawaing ito, patuloy Niyang ibinubunyag ang Kanyang disposisyon at patuloy Niyang ginagamit ang Kanyang diwa, kung anong mayroon at kung ano Siya, upang gabayan at tustusan ang bawat tao. Sa bawat panahon at sa bawat yugto, maganda man o pangit ang mga kalagayan, ang disposisyon ng Diyos ay laging lantad sa bawat indibidwal, at kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay laging lantad sa bawat indibidwal, sa parehong paraan na ang Kanyang buhay ay palagi at walang-patid na naglalaan at sumusuporta sa sangkatauhan.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I
Ang tatlong yugto ng gawain ay nasa puso ng buong pamamahala ng Diyos, at sa mga ito ipinapahayag ang disposisyon ng Diyos at kung ano Siya. Yaong mga hindi nakakaalam sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay walang kakayahang matanto kung paano ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon, ni hindi nila alam ang karunungan ng gawain ng Diyos. Nananatili rin silang mangmang tungkol sa maraming paraan ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at sa Kanyang kalooban para sa buong sangkatauhan. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang lubos na pagpapahayag ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Yaong mga hindi nakakaalam sa tatlong yugto ng gawain ay magiging mangmang sa iba’t ibang mga pamamaraan at prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu, at yaong mga kumakapit lamang nang mahigpit sa doktrinang natira mula sa isang yugto ng gawain ay mga taong inililimita ang Diyos sa doktrina, at ang paniniwala sa Diyos ay malabo at alanganin. Ang gayong mga tao ay hindi tatanggap ng pagliligtas ng Diyos kailanman. Ang tatlong yugto lamang ng gawain ng Diyos ang maaaring magpahayag nang lubusan sa kabuuan ng disposisyon ng Diyos at ganap na magpahayag ng hangarin ng Diyos na iligtas ang buong sangkatauhan, at ng buong proseso ng pagliligtas sa sangkatauhan. Patunay ito na natalo na Niya si Satanas at naangkin ang sangkatauhan; patunay ito ng tagumpay ng Diyos, at ito ang pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos. Yaong mga nakakaunawa sa isang yugto lamang ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay bahagi lamang ang alam tungkol sa disposisyon ng Diyos. Sa mga kuru-kuro ng tao, madali para sa iisang yugtong ito ng gawain na maging doktrina, at malamang na magtatag ng mga pirmihang panuntunan ang tao tungkol sa Diyos at gamitin ang iisang bahaging ito ng disposisyon ng Diyos bilang isang paglalarawan ng buong disposisyon ng Diyos. Bukod pa riyan, malaking bahagi ng imahinasyon ng tao ang nakahalo sa loob, sa gayon ay mahigpit na pinipigilan ng tao ang disposisyon, katauhan, at karunungan ng Diyos, gayundin ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, sa loob ng limitadong mga hangganan, naniniwala na kung minsan nang naging ganito ang Diyos, mananatili Siyang ganito habang panahon, at hindi magbabago kailanman. Yaong mga nakakaalam at nagpapahalaga lamang sa tatlong yugto ng gawain ang lubos at tumpak na makakakilala sa Diyos. Kahit paano, hindi nila ilalarawan ang Diyos bilang Diyos ng mga Israelita, o ng mga Hudyo, at hindi nila Siya ituturing na isang Diyos na ipapako sa krus magpakailanman alang-alang sa tao. Kung makikilala lamang ng isang tao ang Diyos mula sa isang yugto ng Kanyang gawain, ang kanilang kaalaman ay napakaliit, at kasinghalaga lamang ng isang patak na tubig sa karagatan. Kung hindi, bakit ipapako ng marami sa relihiyosong matandang bantay ang Diyos sa krus nang buhay? Hindi ba dahil nililimitahan ng tao ang Diyos sa loob ng ilang hangganan?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos
Ang tatlong yugto ng gawain ay isang tala ng buong gawain ng Diyos; ang mga ito ay isang tala ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at hindi kathang-isip ang mga ito. Kung nais ninyo talagang maghangad ng kaalaman tungkol sa buong disposisyon ng Diyos, kailangan ninyong malaman ang tatlong yugto ng gawaing isinakatuparan ng Diyos, at bukod pa riyan, hindi ninyo dapat laktawan ang anumang yugto. Ito ang pinakamaliit na kailangang makamit ng mga naghahangad na makilala ang Diyos. Hindi kaya ng tao mismo na maggawa-gawa ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Hindi ito isang bagay na kayang isipin ng tao mismo, ni hindi ito bunga ng espesyal na pabor na ipinagkaloob ng Banal na Espiritu sa iisang tao. Sa halip, ito ay isang kaalamang dumarating matapos maranasan ng tao ang gawain ng Diyos, at ito ay isang kaalaman tungkol sa Diyos na dumarating lamang matapos maranasan ang mga katunayan ng gawain ng Diyos. Ang gayong kaalaman ay hindi makakamtan nang basta-basta, at ni hindi ito isang bagay na maaaring ituro. Lubos itong may kaugnayan sa personal na karanasan. Ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ang buod ng tatlong yugtong ito ng gawain, subalit kasama sa loob ng gawain ng pagliligtas ang ilang pamamaraan ng paggawa at ilang kaparaanan ng pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos. Ito ang pinakamahirap matukoy ng tao, at ito ang mahirap maunawaan ng tao. Ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga kapanahunan, mga pagbabago sa gawain ng Diyos, mga pagbabago sa lokasyon ng gawain, mga pagbabago sa mga tatanggap ng gawaing ito, at iba pa—lahat ng ito ay kasama sa tatlong yugto ng gawain. Lalo na, ang pagkakaiba sa paraan ng paggawa ng Banal na Espiritu, gayundin ang mga pagbabago sa disposisyon, anyo, pangalan, identidad, o ang iba pang mga pagbabago ng Diyos, ay bahaging lahat ng tatlong yugto ng gawain. Ang isang yugto ng gawain ay maaari lamang kumatawan sa isang bahagi, at limitado sa loob ng isang tiyak na saklaw. Hindi kasama rito ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga kapanahunan, o mga pagbabago sa gawain ng Diyos, lalo nang hindi kasama ang iba pang mga aspeto. Ito ay isang malinaw na halatang katunayan. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang buong gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Kailangang malaman ng tao ang gawain ng Diyos at ang disposisyon ng Diyos sa gawain ng pagliligtas; kung wala ang katunayang ito, ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay mga hungkag na salita lamang, walang iba kundi mabulaklak na pananalita.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos
Sa naitalang ito na kuwento ni Noe, may nakikita ba kayong bahagi ng disposisyon ng Diyos? May hangganan ang pagpapasensiya ng Diyos para sa katiwalian, karumihan at karahasan ng tao. Kapag umabot Siya sa hangganang iyon, hindi na Siya magiging mapagpasensiya at sa halip ay sisimulan na ang Kanyang bagong pamamahala at bagong plano, sisimulan nang gawin ang dapat Niyang gawin, ibunyag ang Kanyang mga gawa at ang kabilang bahagi ng Kanyang disposisyon. Ang pagkilos Niyang ito ay hindi upang ipakita na hindi Siya dapat saktan kailanman ng tao o ipakita na Siya ay puno ng awtoridad at poot, at hindi upang ipakita na kaya Niyang wasakin ang sangkatauhan. Ito ay dahil ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang banal na diwa ay hindi na makapagpapahintulot o ubos na ang pasensiya na mamuhay ang ganitong uri ng sangkatauhan sa Kanyang harapan, sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Ang ibig sabihin, kapag ang buong sangkatauhan ay laban sa Kanya, kapag wala na Siyang maaaring iligtas sa buong mundo, wala na Siyang pasensiya para sa ganitong uri ng sangkatauhan, at isasagawa nang walang anumang pag-aalinlangan ang Kanyang plano—ang wasakin ang ganitong uri ng sangkatauhan. Ang ganitong kilos ng Diyos ay itinakda ng Kanyang disposisyon. Ito ay isang hindi maiiwasang kahihinatnan, at isang kahihinatnan na dapat tiisin ng bawat nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Hindi ba nito ipinakikita na sa kasalukuyang panahon, hindi na mahintay ng Diyos na makumpleto ang Kanyang plano at iligtas ang mga taong nais Niyang iligtas? Sa ilalim ng mga kalagayang ito, ano ang pinakamahalaga sa Diyos? Hindi kung paanong ang mga lubusang hindi sumusunod sa Kanya o ang mga lumalaban sa Kanya ay tinatrato o nilalabanan Siya, o kung paano manirang-puri ang mga tao laban sa Kanya. Ang mahalaga lamang sa Kanya ay kung ang mga sumusunod sa Kanya, ang mga pakay ng Kanyang kaligtasan sa Kanyang plano ng pamamahala, ay nagawa na Niyang ganap, kung naging marapat sila sa Kanyang kaluguran. Para sa mga tao na bukod sa mga sumusunod sa Kanya, naglalaan lamang Siya paminsan-minsan ng kaunting kaparusahan upang ipahayag ang Kanyang poot. Halimbawa: mga tsunami, mga lindol, at mga pagputok ng bulkan. Kasabay nito, malakas din Niyang ipinagtatanggol at inaalagaan ang mga sumusunod sa Kanya at mga malapit na Niyang iligtas. Ang disposisyon ng Diyos ay ito: Sa isang dako, maaari Niyang bigyan ang mga taong balak Niyang gawing ganap ng kasukdulang pagpapasensiya at pagpaparaya, at hintayin sila hangga’t makakaya Niya; sa kabilang dako, matindi ang galit at kinasusuklaman ng Diyos ang mala-Satanas na uri ng tao na hindi sumusunod sa Kanya at lumalaban sa Kanya. Bagama’t wala Siyang pakialam kung itong mga mala-Satanas na uri ay sumusunod sa Kanya o sumasamba sa Kanya, kinamumuhian Niya pa rin sila habang pinagpapasensiyahan sila ng Kanyang puso, at sa Kanyang pagtatakda ng katapusan nitong mga mala-Satanas na uri, hinihintay rin Niya ang pagdating ng mga hakbang ng Kanyang plano ng pamamahala.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I
Sa simula, sa mata ng Diyos lumikha Siya ng sangkatauhan na napakabuti at malapit sa Kanya, ngunit sila ay nilipol sa pamamagitan ng baha matapos maghimagsik laban sa Kanya. Nasaktan ba ang Diyos na ang ganoong sangkatauhan ay agad naglaho nang ganoon na lamang? Siyempre, masakit iyon! Kaya ano ang pagpapahayag Niya ng sakit na ito? Paano ito naitala sa Biblia? Naitala ito sa Biblia sa mga salitang ito: “At Aking pagtitibayin ang Aking tipan sa inyo; ni hindi Ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa.” Ang simpleng pangungusap na ito ay nagpapahayag ng mga kaisipan ng Diyos. Lubhang napakasakit sa Kanya itong pagkagunaw ng mundo. Sa mga salita ng tao, Siya ay napakalungkot. Maaari nating gunitain: Ano ang anyo ng daigdig na minsan ay puno ng buhay pagkatapos itong ginunaw ng baha? Ano ang hitsura ng daigdig, na minsan ay puno ng mga tao, noong panahong iyon? Walang tahanan na para sa tao, walang mga buhay na nilikha, may tubig kahit saan at isang lubos na pagkawasak sa ibabaw ng tubig. Ang ganito bang eksena ang talagang layunin ng Diyos noong nilikha Niya ang mundo? Siyempre hindi! Ang talagang layunin ng Diyos ay makakita ng buhay sa buong kalupaan, ang makita ang mga taong Kanyang nilikha na sumasamba sa Kanya, hindi para si Noe lang ang nag-iisang sumasamba sa Kanya o ang nag-iisang maaaring tumugon sa Kanyang panawagan na tapusin ang ipinagkatiwala sa kanya. Noong naglaho ang sangkatauhan, nakita ng Diyos ang lubos na kabaligtaran ng talagang nilayon Niya. Paanong hindi masasaktan ang Kanyang puso? Kaya noong ibinubunyag Niya ang Kanyang disposisyon at ipinahihiwatig ang Kanyang mga damdamin, nagpasya ang Diyos. Anong uri ng pasya ang Kanyang ginawa? Ang gumawa ng arko sa ulap (iyon ay ang mga bahagharing nakikita natin) bilang isang tipan sa tao, isang pangako na hindi na muling lilipulin ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng baha. Kasabay nito, ito ay para sabihin din sa mga tao na ginunaw ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha, upang magpakailanman ay maipaalala sa sangkatauhan kung bakit ginawa ng Diyos ang ganoon.
…………
Anong bahagi ng disposisyon ng Diyos ang dapat nating matutunan mula rito? Kinamuhian ng Diyos ang tao dahil ang tao ay kumakalaban sa Kanya, ngunit sa Kanyang puso, ang Kanyang pag-aalaga, pagmamalasakit, at awa para sa sangkatauhan ay nanatiling hindi nagbabago. Kahit noong nilipol Niya ang sangkatauhan, ang puso Niya’y nanatiling hindi nagbago. Noong ang sangkatauhan ay napuno ng katiwalian at naging suwail sa Diyos hanggang sa isang nakapanghihinang punto, kinailangan ng Diyos na wasakin ang sangkatauhan, dahil sa Kanyang disposisyon at Kanyang diwa, at alinsunod sa Kanyang mga panuntunan. Ngunit dahil sa diwa ng Diyos, kinaawaan pa rin Niya ang sangkatauhan, at nagnais pang gumamit ng iba’t ibang mga paraan upang tubusin ang sangkatauhan nang makapagpatuloy silang mabuhay. Gayunman, nilabanan ng tao ang Diyos, nagpatuloy na sumuway sa Diyos, at tinanggihan na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, na ang ibig sabihin, tinanggihan na tanggapin ang Kanyang mabubuting layunin. Kahit paano man sila tinawag ng Diyos, pinaalalahanan, tinustusan, tinulungan, o pinagbigyan, hindi ito naunawaan o pinahalagahan ng tao, at ni hindi rin sila nagbigay-pansin. Sa kabila ng sakit Niyang nadama, hindi pa rin kinalimutan ng Diyos na ipagkaloob sa tao ang pinakamataas na antas ng Kanyang pagpaparaya, naghihintay na baliktarin ng tao ang kanyang direksiyon. Matapos Niyang maabot ang Kanyang hangganan, ginawa Niya ang dapat Niyang gawin nang walang anumang alinlangan. Sa madaling sabi, may partikular na panahon at proseso mula sa sandaling binalak ng Diyos na lipulin ang sangkatauhan hanggang sa pagsisimula ng Kanyang gawain na paglipol sa sangkatauhan. Umiral ang ganitong proseso upang bigyang-kakayahan ang tao na baliktarin ang kanyang direksiyon, at ito ang huling pagkakataon na ibinigay ng Diyos sa tao. Kaya ano ang ginawa ng Diyos sa panahong ito bago lipulin ang sangkatauhan? Napakaraming pagpapaalala at masidhing paghihikayat ang ginawa ng Diyos. Kahit gaano pa katindi ang sakit o pighating pinagdadaanan ng puso ng Diyos, patuloy Niyang ibinigay ang Kanyang pag-aalaga, malasakit, at masaganang awa sa sangkatauhan. Ano ang nakikita natin mula rito? Walang duda, nakikita natin na ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan ay totoo at hindi bukang-bibig lamang. Ito ay tunay, nadarama at may halaga, hindi huwad, marumi, mapandaya o mapagkunwari. Hindi kailanman gumagamit ang Diyos ng anumang pandaraya o lumilikha ng mga huwad na larawan para ipakita sa mga taong Siya ay kaibig-ibig. Hindi Siya kailanman gumagamit ng di-tunay na patotoo para maipakita sa mga tao ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, o ipangalandakan ang Kanyang pagiging kaibig-ibig at kabanalan. Hindi ba karapat-dapat para sa pag-ibig ng tao ang mga aspetong ito ng disposisyon ng Diyos? Hindi ba karapat-dapat sambahin ang mga ito? Hindi ba karapat-dapat itangi ang mga ito? Sa puntong ito, nais Ko kayong tanungin: Matapos ninyong marinig ang mga salitang ito, sa palagay ba ninyo ang kadakilaan ng Diyos ay pawang mga salita lamang sa isang pilas ng papel? Ang pagiging kaibig-ibig ba ng Diyos ay mga hungkag na salita lamang? Hindi! Tiyak na hindi! Ang pangingibabaw ng Diyos, ang Kanyang kadakilaan, kabanalan, pagpaparaya, pag-ibig, at iba pa—lahat ng detalye ng bawat isa sa iba’t ibang aspeto ng disposisyon at diwa ng Diyos ay nakakakita ng praktikal na pagpapahayag tuwing ginagawa Niya ang Kanyang gawain, ay nakapaloob sa Kanyang kalooban para sa tao, at natutupad at nasasalamin din sa bawat tao. Nadama mo man dati ito o hindi pa, inaalagaan ng Diyos ang bawat tao sa bawat posibleng paraan, gamit ang Kanyang tapat na puso, karunungan, at iba’t ibang kaparaanan upang mapainit ang puso ng bawat tao, at magising ang espiritu ng bawat tao. Ito ay isang di-matututulang katunayan.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I
Ang paggamit ng Diyos ng apoy upang wasakin ang lungsod ng Sodoma ang pinakamabilis Niyang paraan upang lubos na lipulin ang isang sangkatauhan o ano pa mang bagay. Higit pa sa kanilang pisikal na katawan ang winasak ng pagsunog sa mga mamamayan ng Sodoma; winasak nito ang kabuuan ng kanilang mga espiritu, ang kanilang mga kaluluwa at kanilang mga katawan, tinitiyak na ang mga tao sa loob ng lungsod na ito ay titigil sa pag-iral sa kapwa materyal na mundo at mundong hindi nakikita ng tao. Ito ay isang paraan kung paano ibinubunyag ng Diyos at ipinahahayag ang Kanyang poot. Ang ganitong paraan ng pagbubunyag at pagpapahayag ay isang aspeto ng diwa ng poot ng Diyos, kung paano ring ito ay likas na paghahayag ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot, tumitigil Siya sa paghahayag ng anumang awa o kagandahang loob, ni hindi na Siya nagpapakita pa ng Kanyang pagpapaubaya o pasensya; walang tao, bagay o dahilan na makahihimok sa Kanya upang patuloy na maging matiyaga, na muling ibigay ang Kanyang awa, at minsan pang ipagkaloob ang Kanyang pagpaparaya. Kapalit ng mga bagay na ito, walang isa mang sandali ng pag-aalinlangan, ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot at kamaharlikahan, ginagawa kung ano ang Kanyang nais. Isasagawa Niya ang mga bagay na ito sa isang mabilis at malinis na paraan ayon sa Kanyang sariling mga kagustuhan. Ito ang paraan kung paano ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot at kamaharlikahan, na hindi dapat maagrabyado ng tao, at ito ay isa ring pagpapahayag ng isang aspeto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag nasasaksihan ng mga tao na nagpapakita ng pag-aalala at pagmamahal ang Diyos sa tao, hindi nila napapansin ang Kanyang poot, nakikita ang Kanyang kamaharlikahan o nadarama ang Kanyang kawalang-paraya sa pagkakasala. Ang mga bagay na ito ang laging nagpapapaniwala sa mga tao na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay yaong awa, pagpapaubaya at pagmamahal lamang. Gayunman, kapag nakita ng isang tao na winasak ng Diyos ang isang lungsod o kinamuhian ang isang sangkatauhan, ang Kanyang matinding galit sa pagkawasak ng tao at ang Kanyang kamaharlikahan ang nagbibigay-daan sa mga tao na masilayan ang kabilang panig ng matuwid Niyang disposisyon. Ito ang hindi pagkunsinti ng Diyos sa pagkakasala. Ang disposisyon ng Diyos na hindi kumukunsinti ng pagkakasala ay lumalampas sa imahinasyon ng anumang nilikhang nilalang, at sa mga di-nilikhang nilalang, walang may kakayahang panghimasukan ito o maapektuhan ito; at lalong hindi ito kayang gayahin o tularan. Sa gayon, ang aspetong ito ng disposisyon ng Diyos ang siyang dapat na talagang mabatid ng sangkatauhan. Tanging ang Diyos Mismo ang may ganitong uri ng disposisyon, at tanging Diyos Mismo ang nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon. Nagtataglay ang Diyos ng ganitong uri ng matuwid na disposisyon dahil nasusuklam Siya sa kasamaan, kadiliman, pagka-mapanghimagsik at mga masasamang gawa ni Satanas—pagtitiwali at paglamon sa sangkatauhan—sapagkat kinasusuklaman Niya ang lahat ng paggawa ng kasalanan bilang paglaban sa Kanya at dahil sa Kanyang banal at walang-dungis na diwa. Ito ang dahilan kaya hindi Niya hahayaan ang sinumang nilikha o di-nilikhang nilalang na hayagang salungatin o labanan Siya. Kahit ang isang indibidwal na pinagpakitaan Niyang minsan ng awa o Kanyang pinili ay kailangan lamang pukawin ang Kanyang disposisyon at labagin ang Kanyang prinsipyo ng pagpapasensya at pagpaparaya, at pakakawalan Niya at ibubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon na wala kahit katiting mang awa o pag-aalinlangan—isang disposisyon na hindi kinukunsinti ang pagkakasala.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
May mga prinsipyo sa mga pagkilos ng Diyos, at bago gumawa ng isang desisyon, maglalaan Siya ng mahabang oras sa pagmamasid at pagsasaalang-alang sa mga ito; kung hindi pa ito ang tamang oras, siguradong hindi Siya gagawa ng anumang desisyon o agad-agad na magpapasiya. Ang mga pag-uusap sa pagitan ni Abraham at ng Diyos ay nagpapakita sa atin na wala ni katiting na kamalian sa desisyon ng Diyos na wasakin ang Sodoma, dahil alam na ng Diyos na walang apatnapung matuwid sa lungsod, kahit pa tatlumpu, o kaya ay dalawampu. Wala ni kahit na sampu. Ang tanging matuwid na tao sa lungsod ay si Lot. Ang lahat ng nangyari sa Sodoma at kalagayan nito ay pinagmasdan ng Diyos, at pamilyar ang mga ito sa Diyos gaya ng likuran ng Kanyang sariling kamay. Dahil dito, ang Kanyang desisyon ay hindi maaaring maging mali. Sa kabilang banda, kung ihahambing sa pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos, napakamanhid ng tao, sobrang hangal at mangmang, lubos ang kakulangan sa pagpapahalaga sa kinabukasan. Ito ang nakikita natin sa mga pag-uusap sa pagitan ni Abraham at ng Diyos. Inilalabas ng Diyos ang Kanyang disposisyon magmula pa sa simula hanggang sa ngayon. Tulad nito, mayroon ding disposisyon ng Diyos na dapat nating makita. Simple ang mga numero, hindi sila nagpapakita ng kahit ano, ngunit dito ay may napakahalagang pagpapahayag sa disposisyon ng Diyos. Hindi wawasakin ng Diyos ang lungsod dahil sa limampung matuwid. Ito ba ay dahil sa habag ng Diyos? Ito ba ay dahil sa Kanyang pagmamahal at pagpapaubaya? Nakita ba ninyo ang panig na ito ng disposisyon ng Diyos? Kahit na may sampung matuwid lamang, hindi wawasakin ng Diyos ang lungsod dahil sa sampung matuwid na mga taong ito. Ito ba, o hindi ba ito, ang pagpapaubaya at pagmamahal ng Diyos? Dahil sa habag, pagpapaubaya, at pagmamalasakit ng Diyos sa matuwid na mga taong ito, hindi Niya sana wawasakin ang lungsod. Ito ang pagpapaubaya ng Diyos. At sa katapusan, ano ang kalalabasan na makikita natin? Nang sinabi ni Abraham, “Kung sakaling may makikita doong sampu,” sinabi ng Diyos, “Hindi Ko lilipulin.” Pagkatapos noon, wala nang sinabi si Abraham—dahil walang sampung matuwid sa Sodoma na kanyang tinukoy, at wala na siyang masasabi pa, at sa panahong iyon naunawaan niya kung bakit nagpasiya ang Diyos na wasakin ang Sodoma. Dito, anong disposisyon ng Diyos ang nakikita ninyo? Anong uri ng paglutas ang ginawa ng Diyos? Nagpasya ang Diyos na kung walang sampung matuwid sa lungsod na ito, hindi Niya pahihintulutan ang pag-iral nito at wawasakin Niya ito. Hindi ba’t ito ang poot ng Diyos? Ang poot bang ito ang kumakatawan sa disposisyon ng Diyos? Ito bang disposisyon na ito ang pagpapahayag ng banal na diwa ng Diyos? Ito ba ang pagpapahayag ng matuwid na diwa ng Diyos, na hindi dapat sinusuway ng tao? Dahil napagtibay na walang sampung matuwid sa Sodoma, tiniyak ng Diyos na wawasakin Niya ang lungsod, at parurusahan nang matindi ang mga tao sa lungsod na iyon, dahil nilabanan nila ang Diyos at dahil masyado silang marumi at tiwali.
… Ang habag at pagpapaubaya ng Diyos ay talagang umiiral, ngunit ang kabanalan at pagkamatuwid ng Diyos kapag pinapakawalan Niya ang Kanyang poot ay nagpapakita rin sa tao ng panig ng Diyos na hindi nagpapahintulot ng pagkakasala. Kapag kaya na ng tao na sundin nang ganap ang mga utos ng Diyos at kumilos alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos, masagana ang habag ng Diyos sa tao; kapag ang tao ay napuno ng katiwalian, pagkamuhi at pagkapoot sa Kanya, napakatindi ng galit ng Diyos. Hanggang saan ang tindi ng Kanyang galit? Mananatili ang Kanyang poot hanggang hindi na nakikita ng Diyos ang pagsuway at masasamang gawa ng tao, hanggang sa mawala na sila sa Kanyang harapan. Saka lamang mawawala ang galit ng Diyos. Sa madaling salita, kahit na sino pa ang tao, kung ang kanilang puso ay naging malayo sa Diyos, tumalikod sa Diyos, at hindi kailanman bumalik, paano man nila ninais na ipakita ang kanilang pagsamba at pagsunod sa Diyos sa kanilang katawan at pag-iisip, ang poot ng Diyos ay pakakawalan nang walang humpay. Masasabi na kapag lubos na pinapakawalan ng Diyos ang Kanyang galit, dahil nabigyan na ng sapat na pagkakataon ang tao, sa oras na pakawalan ito, wala nang paraan upang bawiin ito, at hindi na Siya kailanman pa mahahabag at magpapaubaya sa naturang sangkatauhan. Ito ay isang panig ng disposisyon ng Diyos na hindi nagpapahintulot ng anumang paglabag. Dito, tila normal sa mga tao ang pagwasak ng Diyos sa isang lungsod, dahil, sa mga mata ng Diyos, ang lungsod na puno ng kasalanan ay hindi maaaring umiral at patuloy na manatili, at makatuwiran lang na dapat itong wasakin ng Diyos. Ngunit sa nangyari bago at kasunod ng Kanyang pagwasak sa Sodoma, nakikita natin ang kabuuan ng disposisyon ng Diyos. Siya ay mapagparaya at maawain sa mga bagay na mabait, at maganda, at mabuti. Sa mga bagay na masama, at makasalanan, at nakasusuklam, malalim ang Kanyang poot, sa paraang hindi Siya tumitigil sa Kanyang pagkapoot. Ito ang dalawang pangunahin at pinakakilalang aspeto ng disposisyon ng Diyos, at, higit pa rito, naibunyag ang mga ito ng Diyos mula simula hanggang katapusan: saganang habag at malalim na poot.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Pagkaraang likhain ang sangkatauhan, si Jehova ay hindi sila tinagubilinan o ginabayan mula kay Adan hanggang kay Noe. Sa halip, pagkaraang wasakin ng baha ang daigdig Siya nagsimulang pormal na gabayan ang mga Israelita, na mga inapo ni Noe at gayundin ni Adan. Ang gawain at mga pagbigkas Niya sa Israel ay nagbigay ng patnubay sa lahat ng tao ng Israel habang namumuhay sila sa buong lupain ng Israel, na nagpakita sa sangkatauhan na si Jehova ay hindi lamang kayang humihip ng hininga sa tao, upang magkaroon siya ng buhay mula sa Kanya at bumangon mula sa alabok at maging nilikhang tao, kundi maaari rin Niyang sunugin ang sangkatauhan, at sumpain ang sangkatauhan, at gamitin ang pamalo Niya upang pamahalaan ang sangkatauhan. Kaya rin nakita nila na maaaring gabayan ni Jehova ang buhay ng tao sa lupa, at magsalita at gumawa sa gitna ng sangkatauhan ayon sa mga oras ng araw at ng gabi. Ang gawaing ginawa Niya ay tanging upang mabatid ng mga nilalang Niya na nagmula ang tao sa alabok na pinulot Niya, at bukod dito, na ginawa Niya ang tao. Hindi lamang iyan, kundi una Niyang ginawa ang gawain Niya sa Israel upang ang ibang mga tao at mga bansa (na sa katunayan ay hindi hiwalay mula sa Israel, bagkus ay nagsanga mula sa mga Israelita, gayon pa man nagmula pa rin kina Adan at Eba) ay maaaring tumanggap ng ebanghelyo ni Jehova mula sa Israel, upang ang lahat ng nilikha sa sansinukob ay maigagalang si Jehova at ituring Siyang dakila.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan
Noong Kapanahunan ng Kautusan, naglatag si Jehova ng maraming mga utos kay Moises upang ipasa sa mga Israelitang sumunod sa kanya palabas ng Ehipto. Ang mga utos na ito ay ibinigay ni Jehova sa mga Israelita, at walang kaugnayan sa mga taga-Ehipto; nilayon ang mga ito upang pigilan ang mga Israelita, at ginamit Niya ang mga utos upang gumawa ng mga kahilingan sa kanila. Kung nangilin man sila sa Araw ng Kapahingahan, kung iginalang man nila ang kanilang mga magulang, kung sinamba man nila ang mga diyos-diyosan, at iba pa—ito ang mga prinsipyong ginagamit para hatulan silang makasalanan o matuwid. Sa kanila, mayroong ilang tinamaan ng apoy ni Jehova, mayroong ilang binato hanggang kamatayan, at mayroong ilang tumanggap ng pagpapala ni Jehova, at tinukoy ito ng pagsunod nila o hindi pagsunod sa mga utos na ito. Binato hanggang kamatayan yaong mga hindi nangilin sa Araw ng Kapahingahan. Ang mga paring hindi nangilin sa Araw ng Kapahingahan ay tinamaan ng apoy ni Jehova. Binato rin hanggang kamatayan ang mga hindi nagpakita ng paggalang sa mga magulang nila. Inihabilin ni Jehova ang lahat ng ito. Itinatag ni Jehova ang Kanyang mga kautusan at mga batas Niya upang, habang pinangungunahan Niya sila sa mga buhay nila, ang mga tao ay makikinig at susunod sa salita Niya at hindi maghihimagsik sa Kanya. Ginamit Niya ang mga kautusang ito upang mapanatili sa ilalim ng pagsupil ang bagong silang na sangkatauhan, upang mas mainam na mailatag ang sandigan para sa panghinaharap Niyang gawain. At kaya, batay sa gawain na ginawa ni Jehova, tinawag ang unang kapanahunan na Kapanahunan ng Kautusan. Bagaman gumawa ng maraming pagbigkas at maraming ginawang gawain si Jehova, ginabayan lamang Niya ang mga tao sa positibong paraan, tinuturuan ang mga mangmang na taong ito kung paano maging tao, kung paano mamuhay, kung paano maunawaan ang daan ni Jehova. Sa malaking bahagi, ang gawaing ginawa Niya ay upang ang mga tao ay tumalima sa daan Niya at sundin ang mga kautusan Niya. Ang gawain ay ginawa sa mga taong mababaw ang katiwalian; hindi umabot ang saklaw nito sa pagbabago ng kanilang disposisyon o pag-unlad sa buhay. Interesado lamang Siya sa paggamit ng mga kautusan para higpitan at supilin ang mga tao. Para sa mga Israelita sa panahong iyon, si Jehova ay isang Diyos lamang sa templo, isang Diyos sa kalangitan. Isa Siyang haliging ulap, isang haliging apoy. Ang kinakailangan lamang ni Jehova na gawin nila ay ang sumunod sa alam ng mga tao ngayon bilang mga batas at mga kautusan Niya—maaari pa ngang sabihin ng isang tao na mga alituntunin—sapagkat ang ginawa ni Jehova ay hindi nilayon para baguhin sila, kundi para bigyan sila ng mas maraming bagay na dapat magkaroon ang tao at para tagubilinan sila mula sa sarili Niyang bibig sapagkat, pagkaraang malikha, wala ang tao ng anumang dapat na tinataglay niya. At kaya, ibinigay ni Jehova sa mga tao ang mga bagay na dapat nilang tinataglay para sa mga buhay nila sa lupa, upang ang mga taong ito na Kanyang pinangunahan ay magawa na malampasan ang kanilang mga ninuno, sina Adan at Eba, sapagkat ang ibinigay ni Jehova sa kanila ay higit sa ibinigay Niya kina Adan at Eba sa simula. Anupaman, ang gawaing ginawa ni Jehova sa Israel ay upang gabayan lamang ang sangkatauhan at gawin ang sangkatauhan na kumikilala sa kanilang Lumikha. Hindi Niya sila nilupig o binago, kundi ginabayan lamang sila. Ito ang kabuuan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang konteksto, ang totoong kuwento, ang diwa ng gawain Niya sa buong lupain ng Israel, at ang simula ng anim na libong taong gawain Niya—ang panatilihin ang sangkatauhan sa ilalim ng pagsupil ng kamay ni Jehova. Mula rito ay isinilang ang mas marami pang gawain sa anim-na-libong-taong plano ng pamamahala Niya.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan
Ang gawaing ginawa ni Jesus ay naaayon sa mga pangangailangan ng tao sa kapanahunang iyon. Ang Kanyang tungkulin ay tubusin ang sangkatauhan, patawarin ang kanilang mga pagkakasala, kaya’t ang Kanyang disposisyon ay ganap na isang kapakumbabaan, pagpapasensya, pag-ibig, kabanalan, pagtitiis, awa, at kagandahang-loob. Nagdala Siya ng saganang biyaya at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat ng bagay na maaaring tamasahin ng mga tao, Kanyang ibinigay sa kanila para sa kanilang kasiyahan: kapayapaan at kaligayahan, ang Kanyang pagpaparaya at pagmamahal, Kanyang awa at kagandahang-loob. Noon, ang saganang mga bagay na nakasisiya na naranasan ng mga tao—ang damdamin ng kapayapaan at seguridad sa kanilang kalooban, ang damdamin ng kapanatagan sa kanilang espiritu, at ang kanilang pag-asa kay Jesus na Tagapagligtas—ay umiral na lahat sa kapanahunan na nabuhay sila. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagawa nang tiwali ni Satanas ang tao, kaya para magawa ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan, kinailangan ang saganang biyaya, walang-katapusang pagtitiis at pagpapasensya, at higit pa rito, isang handog na sapat para magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan, upang magkaroon ito ng epekto. Ang nakita ng sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya ay yaon lamang handog Kong pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan: si Jesus. Ang alam lamang nila ay na maaaring maging maawain at matiisin ang Diyos, at ang nakita lamang nila ay ang awa at kagandahang-loob ni Jesus. Ito ay dahil lamang sa nabuhay sila sa Kapanahunan ng Biyaya. Kaya nga, bago sila maaaring tubusin, kinailangan nilang matamasa ang maraming uri ng biyaya na ipinagkaloob ni Jesus sa kanila upang makinabang sila rito. Sa ganitong paraan, maaari silang mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatamasa nila ng biyaya, at maaari din silang magkaroon ng pagkakataong matubos sa pamamagitan ng pagtatamasa ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus. Sa pamamagitan lamang ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus sila nagkakaroon ng karapatang tumanggap ng kapatawaran at magtamasa ng saganang biyaya na ipinagkaloob ni Jesus. Sabi nga ni Jesus: Ako ay pumarito hindi upang tubusin ang matuwid kundi ang mga makasalanan, upang tulutan ang mga makasalanan na mapatawad sa kanilang mga kasalanan. Kung si Jesus, noong Siya ay naging tao, ay nagdala ng disposisyon ng paghatol, sumpa, at kawalan ng pagpaparaya sa mga kasalanan ng tao, hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon ang tao na matubos, at mananatili silang makasalanan magpakailanman. Kung nagkagayon, tumigil na sana ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala noong Kapanahunan ng Kautusan, at tumagal sana nang anim na libong taon ang Kapanahunan ng Kautusan. Lalo pa sanang dumami at bumigat ang mga kasalanan ng tao, at nauwi sana sa wala ang paglikha sa sangkatauhan. Si Jehova lamang sana ang napaglingkuran ng mga tao sa ilalim ng kautusan, ngunit mas marami sana ang kanilang mga kasalanan kaysa roon sa mga tao na unang nilikha. Habang lalong minahal ni Jesus ang sangkatauhan, na pinatatawad ang kanilang mga kasalanan at pinagkakalooban sila ng sapat na awa at kagandahang-loob, lalong nagkaroon ng karapatan ang sangkatauhan na mailigtas ni Jesus, na matawag na mga nawawalang tupa na binili ni Jesus sa napakalaking halaga. Hindi maaaring makialam si Satanas sa gawaing ito, dahil pinakitunguhan ni Jesus ang Kanyang mga alagad na parang pakikitungo ng isang mapagmahal na ina sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Hindi Siya nagtanim ng galit sa kanila ni hindi Niya sila hinamak, kundi Siya ay puno ng kaaliwan; hindi kailanman sumiklab ang Kanyang galit sa kanila, kundi tiniis Niya ang kanilang mga kasalanan at nagbulag-bulagan sa kanilang mga kahangalan at kamangmangan, at sinabi pang, “Patawarin ninyo ang iba nang pitumpung pitong beses.” Binago ng puso Niya nang ganoon ang puso ng iba, at sa ganoong paraan lamang natanggap ng mga tao ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kwento sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos
Ang layunin ni Jesus ay upang magpatuloy ang tao sa pag-iral, pamumuhay, at upang umiral siya sa mas maayos na paraan. Iniligtas Niya ang tao mula sa kasalanan nang sa gayon ay tumigil ang tao sa paglusong sa kasamaan at hindi na mamuhay pa sa Hades at impiyerno, at sa pagligtas sa tao mula sa Hades at impiyerno, tinulutan Niyang magpatuloy na mabuhay ang tao. Ngayon, ang mga huling araw ay dumating na. Lilipulin ng Diyos ang tao at wawasakin nang lubusan ang sangkatauhan, na nangangahulugang babaguhin Niya ang paghihimagsik ng sangkatauhan. Dahil dito, magiging imposible, sa mahabagin at mapagmahal na disposisyon sa nakaraan, na wakasan ng Diyos ang kapanahunan o maisakatuparan ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala. Ang bawat kapanahunan ay nagtatampok ng natatanging pagkatawan sa disposisyon ng Diyos, at ang bawat kapanahunan ay naglalaman ng gawain na dapat isagawa ng Diyos. Kaya, ang gawaing ginagawa ng Diyos Mismo sa bawat kapanahunan ay naglalaman ng pagpapahayag ng Kanyang tunay na disposisyon, at ang Kanyang pangalan at ang isinasagawa Niyang gawain ay parehong nagbabago kasabay ng kapanahunan—ang lahat ng ito ay bago. Sa Kapanahunan ng Kautusan, ang gawain ng paggabay sa sangkatauhan ay isinagawa sa pangalan ni Jehova, at ang unang yugto ng gawain ay sinimulan sa lupa. Ang gawain sa yugtong ito ay ang magtatag ng templo at dambana, at ang gamitin ang kautusan upang gabayan ang mga tao sa Israel at gumawa sa kalagitnaan nila. Sa pamamagitan ng paggabay sa mga tao sa Israel, Siya ay naglunsad ng himpilan para sa Kanyang gawain sa lupa. Mula sa himpilang ito, pinalawak Niya ang Kanyang gawain hanggang sa labas ng Israel, na ibig sabihin, mula sa Israel, pinalawak Niya ang Kanyang gawain palabas, kaya ang mga sumunod na salinlahi ay unti-unting nalaman na si Jehova ang Diyos, at si Jehova ang lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at na si Jehova ang lumikha ng lahat ng nilalang. Ipinalaganap Niya ang Kanyang gawain sa mga tao sa Israel, palabas sa kanila. Ang lupain ng Israel ang unang banal na lugar ng gawain ni Jehova sa lupa, at sa lupain ng Israel unang gumawa sa lupa ang Diyos. Iyon ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan. Noong Kapanahunan ng Biyaya, si Jesus ang Diyos na nagligtas sa tao. Kung anong mayroon ang Diyos at kung ano Siya ay biyaya, pag-ibig, awa, pagtitiis, tiyaga, kababaang-loob, pag-aalaga, at pagpaparaya, at napakarami sa gawaing Kanyang isinagawa ay para sa kapakanan ng pagtubos sa tao. Ang Kanyang disposisyon ay isa ng awa at pagmamahal, at dahil Siya ay maawain at mapagmahal, kinailangan Niyang maipako sa krus para sa tao, nang sa gayon ay maipakita na minahal ng Diyos ang tao gaya ng Kanyang sarili, hanggang sa puntong inialay Niya ang Kanyang sarili sa Kanyang kabuuan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ng Diyos ay Jesus, na nangangahulugan na ang Diyos ay ang Diyos na nagligtas sa tao, at Siya ay isang maawain at mapagmahal na Diyos. Kasama ng tao ang Diyos. Ang Kanyang pagmamahal, ang Kanyang awa, at ang Kanyang pagliligtas ay kapiling ng bawat tao. Ang tao ay nagawa lang magkamit ng kapayapaan at kagalakan, makatanggap ng Kanyang pagpapala, makatanggap ng Kanyang marami at malawak na biyaya, at makatanggap ng Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng pagtanggap sa pangalan ni Jesus at ng Kanyang presensiya. Sa pamamagitan ng pagkakapako ni Jesus sa krus, ang lahat ng sumunod sa Kanya ay nakatanggap ng pagliligtas at pinatawad sa kanilang mga kasalanan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ng Diyos ay Jesus. Sa madaling salita, ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya ay isinagawa pangunahin sa pangalan ni Jesus. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Diyos ay tinawag na Jesus. Gumawa Siya ng yugto ng bagong gawain na higit pa sa Lumang Tipan, at ang Kanyang gawain ay nagtapos sa pagpapapako sa krus. Ito ang kabuuan ng Kanyang gawain. Samakatuwid, sa Kapanahunan ng Kautusan, Jehova ang pangalan ng Diyos, at sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ni Jesus ang kumatawan sa Diyos. Sa mga huling araw, ang Kanyang pangalan ay Makapangyarihang Diyos—ang Makapangyarihan sa lahat, na gumagamit sa Kanyang kapangyarihan upang gabayan ang tao, lupigin ang tao at makamit ang tao, at sa huli, wakasan ang kapanahunan. Sa bawat kapanahunan, sa bawat yugto ng Kanyang gawain, ang disposisyon ng Diyos ay malinaw na makikita.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3
Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay isang pagkastigo at paghatol, kung saan inihahayag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto ang mga nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang kalikasan. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng sangkatauhan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para mailantad ang kanilang pagsuway at kasamaan. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kalalabasan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang buong sangkatauhan ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kalalabasan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sasailalim sa pamamahala ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing pinagsama ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang ganap na babago at bubuo sa tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay makapagbibigay nang matinding parusa sa lahat ng hindi matuwid. Samakatuwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan, at ang pagpapahayag at pagpapakita ng Kanyang disposisyon ay ipinamamalas para sa kapakanan ng gawain sa bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang gayon-gayon na lamang at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na sa pagbubunyag ng kalalabasan ng tao sa mga huling araw, igagawad pa rin ng Diyos sa tao ang walang-hanggang awa at pagmamahal at patuloy na magiging mapagmahal sa mga tao, hindi isasailalim ang tao sa matuwid na paghatol kundi magpapakita sa kanya ng pagpaparaya, pagtitiis at pagpapatawad, at papatawarin ang tao gaano man katindi ang mga kasalanan niya, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol; kailan kung gayon magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang mapangunahan ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa nararapat na hantungan ng sangkatauhan? Gawing halimbawa ang isang hukom na laging mapagmahal, may maamong mukha at magiliw na puso. Mahal niya ang mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa sinumang tao. Kung gayon, kailan siya makaaabot sa isang makatwirang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makapaghihiwalay sa tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa kanila sa isang bagong kaharian. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay dadalhin sa katapusan sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3
Ngayo’y hinahatulan kayo ng Diyos, kinakastigo kayo, at pinarurusahan kayo, ngunit kailangan mong malaman na ang punto ng pagpaparusa sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay nagpaparusa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, bukod pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga kinakailangan sa Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal, nagliligtas, humahatol, at kumakastigo sa tao. Kung alam mo lamang na mababa ang iyong katayuan, na ikaw ay tiwali at masuwayin, ngunit hindi mo alam na ninanais ng Diyos na gawing malinaw ang Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo na Kanyang ginagawa sa iyo ngayon, wala kang paraan para magtamo ng karanasan, lalong wala kang kakayahang patuloy na sumulong. Ang Diyos ay hindi naparito upang pumatay o manira, kundi upang humatol, sumumpa, kumastigo, at magligtas. Hanggang sa matapos ang Kanyang 6,000 taong plano ng pamamahala—bago Niya ihayag ang kalalabasan ng bawat kategorya ng tao—ang gawain ng Diyos sa lupa ay para sa pagliligtas, ang layunin nito ay para lamang gawing ganap—nang lubusan—yaong mga nagmamahal sa Kanya at mapasakop sila sa Kanyang kapamahalaan. Paano man inililigtas ng Diyos ang mga tao, ginagawang lahat iyon sa pamamagitan ng paghiwalay sa kanila sa dati nilang satanikong kalikasan; ibig sabihin, inililigtas Niya sila sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na hangarin ang buhay. Kung hindi nila gagawin iyon, walang paraan upang matanggap nila ang pagliligtas ng Diyos. Ang pagliligtas ay ang gawain ng Diyos Mismo, at ang paghahangad sa buhay ay isang bagay na kailangang gawin ng tao upang tumanggap ng kaligtasan. Sa mga mata ng tao, ang kaligtasan ay ang pag-ibig ng Diyos, at ang pag-ibig ng Diyos ay hindi maaaring maging pagkastigo, paghatol, at mga pagsumpa; ang pagliligtas ay kailangang samahan ng pagmamahal, ng habag, at, bukod pa rito, ng mga salita ng kaginhawahan, gayundin ng walang-hanggang mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos. Naniniwala ang mga tao na kapag inililigtas ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon sa pamamagitan ng pag-antig sa kanila gamit ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, para maibigay nila ang kanilang puso sa Diyos. Ibig sabihin, ang Kanyang pag-antig sa tao ay pagliligtas Niya sa kanila. Ang ganitong uri ng pagliligtas ay ginagawa sa pamamagitan ng pakikipagkasundo. Kapag pinagkalooban sila ng Diyos ng isandaang beses, saka pa lamang magpapasakop ang tao sa pangalan ng Diyos at magsisikap na gumawa ng mabuti para sa Kanya at maghatid sa Kanya ng kaluwalhatian. Hindi ito ang layon ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang Diyos ay naparito para gumawa sa lupa upang iligtas ang tiwaling sangkatauhan; walang kasinungalingan dito. Kung mayroon, tiyak na hindi sana Siya naparito upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dati-rati, ang Kanyang paraan ng pagliligtas ay may kasamang pagpapakita ng sukdulang pag-ibig at habag, kaya ibinigay Niya ang lahat Niya kay Satanas kapalit ng buong sangkatauhan. Ang kasalukuyan ay hindi kagaya ng nakaraan: Ang kaligtasang ipinagkaloob sa inyo ngayon ay nangyayari sa panahon ng mga huling araw, kung kailan ibinubukod ang bawat isa ayon sa uri; ang paraan ng inyong kaligtasan ay hindi pag-ibig o habag, kundi pagkastigo at paghatol, upang ang tao ay maaaring mas lubusang maligtas. Sa gayon, ang natatanggap lamang ninyo ay pagkastigo, paghatol, at walang-awang paghampas, ngunit dapat ninyong malaman ito: Sa walang-pusong paghampas na ito wala ni kakatiting na kaparusahan. Gaano man kabagsik ang Aking mga salita, ang sumasapit sa inyo ay iilang salita lamang na maaaring magmukhang lubos na walang puso sa inyo, at gaano man katindi ang Aking galit, ang dumarating sa inyo ay mga salita pa rin ng pagtuturo, at hindi Ko layon na saktan kayo o patayin kayo. Hindi ba totoo ang lahat ng ito? Dapat ninyong malaman na sa panahong ito, matuwid na paghatol man o walang-pusong pagpipino at pagkastigo, lahat ay para sa kapakanan ng kaligtasan. Ibinubukod man ngayon ang bawat isa ayon sa uri o inilalantad ang mga kategorya ng tao, ang layunin ng lahat ng salita at gawain ng Diyos ay upang iligtas yaong mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Ang matuwid na paghatol ay pinasasapit upang dalisayin ang tao, at ang walang-pusong pagpipino ay ginagawa upang linisin sila; ang masasakit na salita o pagkastigo ay kapwa ginagawa upang magpadalisay at alang-alang sa kaligtasan.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao
Ngayon ang panahon na tinutukoy Ko ang katapusan ng bawat tao, hindi ang yugto na sinimulan Kong hubugin ang tao. Isinusulat Ko sa Aking talaang aklat, isa-isa, ang mga salita at kilos ng bawat tao, ang kanyang piniling landas sa pagsunod sa Akin, ang kanyang likas na mga katangian, at kung paano sila umasal sa dakong huli. Sa ganitong paraan, anumang uri ng tao sila, walang sinumang makatatakas sa kamay Ko, at ang lahat ay makakasama ng kanilang kauri ayon sa itinalaga Ko. Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, katandaan, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong matanto na parurusahan din ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay isang di-nababagong katotohanan. Samakatuwid, lahat ng pinarurusahan ay pinarurusahan nang gayon para sa katuwiran ng Diyos at bilang ganti sa kanilang maraming masasamang gawa. …
Ang awa Ko ay inihahayag sa mga nagmamahal sa Akin at nagtatatwa ng kanilang mga sarili. Samantala, ang kaparusahang sumasapit sa masasama ay mismong patunay ng matuwid na disposisyon Ko at, higit pa, patotoo sa poot Ko. Kapag sumapit ang sakuna, lahat ng sumasalungat sa Akin ay mananangis habang sila’y binibiktima ng taggutom at salot. Silang nakagawa na ng lahat ng uri ng kasamaan, ngunit sumunod na sa Akin nang maraming taon, ay hindi makatatakas sa pagbabayad para sa kanilang mga kasalanan; sila rin ay mahuhulog sa sakuna, na ang katulad ay bihirang nakita sa loob ng milyon-milyong taon, at mamumuhay sila na palaging may sindak at takot. At yaong mga tagasunod Ko na nakapagpakita na ng katapatan sa Akin ay magagalak at pupurihin ang kapangyarihan Ko. Mararanasan nila ang di-mailarawang katiwasayan at mabubuhay sa gitna ng kagalakang kailanman ay hindi Ko pa naipagkaloob sa sangkatauhan. Dahil itinuturing Kong yaman ang mabubuting gawa ng tao at kinasusuklaman ang kanilang masasamang gawa. Mula nang una Kong simulang pangunahan ang sangkatauhan, masugid na Akong umaasa na makamit ang isang pangkat ng mga taong may kaisipang katulad ng sa Akin. Samantala, hindi Ko kailanman nalilimutan yaong mga hindi Ko kaisa sa pag-iisip; lagi Ko silang kinasusuklaman sa puso Ko, hinihintay ang pagkakataong gantihan Ko sila, na maiibigan Kong makita. Ngayon ay dumating na sa wakas ang araw Ko, at hindi Ko na kailangan pang maghintay!
Ang huling gawain Ko ay hindi lamang alang-alang sa pagpaparusa sa tao, kundi alang-alang din sa pag-aayos ng patutunguhan ng tao. Bukod dito, ito ay upang kilalanin ng lahat ng mga tao ang mga gawa at mga kilos Ko. Nais Kong makita ng bawat isang tao na tama ang lahat ng nagawa Ko na, at na ang lahat ng nagawa Ko na ay pagpapahayag ng disposisyon Ko. Hindi kagagawan ng tao, lalong hindi ng kalikasan, ang nagluwal sa sangkatauhan, kundi Ako, na nag-aaruga sa lahat ng nabubuhay na nilalang sa sangnilikha. Kung wala ang pag-iral Ko, mapapahamak lamang ang sangkatauhan at pagdurusahan ang hagupit ng kapahamakan. Walang tao ang kailanman ay makikitang muli ang napakarikit na araw at buwan, o ang luntiang mundo; makakatagpo lamang ng sangkatauhan ang napakalamig na gabi at ang walang tinag na lambak ng anino ng kamatayan. Ako lamang ang kaligtasan ng sangkatauhan. Ako lamang ang pag-asa ng sangkatauhan at, higit pa rito, Ako ang Siya kung saan nakasalalay ang pag-iral ng lahat ng sangkatauhan. Kung wala Ako, agad na hihinto ang sangkatauhan. Kung wala Ako, magdurusa ng kapahamakan at yuyurakan ng lahat ng uri ng mga multo ang sangkatauhan, bagaman walang nagbibigay ng pansin sa Akin. Nakagawa na Ako ng gawaing walang ibang sinumang makagagawa, at umaasa lamang na mababayaran Ako ng tao ng ilang mabubuting gawa. Bagaman iilan lamang ang nagagawang makabayad sa Akin, tatapusin Ko pa rin ang paglalakbay Ko sa mundo ng tao at sisimulan ang susunod na hakbang ng naglaladlad na gawain Ko, sapagkat ang lahat ng nagmamadaling paroo’t parito Ko sa gitna ng tao nitong maraming taon ay naging mabunga, at napakanasisiyahan Ako. Ang pinahahalagahan Ko ay hindi ang bilang ng mga tao, kundi ang mabubuti nilang gawa. Gayunman, umaasa Akong naghahanda kayo ng sapat na mabubuting gawa para sa patutunguhan ninyo. Kung gayon ay malulugod Ako; kung hindi, wala sa inyong makatatakas sa sakunang sasapitin ninyo. Magmumula sa Akin ang sakuna at mangyari pa ay isinasaayos Ko. Kung hindi kayo lilitaw bilang mabuti sa paningin Ko, hindi ninyo matatakasang pagdusahan ang sakuna.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.