Nasaksihan ko ang Pagpapakita ng Diyos

Pebrero 5, 2022

Ni Martin, Timog Korea

Dati akong kabahagi ng simbahang Korean Presbyterian. Nang magkasakit ang anak kong babae, naging mananampalataya ang buong pamilya ko. Pagkatapos noon, nagsimula siya bumuti nang bumuti bawat araw. Labis ang pasasalamat ko sa awa ng Panginoong Jesus. Nangako akong tapat kong susundin ang Panginoon simula noon, magsusumikap para maging isang uri ng tao na hinihingi ng Diyos at nagdadala ng kasiyahan sa Kanya. Hindi ako kailanman lumiban sa pagdalo sa simbahan, kahit gaano ako kaabala sa aking gawain, palagi akong nagbibigay ng mga abuloy at handog, at masigasig na nakikilahok sa mga aktibidad ng simbahan. Ang karamihan ng oras ko ay napupunta sa pagbabasa ng Bibliya at pakikilahok sa mga aktibidad ng simbahan, at bihira akong pumunta sa mga salu-salo at pagtitipong isinaayos ng aking mga kamag-anak, kaibigan, kasamahan at iba pa. Nadidismaya sila sa akin dahil doon. Noong tumigil ako sa pag-inom ng alak at paninigarilyo matapos maging isang mananampalataya, at hindi na pumupunta sa mga kasiyahan kasama nila, madalas akong inaasar ng ilan sa mga kaibigan ko, sinasabi ang mga bagay na tulad ng, “Gustong-gusto mong pumunta sa simbahan, kaya sabihin mo sa amin, anong nagagawa sa iyo ng araw-araw na pagpunta sa simbahan? Ano ang saysay nitong pananampalataya mo?” Sa totoo lang, dahil sa sunud-sunod na tanong, hindi ko talaga alam kung ano ang dapat sabihin. Pero dahil sa mga tanong nila kaya nagsimula akong talagang magnilay-nilay: Para saan ba talaga ang pananampalataya ko? Para ba hilingin sa Diyos na pagalingin ang anak ko, o para mapanatiling maayos ang pamilya ko? Ang pagkakaroon ba ng pananampalataya ay pagbabasa lang ng Bibliya at araw-araw na pagpunta sa simbahan? Hindi ko talaga alam. Dinala ko ang mga katanungang ito sa mga lider ng aking simbahan. Halos pare-pareho ang mga sagot nila: Ang ating pananampalataya ay para sa biyaya ng kaligtasan ng Panginoon, at pagbalik Niya ay, dadalhin Niya tayo sa langit para sa buhay na walang hanggan. Tila nilutas ng gayong uri ng tugon ang aking kalituhan, pero nagdala ito ng isa pang katanungan: Kung gayon, papaano ako makakapasok sa langit? Sabi nila sa akin, “Sinasabi sa Roma 10:10, ‘Sapagkat ang tao’y naniniwala sa katuwiran gamit ang puso; at gamit ang bibig sa pangungumpisal para sa ikaliligtas.’ Nangangahulugan ito na ang ating mga kasalanan ay pinatawad ng Panginoon, kaya tayo’y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at diretso tayong dadalhin ng Panginoon papunta sa kaharian pagbalik Niya. Kaya hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa pagpunta sa langit basta’t mayroon kang pananampalataya.” Naisip ko ang bersikulo sa Bibliya na: “Kung walang kabanalan, walang taong makakakita sa Panginoon(Mga Hebreo 12:14). Ang Diyos ay banal, at hinihingi Niya na maging banal tayo, pero namumuhay ako sa kasalanan at hindi maisagawa ang Kanyang mga salita. Paano ako naging karapat-dapat sa kaharian? Sinabi sa atin ng Panginoong Jesus: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo. Ito ang dakila at pang-unang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili(Mateo 22:37–39). Pero sa pang-araw-araw na pamumuhay, ang simpleng kahilingan na iyon na magmahal ay isang bagay na hindi ko magawa, kahit anong pilit ko. Minahal ko ang pamilya ko nang higit sa pagmamahal ko sa Panginoon, at hindi ko talaga kayang mahalin ang iba tulad ng sarili ko. Kapag inaasar ako ng mga kaibigan at kamag-anak ko, kinainisan ko sila dahil dito, sa halip na maging mapagparaya at pasensyoso. Naalala ko rin ang Hebreo 10:26 na nagsasabing: “Sapagkat kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan.” Alam ko kung ano ang hinihingi ng Panginoon pero hindi ko ito maisakatuparan. Patuloy akong namuhay sa kasalanan, kaya hindi ko nakita kung paano magiging iba ang kahihinatnan ko sa mga di-mananampalataya. Napaisip ako dahil dito na ang pagpasok sa kaharian ay hindi kasing simple ng sinabi ng mga lider ng simbahan, pero hindi ko pa rin alam kung papaano ako makakapasok sa langit at magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Wala pa rin akong landas. Paulit-ulit kong tinanong ang mga pastor at ang aking mga kaibigan sa simbahan, pero walang sinuman sa kanila ang may malinaw na sagot. Tinanong lang nila ako kung bakit ako nagtatanong ng mga kakatwang bagay, at sinabing matagal nang ganito nagsagawa ng pananampalataya ang mga tao. Nalilito pa rin ako gaya ng dati, kaya nagpasya akong basahin ulit ang apat na Ebanghelyo, iniisip na tiyak na may kasagutan sa mga salita ng Panginoong Jesus.

Isang araw ng 2008, binasa ko ang mga siping ito: “Ako ang pagkabuhay na mag-uli, at ang buhay: ang siyang sumasampalataya sa Akin, bagama’t siya’y patay, gayunma’y siya ay mabubuhay; At ang sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa Akin ay hindi mamamatay magpakailanman(Juan 11:25–26). Nalilito ako sa mga bersikulo kapag binabasa ko ang mga ito. Bakit sasabihin ng Panginoon na dapat tayong mabuhay at maniwala sa Kanya? Bilang mga mananampalataya, hindi ba’t nabubuhay tayong lahat at naniniwala sa Kanya? Itinuturing ba tayo ng Panginoon bilang patay sa ilang kadahilanan? Nagkaroon ako ng maraming katanungan dahil dito. Ilang panahon kong ginugol ang bawat bakanteng oras sa pag-iisip tungkol dito, pero hindi ko maisip ang tunay na kahulugan nito. Pumunta akong muli sa mga lider at ibang myembro ng simbahan para magtanong, at hindi lang sila walang maisagot, kundi pinagtawanan pa nila ako. Pero patuloy kong naramdaman na may mas malalim na kahulugan sa sinabi ng Panginoon.

Tapos isang beses, nabasa ko ito sa Ebanghelyo ni Mateo: “At ang isa pa sa Kanyang mga alagad ay nagsabi sa Kanya, ‘Panginoon, tulutan Mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama.’ Datapuwa’t sinabi sa kanya ni Jesus, ‘Sumunod ka sa Akin; at pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay’” (Mateo 8:21–22). Noong nakita ko ang pariralang, “pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay,” medyo nalito ako. Bakit tatawagin ng Panginoon na patay iyong mga taong buhay nang panahong iyon? Nakikita ba tayo ng Panginoon bilang buhay o patay? Naisip ko ang Bibliya na nagsasabing ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan. Namumuhay ako sa kasalanan, at iyon ba ang ibig sabihin ng Panginoon sa “ang mga patay?” Kung gayon, paano ako mabubuhay, at paano ako makakapasok sa kaharian? Punong-puno ng katanungan ang puso ko na hindi ko maunawaan. Pero sa loob-loob ko, malinaw sa akin ang isang bagay: Dahil sinabi ng Panginoon ang mga bagay na ito, tiyak na nasa Bibliya ang kasagutan. Kaya hindi ako nawalan ng pananampalataya, sa halip ay patuloy akong naghanap ng kasagutan.

Salamat sa patnubay ng Panginoon, makalipas ang ilang buwan, nakabasa ako ng isa pang bagay na Kanyang sinabi: “Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ‘Dumarating ang panahon, at ngayon nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos: at ang mangakaririnig ay mangabubuhay’(Juan 5:25). Agad na naging malinaw sa akin na ang mga patay ay muling nabuhay nang marinig nila ang tinig ng Diyos. Sigurado akong ito ang kasagutang hinahanap ko! Pero medyo naguguluhan pa rin ako, iniisip na matagal ko nang narinig ang tinig ng Panginoon, pero hindi pa rin ako malaya sa mga gapos ng kasalanan. Kasali ba ako sa nabubuhay? Ano ba talagang tinutukoy ng “ang mangakaririnig ay mangabubuhay”? Paano nabubuhay ang mga tao? Mas marami bang sasabihin ang Panginoon na kailangan nating marinig pagbalik Niya? At kung gayon, paano natin maririnig ang tinig ng Diyos? Saan natin ito maririnig? Hindi ko ito maisip, kaya nagdasal ako sa Panginoon, “O Panginoon, pakiusap, hayaan mong marinig ko ang tinig Mo sa lalong madaling panahon. Ayokong maging patay. Pakiusap, tulungan mo akong mabuhay.”

Pagkatapos noon, kapag pumupunta ako sa mga pulong sa simbahan, sinimulan kong pagtuunan ng pansin kung may sinasabi bang kahit ano ang mga pastor tungkol sa pagbabalik ng Panginoon o sa tinig ng Panginoon sa kanilang mga pangaral. Talagang nadismaya ako na ang ginawa lang nila ay sabihan kaming mag-ingat sa mga maling paniniwala, at magmatyag at maghintay ang tanging ginagawa nila, pero wala silang sinabing kahit ano man lang tungkol sa pagbabalik ng Panginoon. Tinanong ko rin ang ilan sa mga pangunahing taong namamahala sa simbahan tungkol sa mga bagay na ito, pero sinabi nilang ang patuloy kong pagtatanong ay dahil sa kawalan ko ng pananampalataya, na tulad lang ako ni Tomas. Nagsimula silang ibukod ako. Tapos ang ibang mga miyembro ng simbahan na matagal ko nang kasundo ay nagsimulang umiwas sa akin, at ang ilan ay isinasantabi ako. Sa huli, iniwanan ko ang simbahang iyon na kinabilangan ko sa loob ng labing-walong taon. Nanonood ako ng mga programa mula sa mga pangunahing Kristiyanong istasyon buong araw, umaasang marinig ang tinig ng Diyos mula sa mga pangaral ng mga sikat na pastor. Ginawa ko ito sa loob ng halos anim na buwan, halos araw-araw na pinapanood ang mga programang ito ng sampung oras o higit pa, pero hindi ko pa rin nahanap ang mga sagot na gusto ko. Sinasabi lang ng mga pastor na malapit na malapit nang bumalik ang Panginoon at dapat tayong mag-abang at maghintay. Pero nag-uumapaw ako sa katanungan. Pabalik na ang Panginoon, pero kailan? At bakit hindi pa natin Siya sinasalubong? Patuloy akong nagdasal sa Panginoon noong mga araw na iyon, sabi ko, “Panginoon! Buong panahon Kitang hinihintay, labis na umaasa na masalubong Ka habang nabubuhay ako, na marinig ang tinig Mo. O Panginoon, kailan Ka darating? Pakiusap, hayaan Mong marinig ko ang tinig Mo.”

Isang araw ng Marso ng 2013, sa pasukan ng aming gusali, naglakad palapit sa akin ang isang matandang lalaki na naglalaro sa sitenta ang edad, tinatanong ako kung gusto kong mag-subscribe sa isang Chosun Ilbo na dyaryo. Talagang binalewala ko iyon, iniisip na ngayong ang lahat ay may cellphone at kompyuter na, sino pa ang nagbabasa ng dyaryo? Kaya tinanggihan ko siya kaagad. Pero sa loob ng ilang araw sa tuwing nakikita niya ako, paulit-ulit niya akong inaalok na mag-subscribe. Paulit-ulit ko siyang tinanggihan. Pero sa gulat ko, makalipas ang isang buwan, nakasalubong ko ang lalaking iyon sa elevator. Para bang hinihintay niya ako. Nang makita niya ako, ngumiti siya sa akin at bumati, tapos ay inalok akong mag-subscribe. Nagtataka ako kung bakit matagal na akong sinusubukang pagbentahan ng lalaking ito ng dyaryo. Sinusubukang maging mabait, sa huli’y bumili nga ako ng subscription, pero sa iba’t ibang kadahilanan, hindi ako nagkaroon ng oras para basahin ito. Tapos isang umaga ng unang bahagi ng Mayo, pagkarating ng dyaryo, kinuha ko ito at agad na binasa ang ulo ng mga balita gaya ng lagi kong ginagawa. May isa na talagang nakakuha ng atensyon ko. Sinasabi nitong, “Ang Panginoong Jesus ay Nagbalik na—Ipinahayag na ng Makapangyarihang Diyos ang mga Salita sa Kapanahunan ng Kaharian.” Nagulat ako—ano? Nagbalik na ang Panginoon? Makapangyarihang Diyos? Ang Kapanahunan ng Kaharian? Totoo ba talaga ito? Samu’t sari ang emosyon ko nang sandaling iyon—talagang sabik na sabik ako. Sa wakas ay nakakita ako ng balita ng pagbabalik ng Panginoon. Pero naisip ko na baka isa itong huwad na balita. Tiningnan ko ang pinakaibaba ng pahina at nakita ang isang numero at kinaroroonan ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at ilang pangalan ng mga libro mula sa Iglesia. Pakiramdam ko’y importanteng masusing siyasatin ito, dahil malaking bagay talaga ang pagbabalik ng Panginoon. Agad kong tinawagan ang numerong nahanap ko sa dyaryo. Narinig ko ang tinig ng isang kapatid na sumagot sa tawag at sabik ko siyang tinanong, “Pwede ko bang itanong, totoo ba talaga ang nakalathala sa dyaryong ito? Nagbalik na ba ang Panginoon? Ang mga salita bang ito ay mga salita talaga ng Diyos?” Sabi niya, “Totoo ito.”

Nagtakda ng oras sina Sister Kathy at Zena mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos para makipagtipon sa akin at nagbahagi sila sa akin tungkol sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Sabi ni Kathy, “Simula nang gawing tiwali ni Satanas sina Adan at Eba, namuhay na ang tao sa kasalanan, sa ilalim ng mga puwersa ni Satanas, pinaglalaruan at sinasaktan ni Satanas. Gumawa ng tatlong yugto ng gawain ang Diyos para ganap na iligtas ang sangkatauhan mula sa impluwensya ni Satanas; ang Kapanahunan ng Kautusan, Kapanahunan ng Biyaya, at Kapanahunan ng Kaharian. Ito ang tatlong magkakaibang yugto ng gawain, pero ang lahat ng ito’y ginawa ng iisang Diyos. Ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay batay sa kung ano ang kinakailangan ng tiwaling sangkatauhan, at bawat isa ay nakasandig sa sinundan nito, para gumawa nang mas malalim at mas mataas na gawain.” Tapos, binasa niya ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto ng gawain. Walang nag-iisang yugto ang kayang kumatawan sa gawain ng tatlong kapanahunan kundi kaya lamang kumatawan sa isang bahagi ng kabuuan. Ang pangalang Jehova ay hindi maaaring kumatawan sa buong disposisyon ng Diyos. Ang katunayan na nagsagawa Siya ng gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagpapatunay na ang Diyos ay maaaring maging Diyos lamang sa ilalim ng kautusan. Nagtakda si Jehova ng mga batas para sa tao at nagbaba ng mga kautusan sa kanya, na humihingi sa tao na magtayo ng templo at mga altar; ang gawain na ginawa Niya ay kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawain na ginawa Niya ay hindi nagpapatunay na ang Diyos ay isang Diyos lamang na humihingi sa tao na panatilihin ang kautusan, na Siya ang Diyos sa templo, o ang Diyos sa harapan ng altar. Ang sabihin ito ay hindi katotohanan. Ang gawaing ginawa sa ilalim ng kautusan ay maaari lamang kumatawan sa isang kapanahunan. Samakatuwid, kung ginawa lamang ng Diyos ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, ikukulong ng tao ang Diyos sa sumusunod na kahulugan at sasabihing, ‘Ang Diyos ay ang Diyos sa templo. Upang makapaglingkod sa Diyos, kailangan nating magsuot ng mga kasuotang pangsaserdote at pumasok sa templo.’ Kung ang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya ay hindi naisagawa kahit kailan at ang Kapanahunan ng Kautusan ay nagpatuloy hanggang sa kasalukuyan, hindi malalaman ng tao na ang Diyos ay maawain din at mapagmahal. Kung ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagawa, at tanging yaong sa Kapanahunan ng Biyaya ang nagawa, ang malalaman lamang ng tao ay na ang Diyos ay nakakapagtubos lamang sa tao at nakakapagpatawad lamang sa mga kasalanan ng tao. Ang malalaman lamang niya ay na Siya’y banal at walang-sala, at na kaya Niyang isakripisyo ang Sarili Niya at mapako sa krus para sa tao. Ito lamang ang malalaman ng tao at wala na siyang magiging kaunawaan sa iba pa. Kaya ang bawa’t kapanahunan ay kumakatawan sa isang bahagi ng disposisyon ng Diyos. Tungkol naman sa kung aling mga aspeto ng disposisyon ng Diyos ang kinakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, alin sa Kapanahunan ng Biyaya, at alin sa kasalukuyang kapanahunan: ang disposisyon ng Diyos ay maibubunyag lamang nang lubusan kapag pinagsama-sama ang lahat ng tatlong yugto. Tanging kapag nalalaman na ng tao ang buong tatlong yugto saka ito ganap na mauunawaan ng tao. Walang isa sa mga tatlong yugto ang maaaring hindi isama. Makikita mo lamang ang disposisyon ng Diyos sa kabuuan nito kapag nalaman mo itong tatlong yugto ng gawain. Ang katunayang natapos ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagpapatunay na Siya lamang ang Diyos sa ilalim ng kautusan, at ang katunayang natapos Niya ang Kanyang gawain ng pagtubos ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ay tutubos sa sangkatauhan magpakailanman. Ang lahat ng ito ay mga konklusyon na binuo ng tao. Dahil ang Kapanahunan ng Biyaya ay dumating na sa katapusan, hindi mo masasabi sa gayon na ang Diyos ay para lamang sa krus at na ang krus ang natatanging kumakatawan sa pagliligtas ng Diyos. Kung ginagawa mo ang ganoon, binibigyan mo ng pakahulugan ang Diyos. Sa yugto ngayon, ang Diyos ay pangunahing gumagawa ng gawain ng salita, ngunit hindi mo maaaring sabihin na ang Diyos ay hindi kailanman naging maawain sa tao at na ang tanging nadala Niya ay pagkastigo at paghatol. Ang gawain sa mga huling araw ay naglalantad sa gawain ni Jehova at ni Jesus at sa lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao. Ginagawa ito upang ibunyag ang hantungan at ang katapusan ng sangkatauhan at tapusin ang lahat ng gawain ng pagliligtas sa gitna ng sangkatauhan. Itong yugtong ito ng gawain sa mga huling araw ay naghahatid sa lahat ng bagay sa katapusan. Lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao ay dapat malantad upang pahintulutan ang tao na masukat ang lalim ng mga ito at magkaroon ng lubos na malinaw na pagkaunawa sa kanilang mga puso. Saka lamang maaaring mahati ang mga tao ayon sa kanilang mga uri. Pagkatapos lamang na maging ganap ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala saka maiintindihan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos, dahil ang Kanyang pamamahala ay doon lamang darating sa pagtatapos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4). Tapos, nagbigay pa ng mas maraming pagbabahagi si Kathy sa akin at natutuhan kong ang anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos ay hinati-hati sa tatlong kapanahunan, tatlong yugto—ang Kapanahunan ng Kautusan, ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang Kapanahunan ng Kaharian. Sa Kapanahunan ng Kautusan, ang pangunahing dahilan ng paglalabas ng kautusan ni Jehova ay para gabayan ang mga tao na mamuhay sa lupa at ipaalam sa kanila kung ano ang kasalanan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, kinumpleto ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos. Ipinako Siya sa krus para sa sangkatauhan, tinutubos tayo sa kasalanan. Basta’t nananalig tayo sa Panginoon, ipinagtatapat ang ating mga kasalanan at nagsisisi, mapapatawad ang ating mga kasalanan, at hindi na tayo kokondenahin at parurusahan dahil sa pagkakasala sa ilalim ng kautusan. Sa Kapanahunan ng Kaharian, ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos ang mga katotohanan, ginagawa ang gawain ng paghatol, nililinis ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, inililigtas ang mga tao mula sa kapamahalaan ni Satanas, mula sa kasalanan, upang tayo ay makapagpasakop at makasamba sa Diyos, hindi na mamuhay sa kasalanan, at madala ng Diyos sa kaharian ng langit. Ang tatlong yugto ng gawain ay nangyayari sa magkakaibang kapanahunan, nagbabago ang mga pangalan ng Diyos, nagpapakita Siya sa sangkatauhan sa iba’t ibang paraan, ang gawain Niya ay kinabibilangan ng iba’t ibang bagay, at isinasakatuparan Niya ito sa iba’t ibang lugar, pero ang lahat ng ito ay ginagawa ng iisang Diyos. Ito’y iisang Diyos na gumagawa ng iba’t ibang gawain sa iba’t ibang kapanahunan. Ang pag-unawa nito ay talagang nakapagbibigay ng kaliwanagan sa akin.

Tapos, nagbahagi sa akin si Zena tungkol sa kung paano nililinis at binabago ng Makapangyarihang Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng Kanyang gawain ng paghatol. Ibinahagi niya ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan). Tapos, sinabi sa akin ni Zena, “Ginagamit ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan para hatulan at linisin ang tao. Nagpahayag Siya ng milyun-milyong salita na nagbubunyag sa mga misteryo ng Bibliya at nagpapatotoo sa gawain ng Diyos, at inilalantad ng mga ito ang ugat ng pagiging makasalanan ng tao at ang katotohanan ng ating katiwalian. Ang ilan ay tungkol sa kung paano mapapalaya mula sa kasalanan upang matamo ang pagbabago ng disposisyon, at ang ilan ay tungkol sa pagtukoy sa mga kahihinatnan ng mga tao, at iba pa. Ang lahat ng ito ay katotohanan at mula lahat sa Diyos. Ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ang lahat ng katotohanang kailangang taglayin ng mga tao upang maging malinis at ganap na maligtas, habang ipinapakita rin ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat at karunungan. Sinumang nagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay mararamdaman ang awtoridad at kapangyarihan ng mga ito. Nakikita ng Diyos ang lahat, at ang Diyos lang ang nakakaalam lahat-lahat tungkol sa katiwalian ng sangkatauhan. Inilalantad ng Diyos ang bawat saloobin, pananaw, ideya at tiwaling disposisyon ng mga tao, lubos na nilulutas ang pagiging makasalanan at paglaban sa Diyos ng sangkatauhan mula sa ugat nito. Sa pamamagitan ng paghatol, mga paghahayag at pagpipino ng mga salita ng Diyos, nagkakamit tayo ng ilang pagkaunawa sa katotohanan ng ating satanikong katiwalian. Tapos nakikita natin kung gaano tayo kayabang, kabaluktot, kamakasarili, at kasuklam-suklam, na lahat ng sinasabi at ginagawa natin ay nagbubunyag sa ating mga tiwaling disposisyon. Nakikipaglaban tayo para sa reputasyon at katayuan, nakikisangkot sa intriga, nagsisinungaling at nandadaya, nakikipagtalo dala ng inggit, at hindi nagpapasakop sa Diyos anumang mangyari. Hindi natin isinasabuhayan ni bahagya ang isang wangis ng tao. Pagkatapos ay napupuno tayo ng taos-pusong pagsisisi at kinamumuhian ang ating sarili, nagagawa nating magsisi, tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at isakatuparan ang Kanyang mga salita. Unti-unti tayong napapalaya mula sa mga gapos ng kasalanan at nagkakaroon ng ilang pagbabago sa ating mga tiwaling disposisyon. Kung walang mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa atin, sa halip ay umaasa lang tayo sa dasal at pangungumpisal, hindi natin kailanman malulutas ang ugat ng ating kasalanan. Sa pamamagitan ng karanasan, nakikita rin natin na kung walang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang ating mga tiwaling disposisyon ay hindi kailanman malilinis at mababago. Kaya ang pagtanggap sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay ang tanging landas papunta sa kaharian.” Tapos sinabi sa akin ng dalawang kapatid ang tungkol sa kanilang personal na patotoo ng pagdanas sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Praktikal itong lahat. Masasabi kong ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ay ang mismong kailangan ko sa pang-espirituwal, na ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay talagang maaaring magbago at maglinis sa tao, at ang tanging paraan para makapasok sa kaharian ay sa pamamagitan ng pagtanggap sa paghatol ng Diyos sa mga huling araw.

Sa mga sumunod na araw, sinabi rin sa akin ng mga kapatid kung bakit lubhang mapanglaw na ang mundo ng relihiyon ngayon at ang mga pangaral ng mga pastor ay tigang na. Ibinahagi rin nila sa akin ang tunay na kuwento sa likod ng Bibliya at ang mga misteryo at kahulugan ng mga pagkakatawang-tao ng Diyos. Pakiramdam ko’y napakaraming nilalaman ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos at iminulat ako ng mga ito sa napakaraming misteryo ng katotohanan. Matapos siyasatin ito, nakatiyak ako na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay ang tinig ng Diyos, na Siya ang nagbalik na Panginoong Jesus, at masaya kong tinanggap ang pagliligtas ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw.

Kalaunan, binigyan ako ng mga kapatid ng ilang aklat ng mga salita ng Diyos. Binuksan ko ang isa sa mga ito pagkauwi ko, Ang Balumbon na Binuksan ng Kordero. Ang una kong nakita ay ilang mga salita ng Diyos sa Paunang Salita: “Bagama’t maraming taong naniniwala sa Diyos, kakaunti ang nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos, at kung ano ang kailangan nilang gawin upang makaayon sa kalooban ng Diyos. Ito ay dahil, bagama’t pamilyar ang mga tao sa salitang ‘Diyos’ at sa mga pariralang tulad ng ‘ang gawain ng Diyos,’ hindi nila kilala ang Diyos, at lalong hindi nila alam ang Kanyang gawain. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na lahat ng hindi nakakakilala sa Diyos ay nalilito sa kanilang paniniwala sa Kanya. Hindi sineseryoso ng mga tao ang kanilang paniniwala sa Diyos, at ito ay dahil lamang sa masyado silang hindi pamilyar sa paniniwala sa Diyos, masyado itong kakaiba para sa kanila. Sa ganitong paraan, hindi sila makaabot sa mga hinihiling ng Diyos. Sa madaling salita, kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos at hindi alam ang Kanyang gawain, hindi sila akmang kasangkapanin ng Diyos, at lalong hindi nila magagawang palugurin ang Kanyang kalooban. Ang ‘paniniwala sa Diyos’ ay nangangahulugan ng paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng konsepto patungkol sa paniniwala sa Diyos. Bukod pa riyan, ang paniniwala na mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na paniniwala sa Diyos; sa halip, ito ay isang uri ng simpleng pananampalataya na may matitinding kahulugang pangrelihiyon. Ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa paniniwala na ang Diyos ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang Kanyang mga salita at Kanyang gawain, inaalis ang tiwaling disposisyon ng isang tao, pinalulugod ang kalooban ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay sa buhay ang matatawag na ‘pananampalataya sa Diyos’(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos). Detalyado at praktikal ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, at ipinapakita ang tunay na kahulugan ng pananampalataya sa Diyos. Napagtanto kong ang pananampalatayang iyon ay nangangailangan ng pagdanas sa mga salita at gawain ng Diyos para maitakwil natin ang katiwalian, makamit ang katotohanan at makilala ang Diyos. Iyon lang ang tunay na pananampalataya. Dati, iniisip ko na ang kahulugan ng pananampalataya ay araw-araw na pagdarasal at madalas na pagpunta sa simbahan. Nakakalungkot na hindi ko kailanman malalaman kung nasa tamang landas ba ako o hindi, kaya nagkandatisud-tisod ako hanggang sa makita ko ito. Sa pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, napagtanto ko na ang landas na tinahak ko sa aking pananampalataya dati ay ganap na mali. Tapos nakita ko sa talaan ng nilalaman ang pamagat na “Ikaw Ba ay Isang Taong Nabuhay Na?” Nakuha nito ang atensyon ko at binuklat ko ang pahina nito. Tinataglay nito ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Nilikha ng Diyos ang tao, ngunit ginawang tiwali ni Satanas ang tao, kung kaya’t naging ‘mga taong patay’ sila. Kaya, matapos kang magbago, hindi ka na magiging tulad nitong ‘mga taong patay.’ Ang mga salita ng Diyos ang nagpapaalab sa mga espiritu ng mga tao at nagdudulot ng kanilang muling pagkasilang, at kapag muling isinilang ang mga espiritu nila, nabuhay na sila. Kapag binabanggit Ko ang ‘mga taong patay,’ tinutukoy ko ang mga walang espiritung bangkay, ang mga taong namatay na ang mga espiritu sa loob nila. Kapag nagningas ang apoy ng buhay sa mga espiritu ng mga tao, mabubuhay ang mga tao. Ang mga banal na tinukoy noon ay ang mga taong nabuhay na, yaong mga nasa ilalim ng impluwensya ni Satanas ngunit tinalo si Satanas(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos). “‘Ang mga patay’ ay yaong mga sumasalungat at naghihimagsik laban sa Diyos; sila yaong mga manhid ang espiritu at hindi nauunawaan ang mga salita ng Diyos; sila yaong mga hindi isinasagawa ang katotohanan at wala ni katiting na katapatan sa Diyos, at sila yaong mga namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at pinagsasamantalahan ni Satanas. Ipinapakita ng mga patay ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paninindigan laban sa katotohanan, paghihimagsik sa Diyos, at pagiging mababa, kasuklam-suklam, mapaghangad ng masama, malupit, mapanlinlang, at lihim na mapanira. Kahit na kinakain at iniinom ng ganitong mga tao ang mga salita ng Diyos, hindi nila kayang isabuhay ang mga salita ng Diyos; kahit na buhay sila, lumalakad at humihingang mga bangkay lamang sila. Lubos na walang kakayahang pasayahin ng mga patay ang Diyos, lalo na ang maging ganap na masunurin sa Kanya. Kaya lamang nilang linlangin Siya, lapastanganin Siya, at ipagkanulo Siya, at ang lahat ng inilalabas nila sa pamamaraan ng kanilang pamumuhay ay naghahayag ng kalikasan ni Satanas. Kung nais ng mga tao na maging buhay na mga nilalang at magpatotoo sa Diyos, at maging kanais-nais sa Diyos, dapat nilang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos; dapat silang malugod na magpasakop sa Kanyang paghatol at pagkastigo, at dapat nilang malugod na tanggapin ang pagtatabas at pakikitungo ng Diyos. Saka lamang nila maisasagawa ang lahat ng katotohanang hinihingi ng Diyos, at saka lamang nila makakamit ang pagliligtas ng Diyos at magiging tunay na buhay na mga nilalang. Inililigtas ng Diyos ang mga buhay; nahatulan at nakastigo na sila ng Diyos, handa silang italaga ang kanilang mga sarili at masayang ibigay ang kanilang mga buhay para sa Diyos, at malugod nilang ilalaan ang kanilang buong buhay sa Diyos. Tanging kapag nagpapatotoo lamang sa Diyos ang mga buhay saka mapapahiya si Satanas; tanging ang mga buhay lamang ang maaaring magpalaganap ng gawaing ebanghelyo ng Diyos, tanging ang mga buhay lamang ang kaayon ng puso ng Diyos, at tanging ang mga buhay lamang ang tunay na mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos). Matapos basahin ito, alam ko sa puso ko na ito ang sagot na ilang taon ko nang hinanap. Sa wakas, alam ko na kung ano ang ibig sabig sabihin ng “mamatay” o “mabuhay.” Nang likhain ng Diyos sina Adan at Eba, kaya nilang makinig sa Diyos, ipamalas at purihin Siya. Sila’y mga nabubuhay na taong may mga espiritu. Tapos tinukso sila ni Satanas na pagtaksilan ang Diyos at nagsimula silang mamuhay sa kasalanan, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at ganoon naging mas lalong tiwali ang sangkatauhan, na mayroon ng lahat ng uri ng mga lason ni Satanas na nanunuot sa atin. Mas nabaon tayo sa kasalanan, itinatatwa ang Diyos, sinusuway at nilalabanan Siya, namumuhay sa mga satanikong disposisyon. Hindi na tayo katulad ng kung paano tayo ginawa ng Diyos sa umpisa. Nakikita ng Diyos ang lahat ng namumuhay sa kasalanan sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas bilang mga patay, at ang mga patay ay nabibilang kay Satanas, nilalabanan nila ang Diyos. Hindi sila karapat-dapat sa Kanyang kaharian. Ang mga nabubuhay ay iyong mga iniligtas ng Diyos. Ang kanilang katiwalian ay nalinis sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng Diyos. Iwinawaksi nila ang kasalanan, ang mga puwersa ni Satanas, at tumitigil sa pagrerebelde at pagsalungat sa Diyos. Paano man magsalita at gumawa ang Diyos, kaya nilang makinig at sumunod. Maaaring magpatotoo ang mga buhay at luwalhatiin ang Diyos, at sila lang ang tanging magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos at makakapasok sa Kanyang kaharian. Para maging buhay, kailangan nating tanggapin ang mga katotohanang ipinahahayag ng Makapangyarihang Diyos at danasin ang Kanyang paghatol, sa huli ay mapalaya mula sa kasalanan, malinis at muling makamit ang ating konsensya at katwiran, sundin ang Lumikha at isagawa ang mga salita ng Diyos, at sambahin at patotohanan ang Diyos. Ito’y isang taong tunay na muling nabuhay, na makakapasok sa kaharian at makakatanggap ng walang hanggang buhay. Sa puntong iyon, talagang naunawaan ko kung ano ang ibig sabihin ng Diyos sa pagsasabi ng “Ako ang pagkabuhay na mag-uli, at ang buhay: ang siyang sumasampalataya sa Akin, bagama’t siya’y patay, gayunma’y siya ay mabubuhay; At ang sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa Akin ay hindi mamamatay magpakailanman(Juan 11:25–26). Lumiwanag ang puso ko nang naunawaan ko ang lahat ng iyon.

Pagkatapos no’n, nabasa ko ang isa pang artikulo na, “Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan.” Talagang nakakamangha ito para sa akin. Sinasabi ng Diyos: “Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng walang maliw at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng Diyos at masasang-ayunan ng Diyos ang tao. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga salita, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno ang mga hindi natustusan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung nagsisikap ka lamang na panghawakan ang nakaraan, nagsisikap lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano ang mga ito sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman naluluma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga salitang magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Ang mga salita ng mga kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo at hindi mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo na magmuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba nito naipapaunawa sa iyo ang mga hiwagang napapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Iminumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos). Talagang puno ito ng awtoridad at napakamakapangyarihan, at ang mga salitang iyon ay maaari lamang magmula sa Diyos. Naalala ko na sinasabi ng Panginoong Jesus na: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay hindi makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko(Juan 14:6). Bukod sa Diyos, sino pa ang may kayang mamahala sa pasukan ng kaharian? Kung gusto nating pumasok sa kaharian ng langit at magkamit ng walang hanggang buhay, kailangan nating tanggapin ang landas sa walang hanggang buhay na dala ng Cristo ng mga huling araw. Nangangahulugan ito ng pagtanggap sa mga katotohanang ipinahayag ng Panginoong Jesus na nagbalik, at iyon lang ang paraan para magkatotoo ang pag-asa nating makapasok sa kaharian at magkamit ng walang hanggang buhay. Pakiramdam ko’y napakaswerte kong mahanap ang landas papunta sa kaharian. Sabik na sabik ako. Binasa ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos na parang pagkain ang mga ito para sa nagugutom na tao, at napakalalim ng naging epekto nito sa akin. Kapag mas lalo akong nagbabasa, mas lalo kong nalalaman na katotohanan ang mga ito, na hindi sila maaaring manggaling sa sinumang pastor o teologo. Tinustusan ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang nauuhaw kong kaluluwa, at inalala ko iyong matandang lalaking nagbebenta ng dyaryo. Paulit-ulit niya akong inalok na bumili ng subscription, at iyun ang dahilan kung bakit sa wakas ay narinig ko na ang tinig ng Diyos. Tapos napagtanto ko na ang mga napakagandang gawain ng Diyos ang nagpahintulot nito. Labis akong nagpapasalamat sa Diyos. Pakiramdam ko’y labis akong pinagpala na narinig ko ang tinig ng Diyos at nasaksihan ang Kanyang pagpapakita habang nabubuhay ako. Ito ang napakalaking awa at biyaya ng Diyos, at higit sa lahat, ito ang pagliligtas Niya sa akin. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman