Nagsimula Na ang Paghatol ng Malaking Puting Trono

Setyembre 8, 2021

Ni Witri, Indonesia

Nang manampalataya ako, sinimulan ko’ng pagbabasa ng Biblia’t ginawa’ng makakaya ko para sundin ang salita ng Panginoon. Tapos nanood ako ng mga video sa Internet tungkol sa paghatol sa mga huling araw. Binanggit nila’ng propesiyang ito mula sa Pahayag: “At nakita ko ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kaniyang harapan, ang lupa at ang langit ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila. At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa(Pahayag 20:11–12). Sa mga huling araw, ang Panginoon ay may puting balabal at nakaupo sa malaking puting trono at nakaluhod ang lahat sa harap Niya. Hinahatulan Niya ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa sa buhay. Pinarurusahan sa impiyerno ang mga makasalanan, at dinadala sa kaharian ang mga ‘di makasalanan. Pinuno ng mga video’ng ito ang isip ko ng mga larawan ng paghuhukom ng Panginoon. Naniwala akong ang paghuhukom Niya’y magiging tulad ng sinabi sa mga video. Nagpasya ‘kong sundin ang mga turo ng Panginoon para pagbalik Niya para hatulan tayo, tatanggapin Niya ako sa kaharian.

Noong 2004, nagdusa ang Indonesia sa isang tsunami, mahigit dalawandaang libo’ng namatay. Natanto kong poot ito ng Diyos at binabalaan Niya tayo na malapit na’ng araw ng paghuhukom. Sa mga taon ko ng pananampalataya ginawa ko’ng kaya ko para isagawa ang aral ng Panginoon, pero ‘di ko maisagawa’ng salita Niya o magawang mahalin ang iba gaya ng sarili ko. Nagalit ako nung marinig kong pintasan ako ng biyenan kong babae sa aking hipag, naghinanakit ako sa kanya dahil do’n. Pinagnasaan ko’ng kayamanan at naging makamundo. Ang sabi sa Biblia: “Kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t Ako’y banal(Levitico 11:45). Banal ang Diyos at ‘di namamasdan ng hindi banal ang mukha Niya. Ngunit lagi akong nagkakasala’t ‘di ko natanggal ang kasalanan sa sarili ko. Hahatulan ba ako ng Panginoon at dadalhin sa impiyerno? Kaya nagtanong ako sa ilang pastor kung pa’no lulutasin ang suliranin ng pagkakasala. Sabi nila, “Basta’t nananalangin tayo sa Panginoon, at nangungumpisal, patatawarin Niya tayo sa kasalanan natin.” Pero ‘di nito nalutas ang problema. Patuloy akong nagkakasala’t nangungumpisal. Sa tuwing nagkakasala ako, natatakot ako. Darating ang Panginoon sa mga huling araw para isa-isa tayong hatulan batay sa mga kilos natin. Kung patuloy akong magkakasala, ako ay hahatulan at parurusahan. Pa’no ‘ko makakapasok sa kaharian? Masyado akong nabalisa.

Nung Pebrero 2018, sumali ang asawa ko sa online na pagtitipon. Mukhang napakasaya niya sa bawat araw at naging mas nakikibahagi sa kanyang pananampalataya. Napukaw nito ang interes ko tungkol sa pinag-uusapan nila sa pagtitipon. Isang araw, sinabi ng asawa ko, “Nagbalik ang Panginoong Jesus bilang Makapangyarihang Diyos. Ginagawa Niya’ng gawain ng paghatol.” Namangha ako sa sinabi niya. Kung nagbalik na ang Panginoong Jesus, nakaupo Siya sa isang malaking puting trono sa himpapawid, at hinahatulan tayo isa-isa. Hindi ko pa nakikita ang tagpong ito, kaya papa’nong nagsimula na ang paghatol sa mga huling araw? Nung sinabi ko ‘to sa asawa ko, tumawa lang siya’t sinabing, “’Di tulad ng iniisip natin ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Dumating Siya sa lupa’t nagkatawang-tao’t nagpapahayag ng katotohanan para hatulan tayo.” Lalo akong nag-alinlangan at napaisip: Pa’no tayo hahatulan ng Panginoon gamit ang pagpapahayag ng salita? Wala pa ‘kong narinig na pastor o elder na nagsabi no’n. At dahil katatanggap lang ng asawa ko sa gawain ng Makapangyarihang Diyos, ‘di niya ‘to maipaliwanag nang mahusay, kaya inanyayahan niya ‘kong makipagkita sa mga tao mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Nung una, ayoko sana ‘yong gawin, pero nung maisip kong maalalahanin ang asawa ko at taimtim sa pananampalataya niya, na naniniwala siyang nagbalik na’ng Panginoon at gumagawa ng gawain ng paghatol, naniwala akong may mabuti siyang dahilan. Para malaman kung nagbalik na’ng Panginoon o hindi, pumayag akong sumali sa pagpupulong nila.

Sa isang pagpupulong, si Sister Liu na mula sa Iglesia ay nagbahagi tungkol sa tanong ko: “Ang paghuhukom ng malaking puting trono sa aklat ng Pahayag ay isang pangitaing nakita ni Juan sa isla ng Patmos na nagpropesiya ng gawaing gagawin ng Diyos. ‘Di nito ‘pinakita ang katotohanan ng gawain Niya. ‘Di natin mauunawaan ang propesiyang ‘to gamit ang pagkaunawa natin. Ang sabi sa Biblia: ‘Na maalaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag. Sapagka’t hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Diyos, na nangaudyokan ng Espiritu Santo’ (2 Pedro 1:20–21). Kailangan natin ng pusong may takot sa Diyos pagdating sa mga propesiya. Mahiwaga at mula sa Diyos ang mga propesiya, kaya Diyos lang ang makakapagbunyag ng kahulugan no’n. Naiitintindihan lang ng mga tao ang mga ‘to ‘pag natupad na. Kung literal natin ‘tong bibigyang-kahulugan, malamang malilimitahan natin ang gawain ng Diyos. Sumunod ang mga Fariseo sa literal na kahulugan ng Banal na Kasulatan, ipinapalagay na ipapanganak ang Mesiyas sa isang palasyo at darating sa kapangyarihan. Pero kabaligtaran ang nangyari. ‘Di lang hindi ipinanganak sa isang palasyo’ng Panginoon, kundi isinilang sa sabsaban bilang anak ng isang karpintero, at ‘di Siya dumating sa kapangyarihan. Matigas na kumapit ang mga Fariseo sa pagkaunawa nila’t hindi kinilala ang Panginoon bilang Mesiyas. Nakikita nila na may awtoridad at kapangyarihan ang mga salita at gawain Niya at nagmula ‘yon sa Diyos, pero nilabanan at kinondena pa rin nila Siya. Sa huli, ipinako nila sa krus ang Panginoon. Nagkasala sila sa disposisyon ng Diyos at sinumpa at pinarusahan ng Diyos. Dapat tayong matuto mula sa mga Fariseo at huwag limitahan ang gawain ng Diyos gamit ang mga pagkaunawa natin.”

Naisip kong napaka-nakapagpapaliwanag ang sinabi ng sister na ‘to, at ayon ‘yon sa Biblia. Mula sa Diyos ang mga propesiya, at mas mataas sa tao ang mga saloobin Niya. Mas mataas din sa tao ang karunungan ng Diyos. Diyos lang ang nakakaalam sa mga detalye kung paano matutupad ang mga propesiya. Paano mauunawaan ng tao ang gawain ng Diyos? Natanto kong hindi ko dapat limitahan ang gawain Niya gamit ang pagkaunawa ko. Tinanong ko ang sister, “Pinatototohanan mong nagkatawang-tao at dumating sa lupa ang Diyos, nagpapahayag ng katotohana’t humahatol. Ano’ng ibig sabihin no’n? Pa’no ‘to naging konektado sa paghatol ng malaking puting trono sa Biblia?”

Hinanap nung sister ang mga verse na ‘to sa Biblia: “At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may walang-hanggang ebanghelyo upang ipangaral sa mga nananahan sa lupa, at sa bawat bansa, at angkan, at wika, at bayan. Sinasabi niya nang may malakas na tinig, ‘Matakot kayo sa Diyos, at magbigay kaluwalhatian sa Kanya; sapagka’t dumarating ang panahon ng Kanyang paghatol’(Pahayag 14:6–7). “Sapagka’t ang Ama’y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob Niya sa Anak ang buong paghatol(Juan 5:22). “At binigyan Siya ng awtoridad na humatol, sapagka’t Siya’y Anak ng tao(Juan 5:27). “Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw(Juan 12:48). At ito naman sa Unang Pedro: “Sapagka’t dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos(1 Pedro 4:17). Tapos ay nagbahagi siya: “Binabanggit ng mga bersikulong ito na ‘na may walang-hanggang ebanghelyo upang ipangaral sa mga nananahan sa lupa,’ ‘sapagka’t dumarating ang panahon ng Kanyang paghatol,’ at ‘pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos.’ Nakikita nating dumarating ang Diyos sa lupa sa mga huling araw para humatol. Sinasabi rin na, ‘kundi ipinagkaloob Niya sa Anak ang buong paghatol.’ Ang ‘Anak’ at ‘Anak ng tao’ ay nangangahulugang isinilang na tao at may normal na pagkatao. Kagaya ng Panginoong Jesus, kahit na mukha siyang karaniwan lang sa panlabas, nasa Kanya’ng Espiritu ng Diyos at may banal Siyang diwa. ‘Di matatawag na Anak ng tao’ng Espiritu ng Diyos o ang espirituwal Niyang katawan. Pinatutunayan ng mga bersikulong ito na magkakatawang-tao ang Diyos bilang Anak ng tao para ipahayag ang katotohanan at maghatol, at nagsisimula sa bahay ng Diyos ang paghatol na ‘to. Ibig sabihin, unang hahatulan ang nakakarinig sa tinig ng Diyos at lumalapit sa trono Niya.”

Tapos ay nagbasa siya ng ilang sipi ng salita ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi paisa-isang hinahatulan ng Diyos ang tao, at hindi paisa-isang sinusubukan ang tao; hindi magiging gawain ng paghatol ang paggawa ng gayon. Hindi ba’t magkakatulad ang katiwalian ng lahat ng sangkatauhan? Hindi ba’t magkakatulad ang diwa ng lahat ng sangkatauhan? Ang hinahatulan ay ang tiwaling diwa ng sangkatauhan, ang diwa ng tao na ginawang tiwali ni Satanas, at ang lahat ng kasalanan ng tao. Hindi hinahatulan ng Diyos ang mga walang kapararakan at walang kabuluhang pagkakamali ng tao. Mapagkatawan ang gawain ng paghatol, at hindi ito isinasagawa para sa isang tiyak na tao. Sa halip, gawain ito na kung saan hinahatulan ang isang pangkat ng mga tao upang kumatawan sa paghatol sa lahat ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng personal na pagsasagawa ng Kanyang gawain sa isang pangkat ng mga tao, ginagamit ng Diyos sa katawang-tao ang Kanyang gawain upang kumatawan sa gawain ng buong sangkatauhan, upang unti-unting ipalaganap pagkaraan. Ganito rin ang gawain ng paghatol. Hindi hinahatulan ng Diyos ang isang tiyak na uri ng tao o isang tiyak na pangkat ng mga tao, bagkus ay hinahatulan ang hindi pagkamatuwid ng buong sangkatauhan—ang pagsalungat ng tao sa Diyos, halimbawa, o kawalang-galang ng tao sa Kanya, o paggambala ng tao sa gawain ng Diyos, at kung ano-ano pa. Ang hinahatulan ay ang diwa ng pagsalungat ng sangkatauhan sa Diyos, at ang gawaing ito ay ang gawain ng paglupig sa mga huling araw. Ang gawain at salita ng Diyos na nagkatawang-tao na nasaksihan ng tao ay gawain ng paghatol sa harap ng malaking puting trono sa mga huling araw, na naisip ng tao sa mga nakaraang panahon. Ang gawain na kasalukuyang ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay siyang-siyang paghatol sa harap ng malaking puting trono(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao). “Ang kasalukuyang gawain ng paglupig ay naglalayong ipakita ang magiging katapusan ng tao. Bakit sinasabi na ang pagkastigo at paghatol ngayon ay paghatol sa harap ng malaking puting trono ng mga huling araw? Hindi mo ba nakikita ito? Bakit ang gawain ng paglupig ang huling yugto? Hindi ba ito ay upang tiyak na ipamalas kung anong klaseng katapusan ang sasapitin ng bawat uri ng tao? Hindi ba ito ay para hayaan ang lahat, sa pagpapatuloy ng gawain ng paglupig ng pagkastigo at paghatol, na ipakita ang kanilang tunay na mga kulay at sa gayon ay mapangkat ayon sa kanilang uri pagkatapos? Sa halip na sabihing ito ay panlulupig sa sangkatauhan, baka mas maiging sabihin na ipinapakita nito kung ano ang uri ng magiging katapusan para sa bawat uri ng tao. Ito ay tungkol sa paghatol sa mga kasalanan ng mga tao at pagkatapos ay paghahayag ng iba’t ibang uri ng tao, sa gayon ay pinagpapasyahan kung sila ay masama o matuwid. Matapos ang gawain ng paglupig, susunod naman ang gawain ng paggantimpala sa mabuti at pagpaparusa sa masama. Ang mga tao na buung-buong sumusunod—ibig sabihin ang mga lubusang nalupig—ay ilalagay sa susunod na hakbang ng pagpapalaganap ng gawain ng Diyos sa buong sansinukob; ang mga hindi nalupig ay ilalagay sa kadiliman at mahaharap sa kalamidad. Sa gayon, ang tao ay papangkatin ayon sa uri, ang mga gumagawa ng masama ay isasama sa masama, hindi na kailanman muling makakakita ng sikat ng araw, at ang mga matuwid ay isasama sa mabuti, upang tumanggap ng liwanag at mabuhay sa liwanag magpakailanman(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 1). “Maraming taong walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at ito ay kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na ‘Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo’ ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapalabas ng tunay na daan at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mapagmataas. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayong kababang-uri?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa).

Tapos nagbahagi yung sister, ang sabi niya, “Hindi ginagawa ng Diyos ang gawain Niya ng paghatol gaya ng akala natin, na nakaluhod ang lahat at isa-isa Niyang binubunyag ang mga kasalanan natin, tapos pagpapasyahan kung sa langit ba tayo o sa impyerno. Kung hinatulan tayo ng Diyos sa ganitong paraan, walang makakapasok sa kaharian. Labis tayong ginawang tiwali ni Satanas at puno ng satanikong disposisyon, kaya pag may pananalig tayo sa Panginoon, maaari tayong gumawa nang mabuti, at ipalaganap ang ebanghelyo para sa Panginoon, pero may likas pa rin tayong pagiging makasalanan. Patuloy pa rin tayong nagkakasala’t ‘di makasunod sa turo ng Panginoon. Kapag hindi ginagawa ng Panginoon ang gusto natin, sinisisi natin Siya. Nagsisinungaling tayo para sa sarili nating interes at karangalan. Kapag naaapektuhan ang mga interes natin, kinamumuhian at ginagantihan natin ang mga tao. Sabi sa Biblia, ‘Kung walang kabanalan, walang taong makakakita sa Panginoon’ (Mga Hebreo 12:14). Ang mga makasalanan bang gaya natin ay makakapasok sa kaharian ng langit? Kung hinatulan at kinondena tayo ng Diyos batay sa kasalukuyan nating asal, hindi ba tayo parurusahang lahat at pupuksain? Para mailigtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan, ang Diyos ay nagkatawang-tao muli bilang ang Anak ng tao at lihim na dumating. Siya ang Makapangyarihang Diyos, na nagpapahayag ng katotohana’t gumagawa para hatula’t linisin ang tao. Ito ang paghatol ng malaking puting trono na nasa aklat ng Pahayag. Naghahatol Siya sa pamamagitan ng pagiging tao muna at pagpapahayag ng katotohanan para iligtas ang tao at gumawa ng mga mananagumpay. Tapos nagdadala Siya ng mga sakuna, ginagantimpalaan ang mabuti, pinarurusahan ang masama, at winawasak ang lumang panahon. Sa huli, lantaran Siyang nagpapakita, tapos tapos na ang gawain Niya ng paghatol. Kapag bumuhos ang malalaking sakuna, hindi ‘yon ang pagsisimula ng paghatol ng malaking puting trono, kundi ang katapusan no’n. Sa panahong ‘yon, lahat ng may tiwaling disposisyon na nalinis na ng paghatol ng salita ng Diyos sa Kanyang lihim na gawain ay makakaligtas sa mga sakuna dahil sa proteksyon ng Diyos, at aakayin Niya sila sa kaharian Niya. Ang mga tumatanggi’t kumokondena sa Makapangyarihang Diyos sa panahon ng Kanyang lihim na gawain ay matatangay ng mga sakunang walang katulad, parurusahan habang umiiyak at nagngangalit ang mga ngipin.”

Nagliwanag ang puso ko sa pagbabahagi niya. Ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay ‘di gaya ng inakala ko, na nakaupo ang Diyos sa malaking puting trono at isa-isang hinahatulan ang mga tao at pinapadala sila sa langit o sa impyerno. Ginagawa sa mga yugto’ng gawain Niya ng paghatol. Ipinapahayag Niya’ng katotohanan para pawiin ang pagkamakasalanan ng tao, nililigtas sila, pinagsisisi’t pinagbabago. Tapos nagpapakita Siya para gantimpalaan ang mabuti’t parusahan ang masama. Ang imahe ng malaking puting trono na nabuo sa isipan ko ay ang magiging pagtatapos ng paghatol ng Diyos. Kung hinintay ko ang panahong ‘yon para tanggapin ang gawain ng Diyos, huli na ang lahat at nakalagpas na ang pagkakataon ko sa kaligtasan. Magandang siyasatin ko’ng gawain ng Makapangyarihang Diyos. Kaya tinanong ko yung sister, “Pa’no hinahatulan ng Diyos ang mga tao gamit ang salita Niya?”

Babasahin ko yung binasa niyang salita ng Makapangyarihang Diyos. “Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan).

Tinuloy niya’ng pagbabahagi, ang sabi niya, “Sa pagpapahayag ng katotohanan para gawin ang gawain Niya ng paghatol at paglilinis sa tao, ‘di lang nagsasalita at nagsusulat ng ilang salita ang Diyos. Sa halip, ipinapahayag Niya’ng lahat ng katotohanan para iligtas ang tao. Ibinubunyag Niya kung pa’no tinitiwali ni Satanas ang tao, kung sino ang pinagpapala at tinatanggal ng Diyos, sino ang maliligtas at sino ang makakapasok sa kaharian, at iba pa. Inilalantad at sinusuri Niya ang lahat ng satanikong kalikasan ng tao at lubos na ibinubunyag ang lahat ng satanikong kalikasan at lasong dala natin sa loob natin. Makikita natin sa paghatol ng salita ng Diyos ang katotohanan ng pagtitiwali sa atin ni Satanas. Nalalaman natin ang kalikasan nating lumalaban sa Diyos at ang ugat na dahilan no’n, at kung ga’no kalalim ang pagkaugat sa’tin ng mga satanikong disposisyon natin, gaya ng kayabangan, pandaraya, kasamaan, at pagkamuhi sa katotohanan. Halimbawa, kahit nakakapaggugol tayo ng sarili sa Panginoon, at natitiis ang panunuya ng mga di-mananampalataya, at ‘di natin itinatanggi ang Panginoon o tinitigil ang pangangaral ng ebanghelyo kahit ipakulong, kapag naganap ang kalamidad at lumabo ang pag-asa natin sa hinaharap, nagrereklamo tayo at sinisisi ang Diyos, nanghihinayang tayo sa mga pagsisikap natin, at maaaring itanggi at pagtaksilan natin ang Diyos. Nakikita nating ang pagsisikap nati’y para lang magkamit ng biyaya ng Diyos, at tumanggap ng korona’t magantimpalaan. Hindi dalisay ang gano’ng mga pagsisikap. Nakikipagtawaran tayo sa Diyos at dinadaya’ng Panginoon. Do’n lang natin malalaman kung ga’no tayo ginawang tiwali ni Satanas, at ‘di natin ginagalang ang Diyos at wala tayong katuwiran. Sa pagdanas ng pagkastigo’t paghatol ng Diyos, nalalaman natin ang matuwid, at makaharing disposisyon ng Diyos. Nagsisimula tayong gumalang sa Diyos, kamuhian ang sarili natin, maging handang talikdan ang laman at isagawa’ng katotohanan. Nagsisimulang malinis ang katiwalian natin, at isinasabuhay natin ang tunay na wangis ng tao. Ang mga hinatulan ng salita ng Diyos nang maraming taon alam sa kaibuturan ng puso nilang talagang nakakalinis at nakakabago ng tao ang paghatol Niya, at ‘yon ay pagmamahal at kaligtasan para sa tao.”

Sa pagbabahagi niya, nakita ko kung ga’no kapraktikal ang gawain ng paghatol ng Diyos. Nagpapahayag Siya ng salita para hatulan at ilantad ang katiwalian natin at ang ugat ng kasalanan natin, para ipakita sa’tin ang paraan para magbago, para maligtas tayo. Kapag nagkakasala ako dati, humihingi lang ako ng tawad sa Panginoon pero hindi ko napipigil na magkasala uli dahil ‘di ko pa natatanggap ang paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Sa wakas nahanap ko na ang landas para malinis at mawalan ng kasalanan.

Marami akong binasang salita ng Makapangyarihang Diyos at mga patotoong sinulat ng mga kapatid. Nakumbinsi akong ang salita ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan at nakakabago ng tao. Nakilala ko Siya bilang ang Panginoong Jesus na nagbalik at tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Nabuhay ako sa imahinasyon ko, naghihintay na dumating ang Panginoon para sa paghatol ng malaking puting trono. Hindi ko alam na dumating na ang Diyos nang palihim para ipahayag ang katotohana’t simulan ang paghatol mula sa bahay ng Diyos. Muntik ko nang mapalagpas ang pagliligtas ng Diyos. Nagpapasalamat ako sa awa Niya para tulutan akong marinig ang tinig Niya, para maiangat sa harap ng trono Niya’t tanggapin ang paghatol sa harap ng upuan ni Cristo. Salamat sa Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman