9. Paano lutasin ang problema ng madalas na pagkanegatibo

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Batay sa kahulugan ng salitang “pagkanegatibo,” kapag nagiging negatibo ang isang tao, bumababa nang husto ang kanyang lagay ng loob at nagkakaroon siya ng masamang kaisipan. Ang lagay ng kanyang loob ay napupuno ng mga negatibong elemento, wala siyang saloobin ng aktibong pag-usad at pagsisikap, at wala siyang positibo, aktibong pakikipagtulungan at paghahanap; higit pa rito, wala siyang ipinapakitang kusang-loob na pagpapasakop, sa halip ay nagpapakita siya ng napakalungkot na lagay ng loob. Ano ang kinakatawan ng isang napakalungkot na lagay ng loob? Kinakatawan ba nito ang mga positibong aspekto ng pagkatao? Kinakatawan ba nito ang pagkakaroon ng konsensiya at katwiran? Kinakatawan ba nito ang pamumuhay nang may dignidad, pamumuhay sa saklaw ng dignidad ng pagkatao? (Hindi.) Kung hindi nito kinakatawan ang mga positibong bagay na ito, ano ang kinakatawan nito? Pwede ba itong kumatawan sa kawalan ng tunay na pananalig sa Diyos, gayundin sa kawalan ng determinasyon at kapasyahang maghangad sa katotohanan at maagap na umusad? Maaari ba itong kumatawan sa matinding kawalan ng kasiyahan sa kasalukuyang sitwasyon at mga suliranin ng isang tao, sa kanyang hindi pagkaunawa sa mga bagay, at pag-ayaw na tanggapin ang mga katunayan ng kasalukuyan? Pwede ba itong kumatawan sa isang sitwasyon kung saan ang puso ng isang tao ay puno ng pagsuway, ng pagnanais na kumontra, at ng pagnanais na tumakas at baguhin ang kasalukuyang sitwasyon? (Oo.) Ito ang mga kalagayang ipinapakita ng mga tao kapag hinaharap nila ang kasalukuyang sitwasyon nang may pagkanegatibo. Sa madaling salita, anuman ang mangyari, kapag ang mga tao ay negatibo at hindi nasisiyahan sa kasalukuyang sitwasyon at sa mga pagsasaayos ng Diyos, hindi ito kasingsimple ng pagkakaroon lang nila ng mga maling pagkaunawa, ng kawalan ng pagkaunawa, hindi pagkakatanto, o kawalan ng kakayahang dumanas. Ang hindi pagkakatanto ay maaaring usapin ng kakayahan o oras, na isang normal na pagpapamalas ng pagkatao. Ang hindi magawang dumanas ay pwedeng dahil din sa ilang obhetibong dahilan, pero ang mga ito ay hindi itinuturing na mga negatibo, hindi kanais-nais na mga bagay. Hindi rin magawang dumanas ng ilang tao, pero kapag nahaharap sila sa mga bagay na hindi nila nauunawaan o nakikilatis, o sa mga bagay na hindi nila napagtatanto o nararanasan, magdadasal sila sa Diyos at hahanapin nila ang Kanyang mga layunin, hihintayin nila ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos, at aktibo silang maghahanap at makikipagbahaginan sa ibang tao. Gayumpaman, naiiba ang ibang tao; wala silang landas ng pagsasagawa sa mga aspektong ito, wala rin silang gayong saloobin. Sa halip na maghintay, maghangad, o maghanap ng makakabahaginan, nagkakaroon sila ng mga maling pagkaunawa sa puso nila, nararamdaman nila na ang mga pangyayari at sitwasyong kinakaharap nila ay hindi umaayon sa kanilang mga pagnanais, kagustuhan, o imahinasyon, kaya nagkakaroon ng pagsuway, kawalan ng kasiyahan, paglaban, mga reklamo, pagkontra, pagpoprotesta laban sa Diyos, at iba pang mga hindi kanais-nais na bagay. Kapag nagkakaroon ng mga ganitong hindi kanais-nais na bagay, hindi na nila masyadong iniisip ang mga ito, hindi rin sila lumalapit sa Diyos para magdasal at magnilay-nilay para makilala ang sarili nilang kalagayan at katiwalian. Hindi nila binabasa ang mga salita ng Diyos para hanapin ang mga layunin ng Diyos o ginagamit ang mga salita ng Diyos para lutasin ang mga problema, lalong hindi sila naghahanap at nakikipagbahaginan sa iba. Sa halip, iginigiit nila na tama at tumpak ang pinapaniwalaan nila, nagkikimkim sila ng pagsuway at kawalan ng kasiyahan sa puso nila, at hindi sila makaalis sa negatibo, di-kanais-nais na mga lagay ng loob. Kapag hindi sila makaalis sa mga ganitong lagay ng loob, maaaring magawa nilang kimkimin ang mga ito at tiisin ang mga ito sa loob ng isa o dalawang araw, pero kapag tumagal na, maraming bagay ang lumilitaw sa isipan nila, kabilang na ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, etika at moralidad ng tao, kultura, tradisyon, at kaalaman ng tao, at iba pa. Ginagamit nila ang mga bagay na ito para sukatin, kalkulahin, at unawain ang mga problemang kinakaharap nila, ganap silang nabibitag sa patibong ni Satanas, kaya lumilitaw ang iba’t ibang kalagayan ng kawalang kasiyahan at pagsuway. Mula sa mga tiwaling kalagayang ito, lumilitaw ang iba’t ibang maling ideya at pananaw, at sa puso nila, hindi na makontrol ang mga negatibong bagay na ito. Pagkatapos ay naghahanap sila ng mga pagkakataon para maibulalas at mailabas ang mga bagay na ito. Kapag puno ng pagkanegatibo ang puso nila, sinasabi ba nila, “Puno ako ng mga negatibong bagay sa loob ko; hindi ako dapat magsalita nang walang ingat para hindi ko mapinsala ang iba. Kung gusto kong magsalita at hindi ko ito mapigilan, kakausapin ko ang pader, o hahanap ako ng isang tao na hindi nakakaintindi ng pananalita ng tao”? Sapat ba silang mabait para gawin ito? (Hindi.) Ano ang ginagawa nila kung gayon? Naghahanap sila ng mga pagkakataon para magkaroon ng tagapakinig na tatanggap ng kanilang mga negatibong pananaw, komento, at lagay ng loob, ginagamit nila ito para maibulalas ang iba’t ibang negatibong lagay ng loob nila tulad ng kawalan ng kasiyahan, pagsuway, at sama ng loob mula sa puso nila. Naniniwala silang ang oras sa buhay iglesia ang pinakamagandang oras para maglabas ng sama ng loob, at ang magandang pagkakataon para ipahayag ang kanilang pagkanegatibo, kawalan ng kasiyahan, at pagsuway dahil maraming tagapakinig at maaaring makahikayat ang mga salita nila na maging negatibo ang iba, sa gayong paraan nakakapagdala ng hindi kanais-nais na mga kahihinatnan sa gawain ng iglesia. Siyempre, ang mga naglalabas ng pagkanegatibo ay hindi makapagpigil kahit sa pribado; palagi nilang ibinubulalas ang negatibo nilang pananalita. Kapag kaunti ang nakikinig, nawawalan sila ng gana, pero kapag nagtitipon-tipon ang lahat, nagiging mas masigla sila. Batay sa mga lagay ng loob, kalagayan, at iba pang mga katangian ng mga naglalabas ng pagkanegatibo, ang pakay nila ay hindi ang tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan, makilatis kung ano ang totoo, malinawan sa mga maling pagkaunawa o pagdududa tungkol sa Diyos, makilala ng mga ito ang sarili nila, makilala ang sariling tiwaling diwa ng mga ito, o malutas ang mga isyu ng mga ito ng pagiging mapaghimagsik at tiwali para hindi maghimagsik laban sa Diyos ang mga ito o labanan Siya kundi magpasakop sa Kanya. Sa pangunahin, may dalawang bahagi ang mga pakay nila: Sa isang banda, naglalabas sila ng pagkanegatibo para maibulalas ang mga lagay ng loob nila; sa kabilang banda, pakay nilang mahila ang maraming tao sa pagkanegatibo at papunta sa bitag ng paglaban at pagpoprotesta laban sa Diyos kasama nila. Samakatwid, ang paglalabas ng pagkanegatibo ay dapat talagang mapigilan sa loob ng buhay iglesia.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 17

Lahat ng tao ay may ilang maling kalagayan sa loob nila, gaya ng pagiging negatibo, kahinaan, kawalan ng pag-asa, at karupukan; o mayroon silang masasamang intensyon; o palagi silang nababagabag ng kanilang pagpapahalaga sa sarili, mga makasariling pagnanais, at pansariling interes; o iniisip nila na may mahina silang kakayahan, at dumaranas sila ng ilang negatibong kalagayan. Magiging napakahirap para sa iyo na matamo ang gawain ng Banal na Espiritu kung palagi kang namumuhay sa ganitong mga kalagayan. Kung mahirap para sa iyo na matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, magiging kaunti ang mga aktibong elemento sa loob mo, at lilitaw ang mga negatibong elemento at guguluhin ka. Palaging umaasa ang mga tao sa kanilang sariling kalooban para supilin ang mga negatibo at masamang kalagayang iyon, ngunit gaano man nila ito supilin, hindi nila ito maiwawaksi. Ang pangunahing dahilan nito ay dahil hindi lubusang matukoy ng mga tao ang mga negatibo at masamang bagay na ito; hindi nila makita nang malinaw ang diwa ng mga iyon. Kaya nagiging napakahirap para sa kanila na maghimagsik laban sa laman at kay Satanas. Dagdag pa roon, palaging naiipit ang mga tao sa mga negatibo, malungkot, at malubhang kalagayang ito, at hindi sila nananalangin o tumitingala sa Diyos, sa halip ay iniraraos lang nila ang mga ito. Bilang resulta, hindi gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, at dahil dito ay hindi nila nauunawaan ang katotohanan, wala silang landas sa lahat ng kanilang ginagawa, at hindi nila nakikita nang malinaw ang anumang bagay. Napakaraming negatibo at masamang bagay sa loob mo, at pinuno na nito ang puso mo, kaya madalas kang negatibo, malungkot ang espiritu, at palayo ka nang palayo sa Diyos, at nanghihina nang nanghihina. Kung hindi mo makakamit ang kaliwanagan at gawain ng Banal na Espiritu, hindi mo matatakasan ang mga kalagayang ito, at hindi magbabago ang negatibo mong kalagayan, dahil kung hindi gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, hindi ka makakahanap ng landas. Dahil sa dalawang kadahilanang ito, napakahirap para sa iyo na iwaksi ang iyong negatibong kalagayan at pumasok sa isang normal na kalagayan. Bagamat kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin ngayon, tinitiis ninyo ang hirap, nagtatrabaho kayo nang husto, nagsusumikap kayo, at nagagawa ninyong talikuran ang inyong pamilya at propesyon, at bitiwan ang lahat, hindi pa rin talagang nagbago ang mga negatibong kalagayan sa loob ninyo. Napakaraming pagkakagapos ang pumipigil sa inyo na hangarin at isagawa ang katotohanan, tulad ng inyong mga kuru-kuro, imahinasyon, kaalaman, pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, makasariling pagnanais, at tiwaling disposisyon. Pinuno na ng mga masamang bagay na ito ang puso ninyo. Bagamat bata pa kayo, napakakomplikado ng inyong pag-iisip. Minamasdan at inaaral ninyo ang Aking bawat salita at pagpapahayag, at pagkatapos ay labis-labis na pinag-iisipan ang mga ito nang walang katapusan. Bakit ganito? Ilang taon na kayong sumusunod sa Diyos, pero wala pa Akong nakikitang anumang pag-usad o pagbabago sa inyo. Ganap na naglalaman ng mga satanikong bagay ang puso ng mga tao. Malinaw itong nakikita ng lahat. Kung hindi mo aalisin ang mga bagay na ito, kung hindi mo magagawang iwaksi ang mga negatibong kalagayang ito, hindi mo mababago ang iyong sarili sa wangis ng isang bata at hindi mo mahaharap ang Diyos sa isang masigla, kaibig-ibig, inosente, simple, tapat, at dalisay na paraan. Kaya, magiging mahirap para sa iyo na makamit ang gawain ng Banal na Espiritu o ang katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon

Bago tanggapin ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, makakabuo sila ng maraming kuru-kuro at maraming maling kaisipan, pati na rin ilang negatibong kalagayan. Ang pinakakaraniwang negatibong kalagayan ay, “Ginugol ko na ang sarili ko para sa Diyos at ginampanan ang aking mga tungkulin; dapat akong protektahan at pagpalain ng Diyos sa lahat ng bagay. Bakit may mga dumating na kalamidad sa akin?” Ito ang pinakakaraniwang kalagayan. Mayroon pang isang klase ng kalagayan: Kapag nakita niya ang iba na namumuhay sa magagandang kalagayan at nasisiyahan, samantalang siya ay nabubuhay sa paghihirap at kahirapan, nagrereklamo siya sa pagiging hindi matuwid ng Diyos. Puwede pa ngang nakikita niya ang iba na nagkakamit ng mas magagandang resulta sa pagganap nila ng kanilang tungkulin, at naiinggit at nagiging negatibo siya. Negatibo rin siya kung nagkakasundo at nagkakaisa ang ibang mga pamilya, kung mas mataas ang kakayahan ng iba kaysa sa kanya, kung nakakapagod ang tungkulin niya, o kung hindi nangyayari ang gusto niya. Sa madaling salita, sa anumang sitwasyong hindi naaayon sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon, nagiging negatibo siya. Kung ang taong ito ay may ilang kakayahan at kayang tanggapin ang katotohanan, dapat siyang tulungan. Basta’t nauunawaan niya ang katotohanan, madaling malulutas ang isyu ng pagiging negatibo niya. Kung hindi niya hahanapin ang katotohanan at mananatili siyang negatibo, na laging nagkikimkim ng mga kuru-kuro sa Diyos, isasantabi siya ng Diyos at babalewalain siya, dahil ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa ng mga walang kwentang gawain. Masyadong matigas ang ulo ng mga gayong tao, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, palagi silang may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at palaging may mga pansariling hinihingi; sobrang wala itong katinuan at dahil dito ay hindi sila tinatablan ng katwiran. Nauunawaan nila ang katotohanan pero hindi nila ito tinatanggap. Hindi ba’t para itong sadyang pagkakasala? Kaya, hindi sila pinapansin ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Madalas akong negatibo, at binabalewala ako ng Diyos. Ibig sabihin nito ay hindi ako minamahal ng Diyos!” Katawa-tawa ang gayong pahayag. Alam mo ba kung sino ang minamahal ng Diyos? Alam mo ba kung paano naipamamalas ang pagmamahal ng Diyos? Alam mo ba kung sino ang hindi minamahal ng Diyos at kung sino ang dinidisiplina ng Diyos? May mga prinsipyo ang pagmamahal ng Diyos; hindi ito katulad ng iniisip ng mga tao, na palaging pagtitiis sa mga tao at pagpapakita ng awa at biyaya sa mga tao, na pagliligtas sa lahat maging sino man sila, na pagpapatawad sa lahat anumang kasalanan ang nagawa nila, at sa huli ay pagdadala sa lahat sa kaharian ng Diyos nang walang eksepsyon. Hindi ba’t mga kuru-kuro at imahinasyon lamang ito ng mga tao? Kung nagkagayon, hindi na kailangan pa ng Diyos na gawin ang gawain ng paghatol. May mga prinsipyo kung paano pinakikitunguhan ng Diyos ang mga taong madalas na negatibo. Kapag palaging negatibo ang mga tao, may problema rito. Napakarami nang sinabi ng Diyos, nagpahayag na Siya ng napakaraming katotohanan, at kung tunay na nananalig sa Diyos ang isang tao, pagkatapos niyang mabasa ang mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, lalong mababawasan ang mga negatibong bagay na nasa kanya. Kung lagi na lang negatibo ang mga tao, tiyak na hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, kaya naman sa sandaling may makaharap silang taliwas sa sarili nilang mga kuru-kuro, magiging negatibo sila. Bakit hindi nila hinahanap ang katotohanan sa mga salita ng Diyos? Bakit hindi nila tinatanggap ang katotohanan? Siguradong ito ay dahil mayroon silang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at higit pa rito, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan. Kaya papansinin pa rin ba sila ng Diyos kapag ganito ang pagharap nila sa katotohanan? Hindi ba tinatablan ng katwiran ang gayong mga tao? Ano ang saloobin ng Diyos sa mga hindi tinatablan ng katwiran? Isinasantabi Niya sila at hindi sila pinapansin. Maniwala ka sa anumang paraan mo gusto; maniwala ka man o hindi, ikaw ang bahala; kung tunay kang naniniwala at naghahangad ng katotohanan, makakamit mo ang katotohanan; kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi mo ito matatamo. Tinatrato ng Diyos ang bawat tao nang patas. Kung wala kang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan, kung wala kang saloobin ng pagpapasakop, kung hindi ka nagsisikap na matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, bahala ka nang maniwala paano mo man naisin; gayundin, kung mas gugustuhin mong umalis, maaari mo itong gawin kaagad. Kung hindi mo nais na gawin ang iyong tungkulin, hindi ka pipilitin ng sambahayan ng Diyos; maaari kang pumunta saan mo man gusto. Hindi hinihimok ng Diyos ang gayong mga tao na manatili. Iyon ang Kanyang saloobin.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 3

Ang ilang tao, sa oras ng pagbubunyag ng kaunting katiwalian, ay iniisip na, “Nilabanan ko na naman ang Diyos. Nananalig ako sa Diyos nang maraming taon at hindi pa rin ako nagbabago. Siguradong hindi na ako gusto ng Diyos!” Pagkatapos ay nasasadlak sila sa kawalan ng pag-asa at ayaw na nilang hangarin ang katotohanan. Ano ang tingin mo sa saloobing ito? Sila mismo ay sumuko na sa katotohanan, at naniniwala na hindi na sila gusto ng Diyos. Hindi ba’t ito ay maling pagkaunawa sa Diyos? Ang gayong pagkanegatibo ang pinakamadaling paraan para mapagsamantalahan ni Satanas. Tinutuya sila ni Satanas, sinasabing, “Hangal ka! Nais ng Diyos na iligtas ka, ngunit nagdurusa ka pa rin nang ganito! Kaya, sumuko ka na lang! Kung susuko ka, ititiwalag ka ng Diyos, na katulad lang ng pagbibigay Niya sa iyo sa akin. Pahihirapan kita hanggang kamatayan!” Sa sandaling magtagumpay si Satanas, magiging kahila-hilakbot ang mga kahihinatnan. Dahil dito, anuman ang mga paghihirap o pagkanegatibo ang kinakaharap ng isang tao, hindi siya dapat sumuko. Dapat niyang hanapin ang katotohanan para sa mga solusyon, at hindi siya dapat pasibong maghintay. Sa panahon ng proseso ng paglago sa buhay at sa panahon ng pagliligtas sa tao, maaaring tumatahak minsan ang mga tao sa maling landas, lumilihis, o nagkakaroon ng mga pagkakataon kung saan nagpapakita sila ng mga kalagayan at pag-uugali ng kakulangan sa gulang ng kaisipan sa buhay. Maaaring mayroon silang mga oras ng kahinaan at pagkanegatibo, mga oras na nagsasabi sila ng mga maling bagay, nadadapa, o nakararanas ng kabiguan. Ang lahat ng ito ay normal sa mga mata ng Diyos. Hindi Niya sila pinag-iisipan ng masama dahil dito. Iniisip ng ilang tao na masyadong malalim ang kanilang katiwalian, at na hindi nila kailanman mapapalugod ang Diyos, kaya’t nalulungkot sila at kinamumuhian nila ang kanilang sarili. Ang mga may pusong nagsisisi na tulad nito ay ang mismong mga taong inililigtas ng Diyos. Sa kabilang banda, ang mga naniniwalang hindi nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos, na nag-iisip na sila ay mabubuting tao at walang mali sa kanila, ay kadalasang hindi ang mga inililigtas ng Diyos. Ano ang ipinaparating Ko sa inyo rito? Magsalita ang sinumang nakauunawa. (Kailangan naming maayos na pangasiwaan ang mga pagbubunyag namin ng katiwalian at tumuon sa pagsasagawa sa katotohanan, at matatanggap namin ang pagliligtas ng Diyos. Kung palagi kaming magkakamali ng pagkaunawa sa Diyos, madali kaming masasadlak sa kawalan ng pag-asa.) Dapat kang magkaroon ng pananalig at sabihing, “Kahit na mahina ako ngayon, at nadapa at nabigo ako, lalago ako, at balang-araw ay mauunawaan ko ang katotohanan, mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, at makakamit ang kaligtasan.” Dapat kang magkaroon ng ganitong kapasyahan. Anuman ang mga balakid, paghihirap, pagkabigo, o pagkadapa na iyong nararanasan, hindi ka dapat maging negatibo. Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang inililigtas ng Diyos. Higit pa rito, kung sa tingin mo ay hindi ka pa kuwalipikadong iligtas ng Diyos, o kung may mga pagkakataon kung saan nasa mga kalagayan ka na kinasusuklaman o hindi kinalulugdan ng Diyos, o may mga pagkakataong hindi maganda ang iyong pag-uugali, at hindi ka tinatanggap ng Diyos, o itinataboy ka ng Diyos, hindi na ito mahalaga. Ngayon ay alam mo na, at hindi pa huli ang lahat. Hangga’t nagsisisi ka, bibigyan ka ng pagkakataon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita

Kung, anumang mga problema ang nakakaharap mo, negatibo ka at mahina, wala ka talagang patotoo, at hindi ka nakikipagtulungan sa kung anong dapat mong gawin at sa kung anong dapat mong ipakipagtulungan, nagpapatunay ito na wala ang Diyos sa puso mo, at hindi ka isang taong nagmamahal sa katotohanan. Huwag nang isipin kung paano inaantig ng gawain ng Banal na Espiritu ang mga tao, sa pagdanas lang ng gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon, pakikinig sa napakaraming katotohanan, pagkakaroon ng kaunting konsensiya, at pag-asa sa pagpipigil sa sarili, dapat ay matugunan man lang ng mga tao ang pinakamabababang pamantayan at hindi sila usigin ng kanilang konsensiya. Hindi dapat maging manhid at mahina ang mga tao na tulad ngayon, at mahirap talagang isipin na nasa ganitong kalagayan sila. Marahil ay namuhay kayo nitong huling ilang taon nang wala sa huwisyo, nang hindi hinahangad ni paano man ang katotohanan o hindi talaga umuunlad. Kung hindi ganito ang sitwasyon, paanong manhid ka pa rin at matamlay? Kapag ganito ka, ito ay dahil lang sa sarili mong kahangalan at kamangmangan, at hindi mo masisisi ang sinumang iba pa. Hindi itinatangi ng katotohanan ang ilang tao kaysa sa iba. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, at hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema, paano ka magbabago? Pakiramdam ng ilang tao ay napakababa ng kanilang kakayahan at wala silang kakayahang makaunawa, kaya nililimitahan nila ang kanilang sarili, at nadarama nila na gaano man nila hangarin ang katotohanan, hindi nila matutugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Iniisip nila na gaano man sila magsumikap, walang saysay iyon, at iyon lang iyon, kaya lagi silang negatibo, at dahil dito, kahit pagkaraan ng maraming taong paniniwala sa Diyos, wala pa silang natatamong anumang katotohanan. Kung sinasabi mo, nang hindi ka nagsusumikap na hangarin ang katotohanan, na napakahina ng iyong kakayahan, sinusukuan ang sarili mo, at lagi kang namumuhay sa negatibong kalagayan, at dahil dito, hindi mo nauunawaan ang katotohanang dapat mong maunawaan o isinasagawa ang katotohanan nang ayon sa iyong kakayahan—hindi ba’t ikaw ang humahadlang sa sarili mo? Kung lagi mong sinasabi na hindi sapat ang iyong kakayahan, hindi ba’t pag-iwas at pagpapabaya ito sa responsabilidad? Kung kaya mong magdusa, magbayad ng halaga, at matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, tiyak na mauunawaan mo ang ilang katotohanan at makakapasok ka sa ilang realidad. Kung hindi ka humihingi ng tulong o umaasa sa Diyos, at sinusukuan mo ang sarili mo nang hindi ka nagsisikap kahit paano o nagbabayad ng halaga, at sumusuko ka na lang, ikaw ay isang walang silbi, at wala ka ni katiting na konsensiya at katwiran. Mahina man o mahusay ang iyong kakayahan, kung mayroon ka mang kaunting konsensiya at katwiran, dapat mong tapusin nang wasto ang dapat mong gawin at ang iyong misyon; ang pagtakas ay isang mahirap na bagay at isang pagtataksil sa Diyos. Hindi na ito maitatama pa. Ang paghahangad sa katotohanan ay nangangailangan ng matatag na kalooban, at ang mga taong masyadong negatibo o mahina ay walang magagawa. Hindi nila magagawang manalig sa Diyos hanggang wakas, at, kung nais nilang matamo ang katotohanan at magkamit ng pagbabago ng disposisyon, mas maliit pa rin ang pag-asa nila. Yaon lamang mga may matibay na pagpapasya at naghahangad sa katotohanan ang magtatamo nito at magagawang perpekto ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang lahat ng tao ay may mga panahon ng pagkanegatibo; nagkakaiba-iba lang sila ayon sa tindi, tagal, at mga dahilan. Karaniwang hindi negatibo ang ilang tao pero nagiging negatibo sila kapag nahaharap sa pagkabigo at pagkakamali sa isang bagay; ang iba ay maaaring maging negatibo dahil sa maliliit na bagay, kahit na ito ay dahil lang sa sinabi ng isang tao na nakasira sa kanyang dangal. At ang ilan naman ay nagiging negatibo dahil sa mga pangyayaring medyo hindi maganda. Nauunawaan ba ng mga gayong tao kung paano mamuhay? Mayroon ba silang kabatiran? Mayroon ba silang lawak ng isipan at kagandahang-loob ng isang normal na tao? Wala. Anuman ang mga sitwasyon, hangga’t namumuhay ang isang tao sa isang tiwaling disposisyon, madalas siyang malulugmok sa ilang negatibong kalagayan. Siyempre, kung nauunawaan ng isang tao ang katotohanan at kaya niyang kumilatis ng mga bagay, ang kanyang negatibong mga kalagayan ay lalong magiging bihira at unti-unting maglalaho habang lumalago ang tayog niya, na sa huli ay ganap na mawawala. Iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan, hindi tumatanggap sa katotohanan, ay magkakaroon ng paparaming negatibong emosyon, negatibong kalagayan, at negatibong kaisipan at saloobin, na lalong lalala habang naiipon ang mga ito, at kapag nalunod na sila sa mga ito, hindi na sila makakabangon, na napakamapanganib. Kaya, napakahalaga ng agarang paglutas sa pagkanegatibo. Para malutas ang pagkanegatibo, kailangang maagap na hanapin ng isang tao ang katotohanan; ang pagbabasa at pagninilay sa mga salita ng Diyos habang nagpapanatili ng isang payapang kalooban sa presensiya ng Diyos ang aakay sa kanya papunta sa pagkakamit ng kaliwanagan at pagtanglaw, na nagtutulot na maunawaan ng isang tao ang katotohanan at makilatis niya ang diwa ng pagkanegatibo, kaya malulutas ang problema ng pagkanegatibo. Kung kumakapit ka pa rin sa sarili mong mga kuru-kuro at pangangatwiran, isa kang malaking hangal, at ikakamatay mo ang kahangalan at kamangmangan mo. Anuman ang mangyari, ang paglutas ng pagkanegatibo ay dapat na maagap, hindi pasibo. Iniisip ng ilang tao na kapag lumitaw ang pagkanegatibo, dapat lang nila itong balewalain; kapag naging masaya na silang muli, ang kanilang pagkanegatibo ay natural na magiging kagalakan. Isa itong pantasya; kung walang paghahanap o pagtanggap sa katotohanan, hindi kusang mawawala ang pagkanegatibo. Kahit na makalimutan mo ito at wala kang maramdaman sa puso mo, hindi ibig sabihin nito na nalutas na ang ugat ng pagkanegatibo mo. Sa sandaling lumitaw ang tamang sitwasyon, babalik ito, na isang pangkaraniwang pangyayari. Kung ang isang tao ay matalino at may katwiran, dapat na agad niyang hanapin ang katotohanan kapag lumitaw ang pagkanegatibo at gamitin niya ang pamamaraan ng pagtanggap sa katotohanan para lutasin ito, kaya malulutas ang pinakaugat ng isyu ng pagkanegatibo. Ang lahat ng madalas na negatibo ay ganoon dahil hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, ang pagkanegatibo ay kakapit sa iyo na parang isang diyablo, gagawin ka nitong palaging negatibo, na magdudulot sa iyo na magkaroon ng mga emosyon ng pagsuway, kawalan ng kasiyahan, at hinanakit sa Diyos, hanggang sa magkaroon ka ng alitan sa Diyos at kumokontra at nagpoprotesta ka na laban sa Kanya—iyan ang oras na narating mo na ang katapusan, at malalantad na ang pangit mong mukha. Sisimulan ka nang ilantad, himayin, at iklasipika ng mga tao, at ngayong nahaharap ka na sa madilim na realidad, saka ka lang makakaramdam ng pagsisisi; saka ka babagsak at sisimulan mong hampasin ang dibdib mo dahil sa kapighatian—maghintay ka lang at matatanggap mo ang kaparusahan ng Diyos! Bukod sa nagpapahina sa mga tao ang pagkanegatibo, idinudulot din nito na magreklamo sila tungkol sa Diyos, husgahan ang Diyos, itatwa ang Diyos, at direktang kumontra at magprotesta pa nga laban sa Diyos. Kaya, kung naantala ang paglutas sa pagkanegatibo ng isang tao, kapag nagbunyag na sila ng mga lapastangang salita at sumalungat sila sa disposisyon ng Diyos, napakalubha ng mga kahihinatnan. Kung malugmok ka sa pagkanegatibo at magkikimkim ka ng mga reklamo dahil sa isang pangyayari, isang parirala, o isang kaisipan o pananaw, ipinapakita nito na baluktot ang pagkaunawa mo sa usapin, at mayroon kang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol dito; tiyak na ang mga pananaw mo tungkol sa usaping ito ay hindi umaayon sa katotohanan. Sa puntong ito, kailangan mong hanapin ang katotohanan at harapin ito nang tama, nagsusumikap na agad na itama ang mga maling kuru-kuro at ideya sa lalong madaling panahon, hindi hinahayaan ang sarili mo na magapos at malihis ng mga kuru-kurong ito sa isang kalagayan ng pagsuway, kawalan ng kasiyahan, at hinanakit sa Diyos. Napakahalaga ng agarang paglutas sa pagkanegatibo, at napakahalaga rin ng ganap na paglutas dito. Siyempre, ang pinakamainam na paraan para lutasin ang pagkanegatibo ay ang hanapin ang katotohanan, magbasa ng higit pang mga salita ng Diyos, at lumapit sa Diyos para hanapin ang Kanyang kaliwanagan. Minsan, maaaring pansamantala ay hindi mo kayang baliktarin ang mga kaisipan at pananaw mo, pero sa pinakamababa, dapat mong malaman na mali ka at na baluktot ang mga kaisipan mong ito. Sa ganitong paraan, ang pinakamaliit na resulta ay na ang mga maling kaisipan at pananaw na ito ay hindi makakaapekto sa katapatan mo sa paggawa ng tungkulin mo, hindi makakaapekto sa ugnayan mo sa Diyos, at hindi makakaapekto sa paglapit mo sa Diyos para sabihin ang nilalaman ng puso mo at manalangin ka—sa pinakamababa, ito ang resultang dapat makamit. Kapag nalulunod ka sa pagkanegatibo at nakakaramdam ka ng pagsuway at kawalan ng kasiyahan, at nagkikimkim ka ng mga reklamo tungkol sa Diyos, pero ayaw mong hanapin ang katotohanan para malutas ito, iniisip mong normal ang ugnayan mo sa Diyos kahit na ang totoo ay malayo sa Diyos ang puso mo at ayaw mo nang basahin ang Kanyang mga salita o magdasal, hindi ba’t naging malubha na ang problema? Sinasabi mo, “Gaano man ako kanegatibo, hindi nahadlangan ang pagtupad ko sa tungkulin at hindi ko tinalikuran ang mga responsabilidad ko. Tapat ako!” Wasto ba ang mga salitang ito? Kung madalas kang negatibo, hindi ito usapin ng isang tiwaling disposisyon; may mas malulubhang isyu, iyon ay na mayroon kang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, maling pagkaunawa sa Kanya, at lumikha ka ng mga hadlang sa pagitan mo at ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan para lutasin ito, napakamapanganib nito. Paano masisiguro ng isang tao ang tapat niyang paggawa sa tungkulin niya hanggang sa wakas at nang walang kapabayaan kung madalas siyang negatibo? Pwede bang kusang mawala o maglaho ang pagkanegatibo kung hindi ito lulutasin? Kung hindi hahanapin nang maagap ng isang tao ang katotohanan para sa isang solusyon, ang pagkanegatibo ay patuloy na lalala at lalo pang lulubha. Ang mga kahihinatnan nito ay magiging mas mapanganib. Tiyak na hindi sila uusad sa isang positibong direksiyon; lalo lamang lalala ang mga ito. Samakatwid, kapag lumilitaw ang pagkanegatibo, dapat agad mong hanapin ang katotohanan para lutasin ito; tanging ito ang makakatiyak na magagawa mo nang maayos ang mga tungkulin mo. Ang paglutas sa pagkanegatibo ay napakahalaga, hindi ito maaaring ipagpaliban!

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 17

Madalas na nasa ganitong kalagayan ang mga tao. Naghahangad lang sila ng mga pagpapala at ng isang putong, o hindi kaya ay—matapos makaranas ng ilang beses ng pagkabigo—iniisip nila na hindi nila kaya ang gampanin, at na hinatulan na rin sila ng Diyos. Mali ito. Kung kagyat mong mababago ang mga bagay-bagay, mababago ang iyong puso at isipan, mabibitiwan ang kasamaang nagawa ng iyong mga kamay, makababalik sa harapan ng Diyos, makakapagtapat at makakapagsisisi sa Diyos, makikilala na ang iyong mga kilos at ang landas na nilalakaran mo ay mali, at maaamin ang sarili mong mga pagkukulang, kung gayon ay magsagawa ayon sa landas na itinuro sa iyo ng Diyos, nang hindi sinusukuan ang paghahangad sa katotohanan gaano ka man karumi, kung gayon ay tama ang ginagawa mo. Sa panahon ng pagdanas ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon at pagkakaligtas, kinakailangang humarap ng mga tao sa maraming paghihirap. Halimbawa, ang hindi makapagpasakop sa mga sitwasyong inilatag ng Diyos, ang kanilang iba’t ibang pansariling kaisipan, pananaw, imahinasyon, tiwaling disposisyon, kaalaman at kaloob, o di-kaya’y ang iba’t iba nilang personal na problema o pagkakamali. Dapat mong labanan ang lahat ng uri ng paghihirap. Sa sandaling mapagtagumpayan mo ang sari-saring paghihirap at kalagayang ito, at kapag tapos na ang labanan sa iyong puso, magtataglay ka na ng mga katotohanang realidad, hindi ka na maigagapos ng mga bagay na ito, at makakaalpas at makakalaya ka na. Ang isang problemang madalas na makaharap ng mga tao habang nasa prosesong ito ay na iniisip na nilang mas mahusay sila kaysa sa ibang mga tao bago pa man nila matuklasan ang mga problema sa kanilang sarili, at na pagpapalain sila kahit na ang iba ay hindi, tulad lamang ni Pablo. Kapag natuklasan nila ang kanilang mga problema, iniisip nilang wala silang kuwenta, at na katapusan na nila. Palaging may dalawang sukdulan. Dapat mong mapagtagumpayan ang dalawang sukdulang ito, upang hindi ka malihis. Kapag nahaharap ka sa isang paghihirap, kahit pa alam mo nang lubhang mahirap solusyunan ang problemang ito, at magiging mahirap ayusin, dapat mo itong harapin nang wasto, humarap sa Diyos at hingin ang Kanyang tulong sa pag-aayos nito, at sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, solusyunan ito nang paunti-unti, gaya ng mga langgam na kumakagat sa buto, at baguhin mo ang kalagayang ito. Dapat kang magsisi sa Diyos. Ang pagsisisi ay isang katunayan na may puso kang tumatanggap sa katotohanan at may isang saloobin ng pagpapasakop, na nangangahulugang may pag-asang matatamo mo ang katotohanan. At kung, sa gitna nito, may lumitaw pang dagdag na mga paghihirap, huwag kang matakot. Magmadaling manalangin sa Diyos at umasa sa Kanya; palihim na nanonood at naghihintay sa iyo ang Diyos, at hangga’t hindi ka umaalis sa tagpo, daloy, at saklaw ng Kanyang gawaing pamamahala, may pag-asa ka pa—hinding-hindi ka dapat sumuko. Kung ang ipinapakita mo lang ay isang normal na tiwaling disposisyon, kung gayon, hangga’t nauunawaan mo ito at natatanggap ang katotohanan, at naisasagawa ang katotohanan, darating ang araw na malulutas ang mga problemang ito. Dapat kang sumampalataya rito. Ang Diyos ang katotohanan—bakit kailangan mong mangambang hindi malulutas ang munting problemang ito? Malulutas ang lahat ng ito, kaya bakit ka magiging negatibo? Hindi ka sinukuan ng Diyos, kaya bakit mo susukuan ang iyong sarili? Hindi ka dapat sumuko, at hindi ka dapat maging negatibo. Dapat mong harapin nang maayos ang problema. Dapat alam mo ang mga normal na batas para sa buhay pagpasok, at makita ang pagbubunyag at pagpapamalas ng isang tiwaling disposisyon, pati na ang paminsan-minsan na pagiging negatibo, kahinaan, at pagkalito, bilang mga normal na bagay. Matagal at paulit-ulit ang proseso sa pagbabago ng disposisyon ng isang tao. Kapag malinaw sa iyo ang puntong ito, magagawa mong harapin nang maayos ang mga problema. Minsan, lubhang nagpapakita nang kusa ang iyong tiwaling disposisyon, at nasusuklam ang sinumang nakakakita nito, at kinamumuhian mo ang iyong sarili. O kaya naman, minsan ay masyado kang kampante at dinidisiplina ka ng Diyos. Hindi ito dapat ikatakot. Hangga’t dinidisiplina ka ng Diyos, hangga’t nagmamalasakit at pumoprotekta Siya sa iyo, gumagawa pa rin sa iyo, at laging kasama mo, pinatutunayan nito na hindi ka sinukuan ng Diyos. Kahit na may mga pagkakataong pakiramdam mo ay iniwan ka ng Diyos, at inilubog ka sa kadiliman, huwag matakot: Hangga’t buhay ka pa rin at wala sa impiyerno, may pagkakataon ka pa. Subalit kung katulad ka ni Pablo, na matigas ang ulong tinahak ang landas ng isang anticristo, at sa huli ay pinatototohanan na para sa kanya ang mabuhay ay si cristo, katapusan mo na. Kung magigising ka sa katotohanan, may pagkakataon ka pa. Ano pang pagkakataon ang mayroon ka? May pagkakataon ka pang lumapit sa harapan ng Diyos, at makakapagdasal ka pa rin sa Diyos at makahahanap, sinasabing “O Diyos! Pakiusap, bigyan Mo po ako ng kaliwanagan upang maunawaan ko ang aspektong ito ng katotohanan, at ang aspektong ito ng landas ng pagsasagawa.” Hangga’t ikaw ay isa sa mga sumusunod sa Diyos, may pag-asa ka sa kaligtasan, at mararating mo ang pinakadulo. Malinaw na ba ang mga salitang ito? Malamang pa rin bang maging negatibo ka? (Hindi.) Kapag nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, maluwang ang kanilang landas. Kung hindi nila nauunawaan ang Kanyang mga layunin, makitid ito, may kadiliman sa kanilang mga puso, at wala silang landas na tatahakin. Ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay ang mga sumusunod: Makikitid ang kanilang isip, lagi silang nagbubusisi, at lagi silang nagrereklamo at mali ang pagkaunawa nila sa Diyos. Dahil dito, habang lalo silang naglalakad nang malayo, lalo namang naglalaho ang kanilang landas. Sa totoo lang, hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos. Kung itatrato ng Diyos ang mga tao gaya ng nasa imahinasyon nila, matagal na sanang nalipol ang sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Matukoy ang Kalikasang Diwa ni Pablo

Ang mga tao ay may satanikong kalikasan; sa isang satanikong disposisyong pamumuhay, mahirap iwasan ang mga negatibong kalagayan. Lalo na kapag hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, nagiging karaniwang pangyayari ang pagkanegatibo. Lahat naman ng tao ay may mga panahon ng pagkanegatibo; mas madalas ito para sa ilan, mas madalang naman para sa ilan, mas matagal para sa ilan, at mas maikli naman para sa ilan. Magkakaiba ang tayog ng mga tao, pati na rin ang mga kalagayan nila ng pagkanegatibo. Ang mga tao na may mas mataas na tayog ay nagiging medyo negatibo lang kapag nahaharap sila sa mga pagsubok, samantalang ang mga tao na may mas mababang tayog, hindi pa nakakaunawa sa katotohanan, ay hindi makakilatis kapag nagpapakalat ang ibang tao ng ilang kuru-kuro o nagsasabi ng mga walang katotohanang bagay; maaari pa rin silang maguluhan, maimpluwensiyahan, at maging negatibo. Anumang problemang lumilitaw ay pwedeng humantong sa pagkanegatibo nila, kahit ang maliliit na usapin na hindi na nararapat pang banggitin. Paano dapat lutasin ang isyung ito ng madalas na pagkanegatibo? Kung ang mga tao ay hindi alam kung paano hanapin ang katotohanan, kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, o magdasal sa Diyos, nagiging malaking problema ito; maaari lang silang umasa sa suporta at tulong ng mga kapatid. Kung walang makakatulong o kung hindi tumatanggap ng tulong ang isang tao, maaaring manatili silang napakanegatibo hanggang sa hindi na sila makabawi at maaaring tumigil pa nga sila sa pananampalataya. Tingnan ninyo, napakapanganib para sa isang tao na palaging magkaroon ng mga kuru-kuro at madaling maging negatibo. Gaano man makipagbahaginan sa gayong mga tao tungkol sa katotohanan, hindi nila ito tinatanggap, palagi nilang iginigiit na tama ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon; malaki silang problema. Gaano ka man kanegatibo, dapat mong maunawaan sa puso mo na ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro ay hindi nangangahulugang nakaayon ang mga ito sa katotohanan; nangangahulugan ito na may problema sa pagkaarok mo. Kung may kaunti kang katwiran, hindi mo dapat ipakalat ang mga kuru-kurong ito; maski ito man lang ay dapat na itaguyod ng mga tao. Kung mayroon kang kaunting may-takot-sa-Diyos na puso at kaya mong aminin na isa kang tagasunod ng Diyos, dapat mong hanapin ang katotohanan para malutas mo ang mga kuru-kuro mo, makapagpasakop ka sa katotohanan, at makaiwas na magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan. Kung hindi mo ito magawa at iginigiit mong magpakalat ng mga kuru-kuro, nawala ka na sa katwiran; hindi normal ang isipan mo, sinasapian ka ng mga demonyo, wala kang kontrol sa sarili mo, at dahil pinapangibabawan ka ng mga demonyo, sinasabi at ipinapakalat mo ang mga kuru-kurong ito anuman ang mangyari—wala nang magagawa pa rito, gawa ito ng masasamang espiritu. Kung may kaunti kang konsensiya at katwiran, dapat mong magawa ito: huwag magpakalat ng mga kuru-kuro, at huwag guluhin ang mga kapatid. Kahit na maging negatibo ka, hindi ka dapat gumawa ng mga bagay na nakakapinsala sa mga kapatid; dapat gampanan mo lang nang maayos ang tungkulin mo, gawin ang nararapat mong gawin, at tiyaking hindi ka makokonsensiya—ito ang batayang pamantayan ng pagiging isang tao. Kahit na negatibo ka kung minsan, pero wala ka namang anumang ginawa na lampas sa mga hangganan, hindi pagtutuunan ng Diyos ang pagkanegatibo mo. Hangga’t may konsensiya at katwiran ka, hangga’t kaya mong magdasal at umasa sa Diyos, at hanapin ang katotohanan, sa huli ay mauunawaan mo ang katotohanan at makakapagbago ka. Kung haharap ka sa malalaking pangyayari, tulad ng pagkakatanggal at pagkakatiwalag dahil sa hindi paggawa ng totoong gawain bilang isang lider, at pakiramdam mo ay wala ka nang pag-asang maligtas, at naging negatibo ka—sobrang negatibo hanggang sa puntong hindi ka na makabawi, pakiramdam mo ay kinondena at isinumpa ka na, at nagkakaroon ka na ng mga maling pagkaunawa at reklamo laban sa Diyos—ano ang dapat mong gawin? Napakadaling pangasiwaan nito: Humanap ng ilang tao na nakakaunawa sa katotohanan para makipagbahaginan ka sa kanila at maghanap ka kasama nila, at sabihin sa mga tao na ito ang laman ng puso mo; ang mas mahalaga, lumapit ka sa Diyos para magdasal nang tapat tungkol sa mga sandali ng pagkanegatibo at kahinaan, pati na rin sa ilang bagay na hindi mo nauunawaan at hindi mapagtagumpayan, isa-isahin mo ang mga ito—makipagbahaginan ka sa Diyos, huwag magtago ng anuman. Kung may mga bagay na hindi mo masabi sa iba, lalo’t higit na dapat kang lumapit sa Diyos para magdasal. Itinatanong ng ilang tao, “Hindi ba’t ang pakikipag-usap sa Diyos ay humahantong sa pagkondena?” Hindi ba’t marami ka nang ginawang laban sa Diyos at karapat-dapat ka sa Kanyang pagkondena? Bakit mag-aalala ka pa na madagdag ang isang bagay na ito? Sa tingin mo ba, kung hindi ka magsasalita, hindi malalaman ng Diyos? Alam ng Diyos ang lahat ng iniisip mo. Dapat ay tapat kang makipagbahaginan sa Diyos, ilahad mo ang lahat ng nasa puso mo, ipahayag mo sa Kanya nang tapat ang mga problema at kalagayan mo. Pwede mong sabihin sa Diyos ang lahat ng kahinaan, paghihimagsik, at kahit pa ang mga reklamo mo; kahit gusto mo lang maglabas ng sama ng loob, ayos lang iyon—hindi ito kokondenahin ng Diyos. Bakit hindi ito kinokondena ng Diyos? Alam ng Diyos ang tayog ng tao; kahit hindi ka makipag-usap sa Kanya, alam pa rin Niya ang tayog mo. Sa isang banda, sa pakikipag-usap sa Diyos, ito ang pagkakataon mo na magtapat at maging bukas sa Diyos. Sa kabilang banda, ipinapakita rin nito ang saloobin mo ng pagpapasakop sa Diyos; kahit paano, ipinapakita mo sa Diyos na hindi sarado ang puso mo sa Kanya, mahina ka lang, wala kang sapat na tayog para mapagtagumpayan ang usaping ito, iyon lang. Hindi mo intensiyon na lumaban; ang saloobin mo ay magpasakop, pero masyadong maliit ang tayog mo, at hindi mo makayanan ang usaping ito. Kapag lubos mong binuksan ang puso mo sa Diyos at nagawa mong makipag-usap sa Kanya nang tapat, bagama’t maaaring may kasamang kahinaan at mga reklamo ang sinasabi mo—at sa partikular, mayroon itong maraming negatibo at hindi kanais-nais na bagay—may isang bagay na tama rito: Inaamin mong may tiwali kang disposisyon, inaamin mong isa kang nilikha, hindi mo itinatanggi ang pagkakakilanlan ng Diyos bilang ang Lumikha, ni itinatanggi na ang ugnayan mo sa Diyos ay ang ugnayan ng isang nilikha sa Lumikha. Ipinagkakatiwala mo sa Diyos ang mga bagay na pinakanahihirapan kang mapagtagumpayan, ang mga bagay na pinakanagpapahina sa iyo, at sinasabi mo sa Diyos ang lahat ng nasa pinakakaibuturan ng damdamin mo—ipinapakita nito ang saloobin mo. Sinasabi ng ilang tao, “Minsan ay nagdasal ako sa Diyos, pero hindi nito nalutas ang pagkanegatibo ko. Hindi ko pa rin ito malampasan.” Hindi bale, kailangan mo lang na taimtim na hanapin ang katotohanan. Kahit gaano karami ang nauunawaan mo, unti-unti kang palalakasin ng Diyos, at hindi ka na magiging kasinghina nang gaya noong simula. Gaano man katindi ang kahinaan at pagkanegatibo mo, o gaano man karami ang mga reklamo at hindi kanais-nais na emosyong mayroon ka, makipag-usap ka sa Diyos, huwag mong tratuhin ang Diyos na isang tagalabas; kahit kanino ka man magtago ng mga bagay, huwag kang magtago ng kahit ano sa Diyos, dahil ang Diyos lang ang maaasahan mo at Siya rin ang tanging kaligtasan mo. Tanging sa paglapit sa Diyos malulutas ang mga problemang ito; walang silbi ang pag-asa sa mga tao. Kaya, kapag nahaharap ang mga tao sa pagkanegatibo at kahinaan, silang mga lumalapit sa Diyos at umaasa sa Kanya ang pinakamatatalino. Tanging ang mga taong hangal at matitigas ang ulo, kapag nahaharap sa mga mahalaga at kritikal na kaganapan at kinakailangang ilahad sa Diyos ang nilalaman ng puso nila, ang lalong lumalayo at umiiwas sa Diyos, nagpaplano sila sa isipan nila. At ano ang resulta ng lahat ng pagpaplanong ito? Ang pagkanegatibo at mga reklamo nila ay nagiging pagkontra, at ang pagkontra ay nagiging pakikipag-alitan at pagpoprotesta laban sa Diyos; nagiging ganap na hindi kasundo ng Diyos ang mga taong ito, at lubusang napuputol ang ugnayan nila sa Diyos. Gayumpaman, kapag nahaharap ka sa gayong pagkanegatibo at kahinaan, kung magagawa mo pa ring piliin na lumapit sa Diyos para hanapin ang katotohanan, at piliing magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at nagkakaroon ka ng tunay na mapagpasakop na saloobin, kung gayon, dahil nakikitang tunay na gusto mo pa ring magpasakop sa Kanya kahit na negatibo at mahina ka, malalaman ng Diyos kung paano ka gagabayan, para akayin ka palabas sa pagkanegatibo at kahinaan mo. Pagkatapos magkaroon ng mga ganitong karanasan, magkakaroon ka ng tunay na pananalig sa Diyos, mararamdaman mo na anumang mga suliranin ang kinakaharap mo, hangga’t hinahanap mo ang Diyos at hinihintay mo Siya, magsasaayos Siya ng isang daan palabas para sa iyo nang hindi mo namamalayan, na magbibigay-daan para hindi sinasadyang makita mo na nagbago na ang mga sitwasyon, kaya hindi ka na mahina kundi matatag, at lalakas ang pananalig mo sa Diyos. Kapag pinagninilayan mo ang mga pangyayaring ito, mararamdaman mong napakababaw ng kahinaan mo noong panahong iyon. Sa katunayan, sadyang ganoon kababaw ang mga tao, at kung wala ang suporta ng Diyos, hindi sila kailanman yayabong mula sa kanilang kababawan at kamangmangan. Sa pamamagitan lang ng unti-unting pagtanggap at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa proseso ng pagdanas ng mga bagay na ito, sa positibo at aktibong pagharap sa mga katunayang ito, paghahanap sa mga prinsipyo, paghahanap sa mga layunin ng Diyos, hindi pag-iwas o paglayo sa Diyos, o pagiging mapaghimagsik laban sa Diyos, kundi pagiging mas mapagpasakop, na patuloy na nababawasan ang pagiging mapaghimagsik, nagiging mas malapit sa Diyos, at mas nagagawang magpasakop nang husto sa Diyos—tanging sa pagdanas lang nang ganito unti-unting lumalago at yumayabong ang buhay ng isang tao, ganap na lumalago sa tayog ang isang tao na nasa wastong gulang na.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 17

Huwag kang maging walang-pakialam na tagasunod ng Diyos, at huwag habulin yaong nakakaganyak sa iyo. Sa pagiging sala sa init o sala sa lamig sisirain mo ang sarili mo at maaantala ang buhay mo. Alisin mo sa iyong sarili ang gayong pagiging walang-pakialam at kawalan-ng-pagkilos, at maging dalubhasa sa paghahabol ng mga positibong bagay at mapagtagumpayan ang iyong sariling mga kahinaan, upang maaari mong matamo ang katotohanan at isabuhay ang katotohanan. Walang nakakatakot tungkol sa iyong mga kahinaan, at ang iyong mga pagkukulang ay hindi ang iyong pinakamalaking problema. Ang iyong pinakamalaking problema, at ang iyong pinakamatinding pagkukulang, ay ang iyong pagiging hindi mainit ni malamig at ang kakulangan ng iyong pagnanasa na hanapin ang katotohanan. Ang pinakamalaking problema sa inyong lahat ay ang duwag na kaisipan kung saan ay masaya na kayo sa kalagayan ng mga bagay-bagay, at naghihintay lang nang walang ginagawang hakbang. Ito ang inyong pinakamalaking balakid, at ang pinakamatinding kaaway sa inyong paghahangad sa katotohanan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

Dapat mong maabot ang isang punto kung saan, anumang mga pangyayari ang nakahaharap mo, hindi mababago ng mga ito ang kapasyahan mo. Saka ka lang magiging isang taong tunay na nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Kung ikaw ay umaatras, nagiging negatibo at nalulumbay, at binibitiwan mo ang iyong determinasyon kapag may nangyayari sa iyo at nakatatagpo ka ng kaunting paghihirap, hindi ito maaari. Dapat mong taglayin ang lakas ng isang taong handang itaya ang kanyang buhay, at sabihin na, “Anuman ang mangyari—kahit na mamatay ako, hindi ko pababayaan ang katotohanan o ang aking layon na hangarin ang katotohanan.” Pagkatapos ay wala nang makakapigil sa iyo. Kung talagang makatatagpo ka ng mga paghihirap, at maiipit sa isang mahirap na sitwasyon, kikilos ang Diyos. Bukod dito, kailangang mayroon ka ng pagkaunawang ito: “Anuman ang mararanasan ko, ang lahat ng ito ay mga aral na dapat kong matutunan sa aking paghahangad sa katotohanan—isinaayos ang mga ito ng Diyos. Maaaring mahina ako, pero hindi ako negatibo, at nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong matutunan ang mga aral na ito. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagsasaayos ng sitwasyong ito para sa akin. Hindi ko pwedeng bitiwan ang aking determinasyon na sundan ang Diyos at kamtin ang katotohanan. Kung bibitiwan ko ang aking determinasyon, katulad lang iyon ng pagsuko kay Satanas, pagpapahamak sa aking sarili, at pagkakanulo sa Diyos.” Ito ang uri ng kapasyahan na dapat mayroon ka. Anuman ang maliliit na bagay na nararanasan mo, lahat ito ay maliliit na kaganapan sa pag-unlad ng iyong buhay. Hindi mo dapat hayaan ang mga ito na harangan ang direksyon ng iyong pag-usad. Kapag nakatatagpo ka ng mga paghihirap, maaari kang maghanap at maghintay, ngunit hindi dapat magbago ang direksyon ng pag-usad mo, hindi ba’t tama iyon? (Tama.) Anuman ang sabihin ng iba, o paano ka man nila tratuhin, at paano ka man tratuhin ng Diyos, hindi dapat magbago ang kapasyahan mo. Kung sasabihin ng Diyos na, “Hindi mo talaga tinatanggap ang katotohanan, kinasusuklaman kita,” at sasabihin mong, “Nasusuklam ang Diyos sa akin, kaya ano na ang kabuluhan ng buhay ko? Mabuti pang mamatay na lang ako at matapos na ito!” magiging mali ang pagkaunawa mo sa Diyos. Totoong kinasusuklaman ka ng Diyos, ngunit dapat kang magpatuloy, dapat mong tanggapin ang katotohanan, at dapat mong tuparin ang iyong tungkulin. Kung gayon, hindi ka magiging walang kwenta at hindi ka itataboy ng Diyos. Ngayon, napakaliit pa rin ng tayog ninyo at hindi pa ninyo naaabot ang mga pamantayang kinakailangan para subukin kayo ng Diyos. Ano ang tanging magagawa ninyo? Dapat kayong manalangin: “Diyos ko, gabayan Mo ako at bigyang-liwanag Mo po ako upang maunawaan ko ang mga layunin Mo, at magkaroon ng pananalig at tiyaga na tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, at upang matakot ako sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Bagamat mahina ako at kulang sa gulang ang aking tayog, nakikiusap po ako sa Iyo na bigyan Mo ako ng lakas at protektahan ako upang masundan Kita hanggang sa huli.” Dapat kang lumapit sa Diyos nang madalas upang manalangin. Maaaring nananabik ang ibang tao ng mga makamundong bagay, binibigyang-layaw ang kanilang laman, at sumusunod sa mga makamundong kalakaran, ngunit hindi mo sila dapat samahan—tumuon ka lang sa paggampan ng iyong sariling tungkulin. Kapag negatibo ang pakiramdam ng iba at hindi nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, hindi ka dapat makaramdam na napipigilan ka, at dapat mong hanapin ang katotohanan upang matulungan sila. Kapag nagpapakasasa ang iba sa kaginhawahan, hindi mo sila dapat kainggitan, ang dapat mo lang alalahanin ay ang pamumuhay sa harap ng Diyos. Kapag hinahangad ng iba ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, dapat mo silang ipagdasal at tulungan sila, patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos at huwag hayaang maimpluwensyahan ka ng mga bagay na ito. Anuman ang mangyari sa paligid mo, dapat kang manalangin sa Diyos tungkol sa lahat ng bagay. Dapat lagi mong hanapin ang katotohanan, pigilan ang iyong sarili, tiyakin na namumuhay ka sa presensiya ng Diyos, at dapat lagi kang mayroong normal na ugnayan sa Diyos. Sinusuri ng Diyos ang mga tao sa lahat ng oras, at gumagawa ang Banal na Espiritu sa loob ng ganitong mga uri ng tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya

Kasalukuyang nakalugmok ang ilang tao sa pagkanegatibo, pero kaya pa rin nilang gawin ang tungkulin nila nang may saloobin ng “mananatiling tapat sa Diyos hanggang sa wakas, anuman ang aking kalalabasan.” Sinasabi Ko na isa itong pagbabago, pero kayo mismo ay hindi ito nakikilala. Sa katunayan, kung susuriin ninyong mabuti ang sarili ninyo, dapat ninyong makita na nagbago na ang ilang bahagi ng mga tiwaling disposisyon ninyo. Gayumpaman, palagi ninyong sinusukat ang sarili ninyo batay sa pinakamataas na pamantayang hinihingi, at bilang resulta, hindi lamang kayo nabibigong maabot ang pinakamataas na pamantayan, binabalewala rin ninyo ang mga pagbabagong naranasan na ninyo. Isa itong paglihis sa mga tao. Kung isa ka talagang taong kayang matukoy ang tama sa mali, kung gayon ay dapat mo ring suriin kung aling mga aspekto ng sarili mo ang nagbago. Hindi mo lamang makikita ang mga pagbabago sa sarili mo kundi makakahanap ka rin ng landas ng pagsasagawa para sa hinaharap. Sa panahong iyon, makikita mo na hangga’t nagsisikap ka, may pag-asa pa; hindi ka isang taong hindi na matutubos. Sinasabi Ko ito ngayon sa iyo: Ang mga nakakaharap nang tama sa mga problema nila, at kayang hanapin ang katotohanan para malutas ang mga isyu, ay may pag-asang maligtas at makakaalis sa pagkanegatibo. Sinusukuan mo ang katotohanan dahil naniniwala kang hindi ka na matutubos. Kaya, anong klaseng tao ang pwedeng matubos, at anong klaseng tao ang hindi pwedeng matubos? Isa itong katotohanan na, sa pinakamababa, dapat mong maunawaan. Hangga’t hindi sinusukuan ng mga tao ang katotohanan, ililigtas sila ng Diyos hanggang sa sukdulan. Hindi mo ba talaga ito nauunawaan? Kung nalilito ka sa gayon kapundamental na katotohanan—hindi ba’t masyado kang nagiging hangal at mangmang? Sinabi na noon: “Kailanman, palaging tama ang paghahangad sa pagbabago sa disposisyon.” Nakalimutan mo na ba ang mga salitang ito? Naaalala mo lang na minsang sinabi ng Diyos na “kaunting-kaunti lang” ang mga maliligtas, kaya iniisip mong wala kang pag-asa. Hindi mo ba kayang magpakita ng kaunting determinasyon? Marahil, hindi ito dahil sa hindi mo kayang isagawa ang katotohanan, kundi dahil isinuko mo na ang pagkakataong isagawa ang katotohanan. Kung isusuko mo ang katotohanan, pwede ka pa bang magbago? Kung isusuko mo ang katotohanan, ano na ang kahalagahan ng pananalig mo sa Diyos? Kapag isinuko mo ang paghahangad sa katotohanan, natural na maghahari ang mga negatibong bagay sa puso mo—paano ka hindi magiging negatibo kung ganito ang mangyayari? Kung mahigpit mong panghahawakan ang katotohanan, natural kang magkakaroon ng determinasyon. Kaya, sinasabi Ko pa rin sa iyo: Dapat mong tingnan nang tama ang sarili mo at huwag mong sukuan ang katotohanan.

—Pagbabahagi ng Diyos

Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi isang bagay na biglaang nangyayari, o isang bagay na natatamo pagkatapos ng ilang taon ng karanasan. May ilang taong madalas na nabibigo at nadarapa kapag sinisimulan nilang baguhin ang masasama nilang gawi, at naiisip nilang: “Tapos na ako. Wala na akong pag-asa. Hindi para sa akin ang pagbabago sa disposisyon, imposible para sa aking magbago. Kung napakahirap para sa aking baguhin kahit ang maliliit na kapintasan o masasamang gawing ito, tiyak na lalo pang magiging mahirap na baguhin ang aking disposisyon”? Nagiging negatibo sila, pakiramdam nila ay wala na silang pag-asa, at ayaw nilang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa loob ng mahabang panahon. Sa tuwing pinupungusan sila ng sinuman, naiinis at nagiging negatibo sila, ayaw nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin, at ganap silang nawawalan ng interes sa katotohanan. Ano ang kalagayang ito? Isa itong malubhang problema. Kailanman ba ay nagkaroon na kayo ng ganitong uri ng karanasan? Natatakot ba kayong, sa proseso ng inyong karanasan sa buhay, palagi kayong magiging negatibo, mahina, mabibigo, at madarapa? Natatakot man kayo o hindi, totoo na hindi nangyayari nang biglaan ang pagbabago sa disposisyon. Ito ay dahil nagsisimula ang pagbabago sa disposisyon sa pinakaugat ng tiwaling kalikasan ng sangkatauhan, at isa itong radikal at ganap na pagbabago. Parang kapag nagkakaroon ang isang tao ng kanser at tinutubuan ng isang tumor: Kailangan siyang maoperahan para matanggal ang tumor, kailangan niyang tiisin ang maraming pagdurusa, at isa itong napakamasalimuot na proseso. Sa proseso ng pagbabago sa disposisyon, maaari kang magdaan sa maraming bagay bago makaunawa ng kaunti sa katotohanan o magtamo ng isang aspekto ng pagbabago sa disposisyon, o maaari kang makaranas ng maraming tao, pangyayari, bagay, at iba’t ibang kapaligiran, at makagawa ng maraming maling pagliko, bago ka magtamo ng kaunting pagbabago sa wakas. Mahalaga ang pagbabagong ito, gaano man ito kalaki, at pinahahalagahan at inaalala ito sa mga mata ng Diyos dahil matindi na ang pinagdusahan mo at malaki na ang ibinayad mong halaga para dito. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng mga puso ng mga tao, nalalaman ang kanilang mga iniisip at ninanais, at ang kanilang mga kahinaan, pero higit sa lahat, nalalaman ng Diyos kung ano ang kailangan nila. Upang sundin ang praktikal na Diyos, kailangan nating taglayin ang determinasyong ito: Gaano man katindi ang mga kapaligirang hinaharap natin, o anumang uri ng mga paghihirap ang hinaharap natin, at gaano man tayo kahina o kanegatibo, hindi tayo maaaring mawalan ng pananampalataya sa ating pagbabago sa disposisyon o sa mga salitang binigkas ng Diyos. Nangako ang Diyos sa sangkatauhan, at hinihingi nito sa mga taong magkaroon ng determinasyon, pananampalataya, at pagtitiyaga upang makayanan ito. Ayaw ng Diyos sa mga duwag; gusto Niya ang mga taong may determinasyon. Kahit pa nakapaghayag ka ng maraming katiwalian, kahit pa maraming beses ka nang nakatahak sa maling landas, o nakagawa ng maraming paglabag, nagreklamo tungkol sa Diyos, o mula sa loob ng relihiyon ay lumaban ka sa Diyos o nagkimkim ng kalapastanganan laban sa Kanya sa iyong puso, at iba pa—hindi tinitingnan ng Diyos ang lahat ng iyon. Tinitingnan lang ng Diyos kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan at kung makapagbabago siya balang araw. May kwento sa Bibliya tungkol sa pagbabalik ng alibughang anak—bakit ginamit ng Panginoong Jesus ang gayong parabula? Ito ay para ipaunawa sa mga tao na ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan ay taos-puso, at na binibigyan Niya ang mga tao ng pagkakataon na magsisi at magbago. Sa buong prosesong ito, nauunawaan ng Diyos ang tao, alam na alam Niya ang kanilang mga kahinaan at ang antas ng kanilang katiwalian. Alam Niyang madarapa at mabibigo ang mga tao. Tulad lamang ng isang batang nag-aaral na maglakad, gaano man kalakas ang kanilang katawan, palaging may mga pagkakataon na matutumba at madarapa sila, at may mga pagkakataong tatama sila sa mga bagay at matatalisod. Nauunawaan ng Diyos ang bawat tao tulad ng pagkaunawa ng isang ina sa kanyang anak. Nauunawaan niya ang mga paghihirap ng bawat tao, ang kanilang mga kahinaan, at kanilang mga pangangailangan. Higit pa roon, nauunawaan ng Diyos kung anu-ano ang mga paghihirap, kahinaan, at kabiguang kahaharapin ng mga tao sa proseso ng pagpasok sa pagbabagong disposisyonal. Ang mga ito ang mga bagay na nauunawaang mabuti ng Diyos. Ibig sabihin nito ay sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Gaano ka man kahina, basta’t hindi mo itinatakwil ang pangalan ng Diyos, o tinatalikuran Siya at ang landas na ito, lagi kang magkakaroon ng pagkakataong magtamo ng pagbabago sa disposisyon. Kung mayroon ka ng pagkakataong ito, may pag-asa kang manatiling buhay, at sa gayon ay mailigtas ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

Kaugnay na mga Himno

Tanging Pagtupad sa Iyong Tungkulin ang Makapagpapalugod sa Diyos

Gusto ng Diyos Yaong May Pagpapasiya

Ang Determinasyong Kinakailangan para Hangarin ang Katotohanan

Sinundan: 8. Paano lutasin ang problema ng pagiging imoral

Sumunod: 10. Paano lutasin ang problema ng pagiging mapagbantay laban sa Diyos at ng maling pagkaunawa sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 16: Sabi n’yo ang Makapangyarihang Diyos ang pagpapakita ng Diyos sa mga huling araw, at ang tunay na daan. Sinasabi n’yo rin na ang Diyos ang lumikha sa mundong ito, at naghahari sa kung anong nangyayari sa daigdig, na ang gawain ng Diyos ang gumabay at nagligtas sa sangkatauhan. Ano ang basehan n’yo para patotohanan ang mga sinasabi n’yo? Kaming mga taga-Partido Komunista ay pawang mga ateista, at hindi kumikilala sa pag-iral ng Diyos o sa paghahari Niya sa lahat. Lalong hindi namin kinikilala ang sinasabi n’yong pagpapakita at gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang Jesus na pinaniniwalaan ng Kristiyanismo ay malinaw na isang tao. May mga magulang Siya, at may mga kapatid. Ganunpaman, ang Kristiyanismo ay malinaw na nag-uutos na kilalanin Siyang Cristo, at sambahin bilang Diyos. Talagang hindi ito kapani-paniwala. Kagaya lang ni Jesus ang Makapangyarihang Diyos na pinaniniwalaan N’yo, malinaw na isa lang s’yang ordinaryong tao. Kaya bakit kailangan ninyong ipilit na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao? Bakit kailangan n’yong patotohanan na Siya ang Cristong Tagapagligtas ng mga huling araw na naging tao? Talagang kalokohan at kabaliwan ito hindi ba? Hindi totoo na mayroong Diyos sa mundong ito. Lalong hindi totoo na may umiiral na Diyos bilang Diyos na nagkatawang-tao. Buong tapang ninyong sinasabing ang isang ordinaryong tao ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Ano ang basehan ng sinasabi n’yong ito? Maipahahayag n’yo ba ang mga saligan, at basehan ng inyong paniniwala?

Sagot: Espiritu ang Diyos. Hindi Siya nakikita o nahahawakan ng tao. Pero maraming ginagawa ang Espiritu ng Diyos, at nagsasabi ng mga...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito