10. Paano lutasin ang problema ng pagiging mapagbantay laban sa Diyos at ng maling pagkaunawa sa Diyos
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ngayon ay hinahatulan ka ng Diyos, kinakastigo ka, at kinokondena ka, ngunit kailangan mong malaman na ang punto ng pagkondena sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay nagkokondena, nagsusumpa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, bukod pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga kinakailangan sa Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal, nagliligtas, humahatol, at kumakastigo sa tao. Kung alam mo lamang na mababa ang iyong katayuan, na ikaw ay tiwali at mapaghimagsik, ngunit hindi mo alam na ninanais ng Diyos na gawing malinaw ang Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo na Kanyang ginagawa sa iyo ngayon, wala kang paraan para makaranas ng mga bagay, lalong wala kang kakayahang patuloy na sumulong. Ang Diyos ay hindi naparito upang pumatay o manira, kundi upang humatol, sumumpa, kumastigo, at magligtas. Hanggang sa matapos ang Kanyang 6,000 taong plano ng pamamahala—bago Niya ihayag ang kalalabasan ng bawat kategorya ng tao—ang gawain ng Diyos sa lupa ay para sa pagliligtas, ang layunin nito ay para lamang gawing ganap—nang lubusan—yaong mga nagmamahal sa Kanya at mapasailalim sila sa Kanyang kapamahalaan. Paano man inililigtas ng Diyos ang mga tao, ginagawang lahat iyon sa pamamagitan ng paghiwalay sa kanila sa dati nilang satanikong kalikasan; ibig sabihin, inililigtas Niya sila sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na hangarin ang buhay. Kung hindi nila gagawin iyon, walang paraan upang matanggap nila ang pagliligtas ng Diyos. Ang pagliligtas ay ang gawain ng Diyos Mismo, at ang paghahangad sa buhay ay isang bagay na kailangang gawin ng tao upang tumanggap ng kaligtasan. Sa mga mata ng tao, ang kaligtasan ay ang pag-ibig ng Diyos, at ang pag-ibig ng Diyos ay hindi maaaring maging pagkastigo, paghatol, at mga pagsumpa; ang pagliligtas ay kailangang naglalaman ng awa, mapagmahal na kabaitan, at, bukod pa rito, ng mga salita ng kaginhawahan, gayundin ng walang-hanggang mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos. Naniniwala ang mga tao na kapag inililigtas ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon sa pamamagitan ng pag-antig sa kanila gamit ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, para maibigay nila ang kanilang puso sa Diyos. Ibig sabihin, ang Kanyang pag-antig sa tao ay pagliligtas Niya sa kanila. Ang ganitong uri ng pagliligtas ay ginagawa sa pamamagitan ng pakikipagkasundo. Kapag pinagkalooban sila ng Diyos ng isandaang beses, saka pa lamang magpapasailalim ang tao sa pangalan ng Diyos at magsisikap na gumawa ng mabuti para sa Kanya at maghatid sa Kanya ng kaluwalhatian. Hindi ito ang layon ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang Diyos ay naparito para gumawa sa lupa upang iligtas ang tiwaling sangkatauhan; walang kasinungalingan dito. Kung mayroon, tiyak na hindi sana Siya naparito upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dati-rati, ang Kanyang paraan ng pagliligtas ay may kasamang pagpapakita ng sukdulang awa at mapagmahal na kabaitan, kaya ibinigay Niya ang lahat Niya kay Satanas kapalit ng buong sangkatauhan. Ang kasalukuyan ay hindi kagaya ng nakaraan: Ang kaligtasang ipinagkaloob sa inyo ngayon ay nangyayari sa panahon ng mga huling araw, kung kailan ibinubukod ang bawat isa ayon sa uri; ang paraan ng inyong kaligtasan ay hindi awa o mapagmahal na kabaitan, kundi pagkastigo at paghatol, upang ang tao ay maaaring mas lubusang maligtas. Sa gayon, ang natatanggap lamang ninyo ay pagkastigo, paghatol, at walang-awang paghampas, ngunit dapat ninyong malaman ito: Sa walang-pusong paghampas na ito wala ni kakatiting na kaparusahan. Gaano man kabagsik ang Aking mga salita, ang sumasapit sa inyo ay iilang salita lamang na maaaring magmukhang lubos na walang puso sa inyo, at gaano man katindi ang Aking galit, ang dumarating sa inyo ay mga salita pa rin ng pagsaway, at hindi Ko layon na saktan kayo o patayin kayo. Hindi ba totoo ang lahat ng ito? Dapat ninyong malaman na sa panahong ito, matuwid na paghatol man o walang-pusong pagpipino at pagkastigo, lahat ay para sa kapakanan ng kaligtasan. Ikinaklasipika man ngayon ang bawat tao batay sa uri o mabubunyag man ang lahat ng uri ng tao, ang layunin ng lahat ng salita at gawain ng Diyos ay upang iligtas yaong mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Ang matuwid na paghatol ay pinasasapit upang dalisayin ang tao, at ang walang-pusong pagpipino ay ginagawa upang linisin sila; ang masasakit na salita o pagkastigo ay kapwa ginagawa upang magpadalisay at alang-alang sa kaligtasan. Sa gayon, ang pamamaraan ng pagliligtas ngayon ay hindi kagaya noong araw. Ngayon, inililigtas kayo sa pamamagitan ng matuwid na paghatol, at ito ay isang mabuting kasangkapan para maibukod ang bawat isa sa inyo ayon sa uri. Bukod diyan, ang malupit na pagkastigo ay nagsisilbing inyong sukdulang kaligtasan—at ano ang masasabi ninyo sa harap ng gayong pagkastigo at paghatol? Hindi ba kayo palaging nagtamasa ng pagliligtas, mula simula hanggang wakas? Nakita na ninyo ang Diyos na nagkatawang-tao at napagtanto ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan at karunungan; at saka, naranasan na ninyo ang paulit-ulit na paghampas at pagdisiplina. Gayunman, hindi ba nakatanggap din kayo ng pinakadakilang biyaya? Hindi ba mas malaki ang inyong mga pagpapala kaysa iba pa? Ang inyong mga biyaya ay mas sagana pa nga kaysa sa kaluwalhatian at mga kayamanang tinamasa ni Solomon! Pag-isipan ninyo ito: Kung ang Aking layon sa pagparito ay upang kondenahin at parusahan kayo sa halip na iligtas kayo, nagtagal kaya ang buhay ninyo? Buhay pa kaya hanggang ngayon kayong mga makasalanang nilalang na laman at dugo? Kung ang Aking mithiin ay para lamang parusahan kayo, bakit pa Ako nagkatawang-tao at nagsimula ng gayon kalaking proyekto? Hindi ba kayong mga hamak na mortal ay maaaring parusahan sa pagbigkas lamang ng iisang salita? Kakailanganin Ko pa ba kayong puksain matapos Ko kayong sadyang kondenahin? Hindi pa rin ba kayo naniniwala sa mga salita Kong ito? Maaari Ko bang iligtas ang tao sa pamamagitan lamang ng awa at mapagmahal na kabaitan? O maaari Ko bang gamitin na lamang ang pagkakapako sa krus upang iligtas ang tao? Hindi ba mas kaaya-aya ang Aking matuwid na disposisyon para magawang lubos na mapagpasakop ang tao? Hindi ba mas may kakayahan ito na lubusang iligtas ang tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao
Lahat kayo ay naninirahan sa isang lupain ng kasalanan at kahalayan, at lahat kayo ay mahalay at makasalanan. Ngayon ay hindi lamang ninyo nakikita ang Diyos, kundi ang mas mahalaga, natanggap ninyo ang pagkastigo at paghatol, natanggap ninyo itong napakalalim na pagliligtas, ibig sabihin, natanggap ninyo ang pinakadakilang pagmamahal ng Diyos. Sa lahat ng Kanyang ginagawa, totoong mapagmahal ang Diyos sa inyo. Wala Siyang masamang layon. Dahil sa inyong mga kasalanan kaya Niya kayo hinahatulan, upang suriin ninyo ang inyong sarili at tanggapin ang napakalaking pagliligtas na ito. Lahat ng ito ay ginagawa para gawing ganap ang tao. Mula simula hanggang wakas, ginagawa na ng Diyos ang Kanyang buong makakaya upang iligtas ang tao, at wala Siyang hangaring ganap na wasakin sa Kanyang sariling mga kamay ang mga taong Kanyang nilikha. Ngayon, naparito Siya sa inyo upang gumawa; hindi ba ito mas maituturing na pagliligtas? Kung kinamuhian Niya kayo, gagawa pa ba Siya ng gayon kalaking gawain upang personal kayong gabayan? Bakit Niya kailangang magdusa nang gayon? Hindi kayo kinamumuhian ng Diyos o wala Siyang anumang masamang layon sa inyo. Dapat ninyong malaman na ang pagmamahal ng Diyos ang pinakatotoong pagmamahal. Dahil lamang sa mapaghimagsik ang mga tao kaya Niya sila kailangang iligtas sa pamamagitan ng paghatol; kung hindi dahil dito, imposible silang mailigtas. Dahil hindi ninyo alam kung paano mamuhay at ni wala kayong malay kung paano mabuhay, at dahil kayo ay nabubuhay sa mahalay at makasalanang lupaing ito at kayo mismo ay mahalay at maruming mga diyablo, hindi Niya matiis na hayaan kayong maging mas masama, hindi Niya matiis na makita kayong nabubuhay sa maruming lupaing ito tulad ngayon, na tinatapak-tapakan ni Satanas kung kailan nito gusto, at hindi Niya matiis na hayaan kayong mahulog sa Hades. Nais lamang Niyang maangkin ang grupong ito ng mga tao at lubusan kayong iligtas. Ito ang pangunahing layunin ng paggawa ng gawain ng paglupig sa inyo—para lamang ito sa pagliligtas. Kung hindi mo makita na lahat ng ginawa sa iyo ay pagmamahal at pagliligtas, kung iniisip mo na isa lamang itong pamamaraan, isang paraan upang pahirapan ang tao, at isang bagay na hindi mapagkakatiwalaan, mas mabuti pang bumalik ka na sa iyong mundo upang magdanas ng pasakit at paghihirap! Kung handa kang mapasama sa daloy na ito, at masiyahan sa paghatol na ito at sa napakalawak na pagliligtas na ito, at matamasa ang lahat ng pagpapalang ito, mga pagpapalang hindi matatagpuan saanman sa mundo ng tao, at matamasa ang pagmamahal na ito, mabuti kung gayon: Mamalagi sa daloy na ito para tanggapin ang gawain ng paglupig upang magawa kang perpekto. Ngayon, maaaring nagdaranas ka ng kaunting pasakit at pagpipino dahil sa paghatol ng Diyos, ngunit may halaga at kabuluhan ang pagdanas ng pasakit na ito. Bagama’t pinipino at walang-awang inilalantad ang mga tao sa pagkastigo at paghatol ng Diyos—na ang layon ay parusahan sila para sa kanilang mga kasalanan, parusahan ang kanilang laman—wala sa gawaing ito ang nilayong isumpa ang kanilang laman hanggang sa mawasak. Ang matitinding pagsisiwalat ng salita ay para lahat sa layunin na akayin ka sa tamang landas. Personal na ninyong naranasan ang napakarami sa gawaing ito at, malinaw, hindi kayo naakay nito sa isang masamang landas! Lahat ay upang maisabuhay mo ang normal na pagkatao, at magagawa ang lahat ng ito ng iyong normal na pagkatao. Bawat hakbang ng gawain ng Diyos ay batay sa iyong mga pangangailangan, ayon sa iyong mga kahinaan, at ayon sa iyong aktwal na tayog, at walang pasaning ibinigay sa inyo na hindi ninyo kakayanin. Hindi ito malinaw sa iyo ngayon, at pakiramdam mo ay parang pinahihirapan kita, at totoong palagi kang naniniwala na kaya kita kinakastigo, hinahatulan at sinasaway araw-araw ay dahil kinamumuhian kita. Ngunit kahit ang dinaranas mo ay pagkastigo at paghatol, ang totoo ay pagmamahal ito sa iyo, at ito ang pinakamalaking proteksyon. Kung hindi mo maunawaan ang mas malalim na kahulugan ng gawaing ito, imposibleng magpatuloy ka pa sa iyong pagdanas. Ang pagliligtas na ito ay dapat maghatid sa iyo ng ginhawa. Huwag kang tumangging patinuin ang iyong pag-iisip. Dahil malayo na ang iyong narating, dapat mong malinawan ang kahalagahan ng gawain ng paglupig, at wala ka na dapat mga opinyon tungkol dito sa anumang paraan!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 4
Ang ilang tao ay masyadong mababa ang kakayahan at hindi minamahal ang katotohanan. Paano man pagbahaginan ang katotohanan, hindi nila ito kayang maunawaan. Maraming taon na silang nananalig sa Diyos ngunit hindi pa rin nila kayang magsalita tungkol sa anumang tunay na karanasan o pagkaunawa. Dahil dito, iniisip nila na hindi sila kabilang sa mga taong paunang itinadhana at hinirang ng Diyos, at na hindi sila maliligtas ng Diyos, kahit ilan pang taon sila manalig sa Kanya. Pinaniniwalaan nila sa kanilang puso, “Tanging ang mga paunang itinadhana at hinirang ng Diyos ang maliligtas, at ang lahat ng masyadong mababa ang kakayahan at hindi kayang maunawaan ang katotohanan ay hindi kabilang sa mga paunang itinadhana at hinirang ng Diyos; hindi sila maliligtas, kahit pa manampalataya sila.” Iniisip nila na hindi pinagpapasyahan ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao batay sa kanilang mga pagpapamalas at pag-uugali. Kung ganito ka mag-isip, labis mong hindi nauunawaan ang Diyos. Kung ganito talaga ang ginawa ng Diyos, magiging matuwid ba Siya? Pinagpapasyahan ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao gamit ang isang prinsipyo: Sa huli, ang kalalabasan ng mga tao ay pagpapasyahan batay sa sarili nilang mga pagpapamalas at pag-uugali. Kung hindi mo makita ang matuwid na disposisyon ng Diyos at palaging mali ang pagkakaunawa mo sa Diyos at binabaluktot mo ang Kanyang mga hinihiling, kung kaya’t palaging negatibo ang pananaw mo sa buhay at dismayado ka, hindi ba’t ikaw ang nagdulot niyan sa iyong sarili? Kung hindi mo nauunawaan kung paano isinasagawa ang paunang pagtatakda ng Diyos, dapat mong hanapin ang katotohanan mula sa Diyos sa Kanyang mga salita at hindi basta-basta isipin na hindi ka kabilang sa Kanyang paunang itinadhana at hinirang na mga tao. Isa itong malubhang di-pagkakaunawa sa Diyos! Sadyang hindi mo man lang alam ang gawain ng Diyos, at hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at lalo na ang maingat na pagsisikap na nasa likod ng anim na libong taon ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Ikaw ay sumusuko, nagpapalagay at nagdududa sa Diyos, natatakot na ikaw ay isang tagapagsilbi na ititiwalag kapag natapos mo na ang iyong paglilingkod, at palagi kang nagmumuni-muni, “Bakit dapat kong gawin ang tungkulin ko? Nagseserbisyo ba ako habang ginagawa ko ang aking tungkulin? Hindi ba ako malilinlang, kung ako ay itatapon pagkatapos kong magserbisyo?” Ano ang masasabi mo sa pag-iisip na ito? Nakikilatis mo ba ito? Palagi mong hindi nauunawaan ang Diyos, ikinakategorya mo Siya kasama ng mga diyablong hari na namumuno sa mundo, binabantayan mo ang iyong puso laban sa Kanya, at palagi mong iniisip na Siya ay kasingmakasarili at kasingkasuklam-suklam ng mga tao. Hindi ka kailanman naniniwala na mahal Niya ang sangkatauhan, at hindi ka kailanman naniniwala sa Kanyang katapatan sa pagliligtas sa sangkatauhan. Kung palagi mong itinuturing ang iyong sarili bilang isang tagapagsilbi at natatakot kang maitiwalag pagkatapos mong magserbisyo, taglay mo ang mapanlinlang na pag-iisip ng mga hindi mananampalataya. Ang mga walang pananampalataya ay hindi nananalig sa Diyos dahil hindi nila inaamin na mayroong Diyos, o na ang salita ng Diyos ang katotohanan. Yamang nananalig ka sa Diyos, bakit hindi ka nananampalataya sa Kanya? Bakit hindi mo inaamin na ang salita ng Diyos ang katotohanan? Ayaw mong gawin ang iyong tungkulin, at hindi ka dumaranas ng mga paghihirap upang isagawa ang katotohanan, at dahil dito, hindi mo pa rin nakakamit ang katotohanan, sa kabila ng iyong maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, at sa kabila ng lahat ng iyon, ang Diyos ang sinisisi mo sa huli, at sinasabi mo na hindi ka Niya paunang itinadhana, na hindi Siya naging tapat sa iyo. Anong problema iyan? Hindi mo nauunawaan ang mga hinihiling ng Diyos, at hindi ka naniniwala sa Kanyang mga salita, at hindi mo isinasagawa ang katotohanan ni ipinapakita ang iyong pagkamatapat habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Paano mo mapapalugod ang mga layunin ng Diyos? Paano mo makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu at mauunawaan ang katotohanan? Ang ganitong mga tao ay ni hindi karapat-dapat maging mga tagapagsilbi, kaya paano sila magiging karapat-dapat na makipag-ayos sa Diyos? Kung iniisip mo na hindi matuwid ang Diyos, bakit ka naniniwala sa Kanya? Palagi mong nais na sabihin sa iyo ng Diyos nang personal, “Ikaw ay bahagi ng mga tao ng kaharian; hindi ito magbabago kailanman” bago mo igugol ang iyong sarili para sa Kanyang sambahayan, at kung hindi Niya ito gagawin, hindi mo kailanman ibibigay sa Kanya ang iyong puso. Napakasuwail at mapagmatigas ng gayong mga tao! Nakikita Ko na napakaraming tao na hindi nagtutuon kailanman sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon, lalo na sa pagsasagawa ng katotohanan. Nagtutuon lamang sila sa palaging pagtatanong kung makapagkakamit ba sila ng isang magandang hantungan, kung paano sila tatratuhin ng Diyos, kung mayroon Siyang pagtatalaga para sa kanila na maging Kanyang mga tao, at iba pang mga ganoong sabi-sabi. Paanong ang mga ganitong tao, na hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain, ay matatamo ang katotohanan? Paano sila mananatili sa sambahayan ng Diyos? Ngayon, taimtim Kong sinasabi sa inyo: Bagama’t ang isang tao ay maaaring paunang itinadhana, kung hindi niya kayang tanggapin ang katotohanan at isagawa ito upang makamit ang pagpapasakop sa Diyos, ang maitiwalag ang kanyang magiging pangwakas na kahihinatnan. Ang mga tao lamang na taos-pusong ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos, at isinasagawa ang katotohanan nang buong lakas, ang makakaligtas at makakapasok sa kaharian ng Diyos. Bagama’t maaaring nakikita sila ng iba bilang mga taong hindi paunang itinadhanang manatili, magkakaroon sila ng mas mabuting hantungan kaysa sa mga taong diumano’y paunang itinadhana ngunit hindi kailanman nagkaroon ng katapatan sa Diyos, dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Naniniwala ka ba sa mga salitang ito? Kung hindi mo kayang paniwalaan ang mga salitang ito at patuloy kang mapagmatigas na lumilihis sa landas, sinasabi Ko sa iyo na siguradong hindi ka makaliligtas, dahil sadyang hindi ka isang tao na may tunay na pananalig sa Diyos o pagmamahal sa katotohanan. Yamang ganito, hindi mahalaga ang paunang pagtatakda ng Diyos ng kapalaran. Sinasabi Ko ito dahil sa bandang huli, pagpapasyahan ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga tao ayon sa kanilang mga pagpapamalas at pag-uugali, samantalang ang paunang pagtatakda ng Diyos ng kapalaran ay maliit na papel lamang ang talagang ginagampanan, hindi isang pangunahing papel. Nauunawaan mo ba ito?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kapag binabasa ng ilang tao ang mga salita ng Diyos at nakikita nilang kinokondena ng Diyos ang mga tao sa Kanyang mga salita, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro at nagtatalo ang kalooban nila. Halimbawa, sinasabi ng mga salita ng Diyos na hindi mo tinatanggap ang katotohanan, kaya hindi ka gusto o tanggap ng Diyos, na isa kang taong gumagawa ng masama, isang anticristo, na tingnan ka pa lang Niya ay sumasama na ang loob Niya at na ayaw Niya sa iyo. Nababasa ng mga tao ang mga salitang ito at naiisip, “Ako ang pinatatamaan ng mga salitang ito. Nagpasya na ang Diyos na ayaw Niya sa akin, at dahil pinabayaan na ako ng Diyos, hindi na rin ako mananampalataya sa Kanya.” May mga taong, kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, madalas na nagkakaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa dahil inilalantad ng Diyos ang mga tiwaling kalagayan ng mga tao at sinasabi ang ilang bagay na nagkokondena sa mga tao. Nagiging negatibo at mahina sila, iniisip na sila ang pinatatamaan ng mga salita ng Diyos, na sinusukuan na sila ng Diyos at hindi na sila ililigtas. Nagiging negatibo sila hanggang sa puntong naiiyak sila at ayaw na nilang sumunod sa Diyos. Ang totoo, isa itong maling pagkaunawa sa Diyos. Kapag hindi mo nauunawaan ang kahulugan ng mga salita ng Diyos, hindi mo dapat subukang ilarawan ang Diyos. Hindi mo alam kung anong uri ng tao ang pinababayaan ng Diyos, o sa kung anong mga sitwasyon Niya sinusukuan ang mga tao, o sa kung anong mga sitwasyon Niya isinasantabi ang mga tao; may mga prinsipyo at konteksto sa lahat ng ito. Kung hindi mo nauunawaan nang lubusan ang mga detalyadong bagay na ito, madali kang magiging napakasensitibo at lilimitahan mo ang iyong sarili batay sa isang salita ng Diyos. Hindi ba’t magdudulot iyon ng problema? Kapag hinahatulan ng Diyos ang mga tao, ano ang pangunahing katangian nila na kinokondena Niya? Ang hinahatulan at inilalantad ng Diyos ay ang mga tiwaling disposisyon at tiwaling diwa ng mga tao, kinokondena Niya ang kanilang mga satanikong disposisyon at satanikong kalikasan, kinokondena Niya ang iba’t ibang pagpapamalas at pag-uugali ng kanilang pagsuway at pagsalungat sa Diyos, kinokondena Niya sila dahil hindi nila magawang magpasakop sa Diyos, dahil palagi nilang sinasalungat ang Diyos, at dahil palagi silang may sariling mga motibasyon at mithiin—ngunit ang gayong pagkondena ay hindi nangangahulugan na pinababayaan na ng Diyos ang mga taong may mga satanikong disposisyon. Kung hindi ito malinaw sa iyo, kung gayon ay wala kang abilidad na makaunawa, kaya medyo katulad ka ng mga taong may sakit sa pag-iisip, palaging naghihinala sa lahat ng bagay at nagkakamali ng pag-unawa sa Diyos. Ang gayong mga tao ay walang tunay na pananalig, kaya paano sila susunod sa Diyos hanggang wakas? Kapag naririnig mo ang isang pahayag ng pagkondena mula sa Diyos, iniisip mo na, dahil kinondena na ng Diyos, pinabayaan na ng Diyos ang mga tao, at hindi na sila maliligtas, at dahil dito ay nagiging negatibo ka, at hinahayaan mong mawalan ka ng pag-asa. Maling pag-unawa ito sa Diyos. Sa katunayan, hindi pinabayaan ng Diyos ang mga tao. Nagkamali sila ng pag-unawa sa Diyos at pinabayaan nila ang kanilang sarili. Wala nang mas mapanganib pa kaysa sa kapag pinababayaan ng mga tao ang kanilang sarili, gaya ng ipinatupad sa mga salita ng Lumang Tipan: “Ang mangmang ay namamatay sa kakulangan ng pag-unawa” (Kawikaan 10:21). Wala nang mas hahangal pang pag-uugali kaysa kapag hinahayaan ng mga tao ang kanilang sarili na mawalan ng pag-asa. Kung minsan ay may nababasa kang mga salita ng Diyos na tila naglalarawan sa mga tao; sa katunayan, hindi inilalarawan ng mga ito ang sinuman, kundi pagpapahayag ang mga iyon ng mga layunin at opinyon ng Diyos. Ang mga ito ay mga salita ng katotohanan at prinsipyo, hindi inilalarawan ng mga ito ang sinuman. Ang mga salitang binigkas ng Diyos sa mga panahon ng galit o pagkapoot ay kumakatawan din sa disposisyon ng Diyos, ang mga salitang ito ay ang katotohanan, at bukod pa riyan, nabibilang ang mga ito sa prinsipyo. Dapat itong maunawaan ng mga tao. Ang layon ng Diyos sa pagsasabi nito ay para tulutan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan, at maunawaan ang mga prinsipyo; talagang hindi ito para limitahan ang sinuman. Wala itong kinalaman sa huling hantungan at gantimpala ng mga tao, lalong hindi ang mga ito ang huling kaparusahan ng mga tao. Ang mga ito ay mga salita lamang na sinalita para hatulan at pungusan ang mga tao, ang mga ito ay resulta ng pagkagalit sa mga taong hindi tumutugon sa Kanyang mga ekspektasyon, at sinasalita ang mga ito para gisingin ang mga tao, para pakilusin sila, at ang mga ito ay mga salitang nagmumula sa puso ng Diyos. Gayumpaman, ang ilang tao ay nadadapa at tinatalikuran ang Diyos dahil sa iisang pahayag ng paghatol mula sa Diyos. Hindi alam ng ganitong mga tao kung ano ang mabuti para sa kanila, hindi sila tinatablan ng katwiran, hindi nila talaga tinatanggap ang katotohanan. … May mga pagkakataon na naniniwala ka na sinukuan ka na ng Diyos—ngunit sa katunayan, hindi ka sinukuan ng Diyos, inilagay ka lang Niya sa isang tabi pansamantala upang makapagnilay-nilay ka sa iyong sarili. Maaaring maging kasuklam-suklam ka sa paningin ng Diyos, at ayaw Niyang makinig sa iyo, pero hindi ka Niya tunay na tinalikuran. May ilang nagsisikap na gumampan sa kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, pero dahil sa kanilang diwa at sa iba’t ibang bagay na namamalas sa kanila, nakikita ng Diyos na hindi nila minamahal ang katotohanan at hinding-hindi tinatanggap ang katotohanan, kaya naman talagang tinatalikuran sila ng Diyos; hindi sila tunay na mga hinirang, kundi pansamantalang nagbigay-serbisyo lamang. Samantalang may ilan naman na dinidisiplina, itinutuwid, at hinahatulan nang husto ng Diyos, at kinokondena at sinusumpa pa nga, ginagamitan ng iba’t ibang paraan ng pagtrato sa kanila na di-sang-ayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi nauunawaan ng ilang tao ang layunin ng Diyos, at iniisip nila na pinag-iinitan sila ng Diyos at nakakasakit Siya. Iniisip nilang walang karangalan sa pamumuhay sa harap ng Diyos, hindi na nila nais na saktan pa ang Diyos at nililisan ang iglesia. Iniisip pa nga nila na may katwiran ang pagkilos nang ganito, at sa ganitong paraan, tinatalikuran nila ang Diyos—ngunit sa katunayan, hindi sila pinabayaan ng Diyos. Ang mga nasabing tao ay walang kamalay-malay sa layunin ng Diyos. Sila ay sobra ang pagiging madamdamin, umaabot pa sa punto na sumusuko na sila sa pagliligtas ng Diyos. May konsensiya ba talaga sila? May mga panahong iniiwasan ng Diyos ang mga tao, at mga panahong inilalagay Niya sila sa isang tabi nang ilang panahon upang mapagnilayan nila ang kanilang mga sarili, ngunit hindi sila tinalikdan ng Diyos; binibigyan Niya sila ng pagkakataong magsisi. Ang tanging totoong tinatalikdan ng Diyos ay ang masasamang tao na gumagawa ng maraming masasamang gawain, mga hindi mananampalataya, at mga anticristo. Sabi ng ilang tao, “Pakiramdam ko ay wala akong gawain ng Banal na Espiritu at matagal na akong walang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Iniwan na ba ako ng Diyos?” Ito ay maling pakahulugan. May problema rin sa disposisyon dito: Masyadong emosyonal ang mga tao, palagi nilang sinusunod ang sarili nilang pangangatwiran, palaging sutil, at walang katwiran—hindi ba’t isa itong problema sa disposisyon? Sinasabi mong tinalikuran ka na ng Diyos, na hindi ka Niya ililigtas, kung gayon, naitakda na ba Niya ang iyong kalalabasan? May nasabi lang na ilang galit na salita ang Diyos sa iyo. Paano mo naman nasabing sinukuan ka na Niya, na ayaw na Niya sa iyo? May mga pagkakataong hindi mo maramdaman ang gawain ng Banal na Espiritu, ngunit hindi ka pinagkaitan ng Diyos ng karapatang basahin ang Kanyang mga salita, ni hindi Niya itinakda ang katapusan mo, o pinutol ang landas mo tungo sa kaligtasan—kaya, ano ang ikinasasama ng loob mo? Nasa masama kang kalagayan, may problema sa iyong mga motibo, may mga isyu tungkol sa iyong kaisipan at pananaw, baluktot ang lagay ng iyong pag-iisip—at gaympaman, hindi mo sinusubukang ayusin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, sa halip ay palagi mong binibigyan ng maling pakahulugan ang Diyos at nagrereklamo ka sa Kanya, at ipinapasa ang responsabilidad sa Diyos, at sinasabi mo pa ngang, “Ayaw sa akin ng Diyos, kaya hindi na ako nananampalataya sa Kanya.” Hindi ba’t ikaw ay nagiging hindi makatarungan? Hindi ba’t ikaw ay nagiging hindi makatwiran? Ang ganitong uri ng tao ay masyadong maramdamin, ni walang anumang katuturan, at hindi tinatablan ng kahit anong katwiran. Ang taong ito ang pinakamahirap tumanggap sa katotohanan at siyang mahihirapan nang husto sa pagkamit ng kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 1
Kapag nangyayari sa inyo ang mga bagay-bagay, palagi kayong kumikilos na parang mga duwag, palagi kayong kumikilos na parang mga mapagpalugod ng tao, palaging nakikipagkompromiso, palaging nyutral sa mga usapin, hindi kailanman pinasasama ang loob ng sinuman o pinakikialaman ang mga bagay-bagay, hinding-hindi gumagawa ng kalabisan—para kayong nakatayo sa sarili ninyong posisyon, kumakapit sa inyong tungkulin, ginagawa ang anumang ipinapagawa sa inyo, hindi nakatayo sa harapan o sa likod, at sumasabay lang sa agos—sabihin ninyo sa Akin, sa palagay ba ninyo kung magpapatuloy kayo sa paggawa ng inyong tungkulin sa ganitong paraan hanggang sa huli, makakamit ninyo ang pagsang-ayon ng Diyos? Alam ba ninyo na lubhang mapanganib ang ganitong uri ng kalagayan, na hindi lamang ninyo hindi makakamit ang pagpeperpekto ng Diyos, kundi malamang na malalabag din ninyo ang disposisyon ng Diyos? Hinahangad ba ng ganitong uri ng taong walang sigla ang katotohanan? Siya ba ang uri ng tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan? Madalas na ipinapakita ng isang taong namumuhay sa ganitong kalagayan ang mga kaisipan ng isang mapagpalugod ng tao, at wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Kung basta lang natatakot at nangangamba ang isang tao nang walang magandang dahilan, iyon ba ay may-takot-sa-Diyos na puso? (Hindi.) Kahit na isubsob niya ang sarili sa kanyang tungkulin, magbitiw siya sa kanyang trabaho, at talikuran niya ang kanyang pamilya, kung hindi niya ibinibigay sa Diyos ang kanyang puso, at nagiging mapagbantay siya laban sa Diyos, iyon ba ay isang mabuting kalagayan? Iyon ba ang normal na kalagayan ng pagpasok sa katotohanang realidad? Hindi ba’t nakakatakot ang pag-usbong ng kalagayang ito sa hinaharap? Kung magpapatuloy ang isang tao sa ganitong kalagayan, makakamit ba niya ang katotohanan? Makakamit kaya nila ang buhay? Makapapasok ba sila sa katotohanang realidad? (Hindi.) Alam ba ninyo na kayo mismo ay nagtataglay ng mismong kalagayang ito? Kapag namalayan na ninyo ito, iniisip ba ninyo na: “Bakit ba palagi akong mapagbantay laban sa Diyos? Bakit ba palaging ganito ako mag-isip? Masyadong nakakatakot ang mag-isip nang ganito! Ito ay pagsalungat sa Diyos at pagtanggi sa katotohanan. Ang pagiging mapagbantay ba laban sa Diyos ay kapareho ng paglaban sa Kanya”? Ang kalagayan ng pagiging mapagbantay laban sa Diyos ay kagaya lamang ng pagiging isang magnanakaw—hindi ka nangangahas mamuhay sa liwanag, natatakot kang ilantad ang iyong mala-demonyong mukha, at kasabay nito, nangangamba ka: “Hindi pinaglalaruan ang Diyos. Kaya niyang hatulan at kastiguhin ang mga tao sa lahat ng oras at lugar. Kung gagalitin mo ang Diyos, sa mga hindi malalang kaso, pupungusan ka Niya, at sa mga malalang kaso, parurusahan ka Niya, bibigyan ng sakit, o pahihirapan ka. Hindi kakayanin ng mga tao ang mga bagay na iyon!” Hindi ba’t mayroong ganitong mga maling pagkaunawa ang mga tao? Ito ba ay may-takot-sa-Diyos na puso? (Hindi.) Hindi ba’t nakakatakot ang ganitong kalagayan? Kapag ang isang tao ay nasa ganitong kalagayan, kapag mapagbantay siya laban sa Diyos, at palaging may ganitong mga kaisipan, kapag palagi siyang mayroong ganitong saloobin sa Diyos, tinatrato ba niya ang Diyos bilang Diyos? Ito ba ay pananalig sa Diyos? Kapag nananalig ang isang tao sa Diyos sa ganitong paraan, kapag hindi niya tinatrato ang Diyos bilang Diyos, hindi ba iyon isang problema? Ang pinakamalala, hindi tinatanggap ng mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ni hindi nila tinatanggap ang katunayan ng Kanyang gawain. Iniisip nila: “Totoong maawain at mapagmahal ang Diyos, pero mapag-poot din Siya. Kapag sumapit ang poot ng Diyos sa isang tao, nakapipinsala ito. Kaya Niyang patayin ang mga tao anumang oras, sirain ang sinumang naisin Niya. Huwag gisingin ang galit ng Diyos. Totoong hindi pinahihintulutan ng Kanyang pagiging maharlika at pagkapoot ang anumang pagkakasala. Dumistansiya ka sa Kanya!” Kung ang isang tao ay may ganitong uri ng saloobin at mga ideyang ito, magagawa ba nilang lubos at taos-pusong humarap sa Diyos? Hindi nila magagawa.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng Isang Tiwaling Disposisyon
Kung pakiramdam mo ay kaya mong gampanan ang isang partikular na tungkulin, ngunit takot ka ring magkamali at matiwalag, kaya naman ikaw ay kimi, hindi umuusad, at hindi umuunlad, isa ba iyang mapagpasakop na saloobin? Halimbawa, kung hinirang ka ng iyong mga kapatid na maging lider nila, maaari mong madama na obligado kang gampanan ang tungkuling ito dahil ikaw ang hinirang, ngunit hindi mo tinitingnan ang tungkuling ito nang may maagap na saloobin. Bakit hindi ka maagap? Dahil may mga iniisip ka tungkol dito, at pakiramdam mo ay, “Ni hindi man lang magandang bagay ang maging isang lider. Para bang kaunting galaw mo lang ay maaari kang malagay sa alanganin. Kung magiging mahusay ang paggawa ko, wala namang gantimpala, ngunit kung hindi maganda ang trabaho ko, pupungusan ako. At ang mapungusan ay hindi pa ang pinakamalala. Paano kung palitan ako o itiwalag? Kung mangyayari iyon, hindi ba’t katapusan na ng lahat para sa akin?” Sa puntong iyon, nagsisimula kang malito. Ano ang saloobing ito? Ito ay pagiging mapagbantay at maling pagkaunawa. Hindi ito ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa kanilang tungkulin. Ito ay isang demoralisado at negatibong saloobin. Kung gayon, paano ba dapat ang isang positibong saloobin? (Dapat tayong maging bukas-puso at tapat, at magkaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin.) Ito ay dapat na maging saloobin ng pagpapasakop at aktibong pakikipagtulungan. Ang inyong sinasabi ay medyo walang kabuluhan. Paano ka magiging bukas-puso at tapat kung natatakot ka nang ganito? At ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin? Anong mentalidad ang magbibigay sa iyo ng tapang na akuin ang mga pasanin? Kung palagi kang natatakot na may mangyayaring hindi maganda at hindi mo ito mapapangasiwaan, at marami kang pag-aatubili sa iyong kalooban, kung gayon ay pundamental kang mawawalan ng tapang na tanggapin ang mga pasanin. Ang “pagiging bukas-puso at tapat,” “pagkakaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin,” o “hindi pag-atras kailanman kahit pa sa harap ng kamatayan” na sinasabi ninyo, ay tila katulad ng mga islogang isinisigaw ng galit na mga kabataan. Malulutas ba ng mga islogang ito ang mga praktikal na problema? Ang kinakailangan ngayon ay ang tamang saloobin. Para magkaroon ng tamang saloobin, dapat mong maunawaan ang aspektong ito ng katotohanan. Ito ang tanging paraan para malutas ang iyong mga suliranin sa iyong kalooban, at para matulutan kang maluwag na tanggapin ang atas na ito, ang tungkuling ito. Ito ang landas ng pagsasagawa, at ito lamang ang katotohanan. Kung gumagamit ka ng mga salitang tulad ng “pagiging bukas-puso at tapat” at “pagkakaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin” para tugunan ang takot na iyong nararamdaman, magiging epektibo ba ito? (Hindi.) Ipinahihiwatig nito na ang mga bagay na ito ay hindi ang katotohanan, o ang landas ng pagsasagawa. Maaari mong sabihin, “Ako ay bukas-puso at tapat, ako ay may tayog na hindi matitinag, walang ibang kaisipan o karumihan ang aking puso, at mayroon akong tapang na akuin ang mga pasanin.” Sa panlabas ay inaako mo ang iyong tungkulin, ngunit kalaunan, pagkatapos pag-isipan ito nang ilang sandali, nararamdaman mo pa ring hindi mo ito kayang akuin. Maaaring natatakot ka pa rin. Dagdag pa rito, maaari mong makita ang iba na pinupungos, at lalo kang matatakot, tulad ng isang nilatigong aso na takot sa sinturon. Mas mararamdaman mong masyadong mababa ang iyong tayog, at na ang tungkuling ito ay isang pagsubok na napakalaki at mahirap lagpasan, at sa huli ay hindi mo pa rin makakayang akuin ang pasaning ito. Ito ang dahilan kaya hindi nalulutas ng pagbigkas ng mga islogan ang mga praktikal na problema. Kaya paano mo aktuwal na malulutas ang problemang ito? Aktibo mo dapat na hanapin ang katotohanan at magkaroon ng isang nagpapasakop at nakikipagtulungan na saloobin. Ganap na malulutas niyon ang problema. Walang silbi ang pagkamahiyain, takot, at pag-aalala. Mayroon bang anumang kaugnayan sa pagitan ng kung mabubunyag ka at maititiwalag at sa pagiging isang lider? Kung hindi ka isang lider, mawawala ba ang iyong tiwaling disposisyon? Sa malao’t madali, kailangan mong lutasin ang problema ng iyong tiwaling disposisyon. Dagdag pa rito kung hindi ka isang lider, hindi ka magkakaroon ng mas marami pang oportunidad na magsagawa at magiging mabagal ang iyong pag-usad sa buhay, na may kakaunting pagkakataon para magawang perpekto. Bagaman medyo mas marami ang pagdurusa sa pagiging isang lider o manggagawa, nagdudulot din ito ng maraming pakinabang, at kung kaya mong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, maaari kang magawang perpekto. Napakalaking pagpapala niyon! Kaya dapat kang magpasakop at aktibong makipagtulungan. Ito ang iyong tungkulin at ang iyong responsabilidad. Anuman ang daan sa hinaharap, dapat kang magkaroon ng puso ng pagpapasakop. Ito dapat ang iyong saloobin sa pagtupad mo ng iyong tungkulin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?
Hindi naniniwala ang ilang tao na kayang tratuhin nang patas ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hindi sila naniniwala na naghahari ang Diyos sa Kanyang sambahayan, at na naghahari doon ang katotohanan. Naniniwala sila na anumang tungkulin ang ginagampanan ng isang tao, kung magkakaroon ng problema roon, haharapin kaagad ng sambahayan ng Diyos ang taong iyon, tatanggalin ang kanyang karapatang gampanan ang tungkuling iyon, ititiwalag siya, o paaalisin pa nga siya sa iglesia. Ganoon ba talaga iyon? Siguradong hindi. Pinakikitunguhan ng sambahayan ng Diyos ang bawat tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang Diyos ay matuwid sa Kanyang pagtrato sa bawat tao. Hindi lamang Niya tinitingnan kung paano kumilos ang isang tao sa isang pagkakataon; tinitingnan Niya ang kalikasang diwa ng isang tao, ang kanyang mga intensyon, ang kanyang pag-uugali, at tinitingnan Niya lalo na kung kaya ba ng isang tao na pagnilayan ang kanyang sarili kapag nagkakamali siya, kung nagsisisi ba siya, at kung kaya ba niyang mahanap ang diwa ng problema batay sa Kanyang mga salita, maunawaan ang katotohanan, kamuhian ang kanyang sarili, at tunay na magsisi. Kung walang ganitong tamang pag-uugali ang isang tao, at ganap na silang nahaluan ng mga personal na layunin, kung puno sila ng mga tusong pakana at pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at kapag may mga dumating na problema, sila ay nagkukunwari, nanlilinlang, at nangangatwiran, at mahigpit na tumatangging akuin ang kanilang mga ginawa, kung gayon, ang ganoong tao ay hindi maliligtas. Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at ganap na silang nabunyag. Iyong mga taong hindi tama, at hindi kayang tanggapin ang katotohanan kahit kaunti, ay kung gayon mga hindi mananampalataya at maaari lamang na itiwalag. Paanong hindi mabubunyag at matitiwalag ang mga hindi mananampalataya na naglilingkod bilang mga lider at manggagawa? Ang isang hindi mananampalataya, anuman ang tungkulin na kanyang ginagampanan, ay ang pinakamadaling mabunyag sa lahat, dahil masyadong marami at halata ang mga tiwaling disposisyon na kanyang ibinubunyag. Bukod dito, hindi talaga niya tinatanggap ang katotohanan at kumikilos nang walang pag-iingat at basta-basta na lamang. Sa huli, kapag siya ay natiwalag, at nawalan ng pagkakataong gampanan ang kanyang tungkulin, magsisimula siyang mag-alala, iniisip na, “Wala na akong pag-asa. Kung hindi na ako papayagang gampanan ang aking tungkulin, hindi na ako maliligtas. Ano ang dapat kong gawin?” Ang totoo ay palaging mag-iiwan ng paraan ang Kalangitan para sa tao. May isang pangwakas na landas, iyon ay ang tunay na magsisi, at magmadaling ipalaganap ang ebanghelyo at magkamit ng mga tao, pangbawi sa kanyang mga kamalian sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuting gawa. Kung hindi niya tatahakin ang landas na ito, talagang wala na siyang pag-asa. Kung may taglay siyang katwiran at alam niyang wala siyang anumang kakayahan, dapat niyang ihanda nang wasto ang kanyang sarili sa katotohanan at magsanay na ipalaganap ang ebanghelyo—ito ay pagganap din ng isang tungkulin. Ito ay lubos na magagawa. Kung inaamin ng isang tao na siya ay natiwalag dahil hindi niya ginampanan nang maayos ang kanyang tungkulin, pero hindi pa rin niya tinatanggap ang katotohanan at wala siyang ni katiting na mapagsising puso, at sa halip ay inabandona niya ang kanyang sarili tungo sa kawalan ng pag-asa, hindi ba’t kahangalan at kamangmangan iyon? Sabihin mo sa Akin, kung nakagawa ng pagkakamali ang isang tao, ngunit kaya niyang tunay na makaunawa at handa siyang magsisi, hindi ba’t bibigyan siya ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos? Habang papatapos na ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, napakaraming tungkuling kailangang gampanan. Pero kung wala kang konsensiya o katwiran, at pabaya ka sa iyong nararapat na gawain, kung nagkaroon ka ng pagkakataong gampanan ang isang tungkulin ngunit hindi alam kung paano iyon pahahalagahan, hindi hinahangad ang katotohanan kahit paano, hinahayaan mong makalampas ang pinakamagandang pagkakataon, kung gayon ay malalantad ka. Kung palagi kang pabasta-basta sa pagganap sa iyong tungkulin, at hindi ka man lang nagpapasakop kapag nahaharap ka sa pagpupungos, gagamitin ka pa rin kaya ng sambahayan ng Diyos para gumanap sa isang tungkulin? Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang naghahari, hindi si Satanas. Ang Diyos ang may huling pasya sa lahat ng bagay. Siya ang gumagawa ng gawain ng pagliligtas sa tao, Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Hindi mo kailangang suriin kung ano ang tama at mali; kailangan mo lang makinig at magpasakop. Kapag nahaharap ka sa pagpupungos, dapat mong tanggapin ang katotohanan at magawang itama ang iyong mga pagkakamali. Kung gagawin mo ito, hindi aalisin sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang iyong karapatang gampanan ang isang tungkulin. Kung natatakot ka palagi na matiwalag, laging nagdadahilan, lagi mong pinangangatwiranan ang sarili mo, problema iyan. Kung hinahayaan mong makita ng iba na hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit katiting, at na hindi ka tinatablan ng katwiran, may problema ka. Magiging obligado ang iglesia na harapin ka. Kung hindi mo man lamang tinatanggap ang katotohanan sa pagganap sa iyong tungkulin at lagi kang natatakot na mabunyag at matiwalag, ang takot mong ito ay nababahiran ng intensyon ng tao at ng tiwaling satanikong disposisyon, at ng paghihinala, pag-iingat, at maling pagkaunawa. Wala sa mga ito ang mga pag-uugali na dapat mayroon ang isang tao. Dapat kang magsimula sa pamamagitan ng paglutas sa iyong takot, gayundin sa iyong mga maling pagkaunawa sa Diyos. Paano umuusbong ang mga maling pagkaunawa ng isang tao sa Diyos? Kapag maayos ang takbo ng mga bagay-bagay para sa isang tao, talagang hindi siya nagkakamali ng pag-unawa sa Kanya. Naniniwala siyang ang Diyos ay mabuti, na ang Diyos ay kagalang-galang, na ang Diyos ay matuwid, na ang Diyos ay maawain at mapagmahal, na ang Diyos ay tama sa lahat ng bagay na ginagawa Niya. Gayunman, kapag naharap siya sa isang bagay na hindi umaayon sa kanyang mga kuru-kuro, iniisip niya, “Mukhang hindi masyadong matuwid ang Diyos, kahit paano ay hindi sa bagay na ito.” Hindi ba’t maling pagkaunawa ito? Paanong hindi matuwid ang Diyos? Ano ang nagpausbong sa maling pagkaunawang ito? Bakit nagkaroon ka ng ganitong opinyon at pagkaunawa na hindi matuwid ang Diyos? Masasabi mo ba kung ano iyon? Aling pangungusap iyon? Aling bagay? Aling sitwasyon? Sabihin mo, para mapag-isipan ng lahat at makita kung may katwiran ka. At kapag nagkakamali ng pagkaunawa ang isang tao sa Diyos o nahaharap sa isang bagay na hindi umaayon sa kanyang mga kuru-kuro, ano ang saloobing dapat niyang taglayin? (Yaong naghahanap sa katotohanan at nagpapasakop.) Kailangan niyang magpasakop muna at isipin: “Hindi ko maunawaan, pero magpapasakop ako dahil ito ang ginawa ng Diyos at hindi ito isang bagay na dapat suriin ng tao. Dagdag pa riyan, hindi ko maaaring pagdudahan ang mga salita ng Diyos o ang Kanyang gawain dahil ang salita ng Diyos ay ang katotohanan.” Hindi ba’t ganito ang saloobing dapat taglayin ng isang tao? Kapag may ganitong saloobin, magdudulot pa rin ba ng problema ang iyong maling pagkaunawa? (Hindi na.) Hindi nito maaapektuhan o magagambala ang pagsasagawa mo ng iyong tungkulin. Sino sa palagay ninyo ang kayang maging tapat—ang isang taong nagkikimkim ng mga maling pagkaunawa habang gumaganap sa kanyang tungkulin o ang hindi? (Ang isang taong hindi nagkikimkim ng mga maling pagkaunawa sa pagganap sa kanyang tungkulin ay kayang maging tapat.) Kung kaya’t kailangan mo munang magkaroon ng mapagpasakop na saloobin. Bukod pa riyan, kailangan mong maniwala man lang na ang Diyos ay ang katotohanan, na ang Diyos ay matuwid, at na lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama. Ito ang mga paunang kondisyon na magpapasya kung maaari kang maging tapat sa pagganap sa iyong tungkulin. Kung natutugunan mo ang parehong paunang kondisyon na ito, ang mga maling pagkaunawa ba sa iyong puso ay makakaapekto sa pagganap sa iyong tungkulin? (Hindi.) Hindi makakaapekto ang mga ito. Ibig sabihin nito, hindi mo madadala ang mga maling pagkaunawang ito sa pagganap sa iyong tungkulin. Una sa lahat, kailangan mong lutasin ang mga ito mula sa umpisa pa lamang, at tiyaking mananatili lamang ang mga ito sa kanilang maagang yugto. Anong sunod na dapat mong gawin? Lutasin ang mga ito sa pinakaugat. Paano mo dapat lutasin ang mga ito? Magbasa ng ilang nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos kasama ang lahat tungkol sa bagay na ito. Tapos, magbahaginan kayo kung bakit ganoon kumilos ang Diyos, ano ang layunin ng Diyos, at ano-anong resulta ang makakamit mula sa pagkilos ng Diyos sa ganitong paraan. Magbahaginan kayo nang lubusan tungkol sa mga bagay na ito, pagkatapos ay magkakaroon ka ng pagkaunawa sa Diyos at magagawa mong magpasakop. Kung hindi mo lulutasin ang mga mali mong pagkaunawa tungkol sa Diyos at magdadala ka ng mga haka-haka sa pagganap sa iyong tungkulin, at sinasabi mong, “Sa bagay na ito, mali ang ikinilos ng diyos, at hindi ako magpapasakop. Ipaglalaban ko ito, makikipagtalo ako sa sambahayan ng diyos. Hindi ako naniniwalang gawa ito ng diyos”—anong disposisyon ito? Ito ay isang tipikal na satanikong disposisyon. Ang mga ganoong salita ay hindi dapat sinasabi ng mga tao; hindi ito ang pag-uugali na dapat mayroon ang isang nilikha. Kung kaya mong tutulan ang Diyos sa ganitong paran, karapat-dapat mo bang gampanan ang tungkuling ito? Hindi. Dahil isa kang diyablo, at wala kang pagkatao, hindi ka karapat-dapat na gumanap sa isang tungkulin. Kung may tinataglay na katwiran ang isang tao, at magkaroon siya ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, magdarasal siya sa Diyos, at hahanapin din niya ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, at kalaunan, malinaw niyang makikita ang mga bagay. Ito ang dapat gawin ng mga tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang mga tao ay madalas na nag-aalala at natatakot sa mga pagsubok ng Diyos, gayunman, sa lahat ng oras sila ay nabubuhay sa bitag ni Satanas, at naninirahan sa mapanganib na teritoryo kung saan sila ay nilulusob at inaabuso ni Satanas—ngunit sila ay walang takot, at panatag. Ano ang nangyayari? Ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay limitado lamang sa mga bagay na kanyang makikita. Wala siya ni kaunting pagpapahalaga sa pagmamahal at pagmamalasakit ng Diyos para sa tao, o sa Kanyang habag at pagsasaalang-alang sa tao. Ngunit para sa isang maliit na pangamba at takot tungkol sa mga pagsubok, paghatol at pagkastigo ng Diyos, at sa Kanyang pagiging maharlika at poot, ang tao ay wala kahit kaunting pagkaunawa sa mga mabusising layunin ng Diyos. Sa pagbanggit ng mga pagsubok, ang pakiramdam ng tao ay para bang mayroong mga natatagong motibo ang Diyos, at ang ilan ay naniniwala pa na may masamang balak ang Diyos, walang kamalay-malay sa kung ano ang talagang gagawin ng Diyos sa kanila; dahil dito, kasabay ng pagsigaw ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang pigilan at labanan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa tao at mga pagsasaayos para sa tao, dahil naniniwala sila na kung hindi sila maingat sila ay ililigaw ng Diyos, na kung hindi nila mahigpit na mahahawakan ang kanilang sariling mga kapalaran, ang lahat ng mayroon sila ay maaaring kunin ng Diyos, at maging ang kanilang buhay ay malagay sa panganib. Ang tao ay nasa kampo ni Satanas, ngunit siya ay hindi kailanman nag-aalala tungkol sa pang-aabuso ni Satanas, at siya ay inaabuso ni Satanas ngunit hindi kailanman natatakot na mabihag ni Satanas. Palagi niyang sinasabi na tinatanggap niya ang kaligtasan ng Diyos, subalit hindi niya kailanman pinagkatiwalaan ang Diyos o pinaniwalaan na ang Diyos ay tunay na magliligtas sa tao mula sa mga kuko ni Satanas. Tulad ni Job, kung magagawa ng tao na magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at magagawa niyang ibigay ang kanyang buong katauhan sa mga kamay ng Diyos, hindi ba’t ang kalalabasan ng tao ay magiging katulad ng naging kinalabasan ni Job—ang pagkatanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Kung magagawa ng tao na tanggapin at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, anong maiwawala roon? Kaya naman, iminumungkahi Ko na maging maingat kayo sa inyong mga kilos, at maingat sa lahat ng bagay na parating sa inyo. Huwag maging pangahas o pabigla-bigla, at huwag tratuhin ang Diyos at ang mga tao, pangyayari, at bagay na inayos Niya para sa inyo ayon sa inyong pagiging mainitin ang ulo o sa inyong likas na katangian, o ayon sa inyong mga imahinasyon at kuru-kuro; dapat kayong maging maingat sa inyong mga kilos, at dapat kayong manalangin at maghanap nang higit pa, upang maiwasan ninyo ang pag-udyok sa galit ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Paminsan-minsan, gumagamit ang Diyos ng isang partikular na bagay upang ibunyag ka o disiplinahin ka. Kung gayon ba ay nangangahulugan ito na tiniwalag ka na? Nangangahulugan ba ito na dumating na ang katapusan mo? Hindi. Para itong kapag sumuway at nagkamali ang isang bata; maaari siyang kagalitan at parusahan ng kanyang mga magulang, ngunit kung hindi niya maarok ang intensyon ng kanyang mga magulang o maunawaan kung bakit nila ginagawa ito, magkakamali siya ng pag-unawa sa kanilang layon. Halimbawa, maaaring sabihin ng mga magulang sa bata, “Huwag kang aalis ng bahay nang mag-isa, at huwag kang lalabas nang mag-isa,” ngunit pumasok lamang ito sa isang tainga at lumabas sa kabila, at tumakas pa ring mag-isa ang bata. Sa sandaling malaman iyon ng mga magulang, pagagalitan nila ang bata at bilang parusa, patatayuin nila siya sa sulok para pag-isipan ang kanyang inasal. Hindi nauunawaan ang mga intensyon ng kanyang mga magulang, ang bata ay nagsisimulang magduda: “Ayaw na ba sa akin ng mga magulang ko? Talaga bang anak nila ako? Kung hindi nila ako anak, ibig sabihin ba nito ay ampon ako?” Pinagninilayan niya ang mga bagay na ito. Ano ang mga tunay na intensyon ng mga magulang? Sinabi ng mga magulang na masyadong mapanganib na gawin iyon at sinabihan ang anak nila na huwag itong gawin. Ngunit hindi nakinig ang anak, at pumasok iyon sa isang tainga at lumabas sa kabila. Samakatuwid, kinailangang gumamit ng mga magulang ng isang uri ng kaparusahan para maturuan nang wasto ang kanilang anak at hayaan siyang matuto mula sa kanyang mga pagkakamali. Ano ang nais makamit ng mga magulang sa paggawa nito? Para lamang ba matuto ang bata mula sa kanyang pagkakamali? Hindi ganitong uri ng pagkatuto ang nais nilang makamtan sa huli. Ang layunin ng mga magulang sa paggawa nito ay para sundin ng bata ang sinabi sa kanya, kumilos alinsunod sa kanilang payo, at hindi gumawa ng anumang pagsuway para mag-alala sila—ito ang magiging epekto na hinahangad nilang makamtan. Kung nakinig ang anak sa kanyang mga magulang, ipinapakita nitong bumuti na ang kanyang pang-unawa, at dahil dito ay mababawasan ang iniisip ng kanyang mga magulang. Hindi ba’t masisiyahan na sila sa kanya kung gayon? Kakailanganin pa rin ba nilang parusahan siya nang ganoon? Hindi na nila kailangan pang gawin iyon. Katulad lang nito ang paniniwala sa Diyos. Dapat matutuhan ng mga tao na pakinggan ang mga salita ng Diyos at unawain ang Kanyang puso. Hindi sila dapat magkamali ng pagkaunawa sa Diyos. Sa katunayan, sa maraming pagkakataon, ang pag-aalala ng mga tao ay nagmumula sa kanilang pansariling mga interes. Sa pangkalahatan, natatakot sila na baka wala silang kahinatnan. Palagi nilang iniisip, “Paano kung ibunyag, itiwalag, at tanggihan ako ng Diyos?” Ito ang maling interpretasyon mo sa Diyos; ang mga ito ay isang panig na pala-palagay mo lamang. Kailangan mong alamin kung ano ang layunin ng Diyos. Kapag ibinubunyag Niya ang mga tao, hindi ito para itiwalag sila. Ibinubunyag ang mga tao para ibunyag ang kanilang mga pagkukulang, pagkakamali, at kalikasang diwa, para makilala nila ang kanilang sarili, at maging kaya nila ang tunay na pagsisisi; sa kadahilanang ito, ang pagbubunyag sa mga tao ay para tulungan ang buhay nilang lumago. Kung walang dalisay na pagkaunawa, malamang na magkamali ng pag-unawa ang mga tao sa Diyos at maging negatibo at mahina. Maaari pa nga silang magpatangay sa kawalan ng pag-asa. Sa katunayan, ang maibunyag ng Diyos ay hindi naman nangangahulugan na ititiwalag ka. Ito ay para tulungan kang malaman ang sarili mong katiwalian, at pagsisihin ka. Kadalasan, dahil suwail ang mga tao, at hindi naghahanap ng kasagutan sa katotohanan kapag nagbubunyag sila ng kanilang katiwalian, kailangang magdisiplina ng Diyos. At dahil dito, minsan, ibinubunyag Niya ang mga tao, ibinubunyag ang kanilang kapangitan at pagiging kaawa-awa, tinutulutan silang makilala ang kanilang sarili, na nakakatulong para lumago ang kanilang buhay. Ang pagbubunyag sa mga tao ay may dalawang magkaibang implikasyon: Para sa masasamang tao, ang maibunyag ay nangangahulugan na itiniwalag na sila. Para sa mga nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang paalala at isang babala; pinagninilay sila tungkol sa kanilang sarili, para makita ang kanilang tunay na kalagayan, at para huminto na ang kanilang pagiging suwail at walang ingat, sapagkat magiging mapanganib ang magpatuloy nang ganito. Ang pagbubunyag sa mga tao sa ganitong paraan ay para paalalahanan sila na baka, sa pagsasagawa nila ng kanilang tungkulin, sila ay maguluhan at hindi mag-ingat, hindi maging seryoso sa mga bagay, makuntento sa kaunting resulta, at mag-isip na nagampanan nila ang kanilang tungkulin ayon sa katanggap-tanggap na pamantayan samantalang, ang totoo, kapag sinukat ayon sa hinihingi ng Diyos, nagkulang silang masyado, subalit kampante pa rin sila, at naniniwalang ayos lang sila. Sa gayong mga sitwasyon, didisiplinahin, babalaan, at paaalalahanan ng Diyos ang mga tao. Kung minsan, ibinubunyag ng Diyos ang kanilang kapangitan—na malinaw na para magsilbing isang paalala. Sa gayong mga pagkakataon dapat mong pagnilayan ang iyong sarili: Hindi sapat ang gampanan mo nang ganito ang iyong tungkulin, may paghihimagsik sa iyong kalooban, napakaraming negatibong elemento, lahat ng ginagawa mo ay basta-basta lang, at kung hindi ka pa rin magsisisi, makatarungan na, dapat kang maparusahan. Paminsan-minsan, kapag dinidisiplina ka ng Diyos, o kaya ay ibinubunyag ka, hindi ito nangangahulugang ititiwalag ka. Dapat harapin ang bagay na ito nang tama. Kahit itiwalag ka pa, dapat mo itong tanggapin at magpasakop ka rito, at magmadaling magnilay-nilay at magsisi. Bilang pagbubuod, ano man ang kahulugang nakapaloob sa pagbubunyag sa iyo, dapat mong matutunang magpasakop. Kung nagpapakita ka ng pasibong paglaban, at sa halip na maayos ang iyong mga kapintasan ay patuloy pa itong lumalala, ikaw ay tiyak na maparurusahan. Samakatuwid, sa pagharap sa mga usapin na may kinalaman sa pagbubunyag, dapat magpakita ng pagpapasakop ang isang tao, ang puso niya ay dapat na mapuspos ng takot, at dapat siyang magkaroon ng kakayahang magsisi: Saka lamang aayon ang isang tao sa mga layunin ng Diyos, at tanging sa pagsasagawa lamang sa ganitong pamamaraan na maliligtas niya ang kanyang sarili at maiiwasan ang kaparusahan ng Diyos. Dapat ay nagagawang makilala ng mga makatwirang tao ang mga sarili nilang kamalian at naiwawasto ang mga ito, kahit paano ay nakararating sa punto na sumasandig sila sa kanilang konsensiya upang gawin ang kanilang tungkulin. Dagdag pa rito, dapat din nilang abutin ang katotohanan, nakararating hindi lamang sa punto kung saan may prinsipyo ang kanilang pag-uugali, kundi maging sa punto ng pagbibigay nila ng kanilang buong puso, buong kaluluwa, buong isipan, at buong lakas: Ang pagsasagawa lamang nito ang katanggap-tanggap na paraan ng pagtupad sa kanilang tungkulin, tanging sa paggawa lamang nito sila nagiging mga taong tunay na nagpapasakop sa Diyos. Ano ang dapat na ituring ng isang tao bilang pamantayan para maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos? Dapat ibatay ng isang tao ang kanyang mga kilos sa mga katotohanang prinsipyo, na ang pangunahing aspekto ay bigyang-diin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, na isaisip ang kabuuang larawan, at hindi tumutok sa alinmang isang aspekto sa panganib na mawala ang pansin sa iba pa, at na ang maliit na aspekto ay maisagawa niya nang tama ang kanyang gawain, at matupad ang ninanais na epekto ayon sa hinihingi sa kanya, nang hindi gumagawa nang pabasta-basta, nang hindi nagdadala ng kahihiyan sa Diyos. Kung makakabisado ng mga tao ang mga prinsipyong ito, hindi ba’t bibitiwan nila ang kanilang mga alalahanin at maling paniniwala? Sa oras na isantabi mo ang iyong mga alalahanin at maling paniniwala, at wala kang anumang di-makatwirang ideya tungkol sa Diyos, ang mga negatibong elemento ay unti-unting mawawalan ng dominanteng posisyon sa loob mo, at haharapin mo ang mga ganitong uri ng bagay sa tamang paraan. Samakatuwid, mahalagang hanapin ang katotohanan at sikaping maunawaan ang mga layunin ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan at Pagpapasakop sa Diyos Maaaring Matamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Disposisyon
Inililigtas ng Diyos ang mga taong nagawang tiwali ni Satanas at may mga tiwaling disposisyon, hindi mga perpektong taong walang mga kapintasan o iyong mga namumuhay nang nakabukod. Ang ilang tao, sa oras ng pagbubunyag ng kaunting katiwalian, ay iniisip na, “Nilabanan ko na naman ang Diyos. Nananalig ako sa Diyos nang maraming taon at hindi pa rin ako nagbabago. Siguradong hindi na ako gusto ng Diyos!” Pagkatapos ay nasasadlak sila sa kawalan ng pag-asa at ayaw na nilang hangarin ang katotohanan. Ano ang tingin mo sa saloobing ito? Sila mismo ay sumuko na sa katotohanan, at naniniwala na hindi na sila gusto ng Diyos. Hindi ba’t ito ay maling pagkaunawa sa Diyos? Ang gayong pagkanegatibo ang pinakamadaling paraan para mapagsamantalahan ni Satanas. Tinutuya sila ni Satanas, sinasabing, “Hangal ka! Nais ng Diyos na iligtas ka, ngunit nagdurusa ka pa rin nang ganito! Kaya, sumuko ka na lang! Kung susuko ka, ititiwalag ka ng Diyos, na katulad lang ng pagbibigay Niya sa iyo sa akin. Pahihirapan kita hanggang kamatayan!” Sa sandaling magtagumpay si Satanas, magiging kahila-hilakbot ang mga kahihinatnan. Dahil dito, anuman ang mga paghihirap o pagkanegatibo ang kinakaharap ng isang tao, hindi siya dapat sumuko. Dapat niyang hanapin ang katotohanan para sa mga solusyon, at hindi siya dapat pasibong maghintay. Sa panahon ng proseso ng paglago sa buhay at sa panahon ng pagliligtas sa tao, maaaring tumatahak minsan ang mga tao sa maling landas, lumilihis, o nagkakaroon ng mga pagkakataon kung saan nagpapakita sila ng mga kalagayan at pag-uugali ng kakulangan sa gulang ng kaisipan sa buhay. Maaaring mayroon silang mga oras ng kahinaan at pagkanegatibo, mga oras na nagsasabi sila ng mga maling bagay, nadadapa, o nakararanas ng kabiguan. Ang lahat ng ito ay normal sa mga mata ng Diyos. Hindi Niya sila pinag-iisipan ng masama dahil dito. Iniisip ng ilang tao na masyadong malalim ang kanilang katiwalian, at na hindi nila kailanman mapapalugod ang Diyos, kaya’t nalulungkot sila at kinamumuhian nila ang kanilang sarili. Ang mga may pusong nagsisisi na tulad nito ay ang mismong mga taong inililigtas ng Diyos. Sa kabilang banda, ang mga naniniwalang hindi nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos, na nag-iisip na sila ay mabubuting tao at walang mali sa kanila, ay kadalasang hindi ang mga inililigtas ng Diyos. Ano ang ipinaparating Ko sa inyo rito? Magsalita ang sinumang nakauunawa. (Kailangan naming maayos na pangasiwaan ang mga pagbubunyag namin ng katiwalian at tumuon sa pagsasagawa sa katotohanan, at matatanggap namin ang pagliligtas ng Diyos. Kung palagi kaming magkakamali ng pagkaunawa sa Diyos, madali kaming masasadlak sa kawalan ng pag-asa.) Dapat kang magkaroon ng pananalig at sabihing, “Kahit na mahina ako ngayon, at nadapa at nabigo ako, lalago ako, at balang-araw ay mauunawaan ko ang katotohanan, mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, at makakamit ang kaligtasan.” Dapat kang magkaroon ng ganitong kapasyahan. Anuman ang mga balakid, paghihirap, pagkabigo, o pagkadapa na iyong nararanasan, hindi ka dapat maging negatibo. Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang inililigtas ng Diyos. Higit pa rito, kung sa tingin mo ay hindi ka pa kuwalipikadong iligtas ng Diyos, o kung may mga pagkakataon kung saan nasa mga kalagayan ka na kinasusuklaman o hindi kinalulugdan ng Diyos, o may mga pagkakataong hindi maganda ang iyong pag-uugali, at hindi ka tinatanggap ng Diyos, o itinataboy ka ng Diyos, hindi na ito mahalaga. Ngayon ay alam mo na, at hindi pa huli ang lahat. Hangga’t nagsisisi ka, bibigyan ka ng pagkakataon ng Diyos.
… Diyos ay matuwid at patas sa lahat. Hindi tinitingnan ng Diyos kung ano ka dati o ang iyong kasalukuyang tayog, tinitingnan Niya kung hinahangad mo ang katotohanan at kung tinatahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Hinding-hindi ka dapat magkamali ng pagkaunawa sa Diyos at sabihing, “Bakit kaya pa ring magsinungaling at magbunyag ng katiwalian ang mga taong maililigtas ng Diyos? Dapat iligtas ng Diyos ang mga hindi nagsisinungaling.” Hindi ba’t isa itong maling paniniwala? Mayroon bang sinuman sa tiwaling sangkatauhan ang hindi nagsisinungaling? Kailangan pa ba ng mga taong hindi nagsisinungaling ang kaligtasan ng Diyos? Ang sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas, ang siyang inililigtas ng Diyos. Kung hindi mo man lang maintindihan nang malinaw ang katunayang ito, kung gayon, mangmang at hangal ka. Tulad ng sinabi ng Diyos, “Walang matuwid sa ibabaw nitong lupa, ang mga matuwid ay wala rito sa mundo.” Dahil mismo sa ang sangkatauhan ay ginawang tiwali ni Satanas kaya ang Diyos ay nagkatawang-tao sa lupa upang iligtas ang mga tiwaling taong ito. Bakit walang sinasabi ang Diyos tungkol sa pagliligtas sa mga anghel? Ito ay dahil ang mga anghel ay nasa langit, at hindi ginawang tiwali ni Satanas. Palaging sinasabi ng Diyos mula sa simula na “Ang sangkatauhan na Aking inililigtas ay ang sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas, ang sangkatauhan na binawi mula sa mga kamay ni Satanas, ang sangkatauhan na nagtataglay ng tiwaling disposisyon ni Satanas, ang sangkatauhan na sumasalungat sa Akin, na lumalaban sa Akin, at naghihimagsik laban sa Akin.” Kung gayon, bakit hindi hinaharap ng mga tao ang katunayang ito? Hindi ba’t mali nilang nauunawaan ang Diyos? Ang maling pagkaunawa sa Diyos ang pinakamadaling landas sa paglaban sa Kanya at dapat itong malutas kaagad. Ang pagkabigong lutasin ang isyung ito ay napakamapanganib dahil madali itong hahantong sa pagsasantabi sa iyo ng Diyos. Ang mga maling pagkaunawa ng mga tao ay nakaugat sa kanilang mga haka-haka at imahinasyon. Kung palagi silang kumakapit sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, malamang na tatanggi silang tanggapin ang katotohanan. Kapag mali ang pagkaunawa mo sa Diyos, kapag hindi mo hinahangad ang katotohanan para sa resolusyon, alam ninyo ang mga kahihinatnan. Hinahayaan ka ng Diyos na madapa, mabigo, at gumawa ng mga pagkakamali. Bibigyan ka ng Diyos ng mga pagkakataon at oras upang maunawaan ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, unti-unting maunawaan ang Kanyang mga layunin, gawin ang lahat nang naaayon sa Kanyang mga layunin, tunay na magpasakop sa Diyos, at makamit ang katotohanang realidad na hinihingi ng Diyos na taglayin ng mga tao. Gayunpaman, sino ang taong pinakakinasusuklaman ng Diyos? Ito ay ang taong kahit na alam niya ang katotohanan sa kanyang puso, tumatanggi siyang tanggapin ito, lalo na ang isagawa ito. Sa halip, namumuhay pa rin siya sa mga pilosopiya ni Satanas, ngunit itinuturing ang kanyang sarili na mabuti at mapagpasakop sa Diyos habang naghahangad din na iligaw ang iba at magkaroon ng posisyon sa sambahayan ng Diyos. Pinakakinasusuklaman ng Diyos ang ganitong uri ng tao, siya ay isang anticristo. Bagaman lahat ng tao ay may tiwaling disposisyon, ang mga kilos na ito ay may ibang kalikasan. Hindi ito ordinaryong tiwaling disposisyon o normal na pagbubunyag ng katiwalian; sa halip, sinasadya at mapagmatigas mong nilalabanan ang Diyos hanggang sa huli. Alam mo na may Diyos, nananalig ka sa Diyos, ngunit sadya mong pinipiling labanan Siya. Hindi ito pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at problema ng maling pagkaunawa; sa halip ay sinasadya mong labanan ang Diyos hanggang sa huli. Maililigtas ba ng Diyos ang isang tulad nito? Hindi ka ililigtas ng Diyos. Ikaw ay kaaway ng Diyos, samakatuwid, ikaw ay isang diyablo at isang Satanas. Maililigtas pa ba ng Diyos ang mga diyablo at mga Satanas?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita
Mula’t simula, madalas Ko na kayong hinimok na dapat hanapin ng bawat isa sa inyo ang katotohanan. Hangga’t may pagkakataong gawin ito, huwag kayong susuko; ang paghahanap sa katotohanan ay obligasyon, responsabilidad, at tungkulin ng bawat isang tao, at ang landas na dapat lakaran ng bawat tao, pati na ang landas na dapat lakaran ng lahat ng maliligtas. Ngunit walang dumirinig nito—walang nag-iisip na isa itong mahalagang bagay, naniniwalang salita ng pagmamalinis lamang ito, iniisip ng bawat tao kung ano ang gusto nila. Mula simula hanggang ngayon, bagama’t marami na ang humahawak ng mga aklat ng mga salita ng Diyos sa kanilang mga kamay at binabasa ang mga ito, ang nakikinig sa mga pangaral, ang tila tumanggap ng lahat ng paghatol at pagkastigo ng Diyos at ng Kanyang patnubay habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, sa katunayan, hindi pa naitatag ang isang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos, at ang lahat ng tao ay namumuhay ayon sa kanilang mga imahinasyon, kuru-kuro, maling pagkaunawa, at haka-haka, at namumuhay pa nga sa araw-araw nang may pagdududa at pagkanegatibo, at hinaharap nila ang mga salita, ang gawain at ang paggabay ng Diyos batay sa mga bagay na ito. Kung nabubuhay ka sa gayong mga kalagayan, paano mo maiwawaksi ang pagiging negatibo? Paano mo maiwawaksi ang pagiging mapaghimagsik? Paano mo maiwawaksi ang kaisipan at saloobin ng panlilinlang at kabuktutan o ang haka-haka at maling pagkaunawang ginagamit mo sa pagharap mo sa atas at tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos? Tiyak na hindi maiwawaksi ang mga ito. Samakatwid, kung hangad mong tahakin ang isang landas ng paghahanap at pagsasagawa sa katotohanan at ng pagpasok sa katotohanang realidad, dapat kang pumaroon kaagad sa harapan ng Diyos, manalangin sa Kanya, at hanapin ang Kanyang mga layunin—at ang maunawaan ang Kanyang mga pagnanais ang pinakamahalaga sa lahat. Napakaimpraktikal na laging mamuhay sa mga kuru-kuro at imahinasyon; dapat mong matutuhang pagnilayan ang sarili mo sa lahat ng bagay, at makilala kung aling mga tiwaling disposisyon na mayroon ka pa rin ang kailangan linisin, kung aling mga bagay ang humahadlang sa iyo sa pagsasagawa ng katotohanan, kung anong mga maling pagkakaunawa o mga kuru-kuro ang mayroon ka tungkol sa Diyos, at kung aling mga bagay na ginagawa Niya ang hindi umaayon sa mga kuru-kuro mo, kundi nagsasanhi sa iyong magduda at magkamali ng pagkaunawa. Kung pagninilay-nilayan mo ang sarili mo sa ganitong paraan, maaari mong matuklasan kung aling mga problema na mayroon ka pa ang kailangang lutasin sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, at kung magsasagawa ka nang gaya nito ay mabilis na lalago ang buhay mo. Kung hindi mo pagninilay-nilayan ang sarili mo kundi lagi kang magkikimkim ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa iyong puso tungkol sa Diyos, kung lagi mong ipipilit ang sarili mong mga ideya, lagi mong iisipin na binibigo ka ng Diyos o hindi Siya patas sa iyo, at lagi kang kakapit sa sarili mong pangangatwiran, ang maling pagkakaunawa mo sa Diyos ay lalo lamang lalalim at mapapalayo lang nang mapapalayo ang ugnayan mo sa Kanya, habang ang pagrerebelde at pagsalungat sa Kanya ng puso mo ay titindi nang titindi. Mapanganib kung ang kalagayan mo ay sasama nang ganito, sapagkat seryoso na nitong maaapektuhan kung gaano ka kaepektibo sa pagganap mo ng iyong tungkulin. Magagawa mo lang tratuhin ang tungkulin at responsabilidad mo nang may saloobin na walang ingat, pabasta-basta, walang pagpipitagan, nagrerebelde, at lumalaban, at ano ang magiging resulta sa huli? Magtutulak sa iyo ito na maging pabasta-basta sa paggawa mo ng iyong tungkulin, na maging mapanlinlang at lumalaban sa Diyos. Hindi mo makakamit ang katotohanan, ni mapapasok ang mga katotohanang realidad. Ano ang pinakadahilan ng resultang ito? Ito ay dahil ang mga tao ay mayroon pa ring mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos sa kanilang puso, at ang mga praktikal na problemang ito ay hindi pa nalulutas. Kaya, laging magkakaroon ng malaking agwat sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Kaya, kung nais humarap ng mga tao sa Diyos, kailangan muna nilang pagnilayan kung anong mga maling pagkaunawa, kuru-kuro, imahinasyon, pag-aalinlangan, o haka-haka ang mayroon sila tungkol sa Diyos. Lahat ng ito ay dapat na siyasatin. Totoong ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro o maling pagkakaunawa sa Diyos ay hindi simpleng bagay, sapagkat may kinalaman ito sa saloobin ng mga tao sa Diyos pati na rin sa kanilang kalikasang diwa. Kung hindi hahanapin ng mga tao ang katotohanan upang lutasin ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawang ito, ang mga bagay na ito ay hindi naman maglalaho na lamang. Kahit na hindi pa maapektuhan ng mga ito ang pagganap mo sa iyong tungkulin o ang paghahangad mo sa katotohanan, kapag may nangyayari o dahil sa mga espesyal na pagkakataon ay lilitaw pa rin ang mga ito upang guluhin ang isipan mo at ang pagganap mo sa iyong tungkulin. Kaya, kung mayroon kang mga kuru-kuro at maling pagkakaunawa, dapat mong harapin ang Diyos at pagnilayan ang sarili mo, hanapin ang katotohanan, at malinaw na maunawaan ang ugat at ang diwa kung bakit umuusbong sa mga tao ang mga kuru-kuro at maling pagkakaunawang ito. Saka lamang maglalaho ang mga ito, magiging normal ang relasyon mo sa Diyos, at unti-unti nang lalago ang buhay mo. Ang pagkakaroon ng mga tao ng napakaraming kuru-kuro at maling pagkakaunawa tungkol sa Diyos ay nagpapatunay na ang sangkatauhan ay lumalaban at hindi tugma sa Kanya. Tanging sa pamamagitan ng patuloy na paglutas sa mga kuru-kuro at maling pagkakaunawang ito na ang agwat sa pagitan ng mga tao at ng Diyos ay unti unting mawawala. Makapagpapasakop na sila sa Diyos, at magkakaroon na sila ng mas malaking pananalig sa Kanya; kung may ganito nang mas malaking pananalig, ang pagsasagawa nila sa katotohanan ay hindi na gaanong madudungisan, at mas magiging kaunti na ang dungis at mga hadlang sa paghahangad nila sa katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanyang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos
Kung mayroon kang tapat na saloobin, isang saloobing tumatanggap at nagpapasakop sa katotohanan, at anuman ang mangyari, gaano mang sakit ang mayroon sa puso mo, o gaano ka man mapahiya ay lagi mong kayang tanggapin ang katotohanan at magpasakop dito, at kaya mo pa ring manalangin sa Diyos, at sabihing, “Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama, at dapat kong tanggapin ito,” ito ay mapagpasakop na saloobin. Gayunman, sa proseso ng pagtanggap, dapat mong patuloy na pagnilayan ang sarili mo, pagnilayan kung nasaan ang mga pagkakamali sa iyong mga aksyon at asal, at kung anong mga aspekto ng katotohanan ang nalabag mo. Dapat mo ring himayin ang mga sarili mong layunin, para makita mo nang malinaw ang tunay mong kalagayan at tayog. Kung pagkatapos noon ay hahanapin mo ang katotohanan, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan nang ayon sa mga prinsipyo. Kung magsasagawa at daranas ka sa ganitong paraan, makakausad ka na bago mo pa malaman. Ang katotohanan ay mag-uugat na sa loob mo; uusbong ito, mamumunga, at magiging buhay mo. Ang lahat ng problema ng iyong mga pagpapakita ng katiwalian ay unti-unting malulutas. Kapag may mga nangyayari, ang saloobin, mga pananaw, at mga kalagayan mo ay mas lalong kikiling sa positibo. Magiging malayo ka pa rin ba sa Diyos kapag nagkagayon? Marahil ay malayo ka pa rin sa Kanya, pero palapit ka na nang palapit, at ang mga pagdududa, haka-haka, maling pagkakaunawa, reklamo, pagrerebelde, at paglaban na kinikimkim mo sa Diyos ay mababawasan din. Kapag nabawasan na ang mga iyon, magiging mas madali na para sa iyo na patahimikin ang sarili mo sa harap ng Diyos kapag may mga nangyayari, at magiging madali nang manalangin sa Kanya, hanapin ang katotohanan, at maghanap ng isang landas ng pagsasagawa. Kapag hindi mo nakikita nang malinaw ang mga bagay na sumasapit sa iyo, kundi sa halip ay lubusan kang nalilito, at hindi mo pa rin hinahanap ang katotohanan, magkakaroon ng problema. Tiyak na lulutasin mo ang mga bagay-bagay gamit ang mga solusyon ng tao, at ang iyong mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, madadayang pamamaraan, at mga tusong paraan ay lalabas lahat. Ganito unang tumutugon ang mga tao sa mga bagay na nasa puso nila. Ang ilang tao ay hindi kailanman isinasapuso ang pagsisikap nila para sa katotohanan kapag may mga nangyayari, at sa halip ay lagi nilang iniisip kung paano haharapin ang mga bagay na iyon sa pamamagitan ng mga pamamaraan ng tao. Bilang resulta, nangangapa sila nang mahabang panahon, pinahihirapan nila ang sarili nila hanggang sa mamutla na ang mukha nila sa pagod, pero hindi pa rin nila isinasagawa ang katotohanan. Ganito kaawa-awa ang mga hindi naghahangad sa katotohanan. Bagama’t maaaring maluwag sa loob mong tinutupad ang iyong tungkulin sa ngayon, at maaaring tinatalikuran mo ang mga bagay-bagay at iginugugol mo ang iyong sarili nang maluwag sa iyong loob, kung mayroon ka pa ring mga maling pagkaunawa, haka-haka, pag-aalinlangan, o reklamo tungkol sa Diyos, o kahit pa nga paghihimagsik at paglaban sa Kanya, o kung gumagamit ka ng iba’t ibang pamamaraan at estratehiya para salungatin Siya at tanggihan ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa iyo—kung hindi mo lulutasin ang mga bagay na ito—magiging halos imposible para sa katotohanan na maging panginoon mo, at magiging nakakapagod ang buhay mo. Madalas na nakikibaka at pinapahirapan ang mga tao sa mga negatibong kalagayang ito, na para bang lumubog sila sa isang putikan, at lagi silang abala sa ideya ng tama at mali. Paano nila matutuklasan at mauunawaan ang katotohanan? Upang mahanap ang katotohanan, dapat munang magpasakop ang isang tao. Pagkatapos, pagkaraan ng maikling panahon ng karanasan, magagawa niyang magkaroon ng kaunting kaliwanagan, sa puntong ito madali nang maunawaan ang katotohanan. Kung laging sinusubukan ng isang tao na alamin kung ano ang tama at mali at naiipit siya sa kung ano ang totoo at di-totoo, wala siyang paraan upang matuklasan o maunawaan ang katotohanan. At ano ang kalalabasan nito kung hindi kailanman mauunawaan ng isang tao ang katotohanan? Umuusbong ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos mula sa hindi pagkaunawa sa katotohanan; kapag may mga maling pagkaunawa sa Diyos ang isang tao, malamang ay magrereklamo siya tungkol sa Diyos. Kapag lumabas ang mga reklamong ito, nagiging pagsalungat ang mga ito; ang pagsalungat sa Diyos ay paglaban sa Kanya, at isa itong mabigat na pagsalangsang. Kung maraming nagawang pagsalangsang ang isang tao, nakagawa siya ng patung-patong na kasamaan, at dapat siyang parusahan. Ito ang uri ng bagay na resulta ng magpakailanmang kawalang-kakayahang maunawaan ang katotohanan. Kaya, ang paghahanap sa katotohanan ay hindi lamang para gawin kang gumaganap ng tungkulin nang mabuti, masunurin, kumikilos nang ayon sa mga alintuntunin, mukhang deboto, o mayroong banal na asal at kilos. Hindi lamang ito para makamit ang mga bagay na ito; ito ay pangunahing para lutasin ang iba’t ibang maling pananaw na kinikimkim mo tungo sa Diyos. Ang layunin ng pag-unawa sa katotohanan ay ang lutasin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao; kapag nalutas na ang mga tiwaling disposisyon na iyon, hindi na magkakaroon ng mga maling pagkakaunawa ang mga tao tungkol sa Diyos. Magkaugnay ang dalawang bagay na ito. Kasabay ng paglutas ng mga tao sa kanilang mga tiwaling disposisyon, ang ugnayan sa pagitan nila at ng Diyos ay unti-unting bubuti at lalong magiging normal. Kaya, kapag nalutas na ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, ang kanilang mga pag-aalinlangan, hinala, pagsubok, maling pagkakaunawa, tanong, at hinaing sa Diyos, at maging ang kanilang paglaban, ay malulutas nang lahat, nang paunti-unti. Anong pagpapamalas ang mangyayari kaagad kapag nalutas na ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao? Magbabago na ang saloobin niya sa Diyos. Kaya na niyang harapin ang lahat ng bagay nang may pusong nagpapasakop sa Diyos, at pagkatapos ay bubuti na ang ugnayan niya sa Diyos. Kapag nauunawaan na niya ang katotohanan, maisasagawa na niya ito. Mayroon na siyang pusong nagpapasakop sa Diyos kaya hindi na siya magiging pabasta-basta sa pagganap ng kanyang tungkulin, lalo nang hindi niya lilinlangin ang Diyos. Sa ganitong paraan, mababawasan nang mababawasan ang kanyang mga kuru-kuro at maling pagkakaunawa sa Diyos, ang ugnayan niya sa Diyos ay lalong magiging normal, at magagawa na niyang lubusang makapagpasakop sa Diyos kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin. Kapag hindi niya nilutas ang isyu ng kanyang mga tiwaling disposisyon, hindi siya kailanman magtatamo ng isang normal na relasyon sa Diyos, at hindi siya kailanman magkakaroon ng isang pusong mapagpasakop sa Diyos. Tulad lang ng mga walang pananampalataya, magiging labis siyang mapaghimagsik, laging ikinakaila at nilalabanan ang Diyos sa kanyang puso, at magiging imposibleng magampanan niya nang maayos ang kanyang tungkulin. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga ng paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan! Hindi mo hinahangad ang katotohanan, pero gusto mo pa ring malutas ang mga kuru-kuro, maling pagkakaunawa, at mga reklamo mo tungkol sa Diyos—makakamit mo ba ito? Tiyak na hindi. Sinasabi ng ilang tao: “Simpleng tao lang ako, wala akong anumang gaya ng mga kuru-kuro, maling pagkakaunawa o pagrereklamo. Hindi ko iniisip ang mga ito.” Masisiguro mo bang wala kang anumang kuru-kuro kung hindi mo ito iniisip? Maiiwasan mo bang ipakita ang mga tiwali mong disposisyon kung hindi mo ito iisipin? Anumang katiwalian ang ihayag ng isang tao, lagi itong tinutukoy ng kanyang kalikasan. Ang lahat ng tao ay nabubuhay ayon sa kanilang satanikong kalikasan; malalim ang pagkakaugat sa loob nila ng kanilang mga satanikong disposisyon, at naging kalikasang diwa na nila ang mga iyon. Walang paraan ang mga tao para puksain ang kanilang mga satanikong disposisyon, sa paggamit lamang sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos na unti-unti nilang malulutas ang lahat ng isyu ng kanilang mga tiwaling disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanyang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos
Kinalulugdan Ko ang mga hindi mapaghinala sa iba, at gusto Ko ang mga tumatanggap kaagad ng katotohanan; nagpapakita Ako ng labis na pagkalinga sa dalawang uri ng mga taong ito, dahil matatapat silang mga tao sa Aking paningin. Kung mapanlinlang ka, magiging malihim at mapaghinala ka sa lahat ng tao at bagay, kaya ang pananampalataya mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananampalataya. Sa kakulangan ng tunay na pananampalataya, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal. At kung malamang na pagdudahan mo ang Diyos at sinasadya mong gumawa ng haka-haka tungkol sa Kanya, kung gayon walang kaduda-dudang ikaw ang pinakamapanlinlang sa lahat ng tao. Nag-iisip-isip ka kung maaaring maging katulad ng tao ang Diyos: makasalanang di-mapapatawad, mababaw ang pagkatao, salat sa pagiging makatarungan at katwiran, walang pagkaunawa sa katarungan, mahilig sa mapanirang mga kaparaanan, taksil at tuso, nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba’t ang dahilan kaya may ganitong kaisipan ang mga tao ay sapagkat wala sila ni bahagyang kaalaman sa Diyos? Kasalanan talaga ang ganitong uri ng pananampalataya! Mayroon pa ngang ibang naniniwala na ang mga nagbibigay-lugod sa Akin ay ang mga nambobola at sumisipsip, at hindi tatanggapin sa tahanan ng Diyos at mawawalan ng lugar doon ang mga walang kasanayan sa ganoong mga bagay. Ito lamang ba ang tanging kaalamang nakuha ninyo pagkatapos ng maraming taon? Ito ba ang nakamit ninyo? At hindi tumitigil sa mga maling pagkaunawang ito ang kaalaman ninyo sa Akin; mas malala pa ay ang kalapastanganan ninyo sa Espiritu ng Diyos at pinagmumukha ninyong masama sa Langit. Ito ang dahilan kaya sinasabi Kong magdudulot lamang ng lalong paglayo ninyo sa Akin at higit pang pagsalungat sa Akin ang pananampalatayang tulad ng sa inyo. Sa loob ng maraming taon ng gawain, marami na kayong nakitang katotohanan, ngunit alam ba ninyo kung ano ang narinig ng Aking mga tainga? Ilan sa inyo ang handang tanggapin ang katotohanan? Naniniwala kayong lahat na handa kayong bayaran ang halaga ng katotohanan, ngunit ilan sa inyo ang tunay na nagdusa para sa katotohanan? Walang iba kundi pagiging hindi matuwid ang nasa mga puso ninyo, na nagpapaisip sa inyo na ang lahat, maging sino man sila, ay parehong mapanlinlang at buktot—hanggang sa puntong naniniwala pa nga kayo na ang Diyos na nagkatawang-tao, tulad ng karaniwang tao, ay maaaring walang mabuting puso o mapagmalasakit na pagmamahal. Higit pa riyan, naniniwala kayo na sa Diyos na nasa langit lamang umiiral ang isang marangal na katangian at isang mahabagin at mapagmalasakit na kalikasan. Naniniwala kayong walang santong tulad nito, na tanging kadiliman at kasamaan ang naghahari sa lupa, samantalang ang Diyos ay isang bagay na pinaglalagakan ng mga tao ng kanilang pananabik sa mabuti at maganda, isang maalamat na nilalang na gawa-gawa lamang nila. Sa inyong mga isipan, ang Diyos na nasa langit ay lubhang marangal, matuwid, at dakila, karapat-dapat sa pagsamba at paghanga; samantala, itong Diyos na nasa lupa ay panghalili lamang, at isang kasangkapan, ng Diyos na nasa langit. Naniniwala kayo na hindi magiging kapantay ng Diyos na nasa langit ang Diyos na ito, at lalong hindi Siya dapat mabanggit nang tulad ng pagbanggit sa Kanya. Pagdating sa kadakilaan at karangalan ng Diyos, tumutukoy ito sa kaluwalhatian ng Diyos na nasa langit, ngunit pagdating sa kalikasan at sa katiwalian ng tao, mga katangian ito na may bahagi ang Diyos na nasa lupa. Walang-hanggang matayog ang Diyos na nasa langit, samantalang magpakailanmang hamak, mahina, at walang kakayahan ang Diyos na nasa lupa. Hindi nadadala ng mga damdamin ng laman ang Diyos na nasa langit, kundi sa pagiging matuwid lamang, samantalang may makasariling dahilan lamang at walang anumang pagkamakatarungan o katwiran ang Diyos na nasa lupa. Wala kahit bahagyang kabuktutan at tapat magpakailanman ang Diyos na nasa langit, samantalang laging may mapandayang katangian ang Diyos na nasa lupa. Mahal na mahal ng Diyos na nasa langit ang tao, samantalang nagpapakita ng hindi sapat na pag-aaruga sa tao ang Diyos na nasa lupa, at lubos pa nga itong pinababayaan. Matagal na sa mga puso ninyo ang nakalilinlang na kaalamang ito at maaari rin itong maipagpatuloy sa hinaharap. Tinitingnan ninyo ang lahat ng gawa ni Cristo mula sa pananaw ng mga hindi matuwid at sinusuri ang lahat ng Kanyang gawain, gayundin ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa, mula sa pananaw ng masama. Nakagawa kayo ng matinding pagkakamali at nagawa ninyo ang hindi pa kailanman nagagawa ng mga nauna sa inyo. Ibig sabihin, pinaglilingkuran lamang ninyo ang dakilang Diyos na nasa langit na may korona sa Kanyang ulo, at hindi kayo kailanman nagsisilbi sa Diyos na itinuturing ninyo na napakahamak kaya hindi ninyo Siya nakikita. Hindi ba’t ito ay inyong kasalanan? Hindi ba ito isang karaniwang halimbawa ng pagkakasala ninyo laban sa disposisyon ng Diyos? Sinasamba ninyo ang Diyos na nasa langit. Sinasamba ninyo ang matatayog na larawan at pinahahalagahan ang mga bantog dahil sa kanilang kahusayang magsalita. Nagagalak kang mautusan ng Diyos na pumupuno sa iyong mga kamay ng mga yaman, at pinananabikan nang labis ang Diyos na makatutupad ng bawat nais mo. Ang Diyos na ito na hindi matayog ang tanging hindi mo sinasamba; ang pakikisama sa Diyos na hindi kayang igalang ng sinuman ang nag-iisang bagay na kinapopootan mo. Ang paglingkuran ang Diyos na hindi kailanman nagbigay sa iyo ng kahit isang sentimo ang tanging bagay na hindi mo handang gawin, at ang hindi kaibig-ibig na Diyos na ito ang Siyang natatangi na hindi magawang panabikin ka sa Kanya. Walang kakayahan ang ganitong Diyos na mapalawak ang mga pananaw mo, na maiparamdam sa iyo na tila ba may natagpuan kang kayamanan, at lalong hindi Niya matutupad ang nais mo. Kung gayon, bakit mo Siya sinusunod? Napag-isipan mo na ba ang mga katanungang tulad nito? Sa ginagawa mo ay hindi ka lamang nagkakasala sa Cristong ito; mas mahalaga, nagkakasala ka sa Diyos na nasa langit. Sa palagay Ko, hindi ito ang layunin ng pananampalataya ninyo sa Diyos!
… Hiling Ko para sa inyo na maintindihan mo balang-araw ang katotohanang ito: Para makilala ang Diyos, kailangan ninyong makilala hindi lamang ang Diyos na nasa langit kundi, higit pang mahalaga, ang Diyos na nasa lupa. Huwag kayong malito sa inyong mga prayoridad o hayaang mahalinhan ng pangalawa ang pangunahin. Tanging sa ganitong paraan ka lamang tunay na makabubuo ng magandang ugnayan sa Diyos, magiging higit na malapit sa Diyos, at higit na mailalapit ang puso mo sa Kanya. Kung isa kang mananampalataya sa loob ng maraming taon at matagal nang nauugnay sa Akin, subalit nananatiling malayo sa Akin, kung gayon ay sinasabi Ko na iyan ay dahil madalas kang nagkakasala sa disposisyon ng Diyos, at magiging napakahirap kalkulahin ang katapusan mo. Kung ang maraming taon ng kaugnayan mo sa Akin ay hindi lamang nabigong baguhin ka para maging isang taong nagtataglay ng pagkatao at ng katotohanan, ngunit, bukod dito ay naitanim ng mga ito ang masama mong mga gawi sa iyong kalikasan, at hindi lamang may makadalawang ulit na pagmamataas ka kaysa dati, kundi dumami rin ang mga maling pagkakaintindi mo sa Akin, kaya’t tinitingnan mo na Ako ngayon bilang abang alalay, kung gayon ay sinasabi Ko na hindi na lamang paimbabaw ang sakit mo ngunit tumagos na sa mismong mga buto mo. Ang nalalabi na lamang ay hintayin mong matapos ang pagsasaayos ng iyong libing. Hindi mo na kailangang magsumamo sa Akin upang maging Diyos mo, dahil nakagawa ka ng kasalanang nararapat sa kamatayan, isang kasalanang walang kapatawaran. Magkaroon man Ako ng habag sa iyo, igigiit ng Diyos na nasa langit na kunin ang buhay mo, dahil hindi pangkaraniwang suliranin ang pagkakasala mo laban sa disposisyon ng Diyos, ngunit isang may napakalubhang kalikasan. Pagdating ng oras, huwag mo Akong sisisihin na hindi Kita kaagad sinabihan. Bumabalik ang lahat dito: Kapag nakipag-ugnayan ka kay Cristo—ang Diyos na nasa lupa—bilang pangkaraniwang tao, ibig sabihin, kung naniniwala kang walang iba kundi isang tao lamang ang Diyos na ito, ay saka ka lamang na mamamatay ka. Ito lamang ang babala Ko sa inyong lahat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Sa Wakas ay Malaya Na sa mga Maling Pagkaunawa
Mga Araw ng Pagdurusa Ko sa Maling Pag-unawa sa Diyos
Kaugnay na mga Himno
Ibinubunyag ng Paghatol at Pagkastigo ang Pagliligtas ng Diyos
Ang Layon ng Pagsasaayos ng Diyos sa mga Tao, Pangyayari, at Bagay sa Paligid ng Tao
Hindi Magbabago ang Intensiyon ng Diyos sa Pagligtas ng Tao
Gusto ng Diyos Yaong May Pagpapasiya