5. Paano lutasin ang problema ng pag-iimbot sa mga kasiyahan ng laman sa pamilya
Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya
“Kung ang sinumang tao’y pumaparito sa Akin, at hindi napopoot sa kanyang sariling ama, at ina, at asawang babae, at mga anak, at mga kapatid na lalaki, at mga kapatid na babae, oo, at pati sa kanyang sariling buhay man, ay hindi siya maaaring maging disipulo Ko” (Lucas 14:26).
“Sinuman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko” (Lucas 14:33).
“Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ‘Walang taong umiwan sa bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, alang-alang sa kaharian ng Diyos, na hindi tatanggap ng makapupung higit sa panahong ito, at sa sanlibutang darating, ng walang hanggang buhay’” (Lucas 18:29–30).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang mga mapanirang impluwensya ng libu-libong taon na “matayog na diwa ng nasyonalismo” ay malalim na tumimo sa puso ng tao, at pati na rin ang pyudal na pag-iisip kung saan ang mga tao ay nakatali at nakakadena, wala ni gatuldok na kalayaan, walang kagustuhang maghangad o magtiyaga, walang pagnanais na umunlad, at sa halip ay nananatiling negatibo at paurong, nakabaon sa kaisipan ng isang alipin, at iba pa—ang obhetibong mga salik na ito ay nag-iwan ng di-mabuburang bakas ng karumihan at kapangitan sa ideolohikal na pananaw, mga huwaran, moralidad, at disposisyon ng sangkatauhan. Tila nakatira ang mga tao sa isang madilim na mundo ng terorismo, na hindi hinahangad na malampasan ng sinuman sa kanila, at hindi iniisip na iwan ng sinuman sa kanila para sa isang huwarang mundo; sa halip, kuntento na sila sa kanilang kalagayan sa buhay, sa paggugol ng kanilang mga araw sa panganganak at pagpapalaki ng mga anak, pagsusumikap, pagpapapawis, sa pagtapos ng mga gawain, pangangarap ng isang maginhawa at masayang pamilya, ng pagmamahal ng asawa, ng paggalang ng mga anak sa kanilang mga magulang, ng kagalakan sa kanilang katandaan habang matiwasay na namumuhay…. Sa loob ng mga dekada, ng libu-libo, sampu-sampung libong taon hanggang sa ngayon, inaaksaya na ng mga tao ang kanilang oras sa ganitong paraan, na walang sinuman ang lumilikha ng isang perpektong buhay, lahat ay naghahangad lamang na makipagpatayan sa madilim na mundong ito, nakikipagkarera para sa katanyagan at kapalaran, at nang-iintriga laban sa isa’t isa. Sino ang naghanap na sa mga layunin ng Diyos? Mayroon na bang nagbigay-pansin sa gawain ng Diyos? Ang lahat ng bahagi ng sangkatauhan na sinakop ng impluwensiya ng kadiliman ay matagal nang naging kalikasan ng tao, kaya napakahirap na isakatuparan ang gawain ng Diyos, at lalo pang walang pagnanais ang mga tao na bigyang-pansin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila ngayon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 3
Sino ang tunay at ganap na makagugugol para sa Akin at makapaghahandog ng lahat-lahat nila para sa Akin? Lahat kayo ay walang gana; nagpapaikut-ikot ang inyong mga kaisipan, iniisip ang tahanan, ang mundo sa labas, ang pagkain at damit. Sa kabila ng katotohanang ikaw ay nasa harap Ko, gumagawa ng mga bagay-bagay para sa Akin, sa puso mo ay iniisip mo pa rin ang iyong asawa, mga anak at mga magulang na nasa bahay. Lahat ba ng ito ay pag-aari mo? Bakit hindi mo ipinagkakatiwala ang mga ito sa Aking mga kamay? Wala ka bang sapat na paniniwala sa Akin? O ito ba’y dahil natatakot ka na gagawa Ako ng mga di-karapat-dapat na mga pagsasaayos para sa iyo? Bakit ka laging nag-aalala sa pamilya ng iyong laman at nangungulila sa iyong mga mahal sa buhay! Mayroon ba Akong puwang sa puso mo? Nagsasalita ka pa rin tungkol sa pagpapaubaya sa Aking magkaroon ng pamamahala sa loob mo at sakupin ang iyong buong pagkatao—lahat ng ito ay mapanlinlang na mga kasinungalingan! Ilan sa inyo ang buong pusong tapat sa iglesia? At sino sa inyo ang hindi nag-iisip tungkol sa mga sarili ninyo, kundi kumikilos para sa kaharian ng ngayon? Pag-isipan nang buong ingat ang tungkol dito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 59
Sumunod na kayo sa Akin sa mga nakalipas na taon, ngunit hindi ninyo Ako nabigyan ni katiting na katapatan kailanman. Sa halip, napainog ninyo ang inyong buhay sa mga taong mahal ninyo at sa mga bagay na nagpapasaya sa inyo—kaya sa tuwina, at saanman kayo magpunta, pinanatili ninyo silang malapit sa puso ninyo at hindi sila pinabayaan kailanman. Tuwing kinasasabikan o kinagigiliwan ninyo ang anumang bagay na gustung-gusto ninyo, nangyayari ito habang sumusunod kayo sa Akin, o kahit habang nakikinig kayo sa Aking mga salita. Kaya nga, sinasabi Ko na ginagamit ninyo ang katapatang hinihingi Ko sa inyo upang sa halip ay maging matapat sa inyong mga “paborito” at itangi ang mga ito. Magsakripisyo man kayo ng isa o dalawang bagay para sa Akin, hindi ito kumakatawan sa lahat ng maibibigay ninyo, at hindi nagpapakita na sa Akin kayo talaga matapat. Nakikibahagi kayo sa mga gawaing gustung-gusto ninyo: Matapat ang ilang tao sa mga anak na lalaki at babae, ang iba naman sa kanilang asawa, kayamanan, trabaho, nakatataas, katayuan, o kababaihan. Hindi kayo nagsasawa o nayayamot kailanman sa mga bagay na matapat kayo; sa halip, lalo pa kayong nasasabik na magkaroon ng mas marami ng mga bagay na ito na mas mataas ang kalidad, at hindi kayo sumusuko kailanman. Ako at ang Aking mga salita ay palaging nahuhuli sa mga bagay na gustung-gusto ninyo. At wala kayong magagawa kundi ihuli ang mga ito. Mayroon pang mga tao na inihuhuli ito para sa mga bagay na matapat sila na kailangan pa nilang tuklasin. Kailanma’y wala ni katiting na bakas Ko sa puso nila. Maaari ninyong isipin na napakarami Kong hinihingi sa inyo o mali Ako sa pag-akusa sa inyo—ngunit naisip na ba ninyo kahit kailan ang katotohanan na habang masaya kayong gumugugol ng oras sa piling ng inyong pamilya, ni minsan ay hindi kayo naging matapat sa Akin? Sa ganitong mga pagkakataon, hindi ba kayo nasasaktan? Kapag puspos ng kagalakan ang inyong puso, at ginantimpalaan kayo para sa inyong mga pagpapagal, hindi ba kayo nalulungkot na hindi ninyo napagkalooban ang inyong sarili ng sapat na katotohanan? Kailan kayo naiyak dahil hindi ninyo natanggap ang Aking pagsang-ayon? Nag-iisip kayong mabuti at lubhang nagpapakasakit alang-alang sa inyong mga anak na lalaki at babae, ngunit hindi pa rin kayo nasisiyahan; naniniwala pa rin kayo na hindi kayo nagpakasipag para sa kanila, na hindi pa ninyo nagagawa ang lahat ng kaya ninyo para sa kanila. Gayunman, sa Akin, lagi kayong nagpapabaya at walang-ingat; nasa alaala lamang ninyo Ako, ngunit hindi Ako nananatili sa puso ninyo. Ang Aking debosyon at mga pagsisikap ay hindi ninyo nadarama palagi, at hindi kayo kailanman nagkaroon ng pagpapahalaga sa mga iyon. Nagninilay-nilay lamang kayo sandali at naniniwala na sasapat na ito. Hindi ganito ang “katapatan” na matagal Ko nang pinananabikan, kundi ito yaong matagal Ko nang kinasusuklaman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?
Hindi Ako ang laman ng inyong isipan sa bawat isang sandali, ni ang katotohanang nagmumula sa Akin, kundi ang inyong asawa, inyong mga anak, at ang mga bagay na inyong kinakain at isinusuot. Iniisip ninyo kung paano kayo magtatamo ng higit at mas mataas pang kasiyahan. Ngunit kahit halos pumutok na ang inyong tiyan sa kabusugan, hindi pa rin ba kayo isang bangkay? Kahit, sa tingin, napapalamutian ninyo nang marangyang bihisan ang inyong sarili, hindi pa rin ba kayo naglalakad na bangkay na walang buhay? Nagpapakahirap kayo alang-alang sa inyong sikmura, hanggang sa tubuan na kayo ng uban, subalit walang sinuman sa inyo ang nagsasakripisyo ni isang hibla ng buhok para sa Aking gawain. Palagi kayong humahangos, pinapagod ninyo ang inyong katawan at kinakalog ninyo ang inyong utak, para sa kapakanan ng inyong sariling laman, at para sa inyong mga anak—subalit wala ni isa sa inyo ang nagpapakita ng anumang pag-aalala o malasakit para sa Aking mga layunin. Ano pa ba ang inaasam ninyong matamo mula sa Akin?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang
Ang mga sumusunod sa Diyos ay dapat man lang kayang talikuran ang lahat ng mayroon sila. Minsang sinabi ng Diyos sa Bibliya, “Sinuman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko” (Lucas 14:33). Ano ang ibig sabihin ng pagtanggi o pagtalikod sa lahat ng tinatangkilik? Ang ibig sabihin nito ay na talikuran ang pamilya, talikuran ang trabaho, talikuran ang lahat ng makamundong kaugnayan. Madali ba itong gawin? Napakahirap nito. Kung walang kagustuhang gawin ito, hinding-hindi ito maisasakatuparan. Kapag ang isang tao ay may kagustuhang tumalikod, natural na taglay niya ang kagustuhang magtiis ng paghihirap. Kung hindi kayang magtiis ng paghihirap ang isang tao, hindi niya magagawang talikuran ang anuman, kahit na gustuhin pa niya. May ilan naman na, dahil tinalikuran nila ang kanilang mga pamilya at nilayuan ang kanilang mga mahal sa buhay, ay nangungulila matapos nilang gawin ang kanilang mga tungkulin pagtagal-tagal. Kung talagang hindi nila ito matitiis, maaaring palihim silang umuwi upang sumilip, at pagkatapos ay bumalik para gampanan ang kanilang mga tungkulin. Ang ilan na umalis sa kanilang mga tahanan upang gampanan ang kanilang mga tungkulin ay hindi maiwasang hanap-hanapin ang kanilang mga mahal sa buhay sa Bagong Taon at iba pang mga kapistahan, at kapag ang iba ay natutulog na sa gabi, sila ay palihim na umiiyak. Kapag tapos na sila, nananalangin sila sa Diyos at bumubuti ang kanilang pakiramdam, pagkatapos ay ipinagpapatuloy nilang gawin ang kanilang mga tungkulin. Bagama’t nagawa ng mga taong ito na talikuran ang kanilang mga pamilya, hindi nila kayang magtiis ng matinding sakit. Kung hindi man lang nila maiwawaksi ang kanilang mga damdamin para sa mga relasyong ito ng laman, paano nila magagawang tunay na gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos? Nagagawa ng ilang tao na talikuran ang lahat ng mayroon sila at sundin ang Diyos, tinatalikuran ang kanilang mga trabaho at pamilya—ngunit ano ang kanilang layunin sa paggawa nito? Ang ilang tao ay nagsisikap na makakuha ng biyaya at mga pagpapala, at ang ilan ay tulad ni Pablo, na naghahangad lamang ng korona at gantimpala. Iilan lamang ang mga taong tumatalikod sa lahat ng mayroon sila upang makamit ang katotohanan at buhay, at matamo ang kaligtasan. Alin sa mga paghahangad na ito ang naaayon sa mga layunin ng Diyos? Siyempre, ito ay ang paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng buhay. Ito ay ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos, at ito ang pinakamahalagang bahagi ng pananalig sa Diyos. Makakamit ba ng isang tao ang katotohanan kung hindi niya kayang bitiwan ang mga makamundong bagay o kayamanan? Hinding-hindi. … Ikaw ay makakapasok lamang sa kaharian ng Diyos kung magagawa mong talikuran ang lahat ng pinakamahalaga sa iyo upang sundin ang Diyos at gampanan ang iyong tungkulin, at hangarin ang katotohanan at makamit ang buhay. Ano ang ibig sabihin ng makapasok sa kaharian ng Diyos? Nangangahulugan ito na kaya mong talikuran ang lahat ng mayroon ka at sundin ang Diyos, pakinggan ang Kanyang mga salita, at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, magpasakop sa Kanya sa lahat ng bagay; nangangahulugan ito na Siya ay naging Panginoon at Diyos mo. Sa Diyos, nangangahulugan ito na nakapasok ka sa Kanyang kaharian, at anumang mga sakuna ang dumating sa iyo, tataglayin mo ang Kanyang proteksyon at mananatili kang buhay, at ikaw ay magiging isa sa mga tao ng Kanyang kaharian. Kikilalanin ka ng Diyos bilang Kanyang tagasunod, o kaya ay aalukin ng Kanyang pangako na gagawin ka Niyang perpekto—ngunit bilang unang hakbang mo, dapat kang sumunod kay Cristo. Sa ganitong paraan ka lamang magkakaroon ng gagampanang bahagi sa pagsasanay ng kaharian. Kung hindi ka susunod kay Cristo at nasa labas ka ng kaharian ng Diyos, hindi ka kikilalanin ng Diyos. At kung hindi ka kikilalanin ng Diyos, kahit na nais mong maligtas at makamit ang pangako ng Diyos at ang Kanyang pagpeperpekto, makakamit mo ba ang mga bagay na ito? Hindi. Kung nais mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, dapat ay maging kuwalipikado ka muna na makapasok sa Kanyang kaharian. Kung kaya mong talikuran ang lahat ng mayroon ka para mahangad mo ang katotohanan, kung kaya mong hanapin ang katotohanan sa pagganap mo ng iyong tungkulin, kung kaya mong kumilos ayon sa mga prinsipyo, at kung mayroon kang tunay na patotoong batay sa karanasan, nararapat kang makapasok sa kaharian ng Diyos at makatanggap ng Kanyang pangako. Kung hindi mo kayang talikuran ang lahat ng mayroon ka para sundan ang Diyos, hindi ka kuwalipikadong makapasok man lang sa Kanyang kaharian, at wala kang karapatan sa Kanyang pagpapala at sa Kanyang pangako. Maraming tao ngayon ang tumalikod sa lahat ng mayroon sila at gumaganap ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ngunit hindi nangangahulugang makakamit nila ang katotohanan. Kailangang mahalin ng isang tao ang katotohanan at magawa niya itong tanggapin bago niya ito makakamit. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, hindi niya ito makakamit. Hindi pa kasama ang mga gumaganap ng kanilang tungkulin sa mga oras na libre sila—ang karanasan nila sa gawain ng Diyos ay napakalimitado kung kaya’t magiging mas mahirap para sa kanila na makamit ang katotohanan. Kung hindi ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin o kaya ay hindi niya hinahangad ang katotohanan, mawawalan siya ng kamangha-manghang pagkakataon na makamit ang kaligtasan at pagpeperpekto ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na nananalig sila sa Diyos, ngunit hindi nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at hinahangad nila ang mga makamundong bagay. Ito ba ay pagtalikod sa lahat ng mayroon sila? Kung ganito manalig sa Diyos ang isang tao, magagawa ba niyang sundan ang Diyos hanggang sa wakas? Tingnan ninyo ang mga disipulo ng Panginoong Jesus: kabilang sa kanila ay mga mangingisda, magsasaka, at maniningil ng buwis. Noong tinawag sila ng Panginoong Jesus at sinabihan na, “Sundan ninyo Ako,” iniwan nila ang kanilang mga trabaho at sumunod sila sa Panginoon. Hindi nila inisip ang isyu ng kanilang trabaho, o ang problema na kung magkakaroon ba sila ng paraan para patuloy na mabuhay sa mundo pagkatapos, at agad-agad silang sumunod sa Panginoong Jesus. Buong-pusong inalay ni Pedro ang kanyang sarili, tinupad ang atas ng Panginoong Jesus hanggang sa wakas at itinaguyod ang kanyang tungkulin. Sa buong buhay niya, hinangad niya ang pag-ibig ng Diyos, at sa huli, ginawa siyang perpekto ng Diyos. Mayroong ilang tao ngayon na hindi man lang kayang talikuran ang lahat ng mayroon sila, ngunit nais pa rin nilang makapasok sa kaharian. Hindi ba sila nananaginip?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
(Pagsagot sa mga tanong mula sa mga kapatid)
(Napipigilan pa rin ako ng aking pagmamahal para sa aking pamilya habang ginagampanan ang aking tungkulin. Madalas akong nangungulila sa kanila, at nakakaapekto ito sa pagganap ko sa aking tungkulin. Bahagyang bumuti ang aking kalagayan nitong huli, ngunit minsan ay nag-aalala pa rin ako na aarestuhin ng malaking pulang dragon ang aking pamilya upang pagbantaan ako, at natatakot ako na hindi ako makakapanindigan kung magkagayon.) Ang mga takot na ito ay walang basehan. Kapag iniisip mo ang mga bagay na ito, kailangan mong hanapin ang katotohanan para sa isang resolusyon. Kailangan mong maunawaan na anumang pangyayari ang hinaharap mo, pinangasiwaan at isinaayos ito ng Diyos. Dapat mong matutunang magpasakop sa Diyos at magawang hanapin ang katotohanan at manindigan kapag nahaharap sa mga sitwasyon. Ito ay isang aral na dapat matutunan ng mga tao. Dapat kang madalas na magbulay-bulay: Paano mo dinaranas ang pagdidilig at pagpapastol ng Diyos sa panahong ito? Ano ang aktuwal mong tayog? Paano mo dapat tuparin ang tungkulin ng isang nilikha? Dapat mong malaman ang mga bagay na ito! Kung naiisip mo ang tungkol sa pagbabanta sa iyo ng malaking pulang dragon, bakit hindi mo isipin kung paano pumasok sa katotohanan? Bakit hindi mo pagbulay-bulayan ang katotohanan? (Kapag naiisip ko nga ang mga ito, ako ay nananalangin sa Diyos at nangangako na kung isang araw ay maharap talaga ako sa mga pangyayaring ito, mananatili akong tapat sa Diyos hanggang kamatayan. Ngunit natatakot talaga ako na hindi ko magagawa ito dahil sa maliit kong tayog.) Pagkatapos ay mananalangin ka, “Diyos ko, nangangamba ako na hindi ko magagawa ito dahil sa maliit kong tayog. Sobra akong natatakot. Pakiusap, huwag Mo pong gawin iyon. Maaari Mo itong gawin kapag mayroon na akong tayog.” Ito ba ay isang mabuting paraan ng pananalangin? (Hindi.) Ganito ka dapat na manalangin: “Diyos ko, maliit ang tayog at pananampalataya ko ngayon, natatakot akong kailangan kong harapin ang isang bagay; ang totoo, hindi talaga ako naniniwala na ang lahat ng usapin at ang lahat ng bagay ay nasa Iyong mga kamay. Hindi ko pa ipinagkatiwala ang sarili ko sa Iyong mga kamay; labis akong mapaghimagsik! Nakahanda akong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos at pangangasiwa. Anuman ang gawin Mo, nakahanda ang puso ko na magpatotoo para sa Iyo. Nakahanda akong manindigan sa aking patotoo nang hindi Ka ipinapahiya. Pakiusap, gawin Mo ang ayon sa kalooban Mo.” Kailangan mong ipagkatiwala ang iyong mga pangarap at ang gusto mong sabihin sa harap ng Diyos—ganito ka magkakaroon ng tunay na pananampalataya. Kung atubili kang manalangin maging sa ganitong paraan, tiyak na napakaliit ng pananampalataya mo! Kailangan mong madalas na manalangin nang ganito. Kahit na nananalangin ka nang ganito, hindi tiyak na tutugon ang Diyos. Hindi pinagpapasan ng Diyos ang mga tao ng higit pa sa makakaya nila, ngunit kung lilinawin mo ang iyong saloobin at paninindigan, malulugod ang Diyos. Kapag nalulugod ang Diyos, ang puso mo ay hindi na magugulo at mapipigilan ng usaping ito. “Ang mga bagay na gaya ng asawa, mga anak, pamilya, ari-arian—ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Walang kabuluhan ang mga ito. Ang buong sanlibutan ay nasa mga kamay ng Diyos; hindi ba’t ang pamilya ko ay nasa mga kamay Niya rin? Anong silbi ng pag-aalala ko sa kanila? Wala akong kontrol dito, wala akong kakayahan, at hindi ko sila mapoprotektahan. Ang kanilang tadhana at ang lahat ng tungkol sa kanila ay nasa mga kamay ng Diyos!” Kailangang may pananampalataya ka upang lumapit sa harap ng Diyos at manalangin, matatag na naninindigan at nagpapasya na magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos. Pagkatapos ay magbabago ang kalagayang nasa kalooban mo. Hindi ka na magkakaroon ng anumang alalahanin, at hindi ka na mag-aalala pa. Hindi ka magiging labis na maingat at punong-puno ng pagkabahala sa lahat ng ginagawa mo. Habang ang lahat ay mabilis na sumusulong, ikaw ay nagpapaiwan, palaging nagnanais na lumayo—hindi ba’t ito ang ginagawa ng isang duwag? Kapag ginagampanan ng mga hinirang ng Diyos ang kanilang tungkulin sa kaharian at ginagampanan ng mga nilikha ang kanilang tungkulin sa harap ng Lumikha, dapat mahinahon silang sumulong nang may takot sa Diyos na puso. Hindi sila dapat na nangangapa, umuurong, o nagiging sobrang maingat. Kung alam mo na ang kalagayang ito ay mali at palagi kang nag-aalala tungkol dito sa halip na hinahanap ang katotohanan upang lutasin ito, kung gayon ikaw ay pinipigilan at iginagapos nito, at hindi mo matutupad ang tungkulin mo. Nais mong gawin ang tungkulin mo bilang isang nilikha nang buong puso mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo, ngunit kaya mo ba itong gawin? Hindi mo mararating ang punto ng pagbibigay nang buong puso mo dahil ang puso mo ay wala sa tungkulin mo—sa pinakamainam ay inilaan mo lamang ang 1/10 na bahagi ng puso mo. Paano mo maibibigay ang buong isip at lakas mo kung hindi mo maibibigay ang buong puso mo? Ang puso mo ay wala sa tungkulin mo, at ang mayroon ka lamang ay kaunting kahandaan upang gampanan ito. Matutupad mo ba talaga ang tungkulin mo nang may buong puso at isip mo? Wala kang kapasyahan na isagawa ang katotohanan, kaya ikaw ay tiyak na mapipigilan ng pamilya at ng pagmamahal mo para sa kanila. Ganap kang igagapos ng mga ito; kokontrolin ng mga ito ang pag-iisip mo at ang puso mo, at hindi mo maaabot ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos—ikaw ay magiging handa, ngunit wala kang lakas. Kaya, dapat kang manalangin sa harap ng Diyos, inuunawa ang mga layunin ng Diyos sa isang banda habang inaalam din kung saan ka dapat lumugar bilang isang nilikha; dapat mong taglayin ang paninindigan at ang saloobin na dapat mayroon ka at ilatag ang mga ito sa harap ng Diyos. Ito ang saloobing dapat mayroon ka. Bakit ang ibang tao ay walang mga ganitong alalahanin? Sa palagay mo ba ay walang pamilya o mga paghihirap na ganito ang ibang tao? Sa katunayan, ang lahat ay mayroong partikular na mga makalaman at pampamilyang gusot, ngunit nalulutas ng ibang tao ang mga ito sa pamamagitan ng pananalangin sa Diyos at paghahanap sa katotohanan. Pagkaraan ng ilang panahon ng paghahanap, malinaw nilang nauunawaan ang mga pagmamahal na ito ng laman at binibitiwan ang mga ito mula sa kanilang puso; pagkatapos, ang mga bagay na ito ay hindi na paghihirap para sa kanila, at hindi na sila makokontrol o mapipigilan ng mga ito. Hindi nakakaapekto ang mga ito sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at kaya sila ay nagiging malaya. Mayroong linya ng mga salita ng Diyos sa Bibliya na nagsasabi, “Sinuman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko” (Lucas 14:33). Ano itong pagtanggi sa lahat ng tinatangkilik ng isang tao? Ano ang ibig sabihin ng “lahat”? Mga bagay na gaya ng katayuan, katanyagan at pakinabang, pamilya, mga kaibigan, at ari-arian—ang lahat ng ito ay kasama sa salitang “lahat.” Kaya anong mga bagay ang mayroong importanteng puwang sa puso mo? Para sa iba ito ay ang mga anak, para sa iba ito ay ang mga magulang, para sa iba ito ay ang kayamanan, at para sa iba ito ay ang katayuan, katanyagan at pakinabang. Kung pinahahalagahan mo ang mga bagay na ito, kokontrolin ka ng mga ito. Kung hindi mo pinahahalagahan ang mga ito at lubos mong binibitiwan ang mga ito, hindi ka makokontrol ng mga ito. Ito ay nakadepende lang sa kung ano ang saloobin mo ukol sa mga ito at sa kung paano mo pinangangasiwaan ang mga bagay na ito.
Dapat ninyong maunawaan na anumang oras o saanmang yugto ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, palagi Niyang kailangan ng ilang tao upang makatuwang Niya. Na ang mga taong ito ay nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos o nakikipagtulungan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay pauna na Niyang itinakda. Kaya ang Diyos ba ay mayroong iniatas sa bawat tao na Kanyang pauna nang itinalaga? Ang bawat isa ay mayroong misyon at responsabilidad; ang bawat isa ay mayroong atas. Kapag binigyan ka ng Diyos ng isang atas, ito ay nagiging responsabilidad mo. Kailangan mong akuin ang responsabilidad na ito; ito ay tungkulin mo. Ano ang tungkulin? Ito ay ang misyon na ibinigay ng Diyos sa iyo. Ano ang isang misyon? (Ang atas ng Diyos ay ang misyon ng tao. Ang buhay ng isang tao ay dapat na gugulin para sa atas ng Diyos. Ang atas na ito ay ang tanging bagay sa puso niya, at hindi siya dapat mamuhay para sa iba pa.) Ang atas ng Diyos ay ang misyon ng tao; ito ang tamang pagkaunawa. Ang mga taong nananalig sa Diyos ay inilagay sa lupa upang kumpletuhin ang atas ng Diyos. Kung ang tanging hinahangad mo sa buhay na ito ay ang umangat sa lipunan, magkamal ng kayamanan, mamuhay nang matiwasay, matamasa ang pagiging malapit sa pamilya, at magpakasaya sa katanyagan, pakinabang, at katayuan—kung magkakamit ka ng katayuan sa lipunan, magiging tanyag ang iyong pamilya, at lahat sa iyong pamilya ay ligtas at maayos—ngunit binabalewala mo ang misyong ibinigay ng Diyos sa iyo, mayroon bang anumang halaga sa buhay na ito na ipinamumuhay mo? Paano ka sasagot sa Diyos pagkatapos mong mamatay? Hindi ka makakasagot, at ito ang pinakamalaking paghihimagsik; ito ang pinakamalaking kasalanan! Sino sa inyo ang gumagampan sa inyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos ngayon nang aksidente lamang? Anuman ang pinagmulan mo upang gampanan ang tungkulin mo, wala sa mga ito ang nagkataon lang. Hindi magagampanan ang tungkuling ito sa pamamagitan lang ng basta-bastang pagpili ng ilang mananampalataya; ito ay isang bagay na pauna nang itinalaga ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan. Ano ang ibig sabihin kapag ang isang bagay ay nauna nang itinalaga? Ano sa partikular? Ang ibig sabihin nito ay sa Kanyang kabuuang plano ng pamamahala, matagal nang naiplano ng Diyos kung ilang ulit kang darating sa mundo, sa aling lipi at sa aling pamilya ka isisilang sa panahon ng mga huling araw, ano ang mga magiging kalagayan ng pamilyang ito, ikaw ba ay magiging lalaki o babae, ano ang iyong magiging mga kalakasan, anong antas ng edukasyon ang maaabot mo, gaano ka magiging mahusay magsalita, ano ang iyong magiging kakayahan at ano ang magiging itsura mo. Pinlano Niya ang edad na darating ka sa sambahayan ng Diyos at magsisimulang gumanap ng iyong tungkulin, at anong tungkulin ang iyong gagampanan at anong oras. Matagal nang paunang itinalaga ng Diyos ang bawat hakbang para sa iyo. Bago ka pa isinilang, at nang namuhay ka sa lupa sa iyong nakaraang ilang buhay, naisaayos na ng Diyos para sa iyo ang tungkuling iyong gagampanan sa panahong ito ng huling yugto ng gawain. Tiyak na hindi ito biro! Na nagagawa mong makinig ng sermon dito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Hindi ito dapat na balewalain! Dagdag pa, ang taas, hitsura, mata, pangangatawan, kalagayan ng kalusugan, at mga karanasan sa buhay mo at kung aling mga tungkulin ang kaya mong gampanan sa partikular na edad, at kung anong uri ng kakayahan at abilidad ang taglay mo—ang mga ito ay itinakda ng Diyos para sa iyo, at tiyak na hindi kasalukuyang isinasaayos ang mga ito. Matagal nang itinakda ng Diyos ang mga ito para sa iyo, ibig sabihin, kung layon Niyang gamitin ka, inihanda Ka na Niya bago ibinigay sa iyo ang atas na ito at ang misyong ito. Kaya katanggap-tanggap ba na takasan mo ito? Katanggap-tanggap ba na hindi maging buo ang puso mo tungkol dito? Parehong hindi katanggap-tanggap ang mga iyon; binibigo mo ang Diyos kung magkagayon! Pinakamasamang uri ng paghihimagsik ang talikuran ng mga tao ang kanilang tungkulin. Ito ay isang kasuklam-suklam na gawa. Nagsikap ang Diyos nang buong ingat at taimtim, pauna na Siyang nagtatakda simula pa noong unang panahon upang makarating ka sa araw na ito at mapagkalooban ng misyong ito. Kung gayon, hindi ba’t ang misyong ito ang responsabilidad mo? Hindi ba’t ito ang nagbibigay ng halaga sa pamumuhay ng buhay mong ito? Kung hindi mo kukumpletuhin ang misyong ibinigay ng Diyos sa iyo, mawawala sa iyo ang halaga at kabuluhan ng pamumuhay; ito ay para kang nabuhay nang walang saysay. Isinaayos ng Diyos ang mga tamang kondisyon, kapaligiran, at karanasan para sa iyo. Ipinagkaloob Niya sa iyo ang kakayahan at abilidad na ito, inihanda ka upang mabuhay hanggang sa kapanahunang ito, at inihanda ka upang magkaroon ng lahat ng kuwalipikasyon na kakailanganin mo upang magampanan ang tungkulin mong ito, isinaayos Niya ang lahat ng ito para sa iyo, subalit hindi mo pa rin masigasig na isinasakatuparan ang tungkuling ito. Hindi mo makayanan ang tukso at pinipili mong tumakas, palaging inaasam na mamuhay nang matiwasay at maghangad ng mga makamundong bagay. Kinukuha mo ang kaloob at abilidad na ibinigay ng Diyos sa iyo at pinaglilingkuran si Satanas gamit ito, namumuhay ka para kay Satanas. Ano ang nararamdaman ng Diyos dahil dito? Yamang ganitong bigo Siya sa mga inaasahan Niya sa iyo, hindi ba’t kasusuklaman ka Niya? Hindi ba’t kapopootan ka Niya? Ibubuhos Niya ang matinding pagkamuhi sa iyo. At maituturing bang naayos na ang usaping ito kung magkagayon? Maaari kayang ito ay kasing simple lang ng iniisip mo? Iniisip mo ba na kung hindi mo makukumpleto ang misyon mo sa buhay na ito, ang lahat ng ito ay mauuwi sa iyong kamatayan? Hindi ito natatapos doon; ang kaluluwa mo ay malalagay sa panganib kung magkagayon. Hindi mo ginampanan ang tungkulin mo, hindi mo tinanggap ang atas ng Diyos sa iyo, at tumakas ka mula sa presensiya ng Diyos. Naging kalunos-lunos na ang mga bagay-bagay. Saan ka maaaring tumakbo? Makakatakas ka ba sa mga kamay ng Diyos? Paano inuuri ng Diyos ang ganitong tao? (Ang mga ito ang mga taong nagkanulo sa Kanya.) Paano inilalarawan ng Diyos ang mga taong nagkanulo sa Kanya? Paano inuuri ng Diyos ang mga taong tumakas mula sa Kanyang hukumang-luklukan? Ang mga ito ang mga taong mapapahamak at malilipol. Wala nang anumang panibagong buhay o muling kapanganakan para sa iyo, at imposibleng pagkalooban ka ng Diyos ng iba pang atas. Wala nang anumang misyon para sa iyo, at wala ka nang pagkakataong tumanggap ng kaligtasan. Ito ay seryosong panganib! Sasabihin ng Diyos: “Ang taong ito ay minsan nang tumakas mula sa Aking paningin, tumakas mula sa Aking hukumang-luklukan at sa Aking presensiya. Hindi niya ginawa ang kanyang misyon o kinumpleto ang kanyang atas. Ang buhay niya ay nagwawakas dito. Tapos na ito; nagwakas na ito.” Ang laking trahedya nito! Upang magampanan ninyo ang inyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos ngayon, malaki man ito o maliit, pisikal man ito o mental, at ito man ay ang pangangasiwa sa mga panlabas na isyu o panloob na gawain, walang sinuman ang aksidenteng gumaganap ng tungkulin niya. Paano mangyayaring ito ay desisyon mo? Ang lahat ng ito ay pinangunahan ng Diyos. Dahil lamang sa pag-aatas ng Diyos sa iyo kaya ka kumikilos nang ganito, na mayroon kang pagpapahalaga sa misyon at responsabilidad, at na nagagampanan mo ang tungkulin mo. Napakarami sa mga walang pananampalataya ang may magagandang hitsura, kaalaman, o talento, ngunit pinapaboran ba sila ng Diyos? Hindi, hindi Niya sila pinapaboran. Hindi sila pinili ng Diyos, at kayo lang ang pinapaboran Niya. Lahat kayo ay binibigyan Niya ng lahat ng uri ng papel, pinagagampan ng lahat ng uri ng tungkulin, at pinaaako ng iba’t ibang responsabilidad sa Kanyang gawain ng pamamahala. Kapag sa wakas ay natapos na at natupad ang gawain ng pamamahala ng Diyos, napakalaking kaluwalhatian at pribilehiyo nito! Kaya, kapag nakararanas ng kaunting hirap ang mga tao habang ginagampanan nila ang tungkulin nila ngayon; kapag kailangan nilang isuko ang ilang bagay, gugulin nang bahagya ang kanilang sarili, at magbayad ng partikular na halaga; kapag nawala ang katayuan nila at ang katanyagan at pakinabang nila sa mundo; at kapag ang mga bagay na ito ay nawalang lahat, tila ang Diyos ang kumuha ng lahat ng ito sa kanila, ngunit may nakamit silang isang bagay na mas katangi-tangi at mas mahalaga. Ano ang nakamit ng mga tao mula sa Diyos? Nakamit nila ang katotohanan at buhay sa pamamagitan ng paggampan sa tungkulin nila. Kapag natupad mo ang tungkulin mo, nakumpleto ang atas ng Diyos, ginugol ang buong buhay mo para sa misyon mo at sa iniatas ng Diyos sa iyo, mayroon kang magandang patotoo, at namumuhay ka nang may halaga—saka pa lamang masasabi na ikaw ay isang totoong tao! At bakit sinasabi Kong ikaw ay isang totoong tao? Dahil pinili ka ng Diyos at pinagampan Niya sa iyo ang tungkulin ng isang nilikha sa Kanyang pamamahala. Ito ang pinakamahalaga at ang pinakadakilang kahulugan sa buhay mo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kapag marami ka nang narinig na sermon, katotohanan, at salita ng Diyos, at natiyak mo nang ang landas na ito ang tamang landas, at ang wastong landas sa buhay, ano ang kailangan mo sa puntong ito? Kailangan mong hilingin sa Diyos na magsaayos ng angkop na kapaligiran para sa iyo na makakapagpabuti at makakatulong sa buhay mo at makakapagpalago sa iyo sa buhay. Ang kapaligirang ito ay maaaring hindi gaanong komportable—ang laman ng isang tao ay kailangang magtiis ng hirap, at kailangan niyang talikuran at bitiwan ang maraming bagay. Ito ay isang bagay na naranasan na ninyong lahat sa ngayon. Halimbawa, sabihin natin na ikaw ay inusig at hindi makauwi, para makita o makaugnayan ang iyong mga anak o asawa, makipagkita sa iyong mga kamag-anak o kaibigan, o makatanggap ng anumang balita mula sa kanila. Sa kalaliman ng gabi, mapapaisip ka tungkol sa iyong tahanan: “Kumusta na kaya ang aking ama? Matanda na siya, at wala akong paraan para magbigay-galang sa kanya. Ang aking ina ay mahina ang kalusugan, at hindi ko alam kung ano ang kalagayan niya ngayon.” Hindi ba’t lagi mong iisipin ang mga bagay na ito? Kung ang iyong puso ay palaging pinipigilan ng mga ganitong bagay, ano ang mga kahihinatnan na idudulot nito sa pagganap ng iyong tungkulin? Makakabuti sa iyong pag-unlad sa buhay kung hindi ka matutuliro o labis na mag-aalala sa mga makamundo at makalaman na bagay. Ang iyong pag-iisip at pag-aalala ay walang maidudulot na anuman, ang lahat ng bagay na ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at hindi mo mababago ang kapalaran ng mga miyembro ng iyong pamilya. Kailangan mong maunawaan na ang iyong pangunahing prayoridad bilang isang mananampalataya ng Diyos ay ang maging mapagsaalang-alang sa Kanyang mga layunin, gawin ang iyong tungkulin, magkamit ng tunay na pananampalataya, pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, lumago sa buhay, at makamit ang katotohanan. Ito ang pinakamahalaga. Sa panlabas, mukhang aktibong tinatalikuran ng mga tao ang mundo at ang kanilang mga pamilya, ngunit ano nga ba talaga ang nangyayari? (Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at namamatnugot nito.) Pinamatnugutan ito ng Diyos; Siya ang pumipigil sa iyo na makita ang iyong pamilya. Sa mas angkop na pananalita, ipinagkakait sila ng Diyos sa iyo. Hindi ba’t ito ang mga pinakapraktikal na salita? (Tama.) Palaging sinasabi ng mga tao na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos ng mga bagay-bagay, kaya paano Siya nagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa usaping ito? Inilalabas ka Niya sa iyong tahanan, hindi hinahayaang maging isang pasanin na nagpapabigat sa iyo ang iyong pamilya. Kung gayon, saan ka Niya dinadala? Dinadala ka Niya sa isang kapaligiran kung saan walang mga kaguluhan ng laman, kung saan hindi mo makikita ang iyong mga mahal sa buhay. Kapag nag-aalala ka tungkol sa kanila, at gusto mong gumawa ng isang bagay para sa kanila, hindi mo ito magagawa, at kapag gusto mong magbigay-galang sa nakatatanda, hindi mo ito magagawa. Hindi ka na nila magugulo. Inilayo ka ng Diyos sa kanila, at tinanggalan ka ng mga kumplikasyong ito; kung hindi, magiging masunurin ka pa rin sa kanila, maglilingkod sa kanila at magpapaalipin. Ang paglalayo ba sa iyo ng Diyos sa lahat ng mga panlabas na kumplikasyong ito ay isang mabuti o masamang bagay? (Mabuti.) Ito ay isang mabuting bagay, at hindi ito kailangang pagsisihan. Bilang ito ay isang magandang bagay, anong dapat gawin ng mga tao? Dapat magpasalamat ang mga tao sa Diyos, nang nagsasabing: “Mahal na mahal ako ng Diyos!” Hindi mapagtatagumpayan ng isang tao ang gapos ng pagmamahal nang mag-isa, dahil ang puso ng mga tao ay napipigilang lahat ng pagmamahal. Gusto nilang lahat na makasama ang kanilang pamilya, na magtipon-tipon ang kanilang buong pamilya, na ang lahat ay ligtas, malusog, at masaya, at araw-araw na gumugol nang ganito, na hindi kailanman maghihiwalay. Ngunit mayroong hindi magandang bahagi rito. Ilalaan mo ang buong lakas at pagsisikap ng iyong buhay, ang iyong kabataan, ang iyong pinakadakilang mga taon, at ang lahat ng pinakamagandang bahagi ng iyong buhay sa kanila; ibibigay mo ang iyong buong buhay para sa kapakanan ng iyong laman, pamilya, mga mahal sa buhay, trabaho, katanyagan at pakinabang, at lahat ng uri ng komplikadong relasyon, at ganap mong sisirain ang iyong sarili dahil dito. Kung gayon, paano minamahal ng Diyos ang tao? Sinasabi ng Diyos: “Huwag mong sirain ang iyong sarili sa putikan. Kung parehong hindi makaalis ang iyong mga paa, hindi mo mahihila paahon ang sarili mo gaano mo man pagurin ang sarili mo. Wala kang tayog o tapang, at lalong wala kang pananampalataya. Ako mismo ang maglalabas sa iyo.” Ito ang ginagawa ng Diyos, at hindi Niya ito tinatalakay sa iyo. Bakit hindi hinihingi ng Diyos ang mga opinyon ng mga tao? Sinasabi ng ilan: “Ang Diyos ang Lumikha, ginagawa Niya ang anumang gusto Niya. Ang mga tao ay tulad ng mga langgam at kulisap, wala silang halaga sa mata ng Diyos.” Ganito talaga ang sitwasyon, ngunit ganoon nga ba pinakikitunguhan ng Diyos ang mga tao? Hindi, hindi ganito. Ang Diyos ay nagpapahayag ng napakaraming katotohanan at inihahandog ang mga ito sa tao, na nagbibigay-daan na malinis ang mga tao sa kanilang katiwalian, at magkamit ng bagong buhay mula sa Kanya. Napakadakila ng pagmamahal ng Diyos sa tao. Ito ay mga bagay na nakikitang lahat ng mga tao. May mga layunin para sa iyo ang Diyos, ang hangarin Niya sa pagdala sa iyo rito ay upang matahak mo ang tamang landas sa buhay, upang isabuhay ang isang buhay na makahulugan, isang landas na hindi mo mapipili nang mag-isa. Ang pansariling kagustuhan ng mga tao ay ang gugulin ang kanilang buong buhay nang ligtas at maayos, at kahit na hindi sila yumaman, gusto naman nilang makasama ang kanilang pamilya habang-buhay, at tamasahin ang ganitong uri ng kaligayahang pampamilya. Hindi nila nauunawaan kung paano maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, ni hindi nila nauunawaan kung paano pag-iisipan ang kanilang mga destinasyon sa hinaharap o ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Ngunit hindi lubos na pinapansin ng Diyos ang kawalan nila ng pag-unawa, at hindi Niya kailangang masyadong magsalita sa kanila, dahil hindi nila nauunawaan, masyadong mababa ang kanilang tayog, at ang anumang talakayan ay hahantong lamang sa isang hindi pagkakasundo. Bakit ito aabot sa isang hindi pagkakasundo? Dahil ang dakilang bagay ng plano ng pamamahala ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan ay hindi isang bagay na mauunawaan ng mga tao sa pamamagitan lamang ng isa o dalawang pangungusap na paliwanag. Bilang iyon ang sitwasyon, ang Diyos ay gumagawa ng mga desisyon at kumikilos nang direkta, hanggang sa dumating ang araw na makaunawa na ang mga tao kalaunan.
Noong kinuha ng Diyos ang ilan sa Kanyang mga hinirang na tao mula sa masamang kapaligiran ng kalupaan ng Tsina, ang Kanyang mabuting kalooban ay narito, na nakikita na ng lahat ngayon. Tungkol sa bagay na ito, dapat madalas na magpakita ng pasasalamat ang mga tao at magpasalamat sa Diyos sa pagpapakita sa kanila ng awa. Ikaw ay lumabas na sa pamilyang kapaligiran na iyon, humiwalay sa lahat ng komplikadong pakikipag-ugnayan ng laman, at pinakawalan ang iyong sarili mula sa lahat ng mga makamundo at makalaman na kaguluhan. Inalis ka ng Diyos mula sa isang komplikadong patibong at dinala sa Kanyang harapan at sa Kanyang sambahayan. Sinasabi ng Diyos: “Mapayapa rito, napakaganda ng lugar na ito, at angkop na angkop ito para sa iyong paglago. Dito makikita ang mga salita at patnubay ng Diyos, at kung saan naghahari ang katotohanan. Ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan ay naririto, at ang gawain ng kaligtasan ay nakasentro rito. Kaya, lumago ka rito hanggang masiyahan ang iyong puso.” Dinadala ka ng Diyos sa ganitong uri ng kapaligiran, isang kapaligiran na maaaring hindi naglalaman ng ginhawa ng iyong mga mahal sa buhay, kung saan wala ang iyong mga anak upang alagaan ka kapag ikaw ay nagkasakit, at kung saan walang sinuman na puwede mong pagkatiwalaan. Kapag ikaw ay nag-iisa, at naiisip mo ang pagdurusa at mga paghihirap ng iyong laman at ang lahat ng iyong haharapin sa hinaharap, sa mga oras na iyon, mararamdaman mo na ikaw ay nag-iisa. Bakit mo mararamdaman na ikaw ay nag-iisa? Ang isang obhetibong dahilan ay na masyadong mababa ang tayog ng tao. Ano ang pansariling dahilan? (Hindi lubusang binibitiwan ng mga tao ang kanilang mga makalaman na mahal sa buhay.) Tama iyan, hindi kayang bitiwan ng mga tao ang mga ito. Itinuturing ng mga taong nabubuhay sa laman na kasiyahan ang iba’t ibang relasyon at pagbubuklod ng mga pamilya sa laman. Naniniwala sila na hindi mabubuhay ang mga tao nang wala ang kanilang mga mahal sa buhay. Bakit hindi mo iniisip kung paano ka dumating sa mundo ng tao? Dumating ka nang mag-isa, nang orihinal na walang relasyon sa iba. Dinadala rito ng Diyos ang mga tao nang paisa-isa; nang dumating ka, ang katunayan ay mag-isa ka. Hindi mo naramdaman na nag-iisa ka noong panahong iyon, kaya bakit ngayong dinala ka ng Diyos dito pakiramdam mo nag-iisa ka? Iniisip mong wala kang kapareha na mapapagkatiwalaan mo, mga anak mo man ito, mga magulang mo, o kabiyak mo—ang iyong mister o misis—kaya naman pakiramdam mo nag-iisa ka. Kung gayon, kapag nararamdaman mong nag-iisa ka, bakit hindi mo iniisip ang Diyos? Hindi ba isang katuwang ang Diyos sa tao? (Oo, katuwang Siya.) Kapag nakakaramdam ka ng labis na pagdurusa at kalungkutan, sino ang tunay na dumadamay sa iyo? Sino ang tunay na makakalutas ng iyong mga paghihirap? (Ang Diyos.) Ang Diyos lamang ang tunay na makakalutas ng mga paghihirap ng mga tao. Kung ikaw ay may sakit, at ang iyong mga anak ay nasa iyong tabi, binibigyan ka ng inumin, at nagbabantay sa iyo, lubos kang masisiyahan, ngunit pagdating ng panahon, magsasawa ang iyong mga anak at wala nang sinuman ang magnanais na magbantay sa iyo. Sa mga ganoong pagkakataon mo mararamdamang tunay kang nag-iisa! Kaya ngayon, kapag naiisip mo na wala kang kapareha, totoo ba talaga iyon? Hindi naman, dahil palagi kang sinasamahan ng Diyos! Hindi iniiwan ng Diyos ang tao; Siya iyong tipo na puwede nilang asahan at silungan sa lahat ng oras, at ang kanilang tanging mapagkakatiwalaan. Kaya, anuman ang mga paghihirap at pagdurusang dumarating sa iyo, anuman ang mga daing, o mga negatibong bagay ang kinahaharap mo, kung ikaw ay agad na lalapit sa Diyos at mananalangin, ang Kanyang mga salita ay magbibigay sa iyo ng ginhawa, at lulutasin ang iyong mga paghihirap at ang lahat ng iyong iba’t ibang problema. Sa kapaligirang tulad nito, ang iyong kalungkutan ang magiging pangunahing kondisyon upang maranasan ang mga salita ng Diyos at makamit ang katotohanan. Habang nararanasan mo ito, unti-unti mong maiisip: “Maganda pa rin ang buhay ko pagkatapos kong iwan ang aking mga magulang, may kasiya-siyang buhay pagkatapos iwan ang aking asawa, at isang mapayapa at masayang buhay pagkatapos iwan ang aking mga anak. Hindi na ako hungkag. Hindi na ako muling aasa sa mga tao, sa halip ay aasa ako sa Diyos. Pagkakalooban Niya ako at tutulungan sa lahat ng pagkakataon. Bagama’t hindi ko Siya mahawakan o makita, alam kong nasa tabi ko Siya sa lahat ng oras, at sa lahat ng lugar. Hangga’t nananalangin ako sa Kanya, hangga’t tumatawag ako sa Kanya, aantigin Niya ako, at ipapaunawa sa akin ang Kanyang mga layunin at ipapakita ang tamang landas.” Sa sandaling iyon, talagang magiging Diyos mo Siya, at ang lahat ng problema mo ay malulutas.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Nais ng ilang tao na kapwa maunawaan at makamit ang katotohanan; nais nilang igugol ang kanilang sarili sa Diyos, ngunit hindi nila kayang bitiwan ang anumang bagay. Hindi nila kayang bitiwan ang kanilang mga kinabukasan, hindi nila kayang bitiwan ang mga kaginhawahan ng laman, hindi nila kayang bitiwan ang buklod ng kanilang pamilya, ang kanilang mga anak at ang kanilang mga magulang, hindi rin nila kayang bitiwan ang kanilang mga layunin, mga mithiin, o mga ninanasa. Anuman ang nangyayari sa kanila, lagi nilang inuuna ang kanilang sarili, ang kanilang kapakanan, at ang kanilang mga makasariling ninanasa, at inihuhuli nila ang katotohanan; nauuna ang pagbibigay-kasiyahan sa mga interes ng laman at sa kanilang mga sataniko at tiwaling disposisyon, at ang pagsasagawa ng salita ng Diyos at ang pagpapalugod sa Diyos ay pangalawa at nasa huli. Makukuha ba ng gayong mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos? Maaari pa ba silang makapasok sa katotohanang realidad, o matugunan ang mga layunin ng Diyos? (Hindi nila iyon magagawa kailanman.) Pagsunod ba sa landas ng Diyos kung sa panlabas ay ginawa mo ang iyong tungkulin at hindi ka naging tamad, subalit ang iyong tiwaling disposisyon ay hindi naayos kahit kaunti? (Hindi.) Nauunawaan ninyong lahat ang mga bagay na ito, subalit pagdating sa pagsasagawa ng katotohanan, ito ay mahirap na gawain. Ang iyong pagdurusa at pagbabayad ng halaga ay dapat gamitin sa pagsasagawa ng katotohanan, hindi sa pagsunod sa mga patakaran at proseso. Sulit ito kahit gaano ka pa nagdurusa para sa katotohanan, at ang paghihirap na dinaranas mo sa pagsasagawa ng katotohanan upang mapalugod ang mga layunin ng Diyos ay katanggap-tanggap sa Kanya at sinasang-ayunan Niya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kung kaya mong ilaan ang iyong puso, katawan, at lahat ng iyong tunay na pagmamahal sa Diyos, iharap ang mga iyon sa Kanya, maging ganap na mapagpasakop sa Kanya, at maging lubos na mapagbigay sa Kanyang mga layunin—hindi para sa laman, hindi para sa pamilya, at hindi para sa iyong sariling personal na mga hangarin, kundi para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, na itinuturing ang salita ng Diyos bilang prinsipyo at pundasyon sa lahat—sa paggawa niyon, ang iyong mga layunin at iyong mga pananaw ay malalagay na lahat sa tamang lugar, at magiging isa kang tao sa harap ng Diyos na tumatanggap ng Kanyang papuri. Ang mga taong gusto ng Diyos ay yaong mga tiyak na Kanya; sila yaong sa Kanya lamang magiging matapat. Ang mga kinasusuklaman ng Diyos ay yaong mga malamig sa Kanya at sumusuway sa Kanya. Kinasusuklaman Niya yaong mga naniniwala sa Kanya at laging gustong masiyahan sa Kanya habang hindi pa nagagawang lubos na gugulin ang kanilang sarili para sa Kanyang kapakanan. Kinasusuklaman Niya yaong mga nagsasabi na Siya ay mahal nila ngunit sumusuway sa Kanya sa kanilang puso; kinasusuklaman Niya yaong mga gumagamit ng magagaling at mabulaklak na salita upang manlinlang. Yaong mga hindi tunay na nakalaan sa Diyos o hindi pa tunay na nagpapasakop sa Kanya ay mga taksil at masyadong likas na mayabang. Yaong mga hindi tunay na makapagpasakop sa harap ng normal at praktikal na Diyos ay mas mayabang pa, at sila ay talagang ang masunuring mga inapo ng arkanghel. Ang mga taong tunay na ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos ay inilalaan ang buo nilang pagkatao sa Kanya at inilalagay ang kanilang sarili sa harapan Niya; kaya nilang magpasakop sa lahat ng Kanyang mga salita at gawain, at naisasagawa nila ang Kanyang mga salita. Kaya nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos at itinuturing ang mga ito na pundasyon ng kanilang pag-iral, at nagagawa nilang taimtim na saliksikin ang nilalaman ng mga salita ng Diyos upang alamin kung aling mga bahagi ang isasagawa. Sila yaong mga tao na tunay na namumuhay sa harap ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal
Dapat sikapin ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan na lamang sa kanyang kasalukuyang mga kalagayan. Upang maisabuhay ang imahe ni Pedro, dapat niyang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat pagsikapan ng tao ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat niyang pagsikapan ang isang mas malalim, mas dalisay na pagmamahal sa Diyos, at isang buhay na may kabuluhan at kahulugan. Ito lamang ang buhay, sa ganito lamang magiging katulad ng tao si Pedro. Dapat kang tumuon sa pagiging maagap tungo sa iyong pagpasok sa positibong panig, at huwag pasibong hayaan ang iyong sarili na dumausdos pabalik para sa pagkakaroon ng panandaliang ginhawa habang binabalewala ang mas malalim, mas tiyak, at mas praktikal na mga katotohanan. Ang iyong pag-ibig ay dapat maging praktikal, at dapat kang humanap ng mga paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa masama at walang-inaalalang uri ng pamumuhay na walang pinagkaiba sa pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kahulugan, isang buhay na may kabuluhan at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili, o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan. Para sa bawat isa na naghahangad na ibigin ang Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano ka ba dapat mamuhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para tugunan ang Kanyang mga layunin? Walang bagay na hihigit pa sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong mga hangarin at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga walang gulugod, mga mahihinang nilalang. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili na walang sigla sa ganitong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan. At pagkatapos, magkakaroon ka pa ba ng isa pang pagkakataon para ibigin ang Diyos? Maaari bang ibigin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng mga hangarin at ng konsensya na katulad ng kay Pedro. Ang buhay mo ay dapat na maging makahulugan, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao, at bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat mong magawang maingat na isaalang-alang kung paano mo itinuturing ang iyong buhay, kung paano mo dapat ihandog ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka magkakaroon ng isang mas makabuluhang pananampalataya sa Diyos, at paano, dahil sa iniibig mo ang Diyos, dapat mo Siyang ibigin sa paraang mas dalisay, mas mainam, at mas mabuti. … Dapat kang magdusa ng paghihirap alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo para sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan. Kung namumuhay ka ng gayong mahalay na buhay, at walang hinahangad na anumang mga layunin, hindi ba’t sinasayang mo ang iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa nag-iisang katotohanan, at hindi mo dapat isuko ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Ngayon, hindi mo pinaniniwalaan ang mga salitang Aking sinasabi, at hindi mo binibigyang-pansin ang mga iyon; kapag dumating na ang araw para ang gawaing ito ay lumaganap, at nakita mo ang kabuuan nito, magsisisi ka, at sa sandaling yaon ikaw ay matitigilan. Mayroong mga pagpapala, gayunman ay hindi mo alam kung paano magtamasa sa mga yaon, at naroon ang katotohanan, gayunman ay hindi mo ito hinahabol. Hindi ka ba nagdadala ng sumpa sa iyong sarili? Ngayon, bagaman magsisimula pa lamang ang susunod na hakbang sa gawain ng Diyos, walang anumang karagdagan tungkol sa mga hinihingi sa iyo at sa kung ano ang ipinasasabuhay sa iyo. Napakalaki ang gawain, at napakarami ang katotohanan; ang mga yaon ba ay hindi karapat-dapat na malaman mo? Hindi ba kayang gisingin ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ang iyong espiritu? Hindi ba kaya ng pagkastigo at paghatol ng Diyos na tulutan kang kamuhian ang iyong sarili? Sapat na ba sa iyo na mamuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, may kapayapaan at kagalakan, at kaunting makalamang kaginhawahan? Hindi ba’t ikaw ang pinakamababa sa lahat ng tao? Wala nang mas hahangal pa kaysa sa mga yaong nakakita sa kaligtasan ngunit hindi hinangad na makamit ito; sila ay mga taong nagpapakabusog sa laman at nasisiyahan kay Satanas. Umaasa ka na ang iyong pananalig sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahabol ang mga bagay na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling matataas na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw nga ay walang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat niyaong hindi naghahabol sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay mga hayop? Ang mga patay ba na walang mga espiritu ay lumalakad na mga bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting trabaho lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t dahil ito sa ang iyong mga kaisipan ay masyadong mataas? Hindi ba’t dahil ito sa ikaw ay napakahangal? Kung hindi mo kayang matamo ang mga pagpapalang ito, masisisi mo ba ang Diyos sa hindi pagliligtas sa iyo? Ang iyong hinahabol ay ang matamo ang kapayapaan pagkatapos na maniwala sa Diyos, upang ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, upang ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, upang ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, upang ang iyong anak na babae ay makatagpo ng disenteng asawang lalaki, upang ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, upang magkaroon ng isang taon ng magandang panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahanap. Ang iyong hinahabol ay para mabuhay lamang nang maginhawa, upang walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, upang ang hangin ay lampasan ka lamang, upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, upang ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, upang ikaw ay hindi maapektuhan ng anumang sakuna, upang mabuhay sa pag-iingat ng Diyos, upang mabuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahabol sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tamang daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga naniniwala sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naibigay Ko na sa iyo ang tamang daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang pag-aari. Payag ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano nga ba ang kahalagahan ng mga gayong tao na nabubuhay? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi ka naghahabol ng anumang layunin; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas nang ganito, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tamang daan ay naibigay na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa kasukdulan o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahabol.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Ngayon ang panahon kung kailan ang Aking Espiritu ay gumagawa ng dakilang gawain, at ang panahon na sinisimulan Ko ang Aking gawain sa mga bansang Hentil. Higit pa riyan, ito ang panahon na pinagbubukud-bukod Ko ang lahat ng nilalang, inilalagay ang bawat isa sa kanya-kanyang kaukulang uri, upang ang Aking gawain ay maaaring magpatuloy nang mas mabilis at mas mabisa. At kaya nga, ang Aking hinihingi pa rin sa inyo ay ang ialay mo ang iyong buong pagkatao para sa lahat ng Aking gawain, at, higit pa, na malinaw mong mabatid at tiyakin ang lahat ng gawaing Aking nagawa na sa iyo, at ibuhos ang lahat ng iyong lakas tungo sa Aking gawain nang ito ay maging mas mabisa. Ito ang dapat mong maunawaan. Tigilan ang pakikipaglaban sa isa’t isa, ang paghahanap ng daang pabalik, o paghahabol sa mga kaaliwan ng laman, na makakaantala sa Aking gawain at sa iyong magandang kinabukasan. Ang paggawa ng gayon, sa halip na pangalagaan ka, ay magdudulot sa iyo ng kapahamakan. Hindi ba kahangalan ito para sa iyo? Iyang buong pag-iimbot mong kinahuhumalingan ngayon ay ang mismong bagay na sumisira sa iyong kinabukasan, samantalang ang sakit na iyong pinagdurusahan ngayon ay ang mismong bagay na nangangalaga sa iyo. Dapat mong malinaw na malaman ang mga bagay na ito, upang maiwasang mabiktima ng mga tukso kung saan mahihirapan kang makawala, at iwasang mangapa sa makapal na hamog at hindi makita ang araw. Kapag nahawi ang makapal na hamog, masusumpungan mo ang iyong sarili na nasa paghatol ng dakilang araw.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao
Ngayon, minamahal Ko ang sinumang maaaring sumunod sa Aking kalooban, ang sinumang maaaring magpakita ng pagsasaalang-alang sa Aking mga pasanin, at ang sinumang maaaring magbigay ng kanilang lahat-lahat para sa Akin nang taos-puso at tapat, at patuloy Ko silang liliwanagan, at hindi Ko sila hahayaang makalayo sa Akin. Malimit Kong sabihing, “Sa mga taong taos-pusong gumugugol para sa Akin, ikaw ay tiyak na labis Kong pagpapalain.” Ano ang tinutukoy ng “pagpapalain”? Alam mo ba? Sa konteksto ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, tumutukoy ito sa mga pasaning ibinibigay Ko sa iyo. Para sa lahat ng nagagawang bumalikat ng pasanin para sa iglesia, at taos na inaalay ang kanilang sarili sa Akin, ang kanilang mga pasanin at kanilang kasigasigan ay kapwa mga pagpapalang nagmumula sa Akin. Dagdag pa rito, ang Aking mga paghahayag sa kanila ay isa ring pagpapala mula sa Akin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 82
Naglalakad Ako ngayon sa piling ng Aking mga tao at naninirahan Ako sa piling nila. Ngayon, yaong may tunay na pagmamahal sa Akin—mapalad ang gayong mga tao. Mapalad ang mga nagpapasakop sa Akin, siguradong mananatili sila sa Aking kaharian. Mapalad ang mga nakakakilala sa Akin, siguradong gagamit sila ng kapangyarihan sa Aking kaharian. Mapalad ang mga naghahanap sa Akin, siguradong makakalaya sila mula sa mga gapos ni Satanas at magtatamasa ng Aking mga pagpapala. Mapalad ang mga nagagawang maghimagsik laban sa kanilang sarili, siguradong papasok sila sa Aking nasasakupan at magmamana ng kasaganaan ng Aking kaharian. Aalalahanin Ko ang mga nagsusumikap para sa Akin, yayakapin Ko nang may kagalakan ang mga gumugugol para sa Akin, at pagkakalooban Ko ng mga kasiyahan ang mga nag-aalay sa Akin. Pagpapalain Ko ang mga nasisiyahan sa Aking mga salita; siguradong magiging mga haligi sila na magtataas ng tukod sa Aking kaharian, siguradong magkakaroon sila ng walang-kapantay na kasaganaan sa Aking bahay, at walang maikukumpara sa kanila. Nakatanggap na ba kayo ng mga pagpapalang ibinigay sa inyo? Naghanap na ba kayo ng mga pangakong ginawa para sa inyo? Siguradong kayo, sa ilalim ng patnubay ng Aking liwanag, ay makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, siguradong hindi mawawala sa inyo ang paggabay ng Aking liwanag. Siguradong kayo ang magiging mga panginoon ng lahat ng nilikha. Siguradong kayo ay magiging mga mananagumpay sa harap ni Satanas. Siguradong tatayo kayo, sa pagbagsak ng kaharian ng malaking pulang dragon, sa gitna ng napakaraming tao, bilang patunay sa Aking tagumpay. Siguradong kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at siguradong magniningning sa inyo ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 19
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang mga Mananampalataya ay Hindi Dapat Iugnay Nang Di-Pantay sa mga Walang Pananampalataya
Pinili ko ang Tamang Landas
Pagtakas sa Pagkulong ng Pamilya Ko
Kaugnay na mga Himno
Ibigay ang Buong Sarili Mo sa Gawain ng Diyos
Dapat Mong Talikdan ang Lahat para sa Katotohanan
Dapat Hangarin ng mga Tao na Isabuhay ang Isang Makabuluhang Buhay