4. Paano lutasin ang problema ng palaging pagkakaroon ng mga hinihingi sa Diyos

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Sa pagsukat kung makakapagpasakop ba ang mga tao sa Diyos o hindi, ang susi ay kung mayroon sila o walang anumang labis-labis na pagnanais o lihim na motibo sa Kanya. Kung laging humihiling ang mga tao sa Diyos, pinatutunayan nito na hindi sila mapagpasakop sa Kanya. Anuman ang mangyari sa iyo, kung hindi mo ito tinatanggap mula sa Diyos, at hindi mo hinahanap ang katotohanan, at palagi kang nakikipagtalo para sa iyong sarili at palagi mong nadarama na ikaw lamang ang tama, at kung may kakayahan ka pa ngang pagdudahan na ang Diyos ang katotohanan at ang pagiging matuwid Niya, magkakaproblema ka. Ang mga gayong tao ang pinakamayabang at pinakasuwail sa Diyos. Ang mga taong palaging humihingi sa Diyos ay hindi tunay na nagpapasakop sa Kanya. Kung humihiling ka sa Diyos, pinatutunayan nito na sinusubukan mong makipagtawaran sa Diyos, na pinipili mo ang sarili mong kalooban, at kumikilos ka ayon dito. Dito, ipinagkakanulo mo ang Diyos, at walang pagpapasakop. Walang katwiran ang mismong paghingi sa Diyos; kung totoong naniniwala ka na Siya ang Diyos, hindi ka mangangahas na humiling sa Kanya, ni hindi mo mararamdamang karapat-dapat kang humingi sa Kanya, makatwiran man ang mga ito o hindi sa iyong palagay. Kung may totoo kang pananampalataya sa Diyos, at naniniwala na Siya ang Diyos, Siya lang ang sasambahin at sa Kanya ka lang magpapasakop, wala nang ibang pagpipilian pa. Hindi lamang gumagawa ng sarili nilang mga pagpili ang mga tao ngayon, hinihingi pa nilang kumilos ang Diyos alinsunod sa sarili nilang kagustuhan. Hindi lamang nila hindi pinipiling magpasakop sa Diyos, hinihingi pa nilang magpasakop sa kanila ang Diyos. Hindi ba’t napakawalang katwiran nito? Samakatuwid, kung walang totoong pananampalataya sa loob-loob ng isang tao, at walang malaking pananampalataya, hindi nila kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kapag nagagawa na ng mga taong bawasan ang mga hinihingi nila sa Diyos, mayroon na silang mas totoong pananalig at pagpapasakop, at normal na kung ihahambing ang kanilang pangangatwiran. Madalas mangyari na kapag mas mahilig makipagtalo ang mga tao, at kapag mas marami silang pangangatwiran, mas mahirap silang pakitunguhan. Hindi lamang sila maraming hinihingi, kundi kung pagbibigyan mo sila, lalo pa silang hihingi. Kapag nasiyahan sila sa isang aspeto, hihingi pa sila sa isa pa. Kailangan silang masiyahan sa lahat ng aspeto, at kung hindi, nagsisimula silang magreklamo, at itinuturing ang mga bagay-bagay na walang pag-asa at kumikilos sila nang padalos-dalos. Pagkatapos, nakadarama sila ng pagkakautang at pagsisisi, at nananangis sila ng mapapait na luha, at ibig nang mamatay. Ano ang silbi niyon? Hindi ba’t sila ay nagiging hindi makatwiran at walang patumanggang nakayayamot? Ang magkakasunod na problemang ito ay kailangang malutas mula sa ugat.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos

Wala nang mas mahirap pang harapin kaysa sa palaging paghingi ng mga tao sa Diyos. Sa sandaling ang mga kilos ng Diyos ay hindi umaayon sa iyong pag-iisip, o hindi naisakatuparan ang mga ito ayon sa iyong pag-iisip, malamang na lumaban ka—na sapat para maipakita na, sa kalikasan, lumalaban ka sa Diyos. Makikilala lang ang suliraning ito sa pamamagitan ng palaging pagninilay sa sarili magkagayon ay nagkakamit ng pagkaunawa sa katotohanan, at ganap na malulutas lang ito sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, marami silang hinihingi sa Diyos, samantalang kapag tunay nilang nauunawaan ang katotohanan, wala silang hinihingi; nararamdaman lamang nila na hindi sila lubos na nakapagbigay-lugod sa Diyos, na hindi sila lubos na nagpapasakop sa Diyos. Sinasalamin ng laging paghingi ng mga tao sa Diyos ang kanilang tiwaling kalikasan. Kung hindi mo magagawang kilalanin ang iyong sarili at tunay na magsisi kaugnay ng bagay na ito, mahaharap ka sa mga nakatagong panganib at peligro sa iyong landas ng pananalig sa Diyos. Nagagawa mong pagtagumpayan ang mga ordinaryong bagay, subalit kapag nasasangkot ang mahahalagang bagay tulad ng iyong kapalaran, mga adhikain, at patutunguhan, marahil ay hindi mo magagawang mapagtagumpayan ang mga ito. Sa oras na iyon, kung wala pa rin ang katotohanan sa iyo, maaaring muli kang mahulog sa mga dati mong paraan, at kung magkagayon, magiging isa ka sa mga nawasak. Maraming tao ang noon pa man ay sumusunod at nananalig na sa ganitong paraan; maganda ang pag-uugali nila sa panahong sumusunod sila sa Diyos, ngunit hindi nito matutukoy kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ito ay dahil hindi mo kailanman alam ang kahinaan ng tao, o ang mga bagay na nasa kalikasan ng tao na maaaring sumalungat sa Diyos, at bago ka nila dalhin sa kapahamakan, nananatili kang mangmang sa mga bagay na ito. Dahil ang usapin ng iyong kalikasan na sumasalungat sa Diyos ay hindi nalulutas, inihahanda ka nito sa kapahamakan, at posible na kapag natapos na ang iyong paglalakbay at natapos na ang gawain ng Diyos, gagawin mo ang pinakasumasalungat sa Diyos at magsasabi ka ng lumalapastangan sa Kanya, at sa gayon ay makokondena at ititiwalag ka. Sa huling sandali, sa pinakamapanganib na panahon, sinubukan ni Pedro na tumakas. Noong panahong iyon, hindi niya naunawaan ang layunin ng Diyos, at nagplano siyang mabuhay at gawin ang gawain ng mga simbahan. Nang maglaon, nagpakita sa kanya si Jesus at nagsabi: “Ipapapako mo ba Akong muli para sa iyo?” Naunawaan ni Pedro ang layunin ng Diyos, at mabilis siyang nagpasakop. Ipagpalagay na, sa sandaling iyon, mayroon siyang sariling mga hinihingi at sinabi, “Ayokong mamatay ngayon, natatakot ako sa sakit. Hindi ba’t ipinako Ka sa krus para sa aming kapakanan? Bakit Mo hinihiling na ako ay ipako sa krus? Maaari ba akong maligtas mula sa pagpako sa krus?” Kung humingi siya nang ganoon, nawalan sana ng kabuluhan ang landas na kanyang tinahak. Ngunit si Pedro ay isang taong nagpapasakop sa Diyos at hinahangad ang Kanyang layunin noon pa man, at, sa huli, naunawaan niya ang layunin ng Diyos at lubusang nagpasakop. Kung hindi hinangad ni Pedro ang layunin ng Diyos at kumilos ayon sa kanyang sariling pag-iisip, maling landas sana ang natahak niya. Ang mga tao ay walang kakayahang direktang maunawaan ang mga layunin ng Diyos, ngunit kung hindi sila magpapasakop pagkatapos maunawaan ang katotohanan, ipinagkakanulo nila ang Diyos. Ibig sabihin, ang palaging paghingi ng mga tao sa Diyos ay nauugnay sa kanilang kalikasan: Kapag mas marami silang hinihingi, mas naghihimagsik at lumalaban sila, at mas marami silang kuru-kuro. Kapag mas marami ang hinihingi ng isang tao sa Diyos, mas malamang na magrerebelde, lalaban, at sasalungat pa nga ito sa Kanya. Marahil, isang araw, magagawa nitong pagtaksilan at iwanan ang Diyos. Kung nais mong lutasin ang problemang ito, kailangan mong maunawaan ang ilang aspekto ng katotohanan at magkaroon din ng praktikal na karanasan upang lubusan itong maunawaan at ganap na malutas.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos

Ano ang problema sa mga taong palaging humihingi sa Diyos? At ano ang problema sa palagi nilang pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos? Ano ang nakapaloob sa kalikasan ng tao? Natuklasan Kong, anuman ang mangyari sa kanila, o anuman ang kanilang pinagdaraanan, palaging pinoprotektahan ng mga tao ang kanilang sariling mga interes at inaalala ang sariling katawan, at palagi silang naghahanap ng mga katwiran o dahilang mapakikinabangan nila. Kahit kaunti ay hindi nila hinahanap o tinatanggap ang katotohanan, at lahat ng kanilang ginagawa ay upang maipagtanggol ang kanilang katawan at magpakana para sa kanilang mga hangarin. Humihingi silang lahat ng biyaya sa Diyos, nagnanais na makamit ang anumang bentaheng kaya nilang makamit. Bakit masyadong maraming hinihingi ang mga tao sa Diyos? Pinatutunayan nito na likas na sakim ang mga tao, at sa harap ng Diyos, wala man lang silang taglay na anumang katwiran. Sa lahat ng ginagawa ng mga tao—sila man ay nagdarasal o nagbabahaginan o nangangaral—ang kanilang mga paghahangad, kaisipan, at minimithi, ang lahat ng bagay na ito ay paghingi sa Diyos at pagtatangkang humingi ng mga bagay sa Kanya, ginagawa ang lahat ng ito ng mga tao sa pag-asang may makamit mula sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao na “ito ang kalikasan ng tao,” na tama naman! Dagdag pa rito, ang sobra-sobrang paghingi ng mga tao sa Diyos at pagkakaroon nila ng labis-labis na pagnanais ay nagpapatunay na talagang walang konsensiya at katwiran ang mga tao. Lahat sila ay nanghihingi ng mga bagay para sa sarili nilang kapakanan, o sinusubukan nilang makipagtalo at maghanap ng dahilan para sa kanilang sarili—ginagawa nila ang lahat ng ito para sa kanilang sarili. Sa maraming bagay, makikitang ang ginagawa ng mga tao ay talagang walang katwiran, na ganap na patunay na ang satanikong lohika na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” ay naging kalikasan na ng tao. Anong problema ang ipinapakita ng mga taong masyadong maraming hinihingi sa Diyos? Ipinapakita nito na ang mga tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas sa isang tiyak na punto, at sa kanilang pananalig sa Diyos, hindi nila talaga Siya itinuturing na Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Kung hindi namin itinuring ang Diyos bilang Diyos, bakit nananalig pa rin kami sa Kanya? Kung hindi namin Siya itinuring bilang Diyos, makasusunod pa rin ba kami sa Kanya hanggang ngayon? Matitiis ba namin ang lahat ng pagdurusang ito?” Sa panlabas, nananalig ka sa Diyos, at nagagawa mong sumunod sa Kanya, ngunit sa iyong saloobin sa Kanya, at sa iyong mga pananaw sa maraming bagay, hindi mo talaga itinuturing ang Diyos bilang ang Lumikha. Kung itinuturing mo ang Diyos bilang Diyos, kung itinuturing mo ang Diyos bilang ang Lumikha, dapat kang tumayo sa iyong posisyon bilang isang nilalang, at magiging imposible para sa iyo na humingi ng kahit ano sa Diyos, o magkaroon ng anumang labis-labis na hangarin. Sa halip, sa iyong puso, magagawa mong tunay na magpasakop, at magagawa mong ganap na manalig sa Diyos alinsunod sa Kanyang mga hinihingi, at magpasakop sa lahat ng Kanyang gawain.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos

Sa kanilang pananampalataya, hinahangad ng mga tao na hikayatin ang Diyos na bigyan sila ng angkop na hantungan at lahat ng biyayang kailangan nila, na gawing alipin nila ang Diyos, na gawin Siyang magpanatili ng isang mapayapa at magandang relasyon sa kanila nang sa gayon, anumang oras, ay hindi magkaroon ng anumang sigalot sa pagitan nila. Ibig sabihin, sa kanilang pananalig sa Diyos, kailangan Siyang mangako na tugunan ang lahat ng kanilang kahilingan at ipagkaloob Niya sa kanila ang anumang kanilang ipinagdarasal, tulad ng mga salitang nabasa nila sa Bibliya, “Pakikinggan Ko ang lahat ng inyong mga panalangin.” Inaasahan nila na hindi hahatulan o pupungusan ng Diyos ang sinuman, sapagkat noon pa man ay Siya na ang maawaing Tagapagligtas na nagpapanatili ng mabuting kaugnayan sa mga tao sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Ganito ang paraan kung paano nananalig ang mga tao sa Diyos: Hindi sila nahihiyang humiling sa Diyos, naniniwala na mapanghimagsik man sila o masunurin, ipagkakaloob na lang Niya ang lahat sa kanila nang pikit-mata. Patuloy lamang silang “naniningil ng mga utang” mula sa Diyos, naniniwala na kailangan Niya silang “bayaran” nang walang anumang pagtutol at, bukod pa riyan, magbayad nang doble; iniisip nila, kung may nakuha man ang Diyos sa kanila o wala, maaari lamang nila Siyang manipulahin, hindi Niya maaaring basta-basta isaayos ang mga tao, lalong hindi Niya ihahayag sa mga tao ang Kanyang karunungan at matuwid na disposisyon, na maraming taon nang nakatago, tuwing gusto Niya at nang walang pahintulot nila. Ikinukumpisal lamang nila sa Diyos ang kanilang mga kasalanan, naniniwala na pawawalang-sala na lamang sila ng Diyos, na hindi Siya magsasawang gawin ito, at na magpapatuloy ito magpakailanman. Inuutus-utusan lamang nila ang Diyos, naniniwala na susunod na lamang Siya sa kanila, dahil nakatala sa Bibliya na hindi pumarito ang Diyos para paglingkuran ng mga tao, kundi para paglingkuran Niya sila, at na narito Siya upang maging lingkod nila. Hindi ba ganito ang paniniwala ninyo noon pa man? Tuwing wala kayong nakakamit na anuman mula sa Diyos, gusto ninyong lumayo; kapag may hindi kayo nauunawaan, masyado kayong naghihinanakit, at binabato pa ninyo Siya ng lahat ng klase ng pang-aabuso. Ayaw ninyo talagang tulutan ang Diyos Mismo na lubos na maipahayag ang Kanyang karunungan at hiwaga; sa halip, gusto lamang ninyong tamasahin ang panandaliang kaalwanan at ginhawa. Hanggang ngayon, ang saloobin ninyo sa inyong pananalig sa Diyos ay binubuo lamang ng dati pang mga pananaw. Kung kakatiting lamang ang ipinakikita sa inyo ng Diyos na kamaharlikahan, nalulungkot kayo. Nakikita na ba ninyo ngayon kung gaano talaga kataas ang inyong tayog? Huwag ninyong ipalagay na kayong lahat ay tapat sa Diyos samantalang ang totoo ay hindi pa nagbabago ang inyong mga dating pananaw. Kapag walang sumasapit sa iyo, naniniwala ka na maayos ang lahat, at nasa rurok ang pagmamahal mo sa Diyos. Kapag may nangyari sa iyo na di-gaanong masakit, bumabagsak ka sa Hades. Ganito ba ang pagiging tapat sa Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

May napakahinang katwiran ang mga tao—masyadong marami silang hinihingi sa Diyos at humihingi sila nang sobra-sobra mula sa Kanya, wala silang kahit katiting na katwiran. Palaging hinihingi ng mga tao na gawin ito o iyon ng Diyos at hindi nila makayang ganap na magpasakop sa Kanya o sumamba sa Kanya. Sa halip, humihingi sila ng mga di-makatwirang bagay mula sa Diyos batay sa kanilang sariling mga kagustuhan, hinihinging maging sobrang mapagbigay Siya, na hindi Niya kailanman ikagagalit ang anumang bagay, at na kapag nakikita Niya ang mga tao, dapat ay palagi Siyang nakangiti at palaging nakikipag-usap sa kanila, at nagbibigay sa kanila ng katotohanan at nagbabahagi sa kanila tungkol sa katotohanan. Hinihingi rin nilang lagi Siyang maging mapagpasensya at magpanatili Siya ng isang kaaya-ayang ekspresyon kapag kasama sila. Masyadong maraming hinihingi ang mga tao; masyado silang maselan! Dapat ninyong suriin ang mga bagay na ito. Napakahina ng katwiran ng tao, hindi ba? Hindi lang sa hindi kaya ng mga taong ganap na magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos o tanggapin ang lahat ng nagmumula sa Diyos, bagkus, nagpapataw sila ng mga karagdagang hinihingi sa Diyos. Paano magiging tapat sa Diyos ang mga taong may gayong mga hinihingi? Paano sila makapagpapasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos? Paano nila makakayang mahalin ang Diyos? May mga hinihingi ang lahat ng tao sa kung paano sila dapat mahalin, pagtimpian, bantayan, protektahan, at pangalagaan ng Diyos, pero wala sa kanila ang may anumang hinihingi sa kanilang sarili kung paano dapat mahalin ang Diyos, isipin ang Diyos, maging maalalahanin sa Diyos, pasiyahin ang Diyos, magkaroon ng Diyos sa kanilang puso, at sumamba sa Diyos. Umiiral ba ang mga bagay na ito sa puso ng mga tao? Ito ang mga bagay na dapat isakatuparan ng mga tao, kaya’t bakit hindi sila masigasig na sumusulong sa mga bagay na ito? May mga taong kayang maging masigasig sandali at medyo kayang talikuran ang mga bagay-bagay at igugol ang kanilang sarili, pero hindi ito pangmatagalan; ang pagkakaroon ng isang maliit na aberya ay maaaring magdulot sa kanila ng pagkahina ng loob, kawalan ng pag-asa, at pagreklamo. Napakaraming paghihirap ng mga tao, at napakakaunting tao ang naghahangad sa katotohanan at naghahangad na mahalin at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Lubos na nagkukulang sa katwiran ang mga tao, mali ang kanilang pinaninindigan, at nakikita ang kanilang mga sarili bilang napakahalaga. Mayroon ding mga taong nagsasabing: “Itinatangi tayo ng Diyos. Hindi Siya nagdalawang-isip na pahintulutan ang Kanyang bugtong na Anak na ipako sa krus para tubusin ang sangkatauhan. Nagbayad ang Diyos ng malaking halaga para tubusin tayo—napakahalaga natin at lahat tayo ay may lugar sa puso ng Diyos. Espesyal na grupo tayo ng mga tao at may mas mataas na katayuan kaysa sa mga walang pananampalataya—tayo ay mga tao ng kaharian ng langit.” Iniisip nilang medyo matayog at dakila ang kanilang sarili. Noon, maraming lider ang may ganitong pag-iisip, naniniwalang mayroon silang tiyak na katayuan at posisyon sa sambahayan ng Diyos pagkatapos mabigyan ng promosyon. Inisip nilang, “Mataas ang pagpapahalaga sa akin ng Diyos at maganda ang tingin Niya sa akin, at pinahintulutan Niya akong maglingkod bilang isang lider. Dapat galingan ko sa pagiging abala at pagtatrabaho para sa Kanya.” Labis silang nasiyahan sa kanilang sarili. Gayunpaman, pagkaraan ng ilang panahon, gumawa sila ng isang masamang bagay at naipakita ang tunay nilang kulay, at pagkatapos sila ay pinalitan, at sila ay nanlumo at iniyuko ang kanilang ulo. Nang nailantad at napungos ang kanilang maling pag-uugali, mas naging negatibo sila, at hindi na nakapagpatuloy sa pananampalataya. Naisip nila sa kanilang sarili na, “Hindi isinasaalang-alang ng Diyos ang aking damdamin, wala talaga Siyang pakialam na isalba ang pagpapahalaga ko sa aking sarili. Sinasabi nilang may simpatya ang Diyos sa mga kahinaan ng tao, kung gayon bakit ako tinanggal pagkatapos ng ilang maliliit na pagsalangsang?” Pagkatapos ay pinanghinaan sila ng loob at ginustong abandonahin ang kanilang pananampalataya. Ang gayong mga tao ba ay may tunay na pananampalataya sa Diyos? Kung ni hindi man lang nila matanggap na mapungusan, kung gayon ay napakababa ng kanilang tayog, at hindi tiyak kung matatanggap ba nila ang katotohanan sa hinaharap. Nasa panganib ang gayong mga tao.

Hindi humihingi ng mataas ang mga tao sa kanilang mga sarili, pero mataas ang hinihingi sa Diyos. Hinihingi nila sa Kanya na maging napakabait sa kanila, at maging mapagpasensya at matulungin sa kanila, itangi sila, pagkalooban sila, at ngitian sila, maging mapagparaya sa kanila, makibagay sa kanila, at pangalagaan sila sa maraming paraan. Inaasahan nila na hindi Siya maging istrikto man lamang sa kanila o gawan ng anumang bagay na hindi nila magugustuhan kahit kaunti, at nasisiyahan lamang sila kung kinakausap Niya nang malambing araw-araw ang mga ito. Ang mga tao’y mayroong napakahinang katwiran! Hindi malinaw sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin, kung ano ang dapat nilang tuparin, kung anong mga pananaw ang dapat nilang taglayin, kung anong posisyon ang dapat nilang panindigan upang paglingkuran ang Diyos, at kung anong posisyon ang angkop na paglagyan ng kanilang sarili. Ang mga taong may kaunting katayuan ay may napakataas na pagtingin sa kanilang sarili, at ang mga taong walang katayuan ay bahagya ring mataas ang tingin sa kanilang sarili. Kailanma’y hindi nakikilala ng mga tao ang kanilang sarili. Dapat marating ang isang punto sa inyong paniniwala sa Diyos kung saan, paano man Siya magsalita sa inyo, gaano man Siya kahigpit, at gaano man Siya maaaring hindi mamansin, nagagawa mo na manatiling naniniwala nang walang reklamo at patuloy na ginagawa ang tungkulin tulad ng dati. Sa gayon, ikaw ay magiging isang nasa gulang at makaranasang tao, at totoong magkakaroon ng kaunting tayog at kaunting katwiran ng isang normal na tao. Hindi hihingi sa Diyos, hindi na magkakaroon pa ng labis-labis na mga pagnanasa, at hindi na hihiling pa sa iba o sa Diyos ayon sa sariling kagustuhan. Ipakikita nito na sa ano’t anuman, taglay ninyo ang wangis ng isang tao. Sa ngayon, napakarami ninyong hinihingi, ang mga hinihinging ito ay masyadong labis-labis, at ng mayroon kang napakaraming pantaong layunin. Nagpapatunay ito na ikaw ay hindi nakatayo sa tamang posisyon; napakataas ng iyong posisyon na kinatatayuan, at tiningnan mo ang iyong sarili bilang napakarangal—na tila ba hindi ka higit na mababa sa posisyon kaysa sa Diyos. Samakatuwid ay mahirap kang pakitunguhan, at ito mismo ang kalikasan ni Satanas.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang palaging paghingi sa Diyos ay bahagi ng kalikasan ng tao, at dapat ninyong himayin ang kalikasang ito ayon sa salita ng Diyos. Paano mo ito dapat himayin? Ang unang hakbang ay maging malinaw tungkol sa kung aling mga hindi makatwirang hinihingi, at kung aling mga labis na pagnanasa ang mayroon ang mga tao patungkol sa Diyos, at dapat mong himayin ang bawat isa sa mga ito: Bakit humihingi nang ganoon ang mga tao? Ano ang kanilang motibo? Ano ang kanilang layon? Kapag mas maingat mong hinihimay ito sa ganitong paraan, mas mauunawaan mo ang sarili mong kalikasan, at mas magiging detalyado ang pag-unawang iyon. Kung hindi mo ito detalyadong hihimayin, kundi nalalaman lang na ang mga tao ay hindi dapat humingi sa Diyos, na nauunawaan lamang na ang paghingi sa Diyos ay hindi makatwiran, at iyon lang, sa huli ay hindi ka uunlad, at hindi ka magbabago. Sinasabi ng ilang tao: “Marami kaming hinihingi sa Diyos dahil masyado kaming makasarili. Ano ang dapat naming gawin?” Natural na dapat maunawaan ng mga tao ang katotohanan at alamin ang diwa ng pagiging makasarili. Kapag tunay mong nauunawaan ang diwa ng pagiging makasarili ng tao, malalaman mo kung ano ang kulang sa iyo; ang nakatatakot ay kung hindi ito naiintindihan ng mga tao. Madaling makilala ang mga halatang magarbo o hindi makatwirang hinihingi sa pamamagitan ng paghihimay, at posibleng kamuhian ang iyong sarili. Minsan ay maaaring isipin mong makatwiran at patas ang iyong mga hinihingi, at dahil sa tingin mo ay makatwiran ito at sa tingin mo ay ganoon dapat ang mga bagay-bagay, at dahil ganoon din ang mga hinihingi ng iba, maaaring para sa iyo ay mukhang hindi labis ang iyong mga hinihingi, kundi may katwiran at natural. Ipinapakita nito na wala ka pa ring katotohanan, kaya naman hindi mo malinaw na maunawaan ang mga ito. Narito ang isang halimbawa: Ipagpalagay na mayroong isang tao na maraming taon nang sumusunod sa Diyos, at nagdusa nang husto sa maraming unos at hamon. Palaging mukhang wasto ang pag-uugali niya, at tila maayos siya pagdating sa kanyang pagkatao, kanyang pagdurusa, at kanyang pagkamatapat sa Diyos. Medyo may konsiyensiya pa nga siya, handang suklian ang pagmamahal ng Diyos, at karaniwang alam na maingat na humakbang habang isinasagawa ang kanyang gawain. Kalaunan, natuklasan Kong ang lalaking ito ay nagsasalita nang malinaw at maganda, ngunit hindi siya mapagpasakop kahit kaunti, kaya pinalitan Ko siya at iniutos na huwag na siyang gamitin muli sa hinaharap. Siya ay nagtrabaho para sa iglesia sa loob ng ilang taon, at nagdusa nang husto, ngunit sa huli ay pinalitan siya. Higit pa rito, hindi Ko nalutas ang ilan sa kanyang mga praktikal na paghihirap. Ano ang iisipin ng mga tao sa ganitong sitwasyon? Una, maraming tao ang magtatanggol sa kanya at sasabihing, “Hindi tama iyon. Sa mga ganitong sitwasyon, dapat siyang pakitaan ng Diyos ng dakilang awa at biyaya, dahil mahal niya ang Diyos, at gumugugol siya para sa Kanya. Kung ang isang tulad niya, na nananalig sa Diyos sa loob ng maraming taon, ay maaaring itiwalag, ano pang pag-asa ang mayroon ang mga bagong mananampalataya tulad namin?” Narito na naman ang mga hinihingi ng mga tao, palaging umaasa na pagpapalain ng Diyos ang taong iyon, at hahayaan siyang manatili, habang iniisip pa rin: “Tama ang naging pagtrato ng taong iyon sa Diyos, hindi siya dapat pabayaan ng Diyos!” Napakarami sa mga hinihingi ng mga tao sa Diyos ay nagmumula sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Sinusukat ng mga tao kung ano ang dapat ibigay ng Diyos sa mga tao, at kung paano Niya sila dapat tratuhin ayon sa mga pamantayan ng konsiyensiya para sa kung ano ang patas at makatwiran sa mga tao, ngunit paano ito naaayon sa katotohanan? Bakit Ko sinasabi na ang lahat ng hinihingi ng sangkatauhan ay hindi makatwiran? Dahil ito ang mga pamantayan na hinihingi ng mga tao sa ibang tao. Nasa tao ba ang katotohanan? Nahahalata ba nila ang diwa ng tao? Hinihingi ng ilang tao na tratuhin ng Diyos ang mga tao ayon sa pamantayan ng konsiyensiya, isinasama ang Diyos sa pamantayang hinihingi sa mga tao. Hindi ito naaayon sa katotohanan, at hindi ito makatwiran. Nagagawa ng mga taong magtiis pagdating sa ilang maliliit na bagay, ngunit maaaring hindi nila makayanan kapag natukoy na sa huli ang kanilang kahihinatnan. Lalabas ang kanilang mga hinihingi, at mamumutawi ang mga salita ng reklamo at pagkondena sa kanilang bibig nang walang pagpipigil, at magsisimula silang ipakita ang kanilang tunay na mga kulay. Sa oras na iyon, malalaman nila ang kanilang sariling kalikasan. Palaging humihingi ang mga tao sa Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao at sa sarili nilang kalooban, at marami silang hinihinging ganito. Maaaring hindi ninyo karaniwang napapansin, at iniisip na ang paminsan-minsang pagdarasal sa Diyos para sa isang bagay ay hindi maituturing na paghingi, ngunit ang totoo, ipinapakita ng maingat na paghihimay na hindi makatwiran, walang katuturan, at katawa-tawa pa nga ang maraming hinihingi ng tao. Hindi mo nakilala ang kalubhaan ng bagay na ito noon, ngunit unti-unti mo itong malalaman sa hinaharap, at pagkatapos ay magkakaroon ka ng tunay na pagkaunawa sa iyong sariling kalikasan. Unti-unti, ang karanasan ay magdadala sa iyo ng kaalaman at pagkakilala sa iyong kalikasan, at, kasama ng pagbabahaginan sa katotohanan, malalaman mo ito nang malinaw—kung magkagayon ay makapapasok ka na sa katotohanan sa bagay na ito. Kapag tunay mong naiintindihan nang malinaw ang kalikasang diwa ng tao, magbabago ang iyong disposisyon, at pagkatapos ay makakamtan mo ang katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos

Lahat ng hinihingi at binabalak ng mga tao ay hindi tugma sa katotohanan, at salungat sa mga kinakailangan at mga layunin ng Diyos. Wala sa kanila ang mahal ng Diyos, lahat sila ay kinasusuklaman at kinamumuhian Niya. Ang mga hinihingi ng mga tao sa Diyos, lahat ng kanilang hinahangad, at ang mga landas na kanilang tinatahak ay pawang walang kinalaman sa katotohanan. Iniisip ng ilang tao, “Maraming taon na akong nagtatrabaho para sa iglesia—kung may sakit ako, dapat akong pagalingin at pagpalain ng Diyos.” Sa partikular, ang mga nananalig sa Diyos sa mahabang panahon ay humihingi ng higit pa sa Kanya; ang mga maikling panahon pa lamang nananalig ay nakadarama na hindi sila karapat-dapat, ngunit pagkaraan ng ilang panahon, magsisimula silang makaramdam na sila ay may karapatan. Ganito talaga ang mga tao; ito ang kalikasan ng tao, at walang tao ang hindi kabilang dito. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako kailanman humingi nang labis sa Diyos dahil ako ay nilikha, at hindi ako karapat-dapat na humingi ng anuman sa Kanya.” Huwag agad sabihin iyon, panahon ang magbubunyag ng lahat. Ang kalikasan at layunin ng mga tao ay malalantad at lalabas balang araw. Hindi humihingi ang mga tao sa Diyos dahil hindi nila iniisip na ito ay kinakailangan, o nasa tamang panahon, o dahil napakarami na nilang hiningi sa Diyos, ngunit hindi lang nila napagtatanto na ito ay paghingi. Sa madaling salita, may ganitong uri ng kalikasan ang mga tao, kaya imposibleng hindi nila ito maibunyag. Sa tamang mga sitwasyon o pagkakataon, ito ay likas na mabubunyag. Bakit pagbabahaginan ito ngayon? Ito ay upang ipaunawa sa mga tao kung ano ang nasa sarili nilang kalikasan. Huwag mong isipin na ang pananalig sa Diyos sa loob nang ilang taon, o paggawa ng ilang araw na gawain para sa iglesia, ay nangangahulugan na gumugol, naglaan, o nagdusa ka na nang husto para sa Kanya at karapat-dapat kang makakuha ng ilang bagay, tulad ng pagtamasa sa mga materyal na bagay, pagtustos sa katawan, o higit na paggalang at pagpapahalaga ng ibang tao, o para kausapin ka nang malumanay ng Diyos, o para mas magmalasakit Siya sa iyo, at para madalas na magtanong kung kumakain at nagbibihis ka ba nang maayos, kung kumusta ang pisikal mong pangangatawan, at iba pa. Lumilitaw nang hindi sinasadya sa mga tao ang mga bagay na ito kapag mahabang panahon na silang gumugol para sa Diyos, at naiisip nila na karapat-dapat silang humingi ng anuman sa Kanya. Kapag maikling panahon pa lamang silang gumugugol para sa Diyos, iniisip nila na wala silang karapatan, at hindi sila nangangahas na humingi sa Diyos. Ngunit sa paglipas ng panahon, iisipin nila na mayroon silang kapital at magsisimulang lumabas ang kanilang mga hinihingi, at ang mga aspetong ito ng kanilang kalikasan ay malalantad. Hindi ba’t ganito ang mga tao? Bakit hindi pinag-iisipan ng mga tao kung tama bang humingi nang ganito sa Diyos? Karapat-dapat ka ba para sa mga bagay na ito? Ipinangako ba ng Diyos ang mga ito sa iyo? Kung hindi mo pag-aari ang isang bagay, ngunit pilit mo itong hinihingi, ito ay salungat sa katotohanan, at ganap na nagmumula sa iyong satanikong kalikasan. Paano kumilos ang arkanghel sa simula? Binigyan ito ng napakataas na posisyon, binigyan nang sobra-sobra, kaya naisip nito na karapat-dapat ito sa anumang naisin nito at sa anumang nakuha nito, hanggang sa wakas ay umabot sa puntong sinabi nitong, “Gusto kong maging kapantay ng diyos!” Kaya naman nananalig sa Diyos ang mga tao nang may napakaraming hinihingi, napakagagarbong pagnanasa. Kung hindi nila susuriin ang kanilang sarili, at hindi mapagtatanto ang kalubhaan ng problema, isang araw ay sasabihin nila, “Bumaba ka, diyos. Ako mismo ay maaaring maging halos diyos na,” o, “Diyos, isusuot ko ang anumang isinusuot mo, kakainin ko ang anumang kinakain mo.” Ang mga taong naabot na ang antas na ito ay tinatrato na ang Diyos bilang isang tao. Bagamat berbal na kinikilala ng mga tao na ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang Diyos Mismo, mga paimbabaw na salita lamang ang lahat ng ito. Sa totoo, ang puso nila ay walang kahit katiting na pagpapasakop o takot sa Diyos. Gusto pa nga ng ilang tao na maging Diyos, at magkakaroon ng problema kung ang kanilang mga ambisyon at pagnanasa ay lumaki sa ganitong antas. Malamang na may darating na kapahamakan sa kanila, at kahit na sila ay patalsikin sa iglesia, parurusahan pa rin sila ng Diyos.

Dapat ituring ng mga nananalig sa Diyos ang Diyos bilang Diyos, at sa paggawa lamang nito sila tunay na nananalig sa Diyos. Hindi lang nila dapat kilalanin ang katayuan ng Diyos, dapat din silang magkaroon ng tunay na pagkaunawa at takot sa diwa at disposisyon ng Diyos, at maging ganap na mapagpasakop. Narito ang ilang paraan upang maisagawa ito: Una, panatilihin ang kabanalan at isang matapat na saloobin kapag nakikipag-ugnayan sa Diyos, nang walang anumang kuru-kuro o imahinasyon, at magtaglay ng isang pusong mapagpasakop. Pangalawa, ilagay ang mga layunin sa likod ng lahat ng iyong sinasabi, bawat tanong na iyong itinatanong, at lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos upang suriin ang mga ito at manalangin. Sa pamamagitan ng pag-alam kung paano magsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at nang may batayan sa salita ng Diyos, saka mo lang mapapasok ang katotohanang realidad. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan, hindi ka lamang hindi makapapasok sa katotohanang realidad, kundi makaiipon ka rin ng parami nang paraming kuru-kuro, at magdudulot iyon ng problema. Kapag itinuturing mo ang Diyos bilang isang tao, ang diyos na iyong pinaniniwalaan kung gayon ay ang malabong diyos sa langit; ganap mong itatanggi ang pagkakatawang-tao, at hindi mo na kikilalanin ang praktikal na Diyos sa iyong puso. Sa panahong ito, ikaw ay magiging isang anticristo at mahuhulog sa kadiliman. Habang mas marami kang pangangatwiran, mas marami kang hihingin sa Diyos, at mas marami kang magiging kuru-kuro tungkol sa Kanya, na maglalagay sa iyo sa mas malaking panganib. Habang mas marami kang hinihingi sa Diyos, mas pinatutunayan nitong hindi mo talaga tinatrato ang Diyos bilang Diyos. Kung palagi kang nagkikimkim ng mga hinihingi sa Diyos sa iyong puso, kung gayon, sa paglipas ng panahon, malamang na ituturing mo ang iyong sarili bilang Diyos, at magpapatotoo ka para sa iyong sarili kapag gumagawa ka sa iglesia, sasabihin mo pang, “Hindi ba’t nagpapatotoo ang diyos para sa kanyang sarili? Bakit hindi ko maaaring gawin iyon?” Dahil hindi mo naiintindihan ang gawain ng Diyos, magkakaroon ka ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, at hindi ka magkakaroon may takot sa Diyos na puso. Magbabago ang tono ng iyong boses, magiging mayabang ang iyong disposisyon, at sa huli, unti-unti mong dadakilain at patototohanan ang sarili mo. Ito ang proseso ng paglubog ng tao, at ito ay ganap na dala ng hindi niya paghahangad sa katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos

Kahit na hindi pa kailanman nakikita ni Job ang Diyos o naririnig ang mga salita ng Diyos sa kanyang sariling mga tainga, ang Diyos ay may lugar sa puso ni Job. Ano ang saloobin ni Job sa Diyos? Ito ay, tulad ng tinukoy natin dati, “purihin ang pangalan ni Jehova.” Ang kanyang pagpapala sa pangalan ng Diyos ay walang kondisyon, walang kinalaman sa konteksto, at hindi nakatali sa anumang dahilan. Nakikita natin na ibinigay ni Job ang kanyang puso sa Diyos, pinahintulutan niya na pamahalaan ito ng Diyos; lahat ng inisip niya, lahat ng pagpapasya niya, at lahat ng binalak niya sa kanyang puso ay inilatag sa Diyos at hindi itinago mula sa Diyos. Ang kanyang puso ay hindi sumalungat sa Diyos, at hindi niya kailanman hiningi sa Diyos na gawin ang kahit na ano para sa kanya o ibigay ang anumang bagay, at hindi siya nagtanim ng mga marangyang hangarin na may makukuha siyang anumang bagay mula sa kanyang pagsamba sa Diyos. Si Job ay hindi nakipagpalitan sa Diyos, at hindi humiling o humingi sa Diyos. Ang kanyang pagpupuri sa pangalan ng Diyos ay dahil sa dakilang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos sa pamumuno sa lahat ng bagay, at hindi nakasalalay sa kung siya ay nagkamit ng pagpapala o hinagupit ng kalamidad. Naniwala siya na kung magbibigay man ng pagpapala ang Diyos sa mga tao o kaya ay magdudulot ng kapahamakan sa kanila, ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay hindi magbabago, at dahil dito, anuman ang kalagayan ng isang tao, ang pangalan ng Diyos ay dapat na purihin. Dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, pinagpala ang tao, at kapag dumating ang sakuna sa tao, ito ay dahil din sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay namamahala at nagsasaayos ng lahat tungkol sa tao; ang pabago-bagong kapalaran ng tao ay pagpapamalas ng kapangyarihan at awtoridad ng Diyos, at kung anuman ang pananaw ng tao, ang pangalan ng Diyos ay dapat na papurihan. Ito ang naranasan at nalaman ni Job sa mga taon ng kanyang buhay. Ang lahat ng mga inisip at ikinilos ni Job ay umabot sa mga tainga ng Diyos, at dumating sa harap ng Diyos, at itinuring na mahalaga ng Diyos. Itinangi ng Diyos ang kaalamang ito ni Job, at pinahalagahan Niya si Job sa pagkakaroon ng ganitong puso. Ang pusong ito ay palaging naghihintay sa utos ng Diyos, at sa lahat ng lugar, at kahit ano pa ang oras o lugar, tinanggap nito ang anumang dumating sa kanya. Walang hiniling si Job sa Diyos. Ang hiningi niya sa sarili niya ay ang maghintay, tumanggap, humarap at magpasakop sa lahat ng pagsasaayos na nanggaling sa Diyos; naniwala si Job na ito ang kanyang tungkulin, at ito mismo ang nais ng Diyos. Hindi kailanman nakita ni Job ang Diyos, at hindi rin niya narinig ang Diyos na nagsalita ng anumang salita, nagbigay ng anumang utos, nagbigay ng anumang aral, o nagbigay ng tagubilin sa kanya tungkol sa kahit na ano. Sa kasalukuyang pananalita, upang magtaglay siya ng ganoong kaalaman at saloobin sa Diyos kahit na ang Diyos ay walang naibigay sa kanya na kaliwanagan, patnubay, o anumang kaloob patungkol sa katotohanan—ito ay mahalaga, at ang pagpapakita niya ng mga ganitong bagay ay sapat na para sa Diyos, at ang kanyang patotoo ay pinuri at itinangi ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Ang mga tao ay hindi kwalipikado na magkaroon ng mga kahingian sa Diyos. Wala nang mas hindi makatwiran pa kaysa sa paggawa ng mga kahingian sa Diyos. Gagawin Niya ang dapat Niyang gawin, at matuwid ang Kanyang disposisyon. Ang katuwiran ay walang kinalaman sa pagiging makatarungan o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo alinsunod sa gawaing natapos mo, o binabayaran ka para sa anumang gawaing natapos mo, o ibinibigay sa iyo ang nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito pagiging matuwid, pagiging patas at makatwiran lamang ito. Kakaunting tao lamang ang may kakayahang malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ipagpalagay nang inalis ng Diyos si Job matapos siyang magpatotoo para sa Kanya: Magiging matuwid ba ito? Sa katunayan, oo. Bakit ito tinatawag na pagiging matuwid? Ano ang tingin ng mga tao sa pagiging matuwid? Kung ang isang bagay ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, napakadali para sa kanila ang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita na nakaayon ang bagay na iyon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. Kung winasak ng Diyos si Job noon, hindi masasabi ng mga tao na Siya ay matuwid. Gayunpaman, sa totoo lang, kung ang mga tao man ay nagawang tiwali o hindi, at kung lubos man silang nagawang tiwali o hindi, kailangan bang bigyang-katwiran ng Diyos ang Kanyang sarili kapag nilipol Niya sila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa mga tao kung sa anong batayan Niya ginagawa ito? Kailangan bang sabihin ng Diyos sa mga tao ang mga tuntuning inordena Niya? Hindi na kinakailangan. Sa paningin ng Diyos, ang isang taong tiwali at malamang na lumaban sa Diyos ay walang anumang silbi; paano man siya pakikitunguhan ng Diyos ay magiging angkop, at ang lahat ay pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi ka naging kalugud-lugod sa mga mata ng Diyos, at kung sabihin Niya na wala ka nang silbi sa Kanya pagkatapos ng iyong patotoo kaya winasak ka, ito rin ba ay pagiging matuwid Niya? Oo. Maaaring hindi mo pa ito makita sa ngayon mula sa mga katotohanan, ngunit dapat mong maunawaan ito sa doktrina. Ano ang sasabihin ninyo—ang pagwasak ba ng Diyos kay Satanas ay isang pagpapahayag ng Kanyang pagiging matuwid? (Oo.) Paano kung hinayaan Niyang manatili si Satanas? Hindi ka mangangahas na sabihin ito, oo? Ang pinakadiwa ng Diyos ay katuwiran. Bagama’t hindi madaling unawain ang Kanyang ginagawa, matuwid ang lahat ng Kanyang ginagawa; hindi lamang talaga ito nauunawaan ng mga tao. Nang ibigay ng Diyos si Pedro kay Satanas, paano tumugon si Pedro? “Hindi maarok ng sangkatauhan ang Iyong ginagawa, ngunit lahat ng Iyong ginagawa ay kinapapalooban ng Iyong mabuting kalooban; mayroong katuwiran sa lahat ng iyon. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong karunungan at mga gawa?” Dapat makita mo na ngayon na ang dahilan kaya hindi pinupuksa ng Diyos si Satanas sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao ay para maaaring makita nang malinaw ng mga tao kung paano sila nagawang tiwali ni Satanas at kung gaano sila nito nagawang tiwali, at kung paano sila dinadalisay at inililigtas ng Diyos. Sa huli, kapag naunawaan na ng mga tao ang katotohanan at malinaw nang nakita ang kasuklam-suklam na anyo ni Satanas, at namasdan ang napakalaking kasalanan ng pagtitiwali sa kanila ni Satanas, pupuksain ng Diyos si Satanas, ipapakita sa kanila ang Kanyang pagiging matuwid. Ang panahon ng pagpuksa ng Diyos kay Satanas ay puspos ng disposisyon at karunungan ng Diyos. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi maarok ng mga tao ang katuwiran ng Diyos, hindi sila dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi patas para sa mga tao, o kung mayroon silang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at nagiging daan iyon para sabihin nilang hindi Siya matuwid, kung gayon ay masyado silang hindi makatwiran.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Dahil naniniwala at sumusunod ka sa Diyos, dapat mong ialay ang lahat sa Kanya, at hindi ka dapat gumawa ng mga personal na pagpili o paghingi, at dapat mong makamit ang katugunan sa mga layunin ng Diyos. Dahil ikaw ay nilikha, dapat kang magpasakop sa Panginoong lumikha sa iyo, sapagkat ikaw ay likas na walang kapamahalaan sa iyong sarili, at walang kakayahang kontrolin ang sarili mong tadhana. Dahil isa kang taong naniniwala sa Diyos, dapat kang maghangad ng kabanalan at pagbabago. Dahil ikaw ay isang nilikha, dapat kang sumunod sa iyong tungkulin, at manatili sa iyong lugar, at huwag kang lumampas sa iyong tungkulin. Ito ay hindi upang pigilan ka, o supilin ka sa pamamagitan ng doktrina, kundi sa halip ay ang landas na makakatulong upang magampanan mo ang iyong tungkulin, at makakamit ito—at dapat makamit—ng lahat ng gumagawa ng katuwiran. … Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, kaya nga ginagawa Niyang sumailalim ang lahat ng nilikha sa Kanyang kapamahalaan at magpasakop sa Kanyang kapamahalaan; pamamahalaan Niya ang lahat ng bagay, para lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay. Lahat ng nilikha ng Diyos, pati na ang mga hayop, halaman, sangkatauhan, kabundukan at mga ilog, at mga lawa—lahat ay kailangang sumailalim sa Kanyang kapamahalaan. Lahat ng bagay sa kalangitan at sa lupa ay kailangang sumailalim sa Kanyang kapamahalaan. Hindi sila maaaring magkaroon ng anumang pagpipilian at kailangang magpasakop ang lahat sa Kanyang mga pamamatnugot. Ito ay iniutos ng Diyos, at ito ang awtoridad ng Diyos. Pinamamahalaan ng Diyos ang lahat, at inaayos at inihahanay ang lahat ng bagay, na ang bawat isa ay nakakategorya ayon sa uri, at pinaglaanan ng sarili nilang posisyon, ayon sa mga pagnanais ng Diyos. Gaano man iyon kalaki, walang anumang bagay ang makakahigit sa Diyos, lahat ng bagay ay nagsisilbi sa sangkatauhang nilikha ng Diyos, at walang anumang bagay ang nangangahas na sumuway sa Diyos o humingi ng anuman sa Diyos. Kaya ang tao, bilang isang nilikha, ay kailangan ding tuparin ang tungkulin ng tao. Siya man ang panginoon o tagapag-alaga ng lahat ng bagay, gaano man kataas ang katayuan ng tao sa lahat ng bagay, maliit na tao pa rin siya sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, at isang walang kabuluhang tao lang, isang nilikha, at hindi kailanman makahihigit sa Diyos. Bilang isang nilikha, dapat hangaring tuparin ng tao ang tungkulin ng isang nilikha, at hangaring mahalin ang Diyos nang hindi pumipili ng iba pa, sapagkat ang Diyos ay karapat-dapat sa pagmamahal ng tao. Yaong mga naghahangad na mahalin ang Diyos ay hindi dapat maghangad ng anumang personal na mga pakinabang o hangarin yaong personal nilang inaasam; ito ang pinakatamang paraan ng paghahangad. Kung hinahangad mo ang katotohanan, kung isinasagawa mo ang katotohanan, at kung nagtatamo ka ng pagbabago sa iyong disposisyon, tama ang landas na iyong tinatahak. Kung hinahangad mo ang mga pagpapala ng laman, at isinasagawa mo ang katotohanan ng sarili mong mga kuru-kuro, at kung walang pagbabago sa iyong disposisyon, at hindi ka mapagpasakop kailanman sa Diyos na nasa katawang-tao, at nabubuhay ka pa rin sa kalabuan, siguradong dadalhin ka sa impiyerno ng iyong hinahangad, sapagkat ang landas na iyong tinatahak ay ang landas ng kabiguan. Kung gagawin kang perpekto o ititiwalag ay depende sa iyong sariling paghahangad, na ibig ding sabihin ay ang tagumpay o kabiguan ay depende sa landas na tinatahak ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Kaugnay na mga Himno

Masyadong Maraming Hinihingi ang Tao sa Diyos

Sinundan: 3. Paano lutasin ang problema ng hindi pagtanggap sa katotohanan at pagtatanggol sa sarili

Sumunod: 5. Paano lutasin ang problema ng pag-iimbot sa mga kasiyahan ng laman sa pamilya

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 14: Sa paniniwala n’yo sa Kanya, lahat kayo ay may mga sariling ideya at opinyon. Sa tingin ko ang mga ideya nyo at teyorya, ay pawang mga pakiramdam ng pansariling kamalayan, at puro ilusyon lamang ninyo sa mga bagay-bagay. Naniniwala kaming mga Komunista na ang materyalismo at teorya ng ebolusyon ang katotohanan, dahil naayon ang lahat ng yon sa syensya. Malinaw na nagbibigay ang ating bansa ng materyalista at ebolusyonistang edukasyon mula paaralang elementarya hanggang sa unibersidad. Sa tingin n’yo bakit? Yun ay para ipalaganap ang ateista at ebolusyonistang pag-iisip sa lahat ng kabataan sa murang edad, para lumayo sila sa relihiyon at ganun na rin sa pamahiin, at ng sa ganun siyentipiko at maayos nilang maipaliwanag ang lahat ng katanungan. Isang halimbawa ang, tanong tungkol sa pinagmulan ng buhay. Ignorante at makaluma ang mga tao sa nakaraan, at naniwala sa mga kwentong gaya ng paghihiwalay ni Pangu sa langit at lupa, at paglikha ni Nüwa sa mga tao. Ang mga taga-kanluran naman, ay naniwalang ang Diyos ang lumikha sa sangkatauhan. Ang totoo, mitolohiya lang at alamat ang lahat ng ito, at hindi naaayon sa syensya. Mula nang lumitaw ang teorya ng ebolusyon na nagpaliwanag sa pinagmulan ng sangkatauhan, kung paano nagmula ang tao sa mga unggoy, pinabulaanan ng teorya ng ebolusyon ang alamat ng paglikha ng Diyos sa tao. Nalikha ang lahat ng bagay sa natural na pamamaraan. Yun lamang ang katotohanan. Kaya nga Kailangan nating maniwala sa syensya, at sa teorya ng ebolusyon. Kayong lahat ay mga edukado at maraming nalalaman. Kaya bakit kayo naniniwala sa Diyos? Kaya n’yo bang sabihin sa’min ang inyong pananaw?

Sagot: Naniniwala kayong mga Komunista na ang materyalismo at teorya ng ebolusyon ang katotohanan, at kinikilala n’yo sina Marx at Darwin....

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito