6. Paano lutasin ang problema ng pagtrato sa mga tao nang ayon sa mga damdamin

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ano ang mga damdamin, sa diwa? Ang mga ito ay uri ng tiwaling disposisyon. Ang mga pagpapamalas ng mga damdamin ay mailalarawan gamit ang ilang salita: paboritismo, pagprotekta sa iba nang walang prinsipyo, pagpapanatili ng mga pisikal na relasyon, at pagkiling; ito ang mga damdamin. Ano ang mga posibleng kahihinatnan ng pagkakaroon ng mga tao ng mga damdamin at pamumuhay ayon sa mga ito? Bakit pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga damdamin ng mga tao? Ang ilan ay palaging napipigilan ng kanilang mga damdamin, hindi nila maisagawa ang katotohanan, at bagamat nais nilang magpasakop sa Diyos, hindi nila magawa, kaya pakiramdam nila ay pinahihirapan sila ng kanilang mga damdamin. Maraming tao ang nakakaunawa sa katotohanan ngunit hindi ito maisagawa; ito rin ay dahil napipigilan sila ng mga damdamin. Halimbawa, nililisan ng ilang tao ang kanilang tahanan upang gampanan ang kanilang mga tungkulin, ngunit araw-gabi nilang iniisip ang kanilang pamilya, at hindi nila magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Hindi ba’t problema ito? Ang ilang tao ay may lihim na nagugustuhang tao, at ang taong iyon lang ang may puwang sa kanilang puso, na nakaaapekto sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Hindi ba’t problema ito? Hinahangaan at iniidolo ng ilang tao ang iba; wala silang ibang pinakikinggan kundi ang taong iyon, hanggang sa puntong ni hindi na sila nakikinig sa sinasabi ng Diyos. Kahit na may ibang taong nagbabahagi ng katotohanan sa kanila, ayaw nila itong tanggapin; ang mga salita lang ng taong iyon ang pinakikinggan nila, ang mga salita ng idolo nila. Ang ilang tao ay may iniidolo sa kanilang puso, at hindi nila pinahihintulutan ang ibang taong magsalita tungkol sa kanilang idolo o banggain ito. Kung may magsasalita tungkol sa mga problema sa idolo nila, nagagalit sila at kinakailangan nilang ipagtanggol ang kanilang idolo at baligtarin ang mga salita ng taong iyon. Hindi nila hinahayaang dumanas ang kanilang idolo ng kawalang-katarungan nang hindi nila naipagtatanggol at ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila upang protektahan ang reputasyon ng idolo nila; gamit ang kanilang mga salita, ang mga kamalian ng kanilang idolo ay nagiging tama, at hindi nila hinahayaan ang mga taong magsabi ng totoo o ilantad ang kanilang idolo. Hindi ito katarungan; mga damdamin ang tawag dito. Nakapatungkol lang ba ang mga damdamin sa pamilya ng isang tao? (Hindi.) Napakalawak ng saklaw ng mga damdamin; ang mga iyon ay isang uri ng tiwaling disposisyon, ang mga iyon ay hindi lamang tungkol sa mga ugnayan ng laman ng mga miyembro ng pamilya, hindi limitado sa ganoong saklaw ang mga iyon. Maaari ding magkaroon ng kinalaman ang mga iyon sa nakatataas sa iyo, o sa isang taong pumabor o tumulong sa iyo, o sa isang taong pinakamalapit sa iyo o kasundo mo, o sa kababayan o kaibigan mo, o maging sa isang taong hinahangaan mo—paiba-iba ito. Kung gayon, ang pagwawaksi ba ng mga damdamin ay kasing simple lang ng hindi pag-iisip sa iyong mga magulang o pamilya? (Hindi.) Napakadali bang magwaksi ng mga damdamin? Karamihan sa mga tao, kapag trenta anyos na sila at kaya na nilang mamuhay nang nagsasarili, hindi na sila masyadong nangungulila sa kanilang tahanan, at kapag nasa edad kwarenta na sila, nagiging ganap na normal na ito. Kapag wala pa sa hustong gulang ang mga tao, labis silang nangungulila sa kanilang tahanan at hindi nila maiwan ang kanilang mga magulang dahil hindi pa nila taglay ang kakayahang mamuhay nang nagsasarili. Normal lang na mangulila sa iyong pamilya at mangulila sa iyong mga magulang. Hindi ito isang usapin ng mga damdamin. Kapag ang iyong saloobin at pananaw sa paggawa ng mga bagay-bagay ay nakokontamina ng mga damdamin, saka ito nagiging usapin ng mga damdamin.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?

Anong mga isyu ang may kaugnayan sa mga damdamin? Una ay kung paano mo sinusuri ang iyong sariling mga kapamilya, at kung paano mo hinaharap ang mga bagay na ginagawa nila. Natural na kasama rito sa “ang mga bagay na ginagawa nila” kapag kanilang ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, kapag hinuhusgahan nila ang mga tao kapag nakatalikod ang mga ito, kapag lumalahok sila sa ilang pagsasagawa ng mga hindi mananampalataya, at iba pa. Kaya mo bang harapin ang mga bagay na ito nang patas? Kapag kailangan mong magsulat ng isang pagsusuri sa iyong mga kapamilya, magagawa mo ba ito nang obhetibo at patas, nang isinasantabi ang iyong sariling mga damdamin? May kinalaman ito sa kung paano mo hinaharap ang iyong mga kapamilya. Dagdag pa rito, nagkikimkim ka ba ng mga damdamin sa mga taong kasundo mo o sa mga dati nang tumulong sa iyo? Kaya mo bang tingnan ang kanilang mga kilos at asal sa isang obhetibo, patas, at tumpak na paraan? Kung ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia, magagawa mo bang agad na iulat o ilantad sila pagkatapos mo itong malaman? Gayundin, nagtataglay ka ba ng mga damdamin sa mga taong medyo malapit sa iyo o sa mga may interes na pareho sa iyo? Mayroon ka bang patas at obhetibong pagsusuri, depinisyon, at paraan ng pagharap sa kanilang mga kilos at pag-uugali? Ipagpalagay na ang mga taong ito, na may sentimental na koneksyon sa iyo, ay pinangasiwaan ng iglesia ayon sa mga prinsipyo, at hindi naaayon sa iyong sariling mga kuru-kuro ang kinalabasan nito—paano mo ito haharapin? Magagawa mo bang sumunod? Palihim mo bang ipagpapatuloy ang masangkot sa kanila, at malilihis at mauudyukan pa nga nila na magpalusot para sa kanila, pangatwiranan sila, at ipagtanggol sila? Tutulungan mo ba ang mga tumulong sa iyo at ilalagay mo ba ang sarili mo sa panganib para sa kanila, habang binabalewala ang mga katotohanang prinsipyo at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t may kinalaman ang iba’t ibang isyung iyon sa mga damdamin? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t ang mga damdamin ay may kaugnayan lang sa mga kamag-anak at kapamilya? Hindi ba’t ang saklaw lang ng mga damdamin ay ang iyong mga magulang, kapatid, at iba pang kapamilya?” Hindi, kasama sa mga damdamin ang malawak na saklaw ng mga tao. Kalimutan na ang tungkol sa patas na pagsusuri sa kanilang sariling mga kapamilya—ang ilang tao ay hindi man lang masuri nang patas ang kanilang malalapit na kaibigan at kabarkada, at binabaluktot pa nila ang mga katunayan kapag nagsasalita sila tungkol sa mga taong ito. Halimbawa, kung ang kanilang kaibigan ay hindi inaasikaso ang kanyang tamang trabaho at palaging gumagawa ng mga baluktot at buktot na gawain sa kanyang tungkulin, ilalarawan nila ito bilang masyadong mapaglaro, at sasabihing hindi pa sapat ang gulang at hindi pa matatag ang pagkatao nito. Hindi ba’t may mga damdamin sa loob ng mga salitang ito? Ito ay pagsasalita ng mga salitang puno ng mga damdamin. Kung ang isang tao na walang koneksyon sa kanila ay hindi inaasikaso ang kanilang tamang trabaho at nakikibahagi sa mga baluktot at buktot na gawain, magsasalita sila ng mas malulupit na salita tungkol sa mga ito, at maaaring kondenahin pa nila ang mga ito. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagsasalita at pagkilos batay sa mga damdamin? Patas ba ang mga taong namumuhay batay sa kanilang mga damdamin? Matuwid ba sila? (Hindi.) Ano ang mali sa mga taong nagsasalita ayon sa kanilang mga damdamin? Bakit hindi nila matrato nang patas ang ibang tao? Bakit hindi nila kayang magsalita batay sa mga katotohanang prinsipyo? Buktot ang mga taong nagsasalita nang mapanlinlang at hindi kailanman ibinabatay ang kanilang mga salita sa mga katunayan. Ang hindi pagiging patas kapag nagsasalita ang isang tao, palaging nagsasalita ayon sa sariling mga damdamin at para sa sariling kapakanan, at hindi ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi iniisip ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at pinoprotektahan lang ang sariling mga damdamin, kasikatan, pakinabang, at katayuan—ito ang katangian ng mga anticristo. Ganito magsalita ang mga anticristo; buktot, nakakagulo, at nakagagambala ang lahat ng sinasabi nila. Ang mga taong namumuhay sa mga kagustuhan at interes ng laman ay namumuhay sa kanilang mga damdamin. Ang mga taong namumuhay sa kanilang mga damdamin ay iyong mga hindi talaga tumatanggap o nagsasagawa man lang sa katotohanan. Wala talagang katotohanang realidad ang mga taong nagsasalita at kumikilos batay sa kanilang mga damdamin. Kung maging lider ang mga gayong tao, walang duda na magiging mga huwad na lider o anticristo sila. Hindi lang sila walang kakayahang gumawa ng totoong gawain, maaari din silang gumawa ng iba’t ibang masamang gawa. Tiyak na ititiwalag at parurusahan sila.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 2

Paano nagpapamamalas ang pagkilos batay sa damdamin ng isang tao? Ang pinakakaraniwang pagpapamalas ay kapag palaging ipinagtatanggol o pinaninindigan ng mga tao ang kung sinuman na mabait sa kanila o malapit sa kanila. Halimbawa, sabihin nating ang kaibigan mo ay nalantad sa paggawa ng isang masamang bagay at ipinagtanggol mo siya sa pamamagitan ng pagsasabing: “Hindi niya gagawin ang ganoon, mabuti siyang tao! Pinagbibintangan lang siya.” Makatarungan ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Pag-asal at pagsasalita ito batay sa damdamin ng isang tao. Para sa isa pang halimbawa, ipagpalagay na nagkaroon ka ng kaunting hindi pagkakaunawaan sa isang tao at inayawan mo na siya, at kapag nagsabi siya ng isang bagay na tama at naaayon sa mga prinsipyo, ayaw mo nang makinig, anong pagpapamalas ito? (Hindi pagtanggap sa katotohanan.) Bakit hindi mo matanggap ang katotohanan? Alam mo sa iyong puso na tama ang sinabi niya, ngunit dahil mayroon ka nang pagkiling laban sa kanya, ayaw mo nang makinig kahit na alam mong tama siya. Anong suliranin ito? (Natatalo ng damdamin.) Ito ay puno ng damdamin. Madaling maimpluwensiyahan ang ilang tao ng kanilang mga personal na kagustuhan at emosyon. Kapag hindi nila makasundo ang isang tao, gaano man kahusay o katama magsalita ang taong iyon, hindi sila makikinig. At kapag nakakasundo naman nila ang isang tao, handa silang makinig sa anumang sasabihin nito, hindi alintana kung tama ito o mali, o kung naaayon ito sa katotohanan. Hindi ba’t ito yaong madaling maimpluwensiyahan ng mga personal na kagustuhan at emosyon ng isang tao? Sa ganoong disposisyon, maaari bang magsalita at kumilos nang makatwiran ang isang tao? Matatanggap ba nila ang katotohanan at magpasakop dito? (Hindi.) Dahil pinipigilan sila ng mga damdamin at madaling naiimpluwensiyahan ng kanilang mga emosyon, nakaaapekto ito sa kanilang pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo sa kanilang mga pagkilos. Nakaaapekto rin ito sa kanilang pagtanggap at pagpapasakop sa katotohanan. Kaya ano ang nakaaapekto sa kanilang kakayahang magsagawa at magpasakop sa katotohanan? Sa pamamagitan ng ano sila napipigilan? Sa kanilang mga damdamin at emosyon. Ang mga bagay na ito ang pumipigil at gumagapos sa kanila. Kapag inuuna mo ang mga personal na relasyon at pansariling interes sa halip na ang katotohanan, ang mga damdamin ang humahadlang sa iyo sa pagtanggap sa katotohanan. Samakatuwid, hindi ka dapat kumilos o magsalita batay sa mga damdamin. Mabuti man o masama ang relasyon mo sa isang tao, o malumanay o istrikto man ang kanilang mga salita, hangga’t naaayon sa katotohanan ang kanilang sinasabi, dapat mong pakinggan at tanggapin ito. Ito ang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan. Kung sasabihin mong, “Ang kanyang pagbabahagi ay naaayon sa katotohanan at mayroon din siyang karanasan, ngunit masyado siyang bastos at mayabang, at hindi ito kasiya-siya at hindi komportableng panoorin. Kaya kahit na tama siya, hindi ko ito tatanggapin,” anong uri ng disposisyon ito? Sa madaling salita, isa itong damdamin. Kapag hinaharap mo ang mga tao at mga bagay batay sa sarili mong mga kagustuhan at emosyon, isang damdamin ito, at lahat ng ito ay sumasailalim sa kategorya ng damdamin. Ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa damdamin ay nabibilang sa mga tiwaling disposisyon. Ang mga taong tiwali ay may damdaming lahat, at lahat sila ay pinipigilan ng kanilang mga damdamin sa iba’t ibang antas. Kapag hindi matanggap ng isang tao ang katotohanan, magiging mahirap para sa kanya na malutas ang suliranin ng mga pakiramdam. May mga taong nagtatakip sa mga huwad na lider, pumoprotekta sa mga anticristo, at nagsasalita at nagtatanggol sa mga masasamang tao. May mga damdaming kasangkot sa lahat ng kasong ito. Siyempre, sa ilang sitwasyon, kumikilos lamang ang mga taong iyon sa ganoong paraan dahil sa kanilang masamang kalikasan. Kailangan ng madalas na pagbabahaginan ang mga suliraning ito upang makakuha ng kalinawan sa mga ito. Maaaring sasabihin ng ilang tao, “May kaunting damdamin lang ako para sa aking pamilya at mga kaibigan, ngunit hindi na sa iba pa.” Hindi eksakto ang pahayag na ito. Kapag nagpakita sa iyo ng kahit na maliit na pabor ang ibang tao, magkakaroon ka ng damdamin para sa kanila. May iba’t ibang antas ng pagkakalapit at ng lalim, ngunit ang mga ito ay damdamin pa rin. Kung hindi malulutas ng mga tao ang kanilang mga damdamin, mahihirapan sila na isagawa ang katotohanan at makamit ang pagpapasakop sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Paglutas sa Isang Tiwaling Disposisyon

Lubhang sentimental ang ilang tao. Araw-araw, sa lahat ng kanilang sinasabi, at sa lahat ng paraan ng asal nila sa iba, namumuhay sila ayon sa kanilang mga damdamin. Nakararamdam sila ng pagmamahal para sa taong ito at sa taong iyon, at ginugugol nila ang kanilang mga araw sa magiliw na pakikisalamuha. Sa lahat ng kanilang kinakaharap, nabubuhay sila sa mundo ng mga damdamin. Kapag namatay ang di-mananampalatayang kamag-anak ng gayong tao, iiyak siya nang tatlong araw at hindi pumapayag na ilibing ang bangkay. May mga damdamin pa rin siya para sa namatay at masyadong matindi ang kanyang mga damdamin. Masasabi na ang mga damdamin ang nakamamatay na kapintasan ng taong ito. Pinipigilan siya ng kanyang mga emosyon sa lahat ng bagay, wala siyang kakayahang magsagawa ng katotohanan o kumilos ayon sa prinsipyo, at madalas na siya ay malamang na magrebelde laban sa Diyos. Ang mga damdamin ang pinakamatindi niyang kahinaan, ang kanyang nakamamatay na kapintasan, at ganap na kaya siyang sirain at ipahamak ng kanyang mga damdamin. Ang mga taong sobrang sentimental ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan o magpasakop sa Diyos. Sila ay abala sa laman at sila ay hangal at magulo ang pag-iisip. Kalikasan ng gayong klase ng tao ang maging labis na sentimental, at namumuhay siya ayon sa kanyang mga damdamin.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

Ang mga normal na interpersonal na kaugnayan ay itinatatag sa pundasyon ng pagbaling ng isang tao ng kanyang puso sa Diyos, hindi sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao. Kung wala ang Diyos sa puso ng isang tao, ang mga kaugnayan ng taong ito sa iba ay mga kaugnayan lamang ng laman. Hindi normal ang mga ito, mga mapagnasang pagpapalayaw ang mga ito, at kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito. Kung sasabihin mo na ang iyong espiritu ay naantig, ngunit handa ka lamang na makipagbahaginan sa mga taong gusto mo at nirerespeto mo, at may pagkiling ka laban sa mga taong hindi mo gusto at ayaw mo silang kausapin kapag lumalapit sila sa iyo para magsiyasat, lalo na itong patunay na pinaghaharian ka ng mga damdamin at wala kang anumang normal na kaugnayan sa Diyos. Ipinakikita nito na tinatangka mong lokohin ang Diyos at ikubli ang sarili mong kapangitan. Maaaring nakapagbabahagi ka ng ilan mong kaalaman, ngunit kung mali ang iyong mga layunin, ang lahat ng ginagawa mo ay mabuti lamang ayon sa mga pamantayan ng tao, at hindi ka pupurihin ng Diyos. Ang iyong mga kilos ay magiging tulak ng iyong laman, hindi ng pasanin ng Diyos. Angkop ka lamang gamitin ng Diyos kung kaya mong patahimikin ang puso mo sa Kanyang harapan at mayroon kang normal na mga pakikipag-ugnayan sa lahat ng nagmamahal sa Kanya. Kung kaya mong gawin iyon, paano ka man makisalamuha sa iba, hindi ka kikilos ayon sa isang pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo, isasaalang-alang mo ang pasanin ng Diyos at mamumuhay ka sa Kanyang harapan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos

Sa lahat ng ginagawa mo, kailangan mong siyasatin kung ang iyong mga layunin ay tama. Kung nagagawa mong kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal. Ito ang pinakamababang pamantayan. Usisain mo ang iyong mga layunin, at kung malaman mo na nagkaroon ng mga maling layunin, maghimagsik ka laban sa mga ito at kumilos ka ayon sa mga salita ng Diyos; sa gayon ay magiging isa kang taong matuwid sa harap ng Diyos, na nagpapakita naman na ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, at na lahat ng iyong ginagawa ay para sa kapakanan ng Diyos, hindi para sa iyong sariling kapakanan. Sa lahat ng iyong ginagawa at lahat ng iyong sinasabi, itama ang iyong puso at maging makatarungan sa iyong mga kilos, at huwag patangay sa iyong mga damdamin, ni huwag kumilos ayon sa sarili mong kalooban. Ito ang mga prinsipyong kailangang sundin ng mga sumasampalataya sa Diyos sa kanilang pag-uugali.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?

Paanong pagtrato sa iba ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Hinihingi Niyang itrato natin nang patas ang mga tao.) Ano ang ibig sabihin ng pagiging patas? Ang ibig sabihin nito ay pagtrato sa mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ayon sa kanilang panlabas na anyo, pagkakakilanlan, katayuan, kung gaano sila karunong, o sa mga sariling kagustuhan o damdamin ng isang tao sa kanila. Bakit patas na tratuhin ang mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Marami ang hindi nakakaunawa nito, at kailangan nilang maunawaan ang katotohanan para magawa ito. Ang pagiging patas ba gaya ng naunawaan ng mga walang pananampalataya ay tunay na pagiging patas? Tiyak na hindi. Sa Diyos lamang maaaring magkaroon ng pagiging matuwid at pagiging patas. Sa mga hinihingi lamang ng Lumikha sa Kanyang mga nilikha mayroong pagiging patas, na ang pagiging matuwid ng Diyos ay maibubunyag. Samakatwid, ang pagiging patas ay maaari lamang manggaling sa pagtrato sa mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ano ang dapat mong hingin sa mga tao sa iglesia at paano mo sila dapat tratuhin? Anumang tungkulin ang kaya nilang gampanan ay ang dapat isaayos para kanilang gampanan—at kung hindi nila kayang gumanap ng isang tungkulin, at nagdudulot pa nga ng mga kaguluhan, kung nararapat silang paalisin, dapat silang paalisin, kahit na may mabuti silang relasyon sa iyo. Ito ang pagiging patas, ito ang nakapaloob sa mga prinsipyo ng patas na pagtrato sa iba. May kaugnayan ito sa mga prinsipyo ng pag-uugali.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Silang mga Nakauunawa Lamang sa Katotohanan ang May Espirituwal na Pang-unawa

Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahanap ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga napopoot at naghihimagsik sa Diyos—ito ang mga taong kinasusuklaman ng Diyos, at dapat din natin silang kasuklaman. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. Kung hindi naniniwala sa Diyos ang iyong mga magulang, kung alam na alam nila na ang pananampalataya sa Diyos ang tamang landas, at na maaari itong humantong sa kaligtasan, subalit ayaw pa rin nila itong tanggapin, walang duda na sila ay mga taong tumututol at namumuhi sa katotohanan, at na sila ang mga taong lumalaban at namumuhi sa Diyos—at natural lang na kinapopootan at kinamumuhian sila ng Diyos. Magagawa mo bang kapootan ang gayong mga magulang? Nilalabanan at nilalapastangan nila ang Diyos—kung magkagayon ay tiyak na mga demonyo at Satanas sila. Magagawa mo ba silang kapootan at sumpain? Mga totoong katanungan ang lahat ng ito. Kung hinahadlangan ka ng iyong mga magulang na manalig sa Diyos, paano mo sila dapat tratuhin? Gaya ng hinihingi ng Diyos, dapat mong mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos. Noong Kapanahunan ng Biyaya, sinabi ng Panginoong Jesus, “Sino ang Aking ina? At sino-sino ang Aking mga kapatid?” “Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit, ay siyang Aking kapatid na lalaki at Aking kapatid na babae, at ina.” Umiiral na ang mga salitang ito noon pang Kapanahunan ng Biyaya, at lalo pang mas malinaw ang mga salita ng Diyos ngayon: “Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos.” Diretsahan ang mga salitang ito, ngunit madalas na hindi naaarok ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga ito.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago

Paano tinrato ni Job ang kanyang mga anak? Tinupad lang niya ang kanyang responsabilidad bilang ama, ipinapangaral ang ebanghelyo at nagbabahagi ng katotohanan sa kanila. Gayunpaman, makinig man sila o hindi sa kanya, sumunod man sila o hindi, hindi sila pinilit ni Job na manalig sa Diyos—hindi niya sila pinuwersa, o pinakialaman ang kanilang buhay. Naiiba ang kanilang mga ideya at opinyon sa kanya, kaya hindi siya nakialam sa ginagawa nila, at hindi nakialam kung anong uri ng landas ang tinatahak nila. Bihira bang nagsalita si Job sa kanyang mga anak tungkol sa pananalig sa Diyos? Tiyak na natalakay sana niya nang sapat sa kanila ang tungkol dito, pero tumanggi silang makinig, at hindi tinanggap ito. Ano ang saloobin ni Job tungkol doon? Sabi niya, “Natupad ko na ang responsabilidad ko; sa kung anong uri ng landas ang tatahakin nila, iyon ay nakasalalay sa kanilang pipiliin, at ito ay nakasalalay sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi gagawa ang Diyos sa kanila, o aantigin sila, hindi ko sila susubukang pilitin.” Kung kaya, hindi nagdasal si Job para sa kanila sa harap ng Diyos, o umiyak sa pagdadalamhati dahil sa kanila, o nag-ayuno para sa kanila o nagdusa sa anumang paraan. Hindi niya ginawa ang mga bagay na ito. Bakit hindi ginawa ni Job ang alinman sa mga bagay na ito? Dahil wala sa mga ito ang mga paraan ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos; lahat ng ito ay nagmula sa mga ideya ng tao at mga paraan ng tahasang pamimilit ng isang tao na unahin ang kanyang kagustuhan. Noong ayaw tahakin ng mga anak ni Job ang parehong landas na kanyang tinahak, ito ang kanyang saloobin; kaya’t nang mamatay ang kanyang mga anak, ano ang kanyang naging saloobin? Umiyak ba siya o hindi? Inilabas ba niya ang kanyang mga nararamdaman? Nasaktan ba siya? Walang tala ang Bibliya sa alinman sa mga bagay na ito. Nang makita ni Job na namatay ang kanyang mga anak, nagdalamhati o nalungkot ba siya? (Oo.) Sa kanyang pagsasalita hinggil sa pagmamahal na nadarama sa kanyang mga anak, tiyak na bahagya siyang nakadama ng kalungkutan, ngunit nagpasakop pa rin siya sa Diyos. Paano ipinahayag ang kanyang pagpapasakop? Sinabi niyang: “Ibinigay sa akin ng Diyos ang mga anak na ito. Nanalig man sila sa Diyos o hindi, nasa mga kamay ng Diyos ang kanilang buhay. Kung nanalig sila sa Diyos, at ibig silang alisin ng Diyos, gagawin pa rin Niya ito; kung hindi sila nanalig sa Diyos, aalisin pa rin sila kapag sinabi ng Diyos na sila ay aalisin. Ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos; kung hindi, sinong may kayang mag-alis ng buhay ng mga tao?” Sa madaling salita, ano ba ang ibig sabihin nito? “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Pinanatili niya ang ganitong saloobin sa kanyang pagtrato sa kanyang mga anak. Buhay man sila o patay, ipinagpatuloy niya ang ganitong saloobin. Ang kanyang paraan ng pagsasagawa ay tama; sa bawat paraang nagsagawa siya, sa pananaw, saloobin at kalagayan kung paano niya tinrato ang lahat, palagi siyang nasa isang posisyon at kalagayan ng pagpapasakop, paghihintay, paghahanap, at pagkatapos ay pagkakamit ng kaalaman. Napakahalaga ng ganitong saloobin. Kung ang mga tao ay hindi kailanman magkakaroon ng ganitong uri ng saloobin sa anumang bagay na ginagawa nila, at talagang may matinding pansariling mga ideya at inuuna ang mga pansariling layunin at pakinabang bago ang lahat, talaga bang nagpapasakop sila? (Hindi.) Sa gayong mga tao ay hindi makikita ang tunay na pagpapasakop; hindi nila kayang makamit ang tunay na pagpapasakop.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Pagpapasakop sa Diyos

Dapat kang magpakita ng lakas at tapang, at manindigan sa iyong patotoo sa Akin; bumangon ka at magsalita sa ngalan Ko, at huwag kang matakot sa sasabihin ng ibang tao. Tugunan mo lamang ang Aking mga layunin, at huwag mong hayaan ang sinuman na pigilan ka. Ang Aking inihahayag sa iyo ay dapat sundin ayon sa Aking mga intensyon, at hindi maaaring maantala. Ano ang iyong nararamdaman sa kaibuturan mo? Hindi ka komportable, hindi ba? Mauunawaan mo. Bakit hindi mo magawang tumindig at magsalita sa ngalan Ko, habang isinasaalang-alang ang Aking pasanin? Pilit kang nakikisangkot sa walang-kuwentang pagpapakana, subali’t nakikita Ko ang lahat nang malinaw. Ako ang iyong suporta at ang iyong kalasag, at lahat ay nasa Aking mga kamay. Ano, kung gayon, ang iyong ikinatatakot? Hindi ba’t masyado kang nagiging sentimental? Dapat mong isantabi ang iyong mga damdamin sa lalong madaling panahon; hindi Ako kumikilos ayon sa mga damdamin, sa halip ay isinasakatuparan Ko ang katuwiran. Kung ang iyong mga magulang ay gumagawa ng anumang hindi kapaki-pakinabang sa iglesia, hindi sila makakatakas. Ang Aking mga intensyon ay naihayag na sa iyo, at hindi mo maaaring ipagwalang-bahala ang mga ito. Sa halip, dapat mong ituon ang lahat ng iyong pansin sa mga ito, at isantabi ang lahat upang sumunod nang buong puso. Palagi Kitang iingatan sa Aking mga kamay. Huwag kang palaging maging mahiyain at magpasailalim sa mga paghihigpit ng iyong asawa; dapat mong tulutan na maisakatuparan ang Aking kalooban.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 9

Nagkakagulo nang husto ang mga bansa, dahil nagsimula nang gampanan ng pamalo ng Diyos ang papel nito sa lupa. Makikita ang gawain ng Diyos sa kalagayan ng mundo. Kapag sinasabi ng Diyos, “Raragasa ang mga tubig, guguho ang mga bundok, maglalaho ang malalaking ilog,” ito ang paunang gawain ng pamalo sa lupa, na may resulta na “magkakawatak-watak ang lahat ng sambahayan sa lupa, at mahahati-hati ang lahat ng bansa sa mundo; mawawala na ang mga panahon na magbabalikan ang mag-asawa, hindi na muling magkikita ang ina at anak na lalaki, hindi na kailanman magtatagpo ang ama at anak na babae. Dudurugin Ko ang lahat ng dating nasa lupa.” Ganyan ang magiging karaniwang kalagayan ng mga pamilya sa lupa. Natural, malamang na hindi ganito ang magiging kalagayan nilang lahat, ngunit ito ang kalagayan ng karamihan sa kanila. Sa kabilang dako, tumutukoy ito sa mga sitwasyong naranasan ng mga taong nasa daloy na ito sa hinaharap. Hinuhulaan nito na, kapag nagdaan na sila sa pagkastigo ng mga salita at napahamak na ang mga walang pananampalataya, mawawalan na ng mga relasyon sa pamilya ang mga tao sa lupa; magiging mga tao silang lahat ng Sinim, at lahat ay magiging tapat sa kaharian ng Diyos. Sa gayon, mawawala na ang mga panahon na magbabalikan ang mag-asawa, hindi na muling magkikita ang ina at anak na lalaki, hindi na kailanman magtatagpo ang ama at anak na babae. Kaya nga, ang mga pamilya ng mga tao sa lupa ay magkakawatak-watak, magkakapira-piraso, at ito ang magiging panghuling gawaing gagawin ng Diyos sa tao. At dahil palalaganapin ng Diyos ang gawaing ito sa buong sansinukob, sasamantalahin Niya ang pagkakataon para linawin ang salitang “mga damdamin” para sa mga tao, kaya pahihintulutan silang makita na ang layunin ng Diyos ay paghiwalayin ang mga pamilya ng lahat ng tao, at nagpapakita na gumagamit ng pagkastigo ang Diyos upang lutasin ang lahat ng “alitan sa pamilya” sa sangkatauhan. Kung hindi, walang paraan para mawakasan ang huling bahagi ng gawain ng Diyos sa lupa. Ang huling bahagi ng mga salita ng Diyos ay inilalantad ang pinakamalaking kahinaan ng sangkatauhan—lahat sila ay namumuhay sa kalagayan ng mga damdamin—kaya nga hindi iniiwasan ng Diyos ang isa man sa kanila, at inilalantad ang mga lihim na nakatago sa puso ng buong sangkatauhan. Bakit hirap na hirap ang mga tao na ihiwalay ang kanilang sarili sa kanilang mga damdamin? Higit pa ba ito kaysa sa mga pamantayan ng konsiyensya? Maisasakatuparan ba ng konsiyensiya ang kalooban ng Diyos? Makatutulong ba ang mga damdamin upang malagpasan ng mga tao ang kahirapan? Sa mga mata ng Diyos, ang mga damdamin ay Kanyang kaaway—hindi ba ito malinaw na nakasaad sa mga salita ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 28

Sa panahong ito, yaong mga naghahangad at yaong mga hindi naghahangad ay dalawang ganap na magkaibang uri ng mga tao, na may labis na magkaiba ring mga hantungan. Yaong mga nagtataguyod sa kaalaman ng katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan ang mga siyang pagdadalhan ng Diyos ng kaligtasan. Yaong mga hindi nababatid ang tunay na daan ay mga demonyo at kaaway; mga inapo sila ng arkanghel at magiging mga pakay ng pagwasak. Kahit yaong mga maka-Diyos na tagapaniwala ng isang malabong Diyos—hindi ba’t mga demonyo rin sila? Ang mga taong nagtataglay ng mabubuting budhi ngunit hindi tinatanggap ang tunay na daan ay mga demonyo; paglaban sa Diyos ang kanilang diwa. Yaong mga hindi tinatanggap ang tunay na daan ay yaong mga lumalaban sa Diyos, at kahit nagtitiis ng maraming hirap ang gayong mga tao, wawasakin pa rin sila. Yaong mga atubili na talikdan ang mundo, na hindi matiis na mawalay sa kanilang mga magulang, at hindi makatiis na alisin sa kanilang mga sarili ang mga pagtatamasa sa laman ay mapaghimagsik sa Diyos, at magiging mga pakay ng pagkawasak. Sinumang hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ay malademonyo at, higit pa rito, wawasakin sila. Yaong mga may pananampalataya ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan, yaong mga hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao, at yaong mga hinding-hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos ay magiging mga pakay din ng pagwasak. Lahat yaong mga pahihintulutang manatili ay mga taong nagdaan na sa pagdurusa ng pagpipino at matatag na nanindigan; mga tao itong tunay na tiniis ang mga pagsubok. Sinumang hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; ibig sabihin, sinumang hindi kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao—nasa loob man sila o nasa labas ng daloy na ito—ay isang anticristo! Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga taong mapaghimagsik sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga umaangkin na may pananampalataya, subalit salat sa katotohanan? Hindi ba sila yaong mga naghahangad na matamo lamang ang mga pagpapala samantalang hindi magawang magpatotoo para sa Diyos? Nakikihalubilo ka pa rin ngayon sa mga demonyong iyon at tinatrato sila nang may konsensiya at pagmamahal, ngunit sa pangyayaring ito, hindi ka ba nag-aabot ng mabubuting layon kay Satanas? Hindi ka ba kakampi ng mga demonyo? Kung umabot na ang mga tao sa puntong ito at hindi pa rin nila mapag-iba ang mabuti sa masama, at patuloy na bulag na maging mapagmahal at maawain nang walang anumang pagnanais na hangarin ang mga layunin ng Diyos o magawang kunin bilang kanila sa anumang paraan ang mga layunin ng Diyos, magiging higit na kahabag-habag ang kanilang mga katapusan. Kaaway ng Diyos ang sinumang hindi naniniwala sa Diyos sa katawang-tao. Kung nakapag-uukol ka ng budhi at pagmamahal sa isang kaaway, hindi ka ba salat sa pagpapahalaga sa katarungan? Kung bumabagay ka sa mga yaong kinamumuhian Ko at hindi Ko sinasang-ayunan, at nag-uukol pa rin ng pagmamahal o pansariling damdamin sa kanila, hindi ka ba mapaghimagsik kung gayon? Hindi mo ba sinasadyang labanan ang Diyos? Nagtataglay ba ng katotohanan ang gayong tao? Kung nag-uukol ng budhi ang mga tao patungkol sa mga kaaway, pagmamahal sa mga demonyo, at habag kay Satanas, hindi ba nila sinasadyang gambalain ang gawain ng Diyos sa gayon? Yaong mga tao na naniniwala lamang kay Jesus at hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, gayundin yaong mga pasalitang inaangkin na naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ngunit gumagawa ng masama, ay pawang anticristo, kahit hindi pa banggitin yaong mga hindi man lamang naniniwala sa Diyos. Magiging mga pakay ng pagwasak ang lahat ng taong ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Yaong mga salitang sinabi sa nakaraan, “Kapag naniniwala ang isang tao sa Panginoon, ngumingiti ang kapalaran sa buong pamilya ng isang tao,” ay angkop para sa Kapanahunan ng Biyaya, ngunit walang kaugnayan sa hantungan ng sangkatauhan. Naaangkop lamang ang mga ito para sa isang yugto noong Kapanahunan ng Biyaya. Nakatuon ang pahiwatig ng mga salitang iyon sa biyayang pangkapayapaan at panlupa na tinamasa ng mga tao; hindi nangangahulugan ang mga ito na ang buong pamilya ng isang tao na naniniwala sa Panginoon ay maililigtas, ni hindi nangangahulugan ang mga ito na kapag nakakatanggap ang isang tao ng mga pagpapala, makakaya ring madala sa pamamahinga ang buong pamilya niya. Tumatanggap man ng mga pagpapala ang isang tao o nagdurusa sa kasawian ay natutukoy ayon sa diwa ng isang tao, at hindi ayon sa anumang karaniwang diwang maaaring ibahagi ng isang tao sa iba. Wala na nga lamang puwang sa kaharian ang ganoong uring kasabihan o panuntunan. Kung sa huli ay magagawang makaligtas ng isang tao, ito ay dahil natugunan niya ang mga hinihingi ng Diyos, at kung sa huli ay hindi niya magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga, ito ay dahil naging mapaghimagsik siya sa Diyos at hindi natugunan ang mga hinihingi ng Diyos. May angkop na hantungan ang lahat. Natutukoy ang mga hantungang ito ayon sa diwa ng bawat tao, at ganap na walang kinalaman sa ibang mga tao. Ang masamang pag-uugali ng isang bata ay hindi maililipat sa kanyang mga magulang, o hindi maibabahagi sa mga magulang ang pagkamatuwid ng isang bata. Hindi maililipat sa kanyang mga anak ang masamang pag-uugali ng isang magulang, o hindi maibabahagi sa kanyang mga anak ang pagkamatuwid ng isang magulang. Pinapasan ng lahat ang kani-kaniyang mga kasalanan, at tinatamasa ng lahat ang kani-kaniyang mga pagpapala. Walang sinuman ang maaaring maging panghalili sa isa pang tao; ito ang pagiging matuwid. Sa pananaw ng tao, kung tumatanggap ng mga pagpapala ang mga magulang, kung gayon ay dapat tumanggap din ang kanilang mga anak, at kung gumagawa ng masama ang mga anak, dapat magsisi ang kanilang mga magulang para sa mga kasalanang iyon. Isa itong pananaw ng tao at isang paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay; hindi ito pananaw ng Diyos. Natutukoy ang kalalabasan ng lahat ayon sa diwang nagmumula sa kanilang asal, at palagi itong angkop na natutukoy. Walang sinumang makapapasan sa mga kasalanan ng iba; higit pa, walang sinumang makatatanggap ng kaparusahan na nauukol sa iba. Ito ay lubos. Ang mapagmahal na pag-aaruga ng isang magulang sa kanyang mga anak ay hindi nagpapahiwatig na makakaya niyang gampanan ang mga gawang matuwid sa halip ng kanyang mga anak, o ang masunuring pagkamagiliw ng isang anak sa kanyang mga magulang ay nangangahulugang makakaya niyang gampanan ang mga gawang matuwid sa halip ng kanyang mga magulang. Ito ang tunay na pakahulugan ng mga salitang, “Kung gayon ay magkakaroon ng dalawa sa larangan; ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan. Maggigiling sa kiskisan ang dalawang babae; ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan.” Hindi madadala ng mga tao sa pamamahinga ang mga anak nilang gumagawa ng masama batay sa malalim nilang pagmamahal sa kanila, o hindi madadala ng sinuman sa pamamahinga ang kanyang asawa batay sa matuwid nilang asal. Isa itong administratibong panuntunan; hindi maaaring magkaroon ng mga pagtatangi para sa sinuman. Sa huli, ang mga gumagawa ng pagkamatuwid ay mga gumagawa ng pagkamatuwid, at ang mga tagagawa ng masama ay mga tagagawa ng masama. Tutulutang makaligtas sa kalaunan ang mga matuwid, samantalang wawasakin ang mga tagagawa ng masama. Ang mga banal ay mga banal; hindi sila madumi. Ang madudumi ay madudumi, at walang isa mang bahagi nila ang banal. Ang mga taong wawasakin ay ang lahat ng masasama, at ang mga makaliligtas ay ang lahat ng mga matuwid—kahit pa gumaganap ng mga matuwid na gawa ang mga anak ng masasama, at kahit pa gumagawa ng masasamang gawa ang mga magulang ng mga matuwid. Walang ugnayan sa pagitan ng isang naniniwalang esposo at ng isang walang pananampalatayang esposa, at walang ugnayan sa pagitan ng mga naniniwalang anak at mga walang pananampalatayang magulang; ganap na hindi magkaayon ang dalawang uring ito ng mga tao. Bago pumasok sa pamamahinga, may pisikal na mga kamag-anak ang isang tao, ngunit sa sandaling pumasok sa pamamahinga ang isang tao, wala na siyang anumang pisikal na mga kamag-anak na masasabi. Yaong mga gumagawa ng kanilang tungkulin ay mga kaaway ng mga yaong hindi gumagawa ng kanilang tungkulin; yaong mga nagmamahal sa Diyos at yaong mga napopoot sa Kanya ay magkasalungat sa isa’t isa. Yaong mga papasok sa pamamahinga at yaong mga nawasak na ay dalawang di-magkaayong uri ng mga nilikha. Ang mga nilikha na tumutupad sa kanilang mga tungkulin ay magagawang makaligtas, habang yaong mga hindi tumutupad sa kanilang mga tungkulin ay magiging mga pakay ng pagkawasak; higit pa rito, magtatagal ito hanggang sa kawalang-hanggan. Minamahal mo ba ang iyong esposo upang matupad ang tungkulin mo bilang isang nilikhang nilalang? Minamahal mo ba ang iyong esposa upang tuparin ang tungkulin mo bilang isang nilikhang nilalang? Masunurin ka ba sa mga walang pananampalatayang magulang upang tuparin ang tungkulin mo bilang isang nilikhang nilalang? Tama ba o mali ang pananaw ng tao hinggil sa paniniwala sa Diyos? Bakit ka naniniwala sa Diyos? Ano ang nais mong makamit? Paano mo minamahal ang Diyos? Yaong mga hindi makatupad sa kanilang mga tungkulin bilang mga nilikhang nilalang, at hindi makagawa ng sagarang pagsisikap, ay magiging mga pakay ng pagkawasak. May mga pisikal na ugnayang umiiral sa pagitan ng mga tao ng ngayon, gayundin ang mga pagkakaugnay sa dugo, ngunit sa hinaharap, babasagin ang lahat ng ito. Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa. Yaong mga nasa pamamahinga ay maniniwala na may Diyos at magpapasakop sa Diyos, samantalang yaong mga mapaghimagsik laban sa Diyos ay pawang mawawasak. Hindi na iiral sa lupa ang mga pamilya; paano pa magkakaroon ng mga magulang o mga anak o mga ugnayan ng mag-asawa? Ang mismong hindi pagkakatugma ng paniniwala at kawalang-paniniwala ay lubos na papatid sa gayong mga pisikal na ugnayan!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Kaugnay na mga Video

Dulang Pang-entablado “Ang Labanan ng Pagpapatalsik sa Masamang Tao”

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Ang Pagkagiliw ay Dapat Maprinsipyo

Makita ang Aking mga Magulang sa Kung Sino Talaga Sila

Kwento ni Joy

Hindi Ako Nakapag-isip nang Malinaw Dahil sa Aking Pagmamahal

Kaugnay na mga Himno

Kinapopootan ng Diyos ang mga Emosyon sa Pagitan ng mga Tao

Ang mga Interpersonal na Relasyon ay Dapat na Itatag nang Naaayon sa mga Salita ng Diyos

Pinagpapasyahan ng Diyos ang Kalalabasan ng mga Tao Ayon sa Kanilang Diwa

Sinundan: 5. Paano lutasin ang problema ng pag-iimbot sa mga kasiyahan ng laman sa pamilya

Sumunod: 7. Paano lutasin ang problema ng pagiging sutil at walang pagpipigil

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito