2. Paano lutasin ang intensiyon at labis na pagnanais na magkamit ng mga pagpapala

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Karamihan sa mga tao ay naniniwala sa Diyos alang-alang sa kapayapaan at iba pang mga pakinabang. Kung hindi ka makikinabang, hindi ka naniniwala sa Diyos, at kung hindi ka makatatanggap ng mga biyaya ng Diyos, nagmamaktol ka. Paano magiging iyong tunay na tayog ang nasabi mo? Pagdating sa di-maiiwasang mga pangyayari sa pamilya tulad ng pagkakasakit ng mga anak, pagkaospital ng mga mahal sa buhay, mahinang ani ng mga pananim, at pag-uusig ng mga kapamilya, kahit ang mga bagay na ito na nangyayari araw-araw ay mabigat para sa iyo. Kapag nangyayari ang gayong mga bagay, natataranta ka, hindi mo alam kung ano ang gagawin—at kadalasan, nagrereklamo ka tungkol sa Diyos. Inirereklamo mo na nilinlang ka ng mga salita ng Diyos, na kinutya ka ng gawain ng Diyos. Wala ba kayong gayong mga saloobin? Palagay mo ba bihira lamang mangyari sa inyo ang gayong mga bagay? Ginugugol ninyo ang bawat araw sa pamumuhay sa gitna ng gayong mga kaganapan. Hindi ninyo iniisip ni katiting ang tagumpay ng inyong pananampalataya sa Diyos, at kung paano ninyo matutupad ang mga layunin ng Diyos. Ang inyong tunay na tayog ay napakababa, mas mababa pa kaysa sa munting sisiw. Kapag nalugi ang negosyo ng inyong pamilya nagrereklamo kayo tungkol sa Diyos, kapag natatagpuan ninyo ang inyong sarili sa isang sitwasyon na walang proteksyon ng Diyos nagrereklamo pa rin kayo tungkol sa Diyos, at nagrereklamo kayo kahit kapag namatay ang isa sa inyong mga sisiw o nagkasakit ang isang matandang baka sa kulungan. Nagrereklamo kayo kapag panahon na para mag-asawa ang inyong anak na lalaki ngunit walang sapat na pera ang inyong pamilya; nais ninyong gampanan ang tungkulin ng punong-abala, ngunit hindi ninyo kayang gastusan iyon, at pagkatapos ay nagrereklamo ka rin. Punung-puno ka ng mga reklamo, at kung minsan ay hindi ka dumadalo sa mga pagtitipon o kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos dahil dito, kung minsan ay nagiging negatibo ka sa loob ng mahabang panahon. Walang nangyayari sa iyo ngayon na may kinalaman sa iyong mga inaasam o kapalaran; ang mga bagay na ito ay mangyayari din kahit hindi ka naniwala sa Diyos, ngunit ngayon ay ipinapasa mo sa Diyos ang responsibilidad para sa mga ito, at pilit mong sinasabi na itiniwalag ka na ng Diyos. Paano na ang paniniwala mo sa Diyos? Naihandog mo ba talaga ang iyong buhay? Kung dinanas ninyo ang mga pagsubok na dinanas ni Job, walang isa man sa inyo na sumusunod sa Diyos ngayon ang makakayang manindigan, lahat kayo ay babagsak. At malaki ang pagkakaiba, sa simpleng pananalita, sa pagitan ninyo at ni Job. Ngayon, kung sinamsam ang kalahati ng inyong mga ari-arian, mangangahas kayong ikaila ang pag-iral ng Diyos; kung kinuha ang inyong anak na lalaki o babae mula sa inyo, magtatatakbo kayo sa kalye na sumisigaw ng ilegal iyan; kung ang tanging paraan mo para kumita ay wala nang patutunguhan, susubukan mong makipagtalo sa Diyos; itatanong mo kung bakit Ako nagpahayag ng napakaraming salita sa simula para takutin ka. Walang anumang bagay na hindi ninyo pangangahasang gawin sa gayong mga pagkakataon. Ipinakikita nito na hindi pa kayo nagtamo ng anumang tunay na mga kabatiran, at wala kayong tunay na tayog. Sa gayon, ang mga pagsubok sa inyo ay napakalaki, sapagkat napakarami ninyong alam, ngunit ang inyong tunay na nauunawaan ay ni wala pa sa isa sa isanlibo ng inyong nalalaman. Huwag tumigil sa pagkaunawa at pagkaarok lamang; ang pinakamainam ay tingnan ninyo kung gaano karami ang tunay ninyong maisasagawa, gaanong kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu ang nakamit mula sa pawis ng inyong pagsusumikap, at sa ilan sa inyong mga pagsasagawa ninyo napagtanto ang sarili ninyong matibay na pagpapasya. Dapat mong seryosohin ang iyong tayog at pagsasagawa. Sa iyong paniniwala sa Diyos, hindi ka dapat magtangkang gumawa nang wala sa loob para kaninuman—matatamo mo man ang katotohanan at buhay sa huli o hindi ay nakasalalay sa iyong sariling paghahangad.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 3

Nasa ganitong uri ng kalagayan ang karamihan ng mga tao ngayon: Upang makamit ang mga pagpapala, dapat kong gugulin ang aking sarili para sa Diyos at magbayad ng halaga para sa Kanya. Upang makamit ang mga pagpapala, dapat kong talikdan ang lahat para sa Diyos; dapat kong tapusin ang ipinagkatiwala Niya sa akin, at kailangan kong gampanang mabuti ang aking tungkulin. Ang kalagayang ito ay pinangingibabawan ng layuning magtamo ng mga pagpapala, na isang halimbawa ng paggugol sa sarili para sa Diyos na pawang para sa layunin ng pagkakamit ng mga gantimpala mula sa Kanya at pagkakamit ng isang korona. Hindi nagtataglay ng katotohanan ang mga puso ng ganoong mga tao, at tiyak na binubuo lamang ng ilang salita at doktrina ang kanilang pagkaunawa na ipinangangalandakan nila saan man sila mapadako. Ang landas nila ay ang landas ni Pablo. Ang pananampalataya ng ganoong mga tao ay isang kilos ng palagiang mabigat na gawain, at nararamdaman nila sa kaibuturan na kung higit silang gumagawa, higit na mapatutunayan ang kanilang katapatan sa Diyos; na kung higit na marami silang ginagawa, higit na tiyak na malulugod ang Diyos; at kung higit na marami silang ginagawa, higit silang magiging karapat-dapat na pagkalooban ng isang korona sa harap ng Diyos, at mas malalaking pagpapala ang matatamo nila. Iniisip nila na kung makakaya nilang tiisin ang pagdurusa, mangangaral, at mamamatay para kay Cristo, kung makakaya nilang ihandog ang mga sarili nilang buhay, at kung makakaya nilang makumpleto ang lahat ng mga tungkuling ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, kung gayon ay sila ang magiging mga taong magtatamo ng pinakamalalaking pagpapala, at tiyak na pagkakalooban sila ng mga korona. Ito ang tiyak na nailarawan ni Pablo sa isip at ito ang kanyang hinangad. Ito ang mismong landas na nilakaran niya, at sa ilalim ng paggabay ng ganoong mga saloobin isinagawa ni Pablo ang paglilingkod sa Diyos. Hindi ba nagmula ang gayong mga saloobin at mga layunin sa isang satanikong kalikasan? Katulad lamang ito ng mga makamundong tao, na naniniwalang dapat nilang itaguyod ang karunungan habang nasa lupa, at na pagkatapos makamtan ito ay mamumukod-tangi sila sa madla, magiging mga opisyal, at magkakaroon ng katayuan. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang katayuan, matutupad na rin nila ang kanilang mga ambisyon at maiaangat na nila ang kanilang mga negosyo at pamilya sa isang partikular na antas ng kasaganahan. Hindi ba’t lahat ng walang pananampalataya ay tumatahak sa landas na ito? Yaong mga pinangingibabawan ng ganitong satanikong kalikasan ay maaari lamang maging katulad ni Pablo sa kanilang pananampalataya. Iniisip nila: “Dapat kong itakwil ang lahat upang gugulin ang sarili ko para sa diyos. Dapat akong maging tapat sa harap ng diyos, at sa huli, tatanggapin ko ang pinakamalalaking gantimpala at mga pinakadakilang korona.” Ito rin ang katulad na pag-uugali ng mga makamundong tao na naghahangad ng mga makamundong bagay. Wala talaga silang anumang ipinagkaiba, at magkatulad sila ng kalikasan. Kapag may ganitong uri ng satanikong kalikasan ang mga tao, sa mundo sa labas, maghahangad silang magtamo ng kaalaman, pagkatuto, katayuan, at mamukod-tangi sa madla. Kung naniniwala sila sa Diyos, hahangarin nilang magkamit ng mga dakilang korona at malalaking pagpapala. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan kapag naniniwala sila sa Diyos, siguradong tatahakin nila ang landas na ito. Isa itong di-nababagong katunayan, batas ito ng kalikasan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro

Ang inaalala lamang ng maraming sumusunod sa Diyos ay kung paano magtamo ng mga pagpapala o umiwas sa sakuna. Sa sandaling nabanggit ang gawain at pamamahala ng Diyos, tumatahimik sila at nawawalan ng lahat ng interes. Iniisip nila na ang pag-unawa sa gayong nakababagot na isyu ay hindi magpapalago sa kanilang buhay o magbibigay ng anumang pakinabang. Sa gayon, bagama’t narinig na nila ang tungkol sa pamamahala ng Diyos, hindi nila ito seryosong hinaharap. Hindi nila ito itinuturing na isang bagay na mahalagang tanggapin, lalong hindi nila tinatanggap ito sa pamamagitan ng pagturing dito bilang bahagi ng kanilang buhay. Iisa lamang ang simpleng layunin ng gayong mga tao sa pagsunod sa Diyos, at ang layuning iyon ay ang tumanggap ng mga pagpapala. Ang gayong mga tao ay hindi nag-aabalang pansinin ang anumang ibang bagay na walang direktang kinalaman sa layuning ito. Para sa kanila, walang mithiing mas lehitimo kaysa maniwala sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala—ito mismo ang halaga ng kanilang pananampalataya. Kung may isang bagay na hindi nakakatulong sa layuning ito, nananatili silang ganap na hindi naaantig nito. Ganyan ang karamihan sa mga taong naniniwala sa Diyos ngayon. Ang kanilang layunin at adhikain ay mukhang lehitimo, dahil habang naniniwala sila sa Diyos, gumugugol din sila para sa Diyos, inaalay nila ang kanilang sarili sa Diyos, at ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Isinusuko nila ang kanilang kabataan, tinatalikuran ang pamilya at propesyon, at gumugugol pa ng maraming taon na malayo sa tahanan na nag-aabala. Para sa kapakanan ng kanilang pangunahing mithiin, binabago nila ang kanilang sariling mga interes, ang kanilang pananaw sa buhay, at maging ang direksyong kanilang hinahanap; subalit hindi nila mabago ang layunin ng kanilang paniniwala sa Diyos. Paroo’t parito sila para sa pamamahala ng sarili nilang mga huwaran; gaano man kalayo ang daan, at gaano man karami ang mga hirap at balakid sa daan, nananatili silang matiyaga at walang takot sa kamatayan. Anong kapangyarihan ang nagtutulak sa kanila na patuloy na ialay ang kanilang sarili sa ganitong paraan? Ang kanila bang konsiyensya? Ang kanila bang dakila at marangal na katangian? Ang kanila bang determinasyong labanan ang mga puwersa ng kasamaan hanggang sa pinakahuli? Ang kanila bang pananampalatayang magpatotoo sa Diyos nang hindi naghahanap ng kapalit? Ang kanila bang katapatan sa pagiging handang isuko ang lahat upang maisakatuparan ang kalooban ng Diyos? O ang kanila bang diwa ng debosyon na laging isakripisyo ang personal na maluluhong kahilingan? Ang magbigay pa rin ng napakalaki ang isang taong hindi kailanman naunawaan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, sa payak na pananalita, ay isang himala! Sa sandaling ito, huwag nating talakayin kung gaano kalaki ang naibigay ng mga taong ito. Ang kanilang pag-uugali, gayunman, ay lubos na karapat-dapat nating himayin. Bukod pa sa mga pakinabang na lubos na nauugnay sa kanila, maaari kayang may iba pang mga dahilan kaya ang mga taong hindi kailanman nauunawaan ang Diyos ay nagbibigay ng napakalaki sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang dating di-matukoy na problema: Ang relasyon ng tao sa Diyos ay lantarang para sa sariling interes lamang nito. Isa itong relasyon sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng pagpapala. Sa madaling salita, ito ang relasyon sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho nang husto ang empleyado para lang makatanggap ng mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal sa gayong relasyon na nakabatay lang sa interes, transaksyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, walang magawang pigil na galit at panlilinlang lamang. Walang pagiging matalik, isang pagitan lamang na hindi matatawid. Ngayong umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, sino ang makapagbabaligtad ng gayong takbo? At ilang tao ang may kakayahang tunay na maunawaan kung gaano na kalala ang relasyong ito? Naniniwala Ako na kapag ibinuhos ng mga tao ang kanilang sarili sa galak ng pagiging mapalad, walang sinumang makakaisip kung gaano kahiya-hiya at hindi magandang tingnan ang gayong relasyon sa Diyos.

Ang pinakamalungkot na bagay tungkol sa paniniwala ng sangkatauhan sa Diyos ay na isinasagawa ng tao ang kanyang sariling pamamahala sa gitna ng gawain ng Diyos subalit hindi pinapansin ang pamamahala ng Diyos. Ang pinakamalaking kabiguan ng tao ay nasa kung paanong ang tao, kasabay ng paghahangad na magpasakop sa Diyos at sambahin Siya, ay bumubuo ng sarili nitong mainam na hantungan at nagpaplano kung paano matatanggap ang pinakamalaking pagpapala at pinakamagandang hantungan. Kahit nauunawaan ng isang tao kung gaano siya kahabag-habag, kasuklam-suklam, at kaawa-awa, ilan ang madaling makakatalikod sa kanyang mga mithiin at inaasam? At sino ang nagagawang pahintuin ang sarili niyang mga hakbang at patigilin ang pag-iisip lamang sa kanyang sarili? Kailangan ng Diyos yaong mga makikipagtulungan nang husto sa Kanya upang tapusin ang Kanyang pamamahala. Kailangan Niya yaong mga magpapasakop sa Kanya sa pamamagitan ng paglalaan ng kanilang buong isipan at katawan sa gawain ng Kanyang pamamahala. Hindi Niya kailangan ang mga taong maglalahad ng kanilang mga kamay para mamalimos sa Kanya araw-araw, lalong hindi Niya kailangan yaong mga nagbibigay ng kaunti at pagkatapos ay naghihintay na magantimpalaan. Kinamumuhian ng Diyos yaong mga gumagawa ng maliit na kontribusyon at pagkatapos ay nagpapakasasa sa kanilang mga tagumpay. Kinamumuhian Niya yaong mga taong walang damdamin na minamasama ang gawain ng Kanyang pamamahala at nais lamang pag-usapan ang tungkol sa pagtungo sa langit at pagtatamo ng mga pagpapala. Higit pa ang pagkasuklam Niya sa mga nagsasamantala sa pagkakataong hatid ng gawaing Kanyang ginagawa sa pagliligtas sa sangkatauhan. Iyon ay dahil hindi kailanman nagmalasakit ang mga taong ito sa nais ng Diyos na makamit at makuha sa pamamagitan ng gawain ng Kanyang pamamahala. Ang inaalala lamang nila ay kung paano nila magagamit ang pagkakataong laan ng gawain ng Diyos upang magtamo ng mga pagpapala. Wala silang pagsasaalang-alang sa puso ng Diyos, dahil lubos silang abala sa sarili nilang mga inaasam at kapalaran. Yaong mga minamasama ang gawain ng pamamahala ng Diyos at wala ni katiting na interes kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan at sa Kanyang mga layunin ay ginagawa lamang kung ano ang ikinasisiya nila sa isang paraan na hiwalay sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang kanilang pag-uugali ay hindi tinatandaan ni inaaprubahan ng Diyos—lalong hindi pinapaboran ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong indibidwal na mga kuru-kuro, pag-asam, at hinaharap. Ang kasalukuyang gawain ay para pungusan ang inyong pagnanais na magkaroon ng katayuan at ang inyong maluluhong pagnanasa. Ang mga pag-asam, katayuan, at mga kuru-kuro ay pawang mga halimbawang kumakatawan ng satanikong disposisyon. Umiiral ang mga ito sa puso ng mga tao dahil palaging sinisira ng lason ni Satanas ang isipan ng mga tao, at palaging hindi maiwaksi ng mga tao ang mga tuksong ito ni Satanas. Nakasadlak sila sa kasalanan subalit hindi sila naniniwala na kasalanan iyon, at iniisip pa rin nila: “Naniniwala kami sa Diyos, kaya kailangan Niya kaming pagkalooban ng mga pagpapala at angkop na isaayos ang lahat para sa amin. Naniniwala kami sa Diyos, kaya kailangan makalamang kami sa iba, at kailangan magkaroon kami ng mas magandang katayuan at kinabukasan kaysa sa iba. Dahil naniniwala kami sa Diyos, kailangan Niya kaming bigyan ng walang-hanggang mga pagpapala. Kung hindi, hindi iyon matatawag na paniniwala sa Diyos.” Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang naging sandigan ng mga tao para manatiling buhay ay sumisira na sa kanilang puso hanggang sa sila ay maging taksil, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila walang malakas at matibay na pagpapasya, kundi sila rin ay naging ganid, mapagmataas at sutil. Walang-wala silang anumang paninindigan na dumaraig sa sarili, at higit pa riyan, wala silang katiting na tapang na iwaksi ang mga paghihigpit ng mga impluwensiyang ito ng kadiliman. Ang saloobin at buhay ng mga tao ay bulok na bulok kaya ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay napakapangit pa rin, at kahit kapag nagsasalita ang mga tao tungkol sa kanilang mga pananaw sa paniniwala sa Diyos, talagang hindi iyon matitiis pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kakayahan, kasuklam-suklam, at marupok. Wala silang nadaramang pagkasuklam para sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang lahat upang maalis ang mga ito. Hindi ba ganito rin ang inyong kasalukuyang mga iniisip at pananaw? “Dahil naniniwala ako sa Diyos dapat akong buhusan ng mga pagpapala at dapat matiyak na ang aking katayuan ay hindi bababa kailanman at na mananatili itong mas mataas kaysa sa mga walang pananampalataya.” Hindi ka nagkikimkim ng ganyang klaseng pananaw sa iyong kalooban sa loob ng isa o dalawang taon lamang, kundi sa loob ng maraming taon. Sobra-sobra ang pag-iisip mong makipagkasundo. Bagama’t nakarating ka na sa hakbang na ito ngayon, hindi ka pa rin bumibitiw sa katayuan kundi palagi mong pinipilit na alamin ang tungkol dito, at inoobserbahan ito araw-araw, nang may malaking takot na balang araw ay mawala ang iyong katayuan at masira ang iyong pangalan. Hindi pa isinasantabi ng mga tao ang pagnanais nilang guminhawa. … Habang mas naghahanap ka sa ganitong paraan, mas kakaunti ang napapala mo. Kapag mas matindi ang paghahangad ng isang tao sa katayuan, kailangan ay mas mahigpit siyang pungusan at mas nararapat siyang sumailalim sa matinding pagpipino. Ang gayong klaseng mga tao ay walang kuwenta! Kailangan silang pungusan at hatulan nang sapat upang lubusan nilang talikuran ang mga bagay na ito. Kung magpapatuloy kayo sa ganitong paraan hanggang sa huli, wala kayong mapapala. Yaong mga hindi naghahangad na matamo ang buhay ay hindi maaaring mabago, at yaong mga hindi nauuhaw sa katotohanan ay hindi matatamo ang katotohanan. Hindi ka nagtutuon sa paghahangad na matamo ang personal na pagbabago at pagpasok, kundi sa halip ay sa maluluhong pagnanasa at mga bagay na pumipigil sa iyong pagmamahal sa Diyos at humahadlang sa iyo na mapalapit sa Kanya. Mababago ka ba ng mga bagay na yaon? Madadala ka ba ng mga iyon papasok sa kaharian? Kung ang pakay ng iyong paghahangad ay hindi para hanapin ang katotohanan, mabuti pang samantalahin mo ang pagkakataong ito at bumalik ka sa sanlibutan upang subukang gawin iyon. Ang pagsasayang ng iyong panahon sa ganitong paraan ay talagang hindi sulit—bakit mo pahihirapan ang iyong sarili? Hindi ba totoo na maaari mong matamasa ang lahat ng uri ng bagay sa magandang sanlibutan? Pera, magagandang babae, katayuan, kahambugan, pamilya, mga anak, at iba pa—hindi ba ang mga produktong ito ng sanlibutan ang pinakamagagandang bagay na maaari mong matamasa? Ano ang silbi ng paggala-gala rito sa paghahanap ng isang lugar kung saan ka magiging masaya? Ang Anak ng tao ay walang mahimlayan ng Kanyang ulo, kaya paano ka magkakaroon ng isang lugar na maginhawa? Paano Siya lilikha ng isang magandang lugar na maginhawa para sa iyo? Posible ba iyon? Bukod sa Aking paghatol, ang matatanggap mo lamang ngayon ay ang mga turo tungkol sa katotohanan. Hindi ka makatatamo ng kaginhawahan mula sa Akin at hindi mo maaaring matamo ang maginhawang sitwasyong kinasasabikan mo gabi’t araw. Hindi Ko ipagkakaloob sa iyo ang mga yaman ng sanlibutan. Kung tapat kang naghahanap, handa Akong ibigay sa iyo nang buong-buo ang daan ng buhay, upang maging tulad ka ng isang isda na naibalik sa tubig. Kung hindi ka tapat na naghahanap, babawiin Ko itong lahat. Hindi Ako handang ibigay ang mga salitang nagmumula sa Aking bibig sa mga yaong ganid sa kaginhawahan, na katulad lamang ng mga baboy at aso!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?

Sa tuwing binabanggit ang hantungan, itinuturing ninyo ito nang may espesyal na kaseryosohan; higit pa riyan, kayong lahat ay partikular na sensitibo tungkol sa bagay na ito. May ilang taong hindi makapaghintay na iyukod ang kanilang mga ulo hanggang lupa, yumuyuko nang mababa sa harap ng Diyos para lamang makapagkamit ng magandang hantungan. Nakikilala Ko ang inyong pagiging masigasig, na hindi na kailangang ilahad pa sa pamamagitan ng mga salita. Ito’y dahil lamang ayaw ninyong humantong ang inyong laman sa kapahamakan, at bukod pa rito, ayaw ninyong mahulog sa walang hanggang kaparusahan sa hinaharap. Kayo ay umaasa lamang na tulutan ang inyong sarili na mabuhay nang higit na malaya at maalwan. Kaya kayo ay lalong higit na nagiging maligalig sa tuwing nababanggit ang hantungan, lubos na nangangamba na kapag hindi kayo naging sapat na maingat, maaaring magkasala kayo sa Diyos at makatatanggap kung gayon ng nararapat na parusa. Hindi kayo nag-alinlangan na makipagkompromiso para lamang sa inyong hantungan, at maging ang marami sa inyo na dating mapanlinlang at walang galang ay bigla na lamang naging napakamalumanay at tapat; ang anyo ng inyong katapatan ay nakapangingilabot sa mga tao. Gayon pa man, lahat kayo’y may mga “tapat” na puso, at patuloy ninyong ibinabahagi sa Akin ang mga lihim ng inyong mga puso nang walang anumang itinatago, maging ito man ay hinaing, panlilinlang o pamimintuho. Sa kabuuan, napakamatapat ninyong “ikinumpisal” sa Akin ang napakahalagang mga bagay na nasa kaibuturan ng inyong pagiging tao. Mangyari pa, hindi Ko iniwasan kailanman ang gayong mga bagay, dahil naging napakapamilyar na ang mga ito sa Akin. Mas nanaisin pa ninyong pumasok sa dagat ng apoy alang-alang sa inyong huling hantungan kaysa mawalan ng isa mang hibla ng buhok para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Hindi sa Ako ay nagiging masyadong dogmatiko sa inyo; kayo ay labis na nagkukulang lamang sa pusong namimintuho upang harapin ang lahat ng Aking ginagawa. Maaaring hindi ninyo naiintindihan kung ano ang kapapahayag Ko lamang, kaya hayaan ninyo Akong magbigay sa inyo ng payak na paliwanag: Ang kailangan ninyo ay hindi ang katotohanan at buhay; ni ang mga prinsipyo kung paano kayo kikilos, lalong hindi ang Aking maingat na paggawa. Sa halip, ang kailangan ninyo ay ang lahat na taglay ng inyong laman—kayamanan, katayuan, pamilya, buhay may-asawa, at iba pa. Lubos ninyong ipinagwawalang-bahala ang Aking mga salita at gawain, kung kaya’t malalagom Ko ang inyong pananampalataya sa iisang salita: padaskol. Gagawin ninyo ang kahit ano upang matamo lamang ang mga bagay na inyong pinipintuho nang labis, ngunit natuklasan Kong hindi ninyo ito gagawin alang-alang sa mga bagay na tungkol sa inyong paniniwala sa Diyos. Sa halip, kayo ay bahagyang nakatuon, at bahagyang masigasig. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang mga taong walang pusong may sukdulang katapatan ay mga bigo sa kanilang paniniwala sa Diyos. Pag-isipan ninyong mabuti—marami bang mga bigo sa inyong hanay?

Dapat ninyong malaman na natatamo ang tagumpay sa paniniwala sa Diyos bilang resulta ng sariling mga kilos ng mga tao; kapag hindi nagtatagumpay ang mga tao bagkus ay nabibigo, iyon din ay dahil sa sarili nilang mga kilos, at walang papel na ginagampanan ang anupamang bagay. Naniniwala Ako na gagawin ninyo ang lahat ng maaaring gawin para makamit ang isang bagay na mas mahirap at nangangailangan ng higit na pagdurusa kaysa paniniwala sa Diyos, at ituturing ninyo ito na napakaseryoso, kung kaya’t hindi ninyo pahihintulutan ang anumang mga pagkakamali; ito ang mga uri ng walang-humpay na pagsisikap na ibinubuhos ninyo sa sarili ninyong mga buhay. Kaya pa nga ninyong linlangin ang Aking katawang-tao sa mga pagkakataon kung saan hindi ninyo lilinlangin ang sarili ninyong pamilya. Ito ang inyong palagiang pag-uugali at ang prinsipyong ipinamumuhay ninyo. Hindi ba’t nagkukunwari pa rin kayo para linlangin Ako alang-alang sa inyong hantungan, upang ang inyong hantungan ay maging lubos na maganda at ayon sa lahat ng inyong hinahangad? Batid Kong panandalian lamang ang inyong pamimintuho, gayundin ang inyong katapatan. Hindi ba’t ang inyong paninindigan at ang halagang ibinabayad ninyo ay para lamang sa ngayon at hindi para sa hinaharap? Nais lamang ninyong magbuhos ng huling pagsisikap para matiyak ang isang magandang hantungan, na ang tanging layunin ay makipagpalitan. Hindi ninyo ginagawa ang pagsisikap na ito upang maiwasan ang pagkakautang sa katotohanan, at lalong hindi upang bayaran Ako sa halagang pinagbayaran Ko. Sa madaling salita, handa lamang kayong gumamit ng mga tusong pakana upang makamit ang inyong gusto, pero hindi ang ipaglaban ito. Hindi ba’t ang mga ito ang mga iniisip-isip mo? Hindi kayo dapat magbalatkayo, o magpagod sa pag-iisip tungkol sa inyong hantungan hanggang sa puntong hindi na kayo makakain o makatulog. Hindi ba totoo na ang kahihinatnan ninyo ay naitakda na sa huli? Dapat ninyong tuparin ang inyong sariling tungkulin nang may bukas at tapat na mga puso, at maging handang magbayad ng anumang kinakailangang halaga. Gaya nga ng sinabi ninyo, pagdating ng araw na iyon, hindi pababayaan ng Diyos ang sinumang nagdusa o nagbayad para sa Kanya. Ang ganitong uri ng matibay na paniniwala ay karapat-dapat panghawakan, at nararapat lamang na hindi ninyo ito kailanman kalimutan. Sa ganitong paraan Ko lamang mapapalagay ang Aking isipan ukol sa inyo. Kung hindi, magpakailanman kayong magiging mga taong hindi Ko makakayang ipagpalagay ang Aking isipan, at magpakailanman kayong magiging mga layon ng Aking pag-ayaw. Kung masusunod ninyong lahat ang inyong konsensya, at ibibigay ang inyong lahat para sa Akin, nang walang hindi pagsusumikapan para sa Aking gawain, at mag-uukol ng buong buhay na pagsusumikap sa Aking gawain ng ebanghelyo, hindi ba’t laging lulukso sa tuwa ang Aking puso dahil sa inyo? Sa ganitong paraan, lubos Kong mapapalagay ang Aking isipan ukol sa inyo, hindi ba? Nakapanghihinayang na ang tanging nagagawa ninyo ay hamak at katiting na bahagi lamang ng Aking inaasahan. Yamang ganito ang kalagayan, ano’t may lakas kayo ng loob na hingin sa Akin ang inyong inaasam?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan

Kapag natatanggal ang ilang tao mula sa kanilang posisyon bilang lider at naririnig nilang sinasabi ng Itaas na hindi na sila lilinangin o gagamitin ulit, labis silang nalulungkot, at umiiyak nang husto, na para bang itinitiwalag na sila—anong problema ito? Ang hindi ba paglinang o paggamit ulit sa kanila ay nangangahulugang itinitiwalag na sila? Ibig bang sabihin nito ay hindi na sila maaaring magtamo ng kaligtasan? Napakahalaga ba talaga para sa kanila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan? Kung isa siyang taong naghahangad sa katotohanan, dapat siyang magnilay-nilay sa kanyang sarili kapag nawala ang kanyang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at kapag nakakaramdam siya ng tunay na pagsisisi; dapat niyang piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, magbagong-buhay, at huwag masyadong sumama ang kanyang loob o umiyak nang husto. Kung alam niya sa kanyang puso na tinanggal siya ng sambahayan ng Diyos dahil hindi siya tunay na nagtatrabaho at hindi niya hinahangad ang katotohanan, at naririnig niyang sinasabi ng sambahayan ng Diyos na hindi na siya muling itataas ng ranggo, dapat siyang mahiya, na may utang na loob siya sa Diyos, at na binigo niya ang Diyos; dapat alam niya na hindi siya karapat-dapat na gamitin ng Diyos, at sa ganitong paraan maituturing siyang may kaunting katwiran. Gayunpaman, nagiging negatibo siya at sumasama ang loob niya kapag naririnig niyang hindi siya lilinangin o gagamitin ulit ng sambahayan ng Diyos, at ipinapakita nitong naghahangad siya ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at na hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. Ganito katindi ang pagnanais niyang magtamo ng mga pagpapala, at ganito niya pinahahalagahan nang husto ang katayuan at hindi siya gumagawa ng aktuwal na trabaho, kaya dapat lang siyang tanggalin, at dapat niyang pagnilayan at maunawaan ang sarili niyang mga tiwaling disposisyon. Dapat alam niyang mali ang landas na kanyang sinusundan, na tinatahak niya ang landas ng isang anticristo sa pamamagitan ng paghahangad sa katayuan, kasikatan, at pakinabang, na hindi laang sa hindi sasang-ayunan ng Diyos ang mga ito, kundi sasalungatin pa ng mga ito ang Kanyang disposisyon, at kung gagawa siya ng iba’t ibang uri ng kasamaan, parurusahan din siya ng Diyos. Hindi ba’t may ganito rin kayong problema? Hindi ba’t hindi kayo magiging masaya kung sasabihin Ko ngayon na wala kayong espirituwal na pang-unawa? (Oo.) Kapag narinig ng ilang tao na sinabi ng isang may mataas na antas na lider na wala silang espirituwal na pang-unawa, pakiramdam nila ay wala silang kakayahang unawain ang katotohanan, na siguradong ayaw sa kanila ng Diyos, na wala silang pag-asang pagpalain; pero sa kabila ng katunayan na sila ay nalulungkot, normal pa rin nilang nagagawa ang kanilang tungkulin—may kaunting katwiran ang gayong mga tao. Kapag naririnig ng ilang tao na may nagsasabing wala silang espirituwal na pang-unawa, nagiging negatibo sila at ayaw na nilang gawin ang kanilang tungkulin. Iniisip nila, “Sinasabi mong wala akong espirituwal na pang-unawa—hindi ba’t ibig sabihin niyon ay wala na akong pag-asang pagpalain? Yamang hindi na ako makakakuha ng anumang pagpapala sa hinaharap, para saan at nananampalataya pa ako? Hindi ko tatanggapin na papagserbisyuhin ako. Sino ang magpapagal para sa iyo kung wala naman silang makukuhang kapalit? Hindi ako ganoon kahangal!” May taglay bang konsensiya at katwiran ang gayong mga tao? Napakaraming biyaya ang tinatamasa nila mula sa Diyos subalit hindi sila marunong tumanaw ng utang na loob, at ayaw pa nga nilang magserbisyo. Katapusan na ng mga taong tulad nito. Ni hindi nga nila kayang magserbisyo hanggang sa huli at wala silang tunay na pananalig sa Diyos; hindi sila mga mananampalataya. Kung mayroon silang sinserong puso para sa Diyos at tunay na pananalig sa Diyos, kahit gaano pa sila tayahin, magbibigay-daan lang ito para mas tunay at mas tumpak nilang makikilala ang kanilang sarili—dapat nilang harapin ang bagay na ito nang tama at huwag hayaang makaapekto ito sa kanilang pagsunod sa Diyos o pagganap ng kanilang tungkulin. Kahit pa hindi sila makakatanggap ng mga pagpapala, dapat handa pa rin silang magserbisyo sa Diyos hanggang sa huli, at maging masaya na gawin iyon, nang walang rekla-reklamo, at dapat payagan nila ang Diyos na patnugutan sila sa lahat ng bagay—kapag nangyari iyon saka lang sila magiging isang taong may konsensiya at katwiran. Nasa kamay na ng Diyos kung tatanggap man ng mga pagpapala o magdurusa ng matinding sakuna ang isang tao, may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa bagay na ito at Siya ang nagsasaayos nito, at hindi ito isang bagay na mahihiling o mapagtatrabahuhan ng mga tao. Sa halip, nakadepende ito sa kung kaya ba ng taong iyon na sundin ang mga salita ng Diyos, tanggapin ang katotohanan, at gampanan nang maayos ang kanyang tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos—susuklian ng Diyos ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa. Kung may kaunting sinseridad gaya nito ang isang tao, at ibinubuhos niya ang buong lakas na makakaya niya sa tungkuling dapat niyang gawin, kung gayon ay sapat na iyon, at makukuha niya ang pagsang-ayon at pagpapala ng Diyos. Sa kabilang dako, kung hindi naman ginagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin nang tama at gumagawa pa siya ng iba’t ibang uri ng kasamaan, pero sa kabila niyon ay gusto pa rin niyang makatanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos, hindi ba’t ang pag-asta nila nang ganito ay lubhang wala sa katwiran? Kung pakiramdam mo ay hindi mo napagbutihan ang trabaho, na gumugol ka ng matinding pagsisikap pero hindi mo pa rin nagawang harapin ang mga bagay-bagay nang may mga prinsipyo, at pakiramdam mo ay may pagkukulang ka sa Diyos, pero pinagpapala ka at pinagpapakitaan ka Niya ng biyaya, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay pinagpapakitaan ka ng Diyos ng pabor? Kung nais ng Diyos na pagpalain ka, isang bagay iyon na hindi maaagaw ninuman. Maaaring iniisip mo na hindi mo napagbutihan ang trabaho, pero sa pagtataya ng Diyos, sinasabi Niyang sinsero ka at ibinigay mo naman ang lahat ng iyong makakaya, at nais Niyang pagpakitaan ka ng biyaya at pagpalain ka. Walang anumang ginagawa ang Diyos na mali, at dapat mong purihin ang Kanyang pagiging matuwid. Anuman ang ginagawa ng Diyos, laging tama ito, at kahit pa nagkikimkim ka ng mga kuru-kuro tungkol sa ginagawa ng Diyos, naniniwalang hindi naisasaalang-alang ng mga bagay na ginagawa Niya ang damdamin ng mga tao, na hindi ito ayon sa gusto mo, magkagayon man, dapat mo pa ring purihin ang Diyos. Bakit dapat mong gawin ito? Hindi ninyo alam ang dahilan kung bakit, tama ba? Ang totoo, napakadali lang ipaliwanag nito: Ito ay dahil ang Diyos ay Diyos at ikaw ay tao; Siya ang Lumikha, at ikaw naman ay isang nilikha. Hindi ka kwalipikadong hilinging kumilos ang Diyos sa isang partikular na paraan o na tratuhin ka Niya sa isang partikular na paraan, ngunit kwalipikado ang Diyos na humingi ng anuman sa iyo. Ang mga pagpapala, biyaya, mga gantimpala, at mga korona—kung paano ipinagkakaloob ang mga bagay na ito at kung kanino ipagkakaloob ang mga ito, ang Diyos ang bahalang magpasya niyon. Bakit ang Diyos ang bahalang magpasya nito? Pagmamay-ari ng Diyos ang lahat ng bagay na ito; hindi pinagsamang pag-aari ang mga ito sa pagitan ng tao at ng Diyos na maaaring pantay na hatiin sa pagitan nila. Sa Diyos ang mga ito, at ipinagkakaloob ng Diyos ang mga ito sa mga pinangakuan Niyang pagkakalooban ng mga ito. Kung hindi ipinangako ng Diyos na ipagkaloob ang mga ito sa iyo, dapat ka pa ring magpasakop sa Kanya. Kung titigil ka sa pananampalataya mo sa Diyos dahil dito, anong mga problema ang malulutas niyon? Titigil ka ba sa pagiging isang nilikha? Matatakasan mo ba ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Hawak pa rin ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at isa itong hindi mababagong katotohanan. Ang pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos ay hindi kailanman maaaring itumbas sa pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng tao, ni hindi rin kailanman sasailalim sa anumang pagbabago ang mga bagay na ito—ang Diyos ay magpakailanman na Diyos, at ang tao ay habambuhay na tao. Kung kaya itong unawain ng isang tao, ano, kung gayon, ang dapat niyang gawin? Dapat siyang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at sa mga pagsasaayos ng Diyos—ito ang pinakamakatwirang paraan sa pagharap sa mga bagay-bagay, at bukod dito, wala nang iba pang landas na maaaring piliin. Kung hindi ka magpapasakop, kung gayon, mapaghimagsik ka, at kung masuwayin ka at nakikipagtalo, napakamapaghimagsik mo, at dapat kang lipulin. Ang magawang makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos ay nagpapakitang may katwiran ka; ito ang saloobing dapat mayroon ang mga tao, at tanging ito ang saloobin na dapat mayroon ang mga nilikha.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem

Hindi kailanman sinusunod ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at palagi nilang mahigpit na iniuugnay ang kanilang tungkulin, kasikatan, pakinabang, at katayuan sa inaasam nilang pagtamo ng mga pagpapala at sa kanilang hantungan sa hinaharap, na para bang sa sandaling mawala ang kanilang reputasyon at katayuan, wala na silang pag-asang magtamo ng mga pagpapala at gantimpala, at pakiramdam nila ay katulad ito ng mawalan ng buhay. Iniisip nila, “Kailangan kong mag-ingat, hindi ako dapat maging pabaya! Ang sambahayan ng diyos, ang mga kapatid, ang mga lider at manggagawa, at maging ang diyos ay hindi maaasahan. Hindi ko mapagkakatiwalaan ang sinuman sa kanila. Ang taong pinakamaaasahan mo at ang pinakakarapat-dapat mong pagkatiwalaan ay ang iyong sarili. Kung hindi ka nagpaplano para sa iyong sarili, sino ang mag-aasikaso sa iyo? Sino ang mag-iisip sa kinabukasan mo? Sino ang mag-iisip kung makatatanggap ka ba ng mga pagpapala o hindi? Kaya, kailangan kong magplano at magkalkula nang maingat para sa sarili kong kapakanan. Hindi ako pwedeng magkamali o maging pabaya kahit kaunti, kung hindi, ano ang gagawin ko kung may sumubok na manamantala sa akin?” Kaya, nagiging mapagbantay sila laban sa mga lider at manggagawa ng sambahayan ng Diyos, natatakot na may makakilatis o makahalata sa kanila, at na pagkatapos ay matatanggal sila at masisira ang mga pinapangarap nilang pagpapala. Iniisip nila na dapat nilang panatilihin ang kanilang reputasyon at katayuan para magkaroon sila ng pag-asang magkamit ng mga pagpapala. Itinuturing ng isang anticristo ang pagiging pinagpala na higit pa kaysa sa kalangitan, higit pa kaysa sa buhay, mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad ng katotohanan, pagbabago ng disposisyon, o personal na kaligtasan, at mas mahalaga pa kaysa sa maayos na paggawa sa kanilang tungkulin, at pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan. Iniisip niya na ang pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan, ang paggawa nang mabuti sa kanyang tungkulin at pagkaligtas ay pawang mumunting mga bagay na hindi na kailangang banggitin o pagkomentuhan pa, samantalang ang pagtatamo ng mga pagpapala ay ang tanging bagay sa buong buhay niya na hindi kailanman malilimutan. Sa anumang masagupa niya, gaano man kalaki o kaliit, inuugnay niya ito sa pagiging pinagpala, at napakaingat at napakaalisto niya, at lagi siyang may nakahandang malulusutan para sa kanyang sarili. Kaya kapag binago nang kaunti ang kanyang tungkulin, kung promosyon ito, iisipin ng isang anticristo na may pag-asa siyang pagpalain. Kung ito ay demosyon, mula sa pagiging lider ng grupo pababa sa pagiging katuwang na lider ng grupo, o mula sa katuwang na lider ng grupo pababa sa pagiging karaniwang miyembro ng grupo, inaasahan nilang ito ay magiging isang malaking problema at sa tingin niya ay maliit ang pag-asa niyang magtamo ng mga pagpapala. Anong uri ng pag-iisip ito? Tama bang pag-iisip ito? Talagang hindi. Katawa-tawa ang pananaw na ito! Ang pagtamo o hindi pagtamo ng isang tao sa pagsang-ayon ng Diyos ay hindi nakabase sa tungkuling ginagawa niya, kundi sa kung taglay ba niya ang katotohanan, kung tunay ba siyang nagpapasakop sa Diyos, at kung tapat ba siya. Ang mga ito ang pinakamahahalagang bagay.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem

Sa anong paraan mali ang pagturing sa paghahangad ng mga pagpapala bilang layunin? Ganap itong sumasalungat sa katotohanan, at hindi ito naaayon sa layunin ng Diyos na magligtas ng mga tao. Dahil ang mapagpala ay hindi isang naaangkop na layuning dapat hangarin ng mga tao, ano ang isang naaangkop na layunin? Ang paghahangad ng katotohanan, ang paghahangad ng mga pagbabago sa disposisyon, at ang magawang magpasakop sa lahat ng pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos: ito ang mga layuning dapat hangarin ng mga tao. Sabihin natin, halimbawa, na ang mapungusan ay nagdudulot sa iyong magkaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa, at hindi mo na magawang magpasakop. Bakit hindi mo magawang magpasakop? Dahil pakiramdam mo ay nakuwestiyon ang iyong hantungan o ang iyong pangarap na mapagpala. Nagiging negatibo ka at sumasama ang loob mo, at sinisikap mong iwasang gawin ang iyong tungkulin. Ano ang dahilan nito? May problema sa iyong hangarin. Kaya paano ito dapat lutasin? Kinakailangan na agad mong talikuran ang mga maling ideyang ito, at na agad mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang problema ng iyong tiwaling disposisyon. Dapat mong sabihin sa iyong sarili, “Hindi ako dapat sumuko, dapat ko pa ring magawa nang mabuti ang tungkuling dapat gawin ng isang nilikha, at isantabi ang aking pagnanasang mapagpala.” Kapag binitiwan mo ang pagnanasang mapagpala at tinahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, mawawala ang bigat na pasan mo. At magagawa mo pa rin bang maging negatibo? Kahit na may mga pagkakataon pa rin na negatibo ka, hindi mo ito hinahayaang limitahan ka, at sa puso mo, patuloy kang nagdarasal at nakikibaka, binabago ang layunin ng iyong paghahangad mula sa paghahangad na mapagpala at magkaroon ng hantungan, ay nagiging paghahangad sa katotohanan, at iniisip mo, “Ang paghahangad sa katotohanan ay ang tungkulin ng isang nilikha. Para maunawaan ang ilang partikular na katotohanan ngayon—wala nang mas dakilang pag-aani, ito ang pinakadakilang pagpapala sa lahat. Kahit na ayaw sa akin ng Diyos, at wala akong magandang hantungan, at mawasak ang aking mga pag-asa na mapagpala, gagawin ko pa rin ang aking tungkulin nang maayos, obligado akong gawin iyon. Anuman ang dahilan, hindi nito maaapektuhan ang pagganap ko sa aking tungkulin, hindi nito maaapektuhan ang pagsasakatuparan ko sa atas ng Diyos; ito ang prinsipyong sinusunod ko sa aking pagkilos.” At sa pamamagitan nito, hindi ba’t nadaig mo ang mga limitasyon ng laman? Maaaring sabihin ng ilan, “Paano kung negatibo pa rin ako?” Kung gayon ay hanapin ninyong muli ang katotohanan para lutasin ito. Ilang beses ka mang malugmok sa pagiging negatibo, kung patuloy mo lang hahanapin ang katotohanan para lutasin ito, at patuloy na magpupunyagi para sa katotohanan, unti-unti kang makaaahon sa iyong pagiging negatibo. At balang araw, madarama mo na wala ka nang pagnanasang magtamo ng mga pagpapala at hindi ka na nalilimitahan ng hantungan at kahihinatnan mo, at na mas madali at mas malaya kang mabubuhay nang wala ang mga bagay na ito. Madarama mo na ang dati mong buhay, kung saan sa bawat araw ay nabubuhay ka para sa pagtatamo ng mga pagpapala at ng iyong hantungan, ay nakapapagod. Bawat araw, nagsasalita, gumagawa, at pinipiga ang utak alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala—at ano ang mapapala mo rito, sa huli? Ano ang halaga ng gayong buhay? Hindi mo hinangad ang katotohanan, kundi sinayang ang lahat ng pinakamabubuting araw mo sa mga bagay na walang kabuluhan. Sa huli, wala kang natamong anumang katotohanan, at hindi mo nagawang magpahayag ng anumang patotoong batay sa karanasan. Nagpakahangal ka, lubos na napahiya at nabigo. At ano ba talaga ang dahilan nito? Ang dahilan ay sa sobrang tindi ng layunin mong magtamo ng mga pagpapala, inokupa na ng iyong kahihinatnan at hantungan ang iyong puso at iginapos ka nang masyadong mahigpit. Subalit kapag dumating ang araw na makaahon ka mula sa pagkaalipin sa iyong kinabukasan at tadhana, magagawa mong talikuran ang lahat at sundin ang Diyos. Kailan mo magagawang ganap na bitiwan ang mga bagay na iyon? Habang walang-humpay na lumalalim ang iyong pagpasok sa buhay, makakamtan mo ang isang pagbabago sa iyong disposisyon, at saka mo magagawang ganap na bitiwan ang mga iyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Mayroong Buhay Pagpasok

Sa kanilang pananalig sa Diyos, ang hinahanap ng mga tao ay makakuha ng mga pagpapala para sa hinaharap; ito ang kanilang mithiin sa kanilang pananampalataya. Lahat ng tao ay may ganitong hangarin at inaasam, subalit ang katiwalian sa kanilang kalikasan ay dapat malutas sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino. Sa alinmang mga aspeto na hindi ka nadalisay at nagpakita ka ng katiwalian, ito ang mga aspeto kung saan dapat kang mapino—ito ang pagsasaayos ng Diyos. Lumilikha ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, pinipilit kang maging pino roon nang sa gayon ay malaman mo ang iyong sariling katiwalian. Sa huli, umaabot ka sa punto kung saan mas gugustuhin mong mamatay para maisuko ang iyong mga pakana at mga ninanasa at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Samakatuwid, kung ang mga tao ay walang ilang taon ng pagpipino at kung hindi sila nagtitiis ng itinakdang dami ng pagdurusa, hindi nila maaalis sa sarili nila ang pagpipigil ng katiwalian ng laman sa kanilang mga saloobin at sa kanilang mga puso. Sa alinmang aspeto, ang mga tao ay napipigilan pa rin ng kanilang satanikong kalikasan, at sa alinmang aspeto na mayroon pa rin silang sarili nilang mga ninanasa at hinihingi, ito ang mga aspeto kung saan dapat silang magdusa. Sa pagdurusa lamang natututunan ang mga aral, ibig sabihin ay nakakamit ang katotohanan, at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa katunayan, maraming katotohanan ang nauunawaan sa pagdanas ng pagdurusa at pagsubok. Walang nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos, walang nakakakilala sa pagkamakapangyarihan at sa karunungan ng Diyos, o walang nagpapahalaga sa matuwid na disposisyon ng Diyos kapag nasa isang maginhawa at magaan na kapaligiran o kapag ang mga kaganapan ay kaaya-aya. Magiging imposible iyan!

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang pagdanas ng gawain ng Diyos ay hindi tungkol sa pagtatamasa ng biyaya, kundi sa halip ay tungkol sa pagdurusa para sa iyong pagmamahal sa Kanya. Yamang tinatamasa mo ang biyaya ng Diyos, kailangan mo ring matamasa ang Kanyang pagkastigo; kailangan mong maranasan ang lahat ng ito. Mararanasan mo ang kaliwanagan ng Diyos sa iyo, at mararanasan mo rin kung paano ka Niya pinupungusan at hinahatulan. Sa ganitong paraan, ang iyong karanasan ay magiging malawak. Naisagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo sa iyo. Pinungusan ka na ng salita ng Diyos, ngunit hindi lamang iyan; naliwanagan at natanglawan ka rin nito. Kapag ikaw ay negatibo at mahina, nag-aalala ang Diyos para sa iyo. Lahat ng gawaing ito ay upang ipaalam sa iyo na lahat ng tungkol sa tao ay nasa loob ng mga pagsasaayos ng Diyos. Maaari mong isipin na ang paniniwala sa Diyos ay tungkol sa pagdurusa, o paggawa ng lahat ng bagay para sa Kanya; maaari mong isipin na ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay para mapayapa ang iyong laman, o upang maging maayos ang lahat sa buhay mo, o upang maging komportable at magaan ang lahat sa iyo. Gayunman, wala sa mga ito ang mga layuning dapat iugnay ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Kung naniniwala ka dahil sa mga layuning ito, mali ang iyong pananaw, at imposible ka talagang magawang perpekto. Ang mga kilos ng Diyos, ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang karunungan, Kanyang mga salita, at Kanyang pagiging kamangha-mangha at pagiging di-maarok ay pawang mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Dahil sa pagkaunawang ito, dapat mong gamitin ito upang alisin sa puso mo ang lahat ng personal mong mga kahilingan, inaasahan, at kuru-kuro. Kapag inalis mo ang mga ito, saka mo lamang matutugunan ang mga kundisyong hinihingi ng Diyos, at sa pamamagitan lamang ng paggawa nito ka magkakaroon ng buhay at mapapalugod ang Diyos. Ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay upang mapalugod Siya at maisabuhay ang disposisyon na Kanyang hinihingi, upang maipamalas ang Kanyang mga kilos at kaluwalhatian sa pamamagitan ng grupong ito ng hindi karapat-dapat na mga tao. Ito ang tamang pananaw para sa paniniwala sa Diyos, at ito rin ang layuning dapat mong hangarin. Dapat ay mayroon kang tamang pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos at dapat mong hangaring matamo ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at magawang isabuhay ang katotohanan, at lalo nang kailangan mong makita ang Kanyang praktikal na mga gawa, Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa buong sansinukob, gayundin ang praktikal na gawaing Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Maaaring pahalagahan ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang aktuwal na mga karanasan, kung paano talaga ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila at kung ano ang mga layunin Niya sa kanila. Ang layunin ng lahat ng ito ay upang alisin ang tiwali at satanikong disposisyon ng mga tao. Dahil naiwaksi na ang lahat ng karumihan at kasamaan sa iyong kalooban, at naiwaksi na ang iyong mga maling layon, at nagkaroon ka na ng tunay na pananampalataya sa Diyos—sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya mo maaaring tunay na mahalin ang Diyos. Maaari mo lamang tunay na mahalin ang Diyos sa pundasyon ng iyong paniniwala sa Kanya. Magtatamo ka ba ng pagmamahal sa Diyos nang hindi ka naniniwala sa Kanya? Yamang naniniwala ka sa Diyos, hindi ka maaaring maguluhan tungkol dito. Napupuno ng lakas ang ilang tao sa sandaling makita nila na ang pananampalataya sa Diyos ay maghahatid sa kanila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang lahat ng sigla sa sandaling makita nila na kailangan nilang dumanas ng mga pagpipino. Iyan ba ang paniniwala sa Diyos? Sa huli, kailangan kang ganap at lubos na magpasakop sa harap ng Diyos sa iyong pananampalataya. Naniniwala ka sa Diyos ngunit mayroon ka pa ring mga hinihiling sa Kanya, marami ka pa ring mga relihiyosong kuru-kuro na hindi mo mabitawan, mga personal na interes na hindi mo mapakawalan, at naghahangad ka pa rin ng mga pagpapala ng laman at nais mong sagipin ng Diyos ang iyong laman, na iligtas ang iyong kaluluwa—lahat ng ito ay mga pag-uugali ng mga tao na may maling pananaw. Kahit may pananampalataya sa Diyos ang mga taong may mga relihiyosong paniniwala, hindi sila naghahangad na baguhin ang kanilang disposisyon at hindi sila naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, kundi ang tanging hinahangad nila ay ang mga interes ng kanilang laman. Marami sa inyo ang may pananampalatayang nabibilang sa kategorya ng mga relihiyosong pananalig; hindi iyan tunay na pananampalataya sa Diyos. Upang maniwala sa Diyos, kailangang magkaroon ang mga tao ng isang pusong handang magdusa para sa Kanya at kahandaang isuko ang kanilang sarili. Hangga’t hindi natutugunan ng mga tao ang dalawang kundisyong ito, walang bisa ang kanilang pananampalataya sa Diyos, at hindi nila mababago ang kanilang disposisyon. Ang mga tao lamang na tunay na naghahanap sa katotohanan, naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, at naghahangad ng buhay ang mga tunay na naniniwala sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakakatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa kapagnagawang perpekto at nagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos ang isang tao matapos magdanas ng paghatol. Ang magdusa sa kasawian ay tumutukoy sa kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago matapos silang magdanas ng pagkastigo at paghatol; hindi pa sila nagawang perpekto kundi pinarusahan. Ngunit nakakatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdursa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilalang ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahanap sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na magdusa ng kasawian. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang pagkasuwail.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Bilang isang nilikha, dapat hangaring tuparin ng tao ang tungkulin ng isang nilikha, at hangaring mahalin ang Diyos nang hindi pumipili ng iba pa, sapagkat ang Diyos ay karapat-dapat sa pagmamahal ng tao. Yaong mga naghahangad na mahalin ang Diyos ay hindi dapat maghangad ng anumang personal na mga pakinabang o hangarin yaong personal nilang inaasam; ito ang pinakatamang paraan ng paghahangad. Kung hinahangad mo ang katotohanan, kung isinasagawa mo ang katotohanan, at kung nagtatamo ka ng pagbabago sa iyong disposisyon, tama ang landas na iyong tinatahak. Kung hinahangad mo ang mga pagpapala ng laman, at isinasagawa mo ang katotohanan ng sarili mong mga kuru-kuro, at kung walang pagbabago sa iyong disposisyon, at hindi ka mapagpasakop kailanman sa Diyos na nasa katawang-tao, at nabubuhay ka pa rin sa kalabuan, siguradong dadalhin ka sa impiyerno ng iyong hinahangad, sapagkat ang landas na iyong tinatahak ay ang landas ng kabiguan. Kung gagawin kang perpekto o ititiwalag ay depende sa iyong sariling paghahangad, na ibig ding sabihin ay ang tagumpay o kabiguan ay depende sa landas na tinatahak ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Napakahalaga sa inyo ng inyong hantungan at kapalaran—ang mga ito ay ipinag-aalala ninyo nang lubos. Naniniwala kayong kapag hindi ninyo ginawa ang mga bagay nang maingat, magiging katumbas ito ng hindi pagkakaroon ng hantungan at ng pagkawasak ng inyong kapalaran. Subalit naisip na ba ninyo kailanman na ang mga taong nagsusumikap para lamang sa kanilang hantungan ay nagpapakapagod nang walang saysay? Hindi tunay ang gayong mga pagsisikap—huwad at mapanlinlang ang mga iyon. Kung gayon, ang mga taong nagsisikap para lamang sa kanilang hantungan ay nasa bungad na ng kanilang pangwakas na pagkatalo, dahil ang kabiguan sa paniniwala ng isang tao sa Diyos ay dulot ng panlilinlang. Nasabi Ko na noon na hindi Ko ninanais na Ako ay bolahin o kunwari’y hangaan, o pakitunguhan Ako nang may lubos na kasiglahan. Nais Ko na ang mga matapat na tao ay humarap sa Aking katotohanan at Aking mga inaasahan. Higit pa rito, naiibigan Ko sa tuwing ang mga tao ay nakakayang magpakita ng lubos na pangangalaga at pagsasaalang-alang sa Aking puso, at kapag nagagawa pa nilang isuko ang lahat para sa Aking kapakanan. Sa ganitong paraan lamang maaaring mabigyan ng kaginhawahan ang Aking puso. Sa ngayon, ilang bagay tungkol sa inyo ang hindi Ko nagugustuhan? Ilang bagay tungkol sa inyo ang nagugustuhan Ko? Maaari kayang walang sinuman sa inyo ang nakapagtanto na ng lahat ng iba’t ibang pagpapakita ng kapangitang inyong ginawa alang-alang sa inyong hantungan?

Sa Aking puso, hindi Ko ninanais makasakit sa kanino mang puso na positibo at naghahangad paitaas, at lalong ayaw Kong mabawasan ang sigla ng sinumang tapat na ginagawa ang kanyang tungkulin. Gayunpaman, kailangan Kong paalalahanan ang bawat isa sa inyo tungkol sa inyong mga pagkukulang at ang maruming kaluluwa na nasa kaibuturan ng inyong mga puso. Ginagawa Ko ito sa pag-asang magagawa ninyong ihandog ang inyong tunay na puso sa pagharap sa Aking mga salita, dahil ang pinakakinasusuklaman Ko ay ang panlilinlang ng mga tao sa Akin. Umaasa lamang Ako na sa huling yugto ng Aking gawain, maibibigay ninyo ang inyong pinakamahusay na pagganap, at mailalaan ninyo ang inyong mga sarili nang buong puso, hindi na kalahati lamang. Mangyari pa, umaasa rin Ako na lahat kayo ay magkakaroon ng isang magandang hantungan. Gayunpaman, mayroon pa rin Akong kinakailangan, at ito ay ang magawa ninyo ang pinakamahusay na desisyon na ihandog sa Akin ang inyong natatangi at huling pamimintuho. Kung may isang tao na walang ganitong natatanging pamimintuho, tiyak na siya ay isang iniingatang pag-aari ni Satanas, at hindi Ko na ipagpapatuloy ang paggamit sa kanya kundi pauuwiin Ko siya para alagaan ng kanyang mga magulang. Malaking tulong sa inyo ang Aking gawain; ang inaasahan Kong makuha sa inyo ay pusong tapat at naghahangad paitaas, ngunit hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring laman ang Aking mga kamay. Pakaisipin ninyo ito: Kung pagdating ng araw ay naaagrabyado pa rin Ako, na walang sapat na mga salitang makapaglarawan dito, ano ang Aking magiging saloobin sa inyo noon? Magiging magiliw pa rin kaya Ako sa inyo katulad ngayon? Magiging ganito pa rin kaya kapayapa ang Aking puso? Nauunawaan ba ninyo ang damdamin ng isang taong matapos maingat na magsaka sa bukid ay hindi man lamang umani ng kahit na isang butil? Nauunawaan ba ninyo kung gaano kalaki ang pinsala sa puso ng isang taong nakaranas ng matinding dagok? Nalalasahan ba ninyo ang pait ng taong noon ay puno ng pag-asa, na kailangang lumayo nang may hidwaan? Nakita na ba ninyo ang poot na nagmumula sa taong pinukaw ang damdamin? Kaya ba ninyong malaman ang pananabik sa paghihiganti ng isang taong pinakitunguhan nang may poot at panlilinlang? Kung naiintindihan ninyo ang pag-iisip ng mga taong ito, sa tingin Ko ay hindi magiging mahirap para sa inyo na maisip ang saloobin ng Diyos sa panahon ng Kanyang pagganti! Bilang pangwakas, umaasa Akong lahat kayo ay lubos na nagsisikap para sa inyong sariling hantungan; bagama’t makabubuting hindi kayo gumamit ng mapanlinlang na mga paraan sa inyong mga pagsusumikap, kung hindi ay patuloy Akong madidismaya sa inyo sa Aking puso. At saan humahantong ang gayong pagkadismaya? Hindi ba ninyo nililinlang ang inyong mga sarili? Ang mga taong iniisip ang kanilang hantungan ngunit sinisira ito ay ang mga taong pinakamaliit ang kakayahang mailigtas. Kahit na mayamot at magalit ang gayong tao, sino ang magkakaroon ng simpatya sa ganoong klaseng tao? Sa kabuuan, ninanais Ko pa rin na magkaroon kayo ng hantungang kapwa nararapat at mabuti, at, higit pa rito, umaasa Akong walang sinuman sa inyo ang mahuhulog sa kapahamakan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Paano Maging Tunay na Masunurin sa Diyos at Maligtas Niya

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Mga Pagninilay Pagkatapos Magkasakit Noong Pandemya

Mga Karumihan sa Aking mga Sakripisyo Para sa Diyos

Pagkatapos ng Pagpanaw ng Aking Asawa

Kaugnay na mga Himno

Ang mga Di-mabuting Layunin sa Likod ng Pananampalataya ng Tao sa Diyos

Ang Pananalig ng Tao sa Diyos ay Di-matiis sa Sama

Ang mga Pagsubok ng Diyos sa Tao ay para Dalisayin Sila

Dapat Mong Hangaring Magkaroon ng Tunay na Pagmamahal sa Diyos

Sinundan: 1. Paano lutasin ang problema ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao

Sumunod: 3. Paano lutasin ang problema ng hindi pagtanggap sa katotohanan at pagtatanggol sa sarili

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 7: Ang CCP ay isang rebolusyonaryong partido. Ang pinaniniwalaan nito ay kabastusan at karahasan, ibig sabihin, pag-agaw sa kapangyarihan nang may karahasan! Kung tatanggapin natin ang katwiran ng CCP, “Ang isang kasinungalingan ay nagiging katotohanan kung uulit-ulitin nang sampung libong beses.” Gaano man karaming tao ang nagdududa sa salita nito, tumatanggi at hindi naniniwala rito, walang pakialam ang CCP kahit bahagya, at patuloy pa rin itong nagsisinungaling at nanlilinlang. Basta’t makakamtan nito ang mga agarang epekto at minimithi nito, wala itong pakialam sa magiging kapalit! Kung magrebelde at magprotesta ang mga tao laban dito, gagamit ito ng mga tangke at machine gun para lutasin ang lahat. Kapag kailangan, gagamit ito ng mga bomba atomika at missile para labanan ang mga puwersa ng kalaban. Maaaring gawin ng CCP ang lahat para manatili ito sa paghahari. Nang ipahayag sa publiko ang kaso sa Zhaoyuan sa Shandong, ang CCP ay nagpasimula ng maramihang pagpapadala ng mga sandatahang pulis para supilin at arestuhin ang mga Kristiyano anuman ang mangyari. Sino ang makakapigil dito? Sino ang nangahas na lumaban? Kahit nang makita ng mga dayuhan ang panloloko ng CCP, ano ang magagawa nila? Maraming paraan ang CCP para labanan ang pagtuligsa ng mga demokratikong puwersa ng mga taga-Kanluran. Gumagamit ito ng pera para ayusin ang lahat. May kasabihan nga na, “Sinumang tumanggap ng regalo ay ibinebenta ang kanyang kalayaan.” Paunti nang paunti ang mga bansang tumutuligsa sa CCP ngayon. Takot ang puwersa ng mga kaaway ng CCP na iparinig ang kanilang opinyon. Paano man n’yo ito sabihin, naigigiit pa rin ng CCP ang paghahari nito. Hangga’t may kapangyarihan ang Communist Party, kayong mga nananalig sa Diyos ay hindi makakaasang maging malaya! Ang pagpapakita at gawain ng Diyos sa China ay talagang kamumuhian at ipagbabawal ng CCP. Makamtan man ng CCP ang mithiin nitong magbuo ng ateismo sa China o hindi, hindi ito titigil kailanman sa pag-aresto at pagsupil sa inyo! Matagal na itong malinaw sa akin. Kaya nga tinututulan kong mabuti ang pananalig n’yo sa Makapangyarihang Diyos. Para sa kapakanan n’yo ’yan, hindi n’yo ba nauunawaan?

Sagot: Napakasama ng CCP, pero umuunlad pa rin ito sa mundo at walang nangangahas na hadlangan ito. Ibig kayang sabihin n’yan ay permanente...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito