1. Paano lutasin ang problema ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sapagkat palaging mayroong mga bagong pagsulong sa gawain ng Diyos, may gawaing nagiging lipas na at luma sa pag-usbong ng bagong gawain. Ang magkakaibang uring ito ng gawain, luma at bago, ay hindi magkakasalungat, kundi magkakatugma; ang bawat hakbang ay sumusunod sa nauna. Sapagkat may bagong gawain, mangyari pa, dapat alisin ang mga lumang bagay. Halimbawa, ang ilan sa mga matatagal nang itinatag na pagsasagawa at nakaugaliang mga kasabihan ng tao, kaakibat ng maraming taong karanasan at mga aral ng tao, ay bumuo ng lahat ng uri at anyo ng mga kuru-kuro sa isip ng tao. Na hindi pa ganap na ibinubunyag ng Diyos ang tunay Niyang mukha at likas na disposisyon sa tao, kasama ng pagkalat, sa loob ng maraming taon, ng mga tradisyunal na teorya mula sa mga sinaunang panahon ay hindi pa mas nababagay sa pagbuo ng tao ng ganitong mga kuru-kuro. Maaaring sabihin na, sa buong panahon ng paniniwala ng tao sa Diyos, ang impluwensya ng iba’t ibang mga kuru-kuro ay humantong sa patuloy na pagkabuo at ebolusyon ng lahat ng mga uri ng mga kuru-kurong pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, na nagdulot sa maraming relihiyosong taong naglilingkod sa Diyos na maging kaaway Niya. Kaya, habang mas lumalakas ang mga relihiyosong kuru-kuro ng mga tao, mas lalo nilang sinasalungat ang Diyos, at mas lalo silang mga kaaway ng Diyos. Palaging bago at hindi kailanman luma ang gawain ng Diyos; hindi ito kailanman bumubuo ng doktrina, sa halip ay patuloy itong nagbabago at pinananariwa sa mas malaki o sa mas maliit na saklaw. Ang paggawa sa paraang ito ay isang pagpapahayag ng likas na disposisyon ng Diyos Mismo. Ito rin ang likas na prinsipyo ng gawain ng Diyos, at isa sa mga paraan kung paano nagagawa ng Diyos ang pamamahala Niya. Kung hindi gumawa ang Diyos sa ganitong paraan, hindi magbabago ang tao o magagawang makilala ang Diyos, at hindi matatalo si Satanas. Kaya naman, sa gawain Niya, patuloy na nangyayari ang mga pagbabago na mukhang paiba-iba, ngunit sa katotohanan ay pana-panahon. Subalit, ang paraan kung paano naniniwala ang tao sa Diyos ay lubos na naiiba. Kumakapit siya sa luma at pamilyar na mga doktrina at mga kaparaanan, at habang mas luma ang mga ito, mas kasiya-siya ang mga ito sa kanya. Paanong tatanggapin ng hangal na isip ng tao, na isang isip na kasintigas ng bato, ang napakaraming di-maarok na bagong gawain at mga salita ng Diyos? Kinasusuklaman ng tao ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma; ang gusto niya lamang ay ang lumang Diyos, na matanda na, puti ang buhok, at hindi umaalis sa lugar. Kaya naman, sapagkat may kanya-kaniyang mga gusto ang Diyos at ang tao, naging kaaway ng Diyos ang tao. Umiiral pa rin ang marami sa mga pagkakasalungatang ito kahit ngayon, sa panahong gumagawa na ng bagong gawain ang Diyos sa loob ng halos anim na libong taon. Kung gayon, hindi na malulunasan ang mga ito. Marahil dahil ito sa katigasan ng ulo ng tao, o ang pagiging hindi nalalabag ninuman ng mga atas administratibo ng Diyos—ngunit kumakapit pa rin sa mga inaamag na lumang libro at mga papel yaong mga lalaki at babaeng pastor, habang nagpapatuloy ang Diyos sa hindi pa nakukumpletong gawain Niya ng pamamahala, na parang wala Siyang kasama sa tabi Niya. Bagaman ang mga pagkakasalungatang ito ay ginagawang magkaaway ang Diyos at ang tao, at ni hindi pa maaaring lutasin, hindi binibigyang pansin ng Diyos ang mga ito, na para bang sabay silang nandoon at wala roon. Gayunman, nananatili pa rin ang tao sa mga paniniwala at mga kuru-kuro niya, at hindi kailanman binibitawan ang mga ito. Subalit isang bagay ang maliwanag: Bagamat hindi lumilihis ang tao sa paninindigan niya, palaging gumagalaw ang mga paa ng Diyos, at palagi Niyang binabago ang paninindigan Niya ayon sa kapaligiran. Sa huli, ang tao ang siyang matatalo nang walang laban. Ang Diyos, samantala, ay ang pinakamatinding kaaway ng lahat ng mga kalabang tinalo Niya, at Siya rin ang kampeon ng sangkatauhan, ng parehong natalo at hindi natalo. Sino ang maaaring makipagpaligsahan sa Diyos at maging matagumpay? Tila mula sa Diyos ang mga kuru-kuro ng tao sapagkat nabuo ang marami sa mga ito kasunod ng gawain ng Diyos. Gayunman, hindi pinapatawad ng Diyos ang tao dahil dito, at, bukod dito, hindi rin Siya nagbubuhos ng papuri sa tao sa paggawa ng mga bungkos ng mga produktong “para sa Diyos” kasunod ng gawain Niya, na nasa labas ng gawain Niya. Sa halip, labis Siyang nasusuklam sa mga kuru-kuro at mga luma at relihiyosong paniniwala ng tao, at hindi man lamang naiisip na kilalanin ang petsa kung kailan unang lumitaw ang mga kuru-kuro na ito. Hindi Niya tinatanggap ni katiting na dulot ng gawain Niya ang mga kuru-kuro na ito, sapagkat ang mga kuru-kuro ng tao ay ipinalalaganap ng tao; ang pinagmulan ng mga ito ay ang mga saloobin at isip ng tao—hindi ng Diyos, kundi ni Satanas. Ang layunin ng Diyos ay palaging para ang gawain Niya ay maging bago at buhay, hindi luma at patay, at kung ano ang pinasusunod Niya sa tao ay nag-iiba alinsunod sa kapanahunan at panahon, at hindi walang-hanggan at di-nagbabago. Ito ay dahil isa Siyang Diyos na nagdudulot sa tao na mabuhay at maging bago, sa halip na isang diyablo na nagdudulot sa tao na mamatay at tumanda. Hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito? May mga kuru-kuro ka tungkol sa Diyos at wala kang kakayahang bitawan ang mga ito dahil sarado ang isip mo. Hindi ito dahil may napakakaunting katuturan sa gawain ng Diyos, ni dahil sa ang Kanyang gawain ay walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao, ni, bukod dito, dahil sa palaging pabaya ang Diyos sa mga tungkulin Niya. Hindi mo mabitawan ang mga kuru-kuro mo dahil masyado kang salat sa pagpapasakop, at sapagkat wala ka ni katiting na wangis ng isang nilikhang nilalang; hindi ito dahil ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo. Ikaw ang nagsanhi ng lahat ng ito, at wala itong kaugnayan sa Diyos; nilikha ng tao ang lahat ng pagdurusa at kasawian. Palaging mabuti ang mga saloobin ng Diyos: Hindi Niya nais na magdulot sa iyo na bumuo ng mga kuru-kuro, kundi nagnanais na magbago ka at mapanariwa sa paglipas ng mga kapanahunan. Subalit hindi mo alam kung ano ang mabuti para sa iyo, at palagi kang masusing nagsisiyasat o nagsusuri. Hindi sa ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo, kundi wala kang pusong may takot sa Diyos, at napakatindi ng paghihimagsik mo. Isang maliit na nilikhang nilalang, na nangangahas na kunin ang ilang walang-kuwentang bahagi ng dati nang ibinigay ng Diyos, pagkatapos ay babaling at gagamitin ito upang salakayin ang Diyos—hindi ba ito ang pagrerebelde ng tao? Patas sabihin na ang mga tao ay lubos na hindi karapat-dapat na magpahayag ng mga pananaw nila sa harap ng Diyos, at lalong hindi sila karapat-dapat na ipangalandakan ang kanilang walang halaga, mabaho, bulok, at mabulaklak na wika nang ayon sa nais nila—bukod pa sa yaong inaamag na mga kuru-kuro. Hindi ba sila mas lalo pang walang halaga?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging Yaong mga Nakababatid Lamang ng Gawain ng Diyos Ngayon ang Maaaring Paglingkuran ang Diyos
Dapat ninyong malaman na kinokontra ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil sa inyong padalus-dalos na pagtrato sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong pagkontra sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na mapaghimagsik. Matapos masumpungan ang kanilang paniniwala sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko na sumusukat sa mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, na nagkokomento at nagsasalita nang wala sa lugar; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katinuan sa kanila. Hindi ba’t darating ang araw na itataboy ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay pinipintasan ang Kanyang gawain, at sinusubukan ding turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paano makikilala ng gayong mga taong wala sa katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang naghahanap at nagdaranas; hindi nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pamimintas ayon sa gusto niya. Kapag mas tumpak ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila Siya kinokontra. Sa kabilang dako, kapag mas kakaunti ang alam ng tao tungkol sa Diyos, mas malamang na kontrahin nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong likas na pagkatao, at ang iyong pagkatao, ugali at moral na pananaw ang puhunan na ipinanlalaban mo sa Diyos, at habang mas tiwali ang iyong moralidad, kasuklam-suklam ang iyong mga katangian, at mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may mapagmagaling na disposisyon ay mas lalo pang kinapopootan ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ang mga anticristo. Kung hindi naitama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang malalayo sa Kanya.
Kapag isinantabi mo ang iyong mga lumang kuru-kuro, saka ka lamang magkakamit ng bagong kaalaman, subalit ang lumang kaalaman ay hindi kinakailangang maging katumbas ng mga lumang kuru-kuro. Ang “mga kuru-kuro” ay tumutukoy sa mga bagay na nawari ng tao na taliwas sa realidad. Kung ang lumang kaalaman ay wala na sa uso sa lumang kapanahunan at pinigilan ang tao sa pagpasok sa bagong gawain, ang gayong kaalaman ay isa ring kuru-kuro. Kung nagagawang unawain nang tama ng tao ang gayong kaalaman at maaaring makilala ang Diyos mula sa ilang iba’t ibang aspeto, na pinagsasama ang luma at ang bago, ang lumang kaalaman ay nagiging isang tulong sa tao, at nagiging batayan ng pagpasok ng tao sa bagong kapanahunan. … naniniwala ang tao sa sarili niyang Diyos na nabuo sa kanyang isipan, at hindi hinahanap ang makatotohanang Diyos. Kung ang isang tao ay may isang uri ng paniniwala, sa isandaang tao ay may isandaang uri ng paniniwala. Ang tao ay nagtataglay ng gayong mga paniniwala dahil hindi pa niya nakita ang praktikal na gawain ng Diyos, dahil narinig lamang ito ng kanyang mga tainga at hindi nakita ng kanyang mga mata. Nakarinig na ang tao ng mga alamat at kuwento—ngunit bihira siyang makarinig ng kaalaman tungkol sa mga katunayan ng gawain ng Diyos. Sa gayon ang mga taong naging mga mananampalataya sa loob lamang ng isang taon ay naniniwala sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kuru-kuro. Gayon din sa mga naniwala sa Diyos nang buong buhay nila. Yaong mga hindi nakakakita sa mga katunayan ay hindi makakatakas kailanman mula sa isang pananampalataya kung saan mayroon silang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Naniniwala ang tao na napalaya na niya ang kanyang sarili mula sa pagkabihag ng kanyang mga lumang kuru-kuro, at nakapasok na sa bagong teritoryo. Hindi ba alam ng tao na ang kaalaman ng mga hindi makakita sa tunay na mukha ng Diyos ay walang-iba kundi mga kuru-kuro at sabi-sabi? Iniisip ng tao na ang kanyang mga kuru-kuro ay tama at walang mali, at iniisip niya na ang mga kuru-kuro na ito ay nagmumula sa Diyos. Ngayon, kapag nasasaksihan ng tao ang gawain ng Diyos, malaya niyang ginagamit ang mga kuru-kuro na nabuo sa maraming taong nagdaan. Ang mga imahinasyon at ideya ng nakaraan ay naging hadlang sa gawain ng yugtong ito, at naging mahirap para sa tao na bitawan ang gayong mga kuru-kuro at pabulaanan ang gayong mga ideya. Ang mga kuru-kuro tungo sa paisa-isang hakbang ng gawaing ito ng marami sa mga nakasunod sa Diyos hanggang ngayon ay mas lalo pang tumindi, at ang mga taong ito ay unti-unting nakabuo ng matigas na pagkapoot sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang pinagmulan ng kapootang ito ay nasa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay naging kaaway ng gawain ng ngayon, gawaing taliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Nangyari ito dahil mismo sa mga katunayang hindi nagtulot sa tao na bigyang-laya ang kanyang imahinasyon, at, bukod pa riyan, hindi ito madaling pabulaanan ng tao, at ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay hindi isinaalang-alang ang pag-iral ng mga katunayan, at, bukod pa riyan, dahil hindi iniisip ng tao ang pagiging tama at pagiging totoo ng mga katunayan, at desidido lamang siyang bigyang-laya ang kanyang mga kuru-kuro at gamitin ang kanyang sariling imahinasyon. Masasabi lamang na kagagawan ito ng mga kuru-kuro ng tao, at hindi masasabing kagagawan ng gawain ng Diyos. Maaaring wariin ng tao ang anumang nais niya, ngunit hindi niya maaaring tutulan ang anumang yugto ng gawain ng Diyos o anumang bahagi nito; ang katunayan ng gawain ng Diyos ay hindi masisira ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos
Kung ginagamit ninyo ang mga sarili ninyong kuru-kuro upang sukatin at limitahan ang Diyos, na parang ang Diyos ay isang di-nababagong estatuwa na gawa sa luwad, at kung ganap na nililimitahan ninyo ang Diyos sa loob ng Bibliya at inilalagay Siya sa isang limitadong saklaw ng gawain, ito ay nagpapatunay na hinatulan na ninyo ang Diyos. Dahil, sa kanilang mga puso, itinuring ng mga Hudyo sa kapanahunan ng Lumang Tipan ang Diyos bilang isang idolo na hindi nagbabago ang anyo, na para bang ang Diyos ay matatawag lamang na Mesiyas, at tanging Siya lamang na tinawag na Mesiyas ang Diyos, at dahil pinaglingkuran at sinamba ng sangkatauhan ang Diyos na para bang Siya ay isang (walang-buhay na) estatuwang gawa sa luwad, ipinako nila ang Jesus ng panahong iyon sa krus, hinahatulan Siya ng kamatayan—ang walang-kasalanang Jesus ay sa gayon hinatulan ng kamatayan. Walang nagawang krimen ang Diyos, ngunit tumanggi ang tao na patawarin Siya, at nagpumilit na hatulan Siya ng kamatayan, at sa gayon, ipinako si Jesus sa krus. Laging naniniwala ang tao na di-nagbabago ang Diyos, at binibigyang-kahulugan Siya base lamang sa iisang aklat, ang Bibliya, na tila ba may perpektong pagkaunawa ang tao sa pamamahala ng Diyos, na tila ba ang lahat ng mga ginagawa ng Diyos ay nasa mga kamay na ng tao. Ang mga tao ay talaga namang katawa-tawa, sukdulan ang pagmamataas, at lahat sila ay mahilig sa eksaherasyon. Gaano man kadakila ang kaalaman mo sa Diyos, sinasabi Ko pa rin na hindi mo kilala ang Diyos, na ikaw ay isa na pinakatumututol sa Diyos, at na hinatulan mo ang Diyos, dahil lubos kang walang kakayahang magpasakop sa gawain ng Diyos at lumalakad sa landas ng paggawang perpekto ng Diyos. Bakit hindi kailanman nasisiyahan ang Diyos sa mga pagkilos ng tao? Sapagka’t hindi kilala ng tao ang Diyos, sapagka’t napakarami niyang kuru-kuro, at sapagka’t ang kanyang kaalaman sa Diyos ay hindi sumasang-ayon sa anumang paraan sa realidad, ngunit sa halip ay inuulit-ulit lang ang parehong tema nang walang pagbabago at ginagamit ang parehong paraan sa bawat sitwasyon. Kaya, yamang naparito sa lupa ngayon, ang Diyos ay minsan pang ipinako ng tao sa krus.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan
Nang nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito upang gumawa kasama ng mga tao, ang lahat ay napagmasdan Siya at napakinggan ang Kanyang mga salita, at nakita ng lahat ang mga gawa na ginagawa ng Diyos mula sa Kanyang katawang-tao. Sa sandaling iyon, ang lahat ng kuru-kuro ng tao ay naging mga bula. At para sa mga nakakita na sa pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi sila hahatulan kung kusang-loob silang magpapasakop sa Kanya, samantalang ang mga sadyang naninindigan laban sa Kanya ay ituturing na kalaban ng Diyos. Ang mga taong ito ay mga anticristo, mga kaaway na sadyang naninindigan laban sa Diyos. Ang mga nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos ngunit nakahanda pa rin at nagnanais na magpasakop sa Kanya ay hindi mahahatulan. Hinahatulan ng Diyos ang tao batay sa kanyang mga layunin at mga kilos, hindi kailanman sa kanyang mga kaisipan at ideya. Kung hahatulan ng Diyos ang tao batay sa kanyang mga kaisipan at mga ideya, wala ni isang tao ang makatatakas mula sa puno ng galit na mga kamay ng Diyos. Ang mga sadyang naninindigan laban sa Diyos na nagkatawang-tao ay parurusahan dahil sa kanilang kawalan ng pagpapasakop. Tungkol sa mga taong ito na sadyang naninindigan laban sa Diyos, ang kanilang pagsalungat ay nagmumula sa katunayan na nagkikimkim sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, na umaakay sa kanila sa mga pagkilos na nakakagulo sa gawain ng Diyos. Ang mga taong ito ay sadyang lumalaban at sumisira sa gawain ng Diyos. Hindi lamang sila nagtataglay ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, nakikibahagi rin sila sa mga aktibidad na nakakagulo sa Kanyang gawain, at dahil dito ang ganitong klase ng mga tao ay mahahatulan. Ang mga hindi sadyang gumugulo sa gawain ng Diyos ay hindi huhusgahan bilang mga makasalanan, sapagkat nagagawa nilang magpasakop nang maluwag sa kanilang kalooban at hindi sila nakikibahagi sa mga aktibidad na nagdudulot ng paggambala at kaguluhan. Ang mga taong gaya nito ay hindi parurusahan. Gayunpaman, kapag naranasan na ng mga tao ang gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon, kung patuloy silang nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at nananatili pa ring hindi nakaaalam sa mga gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, at kung, gaano man karaming taon na nilang nararanasan ang Kanyang gawain, patuloy pa rin silang puno ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at hindi pa rin nila Siya kayang makilala, kahit pa hindi sila nakikibahagi sa nakakagulong mga akitibidad, ang kanilang mga puso ay puno pa rin ng maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos, at kapag ang mga kuru-kurong ito ay hindi napansin, ang mga taong ito ay walang maitutulong sa gawain ng Diyos. Hindi nila kayang ipalaganap ang ebanghelyo para sa Diyos o tumayong saksi Niya. Ang mga taong gaya nito ay mga walang silbi at mga hangal. Dahil hindi nila nakikilala ang Diyos at higit pa rito ay ganap na walang kakayahang iwaksi ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, sila ay hinuhusgahan. Maaari itong sabihin nang ganito: Normal sa mga baguhan sa pananampalataya ang magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos o ang kawalan ng kaalaman sa Kanya, ngunit para sa taong naniniwala na sa Diyos nang maraming taon at may sapat na karanasan sa gawain ng Diyos, hindi na normal para sa mga taong ito na ipagpatuloy ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro, at mas lalong hindi normal para sa taong gaya nito ang kawalan ng kaalaman sa Diyos. Ito ay sapagkat hindi isang normal na kalagayan ang sila ay mahusgahan. Ang lahat ng mga hindi normal na taong ito ay basura. Sila ang mga pinakasumasalungat sa Diyos at mga nagpakasaya sa biyaya ng Diyos nang para sa wala. Lahat ng ganitong mga tao ay ititiwalag sa huli!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos
Dahil sa mga kuru-kuro ng mga tao, madalas silang nagkakamali ng pagkaunawa sa Diyos at madalas silang lumilikha ng iba’t ibang uri ng kahilingan at paghusga tungkol sa Diyos at nagkakaroon ng iba’t ibang uri ng batayan para sukatin ang Diyos; dahil sa mga ito, madalas na gumagamit ang mga tao ng partikular na mga maling kaisipan at pananaw para sukatin kung tama o mali ang mga bagay-bagay, kung mabuti o masama ang isang tao, at para sukatin kung tapat sa Diyos at may pananampalataya sa Diyos ang isang tao. Ano ang ugat ng mga pagkakamaling ito? Ang ugat nito ay ang mga kuru-kuro ng mga tao. Maaaring walang epekto ang mga kuru-kuro ng tao sa kung ano ang kinakain nila o kung paano sila natutulog, at maaaring hindi makaapekto ang mga ito sa normal nilang pamumuhay, ngunit umiiral ang mga ito sa isip ng mga tao at sa kanilang mga saloobin, nakakapit ang mga ito sa mga tao tulad ng isang anino, sumusunod sa kanila sa lahat ng oras. Kung hindi mo agad na malulutas ang mga ito, palaging kokontrolin ng mga ito ang iyong pag-iisip, paghusga, pag-uugali, kaalaman sa Diyos, at ang relasyon mo sa Diyos. Malinaw mo na ba itong nakikita ngayon? Ang mga kuru-kuro ay isang pangunahing problema. Ang mga taong mayroong kuru-kuro tungkol sa Diyos ay tulad ng pagkakaroon ng isang pader na nakatayo sa pagitan nila at ng Diyos, isang hadlang para makita nila ang totoong mukha ng Diyos, na pumipigil sa kanila na makita ang totoong disposisyon at tunay na diwa ng Diyos. Bakit ganito? Dahil namumuhay ang mga tao na kasama ang kanilang mga kuru-kuro, at kasama ang kanilang mga imahinasyon, at ginagamit nila ang kanilang mga kuru-kuro upang matukoy kung ang Diyos ay tama o mali, at upang sukatin, husgahan, at kondenahin ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Anong uri ng kalagayan ang madalas na pagsasadlakan ng mga tao dahil sa paggawa nito? Maaari ba talagang magpasakop ang mga tao sa Diyos kapag nabubuhay silang kasama ang kanilang mga kuru-kuro? Maaari ba silang magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos? (Hindi maaari.) Kahit na nagpapasakop nang kaunti ang mga tao sa Diyos, ginagawa nila ito nang ayon sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Kapag umaasa ang isang tao sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon, nabahiran na ito ng mga personal na bagay na kay Satanas at sa mundo, at ito ay salungat sa katotohanan. Ang problema tungkol sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos ay seryoso; isa itong pangunahing isyu sa pagitan ng tao at ng Diyos na kailangang malutas kaagad. Lahat ng pumupunta sa harapan ng Diyos ay nagdadala ng mga kuru-kuro, nagdadala sila ng lahat ng uri ng mga hinala tungkol sa Diyos. O, masasabi ring nagdadala sila ng napakaraming maling pagkaunawa tungkol sa Diyos sa kabila ng lahat ng ipinagkaloob sa kanila ng Diyos, sa kabila ng Kanyang mga pagsasaayos at pamamatnugot. At ano ang mangyayari sa kanilang relasyon sa Diyos? Patuloy na mali ang pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, patuloy silang naghihinala sa Diyos, at patuloy nilang ginagamit ang sarili nilang mga pamantayan upang masukat kung ang Diyos ay tama o mali, upang masukat ang bawat salita at gawain Niya sa bawat pagkakataon. Anong uri ng pag-uugali ito? (Ito ay paghihimagsik at pagsuway.) Tama iyan, ito ay paghihimagsik, pagsuway, at pagkondena ng mga tao sa Diyos, at panghuhusga ito ng mga tao sa Diyos, paglapastangan sa Diyos, at pakikipagkompitensiya sa Kanya, at sa malalalang kaso, gusto ng mga taong isakdal ang Diyos sa korte at makipagduwelo sa Kanya. Ano ang pinakamalalang antas na kayang abutin ng mga kuru-kuro ng mga tao? Ito ay ang itatwa ang tunay na Diyos Mismo, itinatatwa na ang Kanyang mga salita ang katotohanan, at kinokondena ang gawain ng Diyos. Kapag umabot sa ganitong antas ang mga kuru-kuro ng mga tao, likas nilang itinatatwa ang Diyos, kinokondena ang Diyos, nilalapastangan ang Diyos at pinagtataksilan ang Diyos. Bukod sa itinatanggi nilang may Diyos, tumatanggi rin silang tanggapin ang katotohanan at sundin ang Diyos—hindi ba’t nakapangingilabot ito? (Oo.) Nakapangingilabot na problema ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 1
Iniisip ng ilang tao na ang pananampalataya sa Diyos ay dapat magdulot ng kapayapaan at kagalakan, at na kapag nahaharap sila sa mga sitwasyon, kailangan lang nilang magdasal sa Diyos at pakikinggan sila ng Diyos, bibigyan sila ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at titiyakin ng Diyos na magiging payapa at maayos ang lahat ng bagay para sa kanila. Ang layon nila sa pananampalataya sa Diyos ay ang maghangad ng biyaya, magtamo ng mga pagpapala, at magtamasa ng kapayapaan at kaligayahan. Dahil sa mga ganitong pananaw, tinatalikuran nila ang pamilya nila o nagbibitiw sila sa trabaho para gugulin ang sarili nila para sa Diyos at kaya nilang magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga. Naniniwala sila na basta’t handa silang talikuran ang mga bagay, gugulin ang sarili nila para sa Diyos, magtiis ng pagdurusa, at magsikap sa paggawa, habang nagpapakita ng kahanga-hangang pag-uugali, matatanggap nila ang mga pagpapala ng Diyos at magiging paborito sila ng Diyos, at anumang paghihirap ang kaharapin nila, basta’t nagdadasal sila sa Diyos, lulutasin Niya ang mga ito at magbubukas Siya ng landas para sa kanila sa lahat ng bagay. Ito ang pananaw na pinanghahawakan ng karamihan ng taong nananampalataya sa Diyos. Nadarama ng mga tao na makatwiran at tama ang ganitong pananaw. Ang abilidad ng maraming tao na mapanatili ang pananalig nila sa Diyos sa loob ng maraming taon nang hindi umaatras ay direktang konektado sa pananaw na ito. Iniisip nila, “Napakarami ko nang ginugol para sa Diyos, napakabuti ng naging pag-uugali ko, at wala akong ginawang anumang masamang gawa; tiyak na pagpapalain ako ng Diyos. Dahil nagdusa ako nang husto at nagbayad ng malaking halaga para sa bawat gampanin, ginagawa ang lahat nang ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos nang walang anumang nagagawang pagkakamali, dapat akong pagpalain ng Diyos; dapat Niyang tiyakin na magiging maayos ang lahat para sa akin, at na madalas akong magkaroon ng kapayapaan at kagalakan sa puso ko, at matamasa ko ang presensiya ng Diyos.” Hindi ba’t isa itong kuru-kuro at imahinasyon ng tao? Mula sa perspektiba ng tao, natatamasa ng mga tao ang biyaya ng Diyos at nakakatanggap sila ng mga pakinabang, kaya may katuturan naman na magdusa sila nang kaunti para dito, at sulit na ipagpalit ang pagdurusang ito para sa mga pagpapala ng Diyos. Isa itong mentalidad ng pakikipagkasundo sa Diyos. Gayumpaman, mula sa perspektiba ng katotohanan at sa perspektiba ng Diyos, hindi talaga ito tumutugon sa mga prinsipyo ng gawain ng Diyos ni sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Ito ay ganap na pangangarap nang gising, pawang isang kuru-kuro at imahinasyon ng tao tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Nakapaloob man dito ang pakikipagkasundo o paghingi ng mga bagay mula sa Diyos, o naglalaman man ito ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, wala sa mga ito ang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos, ni tumutugma sa mga prinsipyo at pamantayan ng Diyos para pagpalain ang mga tao. Sa partikular, ang transaksiyonal na kaisipan at pananaw na ito ay sumasalungat sa disposisyon ng Diyos, pero hindi ito napagtatanto ng mga tao. Kapag ang ginagawa ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, mabilis silang nagkakaroon sa puso nila ng mga reklamo at maling pagkaunawa tungkol sa Kanya. Nadarama pa nga nila na naagrabyado sila at nagsisimula silang mangatwiran sa Diyos, at maaari pa nga nilang husgahan at kondenahin ang Diyos. Anuman ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa na nabubuo ng mga tao, sa perspektiba ng Diyos, hindi Siya kailanman kumikilos o hindi Niya kailanman tinatrato ang sinuman ayon sa mga kuru-kuro o pagnanais ng tao. Laging ginagawa ng Diyos ang nais Niyang gawin, ayon sa sarili Niyang paraan at batay sa sarili Niyang disposisyong diwa. May mga prinsipyo ang Diyos sa kung paano Niya tinatrato ang bawat tao, at wala Siyang anumang ginagawa sa bawat tao na batay sa mga kuru-kuro, imahinasyon, o kagustuhan ng tao. Ito ang aspekto ng gawain ng Diyos na pinakataliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Kapag pinamamatnugutan ng Diyos ang isang kapaligiran para sa mga tao na ganap na taliwas sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, bumubuo sila sa puso nila ng mga kuru-kuro, panghuhusga, at pagkondena laban sa Diyos, at pwede pa nga nilang itatwa ang Diyos. Maaari bang tugunan ng Diyos ang mga pangangailangan nila? Hinding-hindi. Hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang Kanyang paraan ng paggawa at ang Kanyang mga pagnanais ayon sa mga kuru-kuro ng tao. Sino nga ba ang kailangang magbago kung gayon? Ang mga tao. Kailangang bitawan ng mga tao ang mga kuru-kuro nila, kailangan nilang tanggapin ang mga kapaligirang pinamatnugutan ng Diyos at magpasakop sa mga ito, danasin at pahalagahan ang mga kapaligirang iyon, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang sarili nilang mga kuru-kuro, sa halip na sukatin ang mga ginagawa ng Diyos ayon sa mga kuru-kuro nila para alamin kung tama ito. Kapag iginigiit ng mga tao na kumapit sa mga kuru-kuro nila, nagkakaroon sila ng paglaban sa Diyos—nangyayari ito nang natural. Saan nagmumula ang ugat ng paglaban? Ito ay nasa katunayang ang karaniwang taglay ng mga tao sa puso nila ay walang dudang ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila at hindi ang katotohanan. Samakatwid, kapag nahaharap sa gawain ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, maaaring labanan ng mga tao ang Diyos at husgahan Siya. Pinapatunayan nito na ang mga tao ay talagang walang pusong nagpapasakop sa Diyos, ang kanilang tiwaling disposisyon ay malayo pa sa pagiging malinis at sa esensiya ay namumuhay sila ayon sa kanilang tiwaling disposisyon. Napakalayo pa rin nila sa pagkamit ng kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 16
Ano pang mga kuru-kuro ang nasa loob ng puso ninyo na maaaring makaimpluwensiya sa paggampan sa inyong mga tungkulin? Anong mga kuru-kuro ang madalas na nag-iimpluwensiya at namumuno sa inyo sa inyong buhay? Kapag may mga bagay na nangyayari sa iyo na hindi mo gusto, kusang lumilitaw ang iyong mga kuru-kuro, at pagkatapos ay nagrereklamo ka sa Diyos, nakikipagtalo at nakikipagkumpitensiya ka sa Diyos, at nakapagdudulot ang mga ito ng mabilisang pagbabago sa iyong ugnayan sa Diyos: Nagsisimula ka sa kung ano ka sa simula, pakiramdam mo ay mahal na mahal mo ang Diyos at na masyado kang tapat sa Kanya, at gusto mong ilaan ang buong buhay mo para sa Kanya, hanggang sa biglang magbago ang puso mo, ayaw mo nang gampanan ang iyong tungkulin o maging tapat sa Diyos, at pinagsisisihan mo na ang iyong pagsampalataya sa Diyos, pinagsisisihan mo ang pagpili sa landas na ito, at nagrereklamo ka pa nga tungkol sa pagkakahirang sa iyo ng Diyos. Ano pang mga kuru-kuro ang biglaang nakapagpapabago sa iyong ugnayan sa Diyos? (Kapag nagsasaayos ng sitwasyon ang Diyos para subukin at ibunyag ako, at pakiramdam ko ay hindi ako magkakaroon ng magandang kalalabasan, nakakabuo ako ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Pakiramdam ko ay sumasampalataya ako sa Diyos at sumusunod ako sa Kanya, at na palagi kong nagagawa ang aking tungkulin, kaya hangga’t hindi ko tinatalikuran ang Diyos, hindi Niya ako dapat pabayaan.) Isang uri ng kuru-kuro iyan. Madalas ba kayong nagkakaroon ng gayong mga kuru-kuro? Ano ba ang pagkaunawa ninyo kapag sinabing pinabayaan ng Diyos? Iniisip ba ninyo na kung iiwan kayo ng Diyos, ibig sabihin niyon ay ayaw na sa inyo ng Diyos at hindi na Niya kayo ililigtas? Isang uri na naman ito ng kuru-kuro. Kaya, paano ba nagkakaroon ng gayong kuru-kuro? Galing ba ito sa iyong imahinasyon, o may batayan ba ito? Paano mo nasasabing hindi ka bibigyan ng Diyos ng magandang kalalabasan? Sinabi ba sa iyo ng Diyos nang personal? Ikaw lang ang nag-isip ng mga gayong kaisipan. Ngayong alam mo na na isa itong kuru-kuro; ang mahalagang katanungan ay kung paano ito lutasin. Ang totoo, maraming kuru-kuro ang mga tao tungkol sa pananalig sa Diyos. Kung mapagtatanto mong mayroon kang kuru-kuro, dapat alam mo na mali ito. Kaya, paano ba dapat lutasin ang mga kuru-kurong ito? Una, kailangan mong makita nang malinaw kung buhat ba sa kaalaman o sa mga satanikong pilosopiya ang mga kuru-kurong ito, kung saan may pagkakamali, kung saan may pinsala at, sa sandaling makita mo ito nang malinaw, kusa mong mabibitiwan ang kuru-kuro. Gayumpaman, hindi ito katulad ng kung lubusan mo itong lulutasin; dapat mo pa ring hanapin ang katotohanan, makita kung ano ang mga hinihingi ng Diyos at pagkatapos ay suriin ang kuru-kuro nang ayon sa mga salita ng Diyos. Kapag malinaw mo nang nakikilala na mali ang naturang kuru-kuro, na isa itong kahangalan, at na ganap itong hindi nakaayon sa katotohanan, ibig sabihin niyon ay talagang nalutas mo na ang kuru-kuro. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan, kung hindi mo ikukumpara ang kuru-kuro sa mga salita ng Diyos, hindi mo makikita nang malinaw kung paanong naging mali ang kuru-kuro, at kaya hindi mo lubusang mabibitiwan ang kuru-kuro; kahit pa alam mong isa itong kuru-kuro, hindi mo pa rin ito ganap na mabibitiwan. Sa gayong mga sitwasyon, kung sumasalungat ang iyong mga kuru-kuro sa mga hinihingi ng Diyos, at kahit pa mapagtanto mong mali ang mga kuru-kuro mo, pero kumakapit pa rin ang puso mo sa iyong mga kuru-kuro, at nakatitiyak ka na salungat sa katotohanan ang mga kuru-kuro mo, pero sa puso mo ay naniniwala ka pa ring mapaninindigan ang iyong mga kuru-kuro, kung gayon, hindi ka magiging isang taong nakakaunawa sa katotohanan, at ang mga tao na kagaya mo ay walang buhay pagpasok at masyadong kulang sa tayog. Halimbawa, sadyang sensitibo ang mga tao patungkol sa sarili nilang kalalabasan at hantungan, at sa mga pagbabago sa kanilang tungkulin at kapag pinapalitan sila sa kanilang tungkulin. Malimit na nagkakaroon ng maling konklusyon ang ilang tao tungkol sa gayong mga bagay, iniisip na sa sandaling mapalitan sila sa kanilang tungkulin at wala na silang katayuan, o kapag sinasabi ng Diyos na ayaw na Niya sa kanila, kung gayon ay katapusan na nila. Ito ang nagiging konklusyon nila. Naniniwala silang, “Wala nang kabuluhang sumampalataya sa Diyos, ayaw sa akin ng Diyos, at nakatakda na ang aking kalalabasan, kaya ano pa ang saysay na mabuhay?” Pagkarinig ng iba sa gayong mga kaisipan, iniisip nilang makatwiran at marangal ang mga ito—pero anong uri ba talaga ito ng pag-iisip? Ito ay paghihimagsik laban sa Diyos, at pagsuko sa kawalan ng pag-asa. Bakit sila nawawalan ng pag-asa? Ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, hindi nila malinaw na nakikita kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, at wala silang tunay na pananalig sa Diyos. Alam ba ng Diyos kapag sumusuko ang mga tao sa kawalan ng pag-asa? (Oo.) Alam ng Diyos, kaya naman paano Niya tinatrato ang gayong mga tao? Nagkakaroon ang mga tao ng isang uri ng kuru-kuro at sinasabing, “Nagbayad ang Diyos ng napakalaking halaga para sa tao, marami na Siyang ginawa sa bawat tao, at nagsikap Siya nang husto; hindi madali para sa Diyos na pumili at magligtas ng isang tao. Labis na masasaktan ang Diyos kung susuko ang isang tao sa kawalan ng pag-asa, at aasa Siya bawat araw na makakabangon ang taong iyon.” Ito ang mababaw na kahulugan, pero ang totoo, isa rin itong kuru-kuro ng tao. May partikular na saloobin ang Diyos sa gayong mga tao: Kung susuko ka sa kawalan ng pag-asa at hindi mo susubukang sumulong, hahayaan ka Niyang magpasya para sa sarili mo; hindi ka Niya pipiliting gawin ang anumang bagay na labag sa iyong kalooban. Kung sinasabi mong, “Nais ko pa ring gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, na gawin ang lahat ng aking makakaya na magsagawa gaya ng hinihingi ng Diyos, at tuparin ang mga layunin ng Diyos. Gagamitin ko ang lahat ng kaloob at talento ko, at kung wala akong kakayahang gawin ang anumang bagay, matututo akong magpasakop at maging masunurin; hindi ko tatalikuran ang aking tungkulin,” sasabihin ng Diyos, “Kung handa kang mamuhay sa ganitong paraan, magpatuloy ka sa pagsunod, pero dapat mong gawin ang hinihingi ng Diyos; ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos at ang Kanyang mga prinsipyo ay hindi nagbabago.” Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ibig sabihin ng mga ito ay ang mga tao lamang ang kayang sumuko sa kanilang sarili; hindi kailanman susukuan ng Diyos ang isang tao. Para sa sinumang nakakapagkamit ng kaligtasan at nakakakita sa Diyos sa huli, na nakabubuo ng normal na ugnayan sa Diyos, at kayang lumapit sa harap ng Diyos, hindi ito isang bagay na maaaring makamit matapos mabigo o mapungos sa isang pagkakataon lang, o matapos mahatulan at makastigo nang isang beses lang. Bago naperpekto si Pedro, dinalisay siya nang daan-daang beses. Sa mga natira matapos magtrabaho hanggang sa kahuli-hulihan, walang kahit isang makakarating sa dulo na nakaranas lamang ng walo o sampung beses na pagsubok at pagpipino. Kahit ilang beses pang masubok at mapino ang isang tao, hindi ba’t ito ang pagmamahal ng Diyos? (Oo.) Kapag namamasdan mo ang pagmamahal ng Diyos, mauunawaan mo na ang saloobin ng Diyos para sa tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 1
Maraming tao ang may mga kuru-kuro at opinyon tungkol sa pagkakapalayas sa mga Hudyo mula sa Judea, at hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, pero isa itong problema na napakadaling ayusin. Sasabihin Ko sa inyo ang isang simpleng paraan para gawin ito. Makinig kayo, at tingnan kung masosolusyunan nito ang mga paghihirap ninyong ito. Ang pinakasimpleng paraan, unang-una na ay ang malaman ng mga tao na sila ay mga nilikha, at na ganap na likas at may katwiran na magpasakop ang mga nilikha sa Lumikha sa kanila. Kung palaging may mga kuru-kuro ang mga nilikha patungkol sa kanilang Lumikha at hindi nila magawang magpasakop sa Kanya, kung gayon ay magiging napakalaking paghihimagsik niyon. Dapat maunawaan ng mga tao na may isang pangunahing prinsipyo sa pagtrato sa mga nilikha ang Lumikha, na siya ring pinakamataas na prinsipyo. Kung paano tratuhin ng Lumikha ang mga nilikha ay lubos na nababatay sa Kanyang plano ng pamamahala at sa Kanyang mga hinihingi sa gawain; hindi Niya kailangang sumangguni kaninuman, ni hindi Niya kailangang pasang-ayunin sa Kanya ang sinuman. Anuman ang dapat Niyang gawin at paano man Niya dapat tratuhin ang mga tao, ginagawa Niya, at, anuman ang Kanyang ginagawa o paano man Niya tinatrato ang mga tao, lahat ng ito ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at sa mga prinsipyo ng paggawa ng Lumikha. Bilang isang nilikha, ang tanging dapat gawin ay magpasakop sa Lumikha; hindi dapat gumawa ang isang tao ng sarili niyang pagpili. Ito ang katwirang dapat mayroon ang mga nilikha, at kung wala nito ang isang tao, hindi siya nararapat tawaging isang tao. Dapat maunawaan ng mga tao na ang Lumikha ay laging magiging ang Lumikha; nasa Kanya ang kapangyarihan at mga katangian upang mangasiwa at magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa sinumang nilikha ayon sa gusto Niya, at hindi kailangang magkaroon ng dahilan para gawin iyon. Ito ang Kanyang awtoridad. Wala ni isa man sa mga nilikha ang may karapatan o karapat-dapat humatol kung tama ba o mali ang ginagawa ng Lumikha, o kung paano Siya dapat kumilos. Walang nilikha ang may karapatang mamili kung tatanggapin ba niya ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha; at walang nilikha ang may karapatang masunod sa kung paano nagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos ang Lumikha sa kanyang kapalaran. Ito ang pinakamataas na katotohanan. Anuman ang nagawa na ng Lumikha sa Kanyang mga nilikha, at paano man Niya nagawa na iyon, isa lamang ang dapat gawin ng mga taong Kanyang nilikha: hanapin, magpasakop, alamin, at tanggapin ang lahat ng inilagay ng Lumikha. Ang magiging resulta sa huli ay na maisasakatuparan na ng Lumikha ang Kanyang plano ng pamamahala at matatapos na ang Kanyang gawain, na naging sanhi upang sumulong ang Kanyang plano ng pamamahala nang walang anumang mga sagabal; samantala, dahil natanggap na ng mga nilikha ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha, at nagpasakop na sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, matatamo na nila ang katotohanan, mauunawaan na ang mga layunin ng Lumikha, at malalaman na ang Kanyang disposisyon. May isa pang prinsipyo na kailangan Kong sabihin sa inyo: Anuman ang ginagawa ng Lumikha, anumang uri ng mga pagpapamalas ang ipinapakita Niya, at malaki man o maliit ang Kanyang ginagawa, Siya pa rin ang Lumikha; samantalang ang buong sangkatauhan, na Kanyang nilikha, anuman ang kanilang nagawa, at gaano man sila katalentado o katalino, ay nananatiling mga nilikha. Tungkol naman sa mga taong nilikha, gaano man karaming biyaya at gaano man karaming pagpapala ang natanggap nila mula sa Lumikha, o gaano man kalaking awa, mapagmahal na kabaitan, o kabutihan, hindi sila dapat maniwala na naiiba sila sa madla, o mag-isip na maaari silang makapantay sa Diyos at na mataas na ang kanilang katungkulan sa lahat ng nilalang. Ilang kaloob man ang naigawad sa iyo ng Diyos, o gaano kalaking biyaya ang naibigay Niya sa iyo, o gaano kabait ka man Niya natrato, o nabigyan ka man Niya ng ilang espesyal na talento, wala sa mga ito ang mga yaman mo. Ikaw ay isang nilikha, at sa gayon ay magiging isa kang nilikha magpakailanman. Huwag na huwag mong iisipin na, “Isa akong munting sinta sa mga kamay ng Diyos. Hinding-hindi ako aabandonahin ng Diyos, ang saloobin ng Diyos sa akin ay lagi nang magiging isang pagmamahal, pagmamalasakit at magigiliw na paghaplos, na may kasamang mga bulong ng aliw at payo.” Bagkus, sa mga mata ng Lumikha, katulad ka ng lahat ng iba pang nilikha; maaari kang gamitin ng Diyos kung gusto Niya, at mapangangasiwaan ka rin Niya kung gusto Niya, at maaari Niyang isaayos kung gusto Niya na gampanan mo ang anumang papel sa lahat ng uri ng tao, kaganapan, at bagay. Ito ang kaalamang dapat magkaroon ang mga tao, at ang katwirang dapat nilang taglayin. Kung mauunawaan at matatanggap ng tao ang mga salitang ito, magiging mas normal ang kaugnayan nila sa Diyos, at magtatatag sila ng napaka-makatwirang kaugnayan sa Kanya; kung mauunawaan at matatanggap ng tao ang mga salitang ito, ibabagay nila nang wasto ang kanilang katayuan, lalagay sa kanilang lugar doon, at paninindigan ang kanilang tungkulin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pag-unawa Lamang sa Katotohanan Malalaman ng Isang Tao ang mga Gawa ng Diyos
Kapag nagkakaroon ng mga maling pagkaunawa at kuru-kuro sa Diyos ang mga tao, dapat muna nilang kilalanin na ang Diyos ang katotohanan at na hindi taglay ng mga tao ang katotohanan, at na siguradong sila ang mali. Isa ba itong uri ng pormalidad? (Hindi.) Kung magkakaroon ka lang ng ganitong pagsasagawa bilang pormalidad, sa panlabas, malalaman mo ba ang mga kamalian mo? Hindi kailanman. Nangangailangan ng ilang hakbang para makilala mo ang iyong sarili. Una, dapat mong tukuyin kung ang mga aksyon mo ba ay naaayon sa katotohanan at sa mga prinsipyo. Huwag mo munang tingnan ang mga intensyon mo; may mga pagkakataong tama ang mga intensyon mo pero mali ang mga prinsipyong isinasagawa mo. Madalas bang nangyayari ang ganitong uri ng sitwasyon? (Oo.) Bakit Ko sinasabing mali ang mga prinsipyo ng pagsasagawa mo? Maaaring naghanap ka, subalit marahil ay wala kang anumang pagkaunawa sa kung ano ba ang mga prinsipyo; marahil ay hindi ka talaga naghanap, at ibinatay mo lamang ang mga aksyon mo sa mabubuting layunin at kasigasigan mo, at sa iyong mga imahinasyon at karanasan, at bilang resulta ay nagkamali ka. Maiisip mo ba ito? Hindi mo mahuhulaan na mangyayari ito, at nagkamali ka—at hindi ba’t nabunyag ka na kung gayon? Kung patuloy kang makikipaglaban sa Diyos pagkatapos mong mabunyag, nasaan ang mali rito? (Nasa hindi pagkilala na tama ang Diyos, at nasa pagpupumilit na tama ako.) Sa ganoong paraan ka nagkamali. Ang pinakamalaking pagkakamali mo ay hindi na may nagawa kang mali at nalabag mo ang mga prinsipyo, na nagdulot ng kawalan o iba pang mga kahihinatnan, kundi na may nagawa kang pagkakamali, pero ipinipilit mo pa rin ang pangangatwiran mo, kaya hindi mo maamin ang pagkakamali mo; sinasalungat mo pa rin ang Diyos batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo, tinatanggihan mo ang gawain Niya at ang mga katotohanang ipinahayag Niya—ito ang pinakamalaki at pinakamatinding pagkakamali mo. Bakit sinasabing ang ganoong kalagayan ng isang tao ay pagsalungat sa Diyos? (Dahil hindi niya kinikilala na mali ang ginagawa niya.) Kinikilala man o hindi ng mga tao na ang lahat ng ginagawa ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan ay tama, at kung ano ang kabuluhan ng mga iyon, kung hindi muna nila kayang kilalanin na sila mismo ang mali, ang kalagayan nila ay pagsalungat sa Diyos. Ano ang dapat gawin para maitama ang kalagayang ito? Una, dapat tanggihan ng isang tao ang sarili niya. Hindi masyadong praktikal para sa mga tao ang kasasabi lang natin tungkol sa pangangailangang hanapin muna ang mga layunin ng Diyos. Sinasabi ng ilan, “Kung hindi ito masyadong praktikal, ibig sabihin ba niyon ay hindi kinakailangan ang paghahanap? Hindi na kailangang hanapin pa ang ilang bagay na puwedeng hanapin at maunawaan—puwede ko nang laktawan ang hakbang na iyon.” Uubra ba ito? (Hindi.) Maliligtas pa ba ang taong kumikilos sa ganitong paraan? Medyo baluktot ang pagkaunawa ng ganitong mga tao. Medyo malayo ang paghahanap sa mga layunin ng Diyos at hindi ito kaagad makakamit; para mas mapabilis, mas makatotohanan na bitiwan muna ng tao ang kanyang sarili, nang alam niya na ang kanyang mga aksyon ay mali at hindi naaayon sa katotohanan, at pagkatapos ay hanapin niya ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ang mga hakbang. Maaaring tila simple lang ang mga ito, pero maraming mahirap sa pagsasagawa ng mga ito, dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, pati na rin lahat ng klase ng imahinasyon at hinihingi, at may mga pagnanais din sila, na nakakagulo lahat sa pagtanggi at pagbitaw ng mga tao sa kanilang mga sarili. Hindi madaling gawin ang mga ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 3
May kahulugan ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at madali man itong tanggapin para sa iyo, o mahirap para sa iyong tanggapin at malamang na magdudulot ng mga kuru-kuro sa iyo, ano’t anuman, hindi nagbabago ang pagkakakilanlan ng Diyos bilang resulta; patuloy Siyang magiging Lumikha, at palagi kang magiging isang nilikha. Kung magagawa mong hindi malimitahan ng anumang kuru-kuro, at mapanatili pa rin sa Diyos ang relasyon ng isang nilikha at ng Lumikha, kung gayon ay isa kang tunay na nilikha ng Diyos. Kung magagawa mong hindi maimpluwensiyahan o magulo ng anumang kuru-kuro, at may kakayahan ka na tunay na magpasakop sa Diyos mula sa kaibuturan ng iyong puso, at kung nagagawa mong isantabi ang mga kuru-kuro kahit na ang iyong pagkaunawa sa katotohanan ay malalim man o mababaw, at hindi mapigilan ng mga ito, naniniwala lang na ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, na ang Diyos ay magiging Diyos magpakailanman, at hindi gumagawa ng mga pagkakamali, kung gayon ay maaari kang maligtas. Sa katunayan, limitado ang tayog ng lahat. Gaano karaming bagay ang maaaring maisiksik sa isip ng mga tao? Kaya ba nilang maarok ang Diyos? Pangangarap lang iyon! Huwag kalimutan: Ang mga tao ay palaging magiging musmos sa harap ng Diyos. Kung iniisip mong matalino ka, kung palagi kang nagiging mautak, at sinusubukan mong alamin ang lahat ng bagay, iniisip mo, “Kung hindi ko ito kayang maunawaan, hindi ko maaaring kilalanin na Ikaw ang aking Diyos, hindi ko maaaring tanggapin na Ikaw ang aking Diyos, hindi ko maaaring kilalanin na Ikaw ang Lumikha. Kung hindi Mo lulutasin ang aking mga kuru-kuro, nangangarap Ka kung iniisip Mo na kikilalanin ko na Ikaw ang Diyos, na tatanggapin ko ang Iyong kataas-taasang kapangyarihan, at na magpapasakop ako sa Iyo,” kung gayon ay naging problematiko na ang mga bagay-bagay. Paano naging problematiko ang mga ito? Hindi nakikipagtalo sa iyo ang Diyos tungkol sa gayong mga bagay. Sa tao Siya ay laging magiging ang sumusunod: Kung hindi mo tatanggapin na ang Diyos ay iyong Diyos, Hindi Niya tatanggapin na isa ka sa Kanyang mga nilikha. Kapag hindi tinatanggap ng Diyos na isa ka sa Kanyang mga nilikha, isang pagbabago ang nangyayari sa iyong relasyon sa Diyos bilang resulta ng iyong saloobin sa Kanya. Kung hindi mo magawang magpasakop sa Diyos, at tanggapin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at ang lahat ng ginagawa ng Diyos, magkakaroon ng pagbabago sa iyong pagkakakilanlan. Isa ka pa rin bang nilikha? Hindi ka kinikilala ng Diyos; walang silbi na makipagtalo pa. At kung hindi ka isang nilikha, at hindi ka nais ng Diyos, may pag-asa ka pa rin ba sa kaligtasan? (Wala.) Bakit hindi ka tinuturing ng Diyos bilang isang nilikha? Hindi mo magawang gampanan ang mga responsibilidad at tungkulin na dapat gawin ng isang nilikha, at hindi mo tinatrato ang Lumikha mula sa posisyon ng isang nilikha. Kaya, paano ka tatratuhin ng Diyos? Paano Ka niya titingnan? Hindi ka titingnan ng Diyos bilang isang kalipikadong nilikha, kundi bilang isang imoral, isang diyablo at isang Satanas. Hindi ba inisip mong matalino ka? Paanong nagawa mo ang iyong sarili na maging isang diyablo at isang Satanas? Hindi ito matalino, kahangalan ito. Ano ang itinuturo ng mga salitang ito sa mga tao? Dapat silang manatili sa hanay sa harap ng Diyos. Kahit na may dahilan ka para sa iyong mga kuru-kuro, huwag mong isipin na nagtataglay ka ng katotohanan, at na mayroon kang kapital na magprotesta laban sa Diyos at limitahan Siya. Anuman ang gawin mo, huwag kang maging ganoon. Sa sandaling mawala ang pagkakakilanlan mo bilang isang nilikha, mawawasak ka—hindi ito biro. Ang pinakatumpak na sanhi nito ay dahil, kapag may mga kuru-kuro ang mga tao, gumagamit sila ng ibang diskarte, at gumagamit ng ibang solusyon, na ang kinalalabasan ay ganap na iba.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 16
Malulutas lamang ang mga kuru-kuro ng mga tao sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at sa paggamit ng katotohanan; hindi maisasantabi ang mga ito sa pamamagitan ng pangangaral ng doktrina at ng pagbibigay ng panghihikayat—hindi ito ganoon kadali. Walang paninindigan ang mga tao sa mga matuwid na bagay, pero madali silang kumapit sa iba’t ibang kuru-kuro o sa mga buktot, baluktot na bagay, na nahihirapan silang isantabi. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Malaki o maliit man ang mga kuru-kuro ng mga tao, malubha man o hindi, kung wala silang mga tiwaling disposisyon, madaling malulutas ang mga kuru-kurong ito. Sa huli, ang mga kuru-kuro ay isang paraan lamang ng pag-iisip. Pero dahil sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, gaya ng pagmamataas, pagiging mapagmatigas, at maging ang kabuktutan, nagiging mitsa ang mga kuru-kuro na nagsasanhi sa mga tao na makipagtunggali sa Diyos, magkamali ng interpretasyon sa Diyos, at husgahan pa nga ang Diyos. Sino ang patuloy na makakapagpasakop at makapupuri sa Diyos kapag nagkikimkim sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya? Wala. Sa pagkikimkim ng mga kuru-kuro, nakikipagtunggali lang ang mga tao sa Diyos, nagrereklamo sila tungkol sa Kanya, hinuhusgahan nila Siya, at kinokondena pa nga nila Siya. Sapat na ito para ipakita na lumilitaw ang mga kuru-kuro mula sa mga tiwaling disposisyon, ang paglitaw ng mga kuru-kuro ay ang pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at ang lahat ng tiwaling disposisyon na nabubunyag ay naghihimagsik at lumalaban sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, “May mga kuru-kuro ako, pero hindi ako lumalaban sa Diyos.” Mapanlinlang ito. Kahit wala silang sabihin, sa puso nila, nakikipagtunggalian pa rin sila, at mapagtunggali ang kanilang pag-uugali. Maaari pa rin bang magpasakop sa katotohanan ang gayong mga tao kapag ganito sila? Imposible ito. Pinamumunuan ng isang tiwaling disposisyon, kumakapit sila sa kanilang mga kuru-kuro—dulot ito ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya, habang nalulutas ang mga kuru-kuro, nalulutas din ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kung nalutas na ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, marami sa mga kaisipan nilang isip-bata, at maging ang mga bagay na naging kuru-kuro na, ay hindi na isyu para sa kanila; mga kaisipan na lamang ang mga ito, at hindi na nakakaapekto sa paggampan mo ng iyong tungkulin, o sa pagpapasakop mo sa Diyos. Magkakaugnay ang mga kuru-kuro at tiwaling disposisyon. Minsan, ang isang kuru-kuro ay nasa puso mo, pero hindi nito pinangungunahan ang mga kilos mo. Kapag hindi ito nakakaapekto sa iyong mga agarang interes, binabalewala mo ito. Gayumpaman, ang pagbalewala rito ay hindi nangangahulugang walang tiwaling disposisyon sa iyong kuru-kuro, at kapag may nangyaring salungat sa iyong kuru-kuro, kumakapit ka rito nang may isang partikular na saloobin, isang saloobing pinangingibabawan ng iyong disposisyon. Maaaring pagiging mapagmatigas ang disposisyong ito, maaaring kayabangan ito, at maaaring kalupitan ito; nagsasanhing magpadalos-dalos ka sa pagsasalita sa Diyos, sinasabing, “Ilang beses nang napatunayan sa akademya ang aking mga pananaw. Pinanghawakan na ito ng mga tao sa loob ng libo-libong taon, kaya bakit ako hindi puwede? Ang mga bagay na sinasabi Mo na salungat sa mga kuru-kuro ng tao ay mali, kaya paanong nasasabi Mo pa rin na katotohanan ang mga ito, na nakahihigit ang mga ito sa lahat? Ang perspektiba ko ang siyang pinakamataas sa buong sangkatauhan!” Ang isang kuru-kuro ay maaaring mauwi sa pagkilos mo nang ganito, at sa gayong pagmamayabang. Ano ang nagsasanhi nito? (Ang mga tiwaling disposisyon.) Tama iyan, dulot ito ng mga tiwaling disposisyon. May direktang ugnayan sa pagitan ng mga kuru-kuro at ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at dapat malutas ang kanilang mga kuru-kuro. Kapag nagawan na ng paraan ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa pananalig sa Diyos, nagiging madali na para sa kanila na magpasakop sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, kaya mas maayos na nilang nagagampanan ang kanilang tungkulin, hindi na sila dumadaan sa mga pasikot-sikot na landas, hindi na sila nanggagambala o nanggugulo, at hindi na sila gumagawa ng anumang bagay na nagdudulot ng kahihiyan sa Diyos. Kapag hindi nagawan ng paraan ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, nagiging madali para sa kanila na gumawa ng mga bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan. Sa mas malulubhang kaso, ang mga kuru-kuro ng mga tao ay maaaring magbunga ng iba’t ibang salungatan sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Pagdating sa mga kuru-kuro, siguradong maling pananaw ang mga ito na salungat sa katotohanan, ganap na kontra sa katotohanan, at maaaring magsanhi ang mga ito na umusbong ang iba’t ibang uri ng mapagtunggaling damdamin tungkol sa Diyos. Nagiging dahilan ang tunggaliang ito para kuwestiyunin mo si Cristo at para hindi mo magawang tanggapin Siya o na magpasakop ka sa Kanya, habang naaapektuhan din nito ang pagtanggap mo sa katotohanan at ang pagpasok mo sa katotohanang realidad. Sa mas malulubha pang kaso, ang iba’t ibang kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos ay sanhi upang itatwa nila ang gawain ng Diyos, ang mga paraan ng paggawa ng Diyos, at ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos—at kung magkagayon ay wala silang anumang pag-asang maligtas. Sa alinmang aspekto ng Diyos may mga kuru-kuro ang mga tao, sa likod ng mga kuru-kurong ito ay nagtatago ang mga tiwali nilang disposisyon, na maaaring magpalala sa mga tiwaling disposisyon na ito, na nagbibigay sa mga tao ng mas marami pang dahilan para harapin ang gawain ng Diyos, ang Diyos Mismo, at ang disposisyon ng Diyos gamit ang kanilang sariling mga tiwaling disposisyon. At hindi ba’t hinihimok sila nito na labanan ang Diyos gamit ang kanilang mga tiwaling disposisyon? Ito ang bunga sa tao ng mga kuru-kuro.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 1
Kapag lumilitaw ang mga kuru-kuro, ano man ang kuru-kuro, pagnilayan at suriin mo muna sa puso mo kung tama ba ang pag-iisip na ito. Kung malinaw mong nararamdaman na ang pag-iisip na ito ay hindi tama at baluktot, at na nilalapastangan nito ang Diyos, agad kang magdasal, hilingin sa Diyos na liwanagan at gabayan ka para makilala mo ang diwa ng problema, at pagkatapos, talakayin mo sa isang pagtitipon ang pagkaunawa mo. Habang nagtatamo ka ng pagkaunawa at karanasan, pagtuunan mo ang paglutas sa mga kuru-kuro mo. Kung hindi nagkakamit ng malilinaw na resulta ang pagsasagawa sa ganitong paraan, dapat kang makipagbahaginan tungkol sa aspektong ito ng katotohanan kasama ang isang taong nakakaunawa sa katotohanan, magsikap na humingi ng tulong mula sa iba at ng mga solusyon mula sa mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at ng mga karanasan mo, unti-unti mong mapapatunayan na tama ang mga salita ng Diyos, at makakamit mo ang malalaking resulta sa isyu ng paglutas sa mga kuru-kuro mo. Sa pamamagitan ng pagtanggap at pagdanas ng mga gayong salita at gawain ng Diyos, sa wakas ay mauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos at magkakaroon ka ng kaunting kaalaman sa disposisyon ng Diyos, na magbibigay sa iyo ng kakayahang bitawan at lutasin ang mga kuru-kuro mo. Hindi ka na magkakamali ng pagkaunawa o magiging mapagbantay laban sa Diyos, ni gagawa ng mga kahilingan na walang katwiran. Ito ay para sa mga kuru-kurong madaling lutasin. Pero may isa pang uri ng kuru-kurong mahirap maunawaan at lutasin para sa mga tao. Para sa mga kuru-kurong mahirap lutasin, may isang prinsipyong dapat mong itaguyod: Huwag ilabas o ipakalat ang mga ito, dahil walang mabuting naidudulot sa ibang tao ang paglalabas ng mga gayong kuru-kuro; isa itong katunayan ng paglaban sa Diyos. Kung nauunawaan mo ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagpapakalat ng mga kuru-kuro, dapat ikaw mismo ang magsukat dito nang malinaw at umiwas ka sa padalos-dalos na pagsasalita. Kung sasabihin mo, “Mahirap sa damdamin na pigilan ang mga salita ko sa loob ng iglesia; pakiramdam ko ay sasabog ako,” dapat mo pa ring isaalang-alang kung ang pagpapakalat ng mga kuru-kurong ito ay tunay na kapaki-pakinabang sa hinirang na mga tao ng Diyos. Kung hindi ito kapaki-pakinabang at pwedeng magdulot sa iba na magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, o lumaban at husgahan pa ang Diyos, hindi ba’t pinipinsala mo ang hinirang na mga tao ng Diyos? Pinipinsala mo ang mga tao; wala itong ipinagkaiba sa pagkakalat ng sakit. Kung talagang may katwiran ka, mas pipiliin mong tiisin ang sakit nang mag-isa kaysa ipakalat ang mga kuru-kuro at makapinsala sa iba. Gayumpaman, kung talagang nahihirapan kang kimkimin ang mga salita mo, dapat kang magdasal sa Diyos. Kung malulutas ang problema, hindi ba’t mabuti iyon? Kung magdadasal ka sa Diyos pero patuloy mo pa ring hinuhusgahan ang Diyos at mali pa rin ang pagkaunawa mo sa Diyos dahil sa mga kuru-kuro mo, binibigyan mo lang ng problema ang sarili mo. Dapat kang magdasal sa Diyos nang ganito: “Diyos ko, may mga ganito akong iniisip, at gusto ko itong bitawan, pero hindi ko magawa. Pakiusap, disiplinahin Mo ako, ibunyag Mo ako gamit ang iba’t ibang kapaligiran, at hayaan Mong makita ko na mali ang mga kuru-kuro ko. Paano Mo man ako disiplinahin, handa akong tanggapin ito.” Tama ang ganitong mentalidad. Pagkatapos magdasal sa Diyos nang may ganitong mentalidad, hindi ba’t mararamdaman mo na hindi na gaanong masikip ang kalooban mo? Kung patuloy kang magdadasal at maghahanap, tumatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw mula sa Diyos, mauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos, at magliliwanag ang puso mo, at hindi na maninikip ang kalooban mo. Hindi ba’t malulutas na ang problema kung magkagayon? Maglalaho ang karamihan ng kuru-kuro, paglaban, at paghihimagsik mo laban sa Diyos; sa pinakamababa, hindi mo mararamdaman ang pangangailangang ilabas ang mga ito. Kung hindi pa rin iyon gumana at hindi ganap na nalulutas ang problema, maghanap ka ng isang tao na may karanasan para tulungan kang lutasin ang mga kuru-kuro mo. Hilingin sa kanila na maghanap ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa paglutas sa mga kuru-kurong mayroon ka, at basahin mo ang mga ito nang dose-dosena o daan-daang beses; marahil ay ganap na malulutas ang mga kuru-kuro mo. Pwedeng sabihin ng ilang tao, “Kung ipapahayag ko ang sarili ko sa isang pagtitipon kasama ang mga kapatid, magiging pagpapakalat iyon ng mga kuru-kuro, kaya hindi ko iyon pwedeng gawin. Pero masakit sa dibdib na kimkimin ang mga ito. Pwede ko bang sabihin ang mga ito sa aking pamilya?” Kung ang mga kapamilya mo ay mga kapatid din sa pananalig, ang pagpapahayag ng mga kuru-kurong ito sa kanila ay makakagulo rin sa kanila. Angkop ba ito? (Hindi.) Kung ang sasabihin mo ay magkakaroon ng masamang epekto sa iba, makakapinsala at makakalihis sa kanila, hinding-hindi mo dapat sabihin ito. Sa halip, magdasal ka sa Diyos para malutas ang isyu. Kung ikaw ay magdadasal at kakain at iinom ng mga salita ng Diyos nang may taimtim na puso, isang pusong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, maaaring malutas ang mga kuru-kuro mo. Nilalaman ng mga salita ng Diyos ang komprehensibong katotohanan; kayang lutasin ng mga ito ang anumang problema. Nakasalalay lang ito kung kaya mong tanggapin ang katotohanan at kung handa kang isagawa ang mga salita ng Diyos, at kung kaya mong bitawan ang sarili mong mga kuru-kuro. Kung naniniwala kang laman ng mga salita ng Diyos ang komprehensibong katotohanan, dapat kang magdasal sa Diyos at dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema kapag lumilitaw ang mga ito. Kung pagkatapos magdasal sa loob ng ilang panahon ay hindi ka pa rin nakakaramdam ng kaliwanagan mula sa Diyos at wala ka pa ring natatanggap na malinaw na mga salita mula sa Diyos sa kung ano ang gagawin, pero hindi mo namamalayan na ang mga kuru-kuro mo ay hindi na nakakaapekto sa kalooban mo, hindi na ginugulo ang buhay mo, unti-unti nang naglalaho, hindi na nakakaapekto sa normal mong ugnayan sa Diyos, at siyempre ay hindi na nakakaapekto sa paggampan mo ng tungkulin, hindi ba’t talagang nalutas na ang kuru-kurong ito kung gayon? (Oo.) Ito ang landas ng pagsasagawa.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 16
Mayroon ba kayong mga prinsipyo sa kung paano magsasagawa patungkol sa mga kuru-kuro? … Kapag naunawaan na ninyo ang katotohanan at naarok na ninyo ang mga prinsipyo, natural na malulutas ang mga kuru-kuro ninyo. Huwag ninyong hayaang hadlangan o patumbahin kayo ng mga kuru-kuro; lutasin ang mga kuru-kurong maaaring lutasin sa abot ng makakaya ninyo, at para sa mga pansamantalang hindi pa malutas, huwag nang hayaang makaapekto sa inyo ang mga ito. Hindi ka dapat mapigilan ng mga ito sa paggawa ng tungkulin mo, ni makaapekto ang mga ito sa ugnayan mo sa Diyos. Ang pinakahinihingi sa iyo ay huwag magpakalat ng mga kuru-kuro kahit papaano, huwag gumawa ng kasamaan, huwag magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, at huwag kumilos bilang lingkod ni Satanas o bilang kasangkapan ni Satanas. Kung sa kabila ng mga pagsisikap mo, ang ilang kuru-kuro ay maaari lang lutasin nang paimbabaw at hindi lubusang malulutas, huwag mo na lang pansinin ang mga iyon. Huwag hayaan ang mga kuru-kuro na makaapekto sa paghahangad mo sa katotohanan o sa buhay pagpasok mo. Maging bihasa ka sa mga prinsipyong ito, at sa ilalim ng normal na sitwasyon, magiging protektado ka. Kung isa kang tao na tumatanggap sa katotohanan, nagmamahal sa mga positibong bagay, hindi masamang tao, ayaw magdulot ng mga pagkagambala at panggugulo, at hindi nananadyang magdulot ng mga pagkagambala at panggugulo, kapag karaniwan kang nahaharap sa anumang bagay na nagdudulot ng paglitaw ng mga kuru-kuro, sa pangkalahatan ay mapoprotektahan ka. Ang pinakabatayang prinsipyo ng pagsasagawa ay ito: Kung lumitaw ang isang kuru-kurong mahirap lutasin, huwag magmadaling kumilos ayon sa kuru-kurong iyon. Una, maghintay at hanapin ang katotohanan para lutasin ito, manampalataya na imposibleng mali ang ginagawa ng Diyos. Tandaan ang prinsipyong ito. Dagdag pa, huwag isantabi ang tungkulin mo o hayaan ang mga kuru-kuro na makaapekto sa paggampan mo ng tungkulin. Kung may mga kuru-kuro ka at iniisip mo, “Iraraos ko na lang ang tungkuling ito; masama ang lagay ng loob ko ngayon, kaya hindi ako gagawa nang maayos para sa iyo!” hindi ito tama. Kapag naging negatibo at pabasta-basta ang saloobin mo, nagiging problema ito; ito ang panggugulo ng naturang kuru-kuro sa loob mo. Kapag nanggugulo ang mga kuru-kuro sa loob mo at nakakaapekto sa paggampan mo ng tungkulin, ibig sabihin niyon na sa puntong ito, nagkaroon na ng aktuwal na pagbabago ang ugnayan mo sa Diyos. Ang ilang kuru-kuro ay pwedeng makaapekto sa paggampan mo ng tungkulin, na isang malubhang problema, at dapat na malutas agad ang mga ito. Ang ibang kuru-kuro ay hindi nakakaapekto sa paggampan mo ng tungkulin o sa ugnayan mo sa Diyos, kaya hindi malalaking isyu ang mga ito. Kung ang mga kuru-kurong nabubuo mo ay maaaring makaapekto sa paggampan mo ng tungkulin, na nagdudulot na pagdudahan mo ang Diyos, na huwag kang magsipag sa paggawa ng tungkulin mo, at maramdaman pa nga na walang mga kahihinatnan ang hindi paggawa ng tungkulin mo, at wala kang anumang pangamba o may-takot-sa-Diyos na puso, mapanganib ito. Nangangahulugan ito na mahuhulog ka sa tukso, at maloloko at mabibihag ka ni Satanas. Ang saloobin mo sa mga kuru-kuro mo at ang mga pinipili mo ay napakahalaga; malutas man o hindi ang mga kuru-kuro, at anuman ang antas ng pagkakalutas ng mga ito, hindi dapat magbago ang normal na ugnayan sa pagitan mo at ng Diyos. Sa isang banda, dapat makapagpasakop ka sa lahat ng kapaligirang pinamamatnugutan ng Diyos; kumpirmahin na tama at makabuluhan ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at hindi dapat magbago kailanman ang kaalamang ito at ang mga katotohanang nauugnay rito. Sa isang banda, huwag isantabi ang tungkuling ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, hindi mo dapat iwaksi ang pasaning ito. Kung, sa panloob o panlabas, wala kang paglaban, pagkontra, o paghihimagsik laban sa Diyos, makikita lang ng Diyos ang pagpapasakop mo, at na naghihintay ka. Maaaring may mga kuru-kuro ka pa rin, pero hindi nakikita ng Diyos ang pagiging mapaghimagsik mo. Dahil walang paghihimagsik at paglaban sa loob mo, itinuturing ka pa rin ng Diyos bilang isa sa Kanyang mga nilikha. Sa kabaligtaran, kung ang puso mo ay puno ng mga reklamo at pagsuway, naghahanap ka ng pagkakataon para gumanti, at ayaw mong gawin ang tungkulin mo, bagkus ay gusto mong iwaksi ang pasaning ito, maging sa puntong, sa puso mo, may kung ano-anong reklamo tungkol sa Diyos, at nabubunyag ang mga partikular na pagpapamalas ng pagsuway at sama ng loob habang ginagawa mo ang tungkulin mo, kung gayon, sa pagkakataong ito, malaki na ang ipinagbago ng ugnayan mo sa Diyos. Iniwan mo na ang posisyon mo bilang isang nilikha; hindi ka na isang nilikha, kundi naging kasangkapan ka na ng diyablong si Satanas—kaya hindi ka na pakikitaan ng Diyos ng kabutihan. Kapag dumating na sa puntong ito ang isang tao, papalapit na siya sa mapanganib na kalagayan. Kahit walang gawin ang Diyos, hindi ka na magiging matatag sa iglesia. Kaya, sa lahat ng ginagawa ng mga tao—lalo na kapag may kinalaman ito sa mga isyu ng paglutas sa mga kuru-kuro—dapat maging maingat sila na iwasan ang paggawa ng mga bagay na sumasalungat sa Diyos, o na kinokondena ng Diyos, o nakakasakit o nakakapinsala sa iba. Ito ang prinsipyo.
Hindi maliit na usapin ang problema ng pagkakaroon ng mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos! Napakahalaga para sa mga tao na makapagpanatili ng normal na ugnayan sa Diyos, pero ang pinakanakakaapekto sa ugnayang ito ay ang mga kuru-kuro ng mga tao. Kapag nalutas na ang mga kuru-kuro ng tao tungkol sa Diyos ay saka lang mapapanatili ang normal na ugnayan sa Kanya. Sa kasalukuyan, maraming tao ang may malubhang problema. Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, bagama’t kaya nilang magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga sa paggampan ng mga tungkulin nila, pero sa buong panahong ito, hindi pa rin ganap na malutas ang mga kuru-kuro nila. Malubha itong nakakaapekto sa ugnayan nila sa Diyos at direktang nakakaapekto sa pagmamahal nila sa Diyos at sa pagpapasakop nila sa Kanya. Samakatwid, anumang kuru-kuro ang mabuo ng mga tao tungkol sa Diyos, isa itong seryosong usapin na hindi pwedeng ipagsawalang-bahala. Ang mga kuru-kuro ay parang isang pader; hinahadlangan ng mga ito ang ugnayan ng mga tao sa Diyos, na nagiging dahilan para mawalan sila ng ugnayan sa gawain ng kaligtasan ng Diyos. Kaya naman, ang pagkakaroon ng mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos ay isang napakaseryosong isyung hindi pwedeng ipagsawalang-bahala! Kung ang mga tao ay may mga kuru-kuro at hindi nila magagawang agad na hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga ito, pwede itong magdulot kaagad ng pagkanegatibo, paglaban sa Diyos, at maging ng pagkamapanlaban sa Kanya. Matatanggap pa kaya nila ang katotohanan kung gayon? Mahihinto ang buhay pagpasok nila. Ang landas ng pagdanas sa gawain ng Diyos ay hindi pantay at lubak-lubak. Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, maaaring lumihis sila nang maraming beses, at pwedeng bumuo sila ng mga kuru-kuro sa anumang sitwasyon. Kung ang mga kuru-kurong ito ay hindi malulutas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, pwedeng maghimagsik ang mga tao laban sa Diyos at lumaban sa Kanya, tumahak sa landas ng pagkamapanlaban sa Kanya. Kapag tumahak ang mga tao sa landas ng mga anticristo, sa tingin ba ninyo ay may pag-asa pa silang maligtas? Mahirap na itong pangasiwaan sa puntong iyon, at wala nang matitirang pagkakataon. Kaya naman, bago ka itatwa ng Diyos bilang Kanyang nilikha, dapat mong matutuhan kung paano maging nilikha ng Diyos. Huwag mong subukang siyasatin ang Lumikha o subukang maghanap ng paraan para patunayan at tiyakin na ang Diyos na sinasampalatayanan mo ay ang Lumikha. Hindi ito ang obligasyon o responsabilidad mo. Ang dapat mong iniisip at pinagninilayan sa puso mo araw-araw ay kung paano mo matutupad ang mga tungkulin mo at maging isang kalipikadong nilikha, sa halip na kung paano patunayan kung ang Diyos nga ang Lumikha, kung Siya nga ba ay Diyos, o ang siyasatin ang ginawa ng Diyos at kung tama ba ang Kanyang mga kilos o hindi. Hindi ang mga ito ang dapat mong siyasatin.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 16
Kaugnay na mga Himno
Ang Mga Kuru-kuro at Imahinasyon ay Hindi Kailanman Makakatulong na Makilala Mo ang Diyos