3. Paano lutasin ang problema ng hindi pagtanggap sa katotohanan at pagtatanggol sa sarili
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Kung naniniwala ka sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kung gayon ay dapat kang maniwala na ang mga pang-araw-araw na pangyayari, mabuti man o masama ang mga ito, ay hindi basta na lamang nagaganap. Hindi ito dahil may isang sinasadyang magpahirap sa iyo o pumuntirya sa iyo; lahat ng ito ay isinaayos at pinamatnugutan ng Diyos. Bakit pinamamatnugutan ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ito? Hindi ito para ilantad kung sino ka o upang ibunyag at itiwalag ka; ang pagbubunyag sa iyo ay hindi ang panghuling mithiin. Ang mithiin ay gawin kang perpekto at iligtas ka. Paano ka ginagawang perpekto ng Diyos? At paano ka Niya inililigtas? Nagsisimula Siya sa pamamagitan ng pagpapabatid sa iyo ng iyong sariling tiwaling disposisyon, at sa pamamagitan ng pagpapaalam sa iyo ng iyong kalikasang diwa, ng iyong mga pagkakamali, at kung ano ang kulang sa iyo. Tanging sa pag-alam sa mga bagay na ito at pagkakaroon ng malinaw na pag-unawa ng mga ito mo lamang makakayang itaguyod ang katotohanan at unti-unting maiwaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Ito ang Diyos na nagkakaloob sa iyo ng pagkakataon. Ito ang awa ng Diyos. Dapat mong malaman kung paano sasamantalahin ang pagkakataong ito. Hindi ka dapat sumalungat sa Diyos, makipagtalo sa Diyos, o magkamali ng pagkaunawa sa Kanya. Lalo na kapag naharap sa mga tao, pangyayari, at bagay na isinasaayos ng Diyos sa paligid mo, huwag laging pakiramdaman na hindi ayon sa nais mo ang mga bagay-bagay, huwag laging naisin na matakasan sila o laging magreklamo tungkol sa Diyos at magkamali ng pagkaunawa sa Diyos. Kung lagi mong ginagawa ang mga bagay na iyon, kung gayon ay hindi mo dinaranas ang gawain ng Diyos, at magiging napakahirap para sa iyo na pumasok sa katotohanang realidad. Anumang makaharap mo na hindi mo ganap na maunawaan, kapag lumilitaw ang mga paghihirap, dapat mong matutuhang magpasakop. Dapat kang magsimula sa paglapit sa Diyos at higit na pananalangin. Sa ganyang paraan, bago mo pa mamalayan, magkakaroon ng pagbabago sa iyong panloob na kalagayan, at magagawa mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang iyong suliranin. Sa gayon, magagawa mong maranasan ang gawain ng Diyos. Habang nagaganap ito, ang katotohanang realidad ay mahuhubog sa loob mo, at sa ganito ka susulong at sasailalim sa isang pagbabago ng kalagayan ng iyong buhay. Sa sandaling napagdaanan mo na ang pagbabagong ito at nagtataglay ka ng katotohanang realidad na ito, mag-aangkin ka rin ng tayog, at kasama ng tayog ang buhay. Kung ang sinuman ay laging nabubuhay batay sa isang tiwaling satanikong disposisyon, kung gayon, gaano man kalaking kasiglahan at kalakasan ang mayroon sila, hindi pa rin sila maituturing na may angking tayog, o buhay. Gumagawa ang Diyos sa bawat isang tao, at kung anuman ang Kanyang pamamaraan, anong uri ng mga tao, pangyayari at bagay ang ginagamit Niya sa Kanyang pagseserbisyo, o anumang uri ng tono mayroon ang mga salita Niya, isa lamang ang Kanyang panghuling mithiin: iligtas ka. At paano ka Niya inililigtas? Binabago ka Niya. Kaya paanong hindi ka magdurusa nang bahagya? Kakailanganing magdusa ka. Ang pagdurusang ito ay maaaring kapalooban ng maraming bagay. Una, kailangang magdusa ang mga tao kapag tinatanggap nila ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Kapag masyadong matindi at tahasan ang mga salita ng Diyos at nagkakamali ng pag-unawa ang mga tao sa Diyos—at mayroon pang mga kuru-kuro—maaaring masakit din iyon. Kung minsan ay nagpapalitaw ng sitwasyon ang Diyos sa paligid ng mga tao para ibunyag ang kanilang katiwalian, para pagnilayan at makilala nila ang kanilang sarili, at magdurusa rin sila nang kaunti roon. Kung minsan, kapag tuwiran silang pinungusan at inilantad, dapat magdusa ang mga tao. Parang inooperahan sila—kung walang pagdurusa, walang epekto. Kung sa tuwing ikaw ay pinupungusan, at tuwing ibinubunyag ka ng isang sitwasyon, pinupukaw nito ang iyong mga damdamin at pinalalakas ka, pagkatapos sa pamamagitan ng prosesong ito ay makakapasok ka sa katotohanang realidad, at magkakaroon ng tayog.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Pangyayari, at Bagay sa Malapit
Ano ang nangyayari, kapag ang isang tao ay palaging nagdadahilan kapag nahaharap siya sa pananaway at pagpupungos? Ito ay isang uri ng disposisyon na napakayabang, mapagmagaling at matigas ang ulo. Para sa mga taong mayabang at matigas ang ulo, mahirap tanggapin ang katotohanan. Hindi nila matanggap kapag may narinig silang hindi umaayon sa kanilang mga perspektiba, opinyon, at kaisipan. Wala silang pakialam kung ang sinasabi ng ibang tao ay tama o mali, o kung sino ang nagsabi nito, o ano ang konteksto nito, o kung may kaugnayan ba ito sa kanilang mga sariling responsabilidad at tungkulin. Wala silang pakialam sa mga bagay na ito; ang kagyat para sa kanila ay ang bigyan muna ng kasiyahan ang sarili nilang mga damdamin. Hindi ba’t ito ay katigasan ng ulo? Anu-anong kawalan ang idudulot sa mga tao sa huli ng katigasan ng ulo? Mahirap para sa kanilang makamit ang katotohanan. Ang hindi pagtanggap sa katotohanan ay sanhi ng tiwaling disposisyon ng tao, at ang pangwakas na resulta ay hindi nila madaling matatamo ang katotohanan. Anumang likas na nabubunyag mula sa kalikasang diwa ng tao ay salungat sa katotohanan at walang kinalaman dito; walang kahit isa sa gayong bagay ang nakaayon o malapit sa katotohanan. Kaya, upang makamit ang kaligtasan, dapat tanggapin at isagawa ng isang tao ang katotohanan. Kung hindi matanggap ng isang tao ang katotohanan at palagi niyang nais na kumilos nang alinsunod sa mga sarili niyang kagustuhan, hindi makakamit ng taong iyon ang kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Madalas na nakikipagtalo ang ilan at sinusubukang ipagtanggol ang kanilang sarili kapag pinupungusan sila. Palagi nilang binibigyang-diin ang sanhi ng isyu at nagdadahilan sila para sa kanilang mga kabiguan, na nakayayamot. Wala silang mapagpasakop na saloobin, o isang saloobin ng paghahanap sa katotohanan. Ang mga ganitong uri ng tao ay mababa ang kakayahan, at masyado rin silang mapagmatigas. Hindi nila naiintindihan ang mga sinasabi ng ibang tao, hindi nila maabot ang katotohanan, at napakabagal ng kanilang pag-usad. Bakit mabagal ang kanilang pag-usad? Ito ay dahil hindi nila hinahanap ang katotohanan, at anumang mga pagkakamali ang lumitaw, palagi nilang idinadahilan ang ibang tao, tuluyang ipinapasa ang pananagutan sa iba. Namumuhay sila ayon sa mga pilosopiya ng mga makamundong pakikitungo, at hangga’t namumuhay sila nang ligtas at maayos, lalo silang nasisiyahan sa kanilang sarili. Hindi man lang nila hinahangad ang katotohanan, at iniisip nilang isa itong magandang paraan ng pananalig sa Diyos. May ilan pa ngang nag-iisip na, “Lagi namang napakaraming usapan tungkol sa paghahangad sa katotohanan at pagkatuto ng mga aral, pero talaga bang ganoon karaming aral ang dapat matutuhan? Napakalaking abala naman na manalig sa Diyos nang ganito!” Kapag nakikita nila ang ibang tao na hinahanap ang katotohanan at natututo ng mga aral kapag nahaharap sa mga bagay-bagay, sinasabi nila na, “Paano kayong lahat natututo ng mga aral sa lahat ng bagay? Bakit hindi ganoon karaming aral ang dapat kong matutunan? Ganoon lang ba talaga kayong lahat kamangmang? Hindi ba’t bulag lang ninyong sinusunod ang mga regulasyon?” Ano ang palagay mo sa saloobing ito? Ito ang perspektiba ng mga hindi mananampalataya. Makakamit ba ng isang hindi mananampalataya ang katotohanan? Napakahirap para sa ganitong uri ng tao na makamit ang katotohanan. May ilang tao na nagsasabing, “Nagsusumamo ako sa Diyos hinggil sa malalaking usapin, pero hindi ko Siya iniistorbo sa maliliit na usapin. Masyadong abala ang Diyos sa pang-araw-araw na pangangasiwa ng sansinukob at ng lahat ng bagay, sa pangangasiwa ng bawat tao. Sobrang nakapapagod! Hindi ko aabalahin ang Diyos, lulutasin ko na lang ang bagay na ito nang mag-isa. Hangga’t nalulugod ang Diyos, sapat na iyon. Ayaw kong mag-alala Siya.” Ano ang palagay mo sa saloobing ito? Ito rin ang perspektiba ng mga hindi mananampalataya, ang imahinasyon ng mga tao. Ang mga tao ay mga nilikha, mas mababa pa nga kaysa sa mga langgam. Paano nila malinaw na makikita ang Lumikha? Pinangangasiwaan ng Diyos ang sansinukob at ang lahat ng bagay nang kung ilang bilyon o sampung bilyong taon na. Sinabi ba Niyang napapagod Siya? Sinabi ba Niyang masyado Siyang abala? Hindi, hindi Niya sinabi. Hindi kailanman malinaw na makikita ng mga tao ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos, at para magsalita sila mula sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon ay napakamangmang. Ayon sa Lumikha, nasa loob ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos ang bawat isa sa mga hinirang ng Diyos at ang lahat ng nangyayari sa kanilang paligid. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat kang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, hanapin mo ang katotohanan, at matuto ng mga aral sa lahat ng bagay. Ang makamit ang katotohanan ang pinakamahalagang bagay. Kung naisasaalang-alang mo ang mga layunin ng Diyos, dapat kang umasa sa Kanya at magsikap tungo sa katotohanan; iyon ay nakalulugod sa Diyos. Kapag nakamit mo na ang katotohanan at nakakakilos ka ayon sa mga prinsipyo, mas masisiyahan ang Diyos, ngunit kapag mas lumalayo ka sa Diyos, lalo Siyang malulungkot. Ano ang nagpapalungkot sa Diyos? (Nagsaayos ang Diyos ng mga sitwasyon upang tulutan ang mga tao na maranasan ang Kanyang mga salita at makamit ang katotohanan, pero hindi nauunawaan ng mga tao ang pag-iisip ng Diyos; mali sila ng pagkaunawa sa Kanya, at nagpapalungkot ito sa Diyos.) Tama. Nagbayad ng napakalaking halaga ang Diyos para sa bawat tao, at may mga layunin Siya para sa bawat tao. Mayroon Siyang mga inaasahan sa kanila, at inilagay ang Kanyang tiwala sa kanila. Malaya at kusang-loob Niyang ibinigay sa lahat ng tao ang Kanyang mga puspusang pagsisikap. Kusa ring ibinigay sa bawat tao ang Kanyang pagtustos ng buhay at katotohanan. Kung nauunawaan ng mga tao ang layon ng paggawa Niya nito, Siya ay masisiyahan. Ano man ang mga sitwasyong isinasaayos ng Diyos para sa iyo, kung nagagawa mong tanggapin ito mula sa Diyos, magpasakop sa Kanya, hanapin ang katotohanan at matuto ng mga aral sa gitna ng lahat ng ito, hindi iisipin ng Diyos na walang kabuluhan ang ibinayad na napakalaking halaga. Hindi ka mabibigong tuparin ang lahat ng pag-iisip at pagsisikap na ipinuhunan ng Diyos, o ang Kanyang mga inaasahan sa iyo. Sa bawat pangkat ng mga sitwasyong sumasapit sa iyo, matututo ka ng mga aral at aani ng mga gantimpala. Sa ganitong paraan, makakamtan ng gawaing ginawa ng Diyos sa iyo ang inaasahang epekto, at masisiyahan ang puso ng Diyos. Kung hindi ka makakapagpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, kung palagi kang tumututol, tumatanggi, at lumalaban sa Diyos, hindi mo ba naiisip na mababalisa ang Diyos? Mag-aalala at mababalisa ang puso ng Diyos, sasabihing, “Isinaayos Ko ang napakaraming sitwasyon para matuto ka ng mga aral. Bakit wala sa mga ito ang umepekto sa iyo?” Bibigat ang damdamin ng Diyos sa lungkot. Nalulungkot ang Diyos dahil manhid, mangmang, mabagal, at sutil ka, dahil hindi mo nauunawaan ang mga layunin Niya at hindi mo tinatanggap ang katotohanan, at dahil hindi mo nakikita ang maraming bagay na ginagawa Niya para maging responsable para sa buhay mo, at hindi mo naiintindihan na nag-aalala at nababalisa Siya tungkol sa buhay mo, at naghihimagsik at nagrereklamo ka pa laban sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Pangyayari, at Bagay sa Malapit
Kapag mahilig pagtalunan ng mga tao ang tama at mali, sinusubukan nilang linawin kung tama ba o mali ang bawat isang bagay, hindi sila tumitigil hangga’t hindi nalilinaw ang usapin at naunawaan kung sino ang tama at kung sino ang mali, nakapako sila sa mga bagay na wala namang kasagutan: Ano ba talaga ang silbi ng pagkilos nang ganito? Tama ba talagang pagtalunan ang tama at mali? (Hindi.) Nasaan ang pagkakamali? May koneksyon ba sa pagitan nito at ng pagsasagawa ng katotohanan? (Walang koneksyon.) Bakit mo nasasabing walang koneksyon? Ang pagtatalo sa tama at mali ay hindi pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ito pagtalakay o pagbabahagi sa mga katotohanang prinsipyo; sa halip, lagi na lang pinag-uusapan ng mga tao kung sino ang tama at kung sino ang mali, kung sino ang nakagawa ng tama at kung sino ang nagkamali, kung sino ang nasa katwiran at kung sino ang hindi, kung sino ang may matinong katwiran, at kung sino ang wala, at kung sino ang nagpahayag ng mas mataas na doktrina; ito ang sinusuri nila. Kapag sinusubok ng Diyos ang mga tao, lagi nilang sinusubukang mangatwiran sa Diyos, lagi na lang silang nakakaisip ng ipapalusot. Tinatalakay ba ng Diyos ang gayong mga bagay sa iyo? Tinatanong ba ng Diyos kung ano ang konteksto? Tinatanong ba ng Diyos ang mga rason at dahilan mo? Hindi Niya itinatanong. Tinatanong ng Diyos kung may saloobin ka ng pagpapasakop o paglaban nang subukin ka Niya. Tinatanong ng Diyos kung nauunawaan mo ba o hindi ang katotohanan, kung mapagpasakop ka ba o hindi. Ito lamang ang tinatanong ng Diyos, at wala nang iba. Hindi tinatanong sa iyo ng Diyos kung ano ang dahilan ng kawalan mo ng pagpapasakop, hindi Niya tinitingnan kung may maganda ka bang rason—talagang hindi Niya isinasaalang-alang ang gayong mga bagay. Tinitingnan lang ng Diyos kung naging mapagpasakop ka ba o hindi. Kahit ano pa ang kapaligirang tinitirhan mo at kung ano ang konteksto, ang masusing sinisiyasat lang ng Diyos ay kung may pagpapasakop ba sa iyong puso, kung mayroon ka bang saloobin ng pagpapasakop; hindi nakikipagdebate sa iyo ang Diyos sa kung ano ang tama at mali, walang pakialam ang Diyos sa kung ano ang mga rason mo, ang mahalaga lamang sa Diyos ay kung tunay kang mapagpasakop, ito lamang ang hinihingi sa iyo ng Diyos. Hindi ba’t isa itong katotohanang prinsipyo? Ang uri ng mga taong mahilig makipagtalo sa kung ano ang tama at mali, na gustung-gustong nakikipagpalitan ng maiinit na salita—may mga katotohanang prinsipyo ba sa kanilang puso? (Wala.) Bakit wala? Kahit kailan ba ay pinagtuunan nila ng pansin ang mga katotohanang prinsipyo? Kahit kailan ba ay hinangad nila ang mga ito? Hinanap man lang ba nila ang mga ito? Hindi nila kailanman pinagtuunan ng pansin ang mga ito, o hinangad ang mga ito o hinanap ang mga ito, at lubhang wala ang mga ito sa kanilang mga puso. Bunga nito, nakakapamuhay lamang sila sa loob ng mga kuru-kuro ng tao, ang pawang laman ng kanilang mga puso ay tama at mali, matuwid at di-matuwid, mga palusot, mga dahilan, mga panlilinlang, at mga argumento, at pagkaraan naman nito ay babatikusin, hahatulan, at kokondenahin nila ang isa’t isa. Ang disposisyon ng mga taong kagaya nito ay na gusto nilang pinagdedebatihan ang tama at mali, at hinahatulan at kinokondena ang mga tao. Ang mga taong kagaya nito ay walang pagmamahal o pagtanggap sa katotohanan, malamang na subukan nilang mangatwiran sa Diyos, at husgahan pa nga ang Diyos at lumaban sa Diyos. Sa huli, mapaparusahan sila.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 15
Ang lahat ng tao ay may mayabang at mapagmatuwid na disposisyon, at palaging may labis na pagtingin sa sarili. Anuman ang iniisip nila, o ang sinasabi nila, o kung paano man nila nakikita ang mga bagay-bagay, palagi nilang iniisip na tama ang sarili nilang mga pananaw at saloobin, at na hindi kasingganda o kasingtama ng kanilang sinasabi ang sinasabi ng iba. Palagi silang kumakapit sa sarili nilang mga opinyon, at kahit sino pa ang magsalita, hindi sila makikinig dito. Tama man ang sinasabi ng iba, o naaayon sa katotohanan, hindi nila ito tatanggapin; magmumukha lamang silang nakikinig pero hindi talaga nila tatanggapin ang ideya, at pagdating ng panahon na kailangan nang kumilos, gagawin pa rin nila ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan, palaging iniisip na tama at makatwiran ang sinasabi nila. … Ano ang sasabihin ng Diyos kapag nakita Niya ang pag-uugali mong ito? Sasabihin ng Diyos: “Mapagmatigas ka! Kauna-unawa na maaaring kumapit ka sa sarili mong mga ideya kapag hindi mo alam na nagkakamali ka, ngunit kapag malinaw sa iyo na nagkakamali ka at kumakapit ka pa rin sa iyong mga ideya, at mamamatay ka muna bago magsisi, isa ka talagang mapagmatigas na hangal, at may problema ka. Kung, kahit sino pa ang nagmumungkahi, palagi kang mayroong negatibo, mapanlaban na saloobin tungkol dito, at hindi mo tinatanggap ang kahit katiting na katotohanan, at kung ang puso mo ay lubusang mapanlaban, sarado, at mapagwalang-bahala, ikaw ay sobrang katawa-tawa, isa kang hangal na tao! Masyado kang mahirap pakitunguhan!” Sa anong paraan ka mahirap pakitunguhan? Mahirap kang pakitunguhan dahil ang ipinapakita mo ay hindi isang maling diskarte, o maling pag-uugali, kundi isang pagbubunyag ng iyong disposisyon. Isang pagbubunyag ng anong disposisyon? Isang disposisyon kung saan tutol ka sa katotohanan, at napopoot sa katotohanan. Sa sandaling nakilala ka bilang isang taong napopoot sa katotohanan, sa mga mata ng Diyos, may problema ka, at itataboy at babalewalain ka Niya. Mula sa perspektiba ng mga tao, ang pinakamasasabi nila ay: “Masama ang disposisyon ng taong ito, masyado siyang suwail, mapagmatigas, at mayabang! Mahirap pakisamahan ang taong ito at hindi siya nagmamahal sa katotohanan. Hindi niya kailanman tinanggap ang katotohanan at hindi niya isinasagawa ang katotohanan.” Sa pinakamataas na antas, ito ang ibibigay na pagtatasa sa iyo ng lahat, ngunit mapagpapasyahan ba sa pagtatasang ito ang kapalaran mo? Hindi mapagpapasyahan sa pagtatasang ibinibigay sa iyo ng mga tao ang kapalaran mo, ngunit may isang bagay na hindi mo dapat kalimutan: Sinusuri ng Diyos ang puso ng mga tao, at kasabay nito ay pinagmamasdan ng Diyos ang bawat salita at gawa nila. Kung tinutukoy ka ng Diyos nang ganito, at sinasabing kinasusuklaman mo ang katotohanan, kung hindi lang Niya sinasabi na mayroon kang kaunting tiwaling disposisyon, o na medyo masuwayin ka, hindi ba’t isa itong napakalubhang problema? (Malubha ito.) Nangangahulugan ito na magkakaroon ng problema, at ang problemang ito ay hindi nakasalalay sa pananaw ng mga tao sa iyo, o sa kung paano ka nila tinatasa, ito ay nakasalalay sa kung paano tinitingnan ng Diyos ang iyong tiwaling disposisyon ng pagkapoot sa katotohanan. Kaya, paano ito tinitingnan ng Diyos? Tinukoy lang ba ng Diyos na napopoot ka sa katotohanan at na hindi mo minamahal ito, at iyon na iyon? Ganoon ba iyon kasimple? Saan nanggagaling ang katotohanan? Sino ang kinakatawan ng katotohanan? (Kumakatawan ito sa Diyos.) Pagnilayan ito: Kung napopoot ang isang tao sa katotohanan, kung gayon, mula sa perspektiba ng Diyos, paano Niya titingnan ang taong iyon? (Bilang kaaway Niya.) Hindi ba’t isa itong seryosong problema? Kapag napopoot sa katotohanan ang isang tao, napopoot siya sa Diyos! Bakit Ko sinasabi na napopoot siya sa Diyos? Sinumpa ba niya ang Diyos? Harap-harapan ba niyang kinontra ang Diyos? Palihim ba niyang hinusgahan o kinondena ang Diyos? Hindi ito tiyak. Kaya bakit Ko sinasabi na ang pagbubunyag ng isang disposisyon na napopoot sa katotohanan ay pagkapoot sa Diyos? Hindi ito pagpapalaki sa isang maliit na bagay, ito ang realidad ng sitwasyon. Katulad ito ng mga mapagpaimbabaw na Pariseo na nagpako sa Panginoong Jesus sa krus dahil kinapopootan nila ang katotohanan—ang mga sumunod na kahihinatnan ay kakila-kilabot. Ang ibig sabihin nito ay na kung ang isang tao ay may disposisyong tutol sa katotohanan at napopoot sa katotohanan, maaari itong mabunyag mula sa kanya anumang oras at saanmang lugar, at kung mamumuhay siya ayon dito, hindi ba’t kokontrahin niya ang Diyos? Kapag nahaharap siya sa isang bagay na may kinalaman sa katotohanan o sa paggawa ng desisyon, kung hindi niya matatanggap ang katotohanan, at namumuhay siya ayon sa kanyang tiwaling disposisyon, likas niyang kokontrahin ang Diyos at ipagkakanulo ang Diyos, dahil napopoot sa Diyos at nayayamot sa katotohanan ang tiwaling disposisyon niya. Kung mayroon kang gayong disposisyon, kahit na pagdating sa mga salitang binibigkas ng Diyos, kukuwestiyunin mo ang mga ito, at gugustuhin mong suriin at himay-himayin ang mga ito. Pagkatapos ay maghihinala ka sa mga salita ng Diyos, at sasabihin mong, “Mga salita ba talaga ito ng diyos? Mukhang hindi katotohanan ang mga ito, mukhang hindi tiyak na tama ang lahat ng ito!” Sa ganitong paraan, hindi ba’t nabunyag na ang disposisyon mo ng pagkapoot sa katotohanan? Kapag ganito ka mag-isip, makapagpapasakop ka ba sa Diyos? Tiyak na hindi. Kung hindi ka makapagpapasakop sa Diyos, Siya pa rin ba ang Diyos mo? Hindi na. Kung gayon, magiging ano na ang Diyos sa iyo? Ituturing mo Siya bilang isang paksa ng pagsasaliksik, isang taong dapat pagdudahan, isang taong dapat kondenahin; ituturing mo Siya bilang isang ordinaryo at regular na tao, at kokondenahin Siya nang ganoon. Sa paggawa niyon, magiging isa kang taong lumalaban at lumalapastangan sa Diyos. Anong uri ng disposisyon ang nagsasanhi nito? Ito ay sanhi ng isang mayabang na disposisyon na lumobo na nang husto; hindi lamang nabubunyag sa iyo ang iyong satanikong disposisyon, tuluyan ding malalantad ang iyong satanikong mukha. Ano ang nangyayari sa ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng isang tao na umabot na sa punto ng paglaban sa Diyos, at na ang paghihimagsik laban sa Diyos ay umabot na sa isang partikular na antas? Nagiging isa itong antagonistikong relasyon kung saan kinakalaban ng isang tao ang Diyos. Kung, sa pananampalataya mo sa Diyos, hindi mo kayang tanggapin ang katotohanan at magpasakop dito, kung gayon, ang Diyos ay hindi mo Diyos. Kung inaayawan mo ang katotohanan at tinatanggihan ito, kung gayon, naging isa ka nang taong lumalaban sa Diyos. Maililigtas ka pa ba ng Diyos, kung gayon? Tiyak na hindi na. Binibigyan ka ng Diyos ng pagkakataong matanggap ang Kanyang pagliligtas at hindi ka Niya itinuturing na kaaway, ngunit hindi mo matanggap ang katotohanan at kinakalaban mo ang Diyos; ang kawalan mo ng kakayahang tanggapin ang Diyos bilang iyong katotohanan at iyong landas ay ginagawa kang isang taong lumalaban sa Diyos. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Kailangan mong agad na magsisi at magbago ng landas. Halimbawa, kapag nahaharap ka sa isang problema o suliranin habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin at hindi mo alam kung paano lutasin ito, hindi mo dapat ito pikit-matang pagnilayan, kailangan mo munang patahimikin ang iyong sarili sa harap ng Diyos, manalangin at maghanap mula sa Kanya, at tingnan kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol dito. Kung, pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, hindi mo pa rin nauunawaan, at hindi mo alam kung anong mga katotohanan ang tumutukoy sa isyung ito, dapat kang kumapit nang mahigpit sa isang prinsipyo—iyon ay, magpasakop muna, huwag magkaroon ng mga personal na ideya o kaisipan, maghintay nang may mapayapang puso, at tingnan kung paano nilalayon at gustong kumilos ng Diyos. Kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat mong hanapin ito, at dapat mong hintayin ang Diyos, sa halip na kumilos nang pikit-mata at walang ingat. Kung may magbibigay sa iyo ng mungkahi kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at magsasabi sa iyo kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan, dapat mo munang tanggapin ito at tulutan ang lahat na magbahagi rito, at tingnan kung tama o hindi ang landas na ito, at kung naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo o hindi. Kung makumpirma mong naaayon ito sa katotohanan, magsagawa ka sa ganoong paraan; kung matukoy mo na hindi ito naaayon sa katotohanan, kung gayon, huwag kang magsagawa sa ganoong paraan. Ganoon lang ito kasimple. Kapag hinahanap mo ang katotohanan, dapat kang maghanap sa maraming tao. Kung may masasabi ang sinuman, dapat kang makinig sa kanila, at seryosohin ang lahat ng kanilang sinasabi. Huwag silang balewalain o iwasan, dahil nauugnay ang kanilang sinasabi sa mga bagay na nasa saklaw ng iyong tungkulin at dapat mong seryosohin ito. Ito ang tamang saloobin at ang tamang kalagayan. Kapag ikaw ay nasa tamang kalagayan, at hindi ka nagpapakita ng isang disposisyong tutol at napopoot sa katotohanan, kung gayon, mapapalitan ang iyong tiwaling disposisyon ng ganitong pagsasagawa. Ito ang pagsasagawa sa katotohanan. Kung isasagawa mo ang katotohanan sa ganitong paraan, ano ang magiging mga bunga nito? (Magagabayan tayo ng Banal na Espiritu.) Ang pagtanggap ng patnubay ng Banal na Espiritu ay isang aspeto. Minsan, magiging napakasimple ng bagay at maaaring makamit gamit ang sarili mong pag-iisip; matapos ibigay ng iba ang kanilang mga mungkahi sa iyo at naunawaan mo, magagawa mong iwasto ang mga bagay-bagay at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Maaaring isipin ng mga tao na isa itong maliit na bagay, ngunit para sa Diyos, isa itong malaking bagay. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat, kapag nagsasagawa ka sa ganitong paraan, para sa Diyos, isa kang taong kayang magsagawa ng katotohanan, isang taong nagmamahal sa katotohanan, at isang taong hindi tutol sa katotohanan—kapag nakikita ng Diyos ang puso mo, nakikita rin Niya ang disposisyon mo, at isa itong malaking bagay. Sa madaling salita, kapag ginagawa mo ang iyong tungkulin at kumikilos sa presensiya ng Diyos, ang isinasabuhay at ipinamamalas mo ay pawang mga katotohanang realidad na dapat taglayin ng mga tao. Ang mga saloobin, kaisipan, at kalagayan na taglay mo sa lahat ng iyong ginagawa ay ang pinakamahahalagang bagay para sa Diyos, at ang mga ito ang sinusuri ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya
Paano mapatutunayan ang tunay na pananalig? Pangunahing sa pamamagitan ng pagsuri kung kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan at isagawa ito kapag may nangyayari sa kanya. Kung hindi niya kailanman tinanggap ang katotohanan, o isinagawa ito, ang totoo ay nabunyag na siya, at hindi na kailangan pang maghintay ng isang pagsubok para ibunyag siya. Kapag may nangyayari sa isang tao sa pang-araw-araw na buhay, malinaw mong makikita kung taglay niya ang katotohanang realidad. Maraming tao ang hindi karaniwang naghahangad ng katotohanan, at hindi nagsasagawa ng katotohanan kapag may nangyayari sa kanila. Kailangan ba ng mga taong tulad nito na maghintay ng isang pagsubok para ibunyag sila? Talagang hindi. Pagkaraan ng ilang panahon, kung hindi sila magbabago, ibig sabihin ay nabunyag na sila. Kung napungusan sila, ngunit hindi pa rin nila tinatanggap ang katotohanan at nananatili silang determinadong ayaw magsisi, mas lalo pa silang nabunyag, at dapat silang paalisin at itiwalag. Yaong mga hindi karaniwang tumutuon sa pagtanggap ng katotohanan o pagsasagawa nito ay pawang mga hindi mananampalataya, at kailangang hindi pagkatiwalaan ng anumang gawain, o umako ng anumang responsabilidad. Makakapanindigan ba ang isang taong walang katotohanan? Mahalaga bang isagawa ang katotohanan? Tingnan lamang yaong mga taong hindi kailanman isinagawa ang katotohanan—hindi aabutin ng maraming taon para mabunyag silang lahat. Wala silang patotoong batay sa karanasan. Masyado silang naghihikahos at kahabag-habag, at tiyak na hiyang-hiya sila!
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Pagsasagawa ng Katotohanan
Ang pananampalataya sa Diyos ay nangangailangan ng pagtanggap sa katotohanan—iyon ang tamang saloobin. Ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan ay nagdadahilan at nangangatwiran kapag lumilitaw ang mga isyu, ipinapasa ang responsabilidad sa iba. Palagi silang nagrereklamo tungkol sa ibang tao na hindi sila tinatrato nang maayos, hindi sila iniintindi o hindi nagmamalasakit sa kanila. Nakahahanap sila ng iba’t ibang uri ng pangangatwiran. Ano ang saysay ng paghahanap ng lahat ng katwirang ito? Mapapalitan ba nito ang pagsasagawa mo ng katotohanan? Mapapalitan ba nito ang pagpapasakop mo sa Diyos? Hindi, hindi nito kaya. Ibig sabihin, kahit anong uri ng pangangatwiran ang mayroon ka, kahit may mga hinanakit ka na lampas langit pa mismo, kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, katapusan mo na. Gustong makita ng Diyos kung ano ang iyong saloobin, lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. May anumang silbi ba ang pagrereklamo mo? Malulutas ba ng pagrereklamo mo ang isyu ng tiwaling disposisyon? Kung magrereklamo ka at pakiramdam mo ay nasa katwiran ka, ano ang sasabihin niyon tungkol sa iyo? Nakamit mo ba ang katotohanan? Matatanggap mo ba ang pagsang-ayon ng Diyos? Kung sasabihin ng Diyos, “Hindi ka isang taong nagsasagawa ng katotohanan, kaya umalis ka sa daan. Nasusuklam Ako sa iyo,” hindi ba’t katapusan mo na? Ang pagsasabi ng Diyos na “nasusuklam Ako sa iyo,” ay magbubunyag sa iyo at magtatakda kung sino ka. Bakit gagawa ang Diyos ng pagtatakda tungkol sa iyo? Dahil hindi mo tinatanggap ang katotohanan; hindi mo tinatanggap ang mga pamamatnugot ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Palagi kang naghahanap ng mga panlabas na katwiran, palaging ipinapasa sa ibang tao ang mga bagay-bagay. Nakikita ng Diyos na wala kang pakiramdam at pagmamahal sa katotohanan; hindi makatwiran, may mapagsariling kalooban, at hindi mapapaamo. Kailangan kang isantabi at ipagwalang-bahala para magkaroon ka ng pansariling pagninilay. Ang halaga na mapakinggan mo ang mga sermon at pagbabahagi tungkol sa katotohanan ay upang maunawaan mo ang katotohanan, malutas ang iyong mga problema, at maiwaksi ang iyong katiwalian. Ang katotohanan ba ay isang bagay para bigkasin mo nang walang kabuluhan? Isa ba itong bagay na sinasang-ayunan mo, at pagkatapos ay tapos na? Dapat bang magsilbing espirituwal na angkla ang pagkaunawa sa katotohanan para punan ang kahungkagan sa iyong kaluluwa? Hindi, hindi ito para gamitin mo para sa layuning ito. Nariyan ang katotohanan para lutasin mo ang mga tiwali mong disposisyon. Ito ay para bigyan ka ng landas, at kapag nakakaranas ka ng mga isyu, makakapamuhay ka ayon sa mga katotohanang ito, at matatahak ang tamang landas ng buhay. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan, hindi ka na kikilos batay sa iyong pagiging natural, sa iyong katiwalian, o sa mga bagay na iyon sa iyong satanikong edukasyon. Hindi ka na mamumuhay ayon sa satanikong lohika o sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Sa halip, mamumuhay ka ayon sa katotohanan, kikilos ka ayon sa katotohanan. Ito lang ang makatutugon sa mga layunin ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan
Anuman ang iyong mga dahilan sa pananalig sa Diyos, sa huli ay pagpapasyahan ng Diyos ang iyong kalalabasan batay sa kung nakamit mo ba ang katotohanan. Kung hindi mo pa nakakamit ang katotohanan, wala sa mga dahilan o palusot na sasabihin mo ang magiging makatwiran. Subukan mong mangatwiran hangga’t gusto mo; magpakabalisa ka kung gusto mo—may pakialam ba ang Diyos? Kakausapin ka ba ng Diyos? Makikipagdebate at makikipagtalakayan ba Siya sa iyo? Kokonsultahin ka ba Niya? Ano ang sagot? Hindi. Talagang hindi Niya gagawin iyon. Gaano ka man mangatwiran, hindi ito magiging katanggap-tanggap. Hindi ka dapat magkamali ng pag-unawa sa mga intensiyon ng Diyos, at isipin na kung makapagbibigay ka ng kung anu-anong dahilan at palusot ay hindi mo na kakailanganing hangarin ang katotohanan. Nais ng Diyos na mahanap mo ang katotohanan sa lahat ng kapaligiran at sa bawat bagay na sumasapit sa iyo, at sa wakas ay makapasok ka sa katotohanang realidad at makapagkamit ng katotohanan. Anuman ang sitwasyon na isinaayos ng Diyos para sa iyo, sinumang tao at anumang pangyayari ang nakakaharap mo, at anumang sitwasyong kinalalagyan mo, dapat kang magdasal sa Diyos at hanapin ang katotohanan para makaya mong harapin ang mga ito. Ang mga ito mismo ang mga aral na dapat mong matutuhan sa paghahangad ng katotohanan. Kung lagi kang naghahanap ng mga palusot para makatakas, makaiwas, makatanggi, o labanan ang mga sirkumstansiyang ito, pababayaan ka ng Diyos. Wala nang dahilan pa para mangatwiran, o maging mailap o mahirap pakisamahan—kung wala nang pakialam ang Diyos sa iyo, mawawalan ka ng pagkakataong maligtas. Para sa Diyos, walang problemang hindi malulutas; gumawa na Siya ng mga pagsasaayos para sa bawat isang tao, at may paraan ng pagharap sa kanila. Hindi tatalakayin sa iyo ng Diyos kung ang mga dahilan at palusot mo ba ay makatwiran. Hindi makikinig ang Diyos kung rasyonal ba ang mga argumentong ginagamit mo para ipagtanggol ang sarili mo. Tatanungin ka lamang Niya, “Katotohanan ba ang mga salita ng Diyos? Mayroon ka bang tiwaling disposisyon? Dapat mo bang hangarin ang katotohanan?” Kailangan maging malinaw lamang sa iyo ang isang katunayan: Ang Diyos ang katotohanan, isa kang tiwaling tao, kaya nga dapat magkusa kang hanapin ang katotohanan. Walang problema o paghihirap, walang dahilan o palusot, ang katanggap-tanggap—kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, ikaw ay masasawi. Anumang halaga ang ibayad ng tao para hangarin ang katotohanan at pumasok sa katotohanang realidad ay kapaki-pakinabang. Dapat bitiwan ng mga tao ang lahat ng kanilang pagdadahilan, ang kanilang mga pangangatwiran, at ang kanilang mga problema sa pagtanggap sa katotohanan at pagtatamo ng buhay, dahil ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ang buhay na dapat nilang kamtin, at isang buhay ito na hindi maipagpapalit sa anuman. Kung makalagpas sa iyo ang oportunidad na ito, hindi mo lamang ito pagsisisihan habambuhay—hindi lamang ito usapin ng pagsisisi—mawawasak mo nang tuluyan ang iyong sarili. Wala nang magiging kahihinatnan o kahahantungan para sa iyo, at ikaw, na isang nilalang, ay darating na sa katapusan. Hindi ka na muling magkakaroon ng pagkakataon kailanman na maligtas. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Huwag kang magdahilan o mangatwiran sa hindi paghahangad ng katotohanan. Walang saysay ang mga ito; niloloko mo lamang ang sarili mo.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1
Kung nais mong sundan ang Diyos at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, dapat hindi ka muna maging mapusok kapag hindi umaayon sa gusto mo ang mga bagay-bagay. Kumalma ka muna at tumahimik sa harap ng Diyos, at sa puso mo, manalangin at maghanap sa Kanya. Huwag kang magmatigas; magpasakop ka muna. Kapag gayon ang pag-iisip mo, saka ka lamang makakaisip ng mas magagandang solusyon sa mga problema. Kung kaya mong magtiyagang mamuhay sa harap ng Diyos, at anuman ang sumapit sa iyo, nagagawa mong manalangin at maghanap sa Kanya, at harapin ito nang may mentalidad ng pagpapasakop, kung gayon ay hindi na mahalaga kung gaano karami ang pagbubunyag ng iyong tiwaling disposisyon, o kung anong mga paglabag ang dati mong nagawa—malulutas ang mga iyon basta’t hinahanap mo ang katotohanan. Anumang mga pagsubok ang sumapit sa iyo, magagawa mong manindigan. Basta’t tama ang mentalidad mo, nagagawa mong tanggapin ang katotohanan, at nagpapasakop ka sa Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi, lubos kang may kakayahang isagawa ang katotohanan. Bagama’t medyo suwail ka at palaban paminsan-minsan, at kung minsan ay nangangatwiran ka para ipagtanggol ang sarili at hindi mo magawang magpasakop, kung kaya mong manalangin sa Diyos at baguhin ang iyong suwail na kalagayan, makakaya mong tanggapin ang katotohanan. Kapag nagawa mo ito, pagnilayan kung bakit umusbong sa iyo ang gayong pagrerebelde at paglaban. Tuklasin ang dahilan, pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para lutasin iyon, at ang aspektong iyon ng iyong tiwaling disposisyon ay maaaring madalisay. Matapos kang makabawi nang ilang beses mula sa gayong mga pagkatisod at pagkadapa, hanggang sa naisasagawa mo na ang katotohanan, unti-unting maaalis ang iyong tiwaling disposisyon. Pagkatapos, maghahari ang katotohanan sa iyong kalooban at magiging buhay mo, at hindi na magkakaroon pa ng mga sagabal sa pagsasagawa mo ng katotohanan. Magagawa mo nang tunay na magpasakop sa Diyos, at isasabuhay mo ang katotohanang realidad. Sa panahong ito, magkakaroon ka ng praktikal na karanasan at pagkalantad sa pagsasagawa sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Kapag may nangyari sa iyo kinalaunan, malalaman mo kung paano magsagawa sa paraang mapagpasakop sa Diyos at kung anong klase ng pag-uugali ang mapaghimagsik laban sa Diyos. Yamang malinaw na ang mga bagay na ito sa puso mo, hindi mo pa rin ba kayang makipagbahaginan tungkol sa katotohanang realidad? Kung hihilingin sa iyong ibahagi ang iyong mga patotoong batay sa karanasan, hindi mo mararamdamang ito ay isang problema dahil marami ka nang naranasan at alam mo na ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Sa anumang paraan ka magsalita, ito ay magiging totoo, at anuman ang sabihin mo, ito ay magiging praktikal. At kung hihilingin sa iyo na talakayin ang mga salita at doktrina, hindi mo ito gugustuhin—magiging tutol ka sa mga ito sa puso mo. Hindi ba’t kung gayon ay nakapasok ka na sa katotohanang realidad? Ang mga taong naghahangad sa katotohanan ay makakapagkamit ng karanasan ukol dito sa loob lamang ng ilang taong pagsisikap, pagkatapos ay makapapasok sa katotohanang realidad. Para sa mga hindi naghahangad sa katotohanan, hindi madaling pumasok sa katotohanang realidad, kahit gusto nila. Ito ay dahil may sobra-sobrang paghihimagsik sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Sa tuwing kailangan nilang isagawa ang katotohanan ukol sa ilang bagay, palagi silang nagdadahilan para sa kanilang sarili at may mga sariling problema, kaya magiging napakahirap para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Bagamat maaari silang manalangin at maghanap, at maging handang isagawa ang katotohanan, kapag may nangyari sa kanila, kapag nakatagpo sila ng mga paghihirap, lumilitaw ang kanilang kalituhan, at lumalabas ang kanilang mapaghimagsik na disposisyon, na talagang nagpapalabo ng kanilang kaisipan. Kung gayon ay malamang na napakatindi ng kanilang mapaghimagsik na disposisyon! Kung ang mas maliit na bahagi ng kanilang puso ang nagugulumihanan, at ang mas malaking bahagi ay nais na magpasakop sa Diyos, kaunting hirap lang ang kakaharapin nila sa pagsasagawa ng katotohanan. Marahil ay kaya nilang manalangin sa loob ng ilang panahon, o maaaring may isang taong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan; basta’t nauunawaan nila ito sa sandaling iyon, magiging mas madali itong isagawa. Kung ang kanilang kalituhan ay napakalaki na sinasakop nito ang malaking bahagi ng kanilang puso, kung saan ang pagiging mapaghimagsik ay pangunahin at ang pagpapasakop ay pumapangalawa lamang, hindi magiging madali para sa kanila ang magsagawa ng katotohanan, dahil napakaliit ng kanilang tayog. At ang mga hindi talaga nagmamahal sa katotohanan ay labis o ganap na mapaghimagsik, ganap na litung-lito. Ang mga taong ito ay iniraraos lamang ang gawain at hindi kailanman makakapagsagawa ng katotohanan, kaya magiging walang kabuluhan ang anumang lakas na gugugulin para sa kanila. Ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ay may malakas na motibasyon para sa katotohanan; kung iyon ang mas malaking bahagi o ang kalakhan ng motibasyon nila, at ang katotohanan ay malinaw na naibahagi sa kanila, tiyak na maisasagawa nila ito. Hindi simpleng bagay ang magmahal sa katotohanan; ang pagkakaroon lang ng kaunting kahandaan ay hindi sapat upang magawang mahalin ng isang tao ang katotohanan. Dapat niyang marating ang punto kung saan sa sandaling maunawaan niya ang salita ng Diyos, makakapagsikap siya at makakapagtiis ng paghihirap at makakapagbayad ng halaga upang isagawa ang katotohanan. Iyon ang isang taong nagmamahal sa katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
May nangyayari sa iyo, at hindi mo alam ang gagawin mo, ni hindi mo pa narinig na may nagsabi kung ano ang dapat gawin. Ang bagay na ito ay maaaring hindi naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo, at maaaring hindi talaga ito ang nais mo; kaya may kaunting pagtutol sa puso mo, at medyo masama ang loob mo. Kaya, ano ang dapat mong gawin? May isang pinakasimpleng paraan para magsagawa—ang magpasakop muna. Ang pagpapasakop ay hindi isang panlabas na pagkilos o pagsasabi, ni hindi ito isang pagpapahayag sa salita—may isang kalagayan na nakapaloob dito. Dapat ay pamilyar kayo rito. Batay sa inyong sariling tunay na mga karanasan, sa tingin ninyo, paano nagsasalita, kumikilos, at nag-iisip ang mga tao, at anong kalagayan at saloobin ang mayroon sila, kapag tunay silang nagpapasakop? (Sa mga bagay na hindi pa nila nauunawaan, isinasantabi muna nila ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Hinahanap nila ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos. Kung hindi pa rin sila nakakaunawa pagkatapos maghanap, natututo silang maghintay sa tiyempo ng Diyos.) Ito ay isang aspeto nito. Ano pa? (Kapag pinupungusan sila, hindi sila nangangatwiran o sumusubok na ipagtanggol ang kanilang sarili.) Ito ay isa pang aspeto ng kalagayang ito. Bagamat hindi harap-harapang nangangatwiran o nagtatanggol ng kanilang sarili ang ilang tao, puro sila reklamo at wala silang kasiyahan. Hindi nila ito sinasabi sa iyo nang harapan, pero walang ingat silang nagsasalita kapag nakatalikod ka na, kung saan-saan nagkakalat ng kwento. Ito ba ay mapagpasakop na saloobin? (Hindi.) Kaya ano ba mismo ang isang mapagpasakop na saloobin? Una, kailangan mong magkaroon ng positibong saloobin: Kapag pinupungusan ka, hindi mo muna sinusuri ang tama at mali—tinatanggap mo lang ito, nang may pusong nagpapasakop. Halimbawa, maaaring may magsabi na may ginawa kang mali. Bagamat hindi mo nauunawaan sa puso mo, at hindi mo alam kung ano ang ginawa mong mali, tinatanggap mo pa rin ito. Ang pagtanggap ay pangunahin na isang positibong saloobin. Bukod pa rito, mayroong isang saloobin na bahagyang mas negatibo—ang manatiling tahimik at huwag gumawa ng anumang pagtutol. Anong uri ng mga pag-uugali ang may kinalaman dito? Hindi ka nangangatwiran, nagtatanggol sa iyong sarili, o gumagawa ng mga obhektibong dahilan para sa sarili mo. Kung palagi kang nagdadahilan at nangangatwiran para sa sarili mo, at ipinapasa ang responsabilidad sa ibang tao, pagtutol ba iyon? Iyon ay isang disposisyon ng paghihimagsik. Hindi ka dapat tumanggi, lumaban, o mangatwiran. Kahit na tama ang pangangatwiran mo, iyon ba ang katotohanan? Isa iyong obhektibong dahilan ng tao, hindi ang katotohanan. Hindi ka tinatanong tungkol sa mga obhetibong dahilan—kung bakit nangyari ang bagay na ito, o kung paano nagkaganito—sa halip, sinasabi sa iyo na ang kalikasan ng kilos na iyon ay hindi naaayon sa katotohanan. Kung mayroon kang kaalaman sa ganitong antas, talagang magagawa mong tumanggap at hindi lumaban. Ang pagkakaroon muna ng mapagpasakop na saloobin kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay-bagay ang pinakamahalaga. May ilang tao na palaging nangangatwiran at nagtatanggol ng sarili pagkatapos nilang maharap sa pagpupungos: “Hindi lang ako ang dapat sisihin dito, kaya paanong ako ang pinananagot dito? Bakit walang nagsasalita para sa akin? Bakit ako lang ang umaako ng responsabilidad para dito? Talagang isa itong uri ng sitwasyon na ‘umaani ng mga pakinabang ang lahat, ngunit isang tao lamang ang nasisisi.’ Napakamalas ko!” Anong klaseng emosyon ito? Ito ay paglaban. Bagamat sa panlabas ay tumatango-tango sila at umaamin sa kanilang pagkakamali, at sinasabi nilang tinatanggap nila ito, nagrereklamo sila sa puso nila, “Kung pupungusan mo ako, sige gawin mo, pero bakit kailangan mong magsalita nang napakalupit? Pinupuna mo ako sa harap ng napakaraming tao, ano na lang ang mukhang ihaharap ko? Hindi mo ako iwinawasto nang may pagmamahal! Maliit lang ang pagkakamali ko, kaya bakit ang dami-dami mong sinasabi?” Kaya, nilalabanan at tinatanggihan nila ang pagtratong ito sa puso nila, matigas na kinokontra ito, at sila ay hindi makatwiran at mahilig makipagtalo. Ang isang taong may ganitong mga kaisipan at damdamin ay malinaw na mapanlaban at antagonistiko, kaya paano siya magkakaroon ng tunay na mapagpasakop na saloobin? Kapag nahaharap sa pagpupungos, anong mga kilos ang bumubuo sa isang bukas at mapagpasakop na saloobin? Kahit paano, dapat rasonable ka at nagtataglay ng katwiran. Dapat ka munang magpasakop, at hindi mo dapat labanan o tanggihan ito, at dapat tratuhin mo ito nang may katwiran. Sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng pinakabatayan na antas ng katwiran. Kung nais mong matamo ang pagtanggap at pagpapasakop, dapat mong maunawaan ang katotohanan. Hindi simpleng bagay na maunawaan ang katotohanan. Una, dapat mong tanggapin ang mga bagay mula sa Diyos: Kahit papaano, dapat mong malaman na ang mapungusan ay isang bagay na pinahihintulutan ng Diyos na mangyari sa iyo, o na nagmumula ito sa Diyos. Ganap man na makatwiran o hindi ang pagpupungos, dapat kang magtaglay ng bukas at mapagpasakop na saloobin. Isa itong pagpapamalas ng pagpapasakop sa Diyos, at kasabay nito, ito ay pagtanggap din sa pagsisiyasat ng Diyos. Kung mangangatwiran ka lang at ipagtatanggol ang sarili mo, iniisip na ang pagpupungos ay nagmumula sa tao at hindi sa Diyos, kung gayon ay may depekto ang pagkaunawa mo. Una, hindi mo tinanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, at pangalawa, wala kang mapagpasakop na saloobin o mapagpasakop na pag-uugali sa sitwasyong itinakda ng Diyos para sa iyo. Ito ay isang taong hindi nagpapasakop sa Diyos. … Ano ang pinakalayon ng Diyos sa pagtulot sa mga tao na matutunan ang aral ng pagpapasakop? Gaano man karaming pagkakamali at pasakit ang dinaranas mo sa panahong iyon, gaano ka man ipinahihiya, o gaano man kalaki ang pinsalang dinanas ng iyong imahe, banidad, o reputasyon, hindi pangunahin ang lahat ng ito. Ang pinakamahalagang bagay ay ang baguhin ang kalagayan mo. Anong kalagayan? Sa normal na mga sitwasyon, umiiral ang isang uri ng mapagmatigas at mapaghimagsik na kalagayan sa kaibuturan ng puso ng mga tao—na ang pangunahing dahilan nito ay, sa kanilang mga puso, mayroon silang isang partikular na uri ng lohika ng tao at kalipunan ng mga kuru-kuro ng tao, na: “Hangga’t tama ang aking mga layunin, hindi mahalaga kung ano ang kalabasan: hindi mo ako dapat pungusan, at kapag ginawa mo iyon, hindi ko kailangang sumunod.” Hindi sila nagninilay-nilay kung naaayon ba ang kanilang mga kilos sa mga katotohanang prinsipyo, o kung ano ang mga kahihinatnan ng mga ito. Ang lagi nilang pinaninindigan ay, “Hangga’t mabuti at tama ang aking mga layunin, dapat akong tanggapin ng Diyos. Kahit pa hindi maganda ang kalabasan, hindi mo ako dapat pungusan, lalong hindi mo ako dapat kondenahin.” Ganito ang katwiran ng tao, hindi ba? Mga kuru-kuro ito ng tao, hindi ba? Laging nakapako ang isip ng tao sa sarili niyang pangangatwiran—may pagpapasakop ba rito? Ginawa mong katotohanan ang sarili mong pangangatwiran at isinantabi ang katotohanan. Naniniwala ka na iyong umaayon sa iyong pangangatwiran ang siyang katotohanan, at iyong hindi umaayon ay hindi. Mayroon pa bang sinumang higit na katawa-tawa? Mayroon pa bang mas mayabang at mapagmatuwid? Aling tiwaling disposisyon ang dapat malutas upang matutuhan ang aral ng pagpapasakop? Ang disposisyon ng kayabangan at pagmamagaling, na siyang pinakamatinding hadlang sa mga taong nagsasagawa ng katotohanan at nagpapasakop sa Diyos. Ang mga taong may mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon ang pinakamalamang na mangatwiran at sumuway, lagi nilang iniisip na tama sila, kaya naman wala nang mas apurahan pa kaysa sa paglutas at pagpungos sa mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon ng isang tao. Sa sandaling maging maayos ang asal ng mga tao at tumigil na sa pangangatwiran para sa kanilang sarili, malulutas ang problema ng paghihimagsik, at magagawa na nilang magpasakop. Kung magagawa ng mga taong makamit ang pagpapasakop, hindi ba’t kailangan na taglay nila ang isang partikular na antas ng pagkamakatwiran? Dapat taglay nila ang katwiran ng isang normal na tao. Halimbawa, sa ilang bagay, kung ginawa man natin ang tamang bagay o hindi, kung hindi nasisiyahan ang Diyos, dapat nating gawin kung ano ang sinasabi Niya, at ituring ang Kanyang mga salita bilang pamantayan para sa lahat ng bagay. Makatwiran ba ito? Gayon ang katwiran na dapat masumpungan sa mga tao bago ang anupaman. Kahit gaano pa tayo magdusa, at kahit ano pa ang ating mga layunin, pakay, at dahilan, kung hindi nasisiyahan ang Diyos—kung hindi natugunan ang Kanyang mga hinihingi—kung gayon walang pag-aalinlangang hindi nakaayon ang ating mga kilos sa katotohanan, kaya dapat tayong makinig at magpasakop sa Diyos, at hindi natin dapat subukang magpalusot o mangatwiran sa Kanya. Kapag nagtataglay ka ng gayong pagkamakatwiran, kapag nagtataglay ka ng katwiran ng isang normal na tao, madaling lutasin ang iyong mga problema, at magiging tunay kang mapagpasakop. Kahit ano pa ang sitwasyong kinalalagyan mo, hindi ka magiging rebelde, at hindi mo sasalungatin ang mga hinihingi ng Diyos; hindi mo susuriin kung tama ba o mali, mabuti ba o masama ang mga hinihingi ng Diyos, at magagawa mong sumunod—at dahil dito ay malulutas ang iyong kalagayan ng pangangatwiran, pagmamatigas, at pagrerebelde.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos
Ang pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ang pinakapangunahing aralin sa pagpapasakop sa Diyos. Kabilang sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ang mga tao, pangyayari, bagay, at iba’t ibang sitwasyon na pinalilitaw ng Diyos sa paligid mo. Kaya paano ka dapat tumugon kapag nahaharap ka sa ganitong mga sitwasyon? Ang pinakapangunahing bagay ay ang tumanggap mula sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “tumanggap mula sa Diyos”? Ang pagrereklamo at paglaban—pagtanggap ba ito mula sa Diyos? Ang paghahanap ng mga katwiran at mga pagdadahilan—pagtanggap ba ito mula sa Diyos? Hindi. Kaya, paano mo ba dapat isagawa ang pagtanggap mula sa Diyos? Kapag may nangyayari sa iyo, una ay kumalma ka, hanapin ang katotohanan, at magsagawa ng pagpapasakop. Huwag kang magdahilan o mangatwiran. Huwag mong subukang suriin o ipalagay kung sino ang tama at kung sino ang mali, at huwag mong suriin kung kaninong pagkakamali ang mas mabigat, at kung kanino ang mas magaan. Isa bang saloobin ng pagtanggap mula sa Diyos ang palaging pagsusuri sa mga bagay na ito? Ito ba ay saloobin ng pagpapasakop sa Diyos? Hindi ito saloobin ng pagpapasakop sa Diyos, o ng pagtanggap mula sa Diyos, o ng pagtanggap sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang pagtanggap mula sa Diyos ay bahagi ng mga prinsipyo para sa pagsasagawa ng pagpapasakop sa Diyos. Kung sigurado kang ang lahat ng bagay na nangyayari sa iyo ay saklaw ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, na nangyayari ang mga bagay na iyon dahil sa mga pagsasaayos at kabutihang-loob ng Diyos, matatanggap mo ang mga ito mula sa Diyos. Magsimula ka sa hindi pagsusuri sa tama at mali, hindi pagdadahilan para sa iyong sarili, hindi paghahanap ng mali ng iba, hindi pagbubusisi, hindi pag-uusisa sa mga obhetibong sanhi ng kung ano ang nangyari, at hindi paggamit sa iyong utak bilang tao para suriin at busisiin ang mga bagay-bagay. Ang mga ito ang mga detalye ng kung ano ang dapat mong gawin para tumanggap mula sa Diyos. At ang paraan para isagawa ito ay ang magsimula sa pagpapasakop. Kahit na may mga kuru-kuro ka o kung hindi malinaw ang mga bagay-bagay sa iyo, magpasakop ka. Huwag mong simulan sa pagdadahilan o paghihimagsik. At pagkatapos magpasakop, hanapin ang katotohanan, manalangin sa Diyos at maghanap mula sa Kanya. Paano ka ba dapat manalangin? Sabihin mo, “O Diyos, pinamatnugutan mo ang sitwasyong ito para sa akin bunga ng Iyong kabutihang-loob.” Ano ang ibig sabihin kapag sinabi mo ito? Ibig sabihin na mayroon ka nang saloobin ng pagtanggap sa iyong puso at kinilala mo na pinamatnugutan ng Diyos ang sitwasyong iyon para sa iyo. Sabihin mo: “O Diyos, hindi ko po alam kung paano magsagawa sa sitwasyong nakaharap ko ngayon. Hinihiling ko sa Iyo na bigyan Mo ako ng kaliwanagan at gabayan ako, at ipaunawa sa akin ang Iyong layunin, para makakilos ako nang ayon dito, at hindi maging mapaghimagsik ni mapanlaban, at huwag sumandig sa sarili kong kalooban. Handa akong isagawa ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga prinsipyo.” Pagkatapos manalangin, makakaramdam ka ng kapayapaan sa iyong puso, at natural mong bibitawan ang iyong mga pagdadahilan. Hindi ba’t ito ay isang pagbabago sa iyong pag-iisip? Inihahanda nito ang daan para hanapin at isagawa mo ang katotohanan, at ang tanging problema na lang ay kung paano mo dapat isagawa ang katotohanan kapag naunawaan mo ito. Kung muli kang nagbubunyag ng paghihimagsik kapag dumarating ang panahong kailangan mong isagawa ang katotohanan, dapat kang muling manalangin sa Diyos. Sa sandaling malutas ang iyong paghihimagsik, natural na magiging madali para sa iyo na isagawa ang katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan
Alam na alam ni Abraham na ibinigay ng Diyos si Isaac, na may kapangyarihang ang Diyos na tratuhin si Isaac sa anumang paraang gusto Niya, na hindi ito dapat husgahan ng mga tao, na ang lahat ng sinasabi ng Lumikha ay kumakatawan sa Lumikha, at na tila makatwiran man ito o hindi, naaayon man ito sa kaalaman, kultura, at moralidad ng tao o hindi, hindi nagbabago ang pagkakakilanlan ng Diyos at ang kalikasan ng Kanyang mga salita. Malinaw na alam Niya na kung hindi kayang unawain, arukin, o tuklasin ng mga tao ang mga salita ng Diyos, problema na nila iyon, na walang dahilan para ipaliwanag o linawin ng Diyos ang mga salitang ito, at na hindi lang dapat magpasakop ang mga tao kapag nauunawaan nila ang mga salita at layunin ng Diyos, kundi dapat magkaroon sila ng iisang saloobin patungkol sa mga salita ng Diyos, anuman ang sitwasyon: nakikinig, tumatanggap, at pagkatapos ay nagpapasakop. Ito ang malinaw na nakikilatis na saloobin ni Abraham sa lahat ng hinihingi ng Diyos na gawin niya, at nakapaloob dito ang pagkamakatwiran ng normal na tao, gayundin ang tunay na pananalig at tunay na pagpapasakop. Ano, higit sa lahat, ang kinailangang gawin ni Abraham? Ang huwag suriin ang mga tama at mali ng mga salita ng Diyos, huwag suriin kung sinabi ba ito bilang isang biro, o para subukan siya, o iba pa. Hindi sinuri ni Abraham ang mga gayong bagay. Ano ang agaran niyang saloobin sa mga salita ng Diyos? Na ang mga salita ng Diyos ay hindi dapat pinapangatwiranan gamit ang lohika—makatwiran man ang mga ito o hindi, ang mga salita ng Diyos ay mga salita ng Diyos, at hindi dapat magkaroon ng puwang para sa pagpili o ng pagsusuri sa saloobin ng mga tao patungkol sa mga salita ng Diyos; ang katwirang dapat mayroon ang mga tao, at ang dapat nilang gawin, ay makinig, tumanggap, at magpasakop. Sa puso niya, malinaw na malinaw kay Abraham kung ano ang pagkakakilanlan at diwa ng Lumikha, at kung ano ang posisyon na dapat hawakan ng isang nilikhang tao. Dahil mismo sa may taglay na gayong pagkamakatwiran at ganitong uri ng saloobin si Abraham, kahit pa nagtitiis siya ng matinding pasakit, kaya inihandog niya si Isaac sa Diyos nang walang pag-aalinlangan o anumang pag-aatubili, isinauli niya si Isaac sa Diyos gaya ng ninanais ng Diyos. Naramdaman niya na dahil hiniling ito ng Diyos, dapat niyang isauli si Isaac sa Diyos, at hindi siya dapat mangatwiran sa Diyos, o magkaroon ng sarili niyang mga kahilingan o hinihingi. Ito mismo ang saloobing nararapat taglayin ng isang nilikha patungkol sa Lumikha. Ang pinakamahirap na bagay sa paggawa nito ang pinakamahalagang katangian ni Abraham. Ang mga salitang ito na sinabi ng Diyos ay di-makatwiran at walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao—hindi kayang unawain o tanggapin ng mga tao ang mga ito, at kahit ano pa ang edad, o kanino man ito mangyari, walang katuturan ang mga salitang ito, hindi maiisagawa ang mga ito—pero hiningi pa rin ng Diyos na gawin ito. Kaya, ano ang dapat gawin? Susuriin ng karamihan ng tao ang mga salitang ito, at pagkatapos ng ilang araw ng pagsusuri, maiisip nila: “Hindi makatwiran ang mga salita ng Diyos—paano nagagawang kumilos ng Diyos sa ganitong paraan? Hindi ba’t isa itong uri ng pagpapahirap? Hindi ba’t mahal ng Diyos ang tao? Paano Niya nagagawang pahirapan nang sobra ang mga tao? Hindi ako nananampalataya sa isang Diyos na labis na nagpapahirap sa mga tao, at pwede kong piliing hindi magpasakop sa mga salitang ito.” Pero hindi ito ginawa ni Abraham; pinili niyang magpasakop. Bagama’t naniniwala ang lahat na mali ang sinabi at hiningi ng Diyos, na hindi dapat humingi ng gayon ang Diyos sa mga tao, nagawa ni Abraham na magpasakop—at ito ang pinakamahalagang katangian niya, at ang mismong wala sa ibang tao. Ito ang tunay na pagpapasakop ni Abraham. Bukod dito, pagkatapos marinig ang hinihingi sa kanya ng Diyos, ang unang bagay na natiyak niya ay hindi ito sinabi ng Diyos bilang isang biro, na hindi ito isang laro. At dahil ang mga salita ng Diyos ay hindi ganoon, ano ang mga ito? Malalim ang pananampalataya ni Abraham na totoo na walang tao ang makakapagbago sa itinatakda ng Diyos na dapat gawin, na walang mga biro, pagsubok, o pagpapahirap sa mga salita ng Diyos, na mapagkakatiwalaan ang Diyos, at lahat ng Kanyang sinasabi—tila makatwiran man ito o hindi—ay totoo. Hindi ba’t ito ang tunay na pananalig ni Abraham? Sinabi ba niya, “Sinabi sa akin ng Diyos na ihandog si Isaac. Pagkatapos kong makuha si Isaac, hindi ko napasalamatan nang maayos ang Diyos—ito ba ay paghingi ng Diyos sa aking pasasalamat? Kung gayon, dapat kong ipakita nang maayos ang pasasalamat ko. Dapat kong ipakita na handa akong ihandog si Isaac, na handa akong pasalamatan ang Diyos, na alam at naaalala ko ang biyaya ng Diyos, at na hindi ko idudulot na mag-alala ang Diyos. Walang duda na sinabi ng Diyos ang mga salitang ito para suriin at subukin ako, kaya dapat iraos ko lang ito. Gagawin ko ang lahat ng paghahanda, pagkatapos ay magdadala ako ng isang tupa kasama si Isaac, at kung sa oras ng paghahandog ay walang sinabi ang Diyos, ihahandog ko ang tupa. Sapat na ang iraos lang ito. Kung talagang hihingin sa akin ng Diyos na ihandog si Isaac, sasabihan ko na lang si Isaac na magpanggap sa altar; kapag oras na, baka hayaan pa rin ako ng Diyos na ihandog ang tupa at hindi ang aking anak”? Ito ba ang naisip ni Abraham? (Hindi.) Kung ganoon ang inisip niya, wala sanang pighati sa puso niya. Kung naisip niya ang mga gayong bagay, anong klaseng integridad ang mayroon siya? Magkakaroon ba siya ng tunay na pananalig? Magkakaroon ba siya ng tunay na pagpapasakop? Hindi.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Ekskorsus
Anuman ang ginagawa ng Lumikha ay tama at ang katotohanan. Anuman ang ginagawa Niya, ang Kanyang pagkakakilanlan at katayuan ay hindi nagbabago. Dapat Siyang sambahin ng lahat ng tao. Siya ang walang hanggang Panginoon at walang hanggang Diyos ng mga tao. Hindi kailanman mababago ang katunayang ito. Hindi lang dapat Siya kinikilala ng mga tao bilang Diyos kapag pinagkakalooban Niya sila ng mga regalo, o hindi Siya kikilalanin bilang Diyos kapag kinukuha Niya ang mga bagay-bagay mula sa kanila. Ito ay maling pananaw ng tao, hindi isang pagkakamali sa mga kilos ng Diyos. Kung nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, makikita nila ito nang malinaw, at kung, sa kaibuturan, ay nagagawa nilang tanggapin na ito ang katotohanan, magiging lalo pang normal ang relasyon nila sa Diyos. Kung sinasabi mong kinikilala mo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, subalit kapag may nangyayari ay hindi mo Siya nauunawaan, at nagrereklamo ka pa nga at wala kang tunay na pagpapasakop, walang kabuluhan kapag sinasabi mong kinikilala mo na katotohanan ang mga salita ng Diyos. Ang pinakamahalagang bagay ay na dapat magawang tanggapin ng iyong puso ang katotohanan, at na anuman ang mangyari, dapat magawa mong makita na ang mga kilos ng Diyos ay tama, at na Siya ay matuwid. Ito ang uri ng tao na nakauunawa sa Diyos. Maraming mananampalataya ang nakatuon lang sa pag-unawa ng doktrina. Kinikilala nila ang espirituwal na teorya, subalit kapag may nangyayari sa kanila, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at hindi sila nagpapasakop. Mapagpaimbabaw na mga tao ang mga ito. Karaniwang tama lahat ang mga bagay na sinasabi mo, subalit kapag may nangyayari na hindi umaayon sa mga sarili mong kuru-kuro, hindi mo ito nagagawang tanggapin. Nakikipagtalo ka sa Diyos, iniisip na hindi dapat ginawa ng Diyos ang ganito o ganyan. Hindi ka makapagpasakop sa gawain ng Diyos, at hindi mo hinahanap ang katotohanan o pinagnilayan ang iyong paghihimagsik. Ibig sabihin nito na hindi ka mapagpasakop sa Diyos. Gusto mo palaging makipagtalo sa Diyos; iniisip mo palagi na nakahihigit ang iyong mga argumento kaysa sa katotohanan, na kung maibabahagi mo ito sa entablado, maraming tao ang susuporta sa iyo. Subalit kahit maraming tao pa ang sumusuporta sa iyo, lahat sila ay mga tiwaling tao. Hindi ba’t mga tiwaling tao ang lahat ng mga sumusuporta at ang sinusuportahan? Hindi ba’t silang lahat ay walang katotohanan? Kahit sinuportahan ka pa ng buong sangkatauhan at sinalungat ang Diyos, magiging tama pa rin ang Diyos. Magiging mali pa rin ang sangkatauhan, na naghimagsik at lumaban sa Diyos. Isa lang ba itong pagpapahayag? Hindi. Ito ay ang katunayan; ito ay ang katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Saloobing Dapat Taglayin ng Tao sa Diyos
Ang tanging saloobing dapat taglayin ng isang nilalang sa Lumikha ay yaong pagpapasakop, walang kondisyong pagpapasakop. Ito ay isang bagay na maaaring hindi matanggap ng ilang tao ngayon. Ito ay dahil napakababa ng tayog ng tao at wala silang katotohanang realidad. Kung malamang na magkamali ka ng pagkaunawa sa Diyos kapag may ginagawa ang Diyos na mga bagay na taliwas sa iyong mga kuru-kuro—at malamang na maghimagsik pa nga laban sa Diyos, at ipagkanulo Siya—kung gayon ay malayong magawa mo na magpasakop sa Diyos. Habang ang tao ay tinutustusan at dinidiligan ng salita ng Diyos, nagsisikap talaga siya para sa iisang mithiin, na magawang makamtan ang walang kondisyon, lubos na pagpapasakop sa Diyos sa dakong huli—kung kailan, ikaw, ang nilikhang ito, ay nakaabot na sa kinakailangang pamantayan. May mga panahon na sinasadya ng Diyos na gumawa ng mga bagay na taliwas sa mga kuru-kuro mo, at sinasadya Niyang gumawa ng mga bagay na salungat sa mga ninanais mo, at maaari pa ngang tila taliwas sa katotohanan, walang pagsasaalang-alang sa iyo, at hindi umaayon sa iyong mga sariling kagustuhan. Ang mga bagay na ito ay maaaring mahirap para sa iyo na tanggapin, maaaring hindi mo maunawaan ang mga bagay na ito, at gaano mo man suriin ang mga ito, maaaring mali ang mga ito sa iyo at hindi mo magawang tanggapin ang mga ito, maaaring madama mo na wala sa katwiran ang Diyos para gawin ito—ngunit ang totoo, sinadya ng Diyos na gawin ito. Ano ang pakay ng Diyos sa paggawa ng mga bagay na ito? Ito ay para subukin at ibunyag ka, para makita kung magagawa mo bang hanapin ang katotohanan o hindi, kung may tunay ka bang pagpapasakop sa Diyos o wala. Huwag maghanap ng batayan para sa lahat ng ginagawa at hinihingi ng Diyos, at huwag magtanong kung bakit. Walang silbi ang subukang mangatwiran sa Diyos. Kailangan mo lang kilalanin na ang Diyos ang katotohanan at magkaroon ng kakayahan na lubos na magpasakop. Kailangan mo lang kilalanin na ang Diyos ang iyong Lumikha at ang iyong Diyos. Mas mataas ito kaysa anumang pangangatwiran, mas mataas kaysa anumang makamundong karunungan, mas matayog kaysa anumang moralidad, etika, kaalaman, pilosopiya, o tradisyonal na kultura ng tao—mas mataas maging sa mga damdamin ng tao, sa pagiging matuwid ng tao, at sa tinaguriang pag-ibig ng tao. Mas mataas ito kaysa anupaman. Kung hindi ito malinaw sa iyo, darating ang isang araw sa malao’t madali na may mangyayari sa iyo at babagsak ka. Pinakamababa nang magrerebelde ka sa Diyos at tatahak sa lihis na landas; kung sa huli ay magagawa mong magsisi, at makilala ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at makilala ang kahalagahan ng gawain ng Diyos sa iyo, magkakaroon ka pa rin ng pag-asang maligtas—ngunit kung ikaw ay mahulog dahil sa bagay na ito at hindi mo nagawang bumangon, wala ka nang pag-asa. Hinahatulan man, kinakastigo, o isinusumpa ng Diyos ang mga tao, ang lahat ng ito ay para mailigtas sila, at hindi sila dapat matakot. Ano ang dapat mong ikatakot? Dapat mong katakutan ang pagsasabi ng Diyos ng, “Itinataboy kita.” Kapag sinabi ito ng Diyos, nasa panganib ka: Ibig sabihin nito ay hindi ka ililigtas ng Diyos, na wala ka nang pag-asang maligtas. Kaya, sa pagtanggap sa gawain ng Diyos, dapat na maunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos. Anuman ang iyong ginagawa, huwag mong hanapan ng mali ang mga salita ng Diyos, at sabihing, “Ayos lang ang paghatol at pagkastigo, pero ang pagkondena, pagsumpa, pagwasak—hindi ba’t ibig sabihin noon ay katapusan na ng lahat sa akin? Ano pa ang silbi ng pagiging isang nilikha? Kaya hindi na ako magiging isang nilikha, at hindi Ka na magiging Diyos ko.” Kung tinatanggihan mo ang Diyos at hindi ka naninindigan sa iyong patotoo, maaaring itakwil ka talaga ng Diyos. Alam ba ninyo ito? Gaano man katagal nang nananalig ang mga tao sa Diyos, gaano man karaming daan ang nalakbay na nila, gaano man karami ang gawain na nagawa na nila, o gaano man karaming tungkulin ang nagampanan na nila, ang lahat ng ginawa nila sa panahong ito ay para mapaghandaan ang isang bagay. Ano iyon? Naghahanda sila para magkaroon sa huli ng lubusang pagpapasakop sa Diyos, ng walang kondisyong pagpapasakop. Ano ang ibig sabihin ng “walang kondisyon”? Ang ibig sabihin nito ay hindi ka mangangatwiran, at wala kang sasabihin tungkol sa mga sarili mong obhektibong dahilan, ibig sabihin nito ay wala kang magiging walang-saysay na pagtutol; hindi ka karapat-dapat para dito, dahil isa kang nilikha. Kapag gumagawa ka ng walang-saysay na pagtutol sa Diyos, mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan, at kapag sinusubukan mong mangatwiran sa Diyos—muli, mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan. Huwag kang makipagtalo sa Diyos, huwag mo palaging subukang isipin ang dahilan, huwag kang magpumilit na makaunawa bago magpasakop, at huwag magpasakop kapag hindi mo nauunawaan. Kapag ginawa mo ito, mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan, kung gayon ay hindi lubos ang iyong pagpapasakop sa Diyos; ito ay pagpapasakop na depende sa sitwasyon at may kondisyon. Ang mga gumagawa ba ng kondisyon para sa kanilang pagpapasakop sa Diyos ay mga tao na tunay na nagpapasakop sa Diyos? Tinatrato mo ba ang Diyos bilang Diyos? Sinasamba mo ba ang Diyos bilang ang Lumikha? Kung hindi, hindi ka kinikilala ng Diyos. Ano ang dapat mong maranasan para matamo ang walang pasubali at walang kondisyong pagpapasakop sa Diyos? At paano ka dapat dumanas? Una, dapat tanggapin ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at dapat nilang tanggapin ang pagpupungos. Bukod pa rito, dapat nilang tanggapin ang atas ng Diyos, dapat nilang hangarin ang katotohanan habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, dapat nilang maunawaan ang iba’t ibang aspeto ng katotohanan na may kaugnayan sa buhay pagpasok, at matamo ang pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos. Kung minsan, ito ay lampas sa kakayahan ng mga tao, at wala silang mga kapasidad na makabatid para matamo ang pagkaunawa sa katotohanan, at kaya lamang makaunawa nang kaunti kapag nagbabahagi ang iba sa kanila o sa pamamagitan ng pagkatuto ng mga aral mula sa iba’t ibang sitwasyong nilikha ng Diyos. Ngunit kailangan mong malaman na dapat kang magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos, hindi mo dapat subukang mangatwiran sa Diyos o gumawa ng mga kondisyon; ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kung ano ang nararapat na gawin, sapagkat Siya ang Lumikha at ikaw ay isang nilikha. Dapat kang magkaroon ng saloobin ng pagpapasakop, at hindi ka dapat palaging humihingi ng dahilan o nagsasalita tungkol sa mga kondisyon. Kung wala ka ng kahit na pinakapayak na saloobin ng pagpapasakop, at malamang pa na magduda o mag-ingat sa Diyos, o mag-isip, sa iyong puso, “Kailangan kong makita kung ililigtas talaga ako ng Diyos, at kung talagang matuwid ang Diyos. Sinasabi ng lahat na ang Diyos ay pag-ibig—kung gayon, kailangan kong makita kung may pag-ibig nga talaga sa ginagawa sa akin ng Diyos, kung pag-ibig talaga ito,” kung palagi mong sinusuri kung ang ginagawa ng Diyos ay naaayon sa mga kuru-kuro at panlasa mo, o maging sa pinaniniwalaan mo na katotohanan, kung gayon ay mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan, at nasa panganib ka: Malamang na malalabag mo ang disposisyon ng Diyos. Ang mga katotohanang may kinalaman sa pagpapasakop ay mahalaga, at walang katotohanan ang maaaring lubos at malinaw na maipaliliwanag sa pamamagitan lamang ng dalawang pangungusap; ang lahat ng ito ay nauugnay sa iba’t ibang kalagayan at katiwalian ng mga tao. Ang pagpasok sa katotohanang realidad ay hindi matatamo sa isa o dalawang taon—o sa tatlo o lima. Nangangailangan ito ng pagdanas ng maraming bagay, pagdanas ng maraming paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pagdanas ng maraming pagpupungos. Kapag natamo mo na ang kakayahang magsagawa ng katotohanan, saka lamang magiging epektibo ang paghahangad mo sa katotohanan, at saka ka lamang magtataglay ng katotohanang realidad. Tanging ang mga nagtataglay ng katotohanang realidad ang mga may tunay na karanasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang Nakamit Ko Mula sa Pagtanggap ng Pagpupungos