17. Paano lutasin ang problema ng pagkukunwari at pagpapanggap
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang mga tiwaling tao ay mahusay magpanggap. Anuman ang ginagawa nila o anumang katiwalian ang ibinubunyag nila, kailangan nila palaging magpanggap. Kung may mangyaring mali o may ginawa silang mali, gusto nilang isisi iyon sa iba. Gusto nilang sila ang mapuri sa mabubuting bagay, at masisi ang iba sa masasamang bagay. Hindi ba maraming ganitong pagpapanggap sa tunay na buhay? Napakarami. Ang paggawa ng mga pagkakamali o pagpapanggap: alin sa mga ito ang may kaugnayan sa disposisyon? Ang pagpapanggap ay isang usapin ng disposisyon, may kaakibat itong mapagmataas na disposisyon, kabuktutan, at panlilinlang; ito ay higit na kinamumuhian ng Diyos. Sa katunayan, kapag nagpapanggap ka, nauunawaan ng lahat ang nangyayari, pero akala mo hindi iyon nakikita ng iba, at ginagawa mo ang lahat para makipagtalo at pangatwiranan ang sarili mo sa pagsisikap na hindi ka mapahiya at isipin ng lahat na wala kang ginawang mali. Hindi ba kahangalan ito? Ano ang palagay ng iba tungkol dito? Ano ang nadarama nila? Pagkayamot at pagtataboy. Kung, matapos makagawa ng pagkakamali, matatrato mo ito nang tama, at mapapayagan mo ang lahat ng iba pa na pag-usapan ito, na pinahihintulutan ang kanilang komentaryo at pagkilatis dito, at kaya mong magtapat tungkol dito at himayin ito, ano ang magiging opinyon ng lahat sa iyo? Sasabihin nila na isa kang matapat na tao, dahil bukas ang puso mo sa Diyos. Sa pamamagitan ng iyong mga kilos at pag-uugali, makikita nila ang nasa puso mo. Ngunit kung susubukan mong magkunwari at linlangin ang lahat, liliit ang tingin sa iyo ng mga tao, at sasabihin nila na hangal ka at hindi matalino. Kung hindi mo susubukang magkunwari o pangatwiranan ang sarili mo, kung kaya mong aminin ang iyong mga pagkakamali, sasabihin ng lahat na tapat ka at matalino. At ano ang ikinatalino mo? Ang lahat ng tao ay nagkakamali. Ang lahat ng tao ay may mga pagkukulang at kapintasan. At ang totoo, lahat ng tao ay may magkakaparehong tiwaling disposisyon. Huwag mong isipin na mas marangal, perpekto, at mabait ka kaysa sa iba; lubos na pagiging hindi makatwiran iyan. Sa sandaling malinaw na sa iyo ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang diwa at totoong hitsura ng kanilang katiwalian, hindi mo na susubukang pagtakpan ang sarili mong mga pagkakamali, ni hindi mo isusumbat ang pagkakamali ng ibang tao sa kanila—mahaharap mo nang tama ang dalawang ito. Saka ka lamang magkakaroon ng kabatiran at hindi gagawa ng mga kahangalan, na siyang ikatatalino mo. Ang mga hindi matalino ay mga taong hangal, at palagi silang nakatuon sa maliliit na pagkakamaling nagawa nila habang palihim na kumikilos. Kasuklam-suklam itong makita. Sa katunayan, halatang-halata kaagad ng ibang mga tao ang ginagawa mo, subalit lantaran ka pa ring nagpapanggap. Nagmumukha kang katatawanan sa iba. Hindi ba’t kahangalan ito? Talagang kahangalan ito. Walang anumang karunungan ang mga hangal na tao. Kahit gaano pa karaming sermon ang marinig nila, hindi pa rin nila maunawaan ang katotohanan o makita ang anumang bagay sa kung ano talaga ito. Palagi silang nagmamagaling, iniisip na naiiba sila sa lahat, at mas kagalang-galang sila; ito ay kayabangan at pagmamatuwid sa sarili, ito ay kahangalan. Ang mga hangal ay walang espirituwal na pagkaunawa, hindi ba? Ang mga bagay kung saan hangal at mangmang ka ay ang mga bagay kung saan wala kang espirituwal na pagkaunawa, at hindi madaling maunawaan ang katotohanan. Ito ang realidad ng usaping ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao
Anong klaseng disposisyon ito kapag ang mga tao ay palaging nagpapanggap, palaging pinagtatakpan ang kanilang sarili, palaging nagmamagaling upang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, at hindi makita ang kanilang mga pagkakamali o pagkukulang, kapag palagi nilang sinisikap na ipakita sa mga tao ang pinakamagandang aspekto nila? Ito ay kayabangan, pagkukunwari, pagpapaimbabaw, ito ang disposisyon ni Satanas, ito ay isang buktot na bagay. Tingnan natin ang mga miyembro ng satanikong rehimen: Gaano man sila maglaban-laban, mag-away-away, o pumatay nang lihim, walang sinumang maaaring mag-ulat o magsiwalat sa kanila. Natatakot sila na makikita ng mga tao ang kanilang mala-demonyong mukha, at ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ito. Sa harap ng iba, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ang kanilang sarili, sinasabi nila kung gaano nila kamahal ang mga tao, kung gaano sila kadakila, kamaluwalhati at kung paano sila hindi nagkakamali. Ito ang kalikasan ni Satanas. Ang pinakaprominenteng katangian ng kalikasan ni Satanas ay ang panloloko at panlilinlang. At ano ang layon ng panloloko at panlilinlang na ito? Para dayain ang mga tao, para pigilan silang makita ang diwa at tunay na kulay nito, at nang sa gayon ay makamtan ang layon na mapatagal ang pamumuno nito. Maaaring walang gayong kapangyarihan at katayuan ang mga ordinaryong tao, ngunit nais din nilang magkaroon ng magandang pagtingin ang ibang tao tungkol sa kanila, at magkaroon ng mataas na tingin ang mga tao sa kanila, at iangat sila sa mataas na katayuan ng mga ito, sa puso ng mga ito. Ito ay isang tiwaling disposisyon, at kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala silang kakayahang makilala ito. Ang mga tiwaling disposisyon ang pinakamahirap makilala sa lahat: Madaling makilala ang sarili mong mga pagkakamali at pagkukulang, pero hindi ang makilala ang sarili mong tiwaling disposisyon. Ang mga taong hindi kilala ang kanilang sarili ay hindi kailanman tinatalakay ang kanilang mga tiwaling kalagayan—palagi nilang iniisip na maayos sila. At nang hindi nila namamalayan, nagsisimula silang magpakitang-gilas: “Sa lahat ng mga taong sumasampalataya ako, dumaan na ako sa napakaraming pag-uusig at pinagdusahan ko na ang napakaraming paghihirap. Alam ba ninyo kung paano ko ito napagtagumpayang lahat?” Mapagmataas na disposisyon ba ito? Ano ang motibasyon sa likod ng kanilang pagpapasikat? (Para tumaas ang tingin sa kanila ng mga tao.) Ano ang motibo nila sa pagsisikap na mapataas ang tingin sa kanila ng mga tao? (Para mabigyan sila ng katayuan sa isipan ng gayong mga tao.) Kapag nabigyan ka ng katayuan sa isipan ng iba, kung gayon ay kapag kasama ka niya, may paggalang siya sa iyo, at mas magalang siya kapag kausap ka niya. Palagi ka niyang tinitingala, palagi ka niyang pinauuna sa lahat ng bagay, pinagbibigyan ka niya, binobola at sinusunod ka niya. Sa lahat ng bagay, hinahanap ka niya at hinahayaan kang magdesisyon. At nakadarama ka ng kasiyahan mula rito—pakiramdam mo ay mas malakas at mas mahusay ka kaysa sa sinuman. Gusto ng lahat ang pakiramdam na ito. Ito ang pakiramdam ng pagkakaroon ng katayuan sa puso ng isang tao; nais ng mga taong magpakasasa rito. Ito ang dahilan kung bakit nakikipagpaligsahan ang mga tao para sa katayuan, at ninanais ng lahat na mabigyan ng katayuan sa puso ng iba, na hangaan at sambahin sila ng iba. Kung hindi nila makukuha ang ganoong kasiyahan na dulot nito, hindi sila maghahangad ng katayuan. Halimbawa, kung wala kang katayuan sa isipan ng isang tao, pakikisamahan ka niya bilang kapantay niya, pakikitunguhan ka niya bilang kapantay niya. Kokontrahin ka niya kapag kinakailangan, hindi sila gumagalang o rumerespeto sa iyo, at maaari pa ngang iwanan ka nila bago ka pa matapos sa pagsasalita. Magagalit ka ba? Hindi mo gusto kapag tinatrato ka nang ganito ng mga tao; gusto mo kapag binobola ka nila, tinitingala ka, at sinasamba ka sa bawat pagkakataon. Gusto mo kapag ikaw ang sentro ng lahat, lahat ng bagay ay umiikot sa iyo, at lahat ng tao ay nakikinig sa iyo, tumitingala sa iyo, at nagpapasakop sa iyong direksiyon. Hindi ba’t ito ay isang pagnanais na mamayani bilang isang hari, na magkaroon ng kapangyarihan? Ang iyong mga salita at gawa ay itinutulak ng paghahangad at pagtatamo ng katayuan, at nakikipaglaban, nakikipag-unahan, at nakikipagkumpetensiya ka sa iba para dito. Ang layon mo ay ang makakuha ng isang posisyon, at magawang makinig sa iyo, sumuporta sa iyo, at sumamba sa iyo ang mga hinirang ng Diyos. Kapag nasa iyo na ang posisyon na iyon, mapapasaiyo na ang kapangyarihan at matatamasa mo na ang mga pakinabang ng katayuan, paghanga ng iba, at lahat ng iba pang mga pakinabang na kasama ng posisyong iyon. Ang mga tao ay palaging nagbabalatkayo, nagpapakitang-gilas sa iba, nagkukunwari, nagpapanggap, at nagpapalamuti ng sarili upang isipin ng iba na perpekto sila. Ang layunin nila rito ay para magkamit ng katayuan, upang matamasa nila ang mga benepisyo ng katayuan. Kung hindi ka naniniwala rito, pag-isipan mo ito nang mabuti: Bakit palagi mong nais na mataas ang tingin sa iyo ng mga tao? Gusto mong sambahin ka nila at tingalain ka nila, upang kalaunan ay makuha mo ang kapangyarihan at matamasa ang mga benepisyo ng katayuan. Ang katayuan na labis mong hinahangad ay magdadala sa iyo ng maraming pakinabang, at ang mga pakinabang na ito ang mismong kinaiinggitan at hinahangad ng iba. Kapag natikman ng mga tao ang maraming pakinabang na ibinibigay ng katayuan, nalalasing sila rito, at nagpapakasasa sila sa marangyang buhay na iyon. Iniisip ng mga tao na ito lamang ang isang buhay na hindi nasayang. Ang tiwaling sangkatauhan ay nalulugod sa pagpapakasasa sa mga bagay na ito. Samakatuwid, kapag ang isang tao ay nakamit ang isang partikular na posisyon at nagsimulang magtamasa ng iba’t ibang pakinabang na dulot nito, walang humpay siyang magnanasa sa mga makasalanang kasiyahang ito, hanggang sa puntong hindi na niya mabitiwan ang mga ito. Sa diwa, ang paghahangad sa katanyagan at katayuan ay bunsod ng pagnanasa na magpadala sa mga pakinabang na dulot ng isang partikular na posisyon, na mamayani bilang isang hari, na magkaroon ng kontrol sa mga taong hinirang ng Diyos, na magkaroon ng kapangyarihan sa lahat ng bagay, at magtatag ng isang malayang kaharian kung saan maaari siyang magpakasaya sa mga benepisyo ng kanilang katayuan at magpakasasa sa makasalanang mga kasiyahan. Gumagamit si Satanas ng lahat ng uri ng pamamaraan para linlangin, lokohin, at dayain ang mga tao, na nagbibigay sa kanila ng huwad na impresyon. Gumagamit pa ito ng pananakot at pagbabanta para hangaan at katakutan ito ng mga tao, na ang panghuling layon ay mahikayat silang magpasakop kay Satanas at sambahin ito. Ito ang nagpapalugod kay Satanas; ito rin ang layon nito sa pakikipagpaligsahan sa Diyos para makuha ang loob ng mga tao. Kaya, kapag nakikipaglaban kayo sa ibang mga tao para sa katayuan at reputasyon, ano ang ipinaglalaban ninyo? Para ba talaga maging bantog? Hindi. Ang totoong ipinaglalaban mo ay ang mga kapakinabangang hatid sa iyo ng kabantugan. Kung gusto mong palaging matamasa ang mga pakinabang na iyon, kailangan mong ipaglaban ang mga ito. Ngunit kung hindi mo pinahahalagahan ang mga pakinabang na iyon at sasabihin mong, “Hindi mahalaga kung paano ako itrato ng mga tao. Isa lang akong ordinaryong tao. Hindi ako karapat-dapat sa gayon kabuting pakikitungo, wala rin akong pagnanais na sumamba sa isang tao. Ang Diyos lamang ang Siyang dapat kong tunay na sambahin at katakutan. Siya lamang ang aking Diyos at aking Panginoon. Gaano man kahusay ang isang tao, gaano man kagaling ang kanyang mga abilidad, gaano man kalawak ang kanyang talento, o gaano karingal o kaperpekto ang kanyang imahe, hindi siya ang layon ng aking pagpipitagan dahil hindi siya ang katotohanan. Hindi siya ang Lumikha; hindi siya ang Tagapagligtas, at hindi niya kayang pangasiwaan o pagharian ang kapalaran ng tao. Hindi siya ang layon ng aking pagsamba. Walang taong karapat-dapat sa aking pagsamba,” hindi ba’t naaayon ito sa katotohanan? Sa kabilang banda, kung hindi mo sinasamba ang iba, paano mo sila dapat pakitunguhan kung magsisimula silang sumamba sa iyo? Dapat kang humanap ng paraan para pigilan silang gawin iyon, at tulungan silang makawala sa ganoong kaisipan. Dapat kang humanap ng paraan para ipakita sa kanila ang tunay mong pagkatao, at hayaan silang makita ang iyong kapangitan at tunay na kalikasan. Ang susi ay ang maipaunawa sa mga tao na gaano man kahusay ang iyong kakayahan, gaano man kataas ang iyong pinag-aralan, gaano ka man kamaalam, o gaano katalino, isa ka pa ring ordinaryong tao. Hindi ka isang taong pinagtutuunan ng paghanga at pagsamba ng sinuman. Una sa lahat, dapat kang manindigan sa iyong posisyon, at hindi umatras pagkatapos mong magkamali o mapahiya. Kung pagkatapos magkamali o mapahiya, hindi ka lang nabigong kilalanin ito, ngunit gumamit ka rin ng panlilinlang para itago o pagtakpan ito, pinalalaki mo ang iyong pagkakamali at mas pinapapangit ang iyong sarili. Mas lumilitaw ang iyong ambisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao
Ang mga tao mismo ay mga nilikha. Kaya ba ng mga nilikha na magkamit ng walang-hanggang kapangyarihan? Kaya ba nilang maging perpekto at walang anumang mali? Kaya ba nilang maging mahusay sa lahat ng bagay, maunawaan ang lahat ng bagay, makilatis ang lahat ng bagay, at makaya ang lahat ng bagay? Hindi nila kaya. Gayunman, sa kalooban ng mga tao, mayroong mga tiwaling disposisyon, at isang malalang kahinaan: Sa sandaling matuto sila ng isang kasanayan o propesyon, pakiramdam ng mga tao ay may kakayahan sila, na sila ay mga taong may katayuan at may halaga, at na sila ay mga propesyonal. Gaano man sila kapangkaraniwan, nais nilang lahat na ipresenta ang kanilang sarili bilang sikat o katangi-tanging indibidwal, na gawing medyo tanyag na tao ang kanilang sarili, at ipaisip sa mga tao na perpekto sila at walang kapintasan, wala ni isang depekto; sa mga mata ng iba, nais nilang maging sikat, makapangyarihan, o dakilang tao, at gusto nilang maging napakalakas, kaya ang anumang bagay, nang walang hindi nila kayang gawin. Pakiramdam nila, kapag humingi sila ng tulong sa iba, magmumukha silang walang kakayahan, mahina, at mas mababa, at na hahamakin sila ng mga tao. Sa dahilang ito, palagi nilang nais na patuloy na magkunwari. Ang ilang tao, kapag pinagawa ng isang bagay, ay nagsasabing alam nila kung paano ito gawin, kahit na sa katunayan ay hindi. Pagkatapos, palihim, sasaliksikin nila ito at susubukang matutuhan kung paano ito gawin, ngunit pagkatapos itong pag-aralan nang ilang araw, hindi pa rin nila nauunawaan kung paano ito gawin. Kapag tinanong kung kumusta sila rito, sinasabi nila, “Malapit na, malapit na!” Pero sa kanilang puso, naiisip nila, “Hindi ko pa nauunawaan, wala akong ideya, hindi ko alam kung ano ang gagawin! Hindi ako puwedeng magpahuli, dapat ituloy ko ang pagkukunwari, hindi ko maaaring hayaang makita ng mga tao ang aking mga pagkukulang at kamangmangan, hindi ko maaaring hayaang hamakin nila ako!” Anong problema ito? Isa itong impiyernong buhay na sinusubukang huwag mapahiya sa anupamang paraan. Anong klaseng disposisyon ito? Walang hangganan ang kayabangan ng gayong mga tao, nawalan na sila ng buong katwiran. Ayaw nilang maging katulad ng iba, ayaw nilang maging karaniwang mga tao, normal na mga tao, bagkus ay nais nilang maging superhuman, katangi-tanging indibidwal, o kahanga-hanga. Napakalaking problema nito! Patungkol sa mga kahinaan, mga pagkukulang, kamangmangan, kahangalan, at kawalan ng pang-unawa sa loob ng normal na pagkatao, babalutan nila ang lahat ng iyon, hindi ipapakita sa ibang mga tao, pagkatapos ay patuloy silang magpapanggap. May ilang bulag sa lahat ng bagay, ngunit sinasabing sa puso nila ay nakakaunawa sila. Kapag hiniling mong ipaliwanag nila ito, hindi nila magawa. Matapos itong maipaliwanag ng iba, sinasabi nila na iyon nga rin sana ang sasabihin nila ngunit hindi nila iyon nasabi kaagad. Ginagawa nila ang lahat ng kaya nila para magpanggap at subukang magpakitang-gilas. Anong masasabi mo, hindi ba’t namumuhay ang gayong mga tao nang lumilipad ang isip? Hindi ba nangangarap sila nang gising? Hindi nila kilala kung sino sila mismo, ni hindi nila alam kung paano isabuhay ang normal na pagkatao. Ni minsan ay hindi sila kumilos na tulad ng praktikal na mga tao. Kung araw-araw ka na lang lutang mag-isip, iniraraos lang ang gawain, walang ginagawang anumang praktikal, at laging namumuhay nang ayon sa sarili mong imahinasyon, problema ito. Ang landas sa buhay na iyong pinili ay mali. Kung gagawin mo ito, paano ka man manalig sa Diyos, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, ni hindi mo matatamo ang katotohanan. Sa totoo lang, hindi mo matatamo ang katotohanan, dahil mali ang simula mo. Kailangan mong matutuhan kung paano lumakad sa lupa, at paano lumakad nang matatag, sa paisa-isang hakbang. Kung kaya mong lumakad, lumakad ka; huwag mong subukang matutong tumakbo. Kung kaya mong lumakad sa paisa-isang hakbang, huwag mong subukang magdala-dalawang hakbang. Kailangan mong magpakatatag. Huwag mong subukang maging pambihirang tao, matapang, o matayog.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos
Paano inilalarawan ang mga Pariseo? Sila ay mga taong ipokrito, ganap na huwad, at nagpapanggap sa lahat ng kanilang ginagawa. Anong pagpapanggap ang ginagawa nila? Nagkukunwari silang mabuti, mabait, at positibo. Ganito ba sila talaga? Hinding-hindi. Dahil mga ipokrito sila, lahat ng nakikita at nalalantad sa kanila ay huwad; lahat ito’y pagkukunwari—hindi ito ang kanilang tunay na mukha. Saan nakatago ang tunay nilang mukha? Nakatago ito sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi makikita ng iba kahit kailan. Ang lahat ng nakikita ay isang palabas, lahat ng ito ay hindi totoo, ngunit maaari lamang nilang maloko ang mga tao; hindi nila maloloko ang Diyos. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, kung hindi nila isinasagawa at dinaranas ang mga salita ng Diyos, hindi nila tunay na mauunawaan ang katotohanan, at kaya gaano man kabulaklak ang kanilang mga salita, ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanang realidad, kundi mga salita at doktrina. Ang ilang tao ay nakatuon lamang sa pag-uulit ng mga salita at doktrina, ginagaya nila ang sinumang nangangaral ng pinakamatataas na mga sermon, na ang resulta ay sa loob lamang ng ilang taon, ang kanilang pagbigkas ng mga salita at doktrina ay lalo pang humuhusay, at hinahangaan at iginagalang sila ng maraming tao, pagkatapos nito ay nagsisimula silang ikubli ang kanilang sarili, at labis na binibigyang-pansin ang sinasabi at ginagawa nila, ipinapakita ang kanilang sarili bilang mga katangi-tanging banal at espirituwal. Ginagamit nila ang mga tinaguriang espirituwal na teoryang ito para ikubli ang kanilang sarili. Ang mga ito lamang ang tinatalakay nila saanman sila magtungo, paimbabaw na mga bagay na akma sa mga kuru-kuro ng mga tao, ngunit walang alinman sa katotohanang realidad. At sa pamamagitan ng pangangaral ng mga bagay na ito—mga bagay na nakaayon sa mga kuru-kuro at panlasa ng mga tao—marami silang taong nililihis. Para sa iba, ang mga ganoong tao ay tila napakataimtim at mapagpakumbaba, pero hindi talaga ito totoo; tila mapagparaya, matiisin, at mapagmahal sila, pero pagkukunwari talaga ito; sinasabi nilang mahal nila ang Diyos, ngunit ang totoo ay palabas lamang ito. Iniisip ng iba na ang mga ganoong tao ay banal, pero huwad talaga ito. Saan matatagpuan ang isang taong tunay na banal? Ang kabanalan ng tao ay pawang huwad. Palabas lang ang lahat, isang pagpapanggap. Sa tingin, mukha siyang matapat sa Diyos, ngunit ang totoo ay gumagawa lamang siya para makita ng iba. Kapag walang nakatingin, hindi siya matapat ni katiting, at lahat ng ginagawa niya ay hindi pinag-isipan. Sa panlabas, ginugugol niya ang kanyang sarili para sa Diyos at tinalikuran na niya ang kanyang pamilya at propesyon. Pero ano ang ginagawa niya nang palihim? Nagsasagawa siya ng sarili niyang gawain at nagpapatakbo ng sarili niyang operasyon sa iglesia, kumikita mula sa iglesia at palihim na nagnanakaw ng mga handog sa pagkukunwaring gumagawa para sa Diyos…. Ang mga taong ito ang makabagong-panahong mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Saan nagmumula ang mga Pariseo? Lumilitaw ba sila sa gitna ng mga walang pananampalataya? Hindi, lahat sila ay lumilitaw sa mga mananampalataya. Bakit naging mga Pariseo ang mga taong ito? May tao bang dahilan kaya sila nagkaganyan? Malinaw na hindi. Ano ang dahilan? Ito ay dahil ganito ang kanilang kalikasang diwa, at ito ay dahil sa landas na kanilang tinahak. Ginagamit lang nila ang mga salita ng Diyos bilang kasangkapan upang mangaral at mapakinabangan ang iglesia. Sinasandatahan nila ang kanilang isip at bibig ng mga salita ng Diyos, nangangaral sila ng mga huwad na espirituwal na teorya, at ipinepresenta ang kanilang sarili na banal, at pagkatapos ay ginagamit nila itong kapital upang makamit ang layong mapakinabangan ang iglesia. Nangangaral lamang sila ng mga doktrina, subalit hindi kailanman isinagawa ang katotohanan. Anong uri ng mga tao ang mga patuloy na nangangaral ng mga salita at doktrina kahit hindi nila nasundan ang daan ng Diyos kailanman? Sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Ang kanilang kapos, diumano’y mabubuting pag-uugali at mabuting asal, at ang kaunting naisuko at naigugol nila, ay ganap na natupad sa pamamagitan ng pagpipigil at pagtatago sa sarili nilang kagustuhan. Ganap na huwad ang mga kilos na iyon at lahat iyon ay pagkukunwari lamang. Sa puso ng mga taong ito, wala ni katiting na pagkatakot sa Diyos, ni wala silang anumang tunay na pananampalataya sa Diyos. Higit pa riyan, sila ay mga hindi mananampalataya. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, lalakaran nila ang ganitong uri ng landas, at magiging Pariseo sila. Hindi ba nakakatakot iyon? Ang lugar na panrelihiyon kung saan nagtitipon ang mga Pariseo ay nagiging isang pamilihan. Sa mga mata ng Diyos, ito ay relihiyon; hindi ito ang iglesia ng Diyos, ni hindi ito isang lugar kung saan Siya ay sinasamba. Sa gayon, kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, gaano man karami ang mga literal na salita at mabababaw na mga doktrina tungkol sa mga pagbigkas ng Diyos na isinasangkap nila sa kanilang sarili, ito ay walang silbi.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay
Ang mga anticristo ay partikular na sanay magpanggap kapag kasama ng ibang tao. Katulad ng mga Pariseo, sa panlabas ay mukha silang napakamatiisin sa mga tao at mapagpasensiya, mapagpakumbaba at mabait—tila masyado silang maluwag at matiisin sa lahat ng tao. Kapag humaharap sa mga problema, lagi nilang ipinapakita kung gaano sila kamatiisin sa mga tao mula sa katayuan nila, at sa bawat aspekto, mukha silang may magandang kalooban at may malawak na pag-iisip, hindi naghahanap ng mali sa iba, at nagpapakita sa mga tao kung gaano sila karangal at kabait. Sa katunayan, may ganito ba talagang taglay na mga diwa ang mga anticristo? Kumikilos sila para sa ikakabuti ng iba, matiisin sila sa mga tao, at kaya nilang tumulong sa mga tao sa lahat ng sitwasyon, ngunit ano ang nakatago nilang motibo sa paggawa ng mga bagay na ito? Gagawin pa rin ba nila ang mga bagay ito kung hindi nila sinusubukang makuha ang loob at ang pabor ng mga tao? Ganito ba talaga ang mga anticristo kapag walang nakakakita? Ganito ba talaga sila kapag kasama ng ibang tao—mapagpakumbaba at mapagpasensiya, matiisin sa iba, at tumutulong sa iba nang may pagmamahal? Nagtataglay ba sila ng ganitong diwa at disposisyon? Ganito ba ang karakter nila? Talagang hindi. Pagpapanggap ang lahat ng ginagawa nila at ginagawa ang mga ito upang ilihis ang mga tao at makuha ang pabor ng mga tao, nang sa gayon ay mas marami pang tao ang magkaroon ng magandang impresyon sa mga anticristo sa puso nila, at nang sa gayon ay sila ang unang iisipin at hihingan ng tulong ng mga tao kapag may problema. Para makamit ang pakay na ito, sadyang nagpapakana ang mga anticristo para magpakitang-gilas sa harap ng iba, para magsabi at gumawa ng mga tamang bagay. Bago sila magsalita, walang nakakaalam kung ilang beses nilang sinasala o pinoproseso ang mga salita nila sa kanilang isipan. Sadya silang magpapakana at pipigain nila ang kanilang utak, pag-iisipan ang kanilang salita, ekspresyon, tono, boses, at maging ang tingin na ipinupukol nila sa mga tao at ang tono ng kanilang pagsasalita. Pag-iisipan nila kung sino ang kausap nila, kung matanda ba o bata ang taong iyon, kung mas mataas ba o mas mababa ang katayuan ng taong iyon kaysa sa kanila, kung iginagalang ba sila ng taong iyon, kung lihim bang may sama ng loob sa kanila ang taong iyon, kung ang personalidad ba ng taong iyon ay katugma ng sa kanila, kung ano ang tungkuling ginagawa ng taong iyon, at kung ano ang posisyon nito sa iglesia at sa puso ng mga kapatid nito. Maingat nilang oobserbahan at masigasig na pag-iisipan ang mga bagay na ito, at kapag napag-isipan na nila ang mga ito, nakakaisip sila ng mga paraan kung paano lapitan ang iba’t ibang uri ng tao. Anuman ang paraan ng pagtrato ng mga anticristo sa iba’t ibang uri ng tao, ang tanging pakay nila ay ang mahimok ang mga tao na igalang sila, na hindi na sila ituring bilang mga kapantay, bagkus ay tingalain sila, para mas maraming tao ang humanga at tumingala sa kanila kapag nagsasalita sila, tangkilikin at sundin sila kapag may ginagawa sila, at patawarin at ipagtanggol sila kapag nagkamali sila, at mahimok ang mas maraming tao na makipaglaban para sa kanila, magreklamo nang matindi para sa kanila, at manindigan para makipagtalo sa Diyos at kontrahin Siya kapag sila ay ibinunyag at itinakwil. Kapag nawawalan sila ng kapangyarihan, nagagawa nilang magkaroon ng napakaraming tao na tutulong, magpapahayag ng suporta, magtatanggol sa kanila, na nagpapakita na ang katayuan at kapangyarihan na sadyang binalak na palaguin ng mga anticristo sa iglesia ay malalim nang nag-ugat sa puso ng mga tao, at na hindi nasayang ang kanilang “puspusang pagsisikap.”
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)
Kahit ano pa ang konteksto, anuman ang tungkuling ginagawa niya, susubukan ng isang anticristo na magbigay ng impresyon na hindi siya mahina, na lagi siyang malakas, puno ng pananalig, at hindi kailanman negatibo, nang sa gayon ay hindi kailanman makikita ng mga tao ang kanyang tunay na tayog o totoong saloobin sa Diyos. Sa katunayan, sa kaibuturan ng kanyang puso, naniniwala ba talaga siya na wala siyang hindi kayang gawin? Tunay bang naniniwala siya na wala siyang kahinaan, pagkanegatibo, o mga pagpapakita ng katiwalian? Tiyak na hindi. Magaling siyang magkunwari, mahusay sa pagtatago ng mga bagay-bagay. Gusto niyang ipinapakita sa mga tao ang bahagi ng kanyang pagkatao na malakas at kahanga-hanga; ayaw niyang makita nila ang parte niya na mahina at totoo. Halata naman ang kanyang layon: Simple lang naman, ito ay upang mapanatili ang kanyang banidad at pagpapahalaga sa sarili, upang maprotektahan ang puwang na mayroon siya sa puso ng mga tao. Iniisip niya na kung sasabihin niya sa iba ang tungkol sa sarili niyang pagkanegatibo at kahinaan, kung ibubunyag niya ang bahagi ng kanyang pagkatao na mapaghimagsik at tiwali, magiging matinding pinsala ito sa kanyang katayuan at reputasyon—mas malaking problema pa ito kaysa sa pakinabang na dulot nito. Kaya mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa aminin na may mga oras na siya ay mahina, mapaghimagsik, at negatibo. At kung dumating man ang araw na makita ng lahat ang bahagi ng pagkatao niya na mahina at mapaghimagsik, kapag nakita nila na siya ay tiwali, at hindi talaga nagbago, magpapatuloy siya sa pagkukunwari. Iniisip niya na kung aaminin niyang mayroon siyang tiwaling disposisyon, na isa siyang ordinaryong tao, isang hamak na tao, mawawalan siya ng puwang sa puso ng mga tao, mawawala sa kanya ang pagsamba at pagtangi ng lahat, at kung kaya lubos na mabibigo. Kaya’t anuman ang mangyari, hindi siya magtatapat sa mga tao; anuman ang mangyari, hindi niya ibibigay ang kanyang kapangyarihan at katayuan sa kaninuman; sa halip, pilit siyang makikipagkompitensya sa abot ng kanyang makakaya, at hinding-hindi susuko. Sa tuwing nakakaharap siya ng isang isyu, nagkukusa siyang magpapansin at magpakitang-gilas at magbandera ng sarili niya. Sa sandaling lumilitaw ang isang problema at nagkaroon ng mga kahihinatnan, mabilis siyang nagtatago, o kaya ay ipinapasa ang responsabilidad sa iba. Kung nahaharap siya sa isang isyung naiintindihan niya, agad niyang ipinangangalandakan ang kakayahan niya at sinasamantala ang pagkakataon para magpakilala sa iba, para makita ng iba na mayroon siyang mga kaloob at espesyal na kasanayan, at para tingalain at sambahin siya ng mga tao. Kung may mangyaring mahalaga, at may magtanong sa kanya tungkol sa pagkaunawa niya sa pangyayari, nag-aalangan siyang ihayag ang pananaw niya, sa halip ay hinahayaan niya ang iba na maunang magsalita. May mga dahilan ang kanyang pag-aalangan: Hindi sa dahil wala siyang pananaw, kundi natatakot siya na mali ang pananaw niya, na kung sasabihin niya ito, papabulaanan ito ng iba, na mapapahiya lang siya, at kaya mas pinipili niyang manahimik tungkol dito; o kaya ay wala talaga siyang pananaw at hindi niya malinaw na nauunawaan ang usapin, hindi siya naglalakas-loob na magsalita nang padalos-dalos, dahil sa takot na baka pagtawanan ng mga tao ang kamalian niya—kaya wala siyang magawa kundi manahimik. Sa madaling salita, hindi siya agad nagsasalita ng mga pananaw niya dahil natatakot siyang mabunyag ang sarili niya kung ano talaga siya, na makita ng iba na siya ay naghihikahos at kahabag-habag, na nakakaapekto sa imaheng mayroon ang iba tungkol sa kanya. Kaya, pagkatapos magbahagi ng lahat ng kani-kanilang pananaw, kaisipan, at kaalaman, ginagamit niya ang ilang mas matayog, mas kapani-paniwalang pahayag, na ipinapalabas niya bilang sarili niyang pananaw at pag-unawa. Inbinubuod niya ang mga ito at ibinabahagi ang mga ito sa lahat, kaya, tumataas ang katayuan niya sa puso ng iba. Ang mga anticristo ay lubhang tuso: Kapag oras na para magpahayag ng pananaw, hindi sila kailanman nagtatapat at nagpapakita sa iba ng tunay nilang kalagayan, hindi rin nila hinahayaang malaman ng mga tao kung ano talaga ang iniisip nila, kung ano ang kakayahan nila, kung anong klaseng pagkatao mayroon sila, kung anong klaseng kapangyarihan ng pag-unawa mayroon sila, at kung mayroon ba silang tunay na kaalaman sa katotohanan. Kaya, kasabay ng pagyayabang at pagpapanggap bilang isang espirituwal at perpektong tao, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para maitago ang totoo nilang mukha at tunay na tayog. Hindi nila inilalantad kailanman ang kanilang mga kahinaan sa mga kapatid, hindi rin nila sinusubukan kahit minsan na kilalanin ang kanilang sariling mga kakulangan at kapintasan; sa halip, ginagawa nila ang lahat para pagtakpan ang mga iyon. Tinatanong sila ng mga tao, “Napakaraming taon ka nang nananalig sa Diyos, nagkaroon ka na ba kahit kailan ng anumang mga pagdududa tungkol sa Diyos?” Ang sagot nila, “Hindi.” Tinatanong sila, “Ni minsan ba ay pinagsisihan mong tinalikuran mo ang lahat ng bagay sa paggugol para sa Diyos?” Ang sagot nila, “Hindi.” “Noong may karamdaman ka, nabalisa ka ba, nangulila ka ba sa pamilya mo?” At ang sagot nila, “Hindi kailanman.” Nakita mo na, ipinapakita ng mga anticristo na sila ay matatag, malakas ang loob, may kakayahang tumalikod at magdusa, mga taong walang kapintasan at walang anumang mga kamalian o problema. Kapag ipinapaalam ng isang tao ang kanilang katiwalian at mga pagkukulang, tinatrato sila nang pantay-pantay, bilang isang normal na kapatid, at nagtatapat at nakikipagbahaginan sa kanila, paano nila tinatrato ang bagay na ito? Ginagawa nila ang lahat para ipagtanggol at pangatwiranan ang kanilang sarili, para patunayan na tama sila, at sa huli ay ipakita sa mga tao na wala silang mga problema, at na sila ay perpekto at espirituwal na tao. Hindi ba’t puro pagpapanggap ito? Sinumang nag-aakala na sila ay walang kapintasan at banal ay mga impostor lahat.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)
Kapag mayroon silang ilang uri ng kasanayan, iniisip ng mga anticristo na pambihira ang kanilang sarili, pinalalabas nilang mahiwaga ang kanilang sarili, at pinagyayabang nila ang kanilang sarili at nagpapatotoo sa kanilang sarili, ginagawang pahalagahan at sambahin sila ng iba. Kapag may kaunting lakas o kaloob ang ganitong uri ng mga tao, ito ay nagpapaisip sa kanila na mas mahusay sila kaysa sa iba, at naghahangad na pamunuan ang mga ito. Kapag lumapit ang ibang tao sa kanila para sa mga kasagutan, tinuturuan sila ng mga anticristo mula sa itaas, at kung hindi pa rin nakauunawa ang mga taong iyon pagkatapos, iniuugnay na lamang nila ito basta sa pagkakaroon ng mga ito ng mababang kakayahan, kahit na sa katunayan, ang mga anticristo mismo ang hindi nagbigay ng malinaw na paliwanag. Halimbawa, kapag nakitang hindi kayang ayusin ng isang tao ang isang sirang makina, sasabihin ng isang anticristo na: “Paanong hindi mo pa rin alam kung paano ito gawin? Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo kung paano ito gawin? Ipinaliwanag ko ito nang malinaw, pero hindi mo pa rin ito nakukuha. Napakababa talaga ng iyong kakayahan. Bigo kang matuto sa tuwing tinuturuan kita kung paano ito gawin.” Pero kapag hiningi ng taong iyon sa kanila na ayusin ang makina, titingnan nila ito nang matagal at hindi rin alam kung paano ito aayusin, at itatago pa nga nila mula sa taong iyon ang katunayan na hindi nila alam kung paano ito ayusin. Pagkatapos paalisin ang taong iyon, palihim na magsasaliksik ang anticristo at susubukang alamin kung paano ayusin ang makina, pero hindi pa rin niya ito maaayos. Hahantong sila sa pagbabaklas ng makina, magkakalat nang husto, at hindi na magagawang maibalik ito sa dati. Pagkatapos, sa takot na makita ito ng iba, itatago nila ang mga piraso. Nakakahiya ba ang hindi malaman kung paano gawin ang ilang bagay? Mayroon bang sinumang kayang gawin ang lahat? Hindi nakakahiya ang hindi malaman kung paano gawin ang ilang bagay. Huwag kalimutang isa ka lang ordinaryong tao. Walang sinumang nagpapahalaga o sumasamba sa iyo. Ganoon lang ang isang ordinaryong tao: isang ordinaryong tao. Kung hindi mo alam kung paano gawin ang isang bagay, sabihin mo lang na hindi mo alam kung paano ito gawin. Bakit mo susubukang magbalatkayo? Kamumuhian ka ng mga tao kung palagi kang nagbabalatkayo. Hindi magtatagal, mailalantad mo ang iyong sarili, at sa oras na iyon, mawawala ang iyong dignidad at iyong integridad. Ito ang disposisyon ng isang anticristo—palagi niyang iniisip ang kanyang sarili bilang isang taong alam gawin ang lahat, bilang isang taong kayang gawin ang lahat, na may kakayahan at may kahusayan sa lahat ng bagay. Hindi ba’t magdadala ito sa kanya ng problema? Ano ang gagawin niya kung mayroon siyang matapat na saloobin? Sasabihin niya: “Hindi ako bihasa sa teknikal na kasanayang ito; may kaunti lang akong karanasan. Nagawa ko na ang lahat ng alam ko, pero hindi ko nauunawaan itong mga bagong problemang kinakaharap natin. Samakatuwid, dapat tayong matuto ng ilang propesyonal na kaalaman kung gusto nating gawin nang maayos ang ating tungkulin. Ang pagpapakabihasa sa propesyonal na kaalaman ay magbibigay-daan para epektibo nating magawa ang ating tungkulin. Ipinagkatiwala sa atin ng Diyos ang tungkuling ito, kaya may responsabilidad tayong gawin ito nang maayos. Dapat nating pag-aralan ang propesyonal na kaalamang ito batay sa isang saloobin ng pag-ako ng responsabilidad para sa ating tungkulin.” Ito ay pagsasagawa ng katotohanan. Hindi ito gagawin ng isang taong may disposisyon ng isang anticristo. Kung may kaunting katwiran ang isang tao, sasabihin niyang: “Ito lang ang alam ko. Hindi mo ako kailangang pahalagahan, at hindi ko na kailangang magpa-importante—hindi ba’t mapapadali niyon ang mga bagay-bagay? Miserable ang palaging pagbabalatkayo. Kung may isang bagay tayong hindi alam, puwede natin itong matutunan nang sama-sama at pagkatapos ay magtulungan nang maayos para gawin ang ating tungkulin nang maayos. Dapat tayong magkaroon ng responsableng saloobin.” Pagkakita nito, iisipin ng mga tao, “Mas mabuti ang taong ito kaysa sa atin; kapag may dumating sa kanilang problema, hindi nila pikit-matang pinipilit ang kanilang sarili na lampasan ang kanilang mga limitasyon, ni hindi nila ito ipinapasa sa iba, o tinatalikuran ang responsabilidad. Sa halip, inaako nila ito mismo at hinaharap ito nang may seryoso at responsableng saloobin. Ito ay isang mabuting tao na seryoso at responsable sa kanilang trabaho at tungkulin. Mapagkakatiwalaan sila. Tama ang sambahayan ng Diyos na ipagkatiwala sa kanila ang mahalagang gawaing ito. Tunay na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao!” Sa paggawa ng kanilang tungkulin sa ganitong paraan, mapaghuhusay nila ang kanilang mga kasanayan at makakamit ang pagsang-ayon ng lahat. Paano nakakamit ang pagsang-ayon na ito? Una, hinaharap nila ang tungkulin nila nang may seryoso at responsableng saloobin; pangalawa, nagagawa nilang maging matapat na tao, at mayroon silang praktikal at palaaral na pag-uugali; pangatlo, hindi maitatanggi na nasa kanila ang patnubay at kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang gayong tao ay may pagpapala ng Diyos; ito ay isang bagay na kayang kamtin ng isang taong may konsensiya at katwiran. Kahit mayroon silang mga tiwaling disposisyon, kapintasan, at pagkukulang, at hindi nila alam kung paano gawin ang maraming bagay, nasa tamang landas pa rin sila ng pagsasagawa. Hindi sila nagbabalatkayo o nanlilinlang; mayroon silang seryoso at responsableng saloobin sa kanilang tungkulin, at isang nananabik at banal na saloobin sa katotohanan. Hindi kailanman magagawa ng mga anticristo ang mga bagay na ito dahil ang kanilang paraan ng pag-iisip ay palaging magiging iba sa mga nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Bakit magkaiba silang mag-isip? Dahil nasa kalooban nila ang kalikasan ni Satanas; namumuhay sila ayon sa disposisyon ni Satanas para makamit ang kanilang layunin na magtamo ng kapangyarihan. Palagi silang naghahangad na gumamit ng iba’t ibang paraan para makisali sa mga pakana at panlilinlang, inililihis ang mga tao sa anumang paraan para sambahin at sundin sila. Samakatuwid, para maloko ang mga tao, hinahanap nila ang lahat ng uri ng paraan para magbalatkayo, mandaya, magsinungaling, at manlinlang, para mapaniwala ang iba na tama sila sa lahat ng bagay, na may kakayahan sila sa lahat ng bagay, at na kaya nilang gawin ang anumang bagay; na mas matalino sila kaysa sa iba, na mas marunong sila kaysa sa iba, na mas nakauunawa sila kaysa sa iba; na mas mahusay sila sa lahat ng bagay kaysa sa iba, at na nakahihigit sila sa iba sa lahat ng aspekto—maging na sila ang pinakamahusay sa pinakamahusay sa anumang grupo. Mayroon silang ganoong pangangailangan; ito ang disposisyon ng mga anticristo. Kaya, natututo silang magpanggap bilang isang bagay na hindi sila, na nagbubunga ng bawat isa sa iba’t ibang pagsasagawa at pagpapamalas na ito.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikatlong Bahagi)
Lahat ng natiwaling tao ay nagdurusa mula sa isang magkakatulad na suliranin: Kapag wala silang katayuan, hindi sila nagmamalaki kapag nakikipag-ugnay o nakikipag-usap sa sinuman, o hindi sila gumagamit ng partikular na estilo o tono sa kanilang pananalita; sila ay karaniwan lamang at normal, at hindi na kailangang balutan ang kanilang mga sarili. Hindi sila nakararamdam ng anumang sikolohikal na presyon, at nakapagbabahagi nang bukas at mula sa puso. Madali silang lapitan at madaling makahalubilo; nararamdaman ng iba na napakabuti nilang mga tao. Sa sandaling magkamit sila ng katayuan, sila ay nagiging mapagmataas, hindi nila pinapansin ang mga karaniwang tao, walang sinumang nakakalapit sa kanila; pakiramdam nila ay mas mataas sila, at na sila ay iba sa mga karaniwang tao. Mababa ang tingin nila sa karaniwang tao, nagmamalaki sila kapag nagsasalita, at tumitigil sila sa hayagang pagbabahagi sa iba. Bakit hindi na sila nagbabahagi nang hayagan? Nararamdaman nilang may katayuan na sila ngayon, at sila ay mga pinuno. Iniisip nilang dapat magkaroon ng partikular na imahe ang mga pinuno, maging mataas nang bahagya kaysa sa ordinaryong tao, magkaroon ng higit na tayog at maging mas mahusay na tumupad ng responsabilidad; naniniwala sila na kung ihahambing sa mga karaniwang tao, dapat magtaglay ang mga pinuno ng higit na pasensya, magawang magdusa at gumugol nang higit, at mapaglabanan ang anumang tukso mula kay Satanas. Kahit na mamatay ang kanilang mga magulang o ibang kapamilya, pakiramdam nila ay dapat mayroon silang pagpipigil sa sarili na huwag maiyak, o na dapat man lang ay umiyak sila nang lihim, nang hindi nakikita ng iba, upang walang makakita ng anuman sa kanilang mga pagkukulang, kapintasan, o kahinaan. Nararamdaman pa nga nila na hindi maaaring ipaalam ng mga pinuno sa sinuman kung sila ay naging negatibo; sa halip, dapat nilang itago ang lahat ng ganoong mga bagay. Naniniwala silang ganito dapat kumilos ang isang may katayuan. Kapag pinipigilan nila ang kanilang sarili nang ganito, hindi ba ang katayuan ay nagiging kanilang diyos, kanilang panginoon? At dahil dito, nagtataglay pa rin ba sila ng normal na pagkatao? Kapag mayroon silang ganitong mga ideya—kapag ikinulong nila ang kanilang sarili rito, at ginawa nila ito—hindi ba sila nahumaling sa katayuan? Sa tuwing may ibang mas malakas at mas mahusay kaysa sa kanila, nakakaapekto ito sa kanilang malubhang kahinaan. Madadaig kaya nila ang laman? Kaya ba nilang tratuhin nang wasto ang ibang tao? Siguradong hindi. Upang mapalaya ang sarili mo mula sa kontrol ng katayuan, ano ang unang dapat mong gawin? Kailangan mo muna itong tanggalin sa iyong mga intensyon, iyong mga saloobin, at iyong puso. Paano ito nakakamit? Dati-rati, noong wala kang katayuan, hindi mo papansinin ang mga hindi kaakit-akit sa iyo. Ngayong mayroon ka nang katayuan, kung makakikita ka ng isang taong hindi kahanga-hanga, o mayroong mga isyu, pakiramdam mo ay responsabilidad mong tulungan siya, at kaya gumugugol ka ng mas maraming oras sa pakikipagbahaginan sa kanya, sinusubukang lutasin ang ilang praktikal na problemang mayroon siya. At ano ang nararamdaman ng puso mo kapag ginagawa mo ang mga bagay na ito? Nakararamdam ito ng kagalakan at kapayapaan. Gayundin, dapat kang magtapat sa mga tao at mas madalas na maging bukas sa kanila kapag nahihirapan ka o nakararanas ng kabiguan, magbahagi sa iyong mga problema at kahinaan, kung paano ka naghimagsik laban sa Diyos, at kung paano mo ito nalampasan, at nagawang matugunan ang mga layunin ng Diyos. At ano ang epekto ng pagtatapat sa kanila sa ganitong paraan? Walang duda na ito ay positibo. Hindi ka mamaliitin ng sinuman—at maaaring mainggit pa sila sa iyong abilidad na pagdaanan ang mga karanasang ito. Palaging iniisip ng ilang tao na kapag ang mga tao ay may katayuan, dapat silang mas kumilos na parang mga opisyal at magsalita sa isang partikular na paraan para seryosohin at igalang sila. Tama ba ang ganitong paraan ng pag-iisip? Kung mapagtatanto mo na mali ang ganitong paraan ng pag-iisip, dapat kang manalangin sa Diyos at maghihimagsik laban sa mga bagay ng laman. Huwag magmayabang, at huwag lumakad sa landas ng pagpapaimbabaw. Sa sandaling magkaroon ka ng gayong kaisipan, dapat mong tugunan ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan, ang kaisipang ito, ang pananaw na ito, ay magkakaroon ng anyo at magkakaugat sa puso mo. Bilang resulta, mangingibabaw ito sa iyo at magbabalatkayo ka at gagawa ka ng iyong imahe hanggang sa puntong wala nang sinumang makakikita sa iyo o makauunawa sa iyong mga iniisip sa likod ng imaheng ito. Makikipag-usap ka sa iba sa likod ng isang maskara na nagtatago ng iyong tunay na puso mula sa kanila. Dapat kang matutong hayaan ang iba na makita ang puso mo, at matutong buksan ang iyong puso sa iba at maging malapit sa kanila. Dapat kang maghimagsik laban sa mga kagustuhan ng laman mo at umasal ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Sa ganitong paraan, makararamdam ang puso mo ng kapayapaan at kaligayahan. Anumang mangyari sa iyo, pagnilayan mo muna kung anong mga problema ang umiiral sa iyong sariling ideolohiya. Kung ninanais mo pa ring magbalatkayo at gumawa ng isang imahe para sa sarili mo, dapat kang manalangin kaagad sa Diyos: “O Diyos! Gusto ko na namang magbalatkayo. Mapanlinlang na naman akong nagpapakana. Tunay ngang isa akong diyablo! Tiyak na talagang kasuklam-suklam ako sa Iyo! Lubos akong nasusuklam sa aking sarili. Nagmamakaawa ako sa Iyo na sawayin, disiplinahin, at parusahan Mo ako.” Dapat kang magdasal, ihayag ang saloobin mo, at umasa sa Diyos na ibunyag ito, himay-himayin ito, at paghigpitan ito. Kung susuriin at paghihigpitan mo nga ito, hindi magdudulot ng mga problema ang mga kilos mo dahil napipigilan ang iyong tiwaling disposisyon at hindi ito kusang nabubunyag. Sa oras na ito, anong mga emosyon ang nasa puso mo? Kahit papaano, makararamdam ka ng kaunting paglaya. Magagalak at mapapayapa ang puso mo. Mababawasan ang iyong pasakit, at hindi ka magdurusa sa pagpipino. Sa pinakamalalang senaryo, magkakaroon ng mga pagkakataon kung saan saglit kang malilito at maiisip mo na, “Isa akong lider, isang taong may katayuan at posisyon, bakit ako magiging katulad lamang ng mga ordinaryong tao? Bakit ako makikipag-usap sa mga ordinaryong tao sa isang taos-puso, tunay, at bukas na paraan? Masyado ko namang ibinababa ang aking sarili kung ganito!” Gaya ng nakikita mo, medyo problema ito. Ang tiwaling disposisyon ng tao ay hindi agad maiwawaksi lahat, hindi rin ito ganap na malulutas sa maikling panahon. Inakala mo na ang paglutas sa iyong tiwaling disposisyon ay magiging napakasimple, na katulad ito ng kung ano ang iniisip ng mga tao—na sa sandaling malinaw silang nakapagbabahagi sa katotohanan at nakakikilala sa kanilang tiwaling disposisyon, agad nilang maiwawaksi. Hindi ito isang napakasimpleng bagay. Ang proseso kung saan isinasagawa ng tao ang katotohanan ay ang proseso ng pakikipaglaban sa kanyang tiwaling disposisyon. Ang indibidwal na kalooban, imahinasyon, at labis na pagnanais ng tao ay hindi ganap na nalulutas sa pamamagitan ng paghihimagsik at pagdaig sa mga ito sa panalangin. Sa halip, ganap lamang na maiwawaksi ang mga ito pagkatapos ng maraming paulit-ulit na labanan. Kapag naisasagawa ng isang tao ang katotohanan, saka lang tunay na magbubunga ang prosesong ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan
Dapat mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang iyong mga kamalian, iyong mga kakulangan, iyong mga kasalanan, iyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at magbahagi tungkol sa lahat ng ito. Huwag mong itago ang mga ito. Ang pagkatutong buksan ang iyong sarili ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang sagabal, na siyang pinakamahirap daigin. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at tapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang susuriing mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mapapalagpas mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag. Ang matutuhan kung paano maging bukas kapag nagbabahagi ay ang unang hakbang sa buhay pagpasok. Susunod, kailangan mong matutong himayin ang iyong mga saloobin at kilos para makita kung alin ang mali at kung alin ang hindi gusto ng Diyos, at kailangan mong baligtarin at ituwid kaagad ang mga iyon. Ano ang layunin ng pagtutuwid sa mga ito? Iyon ay para tanggapin at kilalanin ang katotohanan, habang inaalis ang mga bagay sa loob mo na nabibilang kay Satanas at pinapalitan ang mga ito ng katotohanan. Dati, ginawa mo ang lahat ayon sa iyong mapanlinlang na disposisyon, na sinungaling at bulaan; pakiramdam mo ay wala kang magagawa nang hindi nagsisinungaling. Ngayong nauunawaan mo na ang katotohanan, at kinasusuklaman ang mga paraan ni Satanas sa paggawa ng mga bagay-bagay, hindi ka na kumikilos nang ganoon, kumikilos ka na nang may kaisipan ng katapatan, kadalisayan, at pagpapasakop. Kung wala kang itatago, kung hindi ka magpapanggap, magkukunwari, o magkukubli ng mga bagay-bagay, kung magpapakatotoo ka sa mga kapatid, hindi itatago ang iyong mga kaloob-loobang ideya at saloobin, sa halip ay hahayaang makita ng iba ang tapat mong saloobin, kung magkagayon ay unti-unting mag-uugat sa iyo ang katotohanan, sisibol at mamumunga ito, magbubunga ito ng mga resulta nang paunti-unti. Kung lalong nagiging tapat ang iyong puso, at lalong nakahilig sa Diyos, at kung alam mong protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at nababagabag ang iyong konsensiya kapag nabibigo kang maprotektahan ang mga interes na ito, ito ang katunayan na nagkaroon ng bisa sa iyo ang katotohanan, at ito ang siyang naging buhay mo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
May ilang tao na itinataas ng ranggo at nililinang ng iglesia, tumatanggap ng magandang pagkakataon na magsanay. Mabuting bagay ito. Masasabi na itinaas at biniyayaan sila ng Diyos. Kaya, paano nila dapat gawin ang kanilang tungkulin? Ang unang prinsipyo na dapat nilang sundin ay ang maunawaan ang katotohanan—kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan, dapat nilang hanapin ang katotohanan, at kung hindi pa rin nila nauunawaan matapos ang paghahanap nang mag-isa, maaari silang humanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan para makipagbahaginan at maghanap kasama niya, na magiging dahilan para mas mapabilis at tama sa oras ang paglutas sa problema. Kung tututok ka lang sa paggugol ng mas maraming oras sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos nang mag-isa, at sa paggugol ng mas maraming oras sa pagninilay sa mga salitang ito, para makamit ang pagkaunawa sa katotohanan at malutas ang problema, napakabagal nito; ayon nga sa kasabihan, “Ang mga mabagal na lunas ay hindi kayang tumugon sa mga agarang pangangailangan.” Pagdating sa katotohanan, kung nais mong umunlad kaagad, dapat mong matutuhan kung paano magtrabaho nang matiwasay kasama ng iba, at magtanong ng mas maraming katanungan at mas maghanap pa. Saka lamang mabilis na lalago ang iyong buhay, at magagawa mong malutas ang mga problema sa oras, nang walang anumang pagkaantala sa alinman. Dahil katataas pa lang ng ranggo mo at nasa probasyon ka pa rin, at hindi mo tunay na nauunawaan ang katotohanan o taglay ang katotohanang realidad—dahil wala ka pa rin ng tayog na ito—huwag mong isipin na ang pagkakataas ng iyong ranggo ay nangangahulugang taglay mo na ang katotohanang realidad; hindi iyon ganoon. Ito ay dahil lang may nadarama kang pasanin sa gawain at nagtataglay ka ng kakayahan ng isang lider kaya ka napiling itaas ng ranggo at linangin. Kailangan may ganito kang katwiran. Kung, matapos kang itaas ng ranggo at maging lider o manggagawa, nagsimula kang igiit ang iyong katayuan, at maniwala na isa kang taong naghahangad sa katotohanan at na taglay mo ang katotohanang realidad—at kung, kahit ano pa ang mga problemang mayroon ang mga kapatid, nagkukunwari kang nauunawaan mo, at na espirituwal ka—kung gayon ay isa itong kahangalan, at katulad ito ng kapaimbabawan ng mga Pariseo. Dapat magsalita at kumilos ka nang totoo. Kapag hindi mo nauunawaan, maaari ka namang magtanong sa iba o maghanap ng pagbabahagi mula sa Itaas—walang nakakahiya tungkol sa alinman dito. Kahit hindi ka magtanong, malalaman pa rin ng Itaas ang totoo mong tayog, at malalaman na wala sa iyo ang katotohanang realidad. Ang marapat mong gawin ay ang maghanap at makipagbahaginan; ito ang katwiran na dapat makita sa normal na pagkatao, at ang prinsipyo na dapat sundin ng mga lider at manggagawa. Hindi ito isang bagay na dapat ikahiya. Kung iniisip mo na kapag naging lider ka na ay nakakahiyang hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo, o ang palaging magtanong sa ibang tao o sa Itaas, at kung natatakot kang mamaliitin ka ng ibang tao, at kaya nagkukunwari ka dahil dito, nagpapanggap na nauunawaan mo ang lahat, na alam mo ang lahat, na mayroon kang kakayahan sa gawain, na kaya mong gawin ang anumang gawain ng iglesia, at hindi mo kailangan ang kahit sino para magpaalala o magbahagi sa iyo, o kahit sino para tustusan o suportahan ka, mapanganib ito, at masyado kang mayabang at mapagmagaling, masyadong walang katwiran. Ni hindi mo nga alam ang sarili mong katangian—hindi ba’t dahil dito ay isa kang taong magulo ang isip? Ang gayong mga tao ay hindi talaga natutugunan ang mga pamantayan ng pagtataas ng ranggo at paglinang ng sambahayan ng Diyos, at sa malao’t madali ay tatanggalin at ititiwalag sila. Kaya, dapat malinaw sa bawat lider o manggagawa na bagong taas ang ranggo na wala silang katotohanang realidad, dapat mayroon silang ganitong kamalayan sa sarili. Ikaw ngayon ay isa nang lider o manggagawa hindi dahil itinalaga ka ng Diyos, kundi dahil itinaas ng ibang mga lider at manggagawa ang ranggo mo, o dahil inihalal ka ng mga hinirang na tao ng Diyos; hindi ito nangangahulugan na mayroon kang katotohanang realidad at tunay na tayog. Kapag nauunawaan mo ito, magkakaroon ka ng kaunting katwiran, na siyang katwiran na dapat tinataglay ng mga lider at manggagawa. … Nasa panahon ka ng pagsasanay at paglilinang, at mayroon kang tiwaling disposisyon, at hindi mo talaga nauunawaan ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, alam ba ng Diyos ang mga bagay na ito? (Oo.) Kaya, hindi ba’t magmumukha kang hangal kung magpapanggap ka? Gusto ba ninyong maging hangal? (Ayaw namin.) Kung ayaw ninyong maging hangal, anong uri ng tao dapat kayo? Maging mga tao kayo na may katwiran, mga taong kayang mapagpakumbabang hanapin ang katotohanan at tanggapin ang katotohanan. Huwag magpanggap, huwag maging mapagpaimbabaw na mga Pariseo. Kaunting propesyonal na kaalaman lang ang alam mo, hindi ito ang mga katotohanang prinsipyo. Dapat kang maghanap ng paraan upang angkop na magamit ang iyong mga propesyonal na kalakasan at magamit ang iyong nakuhang kaalaman at natutunan batay sa pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba’t isa itong prinsipyo? Hindi ba’t isa itong landas ng pagsasagawa? Kapag natutunan mo nang gawin ito, magkakaroon ka ng landas na susundan at makakapasok ka na sa katotohanang realidad. Anuman ang iyong gawin, huwag maging matigas ang ulo, at huwag magpanggap. Ang pagiging matigas ang ulo at pagpapanggap ay hindi makatwirang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Bagkus, ito ang pinakahangal na paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Ang mga taong namumuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon ang mga pinakahangal na tao. Tanging ang mga taong naghahanap sa katotohanan at nangangasiwa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo ang pinakamatatalinong tao.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5
Ang pagtayo sa tamang lugar ng isang nilikha at ang maging isang ordinaryong tao: Madali ba itong gawin? (Hindi ito madali.) Ano ang mahirap dito? Ito iyon: Pakiramdam lagi ng mga tao na maraming limbo at titulo ang nakapatong sa kanilang ulo. Binibigyan din nila ang kanilang sarili ng identidad at katayuan ng mga dakilang tao at superman at nakikibahagi sila sa lahat ng pakunwari at huwad na pagsasagawa at pakitang-taong palabas na iyon. Kung hindi mo bibitiwan ang mga bagay na ito, kung laging napipigilan at nakokontrol ng mga bagay na ito ang iyong mga salita at gawa, mahihirapan kang pumasok sa realidad ng salita ng Diyos. Magiging mahirap na huwag kang maligalig na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan at dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso. Hindi mo ito magagawa. Ito ay dahil mismo ang iyong katayuan, mga titulo, identidad, at ang lahat ng gayong mga bagay ay huwad at hindi totoo, dahil sinasalungat at kinokontra ng mga ito ang mga salita ng Diyos, kaya nagagapos ka ng mga bagay na ito para hindi ka makalapit sa harapan ng Diyos. Ano ang idinudulot ng mga bagay na ito sa iyo? Dahil sa mga ito, nagiging mahusay kang magbalatkayo, magkunwaring nakakaunawa, magkunwaring matalino, magkunwaring isang dakilang tao, magkunwaring isang sikat na tao, magkunwaring may-kakayahan, magkunwaring marunong, at magkunwari pa nga na alam mo ang lahat ng bagay, na may kakayahan ka sa lahat ng bagay, at na kaya mong gawin ang lahat ng bagay. Ginagawa mo ito para sambahin at hangaan ka ng iba. Lalapit sila sa iyo dala-dala ang lahat ng kanilang problema, umaasa sa iyo at tinitingala ka. Kaya, para bang isinasalang mo ang iyong sarili sa apoy. Sabihin mo sa Akin, masarap bang masalang sa apoy? (Hindi.) Hindi mo nauunawaan, pero wala kang lakas ng loob na sabihing hindi mo nauunawaan. Hindi mo makita kung ano ang totoo, pero wala kang lakas ng loob na sabihing hindi mo makita kung ano ang totoo. Halata namang nagkamali ka, pero wala kang lakas ng loob na aminin ito. Namimighati ang iyong puso, pero wala kang lakas ng loob na sabihin, “Sa pagkakataong ito ay kasalanan ko talaga, may pagkakautang ako sa Diyos at sa aking mga kapatid. Nakapagdulot ako ng matinding kawalan sa sambahayan ng Diyos, pero wala akong lakas ng loob na tumayo sa harapan ng lahat at aminin ito.” Bakit hindi ka naglalakas loob na magsalita? Naniniwala ka, “Kailangan kong ingatan ang reputasyon at limbo na ibinigay sa akin ng aking mga kapatid, hindi ko maaaring madismaya ang mataas na pagtingin at tiwala nila sa akin, lalo na ang mga inaasahan nila sa akin na pinanghawakan nila sa loob ng maraming taon. Samakatwid, kailangan kong patuloy na magkunwari.” Anong klaseng pagbabalatkayo iyon? Matagumpay mong ginawang dakilang tao at superman ang iyong sarili. Gusto kang lapitan ng mga kapatid para pagtanungan, konsultahin, at hingan pa nga ng payo tungkol sa anumang problemang kinakaharap nila. Tila hindi nila kayang mabuhay nang wala ka. Pero hindi ba’t namimighati ang iyong puso? Siyempre, hindi nararamdaman ng ibang tao ang kapighatiang ito. Hindi nararamdaman ng isang anticristo ang kapighatiang ito. Sa halip, naaaliw siya rito, iniisip na ang kanyang katayuan ay nakahihigit kaninuman. Subalit, ang isang pangkaraniwan at normal na tao ay nakakaramdam ng pighati kapag nasasalang siya sa apoy. Pakiramdam niya ay wala siyang kuwenta, na tulad lamang siya ng isang ordinaryong tao. Hindi siya naniniwala na mas malakas siya kaysa sa iba. Hindi lamang niya iniisip na hindi niya maisakatuparan ang anumang praktikal na gawain, kundi maaantala rin niya ang gawain ng iglesia at maaantala ang mga hinirang ng Diyos, kaya aakuin niya ang sisi at magbibitiw siya. Isa itong taong may katwiran. Madali bang lutasin ang problemang ito? Madali para sa mga taong may katwiran na lutasin ang problemang ito, pero mahirap ito para sa mga walang katwiran. Kung, sa sandaling magkaroon ka ng katayuan, tinatamasa mo nang walang kahihiyan ang mga kapakinabangang dulot ng katayuan na ang resulta ay mabubunyag at matitiwalag ka dahil sa kabiguan mong gumawa ng totoong gawain, ikaw mismo ang may kagagawan nito at nararapat lamang na mangyari ito sa iyo! Ni hindi ka marapat tumanggap ng kahit katiting na awa at habag. Bakit Ko sinasabi ito? Ito ay dahil nagpupumilit kang tumayo sa isang mataas na lugar. Isinasalang mo ang iyong sarili sa apoy. Ikaw ang may gawa ng iyong sugat. Kung ayaw mong masalang sa apoy at maihaw, dapat mong isuko ang lahat ng titulo at limbo na ito at sabihin sa iyong mga kapatid ang tunay na mga kalagayan at mga kaisipan sa iyong puso. Sa ganitong paraan, matatrato ka nang tama ng mga kapatid at hindi mo na kailangang magbalatkayo. Ngayong nasabi mo na ang iyong saloobin at nabigyang linaw mo na ang tunay mong kalagayan, hindi ba’t lalong nakakaramdam ang puso mo ng kapanatagan, at kapahingahan? Bakit ka maglalakad nang may ganoong kabigat na pasan sa iyong likod? Kung ipagtatapat mo ang tunay mong kalagayan, magiging mababa nga ba ang pagtingin sa iyo ng mga kapatid? Talaga bang aabandonahin ka nila? Hinding-hindi. Sa kabaligtaran, sasang-ayunan at hahangaan ka ng mga kapatid dahil sa lakas ng loob mong sabihin kung ano ang laman ng iyong puso. Sasabihin nilang isa kang tapat na tao. Hindi nito hahadlangan ang gawain mo sa iglesia, ni hindi magkakaroon ng bahagya mang negatibong epekto rito. Kung talagang nakikita ng mga kapatid na may mga paghihirap ka, kusa ka nilang tutulungan at sasamahan sa paggawa. Ano ang masasabi ninyo? Hindi ba’t ganito ang mangyayari? (Oo.) Ang palaging magbalatkayo para tingalain ka ng iba ang pinakahangal na bagay. Ang pinakamainam na paraan ay ang maging ordinaryong tao na may karaniwang puso, ang magawang magtapat sa mga hinirang ng Diyos sa dalisay at simpleng paraan, at ang madalas na makibahagi sa mga taos-pusong usapan. Huwag na huwag mong tanggapin kapag ikaw ay tinitingala, hinahangaan, labis na pinupuri, o binobola ng mga tao. Dapat tanggihang lahat ang mga bagay na ito. Halimbawa, maaaring sabihin ng ilang tao: “Hindi ba’t isa kang propesor sa unibersidad? Dahil napakarunong mo, nauunawaan mo siguro nang husto ang katotohanan.” Sabihin mo sa kanila: “Anong klase ba ako na propesor sa unibersidad? Walang anumang kaalaman ang makakapalit sa katotohanan. Nagdulot ng matinding pagdurusa sa akin ang kaalamang ito. Wala itong kakuwenta-kuwenta. Huwag ninyo akong tingalain, isa lamang akong ordinaryong tao.” Siyempre, may ilang taong nahihirapang bitiwan ang kanilang katayuan. Gusto nilang maging ordinaryo, pangkaraniwang tao at tumayo sa tamang lugar ng isang nilikha. Ayaw nilang magdusa nang gayon, pero hindi nila mapigilan ang kanilang sarili. Lagi nilang nakikita ang kanilang sarili bilang nakakataas na tao at hindi nila kayang magpakumbaba. Problema ang dulot nito. Gustong-gusto nila kapag sila ang sentro ng atensyon ng mga tao, kapag minamasdan sila nang mga ito nang may paghanga. Gusto nilang pinupuntahan sila ng mga tao kapag may mga problema ang mga ito, kapag ang mga ito ay umaasa sa kanila, nakikinig sa kanila, at tumitingala sa kanila. Gusto nila na naniniwala ang mga tao na nakakataas silang mga tao na mga eksperto sa lahat ng bagay, na alam nila ang lahat kaya walang bagay na hindi nila nauunawaan, at iniisip pa nga nila na napakabuti at napakaganda kung ituturing sila ng mga tao bilang mga mananagumpay. Wala nang lunas para dito. Tinatanggap ng ilang tao ang mga papuri at koronang ipinagkakaloob ng iba at ginagampanan ang papel ng isang superman at dakilang tao pansamantala. Pero hindi sila komportable at namimighati sila. Ano ang dapat nilang gawin? Sinuman na gustong mambola sa iyo ay isinasalang ka talaga sa apoy, at dapat mo silang layuan. O kung hindi naman, maghanap ka ng oportunidad para ibunyag sa kanila ang katotohanan ng katiwalian mo, makipag-usap sa kanila tungkol sa tunay mong kalagayan, at ilantad ang iyong mga kapintasan at pagkukulang. Sa ganitong paraan, hindi ka nila sasambahin o titingalain. Madali ba itong gawin? Ang totoo, madali itong gawin. Kung hindi mo talaga kayang gawin ito, pinatutunayan nito na masyado kang mapagmataas at palalo. Talagang itinuturing mo ang iyong sarili bilang isang superman, isang dakilang tao, at hindi mo talaga kinamumuhian at kinasusuklaman ang ganitong uri ng disposisyon sa iyong puso. Kapag ganito, naghihintay ka na lang na madapa at mapahiya sa paningin ng iba. Kung isa kang taong tunay na may katwiran, masusuklam at maririmarim ka sa tiwaling disposisyong palaging gustong gumanap na superman at dakilang tao. Kahit papaano man lang, dapat mayroon kang ganitong pakiramdam. Saka ka lamang mamumuhi sa iyong sarili at makapaghihimagsik laban sa laman. Paano ka ba dapat magsagawa para maging isang karaniwang tao, isang ordinaryong tao, isang normal na tao? Una, dapat mong itatwa at bitiwan ang mga bagay na iyon na iniingatan mo na sa tingin mo ay napakabuti at napakahalaga, pati na ang mabababaw, magagandang salita na ginagamit ng iba para hangaan at purihin ka. Kung, sa iyong puso, malinaw sa iyo kung anong klaseng tao ka, kung ano ang diwa mo, kung ano ang iyong mga kapintasan at kung anong katiwalian ang inilalantad mo, dapat mo itong hayagang ibahagi sa ibang tao, upang makita nila kung ano ang tunay mong kalagayan, kung ano ang mga saloobin at opinyon mo, upang malaman nila kung ano ang kaalaman mo sa gayong mga bagay. Anuman ang gawin mo, huwag kang magkunwari o magpanggap, huwag mong itago ang sarili mong katiwalian at mga kapintasan sa iba, nang sa gayon walang sinumang makaalam sa mga iyon. Ang ganitong uri ng huwad na pag-uugali ay isang hadlang sa iyong puso, at isa rin itong tiwaling disposisyon at mapipigilan nito ang mga tao na magsisi at magbago. Dapat kang magdasal sa Diyos, at itaas para mapagnilayan at mahimay ang mga huwad na bagay, tulad ng papuri na ibinibigay sa iyo ng ibang tao, ang karangalang ibinubuhos nila sa iyo, at ang mga koronang ipinagkakaloob nila sa iyo. Dapat mong makita ang pinsalang idinudulot ng mga bagay na ito sa iyo. Sa paggawa niyon ay masusukat mo ang iyong sarili, magkakamit ka ng pagkakilala sa sarili, at hindi mo na makikita ang iyong sarili bilang isang superman, o kung sinong dakilang tao. Sa sandaling magkaroon ka ng gayong kamalayan sa sarili, magiging madali na sa iyong tanggapin ang katotohanan, tanggapin sa iyong puso ang mga salita ng Diyos at kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao, tanggapin ang pagliligtas sa iyo ng Lumikha, matatag na maging isang pangkaraniwang tao, isang tao na matapat at maaasahan, at para magkaroon ng normal na ugnayan sa pagitan mo—na isang nilikha, at ng Diyos—na ang Lumikha. Ito mismo ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at ito rin ay isang bagay na talagang kaya nilang makamit. Mga ordinaryo at normal na tao lamang ang pinapayagan ng Diyos na lumapit sa harapan Niya. Hindi Siya tumatanggap ng pagsamba mula sa mga nagkukunwari o huwad na tanyag na tao, dakilang tao, at superman. Kapag binitiwan mo ang mga huwad na limbo na ito, inamin na isa kang ordinaryo at normal na tao, at lumapit ka sa Diyos para hanapin ang katotohanan at manalangin sa Kanya, lalong magiging tunay ang pusong mayroon ka para sa Kanya, at lalo kang mapapanatag. Sa gayong pagkakataon, mararamdaman mong kailangan mo ang Diyos para suportahan at tulungan ka, at magagawa mong lumapit sa harapan ng Diyos nang mas madalas para maghanap at manalangin sa Kanya. Sabihin mo sa Akin, sa tingin mo ba ay mas madaling maging isang dakilang tao, isang superman, o isang ordinaryong tao? (Isang ordinaryong tao.) Sa teorya, madaling maging ordinaryong tao, pero mahirap maging isang dakilang tao o superman, na laging nagdudulot ng pighati. Subalit, kapag nagdedesisyong mag-isa ang mga tao at isinasagawa ito, hindi nila maiwasang gustuhing maging isang superman o dakilang tao. Hindi nila mapigilan ang kanilang sarili. Sanhi ito ng kanilang kalikasang diwa. Kaya, kailangan ng tao ang pagliligtas ng Diyos. Sa hinaharap, kapag tinatanong kayo ng isang tao, “Paano mapipigilan ng isang tao na huwag maging superman at dakilang tao?” Masasagot mo ba ang katanungang ito? Ang kailangan lang ninyong gawin ay isagawa ang pamamaraang inilatag Ko. Maging isang ordinaryong tao, huwag magbalatkayo, manalangin sa Diyos, at matutuhang ilantad ang iyong sarili sa isang simpleng paraan at magsalita sa iba nang mula sa puso. Natural na magbubunga ang gayong pagsasagawa. Unti-unti, matututuhan mong maging isang normal na tao, hindi ka na mababagot sa buhay, hindi na mahahapis, at hindi na masasaktan. Ang lahat ng tao ay ordinaryong mga tao. Wala silang pagkakaiba, maliban sa magkakaiba ang kanilang mga personal na kaloob at maaaring magkaiba-iba ang kanilang kakayahan. Kung hindi dahil sa pagliligtas at proteksyon ng Diyos, lahat sila ay gagawa ng kasamaan at magdurusa ng parusa. Kung maaamin mo na ordinaryo kang tao, kung makakalabas ka mula sa mga imahinasyon at hungkag na ilusyon ng tao at kaya mong hangaring maging isang tapat na tao at gumawa ng matatapat na gawa, kung kaya mong magpasakop sa Diyos nang ayon sa iyong konsensiya, hindi ka magkakaroon ng anumang problema at ganap mong maisasabuhay ang wangis ng tao. Ganoon ito kasimple, kaya bakit walang landas? Napakasimple ng bagay na kasasabi Ko lang. Sa katunayan, ganoon lang talaga iyon. Kaya itong tanggapin nang buo ng mga nagmamahal sa katotohanan, at sasabihin din nila, “Ang totoo, hindi masyadong hinahanapan ng Diyos ang tao. Matutugunang lahat ang Kanyang mga hinihingi sa pamamagitan ng konsensiya at katwiran ng tao. Hindi mahirap para sa isang tao na gampanang mabuti ang kanyang tungkulin. Kung kumikilos ang isang tao nang mula sa puso at may lakas ng loob at paghahangad na isagawa ito, madali itong makamit.” Pero hindi ito makamit ng ilang tao. Para sa mga laging may mga ambisyon at hinahangad, sa mga laging gustong maging superman at dakilang tao, bagama’t gusto nilang maging ordinaryong tao, hindi ito madali para sa kanila. Pakiramdam lagi nila na nakakaangat at mas mahusay sila kaysa sa iba, kaya nilalamon ng paghahangad na maging superman o dakilang tao ang kanilang buong puso at isip. Bukod sa hindi sila handang maging ordinaryong tao at manatili sa kanilang katayuan bilang mga nilikha, nangangako rin silang hindi sila kailanman susuko sa paghahangad na maging superman o dakilang tao. Hindi na malulunasan ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ipinahamak Ako ng Pagkukunwaring Nakakaintindi
Ang Landas Tungo sa Hindi Pagkukunwari