18. Paano lutasin ang problema ng isang mapanlinlang na disposisyon

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Kinalulugdan Ko ang mga hindi mapaghinala sa iba, at gusto Ko ang mga tumatanggap kaagad ng katotohanan; nagpapakita Ako ng labis na pagkalinga sa dalawang uri ng mga taong ito, dahil matatapat silang mga tao sa Aking paningin. Kung mapanlinlang ka, magiging malihim at mapaghinala ka sa lahat ng tao at bagay, kaya ang pananampalataya mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananampalataya. Sa kakulangan ng tunay na pananampalataya, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal. At kung malamang na pagdudahan mo ang Diyos at sinasadya mong gumawa ng haka-haka tungkol sa Kanya, kung gayon walang kaduda-dudang ikaw ang pinakamapanlinlang sa lahat ng tao. Nag-iisip-isip ka kung maaaring maging katulad ng tao ang Diyos: makasalanang di-mapapatawad, mababaw ang pagkatao, salat sa pagiging makatarungan at katwiran, walang pagkaunawa sa katarungan, mahilig sa mapanirang mga kaparaanan, taksil at tuso, nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba’t ang dahilan kaya may ganitong kaisipan ang mga tao ay sapagkat wala sila ni bahagyang kaalaman sa Diyos? Kasalanan talaga ang ganitong uri ng pananampalataya! Mayroon pa ngang ibang naniniwala na ang mga nagbibigay-lugod sa Akin ay ang mga nambobola at sumisipsip, at hindi tatanggapin sa tahanan ng Diyos at mawawalan ng lugar doon ang mga walang kasanayan sa ganoong mga bagay. Ito lamang ba ang tanging kaalamang nakuha ninyo pagkatapos ng maraming taon? Ito ba ang nakamit ninyo? At hindi tumitigil sa mga maling pagkaunawang ito ang kaalaman ninyo sa Akin; mas malala pa ay ang kalapastanganan ninyo sa Espiritu ng Diyos at pinagmumukha ninyong masama sa Langit. Ito ang dahilan kaya sinasabi Kong magdudulot lamang ng lalong paglayo ninyo sa Akin at higit pang pagsalungat sa Akin ang pananampalatayang tulad ng sa inyo. Sa loob ng maraming taon ng gawain, marami na kayong nakitang katotohanan, ngunit alam ba ninyo kung ano ang narinig ng Aking mga tainga? Ilan sa inyo ang handang tanggapin ang katotohanan? Naniniwala kayong lahat na handa kayong bayaran ang halaga ng katotohanan, ngunit ilan sa inyo ang tunay na nagdusa para sa katotohanan? Walang iba kundi pagiging hindi matuwid ang nasa mga puso ninyo, na nagpapaisip sa inyo na ang lahat, maging sino man sila, ay parehong mapanlinlang at buktot—hanggang sa puntong naniniwala pa nga kayo na ang Diyos na nagkatawang-tao, tulad ng karaniwang tao, ay maaaring walang mabuting puso o mapagmalasakit na pagmamahal. Higit pa riyan, naniniwala kayo na sa Diyos na nasa langit lamang umiiral ang isang marangal na katangian at isang mahabagin at mapagmalasakit na kalikasan. Naniniwala kayong walang santong tulad nito, na tanging kadiliman at kasamaan ang naghahari sa lupa, samantalang ang Diyos ay isang bagay na pinaglalagakan ng mga tao ng kanilang pananabik sa mabuti at maganda, isang maalamat na nilalang na gawa-gawa lamang nila. Sa inyong mga isipan, ang Diyos na nasa langit ay lubhang marangal, matuwid, at dakila, karapat-dapat sa pagsamba at paghanga; samantala, itong Diyos na nasa lupa ay panghalili lamang, at isang kasangkapan, ng Diyos na nasa langit. Naniniwala kayo na hindi magiging kapantay ng Diyos na nasa langit ang Diyos na ito, at lalong hindi Siya dapat mabanggit nang tulad ng pagbanggit sa Kanya. Pagdating sa kadakilaan at karangalan ng Diyos, tumutukoy ito sa kaluwalhatian ng Diyos na nasa langit, ngunit pagdating sa kalikasan at sa katiwalian ng tao, mga katangian ito na may bahagi ang Diyos na nasa lupa. Walang-hanggang matayog ang Diyos na nasa langit, samantalang magpakailanmang hamak, mahina, at walang kakayahan ang Diyos na nasa lupa. Hindi nadadala ng mga damdamin ng laman ang Diyos na nasa langit, kundi sa pagiging matuwid lamang, samantalang may makasariling dahilan lamang at walang anumang pagkamakatarungan o katwiran ang Diyos na nasa lupa. Wala kahit bahagyang kabuktutan at tapat magpakailanman ang Diyos na nasa langit, samantalang laging may mapandayang katangian ang Diyos na nasa lupa. Mahal na mahal ng Diyos na nasa langit ang tao, samantalang nagpapakita ng hindi sapat na pag-aaruga sa tao ang Diyos na nasa lupa, at lubos pa nga itong pinababayaan. Matagal na sa mga puso ninyo ang nakalilinlang na kaalamang ito at maaari rin itong maipagpatuloy sa hinaharap. Tinitingnan ninyo ang lahat ng gawa ni Cristo mula sa pananaw ng mga hindi matuwid at sinusuri ang lahat ng Kanyang gawain, gayundin ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa, mula sa pananaw ng masama. Nakagawa kayo ng matinding pagkakamali at nagawa ninyo ang hindi pa kailanman nagagawa ng mga nauna sa inyo. Ibig sabihin, pinaglilingkuran lamang ninyo ang dakilang Diyos na nasa langit na may korona sa Kanyang ulo, at hindi kayo kailanman nagsisilbi sa Diyos na itinuturing ninyo na napakahamak kaya hindi ninyo Siya nakikita. Hindi ba’t ito ay inyong kasalanan? Hindi ba ito isang karaniwang halimbawa ng pagkakasala ninyo laban sa disposisyon ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa

Maraming tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang tapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi tapat. Siyempre pa, alam na alam Ko kung gaano kahirap sa inyo ang maging tapat. Sapagkat matatalino kayong lahat, napakahusay sa pagtimbang sa mga tao gamit ang sarili ninyong makitid na panukat, ginagawa nitong mas payak ang gawain Ko. At yamang ang bawat isa sa inyo ay niyayakap sa dibdib ang mga lihim ninyo, isa-isa Ko kayong ilalagay sa kapahamakan upang “turuan” sa pamamagitan ng apoy, nang sa gayon pagkatapos nito ay maaari kayong maging desidido sa paniniwala ninyo sa mga salita Ko. Sa huli, hihilahin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay matapat na Diyos,” pagkatapos ay hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy na, “Mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Ipinagpapalagay Kong hindi kayo magiging kasing matagumpay na tulad ninyo ngayon. At lalong hindi kayo magiging kasing “lalim at mahirap unawain” na tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang tao, pinaghihirapan nilang maging “maayos ang asal,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong tinatratong basta-basta ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong ayaw isagawa ang katotohanan. Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman. Kung nakalulugod sa iyo ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubha kang nagagalak na maging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos, gumagawa nang masigasig nang walang nakakakita, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at nagsisikap ka lamang na maging tapat na tao. Kung handa kang maging matapat, kung handa kang gugulin ang lahat-lahat mo, kung magagawa mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at manindigan sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa puntong ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, sinasabi Ko na ang gayong mga tao ay ang mga tinutustusan sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian. Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananampalataya at totoong katapatan sa loob mo, kung may tala ka ng pagdurusa para sa Diyos, at kung ganap ka nang nagpasakop sa Diyos. Kung wala ka ng mga ito, nananatili sa loob mo ang paghihimagsik, panlilinlang, pagkasakim, at pagrereklamo. Dahil malayo sa pagiging tapat ang puso mo, hindi ka kailanman nakatanggap ng pagkilala mula sa Diyos at hindi kailanman namuhay sa liwanag. Kung ano ang mangyayari sa kapalaran ng isang tao sa huli ay nakasalalay sa kung mayroon siyang pusong tapat at kasimpula ng dugo, at kung may dalisay siyang kaluluwa. Kung isa kang taong lubhang hindi tapat, isang taong may pusong masama ang hangarin, isang taong marumi ang kaluluwa, tiyak na hahantong ka sa lugar kung saan pinarurusahan ang tao, tulad ng nakasulat sa talaan ng tadhana mo. Kung inihahayag mong lubha kang tapat, ngunit hindi mo kailanman nagawang kumilos alinsunod sa katotohanan o magsabi ni isang totoong salita, naghihintay ka pa rin bang gantimpalaan ka ng Diyos? Umaasa ka pa rin bang ituturing ka ng Diyos na lubos Niyang minamahal? Hindi ba kahibangan ang ganitong pag-iisip? Nililinlang mo ang Diyos sa lahat ng bagay; paanong tatanggapin sa sambahayan ng Diyos ang isang tulad mo, na marumi ang mga kamay?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

Matapos magawang tiwali ni Satanas, ang buong sangkatauhan ay namumuhay sa isang satanikong disposisyon. Tulad ni Satanas, nagpapanggap at nagkukunwari ang mga tao sa lahat ng aspekto, at gumagamit sila ng panlilinlang at pandaraya sa lahat ng bagay. Wala silang hindi ginagamitan ng panlilinlang at pandaraya. Gumagamit pa nga ang ilang tao ng panlilinlang sa mga gawaing kasingkaraniwan ng pamimili. Halimbawa, maaaring bumili sila ng isang damit na usong-uso, ngunit—kahit na gustong-gusto nila ito—hindi sila nangangahas na isuot ito sa iglesia, sa takot na pag-uusapan sila ng mga kapatid at tatawagin sila ng mga ito na mababaw. Kaya, isinusuot na lang nila ito kapag hindi nakikita ng iba. Anong uri ng pag-uugali ito? Ito ang pagbubunyag ng isang mapanlinlang at mapandayang disposisyon. Bakit ba bibili ang isang tao ng nauusong kasuotan, subalit hindi naman siya maglalakas-loob na isuot ito sa harap ng kanyang mga kapatid? Sa kanyang puso, mahilig siya sa mga nauusong kagamitan, at sumusunod siya sa mga kalakaran ng mundo gaya ng ginagawa ng mga walang pananampalataya. Natatakot siya na makita ng mga kapatid ang tunay niyang pagkatao, na makita ng mga ito kung gaano siya kababaw, na hindi siya kagalang-galang at marangal na tao. Sa kanyang puso, hinahangad niya ang mga nauusong kagamitan at nahihirapan siyang bitiwan ang mga iyon, kaya maisusuot lang niya ang mga iyon sa bahay at natatakot siyang makita iyon ng mga kapatid. Kung hindi maaaring ipaalam sa iba ang mga bagay na gusto niya, bakit hindi niya iyon mabitiwan? Hindi ba’t mayroong satanikong disposisyong kumokontrol sa kanya? Palagi siyang nagbabanggit ng mga salita at doktrina, at tila nauunawaan niya ang katotohanan, subalit hindi niya maisagawa ang katotohanan. Isa itong taong namumuhay sa isang satanikong disposisyon. Kung ang isang tao ay palaging nandaraya sa salita at sa gawa, kung hindi niya pinahihintulutang makita ng iba ang tunay niyang pagkatao, at kung palagi siyang nagpapanggap na isang banal na tao sa harap ng iba, ano ang kaibahan niya sa isang Pariseo? Gusto niyang mamuhay na parang isang kalapating mababa ang lipad, ngunit mapatayuan din ng isang bantayog para sa kanyang kalinisan. Alam na alam niyang hindi niya maisusuot sa labas ang kakaiba niyang kasuotan, kaya bakit niya binili iyon? Hindi ba’t pagsasayang ito ng pera? Mahilig lang talaga siya sa ganoong uri ng bagay at gustong-gusto niya talaga ang kasuotang iyon, kaya pakiramdam niya ay kailangan niya itong bilhin. Ngunit sa sandaling mabili na niya ito, hindi niya ito maisuot sa labas. Pagkalipas ng ilang taon, pinagsisisihan niyang binili niya ito, at bigla niyang napagtatanto: “Bakit naging napakahangal, napakakasuklam-suklam ko na nagawa ko iyon?” Maging siya ay nasusuklam sa kanyang nagawa. Ngunit hindi niya kayang kontrolin ang kanyang mga kilos, dahil hindi niya mabitiwan ang mga bagay na ninanais at hinahangad niya. Kaya gumagamit siya ng mapagkunwaring mga taktika at panlalansi upang mapalugod ang kanyang sarili. Kung nagbubunyag siya ng isang mapanlinlang na disposisyon sa gayon kaliit na bagay, maisasagawa ba niya ang katotohanan pagdating sa mas malaking bagay? Magiging imposible iyon. Malinaw na, likas sa kanya ang pagiging mapanlinlang, at panlilinlang ang kanyang kahinaan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Palagi mong iniisip ang sarili mong laman at sarili mong mga inaasahan, palagi mong ninanais na mabawasan ang pagdurusa ng iyong laman, na mabawasan ang paggugol mo sa iyong sarili, na magsakripisyo nang mas kaunti, na magbayad ng mas kaunting halaga. Palagi mong nililimitahan ang sarili mo. Isa itong mapanlinlang na saloobin. May ilang tao na mapagkalkula kahit na pagdating sa paggugol sa kanilang mga sarili para sa Diyos. Sinasabi nila: “Kailangan kong mamuhay nang komportable sa hinaharap. Paano kung hindi na kailanman matapos ang gawain ng Diyos? Hindi ko maaaring ibigay ang isandaang porsiyento ng aking sarili sa Kanya; ni hindi ko alam kung kailan darating ang araw ng Diyos. Kailangan kong maging mapagkalkula, upang makagawa ng mga pagsasaayos para sa aking buhay-pamilya at sa aking hinaharap bago ko igugol ang aking sarili para sa Diyos.” Marami bang tao ang ganito mag-isip? Ano ang disposisyong ito kapag ang isang tao ay mapagkalkula at gumagawa ng mga alternatibong plano para sa kanyang sarili? Tapat ba sa Diyos ang mga taong ito? Matatapat ba silang tao? Ang pagiging mapagkalkula at paggawa ng mga alternatibong plano ay hindi kaisa sa puso ng Diyos. Isa itong mapanlinlang na disposisyon, at ang mga taong gumagawa nito ay kumikilos nang mapanlinlang. Ang saloobin nila sa pagtrato sa Diyos ay talagang hindi isang matapat na saloobin. Ang ilang tao ay natatakot na, habang nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan sa kanila, makikita ng mga kapatid ang mga totoong problema nila at sasabihing mababa ang tayog nila, o mamaliitin sila. Kaya kapag nagsasalita sila, palagi nilang sinisikap na palabasing napakamasigasig nila, na hinahangad nila ang Diyos, at na sabik silang isagawa ang katotohanan. Ngunit sa loob nila, ang totoo ay napakahina at napakanegatibo nila. Nagkukunwari silang malakas upang walang sinuman ang makakita sa tunay nilang kalagayan. Panlilinlang din ito. Sa madaling salita, sa anumang iyong ginagawa, sa buhay man o sa pagganap sa isang tungkulin, kung gagamit ka ng kabulaanan at pagkukunwari o gagamit ka ng mga balatkayo upang ilihis o linlangin ang iba at hikayatin silang pahalagahan at sambahin ka, o huwag kang maliitin, panlilinlang ang lahat ng ito. May ilang babaeng mahal na mahal ang kanilang asawa, gayong sa katunayan, ang kanilang asawa ay demonyo at hindi mananampalataya. Sa takot na sabihin ng kanyang mga kapatid na masyadong matindi ang kanyang pagmamahal, ang gayong babae ang unang magsasabi: “Demonyo ang asawa ko.” Subalit, sa kanyang puso, sinasabi niya: “Mabuting tao ang asawa ko.” Ang nauna ay sinasabi ng kanyang bibig—ngunit ipinaririnig lang niya iyon sa iba, upang isipin nila na may pagkilatis siya sa kanyang asawa. Ang ibig talaga niyang sabihin ay: “Huwag ninyong ilantad ang bagay na ito. Mauuna ko nang ipahayag ang pananaw na ito para hindi na ninyo kailangan pang banggitin ito. Inilantad ko na ang asawa ko bilang isang demonyo, kaya ibig sabihin niyon ay nabitiwan ko na ang pagmamahal ko at wala na kayong kailangang sabihin tungkol dito.” Hindi ba’t pagiging mapanlinlang iyon? Hindi ba’t isa iyong palabas? Kung ginagawa mo ito, nililinlang mo ang mga tao at inililigaw sila sa pamamagitan ng pagpapanggap. Nanloloko ka, nanlalansi sa bawat pagkakataon, upang ang makita ng iba ay ang huwad mong imahe, hindi ang tunay mong mukha. Masama ito; ito ang pagiging mapanlinlang na tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Hindi kailanman sinasabi ng ilang tao ang katotohanan kaninuman. Pinag-iisipan at inaayos nila nang todo sa kanilang isipan ang lahat ng bagay bago nila ito sabihin sa mga tao. Hindi mo masasabi kung alin sa mga bagay na sinasabi nila ang totoo, at kung alin ang hindi. Nagsasabi sila ng isang bagay ngayon at iba naman bukas, nagsasabi sila ng isang bagay sa isang tao, at ng iba namang bagay sa isa pa. Ang lahat ng sinasabi nila ay magkakasalungat. Paano mapapaniwalaan ang gayong mga tao? Napakahirap maintindihan nang tumpak ang mga katunayan, at wala kang makuhang direktang salita sa kanila. Anong disposisyon ito? Ito ay pagiging mapanlinlang. Madali bang baguhin ang isang mapanlinlang na disposisyon? Ito ang pinakamahirap baguhin. Ang anumang may kinalaman sa mga disposisyon ay may kaugnayan sa kalikasan ng isang tao, at wala nang mas mahirap pang baguhin kaysa sa mga bagay na may kinalaman sa kalikasan ng isang tao. Ang kasabihang, “Hindi mababago ng isang leopardo ang mga batik nito,” ay ganap na totoo! Anuman ang kanilang sinasabi o ginagawa, palaging nagkikimkim ng sarili nilang mga pakay at layunin ang mga mapanlinlang na tao. Kung wala sila ng mga ito, hindi sila magsasalita. Kung susubukan mong unawain kung ano ang kanilang mga pakay at layunin, tatahimik sila. Kung hindi sinasadya ay may masabi man silang totoo, gagawin nila ang lahat para makaisip ng paraan para baluktutin iyon, para lituhin ka at pigilan kang malaman ang katotohanan. Anuman ang ginagawa ng mga mapanlinlang na tao, hindi nila hahayaan na malaman ninuman ang buong katotohanan tungkol dito. Gaano katagal man ang gugulin ng mga tao kasama sila, walang nakaaalam kung ano ba talaga ang nasa kanilang mga isipan. Ganito ang kalikasan ng mga mapanlinlang na tao. Gaano man karami ang sabihin ng isang mapanlinlang na tao, hinding-hindi malalaman ng iba kung ano ang kanilang mga layunin, kung ano talaga ang iniisip nila, o kung ano mismo ang sinisikap nilang makamtan. Maging ang mga magulang nila ay nahihirapang malaman ito. Napakahirap na subukang maunawaan ang mga mapanlinlang na tao, walang sinumang makaiintindi sa kung ano ang nasa isip nila. Ganito magsalita at kumilos ang mga mapanlinlang na tao: Hindi nila kailanman sinasabi ang nasa kanilang isipan o ipinahahayag kung ano ba talaga ang nangyayari. Isang uri ito ng disposisyon, hindi ba? Kapag mayroon kang mapanlinlang na disposisyon, hindi mahalaga kung ano ang sinasabi o ginagawa mo—ang disposisyong ito ay palaging nasa iyong kalooban, kinokontrol ka, hinihikayat kang magloko at manlinlang, paglaruan ang mga tao, pagtakpan ang katotohanan, at magpanggap. Ito ay pagiging mapanlinlang. Ano pang ibang partikular na mga pag-uugali ang ginagawa ng mga mapanlinlang na tao? Magbibigay Ako ng isang halimbawa. Nag-uusap ang dalawang tao, at ang isa sa kanila ay nagsasalita tungkol sa kanyang pagkakilala sa sarili; patuloy na nagsasalita ang taong ito tungkol sa kung paano na siya bumuti, at sinusubukan niyang papaniwalain dito ang kausap niya, pero hindi niya sinasabi rito ang mga totoong katunayan tungkol sa usapin. Dito, mayroong itinatago, at ipinahihiwatig nito ang isang disposisyon—ang pagiging mapanlinlang. Tingnan natin kung matutukoy ninyo ito. Sabi ng taong ito, “Nakaranas ako ng ilang bagay kamakailan, at pakiramdam ko ay walang naging kabuluhan ang pananalig ko sa Diyos sa mga nagdaang taong ito. Wala akong anumang natamo. Napakahirap ko at kaawa-awa! Hindi gaanong mabuti ang pag-uugali ko kamakailan, pero handa na akong magsisi.” Pero ilang sandali pa matapos niya itong sabihin, hindi siya makikitaan ng anumang pagsisisi. Ano ang problema rito? Ito ay na pinagsisinungalingan at nililinlang niya ang iba. Kapag narinig ng ibang tao na sabihin niya ang mga bagay na iyon, iisipin ng mga ito, “Hindi hinangad noon ng taong ito ang katotohanan, pero ang katunayang nasasabi na niya ngayon ang ganitong mga bagay ay nagpapakita na tunay na siyang nagsisi. Walang duda rito. Hindi natin siya dapat tingnan nang gaya ng dati, bagkus ay nang may bago at mas mabuting pagtingin.” Ganoon magbulay-bulay at mag-isip ang mga tao matapos marinig ang mga salitang iyon. Pero ang kasalukuyan bang kalagayan ng taong iyon ay kagaya ng sinasabi niya? Ang realidad ay hindi. Hindi pa siya tunay na nagsisi, pero nagbibigay ang kanyang mga salita ng ilusyon na nakapagsisi na siya, at na bumuti na siya, at na iba na siya kaysa sa dati. Ito ang nais niyang makamit sa kanyang mga salita. Sa pagsasalita nang ganito upang linlangin ang mga tao, anong disposisyon ang inihahayag niya? Ito ay ang pagiging mapanlinlang—at ito ay napakatuso! Ang katunayan ay wala siyang anumang kamalayan na nabigo siya sa pananalig niya sa Diyos, na siya ay mahirap at kaawa-awa. Humihiram siya ng espirituwal na mga salita at wika upang manlinlang ng mga tao, upang makamit niya ang layunin niyang mapaisip sa iba na mabuti siya at magkaroon ang mga ito ng magandang pagtingin sa kanya. Hindi ba’t pagiging mapanlinlang ito? Oo, at kapag masyadong mapanlinlang ang isang tao, hindi madali para sa kanya na magbago.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili

May isa pang uri ng tao na hindi kailanman simple o bukas sa kanyang pananalita. Palagi siyang nagtatago at nagkukubli ng mga bagay-bagay, kumukuha ng impormasyon mula sa mga tao sa bawat pagkakataon at sinusubukang malaman ang iniisip nila. Palagi niyang gustong malaman ang buong katotohanan tungkol sa ibang tao, pero hindi niya sinasabi kung ano ang nasa kanyang sariling puso. Walang sinumang nakauugnayan niya ang makaaasam na malaman ang buong katotohanan tungkol sa kanya. Ayaw ng gayong mga tao na malaman ng iba ang kanilang mga plano, at hindi nila ibinabahagi ang mga ito kaninuman. Anong disposisyon ito? Ito ay isang mapanlinlang na disposisyon. Ang gayong mga tao ay labis na tuso, hindi sila maarok ng mga tao. Kung may mapanlinlang na disposisyon ang isang tao, walang dudang isa siyang mapanlinlang na tao, at mapanlinlang ang kanyang kalikasang diwa. Hinahangad ba ng ganitong uri ng tao ang katotohanan sa kanyang pananalig sa Diyos? Kung hindi niya sinasabi ang katotohanan sa harap ng ibang tao, magagawa ba niyang sabihin ang katotohanan sa harap ng Diyos? Tiyak na hindi. Hindi kailanman sinasabi ng isang mapanlinlang na tao ang katotohanan. Maaaring nananalig siya sa Diyos, pero tunay bang pananalig ang mayroon siya? Anong uri ng saloobin ang mayroon siya para sa Diyos? Tiyak na marami siyang pag-aalinlangan sa kanyang puso: “Nasaan ang Diyos? Hindi ko Siya nakikita. Ano ang katunayan na totoo nga Siya?” “May kataas-kataasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay? Talaga? Galit na galit na sinusupil at inaaresto ng rehimen ni Satanas ang mga nananalig sa Diyos. Bakit hindi ito winawasak ng Diyos?” “Paano ba mismo inililigtas ng Diyos ang mga tao? Totoo ba ang Kanyang pagliligtas? Hindi ito gaanong malinaw.” “Makapapasok ba o hindi sa kaharian ng langit ang isang nananalig? Kung walang anumang kumpirmasyon, mahirap sabihin.” Kung may napakaraming pag-aalinlangan sa Diyos sa kanyang puso, tapat ba niyang maigugugol ang kanyang sarili para sa Diyos? Imposible ito. Nakikita niya ang lahat ng taong ito na tinalikdan ang lahat ng mayroon sila upang sumunod sa Diyos, na ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at iniisip niya, “Kailangan ay hindi ko ibigay ang lahat. Hindi ako puwedeng maging kasinghangal nila. Kung iaalay ko ang lahat sa Diyos, paano ako mamumuhay sa hinaharap? Sino ang mag-aalaga sa akin? Kailangan kong magkaroon ng plano para sa kung anuman ang mangyari sa hinaharap.” Makikita mo kung gaano “katuso” ang mga mapanlinlang na tao, kung gaano nila pinag-iisipan ang malayong hinaharap. Mayroong ilan na, kapag nakikita nila ang ibang tao sa mga pagtitipon na nagtatapat tungkol sa kanilang pagkakilala sa kanilang katiwalian, na ipinagtatapat ang mga natatago sa kanilang puso kapag nakikipagbahaginan, at na matapat na nagsasabi kung ilang beses silang nakiapid, ay iniisip na, “Hangal ka! Mga pribadong bagay ang mga iyan; bakit mo iyan sasabihin sa iba? Hindi mo ako mapaaamin sa mga bagay na iyan!” Ganito ang mga mapanlinlang na tao—mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa maging matapat, at hindi nila sinasabi kaninuman ang buong katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Sumalangsang ako at nakagawa ng ilang masamang bagay, at medyo nahihiya akong sabihin ang mga ito sa ibang tao nang harapan. Pribadong bagay ang mga ito, kung tutuusin, at kahiya-hiya ang mga ito. Pero hindi ko maaaring itago o ikubli ang mga ito sa Diyos. Dapat kong sabihin ang mga ito sa Diyos, nang tapat at hayagan. Hindi ako mangangahas na sabihin sa ibang tao ang aking mga iniisip o ang mga pribadong bagay, pero kailangan kong sabihin ang mga ito sa Diyos. Kahit sino pa ang paglihiman ko, hindi ako maaaring maglihim sa Diyos.” Ito ang saloobin sa Diyos ng isang tapat na tao. Subalit ang mga mapanlinlang na tao ay nag-iingat sa lahat ng tao, wala silang pinagkakatiwalaan, at hindi sila matapat na nakikipag-usap kaninuman. Wala silang pinagsasabihan ng buong katotohanan, at walang sinumang makaintindi sa kanila. Sa lahat ng tao, ito ang mga pinakamapanlinlang. Ang lahat ng tao ay may mapanlinlang na disposisyon; nagkakaiba lang sa kung gaano ito katindi. Bagamat maaaring nagtatapat at nagbabahagi ka ng iyong mga problema sa mga pagtitipon, nangangahulugan ba iyon na wala kang mapanlinlang na disposisyon? Hindi, mayroon ka rin niyon. Bakit Ko ito nasasabi? Narito ang isang halimbawa: Maaaring kaya mong magtapat sa pagbabahagi tungkol sa mga bagay na walang kinalaman sa iyong pagpapahalaga sa sarili o banidad, mga bagay na hindi nakahihiya, at mga bagay kung saan hindi ka mapupungusan—pero kung may nagawa kang bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, bagay na kapopootan at kasusuklaman ng lahat, magagawa mo bang matapat na magbahagi tungkol dito sa mga pagtitipon? At kung may nagawa kang karima-rimarim, lalo nang magiging mas mahirap para sa iyo na magtapat at ibunyag ang katotohanan tungkol doon. Kung may magsisiyasat dito o magtatangkang alamin kung sino dapat ang sisihin para dito, gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya para itago ito, at matatakot kang malantad ang usaping ito. Palagi mo iyong susubukang pagtakpan at lusutan. Hindi ba’t isa itong mapanlinlang na disposisyon? Maaaring naniniwala ka na kung hindi mo ito sasabihin nang malakas ay walang makaaalam nito, at na maging ang Diyos ay imposibleng malaman ito. Mali iyan! Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Kung hindi mo ito madama, hindi mo talaga kilala ang Diyos. Hindi lamang nililinlang ng mga mapanlinlang na tao ang iba—nangangahas pa silang subukang lansihin ang Diyos at gumamit ng mga mapanlinlang na pamamaraan para labanan Siya. Matatamo ba ng gayong mga tao ang pagliligtas ng Diyos? Matuwid at banal ang disposisyon ng Diyos, at ang mga mapanlinlang na tao ang pinakakinamumuhian Niya. Kaya, pinakamahirap para sa mga mapanlinlang na tao na matamo ang kaligtasan. Ang mga taong may mapanlinlang na kalikasan ang pinakamadalas magsinungaling. Magsisinungaling sila maging sa Diyos at susubukan nilang lansihin Siya, at nagmamatigas sila sa hindi pagsisisi. Nangangahulugan ito na hindi nila matatamo ang pagliligtas ng Diyos. Kung paminsan-minsan lang nagbubunyag ng tiwaling disposisyon ang isang tao, kung nagsisinungaling at nanlalansi siya ng mga tao pero simple at tapat siya sa Diyos at nagsisisi siya sa Diyos, ang ganitong uri ng tao ay mayroon pa ring pag-asang matamo ang kaligtasan. Kung isa ka talagang taong may katwiran, dapat mong ipagtapat ang iyong sarili sa Diyos, kausapin Siya nang mula sa puso, at pagnilayan at kilalanin ang iyong sarili. Dapat ay hindi ka na magsinungaling sa Diyos, dapat ay hindi mo Siya subukang lansihin kailanman, at lalo nang dapat na huwag kang magtago ng anuman sa Kanya. Ang katunayan ay may ilang bagay na hindi kailangang malaman ng mga tao. Hangga’t tapat ka sa Diyos tungkol sa mga ito, ayos lang iyon. Kapag may ginagawa ka, tiyakin mong hindi ka naglilihim sa Diyos. Maaari mong sabihin sa Diyos ang lahat ng bagay na hindi angkop sabihin sa ibang tao. Ang taong gumagawa nito ay matalino. Bagamat maaaring may ilang bagay na sa tingin nila ay hindi na kailangang ipagtapat sa iba, hindi ito dapat tawagin na pagiging mapanlinlang. Iba ang mga mapanlinlang na tao: Naniniwala sila na dapat nilang itago ang lahat, na hindi nila maaaring sabihin ang anuman sa ibang tao, lalo na pagdating sa mga pribadong bagay. Kung hindi magiging kapaki-pakinabang sa kanila na sabihin ang isang bagay, hindi nila ito sasabihin, maging sa Diyos. Hindi ba’t isa itong mapanlinlang na disposisyon? Mapanlinlang nga ang gayong tao! Kung masyadong mapanlinlang ang isang tao, na hindi niya sinasabi sa Diyos ang katotohanan, at patuloy niyang inililihim sa Diyos ang lahat, isa pa ba siyang taong nananalig sa Diyos? Mayroon ba siyang tunay na pananampalataya sa Diyos? Isa siyang tao na pinagdududahan ang Diyos, at sa kanyang puso, hindi siya nananalig sa Diyos. Kaya, hindi ba’t huwad ang kanyang pananampalataya? Isa siyang hindi mananampalataya, isang huwad na mananampalataya.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili

Maraming diumano’y “mabubuting tao” sa mundo na nagsasalita ng matatayog na salita—bagama’t sa panlabas, tila hindi sila nakagawa ng anumang malaking kasamaan, ang totoo ay labis silang mapanlinlang at hindi maaasahan. Napakahusay nilang sumunod sa agos, magaling silang magsalita. Sila ay huwad na mabubuting tao at mapagkunwari—nagpapanggap lamang silang mabuti. Ang mga taong walang kinikilingan sa mga usapin ang mga pinakatusong tao sa lahat. Wala silang sinasalungat, mahusay at matatas sila, sa lahat ng sitwasyon ay magaling silang magkunwari na nakikiayon sila, at walang nakakakita sa kanilang mga pagkakamali. Para silang mga buhay na Satanas! Mayroon bang ganitong mga tao sa inyo? (Mayroon.) Hindi ba ninyo naiisip na nakakapagod ang pamumuhay sa ganitong paraan? (Oo, nakakapagod ito.) Kung gayon nakaisip ba kayo ng paraan upang magbago? Paano kayo magbabago? Saan dapat magsimula ang pag-unlad? (Sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan.) Huwag sabihin na “sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan,” o “sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan,” o “sa pamamagitan ng pagpasok sa katotohanang realidad.” Ito ay kahambugan, at hindi maaabot ng tao, kaya tila walang kabuluhan ang mga salitang ito. Sa halip ay kailangan nating magsimula sa mga detalye. (Sa pagiging matapat na tao.) Iyon ay isang kongkretong pagsasagawa. Maging isang matapat na tao, o magtalakay ng higit pang detalye: Maging isang simple at bukas na tao, na walang anumang pinagtatakpan, hindi nagsisinungaling, nagpapakaprangka, at maging isang direktang tao na may pagpapahalaga sa katarungan, na kayang magsalita nang tapat. Kailangan muna itong makamit ng mga tao. Halimbawa, may isang masamang taong gumugulo sa gawain ng iglesia, at pupuntahan ka ng isang lider para mas maunawaan niya ang sitwasyon. Alam mo kung sino ang nanggugulo, pero dahil mayroon kang magandang ugnayan sa taong iyon, at ayaw mong mapasama ang loob niya, magsisinungaling ka at sasabihin mo sa lider na hindi mo alam. Hihingi ng higit pang detalye ang lider, at magpapaligoy-ligoy ka, magdadahilan para pagtakpan ang masamang tao. Hindi ba’t mapanlinlang iyon? Hindi mo sinabi sa lider ang totoong sitwasyon, at sa halip ay inilihim mo ito. Bakit mo gagawin ito? Dahil ayaw mong salungatin ang sinuman. Inuuna mo ang pagpoprotekta sa mga ugnayan sa ibang tao at ang hindi salungatin ang sinuman, at hinuhuli ang pagsasalita nang tapat at pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang kumokontrol sa iyo? Kinokontrol ka ng iyong satanikong disposisyon, isinara nito ang bibig mo at pinigilan kang magsalita nang tapat—nagagawa mo lang mamuhay ayon sa iyong satanikong disposisyon. Ano ang isang tiwaling disposisyon? Ang tiwaling disposisyon ay satanikong disposisyon, at ang taong namumuhay ayon sa kanyang tiwaling disposisyon ay isang buhay na Satanas. Palaging may dalang tukso ang kanyang pananalita, palaging paligoy-ligoy, at hindi kailanman direkta; kahit patayin siya sa bugbog, hindi siya magsasalita nang tapat. Ito ang nangyayari kapag nagiging masyadong malubha ang tiwaling disposisyon ng isang tao; tuluyan na siyang nawawalan ng pagkatao at nagiging diyablo. Marami sa inyo ang mas gugustuhing magkasala sa Diyos at lokohin Siya para maprotektahan ang mga ugnayan ninyo sa iba, at ang katayuan at reputasyon na hawak ninyo sa ibang tao. Mahal ba ng isang taong kumikilos nang ganito ang katotohanan? Isa ba siyang taong naghahangad sa katotohanan? Siya ay isang taong mulat na nanloloko sa Diyos, na walang kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso. Nangangahas siyang dayain ang Diyos; talagang napakalaki ng kanyang ambisyon at pagkasuwail! Karaniwang iniisip pa rin ng gayong mga tao na nagmamahal at natatakot sila sa Diyos, at madalas nilang sinasabi na: “Sa tuwing naiisip ko ang Diyos, naiisip ko kung gaano Siya kalaki, kadakila, at ka-hindi maarok! Mahal ng Diyos ang sangkatauhan, tunay na tunay ang Kanyang pagmamahal!” Maaaring nagsasabi kayo ng magagandang salita, ngunit hindi ninyo ilalantad ang isang masamang tao kapag nakita ninyo siyang ginugulo ang gawain ng iglesia. Mapagpalugod kayo ng tao, pinoprotektahan lang ninyo ang sariling kasikatan, pakinabang, at katayuan, sa halip na protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kapag alam mo ang tunay na kalagayan ng mga pangyayari, hindi ka nagsasalita nang tapat, nagpapaligoy-ligoy ka, pinoprotektahan ang masasamang tao. Kung hihilingin sa iyo na magsalita nang tapat, magiging napakahirap nito para sa iyo. Napakarami mong sinasabi na walang katuturan, para lang maiwasan ang pagsasabi ng totoo! Kapag nagsasalita ka, napakarami mong pasikot-sikot, masyado kang nag-iisip, at namumuhay nang nakakapagod, lahat ng ito ay para protektahan ang sarili mong reputasyon at pagpapahalaga sa sarili! Nalulugod ba ang Diyos sa mga taong kumikilos nang ganito? Pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Kung gusto mong maging malaya sa impluwensiya ni Satanas at makamit ang kaligtasan, kailangan mong tanggapin ang katotohanan. Una ay kailangan mong magsimula sa pagiging isang matapat na tao. Maging prangka, sabihin ang totoo, huwag magpapigil sa iyong mga damdamin, iwaksi ang iyong pagkukunwari at panlalansi, at magsalita at pangasiwaan ang mga bagay nang may prinsipyo—isa itong madali at masayang paraan ng pamumuhay, at makapamumuhay ka sa harap ng Diyos. Kung palagi kang namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya, at palaging umaasa sa mga kasinungalingan at panlilinlang para mairaos ang mga araw mo, mamumuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at mamumuhay ka sa kadiliman. Kung mamumuhay ka sa mundo ni Satanas, mas lalo ka lang magiging mapanlinlang. Napakaraming taon mo nang nananalig sa Diyos, napakinggan mo na ang napakaraming sermon, pero hindi pa nalinis ang iyong tiwaling disposisyon, at ngayon ay namumuhay ka pa rin ayon sa iyong satanikong disposisyon—hindi ka ba nasusuklam dito? Hindi ka ba nahihiya? Gaano man katagal ka nang nananalig sa Diyos, kung katulad ka pa rin ng isang walang pananampalataya, ano pa ang silbi ng pananalig mo sa Diyos? Talaga bang makakamit mo ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos nang ganito? Hindi nagbago ang mga layon mo sa buhay, ni ang mga prinsipyo at pamamaraan mo; ang tanging bagay na mayroon ka na wala sa isang walang pananampalataya ay ang titulong “mananampalataya.” Bagamat kung titingnan ay sinusunod mo ang Diyos, hindi talaga nagbago ang disposisyon mo sa buhay, at hindi mo makakamit ang kaligtasan sa huli. Hindi ba’t umaasa ka lang sa wala? Makakatulong ba sa iyo ang ganitong uri ng pananalig sa Diyos na matamo ang katotohanan at ang buhay? Talagang hindi.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng Isang Tiwaling Disposisyon

Upang magkaroon ng katayuan at makaligtas sa lipunang ito, dapat matuto ang mga tao ng isang bagay—ang maging balimbing. Sa madaling salita, dapat kang maging madaya at tuso. Hindi mo pwedeng basta na lang sabihin kung ano ang nasa isip mo. Kung sasabihin mo kung ano ang nasa isip mo, kahangalan ang tawag doon, hindi iyon pagiging matalino. May ilang tao na walang preno na sinasabi ang anumang gusto nila. Isipin mo ang isang lalaking gumagawa niyon at sa huli ay napasama niya ang loob ng kanyang amo. Pagkatapos ay pinahirapan siya ng kanyang amo, kinansela ang kanyang bonus, at palagi itong nakikipag-away sa kanya. Sa huli, hindi na niya kayang manatili pa sa trabaho. Kung magbibitiw siya sa kanyang trabaho, wala siyang ibang mapagkakakitaan. Pero kung hindi siya magbibitiw, ang tanging magagawa niya ay pagtiyagaan ang isang trabaho na hindi na niya kayang gawin pa. Ano ang tawag doon, kapag nasa mahirap kang kalagayan? “Naipit,” nang hindi makakilos. Tapos, sinasabi sa kanya ng kanyang pamilya na: “Nararapat lang iyan sa iyo na maltratuhin, dapat kasi naalala mo na ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan’! Nararapat lang iyan sa iyo dahil wala kang preno at hindi ka nag-iingat sa pinagsasasabi mo! Sinabi namin sa iyo na maging maingat ka sa pananalita at pag-isipang mabuti ang sasabihin mo, pero ayaw mo, pinili mong maging prangka. Akala mo ba ganoon kadaling kalabanin ang amo mo? Akala mo ba ganoon kadaling mamuhay sa lipunan? Palagi mong iniisip na nagpapakaprangka ka lang. Pwes, ngayon, dapat lang na harapin mo ang masasakit na kahihinatnan. Maging aral sana ito sa iyo! Mas matatandaan mo na nang mabuti ang kasabihang ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan’ sa hinaharap!” Sa sandaling maituro sa lalaking iyon ang leksiyong ito, naaalala niya ito, iniisip na, “Tama talaga ang mga magulang ko na turuan ako. Ito ay isang makabuluhang leksyon ng karanasan sa buhay, isang tunay na gintong aral, hindi ko ito pwedeng patuloy na balewalain. Manganganib ako kung babalewalain ko ang mga nakatatanda sa akin, kaya’t tatandaan ko ito sa hinaharap.” Pagkatapos niyang manampalataya sa Diyos at sumapi sa sambahayan ng Diyos, naaalala pa rin niya ang kasabihang ito, “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” kaya naman binabati niya ang kanyang mga kapatid sa tuwing nakikita niya ang mga ito, at ginagawa ang kanyang makakaya para makapagsabi ng magagandang bagay sa mga ito. Sinasabi ng lider: “Matagal-tagal na akong lider, pero wala akong sapat na karanasan sa gawain.” Kaya, sumisingit siya nang may papuri: “Magaling ka sa ginagawa mo. Kung hindi ikaw ang namumuno sa amin, parang wala na kaming matatakbuhan.” May isa pang nagsasabi na: “Nagkamit ako ng pag-unawa sa sarili ko, at sa tingin ko ay medyo mapanlinlang ako.” Kaya sasagot siya, “Hindi ka mapanlinlang, talagang matapat ka, ako ang mapanlinlang.” May isa pang nagbibigay ng masamang komento sa kanya, at napapaisip siya, “Hindi ko kailangang matakot sa masasamang komento na tulad niyan, mas masahol pa ang kaya kong tiisin. Gaano man kasama ang mga komento mo, magkukunwari na lang akong hindi ko narinig ang mga ito, at patuloy kitang pupurihin, at susubukan ang makakaya ko na maging sipsip sa iyo, dahil hindi kailanman masama na purihin ka.” Sa tuwing may humihiling sa kanya na magbigay ng opinyon o magtapat habang nagbabahaginan, hindi siya prangkang nagsasalita, at pinananatili ang masayahing pagpapanggap na ito sa harap ng lahat. May nagtatanong sa kanya: “Bakit palagi kang masigla at masiyahin? Isa ka ba talagang nakangiting tigre?” At napapaisip siya: “Matagal na akong isang nakangiting tigre, at sa lahat ng panahong iyon, hindi pa ako kailanman napagsamantalahan, kaya’t naging pangunahing prinsipyo ko na ito sa pakikitungo sa mundo.” Hindi ba’t hindi siya mapagkakatiwalaan? (Oo.) May ilang tao na nagpatangay na lang sa lipunan sa loob ng maraming taon, at patuloy na ginagawa ito matapos silang makapasok sa sambahayan ng Diyos. Hindi sila kailanman nagsasabi ng isang tapat na salita, hindi sila nagsasalita mula sa puso, at hindi nila ibinabahagi ang pagkaunawa nila sa kanilang sarili. Kahit inilalahad ng isang kapatid ang puso nito sa kanila, hindi sila nagsasalita nang prangka, at walang sinuman ang nakakaalam kung ano talaga ang tumatakbo sa isip nila. Hindi nila kailanman ibinubunyag kung ano ang iniisip nila o kung ano ang kanilang mga pananaw, pinananatili nila ang talagang magagandang ugnayan sa lahat, at hindi mo alam kung anong uri ng mga tao o kung anong klase ng personalidad ang totoong gusto nila, o kung ano ba talaga ang tingin nila sa iba. Kung may magtatanong sa kanila kung anong uri ng tao si gayo’t ganito, ang sagot nila ay, “Higit sampung taon na siyang mananampalataya, at ayos naman siya.” Kahit sino ang itanong mo sa kanila, sasagot sila na ayos lang o napakabait ng taong iyon. Kung may magtatanong sa kanila ng, “May natuklasan ka bang anumang pagkukulang o kapintasan sa kanya?” Sasagot sila ng, “Wala pa naman akong napansin, mas oobserbahan ko ito nang mabuti mula ngayon,” pero sa kaloob-looban nila, iniisip nilang: “Hinihiling mo sa akin na pasamain ko ang loob ng taong iyon, na talagang hindi ko gagawin! Kung sasabihin ko sa iyo ang totoo at nalaman niya ito, hindi ba’t magiging kaaway ko siya? Matagal nang sinasabi sa akin ng pamilya ko na huwag gumawa ng mga kaaway, hindi ko nakakalimutan ang mga sinabi nila. Akala mo ba hangal ako? Akala mo makakalimutan ko ang pagtuturo at pagkokondisyon na natanggap ko mula sa aking pamilya dahil lang sa nagbahagi ka ng dalawang pangungusap ng katotohanan? Hindi iyon mangyayari! Ang mga kasabihang ito na, ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan’ at ‘Mas madaling malulutas ang hidwaan sa pamamagitan ng pagkokompromiso,’ ay hindi ako kailanman binigo at ang mga ito ang aking birtud. Hindi ako nagkukuwento ng mga kapintasan ng sinuman, at kung may sinumang nang-uudyok sa akin, pinapakitaan ko sila ng pagtitiis. Hindi mo ba nakita ang letrang iyon na nakatatak sa aking noo? Ito ang letrang Tsino para sa ‘pagtitiis,’ na binubuo ng letra ng isang kutsilyo sa itaas ng letra ng puso. Ang sinumang nagsasabi ng masasamang salita, pinapakitaan ko sila ng pagtitiis. Ang sinumang nagpupungos sa akin, pinapakitaan ko sila ng pagtitiis. Ang layon ko ay na manatiling kasundo ang lahat, na panatilihin ang mga ugnayan sa ganitong antas. Huwag kumapit sa mga prinsipyo, huwag maging sobrang hangal, huwag maging matigas, dapat kang matutong bumagay sa mga sitwasyon! Bakit sa tingin mo nabubuhay nang napakatagal ang mga pagong? Ito ay dahil nagtatago ang mga ito sa loob ng kanilang bahay sa tuwing nahihirapan ang mga ito, hindi ba? Sa gayong paraan, napoprotektahan ng mga ito ang kanilang sarili at nabubuhay nang libo-libong taon. Iyon ang paraan para mabuhay nang matagal, at kung paano makitungo sa mundo.” Hindi mo naririnig ang gayong mga tao na nagsasabi ng anumang makatotohanan o taos-puso, at hindi kailanman nabubunyag ang kanilang mga tunay na pananaw at pangunahing pamantayan sa kanilang pag-asal. Pinag-iisipan at pinagninilayan lamang nila ang mga bagay na ito sa puso nila, ngunit walang ibang nakakaalam sa mga ito. Sa panlabas, ang ganitong uri ng tao ay mabait sa lahat, mukhang may mabuting loob, at hindi nananakit o naninira ng sinuman. Pero ang totoo, siya ay balimbing at hindi mapagkakatiwalaan. Ang ganitong uri ng tao ay palaging nagugustuhan ng ilang tao sa iglesia, dahil hindi sila kailanman gumagawa ng malalaking pagkakamali, hindi nila kailanman pabayang ibinubunyag ang kanilang sarili, at ayon sa pagsusuri ng mga lider ng iglesia at mga kapatid, maayos silang nakikisama sa lahat. Wala silang pakialam sa kanilang tungkulin, ginagawa lang nila kung ano ang hinihiling sa kanila. Sila ay sadyang masunurin at may maayos na pag-uugali, hindi nila kailanman sinasaktan ang iba sa pakikipag-usap o kapag hinaharap ang mga bagay-bagay, at hindi nila kailanman sinasamantala ang sinuman. Hindi sila kailanman nagsasalita ng masama tungkol sa iba, at hindi sila nanghuhusga ng mga tao nang patalikod. Gayunpaman, walang nakakaalam kung tapat sila sa pagganap ng kanilang tungkulin, at walang nakakaalam kung ano ang iniisip nila sa iba o kung ano ang opinyon nila sa mga ito. Pagkatapos pag-isipang mabuti, maramdaman mo pa na talagang medyo kakaiba at mahirap unawain ang ganitong uri ng tao, at na ang pagpapanatili sa kanila ay maaaring magdulot ng problema. Ano ang dapat mong gawin? Isa itong mahirap na desisyon, hindi ba? Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, nakikita mo na inaasikaso nila ang kanilang mga sariling gawain, ngunit kailanman ay hindi nila pinahahalagahan ang mga prinsipyong ipinapabatid ng sambahayan ng Diyos sa kanila. Ginagawa nila ang mga bagay-bagay ayon sa gusto nila, wala sa loob na ginagawa ang mga ito at hinahayaan na lang sa ganoon, sinusubukan lamang na iwasang gumawa ng anumang malalaking pagkakamali. Dahil dito, wala kang mahahanap na anumang pagkakamali sa kanila, o matutukoy na anumang kapintasan. Malinis nilang ginagawa ang mga bagay-bagay, pero ano kaya ang iniisip nila sa loob? Gusto ba nilang gampanan ang kanilang tungkulin? Kung walang mga atas administratibo ng iglesia, o pangangasiwa mula sa lider ng iglesia o sa kanilang mga kapatid, makikisama kaya ang taong ito sa masasamang tao? Gagawa kaya sila ng masasamang bagay at magsasagawa ng kasamaan kasama ang masasamang tao? Napakaposible nito, at may kakayahan silang gawin ito, pero hindi pa nila ito nagagawa. Ang ganitong tao ang mapaminsala sa lahat ng uri, at sila ang tipikal na hindi mapagkakatiwalaan o tusong tao.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 12

May mga mapagpalugod ng mga tao sa bawat iglesia. Walang pagkilatis ang mga taong ito sa masasamang tao na nagmamanipula at nagsasabotahe sa mga halalan. Kahit na mayroon silang kaunting pagkilatis, hindi nila ito pinapansin. Ang kanilang saloobin sa mga isyu na lumilitaw sa mga halalan sa iglesia ay “Hayaan lang ang mga bagay-bagay kung hindi naman personal na nakakaapekto ang mga ito sa iyo.” Iniisip nila na hindi mahalaga kung sino ang magiging lider, na wala itong kinalaman sa kanila. Hangga’t masaya silang namumuhay araw-araw, ayos na sila. Ano ang tingin mo sa mga ganitong tao? Sila ba ay mga tao na nagmamahal sa katotohanan? (Hindi.) Anong uri sila ng tao? Mga mapagpalugod sila ng mga tao, at maaari din silang tawaging mga hindi mananampalataya. Ang mga taong ito ay hindi naghahangad sa katotohanan; ang gusto lang nila ay mamuhay nang magaan, nagnanasa ng kaginhawahan sa laman. Masyado silang makasarili at tuso. Marami bang gayong tao sa lipunan? Anumang pampolitikang partido ang nasa kapangyarihan, kahit sino ang nasa posisyon, sila ay gustong-gusto ng mga tao at mahusay nilang napapamahalaan ang kanilang mga ugnayang panlipunan, at namumuhay sila nang komportable; kahit anong kilusang pampolitika ang lumitaw, hindi sila naiipit dito. Anong uri ng mga tao ito? Ang mga ito ang pinakamapanlinlang, pinakatuso na mga tao, kilala bilang “mga tusong tao” at “mga matandang ahas.” Namumuhay sila ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, nang wala ni katiting na prinsipyo. Kung sino man ang nasa kapangyarihan, iyon ang kanilang nilalapitan, binobola, ipinagdiriwang nila ang kabutihan nito. Wala silang ibang ginagawa kundi ipagtanggol ang mga nakatataas sa kanila, at hindi nila kailanman sinasalungat ang mga ito. Gaano man kalaki ang kasamaang ginagawa ng mga nakatataas sa kanila, hindi nila ito sinasalungat ni sinusuportahan, kundi itinatago nila ang kanilang mga iniisip sa kanilang kaibuturan. Gustong-gusto sila ng mga tao kahit sino pa ang nasa kapangyarihan. Gusto ni Satanas at ng mga diyablong hari ang ganitong uri ng tao. Bakit gusto ng mga diyablong hari ang ganitong uri ng tao? Dahil hindi nila sinisira ang mga gawain ng mga diyablong hari at hindi sila nagiging banta sa mga ito. Walang prinsipyo ang ganitong uri ng tao, at walang batayan sa kanilang pag-asal, at walang integridad at dignidad; sumusunod lamang sila sa mga kalakaran ng lipunan at yumuyukod sa mga diyablong hari, umaayon sa mga panlasa ng mga ito. Hindi ba’t mayroon ding mga gayong tao sa iglesia? Maaari bang maging mga mananagumpay ang mga gayong tao? Mabubuting sundalo ba sila ni Cristo? Mga saksi ba sila sa Diyos? Kapag nagpapakita ng kanilang ulo ang mga masamang tao at anticristo at ginugulo ang gawain ng iglesia, makakaya bang tumindig ng mga gayong tao at makipaglaban sa kanila, ilantad, kilatisin, at itakwil sila, itigil ang kanilang masasamang gawa at magpatotoo sa Diyos? Tiyak na hindi. Ang mga tusong tao na ito ay hindi iyong mga gagawing perpekto o ililigtas ng Diyos. Hindi sila kailanman nagpapatotoo sa Diyos o hindi nila kailanman itinataguyod ang mga interes ng Kanyang sambahayan. Sa nakikita ng Diyos, ang mga taong ito ay hindi iyong mga sumusunod o nagpapasakop sa Kanya, kundi mga taong bulag gumagawa ng gulo, mga miyembro ng pangkat ni Satanas—sila ang mga ititiwalag Niya kapag natapos na ang Kanyang gawain. Hindi pinahahalagahan ng Diyos ang gayong mga sawing-palad. Wala sila ng katotohanan o buhay; sila ay mga hayop at diyablo; hindi sila karapat-dapat sa kaligtasan ng Diyos at sa pagtatamasa ng pagmamahal Niya. Kaya, madali na isinasantabi at tinitiwalag ng Diyos ang mga gayong tao, at dapat na maagap silang paalisin ng iglesia bilang mga hindi mananampalataya. Wala silang tunay na puso para sa Diyos, kung gayon bibigyan ba sila ng tunay na panustos ng Diyos? Bibigyang-liwanag at tutulungan ba sila ng Diyos? Hindi. Kapag nangyayari ang mga pagkagambala at panggugulo sa mga halalan sa iglesia, at kontrolado at naiimpluwensyahan ng masasamang tao ang mga resulta ng halalan, tiyak na hindi papanig sa Diyos ang mga taong ito upang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tiyak na hindi sila susunod sa mga katotohanang prinsipyo upang labanan ang masasamang tao at mga anticristo, at upang labanan ang mga puwersa ni Satanas hanggang sa huli. Tiyak na hindi nila gagawin ito, wala silang tapang. Samakatwid, ang mga nakakapagpatotoo sa Diyos ay dapat na kilatisin ang mga taong ito at hindi nila dapat ibahagi sa mga taong ito ang mga katotohanang nauunawaan nila o ang pagkilatis nila kay Satanas. Kahit pa ibahagi mo ang mga bagay na ito sa kanila, magiging walang silbi ito; hindi sila papanig sa katotohanan. Kapag pumipili ng mga katrabaho at mga katuwang, dapat mong ibukod ang mga gayong tao at huwag silang piliin. Bakit hindi mo sila dapat piliin? Dahil sila ay mga tusong tao; hindi sila papanig sa Diyos, hindi papanig sa katotohanan, at hindi makikipagkaisa sa iyo sa puso at isipan upang kalabanin si Satanas. Kung ipagtatapat mo sa kanila ang iyong mga taos-pusong salita, hangal ka at magiging katatawanan ni Satanas. Huwag ibahagi ang katotohanan o mag-alok ng mga payo sa mga gayong tao, at huwag silang asahan, dahil hinding-hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong ito. Hindi sila mga taong kaisa ng Diyos sa puso at isipan; mga tagapanood lamang sila na nanonood ng labanan mula sa malayo; sila ay mga tusong tao. Pinapasok ng mga ganitong uri ng tao ang sambahayan ng Diyos upang manood lamang ng nakakasabik na kaganapan at bulag na gumagawa ng gulo. Wala silang pagpapahalaga sa katarungan at walang pagpapahalaga sa responsabilidad; wala man lang silang simpatya para sa mabubuting tao na pinipinsala ng masasamang tao. Pinakaangkop na tawagin ang mga gayong tao na mga diyablo o at Satanas. Kung ilalantad ng isang taong may pagpapahalaga sa katarungan ang masasamang tao, hindi man lang sila papalakpak o susuporta sa mga ito. Kaya, huwag kailanman pagkatiwalaan ang mga taong ito; sila ay mga tusong tao, mga hunyango, mga matandang ahas. Hindi sila mga taos-pusong mananampalataya sa Diyos kundi mga alipin ni Satanas. Hindi kailanman maliligtas ang mga taong ito, at ayaw sa kanila ng Diyos; ito ang malinaw na pagnanais ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 19

Kung, bilang mga lider at manggagawa, binabalewala ninyo ang mga problemang lumilitaw sa pagganap ng mga tungkulin, at naghahanap pa kayo ng iba’t ibang dahilan at palusot para umiwas sa responsabilidad, at hindi ninyo nilulutas ang ilang problema na kaya ninyo namang lutasin, at hindi ninyo inuulat sa Itaas ang mga problemang hindi ninyo kayang lutasin, na para bang walang kinalaman ang mga ito sa inyo, hindi ba’t pagpapabaya ito sa tungkulin? Ang pagtrato ba sa gawain ng iglesia sa ganitong paraan ay pagiging mautak o pagiging hangal? (Ito ay pagiging hangal.) Hindi ba’t tuso ang mga gayong lider at manggagawa? Hindi ba’t wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad? Kapag nahaharap sila sa mga problema, binabalewala nila ang mga ito—hindi ba’t mga wala silang pakialam? Hindi ba’t mga tuso silang tao? Ang mga tusong tao ang pinakahangal sa lahat. Dapat isa kang taong matapat, dapat magkaroon ka ng pagpapahalaga sa responsabilidad kapag humaharap ka sa mga problema, at dapat mong subukan ang lahat ng paraan at hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga ito. Hinding-hindi ka dapat maging tuso. Kung ang iniisip mo lang ay ang pag-iwas sa responsabilidad at paghuhugas-kamay rito kapag lumilitaw ang mga problema, makokondena ka pa dahil sa ugaling ito sa gitna ng mga walang pananampalataya, bukod pa sa sambahayan ng Diyos! Ang pag-uugaling ito ay kinokondena at isinusumpa ng Diyos, at ito ay kinasusuklaman at tinatangihan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat, at nasusuklam Siya sa mga taong mapanlinlang at madaya. Kung isa kang tusong tao at kumikilos ka nang madaya, hindi ba’t mamumuhi ang Diyos sa iyo? Hahayaan ka lang ba ng sambahayan ng Diyos na makalusot? Sa malao’t madali, papapanagutin ka. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat at ayaw naman Niya sa mga taong tuso. Dapat malinaw itong maunawaan ng lahat, at huwag nang maguluhan at gumawa ng mga kahangalan. Ang panandaliang kamangmangan ay maaaring pangatwiranan, pero kung talagang hindi tinatanggap ng isang tao ang katotohanan, masyadong matigas ang ulo niya. Marunong humawak ng responsabilidad ang mga taong matapat. Hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan; iniingatan lamang nila ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Mayroon silang mababait at matatapat na puso na gaya ng mga mangkok ng malinaw na tubig kung saan makikita mo ang ilalim sa isang sulyap. Wala rin silang itinatago sa kanilang mga kilos. Ang isang taong mapanlinlang ay laging nandadaya, laging nagpapanggap, pinagtatakpan at ikinukubli ang mga bagay, at binabalot nang husto ang sarili nila. Walang makakilatis sa ganitong uri ng tao. Hindi makilatis ng mga tao ang kanilang mga saloobin, pero kaya ng Diyos na masiyasat ang mga bagay sa kaibuturan ng kanilang puso. Kapag nakikita ng Diyos na hindi sila matapat na tao, na tuso sila, na hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan, palagi Siyang nililinlang, at hindi kailanman ibinibigay ang puso nila sa Kanya—ayaw ng Diyos sa kanila, at kinasusuklaman at tatalikuran sila ng Diyos. Anong klase ng mga tao ang umuunlad sa gitna ng mga walang pananampalataya, at iyong matatamis ang dila at mabilis mag-isip? Malinaw ba ito sa inyo? Ano ang diwa nila? Masasabi na lahat sila ay napakahirap na makilatis, sobrang mapanlinlang at tuso nilang lahat, sila ang tunay na mga diyablo at Satanas. Maaari bang iligtas ng Diyos ang mga ganitong tao? Wala nang higit pang kinasusuklaman ang Diyos kundi ang mga diyablo—mga taong mapanlinlang at tuso—at hinding-hindi ililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Hinding-hindi kayo dapat maging ganitong uri ng tao. Iyong mga palaging nagmamasid at alerto kapag nagsasalita sila, na may kumpiyansa at magaling at gumaganap ng isang karakter para bumagay sa sitwasyon kapag pinapangasiwaan nila ang mga usapin—sinasabi Ko sa iyo, pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga gayong tao, hindi na maililigtas pa ang mga taong gaya nito. Tungkol sa lahat ng nabibilang sa kategorya ng mga mapanlinlang at tusong tao, kahit gaano pa kagandang pakinggan ang mga salita nila, lahat ng ito ay mapanlinlang, maladiyablong salita. Kapag mas magandang pakinggan ang kanilang mga salita, mas lalong mga diyablo at Satanas ang mga taong ito. Sila mismo ang klase ng mga tao na pinakakinasusuklaman ng Diyos. Talagang ito ay tama. Ano ang masasabi ninyo: Matatanggap ba ng mga taong mapanlinlang, madalas magsinungaling, at mahusay mambola, ang gawain ng Banal na Espiritu? Kaya ba nilang makamit ang pagbibigay-liwanag at pagtanglaw ng Banal na Espiritu? Hinding-hindi. Ano ang saloobin ng Diyos ukol sa mga taong mapanlinlang at tuso? Itinataboy Niya ang mga ito, isinasantabi Niya ang mga ito at hindi pinapansin, itinuturing Niya sila bilang kauri ng mga hayop. Sa paningin ng Diyos, ang gayong mga tao ay nakabihis lamang ng anyong tao at sa diwa, sila ay mga diyablo at Satanas, sila ay mga naglalakad na bangkay, at hinding-hindi sila ililigtas ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8

Kapag nanlilinlang ang mga tao, sa anong mga layunin ito nag-uugat? Anong mithiin ang sinusubukan nilang makamit? Ang lahat ng ito ay para magkamit ng katanyagan, pakinabang at katayuan; sa madaling sabi, ito ay alang-alang sa sarili nilang mga interes. At ano ang pinakaugat ng paghahangad sa mga pansariling interes? Ito ay dahil nakikita ng mga tao ang mga pansarili nilang interes bilang mas mahalaga kaysa sa lahat ng iba pa. Nanlilinlang sila upang makinabang sila, at sa gayon ay nabubunyag ang kanilang mapanlinlang na disposisyon. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Kailangan mo munang tukuyin at alamin kung ano ba ang mga interes, kung ano ba mismo ang idinudulot ng mga ito sa mga tao, at kung ano ba ang mga kahihinatnan ng paghahangad sa mga ito. Kung hindi mo ito malaman, madaling sabihin na tatalikuran mo ang mga ito pero mahirap itong gawin. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala nang iba pang mas mahirap talikuran para sa kanila kaysa sa sarili nilang mga interes. Iyon ay dahil ang mga pilosopiya nila sa buhay ay “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” at “Ang tao ay namamatay para sa kayamanan, gaya ng mga ibon para sa pagkain.” Malinaw na nabubuhay sila para sa sarili nilang mga interes. Iniisip ng mga tao na kung wala ang sarili nilang mga interes—na kung mawawala ang kanilang mga interes—hindi sila mabubuhay. Ito ay na para bang hindi maihihiwalay ang buhay nila sa sarili nilang mga interes, kaya nga karamihan sa mga tao ay bulag sa lahat maliban sa sarili nilang mga interes. Mas mataas ang tingin nila sa sarili nilang mga interes kaysa sa anumang ibang bagay, nabubuhay lang sila para sa sarili nilang mga interes, at kapag hinikayat mo silang isuko ang sarili nilang mga interes ay para mo na ring hiniling sa kanila na isuko nila ang buhay nila. Kaya, ano ang dapat gawin sa gayong mga sitwasyon? Dapat tanggapin ng mga tao ang katotohanan. Makikita lamang ng mga tao ang diwa ng sarili nilang mga interes kapag naunawaan nila ang katotohanan; saka lamang sila makapagsisimulang bitiwan at maghimagsik laban sa mga ito, at magawang tiisin ang sakit na pakawalan ang mga bagay na labis nilang mahal. At kapag kaya mo nang gawin ito at talikuran ang mga sarili mong interes, mas mapapanatag ka at mas magiging payapa ang iyong puso, at kapag nagawa mo iyon ay nadaig mo na ang laman. Kung kumakapit ka sa iyong mga interes at tumatanggi kang isuko ang mga iyon, at kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, sa iyong puso ay maaari mong sabihin na, “Ano bang masama kung magsikap akong makinabang at umayaw akong mawalan? Hindi naman ako pinarusahan ng Diyos, at ano ba ang magagawa ng mga tao sa akin?” Walang sinumang makagagawa ng anumang bagay sa iyo, pero sa ganitong pananampalataya sa Diyos, mabibigo ka sa huli na matamo ang katotohanan at ang buhay. Magiging isang napakalaking kawalan ito para sa iyo—hindi ka makapagtatamo ng kaligtasan. May mas matindi pa bang panghihinayang? Ito ang kasasapitan sa huli ng pagsisikap mo para sa sarili mong mga interes. Kung katanyagan, pakinabang at katayuan lamang ang hahangarin ng mga tao—kung sariling mga interes lamang ang hahangarin nila—hindi nila kailanman matatamo ang katotohanan at ang buhay, at sila ang mawawalan sa huli. Inililigtas ng Diyos ang mga naghahangad sa katotohanan. Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, at kung wala kang kakayahang pagnilay-nilayan at alamin ang sarili mong tiwaling disposisyon, hindi ka tunay na magsisisi, at hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok. Ang pagtanggap sa katotohanan at pagkilala sa iyong sarili ang landas tungo sa pag-unlad sa buhay at pagtatamo ng kaligtasan, ito ang pagkakataon para sa iyo na lumapit sa harapan ng Diyos at matanggap ang Kanyang masusing pagsisiyasat, paghatol, at pagkastigo, at matamo ang katotohanan at ang buhay. Kung susukuan mo ang paghahangad sa katotohanan alang-alang sa paghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan at sarili mong mga interes, katumbas lang ito ng pagsuko sa oportunidad na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at na matamo ang kaligtasan. Pinipili mo ang katanyagan, pakinabang, at katayuan at ang sarili mong mga interes, pero ang isinusuko mo naman ay ang katotohanan, at ang nawawala sa iyo ay ang buhay, at ang pagkakataong maligtas. Ano ang mas mahalaga? Kung pipiliin mo ang sarili mong mga interes at isusuko mo ang katotohanan, hindi ba ito kahangalan? Sa payak na pananalita, isa itong malaking kawalan para sa isang maliit na pakinabang. Ang katanyagan, pakinabang, katayuan, pera, at mga interes ay pawang pansamantala lamang, panandalian ang lahat ng ito, samantalang ang katotohanan at ang buhay ay walang hanggan at hindi nagbabago. Kung lulutasin ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon na nagsasanhi na hangarin nila ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, may pag-asa silang magtamo ng kaligtasan. Bukod dito, ang mga katotohanang nakakamit ng mga tao ay walang hanggan; hindi makukuha ni Satanas mula sa mga tao ang mga katotohanang ito, o ng kahit sino pang iba. Tinatalikuran mo ang iyong mga interes ngunit ang nakakamit mo ay ang katotohanan at kaligtasan; ang mga resultang ito ay pagmamay-ari mo, at nakakamit mo ang mga ito para sa iyong sarili. Kung pipiliin ng mga tao na isagawa ang katotohanan, kahit na nawala na ang kanilang mga interes, natatamo nila ang pagliligtas ng Diyos at ang buhay na walang hanggan. Ang mga taong iyon ang pinakamatatalino. Kung isusuko ng mga tao ang katotohanan alang-alang sa kanilang mga interes, mawawala sa kanila ang buhay at ang pagliligtas ng Diyos; ang mga taong iyon ang pinakahangal. Kung ano ang pipiliin ng isang tao—ang kanyang mga interes o ang katotohanan—ay labis na nagbubunyag. Yaong mga nagmamahal sa katotohanan ay pipiliin ang katotohanan; pipiliin nilang magpasakop sa Diyos, at na sumunod sa Kanya. Mas gugustuhin nilang talikuran ang mga sarili nilang interes para mahangad ang katotohanan. Gaano man nila kailangang magdusa, determinado silang panindigan ang kanilang patotoo upang palugurin ang Diyos. Ito ang pangunahing daan sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito

Ano sa tingin ninyo—hindi ba’t nakapapagod ang buhay para sa mga mapanlinlang na tao? Iginugugol nila ang buong panahon nila sa pagsisinungaling, pagkatapos ay sa higit pang pagsisinungaling upang pagtakpan ang mga iyon, at sa pandaraya. Sila ang nagdudulot ng kapagurang ito sa kanilang mga sarili. Alam nila na nakakapagod mabuhay nang ganito—kaya bakit gusto pa rin nilang maging mapanlinlang, at ayaw maging matapat? Napag-isipan na ba ninyo ang tanong na ito? Isa itong kahihinatnan ng pagkakalinlang sa mga tao ng kanilang mga satanikong kalikasan; pinipigilan sila nitong talikdan ang ganitong uri ng buhay, ang ganitong uri ng disposisyon. Payag ang mga taong tanggapin ang maloko nang ganito at mamuhay rito; ayaw nilang isagawa ang katotohanan at tahakin ang landas ng liwanag. Sa palagay mo nakakapagod ang mamuhay nang ganito at na hindi kinakailangang kumilos nang ganito—ngunit iniisip ng mga mapanlinlang na tao na kailangang-kailangan ito. Iniisip nilang ang hindi paggawa rito ay magdudulot sa kanila ng kahihiyan, na mapipinsala rin nito ang kanilang imahe, kanilang reputasyon, at kanilang mga interes, at na napakalaki ng mawawala sa kanila. Pinahahalagahan nila ang mga bagay na ito, pinahahalagahan nila ang sarili nilang imahe, sarili nilang reputasyon at katayuan. Ito ang tunay na mukha ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Sa madaling salita, kapag ayaw ng mga taong maging matapat o isagawa ang katotohanan, ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan. Sa mga puso nila, pinahahalagahan nila ang mga bagay na tulad ng reputasyon at katayuan, mahilig silang sumunod sa mga makamundong kalakaran, at nabubuhay sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Isa itong problema sa kanilang kalikasan. Mayroong mga tao ngayon na maraming taon nang naniniwala sa Diyos, na nakarinig na ng maraming sermon, at nakaaalam kung patungkol saan ang pananampalataya sa Diyos. Ngunit hindi pa rin nila isinasagawa ang katotohanan, at hindi pa sila nagbabago kahit kaunti—bakit ganito? Ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan. Kahit pa nauunawaan nga nila nang kaunti ang katotohanan, hindi pa rin nila ito naisasagawa. Para sa gayong mga tao, kahit pa gaano karaming taon na silang sumasampalataya sa Diyos, mawawalan ito ng kabuluhan. Maliligtas ba ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan? Talagang imposible ito. Ang hindi pagmamahal sa katotohanan ay isang problema sa puso ng isang tao, sa kalikasan ng isang tao. Hindi ito malulutas. Ang usapin ng kung ang isang tao ay maliligtas sa kanyang pananampalataya ay pangunahing nakasalalay sa kung minamahal niya ang katotohanan o hindi. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang kayang tumanggap sa katotohanan; tanging sila ang makatitiis ng paghihirap at makapagbabayad ng halaga alang-alang sa katotohanan, at tanging sila ang makapagdarasal sa Diyos at makaaasa sa Kanya. Tanging sila ang makapaghahanap sa katotohanan at makapagninilay at makakikilala sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan, magkakaroon ng lakas ng loob na maghimagsik laban sa laman, at makapagtatamo ng pagsasagawa sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang makapaghahangad dito nang ganito, makatatahak sa landas ng kaligtasan, at makapagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Walang ibang landas maliban dito. Napakahirap nitong tanggapin para sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Ito ay dahil, sa kanilang mga kalikasan, tutol sila sa katotohanan at namumuhi rito. Kung nais nilang tumigil sa paglaban sa Diyos o hindi gumawa ng kasamaan, labis silang mahihirapang gawin iyon, dahil sila ay kay Satanas at naging mga diyablo at kaaway na sila ng Diyos. Inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, hindi Niya inililigtas ang mga diyablo o si Satanas. May ilang taong nagtatanong na: “Talagang nauunawaan ko ang katotohanan. Hindi ko lang ito maisagawa. Ano ang dapat kong gawin?” Isa itong taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, hindi niya ito maisasagawa kahit pa nauunawaan niya ito, dahil sa kaibuturan, ayaw niyang gawin iyon at hindi niya gusto ang katotohanan. Ang gayong tao ay hindi na maililigtas. Sinasabi ng ilang tao: “Sa tingin ko ay maraming mawawala sa iyo sa pagiging matapat na tao, kaya ayaw kong maging ganoon. Kailanman ay hindi nawawalan ang mga mapanlinlang na tao—nakikinabang pa nga sila sa pananamantala sa iba. Kaya mas gugustuhin kong maging mapanlinlang na tao. Ayaw kong ipaalam sa iba ang mga pribado kong gawain, na hayaan silang maintindihan o maunawaan ako. Ang aking kapalaran ay dapat na nasa sarili kong mga kamay.” Sige, kung ganoon—subukan mo iyon at tingnan mo. Tingnan mo kung anong uri ng resulta ang kahihinatnan mo; tingnan mo kung sino ang mapupunta sa impiyerno at sino ang maparurusahan sa huli.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ang nagpapatunay na tunay Niyang kinamumuhian at hindi gusto ang mga taong mapanlinlang. Ang pag-ayaw ng Diyos sa mga taong mapanlinlang ay pag-ayaw sa kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, kanilang mga disposisyon, kanilang mga layon, at kanilang mga pamamaraan ng panlilinlang; ayaw ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Kung ang mga taong mapanlinlang ay nagagawang tanggapin ang katotohanan, aminin ang kanilang mga mapanlinlang na disposisyon, at handa silang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, sila man ay may pag-asang maligtas—sapagkat pantay-pantay ang pagtrato ng Diyos sa lahat ng tao, at gayundin ang katotohanan. Kaya nga, kung nais nating maging mga taong nagbibigay-lugod sa Diyos, ang unang bagay na kailangan nating gawin ay baguhin ang ating mga prinsipyo ng pag-asal. Hindi na tayo maaaring mamuhay pa ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi na tayo magraraos sa pamamagitan ng mga pagsisinungaling at pandaraya. Kailangan nating iwaksi ang lahat ng ating kasinungalingan at maging matapat na tao. Sa gayon ay magbabago ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dati-rati, laging umaasa ang mga tao sa mga pagsisinungaling, pagkukunwari, at panloloko habang namumuhay kasama ang iba, at gumagamit ng mga satanikong pilosopiya bilang batayan ng kanilang pag-iral, ng kanilang buhay, at saligan para sa kanilang pag-asal. Isang bagay ito na kinasusuklaman ng Diyos. Sa mga walang pananampalataya, kung prangka kang magsalita, sinasabi mo ang katotohanan, at isa kang matapat na tao, sisiraan ka, huhusgahan, at tatalikdan. Kaya sumusunod ka sa mga makamundong kalakaran at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; lalo ka pang humuhusay sa pagsisinungaling, at mas lalong nagiging mapanlinlang. Natututo ka ring gumamit ng mga tusong kaparaanan para makamtan ang iyong mga mithiin at protektahan ang iyong sarili. Mas lalo kang nagiging maunlad sa mundo ni Satanas, at dahil dito, palalim nang palalim ang pagkahulog mo sa kasalanan hanggang sa hindi mo na mapalaya ang iyong sarili. Sa sambahayan ng Diyos, eksaktong kabaligtaran niyon ang mga bagay-bagay. Kapag mas nagsisinungaling at nanlilinlang ka, mas mayayamot sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at tatalikdan ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at kung nakikipagsabwatan ka at gumagamit ng mga detalyadong pakana para magbalatkayo at magpanggap, malamang na mabubunyag at matitiwalag ka. Ito ay dahil kinapopootan ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at ang mga taong mapanlinlang ay tatalikdan at ititiwalag sa huli. Lahat ng ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit. Kung hindi ka magsisikap na maging matapat na tao, at kung hindi ka dumaranas at nagsasagawa sa direksyon ng paghahanap sa katotohanan, kung hindi mo ilalantad ang sarili mong kapangitan, at kung hindi mo ilalantad ang iyong sarili, hinding-hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Wala nang mas makabuluhan pa kaysa sa kahilingan ng Diyos na maging tapat ang mga tao—hinihiling Niya na mamuhay sa harapan Niya ang mga tao, na tanggapin nila ang Kanyang pagsisiyasat, at na mamuhay sila sa liwanag. Ang matatapat na tao lamang ang mga tunay na miyembro ng sangkatauhan. Ang mga taong hindi tapat ay mga halimaw, sila ay mga hayop na naglalakad nang nakasuot ng damit ng tao, hindi sila mga tao. Para mahangad ang pagiging tapat na tao, kailangan mong umasal nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos; kailangan mong sumailalim sa paghatol, pagkastigo, at pagpupungos. Kapag nalinis na ang iyong tiwaling disposisyon at nagagawa mong isagawa ang katotohanan at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, saka ka lamang magiging isang tapat na tao. Ang mga taong mangmang, hangal, at taos-puso ay ganap na hindi matatapat na tao. Sa paghingi na maging tapat ang mga tao, hinihiling sa kanila ng Diyos na magkaroon sila ng normal na pagkatao, na iwaksi nila ang kanilang pagiging mapanlinlang at ang kanilang mga pagbabalatkayo, na hindi pagsinungalingan at lansihin ang iba, na gampanan nang may katapatan ang kanilang tungkulin, at magawang mahalin Siya at magpasakop sa Kanya nang tunay. Ang mga indibidwal na ito lamang ang mga tao ng kaharian ng Diyos. Hinihingi ng Diyos na maging mabubuting sundalo ni Cristo ang mga tao. Ano ang mabubuting sundalo ni Cristo? Kailangan ay taglay nila ang katotohanang realidad at kaisa sila ni Cristo sa puso at isip. Sa anumang oras at lugar, kailangan ay kaya nilang dakilain at patotohanan ang Diyos, at kaya nilang gamitin ang katotohanan upang makipagdigma laban kay Satanas. Sa lahat ng bagay, kailangan sila ay nasa panig ng Diyos, nagpapatotoo, at ipinamumuhay ang katotohanang realidad. Kailangan ay kaya nilang ipahiya si Satanas at magwagi ng mga kahanga-hangang tagumpay para sa Diyos. Iyon ang ibig sabihin ng maging mabuting sundalo ni Cristo. Ang mabubuting sundalo ni Cristo ay mga mananagumpay, sila ang mga taong napagtatagumpayan si Satanas. Sa paghingi na maging tapat at hindi maging mapanlinlang ang mga tao, hindi hinihingi sa kanila ng Diyos na maging hangal sila, bagkus ay iwaksi ang kanilang mapanlinlang na mga disposisyon, magtamo ng pagpapasakop sa Kanya at magdala sila ng kaluwalhatian sa Kanya. Ito ang makakamit sa pagsasagawa sa katotohanan. Hindi ito pagbabago sa pag-uugali ng isang tao, hindi ito usapin ng pagsasalita nang mas madalas o mas madalang, hindi rin ito tungkol sa kung paano kumilos ang isang tao. Sa halip, tungkol ito sa layuning nasa likod ng pananalita at mga kilos ng isang tao, ng mga kaisipan at ideya ng isang tao, ng mga ambisyon at ninanais ng isang tao. Ang lahat ng nabibilang sa mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon at sa kamalian ay kailangang mabago sa pinakaugat nito, upang umayon ito sa katotohanan. Para magtamo ang isang tao ng pagbabago sa disposisyon, kailangan ay magawa niyang maunawaan ang diwa ng disposisyon ni Satanas. Kung kaya mong maunawaan ang diwa ng isang mapanlinlang na disposisyon, na ito ay disposisyon ni Satanas at ang mukha ng diyablo, kung kaya mong kamuhian si Satanas at talikdan ang diyablo, magiging madali para sa iyo na iwaksi ang tiwali mong disposisyon. Kung hindi mo alam na may mapanlinlang na kalagayan sa kalooban mo, kung hindi mo nakikilala ang mga pagbubunyag ng isang mapanlinlang na disposisyon, hindi mo malalaman kung paano hanapin ang katotohanan upang malutas ito, at magiging mahirap para sa iyo na baguhin ang iyong mapanlinlang na disposisyon. Kailangan mo munang makilala kung anu-anong bagay ang nabubunyag sa iyo, at kung anong aspekto ng isang tiwaling disposisyon ang mga ito. Kung ang mga ibinubunyag mo ay mula sa isang mapanlinlang na disposisyon, kamumuhian mo ba ito sa iyong puso? At kung oo, paano ka dapat magbago? Kailangan mong pungusan ang iyong mga intensyon at itama ang iyong mga pananaw. Kailangan mo munang hanapin ang katotohanan tungkol sa usaping ito para malutas ang iyong mga problema, sikaping matamo ang hinihingi ng Diyos at mapalugod Siya, at maging isang taong hindi sinusubukang lansihin ang Diyos o ang ibang tao, maging iyong mga medyo hangal o mangmang. Ang tangkaing lansihin ang isang taong hangal o mangmang ay napakaimoral—ginagawa ka nitong isang diyablo. Para maging isang tapat na tao, kailangang hindi mo linlangin o pagsinungalingan ang sinuman. Subalit, para sa mga diyablo at kay Satanas, kailangan mong maging matalino sa pagpili ng iyong mga salita; kung hindi, malamang ay maloko ka ng mga ito at makapagdala ka ng kahihiyan sa Diyos. Sa matalinong pagpili sa iyong mga salita at sa pagsasagawa ng katotohanan, saka mo lamang magagawang mapagtagumpayan at maipahiya si Satanas. Ang mga taong mangmang, hangal, at matigas ang ulo ay hindi kailanman magagawang maunawaan ang katotohanan; maaari lamang silang malihis, mapaglaruan, at mayurakan ni Satanas, at sa huli, sila ay malalamon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili

Ang mga tao ay may mga mapanlinlang na disposisyon, palagi silang nagsisinungaling at nandaraya. Kung natatanto mo iyan, ang pinakasimple at pinakatuwirang prinsipyo ng pagsasagawa para malutas ang iyong pagiging mapanlinlang ay ang maging matapat na tao, sabihin mo ang totoo at gumawa ng matatapat na bagay. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi.’” Para maging matapat na tao, dapat niyang sundin ang mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Ang simpleng pagsasagawang ito ang pinakaepektibo, madali itong maunawaan at maisagawa. Gayunman, dahil napakalalim ng katiwalian ng mga tao, dahil lahat sila ay may satanikong kalikasan at nabubuhay ayon sa mga satanikong disposisyon, medyo mahirap para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Gusto nilang maging matapat, ngunit hindi nila magawa. Hindi nila napipigilang magsinungaling at manloko, at bagama’t maaaring nagsisisi sila matapos mapansin ito, hindi pa rin nila mawawaksi ang mga pagkontrol ng kanilang tiwaling disposisyon, at patuloy silang magsisinungaling at mandaraya tulad ng ginagawa nila dati. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Bahagi nito ang pag-alam na ang diwa ng tiwaling disposisyon ng isang tao ay pangit at kasuklam-suklam, at ang mamuhi nang taos-puso; ang pagsasanay sa sarili na magsagawa ayon sa katotohanang prinsipyo, “Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi.’” Kapag isinasagawa mo ang prinsipyong ito, nasa proseso ka ng paglutas sa iyong mapanlinlang na disposisyon. Natural, kung nakapagsasagawa ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo habang nilulutas mo ang iyong mapanlinlang na disposisyon, iyan ay pagpapamalas ng iyong pagbabago at ang pagsisimula ng iyong tunay na pagsisisi, at sinasang-ayunan ito ng Diyos. Nangangahulugan ito na kapag nagbago ka, magbabago ang isip ng Diyos tungkol sa iyo. Sa katunayan, ang paggawa nito ng Diyos ay isang uri ng pagpapatawad sa mga tiwaling disposisyon at pagkasuwail ng tao. Pinatatawad Niya ang mga tao at nililimot ang mga kasalanan at paglabag nito.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1

Kung nais ng isang tao na lutasin ang kanilang mapanlinlang na disposisyon, dapat silang magsimula sa pagsasanay na maging isang tapat na tao. Sa huli, ang pinakasimpleng paraan ng pagsasanay na maging isang tapat na tao ay ang simpleng pagpapahayag ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, magsalita nang tapat, at magsalita ayon sa mga katunayan. Gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus, “Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’” (Mateo 5:37). Ang pagiging isang tapat na tao ay nangangailangan ng pagsasagawa ayon sa prinsipyong ito—pagkatapos ng pagsasanay nito sa loob ng ilang taon, tiyak na makikita mo ang mga resulta. Paano kayo magsasanay ngayon ng pagiging isang tapat na tao? (Hindi ko hinahaluan ang aking sinasabi, at hindi ako nanlilinlang ng iba.) Ano ang ibig sabihin ng “hindi panghahalo”? Nangangahulugan ito na ang mga salitang sinasabi mo ay hindi nagtataglay ng mga kasinungalingan o anumang mga pansariling layunin o motibo. Kung nagkikimkim ka ng pandaraya o mga personal na layunin at motibo sa iyong puso, likas na bubuhos ang mga kasinungalingang ito mula sa iyo. Kung wala kang pandaraya o mga pansariling layunin o motibo sa iyong puso, magiging puro ang mga sinasabi mo at hindi magtataglay ng mga kasinungalingan—sa ganitong paraan, ang iyong pakikipag-usap ay magiging: “Oo, oo; Hindi, hindi.” Ang pinakamahalagang bagay ay ang dalisayin muna ang puso ng isang tao. Kapag nadalisay na ang puso ng isang tao, ang pagmamataas at pagiging mapanlinlang ng isang tao ay malulutas. Upang maging isang tapat na tao, dapat lutasin ang mga panghahalo na ito. Kapag nagawa ito, magiging madaling maging isang tapat na tao. Ang pagiging isang tapat ba na tao ay kumplikado? Hindi, hindi ito kumplikado. Anuman ang kalagayan mo sa loob o anumang mga tiwaling disposisyon ang mayroon ka, dapat mong isagawa ang katotohanan ng pagiging tapat na tao. Kailangan mo munang lutasin ang problema ng pagsasabi ng kasinungalingan—ito ang pinakamahalaga. Una, sa pagsasalita, dapat kang magsanay sa pagsasabi ng kung ano ang nasa isipan mo, pagsasabi ng totoo, ng walang halo, at umiwas sa ganap na pagsisinungaling; ni hindi ka dapat magsabi ng mga salitang may halo, at dapat mong tiyakin na ang lahat ng sinasabi mo sa maghapon ay totoo at tapat. Sa paggawa nito, isinasagawa mo ang katotohanan at isinasakatuparan ang pagiging isang tapat na tao. Kung mapansin mo na ang mga kasinungalingan o may mga halong salita ay bumubuhos sa iyo, pagnilayan mo agad ang iyong sarili, at himayin at magkaroon ng kamalayan sa mga dahilan kung bakit ka nagsisinungaling at kung ano ang nagtutulak sa iyo na magsinungaling. Pagkatapos, batay sa mga salita ng Diyos, himayin ang pangunahin at mahalagang problemang ito. Sa sandaling maging malinaw sa iyo ang ugat ng mga kasinungalingan mo, magagawa mong labanan ang satanikong disposisyong ito sa pananalita at mga pagkilos mo. Hindi ka na magsisinungaling kapag nahaharap sa mga parehong sitwasyon, at makapagsasalita ka na ayon sa mga katunayan at hindi na maglalabas ng mga mapanlinlang na pananalita. Sa ganitong paraan, ang iyong espiritu ay mapakakawalan at makalalaya at magagawa mong mabuhay sa harap ng Diyos. Kung kaya mong mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, nabubuhay ka sa liwanag.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Paglutas sa Isang Tiwaling Disposisyon

Upang maging isang tapat na tao, dapat mo munang ilantad ang iyong puso upang matingnan ito ng lahat, makita ang lahat ng iniisip mo, at masilayan ang iyong tunay na mukha. Kailangan ay hindi mo subukang magpanggap, o pagtakpan ang iyong sarili. Saka lamang magtitiwala ang iba sa iyo at ituturing kang isang matapat na tao. Ito ay ang pinakasaligang pagsasagawa, at isang pang-unang kailangan sa pagiging isang matapat na tao. Kung palagi kang nagpapanggap, palaging nagkukunwaring banal, marangal, dakila, at mataas ang pagkatao; kung hindi mo hinahayaang makita ng mga tao ang iyong katiwalian at iyong mga kapintasan; kung inihaharap mo ang isang huwad na imahe sa mga tao upang maniwala sila na ikaw ay may integridad, na ikaw ay dakila, mapagsakripisyo sa sarili, makatarungan, at di-makasarili, hindi ba’t panlilinlang at kabulaanan ito? Hindi ba makikita ng mga tao ang tunay mong pagkatao, pagtagal-tagal? Kaya, huwag kang magpanggap o magtakip sa iyong sarili. Sa halip, ilantad ang sarili mo at ang puso mo para makita ng iba. Kung mailalantad mo ang puso mo para makita ng iba, at mailalantad mo ang lahat ng iniisip mo at mga balak—kapwa positibo at negatibo—hindi ba’t katapatan iyon? Kung nailalantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, kung gayon makikita ka rin ng Diyos. Sasabihin Niya: “Kung nailantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, tiyak na tapat ka sa harapan Ko.” Ngunit kung inilalantad mo lamang ang sarili mo sa Diyos kapag hindi nakikita ng ibang tao, at palaging nagpapanggap na dakila at marangal o di-makasarili kapag kasama sila, ano ang iisipin sa iyo ng Diyos? Ano ang sasabihin Niya? Sasabihin Niya: “Isa kang napakamapanlinlang na tao. Ikaw ay napakamapagpaimbabaw at kasuklam-suklam, at hindi ka isang matapat na tao.” Sa gayon ay kokondenahin ka ng Diyos. Kung nais mo na maging isang matapat na tao, nasa harapan ka man ng Diyos o ng ibang tao, dapat magawa mong magbigay ng isang dalisay at tapat na salaysay tungkol sa panloob mong kalagayan at mga salita sa puso mo. Madali ba itong makamtan? Nangangailangan ito ng panahon ng pagsasanay, pati na ng madalas na pagdarasal sa Diyos at pag-asa sa Diyos. Kailangan mong sanayin ang iyong sarili na sabihin nang simple at hayagan ang mga salitang nasa iyong puso tungkol sa lahat ng bagay. Sa ganitong uri ng pagsasanay, magagawa mong umunlad. Kung makaranas ka ng matinding paghihirap, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan; kailangan mong makipaglaban sa puso mo at madaig ang laman, hanggang sa maisagawa mo na ang katotohanan. Sa pagsasanay sa sarili mo nang ganito, paunti-unti, magbubukas nang dahan-dahan ang puso mo. Lalo ka pang magiging dalisay, at iba na ang magiging epekto ng mga salita at kilos mo sa dati. Mababawasan nang mababawasan ang iyong mga kasinungalingan at pandaraya, at magagawa mong mamuhay sa harap ng Diyos. Sa gayon, sa totoo, ay magiging matapat na tao ka na.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Kaugnay na mga Pelikula

Mabuting Tao Ako!

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Kung Paano Ko Nilutas ang Aking Katusuhan at Panlilinlang

Binabalewala ba ng Isang Mabuting Kaibigan ang Isang Maling Gawa?

Bakit Napakahirap Umamin sa mga Pagkakamali?

Ang Makita sa Wakas ang Aking Pagkamapanlinlang

Kaugnay na mga Himno

Gusto ng Diyos Iyong mga Ganap na Matapat sa Kanya

Yaong mga Nagdududa at Naghahaka-haka Tungkol sa Diyos ay Masyadong Mapanlinlang

Napakagalak na Maging Taong Tapat

Sinundan: 17. Paano lutasin ang problema ng pagkukunwari at pagpapanggap

Sumunod: 19. Paano lutasin ang problema ng pagmamataas at labis na pagtingin sa sarili

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito