16. Paano lutasin ang problema ng pagsisinungaling at panlilinlang
Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya
“Kayo’y sa inyong amang diyablo, at ang mga nasa ng inyong ama ay inyong gagawin. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa no’ng una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa sarili niya: sapagkat siya’y isang sinungaling, at ama nito” (Juan 8:44).
“Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’: sapagkat ang humigit pa rito ay buhat sa masama” (Mateo 5:37).
“Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ‘Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit’” (Mateo 18:3).
“At ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Kordero saan man Siya pumaroon. Ang mga ito’y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero. At sa kani-kanyang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis” (Pahayag 14:4–5).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ang nagpapatunay na tunay Niyang kinamumuhian at hindi gusto ang mga taong mapanlinlang. Ang pag-ayaw ng Diyos sa mga taong mapanlinlang ay pag-ayaw sa kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, kanilang mga disposisyon, kanilang mga layon, at kanilang mga pamamaraan ng panlilinlang; ayaw ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Kung ang mga taong mapanlinlang ay nagagawang tanggapin ang katotohanan, aminin ang kanilang mga mapanlinlang na disposisyon, at handa silang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, sila man ay may pag-asang maligtas—sapagkat pantay-pantay ang pagtrato ng Diyos sa lahat ng tao, at gayundin ang katotohanan. Kaya nga, kung nais nating maging mga taong nagbibigay-lugod sa Diyos, ang unang bagay na kailangan nating gawin ay baguhin ang ating mga prinsipyo ng pag-asal. Hindi na tayo maaaring mamuhay pa ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi na tayo magraraos sa pamamagitan ng mga pagsisinungaling at pandaraya. Kailangan nating iwaksi ang lahat ng ating kasinungalingan at maging matapat na tao. Sa gayon ay magbabago ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dati-rati, laging umaasa ang mga tao sa mga pagsisinungaling, pagkukunwari, at panloloko habang namumuhay kasama ang iba, at gumagamit ng mga satanikong pilosopiya bilang batayan ng kanilang pag-iral, ng kanilang buhay, at saligan para sa kanilang pag-asal. Isang bagay ito na kinasusuklaman ng Diyos. Sa mga walang pananampalataya, kung prangka kang magsalita, sinasabi mo ang katotohanan, at isa kang matapat na tao, sisiraan ka, huhusgahan, at tatalikdan. Kaya sumusunod ka sa mga makamundong kalakaran at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; lalo ka pang humuhusay sa pagsisinungaling, at mas lalong nagiging mapanlinlang. Natututo ka ring gumamit ng mga tusong kaparaanan para makamtan ang iyong mga mithiin at protektahan ang iyong sarili. Mas lalo kang nagiging maunlad sa mundo ni Satanas, at dahil dito, palalim nang palalim ang pagkahulog mo sa kasalanan hanggang sa hindi mo na mapalaya ang iyong sarili. Sa sambahayan ng Diyos, eksaktong kabaligtaran niyon ang mga bagay-bagay. Kapag mas nagsisinungaling at nanlilinlang ka, mas mayayamot sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at tatalikdan ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at kung nakikipagsabwatan ka at gumagamit ng mga detalyadong pakana para magbalatkayo at magpanggap, malamang na mabubunyag at matitiwalag ka. Ito ay dahil kinapopootan ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at ang mga taong mapanlinlang ay tatalikdan at ititiwalag sa huli. Lahat ng ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit. Kung hindi ka magsisikap na maging matapat na tao, at kung hindi ka dumaranas at nagsasagawa sa direksyon ng paghahanap sa katotohanan, kung hindi mo ilalantad ang sarili mong kapangitan, at kung hindi mo ilalantad ang iyong sarili, hinding-hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat
Kung nais ng mga tao na maligtas, dapat silang magsimula sa pagiging matapat. Sa huli, ang mga nakakamit ng Diyos ay minamarkahan ng isang tanda. Alam ba ninyo kung ano ito? Nasusulat ito sa Pahayag, sa Bibliya: “At sa kanilang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis” (Pahayag 14:5). Sino yaong “sila”? Sila yaong mga naligtas, nagawang perpekto at nakamit ng Diyos. Paano inilalarawan ng Diyos ang mga taong ito? Ano ang mga katangian at mga pagpapahayag ng kanilang pag-asal? Wala silang dungis. Hindi sila nagsasabi ng mga kasinungalingan. Marahil ay nauunawaan at naiintindihan ninyong lahat ang kahulugan ng hindi pagsasabi ng mga kasinungalingan: Nangangahulugan ito ng pagiging matapat. Ano ang tinutukoy ng “walang dungis”? Ang ibig sabihin nito ay hindi paggawa ng kasamaan. At anong pundasyon ang pinagbabatayan ng hindi paggawa ng kasamaan? Walang duda, nakabatay ito sa pundasyon ng pagkatakot sa Diyos. Samakatuwid, ang ibig sabihin ng pagiging walang dungis ay ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Paano inilalarawan ng Diyos ang taong walang dungis? Sa mga mata ng Diyos, tanging ang mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan ang perpekto; sa gayon, ang mga taong walang dungis ay yaong mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at tanging ang mga perpekto ang walang dungis. Tama talaga ito. Kung araw-araw na nagsisinungaling ang isang tao, hindi ba iyon isang dungis? Kung nagsasalita at kumikilos siya nang ayon sa sarili niyang kalooban, hindi ba iyon isang dungis? Kung lagi siyang naghahanap ng papuri kapag kumikilos siya, laging humihingi sa Diyos ng gantimpala, hindi ba iyon isang dungis? Kung hindi siya kailanman nagbigay-papuri sa Diyos, laging nagpapatotoo sa kanyang sarili, hindi ba iyon isang dungis? Kung pabasta-basta niyang ginagawa ang kanyang tungkulin, nagiging oportunista, nagkikimkim ng masasamang layunin, at nagpapakatamad, hindi ba iyon isang dungis? Lahat ng pagbubunyag na ito ng mga tiwaling disposisyon ay mga dungis. Hindi lang ito alam ng mga tao bago pa nila maunawaan ang katotohanan. Sa kasalukuyan, alam ninyong lahat na ang mga pagbubunyag ng katiwalian na ito ay mga dungis at karumihan; sa sandaling maunawaan ninyo nang kaunti ang katotohanan, saka lamang kayo magkakaroon ng ganitong uri ng pagkakilala. Lahat ng mga tumutukoy sa mga pagbubunyag ng katiwalian ay may kaugnayan sa mga kasinungalingan; ang mga salita ng Bibliya, na “walang nasumpungang kasinungalingan,” ang mahalagang elemento sa pagninilay-nilay kung may mga dungis ka ba o wala. Kaya, kung susukatin kung nakaranas ba ang isang tao ng paglago sa kanyang buhay o wala, may isa pang pahiwatig, ito ay: kung nakapasok ka ba o hindi sa pagiging isang matapat na tao, kung gaano ba karaming kasinungalingan ang masusumpungan sa mga bagay na sinasabi mo, at kung unti-unti bang nababawasan ang iyong mga kasinungalingan o kung katulad pa rin ba ito ng dati. Kung ang mga kasinungalingan mo, kabilang na ang mapagbalatkayo at mapanlinlang mong mga salita, ay unti-unting nababawasan, pinatutunayan niyon na nagsimula ka nang pumasok sa realidad, at lumalago na ang iyong buhay. Hindi ba’t isa itong praktikal na paraan para tingnan ang mga bagay-bagay? (Oo.) Kung pakiramdam mo ay nakaranas ka na ng paglago, pero hindi man lang nabawasan ang mga kasinungalingan mo, at katulad ka lang din ng isang taong walang pananampalataya, kung gayon, isa ba itong normal na pagpapamalas ng pagpasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Kapag nakapasok ang isang tao sa katotohanang realidad, kahit papaano ay magsasalita siya ng mas kaunting kasinungalingan; magiging isang matapat na tao siya. Kung masyado kang nagsisinungaling at masyadong nadungisan ang mga salita mo, pinatutunayan nito na wala kang anumang ipinagbago, at hindi ka pa isang matapat na tao. Kung hindi ka isang matapat na tao, wala kang pagpasok sa buhay, kaya naman, anong paglago ang maaari mong maranasan? Buong-buo pa rin ang tiwali mong disposisyon, at isa kang walang pananampalataya at isang diyablo. Ang pagiging isang matapat na tao ay isang pahiwatig kung saan masusukat kung nakaranas ba ang isang tao ng paglago sa kanyang buhay o hindi; dapat malaman ng mga tao kung paano ikumpara ang mga bagay na ito sa kanilang sarili at malaman kung paano nila susukatin ang kanilang sarili.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay
Sa kanilang pang-araw-araw na buhay, madalas na ang mga sinasabi ng mga tao ay walang kabuluhan, mga kasinungalingan, at mga bagay na kamangmangan, kahangalan, at depensibo. Sinasabi nila ang karamihan sa mga bagay na ito dahil sa banidad at pride, upang bigyan ng kasiyahan ang mga sarili nilang ego. Inihahayag ng pagsasalita nila ng gayong mga kasinungalingan ang mga tiwaling disposisyon nila. Kung lulutasin mo ang mga tiwaling elementong ito, madadalisay ang puso mo, at unti-unti kang magiging mas malinis at tapat. Sa katotohanan, alam ng mga tao kung bakit sila nagsisinungaling. Dahil sa pansariling pakinabang at pride, o para sa banidad at katayuan, sinusubukan nilang makipagkompetensiya sa iba at magpanggap. Gayunman, sa huli, ang kasinungalingan nila ay ibinubunyag at inilalantad ng iba, at napapahiya sila, at nasisira ang dignidad at karakter nila. Ang lahat ng ito ay dulot ng sobra-sobrang kasinungalingan. Masyado nang dumami ang mga kasinungalingan mo. Ang bawat salitang sinasabi mo ay may halo na at hindi sinsero, at ni isa ay hindi maituturing na totoo o tapat. Kahit na hindi mo nararamdamang napahiya ka kapag nagsisinungaling ka, sa kaibuturan, nakakaramdam ka ng kahihiyan. Inuusig ka ng konsensiya mo, at mababa ang pagtingin mo sa sarili mo, iniisip na, “Bakit nabubuhay ako nang kahabag-habag? Ganoon ba kahirap ang magsalita ng katotohanan? Kailangan bang magsinungaling ako para sa pride ko? Bakit sobrang nakakapagod ang buhay ko?” Hindi mo kailangang mamuhay nang nakakapagod. Kung makakapagsagawa ka bilang isang tapat na tao, magagawa mong mamuhay nang maluwag, malaya, at libre. Gayunman, pinili mong itaguyod ang pride at banidad mo sa pamamagitan ng pagsisinungaling. Bunga nito, nakakapagod at miserable ang pag-iral mo, na ikaw mismo ang may gawa. Maaaring magkaroon ng pakiramdam ng pagmamalaki ang isang tao sa pamamagitan ng pagsisinungaling, ngunit ano ba ang pakiramdam ng pagmamalaki? Ito ay isang bagay na walang kabuluhan at ganap na walang halaga. Ang pagsisinungaling ay nangangahulugan ng pagkakanulo ng iyong karakter at dignidad. Tinatanggalan nito ng dignidad at karakter ang isang tao; hindi ito nakalulugod sa Diyos, at kinasusuklaman Niya ito. Ito ba ay kapaki-pakinabang? Hindi. Ito ba ang tamang landas? Hindi. … Kung ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan, titiisin mo ang iba’t ibang paghihirap upang maisagawa ang katotohanan. Kahit pa ang ibig sabihin nito ay pagsasakripisyo ng iyong reputasyon, katayuan, at pagtitiis ng pangungutya at pamamahiya ng iba, hindi mo ito iindahin—basta’t nagagawa mong isagawa ang katotohanan at palugurin ang Diyos, sapat na ito. Pinipili ng mga nagmamahal sa katotohanan na isagawa ang katotohanan at maging tapat. Ito ang tamang landas at ito ay pinagpapala ng Diyos. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, ano ang pinipili niya? Pinipili niyang gumamit ng mga kasinungalingan upang panindigan ang kanyang reputasyon, katayuan, dignidad, at karakter. Mas pipiliin niyang maging mapanlinlang, at kasuklaman at itakwil ng Diyos. Itinatakwil ng gayong tao ang katotohanan at ang Diyos. Pinipili niya ang sarili niyang reputasyon at katayuan; nais niyang maging mapanlinlang. Wala siyang pakialam kung nalulugod ang Diyos o hindi o kung ililigtas siya ng Diyos. Maliligtas pa rin ba ng Diyos ang gayong tao? Tiyak na hindi, dahil pinili niya ang maling landas. Makapamumuhay lang siya sa pamamagitan ng pagsisinungaling at pandaraya; makapamumuhay lamang siya ng buhay na puno ng pasakit dahil sa pagsisinungaling at pagtatakip sa mga ito at pagpipiga sa kanyang utak upang ipagtanggol ang sarili niya araw-araw. Kung iniisip mong maitataguyod ng kasinungalingan ang reputasyon, katayuan, banidad, at pride na hinahangad mo, lubos kang nagkakamali. Ang totoo, sa pamamagitan ng pagsisinungaling, hindi ka lang bigong mapanatili ang banidad at pride mo, at ang dignidad at karakter mo, kundi mas matindi pa, napapalagpas mo ang pagkakataong isagawa ang katotohanan at maging isang tapat na tao. Kahit na nagawa mong protektahan sa sandaling iyon ang iyong reputasyon, katayuan, banidad, at pride, isinakripisyo mo ang katotohanan at ipinagkanulo ang Diyos. Ibig sabihin nito ay ganap nang nawala sa iyo ang pagkakataon na mailigtas at maperpekto Niya, na siyang pinakamalaking kawalan at panghabang-buhay mong pagsisisihan. Hindi ito mauunawaan kailanman ng mga mapanlinlang.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao
Hindi kailanman sinasabi ng ilang tao ang katotohanan kaninuman. Pinag-iisipan at inaayos nila nang todo sa kanilang isipan ang lahat ng bagay bago nila ito sabihin sa mga tao. Hindi mo masasabi kung alin sa mga bagay na sinasabi nila ang totoo, at kung alin ang hindi. Nagsasabi sila ng isang bagay ngayon at iba naman bukas, nagsasabi sila ng isang bagay sa isang tao, at ng iba namang bagay sa isa pa. Ang lahat ng sinasabi nila ay magkakasalungat. Paano mapapaniwalaan ang gayong mga tao? Napakahirap maintindihan nang tumpak ang mga katunayan, at wala kang makuhang direktang salita sa kanila. Anong disposisyon ito? Ito ay pagiging mapanlinlang. Madali bang baguhin ang isang mapanlinlang na disposisyon? Ito ang pinakamahirap baguhin. Ang anumang may kinalaman sa mga disposisyon ay may kaugnayan sa kalikasan ng isang tao, at wala nang mas mahirap pang baguhin kaysa sa mga bagay na may kinalaman sa kalikasan ng isang tao. Ang kasabihang, “Hindi mababago ng isang leopardo ang mga batik nito,” ay ganap na totoo! Anuman ang kanilang sinasabi o ginagawa, palaging nagkikimkim ng sarili nilang mga pakay at layunin ang mga mapanlinlang na tao. Kung wala sila ng mga ito, hindi sila magsasalita. Kung susubukan mong unawain kung ano ang kanilang mga pakay at layunin, tatahimik sila. Kung hindi sinasadya ay may masabi man silang totoo, gagawin nila ang lahat para makaisip ng paraan para baluktutin iyon, para lituhin ka at pigilan kang malaman ang katotohanan. Anuman ang ginagawa ng mga mapanlinlang na tao, hindi nila hahayaan na malaman ninuman ang buong katotohanan tungkol dito. Gaano katagal man ang gugulin ng mga tao kasama sila, walang nakaaalam kung ano ba talaga ang nasa kanilang mga isipan. Ganito ang kalikasan ng mga mapanlinlang na tao. Gaano man karami ang sabihin ng isang mapanlinlang na tao, hinding-hindi malalaman ng iba kung ano ang kanilang mga layunin, kung ano talaga ang iniisip nila, o kung ano mismo ang sinisikap nilang makamtan. Maging ang mga magulang nila ay nahihirapang malaman ito. Napakahirap na subukang maunawaan ang mga mapanlinlang na tao, walang sinumang makaiintindi sa kung ano ang nasa isip nila. Ganito magsalita at kumilos ang mga mapanlinlang na tao: Hindi nila kailanman sinasabi ang nasa kanilang isipan o ipinahahayag kung ano ba talaga ang nangyayari. Isang uri ito ng disposisyon, hindi ba? Kapag mayroon kang mapanlinlang na disposisyon, hindi mahalaga kung ano ang sinasabi o ginagawa mo—ang disposisyong ito ay palaging nasa iyong kalooban, kinokontrol ka, hinihikayat kang magloko at manlinlang, paglaruan ang mga tao, pagtakpan ang katotohanan, at magpanggap. Ito ay pagiging mapanlinlang. Ano pang ibang partikular na mga pag-uugali ang ginagawa ng mga mapanlinlang na tao? Magbibigay Ako ng isang halimbawa. Nag-uusap ang dalawang tao, at ang isa sa kanila ay nagsasalita tungkol sa kanyang pagkakilala sa sarili; patuloy na nagsasalita ang taong ito tungkol sa kung paano na siya bumuti, at sinusubukan niyang papaniwalain dito ang kausap niya, pero hindi niya sinasabi rito ang mga totoong katunayan tungkol sa usapin. Dito, mayroong itinatago, at ipinahihiwatig nito ang isang disposisyon—ang pagiging mapanlinlang. Tingnan natin kung matutukoy ninyo ito. Sabi ng taong ito, “Nakaranas ako ng ilang bagay kamakailan, at pakiramdam ko ay walang naging kabuluhan ang pananalig ko sa Diyos sa mga nagdaang taong ito. Wala akong anumang natamo. Napakahirap ko at kaawa-awa! Hindi gaanong mabuti ang pag-uugali ko kamakailan, pero handa na akong magsisi.” Pero ilang sandali pa matapos niya itong sabihin, hindi siya makikitaan ng anumang pagsisisi. Ano ang problema rito? Ito ay na pinagsisinungalingan at nililinlang niya ang iba. Kapag narinig ng ibang tao na sabihin niya ang mga bagay na iyon, iisipin ng mga ito, “Hindi hinangad noon ng taong ito ang katotohanan, pero ang katunayang nasasabi na niya ngayon ang ganitong mga bagay ay nagpapakita na tunay na siyang nagsisi. Walang duda rito. Hindi natin siya dapat tingnan nang gaya ng dati, bagkus ay nang may bago at mas mabuting pagtingin.” Ganoon magbulay-bulay at mag-isip ang mga tao matapos marinig ang mga salitang iyon. Pero ang kasalukuyan bang kalagayan ng taong iyon ay kagaya ng sinasabi niya? Ang realidad ay hindi. Hindi pa siya tunay na nagsisi, pero nagbibigay ang kanyang mga salita ng ilusyon na nakapagsisi na siya, at na bumuti na siya, at na iba na siya kaysa sa dati. Ito ang nais niyang makamit sa kanyang mga salita. Sa pagsasalita nang ganito upang linlangin ang mga tao, anong disposisyon ang inihahayag niya? Ito ay ang pagiging mapanlinlang—at ito ay napakatuso! Ang katunayan ay wala siyang anumang kamalayan na nabigo siya sa pananalig niya sa Diyos, na siya ay mahirap at kaawa-awa. Humihiram siya ng espirituwal na mga salita at wika upang manlinlang ng mga tao, upang makamit niya ang layunin niyang mapaisip sa iba na mabuti siya at magkaroon ang mga ito ng magandang pagtingin sa kanya. Hindi ba’t pagiging mapanlinlang ito? Oo, at kapag masyadong mapanlinlang ang isang tao, hindi madali para sa kanya na magbago.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili
Maging isang matapat na tao, o magtalakay ng higit pang detalye: Maging isang simple at bukas na tao, na walang anumang pinagtatakpan, hindi nagsisinungaling, nagpapakaprangka, at maging isang direktang tao na may pagpapahalaga sa katarungan, na kayang magsalita nang tapat. Kailangan muna itong makamit ng mga tao. Halimbawa, may isang masamang taong gumugulo sa gawain ng iglesia, at pupuntahan ka ng isang lider para mas maunawaan niya ang sitwasyon. Alam mo kung sino ang nanggugulo, pero dahil mayroon kang magandang ugnayan sa taong iyon, at ayaw mong mapasama ang loob niya, magsisinungaling ka at sasabihin mo sa lider na hindi mo alam. Hihingi ng higit pang detalye ang lider, at magpapaligoy-ligoy ka, magdadahilan para pagtakpan ang masamang tao. Hindi ba’t mapanlinlang iyon? Hindi mo sinabi sa lider ang totoong sitwasyon, at sa halip ay inilihim mo ito. Bakit mo gagawin ito? Dahil ayaw mong salungatin ang sinuman. Inuuna mo ang pagpoprotekta sa mga ugnayan sa ibang tao at ang hindi salungatin ang sinuman, at hinuhuli ang pagsasalita nang tapat at pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang kumokontrol sa iyo? Kinokontrol ka ng iyong satanikong disposisyon, isinara nito ang bibig mo at pinigilan kang magsalita nang tapat—nagagawa mo lang mamuhay ayon sa iyong satanikong disposisyon. Ano ang isang tiwaling disposisyon? Ang tiwaling disposisyon ay satanikong disposisyon, at ang taong namumuhay ayon sa kanyang tiwaling disposisyon ay isang buhay na Satanas. Palaging may dalang tukso ang kanyang pananalita, palaging paligoy-ligoy, at hindi kailanman direkta; kahit patayin siya sa bugbog, hindi siya magsasalita nang tapat. Ito ang nangyayari kapag nagiging masyadong malubha ang tiwaling disposisyon ng isang tao; tuluyan na siyang nawawalan ng pagkatao at nagiging diyablo. Marami sa inyo ang mas gugustuhing magkasala sa Diyos at lokohin Siya para maprotektahan ang mga ugnayan ninyo sa iba, at ang katayuan at reputasyon na hawak ninyo sa ibang tao. Mahal ba ng isang taong kumikilos nang ganito ang katotohanan? Isa ba siyang taong naghahangad sa katotohanan? Siya ay isang taong mulat na nanloloko sa Diyos, na walang kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso. Nangangahas siyang dayain ang Diyos; talagang napakalaki ng kanyang ambisyon at pagkasuwail! Karaniwang iniisip pa rin ng gayong mga tao na nagmamahal at natatakot sila sa Diyos, at madalas nilang sinasabi na: “Sa tuwing naiisip ko ang Diyos, naiisip ko kung gaano Siya kalaki, kadakila, at ka-hindi maarok! Mahal ng Diyos ang sangkatauhan, tunay na tunay ang Kanyang pagmamahal!” Maaaring nagsasabi kayo ng magagandang salita, ngunit hindi ninyo ilalantad ang isang masamang tao kapag nakita ninyo siyang ginugulo ang gawain ng iglesia. Mapagpalugod kayo ng tao, pinoprotektahan lang ninyo ang sariling kasikatan, pakinabang, at katayuan, sa halip na protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kapag alam mo ang tunay na kalagayan ng mga pangyayari, hindi ka nagsasalita nang tapat, nagpapaligoy-ligoy ka, pinoprotektahan ang masasamang tao. Kung hihilingin sa iyo na magsalita nang tapat, magiging napakahirap nito para sa iyo. Napakarami mong sinasabi na walang katuturan, para lang maiwasan ang pagsasabi ng totoo! Kapag nagsasalita ka, napakarami mong pasikot-sikot, masyado kang nag-iisip, at namumuhay nang nakakapagod, lahat ng ito ay para protektahan ang sarili mong reputasyon at pagpapahalaga sa sarili! Nalulugod ba ang Diyos sa mga taong kumikilos nang ganito? Pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Kung gusto mong maging malaya sa impluwensiya ni Satanas at makamit ang kaligtasan, kailangan mong tanggapin ang katotohanan. Una ay kailangan mong magsimula sa pagiging isang matapat na tao. Maging prangka, sabihin ang totoo, huwag magpapigil sa iyong mga damdamin, iwaksi ang iyong pagkukunwari at panlalansi, at magsalita at pangasiwaan ang mga bagay nang may prinsipyo—isa itong madali at masayang paraan ng pamumuhay, at makapamumuhay ka sa harap ng Diyos. Kung palagi kang namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya, at palaging umaasa sa mga kasinungalingan at panlilinlang para mairaos ang mga araw mo, mamumuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at mamumuhay ka sa kadiliman. Kung mamumuhay ka sa mundo ni Satanas, mas lalo ka lang magiging mapanlinlang. Napakaraming taon mo nang nananalig sa Diyos, napakinggan mo na ang napakaraming sermon, pero hindi pa nalinis ang iyong tiwaling disposisyon, at ngayon ay namumuhay ka pa rin ayon sa iyong satanikong disposisyon—hindi ka ba nasusuklam dito? Hindi ka ba nahihiya? Gaano man katagal ka nang nananalig sa Diyos, kung katulad ka pa rin ng isang walang pananampalataya, ano pa ang silbi ng pananalig mo sa Diyos? Talaga bang makakamit mo ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos nang ganito? Hindi nagbago ang mga layon mo sa buhay, ni ang mga prinsipyo at pamamaraan mo; ang tanging bagay na mayroon ka na wala sa isang walang pananampalataya ay ang titulong “mananampalataya.” Bagamat kung titingnan ay sinusunod mo ang Diyos, hindi talaga nagbago ang disposisyon mo sa buhay, at hindi mo makakamit ang kaligtasan sa huli. Hindi ba’t umaasa ka lang sa wala? Makakatulong ba sa iyo ang ganitong uri ng pananalig sa Diyos na matamo ang katotohanan at ang buhay? Talagang hindi.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng Isang Tiwaling Disposisyon
Ang mga taong palaging nagsisinungaling at nagpapaligoy-ligoy ang pinakamababa sa lahat ng tao; wala silang halaga. Walang sinumang may gustong magbigay-pansin sa kanila, walang may gustong makipag-ugnayan sa kanila, lalong walang may gustong maglahad ng puso sa kanila o makipagkaibigan sa kanila. May karakter ba o dignidad ang mga ganitong tao? (Wala.) Lahat ng taong nakakatagpo ng mga ganitong tao ay masusuklam sa kanila; lubos silang hindi mapagkakatiwalaan sa kanilang mga salita, kilos, karakter, at integridad—ang mga ganitong indibidwal ay wala talagang kabuluhan. Magugustuhan o rerespetuhin ba sila ng mga tao kung may kaloob at talento sila? (Hindi.) Kung gayon, ano ang kailangan ng mga tao para makasundo ang isa’t isa? Kailangan nila ng karakter, integridad, dignidad, at kailangan nilang maging isang tao na mapaglalaharan ng iba ng puso nila. Ang mga taong may dignidad ay lahat may kaunting personalidad, minsan hindi nila nakakasundo ang iba, pero sila ay matapat, at walang pagsisinungaling o panlalansi sa kanila. Sa huli, mataas ang tingin ng iba sa kanila, dahil kaya nilang isagawa ang katotohanan, matapat sila, sila ay may dignidad, integridad, at karakter, hindi nila kailanman sinasamantala ang ibang tao, tinutulungan nila ang mga tao kapag nasa alanganin ang mga ito, tinatrato nila ang mga tao nang may konsensiya at katwiran, at hindi nila agad na hinuhusgahan ang mga taong ito. Kapag sinusuri o tinatalakay ang ibang tao, tumpak ang lahat ng sinasabi ng mga indibidwal na ito, sinasabi nila kung ano ang nalalaman nila at hindi sila nagsasalita tungkol sa mga bagay na hindi nila alam, hindi sila nagdadagdag ng kuwento, at maaaring magsilbing ebidensiya o sanggunian ang mga salita nila. Kapag nagsasalita at kumikilos sila, ang mga taong nagtataglay ng integridad ay praktikal at mapagkakatiwalaan. Walang sinumang tumuturing na may halaga ang mga taong walang integridad, walang nagbibigay-pansin sa mga sinasabi at ginagawa nila, o nagpapahalaga sa kanilang mga salita at kilos, at walang nagtitiwala sa kanila. Ito ay dahil masyadong marami ang kasinungalingang sinasabi nila at masyadong kakaunti ang matatapat nilang salita, ito ay dahil wala silang sinseridad kapag nakikisalamuha sila sa mga tao o gumagawa ng anumang bagay para sa mga ito, sinusubukan nilang lansihin at lokohin ang lahat ng tao, at walang sinumang may gusto sa kanila. Nakatagpo na ba kayo ng sinuman na, sa mga mata ninyo, ay mapagkakatiwalaan? Iniisip ba ninyong karapat-dapat kayo sa tiwala ng ibang tao? Mapagkakatiwalaan ba kayo ng ibang tao? Kung may isang taong magtatanong sa iyo tungkol sa sitwasyon ng isang tao, hindi mo dapat suriin at husgahan ang taong iyon ayon sa sarili mong kagustuhan, ang mga salita mo ay dapat obhetibo, tumpak, at naaayon sa mga katunayan. Dapat kang magsalita tungkol sa anumang nauunawaan mo, at hindi ka dapat magsalita tungkol sa mga bagay na wala kang kabatiran. Dapat maging makatarungan at patas ka sa taong iyon. Iyan ang responsableng paraan ng pagkilos. Kung ang naobserbahan mo lang ay ang panlabas na penomena, at ang gusto mong sabihin ay ang sarili mong panghuhusga tungkol sa taong iyon, kung gayon, dapat hindi mo pikit-matang hatulan ang taong iyon, at lalong hindi mo siya dapat husgahan. Dapat mong simulan ang sasabihin mo sa, “Sariling paghuhusga ko lamang ito,” o “Ganito lang talaga ang nararamdaman ko.” Sa ganoong paraan, magiging obhetibo ang mga salita mo, at pagkatapos pakinggan ang mga sinabi mo, mararamdaman ng ibang tao ang katapatan ng mga salita mo at ang iyong patas na saloobin, at magagawa ka na niyang pagkatiwalaan. Sigurado ba kayong maisasakatuparan ninyo ito? (Hindi.) Pinatutunayan nito na hindi sapat ang katapatan ninyo sa iba, at wala kayong sinseridad at matapat na saloobin sa inyong pag-asal at pangangasiwa sa mga bagay-bagay. Sabihin nating may nagtatanong sa iyo, “Pinagkakatiwalaan kita: Ano ang tingin mo sa taong iyon?” At sasagot ka, “Ayos naman siya.” Magtatanong muli ang taong ito, “Puwede ka bang magbigay ng mas marami pang detalye?” At sasabihin mo, “May magandang asal siya, handa siyang magbayad ng halaga kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, at maayos ang pakikisama niya sa mga tao.” Mayroon bang praktikal na ebidensiya para sa alinman sa tatlong pahayag na ito? Sapat na ba ang mga ito na maging katunayan ng karakter ng taong iyon? Hindi. Mapagkakatiwalaan ka ba? (Hindi.) Wala sa tatlong pahayag na ito ang may kalakip na anumang detalye, sadyang malalawak ang saklaw ng mga ito, walang kabuluhan, at pabasta-bastang mga salita lamang. Kung kakikilala mo lang sa taong iyon at sinasabi mo na ayos lang naman siya batay sa kanyang hitsura, normal lang iyon. Pero matagal mo na siyang nakakaugnayan, at dapat ay natuklasan mo na ang ilang malalaking problema tungkol sa kanya. Gustong marinig ng mga tao kung ano ang kalkulasyon at pananaw mo sa taong iyon sa kaibuturan ng puso mo, pero wala kang sinasabing makatotohanan, o kritikal, o mahalaga, kaya hindi nagtitiwala sa iyo ang mga tao, at ayaw na nilang makipag-ugnayan sa iyo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao
Ang pagkatao ng mga anticristo ay hindi matapat, ibig sabihin ay hindi sila nagpapakatotoo kahit kaunti. Lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay may karumihan at nagtataglay ng sarili nilang mga layunin at mithiin, at nakatago sa lahat ng ito ang kanilang mga hindi masabi at napakasamang panlalansi at pakana. Kaya naman ang mga salita at kilos ng mga anticristo ay lubos na kontaminado at punong-puno ng kawalang-katotohanan. Gaano man sila magsalita, imposibleng malaman kung alin sa kanilang mga sinasabi ang totoo, alin ang hindi totoo, kung alin ang tama, at alin ang mali. Ito ay dahil hindi sila matapat, at ang kanilang isipan ay lubhang kumplikado, puno ng mga mapanlinlang na pakana at sagana sa mga panlalansi. Wala silang sinasabi nang prangkahan. Hindi nila sinasabi na ang isa ay isa, ang dalawa ay dalawa, ang oo ay oo, at ang hindi ay hindi. Sa halip, sa lahat ng bagay, paliguy-ligoy sila at pinag-iisipang mabuti nang ilang beses ang mga bagay-bagay sa kanilang isipan, pinag-aaralan ang mga kahihinatnan, tinitimbang ang mga pakinabang at desbentaha mula sa bawat anggulo. Pagkatapos, binabago nila ang gusto nilang sabihin gamit ang wika kaya lahat ng sinasabi nila ay medyo masalimuot sa pandinig. Ang matatapat na tao ay hindi nauunawaan kailanman ang kanilang sinasabi at madali nilang malinlang at maloko ang mga ito, at sinumang nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan sa gayong mga tao ay napapagod at nahihirapan. Hindi nila sinasabi kailanman na ang isa ay isa at ang dalawa ay dalawa, hindi nila sinasabi kailanman ang kanilang iniisip, at hindi nila inilalarawan kailanman ang mga bagay-bagay sa kung ano talaga ang mga ito. Lahat ng sinasabi nila ay hindi maarok, at ang mga layunin at intensyon ng kanilang mga kilos ay napakakumplikado. Kung malantad ang katotohanan—kung mahalata sila ng ibang mga tao, at mabisto sila—agad silang nagtatahi ng isa pang kasinungalingan para makalusot. Ang ganitong uri ng tao ay madalas magsinungaling, at matapos magsinungaling, kailangan nilang magsinungaling ulit para suportahan ang kasinungalingan. Nililinlang nila ang iba para itago ang kanilang mga layunin, at nag-iimbento sila ng lahat ng uri ng pagdadahilan at pangangatwiran para suportahan ang kanilang mga kasinungalingan, kaya hirap na hirap ang mga tao na masabi kung ano ang totoo at ano ang hindi, at hindi alam ng mga tao kung kailan sila nagsasabi ng totoo, lalo nang hindi alam ng mga ito kung kailan sila nagsisinungaling. Kapag nagsisinungaling sila, hindi sila namumula o kumukurap, na para bang nagsasabi sila ng totoo. Hindi ba’t ibig sabihin nito na palagian silang nagsisinungaling? Halimbawa, minsan tila sa tingin ay mabuti ang mga anticristo sa iba, isinasaalang-alang nila ang iba, at nagsasalita sa kaaya-ayang paraan na parang mabait at nakakaantig. Subalit kahit na ganito sila magsalita, walang sinumang makapagsasabi kung sila ba ay taos, at palaging kailangang maghintay hanggang sa mangyari ang mga bagay-bagay pagkaraan ng ilang araw upang malantad kung taos ba sila. Palaging nagsasalita nang may partikular na mga layunin at mithiin ang mga anticristo, at walang sinumang makaisip kung ano ba talaga ang hinahangad nila. Palagiang nagsisinungaling ang mga gayong tao, at hindi nila iniisip ang mga kahihinatnan ng anuman sa kanilang mga kasinungalingan. Basta’t nakikinabang sila sa kanilang kasinungalingan at nagagawa nitong linlangin ang iba, basta’t nakakamtan nito ang kanilang mga mithiin, wala silang pakialam kung ano ang mga kahihinatnan. Sa sandaling mailantad sila, patuloy silang magtatago, magsisinungaling, manlalansi. Ang prinsipyo at pamamaraan ng mga taong ito sa pag-asal at pakikitungo sa mundo ay nilalansi nila ang mga tao gamit ang mga kasinungalingan. Doble-kara sila at nagsasalita para masiyahan ang kanilang tagapakinig; ginagampanan nila ang anumang papel na hinihingi ng sitwasyon. Madulas sila at madaya, puno ng mga kasinungalingan ang kanilang bibig, at hindi sila mapagkakatiwalaan. Sinuman ang nakikipag-ugnayan sandali sa kanila ay nalilihis o naguguluhan at hindi makatanggap ng panustos, tulong, o magandang halimbawa. Pangit man o maganda ang mga salitang namumutawi sa bibig ng gayong mga tao, o makatwiran o kakatwa, o naaayon o di-naaayon sa pagkamakatao, o magaspang o sibilisado, ang mga iyon ay talagang pawang walang-katotohanan, hindi totoo, at kasinungalingan.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus
Hayaan mo Akong magbigay ng dalawang halimbawa ng pagsisinungaling. May dalawang uri ng tao na may kakayahang magsinungaling. Kailangan ninyong matukoy kung aling mga tao ang mapagmatigas at hindi na matutubos. Kailangan din ninyong tukuyin kung alin ang maaaring iligtas. Bagaman ang mga maililigtas ay kadalasang nagpapakita ng katiwalian, hangga’t kaya nilang tanggapin ang katotohanan at pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili, may pag-asa pa rin. Sa unang halimbawa, may isang taong madalas magsinungaling. Gayunpaman, pagkatapos maunawaan ang katotohanan, iba na ang kanyang reaksyon sa susunod niyang pagsisinungaling. Makadarama siya ng matinding sakit at paghihirap, at mapagninilayan na, “Nagsinungaling na naman ako. Bakit hindi ko kayang magbago? Sa pagkakataong ito, anuman ang mangyari, dapat kong ilantad ang bagay na ito, na ihayag ang aking sarili at himayin ang aking tunay na pagkatao. Kailangan kong malinaw na ipahayag ang katunayan na nagsisinungaling ako para hindi mapahiya.” Pagkatapos magtapat at magbahagi, magiging magaan ang pakiramdam niya at mapagtatanto na, “Napakasakit pala ng pagsisinungaling, samantalang napakagaan at kahanga-hanga ang pagiging matapat na tao! Hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao; ito ang wangis na dapat taglayin ng mga tao.” Matapos maranasan ang kaunting kabutihang ito, mula noon, nag-iingat na sila na huwag madalas magsinungaling, hindi na nagsasabi ng mga kasinungalingan hangga’t maaari, nagsasalita kapag mayroon silang sasabihin, nagsasalita nang matapat, gumagawa ng matatapat na gawa, at nagiging isang matapat na tao. Gayunpaman, kapag nahaharap sa isang sitwasyon na kung saan ay sangkot ang kanilang pride, likas silang nagsisinungaling at kalaunan ay pinagsisisihan nila ito. Pagkatapos, kapag nahaharap sila sa isang sitwasyon kung saan maaari nilang pamukhaing mabuti ang kanilang sarili, muli silang nagsisinungaling. Lihim nilang kinasusuklaman ang kanilang sarili, iniisip na, “Bakit hindi ko makontrol ang aking bibig? Maaari kayang ito ay isang problema sa aking kalikasan? Masyado ba akong mapanlinlang?” Napagtatanto nila na ang problemang ito ay dapat malutas; kung hindi, itataboy at ititiwalag sila ng Diyos. Mananalangin sila sa Diyos, humihiling na disiplinahin sila kung muli silang magsisinungaling, at handa silang tumanggap ng parusa. Nag-iipon sila ng lakas ng loob na himayin ang kanilang sarili sa mga pagtitipon, at sinasabing, “Kapag nagsisinungaling ako sa mga ganitong sitwasyon, ito ay dahil mayroon akong makasariling mga motibo at kontrolado ng aking intensyon. Sa pagninilay ko, napagtanto ko na sa tuwing nagsisinungaling ako, ito ay alang-alang sa banidad o para sa aking pansariling pakinabang. Nakikita ko na ito nang malinaw ngayon: Nabubuhay ako para sa aking pride at personal na mga interes, na siyang nagtulak sa akin na magsinungaling sa lahat ng oras tungkol sa lahat ng bagay.” Habang hinihimay ang sarili nilang mga kasinungalingan, inilalantad din nila ang kanilang intensyon at natutuklasan ang problema ng kanilang tiwaling disposisyon. Ito ay sitwasyong may pakinabang sa lahat; kaya nilang isagawa ang pagiging isang matapat na tao at kasabay niyon ay makakuha ng kaliwanagan at makakilala sa kanilang tiwaling disposisyon. Pagkatapos, mapagninilayan nilang, “Kailangan kong magbago! Ngayon ko lang nalaman na may ganito akong problema. Ito ay tunay na kaliwanagan mula sa Diyos. Ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan ay pinagpapala ng Diyos!” Nararanasan din nila ang kaunting tamis ng pagsasagawa ng katotohanan. Gayunpaman, isang araw ay hindi sinasadya ng mga taong ito na magsinungaling muli. Nanalangin silang muli sa Diyos, hinahanap ang Kanyang disiplina. Bukod dito, napagninilayan nila kung bakit palagi silang may lihim na intensiyon kapag nagsasalita, at kung bakit palagi nilang isinasaalang-alang ang kanilang banidad at pagpapahalaga sa sarili sa halip na ang mga layunin ng Diyos. Pagkatapos magnilay, nagkakaroon sila ng kaunting pagkaunawa sa kanilang tiwaling disposisyon at nagsisimula silang masuklam sa kanilang sarili. Nagpapatuloy sila nang ganito upang hanapin at pagsikapan ang katotohanan. Pagkalipas ng tatlo hanggang limang taon, talaga ngang kumaunti nang kumaunti ang kanilang mga kasinungalingan, at dumami ang mga pagkakataon na sinasabi nila kung ano ang kanilang iniisip at kumikilos nang matapat. Ang kanilang puso ay unti-unting nagiging dalisay at naglalaman ng higit na kapayapaan at kagalakan. Dumarami nang dumarami ang ginugugol nilang oras sa pamumuhay sa presensiya ng Diyos at nagiging mas normal ang kanilang kalagayan. Ganito ang tunay na kalagayan ng isang taong madalas magsinungaling kapag nararanasan na niya na maging matapat na tao. Kaya, nagsisinungaling pa ba ang taong ito ngayon? May kakayahan pa ba siyang magsinungaling? Totoo bang matapat siyang tao? Hindi masasabi na matapat siyang tao. Masasabi lamang na kaya niyang isagawa ang katotohanan ng pagiging isang matapat na tao, at nasa proseso ng pagsasagawa ng pagiging isang matapat na tao, ngunit hindi pa siya ganap na nabago tungo sa pagiging isang matapat na tao. Sa madaling salita, ito ay isang taong handang isagawa ang katotohanan. Masasabi ba na ang taong handang magsagawa ng katotohanan ay isang taong nagmamahal sa katotohanan? Naisagawa na niya ang katotohanan at nahayag na ang mga katunayan, kaya hindi ba’t natural na tukuyin siya bilang isang taong nagmamahal sa katotohanan? Siyempre, habang nagsasagawa siya ng pagiging isang matapat na tao, hindi niya agad nagagawang magbahagi nang wagas at bukas, o nailalantad ang lahat ng inililihim sa kanyang sarili nang walang pag-aalinlangan. Itinatago pa rin niya ang ilang bagay at maingat na nagsisikap sumulong. Gayunpaman, sa gitna ng kanyang mga pagsisikap at mga karanasan, napagtatanto niya na habang mas namumuhay siya nang matapat, mas nagiging mabuti ang kanyang pakiramdam, mas may payapang kaisipan, mas madali niyang naisasagawa ang katotohanan, nang walang anumang matitinding paghihirap. Noon lang niya matitikman ang tamis ng pagiging matapat na tao, at titibay ang kanyang pananalig sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagdanas kung paano ang maging isang matapat na tao, hindi lamang niya naisasagawa ang katotohanan, kundi nararanasan din niya ang kapayapaan at kagalakan sa kanyang puso. Kasabay nito, nagkakaroon siya ng mas malinaw na pagkaunawa sa landas ng pagsasagawa ng katapatan. Nararamdaman niya na ang pagiging isang matapat na tao ay hindi masyadong mahirap. Nakikita niya na ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ay makatwiran at kayang matamo, at nagkakamit siya ng kaunting pagkaunawa sa gawain ng Diyos. Ang lahat ng ito ay hindi dagdag na pakinabang, bagkus, ito ay ang dapat makamit ng isang tao sa kanyang paglalakbay sa buhay pagpasok, at may kakayahan siyang makamit ito.
Ang pangalawang halimbawa ay tungkol sa isang taong mahilig magsinungaling—nasa kalikasan na niya ito. Walang problema kapag hindi siya nagsasalita, ngunit sa sandaling ibuka niya ang kanyang bibig, napupuno ng maraming karumihan ang pananalita niya. Sinasadya man niya ito o hindi, sa madaling salita, karamihan sa mga sinasabi niya ay hindi mapagkakatiwalaan. Isang araw, pagkatapos magsinungaling, napag-isip-isip niyang, “Mali ang magsinungaling at hindi ito nakalulugod sa diyos. Kung malalaman ng mga tao na nagsinungaling ako, mapapahiya ako! Pero parang may nakapansin na nagsinungaling nga ako. Puwes, madali kong maaayos iyon. Hahanap ako ng ibang pag-uusapan, at gagamit ng ibang pananalita para mabawasan ang kanilang pagbabantay, mailigaw sila, at hindi nila mahalata ang aking mga kasinungalingan. Ngayon, hindi ba’t mas mautak iyon?” Pagkatapos ay magsasabi siya ng isang mas malaking kasinungalingan upang pagtakpan ang nauna niyang kasinungalingan at ayusin ang mga problema, na matagumpay na nakakapagligaw sa mga tao. Makararamdam siya ng pagmamalaki at pagkakontento sa sarili, iniisip na, “Tingnan mo kung gaano ako katalino! Nagsinungaling ako nang walang anumang butas, at kung may mga butas man, magsisinungaling na lang uli ako para pagtakpan ang mga iyon. Karamihan sa mga tao ay hindi ako nahahalata. Kailangan ng kasanayan ang pagsisinungaling!” Sinasabi ng ilang tao na, “Mahirap magsinungaling. Pagkatapos magsabi ng isang kasinungalingan, kailangan mong magsabi ng marami pa para pagtakpan ito. Pinag-iisipan at pinagsisikapan itong mabuti.” Gayunpaman, hindi ganoon ang pakiramdam ng dalubhasang sinungaling na taong ito. Sa pagkakataong ito, hindi nalantad ang kanyang mga kasinungalingan. Matagumpay siyang nakapagsinungaling para manlinlang ng iba, pagkatapos, kapag natakot siyang malantad, muli siyang magsisinungaling para pagtakpan ang dating kasinungalingan. Nagmamalaki siya, at walang pagkakonsensiya o pagsisisi sa kanyang puso. Ganap na hindi naaapektuhan ang kanyang konsensiya. Paanong posible ito? Hindi niya alam kung gaano nakapipinsala sa kanya ang pagsisinungaling. Naniniwala siya na ang paggamit ng mga kasinungalingan upang pagtakpan ang mga dating kasinungalingan ay nagbibigay-daan sa kanya na mapabuti ang kanyang reputasyon at makakuha ng mga pakinabang. Sa kabila ng hirap at pagod, sulit lang ito sa tingin niya. Naniniwala siya na mas mahalaga ito kaysa sa pagkaunawa sa katotohanan, at pagsasagawa sa katotohanan. Bakit madalas siyang nagsisinungaling nang hindi nakokonsensiya? Dahil wala siyang pagmamahal sa katotohanan sa puso niya. Pinahahalagahan niya ang kanyang banidad, reputasyon, at katayuan. Hindi niya binubuksan kailanman ang kanyang puso sa pagbabahagi sa iba; sa halip, gumagamit siya ng pagbabalatkayo at pagkukunwari upang itago ang kanyang mga kasinungalingan. Ganyan siya nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan sa mga tao. Gaano man karaming kasinungalingan ang sinasabi niya, gaano karaming kasinungalingan ang kanyang pinagtatakpan, o gaano karaming makasarili at masamang intensyon ang itinatago niya, wala siyang pagkakonsensiya o pagkabalisa sa puso niya. Sa pangkalahatan, ang mga taong may kaunting konsensiya at kaunting pagkatao ay hindi mapapalagay pagkatapos magsinungaling, at mahihirapan silang tanggapin ang nagawa nila. Makararamdam sila ng kahihiyan; ngunit hindi ganito mag-isip ang taong sinungaling. Pagkatapos magsinungaling, nasisiyahan siya sa sarili, sinasabing, “Nagsinungaling na naman ako ngayon at nagawa kong lokohin ang hangal na iyon. Pinagpawisan ako nang husto, pero hindi man lang niya napansin!” Hindi ba siya nagsasawa sa ganitong buhay ng patuloy na pagsisinungaling at pagtatago ng mga kasinungalingan? Anong uri ng kalikasan ito? Ito ang likas na katangian ng isang diyablo. Ang mga diyablo ay nagsisinungaling araw-araw. Namumuhay sila sa kasinungalingan nang walang anumang pagkabalisa o pasakit. Kung totoo ngang nakararamdam sila ng pagkabalisa o pasakit, magbabago sila, ngunit hindi sila makaramdam ng pasakit dahil buhay nila ang pagsisinungaling—nasa kalikasan nila ito. Kapag natural nilang ipinahahayag ang kanilang sarili, hindi sila nagpapakita ng pagpipigil at hindi man lang nagninilay-nilay sa sarili. Gaano man karaming kasinungalingan ang sinasabi nila o mga panlilinlang na ginagawa nila, hindi sila nakokonsensiya sa kanilang puso, at hindi sila inuusig ng kanilang konsensiya. Wala silang malay na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao; hindi nila napagtatanto ang responsabilidad na kanilang pinapasan at ang kaparusahan na kanilang matatanggap pagkatapos magsinungaling at manlinlang. Ang pinakakinatatakutan nila ay na may isang taong maglalantad sa kanilang mapanlinlang na mga pakana, kaya mas marami pa silang ginagawang kasinungalingan para pagtakpan ang kanilang mga pakana, at kasabay nito ay nagpapakapagod sila sa paghahanap ng paraan, ilang paraan para itago ang kanilang mga kasinungalingan at ang katotohanan tungkol sa kung sino sila. Nagsisisi ba ang gayong mga tao habang nasa buong proseso? May nararamdaman ba silang pagsisisi o kalungkutan? Mayroon ba silang anumang pagnanais na baguhin ang kanilang sarili? Wala. Sa tingin nila ay hindi kasalanan ang magsinungaling o magtago ng mga kasinungalingan, na karamihan sa mga tao ay namumuhay nang ganito, at wala silang intensyon na magbago. Tungkol naman sa pagiging matapat na tao, sa kanilang puso ay iniisip nila na, “Bakit ako dapat maging isang matapat na tao, magsalita mula sa puso, at magsabi ng totoo? Hindi ko ginagawa iyan. Para iyan sa mga hangal at hindi ako ganoon kahangal. Kung magsisinungaling ako at matatakot na malantad, hahanap na lang ako ng iba pang dahilan at palusot para pagtakpan ito. Hindi ako iyong tipo ng tao na marunong magsalita nang matapat. Kung gagawin ko iyon, magiging ganap akong hangal!” Hindi nila tinatanggap o kinikilala ang katotohanan. Ang mga taong hindi kumikilala sa katotohanan ay hindi kayang mahalin ang katotohanan. Ano ang kalagayan ng gayong mga tao mula sa simula hanggang wakas? (Hindi sila handang baguhin ang kanilang sarili.) Ang hindi nila pagnanais na ayusin ang mga bagay-bagay ay kitang-kita mula sa obhektibong pananaw, ngunit ano ang kanilang tunay na kalagayan? Pangunahin nilang itinatanggi na ang pagiging isang matapat na tao ay ang tamang landas sa buhay. Itinatanggi rin nila ang pag-iral ng katotohanan, ang paghatol ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw, at na pinagpapasyahan ng Diyos ang huling kahihinatnan ng tao at ang indibidwal na kaparusahan para sa mga gawa ng isang tao. Ito ay pagiging walang kabatiran, hangal, at matigas ang ulo. Ang ganitong pag-iisip ay nagsasanhi ng kanilang mapagmatigas na kalagayan, mga kilos at pag-uugali. Ang mga bagay na ito ay nagmumula sa kalikasang diwa ng isang tao. Ganoong uri sila ng tao—isang tunay na mapanlinlang na tao—at hindi nila kayang magbago. Maaaring hindi makapaniwala ang ilan kapag nakikita nila ang gayong mga tao na tumatangging tanggapin ang katotohanan, at hindi nila ito maintindihan. Sa totoo, ang mga taong ganito ay walang normal na pagkatao at hindi gumagana ang kanilang konsensiya. Bukod pa rito, wala silang katwiran ng isang normal na pagkatao. Sa sandaling marinig ang katotohanan at ang mga salita ng paghatol, ang isang taong may normal na pagkatao at katwiran ay magninilay kahit papaano sa kanyang sarili at tunay na magsisisi, ngunit ang taong sinungaling ay hindi tumutugon pagkatapos marinig ang tunay na daan. Iginigiit pa rin niyang mamuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, nang walang katiting na pagbabago sa kanyang pananampalataya sa Diyos sa paglipas ng mga taon. Ang gayong tao ay walang katwiran ng isang normal na pagkatao, at mahirap para sa gayong tao na mailigtas.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita
Maraming praktikal na problema ang lumilitaw habang nararanasan ng mga tao ang pagiging matapat. Kung minsan ay nagsasalita lang sila nang hindi nag-iisip, nagkakamali sila saglit at nagsasabi ng kasinungalingan dahil sila ay pinatatakbo ng isang maling motibo o pakay, o banidad at pride, at dahil dito, kailangan nilang magsabi ng mas higit na maraming kasinungalingan para pagtakpan iyon. Sa huli, hindi sila panatag sa puso nila, pero hindi na nila mababawi ang mga kasinungalingan na iyon, wala silang lakas ng loob na itama ang kanilang mga pagkakamali, na aminin na nagsinungaling sila, at sa ganitong paraan, patuloy silang nagkakamali. Pagkatapos nito, parang palaging may batong nakadagan sa puso nila; gusto nila palaging humanap ng pagkakataong magsabi ng totoo, na aminin ang kanilang pagkakamali at magsisi, pero hindi nila ito kailanman isinasagawa. Sa huli, pinag-iisipan nila ito at sinasabi sa kanilang sarili, “Babawi ako kapag ginampanan ko ang tungkulin ko sa hinaharap.” Lagi nilang sinasabing babawi sila, pero hindi nila ginagawa. Hindi iyon kasingsimple ng paghingi lang ng tawad pagkatapos magsinungaling—mababawi mo ba ang pinsala at mga kahihinatnan ng pagsisinungaling at panlilinlang? Kung, sa gitna ng matinding pagkamuhi sa sarili, nagagawa mong magsisi, at hindi mo na muling gagawin ang bagay na iyon, kung gayon ay maaaring matanggap mo ang pagpaparaya at awa ng Diyos. Kung nagsasabi ka ng matatamis na salita at nagsasabing babawi ka para sa mga kasinungalingan mo sa hinaharap, pero hindi ka talaga nagsisisi, at kalaunan ay patuloy kang nagsisinungaling at nanlilinlang—kung gayon ay masyado kang mapagmatigas sa iyong pagtangging magsisi, at siguradong matitiwalag ka. Dapat itong kilalanin ng mga taong may konsensiya at katwiran. Matapos magsinungaling at manlinlang, hindi sapat ang isipin lang na humingi ng tawad; ang pinakamahalaga ay na kailangan mong tunay na magsisi. Kung nais mong maging matapat, dapat mong lutasin ang problema ng pagsisinungaling at panlilinlang. Dapat kang magsabi ng katotohanan at gumawa ng mga praktikal na bagay. Kung minsan, mapapahiya ka sa pagsasabi ng katotohanan at magiging dahilan para pungusan ka, ngunit maisasagawa mo ang katotohanan, at ang pagpapasakop at pagpapalugod sa Diyos sa isang pagkakataong iyon ay magiging sulit, at magdadala ito sa iyo ng kaginhawahan. Ano’t anuman, maisasagawa mo na sa wakas ang pagiging matapat, masasabi mo na sa wakas kung ano ang nasa puso mo, nang hindi sinusubukang ipagtanggol o ipawalang-sala ang sarili mo, at ganito ang tunay na paglago. Pungusan ka man o palitan, magiging matatag pa rin ang puso mo, dahil hindi ka nagsinungaling; mararamdaman mo na dahil hindi mo ginawa nang maayos ang tungkulin mo, tama lang na pungusan ka, at na akuin mo ang responsabilidad para dito. Ito ay isang positibong pag-iisip. Gayumpaman, ano ang magiging kahihinatnan kapag ikaw ay nanlinlang? Pagkatapos mong manlinlang, ano ang mararamdaman mo sa puso mo? Balisa; palagi mong mararamdaman na may pagkakonsensiya at katiwalian sa puso mo, mararamdaman mo na palagi kang inaakusahan: “Paano ko nagawang magsinungaling? Paano ko naatim na muling manlinlang? Bakit ako ganito?” Mararamdaman mo na parang hindi mo maiaangat ang iyong ulo, na parang hiyang-hiya kang humarap sa Diyos. Lalo na kapag pinagpapala ng Diyos ang mga tao, kapag tumatanggap sila ng biyaya, habag at pagpaparaya ng Diyos, mas lalo nilang nararamdaman na nakakahiyang linlangin ang Diyos, at sa puso nila, mas matindi ang nararamdaman nilang paninisi, at wala silang kapayapaan at kagalakan. Ano ang ipinapakita nitong problema? Na ang manlinlang ng mga tao ay isang pagpapakita ng tiwaling disposisyon, ito ay para maghimagsik at lumaban sa Diyos, kaya magdudulot ito sa iyo ng pasakit. Kapag nagsisinungaling at nanlilinlang ka, maaaring nararamdaman mo na nakapagsalita ka nang napakatalino at napakaingat, at na wala kang naibigay na anumang maliliit na pahiwatig tungkol sa iyong panlilinlang—pero kalaunan, nakakaramdam ka ng paninisi at pang-aakusa, na maaaring bumagabag sa iyo sa buong buhay mo. Kung kusa at sinasadya mong magsinungaling at manlinlang, at dumating ang araw kung kailan napagtanto mo ang bigat nito, tatagos ito sa puso mo na parang isang kutsilyo, at palagi kang maghahanap ng pagkakataong makabawi sa mga mali mong nagawa. At iyon ang kailangan mong gawin, maliban na lang kung wala kang konsensiya, at hindi ka pa namuhay nang naaayon sa iyong konsensiya, at wala kang pagkatao, at walang karakter o dignidad. Kung mayroon kang kaunting karakter at dignidad, at kaunting kamalayan ng konsensiya, kapag napagtanto mo na nagsisinungaling at nanlilinlang ka, mararamdaman mo na kahiya-hiya ang pag-uugali mong ito, kakutya-kutya at mababa; kamumuhian at kasusuklaman mo ang sarili mo, at tatalikuran mo ang landas ng kasinungalingan at panlilinlang.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao
Ang susi sa pagiging matapat na tao ay ang paglutas sa iyong mga motibo, iyong mga hangarin, at iyong mga tiwaling disposisyon. Ito ang tanging paraan upang malutas ang ugat ng problema ng pagsisinungaling. Ang makamit ang mga personal na layunin ng isang tao, o ang personal na makinabang, masamantala ang isang sitwasyon, mapaganda ang imahe niya, o makuha ang pagsang-ayon ng iba—ito ang mga hangarin at layunin ng mga tao kapag nagsisinungaling sila. Ang ganitong uri ng pagsisinungaling ay naghahayag ng isang tiwaling disposisyon, at ito ang pagkilatis na kailangan mo tungkol sa pagsisinungaling. Kaya, paano dapat lutasin ang tiwaling disposisyong ito? Nakasalalay ang lahat ng ito sa kung minamahal mo ang katotohanan o hindi. Kung kaya mong tanggapin ang katotohanan at magsalita nang hindi isinusulong ang iyong sarili; kung kaya mong itigil ang pagsasaalang-alang sa sarili mong mga interes at sa halip ay isaalang-alang ang gawain ng iglesia, ang mga layunin ng Diyos, at ang mga interes ng mga hinirang ng Diyos, ititigil mo na ang pagsisinungaling. Magagawa mong magsalita nang makatotohanan, at tuwiran. Kung wala ang tayog na ito, hindi mo magagawang magsalita nang makatotohanan, patutunayan nito na kulang ang tayog mo at na hindi mo kayang isagawa ang katotohanan. Kung kaya, ang pagiging matapat na tao ay nangangailangan ng isang proseso ng pag-unawa sa katotohanan, isang proseso ng pagtaas ng tayog. Kapag tiningnan natin ito nang ganito, imposibleng maging matapat na tao nang walang walo hanggang sampung taon ng karanasan. Ang panahong ito ay ang proseso ng paglago sa buhay ng isang tao, ang proseso ng pag-unawa at pagtatamo sa katotohanan. Maaaring itanong ng ilang tao: “Talaga bang ganoon kahirap ang paglutas sa problema ng pagsisinungaling at ang pagiging matapat na tao?” Depende iyon sa kung sino ang tinutukoy mo. Kung isa itong taong nagmamahal sa katotohanan, magagawa niyang itigil ang pagsisinungaling pagdating sa mga partikular na bagay. Ngunit kung isa itong taong hindi nagmamahal sa katotohanan, ang pagtigil sa pagsisinungaling ay lalo pang magiging mahirap.
Ang pagsasanay sa sarili na maging isang matapat na tao ay pangunahing isang usapin ng paglutas sa problema ng pagsisinungaling, pati na ng paglutas sa tiwaling disposisyon ng isang tao. Ang paggawa rito ay nangangailangan ng isang mahalagang gawain: Kapag napagtanto mong ikaw ay nakapagsinungaling sa isang tao at nalinlang mo siya, dapat kang magtapat sa kanya, maglantad ng iyong sarili, at manghingi ng tawad. Malaki ang pakinabang ng pagsasagawang ito sa kalutasan ng pagsisinungaling. Halimbawa, kung nalinlang mo ang isang tao o kung may karumihan o personal na hangarin sa mga salitang iyong sinabi sa kanya, dapat mo siyang lapitan at suriin ang iyong sarili. Dapat mong sabihin sa kanya: “Ang sinabi ko sa iyo ay isang kasinungalingan, nakadisenyo ito upang protektahan ang sarili kong pride. Nabalisa ako matapos ko itong sabihin, kaya nanghihingi ako sa iyo ng tawad ngayon. Pakiusap, patawarin mo ako.” Magiging masaya ang pakiramdam ng taong iyon. Mapapaisip siya kung paanong mayroong isang tao na, matapos magsinungaling, ay manghihingi ng tawad dahil dito. Ang gayong lakas ng loob ay isang bagay na talagang hinahangaan niya. Ano ang mga pakinabang na natatamo ng isang tao sa pagsasagawa niyon? Ang layunin nito ay hindi ang matamo ang paghanga ng iba, kundi ang mas epektibong mapigilan at mahadlangan ang sarili sa pagsisinungaling. Kaya, pagkatapos magsinungaling, kailangan mong isagawa ang paghingi ng tawad sa paggawa niyon. Habang mas sinasanay mo ang iyong sarili na isagawa ang pagsusuri, paglalantad sa iyong sarili, at paghingi ng tawad sa mga tao nang ganito, lalong gaganda ang mga resulta—at mababawasan nang mababawasan ang pagsisinungaling mo. Ang pagsasagawa ng pagsusuri at paglalantad sa iyong sarili upang maging matapat na tao at mapigilan ang iyong sarili na magsinungaling ay nangangailangan ng lakas ng loob, at ang paghingi ng tawad sa isang tao matapos magsinungaling sa kanya ay nangangailangan ng mas higit pang lakas ng loob. Kung isasagawa mo ito sa loob ng isa o dalawang taon—o marahil sa loob ng tatlo hanggang limang taon—garantisadong makakikita ka ng malilinaw na resulta, at hindi ka mahihirapang maiwaksi ang mga kasinungalingan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat
Ngayon, mayroon ba kayong landas sa pagiging matapat? Dapat ninyong suriin ang inyong bawat pagbigkas at pagkilos sa buhay para mas marami kayong matuklasang kasinungalingan at panlilinlang, at makilala ang sarili ninyong mapanlinlang na disposisyon. Pagkatapos dapat ninyong tingnan kung paano nagsasagawa at dumaranas ang matatapat na tao, at matuto kayo ng ilang aral. Dapat din ninyong isagawa ang pagtanggap ng pagsisiyasat ng Diyos sa lahat ng bagay, at lumapit kayo sa Diyos nang madalas para manalangin at makipagbahaginan sa Diyos. Sabihin nating kakasabi mo lang ng isang kasinungalingan: Agad mong napagtanto na, “May ilang bagay akong sinabi na hindi tumpak—dapat aminin ko ito kaagad at itama ito, ipaalam sa lahat ng tao na nagsinungaling ako.” Agad-agad mong itinatama ang sarili mo. Kung palagi mong itinatama ang sarili mo nang ganito, at kung ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay nakakagawian na, kapag nagsisinungaling ka at hindi mo ito itinatama, hindi ka mapapakali, at tutulong ang Diyos sa pagbabantay sa iyo. Sa pagsasagawa at pagdanas nang ganito nang ilang panahon, magsisimulang mabawasan ang pagsisinungaling mo, mas lalong mababawasan ang mga karumihan sa mga salita mo, at mas lalong mababawasan ang dungis ng mga kilos mo, at mas magiging dalisay—at sa ganitong paraan ikaw ay malilinis. Ganyan ang landas ng pagiging matapat. Dapat dahan-dahan kang magbago, unti-unti. Habang lalo kang nagbabago, lalo kang magiging mabuti; habang lalo kang nagbabago, lalong magiging matapat ang mga salita mo, at titigil ka sa pagsisinungaling—na siyang tamang kalagayan. Lahat ng tiwaling tao ay may parehong problema: Lahat sila ay ipinanganak na may kakayahang magsinungaling, at napakahirap para sa kanilang ibahagi ang kanilang mga kaloob-loobang kaisipan o ang magsalita nang makatotohanan. Kahit na gusto nilang sabihin ang katotohanan, hindi lang talaga nila ito magawa. Ang mga tao ay naniniwalang lahat na ang pagiging matapat ay kahangalan at kalokohan—iniisip nila na ang mga hangal lamang ang prangkang magsalita, at na malamang na magdurusa ng mga kawalan ang isang tao kung ganap siyang bukas sa ibang tao at palaging sinasabi ang nasa isip niya, at na hindi gugustuhin ng iba na makisalamuha sa kanya, at sa halip ay hahamakin siya. Hahamakin ba ninyo ang ganitong uri ng tao? Kinikimkim ba ninyo ang pananaw na ito? (Bago ako manampalataya sa Diyos, hinahamak ko sila, pero ngayon hinahangaan ko ang mga ganitong tao at iniisip na mas mabuting mamuhay nang simple at matapat. Sa pamumuhay nang ganito, mas kaunti ang pasanin sa puso ng isang tao. Kung hindi, pagkatapos kong magsinungaling sa isang tao, kailangan ko itong pagtakpan, at humahantong ako sa mas mahirap na sitwasyon, at sa huli ay malalantad ang kasinungalingan.) Ang pagsisinungaling at panlilinlang ay parehong mga hangal na pag-uugali at higit na mas matalino ang sabihin na lang ang katotohanan at ang magsalita mula sa puso. Ang mga tao ay lahat may pagkaunawa sa isyung ito ngayon—kung iniisip pa rin ng sinuman na ang pagsisinungaling at panlilinlang ay isang tanda ng pagkakaroon ng kakayahan at pagiging wais, kung gayon siya ay lubos na hangal, sobrang mangmang, at wala siyang kahit katiting na katotohanan. Ang sinumang taong tumatanda na, na naniniwala pa ring ang mga mapanlinlang na tao ang pinakamatalino, at na ang matatapat na tao ay mangmang lahat, ay isang kakatwang uri na hindi nakakaunawa ng anumang bagay. Ang lahat ay namumuhay ng sarili nilang buhay—ang ilang taong nagsasagawa ng pagiging matapat araw-araw ay masaya at walang stress, at maalwan at malaya ang pakiramdam nila sa puso nila. Walang kulang sa kanila at mas komportable ang pamumuhay nila. Ang lahat ay natutuwang makisalamuha sa mga ganitong tao, at talagang sila dapat ang kinaiinggitan ng lahat—nauunawaan ng mga ganitong tao ang kahulugan ng buhay. May mga hangal na taong nag-iisip: “Ang taong iyan ay palaging nagsasabi ng katotohanan at siya ay napungusan, hindi ba? Puwes, iyan ang dapat sa kanya! Tingnan ninyo ako—itinatago ko sa sarili ko ang mga intensiyon ko, at hindi ako nagsasalita tungkol sa mga ito o nagbubunyag ng mga ito, kaya hindi ako napungusan, o nagdusa ng anumang kawalan, o napahiya sa harap ng lahat. Kahanga-hanga ito! Ang mga taong nagtatago ng mga intensiyon nila, hindi nagsasalita nang matapat sa sinuman, at pumipigil sa iba na malaman kung ano ang iniisip nila ay ang mga taong nakakahigit at lubos na matatalino.” Pero nakikita ng lahat ng tao na ang mga taong ito ang pinakamapanlinlang at pinakatuso; palaging nakabantay ang mga tao kapag kasama sila at dumidistansiya ang mga ito sa kanila. Walang sinuman ang gustong makipagkaibigan sa mga mapanlinlang na tao. Hindi ba’t ang mga ito ang katunayan? Kung inosente ang isang tao, at madalas nagsasabi ng katotohanan, kung nagagawa niyang ihayag ang puso niya sa ibang tao, at wala siyang kinikimkim na mga mapaminsalang intensiyon sa ibang tao, bagamat paminsan-minsan ay mukha siyang mangmang at kumikilos nang hangal, siya ay karaniwang kikilalanin bilang isang mabuting tao at gugustuhin ng lahat ng tao na makasalamuha siya. Karaniwang kinikilala ang katunayan na nagtatamasa ang mga tao ng mga benepisyo at ng pakiramdam ng seguridad kapag nakikisalamuha sila sa mga matapat at mabuting tao. Ang mga mananampalataya sa Diyos na matapat at naghahangad ng katotohanan ay hindi lamang minamahal ng iba sa iglesia, kundi ng Diyos rin Mismo. Sa sandaling makamit nila ang katotohanan, nagtataglay sila ng tunay na patotoo at natatanggap nila ang pagsang-ayon ng Diyos—hindi ba’t dahil dito ay sila ang pinakapinagpala sa lahat ng tao? Malinaw na makikita ng mga taong nakakaunawa ng kaunting katotohanan ang usaping ito. Sa iyong pag-asal, dapat mong subukang maging isang mabuti at matapat na taong nagtataglay ng katotohanan; sa paraang ito, hindi ka lamang mamahalin ng ibang tao, makakamit mo rin ang mga pagpapala ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao
Para isagawa ang pagiging matapat na tao, kailangan mo munang matutunang buksan ang puso mo sa Diyos at magsabi ng mga taos-pusong salita sa Kanya sa panalangin araw-araw. Halimbawa, kung nagsinungaling ka ngayon na hindi napansin ng ibang tao, pero wala kang lakas ng loob na ipagtapat ito sa lahat, kahit papaano, dapat mong dalhin sa harap ng Diyos ang mga kamaliang nasuri at natuklasan mo at ang mga kasinungalingang nasabi mo para mapagnilayan, at sabihin na: “O Diyos, muli akong nagsinungaling para protektahan ang sarili kong mga interes, at nagkamali ako. Pakiusap, disiplinahin Mo ako kung muli akong magsinungaling.” Nalulugod ang Diyos sa ganitong saloobin at tatandaan Niya ito. Maaaring mangangailangan ng matinding pagsisikap para malutas mo ang tiwaling disposisyong ito ng pagsasabi ng mga kasinungalingan, pero huwag kang mag-alala, nasa tabi mo ang Diyos. Gagabayan ka Niya at tutulungan kang malampasan ang paulit-ulit na paghihirap na ito, binibigyan ka ng tapang na magbago mula sa hindi pag-amin ng iyong mga kasinungalingan tungo sa pag-amin ng iyong mga kasinungalingan at pagkakaroon ng kakayahan na lantarang ihayag ang iyong sarili. Bukod sa aaminin mo ang iyong mga kasinungalingan, magagawa mo ring ihayag kung bakit ka nagsisinungaling, at ang intensiyon at mga motibo sa likod ng iyong mga kasinungalingan. Kapag nagkaroon ka ng tapang na lampasan ang hadlang na ito, na kumawala sa kulungan at kontrol ni Satanas, at patuloy na umabot sa punto kung saan hindi ka na magsisinungaling, unti-unti ka nang mamumuhay sa liwanag, sa ilalim ng paggabay at pagpapala ng Diyos. Kapag nalampasan mo ang hadlang ng mga pagpigil ng laman, at kaya mong magpasakop sa katotohanan, lantarang ibunyag ang iyong sarili, at hayagang ideklara ang iyong paninindigan, at wala kang mga pag-aalinlangan, ikaw ay may kasarinlan at magiging malaya. Kapag namumuhay ka nang ganito, hindi ka lamang magugustuhan ng mga tao, malulugod din ang Diyos. Bagamat nakakagawa ka pa rin ng mga kamalian at nakakapagsabi ng mga kasinungalingan, at paminsan-minsan ay may mga personal ka pa ring mga intensiyon, mga lihim na motibo, o mga makasarili at kasuklam-suklam na pag-uugali at kaisipan, matatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maibubunyag ang iyong mga intensiyon, aktuwal na kalagayan, at mga tiwaling disposisyon sa harap Niya at maghahanap sa katotohanan mula sa Kanya. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan, magkakaroon ka ng landas ng pagsasagawa. Kapag tama ang landas mo ng pagsasagawa, at kumikilos ka sa tamang direksiyon, magiging maganda at maliwanag ang kinabukasan mo. Sa paraang ito, mamumuhay ka nang panatag ang puso mo, matutustusan ang espiritu mo, at makakaramdam ka ng kasiyahan at katuparan. Kung hindi ka makalaya sa mga pagpigil ng laman, kung palagi kang napipigilan ng mga damdamin, mga pansariling interes, at mga satanikong pilosopiya, nagsasalita at kumikilos sa malihim na paraan, at palagi kang nagtatago sa mga anino, kung gayon namumuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Gayumpaman, kung nauunawaan mo ang katotohanan, nakakalaya ka sa mga pagpigil ng laman, at nagsasagawa ka sa katotohanan, unti-unti kang magtataglay ng wangis ng tao. Magiging prangka at diretso ka sa mga salita at gawa mo, at magagawa mong ihayag ang iyong mga opinyon, ideya, at ang mga kamaliang nagawa mo, tinutulutan ang lahat ng tao na makita nang malinaw ang mga ito. Sa huli, makikilala ka ng mga tao bilang isang bukas na tao. Ano ang isang bukas na tao? Ito ay isang taong nagsasalita nang may lubos na katapatan, pinaniniwalaan ng lahat ng tao na ang mga salita niya ay tototo. Kahit na di-sinasadyang nagsisinungaling o nagsasabi sila ng maling bagay, kaya silang patawarin ng mga tao, dahil alam nilang hindi ito sinasadya. Kung napagtatanto nila na nagsinungaling sila o nakapagsabi ng mali, humihingi sila ng tawad at itinatama nila ang kanilang sarili. Ito ay isang bukas na tao. Ang ganitong tao ay nagugustuhan at pinagkakatiwalaan ng lahat. Kailangan mong umabot sa antas na ito para makamit ang tiwala ng Diyos at tiwala ng iba. Hindi ito simpleng gampanin—ito ang pinakamataas na antas ng dignidad na maaaring taglayin ng isang tao. Ang ganitong tao ay may respeto sa sarili. Kung hindi mo makamit ang tiwala ng ibang tao, paano ka aasang makukuha mo ang tiwala ng Diyos? May mga indibidwal na namumuhay nang hindi marangal, palagi silang nag-iimbento ng mga kasinungalingan at inaasikaso nila ang mga gampanin sa pabasta-bastang paraan. Wala silang ni katiting na pagpapahalaga sa responsabilidad, tinatanggihan nila ang pagpupungos, lagi silang gumagamit ng mga nakalilinlang na katwiran at hindi sila gusto ng lahat ng taong nakakasalamuha nila. Namumuhay sila nang walang anumang pakiramdam ng hiya. Maituturing ba talaga silang mga tao? Ganap nang nawala ang pagkatao ng mga taong itinuturing ng iba na nakakainis at hindi maaasahan. Kung hindi maibigay ng ibang tao ang tiwala nila sa mga ganitong tao, mapagkakatiwalaan ba sila ng Diyos? Kung nagkikimkim ng pagkainis sa kanila ang ibang tao, magugustuhan ba sila ng Diyos? Hindi gusto ng Diyos ang mga ganitong tao, kinasusuklaman Niya sila, at hindi maiiwasang matitiwalag sila. Bilang tao, ang isang tao ay dapat maging matapat at tumupad sa mga pangako niya. Paggampan man ng mga gawa para sa iba o para sa Diyos, dapat tuparin ng tao ang sinabi niya. Kapag nakuha na niya ang tiwala ng mga tao at kaya na niyang mapalugod at mapanatag ang Diyos, sila ay maituturing nang matapat na tao. Kung ikaw ay mapagkakatiwalaan sa mga kilos mo, hindi ka lang magugustuhan ng iba, kundi tiyak na magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa pagiging matapat na indibidwal, mapapalugod mo ang Diyos at makapamumuhay ka nang may dignidad. Samakatwid, ang katapatan ang dapat na pinagmumulan ng asal ng isang tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao
Kadalasan ay mayroong mga hangarin sa likod ng mga kasinungalingan ng mga tao, ngunit mayroong ilang kasinungalingang walang anumang nakatagong hangarin, hindi rin sadyang ipinlano ang mga iyon. Sa halip, likas lang na lumalabas ang mga iyon. Ang gayong mga kasinungalingan ay madaling lutasin; ang mga kasinungalingang may nakatagong hangarin ang mahirap lutasin. Ito ay dahil nagmumula ang mga hangaring ito sa kalikasan ng isang tao at kumakatawan ang mga ito sa pandaraya ni Satanas, at ang mga ito ay mga hangaring sadyang pinipili ng mga tao. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, hindi niya magagawang maghimagsik laban sa laman—kaya dapat siyang manalangin sa Diyos at umasa sa Kanya, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang isyu. Pero ang pagsisinungaling ay hindi ganap na nalulutas lahat nang agad-agad. Magkakaroon ng paminsan-minsang pagbalik sa dati, maging ng marami pa ngang pagbalik sa dati. Normal na sitwasyon ito, at basta’t nilulutas mo ang bawat kasinungalingang sinasabi mo, at ipinagpapatuloy ito, darating ang araw na malulutas mo ang lahat ng mga ito. Ang paglutas sa pagsisinungaling ay isang pangmatagalang labanan: Kapag lumabas ang isang kasinungalingan, pagnilayan mo ang iyong sarili, at pagkatapos ay manalangin ka sa Diyos. Kapag may isa pang lumabas, pagnilayan mo ang iyong sarili at manalangin ka muli sa Diyos. Kapag mas nananalangin ka sa Diyos, mas lalo mong kapopootan ang iyong tiwaling disposisyon, at mas lalo kang mananabik na isagawa ang katotohanan at isabuhay ito. Sa gayon, magkakaroon ka ng lakas na talikuran ang mga kasinungalingan. Pagkatapos ng isang panahon ng gayong karanasan at pagsasagawa, makikita mo na nabawasan na ang mga kasinungalingan mo, na namumuhay ka na nang mas mapayapa, at na hindi mo na kailangang magsinungaling o pagtakpan pa ang iyong mga kasinungalingan. Bagamat maaaring hindi ka gaanong magsasalita araw-araw, ang bawat pangungusap ay magmumula sa puso at magiging taos, nang may napakakaunting kasinungalingan. Ano kaya ang pakiramdam ng mamuhay nang ganoon? Hindi ba’t magiging maluwag at magaan ito sa pakiramdam? Hindi ka pipigilan ng iyong tiwaling disposisyon at hindi ka matatali rito, at kahit papaano ay magsisimula ka nang makakita ng mga resulta ng pagiging isang matapat na tao. Siyempre, kapag nahaharap ka sa espesyal na mga pangyayari, maaaring sadya kang magsinungaling nang kaunti. Maaaring magkaroon ng mga pagkakataong mahaharap ka sa panganib o sa kung anong problema, o nanaisin mong mapanatili ang iyong kaligtasan, sa gayong mga pagkakataon ay hindi maiiwasan ang pagsisinungaling. Gayunman, kailangan mo itong pagnilayan, maunawaan at lutasin mo ang problema. Dapat kang manalangin sa Diyos at sabihin na: “Mayroon pa ring mga kasinungalingan at panlalansi sa aking kalooban. Nawa’y iligtas ako ng Diyos mula sa aking tiwaling disposisyon ngayon at magpakailanman.” Kapag sadyang gumagamit ng karunungan ang isang tao, hindi ito maituturing na paghahayag ng katiwalian. Ito ang dapat maranasan para maging isang matapat na tao. Sa ganitong paraan, paunti-unti, mababawasan nang husto ang iyong mga kasinungalingan. Ngayon ay magsasabi ka ng sampung kasinungalingan, bukas ay maaari kang magsabi ng siyam, sa makalawa ay magsasabi ka ng walo. Kalaunan, magsasabi ka na lang ng dalawa o tatlo. Mas lalo kang magsasabi ng katotohanan, at ang pagssagawa mo ng pagiging matapat na tao ay higit na mapalalapit sa mga layunin ng Diyos, sa Kanyang mga hinihingi, at sa Kanyang mga pamantayan—at napakaganda niyon! Para masanay sa pagiging matapat, dapat magkaroon ka ng isang landas, at dapat magkaroon ka ng isang pakay. Una, lutasin mo ang problema ng pagsisinungaling. Kailangan mong malaman ang diwa sa likod ng pagsasabi mo ng mga kasinungalingang ito. Kailangan mo ring suriin kung ano ang mga hangarin at motibong nag-uudyok sa iyo na sabihin ang mga kasinungalingang ito, kung bakit taglay mo ang gayong mga hangarin, at kung ano ang diwa ng mga iyon. Kapag nalinaw mo na ang lahat ng isyung ito, lubusan mo nang maiintindihan ang problema sa pagsisinungaling, at kapag may nangyari sa iyo, magkakaroon ka ng mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kung magpapatuloy ka nang may gayong pagsasagawa at karanasan, tiyak na makakikita ka ng mga resulta. Balang araw ay sasabihin mong: “Madaling maging matapat. Nakakapagod masyado ang pagiging mapanlinlang! Ayaw ko nang maging mapanlinlang na tao, na laging kailangang isipin kung ano ang mga kasinungalingang sasabihin at kung paano pagtatakpan ang aking mga kasinungalingan. Tulad ito ng pagiging isang taong may sakit sa pag-iisip, may mga kontradiksyon ang sinasabi—isang taong hindi karapat-dapat na tawaging ‘tao’! Nakapapagod ang ganoong uri ng buhay, at ayaw ko nang mabuhay nang ganoon!” Sa pagkakataong ito, magkakaroon ka ng pag-asang maging tunay na matapat, at mapatutunayan nito na nagsimula ka nang umusad tungo sa pagiging matapat na tao. Pambihirang tagumpay ito. Siyempre pa, maaaring may ilan sa inyo na, kapag nagsimula kayong magsagawa, ay mapapahiya pagkatapos magsalita ng matatapat na salita at maglantad ng inyong sarili. Mamumula ang inyong mukha, mahihiya kayo, at matatakot kayong mapagtawanan ng iba. Ano ang dapat ninyong gawin, kung gayon? Kailangan pa rin ninyong manalangin sa Diyos at hilingin na bigyan Niya kayo ng lakas. Sabihin mo na: “O Diyos, gusto ko pong maging isang matapat na tao, ngunit natatakot po akong pagtawanan ako ng mga tao kapag sinabi ko ang totoo. Hinihiling ko po na iligtas Mo ako mula sa gapos ng aking satanikong disposisyon; hayaan Mo po akong mamuhay sa Iyong mga salita, at mapalaya.” Kapag nagdasal ka nang ganito, magkakaroon ng higit na liwanag sa puso mo, at sasabihin mo sa sarili mo: “Mabuting isagawa ito. Ngayon, naisagawa ko na ang katotohanan. Sa wakas, naging isang matapat na tao rin ako.” Habang nagdarasal ka nang ganito, bibigyang liwanag ka ng Diyos. Gagaawa ang Diyos sa puso mo, at aantigin ka Niya, tinutulutan kang pahalagahan kung ano ang pakiramdam ng maging isang tunay na tao. Ganito dapat isagawa ang katotohanan. Sa pinakasimula ay wala kang landas, ngunit sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan ay makahahanap ka ng landas. Kapag nagsisimulang hangarin ng mga tao ang katotohanan, hindi masasabing talagang may pananampalataya sila. Mahirap para sa mga tao ang hindi magkaroon ng landas, pero kapag naunawaan na nila ang katotohanan at nagkaroon na sila ng landas ng pagsasagawa, nasisiyahan dito ang kanilang mga puso. Kung nagagawa nilang isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo, makasusumpong ng kaginhawahan ang kanilang puso, at magtatamo sila ng kalayaan at pagpapalaya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat
Sa huli, ang pinakasimpleng paraan ng pagsasanay na maging isang tapat na tao ay ang simpleng pagpapahayag ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, magsalita nang tapat, at magsalita ayon sa mga katunayan. Gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus, “Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’” (Mateo 5:37). Ang pagiging isang tapat na tao ay nangangailangan ng pagsasagawa ayon sa prinsipyong ito—pagkatapos ng pagsasanay nito sa loob ng ilang taon, tiyak na makikita mo ang mga resulta. Paano kayo magsasanay ngayon ng pagiging isang tapat na tao? (Hindi ko hinahaluan ang aking sinasabi, at hindi ako nanlilinlang ng iba.) Ano ang ibig sabihin ng “hindi panghahalo”? Nangangahulugan ito na ang mga salitang sinasabi mo ay hindi nagtataglay ng mga kasinungalingan o anumang mga pansariling layunin o motibo. Kung nagkikimkim ka ng pandaraya o mga personal na layunin at motibo sa iyong puso, likas na bubuhos ang mga kasinungalingang ito mula sa iyo. Kung wala kang pandaraya o mga pansariling layunin o motibo sa iyong puso, magiging puro ang mga sinasabi mo at hindi magtataglay ng mga kasinungalingan—sa ganitong paraan, ang iyong pakikipag-usap ay magiging: “Oo, oo; Hindi, hindi.” Ang pinakamahalagang bagay ay ang dalisayin muna ang puso ng isang tao. Kapag nadalisay na ang puso ng isang tao, ang pagmamataas at pagiging mapanlinlang ng isang tao ay malulutas. Upang maging isang tapat na tao, dapat lutasin ang mga panghahalo na ito. Kapag nagawa ito, magiging madaling maging isang tapat na tao. Ang pagiging isang tapat ba na tao ay kumplikado? Hindi, hindi ito kumplikado. Anuman ang kalagayan mo sa loob o anumang mga tiwaling disposisyon ang mayroon ka, dapat mong isagawa ang katotohanan ng pagiging tapat na tao. Kailangan mo munang lutasin ang problema ng pagsasabi ng kasinungalingan—ito ang pinakamahalaga. Una, sa pagsasalita, dapat kang magsanay sa pagsasabi ng kung ano ang nasa isipan mo, pagsasabi ng totoo, ng walang halo, at umiwas sa ganap na pagsisinungaling; ni hindi ka dapat magsabi ng mga salitang may halo, at dapat mong tiyakin na ang lahat ng sinasabi mo sa maghapon ay totoo at tapat. Sa paggawa nito, isinasagawa mo ang katotohanan at isinasakatuparan ang pagiging isang tapat na tao. Kung mapansin mo na ang mga kasinungalingan o may mga halong salita ay bumubuhos sa iyo, pagnilayan mo agad ang iyong sarili, at himayin at magkaroon ng kamalayan sa mga dahilan kung bakit ka nagsisinungaling at kung ano ang nagtutulak sa iyo na magsinungaling. Pagkatapos, batay sa mga salita ng Diyos, himayin ang pangunahin at mahalagang problemang ito. Sa sandaling maging malinaw sa iyo ang ugat ng mga kasinungalingan mo, magagawa mong labanan ang satanikong disposisyong ito sa pananalita at mga pagkilos mo. Hindi ka na magsisinungaling kapag nahaharap sa mga parehong sitwasyon, at makapagsasalita ka na ayon sa mga katunayan at hindi na maglalabas ng mga mapanlinlang na pananalita. Sa ganitong paraan, ang iyong espiritu ay mapakakawalan at makalalaya at magagawa mong mabuhay sa harap ng Diyos. Kung kaya mong mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, nabubuhay ka sa liwanag. Gayunpaman, kung patuloy kang nasasangkot sa panlilinlang, nagbabalak at gumagawa ng pakana, palaging nagtatago tulad ng isang magnanakaw sa madidilim na sulok, at palihim na nagsasagawa ng mga gawain mo, kung gayon ay hindi ka mangangahas na mamuhay sa harap ng Diyos. Dahil mayroon kang lihim na mga motibo, palaging gustong linlangin ang iba upang makamit ang sarili mong mga layunin, at nagkikimkim ng napakaraming kahiya-hiya at ubod ng samang mga bagay sa puso mo, palagi mong sinusubukang itago at pagtakpan ang mga ito, binibihisan at itinatago ang mga ito sa balatkayo, ngunit hindi mo maitatago ang mga bagay na ito magpakailanman. Kalaunan, lalantad ang mga ito. Ang isang taong may lihim na mga motibo ay hindi magagawang mabuhay sa liwanag. Kung hindi niya isasagawa ang pagninilay-nilay sa sarili, paghihimay sa kanyang sarili at paglalantad ng kanyang sarili, hindi siya makakawala sa pagpigil at gapos ng kanyang mga tiwaling disposisyon. Mananatili siyang nakakulong sa isang buhay ng kasalanan, na hindi kayang palayain ang kanyang sarili. Sa huli, sa anumang sitwasyon, hindi ka dapat magsinungaling. Kung alam mo na mali ang pagsisinungaling at hindi naaayon sa katotohanan, ngunit ipinipilit mong magsinungaling at manlinlang ng iba, nag-iimbento pa para itago ang mga katunayan at ang realidad ng sitwasyon para iligaw ang mga tao, kung gayon ay sadya kang gumagawa ng maling gawain. Ang ganitong tao ay hindi magkakamit ng kaligtasan mula sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Paglutas sa Isang Tiwaling Disposisyon
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Paano Lulutasin ang Problema sa Pagsisinungaling at Pandaraya?
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Paano Ko Nalunasan ang Aking Pagsisinungaling
Ang Pasakit Ng Pagsisinungaling
Nilulutas ng Salita ang Lahat ng Kasinungalingan