13. Paano lutasin ang problema ng pagiging takot sa pagtitiis ng hirap at sa pag-ako ng responsabilidad sa tungkulin
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pananalangin, pagtanggap ng pasanin ng Diyos, at pagtanggap ng mga gawaing ipinagkakatiwala Niya sa iyo—lahat ng ito ay para mayroong landas sa iyong harapan. Kapag mas mabigat ang pasaning mayroon ka para sa atas ng Diyos, mas madali ka Niyang mapeperpekto. Ayaw makipagtulungan ng ilan sa iba sa paglilingkod sa Diyos, kahit natawag sila; tamad ang mga taong ito na nais lamang magsaya sa kaginhawahan. Kapag mas pinaglilingkod ka sa pakikipagtulungan sa iba, mas marami kang mararanasan. Dahil mas marami kang pasanin at karanasan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto. Samakatuwid, kung kaya mong paglingkuran nang tapat ang Diyos, isasaisip mo ang pasanin ng Diyos; dahil diyan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto ng Diyos. Ang gayong grupo lamang ng mga tao ang kasalukuyang pineperpekto. Kapag mas inaantig ka ng Banal na Espiritu, mas maraming panahon kang iuukol sa pagsasaisip sa pasanin ng Diyos, mas mapeperpekto ka ng Diyos, at mas makakamit ka Niya—hanggang, sa bandang huli, magiging isang tao ka na kinakasangkapan ng Diyos. Sa kasalukuyan, may ilan na walang dinadalang pasanin para sa iglesia. Ang mga taong ito ay maluwag at pabaya, at ang tanging pinahahalagahan nila ay ang sarili nilang laman. Ang gayong mga tao ay masyadong makasarili, at bulag din sila. Kung hindi malinaw sa iyo ang bagay na ito, hindi ka magdadala ng anumang pasanin. Kapag mas isinasaaang-alang mo ang mga layunin ng Diyos, mas mabigat ang pasaning ipagkakatiwala Niya sa iyo. Ang mga makasarili ay ayaw magtiis ng gayong mga bagay; ayaw nilang bayaran ang halaga, at, dahil dito, mawawalan sila ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos. Hindi ba nila sinasaktan ang kanilang sarili? Kung ikaw ay isang tao na isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, magkakaroon ka ng tunay na pasanin para sa iglesia. Sa katunayan, sa halip na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iglesia, mas mainam na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iyong sariling buhay, dahil ang layunin ng pasaning ito na binubuo mo para sa iglesia ay para magamit mo ang gayong mga karanasan upang maperpekto ka ng Diyos. Samakatuwid, sinuman ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin para sa iglesia, at sinuman ang nagdadala ng isang pasanin para sa buhay pagpasok—sila ang magiging mga taong pineperpekto ng Diyos. Malinaw na ba ito sa iyo? Kung ang iglesiang kinabibilangan mo ay nakakalat na parang buhangin, ngunit hindi ka nag-aalala ni nababahala, at nagbubulag-bulagan ka pa kapag hindi normal na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ang iyong mga kapatid, hindi ka nagdadala ng anumang mga pasanin. Ang gayong mga tao ay hindi ang klaseng kinatutuwaan ng Diyos. Ang klase ng mga taong kinatutuwaan ng Diyos ay nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran at isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Sa gayon, dapat ninyong isaisip ang pasanin ng Diyos, ngayon mismo; hindi ninyo dapat hintaying ihayag ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa buong sangkatauhan bago ninyo isaisip ang pasanin ng Diyos. Hindi ba magiging huli na ang lahat sa oras na iyon? Ngayon ang magandang pagkakataon upang maperpekto ng Diyos. Kung hahayaan mong makalagpas ang pagkakataong ito, pagsisisihan mo iyon habambuhay, gaya noong hindi nagawang pumasok ni Moises sa magandang lupain ng Canaan at pinagsisihan niya ito habambuhay, at namatay nang may taos na pagsisisi. Kapag naihayag na ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa lahat ng bayan, mapupuspos ka ng pagsisisi. Kahit hindi ka kastiguhin ng Diyos, kakastiguhin mo ang iyong sarili dahil sa sarili mong taos na pagsisisi. Hindi kumbinsido rito ang ilan, ngunit kung hindi ka naniniwala rito, maghintay ka lang at makikita mo. May ilang tao na ang tanging layunin ay tuparin ang mga salitang ito. Handa ka bang isakripisyo ang sarili mo para sa mga salitang ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto
Natatakot ang ilang tao na magpasan ng responsabilidad habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kung binibigyan sila ng iglesia ng isang trabahong gagawin, iisipin muna nila kung hinihingi ng trabaho na magpasan sila ng responsabilidad, at kung oo, hindi nila tatanggapin ang trabaho. Ang mga kondisyon nila sa pagganap ng isang tungkulin ay, una, na ito ay dapat na isang maluwag na trabaho; pangalawa, na hindi ito matrabaho o nakapapagod; at pangatlo, na kahit anong gawin nila, wala silang papasaning anumang responsabilidad. Ito lang ang uri ng tungkuling tinatanggap nila. Anong uri ng tao ito? Hindi ba ito isang hindi mapagkakatiwalaang, mapanlinlang na tao? Ayaw nilang pasanin kahit ang pinakamaliit na responsabilidad. Kinatatakutan pa nga nila na mababasag ng mga dahon ang kanilang bungo kapag nahulog ang mga ito mula sa mga puno. Anong tungkulin ang magagampanan ng taong tulad nito? Ano ang pakinabang nila sa sambahayan ng Diyos? Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay may kinalaman sa gawain ng pakikipaglaban kay Satanas, gayundin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Anong tungkulin ang walang mga kaakibat na responsabilidad? Masasabi ba ninyong may kaakibat na responsabilidad ang pagiging lider? Hindi ba’t mas mabigat ang kanilang mga responsabilidad, at hindi ba’t mas lalo silang dapat na magpasan ng responsabilidad? Nagpapalaganap ka man ng ebanghelyo, nagpapatotoo, gumagawa ng mga bidyo, at iba pa—anuman ang iyong trabaho—hangga’t nauukol ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo, may mga kaakibat itong responsabilidad. Kung walang prinsipyo ang pagganap mo ng iyong tungkulin, makakaapekto ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at kung natatakot kang magpasan ng responsabilidad, hindi mo magagampanan ang anumang tungkulin. Duwag ba ang isang taong natatakot na umako ng responsabilidad sa pagganap ng kanyang tungkulin, o may problema sa kanilang disposisyon? Dapat ay masasabi mo ang pagkakaiba. Ang katunayan ay hindi ito isyu ng karuwagan. Kung kayamanan ang habol ng taong iyon, o gumagawa siya ng isang bagay para sa kanyang sariling interes, paanong siya ay napakatapang? Tatanggapin nila ang anumang panganib. Subalit kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay para sa iglesia, para sa sambahayan ng Diyos, wala silang tinatanggap na anumang panganib. Ang gayong mga tao ay makasarili at ubod ng sama, ang pinakataksil sa lahat. Ang sinumang hindi umaako ng responsabilidad sa pagganap ng isang tungkulin ay walang ni katiting na pagiging totoo sa Diyos, lalong wala siyang katapatan. Anong uri ng tao ang nangangahas na umako ng responsabilidad? Anong uri ng tao ang may tapang na magbuhat ng mabigat na pasanin? Ang sinumang nangunguna at buong tapang na humaharap sa pinakamahalagang sandali sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na hindi natatakot na magpasan ng isang mabigat na responsabilidad at magtiis ng matinding paghihirap kapag nakita nila ang gawain na pinakaimportante at pinakamahalaga. Iyon ay isang taong tapat sa Diyos, isang mabuting sundalo ni Cristo. Ito ba ay ang kaso kung saan ang lahat ng natatakot na umako ng responsabilidad sa kanilang tungkulin ay ginagawa iyon dahil hindi sila nakauunawa sa katotohanan? Hindi; isa itong problema sa kanilang pagkatao. Wala silang pagpapahalaga sa katarungan o responsabilidad, sila ay mga taong makasarili at ubod ng sama, hindi tunay na mananampalataya ng Diyos, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Dahil dito, hindi sila maliligtas. Ang mga nananalig sa Diyos ay dapat magbayad ng malaking halaga para makamit ang katotohanan, at makahaharap sila ng maraming balakid sa pagsasagawa nito. Dapat nilang talikuran ang mga bagay-bagay, abandonahin ang kanilang mga makalamang interes, at tiisin ang ilang pagdurusa. Saka lang nila maisasagawa ang katotohanan. Kaya, maisasagawa ba ang katotohanan ng isang taong natatakot na umako sa responsabilidad? Tiyak na hindi niya maisasagawa ang katotohanan, lalong hindi ang makamit ito. Natatakot siyang magsagawa ng katotohanan, na makaranas ng kalugihan sa kanyang mga interes; natatakot siyang mapahiya, sa panghahamak, at sa panghuhusga, at hindi siya nangangahas na magsagawa ng katotohanan. Dahil dito, hindi niya ito makakamit, at gaano karaming taon man siyang nananalig sa Diyos, hindi nila makakamit ang Kanyang kaligtasan. Ang mga kayang gumanap ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay dapat na mga taong ang pasanin ay ang gawain ng iglesia, na umaako ng responsabilidad, na pinaninindigan ang mga katotohanang prinsipyo, at kayang magdusa at magbayad ng halaga. Kung ang isang tao ay nagkukulang sa mga larangang ito, hindi siya karapat-dapat na gumanap ng isang tungkulin, at hindi niya tinataglay ang mga kondisyon para sa pagganap ng tungkulin. Maraming tao ang natatakot na umako ng responsabilidad sa pagganap ng isang tungkulin. Naipamamalas ang kanilang takot sa tatlong pangunahing paraan. Ang una ay na pinipili nila ang mga tungkulin na hindi nangangailangang umako ng responsabilidad. Kung isinaayos ng isang lider ng iglesia na gumanap sila ng isang tungkulin, itatanong muna nila kung kailangan ba nilang akuin ang responsabilidad para dito: kung oo, hindi nila ito tinatanggap. Kung hindi nito hinihingi sa kanilang akuin ang responsabilidad at managot para dito, tinatanggap nila ito nang may pag-aatubili, subalit kailangan pa ring makita kung nakakapagod o nakakaabala ang trabaho, at sa kabila ng may pag-aatubili nilang pagtanggap sa tungkulin, wala silang motibasyong gampanan ito nang maayos, pinipili pa ring maging pabasta-basta. Ang paglilibang, kawalang trabaho, at kawalang paghihirap sa katawan—ito ang kanilang prinsipyo. Ang pangalawa ay na kapag nakararanas sila ng paghihirap o nakatatagpo ng isang problema, ang una nilang tugon ay ang iulat ito sa isang lider at hayaan ang lider na asikasuhin at lutasin ito, sa pag-asang mapananatili nila ang kanilang kaluwagan. Wala silang pakialam kung paano inaasikaso ng lider ang isyu at hindi nila ito iniisip—hangga’t hindi sila mismo ang responsable rito, lahat ay mabuti para sa kanila. Ang gayong pagganap ba ng tungkulin ay tapat sa Diyos? Tinatawag itong pagpapasa ng responsabilidad, pagpapabaya sa tungkulin, panlilinlang. Salita lang itong lahat; wala silang ginagawang anumang tunay. Sinasabi nila sa kanilang sarili, “Kung ang bagay na ito ay sa akin para ayusin, paano kung magkamali ako? Kapag tinitingnan nila kung sino ang dapat sisihin, hindi ba nila ako haharapin? Hindi ba’t ang responsabilidad para dito ay unang babagsak sa akin?” Ito ang inaalala nila. Subalit naniniwala ka bang sinisiyasat ng Diyos ang lahat? Ang lahat ay nagkakamali. Kung ang isang taong may tamang layunin ay kulang sa karanasan at hindi pa nakapag-asikaso ng ganitong uri ng usapin noon, pero ginawa niya ang kanyang makakaya, nakikita iyon ng Diyos. Dapat kang maniwala na kinikilatis ng Diyos ang lahat ng bagay at ang puso ng tao. Kung hindi man lang ito pinaniniwalaan ng isang tao, hindi ba’t isa siyang hindi mananampalataya? Anong kabuluhan ang mayroon sa pagganap ng gayong tao ng isang tungkulin? Hindi naman talaga mahalaga kung ginagampanan nila o hindi ang tungkuling ito, hindi ba? Natatakot silang umako ng responsabilidad at umiiwas sila sa responsabilidad. Kapag may nangyayari, ang una nilang ginagawa ay hindi ang mag-isip ng paraan para asikasuhin ang problema, sa halip ang unang ginagawa nila ay tumawag at abisuhan ang lider. Siyempre, may ilang taong sinusubukang asikasuhin ang problema sa sarili nila habang inaabisuhan nila ang lider, subalit hindi ito ginagawa ng ibang tao, at ang unang ginagawa nila ay ang tawagin ang lider, at pagkatapos ng tawag, pasibo lang silang naghihintay, naghihintay ng mga tagubilin. Kapag inutusan sila ng lider na gumawa ng isang hakbang, gumagawa sila ng isang hakbang; kung sinabi ng lider na gumawa ng isang bagay, ginagawa nila ito. Kung walang sinasabi o hindi nagbibigay ng tagubilin ang lider, wala silang ginagawa at nagpapaliban lang. Kung walang sinumang nag-uudyok sa kanila o nangangasiwa sa kanila, wala silang ginagawang anumang gawain. Sabihin mo sa Akin, ang gayong tao ba ay gumagawa ng isang tungkulin? Kahit pa nagtatrabaho sila, wala silang katapatan! May isa pang paraan kung paano naipamamalas ng isang tao ang takot na umako sa responsabilidad sa pagganap ng isang tungkulin. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, may ilang taong gumagawa lang ng kaunting mababaw, simpleng gawain, gawaing hindi nangangailangan ng pag-ako sa responsabilidad. Ibinabato nila sa iba ang trabahong may mga kaakibat na paghihirap at pag-ako ng responsabilidad, at kung sakaling may mangyayaring mali, isinisisi nila ito sa mga taong iyon at lumalayo sila sa gulo. Kapag nakikita ng mga lider ng iglesia na iresponsable sila, matiyaga ang mga itong nag-aalok ng tulong, o pinupungusan sila, para magawa nilang umako ng responsabilidad. Subalit ayaw pa rin nila, at iniisip nila, “Mahirap gawin ang tungkuling ito. Kailangan kong managot kapag nagkamali, at maaari pa nga akong mapaalis at matiwalag, at iyon na ang magiging katapusan ko.” Anong klaseng saloobin ito? Kung wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad sa pagganap ng kanilang tungkulin, paano nila magagampanan ang tungkulin nila nang maayos? Ang mga hindi tunay na ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos ay hindi makakayang gampanan nang mabuti ang anumang tungkulin, at iyong mga natatakot na umako ng responsabilidad ay mag-aantala lang sa mga bagay-bagay kapag ginampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Ang gayong mga tao ay hindi mapagkakatiwalaan o maaasahan; ginagampanan lang nila ang kanilang tungkulin para may makain. Dapat bang itiwalag ang mga “pulubi” na tulad nito? Dapat. Hindi gusto ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Ito ang tatlong pagpapamalas ng mga taong natatakot na umako ng responsabilidad sa pagganap ng kanilang tungkulin. Ang mga taong natatakot na pasanin ang responsabilidad sa kanilang tungkulin ay ni hindi makakayang abutin man lang ang antas ng isang tapat na trabahador, at hindi karapat-dapat na gumanap ng isang tungkulin. Itinitiwalag ang ilang tao dahil sa ganitong uri ng saloobin sa kanilang tungkulin. Kahit ngayon, maaaring hindi nila alam ang dahilan at nagrereklamo pa rin sila, nagsasabing, “Ginawa ko ang aking tungkulin nang buong sigasig, kaya’t bakit walang awa nila akong pinalayas?” Kahit ngayon, hindi nila nauunawaan. Ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay gumugugol ng kanilang buong buhay nang hindi nauunawaan kung bakit sila itiniwalag. Nagdadahilan sila para sa kanilang sarili, at patuloy na ipinagtatanggol ang kanilang sarili, iniisip, “Likas para sa mga tao na protektahan ang kanilang sarili, at dapat nila itong gawin. Sino ba ang hindi dapat nag-iingat sa kanilang sarili nang kaunti? Sino ba ang hindi dapat na nag-iisip para sa kanilang sarili nang kaunti? Sino ang hindi nangangailangang magpanatiling bukas ng isang ruta ng pagtakas para sa kanilang sarili?” Kung pinoprotektahan mo ang iyong sarili sa tuwing may mangyayari sa iyo at nag-iiwan ka para sa iyong sarili ng isang ruta ng pagtakas, isang madayang pamamaraan, isinasagawa mo ba ang katotohanan? Hindi ito pagsasagawa ng katotohanan—pagiging mapanlinlang ito. Gumaganap ka ngayon ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Ano ang unang prinsipyo sa pagtupad ng isang tungkulin? Ito ay na kailangan mo munang gampanan ang tungkuling iyon nang buong puso, lubos na pagsikapan, at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ay isang katotohanang prinsipyo, isa na dapat mong isagawa. Ang pagprotekta sa sarili sa pamamagitan ng pag-iiwan para sa sarili ng isang ruta ng pagtakas, isang madayang pamamaraan, ay ang prinsipyo ng pagsasagawa na sinusunod ng mga walang mananampalataya, at ang pinakamataas nilang pilosopiya. Ang pagsasaalang-alang sa sarili muna sa lahat ng bagay at ang paglalagay sa sariling interes bago ang lahat, hindi iniisip ang iba, hindi nagkakaroon ng kaugnayan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at mga interes ng iba, iniisip muna ang mga sariling interes at pagkatapos ay nag-iisip ng isang ruta sa pagtakas—hindi ba’t iyon ay kung ano ang isang walang pananampalataya? Ito eksakto ang isang walang pananampalataya. Ang ganitong uri ng tao ay hindi karapat-dapat na gumanap ng isang tungkulin.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)
Pinagpares ang dalawang tao para gumanap ng tungkulin. Pareho silang takot na kunin ang responsabilidad para rito, kaya naging tagisan ito ng talino. Sinasabi ng isa, “Ikaw na ang umayos nito.” Sinasabi ng isa pa, “Mas mabuti kung ikaw ang haharap dito. Masahol ang kakayahan ko kumpara sa iyo.” Ang iniisip talaga nila ay: “Walang magiging gantimpala sa maayos na paggawa ng bagay na ito, at kung hindi maayos ang paggawa nito, pupungusan ako. Hindi ako pupunta—hindi ako ganyan kamangmang! Alam ko kung ano ang balak mo. Tigilan mo na ang panghihikayat sa aking pumunta.” Ano ang kahihinatnan ng palitan nila? Wala sa kanila ang pupunta, at naaantala ang gawain bilang resulta. Hindi ba’t imoral iyan? (Oo.) Hindi ba’t seryoso ang kahihinatnan ng pag-antala ng gawain? Masama ang resultang ito. Kaya, ano ang ipinapamuhay ng dalawang ito? Pareho silang namumuhay sa mga satanikong pilosopiya; pinipilit sila at ginagapos ng mga satanikong pilosopiya at ng sarili nilang panlilinlang. Nabigo silang isagawa ang katotohanan, at dahil diyan, hindi umabot sa pamantayan ang pagganap nila ng kanilang tungkulin. Walang ingat at pabasta-basta ito, at wala talagang anumang patotoo rito. Sabihin nating pinagpares ang dalawang tao para gumanap ng tungkulin. Isa sa kanila ay sumusubok na kunin ang dominanteng posisyon sa lahat ng bagay at palagi niyang gustong siya ang may huling salita, at maaaring isipin ng isa, “Siya ang matatag; gusto niyang mamuno. Puwede siyang mamuno sa lahat ng bagay, at kapag may nangyaring mali, siya ang pupungusan. ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril’! Hindi ako lalabas. Nagkataon lang na mahina ang kakayahan ko, at hindi ko gustong magambala ng mga bagay na ito. Gustung-gusto niyang mamuno, hindi ba? Kung may gagawing isang bagay, ipapaubaya ko ito sa kanya!” Ang taong magsasabi ng mga ganitong bagay ay natutuwang maging mapagpalugod ng mga tao, isang tagasunod. Ano ang palagay ninyo sa paraan niya ng pagganap ng tungkulin? Ano ang ipinapamuhay niya? (Ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo.) May iniisip din siyang iba. “Hindi ba siya magagalit sa akin kung kukunin ko ang papuring inaasahan niya? Hindi ba’t magkakaroon ng hindi pagkakaunawaan sa aming dalawa sa pagpapatuloy? Kung makakaapekto ito sa aming relasyon, mahihirapan kaming magkasundo. Mas mabuti pa kung hahayaan ko siya sa gusto niya.” Hindi ba’t ito ay pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo? Ang paraan ng pamumuhay nila ay nagliligtas sa kanila sa gulo. Binibigyan sila nito ng kakayahang umiwas sa pagkuha ng responsabilidad. Susunod lang sila sa anumang ipagawa sa kanila, nang hindi kailangang mamuno o lumabas, at nang hindi kailangang mag-isip ng tungkol sa anumang problema. Ang lahat ay gagawin ng ibang tao para sa kanila, kaya hindi nila kailangang pagurin ang sarili nila. Ang kagustuhan nilang maging tagasunod ay nagpapatunay na wala silang diwa ng responsabilidad. Nabubuhay sila sa mga pilosopiya ng mga makamundong pakikitungo. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan o pinapanghawakan ang mga prinsipyo. Iyan ay hindi maayos na kooperasyon—ito ay pagiging tagasunod, isang mapagpalugod ng mga tao. Bakit hindi iyan kooperasyon? Dahil hindi sila tumutupad sa responsabilidad nila sa anumang bagay. Hindi sila kumikilos nang buong puso at isipan nila, at maaaring hindi rin sila kumikilos nang buong lakas nila. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na nabubuhay sila sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, sa halip na sa katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ba Talaga ang Inaasahan ng mga Tao Para Mabuhay?
Kung pakiramdam mo ay kaya mong gampanan ang isang partikular na tungkulin, ngunit takot ka ring magkamali at matiwalag, kaya naman ikaw ay kimi, hindi umuusad, at hindi umuunlad, isa ba iyang mapagpasakop na saloobin? Halimbawa, kung hinirang ka ng iyong mga kapatid na maging lider nila, maaari mong madama na obligado kang gampanan ang tungkuling ito dahil ikaw ang hinirang, ngunit hindi mo tinitingnan ang tungkuling ito nang may maagap na saloobin. Bakit hindi ka maagap? Dahil may mga iniisip ka tungkol dito, at pakiramdam mo ay, “Ni hindi man lang magandang bagay ang maging isang lider. Para bang kaunting galaw mo lang ay maaari kang malagay sa alanganin. Kung magiging mahusay ang paggawa ko, wala namang gantimpala, ngunit kung hindi maganda ang trabaho ko, pupungusan ako. At ang mapungusan ay hindi pa ang pinakamalala. Paano kung palitan ako o itiwalag? Kung mangyayari iyon, hindi ba’t katapusan na ng lahat para sa akin?” Sa puntong iyon, nagsisimula kang malito. Ano ang saloobing ito? Ito ay pagiging mapagbantay at maling pagkaunawa. Hindi ito ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa kanilang tungkulin. Ito ay isang demoralisado at negatibong saloobin. Kung gayon, paano ba dapat ang isang positibong saloobin? (Dapat tayong maging bukas-puso at tapat, at magkaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin.) Ito ay dapat na maging saloobin ng pagpapasakop at aktibong pakikipagtulungan. Ang inyong sinasabi ay medyo walang kabuluhan. Paano ka magiging bukas-puso at tapat kung natatakot ka nang ganito? At ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin? Anong mentalidad ang magbibigay sa iyo ng tapang na akuin ang mga pasanin? Kung palagi kang natatakot na may mangyayaring hindi maganda at hindi mo ito mapapangasiwaan, at marami kang pag-aatubili sa iyong kalooban, kung gayon ay pundamental kang mawawalan ng tapang na tanggapin ang mga pasanin. Ang “pagiging bukas-puso at tapat,” “pagkakaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin,” o “hindi pag-atras kailanman kahit pa sa harap ng kamatayan” na sinasabi ninyo, ay tila katulad ng mga islogang isinisigaw ng galit na mga kabataan. Malulutas ba ng mga islogang ito ang mga praktikal na problema? Ang kinakailangan ngayon ay ang tamang saloobin. Para magkaroon ng tamang saloobin, dapat mong maunawaan ang aspektong ito ng katotohanan. Ito ang tanging paraan para malutas ang iyong mga suliranin sa iyong kalooban, at para matulutan kang maluwag na tanggapin ang atas na ito, ang tungkuling ito. Ito ang landas ng pagsasagawa, at ito lamang ang katotohanan. Kung gumagamit ka ng mga salitang tulad ng “pagiging bukas-puso at tapat” at “pagkakaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin” para tugunan ang takot na iyong nararamdaman, magiging epektibo ba ito? (Hindi.) Ipinahihiwatig nito na ang mga bagay na ito ay hindi ang katotohanan, o ang landas ng pagsasagawa. Maaari mong sabihin, “Ako ay bukas-puso at tapat, ako ay may tayog na hindi matitinag, walang ibang kaisipan o karumihan ang aking puso, at mayroon akong tapang na akuin ang mga pasanin.” Sa panlabas ay inaako mo ang iyong tungkulin, ngunit kalaunan, pagkatapos pag-isipan ito nang ilang sandali, nararamdaman mo pa ring hindi mo ito kayang akuin. Maaaring natatakot ka pa rin. Dagdag pa rito, maaari mong makita ang iba na pinupungos, at lalo kang matatakot, tulad ng isang nilatigong aso na takot sa sinturon. Mas mararamdaman mong masyadong mababa ang iyong tayog, at na ang tungkuling ito ay isang pagsubok na napakalaki at mahirap lagpasan, at sa huli ay hindi mo pa rin makakayang akuin ang pasaning ito. Ito ang dahilan kaya hindi nalulutas ng pagbigkas ng mga islogan ang mga praktikal na problema. Kaya paano mo aktuwal na malulutas ang problemang ito? Aktibo mo dapat na hanapin ang katotohanan at magkaroon ng isang nagpapasakop at nakikipagtulungan na saloobin. Ganap na malulutas niyon ang problema. Walang silbi ang pagkamahiyain, takot, at pag-aalala. Mayroon bang anumang kaugnayan sa pagitan ng kung mabubunyag ka at maititiwalag at sa pagiging isang lider? Kung hindi ka isang lider, mawawala ba ang iyong tiwaling disposisyon? Sa malao’t madali, kailangan mong lutasin ang problema ng iyong tiwaling disposisyon. Dagdag pa rito kung hindi ka isang lider, hindi ka magkakaroon ng mas marami pang oportunidad na magsagawa at magiging mabagal ang iyong pag-usad sa buhay, na may kakaunting pagkakataon para magawang perpekto. Bagaman medyo mas marami ang pagdurusa sa pagiging isang lider o manggagawa, nagdudulot din ito ng maraming pakinabang, at kung kaya mong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, maaari kang magawang perpekto. Napakalaking pagpapala niyon! Kaya dapat kang magpasakop at aktibong makipagtulungan. Ito ang iyong tungkulin at ang iyong responsabilidad. Anuman ang daan sa hinaharap, dapat kang magkaroon ng puso ng pagpapasakop. Ito dapat ang iyong saloobin sa pagtupad mo ng iyong tungkulin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?
Kung, bilang mga lider at manggagawa, binabalewala ninyo ang mga problemang lumilitaw sa pagganap ng mga tungkulin, at naghahanap pa kayo ng iba’t ibang dahilan at palusot para umiwas sa responsabilidad, at hindi ninyo nilulutas ang ilang problema na kaya ninyo namang lutasin, at hindi ninyo inuulat sa Itaas ang mga problemang hindi ninyo kayang lutasin, na para bang walang kinalaman ang mga ito sa inyo, hindi ba’t pagpapabaya ito sa tungkulin? Ang pagtrato ba sa gawain ng iglesia sa ganitong paraan ay pagiging mautak o pagiging hangal? (Ito ay pagiging hangal.) Hindi ba’t tuso ang mga gayong lider at manggagawa? Hindi ba’t wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad? Kapag nahaharap sila sa mga problema, binabalewala nila ang mga ito—hindi ba’t mga wala silang pakialam? Hindi ba’t mga tuso silang tao? Ang mga tusong tao ang pinakahangal sa lahat. Dapat isa kang taong matapat, dapat magkaroon ka ng pagpapahalaga sa responsabilidad kapag humaharap ka sa mga problema, at dapat mong subukan ang lahat ng paraan at hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga ito. Hinding-hindi ka dapat maging tuso. Kung ang iniisip mo lang ay ang pag-iwas sa responsabilidad at paghuhugas-kamay rito kapag lumilitaw ang mga problema, makokondena ka pa dahil sa ugaling ito sa gitna ng mga walang pananampalataya, bukod pa sa sambahayan ng Diyos! Ang pag-uugaling ito ay kinokondena at isinusumpa ng Diyos, at ito ay kinasusuklaman at tinatangihan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat, at nasusuklam Siya sa mga taong mapanlinlang at madaya. Kung isa kang tusong tao at kumikilos ka nang madaya, hindi ba’t mamumuhi ang Diyos sa iyo? Hahayaan ka lang ba ng sambahayan ng Diyos na makalusot? Sa malao’t madali, papapanagutin ka. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat at ayaw naman Niya sa mga taong tuso. Dapat malinaw itong maunawaan ng lahat, at huwag nang maguluhan at gumawa ng mga kahangalan. Ang panandaliang kamangmangan ay maaaring pangatwiranan, pero kung talagang hindi tinatanggap ng isang tao ang katotohanan, masyadong matigas ang ulo niya. Marunong humawak ng responsabilidad ang mga taong matapat. Hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan; iniingatan lamang nila ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Mayroon silang mababait at matatapat na puso na gaya ng mga mangkok ng malinaw na tubig kung saan makikita mo ang ilalim sa isang sulyap. Wala rin silang itinatago sa kanilang mga kilos. Ang isang taong mapanlinlang ay laging nandadaya, laging nagpapanggap, pinagtatakpan at ikinukubli ang mga bagay, at binabalot nang husto ang sarili nila. Walang makakilatis sa ganitong uri ng tao. Hindi makilatis ng mga tao ang kanilang mga saloobin, pero kaya ng Diyos na masiyasat ang mga bagay sa kaibuturan ng kanilang puso. Kapag nakikita ng Diyos na hindi sila matapat na tao, na tuso sila, na hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan, palagi Siyang nililinlang, at hindi kailanman ibinibigay ang puso nila sa Kanya—ayaw ng Diyos sa kanila, at kinasusuklaman at tatalikuran sila ng Diyos. Anong klase ng mga tao ang umuunlad sa gitna ng mga walang pananampalataya, at iyong matatamis ang dila at mabilis mag-isip? Malinaw ba ito sa inyo? Ano ang diwa nila? Masasabi na lahat sila ay napakahirap na makilatis, sobrang mapanlinlang at tuso nilang lahat, sila ang tunay na mga diyablo at Satanas. Maaari bang iligtas ng Diyos ang mga ganitong tao? Wala nang higit pang kinasusuklaman ang Diyos kundi ang mga diyablo—mga taong mapanlinlang at tuso—at hinding-hindi ililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Hinding-hindi kayo dapat maging ganitong uri ng tao. Iyong mga palaging nagmamasid at alerto kapag nagsasalita sila, na may kumpiyansa at magaling at gumaganap ng isang karakter para bumagay sa sitwasyon kapag pinapangasiwaan nila ang mga usapin—sinasabi Ko sa iyo, pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga gayong tao, hindi na maililigtas pa ang mga taong gaya nito. Tungkol sa lahat ng nabibilang sa kategorya ng mga mapanlinlang at tusong tao, kahit gaano pa kagandang pakinggan ang mga salita nila, lahat ng ito ay mapanlinlang, maladiyablong salita. Kapag mas magandang pakinggan ang kanilang mga salita, mas lalong mga diyablo at Satanas ang mga taong ito. Sila mismo ang klase ng mga tao na pinakakinasusuklaman ng Diyos. Talagang ito ay tama. Ano ang masasabi ninyo: Matatanggap ba ng mga taong mapanlinlang, madalas magsinungaling, at mahusay mambola, ang gawain ng Banal na Espiritu? Kaya ba nilang makamit ang pagbibigay-liwanag at pagtanglaw ng Banal na Espiritu? Hinding-hindi. Ano ang saloobin ng Diyos ukol sa mga taong mapanlinlang at tuso? Itinataboy Niya ang mga ito, isinasantabi Niya ang mga ito at hindi pinapansin, itinuturing Niya sila bilang kauri ng mga hayop. Sa paningin ng Diyos, ang gayong mga tao ay nakabihis lamang ng anyong tao at sa diwa, sila ay mga diyablo at Satanas, sila ay mga naglalakad na bangkay, at hinding-hindi sila ililigtas ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8
Ngayon, umiiral pa rin ang napakaraming problema sa marami sa mga gumaganap ng mga tungkulin. Ang ilang tao ay laging napakapasibo sa kanilang mga tungkulin, laging nakaupo at naghihintay at umaasa sa iba. Anong uri ng pag-uugali iyan? Pagiging iresponsable. Isinaayos ng sambahayan ng Diyos na gumawa ka ng isang tungkulin, ngunit ilang araw mo itong pinag-iisipan nang walang natatapos na anumang kongkretong gawain. Hindi ka nakikita sa trabaho, at hindi ka nahahanap ng mga tao kapag mayroon silang mga problemang kinakailangang lutasin. Hindi ka nagdadala ng pasanin para sa gawaing ito. Kung magtatanong ang isang lider tungkol sa gawain, ano ang sasabihin mo sa kanya? Hindi ka gumagawa ng anumang uri ng gawain ngayon. Alam na alam mo na responsabilidad mo ang gawaing ito, pero hindi mo ito ginagawa. Ano ba ang iniisip mo? Hindi ka ba gumagawa ng anumang gawain dahil wala kang kakayahan dito? O sakim ka lang sa kaginhawahan? Ano ang saloobing mayroon ka sa iyong tungkulin? Nagsasalita ka lang tungkol sa mga salita at doktrina at sinasabi mo lang ang mga bagay na masarap pakinggan, ngunit wala kang ginagawang aktuwal na gawain. Kung ayaw mong gampanan ang iyong tungkulin, dapat kang magbitiw. Huwag kang manatili sa iyong posisyon at walang anumang gawin doon. Hindi ba’t sa paggawa nito ay pinipinsala mo ang mga taong hinirang ng Diyos at ikinokompromiso ang gawain ng iglesia? Sa paraan ng iyong pagsasalita, tila nauunawaan mo ang lahat ng klase ng doktrina, pero kapag hiniling sa iyo na gampanan ang isang tungkulin, pabaya ka, at hindi matapat kahit kaunti. Iyan ba ay taos-pusong paggugol ng sarili para sa Diyos? Hindi ka sinsero pagdating sa Diyos, pero nagkukunwari kang may sinseridad. Kaya mo ba Siyang linlangin? Sa paraan ng iyong karaniwang pagsasalita, tila mayroong malaking pananalig; gusto mong maging haligi ng iglesia at maging sandigan nito. Ngunit kapag ginagampanan mo ang isang tungkulin, mas wala kang silbi kaysa sa isang palito ng posporo. Hindi ba’t ito ay lantarang panlilinlang sa Diyos? Alam mo ba kung ano ang mangyayari sa iyo sa pagtatangkang linlangin ang Diyos? Itataboy at ititiwalag ka Niya! Lahat ng tao ay nabubunyag sa pagganap sa kanilang mga tungkulin—italaga lang ang isang tao sa isang tungkulin, at hindi magtatagal ay mabubunyag kung siya ba ay isang matapat na tao o isang mapanlinlang na tao at kung siya ba ay nagmamahal sa katotohanan o hindi. Iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay kayang taos-pusong gampanan ang kanilang mga tungkulin at itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos; iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi itinataguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos ni bahagya, at iresponsable sila sa pagganap sa kanilang mga tungkulin. Agad itong malinaw sa mga taong may matalas na pang-unawa. Walang sinumang hindi maayos ang pagganap sa tungkulin ang nagmamahal sa katotohanan o isang matapat na tao; ang mga gayong tao ay lahat mabubunyag at matitiwalag. Para magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, dapat magkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad at pasanin ang mga tao. Sa paraang ito, tiyak na magagawa nang maayos ang gawain. Nakakabahala lang kapag may isang taong walang pagpapahalaga sa pasanin o responsabilidad, kapag kailangan siyang himukin na gawin ang lahat ng bagay, kapag palagi siyang pabasta-basta, at sinusubukan niyang ipasa ang sisi sa iba kapag lumilitaw ang mga problema, na humahantong sa pagkaantala ng kanyang pagpapasya. Kung gayon, magagawa pa rin kaya nang maayos ang gawain? Maaari kayang magbunga ng anumang resulta ang paggampan nila sa kanilang tungkulin? Ayaw nilang gawin ang alinmang gampanin na isinaayos para sa kanila, at kapag nakikita nila ang ibang tao na nangangailangan ng tulong sa gawain, hindi nila pinapansin ang mga ito. Gumagawa lang sila ng kaunting gawain kapag inutusan sila, kapag kinakailangan na talaga nilang kumilos, at wala silang magawa. Hindi ito paggampan sa tungkulin—ito ay may bayad na pagtatrabaho! Ang isang bayarang trabahador ay nagtatrabaho para sa isang amo, gumagawa ng isang araw na trabaho para sa isang araw na sahod, isang oras ng trabaho para sa isang oras na sahod; naghihintay siyang mabayaran. Natatakot siyang gumawa ng anumang trabahong hindi nakikita ng kanyang amo, natatakot siyang hindi mabayaran sa anumang ginagawa niya, nagtatrabaho lamang siya bilang pakitang-tao—na ang ibig sabihin ay wala siyang katapatan. Madalas, hindi kayo makasagot kapag tinanong kayo tungkol sa mga isyu sa gawain. Ang ilan sa inyo ay nasangkot sa gawain, subalit hindi ninyo kailanman tinanong kung kumusta ang gawain o pinag-isipan nang mabuti ang tungkol dito. Dahil sa inyong kakayahan at kaalaman, dapat may nalalaman ka kahit papaano, sapagkat kayong lahat ay naging kabahagi sa gawaing ito. Kaya bakit walang sinasabi ang karamihan sa mga tao? Posibleng hindi talaga ninyo alam ang sasabihin—na hindi ninyo alam kung maayos ba ang takbo ng mga bagay-bagay o hindi. May dalawang dahilan para dito: Una ay lubos kayong walang pakialam, at hindi kayo kailanman nagkaroon ng malasakit sa mga bagay na ito, at itinuring lamang ang mga ito bilang gawaing dapat tapusin. At ang isa pa ay iresponsable kayo at ayaw ninyong magmalasakit sa ganitong mga bagay. Kung tunay kang nagmalasakit, at talagang nakisangkot, magkakaroon ka ng pananaw at perspektiba sa lahat ng bagay. Ang kawalan ng perspektiba o pananaw ay kadalasang bunga ng kawalan ng pakialam at kawalang-bahala, at ng hindi pag-ako ng anumang responsabilidad. Hindi ka masigasig sa tungkuling ginagampanan mo, hindi ka humahawak ng anumang responsabilidad, hindi ka handang magbayad ng halaga o makisangkot. Hindi ka naglalaan ng kahit anong pagsusumikap, ni hindi ka handang gumugol ng mas maraming lakas; nais mo lamang maging tauhan, na walang ipinagkaiba sa kung paano nagtatrabaho ang isang walang pananampalataya para sa kanyang amo. Ang ganitong paggampan sa tungkulin ay hindi gusto ng Diyos at hindi ito nakalulugod sa Kanya. Hindi nito makakamit ang Kanyang pagsang-ayon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao
Ang lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan ay ginagampanan ang kanilang mga tungkulin nang taglay ang pag-iisip ng pagiging iresponsable. “Kung may mamumuno, susunod ako; saan man sila pumunta, pupunta ako. Gagawin ko ang anumang ipagagawa nila sa akin. Para naman sa pag-ako ng responsabilidad at alalahanin, o mas pag-aabala na gawin ang isang bagay, paggawa ng isang bagay nang buong puso at lakas ko—hindi ako interesado roon.” Ang mga taong ito ay ayaw magbayad ng halaga. Handa lamang silang pagurin ang sarili nila, hindi para umako ng responsabilidad. Hindi ito ang saloobin ng tunay na pagganap sa tungkulin ng isang tao. Ang isang tao ay dapat na matutong isapuso ang pagganap sa kanyang tungkulin, at ang taong may konsensiya ay kayang isakatuparan ito. Kung ang isang tao ay hindi kailanman isinasapuso ang paggampan sa kanyang tungkulin, nangangahulugan iyon na wala siyang konsensiya, at ang mga walang konsensiya ay hindi makakamit ang katotohanan. Bakit Ko sinasabing hindi nila makakamit ang katotohanan? Hindi nila alam kung paano manalangin sa Diyos at hanapin ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, ni kung paano magpakita ng konsiderasyon sa mga layunin ng Diyos, ni isapuso ang pagninilay sa mga salita ng Diyos, ni hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan, at paano hangaring maunawaan ang mga hinihingi ng Diyos at ang Kanyang mga pagnanais. Ito ang kahulugan ng hindi magawang hanapin ang katotohanan. Naranasan na ba ninyo ang mga kalagayan kung saan, ano man ang mangyari, o ano mang uri ng tungkulin ang inyong ginagampanan, madalas ninyong napatatahimik ang inyong sarili sa harap ng Diyos, at naisasapuso ang pagninilay sa Kanyang mga salita, at paghahanap sa katotohanan, at pagsasaalang-alang kung paano ninyo dapat gampanan ang inyong tungkulin upang umayon sa mga layunin ng Diyos, at kung aling mga katotohanan ang dapat ninyong taglayin para maayos na magampanan ang tungkuling iyon? Marami bang pagkakataon kung saan hinahanap ninyo ang katotohanan sa ganitong paraan? (Wala.) Ang pagsasapuso ng inyong tungkulin at pagkakaroon ng kakayahang umako ng responsabilidad ay nangangailangan ng inyong pagdurusa at pagbabayad ng halaga—hindi sapat ang pag-usapan lamang ang mga bagay na ito. Kung hindi mo isasapuso ang iyong tungkulin, sa halip ay palaging gusto mong kumayod, siguradong hindi magagawa nang maayos ang iyong tungkulin. Tatapusin mo lamang ito nang hindi nag-iisip at wala nang iba pa, at hindi mo malalaman kung nagawa mo ba nang maayos ang iyong tungkulin o hindi. Kung isasapuso mo ito, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan; kung hindi, hindi mo ito mauunawaan. Kapag isasapuso mo ang pagganap sa iyong tungkulin at hahangarin ang katotohanan, unti-unti mong mauunawaan ang mga layunin ng Diyos, matutuklasan ang sarili mong katiwalian at mga kakulangan, at maiintindihan ang iyong iba’t ibang kalagayan. Kapag ang pinagtutuunan mo lang ay ang pagsusumikap, at hindi mo isinasapuso ang pagninilay-nilay sa iyong sarili, hindi mo matutuklasan ang tunay na mga kalagayan sa iyong puso at ang napakaraming reaksyon at mga pagpapakita ng katiwalian na mayroon ka sa iba’t ibang kapaligiran. Kung hindi mo alam kung ano ang mga kahihinatnan kapag hindi nalutas ang mga problema, kung gayon, ikaw ay nasa malaking alanganin. Ito ang dahilan kung bakit hindi magandang manampalataya sa Diyos nang nalilito. Dapat kang mamuhay sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, sa lahat ng lugar; anuman ang mangyari sa iyo, dapat lagi mong hanapin ang katotohanan, at habang ginagawa mo ito, dapat mo ring pagnilayan ang iyong sarili at alamin kung ano ang mga problema na mayroon sa iyong kalagayan, agad na hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Sa gayon mo lamang magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin at maiiwasan ang pag-antala sa gawain. Bukod sa magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, ang pinakamahalaga ay na magkakaroon ka rin ng buhay pagpasok at malulutas mo ang iyong mga tiwaling disposisyon. Sa gayon ka lamang makapapasok sa katotohanang realidad. Kung ang madalas mong pagnilayan sa iyong puso ay hindi mga bagay na nauugnay sa iyong tungkulin, o mga bagay na may kinalaman sa katotohanan, at sa halip ay nasasangkot ka sa mga panlabas na bagay, ang iniisip mo ay mga gawain ng laman, mauunawaan mo ba ang katotohanan? Magagampanan mo ba nang maayos ang iyong tungkulin at makapamumuhay sa harap ng Diyos? Tiyak na hindi. Hindi maliligtas ang taong tulad nito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao
Ang pinakamahalagang pagpapamalas ng isang matapat na tao ay ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay—ito ang pinakamahalaga. Sinasabi mong ikaw ay matapat, pero palagi mong iniiwasang isipin ang mga salita ng Diyos at ginagawa lang ang anumang gusto mo. Pagpapamalas ba iyon ng isang matapat na tao? Sinasabi mo, “Bagama’t mahina ang kakayahan ko, mayroon akong matapat na puso.” Gayunpaman, kapag may tungkulin na itinalaga sa iyo, natatakot kang magdusa at magpasan ng responsabilidad kung hindi mo ito magagawa nang maayos, kaya nagpapalusot ka para iwasan ang tungkulin mo o nagmumungkahi ka na iba na lang ang gumawa nito. Pagpapamalas ba ito ng isang matapat na tao? Malinaw na hindi. Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging tapat sa tungkulin na dapat nilang gampanan, at magsikap na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Naipapamalas ito sa iba’t ibang paraan: Ang isa ay ang pagtanggap sa iyong tungkulin nang may matapat na puso, hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng iyong laman, hindi nagiging walang sigla sa iyong tungkulin, at hindi nagpapakana para sa sarili mong pakinabang. Iyon ang mga pagpapamalas ng katapatan. Ang isa pa ay ang pagganap nang maayos sa iyong tungkulin nang buong puso at buong lakas mo, paggawa sa mga bagay-bagay nang tama, at pagsasapuso at pagmamahal sa iyong tungkulin para palugurin ang Diyos. Ito ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang matapat na tao habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Kung hindi mo isasakatuparan ang iyong nalalaman at nauunawaan, at kung 50 o 60 porsyento lang ng iyong pagsisikap ang iyong ibinibigay, kung gayon ay hindi mo ibinibigay rito ang buong puso at lakas mo. Sa halip, ikaw ay tuso at nagpapakatamad. Matatapat ba ang mga taong gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Walang silbi sa Diyos ang gayong mga tuso at mapanlinlang na tao; dapat silang itiwalag. Matatapat na tao lamang ang ginagamit ng Diyos para gumanap ng mga tungkulin. Kahit ang mga tapat na trabahador ay kailangang maging matapat. Ang mga taong palaging pabasta-basta at tuso at naghahanap ng paraan para magpakatamad ay pawang mapanlinlang, at mga demonyo silang lahat. Wala sa kanila ang tunay na nananalig sa Diyos, at ititiwalag silang lahat. Iniisip ng ibang tao, “Ang pagiging matapat na tao ay tungkol lamang sa pagsasabi ng totoo at hindi pagsisinungaling. Sa totoo lang, madali lang maging matapat na tao.” Ano ang palagay mo sa sentimyentong ito? Napakalimitado nga ba ng saklaw ng pagiging matapat na tao? Hinding-hindi. Dapat mong ilantad ang iyong puso at ibigay ito sa Diyos; ito ang saloobin na dapat mayroon ang isang matapat na tao. Iyon ang dahilan kung bakit napakahalaga ng isang matapat na puso. Ano ang implikasyon nito? Ito ay na kaya ng isang pusong tapat na kontrolin ang iyong asal at baguhin ang kalagayan mo. Magagabayan ka nitong gumawa ng mga tamang desisyon, at magpasakop sa Diyos at makamit ang Kanyang pagsang-ayon. Ang ganitong puso ay tunay na mahalaga. Kung mayroon kang matapat na pusong gaya nito, dapat kang mamuhay sa ganoong kalagayan, ganoon ka dapat umasal, at ganoon mo dapat igugol ang iyong sarili.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Sa sambahayan ng Diyos, anumang tungkulin ang ginagampanan mo, dapat mong maarok ang mga prinsipyo at maisagawa ang katotohanan. Saka ka magkakaroon ng mga prinsipyo. Kung hindi mo makilatis ang isang bagay, kung hindi ka sigurado kung ano ang angkop na pagkilos, dapat kang maghanap at makipagbahaginan upang magkaroon ng kasunduan. Sa sandaling matukoy mo na kung ano ang pinakamainam para sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, gawin mo iyon. Huwag magpapigil sa anumang regulasyon, huwag magpaliban, huwag maghintay, at huwag maging isang pasibong tagamasid. Kung lagi kang isang pasibong tagamasid, at kahit kailan ay wala kang sariling opinyon, kung lagi ka na lang maghihintay hanggang sa ibang tao ang magdesisyon bago ka gumawa ng anuman, at kung nagmamabagal ka lang kapag walang nagdesisyon, ano ang kahihinatnan nito? Mahihinto ang bawat aytem ng gawain, at walang matatapos. Dapat kang matutong hanapin ang katotohanan, o makakilos man lang batay sa iyong konsensiya at katwiran. Basta’t nakikilatis mo ang angkop na paraan para gawin ang isang bagay, at iniisip din ng nakararami na pupuwede naman ang paraang iyon, dapat kang magsagawa sa gayong paraan. Huwag kang matakot na akuin ang responsabilidad, o na mapasama ang loob ng iba, o na pasanin ang mga kahihinatnan. Kung walang anumang tunay na ginagawa ang isang tao, at lagi siyang nagkakalkula, at takot siyang umako ng responsabilidad, at hindi nangangahas na panghawakan ang mga prinsipyo sa kanyang mga kilos, ipinapakita nito na masyado siyang tuso at mapanlinlang, at na napakarami niyang tusong pakana. Napaka-imoral namang naisin na tamasahin ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos gayong wala namang ginagawang totoo. Wala nang higit pang kinamumuhian ang Diyos kundi ang gayong mga tuso at mapanlinlang na tao. Kahit ano pa ang iniisip mo, kung hindi ka nagsasagawa nang naaayon sa katotohanan, kung wala kang katapatan, palaging nababahiran ng mga personal na pakana, at lagi kang may sariling mga kaisipan at ideya, sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng ito, at alam Niya ang mga ito—tingin mo ba ay hindi alam ng Diyos ang mga ito? Kung gayon ay napakahangal mo! At kung hindi ka magsisisi kaagad, hindi ka magkakaroon ng gawain ng Diyos. Bakit ganoon? Dahil sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Nakikita Niya, nang malinaw na malinaw, ang lahat ng tusong pakana na mayroon sila, at nakikita Niyang nakasara sa Kanya ang puso nila, na hindi Niya sila kaisang-puso. Ano ang mga pangunahing bagay na naglalayo sa puso ng mga tao sa Diyos? Ang kanilang mga kaisipan, ang kanilang mga interes at pagmamalaki, ang kanilang katayuan, at ang sarili nilang mga munting pakana. Kapag nakaharang ang mga bagay na ito sa puso ng mga tao na naghihiwalay sa kanila sa Diyos, at palagi silang nagtatago ng mga sikreto at palagi silang may mga sariling motibo, problema ito. Kung medyo mahina ang iyong kakayahan at medyo mababaw ang iyong karanasan, subalit handa kang hangarin ang katotohanan, at laging kaisa sa puso ng Diyos, at kaya mong ibigay ang lahat-lahat para sa ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos, nang walang ginagawang anumang panlalansi, makikita ito ng Diyos. Kung laging nahaharangan ang Diyos sa puso mo, at lagi kang nagkikimkim ng mga munting pakana, at kung palagi kang nabubuhay para sa sariling interes at dangal, laging kinakalkula ang mga bagay na ito sa iyong puso, at napaghaharian ng mga ito, kung gayon ay hindi malulugod ang Diyos sa iyo, at hindi ka Niya bibigyan ng kaliwanagan o tatanglawan, at babalewalain ka Niya, at lalong magdidilim ang puso mo. Nangangahulugan ito na kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin o ginagawa mo ang anumang bagay, magugulo mo ito, at wala itong magiging kabuluhan. Iyon ay dahil napakamakasarili mo at ubod ka ng sama, lagi kang nagpapakana para sa sarili mong kapakanan, nang hindi nagiging sinsero sa Diyos, at nangangahas kang maging mapanlinlang at sinusubukan mong lansihin ang Diyos, at hindi lamang sa hindi mo tinatanggap ang katotohanan, kundi tuso ka pa sa paggampan ng iyong tungkulin—na hindi sinserong paggugol para sa Diyos. At dahil hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin nang sinsero, nagsisikap ka lang nang kaunti, at ginagamit mo ito bilang oportunidad para makakuha ng mas maraming pakinabang, at dahil ninanais mo ring makipagsabwatan para makapagtamo ng katanyagan, pakinabang, at katayuan para sa iyong sarili, at hindi ka tumatanggap at sumusunod kapag ikaw ay pinupungusan, malamang talagang malabag mo ang disposisyon ng Diyos. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Kung hindi ka magsisisi, mapapahamak ka, at malamang na itiwalag ka ng Diyos, kung magkagayon ay hindi ka na muling magkakaroon ng pagkakataong matanggap ang pagsang-ayon ng Diyos.
—Pagbabahagi ng Diyos
Hindi naniniwala ang ilang tao na kayang tratuhin nang patas ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hindi sila naniniwala na naghahari ang Diyos sa Kanyang sambahayan, at na naghahari doon ang katotohanan. Naniniwala sila na anumang tungkulin ang ginagampanan ng isang tao, kung magkakaroon ng problema roon, haharapin kaagad ng sambahayan ng Diyos ang taong iyon, tatanggalin ang kanyang karapatang gampanan ang tungkuling iyon, ititiwalag siya, o paaalisin pa nga siya sa iglesia. Ganoon ba talaga iyon? Siguradong hindi. Pinakikitunguhan ng sambahayan ng Diyos ang bawat tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang Diyos ay matuwid sa Kanyang pagtrato sa bawat tao. Hindi lamang Niya tinitingnan kung paano kumilos ang isang tao sa isang pagkakataon; tinitingnan Niya ang kalikasang diwa ng isang tao, ang kanyang mga intensyon, ang kanyang pag-uugali, at tinitingnan Niya lalo na kung kaya ba ng isang tao na pagnilayan ang kanyang sarili kapag nagkakamali siya, kung nagsisisi ba siya, at kung kaya ba niyang mahanap ang diwa ng problema batay sa Kanyang mga salita, maunawaan ang katotohanan, kamuhian ang kanyang sarili, at tunay na magsisi. Kung walang ganitong tamang pag-uugali ang isang tao, at ganap na silang nahaluan ng mga personal na layunin, kung puno sila ng mga tusong pakana at pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at kapag may mga dumating na problema, sila ay nagkukunwari, nanlilinlang, at nangangatwiran, at mahigpit na tumatangging akuin ang kanilang mga ginawa, kung gayon, ang ganoong tao ay hindi maliligtas. Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at ganap na silang nabunyag. Iyong mga taong hindi tama, at hindi kayang tanggapin ang katotohanan kahit kaunti, ay kung gayon mga hindi mananampalataya at maaari lamang na itiwalag. Paanong hindi mabubunyag at matitiwalag ang mga hindi mananampalataya na naglilingkod bilang mga lider at manggagawa? Ang isang hindi mananampalataya, anuman ang tungkulin na kanyang ginagampanan, ay ang pinakamadaling mabunyag sa lahat, dahil masyadong marami at halata ang mga tiwaling disposisyon na kanyang ibinubunyag. Bukod dito, hindi talaga niya tinatanggap ang katotohanan at kumikilos nang walang pag-iingat at basta-basta na lamang. Sa huli, kapag siya ay natiwalag, at nawalan ng pagkakataong gampanan ang kanyang tungkulin, magsisimula siyang mag-alala, iniisip na, “Wala na akong pag-asa. Kung hindi na ako papayagang gampanan ang aking tungkulin, hindi na ako maliligtas. Ano ang dapat kong gawin?” Ang totoo ay palaging mag-iiwan ng paraan ang Kalangitan para sa tao. May isang pangwakas na landas, iyon ay ang tunay na magsisi, at magmadaling ipalaganap ang ebanghelyo at magkamit ng mga tao, pangbawi sa kanyang mga kamalian sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuting gawa. Kung hindi niya tatahakin ang landas na ito, talagang wala na siyang pag-asa. Kung may taglay siyang katwiran at alam niyang wala siyang anumang kakayahan, dapat niyang ihanda nang wasto ang kanyang sarili sa katotohanan at magsanay na ipalaganap ang ebanghelyo—ito ay pagganap din ng isang tungkulin. Ito ay lubos na magagawa. Kung inaamin ng isang tao na siya ay natiwalag dahil hindi niya ginampanan nang maayos ang kanyang tungkulin, pero hindi pa rin niya tinatanggap ang katotohanan at wala siyang ni katiting na mapagsising puso, at sa halip ay inabandona niya ang kanyang sarili tungo sa kawalan ng pag-asa, hindi ba’t kahangalan at kamangmangan iyon? Sabihin mo sa Akin, kung nakagawa ng pagkakamali ang isang tao, ngunit kaya niyang tunay na makaunawa at handa siyang magsisi, hindi ba’t bibigyan siya ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos? Habang papatapos na ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, napakaraming tungkuling kailangang gampanan. Pero kung wala kang konsensiya o katwiran, at pabaya ka sa iyong nararapat na gawain, kung nagkaroon ka ng pagkakataong gampanan ang isang tungkulin ngunit hindi alam kung paano iyon pahahalagahan, hindi hinahangad ang katotohanan kahit paano, hinahayaan mong makalampas ang pinakamagandang pagkakataon, kung gayon ay malalantad ka. Kung palagi kang pabasta-basta sa pagganap sa iyong tungkulin, at hindi ka man lang nagpapasakop kapag nahaharap ka sa pagpupungos, gagamitin ka pa rin kaya ng sambahayan ng Diyos para gumanap sa isang tungkulin? Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang naghahari, hindi si Satanas. Ang Diyos ang may huling pasya sa lahat ng bagay. Siya ang gumagawa ng gawain ng pagliligtas sa tao, Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Hindi mo kailangang suriin kung ano ang tama at mali; kailangan mo lang makinig at magpasakop. Kapag nahaharap ka sa pagpupungos, dapat mong tanggapin ang katotohanan at magawang itama ang iyong mga pagkakamali. Kung gagawin mo ito, hindi aalisin sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang iyong karapatang gampanan ang isang tungkulin. Kung natatakot ka palagi na matiwalag, laging nagdadahilan, lagi mong pinangangatwiranan ang sarili mo, problema iyan. Kung hinahayaan mong makita ng iba na hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit katiting, at na hindi ka tinatablan ng katwiran, may problema ka. Magiging obligado ang iglesia na harapin ka. Kung hindi mo man lamang tinatanggap ang katotohanan sa pagganap sa iyong tungkulin at lagi kang natatakot na mabunyag at matiwalag, ang takot mong ito ay nababahiran ng intensyon ng tao at ng tiwaling satanikong disposisyon, at ng paghihinala, pag-iingat, at maling pagkaunawa. Wala sa mga ito ang mga pag-uugali na dapat mayroon ang isang tao. Dapat kang magsimula sa pamamagitan ng paglutas sa iyong takot, gayundin sa iyong mga maling pagkaunawa sa Diyos. Paano umuusbong ang mga maling pagkaunawa ng isang tao sa Diyos? Kapag maayos ang takbo ng mga bagay-bagay para sa isang tao, talagang hindi siya nagkakamali ng pag-unawa sa Kanya. Naniniwala siyang ang Diyos ay mabuti, na ang Diyos ay kagalang-galang, na ang Diyos ay matuwid, na ang Diyos ay maawain at mapagmahal, na ang Diyos ay tama sa lahat ng bagay na ginagawa Niya. Gayunman, kapag naharap siya sa isang bagay na hindi umaayon sa kanyang mga kuru-kuro, iniisip niya, “Mukhang hindi masyadong matuwid ang Diyos, kahit paano ay hindi sa bagay na ito.” Hindi ba’t maling pagkaunawa ito? Paanong hindi matuwid ang Diyos? Ano ang nagpausbong sa maling pagkaunawang ito? Bakit nagkaroon ka ng ganitong opinyon at pagkaunawa na hindi matuwid ang Diyos? Masasabi mo ba kung ano iyon? Aling pangungusap iyon? Aling bagay? Aling sitwasyon? Sabihin mo, para mapag-isipan ng lahat at makita kung may katwiran ka. At kapag nagkakamali ng pagkaunawa ang isang tao sa Diyos o nahaharap sa isang bagay na hindi umaayon sa kanyang mga kuru-kuro, ano ang saloobing dapat niyang taglayin? (Yaong naghahanap sa katotohanan at nagpapasakop.) Kailangan niyang magpasakop muna at isipin: “Hindi ko maunawaan, pero magpapasakop ako dahil ito ang ginawa ng Diyos at hindi ito isang bagay na dapat suriin ng tao. Dagdag pa riyan, hindi ko maaaring pagdudahan ang mga salita ng Diyos o ang Kanyang gawain dahil ang salita ng Diyos ay ang katotohanan.” Hindi ba’t ganito ang saloobing dapat taglayin ng isang tao? Kapag may ganitong saloobin, magdudulot pa rin ba ng problema ang iyong maling pagkaunawa? (Hindi na.) Hindi nito maaapektuhan o magagambala ang pagsasagawa mo ng iyong tungkulin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Pagkatapos manampalataya ng mga tao sa Diyos, ano ang pinakamasakit at pinakamalungkot na bagay na pwedeng mangyari sa kanila? Ang pinakamalaking bagay ay walang iba kundi ang malamang pinaalis at pinatalsik sila, at na ibinunyag at itiniwalag sila ng Diyos—ito ang pinakamasakit at pinakamalungkot na bagay, at walang sinuman ang may gustong mangyari ito sa kanila pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos. Kaya, paano maiiwasan ng mga tao na mangyari ito sa kanila? Sa pinakamababa, kailangan nilang kumilos ayon sa konsensiya nila, ibig sabihin, kailangan muna nilang matutunan kung paano tuparin ang mga responsabilidad nila; hinding-hindi dapat maging pabasta-basta ang mga tao, at hindi nila dapat ipagpaliban ang mga iniatas ng Diyos na gawin nila. Dahil isa kang tao, dapat mong pagnilayan kung ano ang mga responsabilidad ng isang tao. Ang mga responsabilidad na labis na pinahahalagahan ng mga walang pananampalataya, gaya ng paggalang sa magulang, pagtustos sa mga magulang, at pagbibigay-karangalan para sa iyong pamilya ay hindi na kailangang banggitin pa. Ang lahat ng ito ay walang kabuluhan at walang anumang totoong kahulugan. Ano ang pinakamababang responsabilidad na dapat man lang tuparin ng isang tao? Ang pinakapraktikal ay kung paano mo ginagawa nang mabuti ang iyong tungkulin ngayon. Hindi mo tinutupad ang iyong mga responsabilidad kung kontento ka nang iniraraos lang ang tungkulin, at hindi mo tinutupad ang iyong mga responsabilidad kung ang nagagawa mo lang ay talakayin ang mga salita at doktrina. Tanging ang pagsasagawa ng katotohanan at paggawa sa mga bagay-bagay nang ayon sa prinsipyo ang pagtupad sa iyong mga responsabilidad. Kapag epektibo na ang pagsasagawa mo ng katotohanan, at kapaki-pakinabang na ito sa mga tao, saka mo lamang tunay na matutupad ang iyong responsabilidad. Anumang tungkulin ang iyong ginagawa, kapag iginigiit mong kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, saka mo lamang tunay na matutupad ang iyong responsibilidad. Ang paggawa nang wala sa loob ayon sa paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay-bagay ay ang pagiging pabasta-basta; ang pagsunod lamang sa mga katotohanang prinsipyo ang maayos na paggawa sa iyong tungkulin at pagtupad sa iyong responsibilidad. At kapag tinutupad mo ang iyong responsibilidad, hindi ba ito pagpapamalas ng katapatan? Ito ang pagpapamalas ng katapatan sa iyong tungkulin. Kapag mayroon ka ng ganitong pakiramdam ng responsibilidad, ng ganitong kagustuhan at hangarin, at ng ganitong pagpapamalas ng katapatan patungkol sa iyong tungkulin, saka ka lamang papaboran ng Diyos, at titingnan ka nang may pagsang-ayon. Kung ni hindi mo taglay ang ganitong pakiramdam ng responsibilidad, ituturing ka ng Diyos na isang batugan, isang tunggak, at kasusuklaman ka. Sa pananaw ng tao, ang ibig sabihin nito ay hindi ka iginagalang, hindi ka sineseryoso, at mababa ang tingin sa iyo. Katulad ito ng kapag matagal-tagal mo nang nakakaugnayan ang isang tao, at nakikita mong nagsasalita siya nang walang pagpipigil, at nagsasalita nang eksaherado at nang walang basehan, at napapansin mong mahilig siyang magyabang at magmalaki, at na hindi siya maaasahan—rerespetuhin mo ba siya? Maglalakas-loob ka bang ipagkatiwala sa kanya ang anumang gampanin? Marahil ay maaantala niya ang gampaning ipagkakatiwala mo sa kanya dahil sa kung anong dahilan, at kaya hindi ka maglalakas-loob na ipagkatiwala ang anumang bagay sa sa mga ganoong tao, kasusuklaman mo siya mula sa kaibuturan ng puso mo, at pagsisisihan mo na nakaugnayan mo pa siya. Mararamdaman mong mapalad ka na hindi mo siya pinagkatiwalaan ng anumang bagay, dahil kung ginawa mo man iyon, pagsisisihan mo iyon habambuhay. Ipagpalagay nating nakisalamuha ka sa isang tao, at sa pamamagitan ng pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan sa kanya, nakita mo na bukod sa mayroon siyang mabuting pagkatao, mayroon din siyang pagpapahalaga sa responsabilidad, at kapag ipinagkakatiwala mo sa kanya ang isang gampanin, itinatanim niya sa isipan niya ang anumang kaswal na bagay na sasabihin mo, at nag-iisip siya ng mga paraan kung paano niya mapapangasiwaan nang maayos ang gawain para mapalugod ka, at kung hindi niya magagawa nang maayos ang ibinigay mong gampanin, mahihiya siyang humarap sa iyo pagkatapos niyon—isa itong taong may pagpapahalaga sa responsabilidad. Isipin ang isang taong may pagpapahalaga sa responsabilidad, tuwing sinasabihan o inaatasan siya ng isang bagay, ng isang lider man, manggagawa, o ng Itaas, lagi niyang iisiping, “Aba, dahil ganito kataas ang tingin nila sa akin, dapat kong asikasuhin nang mabuti ang usaping ito at hindi sila biguin.” Hindi ba’t mangangahas kang ipagkatiwala ang isang usapin sa gayong taong may konsensiya at katwiran? Ang taong mapagkakatiwalaan mong mag-asikaso sa isang usapin ay tiyak na isang taong mabuti sa paningin mo at pinaniniwalaan mong mapagkakatiwalaan. Maganda ang opinyon mo sa ganitong uri ng tao, at mataas ang tingin mo sa kanya. Lalo na kung ang mga bagay na nagawa niya para sa iyo ay naisagawang lahat nang maingat at ganap na umabot sa iyong mga kinakailangan, iisipin mo na isa siyang taong nararapat pagkatiwalaan. Sa iyong kalooban, talagang hahangaan mo siya at tataas ang tingin mo sa kanya. Handang makisama ang mga tao sa ganitong uri ng tao, lalo naman ang Diyos. Palagay ba ninyo ay ipagkakatiwala ng Diyos ang gawain ng iglesia at ang isang tungkulin na obligadong gawin ng isang tao sa isang taong hindi mapagkakatiwalaan? (Hindi, hindi Niya gagawin iyon.) Ano ang inaasahan ng Diyos sa isang taong inatasan Niya ng partikular na gampanin sa iglesia? Unang-una, umaasa ang Diyos na responsable siya, na tatratuhin niya ang gampanin nang may mataas na pagpapahalaga, at gagawin ito nang mabuti. Pangalawa, umaasa ang Diyos na siya ay isang taong mapagkakatiwalaan, na kahit gaano pa katagal ang abutin niya, at kahit gaano pa katagal ang oras na lumipas, hindi magbabago ang pagpapahalaga niya sa responsabilidad, at masusubok na matibay ang kanyang karakter. Kung isa siyang mapagkakatiwalaang tao, mapapanatag ang Diyos. Hindi na Niya susubaybayan o kukumustahin ang bagay na ito dahil sa kaibuturan Niya, may tiwala ang Diyos sa kanya. Kapag ibinibigay ng Diyos ang gampaning ito sa kanya, siguradong makukumpleto niya ito nang walang anumang pagkakamali. Kapag ipinagkakatiwala ng Diyos sa mga tao ang isang gampanin, hindi ba’t ito ang nais Niya? (Ito nga ang nais Niya.) Pagkatapos, kapag naunawaan mo na ang layunin ng Diyos, dapat mo namang malaman sa puso mo kung paano tutugunan ang mga hinihingi ng Diyos, kung paano magiging pabor ang Diyos sa iyo, at kung paano mo makukuha ang tiwala ng Diyos. Kung malinaw mong nakikita ang sarili mong pagganap at pag-uugali, at ang iyong saloobin sa pagharap mo sa tungkulin mo, kung mayroon kang kaalaman sa sarili, at alam mo kung ano ka, hindi ba’t hindi makatwiran kung hihilingin mo na paboran ka ng Diyos at pakitaan ka Niya ng kabutihan, pakitaan ka ng espesyal na pagtrato? (Oo, hindi ito makatwiran.) Kahit ikaw mismo ay mababa ang tingin sa sarili mo, kahit ikaw mismo ay nasusuklam sa sarili mo, kaya walang katuturan na hilingin mong paboran ka ng Diyos. Dahil dito, kung gusto mong paboran ka ng Diyos, dapat ay mapagkatiwalaan ka man lang ng ibang tao. Kung gusto mong pagkatiwalaan ka, paboran ka ng iba, magkaroon sila ng magandang pananaw sa iyo, kung gayon sa pinakamababa ay kailangan mong maging marangal, responsable, tapat sa iyong salita, at mapagkakatiwalaan. At pagkatapos sa harap ng Diyos, dapat kang maging responsable at tapat—kung magkagayon ay halos natupad mo na ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo. Kung gayon may pag-asa na makamit mo ang pagsang-ayon ng Diyos, hindi ba? (Oo, may pag-asa.)
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8
Anuman ang hinihingi sa iyo ng Diyos, kailangan mo lamang pagsikapan ito nang buo mong lakas, at umaasa Ako na makakapunta ka sa harapan ng Diyos at makapagbibigay sa Kanya ng iyong pinakamasidhing debosyon sa katapusan. Kung makikita mo ang nasisiyahang ngiti ng Diyos habang Siya ay nakaupo sa Kanyang trono, kung ito man ay ang oras ng iyong kamatayan, dapat mong makayang tumawa at ngumiti habang ipinipikit ang iyong mga mata. Dapat mong gawin ang iyong huling tungkulin sa Diyos sa iyong panahon sa lupa. Noon, si Pedro ay ipinako sa krus nang pabaligtad para sa Diyos; subalit dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa katapusan, at ubusin ang lahat ng iyong lakas para sa Kanya. Ano ang maaaring gawin ng isang nilalang para sa Diyos? Dapat mong ibigay samakatuwid ang iyong sarili sa Diyos nang maaga, para mapamatnugutan ka Niya sa paraang nais Niya. Hangga’t napapasaya at nabibigyang-kaluguran nito ang Diyos, kung gayon ay hayaan Siyang gawin kung ano ang ninanais Niyang gawin sa iyo. Ano ang karapatan ng tao na bumigkas ng mga salita ng pagdaing?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 41
Ngayon, kung ano ang kinakailangan sa inyo na kamtin ay hindi mga karagdagang hinihingi, kundi ang tungkulin ng tao, at ang kailangang gawin ng lahat ng tao. Kung kayo ay walang kakayahan na gampanan man lamang ang inyong tungkulin, o magawa ito nang mainam, hindi ba’t pinahihirapan ninyo lamang ang inyong mga sarili? Hindi ba’t sinusuyo ninyo ang kamatayan? Paano pa kayo makakaasa na magkaroon ng hinaharap at mga posibilidad? Ang gawain ng Diyos ay ginagawa para sa kapakanan ng sangkatauhan, at ang pakikipagtulungan ng tao ay ibinibigay para sa kapakanan ng pamamahala ng Diyos. Pagkatapos na nagawa ng Diyos ang lahat ng nararapat Niyang gawin, ang tao ay kinakailangang maging pursigido sa kanyang pagsasagawa, at makipagtulungan sa Diyos. Sa gawain ng Diyos, ang tao ay hindi dapat magkulang sa pagsisikap, nararapat mag-alay ng kanyang katapatan, at hindi dapat magpasasa sa napakaraming kuru-kuro, o maupo nang walang-kibo at maghintay ng kamatayan. Kayang isakripisyo ng Diyos ang Kanyang Sarili para sa tao, kaya bakit hindi maibigay ng tao ang kanyang katapatan sa Diyos? May iisang puso at isip ang Diyos tungo sa tao, kaya bakit hindi makapag-alok ng kaunting pakikipagtulungan ang tao? Gumagawa ang Diyos para sa sangkatauhan, kaya bakit hindi magampanan ng tao ang ilan sa mga tungkulin niya para sa kapakanan ng pamamahala ng Diyos? Nakarating na ang gawain ng Diyos nang ganito kalayo, gayunman kayo ay nakakakita pa rin ngunit hindi kumikilos, kayo ay nakakarinig ngunit hindi gumagalaw. Hindi ba’t ang mga taong ganyan ay ang mga layon ng kapahamakan? Nailaan na ng Diyos ang Kanyang lahat para sa tao, kaya bakit, ngayon, hindi pa rin magampanan ng tao nang masigasig ang kanyang tungkulin? Para sa Diyos, ang Kanyang gawain ay ang Kanyang uunahin, at ang gawain ng Kanyang pamamahala ay ang pinakamahalaga. Para sa tao, ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagtupad sa mga kinakailangan Niya ay kanyang unang prayoridad. Ito ay dapat maunawaan ninyong lahat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Matapos tanggapin ang atas ng Diyos, sinimulang planuhin ni Noe kung paano bubuuin ang arkang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Hinanap niya ang iba’t ibang materyales, at ang mga tao at kasangkapang kailangan sa pagbubuo ng arka. Natural na kinapalooban ito ng maraming bagay; hindi ito naging madali at simple na tulad ng ipinahiwatig sa teksto. Sa kapanahunang iyon na wala pang industriya, isang kapanahunan na lahat ay ginawa nang manu-mano, sa pamamagitan ng pisikal na trabaho, hindi mahirap isipin kung gaano kahirap bumuo ng gayong arka, ng gayong higante, na kumpletuhin ang gampanin ng pagbubuo ng arka gaya ng ipinagkatiwala ng Diyos. Siyempre pa, kung paano nagplano, naghanda, nagdisenyo, at naghanap ng iba’t ibang bagay si Noe gaya ng mga materyales at kasangkapan ay hindi mga simpleng usapin, at maaaring hindi pa nakakita si Noe ng gayon kalaking arka. Matapos tanggapin ang atas na ito, kung uunawaing mabuti ang mga salita ng Diyos, at batay sa lahat ng sinabi ng Diyos, nalaman ni Noe na hindi ito simpleng bagay, hindi ito madaling gawin. Hindi simple o madaling gampanin ito—ano ang mga implikasyon nito? Sa isang banda, nangahulugan ito na, matapos tanggapin ang atas na ito, magkakaroon ng mabigat na pasanin si Noe sa kanyang mga balikat. Bukod pa riyan, batay sa kung paano personal na tinawag ng Diyos si Noe at personal siyang tinagubilinan kung paano bubuuin ang arka, hindi ito ordinaryong bagay, hindi ito maliit na bagay. Batay sa mga detalye ng lahat ng sinabi ng Diyos, hindi ito isang bagay na matitiis ng sinumang ordinaryong tao. Ang katunayan na tinawag ng Diyos si Noe at inatasan siyang bumuo ng arka ay nagpapakita sa kahalagahan ni Noe sa puso ng Diyos. Pagdating sa usaping ito, siyempre, nagawang maunawaan ni Noe ang ilan sa mga layunin ng Diyos—at dahil nagawa niya iyon, natanto ni Noe ang uri ng buhay na kanyang kakaharapin sa darating na mga taon, at batid niya ang ilan sa mga paghihirap na daranasin niya. Bagama’t natanto at naunawaan ni Noe ang malaking hirap sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at kung gaano katindi ang mga pagsubok na kakaharapin niya, hindi niya binalak na tumanggi, kundi sa halip ay labis siyang nagpasalamat sa Diyos na si Jehova. Bakit nagpasalamat si Noe? Dahil hindi niya inasahan na ipagkakatiwala sa kanya ng Diyos ang isang bagay na napakahalaga, at personal na sinabi at ipinaliwanag sa kanya ang lahat ng detalye. Ang mas mahalaga pa, sinabi rin ng Diyos kay Noe ang buong kuwento, mula simula hanggang wakas, kung bakit kailangang buuin ang arka. May kinalaman ito sa sariling plano ng pamamahala ng Diyos, ito ay sariling gawain ng Diyos, pero sinabi sa kanya ng Diyos ang tungkol sa bagay na ito, kaya nadama ni Noe ang kahalagahan nito. Sa kabuuan, batay sa iba’t ibang palatandaang ito, batay sa tono ng pananalita ng Diyos, at sa iba’t ibang aspeto ng ipinabatid ng Diyos kay Noe, nadama ni Noe ang kahalagahan ng gampanin ng pagbubuo ng arka na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, napahalagahan niya ito sa kanyang puso, at hindi siya nangahas na balewalain ito, ni hindi siya nangahas na kalimutan ang anumang detalye. Samakatwid, nang matapos na ang Diyos sa pagbibigay ng Kanyang mga tagubilin, binuo ni Noe ang kanyang plano, at nagtrabaho na siya at ginawa niya ang lahat ng pagsasaayos para sa pagbubuo ng arka, naghanap ng mga gagawa, naghanda ng lahat ng uri ng materyales, at, alinsunod sa mga salita ng Diyos, unti-unti siyang nagtipon ng iba’t ibang uri ng mga buhay na nilalang sa arka.
Ang buong proseso ng pagbubuo ng arka ay puno ng hirap. Sa sandaling ito, isantabi natin kung paano nalagpasan ni Noe ang hampas ng hangin, init ng araw, at lakas ng ulan, ang nakakapasong init at matinding ginaw, at ang pagpapalit-palit ng apat na panahon, taun-taon. Pag-usapan muna natin kung gaano kalaking trabaho ang magbuo ng arka, at ang kanyang paghahanda ng iba’t ibang materyales, at ang napakaraming hirap na nakaharap niya habang binubuo ang arka. Ano ang kabilang sa mga hirap na ito? Salungat sa mga pagkaunawa ng mga tao, hindi palaging nagiging maayos ang ilang pisikal na gawain sa unang pagkakataon, at kinailangan Niyang pagdaanan ang maraming kabiguan. Kapag nakatapos ng isang bagay, kung mukhang mali ito, binabaklas niya ito, at pagkatapos itong baklasin, kinailangan niyang maghanda ng mga materyales, at magsimula muli mula sa umpisa. Hindi ito katulad ng sa modernong panahon, kung saan ginagawa ng lahat ng tao ang lahat ng bagay gamit ang kagamitang elektroniko, at kapag naihanda na ito ay isinasagawa na ang trabaho ayon sa isang nakatakdang programa. Kapag isinasagawa ang gayong gawain ngayon, ginagamitan na ito ng makina, at kapag pinaandar mo na ang makina, magagawa na nito ang gawain. Pero namuhay si Noe sa panahon ng primitibong lipunan, at lahat ng gawain ay gawang-kamay at kailangan mong gawin ang lahat ng gawain gamit ang dalawa mong kamay, gamit ang mga mata at isip mo, at ang sarili mong kasigasigan at lakas. Siyempre pa, higit sa lahat, kinailangan ng mga tao na umasa sa Diyos; kinailangan nilang hanapin ang Diyos sa lahat ng dako at sa lahat ng oras. Sa proseso ng pagharap sa lahat ng klase ng suliranin, at sa mga araw at gabi sa pagbubuo ng arka, kinailangang harapin ni Noe hindi lamang ang iba’t ibang sitwasyong nangyari habang kinukumpleto ang napakalaking trabahong ito, kundi pati na ang iba’t ibang sitwasyon sa kanyang paligid, gayundin ang pagtawanan, siraan, at laitin ng iba. Bagama’t hindi natin personal na naranasan ang mga tagpong iyon nang mangyari ang mga iyon, hindi ba’t posibleng isipin ang ilan sa iba’t ibang suliranin na nakaharap at naranasan at ang iba’t ibang hamong kinaharap ni Noe? Habang binubuo ang arka, ang unang nakaharap ni Noe ay ang kawalan ng pag-unawa ng kanyang pamilya, ang kanilang pangungulit, mga reklamo, at maging ang kanilang pang-aalipusta. Pumapangalawa rito ang sinisiraan, nilalait, at hinuhusgahan siya ng mga nakapaligid sa kanya—sa kanyang mga kamag-anak, sa kanyang mga kaibigan, at sa lahat ng klase ng ibang tao. Ngunit iisa lamang ang naging saloobin ni Noe, ang sumunod sa mga salita ng Diyos, at ipatupad ang mga iyon hanggang sa kahuli-hulihan, at hinding-hindi magbabago ang damdamin ang dito. Ano ang napagpasyahan ni Noe? “Hangga’t buhay ako, hangga’t nakakagalaw pa ako, hindi ko tatalikuran ang atas ng Diyos.” Ito ang nagganyak sa kanya nang isagawa niya ang malaking trabaho na buuin ang arka, gayundin ang kanyang saloobin nang ilahad sa kanya ang mga utos ng Diyos, at matapos marinig ang mga salita ng Diyos. Nahaharap sa lahat ng uri ng problema, mahihirap na sitwasyon, at mga hamon, hindi umurong si Noe. Nang madalas na nabigo at nasira ang ilan sa kanyang mas mahihirap na gawaing pang-inhinyero, kahit nahihirapan ang kalooban ni Noe at at nababalisa siya sa kanyang puso, nang maisip niya ang mga salita ng Diyos, nang maalala niya ang bawat salitang iniutos sa kanya ng Diyos, at ang pagtataas sa kanya ng Diyos, madalas siyang nakadama na labis siyang nagaganyak: “Hindi ako pwedeng sumuko, hindi ko maaaring iwaksi ang iniutos at ipinagkatiwala ng Diyos na gawin ko; atas ito ng Diyos, at dahil tinanggap ko ito, dahil narinig ko ang mga salitang sinambit ng Diyos at ang tinig ng Diyos, at dahil tinanggap ko ito mula sa Diyos, dapat akong ganap na magpasakop, na siyang dapat gawin ng isang tao.” Kaya, anumang uri ng mga hirap ang nakaharap niya, anumang uri ng pangungutya o paninira ang naranasan niya, gaano man kapagod ang kanyang katawan, gaano man kapagal, hindi niya tinalikuran ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at patuloy niyang isinaisip ang bawat isang salita na sinabi at iniutos ng Diyos. Paano man nagbago ang kanyang mga kapaligiran, gaano man kalaking hirap ang kanyang nakaharap, nagtiwala siya na walang anuman dito ang magpapatuloy magpakailanman, na ang mga salita lamang ng Diyos ang hinding-hindi lilipas, at iyon lamang iniutos ng Diyos na gawin ang siguradong maisasakatuparan. May tunay na pananampalataya si Noe sa Diyos, at pagpapasakop na nararapat niyang taglayin, at patuloy niyang binuo ang arka na hiningi ng Diyos na buuin niya. Araw-araw, taun-taon, tumanda si Noe, ngunit hindi nabawasan ang kanyang pananampalataya, at hindi nagbago ang kanyang saloobin at determinasyon na kumpletuhin ang atas ng Diyos. Bagama’t may mga pagkakataon na pagod at pagal na ang kanyang katawan, at nagkasakit siya, at sa kanyang puso ay mahina siya, hindi nabawasan ang kanyang determinasyon at tiyaga na tapusin ang atas ng Diyos at magpasakop sa mga salita ng Diyos. Sa mga taon na binuo ni Noe ang arka, nagsasagawa si Noe ng pakikinig at pagpapasakop sa mga salitang sinabi ng Diyos, at isinagawa rin niya ang isang mahalagang katotohanan ng isang nilikha at ang pangangailangan ng isang ordinaryong tao na makumpleto ang atas ng Diyos. Sa lahat ng makikita, ang buong proseso ay talagang iisang bagay lamang: pagbubuo ng arka, pagsasagawa ng sinabi ng Diyos sa kanya na gawin nang maayos at nang kumpleto. Ngunit ano ang kinailangan para magawa nang maayos ang bagay na ito, at matagumpay itong makumpleto? Hindi nito kinailangan ang kasigasigan ng mga tao, o ang kanilang mga kasabihan, lalo ang ilang sumpang sinabi nang dahil sa panandaliang emosyon, ni ang tinatawag na paghanga ng mga tao sa Lumikha. Hindi nito kinailangan ang mga bagay na ito. Sa harap ng pagbubuo ni Noe sa arka, ang tinatawag na paghanga ng mga tao, ang kanilang mga sumpa, ang kanilang kasigasigan, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos sa espirituwal nilang mundo, walang silbi ang lahat ng ito; sa harap ng tunay na pananampalataya at tunay na pagpapasakop ni Noe, tila napakadukha, kaawa-awa ng mga tao, at tila labis na hungkag, maputla, walang buhay at mahina ang ilang doktrinang nauunawaan nila—bukod pa sa nakakahiya, kasuklam-suklam at imoral.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Ekskorsus
Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ay, sa totoo lang, ang pagsasakatuparan ng lahat ng likas sa kalooban ng tao, na ibig sabihin ay, yaong posible para sa tao. Noon lamang natutupad ang kanyang tungkulin. Ang mga depekto ng tao sa kanyang paglilingkod ay unti-unting nababawasan sa pamamagitan ng umuunlad na karanasan at ng proseso ng pagpapailalim niya sa paghatol; hindi ito nakapipigil o nakakaapekto sa tungkulin ng tao. Yaong mga tumitigil sa paglilingkod o sumusuko at umuurong dahil sa takot na maaaring may mga sagabal sa kanilang paglilingkod ang pinakamatinding karuwagan sa lahat. Kung hindi kayang ipahayag ng mga tao ang nararapat nilang ipahayag habang naglilingkod o makamit kung ano ang likas na posible para sa kanila, at sa halip ay iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay, naiwala na nila ang tungkuling dapat taglayin ng isang nilalang. Ang gayong mga tao ay kilala bilang “mga walang-kabuluhan”; sila ay mga walang-silbing yagit. Paano matatawag nang wasto na mga nilalang ang gayong mga tao? Hindi ba mga tiwali silang nilalang na maningning sa labas ngunit bulok sa loob? … Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakakatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa kapagnagawang perpekto at nagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos ang isang tao matapos magdanas ng paghatol. Ang magdusa sa kasawian ay tumutukoy sa kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago matapos silang magdanas ng pagkastigo at paghatol; hindi pa sila nagawang perpekto kundi pinarusahan. Ngunit nakakatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdursa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilalang ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahanap sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na magdusa ng kasawian. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang pagkasuwail. Sa pamamagitan ng proseso ng paggawa ng kanyang tungkulin unti-unting nagbabago ang tao, at sa pamamagitan ng prosesong ito niya ipinamamalas ang kanyang katapatan. Sa gayon, kapag mas nagagawa mo ang iyong tungkulin, mas maraming katotohanan kang matatanggap, at magiging mas totoo ang iyong pagpapahayag. Yaong mga gumagawa para matapos na lamang ang kanilang tungkulin at hindi hinahanap ang katotohanan ay ititiwalag sa bandang huli, sapagkat ang gayong mga tao ay hindi ginagawa ang kanilang tungkulin sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi isinasagawa ang katotohanan sa paggampan ng kanilang tungkulin. Sila yaong mga nananatiling hindi nagbabago at magdurusa sa kasawian. Hindi lamang marumi ang kanilang mga pagpapahayag, kundi masama ang lahat ng kanilang ipinapahayag.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Mga Kahihinatnan ng Pagiging Takot sa Responsibilidad
Ang mga Nakatagong Dahilan ng Pagkatakot sa Responsabilidad
Kaugnay na mga Himno
Magdala ng Mas Maraming Pasanin para Mas Madaling Maperpekto ng Diyos