12. Paano lutasin ang problema ng paglilimita at panghuhusga sa Diyos

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang Diyos at ang tao ay hindi maaaring banggitin nang magkapantay. Ang Kanyang diwa at Kanyang gawain ay pinakamahirap na maarok at maintindihan ng tao. Kung hindi personal na ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain at sinasambit ang Kanyang mga salita sa mundo ng tao, hindi mauunawaan ng tao ang mga layunin ng Diyos kailanman. Kaya nga, kahit yaong mga naglaan na ng kanilang buong buhay sa Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon. Kung hindi sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain, gaano man kahusay gumawa ang tao, mababalewala iyon, dahil ang mga iniisip ng Diyos ay laging magiging mas mataas kaysa mga iniisip ng tao, at ang karunungan ng Diyos ay hindi kayang maintindihan ng tao. Kaya nga sinasabi Ko na yaong mga nagsasabing “lubos na nauunawaan” nila ang Diyos at ang Kanyang gawain ay lubhang walang kakayahan; lahat sila ay hambog at mangmang. Hindi dapat bigyang-kahulugan ng tao ang gawain ng Diyos; bukod pa riyan, hindi kayang ilarawan ng tao ang gawain ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang tao ay kasinghamak na tulad ng isang langgam; kaya paano maaarok ng tao ang gawain ng Diyos? Yaong mga gustong magsabi na, “Ang Diyos ay hindi gumagawa sa ganito o ganoong paraan,” o “Ang Diyos ay ganito o ganoon”—hindi ba sila mayabang magsalita? Dapat nating kilalaning lahat na ang tao, na may laman, ay nagawang tiwali ni Satanas. Ang pinakalikas na pagkatao ng sangkatauhan ay laban sa Diyos. Hindi maaaring pumantay ang sangkatauhan sa Diyos, lalong hindi kaya ng sangkatauhan na umasang magpayo sa gawain ng Diyos. Patungkol sa kung paano ginagabayan ng Diyos ang tao, ito ang gawain ng Diyos Mismo. Akma na dapat magpasakop ang tao, nang hindi nagpapahayag ng ganito o ganoong pananaw, sapagkat ang tao ay alabok lamang. Yamang ang ating layunin ay hanapin ang Diyos, hindi natin dapat pangibabawin ang ating mga kuru-kuro sa gawain ng Diyos para isaalang-alang ng Diyos, lalong hindi natin dapat gamitin ang ating tiwaling disposisyon para sadya at masigasig na labanan ang gawain ng Diyos. Hindi ba tayo gagawin niyan na mga anticristo? Paano nagagawa ng gayong mga tao na maniwala sa Diyos? Yamang naniniwala tayo na mayroong Diyos, at yamang nais nating palugurin Siya at makita Siya, dapat nating hanapin ang daan ng katotohanan, at dapat tayong humanap ng daan upang makaayon ng Diyos. Hindi tayo dapat makipagmatigasan sa paglaban sa Kanya. Anong kabutihan ang posibleng mangyari sa gayong mga pagkilos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Hindi ba maraming taong kumokontra sa Diyos at humahadlang sa gawain ng Banal na Espiritu dahil hindi nila alam ang iba’t iba at malawak na gawain ng Diyos, at, bukod pa riyan, dahil napakaliit ng taglay nilang kaalaman at doktrina para sukatin ang gawain ng Banal na Espiritu? Bagama’t mababaw ang mga karanasan ng gayong mga tao, mayabang at likas silang mapagpalayaw at hinahamak nila ang gawain ng Banal na Espiritu, binabalewala ang mga pagdidisiplina ng Banal na Espiritu at, bukod pa riyan, ginagamit nila ang kanilang mga walang-kuwentang lumang argumento upang “pagtibayin” ang gawain ng Banal na Espiritu. Nagkukunwari din sila, at lubos na kumbinsido sa sarili nilang natutuhan at kaalaman, at kumbinsido na nakakapaglakbay sila sa buong mundo. Hindi ba’t itinataboy ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at hindi ba sila ititiwalag pagsapit ng bagong kapanahunan? Hindi ba mga kasuklam-suklam na taong mangmang at kulang sa kaalaman yaong mga humaharap sa Diyos at lantaran Siyang kinokontra, na nagpapakita lamang kung gaano sila katalino? Sa taglay nilang kaunting kaalaman tungkol sa Bibliya, sinisikap nilang magwala sa “akademya” ng mundo; taglay ang isang mababaw na doktrina para turuan ang mga tao, sinusubukan nilang baligtarin ang gawain ng Banal na Espiritu at tinatangkang paikutin ito sa sarili nilang proseso ng pag-iisip. Dahil hindi nila alam ang mangyayari, sinusubukan nilang masdan sa isang sulyap ang 6,000 taon ng gawain ng Diyos. Walang anumang katinuan ang mga taong ito na dapat banggitin! Sa katunayan, kapag mas maraming kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, mas mabagal silang manghusga sa Kanyang gawain. Bukod pa riyan, katiting lamang ang binabanggit nilang kaalaman nila tungkol sa gawain ng Diyos ngayon, ngunit hindi sila padalus-dalos sa kanilang mga paghusga. Kapag mas kakaunti ang alam ng mga tao tungkol sa Diyos, mas mayabang sila at labis ang tiwala nila sa sarili at mas walang-pakundangan nilang ipinapahayag ang katauhan ng Diyos—subalit ang binabanggit nila ay teorya lamang, at wala silang ibinibigay na tunay na katibayan. Walang anumang halaga ang gayong mga tao. Yaong mga itinuturing na laro ang gawain ng Banal na Espiritu ay mga bobo! Yaong mga hindi maingat kapag nakakatagpo sila ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, na walang-tigil magsalita, mabilis humusga, malayang hinahayaan ang kanilang pag-uugali na tanggihan ang pagiging tama ng gawain ng Banal na Espiritu, at iniinsulto at nilalapastangan din ito—hindi ba mangmang sa gawain ng Banal na Espiritu ang ganoon kawalang-galang na mga tao? Bukod pa riyan, hindi ba sila mga taong mayayabang, likas na mapagmataas at pasaway? Kahit dumating ang araw na tanggapin ng gayong mga tao ang bagong gawain ng Banal na Espiritu, hindi pa rin sila palalampasin ng Diyos. Hindi lamang nila hinahamak yaong mga gumagawa para sa Diyos, kundi nilalapastangan din nila ang Diyos Mismo. Ang gayong desperadong mga tao ay hindi patatawarin, sa kapanahunang ito man o sa darating na kapanahunan, at mapapahamak sila sa impiyerno magpakailanman! Ang gayong walang-galang at maluhong mga tao ay nagkukunwaring naniniwala sa Diyos, at kapag mas ganito ang mga tao, mas malamang na labagin nila ang mga atas administratibo ng Diyos. Hindi ba tumatahak sa landas na ito ang lahat ng mayabang na talagang hindi mapigil, at hindi pa sumunod kahit kanino kailanman? Hindi ba nila kinokontra ang Diyos bawat araw, ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Dapat ninyong malaman na kinokontra ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil sa inyong padalus-dalos na pagtrato sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong pagkontra sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na mapaghimagsik. Matapos masumpungan ang kanilang paniniwala sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko na sumusukat sa mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, na nagkokomento at nagsasalita nang wala sa lugar; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katinuan sa kanila. Hindi ba’t darating ang araw na itataboy ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay pinipintasan ang Kanyang gawain, at sinusubukan ding turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paano makikilala ng gayong mga taong wala sa katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang naghahanap at nagdaranas; hindi nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pamimintas ayon sa gusto niya. Kapag mas tumpak ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila Siya kinokontra. Sa kabilang dako, kapag mas kakaunti ang alam ng tao tungkol sa Diyos, mas malamang na kontrahin nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong likas na pagkatao, at ang iyong pagkatao, ugali at moral na pananaw ang puhunan na ipinanlalaban mo sa Diyos, at habang mas tiwali ang iyong moralidad, kasuklam-suklam ang iyong mga katangian, at mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may mapagmagaling na disposisyon ay mas lalo pang kinapopootan ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ang mga anticristo. Kung hindi naitama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang malalayo sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Kung ginagamit ninyo ang mga sarili ninyong kuru-kuro upang sukatin at limitahan ang Diyos, na parang ang Diyos ay isang di-nababagong estatuwa na gawa sa luwad, at kung ganap na nililimitahan ninyo ang Diyos sa loob ng Bibliya at inilalagay Siya sa isang limitadong saklaw ng gawain, ito ay nagpapatunay na hinatulan na ninyo ang Diyos. Dahil, sa kanilang mga puso, itinuring ng mga Hudyo sa kapanahunan ng Lumang Tipan ang Diyos bilang isang idolo na hindi nagbabago ang anyo, na para bang ang Diyos ay matatawag lamang na Mesiyas, at tanging Siya lamang na tinawag na Mesiyas ang Diyos, at dahil pinaglingkuran at sinamba ng sangkatauhan ang Diyos na para bang Siya ay isang (walang-buhay na) estatuwang gawa sa luwad, ipinako nila ang Jesus ng panahong iyon sa krus, hinahatulan Siya ng kamatayan—ang walang-kasalanang Jesus ay sa gayon hinatulan ng kamatayan. Walang nagawang krimen ang Diyos, ngunit tumanggi ang tao na patawarin Siya, at nagpumilit na hatulan Siya ng kamatayan, at sa gayon, ipinako si Jesus sa krus. Laging naniniwala ang tao na di-nagbabago ang Diyos, at binibigyang-kahulugan Siya base lamang sa iisang aklat, ang Bibliya, na tila ba may perpektong pagkaunawa ang tao sa pamamahala ng Diyos, na tila ba ang lahat ng mga ginagawa ng Diyos ay nasa mga kamay na ng tao. Ang mga tao ay talaga namang katawa-tawa, sukdulan ang pagmamataas, at lahat sila ay mahilig sa eksaherasyon. Gaano man kadakila ang kaalaman mo sa Diyos, sinasabi Ko pa rin na hindi mo kilala ang Diyos, na ikaw ay isa na pinakatumututol sa Diyos, at na hinatulan mo ang Diyos, dahil lubos kang walang kakayahang magpasakop sa gawain ng Diyos at lumalakad sa landas ng paggawang perpekto ng Diyos. Bakit hindi kailanman nasisiyahan ang Diyos sa mga pagkilos ng tao? Sapagka’t hindi kilala ng tao ang Diyos, sapagka’t napakarami niyang kuru-kuro, at sapagka’t ang kanyang kaalaman sa Diyos ay hindi sumasang-ayon sa anumang paraan sa realidad, ngunit sa halip ay inuulit-ulit lang ang parehong tema nang walang pagbabago at ginagamit ang parehong paraan sa bawat sitwasyon. Kaya, yamang naparito sa lupa ngayon, ang Diyos ay minsan pang ipinako ng tao sa krus.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan

Sa kasalukuyan, iniisip ng karamihan ng mga tao, “Ang sinabi ng Diyos sa panahon ng mga huling araw ay naroroong lahat sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, wala nang iba pang salita mula sa Diyos; iyon na lahat ang sinabi ng Diyos,” tama ba? Malaking pagkakamali ang mag-isip nang ganito! Ang mga salitang nakapaloob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay mga pambungad na salita lamang ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, bahagi lamang ng mga salita sa gawaing ito, ang mga salitang ito ay pangunahing may kaugnayan sa mga katotohanan ng mga pangitain. Kalaunan ay magkakaroon din ng mga salitang binibigkas na may kinalaman sa mga detalye ng pagsasagawa. Samakatuwid, ang pagsasapubliko sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay hindi nangangahulugan na nagwawakas na ang isang yugto ng gawain ng Diyos, lalong hindi ito nangangahulugan na ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay nakarating na sa katapus-tapusan. Marami pang salita na ipahahayag ang Diyos, at maging pagkatapos mabigkas ang mga salitang ito, hindi pa rin masasabi ninuman na nagtapos na ang buong gawain ng pamamahala ng Diyos. Kapag natapos na ang gawain ng buong sansinukob, masasabi lamang ng isang tao na natapos na ang anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos; ngunit sa panahong ito, may mga tao pa kayang umiiral sa sansinukob na ito? Hangga’t umiiral ang buhay, hangga’t umiiral ang sangkatauhan, ang pamamahala ng Diyos ay dapat na nagpapatuloy pa rin. Kapag natapos na ang anim na libong taong plano ng pamamahala, hangga’t umiiral pa rin ang sangkatauhan, ang buhay, at ang sansinukob na ito, pamamahalaan pa rin itong lahat ng Diyos, ngunit hindi na ito tatawaging anim na libong taong plano ng pamamahala. Tatawagin na ito ngayong pamamahala ng Diyos. Marahil ay tatawagin ito sa ibang pangalan sa hinaharap; magiging panibagong buhay iyon para sa sangkatauhan at sa Diyos; hindi maaaring sabihin na gagamitin pa rin ng Diyos ang mga salita sa kasalukuyan para pamunuan ang mga tao, sapagkat ang mga salitang ito ay angkop lamang para sa yugto ng panahong ito. Kaya, huwag ilarawan ang gawain ng Diyos sa anumang pagkakataon. Sinasabi ng ilan, “ang mga salitang ito lamang ang ibinibigay ng Diyos sa mga tao, at wala nang iba pa; ang mga salitang ito lamang ang maaaring sabihin ng Diyos.” Ito ay paglilimita rin sa Diyos sa isang saklaw. Ito ay kagaya lamang, sa kasalukuyan, sa Kapanahunan ng Kaharian, ng paglalapat sa mga salitang binigkas sa kapanahunan ni Jesus—angkop ba iyon? Ang ilan sa mga salita ay mailalapat, at ang ilan ay kailangang buwagin, kaya hindi mo masasabi na ang mga salita ng Diyos ay hindi kailanman mabubuwag. Kaagad bang inilalarawan ng mga tao ang mga bagay-bagay? Sa ilang dako, inilalarawan nga nila ang Diyos. Marahil isang araw ay babasahin mo ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao kagaya ng pagbabasa ng mga tao sa Bibliya sa kasalukuyan, hindi sumasabay sa mga hakbang ng Diyos. Ngayon ang tamang panahon para basahin ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao; hindi natin masasabi kung ilang taon ang dadaan na ang pagbabasa nito ay magiging kagaya lang ng pagbabasa sa isang lumang kalendaryo, sapagkat magkakaroon na ng bagong papalit sa luma sa panahong iyon. Nalilikha at napapaunlad ang mga pangangailangan ng mga tao ayon sa gawain ng Diyos. Sa panahong iyon, ang kalikasan ng tao, at ang mga likas na gawi at mga katangian na dapat taglayin ng mga tao ay medyo nagbago na; pagkatapos magbago ng mundong ito, ang mga pangangailangan ng sangkatauhan ay mag-iiba. Itinatanong ng ilan: “Magsasalita ba ang Diyos kalaunan?” Mauuwi ang ilan sa konklusyon na “Hindi makapagsasalita ang Diyos, sapagkat kapag natapos na ang gawain sa Kapanahunan ng Salita, wala nang iba pang masasabi, at alinmang iba pang salita ay huwad.” Hindi ba’t mali rin ito? Madali para sa sangkatauhan na magawa ang pagkakamaling ilarawan ang Diyos; ang mga tao ay kadalasang kumakapit sa nakaraan at inilalarawan ang Diyos. Malinaw na hindi nila Siya nakikilala, ngunit walang habas pa rin nilang inilalarawan ang Kanyang gawain. Napakayabang ng kalikasan ng mga tao! Palagi nilang gustong kumapit sa mga makalumang kuru-kuro ng nakaraan at panatilihin sa puso nila ang mga bagay-bagay mula sa nakaraan. Ginagawa nila itong puhunan, ang pagiging mayabang at palalo, iniisip na nauunawaan nila ang lahat ng bagay, at may lakas pa ng loob na ilarawan ang gawain ng Diyos. Sa paggawa nito, hindi ba’t hinuhusgahan nila ang Diyos? Bukod pa rito, hindi isinasaalang-alang ng mga tao ang bagong gawain ng Diyos; ipinakikita lamang nito na mahirap para sa kanila na tumanggap ng mga bagong bagay, gayunpaman pikit-mata pa rin nilang inilalarawan ang Diyos. Napakayabang ng mga tao na wala na sila sa katwiran, wala silang pinakikinggan, at ni hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos. Gayon ang kalikasan ng tao: lubos na mayabang at mapagmagaling, at wala ni kaunti mang pagpapasakop. Ganito ang mga Pariseo nang hatulan nila si Jesus. Inisip nila na “Kahit pa tama ka, hindi pa rin ako susunod sa iyo—si Jehova lamang ang tunay na diyos.” Sa kasalukuyan, may ilan din na nagsasabing: “Siya si cristo? Hindi ako susunod sa kanya kahit na siya pa talaga si cristo!” May mga nabubuhay bang ganitong klaseng tao? Napakaraming relihiyosong tao ang ganyan. Ipinakikita nito na masyadong tiwali ang disposisyon ng tao, na ang mga tao ay hindi na maliligtas.

Sa mga taong banal sa mga nagdaang kapanahunan, sina Moises at Pedro lamang ang tunay na nakakilala sa Diyos, at sinang-ayunan sila ng Diyos; gayunpaman, kaya ba nilang maarok ang Diyos? Limitado rin ang kanilang nauunawaan. Sila mismo ay hindi nangahas na magsabing kilala nila ang Diyos. Ang mga tunay na nakakakilala sa Diyos ay hindi Siya inilalarawan, sapagkat natatanto nila na ang Diyos ay hindi makakalkula at hindi masusukat. Ang mga hindi nakakakilala sa Diyos ang kadalasang naglalarawan sa Kanya at sa kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Puno sila ng imahinasyon tungkol sa Diyos, madaling nakakalikha ng mga kuru-kuro tungkol sa lahat ng nagawa ng Diyos. Kaya, ang mga naniniwala na nakikilala nila ang Diyos ang pinakapalaban sa Diyos, at sila ang mga tao na pinakananganganib.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Nang malaman na mahal ng Diyos ang sangkatauhan, itinuturing nila Siya na isang simbolo ng pagmamahal: Naniniwala sila na anuman ang ginagawa ng mga tao, paano man sila kumikilos, paano man nila tinatrato ang Diyos, at gaano man sila kamapaghimagsik wala sa mga ito ang mahalaga, sapagkat ang Diyos ay may pagmamahal, at ang Kanyang pagmamahal ay walang hangganan at hindi masusukat; ang Diyos ay may pagmamahal, kaya maaari Siyang maging mapagparaya sa mga tao; at ang Diyos ay may pagmamahal, kaya maaari Siyang maging maawain sa mga tao, maawain sa kanilang pagiging isip-bata, maawain sa kanilang kamangmangan, at maawain sa kanilang paghihimagsik. Ganito ba talaga ito? Para sa ilang tao, kapag naranasan na nilang minsan o kahit ilang beses ang pasensya ng Diyos, ituturing nila ang mga karanasang ito bilang puhunan sa kanilang sariling pagkaunawa sa Diyos, naniniwala na magiging mapagpasensya at maawain Siya sa kanila magpakailanman, at pagkatapos, habang nabubuhay sila, itinuturing nila ang pasensyang ito ng Diyos at isinasaalang-alang bilang pamantayan ng Kanyang pagtrato sa kanila. May mga tao rin na, matapos maranasan nang minsan ang pagpaparaya ng Diyos, ay magpakailanmang ipapakahulugan ang Diyos na mapagparaya—at sa kanilang isipan, ang pagpaparayang ito ay walang hangganan, walang kondisyon, at lubos pa ngang walang prinsipyo. Tama ba ang ganitong mga paniniwala? Tuwing tinatalakay ang mga bagay tungkol sa diwa o disposisyon ng Diyos, tila nalilito kayo. Lubha Akong nababalisa kapag nakikita Ko kayong ganito. Marami na kayong narinig na katotohanan tungkol sa diwa ng Diyos; nakinig na rin kayo sa maraming talakayan tungkol sa Kanyang disposisyon. Gayunman, sa inyong isipan, ang mga isyung ito at ang katotohanan ng mga aspetong ito ay mga alaala lamang na batay sa teorya at nakasulat na mga salita; sa inyong pang-araw-araw na buhay, walang sinuman sa inyo ang nakaranas o nakakita kailanman sa kung ano ba talaga ang disposisyon ng Diyos. Sa gayon, naguguluhan kayong lahat sa inyong mga paniniwala; lahat kayo ay pikit-matang naniniwala, hanggang sa puntong wala na kayong pagpipitagan sa Diyos at binabalewala pa ninyo Siya. Saan humahantong ang pagkakaroon ninyo ng ganitong klase ng saloobin tungo sa Diyos? Humahantong ito sa palagi ninyong paggawa ng mga konklusyon tungkol sa Diyos. Kapag nagkaroon na kayo ng kaunting kaalaman, masyado na kayong nasisiyahan, na para bang natamo na ninyo ang Diyos sa Kanyang kabuuan. Pagkatapos, ipinapalagay ninyo na ganito ang Diyos, at hindi ninyo Siya hinahayaang kumilos nang malaya. Bukod pa riyan, tuwing may ginagawang bago ang Diyos, sadyang ayaw ninyong tanggapin na Siya ay Diyos. Balang araw, kapag sinabi ng Diyos na, “Hindi Ko na mahal ang sangkatauhan; hindi na Ako maaawa sa mga tao; wala na Akong anumang pagpaparaya o pasensya sa kanila; punung-puno na Ako ng matinding pagkamuhi at pagkainis sa kanila,” ang gayong mga pahayag ay magsasanhi ng pagtatalo sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Sasabihin pa ng ilan sa kanila, “Hindi na Ikaw ang Diyos ko; hindi na Ikaw ang Diyos na nais kong sundin. Kung ganito ang sinasabi Mo, hindi Ka na karapat-dapat na maging Diyos ko, at hindi ko na kailangang patuloy na sumunod sa Iyo. Kung hindi Mo ako kaaawaan, mamahalin, at pagpaparayaan, titigil na ako sa pagsunod sa Iyo. Kung nagpaparaya Ka sa akin nang walang hangganan, lagi Kang nagpapasensya sa akin, at tinutulutan Mo akong makita na Ikaw ay pagmamahal, na Ikaw ay pagpapasensya, at na Ikaw ay pagpaparaya, saka lamang Kita masusunod, at saka lamang ako magkakaroon ng tiwala na sumunod sa Iyo hanggang wakas. Dahil nagpapasensya at naaawa Ka sa akin, maaaring mapatawad ang aking pagrerebelde at aking mga pagsalangsang nang walang hangganan, at maaari akong magkasala kailanman at saanman, mangumpisal at mapatawad kailanman at saanman, at galitin Ka kailanman at saanman. Hindi Ka dapat magkaroon ng anumang mga opinyon o gumawa ng anumang mga konklusyon tungkol sa akin.” Bagamat walang isa man sa inyo ang maaaring mag-isip tungkol sa ganitong uri ng isyu nang pansarili o sadya, tuwing itinuturing mong kasangkapan ang Diyos na gagamitin para mapatawad ka sa iyong mga kasalanan o isang bagay na gagamitin para magtamo ng magandang hantungan, bahagya mo nang nagawa ang buhay na Diyos bilang kakontra mo, bilang kaaway mo. Ito ang nakikita Ko. Maaari mong patuloy na sabihin ang mga bagay na tulad ng, “Naniniwala ako sa Diyos,” “Hinahangad ko ang katotohanan,” “Nais kong baguhin ang aking disposisyon,” “Nais kong makawala sa impluwensya ng kadiliman,” “Nais kong palugurin ang Diyos,” “Nais kong magpasakop sa Diyos,” “Nais kong maging tapat sa Diyos, at gawin nang maayos ang aking tungkulin,” at iba pa. Gayunman, gaano man katamis pakinggan ang iyong mga salita, gaano man karami ang teoryang maaaring alam mo, at gaano man kahanga-hanga o karangal ang teoryang iyon, ang totoo ay na marami na sa inyo ang natuto na kung paano gamitin ang mga regulasyon, doktrina, at teoryang napagdalubhasaan ninyo upang gumawa ng mga konklusyon tungkol sa Diyos, sa gayon ay likas ninyo Siyang ginagawang kakontra ninyo. Bagamat maaaring napagdalubhasaan mo na ang mga salita at mga doktrina, hindi ka pa talaga nakapasok sa realidad ng katotohanan, kaya napakahirap para sa iyo ang makalapit sa Diyos, makilala Siya, at maunawaan Siya. Lubhang nakakalungkot iyan!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Gusto ng mga tao na mahigpit na maglapat ng mga alituntunin at gamitin ang mga ganoong alituntunin upang limitahan at bigyang-kahulugan ang Diyos, tulad ng kanilang pagnanais na gumamit ng mga pormula upang subukang unawain ang disposisyon ng Diyos. Samakatuwid, batay sa kayang abutin ng pag-iisip ng tao, ang Diyos ay hindi nag-iisip, ni wala Siyang anumang makabuluhang mga ideya. Ngunit sa realidad, ang mga kaisipan ng Diyos ay patuloy na nagbabago ayon sa mga pagbabago sa mga bagay-bagay at sa mga kapaligiran. Habang ang mga kaisipang ito ay nagbabago, nabubunyag ang iba’t ibang aspeto ng diwa ng Diyos. Sa prosesong ito ng pagbabago, sa mismong sandaling binabago ng Diyos ang Kanyang puso, ang totoong pag-iral ng Kanyang buhay ang ibinubunyag Niya sa sangkatauhan, at na ibinubunyag din Niya na ang Kanyang matuwid na disposisyon ay puno ng nagbabagong kasiglahan. Kasabay nito, ginagamit ng Diyos ang Kanyang sariling tunay na mga pagbubunyag upang patunayan sa sangkatauhan ang pagiging totoo ng pag-iral ng Kanyang poot, Kanyang awa, Kanyang mapagmahal na kabaitan at Kanyang pagpaparaya. Ang Kanyang diwa ay mabubunyag sa anumang oras at saan mang lugar alinsunod sa pag-unlad ng mga bagay-bagay. May angkin Siyang poot ng isang leon at pagkahabag at pagpaparaya ng isang ina. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay hindi nagpapahintulot ng pagdududa, paglabag, pagbabago, o pamamaluktot ng sinumang tao. Sa lahat ng usapin at mga bagay-bagay, ang matuwid na disposisyon ng Diyos—iyon ay, ang poot ng Diyos at awa ng Diyos—ay mabubunyag sa anumang oras at saan mang lugar. Nagbibigay Siya ng mahalagang pagpapahayag sa mga aspetong ito sa bawat sulok ng sangnilikha, at isinasakatuparan Niya ang mga iyon nang may sigla sa bawat paglipas ng sandali. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nalilimitahan ng panahon o lugar, o sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi ipinapahayag na parang makina o ibinubunyag ayon sa idinidikta ng mga hangganan ng panahon o lugar, kundi sa halip, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay malayang naihahayag at nabubunyag sa lahat ng panahon at mga lugar. Kapag nakita mong binago ng Diyos ang Kanyang puso at huminto sa paghahayag ng Kanyang poot at tumigil sa pagwasak sa lungsod ng Ninive, masasabi mo ba na mahabagin at mapagmahal lamang ang Diyos? Masasabi mo ba na ang poot ng Diyos ay binubuo ng walang-saysay na mga salita? Kapag ipinadarama ng Diyos ang matinding poot at binabawi ang Kanyang awa, masasabi mo ba na hindi Siya nakadarama ng tunay na pagmamahal sa sangkatauhan? Inihahayag ng Diyos ang matinding poot na ito bilang tugon sa masasamang gawa ng mga tao; ang Kanyang poot ay walang kapintasan. Ang puso ng Diyos ay naaantig ng pagsisisi ng mga tao, at ang pagsisising ito ang siyang nagdudulot ng pagbabago sa Kanyang puso. Kapag naaantig Siya, kapag may pagbabago sa Kanyang puso, at kapag nagpapakita Siya ng awa at pagpaparaya sa tao, ang lahat ng ito ay lubos na walang kapintasan; ang mga iyon ay malinis, dalisay, walang-dungis at walang-halo. Ang pagpaparaya ng Diyos ay talagang: pagpaparaya, gaya ng ang Kanyang awa ay walang-iba kundi awa. Ibinubunyag ng Kanyang disposisyon ang poot o awa at pagpaparaya at ang mga pagkakaiba-iba sa pag-uugali ng tao. Kahit ano man ang Kanyang ibunyag at ipahayag, lahat ng ito ay dalisay at tuwiran; ang diwa nito ay iba mula roon sa anumang nilikha. Kapag ipinahahayag ng Diyos ang mga prinsipyo sa likod ng Kanyang mga pagkilos, malaya ang mga ito sa anumang kapintasan o dungis, at gayundin ang Kanyang kaisipan, mga ideya, at bawat isang pagpapasya Niya at kilos na isinasagawa Niya. Dahil sa nakapagpasya na nang gayon ang Diyos at nakakilos na Siya nang gayon, gayon Niya rin tinatapos ang Kanyang mga sinimulan. Ang resulta ng Kanyang mga ginawa ay tama at tiyak na walang pagkakamali sapagkat ang pinagmulan ng mga iyon ay walang-kapintasan at walang-dungis. Ang poot ng Diyos ay walang-kapintasan. Gayundin, ang awa at pagpaparaya ng Diyos—na hindi taglay ng anumang mga nilikha—ay banal at walang-kapintasan, at kayang tagalan ang maingat na paglilimi at karanasan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Nananalig ang ilang tao sa Diyos kapag nakita nila na ang mga salitang ipinahayag ng Diyos ay tunay ngang ang katotohanan. Gayunpaman, kapag nakarating na sila sa sambahayan ng Diyos at nakita nila na ang Diyos ay isang ordinaryong tao, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro sa kanilang puso. Ang kanilang mga salita at gawa ay hindi na napipigilan, sila ay nagiging masama, at iresponsable na ang kanilang pananalita, nanghuhusga at naninirang-puri kung paano man nila gusto. Sa ganitong paraan nabubunyag ang gayong masasamang tao. Ang mga nilalang na ito na walang pagkatao ay madalas na gumagawa ng masama at nanggugulo sa gawain ng iglesia, at walang mabuting darating sa kanila! Hayagan nilang nilalabanan, sinisiraan, hinuhusgahan at iniinsulto ang Diyos, hayagan Siyang nilalapastangan at sinasalungat. Ang ganitong mga tao ay dapat tumanggap ng matinding parusa. Ang ilang tao ay kabilang sa hanay ng mga huwad na lider, at pagkatapos matanggal, patuloy silang nakadarama ng hinanakit sa Diyos. Sinasamantala nila ang pagkakataong may mga pagtitipon upang patuloy na ipalaganap ang kanilang mga kuru-kuro at ilabas ang kanilang mga reklamo; maaari pa nga silang basta na lamang magbanggit ng masasakit na salita o ng mga salitang naglalabas ng kanilang galit. Hindi ba’t demonyo ang mga ganitong tao? Matapos mapalayas sa sambahayan ng Diyos, nakakaramdam sila ng pagsisisi, sinasabing may nasabi silang mali sa isang sandali ng kahangalan. May ilang taong hindi nakakakilatis sa kanila, na nagsasabing, “Nakakaawa sila, at sa kanilang puso ay nagsisisi sila. Sinasabi nila na sila ay may pagkakautang sa Diyos at hindi nila Siya kilala, kaya patawarin natin sila.” Ganoon lang ba kadaling ibigay ang kapatawaran? Ang mga tao ay may kani-kaniyang dignidad, lalo na ang Diyos! Matapos ang kalapastanganan at paninirang-puri ng mga taong ito, tila nagsisisi sila sa ilan, na nagpapatawad sa kanila at nagsasabing sila ay kumilos sa isang sandali ng kahangalan—ngunit ito nga ba ay isang sandali ng kahangalan? Palagi silang may intensyon sa kanilang pananalita, at malakas pa ang kanilang loob na husgahan ang Diyos. Pinalitan sila ng sambahayan ng Diyos, at nawala sa kanila ang mga benepisyo ng katayuan, at sa takot na maitiwalag, nagpapahayag sila ng maraming reklamo at pagkatapos ay umiiyak nang may pait at pagsisisi. May mabuti ba itong nagagawa? Kapag nabitawan mo na ang mga salita, parang tubig ang mga ito na ibinuhos sa lupa, na hindi na mababawi. Pahihintulutan ba ng Diyos ang mga taong lumalaban, humuhusga, at lumalapastangan sa Kanya kung paano man nila gusto? Ipagsasawalang-bahala na lang ba Niya ito? Ang Diyos ay mawawalan ng dignidad, kung gayon. Pagkatapos ng kanilang paglaban, may ilang taong nagsasabing, “Diyos ko, tinubos ako ng iyong napakahalagang dugo. Sinabihan Mo kaming patawarin ang mga tao nang pitumpu’t pitong beses—dapat mo rin akong patawarin!” Walang kahihiyan! Ang ilang tao ay nagpapakalat ng mga sabi-sabi tungkol sa Diyos, at natatakot pagkatapos Siyang siraan. Sa takot na maparusahan, agad silang lumuluhod at nananalangin: “Diyos ko! Huwag mo po akong iwan, huwag mo akong parusahan. Inaamin ko, nagsisisi ako, may pagkakautang ako sa iyo, nagkamali ako.” Sabihin ninyo sa Akin, maaari bang mapatawad ang ganitong mga tao? Hindi! Bakit hindi? Ang kanilang ginawa ay nagkakasala sa Banal na Espiritu, at ang kasalanang paglapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi kailanman mapapatawad, sa buhay na ito o sa susunod na mundo! Ang Diyos ay nananatiling tapat sa Kanyang mga salita. Siya ay may dignidad, poot, at isang matuwid na disposisyon. Sa palagay mo ba ay katulad ng Diyos ang tao, na kung ang isang tao ay medyo mas mabait lang sa Kanya, ay palalagpasin na lamang Niya ang mga nakaraang paglabag nito? Hindi ganito! Magiging maganda ba ang mga bagay-bagay para sa iyo kung lalaban ka sa Diyos? Kauna-unawa kung may mali kang nagawa dahil sa panandaliang kahangalan, o paminsan-minsan ay naghahayag ka ng kaunting tiwaling disposisyon. Ngunit kung ikaw ay tuwirang lumalaban, nagrerebelde, at sumasalungat sa Diyos, at kung ikaw ay naninirang-puri, lumalapastangan, at nagkakalat ng mga sabi-sabi tungkol sa Kanya, ikaw ay ganap na mapapahamak. Hindi na kailangang manalangin pa ang ganitong mga tao; dapat na lamang silang maghintay na maparusahan. Sila ay hindi mapapatawad! Pagdating ng oras na iyon, huwag mong sabihin nang walang kahihiyan na, “Diyos ko, patawarin Mo po ako!” Kahit paano ka pa makiusap, paumanhin, pero wala itong silbi. Dahil nauunawaan na nila ang ilang katotohanan, kung sadyang lalabag ang mga tao, hindi sila mapapatawad. Dati, sinasabing hindi tinatandaan ng Diyos ang mga paglabag ng isang tao. Tumutukoy ito sa maliliit na paglabag na walang kinalaman sa mga atas administratibo ng Diyos at na hindi lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Hindi kasama rito ang kalapastanganan at paninirang-puri sa Diyos. Ngunit kung lalapastanganin, huhusgahan, o sisiraan mo ang Diyos nang kahit isang beses, ito ay magiging isang permanenteng mantsa na hindi mabubura. Nais ng mga tao na lapastanganin at abusuhin ang Diyos kung paano man nila gusto, at pagkatapos ay samantalahin Siya upang makakuha ng mga pagpapala. Walang anuman sa mundo na kasingbaba niyan! Laging iniisip ng mga tao na ang Diyos ay mahabagin at mabait, na Siya ay mabuti, na Siya ay may malawak at di-masusukat na puso, na hindi Niya tinatandaan ang mga paglabag ng mga tao at na pinalalagpas na lamang Niya ang mga nakaraang paglabag at gawa ng mga tao. Ang pagpapalagpas na lamang sa nakaraan ay nangyayari sa maliliit na bagay. Hindi kailanman patatawarin ng Diyos ang mga hayagang lumalaban at lumalapastangan sa Kanya.

Bagama’t ang karamihan sa mga tao sa iglesia ay tunay na nananalig sa Diyos, wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Ipinapakita nito na karamihan sa mga tao ay walang tunay na kaalaman sa disposisyon ng Diyos, kaya mahirap para sa kanila na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Kung ang mga tao ay walang takot sa Diyos at hindi nasisindak sa Kanya sa kanilang pananampalataya, at sinasabi nila ang anumang gusto nila kapag ang gawain ng Diyos ay nakakaapekto na sa sarili nilang mga interes, kapag natapos na silang magsalita, iyon na ba ang magiging wakas nito? Dapat nilang pagbayaran ang ano mang sinabi nila, at ito ay hindi isang simpleng bagay. Kapag may mga taong lumalapastangan sa Diyos, kapag hinuhusgahan nila ang Diyos, alam ba nila sa kanilang puso kung ano ang kanilang sinasabi? Sa kanilang puso, alam ng lahat ng nagsasabi ng mga bagay na ito kung ano ang kanilang sinasabi. Maliban sa mga sinapian ng masasamang espiritu at may abnormal na pangangatwiran, alam ng mga karaniwang tao sa kanilang puso ang kanilang sinasabi. Kung sasabihin nilang hindi, nagsisinungaling sila. Kapag nagsasalita sila, iniisip nila: “Alam ko na ikaw ang diyos. Sinasabi ko na hindi tama ang ginagawa mo, kaya ano ang maaari mong gawin sa akin? Ano ang gagawin mo kapag tapos na akong magsalita?” Sinasadya nila ito, para guluhin ang iba, para mahatak ang iba sa panig nila, para mahikayat ang iba na magsabi rin ng mga katulad na bagay, para mahikayat ang iba na gumawa rin ng mga katulad na bagay. Alam nila na ang kanilang sinasabi ay hayagang pagsuway sa Diyos, na ito ay paglaban sa Diyos, paglapastangan sa Diyos. Pagkatapos nila itong pag-isipan ay naiisip nilang mali ang kanilang ginawa: “Ano ba ang sinasabi ko? Ito ay isang mapusok na sandali at talagang pinagsisisihan ko ito!” Ang kanilang pagsisisi ay nagpapatunay na alam nila kung ano mismo ang kanilang ginagawa noong panahong iyon; hindi sa hindi nila alam. Kung sa tingin mo ay pansamantala silang naging ignorante at nalito, na hindi nila lubusang naintindihan, hindi ito ganap na tama. Maaaring hindi lubos na naunawaan ng mga tao, ngunit kung nananalig ka sa Diyos, dapat ay mayroon kang kahit kaunting sentido komun. Upang manalig sa Diyos, dapat kang masindak sa Diyos at magkaroon ng takot sa Kanya. Hindi mo maaaring lapastanganin ang Diyos, o husgahan o siraan Siya kung paano mo man gusto. Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng “paghuhusga,” “kalapastanganan” at “paninirang-puri”? Kapag may sinabi ka, hindi mo ba alam kung hinuhusgahan mo ang Diyos o hindi? Ang ilang tao ay palaging nagsasalita tungkol sa katotohanang naging tagapagpatuloy na sila sa Diyos, at madalas nilang nakikita ang Diyos, at harapan na silang nakinig sa pagbabahagi ng Diyos. Walang sawa silang nakikipag-usap kaninuman tungkol sa mga bagay na ito, lahat ay tungkol sa mga panlabas na bagay; wala silang anumang tunay na kaalaman. Maaaring wala silang masamang intensyon kapag sinasabi nila ang mga bagay na ito. Maaaring maganda ang motibo nila para sa mga kapatid at nais nilang palakasin ang loob ng lahat. Ngunit bakit nila pinipiling pag-usapan ang mga bagay na ito? Kung kusa nilang inuungkat ang usaping ito, may intensyon nga sila: karaniwan ay upang magyabang at tingalain sila ng mga tao. Kung gusto nilang gawing buo ang tiwala ng mga tao at palakasin ang kanilang pananampalataya sa Diyos, maaari nilang mas basahin sa kanila ang Kanyang mga salita, na siyang katotohanan. Kung gayon, bakit nila pinipilit na pag-usapan ang mga panlabas na bagay? Ang ugat ng pagsasabi nila ng mga bagay na ito ay sadyang wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi sila natatakot sa Diyos. Paano nila nagagawang manggulo at magyabang sa harap ng Diyos? May dignidad ang Diyos! Kung nauunawaan ito ng mga tao, gagawin pa rin ba nila ang mga gayong bagay? Ang mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso. Basta-basta lang silang nagsasabi ng tungkol sa Diyos at kung ano ang katangian ng Diyos para sa sarili nilang mga motibo, para makamit ang kanilang mga personal na layunin at para tumaas ang tingin ng iba sa kanila. Ito ay panghuhusga sa Diyos at paglapastangan lamang sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay walang anumang takot sa Diyos sa kanilang puso. Lahat sila ay mga taong lumalaban at lumalapastangan sa Diyos. Lahat sila ay masasamang espiritu at mga demonyo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Kung susubukan mong husgahan ang gawain ng Diyos at ang mga bagay na nangyayari sa tao mula sa perspektiba ng tama at mali, at ng wasto at di-wasto, tatanggihan mo ang mga iyon. Iisipin mo na ang mga iyon ay parang hindi gawain ng Diyos at na hindi naaayon ang mga iyon sa iyong mga kuru-kuro at mga imahinasyon, at tatanggihan mo ang mga iyon. Kung tatanggihan mo ang mga iyon, paano mo magagawang magpasakop sa mga iyon bilang ang katotohanan? Magiging imposible ito. Bakit tinatanggihan ng mga tao ang mga ito? Ang sanhi nito ay mga kuru-kuro ng tao, na nangangahulugan na may mga limitasyon sa mga kayang kilalanin ng utak ng tao, at sa kung ano ang kayang makita ng mga tao sa mga gawa ng Diyos, at na may mga limitasyon sa mga katotohanang kayang maintindihan ng mga tao. Paano mo malalampasan ang mga limitasyong ito para tunay mong makilala ang Diyos? Dapat mong tanggapin ang mga bagay mula sa Diyos, at huwag basta-bastang bigyan ng kahulugan ang mga bagay na kinakaharap mo na hindi mo naman nauunawaan, at huwag manghusga nang pikit-mata kung hindi mo kayang lutasin ang ilang problema. Ito dapat ang katwirang pinakataglay ng mga tao. Kung sinasabi mong, “Hindi iyon ang ginagawa ng Diyos, hinding-hindi iyon gagawin ng Diyos!” kung gayon ay kulang ka sa katwiran. Ano ang talagang maiintindihan mo? Kung mangangahas kang manghusga sa ngalan ng Diyos, talagang wala kang katwiran. Hindi naman kikilos ang Diyos nang ganap na katulad sa iniisip mo o sa saklaw ng mga imahinasyon mo. Ang Diyos ay napakadakila, labis na hindi maarok, napakalalim, napakakamangha-mangha, at napakarunong! Bakit Ko idinagdag ang salitang “napaka”? Sapagkat hindi maarok ng mga tao ang Diyos. Isa kang nilikha, kaya huwag mong tangkaing arukin ang Diyos. Sa sandaling wala ka nang ganitong kaisipan, magkakaroon ka ng kaunting katwiran. Huwag mong subukang maglatag ng mga panuntunan para sa Diyos, at kung maiiwasan mo iyong gawin, magkakaroon ka ng katwiran. Maraming tao ang laging naglalatag ng mga panuntunan para sa Diyos at nagsasabing dapat kumilos ang Diyos sa isang partikular na paraan, na siguradong gagawin ito ng Diyos sa paraang ito o siguradong hindi iyon gagawin ng Diyos sa paraang iyon, na ito ay talagang pagkilos ng Diyos, at ang iba pa ay siguradong hindi pagkilos ng Diyos. At paano naman itong idinagdag na salitang “sigurado”? (Wala itong katwiran.) Sinasabi mong napakakahanga-hanga at napakarunong ng Diyos subalit sinasabi mo na hinding-hindi kikilos ang Diyos sa isang partikular na paraan. Hindi ba’t magkasalungat iyon? Hindi iyon totoong pagkakilala sa Diyos. Labis na walang katwiran ang palagiang pagpilit ng mga pananaw ng isang tao at palagiang paglatag ng mga panuntunan para sa Diyos.

Ginagawa ng Diyos itong huling yugto ng gawain, at walang nag-akalang magpapakita Siya at gagawa sa Tsina. Hindi ba’t ang katunayan na hindi mo ito inakala ay dahil sa mga kuru-kuro at imahinasyon sa iyong puso, at mga limitasyon sa iyong pag-iisip? Maaaring inisip mo na posible ito sa Amerika, sa United Kingdom, o sa Israel, pero hindi mo lubos maisip na gagawa ang Diyos sa Tsina. Hindi mo ito maisip. Hindi ito maabot ng mga kuru-kuro at mga imahinasyon ng tao, subalit kasisimula pa lamang ng Diyos sa Kanyang gawain sa Tsina, isinasakatuparan ang Kanyang huli at pinakamahalagang gawain. Salungat na salungat ito sa mga kuru-kuro ng tao. Ano, kung gayon, ang natutuhan mo mula rito? (Na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao ang gawain ng Diyos, at na ito ay kahanga-hanga at di-maarok.) Ang gawain ng Diyos ay hindi kayang abutin ng mga imahinasyon ng tao, ito ay kahanga-hanga at di-maarok, may karunungan, malalim—ito ay mga salita ng tao na ginagamit upang ilarawan ang lahat ng mayroon at kung ano ang Diyos, ang Kanyang disposisyon at diwa, at itinuturing itong makatwiran. Sa pamamagitan ng paggawa ng Diyos sa mga bagay-bagay na salungat sa mga kuru-kuro ng tao na maibubuod ito ng mga tao gamit ang mga salitang ito—ang gawain ng Diyos ay kahanga-hanga at di-maarok, salungat sa mga kuru-kuro ng tao. Ano pa ang maaaring matutuhan ng mga tao mula rito? Na ang dating mga kuru-kuro at imahinasyon ng sangkatauhan ay napabagsak nang lahat. Kung gayon saan galing ang mga kuru-kurong ito? Mula sa makikita mo, ang Tsina ay dukha at atrasado, taglay ng Partido Komunista ang kapangyarihan, inuusig ang mga Kristiyano, walang kalayaan, walang karapatang pantao, at ang mga Tsino ay mabababa ang pinag-aralan, mabababa ang katayuan sa mundo, at tila sila ang kaawa-awang pinakamahihinang tao sa Silangang Asya. Paanong nagkatawang-tao ang Diyos sa Tsina upang gawin ang Kanyang gawain? Hindi ba’t isa itong kuru-kuro? Ngayon, tingnan mo kung tama o mali ang kuru-kurong ito. (Maling-mali ito.) Una, huwag nating pag-usapan kung bakit gagawa ang Diyos sa ganitong paraan, kung dahil ba ito sa gusto Niyang maging mapagpakumbaba at nakatago, o kung ang paggawa ba sa paraang ito ay may malalim na kahulugan at halaga. Huwag nating pag-usapan ang antas na ito, kundi pag-usapan natin kung sumasalungat ba sa maraming kuru-kuro ng tao ang paggawa ng Diyos sa paraang ito. Talagang oo! Hindi ito maisip ng tao. Misteryo ito ng Langit, at walang nakaaalam. Kahit na tawagin pa ang mga astronomo, heograpo, historyador, at propeta, may makaiintindi ba rito? Walang sinumang makaiintindi nito, kahit na tipunin pa ang lahat ng taong may kakayahan, buhay man o patay, para magsuri at magsiyasat, o mag-obserba at mag-aral gamit ang mga astronomikal na teleskopyo—lahat ng iyon ay walang saysay. Ano ang ibig sabihin nito? Na ang sangkatauhan ay napakawalang halaga, napakamangmang, masyadong kulang sa pang-unawa para maarok ang mga usapin ng Diyos. Kung hindi ka makaarok, huwag ka nang mag-abala pa. Ano ang kalalabasan kung susubukan mo? Ang mga kuru-kuro mo ay hindi katumbas ng katotohanan, at sa katunayan ay malayung-malayo sa kung ano ang nais gawin ng Diyos. Hindi talaga magkapareho ang mga bagay na iyon. Walang silbi ang katiting na kaalaman ng mga tao, hindi nito kayang maunawaan ang anuman o malutas ang anumang problema. Ngayon na nababasa ninyo ang mga salita ng Diyos, at nakakapakinig kayo sa mga sermon at pagbabahagi, mas nakakaunawa na ba kayo nang kaunti sa inyong mga puso? May kaunting kaalaman na ba kayo tungkol sa Diyos? Maaaring sabihin ng isang tao: “Hindi ipinaliliwanag ng Diyos kung ano ang ginagawa Niya sa atin, kung magbibigay man lang sana Siya ng tanda sa kalangitan para maunawaan natin kung ano ang plano Niyang gawin, o magbibigay inspirasyon man lang sa isang propeta para magbigay ng prediksyon.” Hindi mo ito makikita, kahit pa may tanda sa langit, at hindi rin ito makikita ng isang propeta. Nananatiling lihim ang ginagawa ng Diyos sa espirituwal na mundo mula pa noong sinaunang panahon hanggang sa ngayon, at napakasekreto nito na walang makakaalam ni isang tao. Gaano man katalentado ang isang propeta o astronomo, o iskolar, dalubhasa, o siyentipiko sa anumang larangan, mag-aral man sila hangga’t gusto nila, hindi nila maiintindihan ang mga usapin ng Diyos. Maaaring pag-aralan ng mga tao ang mga nakalipas na gawain ng Diyos, at maaaring makapulot sila ng ilang sekreto o kahulugan na maaaring may kinalaman sa kung bakit ito ginawa ng Diyos, pero walang nakaaalam kung ano ang gagawin ng Diyos sa hinaharap, o ang Kanyang mga plano. Dahil dito, hindi dapat isipin ng mga tao na arukin ang Diyos o sa huli ay arukin kung paano Siya gumagawa sa pamamagitan ng obserbasyon at pag-aaral, mahabang pagsisiyasat at karanasan, iba’t ibang klaseng pagsusuri, o ng labis na pagsisigasig at matinding pagsisikap. Imposible ito, at hinding-hindi uubra. Kung gayon, kung hindi maaarok ng tao ang Diyos, ano ang dapat nilang gawin? (Dapat silang magpasakop.) Pinakamakatwiran para sa mga tao na magpasakop, at lubos itong alinsunod sa mga layunin ng Diyos; pagpapasakop ang batayan. Ano ang layunin nito? Ito ay ang mas makilala Siya, makamit ang katotohanan, at matamo ang buhay, batay sa karanasan sa gawain ng Diyos. Ito ang dapat mong makamit, at ang kayamanang dapat mong hangarin. Tungkol naman sa malalaking panlabas na pangyayari, gaya ng mga pandaigdigang usapin, kung paano ginagawa ng Diyos ang mga bagay-bagay at kung paano Niya pinamumunuan ang lahi ng tao—kung mauunawaan mo ang mga bagay na ito, mas mainam iyon. Mainam din kung sasabihin mong: “Wala talaga akong pakialam tungkol sa mga bagay na iyon. Wala akong kahusayan o pag-iisip para doon; may pakialam lamang ako sa kung paano ako binibigyan ng Diyos ng katotohanan at kung paano Niya binabago ang disposisyon ko.” Hangga’t mayroon kang pusong mapagpasakop at may-takot sa Diyos, sa huli ay makakamit mo ang katotohanang mula sa Diyos, pati na rin ang karunungan. Binabago ng katotohanan ang mga disposisyon ng tao; ito ang buhay na dapat hangaring makamit ng mga tao, at ang landas na dapat nilang tahakin. Ano, kung gayon, ang karunungang nakukuha ng mga tao? Nang hindi mo namamalayan, makikita mo ang paraan kung paano ginagawa ng Diyos ang mga bagay-bagay, kung bakit Niya ginagawa ang mga iyon, kung ano ang mga layunin at mithiin Niya, at kung ano ang mga prinsipyo Niya sa paggawa ng ilang bagay. Mababatid mo ito nang hindi mo namamalayan sa pamamagitan ng proseso ng pagdanas sa katotohanan ng mga salita ng Diyos. Marahil ang mga salitang ito at mga bagay na ito ay napakalalim, at hindi mo ito maipapahayag gamit ang mga salita, pero mararamdaman mo ito sa iyong puso, at magkakaroon ka ng tunay na pagkaunawa kahit na hindi mo ito namamalayan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kataas-taasang Kapangyarihan ng Diyos

Anuman ang gawin ng Diyos, dapat magpasakop ang tao; ang tao ay isang nilikha, gawa sa alabok, at dapat siyang magpasakop sa Diyos. Ito ang tungkulin, obligasyon, at responsabilidad ng tao. Ito ang saloobin na dapat mayroon ang mga tao. Kapag may ganitong saloobin ang mga tao, paano nila dapat tratuhin ang Diyos at ang mga bagay na ginagawa ng Diyos? Huwag kondenahin kailanman, baka masalungat mo ang disposisyon ng Diyos. Kung mayroon kang mga kuru-kuro, ayusin mo ang mga ito, ngunit huwag mong kondenahin ang Diyos o ang mga bagay na ginagawa Niya. Sa sandaling kondenahin mo ang mga ito, tapos ka na: Katumbas ito ng pagtindig sa panig na salungat sa Diyos, na walang pagkakataong makatanggap ng kaligtasan. Maaari mong sabihin, “Hindi ako tumatayo na salungat sa Diyos ngayon, ngunit mayroon akong maling pagkaunawa sa Diyos,” o “Mayroon akong kaunting pagdududa sa aking puso tungkol sa Diyos; maliit ang aking pananampalataya, at mayroon akong mga kahinaan at pagkanegatibo.” Mapamamahalaan ang lahat ng ito; maaayos ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan—ngunit huwag mong kondenahin ang Diyos. Kung sasabihin mo, “Hindi tama ang ginawa ng diyos. Hindi ito naaayon sa katotohanan, kaya may dahilan ako upang magduda, magkuwestiyon, at magparatang. Ipagkakalat ko ito sa lahat ng dako at pagbubuklurin ko ang mga tao sa pagkuwestiyon sa kanya,” magiging magulo ito. Magbabago ang saloobin ng Diyos sa iyo, at kung kokondenahin mo ang Diyos, tuluyan kang matatapos; napakaraming paraan kung saan maaaring gumanti ang Diyos sa iyo. Samakatuwid, hindi dapat sadyain ng mga tao na salungatin ang Diyos. Hindi malaking problema kung hindi mo sinasadyang gumawa ng isang bagay upang labanan Siya, dahil hindi ito sinadyang gawin o binalak, at binibigyan ka ng Diyos ng pagkakataon upang magsisi. Kung sinasadya mo itong kondenahin kahit na alam mong ang isang bagay ay gawa ng Diyos, at hinihimok mo ang lahat na sama-samang maghimagsik, ito ay magulo. At ano ang magiging resulta? Matutulad ka sa dalawang daan at limampung pinuno na lumaban kay Moises. Kahit na alam mong ang Diyos iyon, nangangahas ka pa ring maghinanaing sa Kanya. Hindi nakikipagdebate ang Diyos sa iyo: Sa Kanya ang awtoridad; binubuka Niya ang lupa at lalamunin ka nang direkta, at iyon na iyon. Hindi ka na Niya kailanman makikita o hindi na Siya makikinig sa iyong pangangatwiran. Ito ang disposisyon ng Diyos. Ano ang ipinapamalas ng disposisyon ng Diyos sa ngayon? Ito ay poot! Samakatuwid, hindi dapat sa anumang paraan maghinanaing ang mga tao laban sa Diyos o pukawin ang Kanyang poot; kapag may sinumang sumalungat sa Diyos, ang magiging resulta ay perdisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang bawat tao, habang ipinamumuhay ang kanyang buhay ng pananampalataya sa Diyos, ay nakagawa ng mga bagay na lumalaban at nanlilinlang sa Diyos. Hindi kailangang itala bilang pagkakasala ang ilang masamang gawa, ngunit walang kapatawaran ang ilan; sapagkat maraming gawa na lumalabag sa mga atas administratibo, na lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Marami sa mga nababahala sa kanilang sariling mga kapalaran ay maaaring magtanong kung anu-ano ang mga gawang ito. Dapat ninyong malamang likas kayong mapagmataas at mayabang, at ayaw magpasakop sa mga katotohanan. Sa dahilang ito, sasabihin Ko sa inyo nang paunti-unti pagkatapos ninyong pagnilayan ang mga sarili ninyo. Hinihimok Ko kayong magkaroon ng mas mahusay na pag-unawa sa nilalaman ng mga atas administratibo, at magsikap alamin ang disposisyon ng Diyos. Kung hindi, mahihirapan kayong panatilihing tikom ang mga labi ninyo, masyado kayong malayang dadaldal nang may magarbong pananalita, at hindi sinasadyang malalabag ninyo ang disposisyon ng Diyos at masasadlak sa kadiliman, na mawawalan ng presensiya ng Banal na Espiritu at ng liwanag. Sapagkat wala kayong prinsipyo sa mga kilos ninyo, sapagkat ginagawa at sinasabi mo ang hindi dapat, tatanggap ka ng naaangkop na ganti. Dapat mong malamang kahit wala kang prinsipyo sa salita at gawa, lubhang maprinsipyo ang Diyos sa dalawang ito. Pagkakasala sa Diyos, hindi sa isang tao, ang dahilan ng pagkakatanggap mo ng ganti. Kung sa buhay mo ay marami kang nagawang paglabag sa disposisyon ng Diyos, nakatakda kang maging anak ng impiyerno. Para sa tao, maaaring mukhang gumawa ka lamang ng iilang gawang salungat sa katotohanan, at wala nang iba. Gayunpaman, alam mo ba na sa mga mata ng Diyos ay isa ka nang taong wala nang nauukol na handog para sa kasalanan? Sapagkat nilabag mo ang mga atas administratibo ng Diyos nang higit sa isang beses at, bukod dito, ay walang ipinakitang tanda ng pagsisisi, wala nang ibang pagpipilian kundi masadlak ka sa impiyerno, kung saan pinarurusahan ng Diyos ang tao. May maliit na bilang ng mga tao ang gumawa ng ilang gawang lumabag sa mga prinsipyo habang sumusunod sa Diyos, ngunit matapos silang mapungusan at mabigyan ng gabay, unti-unti nilang natuklasan ang sarili nilang katiwalian, at matapos nito ay pumasok sa tamang landas ng realidad, at nananatili silang may matatag na saligan hanggang ngayon. Ang ganitong mga tao ang mga mananatili hanggang sa huli. Gayunpaman, ang mga tapat ang hinahanap Ko; kung isa kang tapat na tao at isang taong kumikilos ayon sa prinsipyo, maaari kang maging pinagkakatiwalaan ng Diyos. Kung sa mga ikinikilos mo ay hindi mo nalalabag ang disposisyon ng Diyos, at hinahanap mo ang mga layunin ng Diyos, at mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayo’y abot sa pamantayan ang pananampalataya mo. Sinumang hindi natatakot sa Diyos at walang pusong nanginginig sa kilabot ay malamang na lalabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Maraming naglilingkod sa Diyos sa lakas ng silakbo ng damdamin nila ngunit walang pagkaunawa sa mga atas administratibo ng Diyos, at lalong walang anumang ideya tungkol sa mga kahihinatnan ng mga salita Niya. Kaya naman, sa kanilang mabubuting layunin, madalas silang nakagagawa ng mga bagay na gumugulo sa pamamahala ng Diyos. Sa mga malalang kaso, pinalalayas sila, pinagkakaitan ng anumang karagdagang pagkakataong sumunod sa Kanya, at itinatapon sa impiyerno, at ang lahat ng ugnayan sa sambahayan ng Diyos ay tapos na.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

Ang bawat pangungusap na sinabi Ko ay naglalaman sa loob nito ng disposisyon ng Diyos. Makabubuti para sa inyo na pagbulayan ang mga salita Ko nang maigi, at tiyak na makikinabang kayo nang malaki mula sa mga ito. Napakahirap maunawaan ang diwa ng Diyos, ngunit nagtitiwala Akong kayong lahat ay may ilang ideya man lamang tungkol sa disposisyon ng Diyos. Umaasa Ako, kung gayon, na mas marami kayong ipakikita sa Akin na mga bagay na nagawa ninyo na hindi lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Saka Ako mapapanatag. Halimbawa, panatilihin ang Diyos sa puso mo sa lahat ng oras. Kapag kumilos ka, gawin ito ayon sa mga salita Niya. Hanapin ang mga layunin Niya sa lahat ng bagay, at magpigil sa paggawa ng hindi gumagalang at nagpapahiya sa Diyos. Lalong hindi mo dapat ilagay ang Diyos sa likod ng isip mo upang punan ang panghinaharap na kahungkagan sa puso mo. Kung gagawin mo ito, malalabag mo ang disposisyon ng Diyos. Muli, ipinapalagay na hindi ka kailanman gumawa ng lapastangang mga pahayag o mga reklamo laban sa Diyos sa buong buhay mo, at muli, ipinapalagay na nagagawa mong gampanan nang wasto ang lahat ng ipinagkatiwala Niya sa iyo at nagpapasakop din sa lahat ng mga salita Niya sa buong buhay mo, kung gayon ay naiwasan mong lumabag laban sa mga atas administratibo. Halimbawa, kung nasabi mong, “Bakit ko iniisip na hindi Siya ang Diyos?” “Sa tingin ko ang mga salitang ito ay wala nang iba pa kundi ilang kaliwanagan ng Banal na Espiritu,” “Sa palagay ko, hindi lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinakailangang tama,” “Hindi higit ng sa akin ang katauhan ng Diyos,” “Ang mga salita ng Diyos ay talagang hindi kapani-paniwala,” o iba pang mga mapanghusgang pahayag, kung gayon ay hinihimok Kong mangumpisal at magsisi ka sa iyong mga kasalanan nang mas madalas. Kung hindi, hindi ka kailanman magkakaroon ng pagkakataong mapatawad, dahil hindi ka nagkakasala sa tao, kundi sa Diyos Mismo. Maaaring naniniwala kang ang hinuhusgahan mo ay isang tao, ngunit hindi ito itinuturing ng Espiritu ng Diyos sa ganiyang paraan. Ang kawalang-galang mo sa katawang-tao Niya ay katumbas ng kawalang-galang sa Kanya. Alinsunod dito, hindi ka ba lumabag sa disposisyon ng Diyos? Dapat mong tandaang ang lahat ng ginawa ng Espiritu ng Diyos ay ginagawa upang ingatan ang gawain Niya sa katawang-tao at upang ang gawaing ito ay magawa nang mahusay. Kung makakaligtaan mo ito, kung gayon ay sinasabi Ko sa iyong isa kang taong hindi kailanman magtagumpay sa paniniwala sa Diyos. Dahil pinukaw mo ang poot ng Diyos, at kaya gagamit Siya ng nababagay na kaparusahan upang turuan ka ng aral.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos

Bagamat may elemento ng pagmamahal ang diwa ng Diyos, at maawain Siya sa bawat isang tao, nakaligtaan at nalimutan ng mga tao ang katotohanan na may dignidad din ang Kanyang diwa. Hindi komo may pagmamahal Siya ay maaari na Siyang salungatin nang buong laya ng mga tao, nang walang pinupukaw na damdamin o reaksyon sa Kanya, ni hindi nangangahulugan na komo may awa Siya ay wala na Siyang mga prinsipyo sa pagtrato Niya sa mga tao. Ang Diyos ay buhay; Siya ay tunay na umiiral. Hindi Siya isang kathang-isip na tau-tauhan ni anupamang ibang bagay. Dahil Siya ay umiiral, dapat tayong makinig na mabuti sa tinig ng Kanyang puso sa lahat ng oras, pansining mabuti ang Kanyang saloobin, at unawain ang Kanyang damdamin. Hindi natin dapat gamitin ang mga imahinasyon ng tao para tukuyin ang Diyos, ni hindi natin dapat igiit ang mga iniisip o ninanais ng tao sa Kanya, na nagiging sanhi upang tratuhin ng Diyos ang mga tao sa paraan ng tao batay sa mga imahinasyon ng tao. Kung gagawin mo ito, ginagalit mo ang Diyos, sinusubok ang Kanyang poot, at hinahamon ang Kanyang dignidad! Sa gayon, kapag naunawaan na ninyo ang katindihan ng bagay na ito, hinihimok Ko ang bawat isa sa inyo na maging maingat at mahinahon sa inyong mga kilos. Maging maingat at mahinahon din sa inyong pananalita—patungkol sa pagtrato ninyo sa Diyos, mas maingat at mahinahon kayo, mas mabuti! Kapag hindi mo nauunawaan kung ano ang saloobin ng Diyos, iwasang magsalita nang walang-ingat, huwag magpadalus-dalos sa iyong mga kilos, at huwag basta-basta magbansag. Ang mas mahalaga pa, huwag magsalita nang patapos na walang batayan. Sa halip, dapat kang maghintay at maghanap; ang mga kilos na ito ay pagpapahayag din ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Higit sa lahat, kung magagawa mo ito, at higit sa lahat, kung angkin mo ang saloobing ito, hindi ka sisisihin ng Diyos sa iyong kahangalan, kamangmangan, at kawalan ng pang-unawa sa mga dahilan sa likod ng mga bagay-bagay. Sa halip, dahil sa iyong saloobing takot na magkasala sa Diyos, paggalang sa Kanyang mga layunin, at kahandaang magpasakop sa Kanya, aalalahanin ka ng Diyos, gagabayan at liliwanagan ka, o magpaparaya Siya sa iyong kakulangan sa gulang at kamangmangan. Sa kabilang dako, kapag nawalan ka ng pitagan sa Kanya—na hinuhusgahan Siya ayon sa gusto mo o hinuhulaan at tinutukoy mo nang di-makatwiran ang Kanyang mga ideya—isusumpa ka ng Diyos, didisiplinahin ka, at parurusahan ka pa; o, maaari Siyang magkomento sa iyo. Marahil ay kasama ang iyong kahihinatnan sa komentong ito. Samakatuwid, nais Kong minsan pang bigyang-diin: Dapat maging maingat at mahinahon ang bawat isa sa inyo tungkol sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang walang ingat, at huwag magpadalus-dalos sa inyong mga kilos. Bago ka magsalita ng anuman, dapat kang tumigil at mag-isip: Magagalit ba ang Diyos sa kilos kong ito? Sa paggawa nito, natatakot ba ako sa Diyos? Kahit sa mga simpleng bagay, dapat mo pa ring subuking unawain ang mga tanong na ito, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iisip tungkol sa mga ito. Kung talagang makapagsasagawa ka ayon sa mga prinsipyong ito sa lahat ng aspeto, sa lahat ng bagay, sa lahat ng oras, at magkaroon ka ng gayong saloobin lalo na kapag mayroon kang hindi nauunawaan, lagi kang gagabayan ng Diyos at bibigyan ka ng isang landas na susundan. Anumang pagganap ang ipinapakita ng mga tao, nakikita ng Diyos ang mga iyon nang malinaw at maliwanag, at mag-aalok Siya ng isang tumpak at angkop na pagsusuri sa mga ipinapakita mong ito. Matapos mong pagdaanan ang huling pagsubok, kukunin ng Diyos ang lahat ng pag-uugali mo at ibubuod ang mga ito nang ganap upang maipasya ang iyong kahihinatnan. Ang resultang ito ay kukumbinsihin ang bawat isang tao nang walang anumang pagdududa. Ang gusto Kong sabihin sa inyo rito ay ito: Ang bawat gawa ninyo, bawat kilos ninyo, at bawat iniisip ninyo ang nagpapasya sa inyong kapalaran.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Ang Diyos ay isang buhay na Diyos, at tulad ng mga tao na magkakaiba ang kilos sa iba’t ibang sitwasyon, nag-iiba ang Kanyang saloobin ukol sa mga pag-uugaling ito dahil hindi Siya isang tau-tauhan ni hindi Siya hungkag. Ang pag-alam sa saloobin ng Diyos ay isang makabuluhang hangarin para sa sangkatauhan. Dapat malaman ng mga tao, sa pamamagitan ng pag-alam sa saloobin ng Diyos, kung paano sila unti-unting magtatamo ng kaalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos at mauunawaan ang Kanyang puso. Kapag unti-unti mong naunawaan ang puso ng Diyos, hindi mo madarama na mahirap magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Bukod pa riyan, kapag nauunawaan mo ang Diyos, malamang na hindi mo Siya limitahan. Kapag tumigil ka na sa paglilimita sa Diyos, mas malamang na hindi ka magkasala sa Kanya, at hindi mo mamamalayan, gagabayan ka ng Diyos na magtamo ng kaalaman tungkol sa Kanya; pupuspusin nito ang puso mo ng pagkatakot sa Kanya. Sa gayon ay titigil ka sa pagtukoy sa Diyos sa pamamagitan ng mga salita at doktrina at mga teoryang saulado mo na. Sa halip, sa pamamagitan ng palaging paghahanap sa mga pagnanais ng Diyos sa lahat ng bagay, hindi mo mamamalayan na nagiging isa kang tao na naaayon sa mga layunin ng Diyos.

Ang gawain ng Diyos ay hindi nakikita at hindi nagagalaw ng sangkatauhan, ngunit para sa Diyos, ang mga kilos ng bawat isang tao—pati na ang kanilang saloobin sa Kanya—ay hindi lamang nahihiwatigan ng Diyos, kundi nakikita rin Niya. Ito ay isang bagay na dapat tanggapin at malinawan ng lahat. Maaaring lagi mong itinatanong sa iyong sarili, “Alam ba ng Diyos kung ano ang ginagawa ko rito? Alam ba Niya kung ano ang iniisip ko ngayon mismo? Siguro ay alam Niya, at siguro ay hindi Niya alam.” Kung nag-aangkin ka ng ganitong uri ng pananaw, sumusunod at naniniwala sa Diyos subalit nagdududa sa Kanyang gawain at sa Kanyang pag-iral, sa malao’t madali ay darating ang araw na magagalit Siya sa iyo, sapagkat nakabingit ka na sa isang mapanganib na bangin. May nakita na Akong mga tao na naniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi pa rin nila natatamo ang katotohanang realidad, ni hindi pa rin nila naunawaan ang mga layunin ng Diyos. Hindi umuunlad ang mga taong ito sa kanilang mga buhay at tayog, na sumusunod lamang sa pinakamabababaw na doktrina. Ito ay dahil hindi kailanman sineryoso ng mga taong ito ang salita ng Diyos bilang buhay nila mismo, at hindi pa nila kailanman nakaharap at natanggap ang Kanyang pag-iral. Sa palagay mo ba napupuspos ng kasiyahan ang Diyos kapag nakikita Niya ang gayong mga tao? Inaaliw ba nila Siya? Kung gayon, ang paraan ng paniniwala ng mga tao sa Diyos ang nagpapasya sa kanilang kapalaran. Tungkol sa kung paano hinahanap at nilalapitan ng mga tao ang Diyos, pangunahin ang kahalagahan ng saloobin ng mga tao. Huwag magpabaya sa Diyos na parang wala Siyang halaga sa likod ng iyong isipan; laging isipin ang Diyos na iyong pinaniniwalaan bilang isang buhay na Diyos, isang tunay na Diyos. Hindi Siya uupu-upo lamang doon sa ikatlong langit nang walang ginagawa. Sa halip, patuloy Siyang nakatingin sa puso ng lahat, inoobserbahan kung ano ang binabalak mo, pinanonood ang bawat maliit na salita at gawa mo, pinanonood kung paano ka kumilos at tinitingnan kung ano ang saloobin mo sa Kanya. Kung handa ka bang ibigay ang iyong sarili sa Diyos o hindi, lahat ng pag-uugali mo at kaibuturan ng iyong mga iniisip at ideya ay nalalantad sa Kanyang harapan at tinitingnan Niya. Dahil sa iyong pag-uugali, dahil sa iyong mga gawa, at dahil sa iyong saloobin sa Kanya, palaging nagbabago ang opinyon ng Diyos tungkol sa iyo at ang Kanyang saloobin sa iyo. Gusto Kong mag-alok ng kaunting payo sa ilang tao: Huwag ninyong ilagay ang inyong sarili na parang mga sanggol sa mga kamay ng Diyos, na parang dapat Siyang mahaling sa iyo, na parang hindi ka Niya kailanman maaaring iwanan, at na parang pirmihan ang Kanyang saloobin sa iyo at hindi na magbabago kailanman, at ipinapayo Ko sa iyo na tigilan na ang pangangarap! Ang Diyos ay matuwid sa pagtrato Niya sa bawat isang tao, at marubdob Niyang hinaharap ang gawain ng paglupig at pagliligtas sa mga tao. Ito ang Kanyang pamamahala. Tinatrato Niya nang seryoso ang bawat isang tao, at hindi kagaya ng isang alagang hayop na paglalaruan. Ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao ay hindi ang klaseng nagpapalayaw o nagpapamihasa, ni hindi mapagbigay o pabaya ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan. Bagkus, ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan ay may kasamang pagtatangi, pagkaawa, at paggalang sa buhay; inihahatid ng Kanyang awa at pagpaparaya ang Kanyang mga inaasahan sa kanila, at ang siyang kailangan ng sangkatauhan upang patuloy na mabuhay. Ang Diyos ay buhay, at ang Diyos ay talagang umiiral; ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan ay may prinsipyo, hindi man lamang sangkaterbang dogmatikong mga panuntunan, at maaari itong magbago. Ang Kanyang mga layunin para sa sangkatauhan ay unti-unting nagbabago at nag-iiba sa paglipas ng panahon, depende sa mga pangyayaring nagaganap, at pati na sa saloobin ng bawat isang tao. Samakatuwid, dapat mong malaman sa puso mo nang may tiyak na kalinawan na hindi nagbabago ang diwa ng Diyos, at na lalabas ang Kanyang disposisyon sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang konteksto. Maaaring hindi mo iniisip na seryoso ang bagay na ito, at maaaring ginagamit mo ang sarili mong mga kuru-kuro upang wariin kung paano dapat gawin ng Diyos ang mga bagay-bagay. Gayunman, may mga pagkakataon na totoo ang ganap na kabaligtaran ng iyong pananaw, at sa paggamit ng sarili mong personal na mga kuru-kuro para tangkaing sukatin ang Diyos, napagalit mo na Siya. Ito ay dahil hindi kumikilos ang Diyos sa paraang iniisip mo na ginagawa Niya, ni hindi Niya ituturing ang bagay na ito na kagaya ng sinasabi mong gagawin Niya. Sa gayon, ipinapaalala Ko sa iyo na mag-ingat at maging mahinahon sa pagturing mo sa lahat ng bagay na nasa paligid mo, at pag-aralan kung paano magsagawa nang ayon sa prinsipyo ng pagsunod sa daan ng Diyos—na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan sa lahat ng bagay. Kailangan mong magkaroon ng isang tumpak na pagkaunawa hinggil sa mga bagay tungkol sa mga layunin at saloobin ng Diyos, kailangan mong humanap ng mga taong nabigyang-liwanag na magpapaalam ng mga bagay na ito sa iyo, at kailangan mong maghanap nang seryoso. Huwag mong ituring ang Diyos na pinaniniwalaan mo na isang tau-tauhan—na hinuhusgahan Siya kung paano mo gusto, nagbubuo ng di-makatwirang mga konklusyon tungkol sa Kanya, at hinaharap Siya nang may saloobin na walang paggalang. Samantalang inililigtas ka ng Diyos at ipinapasya ang iyong kahihinatnan, maaari ka Niyang pagkalooban ng awa, o pagpaparaya, o paghatol at pagkastigo, ngunit ano’t anuman, ang Kanyang saloobin sa iyo ay hindi pirmihan. Depende ito sa iyong sariling saloobin sa Kanya, gayundin sa iyong pagkaunawa sa Kanya. Huwag mong tulutan ang isang lumilipas na aspeto ng iyong kaalaman o pagkaunawa sa Diyos na ilarawan Siya nang panghabambuhay. Huwag maniwala sa isang patay na Diyos; maniwala sa Isang nabubuhay. Tandaan mo ito! Bagamat natalakay Ko ang ilang katotohanan dito—mga katotohanang kailangan ninyong marinig—dahil sa inyong kasalukuyang kalagayan at kasalukuyang tayog, hindi Ako gagawa ng anumang mas malalaking hinihingi sa inyo sa ngayon, upang hindi masaid ang inyong kasigasigan. Ang paggawa nito ay maaaring puspusin ang inyong puso ng labis na kalungkutan at ipadama sa inyo ang labis na pagkabigo sa Diyos. Sa halip, sana ay magamit ninyo ang isang mapagmahal-sa-Diyos na puso at magamit ninyo ang isang saloobing may paggalang sa Diyos habang naglalakad kayo sa landas na nasa inyong harapan. Huwag maguluhan tungkol sa kung paano maniwala sa Diyos; ituring itong isa sa pinakamalalaking isyung mayroon. Ilagay ito sa inyong puso, iugnay ito sa realidad, at iugnay ito sa tunay na pamumuhay; huwag lamang basta sabihin ito—sapagkat buhay at kamatayan ang nakataya rito, at siyang magpapasya sa iyong tadhana. Huwag itong ituring na parang isang biro o larong pambata!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Kaugnay na mga Himno

Kasingsimple ba ng Sinasabi Mo ang Diyos?

Sinundan: 11. Paano lutasin ang problema ng pagsubok sa Diyos

Sumunod: 13. Paano lutasin ang problema ng pagiging takot sa pagtitiis ng hirap at sa pag-ako ng responsabilidad sa tungkulin

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito