11. Paano lutasin ang problema ng pagsubok sa Diyos

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang pagsubok sa Diyos ay kapag hindi alam ng mga tao kung paano kumikilos ang Diyos, at kapag hindi Siya nila kilala o nauunawaan, kaya madalas silang humingi ng hindi makatwiran sa Kanya. Halimbawa, kapag may sakit ang isang tao, maaaring ipanalangin nila na pagalingin siya ng Diyos. “Hindi ako magpapagamot—tingnan natin kung papagalingin ako ng Diyos o hindi.” At kaya naman, pagkatapos ng maraming panalangin nang walang aksyon mula sa Diyos, sasabihin niya, “Dahil walang ginawa ang Diyos, maggagamot ako at tingnan natin kung hahadlangan Niya ako. Kung bumara ang gamot sa aking lalamunan, o kung matapon ko ang tubig, maaaring paraan ito ng Diyos para hadlangan ako sa pag-inom nitong gamot.” Iyon ang pagsubok. O halimbawa, sinabihan kang magpalaganap ng ebanghelyo. Sa normal na mga sitwasyon, nagdedesisyon ang lahat sa pamamagitan ng pagbabahaginan at deliberasyon kung ano ang kailangan sa mga tungkulin mo at kung ano ang dapat mong gawin, at pagkatapos, kikilos ka kapag oras na. Kung mayroong mangyayari habang kumikilos ka, kataas-taasang kapangyarihan iyon ng Diyos—kung hahadlangan ka ng Diyos, gagawin Niya ito nang maagap. Gayumpaman, sabihin nating na binibigkas mo sa iyong panalangin, “O Diyos, lalabas ako ngayon para ipalaganap ang ebanghelyo. Naaayon ba sa layunin Mo na lumabas ako? Hindi ko alam kung matatanggap ba ito ng potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ngayon o hindi, o kung paano Mo mismo paghaharian ito. Hinihiling ko ang Iyong mga pagsasaayos, ang Iyong paggabay, ipakita Mo sa akin ang mga bagay na ito.” Pagkatapos manalangin, nakaupo ka lang doon, nang hindi gumagalaw, at sasabihin mo, “Bakit walang sinasabi ang Diyos tungkol doon? Siguro ay dahil hindi sapat ang pagbabasa ko sa Kanyang mga salita, kaya hindi Niya maipakita sa akin ang mga bagay na iyon. Kung gayon, lalabas na ako kaagad. Kung madadapa ako roon, maaaring iyon ang pagpigil sa akin ng Diyos na pumunta roon, at kung magiging maayos ang lahat at hindi ako hahadlangan ng Diyos, maaaring iyon ang pagpayag ng Diyos na umalis ako.” Iyon ay isang pagsubok. Bakit natin iyon tinatawag na isang pagsubok? Praktikal ang gawain ng Diyos; ayos lang na gampanan lamang ng mga tao ang mga tungkulin nila, mag-ayos ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, at ipamuhay ang kanilang mga buhay ng normal na pagkatao sa paraan na naaayon sa mga prinsipyo. Hindi na kailangan pang subukan kung paano kikilos ang Diyos o kung anong gabay ang Kanyang ibibigay. Alalahanin mo lamang kung ano ang dapat mong gawin; huwag laging magkaroon ng mga karagdagang kaisipan tulad ng, “Pinapayagan ba ako ng Diyos na gawin ito, o hindi? Kung gagawin ko ito, paano ako pangangasiwaan ng Diyos? Tama ba na gawin ko ito sa ganitong paraan?” Kung malinaw namang tama ang isang bagay, kung gayon, ang alalahanin mo lamang ay ang paggawa nito; huwag ka nang mag-isip ng kung anu-ano. Ayos lang na magdasal, siyempre, na manalangin para sa paggabay ng Diyos, na gagabayahan Niya ang iyong buhay sa araw na ito, na gagabayahan Niya ang tungkuling gagampanan mo ngayong araw. Sapat nang mayroong puso at saloobin ng pagpapasakop ang isang tao. Halimbawa, alam mo na kung hahawakan mo ang kuryente, makukuryente ka, at maaari kang mamatay. Gayumpaman, pinag-iisipan mo ito: “Hindi ako dapat mag-alala, pinoprotektahan ako ng Diyos. Kailangan ko lang subukan ito, para tingnan kung poprotektahan ako ng Diyos, at para maramdaman ko kung paano ba ang proteksyon ng Diyos.” Pagkatapos ay hahawakan mo ang kuryente, at bilang resulta, makukuryente ka—iyon ay isang pagsubok. Malinaw na mali ang ilang bagay at hindi dapat gawin. Kung gagawin mo pa rin ang mga ito, para makita kung ano ang magiging reaksyon ng Diyos, isang pagsubok iyon. Sinasabi ng ilang tao, “Ayaw ng Diyos kapag nagpapabongga at naglalagay ng makapal na kolorete sa mukha ang mga tao. Gagawin ko iyon at titingnan ko kung ano ang pakiramdam ng sinasaway ako ng Diyos sa loob ko.” Kaya, pagkatapos nilang maglagay ng kolorete, tumitingin sila sa salamin: “Ano ba yan, mukha akong multo, pero nararamdaman ko lang na medyo nakakasuklam ito at hindi ko kayang tumingin sa salamin. Wala na akong iba pang nararamdaman bukod doon—hindi ko nararamdaman ang pagkasuklam ng Diyos, at hindi ko nararamdaman ang pagdating ng Kanyang mga salita, para parusahan ako at hatulan ako.” Anong uri ng pag-uugali ito? (Pagsubok.) Kung pabaya ka minsan sa iyong tungkulin, at alam na alam mo ito, sapat nang magsisi at magbago ka. Pero palagi kang nananalangin, “O Diyos, naging pabaya ako—hinihiling kong disiplinahin Mo ako!” Ano ang silbi ng iyong konsensiya? Kung may konsensiya ka, dapat mong panagutan ang sarili mong pag-uugali. Dapat mo itong kontrolin. Huwag kang manalangin sa Diyos—magiging isang pagsubok ang panalangin na iyon. Ang gawing biro, gawing pagsubok ang isang napakaseryosong bagay, ay isang bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Kapag nananalangin sa Diyos ang mga tao at hinahanap Siya kapag may hinaharap na isyu, at pati na rin sa ilan sa kanilang mga saloobin, hinihingi, at mga paraan ng paggawa ng mga bagay sa kanilang pagtrato sa Diyos, madalas na lilitaw ang ilang pagsubok. Ano ang pangunahing nilalaman ng mga pagsubok na ito? Ito ay iyong gusto mong makita kung paano kikilos ang Diyos, o gusto mong makita kung kaya o hindi kaya ng Diyos na gawin ang isang bagay. Gusto mong subukan ang Diyos; gusto mong gamitin ang bagay na ito para patunayan kung ano ang Diyos, para patunayan kung alin sa mga salitang sinabi ng Diyos ang tama at tumpak, kung alin ang puwedeng magkatotoo, at kung alin ang kaya Niyang isakatuparan. Pagsubok ang lahat ng ito. Regular bang lumilitaw sa inyo ang mga paraang ito ng paggawa ng mga bagay? Sabihin nating may isang bagay na hindi mo alam kung tama ba ang ginawa mo, o kung naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo. Dito, mayroong dalawang paraan na puwedeng makumpirma kung pagsubok ba ang iyong ginawa sa usaping ito, o kung positibo ba ito. Ang isang paraan ay ang magkaroon ng pusong mapagpakumbaba at naghahanap sa katotohanan, na nagsasabing, “Ganito ko pinangasiwaan at tiningnan ang bagay na ito na nangyari sa akin, at kung kumusta na ito ngayon, bilang resulta ng aking pangangasiwa rito sa ganoong paraan. Hindi ko matukoy kung ito ba talaga ang dapat kong ginawa.” Ano ang palagay mo sa saloobing ito? Isa itong saloobin ng paghahanap sa katotohanan—walang pagsubok dito. Ipagpalagay na sinasabi mo, “Magkakasamang nagpapasya ang lahat sa bagay na ito, pagkatapos ng pagbabahaginan.” May nagtanong, “Sino ang namamahala rito? Sino ang pangunahing nagpapasya?” At sasabihin mo: “Ang lahat.” Ganito ang layunin mo: “Kung sasabihin nilang pinangasiwaan ang bagay na ito nang alinsunod sa mga prinsipyo, sasabihin kong ako ang gumawa nito. Kung sasabihin nilang hindi ito pinangasiwaan nang alinsunod sa mga prinsipyo, uumpisahan kong itago kung sino ang gumawa nito at kung sino ang nagdesisyon. Sa ganitong paraan, kahit na ipilit nilang ibaling ang sisi, hindi nila ito ibabaling sa akin, at kung may madudungisan, hindi lang ako mag-isa.” Kung magsalita ka nang may ganoong uri ng layunin, iyon ay isang pagsubok. Maaaring may magsabi, “Kinasusuklaman ng Diyos kapag sumusunod ang tao sa mga makamundong bagay. Kinasusuklaman Niya ang mga bagay tulad ng mga araw ng paggunita at mga kapistahan ng sangkatauhan.” Ngayong alam mo na ito, puwede mo na lang gawin ang iyong makakaya para iwasan ang mga gayong bagay, hangga’t maaari. Gayumpaman, sabihin nating sinasadya mong sumunod sa mga makamundong bagay habang ginagawa ang mga bagay sa isang kapistahan, at habang ginagawa mo ang mga ito, ganito ang layuning kinikimkim mo: “Tinitingnan ko lang kung didisiplinahin ba ako ng Diyos sa paggawa nito, kung bibigyang-pansin ba Niya ako. Tinitingnan ko lang kung ano ang tunay na saloobin Niya sa akin, kung gaano kalalim ang Kanyang pagkasuklam. Sinasabi nilang kinasusuklaman ito ng Diyos, sinasabi nilang Siya ay banal at kinapopootan ang kasamaan, kaya titingnan ko kung paano Niya kinapopootan ang kasamaan at kung paano Niya ako didisiplinahin. Kung, kapag ginagawa ko ang mga bagay na ito, ako ay magsusuka, mahihilo nang husto, hindi makakabangon mula sa kama, kung gayon ay tila kinasusuklaman talaga ng Diyos ang mga bagay na ito. Hindi lang Siya magsasalita—ang mga katunayan ang magpapatunay.” Kung palagi kang umaasa na makakita ng gayong eksena, anong uri ng pag-uugali at mga intensiyon ang mayroon ka? Nanunubok ka. Hindi dapat kailanman subukin ng tao ang Diyos. Kapag sinusubok mo ang Diyos, nagtatago Siya sa iyo, itinatago Niya ang Kanyang mukha sa iyo, at walang silbi ang mga panalangin mo. Maaaring magtanong ang ilan, “Hindi ba ito gagana kahit na taos-puso ako?” Oo, kahit na taos-puso ka. Hindi hinahayaan ng Diyos ang mga tao na subukin Siya; kinapopootan Niya ang kasamaan. Kapag tinutulutan mong pumasok ang masasamang ideya at pag-iisip na ito, pagtataguan ka ng Diyos. Hindi ka na Niya bibigyang-liwanag, kundi isasantabi ka, at magpapatuloy ka sa paggawa ng mga hangal, nakakagambala at nakakagulong bagay hanggang sa makita mo kung sino ka talaga. Ito ang kahihinatnan ng pagsubok ng mga tao sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Unang Bahagi)

Ano ang mga pagpapamalas ng pagsubok? Anong mga pamamaraan o kaisipan ang nagpapamalas ng isang kalagayan o diwa ng pagsubok? (Kung ako ay nakagawa ng pagsalangsang o nakagawa ng masama, palagi kong gustong imbestigahan ang Diyos, manghingi ng malinaw na sagot, at tingnan kung magkakaroon ba ako ng magandang kalalabasan o hantungan.) May kinalaman ito sa mga kaisipan; kaya, sa pangkalahatan, kapag nagsasalita o kumikilos ang isang tao, o kapag humaharap siya sa isang bagay, alin sa mga pagpapamalas niya ang pagsubok? Kung may isang taong nakagawa ng pagsalangsang at pakiramdam niya ay baka maalala o makondena ng Diyos ang pagsalangsang niya, at siya mismo ay hindi sigurado, hindi niya alam kung talagang kokondenahin siya ng Diyos o hindi, nag-iisip siya ng paraan para subukin ito, para makita kung ano talaga ang saloobin ng Diyos. Nagsisimula siya sa pagdarasal, at kung walang pagtanglaw o pagbibigay ng kaliwanagan, iniisip niyang ganap na itigil ang dati niyang mga paraan ng paghahangad. Dati, lagi niyang ginagawa ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta, gumugugol lang ng 30% ng kanyang pagsisikap kung saan puwede niyang ibigay ang 50%, o 10% kung saan puwede siyang magbigay ng 30%. Ngayon, kung kaya niyang magbigay ng 50% ng kanyang pagsisikap, gagawin niya ito. Inaako niya ang mga marumi o nakakapagod na gawain na iniiwasan ng iba, palaging ginagawa ito sa harap ng iba, at tinitiyak na nakikita ito ng karamihan ng kapatid. Ang mas mahalaga, gusto niyang makita kung paano tinitingnan ng Diyos ang usaping ito at kung matutubos ba ang pagsalangsang niya. Kapag nahaharap sa mga kahirapan o mga bagay na hindi mapagtatagumpayan ng karamihan ng tao, gusto niyang makita kung ano ang gagawin ng Diyos, kung bibigyan ba Niya sila ng liwanag at paggabay. Kung mararamdaman niya ang presensiya ng Diyos at ang Kanyang espesyal na pagpabor, maniniwala siyang hindi inalala o kinondena ng Diyos ang pagsalangsang niya, na nagpapatunay na mapapatawad ito. Kung gugugulin niya ang sarili niya nang ganito at magbabayad siya ng gayong halaga, kung malaki ang magiging pagbabago sa saloobin niya pero hindi pa rin niya maramdaman ang presensiya ng Diyos, at talagang wala siyang nararamdamang anumang nakikilatis na pagkakaiba mula sa dati, posible na kinondena ng Diyos ang dati niyang pagsalangsang at ayaw na sa kanya ng Diyos. Dahil ayaw na sa kanya ng Diyos, hindi na siya magsusumikap nang gayon sa hinaharap kapag ginagawa niya ang tungkulin niya. Kung gusto pa siya ng Diyos, kung hindi siya kinokondena ng Diyos, at may pag-asa pa siyang makatanggap ng mga pagpapala, magbibigay siya ng kaunting sinseridad sa paggawa ng tungkulin niya. Ang mga pagpapamalas at ideya bang ito ay isang uri ng pagsubok? …

Palaging walang anumang kaalaman o karanasan ang ilang tao tungkol sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos at sa Kanyang pagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao. Wala rin silang tunay na pagkaunawa sa pagsisiyasat ng Diyos sa puso ng tao, kaya natural na puno sila ng pagdududa tungkol sa usaping ito. Bagaman sa mga personal nilang kagustuhan ay gusto nilang maniwala na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao, wala silang tiyak na ebidensya. Bunga nito, nagpaplano sila ng partikular na mga bagay sa puso nila at kasabay nito ay nagsisimula silang ipatupad at isagawa ang mga ito. Habang isinasakatuparan nila ang mga ito, patuloy silang nagmamasid kung talagang nalalaman ng Diyos ang tungkol sa mga ito, kung malalantad ba ang mga usapin, at kung mananatili silang tahimik, may sinuman bang makakaalam nito, o kung mabubunyag ba ito ng Diyos sa pamamagitan ng isang partikular na kapaligiran. Siyempre, ang mga ordinaryong tao ay puwedeng medyo may kaunting pag-aalinlangan tungkol sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos at sa Kanyang pagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao, pero hindi lang basta nag-aalinlangan ang mga anticristo—puno sila ng pagdududa, at kasabay nito, ganap silang mapagbantay laban sa Diyos. Kaya, nakabubuo sila ng maraming pamamaraan para subukin ang Diyos. Dahil pinagdududahan nila ang pagsisiyasat ng Diyos sa puso ng tao at, higit pa rito, itinatanggi nila ang katotohanan na sinisiyasat ito ng Diyos, madalas nilang pinag-iisipan ang ilang partikular na usapin. Pagkatapos, nang may kaunting takot o di-maipaliwanag na pangamba, palihim nilang ikinakalat ang mga kaisipang ito sa pribado, inililihis ang ilang tao. Samantala, unti-unti nilang patuloy na inilalantad ang mga argumento at ideya nila. Habang inilalantad nila ang mga ito, tinitingnan nila kung pipigilan o ilalantad ng Diyos ang pag-uugali nilang ito. Kung ilalantad o tutukuyin ito ng Diyos, agad silang umuurong, nagbabago ng pamamaraan. Kung mukhang walang nakakaalam tungkol dito, at walang nakakakilatis sa kanila o sa kanilang kalooban, mas lalo silang lubos na nakukumbinsi sa puso nila na tama ang kutob nila, at tama ang kaalaman nila tungkol sa Diyos. Sa pananaw nila, ang pagsisiyasat ng Diyos sa puso ng tao ay halos hindi umiiral. Anong uri ng pamamaraan ito? Ito ang pamamaraan ng pagsubok.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Ekskorsus

Noong nakaraan, mayroong isang regulasyon sa sambahayan ng Diyos: Tungkol sa mga pinatalsik o inalis, kung nagpamalas sila ng tunay na pagsisisi pagkatapos niyon, at nagpatuloy sila sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pagpapalaganap sa ebanghelyo, at pagpapatotoo sa Diyos, nang tunay na nagsisisi, puwede silang tanggapin muli sa iglesia. May isang tao noon na natugunan ang mga pamantayang ito matapos siyang paalisin, at nagpadala ang iglesia ng isang tao para hanapin siya, makipagbahaginan sa kanya, at sabihin sa kanya na tinanggap na siyang muli sa iglesia. Nang marinig ito, natuwa siya nang husto, pero napaisip siya, “Sinsero ba ang pagtanggap na ito, o mayroong ibang dahilan sa likod nito? Nakita ba talaga ng diyos ang pagsisisi ko? Talaga bang naawa siya sa akin at pinatawad na niya ako? Talaga bang isinantabi na ang mga ginawa ko dati?” Hindi niya ito pinaniwalaan, at naisip niya, “Kahit na gusto nila akong tanggapin muli, dapat akong magpigil at hindi agad-agad na sumang-ayon. Hindi ako dapat umakto na parang labis akong nagdusa at naging sobrang kaawa-awa sa mga nakaraang taong ito matapos akong patalsikin. Kailangan kong magtimpi nang kaunti at huwag kaagad magtanong, pagkabalik na pagkabalik ko, kung saan ako puwedeng makibahagi sa buhay iglesia o anong mga tungkulin ang puwede kong gawin. Hindi puwedeng magmukha akong masyadong sabik na sabik. Kahit na labis akong masaya sa loob-loob ko, kailangan kong manatiling kalmado at tingnan kung talagang tunay na gusto ng sambahayan ng diyos na bumalik ako o kung hindi lang ito nagiging sinsero para magamit ako nito sa ilang gampanin.” Sa isiping ito, sinabi niya, “Sa panahon matapos akong mapatalsik, nagnilay-nilay ako at napagtanto kong napakalaki ng mga pagkakamaling nagawa ko. Napakalaki ng mga pinsalang idinulot ko sa mga interes ng sambahayan ng diyos, at hindi ako kailanman makakabawi sa mga ito. Isa talaga akong diyablo at isang Satanas na isinumpa ng diyos. Gayumpaman, hindi pa rin kumpleto ang pagninilay-nilay ko sa sarili. Dahil gusto akong pabalikin ng sambahayan ng diyos, kailangan na higit pa akong kumain at uminom ng mga salita ng diyos at mas pagnilayan at kilalanin pa ang sarili ko. Sa kasalukuyan, hindi pa ako karapat-dapat na bumalik sa sambahayan ng diyos, hindi ako karapat-dapat na gawin ang tungkulin ko sa sambahayan ng diyos, hindi karapat-dapat na makipagkita sa mga kapatid ko, at talagang labis akong nahihiya na humarap sa diyos. Babalik lang ako sa iglesia kapag naramdaman kong sapat na ang kaalaman at pagninilay-nilay ko sa sarili, para magpatibay sa akin ang lahat.” Habang sinasabi niya ito, kinakabahan din siya, iniisip niya, “Nagkukunwari lang ako sa sinasabi ko. Paano kung sumang-ayon ang mga lider na huwag na akong tanggapin muli sa iglesia? Hindi ba’t magiging katapusan ko na?” Sa realidad, lubos siyang nababalisa, pero kailangan pa rin niyang magsalita sa ganitong paraan at magkunwari na hindi siya masyadong sabik na bumalik sa iglesia. Ano ang ibig niyang sabihin sa pagsasabi ng mga bagay na ito? (Sinusubukan niya kung talagang tatanggapin siyang muli ng iglesia.) Kinakailangan pa ba ito? Hindi ba’t isa itong bagay na ginagawa ng mga Satanas at diyablo? Kikilos ba nang ganito ang isang normal na tao? (Hindi, hindi siya kikilos nang ganito.) Hindi kikilos nang ganito ang isang normal na tao. Sa harap ng gayong napakagandang pagkakataon, ang magawa niya ang gayong hakbang ay buktot. Ang muling matanggap sa iglesia ay isang pagpapahayag ng pagmamahal at awa ng Diyos, at dapat niyang pagnilayan at kilalanin ang sarili niyang katiwalian at mga pagkukulang, maghanap siya ng mga paraan para makabawi sa mga dati niyang pagkakautang. Kung kaya pa ring subukin ng isang tao ang Diyos sa ganitong paraan at tratuhin ang awa ng Diyos sa ganitong paraan, talagang bigo silang pahalagahan ang Kanyang kabaitan! Na nagkakaroon ng mga gayong ideya at pamamaraan ang mga tao ay bunga ng buktot nilang diwa. Sa esensiya, kapag sinusubok ng mga tao ang Diyos, ang mga ipinapamalas at ibinubunyag nila sa teorya ay palaging nauugnay sa pagsubok sa mga kaisipan ng Diyos gayundin sa Kanyang mga pananaw at depinisyon sa mga tao, bukod sa iba pang bagay. Kung hinahanap ng mga tao ang katotohanan, maghihimagsik sila laban sa mga gayong pagsasagawa at bibitiwan nila ang mga iyon, kikilos at aasal sila nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Gayumpaman, bukod sa hindi mabitiwan ng mga indibidwal na may disposisyong diwa ng isang anticristo ang mga gayong pagsasagawa at hindi nila kinamumuhian ang mga iyon, madalas pa nilang pinahahalagahan ang sarili nila sa pagkakaroon ng mga gayong mga diskarte at pamamaraan. Puwedeng iniisip nila, “Tingnan ninyo kung gaano ako kautak. Hindi ako katulad ninyong mga hangal na ang alam lang ay magpasakop at sumunod sa diyos at sa katotohanan—hindi ninyo talaga ako katulad! Sinusubukan kong gumamit ng mga diskarte at pamamaraan para malaman ang mga bagay na ito. Kahit na kailangan kong magpasakop at sumunod, aalamin ko pa rin ang totoo. Huwag ninyong isipin na may maitatago kayo mula sa akin o na malilinlang at maloloko ninyo ako.” Ito ang iniisip at pananaw nila. Hinding-hindi nagpapakita ang mga anticristo ng pagpapasakop, takot, o sinseridad, at lalo na ng anumang katapatan sa kanilang pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Ekskorsus

Ano ang pinakabuktot na disposisyon na ibinubunyag ng mga tao sa harap ng Diyos? Ito ay ang pagsubok sa Diyos. Nag-aalala ang ilang tao na baka hindi maganda ang magiging hantungan nila, at baka hindi garantisado ang kalalabasan nila dahil naligaw sila ng landas, gumawa ng kaunting kasamaan, at nakagawa ng maraming pagsalangsang matapos manampalataya sa Diyos. Nag-aalala sila na mapupunta sila sa impiyerno, at palagi silang natatakot sa kalalabasan at hantungan nila. Palagi silang balisa, at palagi nilang iniisip, “Magiging maganda o masama kaya ang kalalabasan at hantungan ko sa hinaharap? Mapupunta ba ako sa impiyerno o sa langit? Isa ba ako sa mga tao ng diyos o isang tagapagserbisyo? Mamamatay ba ako o maliligtas? Kailangan kong matagpuan kung alin sa mga salita ng diyos ang nagtatalakay tungkol dito.” Nakikita nila na pawang katotohanan ang mga salita ng Diyos, at na inilalantad ng lahat ng ito ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at hindi nila natatagpuan ang mga sagot na hinahanap nila, kaya patuloy silang nag-iisip kung saan pa puwedeng magtanong. Kalaunan, kapag nakakita sila ng pagkakataon para mapataas ang ranggo nila at mailagay sila sa isang mahalagang papel, gusto nilang pakiramdaman ang Itaas, iniisip nila: “Ano kaya ang opinyon ng itaas tungkol sa akin? Kung paborable ang opinyon nila, pinatutunayan nito na hindi na naaalala ng diyos ang mga kasamaang nagawa ko noon at ang mga pagsalangsang na nagawa ko. Pinatutunayan nito na ililigtas pa rin ako ng diyos, na may pag-asa pa rin ako.” Pagkatapos, ayon sa mga ideya nila, direkta nilang sinasabi, “Sa lugar namin, hindi gaanong bihasa ang karamihan ng kapatid sa mga propesyon nila, at saglit na panahon pa lang silang nananampalataya sa diyos. Ako ang pinakamatagal nang nananampalataya sa diyos. Bumagsak at nabigo ako, nagkaroon ako ng ilang karanasan at natuto ako ng ilang aral. Kung mabibigyan ng pagkakataon, handa akong magdala ng mabigat na pasanin at magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng diyos.” Ginagamit nila ang mga salitang ito bilang pagsubok para makita kung may layunin ang Itaas na itaas ang ranggo nila, o kung inabandona na sila ng Itaas. Sa realidad, hindi talaga nila gustong akuin ang responsabilidad o pasaning ito; ang layon nila sa pagsasabi ng mga salitang ito ay para lang subukan ang kapaligiran, at tingnan kung may pag-asa pa silang maligtas. Pagsubok ito. Ano ang disposisyon sa likod ng pamamaraang ito ng pagsubok? Isa itong buktot na disposisyon. Gaano man katagal nabubunyag ang pamamaraang ito, paano man nila ito ginagawa, o kung gaano man ito ipinatutupad, ano’t anuman, tiyak na buktot ang disposisyong ibinubunyag nila, dahil marami silang iniisip, pag-aalinlangan, at pag-aalala sa buong panahon ng paggawa nito. Kapag ibinubunyag nila ang buktot na disposisyong ito, ano ang ginagawa nila na nagpapakita na sila ay mga taong may pagkatao at mga taong kayang isagawa ang katotohanan, at nagpapatunay na mayroon lang silang tiwaling disposisyon at hindi ng isang buktot na diwa? Pagkatapos gawin at sabihin ang mga gayong bagay, nakararamdam ng pagkaasiwa at kirot sa puso nila ang mga may konsensiya, katwiran, integridad, at dignidad. Nahihirapan sila, iniisip nila, “Napakatagal ko nang nananampalataya sa Diyos; paano ko nagagawang subukin ang Diyos? Paanong iniintindi ko pa rin ang sarili kong hantungan, at paanong nagagawa kong gamitin ang gayong pamamaraan para may makuha ako mula sa Diyos at pilitin Siyang magbigay ng malinaw na sagot sa akin? Masyado itong ubod ng sama!” Hindi sila mapalagay sa puso nila, pero ang gawa ay nagawa na, at nasabi na ang mga salita—hindi na mababawi pa ang mga ito. Pagkatapos ay nauunawaan na nila, “Bagaman mayroon akong kaunting mabuting hangarin at pagpapahalaga sa katarungan, kaya ko pa ring gumawa ng gayong mga bagay na ubod ng sama; ito ang mga pakikitungo ng isang taong ubod ng sama! Hindi ba’t isa itong pagtatangka na subukin ang Diyos? Hindi ba’t pamumuwersa ito sa Diyos? Talagang ubod ito ng sama at walang kahihiyan!” Sa gayong sitwasyon, ano ang makatwirang hakbang na dapat gawin? Ang humarap ba sa Diyos sa panalangin, ikumpisal ang sariling mga kasalanan, o ang mapagmatigas na pagkapit sa sariling mga pamamaraan? (Manalangin at magkumpisal.) Kaya, sa buong proseso, mula sa sandaling naisipan nila ang ideya hanggang sa pagkilos nila, at hanggang sa panalangin at pangungumpisal nila, aling yugto ang normal na pagbubunyag ng tiwaling disposisyon, sa aling yugto umeepekto ang konsensiya nila, at sa aling yugto naisasagawa ang katotohanan? Naiimpluwensiyahan ng isang buktot na disposisyon ang yugto mula sa pagbuo ng ideya hanggang sa pagkilos. Kaya, hindi ba’t naiimpluwensiyahan ng epekto ng konsensiya nila ang yugto ng pagsusuri sa sarili? Nagsisimula silang suriin ang sarili nila, nararamdaman na mali ang ginawa nila—naiimpluwensiyahan ito ng epekto ng konsensiya nila. Sumunod dito ay ang panalangin at pangungumpisal, na naiimpluwensiyahan din ng epekto ng integridad, konsensiya, at karakter nila; nagagawa nilang makaramdam ng pagsisisi, kagustuhang magbago, at nakakaramdam sila ng pagkakautang sa Diyos, at nagagawa rin nilang pagnilayan at unawain ang sarili nilang pagkatao at tiwaling disposisyon, at umaabot sa puntong kaya na nilang isagawa ang katotohanan. Hindi ba’t may tatlong yugto ito? Mula sa pagbubunyag ng tiwaling disposisyon hanggang sa epekto ng konsensiya nila, at pagkatapos ay sa kakayahang bitiwan ang kasamaang ginagawa nila, magbago, bitiwan ang mga pagnanais at kaisipan ng sarili nilang laman, maghimagsik laban sa tiwaling disposisyon nila, at isagawa ang katotohanan—ang tatlong yugtong ito ang dapat na marating ng mga karaniwang tao na may pagkatao at mga tiwaling disposisyon. Dahil sa kamalayan ng konsensiya nila, at sa medyo mabuti nilang pagkatao, kayang isagawa ng mga taong ito ang katotohanan. Ipinahihiwatig ng kakayahang isagawa ang katotohanan na may pag-asang maligtas ang mga ganitong tao. Sa madaling salita, medyo mataas ang posibilidad na maligtas ang mga taong may mabuting pagkatao.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalimang Ekskorsus

Ang pagsubok ay isang medyo halatang pagpapamalas ng buktot na disposisyong diwa. Gumagamit ang mga tao ng iba’t ibang paraan para makuha ang impormasyong nais nila, magtamo sila ng katiyakan, at pagkatapos ay magkaroon ng payapang isipan. Mayroong iba’t ibang paraan ng pagsubok, tulad ng paggamit ng mga salita para mag-usisa ng impormasyon mula sa Diyos, paggamit ng mga bagay para subukin Siya, pag-iisip at pagmumuni-muni ng mga bagay-bagay sa isipan nila. … Anuman ang pamamaraang ginagamit ng mga tao para tratuhin ang Diyos, kung nakokonsensiya sila tungkol dito, at pagkatapos ay magkakaroon sila ng kaalaman tungkol sa mga kilos at disposisyong ito at agad silang mababago, kung gayon, hindi ganoon kalaki ang problema—isa itong normal na tiwaling disposisyon. Gayumpaman, kung kaya ng isang tao na patuloy at matigas na gawin ito, kahit na alam nilang mali ito at kinasusuklaman ng Diyos, pero ipinagpapatuloy pa rin nila ito, hindi kailanman naghihimagsik laban dito o isinusuko ito, ito ang diwa ng isang anticristo. Ang disposisyong diwa ng isang anticristo ay naiiba sa mga ordinaryong tao, dahil hindi nila kailanman pinagninilayan ang sarili nila o hinahanap ang katotohanan, pero patuloy at matigas silang gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan para subukin ang Diyos, ang Kanyang saloobin sa mga tao, ang Kanyang kongklusyon tungkol sa isang indibidwal, at kung ano ang Kanyang mga iniisip at ideya tungkol sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng isang tao. Hindi nila kailanman hinahanap ang mga layunin ng Diyos, ang katotohanan, at lalong hindi ang paano magpasakop sa katotohanan para magbago ang disposisyon nila. Ang layon sa likod ng lahat ng kilos nila ay ang alamin ang mga iniisip at ideya ng Diyos—isa itong anticristo. Malinaw na buktot ang disposisyon na ito ng mga anticristo. Kapag ginagawa nila ang mga kilos na ito at ipinapakita nila ang mga pagpapamalas na ito, walang bakas ng pagkakonsensiya o pagsisisi. Kahit na inuugnay nila ang sarili nila sa mga bagay na ito, hindi sila nagpapakita ng pagsisisi o ng layuning huminto, bagkus ay nagpapatuloy sila sa mga gawi nila. Sa kanilang pagtrato sa Diyos, sa kanilang saloobin, sa kanilang pamamaraan, maliwanag na itinuturing nila ang Diyos bilang kalaban nila. Sa mga iniisip at pananaw nila, walang ideya o saloobin ng pagkilala sa Diyos, pagmamahal sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, o pagkatakot sa Diyos; basta gusto lang nilang makuha ang impormasyong nais nila mula sa Diyos at gamitin ang sarili nilang mga pamamaraan at diskarte para matiyak ang tumpak na saloobin ng Diyos sa kanila at ang Kanyang depinisyon sa kanila. Ang mas malubha pa rito, kahit na inaayon nila ang sarili nilang mga pamamaraan sa mga salita ng Diyos ng pagbubunyag, kahit na mayroon silang pinakakatiting na kamalayan na kinasusuklaman ng Diyos ang pag-uugaling ito at hindi ito ang dapat gawin ng isang tao, hinding-hindi nila ito isusuko.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Ekskorsus

Sinabi rito ni Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’” Mayroon bang katotohanan sa mga salitang ito na sinabi ni Jesus? May katotohanan talaga ang mga ito. Sa mababaw na pagkaunawa, ang mga salitang ito ay utos na dapat sundin ng mga tao, isang simpleng parirala, gayunpaman, madalas nang sinuway kapwa ng tao at ni Satanas ang mga salitang ito. Kaya naman, sinabi ng Panginoong Jesus kay Satanas, “Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos,” dahil ito ang malimit na ginagawa ni Satanas na may kasipagan. Maaari ding sabihin na walang pakundangan at walang kahihiyan itong ginagawa ni Satanas. Nasa kalikasang diwa ni Satanas ang hindi kilabutant sa Diyos at hindi magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Kahit na noong nakatayo si Satanas sa tabi ng Diyos at nakikita Siya, hindi nito napigil ang sarili na tuksuhin ang Diyos. Kaya, sinabi ng Panginoong Jesus kay Satanas, “Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.” Ito ay mga salitang madalas sinasabi ng Diyos kay Satanas. Kung gayon, naaangkop ba na gamitin ang pariralang ito sa kasalukuyan? (Oo, dahil madalas din nating tuksuhin ang Diyos.) Bakit madalas tinutukso ng mga tao ang Diyos? Ito ba ay dahil puno ang mga tao ng tiwali at satanikong disposisyon? (Oo.) Kung gayon, ang mga salita ba ni Satanas ay mas mataas sa madalas na sinasabi ng mga tao? At sa anong mga sitwasyon sinasabi ng mga tao ang mga salitang ito? Maaaring sabihin na ang mga tao ay bumibigkas ng mga bagay na katulad nito anumang oras at lugar. Pinatutunayan nito na ang disposisyon ng mga tao ay hindi naiiba sa tiwaling disposisyon ni Satanas. Sinabi ng Panginoong Jesus ang ilang simpleng kataga, mga salitang kumakatawan sa katotohanan, mga salitang kailangan ng mga tao. Gayunpaman, sa sitwasyong ito, nagsasalita ba ang Panginoong Jesus sa gayong paraan upang makipagtalo kay Satanas? Mayroon bang anumang bakas ng pakikipagtalo sa sinabi Niya kay Satanas? (Wala.) Ano ba ang naramdaman ng Panginoong Jesus sa Kanyang puso sa panunukso ni Satanas? Nakaramdam ba Siya ng pagkayamot at pagkasuklam? Ang Panginoong Jesus ay nasuklam at nayamot ngunit hindi Siya nakipagtalo kay Satanas, lalong hindi Siya nagsalita tungkol sa anumang engrandeng mga prinsipyo. Bakit ganoon? (Dahil laging ganito si Satanas, hindi ito kailanman magbabago.) Maaari bang sabihin na hindi tinatablan si Satanas ng katwiran? (Oo.) Makikilala ba ni Satanas na ang Diyos ay katotohanan? Hindi kailanman kikilalanin ni Satanas na ang Diyos ay katotohanan at hindi nito kailanman aaminin na ang Diyos ay katotohanan; ito ang kalikasan nito. Mayroon pang isang aspeto sa kalikasan ni Satanas na nakasusulasok. Ano ito? Sa mga pagtatangka nitong tuksuhin ang Panginoong Jesus, inisip ni Satanas na kahit na hindi ito magtatagumpay, susubukan pa rin nitong gawin ito. Kahit na mapaparusahan ito, pinili pa rin nitong subukan ito. Kahit na wala itong makukuhang pakinabang sa paggawa nito, susubok pa rin ito, na nagpipilit sa mga pagsisikap nito at tatayo laban sa Diyos hanggang sa katapus-tapusan. Anong uri ng kalikasan ito? Hindi ba iyon buktot?

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V

Sa wakas, nais Kong bigyan kayo ng tatlong payo: Una, huwag subukin ang Diyos. Gaano man ang iyong nauunawaan tungkol sa Diyos, gaano man karami ang iyong nalalaman tungkol sa Kanyang disposisyon, huwag na huwag mo Siyang subukin. Ikalawa, huwag makipagtunggali para sa katayuan sa Diyos. Anumang uri ng katayuan ang ibinibigay sa iyo ng Diyos o anumang uri ng gawain ang ipinagkakatiwala Niya sa iyo, anumang uri ng tungkulin ang itinataas ka Niya upang isagawa, at gaano man kadami ang iyong ginugol at isinakripisyo para sa Diyos, lubos na huwag makipagtunggali para sa katayuan sa Kanya. Ikatlo, huwag makipagpaligsahan sa Diyos. Nauunawaan mo man o nakapagpapasakop ka man sa kung ano ang ginagawa ng Diyos sa iyo, kung ano ang isinasaayos Niya para sa iyo, at ang mga bagay na ibinibigay Niya sa iyo, lubos na huwag makipagpaligsahan sa Diyos. Kung makasusunod ka sa tatlong payong ito, ikaw ay magiging bahagyang ligtas, at hindi mo basta-basta magagalit ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Bagamat may elemento ng pagmamahal ang diwa ng Diyos, at maawain Siya sa bawat isang tao, nakaligtaan at nalimutan ng mga tao ang katotohanan na may dignidad din ang Kanyang diwa. Hindi komo may pagmamahal Siya ay maaari na Siyang salungatin nang buong laya ng mga tao, nang walang pinupukaw na damdamin o reaksyon sa Kanya, ni hindi nangangahulugan na komo may awa Siya ay wala na Siyang mga prinsipyo sa pagtrato Niya sa mga tao. Ang Diyos ay buhay; Siya ay tunay na umiiral. Hindi Siya isang kathang-isip na tau-tauhan ni anupamang ibang bagay. Dahil Siya ay umiiral, dapat tayong makinig na mabuti sa tinig ng Kanyang puso sa lahat ng oras, pansining mabuti ang Kanyang saloobin, at unawain ang Kanyang damdamin. Hindi natin dapat gamitin ang mga imahinasyon ng tao para tukuyin ang Diyos, ni hindi natin dapat igiit ang mga iniisip o ninanais ng tao sa Kanya, na nagiging sanhi upang tratuhin ng Diyos ang mga tao sa paraan ng tao batay sa mga imahinasyon ng tao. Kung gagawin mo ito, ginagalit mo ang Diyos, sinusubok ang Kanyang poot, at hinahamon ang Kanyang dignidad! Sa gayon, kapag naunawaan na ninyo ang katindihan ng bagay na ito, hinihimok Ko ang bawat isa sa inyo na maging maingat at mahinahon sa inyong mga kilos. Maging maingat at mahinahon din sa inyong pananalita—patungkol sa pagtrato ninyo sa Diyos, mas maingat at mahinahon kayo, mas mabuti! Kapag hindi mo nauunawaan kung ano ang saloobin ng Diyos, iwasang magsalita nang walang-ingat, huwag magpadalus-dalos sa iyong mga kilos, at huwag basta-basta magbansag. Ang mas mahalaga pa, huwag magsalita nang patapos na walang batayan. Sa halip, dapat kang maghintay at maghanap; ang mga kilos na ito ay pagpapahayag din ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Higit sa lahat, kung magagawa mo ito, at higit sa lahat, kung angkin mo ang saloobing ito, hindi ka sisisihin ng Diyos sa iyong kahangalan, kamangmangan, at kawalan ng pang-unawa sa mga dahilan sa likod ng mga bagay-bagay. Sa halip, dahil sa iyong saloobing takot na magkasala sa Diyos, paggalang sa Kanyang mga layunin, at kahandaang magpasakop sa Kanya, aalalahanin ka ng Diyos, gagabayan at liliwanagan ka, o magpaparaya Siya sa iyong kakulangan sa gulang at kamangmangan. Sa kabilang dako, kapag nawalan ka ng pitagan sa Kanya—na hinuhusgahan Siya ayon sa gusto mo o hinuhulaan at tinutukoy mo nang di-makatwiran ang Kanyang mga ideya—isusumpa ka ng Diyos, didisiplinahin ka, at parurusahan ka pa; o, maaari Siyang magkomento sa iyo. Marahil ay kasama ang iyong kahihinatnan sa komentong ito. Samakatuwid, nais Kong minsan pang bigyang-diin: Dapat maging maingat at mahinahon ang bawat isa sa inyo tungkol sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang walang ingat, at huwag magpadalus-dalos sa inyong mga kilos. Bago ka magsalita ng anuman, dapat kang tumigil at mag-isip: Magagalit ba ang Diyos sa kilos kong ito? Sa paggawa nito, natatakot ba ako sa Diyos? Kahit sa mga simpleng bagay, dapat mo pa ring subuking unawain ang mga tanong na ito, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iisip tungkol sa mga ito. Kung talagang makapagsasagawa ka ayon sa mga prinsipyong ito sa lahat ng aspeto, sa lahat ng bagay, sa lahat ng oras, at magkaroon ka ng gayong saloobin lalo na kapag mayroon kang hindi nauunawaan, lagi kang gagabayan ng Diyos at bibigyan ka ng isang landas na susundan. Anumang pagganap ang ipinapakita ng mga tao, nakikita ng Diyos ang mga iyon nang malinaw at maliwanag, at mag-aalok Siya ng isang tumpak at angkop na pagsusuri sa mga ipinapakita mong ito. Matapos mong pagdaanan ang huling pagsubok, kukunin ng Diyos ang lahat ng pag-uugali mo at ibubuod ang mga ito nang ganap upang maipasya ang iyong kahihinatnan. Ang resultang ito ay kukumbinsihin ang bawat isang tao nang walang anumang pagdududa. Ang gusto Kong sabihin sa inyo rito ay ito: Ang bawat gawa ninyo, bawat kilos ninyo, at bawat iniisip ninyo ang nagpapasya sa inyong kapalaran.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Dapat maunawaan ng mga nananampalataya sa Diyos ang katotohanan, dapat mas magbasa pa sila ng mga salita ng Diyos, at makilala ang likas na katangian ng tao at malinaw na makita ang diwa ng tao sa pamamagitan ng mga paglalantad ng Diyos. Ibinubunyag ng paglalantad ng salita ng Diyos ang kalikasan ng tao, itinuturo nito sa mga tao kung ano ang kanilang diwa, at hinahayaan silang malinaw na makita ang diwa ng kanilang katiwalian. Napakahalaga nito. Isang magulong bagay si Satanas, at mahirap bigyang kahulugan ang mga mala-diyablong salita nito. Tinanong ito ng Diyos, “Saan ka nanggaling?” Na sinagot ni Satanas, “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon” (Job 1:7). Isipin mong mabuti ang sagot nito. Parating ba ito o paalis? Mahirap maunawaan ang kahulugan nito, kaya sinasabi Kong magulo ang mga salitang ito. Batay sa mga salitang ito, makikitang magulo si Satanas. Kapag ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, sila rin ay nagiging magulo. Wala silang kontrol, walang mga pamantayan, at walang mga prinsipyo sa anumang ginagawa nila. Samakatuwid, madaling maligaw ang sinumang tao. Inakit ni Satanas si Eba sa pagsasabing, “Bakit hindi mo kainin ang bunga ng punong iyon?” Na sinagot ni Eba, “Sinabi sa amin ng Diyos na mamamatay kami kapag kumain kami mula sa punong iyon.” Pagkatapos sinabi ni Satanas, “Hindi naman tiyak na mamamatay kayo kung kakainin niyo ang bunga ng punong iyon.” Sa mga salitang ito, may intensyon na tuksuhin si Eba. Sa halip na sabihin nang may katiyakan na hindi siya mamamatay kapag kinain niya ang bunga mula sa punong iyon, sinabi lang nito na hindi tiyak na siya ay mamamatay, dahilan upang isipin niyang, “Kung hindi tiyak na mamamatay ako, maaari ko itong kainin!” Dahil hindi niya nalabanan ang tukso, kinain niya ang bunga. Sa ganitong paraan, nakamit ni Satanas ang mithiin niya na akitin si Eba na magkasala. Hindi nito pinanagutan ang pangyayaring ito, dahil hindi nito pinilit si Eba na kainin ang bunga. Sa loob ng bawat tao, may satanikong disposisyon; tinataglay ng bawat puso nila ang napakaraming lason na ginagamit ni Satanas para tuksuhin ang Diyos at akitin ang tao. Minsan, ang pagsasalita nila ay nahahaluan ng tinig at tono ni Satanas, at ng isang intensyon na manukso at mang-akit. Ang mga ideya at pag-iisip ng tao ay puno ng mga lason ni Satanas at naglalabas ang mga ito ng masamang amoy ni Satanas. Minsan, dala ng mga itsura o kilos ng mga tao ang parehong masamang amoy ng panunukso at pang-aakit. Sinasabi ng ilang tao, “Kung susunod lang ako nang ganito, garantisadong may makakamit ako. Magagawa kong sundin ang Diyos hanggang sa pinakahuli, kahit hindi ko hanapin ang katotohanan. Tinatalikdan ko ang mga bagay at tapat na ginugugol ang aking sarili para sa Diyos. Mayroon akong lakas na magtiyaga hanggang sa pinakahuli. Kahit lumabag ako nang kaunti, kaaawaan ako ng Diyos at hindi Niya ako tatalikdan.” Ni hindi nila alam kung ano ang sinasabi nila. Napakaraming tiwaling bagay sa loob ng mga tao—kung hindi nila hinahangad ang katotohanan, paano nila magagawang magbago? Batay sa antas ng kanilang katiwalian, kung hindi pinoprotektahan ng Diyos ang mga tao, maaari silang bumagsak at ipagkanulo nila ang Diyos anumang sandali. Naniniwala ka ba rito? Kahit pilitin mo ang iyong sarili, hindi mo magagawang umabot sa dulo, dahil ang huling bahaging ito ng gawain ng Diyos ay upang lumikha ng isang grupo ng mga mananagumpay. Ang paggawa ba nito ay talagang kasing-dali ng iniisip mo? Ang panghuling pagbabagong ito ay hindi nangangailangan na magbago ang isang tao nang 100 porsyento o kahit 80 porsyento, kundi kahit 30 o 40 porsyento man lamang. Kahit papaano, dapat mong hukayin, alisin, at baguhin ang mga bagay sa loob mo na lumalaban sa Diyos, na nag-ugat nang malalim sa kaibuturan ng iyong puso. Saka mo lang makakamit ang kaligtasan. Tanging kapag nagbago ka nang 30% hanggang 40% gaya ng hinihingi ng Diyos, o mas mabuti kung hanggang 60% o 70%, saka lang maipapakita na nakamit mo na ang katotohanan, at ikaw ay totoong kaayon ng Diyos. Hindi ka magkakaroon ng tendensiya na lumaban sa Diyos o labagin ang Kanyang disposisyon sa susunod na mangyari sa iyo ang isang bagay. Sa ganitong paraan ka lamang mapeperpekto at magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpili ng Tamang Landas ang Pinakamahalagang Bahagi ng Paniniwala sa Diyos

Kaugnay na mga Himno

Ang Tatlong Paalala ng Diyos sa Tao

Sinundan: 10. Paano lutasin ang problema ng pagiging mapagbantay laban sa Diyos at ng maling pagkaunawa sa Diyos

Sumunod: 12. Paano lutasin ang problema ng paglilimita at panghuhusga sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito