44. Bakit dapat hangarin ng isang tao na makilala ang Diyos

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang maniwala sa Diyos at makilala ang Diyos ay ganap na likas at may katwiran, at ngayon—sa isang kapanahunan kung kailan personal na ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain—ay isang napakagandang pagkakataon para makilala ang Diyos. Ang pagpapalugod sa Diyos ay isang bagay na nakakamit sa pamamagitan ng pagbubuo ng pundasyon ng pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, at upang maunawaan ang mga layunin ng Diyos, kailangang magkaroon ng kaunting kaalaman tungkol sa Diyos. Ang kaalamang ito tungkol sa Diyos ang pangitain na kailangang taglayin ng isang naniniwala sa Diyos; ito ang batayan ng paniniwala ng tao sa Diyos. Kapag wala ang kaalamang ito, malabo ang pag-iral ng paniniwala ng tao sa Diyos, sa gitna ng hungkag na teorya. Kahit matibay ang pagpapasiya ng mga taong tulad nito na sundin ang Diyos, wala silang mapapala. Ang mga walang napapala sa daloy na ito ang mga ititiwalag—silang lahat ay mga mapagsamantala. Alinmang hakbang ng gawain ng Diyos ang iyong maranasan, dapat kang samahan ng isang makapangyarihang pangitain. Kung hindi, mahihirapan kang tanggapin ang bawat hakbang ng bagong gawain, dahil hindi kayang isipin ng tao ang bagong gawain ng Diyos, at lampas ito sa mga hangganan ng kanyang pagkaintindi. Kaya, kung walang pastol na mag-aalaga sa tao, kung walang pastol na magbabahagi tungkol sa mga pangitain, walang kakayahan ang tao na tanggapin ang bagong gawaing ito. Kung hindi mauunawaan ng tao ang mga pangitain, hindi niya mauunawaan ang bagong gawain ng Diyos, at kung hindi makapagpapasakop ang tao sa bagong gawain ng Diyos, hindi mauunawaan ng tao ang mga layuninn ng Diyos, kaya nga ang kanyang pagkakilala sa Diyos ay mawawalan ng halaga. Bago isakatuparan ng tao ang salita ng Diyos, kailangan niyang malaman ang salita ng Diyos; ibig sabihin, kailangan niyang maunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang maisasakatuparan ang salita ng Diyos nang tumpak at alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ito ay isang bagay na kailangang taglayin ng lahat ng naghahanap sa katotohanan, at ito rin ang prosesong kailangang pagdaanan ng lahat ng nagsisikap na makilala ang Diyos. Ang proseso ng pag-alam sa salita ng Diyos ay ang proseso ng pagkilala sa Diyos at pag-alam sa gawain ng Diyos. Kaya, ang pag-alam sa mga pangitain ay hindi lamang tumutukoy sa pagkilala sa pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, kundi kabilang din ang pag-alam sa salita at gawain ng Diyos. Mula sa salita ng Diyos nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, at mula sa gawain ng Diyos nalalaman nila ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang Diyos. Paniniwala sa Diyos ang unang hakbang sa pagkilala sa Diyos. Ang proseso ng pagsulong mula sa paunang paniniwalang ito sa Diyos tungo sa pinakamalalim na paniniwala sa Kanya ay ang proseso ng pagkilala sa Diyos, ang proseso ng pagdanas ng gawain ng Diyos. Kung naniniwala ka lamang sa Diyos para maniwala sa Diyos, at hindi para makilala Siya, walang realidad sa iyong pananampalataya, at hindi maaaring maging dalisay ang iyong pananampalataya—walang duda ito. Kung, sa proseso kung saan nararanasan ng tao ang gawain ng Diyos, unti-unti niyang nakikilala ang Diyos, unti-unting magbabago ang kanyang disposisyon, at lalong magiging totoo ang kanyang paniniwala. Sa ganitong paraan, kapag nagtatagumpay ang tao sa kanyang paniniwala sa Diyos, ganap na niyang nakamit ang Diyos. Kaya ginagawa ng Diyos ang lahat para maging tao sa ikalawang pagkakataon upang personal na gawin ang Kanyang gawain ay upang makilala at makita Siya ng tao. Pagkilala sa Diyos[a] ang huling epektong makakamtan sa katapusan ng gawain ng Diyos; ito ang huling kinakailangan ng Diyos sa sangkatauhan. Ginagawa Niya ito alang-alang sa Kanyang huling patotoo; ginagawa Niya ang gawaing ito upang sa wakas ay ganap na bumaling ang tao sa Kanya. Mamahalin lamang ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng pagkilala sa Diyos, at para mahalin ang Diyos kailangan niyang makilala ang Diyos. Paano man siya naghahangad, o ano man ang kanyang hangad na matamo, kailangan niyang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos. Sa paraang ito lamang mapapalugod ng tao ang puso ng Diyos. Sa pagkilala lamang sa Diyos magkakaroon ang tao ng tunay na pananampalataya sa Diyos, at sa pagkilala lamang sa Diyos siya tunay na matatakot at makapagpapasakop sa Diyos. Ang mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi kailanman tunay na makapagpapasakop at matatakot sa Diyos. Ang pagkilala sa Diyos ay kinabibilangan ng pag-alam sa Kanyang disposisyon, pag-unawa sa Kanyang mga layunin, at pag-alam kung ano Siya. Subalit alinmang aspeto ang mapag-alaman ng isang tao, kinakailangan sa bawat isa na magsakripisyo at maging handang magpasakop ang tao, kung hindi ay walang sinumang patuloy na makakasunod hanggang wakas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Talababa:

a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “Ang gawain ng pagkilala sa Diyos.”


Ang aral sa pagkilala sa Diyos ay mas mataas kaysa alinman sa mga sangay na siyensya ng sangkatauhan patungkol sa pisikal na mundo. Ito ay isang aral na makakamtan lamang ng lubhang kakaunting bilang ng mga naghahangad na makilala ang Diyos, at hindi makakamtan ng kung sino lamang na may talento. Kaya, hindi ninyo dapat ituring ang pagkilala sa Diyos at paghahangad sa katotohanan na para bang mga bagay ang mga ito na maaaring makamtan ng isang bata lamang. Marahil ay ganap kang naging matagumpay sa iyong buhay-pamilya, o sa iyong propesyon, o sa iyong pag-aasawa, ngunit pagdating sa katotohanan at sa aral tungkol sa pagkilala sa Diyos, wala kang maipakita at wala kang natamo. Masasabi na ang pagsasagawa ng katotohanan ay napakahirap para sa inyo, at ang pagkilala sa Diyos ay mas malaki pang problema. Ito ang mahirap para sa inyo, at ito rin ang hirap na kinakaharap ng buong sangkatauhan. Sa mga nagkaroon na ng ilang pagtatagumpay sa pagkakilala sa Diyos, halos walang isa mang umaabot sa pamantayan. Hindi alam ng tao ang kahulugan ng pagkilala sa Diyos, o kung bakit kailangang makilala ang Diyos, o kung anong antas ang kailangang marating ng isang tao upang makilala ang Diyos. Ito ang lubhang nagpapalito sa sangkatauhan, at ito talaga ang pinakamalaking palaisipang kinakaharap ng sangkatauhan—walang mayroong kakayahang sagutin ang tanong na ito, ni sinumang handang sumagot sa tanong na ito, dahil, hanggang ngayon, walang isa man sa sangkatauhan ang nagtagumpay na sa pag-aaral sa gawaing ito. Marahil, kapag naipaalam na sa sangkatauhan ang palaisipan ng tatlong yugto ng gawain, sunud-sunod na lilitaw ang isang grupo ng mga taong may talento na nakakakilala sa Diyos. Siyempre pa, sana’y gayon nga, at, bukod pa riyan, nasa proseso Ako ng pagsasakatuparan ng gawaing ito, at inaasam Kong makita ang paglitaw ng mas maraming gayong tao na may talento sa nalalapit na hinaharap. Sila yaong mga magpapatotoo sa katunayan ng tatlong yugtong ito ng gawain, at, siyempre pa, sila rin ang unang magpapatotoo sa tatlong yugtong ito ng gawain. Ngunit wala nang iba pang mas nakakabalisa at nakakahinayang kaysa kung hindi lumitaw ang gayong mga taong may talento sa araw ng pagtatapos ng gawain ng Diyos, o kung mayroon lamang isa o dalawang ganoong tao na personal na tumanggap na magawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao. Gayunman, ito lamang ang pinakamalalang mangyayari. Anuman ang mangyari, inaasam Ko pa rin na matamo ng mga tunay na naghahangad ang pagpapalang ito. Noon pa mang unang panahon, hindi pa nagkaroon ng gawaing tulad nito kailanman; ang gayong pagsasagawa ay hindi pa nangyari sa kasaysayan ng pag-unlad ng tao kailanman. Kung talagang maaari kang maging isa sa mga unang nakakakilala sa Diyos, hindi ba ito ang pinakamataas na karangalan sa lahat ng nilikha? May iba pa bang nilikha sa sangkatauhan na mas pupurihin ng Diyos? Ang gayong gawain ay hindi madaling matamo, ngunit sa huli ay aani pa rin ito ng mga gantimpala. Anuman ang kanilang kasarian o lahi, lahat ng may kakayahang magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos ay tatanggap, sa huli, ng pinakamalaking parangal ng Diyos, at sila lamang ang magtataglay ng awtoridad ng Diyos. Ito ang gawain sa ngayon, at ito rin ang gawain sa hinaharap; ito ang huli at pinakamataas na gawaing isasagawa sa 6,000 taon ng gawain, at ito ay isang paraan ng paggawa na naghahayag sa bawat kategorya ng tao. Sa pamamagitan ng gawain ng pagsasanhing makilala ng tao ang Diyos, inihahayag ang iba’t ibang ranggo ng tao: Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at ng Kanyang mga pangako, samantalang yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at tanggapin ang Kanyang mga pangako. Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay mga kaniig ng Diyos, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi matatawag na mga kaniig ng Diyos; ang mga kaniig ng Diyos ay maaaring tumanggap ng anuman sa mga pagpapala sa Diyos, ngunit yaong mga hindi Niya kaniig ay hindi karapat-dapat sa anuman sa Kanyang gawain. Mga kapighatian man ito, pagpipino, o paghatol, lahat ng bagay na ito ay para tulutan ang tao na magkamit sa huli ng kaalaman tungkol sa Diyos, at nang sa gayon ay magpasakop ang tao sa Diyos. Ito ang tanging epektong makakamtan sa huli. Wala sa tatlong yugto ng gawain ang nakatago, at makakabuti ito sa kaalaman ng tao tungkol sa Diyos, at tinutulungan nito ang tao na magtamo ng mas ganap at lubos na kaalaman tungkol sa Diyos. Lahat ng gawaing ito ay kapaki-pakinabang sa tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng kaalaman tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nagpapalampas ng pagkakasala, at ni hindi niya mapapalitan ng bago ang dati niyang pagkakilala sa Diyos. Alang-alang sa Kanyang patotoo, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, ipinapakita Niya ang Kanyang kabuuan sa publiko, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa publiko, na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, baguhin ang kanyang disposisyon, at magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at halimbawa ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ngayon, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at hinihiling Niya sa tao na magkamit ng kaalaman tungkol sa Kanya, magpasakop sa Kanya, at patotoo sa Kanya—kailangan nilang malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, magpasakop sa lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at kailangan nilang magpatotoo sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na ang lahat ng gawang isinasakatuparan Niya upang lupigin ang tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at praktikal, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagdaan sa Kanyang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya, at ginagamit din Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita lamang, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya nailigtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Nararanasan ng tao ang gawain ng Diyos, nakikilala ang kanyang sarili, inaalis ang kanyang tiwaling disposisyon, at hinahangad na lumago sa buhay, lahat alang-alang sa pagkilala sa Diyos. Kung hinahangad mo lamang na makilala ang iyong sarili at pungusan ang iyong sariling tiwaling disposisyon, ngunit wala kang kaalaman tungkol sa gawaing ginagawa ng Diyos sa tao, kung gaano kadakila ang Kanyang pagliligtas, o kung paano mo nararanasan ang gawain ng Diyos at nasasaksihan ang Kanyang mga gawa, kalokohan ang karanasan mong ito. Kung sa palagay mo ay lumago na ang buhay ng isang tao dahil lamang sa nakakaya niyang isagawa ang katotohanan at magtiis, ibig sabihin ay hindi mo pa rin nauunawaan ang tunay na kahulugan ng buhay o ang layunin ng Diyos sa pagpeperpekto sa tao. Balang araw, kapag ikaw ay nasa mga relihiyosong iglesia, kasama ng mga kasapi ng Iglesia ng Pagsisisi o ng Iglesia ng Buhay, marami kang matatagpuang relihiyosong mga tao, na ang mga panalangin ay naglalaman ng “mga pangitain” at naaantig, sa patuloy na pagsisikap nila sa buhay, at ginagabayan ng mga salita. Bukod pa rito, nagagawa nilang magtiis at talikuran ang kanilang sarili sa maraming bagay, at hindi patatangay sa laman. Sa oras na iyon, hindi mo masasabi ang pagkakaiba: Maniniwala ka na lahat ng kanilang ginagawa ay tama, na iyon ang likas na pagpapahayag ng buhay, at na kahabag-habag na ang pangalang kanilang pinaniniwalaan ay mali. Hindi ba kahangalan ang gayong mga pananaw? Bakit sinasabi na maraming tao ang walang buhay? Dahil hindi nila kilala ang Diyos, at sa gayon ay sinasabi na wala silang Diyos sa kanilang puso, at walang buhay. Kung umabot na ang iyong paniniwala sa Diyos sa punto kung saan kaya mong lubusang malaman ang mga gawa ng Diyos, ang pagiging praktikal ng Diyos, at ang bawat yugto ng gawain ng Diyos, taglay mo ang katotohanan. Kung hindi mo alam ang gawain at disposisyon ng Diyos, may kulang pa rin sa iyong karanasan. Kung paano isinagawa ni Jesus ang yugtong iyon ng Kanyang gawain, paano isinasagawa ang yugtong ito, paano ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya at anong gawain ang ginawa, anong gawain ang ginagawa sa yugtong ito—kung wala kang lubos na kaalaman tungkol sa mga bagay na ito, hindi ka kailanman makatitiyak at palagi kang hindi mapapanatag. Kung, pagkaraan ng isang panahon ng karanasan, nagagawa mong malaman ang gawaing ginawa ng Diyos at ang bawat hakbang ng Kanyang gawain, at kung nagtamo ka na ng lubos na kaalaman tungkol sa mga layunin ng Diyos sa pagsambit ng Kanyang mga salita, at kung bakit napakarami Niyang nasambit na salita na hindi pa natutupad, maaari mong matapang at patuloy na sundan ang daan, malaya sa pag-aalala at pagpipino.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Maaaring magkaroon ng positibong epekto sa mga tao ang kaalaman sa disposisyon ng Diyos at sa kung anong mayroon at ano Siya. Makatutulong ito sa kanila na magkaroon ng higit na pagtitiwala sa Diyos at makatutulong sa kanila na makamit ang tunay na pagpapasakop at takot sa Kanya. Kung gayon, hindi na sila bulag na susunod o sasamba sa Kanya. Hindi nais ng Diyos ang mga hangal o yaong bulag na sumusunod sa karamihan, kundi sa halip ay ang isang grupo ng mga tao na mayroong malinaw na pagkaunawa at kaalaman sa disposisyon ng Diyos sa kanilang mga puso at maaaring magpatotoo sa Diyos, mga tao na, dahil sa Kanyang pagiging kaibig-ibig, dahil sa kung anong mayroon at kung ano Siya, at dahil sa Kanyang matuwid na disposisyon, ay hindi kailanman iiwan ang Diyos. Bilang isang tagasunod ng Diyos, kung mayroon pa ring kakulangan ng kalinawan sa iyong puso, o mayroon pa ring kalabuan o pagkalito tungkol sa tunay na pag-iral ng Diyos, sa Kanyang disposisyon, sa kung anong mayroon at kung ano Siya, at sa Kanyang plano na iligtas ang sangkatauhan, kung gayon, hindi makakamit ng iyong pananalig mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Hindi nais ng Diyos na sumunod sa Kanya ang ganitong uri ng tao, at hindi Niya nais na humarap sa Kanya ang ganitong uri ng tao. Sapagkat hindi nauunawaan ng ganitong uri ng tao ang Diyos, hindi nila kayang ibigay ang kanilang puso sa Diyos—sarado ang kanilang puso sa Kanya, kaya puspos ng karumihan ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Matatawag lamang na bulag ang kanilang pagsunod sa Diyos. Makakamit lamang ng mga tao ang tunay na pananampalataya at magiging tunay na mga tagasunod kung mayroon silang tunay na pagkaunawa at kaalaman sa Diyos, na nagdudulot sa kanila ng tunay na pagpapasakop at takot sa Diyos. Sa ganitong paraan lamang nila maibibigay ang kanilang puso sa Diyos at mabubuksan ito sa Kanya. Ito ang nais ng Diyos, sapagkat ang lahat ng kanilang ginagawa at iniisip ay makatatagal sa pagsubok ng Diyos at makapagpapatotoo sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Bilang isang nilikha, kung nais mong tuparin ang tungkulin ng isang nilikha ng Diyos at maunawaan ang mga layunin ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang gawain ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang mga layunin ng Diyos para sa mga nilikha, kailangan mong maunawaan ang Kanyang plano ng pamamahala, at kailangan mong maunawaan ang buong kabuluhan ng gawaing Kanyang ginagawa. Yaong mga hindi nakakaunawa rito ay mga hindi karapat-dapat na nilikha! Bilang isang nilikha, kung hindi mo nauunawaan kung saan ka nanggaling, hindi mo nauunawaan ang kasaysayan ng sangkatauhan at lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at, bukod pa riyan, hindi mo nauunawaan kung paano umunlad ang tao hanggang sa ngayon, at hindi mo nauunawaan kung sino ang nag-uutos sa buong sangkatauhan, wala kang kakayahang gampanan ang iyong tungkulin. Pinamumunuan na ng Diyos ang sangkatauhan hanggang ngayon, at simula nang likhain Niya ang tao sa lupa hindi na Niya siya iniwan. Hindi tumitigil kailanman ang Banal na Espiritu sa paggawa, hindi tumitigil kailanman sa paggabay sa sangkatauhan, at hindi iniwan kailanman ang sangkatauhan. Ngunit hindi natatanto ng sangkatauhan na may isang Diyos, lalo nang hindi niya kilala ang Diyos. Mayroon pa bang ibang mas nakakahiya kaysa rito para sa lahat ng nilikha? Personal na ginagabayan ng Diyos ang tao, ngunit hindi nauunawaan ng tao ang gawain ng Diyos. Ikaw ay isang nilikha, subalit hindi mo nauunawaan ang iyong sariling kasaysayan, at hindi mo namamalayan kung sino ang gumabay sa iyo sa iyong paglalakbay, nalilimutan mo ang mga gawaing ginagawa ng Diyos, kaya hindi mo makilala ang Diyos. Kung hindi mo pa rin alam ngayon, hindi ka magiging karapat-dapat kailanman na magpatotoo sa Diyos. Ngayon, minsan pang personal na ginagabayan ng Lumikha ang lahat ng tao, at hinahayaang mamasdan ng lahat ng tao ang Kanyang karunungan, pagiging makapangyarihan sa lahat, pagliligtas, at pagiging kamangha-mangha. Subalit hindi mo pa rin natatanto o nauunawaan—samakatuwid ay hindi ba ikaw ang hindi tatanggap ng kaligtasan? Yaong mga nabibilang kay Satanas ay hindi nauunawaan ang mga salita ng Diyos, samantalang yaong mga nabibilang sa Diyos ay naririnig ang tinig ng Diyos. Lahat ng nakakatanto at nakakaunawa sa mga salitang Aking sinasambit ang siyang maliligtas at magpapatotoo sa Diyos; lahat ng hindi nakakaunawa sa mga salitang Aking sinasambit ay hindi makapagpapatotoo sa Diyos, at sila yaong ititiwalag. Yaong mga hindi nauunawaan ang mga layunin ng Diyos at hindi natatanto ang gawain ng Diyos ay walang kakayahang magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos, at ang gayong mga tao ay hindi magagawang magpatotoo sa Diyos. Kung nais mong magpatotoo sa Diyos, kailangan mong makilala ang Diyos; ang kaalaman tungkol sa Diyos ay natutupad sa pamamagitan ng gawain ng Diyos. Sa kabuuan, kung nais mong makilala ang Diyos, kailangan mong malaman ang gawain ng Diyos: Ang pag-alam sa gawain ng Diyos ang pinakamahalaga. Kapag nagwakas na ang tatlong yugto ng gawain, magkakaroon ng isang grupo ng mga nagpapatotoo sa Diyos, isang grupo ng mga nakakakilala sa Diyos. Makikilala ng lahat ng taong ito ang Diyos. Maisasagawa nila ang katotohanan, at magtataglay sila ng pagkatao at katinuan. Malalaman nilang lahat ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas ng Diyos. Ito ang gawaing matutupad sa huli, at ang mga taong ito ang nabuo ng gawain ng 6,000 taon ng pamamahala, at ang pinakamakapangyarihang patotoo sa sukdulang pagkatalo ni Satanas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Kung gaano karaming pagkaunawa ukol sa Diyos ang mayroon sa puso ng mga tao, iyon rin ang lawak na Kanyang hinahawakan sa kanilang mga puso. Kung gaano kalaki ang antas ng kaalaman ukol sa Diyos na nasa kanilang mga puso ay ganoon kadakila ang Diyos sa kanilang mga puso. Kung ang Diyos na kilala mo ay walang laman at malabo, kung gayon ang Diyos na pinaniniwalaan mo ay wala ring laman at malabo. Ang Diyos na kilala mo ay limitado lang sa saklaw ng iyong sariling personal na buhay, at walang kinalaman sa tunay na Diyos Mismo. Kaya, ang pagkilala sa praktikal na mga pagkilos ng Diyos, ang pagkilala sa pagiging praktikal ng Diyos at Kanyang kapangyarihang walang hanggan, ang pagkilala sa tunay na pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, ang pagkilala sa kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya, ang pagkilala sa mga pagkilos na ipinamalas Niya sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha—ang mga bagay na ito ay napakahalaga sa bawat isang tao na naghahangad ng kaalaman ukol sa Diyos. Ang mga ito ay may direktang kaugnayan kung makapapasok o hindi ang mga tao sa katotohanang realidad. Kung iyong lilimitahan ang iyong pagkaunawa sa Diyos sa mga salita lamang, kung lilimitahan mo ito sa kakaunti mong karanasan, sa biyaya ng Diyos na inililista mo, o sa iyong mga munting patotoo sa Diyos, kung gayon sasabihin Ko na ang Diyos na iyong pinaniniwalaan ay tiyak na hindi ang tunay na Diyos Mismo. Hindi lamang iyon, ngunit maaari ring sabihin na ang Diyos na pinaniniwalaan mo ay isang likhang-isip na Diyos, hindi ang tunay na Diyos. Ito ay dahil sa ang tunay na Diyos ay ang Siyang namumuno sa lahat, na lumalakad sa gitna ng lahat, na namamahala sa lahat. Siya ang humahawak sa kapalaran ng buong sangkatauhan at ng lahat ng bagay na nasa Kanyang mga kamay. Ang mga gawain at mga pagkilos ng Diyos na Aking sinasabi ay hindi limitado lamang sa maliit na bahagi ng mga tao. Ibig sabihin, hindi ito limitado lamang sa mga tao na sumusunod sa Kanya sa kasalukuyan. Ang Kanyang mga gawa ay ipinamamalas sa lahat ng bagay, sa pagiging buhay ng lahat ng bagay, at sa mga batas ng pagbabago sa lahat ng bagay. Kung hindi mo makikita o makikilala ang alinman sa mga gawa ng Diyos sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha, kung gayon ay hindi ka maaaring sumaksi sa alinman sa Kanyang mga gawa. Kung hindi ka maaaring sumaksi para sa Diyos, kung patuloy kang nagsasalita tungkol sa maliit na kung tawagin ay “Diyos” na kilala mo, ang Diyos na iyon na limitado sa iyong sariling mga palagay at umiiral lamang sa loob ng iyong makitid na pag-iisip, kung nagpapatuloy kang magsalita tungkol sa gayong uri ng Diyos, kung gayon hindi kailanman pupurihin ng Diyos ang iyong pananampalataya. Kapag sumaksi ka para sa Diyos, kung ginagawa mo lamang ito ayon sa kung paano mo tinatamasa ang biyaya ng Diyos, kung paano mo tinatanggap ang disiplina ng Diyos at ang Kanyang pagkastigo, at kung paano mo tinatamasa ang Kanyang mga biyaya sa iyong pagsaksi para sa Kanya, kung gayon ay lubhang hindi sapat iyon at malayo pa nga sa pagbibigay ng kasiyahan sa Kanya. Kung gusto mong sumaksi sa Diyos sa paraan na nakaayon sa Kanyang mga layunin, na sumaksi para sa tunay na Diyos Mismo, kung gayon kailangan mong makita kung ano ang mayroon Siya at kung ano ang Diyos sa Kanyang mga pagkilos. Kailangan mong makita ang awtoridad ng Diyos sa Kanyang pamamahala sa lahat, at makita ang katotohanan kung paano Siya naglalaan para sa buong sangkatauhan. Kung kinikilala mo lamang na ang iyong pang-araw-araw na ikinabubuhay at ang iyong mga pangangailangan sa buhay ay nagmumula sa Diyos, ngunit hindi mo nakikita ang katotohanang kinukuha ng Diyos ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha para tustusan ang buong sangkatauhan, at na sa pamumuno sa lahat ng bagay ay pinangungunahan Niya ang buong sangkatauhan, kung gayon hindi mo kailanman magagawang sumaksi para sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IX

Kung hindi mo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, kung gayon ay magiging imposible para sa iyo na isagawa ang gawain na dapat mong gawin para sa Kanya. Kung hindi mo alam ang diwa ng Diyos, kung gayon ay magiging imposible para sa iyo na magkaroon ng takot at pangamba sa Kanya; sa halip, magkakaroon lamang ng walang-ingat na pagwawalang-bahala at kasinungalingan, at idagdag pa rito ang hindi na maiwawastong kalapastanganan. Bagamat talagang mahalaga ang pag-intindi sa disposisyon ng Diyos, at ang pag-alam sa diwa ng Diyos ay hindi maaaring makaligtaan, walang sinuman kailanman ang lubusang nagsiyasat o nagsaliksik sa mga usaping ito. Malinaw na makikita na iwinaksi na ninyong lahat ang mga atas administratibong inilabas Ko. Kung hindi ninyo naiintindihan ang disposisyon ng Diyos, kung gayon ay malamang na malalabag ninyo ang disposisyon Niya. Ang paglabag sa disposisyon Niya ay katumbas ng pagpukaw sa galit ng Diyos Mismo, at sa ganitong pagkakataon, ang pangwakas na bunga ng mga ikinilos mo ay ang paglabag sa mga atas administratibo. Ngayon dapat mong mapagtanto na kapag nababatid mo ang diwa ng Diyos ay maiintindihan mo rin ang Kanyang disposisyon—at kapag naiintindihan mo ang Kanyang disposisyon, maiintindihan mo rin ang mga atas administratibo. Hindi na kailangan pang sabihin na karamihan sa napapaloob sa mga atas administratibo ay sumasaklaw sa disposisyon ng Diyos, ngunit hindi lahat ng disposisyon Niya ay ipinahayag sa mga atas administratibo; kaya, dapat ninyong pagbutihin pa ang pagpapaunlad ng pagkaunawa ninyo sa disposisyon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos

Kung ang nalalaman at ang nauunawaan ng mga tao ay ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, ang kanilang matatamo ay buhay na nagmumula sa Diyos. Sa sandaling maisakatuparan na ang buhay na ito sa iyo, lalo pang lalaki nang lalaki ang iyong takot sa Diyos. Isang bunga ito na dumarating nang napakanatural. Kung ayaw mong maunawaan o malaman ang tungkol sa disposisyon ng Diyos o sa Kanyang diwa, kung ayaw mo man lang pagnilayan o pagtuunan ng pansin ang mga bagay na ito, masasabi Ko sa iyo nang may katiyakan na ang paraan ng iyong kasalukuyang paghahangad sa iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi ka kailanman matutulutang matugunan ang Kanyang mga layunin o makamit ang Kanyang papuri. Higit pa roon, hindi mo kailanman tunay na matatamo ang kaligtasan—ito ang panghuling mga kahihinatnan. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos at hindi nalalaman ang Kanyang disposisyon, hindi kailanman magagawang tunay na magbukas sa Kanya ang kanilang mga puso. Sa sandaling maunawaan na nila ang Diyos, magsisimula silang pahalagahan at lasapin kung ano ang nasa Kanyang puso nang may interes at pananampalataya. Kapag pinahahalagahan at nilalasap mo kung ano ang nasa puso ng Diyos, ang iyong puso ay dahan-dahan, unti-unting, nagbubukas sa Kanya. Kapag nagbubukas ang iyong puso sa Kanya, madarama mo kung gaano kahiya-hiya at kasuklam-suklam ang iyong mga pakikitungo sa Diyos, ang iyong mga hinihingi sa Diyos, at ang iyong sariling labis-labis na mga pagnanais. Kapag tunay na nagbubukas sa Diyos ang iyong puso, makikita mo na ang Kanyang puso ay isang walang hanggang mundo, at papasok ka sa isang dako na hindi mo pa naranasan kailanman. Sa dakong ito ay walang pandaraya, walang panlilinlang, walang kadiliman, at walang kasamaan. Mayroon lang sinseridad at katapatan; tanging liwanag at karangalan; tanging pagiging matuwid at kagandahang-loob. Puno ito ng pagmamahal at pagmamalasakit, puno ng habag at pagpapaubaya, at sa pamamagitan nito ay nararamdaman mo ang kaligayahan at kagalakan ng pagiging buhay. Ang mga bagay na ito ang ibubunyag sa iyo ng Diyos kapag binuksan mo ang iyong puso sa Kanya. Ang walang hanggang mundong ito ay puno ng karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos; puno rin ito ng Kanyang pag-ibig at ng Kanyang awtoridad. Makikita mo rito ang bawat aspeto ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, kung ano ang nagbibigay sa Kanya ng kagalakan, kung bakit Siya nag-aalala at kung bakit Siya nalulungkot, kung bakit Siya nagagalit…. Ito ang makikita ng bawat isang tao na nagbubukas ng kanilang puso at tinutulutang makapasok ang Diyos. Makapapasok lang sa iyong puso ang Diyos kung bubuksan mo ito sa Kanya. Makikita mo lang kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at makikita mo lang ang Kanyang mga layunin para sa iyo, kung nakapasok na Siya sa iyong puso. Sa sandaling iyon, matutuklasan mo na napakahalaga ng lahat ng tungkol sa Diyos, na talagang karapat-dapat pakaingatan ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Kumpara roon, ang mga taong nakapaligid sa iyo, ang mga bagay at mga pangyayari sa iyong buhay, at maging ang iyong mga mahal sa buhay, ang iyong kapareha, at ang mga bagay na iyong minamahal, ay hindi man lang karapat-dapat na banggitin. Napakaliit ng mga ito, at napakababa; mararamdaman mo na walang materyal na bagay ang muling makahahatak sa iyo, o na may anumang materyal na bagay ang muling makaaakit sa iyo na magbayad ng anumang halaga para rito. Sa pagpapakumbaba ng Diyos ay makikita mo ang Kanyang kadakilaan at ang Kanyang pangingibabaw. Higit pa rito, makikita mo ang walang hanggang karunungan ng Diyos at ang Kanyang pagpapaubaya sa ilang gawa Niya na pinaniwalaan mo noon na masyadong maliit, at makikita mo ang Kanyang pagtitiyaga, ang Kanyang pagtitimpi, at ang Kanyang pag-unawa sa iyo. Magdudulot ito sa iyo ng pagsamba para sa Kanya. Sa araw na iyon, mararamdaman mo na nabubuhay ang sangkatauhan sa isang maruming mundo, na ang mga taong nasa tabi mo at ang mga bagay na nangyayari sa iyong buhay, at maging yaong iyong iniibig, ang kanilang pag-ibig para sa iyo, at ang kanilang tinatawag na pag-iingat o ang kanilang malasakit para sa iyo ay hindi man lang karapat-dapat na banggitin—ang Diyos lang ang iyong minamahal, at ang Diyos lang ang pinakaiingatan mo sa lahat. Kapag dumating ang araw na iyon, naniniwala Ako na magkakaroon ng ilang tao na nagsasabing: Napakadakila ng pag-ibig ng Diyos, at napakabanal ng Kanyang diwa—sa Diyos ay walang panlilinlang, walang kasamaan, walang inggit, at walang alitan, kundi tanging pagiging matuwid at pagiging tunay, at ang lahat ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay dapat kasabikan ng mga tao. Dapat itong pagsikapan at hangarin ng mga tao. Sa anong batayan nakatayo ang kakayahan ng mga tao na makamtam ito? Nakatayo ito batay sa pagkaunawa nila sa disposisyon ng Diyos, at sa kanilang pagkaunawa sa diwa ng Diyos. Kaya ang pag-unawa sa disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, ay isang panghabang-buhay na aral sa bawat tao; isang panghabang-buhay na mithiin na hinahangad ng bawat tao na nagsisikap na mabago ang kanilang disposisyon, at nagsisikap na makilala ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Ang malaman ang diwa ng Diyos ay hindi biru-birong bagay. Dapat mong maunawaan ang disposisyon Niya. Sa ganitong paraan, unti-unti at hindi mo namamalayan na nalalaman mo na ang diwa ng Diyos. Kapag nakapasok ka sa ganitong kaaalaman, matatagpuan mo ang sarili mong tumatapak sa mas mataas at mas magandang kalagayan. Sa huli, makararamdam ka ng hiya sa nakapanghihilakbot mong kaluluwa, at, bukod dito, ay mararamdaman mong hindi ka na makakapagtago kahit saan pa man mula sa iyong kahihiyan. Sa panahong iyon, mababawasan nang mababawasan ang mga ginagawa mong lumalabag sa disposisyon ng Diyos, lalapit at lalapit sa Diyos ang puso mo, at ang pagmamahal sa Kanya ay unti-unting lalago sa puso mo. Isa itong tanda ng pagpasok ng sangkatauhan sa isang magandang kalagayan. Ngunit hanggang ngayon, hindi pa ninyo natatamo ito. Habang nagmamadali kayong lahat para sa kapakanan ng tadhana ninyo, sino ang mayroong anumang interes na sumubok na alamin ang diwa ng Diyos? Kung magpapatuloy ito, makalalabag kayo nang hindi ninyo namamalayan laban sa mga atas administratibo, dahil lubhang napakakakaunti ng naiintindihan ninyo sa disposisyon ng Diyos. Kaya hindi ba ang ginagawa ninyo ngayon ay paglalatag ng saligan para sa mga paglabag ninyo laban sa disposisyon ng Diyos? Ang paghingi Ko sa inyo na unawain ang disposisyon ng Diyos ay hindi hiwalay sa gawain Ko. Dahil kung lumalabag kayo nang madalas sa mga atas administratibo, sino sa inyo ang makatatakas sa kaparusahan? Ang gawain Ko ba kung gayon ay hindi naging lubusang walang katuturan? Samakatuwid, hinihiling Ko pa rin, bilang karagdagan sa pagsusuring mabuti sa sarili ninyong asal, na maging maingat sa mga hakbang na tinatahak ninyo. Ito ang mas malaking hihingin Ko sa inyo, at umaasa Akong maingat ninyong isasaalang-alang ito at bibigyan ito ng maalab ninyong pagturing. Kung darating man ang araw na pupukawin ng mga kilos ninyo ang Aking masidhing galit, kung gayon ay kayo lamang ang magsasaalang-alang ng mga kahihinatnan, at wala nang iba pang hahalili sa pagbabata ng kaparusahan ninyo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos

Kaugnay na mga Himno

Ang Resultang Nakakamit sa Pagkakakilala sa Diyos

Ang Makilala ang Diyos ay ang Pinakamataas na Karangalan para sa mga Nilikhang Nilalang

Tao’y Magagawa Lang na Mahalin ang Diyos sa Pamamagitan ng Pagkilala sa Diyos

Ang mga Kahihinatnan ng Hindi Pag-alam sa Disposisyon ng Diyos

Sinundan: 43. Bakit iyong mga tunay lang na nagmamahal sa Diyos ang magagawa Niyang perpekto

Sumunod: 45. Paano mauunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 17: Pinatotohanan n’yo na ang Makapangyarihang Diyos ang Diyos ng mga huling araw na nagpapakita at gumagawa, at sinabi n’yo ring naghahanap ng katotohanan ang paniniwala n’yo sa Kanya, at tinatahak n’yo ang tamang daan ng buhay. Pero sa pagkakaalam ko, marami sa mga naniniwala sa Kanya sa Makapangyarihang Diyos ay katulad ng mga misyonaryo ni Jesus, na sa layunin ng pagpapakalat ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos, ay hindi nag-alinlangang iwan ang pamilya at propesyon, at ibinigay ang katawan at kaluluwa sa Diyos. Sa kanilang lahat marami sa mga kabataan ang hindi nagpapakasal, ginagawa nila ang tungkulin nila sa pagsunod kay Cristo ng mga huling araw. Hindi n’yo yata alam na, dahil iniiwan n’yo ang pamilya n’yo at kumikilos para ikalat ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos, lalong dumarami ang mga taong naniniwala sa Diyos. Kapag ang lahat ng tao ay napalapit na sa Diyos, sino pang maniniwala sa Partido Komunista, at susunod sa kanila? Malinaw na dahil dito, pinipigilan kayo at inaaresto ng gobyerno. May nakikita ba kayong mali rito? Dahil naniniwala kayo sa Diyos sa ganitong paraan kaya maraming tao ang inaresto at sinintesyahang makulong, at marami ang umalis ng bahay at lumikas. Maraming mag-asawa ang nagdiborsyo, at maraming bata ang walang mga magulang na, magmamahal sa kanila. Maraming matatanda ang walang karamay para mag-alaga sa kanila. Sa paniniwala sa Diyos sa ganitong paraan, dinanas ng mga pamilya ninyo ang matinding paghihirap. Ano ba talagang gusto ninyong makamit? Hindi kaya ito ang tamang daan para sa buhay ng tao na sinasabi n’yo? Ang tradisyunal na kultura ng Tsina ay nagbibigay ng higit na pagpapahalaga sa kabanalan ng pamilya. Ayon sa kasabihan: “Sa lahat ng kabutihan, ang paggalang ng anak sa magulang ang pinakamahalaga.” Sabi ni Confucius: “Habang buhay pa ang mga magulang n’yo, huwag kayong maglalakbay nang malayo.” Ang pagrespeto sa mga magulang ang pundasyon ng pag-uugali ng tao. Sa paniniwala at pagsunod sa Diyos sa paraang ginagawa n’yo, hindi nyo magawang alagaan kahit na ang mga magulang n’yong nagbigay-buhay at nag-aruga sa inyo, pa’no ito naituring na tamang daan para sa buhay ng tao? Madalas kong marinig sa mga tao na, mabubuti ang lahat ng sumasampalataya. Hindi mali yon. Pero naniniwala kayong lahat sa Diyos, sumasamba at nagtatanghal sa Kanya bilang dakila. Ito ang dahilan para magpuyos sa galit ang Partido Komunista, at mapuno ng pagkamuhi. Ginagawa n’yo ang tungkulin n’yo para maikalat ang ebanghelyo, pero ni hindi n’yo maalagaan ang mga sarili n’yong pamilya. Paano ito maituturing na kagandahang asal? Anong masasabi n’yo? Posible kaya na kahit hindi nakikita ay nagkamali kayo ng tinahak na daan sa paniniwala sa Diyos? Sa pagpapakalat ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos sa ganitong paraan, hindi ba’t sinisira n’yo ang pagkakaisa at katatagan ng lipunan? Nakikiusap ako sa inyo na itigil n’yo na ang paggawa ng mali. Bumalik na kayo sa lipunan sa lalong madaling panahon, samahan n’yo na ang pamilya n’yo, magkaro’n ng normal na buhay, at alagaang mabuti ang inyong pamilya. Dapat n’yong gawin ang tungkulin n’yo bilang mga anak at magulang. Ito lang ang pundasyon sa pag-uugali ng tao, at ito lang ang pinakapraktikal.

Sagot: Paulit-ulit mong sinasabi na maling daan ang tinahak namin sa paglisan sa mga pamilya at propisyon namin para maniwala sa Diyos at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito