45. Paano mauunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay isang pagkastigo at paghatol, kung saan inihahayag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto ang mga nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang kalikasan. Ito ang sandali kung kailan ibinubunyag ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng sangkatauhan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para mailantad ang kanilang paghihimagsik at pagiging di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kalalabasan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang buong sangkatauhan ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kalalabasan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sumuko sa pamamahala ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang paghihimagsik, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing pinagsama ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang lubusang makapagbabago at makagagawang ganap sa tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay makapagbibigay nang matinding parusa sa lahat ng hindi matuwid. Samakatuwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan, at ang pagpapahayag at pagpapakita ng Kanyang disposisyon ay ipinamamalas para sa kapakanan ng gawain sa bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang basta-basta at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na sa pagbubunyag ng kalalabasan ng tao sa mga huling araw, igagawad pa rin ng Diyos sa tao ang walang limitasyong awa at pagmamahal at patuloy na magiging mapagmahal sa mga tao, hindi isasailalim ang tao sa matuwid na paghatol kundi magpapakita sa kanya ng pagpaparaya, pagtitiis, at pagpapatawad, at papatawarin ang tao gaano man katindi ang mga kasalanan niya, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol; kailan kung gayon magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang mapangunahan ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa nararapat na hantungan ng sangkatauhan? Gawing halimbawa, ang isang hukom na laging mapagmahal, may maamong mukha at magiliw na puso. Mahal niya ang mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa sinumang tao. Kung gayon, kailan siya makaaabot sa isang makatwirang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makapaghihiwalay sa tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa tao sa isang bagong mundo. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay dadalhin sa katapusan sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Ako ang walang-katulad na Diyos Mismo at, higit pa, Ako ang kaisa-isang persona ng Diyos. Bukod pa roon, Ako, ang kabuuan ng katawang-tao, ang ganap na pagpapakita ng Diyos. Sinumang nangangahas na hindi matakot sa Akin, sinumang maglalakas-loob na magpakita ng paglaban sa kanilang mga mata, at sinumang maglalakas-loob na magsalita ng mga salita ng paglaban sa Akin ay tiyak na mamamatay mula sa Aking mga sumpa at poot (magkakaroon ng pagsumpa dahil sa Aking poot). At sinumang maglalakas-loob na hindi maging tapat o maging anak sa Akin, at sinumang maglalakas-loob na subukang manlinlang sa Akin ay tiyak na mamamatay sa Aking pagkamuhi. Ang Aking katuwiran, kamahalan at paghatol ay mananatili magpakailan pa man. Noong una, Ako ay mapagmahal at mahabagin, ngunit hindi ito ang disposisyon ng Aking ganap na pagka-Diyos; katuwiran, kamahalan at paghatol lamang ang bumubuo sa disposisyon Ko—ang ganap na Diyos Mismo. Noong Kapanahunan ng Biyaya, Ako ay mapagmahal at mahabagin. Dahil sa gawain na kailangan Kong tapusin, taglay Ko ang maibiging kabaitan at habag; ngunit pagkatapos, wala nang pangangailangan para sa mga ganoong bagay (at hindi na nagkaroon simula noon). Pawang katuwiran, kamahalan, at paghatol, at ito ang ganap na disposisyon ng Aking normal na pagkatao kasama ang Aking ganap na pagka-Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 79

Parurusahan Ko ang masama at gagantimpalaan ang mabuti, at ipatutupad Ko ang Aking katuwiran, at isasagawa Ko ang Aking paghatol. Gagamitin Ko ang Aking mga salita para isakatuparan ang lahat, na ipinaparanas sa lahat ng tao at lahat ng bagay ang Aking kamay na kumakastigo, at ipapakita Ko sa lahat ng tao ang Aking buong kaluwalhatian, ang Aking buong karunungan, at ang Aking buong kasaganaan. Walang taong mangangahas na tumindig para humatol, sapagkat sa Akin, lahat ng bagay ay isinasakatuparan; at dito, hayaang makita ng lahat ng tao ang Aking buong dangal, at matikman ang Aking buong tagumpay, sapagkat sa Akin lahat ng bagay ay namamalas. Mula rito, maaaring makita ang Aking dakilang kapangyarihan at Aking awtoridad. Walang mangangahas na magkasala sa Akin, at walang mangangahas na hadlangan Ako. Lahat ay nahahayag sa Akin. Sino ang mangangahas na magtago ng anuman? Tiyak na hindi Ko pakikitaan ng awa ang taong iyon! Kailangang tumanggap ng Aking matinding parusa ang mga walang hiyang iyon, at kailangang mawala sa Aking paningin ang hamak na mga taong iyon. Pamumunuan Ko sila gamit ang tungkod na bakal at gagamitin Ko ang Aking awtoridad para hatulan sila, na wala ni katiting na awa at hindi man lamang isinasaalang-alang ang kanilang damdamin, sapagkat Ako Mismo ang Diyos na walang mga damdamin ng laman at maringal at walang maaaring magkasala sa Akin. Dapat itong maunawaan at makita ng lahat, kung hindi ay pababagsakin at lilipulin Ko sila “nang walang dahilan o katwiran,” sapagkat pababagsakin ng Aking tungkod ang lahat ng nagkakasala sa Akin. Wala Akong pakialam kung alam man nila ang Aking mga atas administratibo; wala iyang halaga sa Akin, dahil hindi tinatanggap ng Aking persona ang pagkakasala ng sinuman. Ito ang dahilan kaya sinasabi na Ako ay isang leon; pinababagsak Ko ang sinumang Aking hipuin. Kaya nga sinasabi na kalapastanganan na ngayong sabihin na Ako ang Diyos na may habag at kagandahang-loob. Sa diwa, hindi Ako isang cordero, kundi isang leon. Walang nangangahas na magkasala sa Akin; sinumang magkasala sa Akin, parurusahan Ko ng kamatayan, agad-agad at nang walang awa!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 120

Ako ay matuwid, Ako ay mapagkakatiwalaan, at Ako ang Diyos na nagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao! Ibubunyag Ko agad kung sino ang totoo at kung sino ang huwad. Huwag kang mangamba, lahat ng bagay ay kumikilos ayon sa Aking oras. Sino ang taos na nagnanais sa Akin, sino ang hindi—sasabihin Ko sa inyo, isa-isa. Siguraduhin lamang ninyong kumain nang mabuti, uminom nang mabuti, at lumapit sa Akin kapag kayo ay nasa presensya Ko, at Ako Mismo ang gagawa ng Aking gawain. Huwag kayong labis na masabik sa mga agarang resulta; ang Aking gawain ay hindi isang bagay na maisasagawa agad-agad. Nakapaloob dito ang Aking mga hakbang at ang Aking karunungan, at iyan ang dahilan kung kaya mabubunyag ang Aking karunungan. Hahayaan Ko kayong makita kung ano ang ginagawa ng Aking mga kamay—ang pagpaparusa sa kasamaan at paggantimpala sa kabutihan. Ako ay talagang walang pinapaboran na kahit na sino. Ikaw na tapat na nagmamahal sa Akin, tapat Kitang mamahalin, at yaon namang mga hindi tapat na nagmamahal sa Akin, ang Aking poot ay mamamalagi magpakailanman sa kanila, upang maalala nila magpakailanman na Ako ang tunay na Diyos, ang Diyos na nagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao. Huwag kang kumilos ng isang paraan kapag kaharap ang kapwa ngunit ibang paraan kapag nakatalikod sila; malinaw Kong nakikita ang lahat ng ginagawa mo, at kahit malinlang mo ang iba, hindi mo Ako malilinlang. Malinaw Kong nakikita iyong lahat. Hindi posibleng maitago mo ang anumang bagay; ang lahat ay nasa Aking mga kamay. Huwag mong isiping napakatalino mo dahil nagagawa mong makinabang mula sa mga munti mong pagmamanipula. Sinasabi Ko sa iyo: gaano man karaming plano ang gawin ng tao, libo-libo man o sampu-sampung libo, sa huli ay hindi sila makatatakas mula sa Aking palad. Lahat ng bagay ay kontrolado ng Aking mga kamay, lalo naman ang isang tao! Huwag mo Akong subukang iwasan o pagtaguan, huwag mong subukang manlinlang o magtago. Maaari kayang hindi mo pa rin nakikita na ang Aking maluwalhating mukha, ang Aking poot at Aking paghatol, ay naibunyag na sa madla? Sinumang hindi nagnanais sa Akin nang tapat, agad at walang-awa Ko silang hahatulan. Ang Aking awa ay umabot na sa sukdulan; wala nang natitira pa roon. Huwag na kayong maging mga paimbabaw, at itigil na ninyo ang inyong mga gawing mararahas at pabaya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 44

Upang maunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos, kailangang maunawaan muna ng isang tao ang mga emosyon ng Diyos: kung ano ang Kanyang kinamumuhian, kung ano ang Kanyang kinasusuklaman, kung ano ang Kanyang minamahal, kung kanino Siya nagpaparaya at naaawa, at sa anong uri ng tao Niya ipinagkakaloob ang awang iyon. Ito ay isang pangunahing punto. Dapat ding malaman ng isang tao na gaano man kamapagmahal ang Diyos, gaano man karami ang habag at pagmamahal na mayroon Siya para sa mga tao, hindi hinahayaan ng Diyos ang sinuman na nagkakasala sa Kanyang pagkakakilanlan at posisyon, ni hindi Niya tinutulutan ang sinuman na nagkakasala sa Kanyang dignidad. Kahit mahal ng Diyos ang mga tao, hindi Niya sila kinukunsinti. Ibinibigay Niya sa mga tao ang Kanyang pagmamahal, ang Kanyang habag, at ang Kanyang pagpapaubaya, nguni’t hindi Niya kailanman pinamihasa sila; ang Diyos ay mayroong Kanyang mga prinsipyo at Kanyang mga hangganan. Gaano man kalaki ang naramdaman mo nang pagmamahal sa iyo ng Diyos, gaano man kalalim ang pagmamahal na iyon, kailanma’y hindi mo dapat tratuhin ang Diyos sa paraan ng pagtrato mo sa isa pang tao. Bagaman totoo na itinuturing ng Diyos ang mga tao na sukdulang malapit sa Kanya, kung itinuturing ng isang tao ang Diyos bilang ibang tao lamang, bilang isang taong katumbas ng isang nilikha, o bilang isang kaibigan o isang bagay ng pagsamba, itatago ng Diyos ang Kanyang mukha sa kanila at tatalikdan sila. Ito ang Kanyang disposisyon, at dapat pag-isipang mabuti ng mga tao ang isyung ito. Kaya, madalas nating nakikita ang mga salitang gaya nito na sinasabi ng Diyos tungkol sa Kanyang disposisyon: Gaano man karami ang mga daan na iyong nalakbay, gaano man karami ang gawain na iyong nagawa o gaano man karami ang iyong tiniis na, sa sandaling magkasala ka sa disposisyon ng Diyos, gagantihan Niya ang bawa’t isa sa inyo batay sa inyong nagawa. Ibig sabihin nito ay itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang sukdulang malapit sa Kanya, nguni’t hindi dapat ituring ng mga tao ang Diyos bilang isang kaibigan o isang kaanak. Huwag tawagin ang Diyos bilang iyong “kaibigan.” Gaano man kalaki ang pagmamahal na natanggap mo mula sa Kanya, gaano man karaming pagpapaubaya ang naibigay Niya sa iyo, kailanman ay hindi mo dapat ituring ang Diyos bilang iyong kaibigan. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VII

Ang hindi pagkunsinti ng Diyos sa pagkakasala ang Kanyang natatanging diwa; ang poot ng Diyos ang Kanyang natatanging disposisyon; ang pagiging maharlika ng Diyos ang Kanyang natatanging diwa. Ang prinsipyo sa likod ng galit ng Diyos ay ang pagrerepresenta sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan na Siya lamang ang nagtataglay. Hindi na kailangang sabihin pa na ang prinsipyong ito ay sagisag din ng diwa ng natatanging Diyos Mismo. Ang disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling likas na diwa, na hindi nababago ng paglipas ng panahon, o ng mga pagbabago man sa heograpikal na lokasyon. Ang Kanyang likas na disposisyon ay ang Kanyang tunay na diwa. Kanino man Niya isinasakatuparan ang Kanyang ginagawa, hindi nagbabago ang Kanyang diwa at maging ang Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag ginagalit ng isang tao ang Diyos, yaong ipinadadala ng Diyos ay ang Kanyang likas na disposisyon; sa pagkakataong ito, ang prinsipyo sa likod ng Kanyang galit ay hindi nagbabago, gayundin ang Kanyang natatanging pagkakakilanlan at katayuan. Hindi Siya unti-unting nagagalit dahil sa isang pagbabago sa Kanyang diwa o dahil ang Kanyang disposisyon ay nagbunga ng iba’t ibang mga elemento, kundi dahil ang paglaban ng tao sa Kanya ay lumalabag sa Kanyang disposisyon. Ang lantarang pagpapagalit ng tao sa Diyos ay isang matinding hamon sa sariling pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Sa pananaw ng Diyos, kapag hinahamon Siya ng tao, kinakalaban Siya ng tao at tinutukso ang Kanyang galit. Kapag sinasalungat ng tao ang Diyos, kapag kinakalaban ng tao ang Diyos, kapag patuloy na tinutukso ng tao ang galit ng Diyos—at sa mga panahong iyon kung kailan laganap ang kasalanan—ang poot ng Diyos ay likas na magpapahayag at magpapakita. Samakatuwid, ang pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang poot ay isang simbolo na ang lahat ng puwersa ng kabuktutan ay titigil sa pag-iral; isa itong simbolo na ang lahat ng kalabang puwersa ay wawasakin. Ito ang pagiging natatangi ng matuwid na disposisyon ng Diyos at ng Kanyang poot. Kapag hinahamon ang dangal at kabanalan ng Diyos, kapag ang mga makatarungang puwersa ay hinahadlangan at hindi nakikita ng tao, ipadadala ng Diyos ang Kanyang poot. Dahil sa diwa ng Diyos, lahat ng puwersang iyon sa mundo na kumakalaban sa Diyos, sumasalungat at nakikipagtalo sa Kanya ay buktot, tiwali at hindi makatarungan; ang mga ito ay nagmumula kay Satanas at nabibilang kay Satanas. Dahil makatarungan ang Diyos, at Siya ay liwanag at banal na walang-dungis, lahat ng bagay na buktot, tiwali at kay Satanas ay maglalaho kapag pinakawalan na ang poot ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang matinding galit, napipigil ang mga puwersa ng kabuktutan at nawawasak ang mga buktot na bagay, samantalang tinatamasa ng matutuwid at positibong mga bagay ang pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, at sila ay pinahihintulutang magpatuloy. Ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot dahil ang hindi makatarungan, negatibo at buktot na bagay ay humahadlang, nanggugulo o sumisira sa normal na gawain at pagsulong ng makatarungan at positibong mga bagay. Ang mithiin ng galit ng Diyos ay hindi ang protektahan ang Kanyang sariling katayuan at pagkakakilanlan, kundi ingatan ang pag-iral ng makatarungan, positibo, magaganda at mabubuting mga bagay, upang pangalagaan ang mga batas at kaayusan ng normal na kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan. Ito ang pinag-uugatan ng poot ng Diyos. Ang matinding galit ng Diyos ay talagang nararapat, likas at tunay na pahayag ng Kanyang disposisyon. Walang mga lihim na hangarin sa Kanyang matinding galit, ni panlilinlang man o pagbabalak, o lalo na ng mga pagnanasa, katusuhan, malisya, karahasan, kabuktutan o alinman sa mga katangiang taglay ng tiwaling sangkatauhan. Bago ipinadadala ng Diyos ang Kanyang matinding galit, naramdaman na Niya ang diwa ng bawat bagay nang lubhang malinaw at ganap, at nakapagbuo na Siya ng tumpak at malinaw na mga pakahulugan at mga kongklusyon. Sa gayon, ang layon ng Diyos sa bawat bagay na Kanyang ginagawa ay sinlinaw ng kristal, tulad din ng Kanyang saloobin. Hindi magulo ang Kanyang pag-iisip; hindi Siya bulag at mapusok; tiyak na may prinsipyo Siya. Ito ang praktikal na aspeto ng poot ng Diyos, at dahil sa praktikal na aspetong ito ng poot ng Diyos kaya naabot ng sangkatauhan ang karaniwang pag-iral nito. Kung wala ang poot ng Diyos, bababa ang sangkatauhan sa mga hindi karaniwang kalagayan ng pamumuhay; at ang lahat ng bagay na matuwid, maganda at mabuti ay mawawasak at hihinto sa pag-iral. Kung wala ang poot ng Diyos, ang mga batas at mga alituntunin ng pag-iral para sa mga nilikhang nilalang ay masisira o maaaring tuluyang mawasak. Mula sa paglikha sa tao, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pangalagaan at panatilihin ang normal na pag-iral ng sangkatauhan. Sapagkat ang Kanyang matuwid na disposisyon ay naglalaman ng poot at pagiging maharlika, ang lahat ng buktot na tao, mga bagay at gamit, at lahat ng bagay na gumagambala at sumisira sa karaniwang pag-iral ng sangkatauhan ay naparurusahan, nakokontrol at nawawasak bilang resulta ng Kanyang poot. Sa mga nakalipas na libu-libong taon, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pabagsakin at wasakin ang lahat ng uri ng marurumi at masasamang mga espiritu na kumakalaban sa Diyos at kumikilos bilang mga kasabwat at alagad ni Satanas sa gawain ng Diyos na pamamahala sa sangkatauhan. Sa gayon, ang gawain ng Diyos na pagliligtas sa tao ay laging sumusulong ayon sa Kanyang plano. Masasabi natin na dahil sa pag-iral ng poot ng Diyos, ang pinakamakatarungang mga layon sa gitna ng sangkatauhan ay hindi kailanman nawasak.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Ang pakikitungo ng Diyos sa kabuuan ng sangkatauhan, hangal at mangmang man ito, ay pangunahing nakabatay sa awa at pagpapaubaya. Sa kabilang banda, ang Kanyang poot ay nakatago sa mas nakararaming pagkakataon at sa mas nakararaming pangyayari, at hindi ito nalalaman ng tao. Bilang resulta, mahirap para sa tao na makitang inilalabas ng Diyos ang Kanyang poot, at mahirap ding maunawaan ang Kanyang poot. Dahil dito, minamaliit ng tao ang poot ng Diyos. Kapag humaharap na ang tao sa huling gawain at hakbang ng pagpapaubaya at pagpapatawad sa tao ng Diyos—iyan ay kapag ang huling pagkakataon para sa awa ng Diyos at ang huling babala Niya ay dumapo sa sangkatauhan—kung gagamitin pa rin ng mga tao ang parehong mga paraan upang salungatin ang Diyos at hindi gumawa ng kahit anong pagsisikap upang magsisi, ayusin ang kanilang mga pag-uugali at tanggapin ang Kanyang awa, hindi na ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang pagpapaubaya at pasensya sa kanila. Bagkus, babawiin ng Diyos ang Kanyang awa sa panahong ito. Kasunod nito, ipadadala na lamang Niya ang Kanyang poot. Maaari Niyang ipahayag ang Kanyang poot sa iba’t ibang mga paraan, gaya ng kung paanong nakagagamit Siya ng iba’t ibang mga pamamaraan upang parusahan at wasakin ang mga tao.

Ang paggamit ng Diyos ng apoy upang wasakin ang lungsod ng Sodoma ang pinakamabilis Niyang paraan upang lubos na lipulin ang isang sangkatauhan o ano pa mang bagay. Higit pa sa kanilang pisikal na katawan ang winasak ng pagsunog sa mga mamamayan ng Sodoma; winasak nito ang kabuuan ng kanilang mga espiritu, ang kanilang mga kaluluwa at kanilang mga katawan, tinitiyak na ang mga tao sa loob ng lungsod na ito ay titigil sa pag-iral sa kapwa materyal na mundo at mundong hindi nakikita ng tao. Ito ay isang paraan kung paano ibinubunyag ng Diyos at ipinahahayag ang Kanyang poot. Ang ganitong paraan ng pagbubunyag at pagpapahayag ay isang aspeto ng diwa ng poot ng Diyos, kung paano ring ito ay likas na paghahayag ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot, tumitigil Siya sa paghahayag ng anumang awa o mapagmahal na kabaitan, ni hindi na Siya nagpapakita pa ng Kanyang pagpapaubaya o pasensya; walang tao, bagay o dahilan na makahihimok sa Kanya upang patuloy na maging matiyaga, na muling ibigay ang Kanyang awa, at minsan pang ipagkaloob ang Kanyang pagpaparaya. Kapalit ng mga bagay na ito, walang isa mang sandali ng pag-aalinlangan, ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot at pagiging maharlika, ginagawa kung ano ang Kanyang nais. Isasagawa Niya ang mga bagay na ito sa isang mabilis at malinis na paraan ayon sa Kanyang sariling mga kagustuhan. Ito ang paraan kung paano ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot at pagiging maharlika, na hindi dapat labagin ng tao, at ito ay isa ring pagpapahayag ng isang aspeto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag nasasaksihan ng mga tao na nagpapakita ng pag-aalala at pagmamahal ang Diyos sa tao, hindi nila napapansin ang Kanyang poot, nakikita ang Kanyang pagiging maharlika o nadarama ang Kanyang kawalang-paraya sa pagkakasala. Ang mga bagay na ito ang laging nagpapapaniwala sa mga tao na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay yaong awa, pagpapaubaya at pagmamahal lamang. Gayunman, kapag nakita ng isang tao na winasak ng Diyos ang isang lungsod o kinamuhian ang isang sangkatauhan, ang Kanyang matinding galit sa pagkawasak ng tao at ang Kanyang pagiging maharlika ang nagbibigay-daan sa mga tao na masilayan ang kabilang panig ng matuwid Niyang disposisyon. Ito ang hindi pagkunsinti ng Diyos sa pagkakasala. Ang disposisyon ng Diyos na hindi kumukunsinti ng pagkakasala ay lumalampas sa imahinasyon ng anumang nilikhang nilalang, at sa mga di-nilikhang nilalang, walang may kakayahang panghimasukan ito o maapektuhan ito; at lalong hindi ito kayang gayahin o tularan. Sa gayon, ang aspetong ito ng disposisyon ng Diyos ang siyang dapat na talagang mabatid ng sangkatauhan. Tanging ang Diyos Mismo ang may ganitong uri ng disposisyon, at tanging Diyos Mismo ang nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon. Nagtataglay ang Diyos ng ganitong uri ng matuwid na disposisyon dahil nasusuklam Siya sa kasamaan, kadiliman, pagka-mapanghimagsik at mga buktot na gawa ni Satanas—pagtitiwali at paglamon sa sangkatauhan—sapagkat kinasusuklaman Niya ang lahat ng paggawa ng kasalanan bilang paglaban sa Kanya at dahil sa Kanyang banal at walang-dungis na diwa. Ito ang dahilan kaya hindi Niya hahayaan ang sinumang nilikha o di-nilikhang nilalang na hayagang salungatin o labanan Siya. Kahit ang isang indibidwal na pinagpakitaan Niyang minsan ng awa o Kanyang pinili ay kailangan lamang pukawin ang Kanyang disposisyon at labagin ang Kanyang prinsipyo ng pagpapasensya at pagpaparaya, at pakakawalan Niya at ibubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon na wala kahit katiting mang awa o pag-aalinlangan—isang disposisyon na hindi kinukunsinti ang pagkakasala.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Kapag hinaharap ang bawat isang gawa ng Diyos, kailangang tiyakin mo muna na malaya mula sa anumang ibang mga elemento ang matuwid na disposisyon ng Diyos, na ito ay banal at walang kapintasan. Kasama sa mga gawang ito ang pagpapabagsak, kaparusahan at pagwasak ng Diyos sa sangkatauhan. Walang pagtatangi, ang bawat isa sa mga gawa ng Diyos ay ginawa sa mahigpit na pagsunod sa Kanyang likas na disposisyon at Kanyang plano—hindi kasama rito ang kaalaman, tradisyon at pilosopiya ng sangkatauhan. Ang bawat isa sa mga gawa ng Diyos ay pagpapahayag ng Kanyang disposisyon at diwa, na walang kaugnayan sa anumang bagay na kabilang sa tiwaling sangkatauhan. Sa kuru-kuro ng mga tao, tanging ang pag-ibig ng Diyos, awa at pagpaparaya sa sangkatauhan ang walang-bahid, walang-halo at banal, at, walang nakaaalam na ang matinding galit ng Diyos at ang Kanyang poot ay wala ring halo; dagdag pa rito, walang nakapag-isip nang mabuti ng mga tanong tulad ng bakit hindi kinukunsinti ng Diyos ang pagkakasala o bakit ang Kanyang poot ay napakatindi. Bagkus, napagkakamalan ng ilan ang poot ng Diyos bilang init ng ulo, gaya ng sa tiwaling sangkatauhan, at nagkakamali ng pagkaunawa sa poot ng Diyos bilang kagaya ng matinding galit ng tiwaling sangkatauhan. Nagkakamali nga rin sila sa pagpapalagay na ang matinding galit ng Diyos ay katulad lamang ng likas na paghahayag ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan at na ang pagpapalabas ng poot ng Diyos ay katulad lamang ng galit ng tiwaling sangkatauhan kapag sila ay nahaharap sa isang hindi masayang sitwasyon, at naniniwala pa sila na ang pagpapalabas ng poot ng Diyos ay isang pagpapahayag ng Kanyang lagay ng loob. … Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling tunay na diwa. Hindi ito isang bagay na hinubog o isinulat ng tao. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay ang Kanyang matuwid na disposisyon at wala itong relasyon o mga ugnayan sa anumang sa nilikha. Ang Diyos Mismo ay ang Diyos Mismo. Hindi Siya kailanman magiging bahagi ng nilikha, at kahit na maging kaanib Siya ng mga nilikhang nilalang, ang Kanyang likas na disposisyon at diwa ay hindi magbabago. Samakatuwid, ang pagkakilala sa Diyos ay hindi pagkakilala sa isang bagay; hindi ito pagsusuri sa isang bagay, ni katulad ng pag-unawa sa isang tao. Kung ginagamit ng tao ang kanyang konsepto o pamamaraan ng pagkilala sa isang bagay o pag-unawa sa isang tao upang makilala ang Diyos, hindi siya kailanman magkakamit ng kaalaman tungkol sa Diyos. Ang pagkakilala sa Diyos ay hindi nakasalalay sa karanasan o imahinasyon, at samakatuwid hindi mo dapat ipagpilitan kahit kailan ang iyong karanasan o imahinasyon sa Diyos. Gaano man kayaman ang iyong karanasan at imahinasyon, may hangganan pa rin ang mga iyan. Higit pa riyan, ang iyong imahinasyon ay hindi umaayon sa mga katunayan, at lalong hindi ito umaayon sa katotohanan, at ito ay hindi katugma ng tunay na disposisyon at diwa ng Diyos. Hindi ka kailanman magtatagumpay kung aasa ka lamang sa iyong pag-iisip upang maunawaan ang diwa ng Diyos. Ang tanging landas ay ito: Tanggapin ang lahat ng nagmumula sa Diyos, at pagkatapos, unti-unting danasin at unawain ito. Darating ang araw na liliwanagan ka ng Diyos upang Siya ay lubos mong maunawaan at makilala dahil sa iyong pakikipagtulungan at dahil sa iyong pagkagutom at pagkauhaw para sa katotohanan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Nang binago ng Diyos ang Kanyang puso para sa mga taga-Ninive, isang pagkukunwari lamang ba ang Kanyang awa at pagpaparaya? Siyempre hindi! Kung gayon, ano ang naipakita ng pagbabago sa pagitan ng dalawang aspetong ito ng disposisyon ng Diyos sa kurso ng pagharap ng Diyos sa isang sitwasyong ito? Ang disposisyon ng Diyos ay isang ganap na buo—hinding-hindi ito nahahati. Naghahayag man Siya ng galit o awa at pagpaparaya tungo sa mga tao, ang lahat naman ng ito ay pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos ay pinakamahalaga at malinaw na nakikita, at binabago Niya ang Kanyang isip at saloobin batay sa pag-unlad ng mga bagay-bagay. Ang pagbabago ng Kanyang saloobin tungo sa mga taga-Ninive ay nagsasabi sa sangkatauhan na mayroon Siyang sariling mga kaisipan at ideya; hindi Siya isang robot o luwad na rebulto, kundi ang buhay na Diyos Mismo. Maaari Siyang magalit sa mga mamamayan ng Ninive, kung paanong maaari rin Niyang patawarin ang kanilang mga nakaraan dahil sa kanilang mga pag-uugali. Maaari Siyang magpasya na magpadala ng kasawian sa mga taga-Ninive, at maaari rin Niyang baguhin ang Kanyang pagpapasya dahil sa kanilang pagsisisi. Gusto ng mga tao na mahigpit na maglapat ng mga alituntunin at gamitin ang mga ganoong alituntunin upang limitahan at bigyang-kahulugan ang Diyos, tulad ng kanilang pagnanais na gumamit ng mga pormula upang subukang unawain ang disposisyon ng Diyos. Samakatuwid, batay sa kayang abutin ng pag-iisip ng tao, ang Diyos ay hindi nag-iisip, ni wala Siyang anumang makabuluhang mga ideya. Ngunit sa realidad, ang mga kaisipan ng Diyos ay patuloy na nagbabago ayon sa mga pagbabago sa mga bagay-bagay at sa mga kapaligiran. Habang ang mga kaisipang ito ay nagbabago, nabubunyag ang iba’t ibang aspeto ng diwa ng Diyos. Sa prosesong ito ng pagbabago, sa mismong sandaling binabago ng Diyos ang Kanyang puso, ang totoong pag-iral ng Kanyang buhay ang ibinubunyag Niya sa sangkatauhan, at na ibinubunyag din Niya na ang Kanyang matuwid na disposisyon ay puno ng nagbabagong kasiglahan. Kasabay nito, ginagamit ng Diyos ang Kanyang sariling tunay na mga pagbubunyag upang patunayan sa sangkatauhan ang pagiging totoo ng pag-iral ng Kanyang poot, Kanyang awa, Kanyang mapagmahal na kabaitan at Kanyang pagpaparaya. Ang Kanyang diwa ay mabubunyag sa anumang oras at saan mang lugar alinsunod sa pag-unlad ng mga bagay-bagay. May angkin Siyang poot ng isang leon at pagkahabag at pagpaparaya ng isang ina. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay hindi nagpapahintulot ng pagdududa, paglabag, pagbabago, o pamamaluktot ng sinumang tao. Sa lahat ng usapin at mga bagay-bagay, ang matuwid na disposisyon ng Diyos—iyon ay, ang poot ng Diyos at awa ng Diyos—ay mabubunyag sa anumang oras at saan mang lugar. Nagbibigay Siya ng mahalagang pagpapahayag sa mga aspetong ito sa bawat sulok ng sangnilikha, at isinasakatuparan Niya ang mga iyon nang may sigla sa bawat paglipas ng sandali. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nalilimitahan ng panahon o lugar, o sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi ipinapahayag na parang makina o ibinubunyag ayon sa idinidikta ng mga hangganan ng panahon o lugar, kundi sa halip, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay malayang naihahayag at nabubunyag sa lahat ng panahon at mga lugar. Kapag nakita mong binago ng Diyos ang Kanyang puso at huminto sa paghahayag ng Kanyang poot at tumigil sa pagwasak sa lungsod ng Ninive, masasabi mo ba na mahabagin at mapagmahal lamang ang Diyos? Masasabi mo ba na ang poot ng Diyos ay binubuo ng walang-saysay na mga salita? Kapag ipinadarama ng Diyos ang matinding poot at binabawi ang Kanyang awa, masasabi mo ba na hindi Siya nakadarama ng tunay na pagmamahal sa sangkatauhan? Inihahayag ng Diyos ang matinding poot na ito bilang tugon sa masasamang gawa ng mga tao; ang Kanyang poot ay walang kapintasan. Ang puso ng Diyos ay naaantig ng pagsisisi ng mga tao, at ang pagsisising ito ang siyang nagdudulot ng pagbabago sa Kanyang puso. Kapag naaantig Siya, kapag may pagbabago sa Kanyang puso, at kapag nagpapakita Siya ng awa at pagpaparaya sa tao, ang lahat ng ito ay lubos na walang kapintasan; ang mga iyon ay malinis, dalisay, walang-dungis at walang-halo. Ang pagpaparaya ng Diyos ay talagang: pagpaparaya, gaya ng ang Kanyang awa ay walang-iba kundi awa. Ibinubunyag ng Kanyang disposisyon ang poot o awa at pagpaparaya at ang mga pagkakaiba-iba sa pag-uugali ng tao. Kahit ano man ang Kanyang ibunyag at ipahayag, lahat ng ito ay dalisay at tuwiran; ang diwa nito ay iba mula roon sa anumang nilikha. Kapag ipinahahayag ng Diyos ang mga prinsipyo sa likod ng Kanyang mga pagkilos, malaya ang mga ito sa anumang kapintasan o dungis, at gayundin ang Kanyang kaisipan, mga ideya, at bawat isang pagpapasya Niya at kilos na isinasagawa Niya. Dahil sa nakapagpasya na nang gayon ang Diyos at nakakilos na Siya nang gayon, gayon Niya rin tinatapos ang Kanyang mga sinimulan. Ang resulta ng Kanyang mga ginawa ay tama at tiyak na walang pagkakamali sapagkat ang pinagmulan ng mga iyon ay walang-kapintasan at walang-dungis. Ang poot ng Diyos ay walang-kapintasan. Gayundin, ang awa at pagpaparaya ng Diyos—na hindi taglay ng anumang mga nilikha—ay banal at walang-kapintasan, at kayang tagalan ang maingat na paglilimi at karanasan.

Sa pamamagitan ng pagkakaunawa ninyo sa kuwento ng Ninive, nakikita na ba ninyo ang kabilang panig ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Nakikita ba ninyo ang kabilang panig ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos? Mayroon bang sinuman sa sangkatauhan na nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon? Mayroon bang sinuman na nagtataglay ng ganitong uri ng poot, ang poot ng Diyos? Mayroon bang sinuman na nagtataglay ng awa at pagpaparaya na tulad ng sa Diyos? Sino sa mga nilikha ang makatatawag ng gayon katinding poot at makapagpapasya na wasakin o padalhan ng kalamidad ang sangkatauhan? At sino ang karapat-dapat na magkaloob ng awa sa tao, na magparaya at magpatawad, at sa gayon ay baguhin ang naunang pasya na wasakin ang tao? Ipinahahayag ng Lumikha ang Kanyang matuwid na disposisyon sa pamamagitan ng Kanyang sariling natatanging mga pamamaraan at prinsipyo, at hindi Siya nagpapasailalim sa kontrol o mga pagbabawal ng sinumang tao, alinmang mga pangyayari o bagay-bagay. Sa Kanyang walang katulad na disposisyon, walang sinuman ang nakapagpapabago sa Kanyang kaisipan at mga ideya, ni walang sinuman ang nakahihimok sa Kanya at nakapagpapabago ng alinman sa Kanyang mga pagpapasya. Ang kabuuan ng asal at mga kaisipan na umiiral sa lahat ng nilikha ay umiiral sa ilalim ng paghatol ng Kanyang matuwid na disposisyon. Walang sinumang makapipigil sa Kanyang pagkapoot o pagkaawa; tanging ang diwa lamang ng Lumikha—o sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Lumikha—ang nakapagpapasya rito. Ito ang natatanging kalikasan ng matuwid na disposisyon ng Lumikha!

Sa pamamagitan ng pagsusuri at pag-unawa sa pagbabago ng saloobin ng Diyos sa mga taga-Ninive, nagagamit mo na ba ang salitang “natatangi” upang ilarawan ang awa na matatagpuan sa matuwid na disposisyon ng Diyos? Nauna na nating sinabi na ang poot ng Diyos ay isang aspeto ng diwa ng Kanyang natatanging matuwid na disposisyon. Bibigyang-kahulugan Ko ngayon ang dalawang aspeto—ang poot ng Diyos at ang awa ng Diyos—bilang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay banal; ito ay hindi nagpapalampas ng paglabag o pagdududa; ito ay isang bagay na hindi taglay ng sinuman sa mga nilalang o hindi-nilalang. Ito ay kapwa natatangi at para lamang sa Diyos. Sinasabi nito na ang poot ng Diyos ay banal at hindi nalalabag. Sa ganito ring paraan, ang isa pang aspeto ng matuwid na disposisyon ng Diyos—ang awa ng Diyos—ay banal at hindi nalalabag. Walang sinuman sa mga nilikha o hindi-nilikha ang makapapalit o kayang kumatawan sa Diyos sa Kanyang mga pagkilos, ni makapapalit o kayang kumatawan sa Kanya sa pagwasak sa Sodoma o sa pagliligtas sa Ninive. Ito ang tunay na pagpapahayag ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Ang habag at pagpapaubaya ng Diyos ay talagang umiiral, ngunit ang kabanalan at pagiging matuwid ng Diyos kapag pinapakawalan Niya ang Kanyang poot ay nagpapakita rin sa tao ng panig ng Diyos na hindi nagpapahintulot ng paglabag. Kapag kaya na ng tao na sundin nang ganap ang mga utos ng Diyos at kumilos alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos, masagana ang habag ng Diyos sa tao; kapag ang tao ay napuno ng katiwalian, pagkamuhi at pagkapoot sa Kanya, napakatindi ng galit ng Diyos. Hanggang saan ang tindi ng Kanyang galit? Mananatili ang Kanyang poot hanggang hindi na nakikita ng Diyos ang pagsuway at masasamang gawa ng tao, hanggang sa mawala na ang mga ito sa Kanyang paningin. Saka lamang mawawala ang galit ng Diyos. Sa madaling salita, kahit na sino pa ang tao, kung ang kanyang puso ay naging malayo sa Diyos, tumalikod sa Diyos, at hindi kailanman bumalik, kung gayon, sa lahat ng anyo o sa usapin ng kanyang mga personal na pagnanais, paano man niya nais na sumamba at sumunod at magpasakop sa Diyos sa kanyang katawan at pag-iisip, sa sandaling lumayo ang kanilang puso sa Diyos, ang poot ng Diyos ay pakakawalan nang walang humpay. Masasabi na kapag lubos na pinapakawalan ng Diyos ang Kanyang galit, dahil nabigyan na ng sapat na pagkakataon ang tao, sa oras na pakawalan ito, wala nang paraan upang bawiin ito, at hindi na Siya kailanman pa mahahabag at magpapaubaya sa naturang sangkatauhan. Ito ay isang panig ng disposisyon ng Diyos na hindi nagpapahintulot ng anumang paglabag. … Siya ay mapagparaya at maawain sa mga bagay na mabait, at maganda, at mabuti. Sa mga bagay na masama, at makasalanan, at nakasusuklam, malalim ang Kanyang poot, sa paraang hindi Siya tumitigil sa Kanyang pagkapoot. Ito ang dalawang pangunahin at pinakakilalang aspeto ng disposisyon ng Diyos, at, higit pa rito, naibunyag ang mga ito ng Diyos mula simula hanggang katapusan: saganang habag at malalim na poot.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Ang anumang gawaing ginagawa ng Diyos ay naaangkop. Alam Niya kung ano ang gagawin at kung paano ito gagawin, at tiyak na hindi Niya ipagagawa sa mga tao ang anumang hindi nila kayang likas na gawin. Ang pakikitungo ng Diyos sa bawat tao ay batay sa mga aktuwal na sitwasyon ng kalagayan at kinalakhan ng taong iyon sa panahong iyon, pati na sa mga kilos at pag-uugali ng taong iyon at sa kanyang kalikasang diwa. Hindi kailanman gagawan ng Diyos ng masama ang sinuman. Isang panig ito ng pagiging matuwid ng Diyos. Halimbawa, tinukso ng ahas si Eba na kainin ang bunga ng punong-kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, pero hindi siya sinisi ni Jehova sa pagsasabing, “Sinabihan kita na huwag kainin iyon, kaya bakit ginawa mo pa rin ito? Dapat ay mayroon kang pagkilatis; dapat alam mo na nagsalita lamang ang ahas para tuksuhin ka.” Hindi pinagalitan ni Jehova nang gayon si Eba. Dahil ang mga tao ay likha ng Diyos, alam Niya kung ano ang kanilang mga likas na gawi at kung ano ang kayang gawin ng mga likas na gawing iyon, hanggang saan kayang kontrolin ng mga tao ang kanilang sarili, at hanggang saan makakarating ang mga tao. Alam na alam ng Diyos ang lahat ng ito. Ang pakikitungo ng Diyos sa isang tao ay hindi kasingsimple ng inaakala ng mga tao. Kapag ang Kanyang saloobin ukol sa isang tao ay pagkamuhi o pagkasuklam, o pagdating sa sinasabi ng taong ito sa isang partikular na konteksto, nauunawaan Niyang mabuti ang mga kalagayan nito. Ito ay dahil masusing sinisiyasat ng Diyos ang puso at diwa ng tao. Palaging iniisip ng mga tao, “Ang Kanyang pagka-Diyos lamang ang taglay ng Diyos. Siya ay matuwid at hindi pinalalampas ang pagkakasala ng tao. Hindi Niya isinasaalang-alang ang mga paghihirap ng tao o inilalagay ang Kanyang sarili sa sitwasyon ng mga tao. Kung lalabanan ng isang tao ang Diyos, parurusahan Niya ito.” Hindi talaga ganoon ang mga bagay-bagay. Kung ganoon ang pagkaunawa ng isang tao sa Kanyang pagiging matuwid, Kanyang gawain, at Kanyang pagtrato sa mga tao, maling-mali ang taong ito. Ang pagtatakda ng Diyos sa kalalabasan ng bawat tao ay hindi batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, kundi sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Gagantihan Niya ang bawat tao ayon sa nagawa nila. Ang Diyos ay matuwid, at sa malao’t madali, titiyakin Niya na lahat ng tao ay lubusang nakumbinsi.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, at hangga’t sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, tiyak na magiging patas Siya tungo sa tao, sapagkat Siya ang pinakamatuwid. Kung sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, kaya ba Niyang isantabi ang tao? Ako ay patas sa lahat ng tao, at hinahatulan ang lahat ng tao ayon sa Aking matuwid na disposisyon, gayunman mayroong akmang mga kundisyon sa mga kinakailangan Ko sa tao, at yaong Aking kailangan ay dapat na matupad ng lahat ng tao, maging sinuman sila. Wala Akong pakialam kung ano ang mga kwalipikasyon mo, o kung gaano katagal mo na silang taglay; ang pinahahalagahan Ko lamang ay kung sinusunod mo ang Aking daan, at kung umiibig ka at nauuhaw para sa katotohanan o hindi. Kung ikaw ay kulang sa katotohanan, at sa halip nagdadala ng kahihiyan sa Aking pangalan, at hindi kumikilos ayon sa Aking daan, sumusunod lamang nang walang pakialam o malasakit, kung gayon sa sandaling iyon ay pababagsakin kita at parurusahan dahil sa iyong kasamaan, at ano nga ang masasabi mo sa panahong iyon? Masasabi mo bang ang Diyos ay hindi matuwid? Ngayon, kung nakasunod ka sa mga salita na Aking binitiwan, kung gayon ikaw ang uri ng taong Aking sinasang-ayunan. Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa kabila ng mga bagyo, at naibahagi sa Kanya ang mga pagkakataong mabubuti at ang masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip na isabuhay ang isang buhay na makabuluhan. Sinasabi mo rin, “Sa ano mang katayuan, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid: Nagdusa ako para sa Kanya, gumawa para sa Kanya, at inilaan ang aking sarili sa Kanya, at masigasig akong nakagawa kahit hindi tumatanggap ng anumang pagkilala; tiyak na aalalahanin Niya ako.” Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang katuwirang ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o ng pantaong pag-uugnayan. Ang lahat ng mapanghimagsik at lumalaban, ang lahat ng hindi nakaayon sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang ititira! May ilang tao na nagsasabi, “Ngayon ay gumagawa ako para sa Iyo; kapag dumating ang katapusan, maaari Mo ba akong bigyan ng munting pagpapala?” Kaya tinatanong kita, “Nakatupad ka ba sa Aking mga salita?” Ang pagkamatuwid na iyong sinasalita ay nakasalig sa isang pag-uugnayan. Iniisip mo lamang na Ako ay matuwid at hindi nagtatangi sa lahat ng tao, at ang lahat ng yaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay siguradong maliligtas at makakamtan ang Aking mga pagpapala. Mayroong panloob na kahulugan ang Aking mga salita na “lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay tiyak na maliligtas”: Lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay silang mga lubos Kong makakamtan, sila yaong, pagkatapos Kong malupig, ay hinahanap ang katotohanan at ginagawang perpekto. Anong mga kalagayan ang iyong natamo? Ang nakamit mo lamang ay pagsunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan, ngunit bukod doon ay ano pa? Ikaw ba ay nakatugon sa Aking mga salita? Natupad mo ang isa sa Aking limang kailangan, gayunman ay wala kang hangarin na tuparin ang natitirang apat. Natagpuan mo ang pinakasimple, pinakamadaling landas, at pinagsikapan ito nang may saloobin na umaasa lamang na maging mapalad. Sa gayong tao na katulad mo ang Aking matuwid na disposisyon ay isa ng pagkastigo at paghatol, ito ay isa ng matuwid na pagganti, at ito ay ang matuwid na kaparusahan sa lahat ng masasamang tao; ang lahat ng hindi sumusunod sa Aking daan ay tiyak na parurusahan, kahit na sila ay sumunod hanggang sa katapus-tapusan. Ito ang pagkamatuwid ng Diyos. Kapag ang ganitong matuwid na disposisyon ay inihayag sa kaparusahan sa tao, ang tao ay matitigilan, at nakadarama ng panghihinayang na, habang sinusunod ang Diyos, hindi siya lumakad sa Kanyang daan. “Noong panahong yaon, nagdusa lamang ako nang kaunti habang sumusunod sa Diyos, ngunit hindi ko sinunod ang daan ng Diyos. Ano ang mga maidadahilan? Wala nang ibang pagpipilian kundi ang makastigo!” Gayunman sa kanyang isipan siya ay nag-iisip, “Hindi bale, nakasunod naman ako hanggang sa katapus-tapusan, kaya kahit na kastiguhin Mo ako, hindi ito magiging matinding pagkastigo, at pagkatapos mailapat ang pagkastigong ito ay nanaisin Mo pa rin ako. Alam kong matuwid Ka, at hindi Mo ako pakikitunguhan nang gayon magpakailanman. Sa kabila ng lahat, hindi ako katulad niyaong mga papawiin; yaong mga papawiin ay makatatanggap ng matinding pagkastigo, samantalang ang aking pagkastigo ay magiging mas magaan.” Ang matuwid na disposisyon ay hindi gaya ng iyong sinabi. Hindi ito ang kaso na yaong mabubuti at umaamin ng kanilang mga kasalanan ay pinakikitunguhan nang maluwag. Ang pagkamatuwid ay kabanalan, at isang disposisyon na hindi nagpapahintulot sa pagkakasala ng tao, at lahat ng marumi at hindi nabago ay ang tampulan ng poot ng Diyos. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi batas, kundi isang atas administratibo: Ito ay atas administratibo sa kaharian, at ang atas administratibong ito ay ang matuwid na kaparusahan sa sinumang hindi nagtataglay ng katotohanan at hindi nababago, at walang palugit para sa kaligtasan. Sapagkat kapag ang bawat tao ay pinagsama-sama ayon sa uri, ang mabuti ay gagantimpalaan at ang masama ay parurusahan. Yaon ang panahon na ang hantungan ng tao ay lilinawin, ito ang panahon na ang gawain ng pagliligtas ay darating sa katapusan, pagkatapos niyon, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay natapos na, at ang paghihiganti ay ilalapat sa bawat isa niyaong gumawa ng masama.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

Dapat lubos na maunawaan ang pagmamahal at pagiging matuwid ng Diyos at dapat itong ipaliwanag at maintindihan batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Higit pa riyan, dapat ding pagdaanan ng isang tao ang tunay na karanasan at makamtan ang kaliwanagan ng Diyos para tunay niyang makilala ang pagmamahal at pagiging matuwid ng Diyos. Ang pagsusuri ng isang tao sa pagmamahal at pagiging matuwid ng Diyos ay hindi dapat ibatay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng isang tao. Ayon sa mga kuru-kuro ng tao, ginagantimpalaan ang mabubuti at pinaparusahan ang masasama, pinagkakalooban ng kabutihan ang mabubuting tao at pinagkakalooban ng kasamaan ang masasamang tao, at ang mga taong hindi gumagawa ng masama ay dapat pagkalooban ng kabutihan at makatanggap ng mga pagpapala. Tila ba ipinapakita nito na, sa lahat ng kaso kung saan hindi masama ang mga tao, dapat silang pagkalooban ng kabutihan; ito lamang ang pagiging matuwid ng Diyos. Hindi ba’t ito ang kuru-kuro ng mga tao? Pero paano kung bigo silang mapagkalooban ng kabutihan? Sasabihin mo bang hindi matuwid ang Diyos? Halimbawa, noong kapanahunan ni Noe, sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap Ko; sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y Aking lilipuling kalakip ng lupa” (Genesis 6:13). Pagkatapos ay inutusan Niya si Noe na gawin ang arka. Pagkatapos tanggapin ni Noe ang atas ng Diyos at gawin ang arka, bumuhos sa mundo ang malakas na ulan sa loob ng apatnapung araw at gabi, nalubog ang buong mundo sa baha at, maliban kay Noe at sa pitong miyembro ng kanyang pamilya, nilipol ng Diyos ang lahat ng tao sa kapanahunang iyon. Ano ang tingin mo rito? Masasabi mo bang hindi mapagmahal ang Diyos? Para sa mga tao, gaano man katiwali ang sangkatauhan, basta’t lilipulin ng Diyos ang sangkatauhan, ibig sabihin nito ay hindi Siya mapagmahal—tama ba sila sa paniniwala rito? Hindi ba’t katawa-tawa ang paniniwalang ito? Hindi minahal ng Diyos ang mga taong nilipol Niya, pero masasabi mo ba talaga na hindi Niya minahal ang mga nabuhay at nakatamo ng Kanyang kaligtasan? Buong-pusong minahal ni Pedro ang Diyos at minahal ng Diyos si Pedro—talaga bang masasabi mong hindi mapagmahal ang Diyos? Mahal ng Diyos ang mga tunay na nagmamahal sa Kanya at kinapopootan at sinusumpa Niya ang mga taong lumalaban sa Kanya at tumatangging magsisi. Ang Diyos ay mayroong pagmamahal at poot, iyan ang katotohanan. Hindi dapat limitahan o husgahan ng mga tao ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, dahil ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng sangkatauhan, na paraan nila ng pagtingin sa mga bagay-bagay, ay walang anumang katotohanan. Dapat makilala ang Diyos batay sa saloobin Niya sa tao, sa Kanyang disposisyon at diwa. Hinding-hindi dapat subukan ng isang tao na tukuyin kung anong diwa ang mayroon ang Diyos batay sa panlabas na anyo ng mga bagay na ginagawa at inaasikaso ng Diyos. Napakalalim na nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan; hindi nila alam ang kalikasang diwa ng tiwaling sangkatauhan, lalo na kung ano ang tiwaling sangkatauhan sa harap ng Diyos, o kung paano sila dapat tratuhin ayon sa Kanyang matuwid na disposisyon. Gawing halimbawa si Job, siya ay isang matuwid na tao at pinagpala siya ng Diyos. Ito ang katuwiran ng Diyos. Nakipagpustahan si Satanas kay Jehova: “Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa diyos? Hindi mo ba kinulong siya, at ang kanyang sambahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawat dako? Iyong pinagpala ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit pagbuhatan mo siya ng Iyong kamay ngayon, at galawin mo ang lahat niyang tinatangkilik, at susumpain ka niya ng mukhaan” (Job 1:9–11). Sinabi ng Diyos na si Jehova, “Lahat niyang tinatangkilik ay nasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay” (Job 1:12). Kaya’t nagpunta si Satanas kay Job at inatake at tinukso si Job, at naharap si Job sa mga pagsubok. Ang lahat ng mayroon siya ay kinuha sa kanya—nawala ang kanyang mga anak at pag-aari, at ang kanyang buong katawan ay nabalot ng pigsa. Ngayon, ang matuwid bang disposisyon ng Diyos ay nasa loob ng mga pagsubok kay Job? Hindi ninyo masabi nang malinaw, hindi ba? Kahit na ikaw ay isang matuwid na tao, may karapatan ang Diyos na isailalim ka sa mga pagsubok, at tulutan kang magpatotoo sa Kanya. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid; pantay-pantay ang pagtrato Niya sa lahat. Hindi naman sa ang mga taong matuwid ay hindi na kailangang sumailalim sa mga pagsubok kahit na kaya nila ang mga ito o na dapat silang protektahan; hindi ito ang kaso. May karapatan ang Diyos na isailalim ang matutuwid na tao sa mga pagsubok. Ito ang paghahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa huli, matapos na si Job ay sumailalim sa mga pagsubok at magpatotoo kay Jehova, pinagpala siya ni Jehova nang higit pa kaysa dati, nang mas mainam pa nga kaysa dati, at dinoble ng Diyos ang mga pagpapalang ibinibigay sa kanya. Bukod dito, nagpakita sa kanya si Jehova, at kinausap siya mula sa hangin, at nakita ni Job ang Diyos na tila kaharap niya ang Diyos. Isa itong pagpapalang ibinigay sa kanya ng Diyos. Ito ang katuwiran ng Diyos. Paano kung noong matapos sumailalim sa mga pagsubok at nakita ni Jehova kung paano nagpatotoo si Job sa Kanya sa presensya ni Satanas at ipinahiya si Satanas ay tumalikod at umalis na si Jehova, hindi siya pinansin, at hindi tumanggap si Job ng mga pagpapala pagkatapos—magkakaroon ba ito ng katuwiran ng Diyos? Pinagpala man si Job pagkatapos ng mga pagsubok o hindi, o kung si Jehova ay nagpakita man sa kanya o hindi, lahat ng ito ay naglalaman ng mabuting kalooban ng Diyos. Maaaring ang pagpapakita kay Job ay pagiging matuwid ng Diyos, at ang hindi pagpapakita sa kanya ay pagiging matuwid din ng Diyos. Sa anong batayan ka—na isang nilikhang nilalang—may mga kahingian sa Diyos? Ang mga tao ay hindi kwalipikado na magkaroon ng mga kahingian sa Diyos. Wala nang mas hindi makatwiran pa kaysa sa paggawa ng mga kahingian sa Diyos. Gagawin Niya ang dapat Niyang gawin, at matuwid ang Kanyang disposisyon. Ang katuwiran ay walang kinalaman sa pagiging makatarungan o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo alinsunod sa gawaing natapos mo, o binabayaran ka para sa anumang gawaing natapos mo, o ibinibigay sa iyo ang nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito pagiging matuwid, pagiging patas at makatwiran lamang ito. Kakaunting tao lamang ang may kakayahang malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ipagpalagay nang inalis ng Diyos si Job matapos siyang magpatotoo para sa Kanya: Magiging matuwid ba ito? Sa katunayan, oo. Bakit ito tinatawag na pagiging matuwid? Ano ang tingin ng mga tao sa pagiging matuwid? Kung ang isang bagay ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, napakadali para sa kanila ang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita na nakaayon ang bagay na iyon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. Kung winasak ng Diyos si Job noon, hindi masasabi ng mga tao na Siya ay matuwid. Gayunpaman, sa totoo lang, kung ang mga tao man ay nagawang tiwali o hindi, at kung lubos man silang nagawang tiwali o hindi, kailangan bang bigyang-katwiran ng Diyos ang Kanyang sarili kapag nilipol Niya sila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa mga tao kung sa anong batayan Niya ginagawa ito? Kailangan bang sabihin ng Diyos sa mga tao ang mga tuntuning inordena Niya? Hindi na kinakailangan. Sa paningin ng Diyos, ang isang taong tiwali at malamang na lumaban sa Diyos ay walang anumang silbi; paano man siya pakikitunguhan ng Diyos ay magiging angkop, at ang lahat ay pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi ka naging kalugud-lugod sa mga mata ng Diyos, at kung sabihin Niya na wala ka nang silbi sa Kanya pagkatapos ng iyong patotoo kaya winasak ka, ito rin ba ay pagiging matuwid Niya? Oo. Maaaring hindi mo pa ito makita sa ngayon mula sa mga katotohanan, ngunit dapat mong maunawaan ito sa doktrina. Ano ang sasabihin ninyo—ang pagwasak ba ng Diyos kay Satanas ay isang pagpapahayag ng Kanyang pagiging matuwid? (Oo.) Paano kung hinayaan Niyang manatili si Satanas? Hindi ka mangangahas na sabihin ito, oo? Ang pinakadiwa ng Diyos ay katuwiran. Bagama’t hindi madaling unawain ang Kanyang ginagawa, matuwid ang lahat ng Kanyang ginagawa; hindi lamang talaga ito nauunawaan ng mga tao. Nang ibigay ng Diyos si Pedro kay Satanas, paano tumugon si Pedro? “Hindi maarok ng sangkatauhan ang Iyong ginagawa, ngunit lahat ng Iyong ginagawa ay kinapapalooban ng Iyong mabuting kalooban; mayroong katuwiran sa lahat ng iyon. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong karunungan at mga gawa?” Dapat makita mo na ngayon na ang dahilan kaya hindi pinupuksa ng Diyos si Satanas sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao ay para maaaring makita nang malinaw ng mga tao kung paano sila nagawang tiwali ni Satanas at kung gaano sila nito nagawang tiwali, at kung paano sila dinadalisay at inililigtas ng Diyos. Sa huli, kapag naunawaan na ng mga tao ang katotohanan at malinaw nang nakita ang kasuklam-suklam na anyo ni Satanas, at namasdan ang napakalaking kasalanan ng pagtitiwali sa kanila ni Satanas, pupuksain ng Diyos si Satanas, ipapakita sa kanila ang Kanyang pagiging matuwid. Ang panahon ng pagpuksa ng Diyos kay Satanas ay puspos ng disposisyon at karunungan ng Diyos. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi maarok ng mga tao ang katuwiran ng Diyos, hindi sila dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi patas para sa mga tao, o kung mayroon silang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at nagiging daan iyon para sabihin nilang hindi Siya matuwid, kung gayon ay masyado silang hindi makatwiran. Nakikita mo na nakakita si Pedro ng ilang bagay na hindi maunawaan, ngunit sigurado siya na naroon ang karunungan ng Diyos at na nasa mga bagay na iyon ang kabutihang-loob ng Diyos. Hindi maaarok ng mga tao ang lahat ng bagay; may napakaraming bagay silang hindi nauunawaan. Sa gayon, hindi madaling malaman ang disposisyon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang awa Ko ay inihahayag sa mga nagmamahal sa Akin at nagtatatwa ng kanilang mga sarili. Samantala, ang kaparusahang sumasapit sa masama ay mismong patunay ng matuwid na disposisyon Ko at, higit pa, patotoo sa poot Ko. Kapag sumapit ang sakuna, lahat ng sumasalungat sa Akin ay mananangis habang sila’y binibiktima ng taggutom at salot. Silang nakagawa na ng lahat ng uri ng masamang gawa, ngunit sumunod na sa Akin nang maraming taon, ay hindi makatatakas sa pagbabayad para sa kanilang mga kasalanan; sila rin ay mahuhulog sa sakuna, na ang katulad ay bihirang nakita sa loob ng milyon-milyong taon, at mamumuhay sila na palaging may sindak at takot. At yaong mga tagasunod Ko na nakapagpakita na ng katapatan sa Akin ay magagalak at pupurihin ang kapangyarihan Ko. Mararanasan nila ang di-mailarawang katiwasayan at mabubuhay sa gitna ng kagalakang kailanman ay hindi Ko pa naipagkaloob sa sangkatauhan. Dahil itinuturing Kong yaman ang mabubuting gawa ng tao at kinasusuklaman ang kanilang masasamang gawa. Mula nang una Kong simulang pangunahan ang sangkatauhan, masugid na Akong umaasa na makamit ang isang pangkat ng mga taong may kaisipang katulad ng sa Akin. Samantala, hindi Ko kailanman nalilimutan yaong mga hindi Ko kaisa sa pag-iisip; lagi Ko silang kinasusuklaman sa puso Ko, hinihintay ang pagkakataong mapanagot sila sa kanilang masasamang gawa, na maiibigan Kong makita. Ngayon ay dumating na sa wakas ang araw Ko, at hindi Ko na kailangan pang maghintay!

Ang huling gawain Ko ay hindi lamang alang-alang sa pagpaparusa sa tao, kundi alang-alang din sa pag-aayos ng patutunguhan ng tao. Bukod dito, ito ay upang kilalanin ng lahat ng mga tao ang mga gawa at mga kilos Ko. Nais Kong makita ng bawat isang tao na tama ang lahat ng nagawa Ko na, at na ang lahat ng nagawa Ko na ay pagpapahayag ng disposisyon Ko. Hindi kagagawan ng tao, lalong hindi ng kalikasan, ang nagluwal sa sangkatauhan, kundi Ako, na nag-aaruga sa lahat ng nabubuhay na nilalang sa sangnilikha. Kung wala ang pag-iral Ko, mapapahamak lamang ang sangkatauhan at pagdurusahan ang hagupit ng kapahamakan. Walang tao ang kailanman ay makikitang muli ang napakarikit na araw at buwan, o ang luntiang mundo; makakatagpo lamang ng sangkatauhan ang napakalamig na gabi at ang walang tinag na lambak ng anino ng kamatayan. Ako lamang ang kaligtasan ng sangkatauhan. Ako lamang ang pag-asa ng sangkatauhan at, higit pa rito, Ako ang Siya kung saan nakasalalay ang pag-iral ng lahat ng sangkatauhan. Kung wala Ako, agad na hihinto ang sangkatauhan. Kung wala Ako, magdurusa ng kapahamakan at yuyurakan ng lahat ng uri ng mga multo ang sangkatauhan, bagaman walang nagbibigay ng pansin sa Akin. Nakagawa na Ako ng gawaing walang ibang sinumang makagagawa, at umaasa lamang na mababayaran Ako ng tao ng ilang mabubuting gawa. Bagaman iilan lamang ang nagagawang makabayad sa Akin, tatapusin Ko pa rin ang paglalakbay Ko sa mundo ng tao at sisimulan ang susunod na hakbang ng naglaladlad na gawain Ko, sapagkat ang lahat ng nagmamadaling paroo’t parito Ko sa gitna ng tao nitong maraming taon ay naging mabunga, at napakanasisiyahan Ako. Ang pinahahalagahan Ko ay hindi ang bilang ng mga tao, kundi ang mabubuti nilang gawa. Gayunman, umaasa Akong naghahanda kayo ng sapat na mabubuting gawa para sa patutunguhan ninyo. Kung gayon ay malulugod Ako; kung hindi, wala sa inyong makatatakas sa sakunang sasapitin ninyo. Magmumula sa Akin ang sakuna at mangyari pa ay isinasaayos Ko. Kung hindi kayo lilitaw bilang mabuti sa paningin Ko, hindi ninyo matatakasang pagdusahan ang sakuna.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Ang Diyos ay Napakamatuwid

Nang Alisin ang mga Magulang Ko sa Iglesia

Kaugnay na mga Himno

Ang Paghatol ng Diyos ay Ganap nang Naihayag

Matuwid na Disposisyon ng Diyos ay Malinaw at Makatotohanan

Ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos ay Natatangi

Ang Diyos ay Sagana sa Awa at Malalim ang Poot

Ang Disposisyon ng Diyos ay Maawain at Mapagmahal, at Higit na Mahalaga, Matuwid at Maharlika

Sinundan: 44. Bakit dapat hangarin ng isang tao na makilala ang Diyos

Sumunod: 46. Tanging ang mga nakakakilala sa Diyos ang makapaglilingkod sa Kanya at makakapagpatotoo sa Kanya

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 17: Pinatotohanan n’yo na ang Makapangyarihang Diyos ang Diyos ng mga huling araw na nagpapakita at gumagawa, at sinabi n’yo ring naghahanap ng katotohanan ang paniniwala n’yo sa Kanya, at tinatahak n’yo ang tamang daan ng buhay. Pero sa pagkakaalam ko, marami sa mga naniniwala sa Kanya sa Makapangyarihang Diyos ay katulad ng mga misyonaryo ni Jesus, na sa layunin ng pagpapakalat ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos, ay hindi nag-alinlangang iwan ang pamilya at propesyon, at ibinigay ang katawan at kaluluwa sa Diyos. Sa kanilang lahat marami sa mga kabataan ang hindi nagpapakasal, ginagawa nila ang tungkulin nila sa pagsunod kay Cristo ng mga huling araw. Hindi n’yo yata alam na, dahil iniiwan n’yo ang pamilya n’yo at kumikilos para ikalat ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos, lalong dumarami ang mga taong naniniwala sa Diyos. Kapag ang lahat ng tao ay napalapit na sa Diyos, sino pang maniniwala sa Partido Komunista, at susunod sa kanila? Malinaw na dahil dito, pinipigilan kayo at inaaresto ng gobyerno. May nakikita ba kayong mali rito? Dahil naniniwala kayo sa Diyos sa ganitong paraan kaya maraming tao ang inaresto at sinintesyahang makulong, at marami ang umalis ng bahay at lumikas. Maraming mag-asawa ang nagdiborsyo, at maraming bata ang walang mga magulang na, magmamahal sa kanila. Maraming matatanda ang walang karamay para mag-alaga sa kanila. Sa paniniwala sa Diyos sa ganitong paraan, dinanas ng mga pamilya ninyo ang matinding paghihirap. Ano ba talagang gusto ninyong makamit? Hindi kaya ito ang tamang daan para sa buhay ng tao na sinasabi n’yo? Ang tradisyunal na kultura ng Tsina ay nagbibigay ng higit na pagpapahalaga sa kabanalan ng pamilya. Ayon sa kasabihan: “Sa lahat ng kabutihan, ang paggalang ng anak sa magulang ang pinakamahalaga.” Sabi ni Confucius: “Habang buhay pa ang mga magulang n’yo, huwag kayong maglalakbay nang malayo.” Ang pagrespeto sa mga magulang ang pundasyon ng pag-uugali ng tao. Sa paniniwala at pagsunod sa Diyos sa paraang ginagawa n’yo, hindi nyo magawang alagaan kahit na ang mga magulang n’yong nagbigay-buhay at nag-aruga sa inyo, pa’no ito naituring na tamang daan para sa buhay ng tao? Madalas kong marinig sa mga tao na, mabubuti ang lahat ng sumasampalataya. Hindi mali yon. Pero naniniwala kayong lahat sa Diyos, sumasamba at nagtatanghal sa Kanya bilang dakila. Ito ang dahilan para magpuyos sa galit ang Partido Komunista, at mapuno ng pagkamuhi. Ginagawa n’yo ang tungkulin n’yo para maikalat ang ebanghelyo, pero ni hindi n’yo maalagaan ang mga sarili n’yong pamilya. Paano ito maituturing na kagandahang asal? Anong masasabi n’yo? Posible kaya na kahit hindi nakikita ay nagkamali kayo ng tinahak na daan sa paniniwala sa Diyos? Sa pagpapakalat ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos sa ganitong paraan, hindi ba’t sinisira n’yo ang pagkakaisa at katatagan ng lipunan? Nakikiusap ako sa inyo na itigil n’yo na ang paggawa ng mali. Bumalik na kayo sa lipunan sa lalong madaling panahon, samahan n’yo na ang pamilya n’yo, magkaro’n ng normal na buhay, at alagaang mabuti ang inyong pamilya. Dapat n’yong gawin ang tungkulin n’yo bilang mga anak at magulang. Ito lang ang pundasyon sa pag-uugali ng tao, at ito lang ang pinakapraktikal.

Sagot: Paulit-ulit mong sinasabi na maling daan ang tinahak namin sa paglisan sa mga pamilya at propisyon namin para maniwala sa Diyos at...

Tanong 2: Matagal na naming narinig na ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nagpatotoo na tungkol sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. At Siya ang Makapangyarihang Diyos! Nagpapahayag Siya ng mga katotohanan at gumaganap sa Kanyang gawaing paghatol sa mga huling araw, ngunit karamihan sa mga tao ng mga relihiyosong lipunan ay naniniwala lahat na babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba nang nasa mga alapaap. Ito ay dahil malinaw na nagsabi ang Panginoong Jesus na: “At kung magkagayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo’y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (Mateo 24:30). Ipinropesiya rin ng Libro ng Pahayag: “Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawa’t mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya” (Pahayag 1:7). Pinananatili ko rin ang paniniwalang babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba nang nasa mga alapaap upang direkta tayong dalhin sakaharian ng langit. Tinatanggihan namin ang Panginoong Jesus na hindi bumaba nang nasa mga alapaap. Sinasabi ninyo na ang pagbabalik ng Panginoon ay pagbabalik sa katawang-tao at pagbaba nang palihim. Ngunit walang nakakaalam tungkol dito. Gayunman, ang lantarang pagbaba ng Panginoonnang nasa mga alapaap ay ganap! Kaya hinihintay naming bumaba ang Panginoonnang nasa mga alapaap at lantarang magpakita upang dalhin tayo nang direkta sa kaharian ng langit. Tama ba ang aming pag-unawa o hindi?

Sagot: Pagdating sa paghihintay sa Panginoon na bumaba nang nasa mga alapaap, hindi tayo dapat umasa sa mga paniniwala at imahinasyon ng...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito