42. Bakit sinasabi na iyong mga sumailalim lamang sa pagbabago ng disposisyon ang kuwalipikadong maglingkod sa Diyos

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang simpleng gawain. Ang mga taong hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ay hindi kailanman maaaring maglingkod sa Diyos. Kung ang disposisyon mo ay hindi pa nahatulan at nakastigo ng mga salita ng Diyos, ang disposisyon mo ay kumakatawan pa rin kay Satanas, na nagpapatunay na pinaglilingkuran mo ang Diyos ayon sa iyong mabubuting layunin, na ang paglilingkod mo ay batay sa iyong satanikong kalikasan. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong pagkatao, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong iniisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos; lubos kang gumagawa nang naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Matatawag ba itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang disposisyon mo sa buhay ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, magiging mas matigas ang ulo mo dahil sa paglilingkod mo, at sa gayon ay mapapalalim ang iyong tiwaling disposisyon. Dahil dito, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong pagkatao, at mga karanasang mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ito ang mga karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya ng tao sa mga makamundong pakikitungo. Ang mga taong tulad nito ay maitutulad sa mga Pariseo at mga pinuno ng relihiyon. Kung hindi sila kailanman magigising at magsisisi, tiyak na magiging mga huwad na mga cristo at anticristo sila na inililigaw ang mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang nabanggit na mga huwad na cristo at mga anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang pagkatao at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, nanganganib silang maitiwalag anumang oras. Sa mga naglilingkod sa Diyos na gumagamit ng mga karanasan nila sa loob ng maraming taon upang makuha ang puso ng ibang tao, mapangaralan at mapipigilan sila, at magkaroon ng mataas na katayuan—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nagtatapat ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tinatalikuran ang mga benepisyo ng posisyon—ang mga taong ito ay babagsak sa harap ng Diyos. Sila ay mga kauri ni Pablo, nagpapalagay na nakatataas sila at ipinangangalandakan ang kanilang mga kuwalipikasyon. Hindi gagawing perpekto ng Diyos ang mga taong tulad nito. Ang ganitong uri ng paglilingkod ay nakakagambala sa gawain ng Diyos. Ang mga tao ay palaging kumakapit sa nakalipas. Kumakapit sila sa mga kuru-kuro ng nakalipas, sa lahat ng bagay mula sa nakaraan. Malaking sagabal ito sa kanilang paglilingkod. Kung hindi mo kayang iwaksi ang mga ito, magiging hadlang ang mga ito sa buong buhay mo. Hindi ka pupurihin ng Diyos ni katiting, kahit pa mabali ang mga binti mo sa pagtakbo o ang likod mo sa paggawa, kahit pa mapatay ka sa paglilingkod mo sa Diyos. Sa kabaligtaran: sasabihin Niya na ikaw ay isang masamang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon

Mas kakaunti ang paglihis sa gawain ng mga nagdaan sa pagpupungos, paghatol at pagkastigo, at ang pagpapahayag ng kanilang gawain ay mas lalong tumpak. Ang mga umaasa sa kanilang naturalesa sa gawain ay nakakagawa ng medyo malalaking pagkakamali. Ang gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto ay labis na nagpapahayag ng kanilang naturalesa, na nagiging isang malaking balakid sa gawain ng Banal na Espiritu. Gaano man kagaling ang kakayahan ng isang tao, kailangan din silang magdaan sa pagpupungos, at paghatol bago nila magawa ang gawain ng tagubilin ng Diyos. Kung hindi pa sila dumaan sa gayong paghatol, ang kanilang gawain, gaano man kahusay ginawa, ay hindi maaaring umayon sa mga prinsipyo ng katotohanan at palaging isang produkto ng kanilang sariling naturalesa at kabutihan bilang tao. Ang gawain ng mga nagdaan na sa pagpupungos, at paghatol ay mas lalong tumpak kaysa sa gawain ng mga hindi pa napungusan, at nahatulan. Yaong mga hindi pa nagdaan sa paghatol ay walang ipinapahayag kundi ang laman at mga saloobin ng tao, na may kahalong maraming katalinuhan at likas na talento ng tao. Hindi ito ang tumpak na pagpapahayag ng tao sa gawain ng Diyos. Yaong mga sumusunod sa gayong mga tao ay inihaharap sa kanila ng kanilang likas na kakayahan. Dahil napakaraming ipinapahayag ng mga ito na kabatiran at karanasan ng tao, na halos walang kaugnayan sa orihinal na layunin ng Diyos at masyadong lihis dito, ang gawain ng ganitong uri ng tao ay hindi maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos, kundi sa halip ay dinadala sila sa harap ng tao. Kaya, ang mga hindi pa dumaan sa paghatol at pagkastigo ay hindi karapat-dapat na magsagawa ng gawaing tagubilin ng Diyos. Ang gawain ng isang karapat-dapat na manggagawa ay maaaring dalhin ang mga tao sa tamang daan at pagkalooban sila ng mas malaking pagpasok sa katotohanan. Ang kanyang gawain ay maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos. Dagdag pa rito, ang gawaing kanyang ginagawa ay maaaring mag-iba-iba sa bawat indibiduwal at hindi nakatali sa mga tuntunin, na nagtutulot sa mga tao na magkaroon ng laya at kalayaan, at binibigyan sila ng kakayahan na unti-unting lumago sa buhay at magkaroon ng mas malalim na pagpasok sa katotohanan. Ang gawain ng isang manggagawang hindi karapat-dapat ay malayung-malayo. Ang kanyang gawain ay kalokohan. Maaari lamang niyang dalhin ang mga tao sa mga tuntunin, at ang hinihingi niya sa mga tao ay hindi nag-iiba-iba sa bawat indibiduwal; hindi siya gumagawa ayon sa aktuwal na mga pangangailangan ng mga tao. Sa ganitong uri ng gawain, napakaraming tuntunin at napakaraming doktrina, at hindi nito madadala ang mga tao sa realidad, ni sa normal na pagsasagawa ng paglago sa buhay. Maaari lamang nitong bigyang-kakayahan ang mga tao na sumunod sa ilang tuntunin na walang halaga. Ang gayong uri ng paggabay ay maaari lamang iligaw ng landas ang mga tao. Inaakay ka niya na maging katulad niya; madadala ka niya tungo sa kung ano ang mayroon siya at ano siya. Upang matalos ng mga tagasunod kung karapat-dapat ang mga pinuno, ang mahalaga ay tumingin sa landas na kanilang tinatahak at sa mga resulta ng kanilang gawain, at tingnan kung ang mga tagasunod ay tumatanggap ng mga prinsipyo alinsunod sa katotohanan, at kung tumatanggap sila ng mga paraan ng pagsasagawa na angkop sa kanilang pagbabago. Dapat mong makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng naiibang gawain ng iba’t ibang uri ng mga tao; hindi ka dapat maging hangal na tagasunod. May epekto ito sa pagpasok ng mga tao. Kung hindi mo magawang kilalanin kung aling pamunuan ng tao ang may landas at alin ang wala, madali kang malilihis. Lahat ng ito ay may tuwirang epekto sa iyong sariling buhay. Napakaraming naturalesa sa gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto; napakarami nitong kahalong kagustuhan ng tao. Ang kanilang pagkatao ay naturalesa—ang kanilang likas na pagkatao nang isilang. Hindi iyon buhay matapos mapungusan o realidad matapos mabago. Paano masusuportahan ng gayong tao ang mga nagsisikap sa buhay? Ang buhay na orihinal na taglay ng tao ay ang kanyang likas na talino o talento. Ang ganitong uri ng talino o talento ay medyo malayo sa eksaktong mga hinihingi ng Diyos sa tao. Kung ang isang tao ay hindi pa nagawang perpekto at hindi pa napupungusan ang kanyang tiwaling disposisyon, magkakaroon ng malaking puwang sa pagitan ng kanyang ipinapahayag at ng katotohanan; ang kanyang ipinapahayag ay mahahaluan ng malalabong bagay, tulad ng kanyang imahinasyon at karanasan ng isang panig lamang. Bukod pa rito, paano man siya gumagawa, pakiramdam ng mga tao ay walang pangkalahatang layunin at walang katotohanang angkop para sa pagpasok ng lahat ng tao. Karamihan sa hinihingi sa mga tao ay hindi nila kayang gawin, na para bang mga pato sila na pinadadapo sa mga sanga. Ito ang gawain ng kagustuhan ng tao. Ang tiwaling disposisyon ng tao, kanyang mga saloobin, at kanyang mga kuru-kuro ay laganap sa lahat ng bahagi ng kanyang katawan. Ang tao ay hindi isinisilang na may likas na ugali na isagawa ang katotohanan, ni wala siyang likas na ugali na unawain nang tuwiran ang katotohanan. Idagdag pa riyan ang tiwaling disposisyon ng tao—kapag gumagawa ang ganitong uri ng natural na tao, hindi ba ito nakakagambala? Ngunit ang isang taong nagawang perpekto ay may karanasan sa katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao, at kaalaman tungkol sa kanilang mga tiwaling disposisyon, kaya nga ang malabo at di-totoong mga bagay sa kanyang gawain ay unti-unting nababawasan, nababawasan ang mga pagkahalo ng tao, at lalo pang napapalapit ang kanyang gawain at paglilingkod sa mga pamantayang kinakailangan ng Diyos. Sa gayon, nakapasok na ang kanyang gawain sa katotohanang realidad at naging makatotohanan na rin ang kanyang gawain. Ang mga saloobin sa isipan ng tao lalo na ay sagabal sa gawain ng Banal na Espiritu. Mayaman ang imahinasyon at makatwirang lohika ng tao, at nagkaroon na siya ng mahabang karanasan sa pangangasiwa sa mga kaganapan. Kung ang mga aspetong ito ng tao ay hindi dumaraan sa pagtatabas at pagwawasto, lahat ng ito ay mga balakid sa gawain. Samakatuwid, hindi maisasagawa ng gawain ng tao ang pinakamataas na antas ng katumpakan, lalo na ng gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Yaong ang disposisyon ay nabago na ay nakadarama ng takot sa Diyos, at unti-unting nababawasan ang kanilang paghihimagsik laban sa Diyos. Bukod dito, sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, hindi na kailangang mag-alala ang iba sa kanila, ni kailangan ng Banal na Espiritu na palagi silang disiplinahin. Talagang kaya nilang magpasakop sa Diyos, at naaayon sa katotohanan ang mga pananaw nila sa mga bagay-bagay. Ang ibig sabihin ng lahat ng ito ay naging kaayon na sila ng Diyos. Ipagpalagay na may nag-abot ng ilang trabaho sa iyo. Hindi mo kailangan ang sinuman para pamahalaan ka, para pangasiwaan ka. Matatapos mo ang gawaing ito sa pamamagitan lamang ng salita ng Diyos at ng panalangin. Sa panahon ng gawaing ito, hindi ka pabasta-basta o mapagmataas o mapagmatuwid, ni hindi mo ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa iyong kagustuhan; hindi mo pinipigilan ang sinuman, at nagagawa mong mahabagin na tumulong sa iba. Natutulungan mo ang lahat na makakuha ng panustos at pakinabang, at nagagawa mong gabayan ang mga tao na pumasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Higit pa rito, sa panahon ng gawaing ito, hindi mo hinahangad ang iyong sariling katayuan o mga interes, hindi inaako ang anumang bagay para sa iyong sarili na hindi mo naman pinagpaguran, hindi nagsasalita para sa iyong sarili, at ano man ang pagtrato sa iyo ng sinuman, pinakikitunguhan mo sila nang maayos. Kung magkagayon, ikaw ay magiging isang taong may mabuting tayog. Hindi simpleng bagay para sa isang tao na umako ng ilang gawain at dalhin ang mga hinirang ng Diyos sa realidad ng Kanyang salita. Hindi ito magagawa kung wala ang katotohanang realidad. Maraming umaasa sa magagandang kaloob sa gawain ang bumabagsak at nabibigo. Ang mga taong hindi nagtataglay ng katotohanan ay lubusang hindi maaasahan, lalo na kung hindi nila nabago ang kanilang mga disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon

Ang mga taong nakaranas ng pagbabago sa kanilang disposisyon ay naunawaan na ang katotohanan, naiintindihan nila ang lahat ng usapin, alam nila kung paano kumilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos, kung paano kumilos alinsunod sa katotohanang prinsipyo, at kung paano kumilos upang mapalugod ang Diyos, at nauunawaan nila ang kalikasan ng katiwalian na kanilang ibinubunyag. Kapag ang kanilang sariling mga ideya at mga kuru-kuro ay naibubunyag, nagagawa nilang makakilala at maghimagsik laban sa laman. Ganito naipapamalas ang isang pagbabago sa disposisyon. Ang pangunahing pagpapamalas ng mga taong dumaan sa pagbabago ng disposisyon ay nagagawa nilang maunawaan nang malinaw ang katotohanan, at kapag ipinatutupad ang mga bagay, isinasagawa nila ang katotohanan nang may kaugnay na kawastuhan at hindi sila nagbubunyag ng katiwalian nang madalas. Karaniwan, ang mga nagbago na ang disposisyon ay nagiging makatwiran at nakakakilatis, at dahil sa kanilang pagkaunawa sa katotohanan, hindi sila gaanong nagbubunyag ng pagmamataas o kayabangan. Nauunawaan at nahihiwatigan nila ang marami sa katiwaliang naibunyag sa kanila, kaya hindi sila nagyayabang. Nagagawa nilang magkaroon ng isang nasusukat na pagkaunawa sa kung ano ang dapat nilang kalugaran at kung ano ang mga bagay na dapat nilang gawin na makatwiran, kung paano gumawi nang may katwiran, kung paano maging masunurin, kung ano ang sasabihin at kung ano ang hindi sasabihin, at kung ano ang sasabihin at kung ano ang gagawin sa alin mang mga tao. Kaya, ang mga taong nagbago ang mga disposisyon ay medyo makatwiran, at ang ganoong mga tao lamang ang tunay na nagsasabuhay ng wangis ng tao. Dahil nauunawaan nila ang katotohanan, nasasabi at nakikita nila ang mga bagay alinsunod sa katotohanan, at may prinsipyo sila sa lahat ng ginagawa nila; hindi sila sumasailalim sa impluwensiya ng sinumang tao, pangyayari o bagay, at lahat sila ay may sariling pananaw at kayang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo. Ang kanilang disposisyon ay medyo matatag, hindi sila sala sa init at sala sa lamig, at anuman ang kanilang sitwasyon, nauunawaan nila kung paano isagawa nang wasto ang kanilang tungkulin at kung paano umasal na ikalulugod ng Diyos. Iyong mga nagbago ang mga disposisyon ay hindi nagtutuon ng pansin sa kung ano ang gagawin sa panlabas upang maging maganda ang tingin sa kanila ng iba; natamo nila ang panloob na kaliwanagan sa kung ano ang gagawin upang mapalugod ang Diyos. Kung gayon, sa panlabas maaaring tila hindi sila ganoon kasigasig o nakagawa ng anumang mahalaga, ngunit ang lahat ng kanilang ginagawa ay makahulugan, mahalaga, at nagbubunga ng praktikal na mga resulta. Iyong mga nagbago ang mga disposisyon ay tiyak na nagtataglay ng napakaraming katotohanang realidad, at ito ay mapapatunayan sa pamamagitan ng kanilang mga pananaw sa mga bagay at sa kanilang mga prinsipyo ng pagkilos. Ang mga hindi pa nagtamo ng katotohanan ay talagang hindi nagkamit ng anumang pagbabago sa disposisyon sa buhay.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Sa relihiyon, maraming taong nagdurusa nang husto sa buong buhay nila: Sinusupil nila ang kanilang katawan at pinapasan ang kanilang krus, at patuloy pa silang nagdurusa at nagtitiis kapag nasa bingit na ng kamatayan! Nag-aayuno pa rin ang ilan sa umaga ng kanilang kamatayan. Buong buhay nila ay pinagkakaitan nila ang kanilang sarili ng masasarap na pagkain at magagarang damit, habang nakatuon sa pagdurusa. Nagagawa nilang supilin ang kanilang katawan at maghimagsik laban sa kanilang laman. Kapuri-puri ang sigla nilang magtiis ng pagdurusa. Ngunit ang kanilang pag-iisip, ang kanilang mga kuru-kuro, ang kanilang ugaling pangkaisipan, at tunay ngang ang dati nilang likas na pagkatao, ay hindi pa napungusan kahit kaunti. Wala silang tunay na kaalaman tungkol sa kanilang sarili. Ang larawan ng Diyos na nasa kanilang isipan ay ang tradisyunal at malabong Diyos. Ang matibay na pasiya nilang magdusa para sa Diyos ay nagmumula sa kanilang kasigasigan at mabuting katangian ng kanilang pagkatao. Kahit naniniwala sila sa Diyos, hindi nila Siya nauunawaan ni hindi nila alam ang Kanyang mga layunin. Pikit-mata lamang silang gumagawa at nagdurusa para sa Diyos. Hindi nila binibigyan ng anumang halaga ang pagtukoy, halos walang pakialam kung paano titiyakin na talagang tinutupad ng kanilang paglilingkod ang mga layunin ng Diyos, lalo nang wala silang kamalayan kung paano magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos. Ang Diyos na kanilang pinaglilingkuran ay hindi ang Diyos sa Kanyang orihinal na larawan, kundi isang Diyos na inilarawan nila sa kanilang isip, isang Diyos na nabalitaan lamang nila, o nabasa lamang nila sa mga nakasulat na alamat. Pagkatapos ay ginagamit nila ang kanilang mayayabong na imahinasyon at pagiging deboto upang magdusa para sa Diyos at isagawa ang gawain ng Diyos na nais gawin ng Diyos. Lubhang walang katuturan ang kanilang paglilingkod, kaya nga halos walang sinuman sa kanila ang tunay na nagagawang maglingkod sa Diyos alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Gaano kasaya man silang nagdurusa, ang orihinal nilang pananaw sa paglilingkod at ang larawan ng Diyos sa kanilang isipan ay hindi nagbabago, dahil hindi pa sila nagdaraan sa paghatol, pagkastigo, pagpipino, at pagpeperpekto ng Diyos, ni hindi sila nagabayan ng sinuman gamit ang katotohanan. Kahit naniniwala sila kay Jesus na Tagapagligtas, walang sinuman sa kanila ang nakakita sa Tagapagligtas kailanman. Nalalaman lamang nila ang tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga alamat at sabi-sabi. Dahil dito, ang kanilang paglilingkod ay katumbas lamang ng walang pinipiling paglilingkod nang nakapikit, tulad ng isang bulag na naglilingkod sa sarili niyang ama. Ano, sa bandang huli, ang makakamit ng gayong uri ng paglilingkod? At sino ang sasang-ayon dito? Mula simula hanggang wakas, ganoon pa rin ang kanilang paglilingkod sa lahat ng dako; tumatanggap lamang sila ng mga aral na gawa ng tao at ibinabatay lamang nila ang kanilang paglilingkod sa kanilang naturalesa at sa kanilang sariling mga kagustuhan. Anong gantimpala ang idudulot nito? Kahit si Pedro, na nakakita kay Jesus, ay hindi alam kung paano maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos; nalaman lamang niya ito sa bandang huli, noong matanda na siya. Ano ang sinasabi nito tungkol sa mga taong bulag na hindi pa nakaranas ng kahit kaunting pagpupungos, at walang sinumang gumagabay sa kanila? Hindi ba kagaya nang sa mga taong bulag na ito ang paglilingkod ng marami sa inyo ngayon? Lahat ng hindi pa nakatanggap ng paghatol, hindi pa nakatanggap ng pagpupungos, at hindi pa nagbago—hindi ba lahat sila ay hindi pa lubusang nalupig? Ano ang silbi ng gayong mga tao? Kung ang iyong pag-iisip, iyong kaalaman tungkol sa buhay, at iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay hindi nagpapakita ng pagbabago at wala ka talagang napapala, hindi ka magkakamit kailanman ng anumang pambihira sa iyong paglilingkod! Kung wala kang pangitain at bagong kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, ikaw ay hindi nalupig. Ang paraan ng pagsunod mo sa Diyos kung gayon ay magiging katulad ng mga nagdurusa at nag-aayuno: maliit ang halaga! Dahil mismo sa maliit na patotoo sa kanilang ginagawa kaya Ko sinasabi na walang saysay ang kanilang paglilingkod! Ang mga taong ito ay buong buhay na nagdusa at gumugol ng oras sa bilangguan; lagi silang matiisin, mapagmahal, at nagpapasan ng krus, nililibak sila at itinatakwil ng mundo, nagdaranas ng lahat ng hirap, at bagama’t masunurin sila hanggang sa huli, hindi pa rin sila nalulupig, at walang maibahaging patotoo na nalupig na sila. Nagdusa na sila nang malaki, ngunit sa kanilang kalooban ay ni hindi man lamang nila kilala ang Diyos. Wala sa kanilang dating pag-iisip, mga kuru-kuro, mga relihiyosong gawi, kaalamang gawa ng tao, at mga ideya ng tao ang napungusan. Wala sila ni katiting na pahiwatig ng bagong kaalaman sa kanilang kalooban. Wala ni katiting ng kanilang kaalaman tungkol sa Diyos ang totoo o tumpak. Mali ang pagkaunawa nila sa mga layunin ng Diyos. May silbi ba ito sa Diyos? Anuman ang kaalaman mo tungkol sa Diyos noong araw, kung ganoon pa rin iyon ngayon at patuloy mong ibinabatay ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos sa sarili mong mga kuru-kuro at ideya anuman ang ginagawa ng Diyos, na ang ibig sabihin ay kung wala kang taglay na bago at tunay na kaalaman tungkol sa Diyos at kung nabigo kang malaman ang tunay na larawan at disposisyon ng Diyos, kung ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay ginagabayan pa rin ng pyudal at mapamahiing pag-iisip at nagmumula pa rin sa mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, hindi ka pa nalulupig. Ang lahat ng maraming salitang sinasabi Ko ngayon sa iyo ay para malaman mo na upang maakay ka ng kaalamang ito sa isang bago at tumpak na kaalaman; ang mga ito ay para pungusan din ang mga lumang kuru-kuro at mga lumang kaalaman mo, upang magtaglay ka ng bagong kaalaman. Kung tunay mong kinakain at iniinom ang Aking mga salita, ang iyong kaalaman ay lubhang magbabago. Basta’t kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos na may pusong mapagpasakop, babaligtad ang iyong pananaw. Basta’t nagagawa mong tanggapin ang paulit-ulit na mga pagkastigo, unti-unting magbabago ang iyong dating mentalidad. Basta’t lubos na napalitan ng bago ang iyong dating mentalidad, magbabago rin ang iyong pagsasagawa ayon dito. Sa ganitong paraan, ang iyong paglilingkod ay unti-unting makakaayon sa layunin, unti-unting magagawang tugunan ang mga layunin ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 3

Sa mga mata ng Diyos, ang lahat ng bagay na ginagawa ng bawat tao na nananalig sa Diyos ay salungat sa katotohanan, di-kaayon sa salita ng Diyos, at mapanlaban sa Kanya. Maaaring hindi rin ninyo ito matanggap, at masabing: “Pinaglilingkuran namin ang Diyos, sinasamba ang Diyos, ginagawa ang aming tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Napakarami na naming nagawa, lahat ay alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos, at naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Paano masasabing nilalabanan at ipinagkakanulo namin ang Diyos? Bakit ba palagi Mo na lang kami dinidismaya? Napakahirap naming iniwanan ang aming pamilya at mga karera, at determinado kaming sumunod sa Diyos, kaya paano Mo ito nasasabi tungkol sa amin?” Ang layon ng pagsasalita nang gayon ay para masigurong nauunawaan ng lahat: Hindi totoo na babaguhin ng isang tao na medyo maganda ang asal, o nagsusuko sa isang bagay, o dumaranas ng ilang paghihirap ang kanyang mapagtaksil na kalikasan. Imposible! Mahalaga ang pagdurusa, gayundin ang paggawa sa iyong tungkulin, pero hindi nangangahulugang hindi na umiiral ang iyong tiwaling disposisyon dahil lang kaya mong magdusa o gawin ang iyong tungkulin. Ito ay dahil hindi nagkaroon ng tunay na pagbabago sa buhay disposisyon sa kaibuturan ninuman, at malayo pa rin ang lahat sa pagbibigay-lugod sa mga layunin ng Diyos at pagtugon sa Kanyang mga hinihingi. Masyadong kontaminado ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos, masyadong nabunyag ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Bagaman maraming lider o manggagawa ang naglilingkod sa Diyos, lumalaban din sila sa Kanya. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin ay sadya silang sumasalungat sa mga salita ng Diyos at hindi nagsasagawa nang ayon sa Kanyang mga pagnanais. Sadya nilang nilalabag ang katotohanan, ipinagpipilitang kumilos ayon sa sarili nilang kalooban, para matupad ang sarili nilang mga plano at layon, para ipagkanulo ang Diyos at itatag ang kanilang nagsasariling kaharian, kung saan ang sinasabi nila ang nasusunod. Ito ang ibig sabihin ng paglilingkod sa Diyos subalit lumalaban din sa Kanya. Nauunawaan na ba ninyo ito ngayon?

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

Sa sandaling talagang maunawaan mo ang katotohanan at simulan mong mahalin ito mula sa iyong kalooban, magiging madali na sa iyo na gawin ang mga bagay na naaayon sa katotohanan. Gagawin mo ang iyong tungkulin at isasagawa ang katotohanan nang normal—nang wala pa ngang kahirap-hirap at nang may kagalakan, at mararamdaman mo na mangangailangan ng malaking pagsisikap ang paggawa ng anumang negatibo. Ito ay dahil nangibabaw na ang katotohanan sa puso mo. Kung talagang nauunawaan mo ang mga katotohanan tungkol sa buhay ng tao, magkakaroon ka ng landas na susundin pagdating sa kung anong uri ng tao dapat maging, paano maging isang taong walang kapintasan at prangka, isang taong matapat, at isang taong nagpapatotoo sa Diyos at naglilingkod sa Kanya. At sa sandaling maunawaan mo na ang mga katotohanang ito, hindi ka na muling gagawa kailanman ng masasamang gawain na sumusuway sa Kanya, ni hindi mo na muling gagampanan ang papel ng isang huwad na lider, isang huwad na manggagawa, o isang anticristo. Kahit inililigaw ka ni Satanas, o sinusulsulan ka ng sinumang masama, hindi mo ito gagawin; sinuman ang sumusubok na pilitin ka, hindi ka pa rin kikilos nang ganoon. Kung matamo ng mga tao ang katotohanan at nagiging buhay nila ang katotohanan, magagawa nilang kamuhian ang kasamaan at nakadarama sila ng pagkasuklam sa mga negatibong bagay sa kanilang kalooban. Magiging mahirap para sa kanila ang gumawa ng kasamaan, sapagkat nagbago na ang kanilang disposisyon sa buhay at nagawa na silang perpekto ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon

Kaugnay na mga Himno

Tanging mga Kapalagayang-loob ng Diyos ang Karapat-dapat sa Paglilingkod sa Kanya

Sinundan: 41. Paano maglingkod at magpatotoo sa Diyos alinsunod sa Kanyang layunin

Sumunod: 43. Bakit iyong mga tunay lang na nagmamahal sa Diyos ang magagawa Niyang perpekto

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito