41. Paano maglingkod at magpatotoo sa Diyos alinsunod sa Kanyang layunin

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Mula pa sa simula ng gawain Niya sa buong sansinukob, ang Diyos ay nagtalaga na ng maraming tao upang paglingkuran Siya, kabilang na ang mga taong may iba’t ibang kalagayan sa buhay. Ang layunin Niya ay tugunan ang Kanyang mga layunin at tapusin nang maayos ang Kanyang gawain sa lupa; ito ang layunin ng Diyos sa pagpili ng mga taong maglilingkod sa Kanya. Dapat maunawaan ng bawat taong naglilingkod sa Diyos ang layunin Niya. Sa pamamagitan ng gawain Niyang ito, mas nakikita ng mga tao ang karunungan at ang walang hanggang kapangyarihan ng Diyos, at ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain sa lupa. Ang Diyos ay tunay na pumarito sa lupa upang gawin ang Kanyang gawain, upang makipag-ugnayan sa mga tao, upang mas malinaw nilang malaman ang Kanyang mga gawa. Ngayon, kayo, na grupong ito ng mga tao, ay mapalad na maglingkod sa praktikal na Diyos. Ito ay di-masusukat na pagpapala para sa inyo—tunay ngang iniangat kayo ng Diyos. Sa pagpili ng isang tao na maglilingkod sa Kanya, ang Diyos ay laging may sariling mga prinsipyo. Ang paglilingkod sa Diyos ay hinding-hindi gaya ng iniisip ng tao, na tungkol lamang sa pagkakaroon ng sigasig. Ngayon nakikita ninyo na ang lahat ng naglilingkod sa harap ng Diyos ay ginagawa ito dahil taglay nila ang patnubay ng Diyos at ang gawain ng Banal na Espiritu, at dahil sila ay mga taong naghahangad na matamo ang katotohanan. Ang mga ito ang pinakamababang kondisyon para sa lahat ng nagsisilbi sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon

Ang mga naglilingkod sa Diyos ay dapat mga kaniig ng Diyos, dapat ay nakalulugod sila sa Diyos, at may kakayahan ng sukdulang katapatan sa Diyos. Kumikilos ka man sa pribado o sa harap ng publiko, nagagawa mong makamit ang kagalakan ng Diyos sa harap ng Diyos, nagagawa mong manindigan sa harap ng Diyos, at paano ka man tratuhin ng ibang mga tao, lagi mong tinatahak ang landas na dapat mong tahakin, at masusing pinangangalagaan ang pasanin ng Diyos. Tanging ganitong mga tao ang mga kaniig ng Diyos. Na nagagawa ng mga kaniig ng Diyos na direktang maglingkod sa Kanya ay dahil nabigyan na sila ng dakilang atas ng Diyos at pasanin ng Diyos, nagagawa nilang damahin ang puso ng Diyos bilang kanila, at akuin ang pasanin ng Diyos bilang kanila, at hindi nila isinasaalang-alang ang kanilang mga inaasahan sa hinaharap: Kahit na wala silang mga inaasahan, at hindi sila makikinabang, sila ay palaging maniniwala sa Diyos nang may pusong nagmamahal sa Diyos. At dahil dito, ang ganitong uri ng tao ay kaniig ng Diyos. Ang mga kaniig ng Diyos ay Kanya ring mga pinagkakatiwalaan; ang mga pinagkakatiwalaan lamang ng Diyos ang maaaring makibahagi sa Kanyang pagkabalisa, at sa Kanyang mga saloobin, at bagaman ang kanilang laman ay makirot at mahina, natitiis nila ang kirot at tinatalikdan iyong gustung-gusto nila upang mapasaya ang Diyos. Nagbibigay ang Diyos ng mas maraming pasanin sa gayong mga tao, at kung ano ang nais gawin ng Diyos ay pinatutunayan sa patotoo ng ganoong mga tao. Sa gayon, nakalulugod ang mga taong ito sa Diyos, sila ay mga tagapaglingkod ng Diyos na naaayon sa Kanyang mga layunin, at ang mga tao lamang na tulad nito ang maaaring mamuno kasama ng Diyos. Kapag ikaw ay tunay na naging kaniig ng Diyos ay kung kailan ka talaga mamumuno na kasama ng Diyos.

Nagawa ni Jesus na tapusin ang atas ng Diyos—ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan—dahil nagpakita Siya ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, nang walang pansariling mga plano at pagsasaayos. Kaya, ganoon din, Siya ay kaniig ng Diyos—ang Diyos Mismo—na isang bagay na nauunawaan ninyong lahat nang napakaigi. (Ang totoo, Siya ang Diyos Mismo na pinatotohanan ng Diyos. Binabanggit Ko ito rito upang gamitin ang katunayan ni Jesus upang isalarawan ang usapin.) Nagawa Niyang ilagay ang plano ng pamamahala ng Diyos sa pinakasentro, at palaging nanalangin sa Ama sa langit at hinangad ang kalooban ng Ama sa langit. Nanalangin Siya at nagsabi: “Diyos Ama! Ganapin ang Iyong kalooban, at kumilos hindi ayon sa Aking mga kagustuhan kundi ayon sa Iyong plano. Maaaring mahina ang tao, ngunit bakit Mo dapat alalahanin siya? Paano magiging karapat-dapat ang tao sa Iyong pag-aalala, ang tao na tulad ng isang langgam sa Iyong kamay? Sa Aking puso, nais Ko lamang na tuparin ang Iyong kalooban, at nais Ko na Iyong magawa ang nais Mong gawin sa Akin ayon sa Iyong sariling mga kagustuhan.” Habang nasa daan patungong Jerusalem, si Jesus ay nagdurusa, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa Kanyang puso, subalit wala Siya ni bahagya mang intensyon na hindi tuparin ang Kanyang salita; palaging mayroong isang makapangyarihang puwersang humihimok sa Kanya pasulong sa kung saan Siya ipapako sa krus. Sa huli, Siya ay ipinako sa krus at naging wangis ng makasalanang laman, tinatapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Nakawala Siya sa mga gapos ng kamatayan at ng Hades. Sa harap Niya, ang mortalidad, impiyerno, at Hades ay nawalan ng kapangyarihan, at nalupig Niya. Siya ay nabuhay sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon, sa kabuuan nito ay palagi Niyang ginawa ang Kanyang makakaya upang matugunan ang mga layunin ng Diyos ayon sa gawain ng Diyos sa panahong iyon, hindi kailanman isinaalang-alang ang Kanyang pansariling pakinabang o kawalan, at palaging inisip ang mga layunin ng Diyos Ama. Kaya, matapos na Siya ay nabautismuhan, sinabi ng Diyos: “Ito ang sinisinta Kong Anak, na lubos Kong kinalulugdan.” Dahil sa Kanyang serbisyo sa harap ng Diyos na kaayon ng mga layunin ng Diyos, inilagay ng Diyos ang mabigat na pasanin ng pagtubos sa buong sangkatauhan sa Kanyang mga balikat at ipinasakatuparan iyon sa Kanya, at Siya ay kuwalipikado at nararapat na tumapos sa mahalagang gawaing ito. Sa kabuuan ng Kanyang buhay, tiniis Niya ang di-masusukat na pagdurusa para sa Diyos, at Siya ay tinukso ni Satanas nang di-mabilang na beses, ngunit hindi Siya kailanman pinanghinaan ng loob. Binigyan Siya ng Diyos ng gayong napakalaking gawain dahil may tiwala ang Diyos sa Kanya, at minamahal Siya, kaya nga personal na sinabi ng Diyos: “Ito ang sinisinta Kong Anak, na lubos Kong kinalulugdan.” Sa panahong iyon, si Jesus lamang ang maaaring tumupad sa atas na ito, at ito ay isang praktikal na aspeto ng pagkumpleto ng Diyos sa Kanyang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya.

Kung, katulad ni Jesus, nagagawa ninyong isaalang-alang ang pasanin ng Diyos, at maghimagsik laban sa inyong laman, ipagkakatiwala sa inyo ng Diyos ang Kanyang mahahalagang gawain, upang inyong matugunan ang mga kondisyong kinakailangan sa paglilingkod sa Diyos. Sa gayong mga kalagayan lamang kayo mangangahas magsabi na sumusunod kayo sa kalooban ng Diyos at tinatapos ang Kanyang atas, at saka lamang kayo mangangahas magsabi na kayo ay tunay na naglilingkod sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos

Ang lahat ng nakapagpasya na ay maaaring maglingkod sa Diyos—subalit ang mga nagpapakita ng pagsasaalang-alang lamang sa mga layunin ng Diyos at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos ang mga karapat-dapat at may karapatang maglingkod sa Diyos. Natuklasan Ko na ito sa inyo: Maraming tao ang naniniwala na hangga’t sila ay masigasig na nagpapalaganap ng ebanghelyo para sa Diyos, humahayo para sa Diyos, gumugugol ng kanilang mga sarili at isinusuko ang mga bagay-bagay para sa Diyos, at iba pa, ito ay paglilingkod sa Diyos. Mas marami pang relihiyosong tao ang naniniwalang ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng pagbibitbit ng Bibliya habang paroo’t parito, pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng langit at pagliligtas sa mga tao sa pamamagitan ng panghihikayat sa kanila na magsisi at magtapat. Marami ring opisyal ng relihiyon ang nag-iisip na ang paglilingkod sa Diyos ay binubuo ng pangangaral sa mga kapilya matapos makakuha ng mataas na edukasyon at magsanay sa seminaryo, at pagtuturo sa mga tao sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kasulatan ng Bibliya. Higit pa rito, may mga tao sa naghihirap na mga rehiyon na naniniwalang ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugang pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo sa kanilang mga kapatid o pananalangin para sa kanila, o paglilingkod sa kanila. Sa gitna ninyo, marami ang naniniwala na ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pananalangin sa Diyos araw-araw, pati na ang pagbisita at paggawa ng mga gawain sa mga iglesia saanman. May ibang mga kapatid na naniniwala na ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng hindi pag-aasawa kailanman o pagkakaroon ng pamilya at paglalaan ng kanilang buong sarili sa Diyos. Ngunit iilang tao ang nakakaalam kung ano talaga ang kahulugan ng paglilingkod sa Diyos. Bagaman ang mga naglilingkod sa Diyos ay kasingdami ng mga bituin sa kalangitan, ang bilang ng mga direktang makapaglilingkod, at mga may kakayahang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, ay kakaunti—hamak na kakaunti. Bakit Ko sinasabi ito? Sinasabi Ko ito dahil hindi ninyo naiintindihan ang diwa ng pariralang “paglilingkod sa Diyos,” at kakaunti ang nauunawaan ninyo sa kung paano maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos. May agarang pangangailangan na maunawaan ng mga tao kung anong uri talaga ng paglilingkod sa Diyos ang kaayon ng Kanyang mga layunin.

Kung nais ninyong maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, kailangan muna ninyong maunawaan kung anong klaseng mga tao ang nakalulugod sa Diyos, kung anong uri ng mga tao ang kinamumuhian ng Diyos, kung anong uri ng mga tao ang ginagawang perpekto ng Diyos, at kung anong uri ng mga tao ang karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Kahit ang kaalamang ito man lamang ay dapat na masangkapan kayo. Dagdag pa rito, dapat ninyong malaman ang mga mithiin ng gawain ng Diyos, at ang gawain na gagawin ng Diyos ngayon mismo. Matapos unawain ito, at sa pamamagitan ng patnubay ng mga salita ng Diyos, dapat muna kayong magkaroon ng pagpasok, at tumanggap muna ng atas ng Diyos. Kapag nagkaroon na kayo ng aktwal na karanasan sa mga salita ng Diyos, at kapag tunay na ninyong nalalaman ang gawain ng Diyos, kayo ay magiging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. At kapag kayo ay naglilingkod sa Kanya, binubuksan ng Diyos ang inyong espirituwal na mga mata, at tinutulutan kayong magkaroon ng higit na pagkaunawa sa Kanyang gawain at mas malinaw itong makita. Kapag pumasok ka sa realidad na ito, ang iyong mga karanasan ay magiging mas malalim at praktikal, at ang lahat sa inyo na nagkaroon na ng ganoong mga karanasan ay magagawang lumakad sa mga iglesia at maghandog ng panustos sa inyong mga kapatid, upang ang bawa’t isa sa inyo ay makahuhugot ng lakas sa isa’t isa upang mapunan ang inyong sariling mga kakulangan, at makapagtamo ng mas mayamang kaalaman sa inyong mga espiritu. Matapos makamit ang epektong ito, saka lamang ninyo makakayang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos at magagawang perpekto ng Diyos sa panahon ng inyong pagseserbisyo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos

Ang isang taong tunay na pinaglilingkuran ang Diyos ay isang taong naaayon sa mga layunin ng Diyos, na angkop para gamitin ng Diyos, at na nagagawang bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro. Kung nais mong maging mabisa ang pagkain at pag-inom mo ng mga salita ng Diyos, dapat mong bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro mo. Kung nais mong paglingkuran ang Diyos, mas lalong kinakailangang bitawan mo muna ang mga relihiyosong kuru-kuro at magpasakop sa mga salita ng Diyos sa lahat ng bagay. Ito ang dapat na taglay ng isang taong pinaglilingkuran ang Diyos. Kung salat ka sa kaalamang ito, sa sandaling maglingkod ka, magdudulot ka ng paggambala at mga kaguluhan, at kung kumakapit ka sa mga kuru-kuro mo, walang pagsalang patutumbahin ka ng Diyos, at hindi na kailanmang babangon pa. Kunin ang kasalukuyan, bilang halimbawa: Marami sa mga pagbigkas at gawain sa ngayon ang di-kaayon sa Bibliya at sa gawaing dating ginawa ng Diyos, at kung wala kang pagnanais na magpasakop, maaari kang bumagsak anumang oras. Kung nais mong maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos, dapat bitawan mo muna ang mga relihiyosong kuru-kuro at iwasto ang sarili mong mga pananaw. Marami sa mga sasabihin ay magiging di-kaayon ng sinabi noong nakalipas, at kung ngayon ay salat ka na sa kagustuhang magpasakop, hindi mo magagawang lakarin ang landas na hinaharap. Kung ang isa sa mga kaparaanan ng paggawa ng Diyos ay nag-ugat na sa loob mo at hindi mo kailanman binitawan ito, ang kaparaanang ito ang magiging relihiyosong kuru-kuro mo. Kung nag-ugat na sa loob mo ang kung ano ang Diyos, nakamit mo na ang katotohanan, at kung ang mga salita at katotohanan ng Diyos ay may kakayahang maging buhay mo, hindi ka na magkakaroon pa ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Yaong mga nagtataglay ng tunay na pagkakilala sa Diyos ay hindi magkakaroon ng mga kuru-kuro at hindi susunod sa mga patakaran.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging Yaong mga Nakababatid Lamang ng Gawain ng Diyos Ngayon ang Maaaring Paglingkuran ang Diyos

Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang simpleng gawain. Ang mga taong hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ay hindi kailanman maaaring maglingkod sa Diyos. Kung ang disposisyon mo ay hindi pa nahatulan at nakastigo ng mga salita ng Diyos, ang disposisyon mo ay kumakatawan pa rin kay Satanas, na nagpapatunay na pinaglilingkuran mo ang Diyos ayon sa iyong mabubuting layunin, na ang paglilingkod mo ay batay sa iyong satanikong kalikasan. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong pagkatao, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong iniisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos; lubos kang gumagawa nang naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Matatawag ba itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang disposisyon mo sa buhay ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, magiging mas matigas ang ulo mo dahil sa paglilingkod mo, at sa gayon ay mapapalalim ang iyong tiwaling disposisyon. Dahil dito, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong pagkatao, at mga karanasang mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ito ang mga karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya ng tao sa mga makamundong pakikitungo. Ang mga taong tulad nito ay maitutulad sa mga Pariseo at mga pinuno ng relihiyon. Kung hindi sila kailanman magigising at magsisisi, tiyak na magiging mga huwad na mga cristo at anticristo sila na inililigaw ang mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang nabanggit na mga huwad na cristo at mga anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang pagkatao at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, nanganganib silang maitiwalag anumang oras. Sa mga naglilingkod sa Diyos na gumagamit ng mga karanasan nila sa loob ng maraming taon upang makuha ang puso ng ibang tao, mapangaralan at mapipigilan sila, at magkaroon ng mataas na katayuan—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nagtatapat ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tinatalikuran ang mga benepisyo ng posisyon—ang mga taong ito ay babagsak sa harap ng Diyos. Sila ay mga kauri ni Pablo, nagpapalagay na nakatataas sila at ipinangangalandakan ang kanilang mga kuwalipikasyon. Hindi gagawing perpekto ng Diyos ang mga taong tulad nito. Ang ganitong uri ng paglilingkod ay nakakagambala sa gawain ng Diyos. Ang mga tao ay palaging kumakapit sa nakalipas. Kumakapit sila sa mga kuru-kuro ng nakalipas, sa lahat ng bagay mula sa nakaraan. Malaking sagabal ito sa kanilang paglilingkod. Kung hindi mo kayang iwaksi ang mga ito, magiging hadlang ang mga ito sa buong buhay mo. Hindi ka pupurihin ng Diyos ni katiting, kahit pa mabali ang mga binti mo sa pagtakbo o ang likod mo sa paggawa, kahit pa mapatay ka sa paglilingkod mo sa Diyos. Sa kabaligtaran: sasabihin Niya na ikaw ay isang masamang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon

Sa relihiyon, maraming taong nagdurusa nang husto sa buong buhay nila: Sinusupil nila ang kanilang katawan at pinapasan ang kanilang krus, at patuloy pa silang nagdurusa at nagtitiis kapag nasa bingit na ng kamatayan! Nag-aayuno pa rin ang ilan sa umaga ng kanilang kamatayan. Buong buhay nila ay pinagkakaitan nila ang kanilang sarili ng masasarap na pagkain at magagarang damit, habang nakatuon sa pagdurusa. Nagagawa nilang supilin ang kanilang katawan at maghimagsik laban sa kanilang laman. Kapuri-puri ang sigla nilang magtiis ng pagdurusa. Ngunit ang kanilang pag-iisip, ang kanilang mga kuru-kuro, ang kanilang ugaling pangkaisipan, at tunay ngang ang dati nilang likas na pagkatao, ay hindi pa napungusan kahit kaunti. Wala silang tunay na kaalaman tungkol sa kanilang sarili. Ang larawan ng Diyos na nasa kanilang isipan ay ang tradisyunal at malabong Diyos. Ang matibay na pasiya nilang magdusa para sa Diyos ay nagmumula sa kanilang kasigasigan at mabuting katangian ng kanilang pagkatao. Kahit naniniwala sila sa Diyos, hindi nila Siya nauunawaan ni hindi nila alam ang Kanyang mga layunin. Pikit-mata lamang silang gumagawa at nagdurusa para sa Diyos. Hindi nila binibigyan ng anumang halaga ang pagtukoy, halos walang pakialam kung paano titiyakin na talagang tinutupad ng kanilang paglilingkod ang mga layunin ng Diyos, lalo nang wala silang kamalayan kung paano magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos. Ang Diyos na kanilang pinaglilingkuran ay hindi ang Diyos sa Kanyang orihinal na larawan, kundi isang Diyos na inilarawan nila sa kanilang isip, isang Diyos na nabalitaan lamang nila, o nabasa lamang nila sa mga nakasulat na alamat. Pagkatapos ay ginagamit nila ang kanilang mayayabong na imahinasyon at pagiging deboto upang magdusa para sa Diyos at isagawa ang gawain ng Diyos na nais gawin ng Diyos. Lubhang walang katuturan ang kanilang paglilingkod, kaya nga halos walang sinuman sa kanila ang tunay na nagagawang maglingkod sa Diyos alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Gaano kasaya man silang nagdurusa, ang orihinal nilang pananaw sa paglilingkod at ang larawan ng Diyos sa kanilang isipan ay hindi nagbabago, dahil hindi pa sila nagdaraan sa paghatol, pagkastigo, pagpipino, at pagpeperpekto ng Diyos, ni hindi sila nagabayan ng sinuman gamit ang katotohanan. Kahit naniniwala sila kay Jesus na Tagapagligtas, walang sinuman sa kanila ang nakakita sa Tagapagligtas kailanman. Nalalaman lamang nila ang tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga alamat at sabi-sabi. Dahil dito, ang kanilang paglilingkod ay katumbas lamang ng walang pinipiling paglilingkod nang nakapikit, tulad ng isang bulag na naglilingkod sa sarili niyang ama. Ano, sa bandang huli, ang makakamit ng gayong uri ng paglilingkod? At sino ang sasang-ayon dito? Mula simula hanggang wakas, ganoon pa rin ang kanilang paglilingkod sa lahat ng dako; tumatanggap lamang sila ng mga aral na gawa ng tao at ibinabatay lamang nila ang kanilang paglilingkod sa kanilang naturalesa at sa kanilang sariling mga kagustuhan. Anong gantimpala ang idudulot nito? Kahit si Pedro, na nakakita kay Jesus, ay hindi alam kung paano maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos; nalaman lamang niya ito sa bandang huli, noong matanda na siya. Ano ang sinasabi nito tungkol sa mga taong bulag na hindi pa nakaranas ng kahit kaunting pagpupungos, at walang sinumang gumagabay sa kanila? Hindi ba kagaya nang sa mga taong bulag na ito ang paglilingkod ng marami sa inyo ngayon? Lahat ng hindi pa nakatanggap ng paghatol, hindi pa nakatanggap ng pagpupungos, at hindi pa nagbago—hindi ba lahat sila ay hindi pa lubusang nalupig? Ano ang silbi ng gayong mga tao? Kung ang iyong pag-iisip, iyong kaalaman tungkol sa buhay, at iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay hindi nagpapakita ng pagbabago at wala ka talagang napapala, hindi ka magkakamit kailanman ng anumang pambihira sa iyong paglilingkod!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 3

Yaong mga maaaring mamuno sa mga iglesia, tustusan ng buhay ang mga tao, at maging mga apostol sa mga tao ay kailangang magkaroon ng aktwal na karanasan; kailangang magkaroon sila ng tamang pagkaunawa tungkol sa mga espirituwal na bagay at ng tamang pagkaarok at karanasan sa katotohanan. Ang gayong mga tao lamang ang nararapat maging mga manggagawa o apostol na namumuno sa mga iglesia. Kung hindi, maaari lamang silang sumunod bilang pinakamababa at hindi maaaring mamuno, lalong hindi sila maaaring maging mga apostol na nagagawang tustusan ng buhay ang mga tao. Iyan ay dahil ang tungkulin ng mga apostol ay hindi upang magparoo’t parito o makipaglaban; iyan ay upang gawin ang gawain ng pagmiministeryo sa buhay at pamumuno sa iba sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon. Yaong mga gumaganap sa tungkuling ito ay binigyan ng tagubiling bumalikat ng mabigat na responsibilidad, na hindi kakayaning gawin ng kahit sino. Ang uring ito ng gawain ay maaari lamang gawin ng mga yaon na may kahulugan ang buhay, ibig sabihin, yaong mga may karanasan sa katotohanan. Hindi ito maaaring gawin ng kahit sino na maaaring magbitiw, magparoo’t parito, o handang gugulin ang kanilang sarili; ang mga taong walang karanasan sa katotohanan, na hindi pa natabasan o nahatulan, ay hindi nagagawa ang ganitong uri ng gawain. Ang mga taong walang karanasan, ang mga taong walang realidad, ay hindi nakikita nang malinaw ang realidad dahil sila mismo ay walang ganitong uri ng pagkatao. Kaya, ang ganitong uri ng tao ay hindi lamang hindi nagagawang gawin ang gawaing mamuno, kundi, kung mananatiling wala sa kanila ang katotohanan sa loob ng mahabang panahon, ititiwalag sila.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Hinggil sa gawain, naniniwala ang tao na ang gawain ay pumaroo’t parito para sa Diyos, mangaral sa lahat ng dako, at gumugol para sa Kanyang kapakanan. Bagama’t ang paniniwalang ito ay tama, masyado itong may pinapanigan; ang hinihiling ng Diyos sa tao ay hindi lamang ang magparoo’t parito para sa Diyos; higit pa rito, ang gawaing ito ay may kinalaman sa ministeryo at pagtustos sa loob ng espiritu. Maraming kapatid, kahit pagkaraan nitong lahat ng taon ng karanasan, ang hindi nakaisip na gumawa para sa Diyos, dahil ang gawaing iniisip ng tao ay hindi tumutugma sa hinihiling ng Diyos. Samakatuwid, hindi interesado ang tao sa anupamang patungkol sa gawain, at ito mismo ang dahilan kaya medyo may pinapanigan din ang pagpasok ng tao. Dapat ninyong simulang lahat ang inyong pagpasok sa paggawa para sa Diyos, upang mas mainam ninyong maranasan ang lahat ng aspeto ng karanasan. Ito ang dapat ninyong pasukin. Ang gawain ay tumutukoy hindi sa pagparoo’t parito para sa Diyos, kundi sa kung ang buhay ng tao at ang isinasabuhay ng tao ay nagbibigay ng kasiyahan sa Diyos. Ang gawain ay tumutukoy sa paggamit ng tao ng kanilang katapatan sa Diyos at sa kanilang kaalaman sa Diyos upang magpatotoo tungkol sa Diyos, at magministeryo din sa tao. Ito ang responsibilidad ng tao at ito ang dapat maunawaan ng lahat ng tao. Maaaring sabihin ng isang tao na ang pagpasok ninyo ang inyong gawain, at na naghahangad kayong pumasok sa panahon ng inyong paggawa para sa Diyos. Ang pagdanas sa gawain ng Diyos ay hindi lamang nangangahulugan na marunong kayong kumain at uminom ng Kanyang salita; ang mas mahalaga, kailangan ninyong malaman kung paano magpatotoo tungkol sa Diyos at makapaglingkod sa Diyos at makapagministeryo at makapaglaan sa tao. Ito ang gawain, at ito rin ang inyong pagpasok; ito ang dapat isakatuparan ng bawat tao. Marami ang nakatuon lamang sa pagparoo’t parito para sa Diyos at pangangaral sa lahat ng dako, subalit hindi pinapansin ang kanilang personal na karanasan at kinaliligtaan ang kanilang pagpasok sa espirituwal na buhay. Ito ang dahilan kaya yaong mga naglilingkod sa Diyos ay naging yaong mga lumalaban sa Diyos. …

Gumagawa ang isang tao upang palugurin ang mga layunin ng Diyos, upang dalhin ang lahat ng naaayon sa mga layunin ng Diyos sa Kanyang harapan, upang dalhin ang tao sa Diyos, at upang ipakilala ang gawain ng Banal na Espiritu at patnubay ng Diyos sa tao, at sa gayon ay napeperpekto ang mga bunga ng gawain ng Diyos. Samakatuwid, mahalagang ganap ninyong malinawan ang diwa ng gawain. Bilang isang taong kinakasangkapan ng Diyos, lahat ng tao ay karapat-dapat na gumawa para sa Diyos, ibig sabihin, lahat ay may pagkakataong kasangkapanin ng Banal na Espiritu. Gayunman, may isang punto kayong kailangang matanto: Kapag ginagawa ng tao ang gawaing itinagubilin ng Diyos, nabigyan na ng pagkakataon ang tao na kasangkapanin ng Diyos, ngunit ang sinasabi at alam ng tao ay hindi ang buong tayog ng tao. Ang tanging magagawa ninyo ay mas alamin ang inyong mga kakulangan habang ginagawa ninyo ang inyong gawain, at tanggapin ang higit na kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. Sa ganitong paraan, mas mahusay kayong makakapasok sa paggawa ng inyong gawain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 2

Kung, bilang isang lider o manggagawa ng iglesia, ay aakayin mo ang mga hinirang ng Diyos sa pagpasok sa katotohanang realidad at sa mabuting pagpapatotoo sa Diyos, ang pinakamahalaga rito ay ang gabayan ang mga tao sa paglalaan nang mas maraming oras sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahaginan ng katotohanan. Sa ganitong paraan, ang mga hinirang ng Diyos ay magkakaroon ng mas malalim na kaalaman ukol sa mga pakay ng Diyos sa pagliligtas sa tao at sa layon ng gawain ng Diyos, at mauunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang iba’t ibang hinihingi Niya sa tao, kaya’t nagagawa nilang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Kapag nakikipagtipon ka para magbahagi at mangaral, dapat kang praktikal na magsalita tungkol sa iyong patotoong batay sa karanasan, at huwag makuntento sa pangangaral ng mga salita at doktrina. Kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, dapat pagtuunan mo ang pag-unawa sa katotohanan—at kapag nauunawaan mo na ang katotohanan, dapat mo itong subukan at isagawa, at tanging kapag isinagawa mo ito na tunay mong mauunawaan ang katotohanan. Kapag nakikipagbahaginan ka sa mga salita ng Diyos, sabihin mo kung ano ang nalalaman mo. Huwag magyabang, huwag gumawa ng mga iresponsableng pahayag, huwag basta lamang magsabi ng mga salita at doktrina, at huwag magsalita nang labis. Kung magsasalita ka nang labis, kamumuhian ka ng mga tao at makakaramdam ka ng paninisi pagkatapos, at makakaramdam ka ng pagsisisi at ng pagkadismaya—at ikaw ang nagdulot ng lahat ng ito sa iyong sarili. Magagawa mo bang ipaunawa sa mga tao ang katotohanan at mapapasok sa realidad kung nangangaral ka lang ng mga salita at doktrina para turuan at pungusan sila? Kung hindi praktikal ang ibinabahagi mo, kung pawang mga salita at doktrina lamang ang mga ito, kahit gaano mo pa sila pungusan at turuan, mauuwi lang ito sa wala. Sa tingin mo ba na kapag natatakot ang mga tao sa iyo, at sinusunod nila kung anong sabihin mo sa kanila, at hindi sila naglalakas-loob na tumutol, ay nangangahulugan na nauunawaan nila ang katotohanan at nagiging mapagpasakop? Isa itong malaking pagkakamali; hindi ganoon kadali ang buhay pagpasok. Ang ilang lider ay parang isang bagong tagapamahala na sumusubok na magkaroon ng malakas na impresyon, sinusubukan nilang ipatupad ang bago nilang taglay na awtoridad sa mga hinirang ng Diyos upang magpasakop ang lahat sa kanila, iniisip na mas mapapadali nito ang kanilang trabaho. Kung wala kang katotohanang realidad, hindi magtatagal ay mabubunyag ang iyong totoong tayog, malalantad ang mga tunay mong kulay, at maaaring itiwalag ka. Sa ilang administratibong gawain, katanggap-tanggap ang kaunting pagpupungos at pagdidisiplina. Ngunit kung wala kang kakayahang magbahagi ng katotohanan, sa huli, hindi mo pa rin magagawang lutasin ang mga problema, at maaapektuhan nito ang mga resulta ng gawain. Kung, kahit ano pang mga isyu ang lumitaw sa iglesia, patuloy kang nanenermon sa mga tao at naninisi—kung ang ginagawa mo lang ay umasta nang pagalit—ito ang tiwali mong disposisyon kung gayon na ibinubunyag ang sarili nito, at naipakita mo ang pangit na hitsura ng iyong katiwalian. Kung palagi mong iniaangat ang iyong sarili at sinesermunan ang mga tao nang ganito, sa paglipas ng panahon, hindi makakatanggap ang mga tao ng panustos ng buhay mula sa iyo, wala silang anumang makakamit na praktikal, at sa halip ay mamumuhi at masusuklam sila sa iyo. Dagdag pa rito, magkakaroon ng ilang tao na matapos mong maimpluwensiyahan dahil sa kawalan ng pagkakilala, ay manenermon din sa iba at pupungusan sila. Magagalit din sila at iinit ang kanilang mga ulo. Hindi lang sa hindi mo magagawang lutasin ang mga problema ng mga tao—mauudyukan mo rin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. At hindi ba’t iyon ay pag-akay sa kanila sa landas tungo sa kapahamakan? Hindi ba’t isa itong masamang gawain? Ang isang lider ay pangunahing dapat manguna sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan at pagtutustos ng buhay. Kung palagi mong iniaangat ang iyong sarili at sinesermunan ang iba, magagawa ba nilang maunawaan ang katotohanan? Kung gagawa ka sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon, kapag malinaw nang nakikita ng mga tao kung ano ka talaga, iiwanan ka nila. Madadala mo ba ang mga tao sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan? Tiyak na hindi; ang magagawa mo lang ay sirain ang gawain ng iglesia at maging sanhi para kamuhian at iwanan ka ng lahat ng taong hinirang ng Diyos. Mayroong ilang lider at manggagawa na itiniwalag dahil sa kadahilanang ito noon. Hindi nila nagawang magbahaginan tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga aktuwal na problema, akayin ang mga tao na kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, o akayin ang mga tao na unawain ang kanilang sarili. Wala silang ginawa sa mahalagang gawain na ito; nakatuon lang sila sa pag-aangat ng kanilang sarili, panenermon sa mga tao, at pag-uutos, iniisip na sa pamamagitan ng paggawa nito, ginagawa nila ang gawain ng isang lider ng iglesia. Bilang resulta, hindi nila naisagawa ang mga pagsasaayos ng gawain na iniatas ng Itaas kahit na alam naman nila ito, ni hindi sila gumawa ng mga partikular na trabaho nang maayos. Ang tanging ginawa nila bukod sa pagsasalita ng mga salita at doktrina, at pagsigaw ng mga islogan ay para iangat ang kanilang mga sarili at bulag na magturo at magpungos ng mga tao. Naging dahilan ito para matakot ang lahat, at umiwas, sa mga lider at manggagawang ito, at hindi naglakas-loob magsumbong ng mga problema ang mga tao sa kanila. Sa pagkilos sa ganitong paraan, ginulo ng mga lider at manggagawa ang kanilang gawain at idinulot na ito ay mahinto. Tanging noong pinalayas sila ng sambahayan ng Diyos na napagtanto nilang wala silang ginawang anumang tunay na gawain. Marahil ay nakaramdam sila ng matinding pagsisisi, pero ang pagsisisi ay walang silbi. Sila ay tinanggal pa rin at itiniwalag.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Kaugnay na mga Himno

Ang Kinakailangan Upang Maging Isang Naglilingkod sa Diyos

Tanging mga Kapalagayang-loob ng Diyos ang Karapat-dapat sa Paglilingkod sa Kanya

Paano Maglingkod nang Naaayon sa mga Layunin ng Diyos

Upang Paglingkuran ang Diyos Dapat Mong Ibigay sa Kanya ang Iyong Puso

Tanging Yaong Nagbago ang mga Disposisyon ang Makakapagpatotoo sa Diyos

Paano Magpatotoo sa Diyos sa Iyong Pananalig

Tanging sa Pag-alam sa mga Gawa ng Diyos Makapagpapatotoo nang Tunay ang Isang Tao sa Kanya

Sinundan: 40. Ano ang ibig sabihin ng pagdadakila at pagpapatotoo sa Diyos

Sumunod: 42. Bakit sinasabi na iyong mga sumailalim lamang sa pagbabago ng disposisyon ang kuwalipikadong maglingkod sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 1: Nananalig na tayo sa Panginoon sa loob ng napakaraming taon. Kahit maaari tayong mangaral at kumilos para sa Panginoon at magdusa nang husto, maaari pa rin tayong palaging magsinungaling, manloko at mandaya. Araw-araw, ipinagtatanggol natin ang ating sarili. Napakadalas, mayabang tayo, mapagmataas, pasikat, at mapanghamak sa iba. Namumuhay tayo sa sitwasyon ng pagkakasala at pagsisisi, at hindi tayo makaalpas sa pang-aalipin ng laman, at dumaranas at nagsasagawa ng salita ng Panginoon. Hindi pa natin nararanasan ang anumang realidad ng salita ng Panginoon. Sa kaso natin, madadala man lang ba tayo sa kaharian ng langit? Sabi ng ilang tao, gaano man tayo magkasala, gaano man tayo inaalipin ng laman, ang tingin sa atin ng Panginoon ay walang kasalanan. Sumusunod sila sa salita ni Pablo: “Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta: sapagka’t tutunog ang trumpeta, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo’y babaguhin” (1 Corinto 15:52). At ipinapalagay nila na agad babaguhin ng Panginoon ang ating anyo pagdating Niya at dadalhin tayo sa kaharian ng langit. Naniniwala ng ilang tao na ang mga tumatanggap ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya pero patuloy pa ring nagkakasala ay hindi karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng langit. Nakabatay ito unang-una na sa salita ng Panginoong Jesus: “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit” (Mateo 7:21). “Kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t Ako’y banal” (Levitico 11:45). Ito ay dalawang magkakumpitensyang pananaw na hindi malinaw na masasabi ng sinuman, Makipag-usap naman kayo para sa amin.

Sagot: Noong araw, dati-rati’y itinuturing nating salita ng Diyos ang mga salita ng mga apostol na kagaya ni Pablo at sumusunod tayo sa...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito