39. Paano hangaring matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang “pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” at pagkilala sa Diyos ay di-mapaghihiwalay na konektado sa napakaraming paraan, at ang koneksyon sa pagitan ng mga ito ay malinaw. Kung nais ng isang tao na matamo ang pag-iwas sa kasamaan, kailangan muna siyang magkaroon ng tunay na takot sa Diyos; kung nais ng sinuman na magkaroon ng tunay na takot sa Diyos, kailangan muna siyang magtamo ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos; kung nais ng sinuman na magtamo ng kaalaman tungkol sa Diyos, kailangan muna niyang maranasan ang mga salita ng Diyos, pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, maranasan ang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos, ang Kanyang pagkastigo at paghatol; kung nais ng sinuman na maranasan ang mga salita ng Diyos, kailangan muna niyang makaharap ang mga salita ng Diyos, makaharap ang Diyos, at humiling sa Diyos na magbigay ng mga pagkakataong maranasan ang mga salita ng Diyos sa anyo ng lahat ng uri ng sitwasyong sangkot ang mga tao, kaganapan, at bagay; kung nais ng sinuman na makaharap ang Diyos at ang mga salita ng Diyos, kailangan muna siyang magtaglay ng simple at matapat na puso, kahandaang tanggapin ang katotohanan, determinasyong tiisin ang pagdurusa, matibay na determinasyon at tapang na iwasan ang kasamaan, at ang hangaring maging isang tunay na nilalang…. Sa ganitong paraan, sa hakbang-hakbang na pagsulong, lalo kang mapapalapit sa Diyos, lalong magiging dalisay ang puso mo, at lalo pang magiging makabuluhan at mas maningning ang iyong buhay at ang kahalagahan ng pagiging buhay, sa iyong pagkakilala sa Diyos. Hanggang, isang araw, madarama mo na hindi na isang palaisipan ang Lumikha, na hindi kailanman nakatago ang Lumikha mula sa iyo, na hindi kailanman nagkubli ng Kanyang mukha ang Lumikha mula sa iyo, na hindi pala malayo ang Lumikha sa iyo, na hindi na ang Lumikha ang lagi mong pinananabikan sa iyong mga iniisip kundi hindi mo Siya maabot sa iyong damdamin, na talaga at totoong nakabantay Siya sa iyong kaliwa at kanan, tinutustusan ang iyong buhay, at kinokontrol ang iyong tadhana. Wala siya sa malayong abot-tanaw, ni hindi Niya itinago ang Sarili Niya sa mga ulap sa itaas. Siya ay nasa tabi mo mismo, namumuno sa lahat ng bagay tungkol sa iyo, Siya ang lahat ng mayroon ka, at Siya ang tanging mayroon ka. Ang gayong Diyos ay tinutulutan kang magmahal sa Kanya mula sa puso, kumapit sa Kanya, mapalapit sa Kanya, humanga sa Kanya, matakot na mawala Siya, at aayawan mong talikuran pa Siya, maghimagsik pa laban sa Kanya, o iwasan pa Siya o palayuin. Ang tanging gusto mo ay pagmalasakitan Siya, magpasakop sa Kanya, bayaran ang lahat ng ibinibigay Niya sa iyo, at magpasailalim sa Kanyang kapangyarihan. Hindi ka na tumatangging magabayan, matustusan, mabantayan, at maingatan Niya, hindi ka na tumatanggi sa Kanyang idinidikta at isinasaayos para sa iyo. Ang tanging nais mo ay sundan Siya, ang makasama Niya; ang tanging nais mo ay tanggapin Siya bilang iyong kaisa-isang buhay, tanggapin Siya bilang iyong kaisa-isang Panginoon, iyong kaisa-isang Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita
Ang “magkaroon ng takot sa Diyos” ay hindi nangangahulugan ng di-maipaliwanag na sindak at takot, ni hindi ng paglayo, ni hindi ng pagpapalayo, ni hindi rin ito pag-iidolo o pamahiin. Sa halip, ito ay paghanga, paggalang, pagtitiwala, pag-unawa, pagmamalasakit, pagpapasakop, pagtatalaga, pagmamahal, at walang-kundisyon at walang-reklamong pagsamba, pagbabayad-utang, at pagpapasailalim. Kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi magkakaroon ng tunay na paghanga, tunay na pagtitiwala, tunay na pag-unawa, tunay na pagmamalasakit o pagpapasakop ang sangkatauhan, kundi ng takot lamang at pagkabalisa, pagdududa, di-pagkakaunawaan, paglayo, at pag-iwas; kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi posible na masundan ng sangkatauhan ang daan ng Diyos; kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi magkakaroon ng tunay na pagsamba at pagpapasailalim ang sangkatauhan, kundi ng bulag na pag-iidolo at pamahiin lamang; kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi posibleng makasunod ang sangkatauhan alinsunod sa daan ng Diyos, o magkakaroon ng takot sa Diyos, o iiwas sa kasamaan. Bagkus, bawat aktibidad at pag-uugali ng tao ay mapupuno ng paghihimagsik at pagsuway, ng mapanirang mga pahiwatig at mapanirang-puring mga paghusga tungkol sa Kanya, at ng masamang asal na taliwas sa katotohanan at sa tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos.
Kapag nagkaroon na ng tunay na pagtitiwala sa Diyos ang sangkatauhan, magiging tunay na ang kanilang pagsunod sa Kanya at pag-asa sa Kanya; sa tunay na pagtitiwala at pag-asa sa Diyos lamang maaaring magkaroon ng tunay na pagkaunawa at pagkaintindi ang sangkatauhan; kasama ng tunay na pagkaintindi sa Diyos ang tunay na pagmamalasakit sa Kanya; sa tunay na pagmamalasakit lamang sa Diyos maaaring tunay na magpasakop ang sangkatauhan; sa tunay na pagpapasakop lamang sa Diyos magkakaroon ng tunay na pagtatalaga ang sangkatauhan; sa tunay na pagtatalaga lamang sa Diyos maaaring magbayad-utang ang sangkatauhan nang walang kundisyon at walang reklamo; sa tunay na pagtitiwala at pag-asa, tunay na pag-unawa at pagmamalasakit, tunay na pagpapasakop, tunay na pagtatalaga at pagbabayad-utang lamang tunay na malalaman ng sangkatauhan ang disposisyon at diwa ng Diyos, at malalaman ang identidad ng Lumikha; kapag tunay na nilang nakilala ang Lumikha, saka lamang magigising sa kalooban ng sangkatauhan ang tunay na pagsamba at pagpapasailalim; kapag may tunay na silang pagsamba at pagpapasailalim sa Lumikha, saka lamang magagawang isantabi ng sangkatauhan ang kanilang masasamang gawi, ibig sabihin, maiwasan ang kasamaan.
Ito ang buong proseso ng “pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan,” at ito rin ang buong nilalaman ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ito ang daan na kailangang bagtasin upang magkaroon ng takot sa Diyos at makaiwas sa kasamaan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita
Una sa lahat, alam natin na ang disposisyon ng Diyos ay pagiging maharlika at poot; hindi Siya isang tupa na kakatayin ninuman, lalong hindi Siya isang tau-tauhang kokontrolin ng mga tao kahit paano nila gusto. Hindi rin Siya isang hungkag na uutus-utusan. Kung talagang naniniwala ka na mayroong Diyos, dapat ay mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, at dapat mong malaman na ang Kanyang diwa ay hindi maaaring galitin. Ang galit na ito ay maaaring idulot ng isang salita, o marahil ay ng isang ideya, o marahil ay ng isang uri ng nakasusuklam na ugali, o marahil ay kahit ng isang uri ng banayad na ugali, o ugaling uubra sa mga mata at moralidad ng mga tao; o, marahil ay inudyok ito ng isang doktrina o isang teorya. Gayunman, kapag napagalit mo na ang Diyos, nawawala ang iyong pagkakataon, at dumating na ang katapusan ng mga araw mo. Grabeng bagay ito! Kung hindi mo maunawaan na hindi dapat magkasala sa Diyos, hindi ka siguro takot sa Kanya, at marahil ay palagi kang nagkakasala sa Kanya. Kung hindi mo alam kung paano matakot sa Diyos, hindi ka natatakot sa Diyos, at hindi mo malalaman kung paano tumahak sa landas ng pagsunod sa daan ng Diyos—na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Kapag nagkaroon ka na ng kamalayan, at alam mo na hindi dapat magkasala sa Diyos, malalaman mo kung ano ang gagawin para magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Ang Diyos ay isang buhay na Diyos, at tulad ng mga tao na magkakaiba ang kilos sa iba’t ibang sitwasyon, nag-iiba ang Kanyang saloobin ukol sa mga pag-uugaling ito dahil hindi Siya isang tau-tauhan ni hindi Siya hungkag. Ang pag-alam sa saloobin ng Diyos ay isang makabuluhang hangarin para sa sangkatauhan. Dapat malaman ng mga tao, sa pamamagitan ng pag-alam sa saloobin ng Diyos, kung paano sila unti-unting magtatamo ng kaalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos at mauunawaan ang Kanyang puso. Kapag unti-unti mong naunawaan ang puso ng Diyos, hindi mo madarama na mahirap magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Bukod pa riyan, kapag nauunawaan mo ang Diyos, malamang na hindi mo Siya limitahan. Kapag tumigil ka na sa paglilimita sa Diyos, mas malamang na hindi ka magkasala sa Kanya, at hindi mo mamamalayan, gagabayan ka ng Diyos na magtamo ng kaalaman tungkol sa Kanya; pupuspusin nito ang puso mo ng pagkatakot sa Kanya. Sa gayon ay titigil ka sa pagtukoy sa Diyos sa pamamagitan ng mga salita at doktrina at mga teoryang saulado mo na. Sa halip, sa pamamagitan ng palaging paghahanap sa mga pagnanais ng Diyos sa lahat ng bagay, hindi mo mamamalayan na nagiging isa kang tao na naaayon sa mga layunin ng Diyos.
Ang gawain ng Diyos ay hindi nakikita at hindi nagagalaw ng sangkatauhan, ngunit para sa Diyos, ang mga kilos ng bawat isang tao—pati na ang kanilang saloobin sa Kanya—ay hindi lamang nahihiwatigan ng Diyos, kundi nakikita rin Niya. Ito ay isang bagay na dapat tanggapin at malinawan ng lahat. Maaaring lagi mong itinatanong sa iyong sarili, “Alam ba ng Diyos kung ano ang ginagawa ko rito? Alam ba Niya kung ano ang iniisip ko ngayon mismo? Siguro ay alam Niya, at siguro ay hindi Niya alam.” Kung nag-aangkin ka ng ganitong uri ng pananaw, sumusunod at naniniwala sa Diyos subalit nagdududa sa Kanyang gawain at sa Kanyang pag-iral, sa malao’t madali ay darating ang araw na magagalit Siya sa iyo, sapagkat nakabingit ka na sa isang mapanganib na bangin. May nakita na Akong mga tao na naniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi pa rin nila natatamo ang katotohanang realidad, ni hindi pa rin nila naunawaan ang mga layunin ng Diyos. Hindi umuunlad ang mga taong ito sa kanilang mga buhay at tayog, na sumusunod lamang sa pinakamabababaw na doktrina. Ito ay dahil hindi kailanman sineryoso ng mga taong ito ang salita ng Diyos bilang buhay nila mismo, at hindi pa nila kailanman nakaharap at natanggap ang Kanyang pag-iral. Sa palagay mo ba napupuspos ng kasiyahan ang Diyos kapag nakikita Niya ang gayong mga tao? Inaaliw ba nila Siya? Kung gayon, ang paraan ng paniniwala ng mga tao sa Diyos ang nagpapasya sa kanilang kapalaran. Tungkol sa kung paano hinahanap at nilalapitan ng mga tao ang Diyos, pangunahin ang kahalagahan ng saloobin ng mga tao. Huwag magpabaya sa Diyos na parang wala Siyang halaga sa likod ng iyong isipan; laging isipin ang Diyos na iyong pinaniniwalaan bilang isang buhay na Diyos, isang tunay na Diyos. Hindi Siya uupu-upo lamang doon sa ikatlong langit nang walang ginagawa. Sa halip, patuloy Siyang nakatingin sa puso ng lahat, inoobserbahan kung ano ang binabalak mo, pinanonood ang bawat maliit na salita at gawa mo, pinanonood kung paano ka kumilos at tinitingnan kung ano ang saloobin mo sa Kanya. Kung handa ka bang ibigay ang iyong sarili sa Diyos o hindi, lahat ng pag-uugali mo at kaibuturan ng iyong mga iniisip at ideya ay nalalantad sa Kanyang harapan at tinitingnan Niya. Dahil sa iyong pag-uugali, dahil sa iyong mga gawa, at dahil sa iyong saloobin sa Kanya, palaging nagbabago ang opinyon ng Diyos tungkol sa iyo at ang Kanyang saloobin sa iyo. Gusto Kong mag-alok ng kaunting payo sa ilang tao: Huwag ninyong ilagay ang inyong sarili na parang mga sanggol sa mga kamay ng Diyos, na parang dapat Siyang mahaling sa iyo, na parang hindi ka Niya kailanman maaaring iwanan, at na parang pirmihan ang Kanyang saloobin sa iyo at hindi na magbabago kailanman, at ipinapayo Ko sa iyo na tigilan na ang pangangarap! Ang Diyos ay matuwid sa pagtrato Niya sa bawat isang tao, at marubdob Niyang hinaharap ang gawain ng paglupig at pagliligtas sa mga tao. Ito ang Kanyang pamamahala. Tinatrato Niya nang seryoso ang bawat isang tao, at hindi kagaya ng isang alagang hayop na paglalaruan. Ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao ay hindi ang klaseng nagpapalayaw o nagpapamihasa, ni hindi mapagbigay o pabaya ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan. Bagkus, ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan ay may kasamang pagtatangi, pagkaawa, at paggalang sa buhay; inihahatid ng Kanyang awa at pagpaparaya ang Kanyang mga inaasahan sa kanila, at ang siyang kailangan ng sangkatauhan upang patuloy na mabuhay. Ang Diyos ay buhay, at ang Diyos ay talagang umiiral; ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan ay may prinsipyo, hindi man lamang sangkaterbang dogmatikong mga panuntunan, at maaari itong magbago. Ang Kanyang mga layunin para sa sangkatauhan ay unti-unting nagbabago at nag-iiba sa paglipas ng panahon, depende sa mga pangyayaring nagaganap, at pati na sa saloobin ng bawat isang tao. Samakatuwid, dapat mong malaman sa puso mo nang may tiyak na kalinawan na hindi nagbabago ang diwa ng Diyos, at na lalabas ang Kanyang disposisyon sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang konteksto. Maaaring hindi mo iniisip na seryoso ang bagay na ito, at maaaring ginagamit mo ang sarili mong mga kuru-kuro upang wariin kung paano dapat gawin ng Diyos ang mga bagay-bagay. Gayunman, may mga pagkakataon na totoo ang ganap na kabaligtaran ng iyong pananaw, at sa paggamit ng sarili mong personal na mga kuru-kuro para tangkaing sukatin ang Diyos, napagalit mo na Siya. Ito ay dahil hindi kumikilos ang Diyos sa paraang iniisip mo na ginagawa Niya, ni hindi Niya ituturing ang bagay na ito na kagaya ng sinasabi mong gagawin Niya. Sa gayon, ipinapaalala Ko sa iyo na mag-ingat at maging mahinahon sa pagturing mo sa lahat ng bagay na nasa paligid mo, at pag-aralan kung paano magsagawa nang ayon sa prinsipyo ng pagsunod sa daan ng Diyos—na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan sa lahat ng bagay. Kailangan mong magkaroon ng isang tumpak na pagkaunawa hinggil sa mga bagay tungkol sa mga layunin at saloobin ng Diyos, kailangan mong humanap ng mga taong nabigyang-liwanag na magpapaalam ng mga bagay na ito sa iyo, at kailangan mong maghanap nang seryoso. Huwag mong ituring ang Diyos na pinaniniwalaan mo na isang tau-tauhan—na hinuhusgahan Siya kung paano mo gusto, nagbubuo ng di-makatwirang mga konklusyon tungkol sa Kanya, at hinaharap Siya nang may saloobin na walang paggalang. Samantalang inililigtas ka ng Diyos at ipinapasya ang iyong kahihinatnan, maaari ka Niyang pagkalooban ng awa, o pagpaparaya, o paghatol at pagkastigo, ngunit ano’t anuman, ang Kanyang saloobin sa iyo ay hindi pirmihan. Depende ito sa iyong sariling saloobin sa Kanya, gayundin sa iyong pagkaunawa sa Kanya. Huwag mong tulutan ang isang lumilipas na aspeto ng iyong kaalaman o pagkaunawa sa Diyos na ilarawan Siya nang panghabambuhay. Huwag maniwala sa isang patay na Diyos; maniwala sa Isang nabubuhay. Tandaan mo ito!
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Hinihimok Ko kayong magkaroon ng mas mahusay na pag-unawa sa nilalaman ng mga atas administratibo, at magsikap alamin ang disposisyon ng Diyos. Kung hindi, mahihirapan kayong panatilihing tikom ang mga labi ninyo, masyado kayong malayang dadaldal nang may magarbong pananalita, at hindi sinasadyang malalabag ninyo ang disposisyon ng Diyos at masasadlak sa kadiliman, na mawawalan ng presensiya ng Banal na Espiritu at ng liwanag. Sapagkat wala kayong prinsipyo sa mga kilos ninyo, sapagkat ginagawa at sinasabi mo ang hindi dapat, tatanggap ka ng naaangkop na ganti. Dapat mong malamang kahit wala kang prinsipyo sa salita at gawa, lubhang maprinsipyo ang Diyos sa dalawang ito. Pagkakasala sa Diyos, hindi sa isang tao, ang dahilan ng pagkakatanggap mo ng ganti. Kung sa buhay mo ay marami kang nagawang paglabag sa disposisyon ng Diyos, nakatakda kang maging anak ng impiyerno. Para sa tao, maaaring mukhang gumawa ka lamang ng iilang gawang salungat sa katotohanan, at wala nang iba. Gayunpaman, alam mo ba na sa mga mata ng Diyos ay isa ka nang taong wala nang nauukol na handog para sa kasalanan? Sapagkat nilabag mo ang mga atas administratibo ng Diyos nang higit sa isang beses at, bukod dito, ay walang ipinakitang tanda ng pagsisisi, wala nang ibang pagpipilian kundi masadlak ka sa impiyerno, kung saan pinarurusahan ng Diyos ang tao. May maliit na bilang ng mga tao ang gumawa ng ilang gawang lumabag sa mga prinsipyo habang sumusunod sa Diyos, ngunit matapos silang mapungusan at mabigyan ng gabay, unti-unti nilang natuklasan ang sarili nilang katiwalian, at matapos nito ay pumasok sa tamang landas ng realidad, at nananatili silang may matatag na saligan hanggang ngayon. Ang ganitong mga tao ang mga mananatili hanggang sa huli. Gayunpaman, ang mga tapat ang hinahanap Ko; kung isa kang tapat na tao at isang taong kumikilos ayon sa prinsipyo, maaari kang maging pinagkakatiwalaan ng Diyos. Kung sa mga ikinikilos mo ay hindi mo nalalabag ang disposisyon ng Diyos, at hinahanap mo ang mga layunin ng Diyos, at mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayo’y abot sa pamantayan ang pananampalataya mo. Sinumang hindi natatakot sa Diyos at walang pusong nanginginig sa kilabot ay malamang na lalabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Maraming naglilingkod sa Diyos sa lakas ng silakbo ng damdamin nila ngunit walang pagkaunawa sa mga atas administratibo ng Diyos, at lalong walang anumang ideya tungkol sa mga kahihinatnan ng mga salita Niya. Kaya naman, sa kanilang mabubuting layunin, madalas silang nakagagawa ng mga bagay na gumugulo sa pamamahala ng Diyos. Sa mga malalang kaso, pinalalayas sila, pinagkakaitan ng anumang karagdagang pagkakataong sumunod sa Kanya, at itinatapon sa impiyerno, at ang lahat ng ugnayan sa sambahayan ng Diyos ay tapos na. Gumagawa ang mga taong ito sa sambahayan ng Diyos sa lakas ng kanilang mangmang na mabubuting layunin, at nagtatapos sa pagpapagalit sa disposisyon ng Diyos. Dinadala ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ang mga paraan nila ng paglilingkod sa mga opisyal at mga panginoon at sinusubukang gamitin ang mga ito, iniisip nang may kahambugan na madaling magagamit ang mga ito dito. Hindi nila kailanman naipagpalagay na walang disposisyon ng tupa ang Diyos, kundi ng isang leon. Samakatuwid, ang mga nakikipag-ugnayan sa Diyos sa unang pagkakataon ay walang kakayahang makipag-usap sa Kanya, sapagkat hindi tulad ng sa tao ang puso ng Diyos. Pagkatapos mo lamang maunawaan ang maraming katotohanan saka mo patuloy na makikilala ang Diyos. Hindi binubuo ng mga salita at doktrina ang kaalamang ito ngunit magagamit bilang kayamanan na sa pamamagitan nito ay makapapasok ka sa malapit na pagtitiwala ng Diyos, at bilang katibayang nalulugod Siya sa iyo. Kung kulang ka sa realidad ng kaalaman at hindi nasasangkapan ng katotohanan, ang maalab mong paglilingkod ay magdadala lamang sa iyo ng pagkamuhi at pagkapoot ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala
Kung hindi mo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, kung gayon ay magiging imposible para sa iyo na isagawa ang gawain na dapat mong gawin para sa Kanya. Kung hindi mo alam ang diwa ng Diyos, kung gayon ay magiging imposible para sa iyo na magkaroon ng takot at pangamba sa Kanya; sa halip, magkakaroon lamang ng walang-ingat na pagwawalang-bahala at kasinungalingan, at idagdag pa rito ang hindi na maiwawastong kalapastanganan. Bagamat talagang mahalaga ang pag-intindi sa disposisyon ng Diyos, at ang pag-alam sa diwa ng Diyos ay hindi maaaring makaligtaan, walang sinuman kailanman ang lubusang nagsiyasat o nagsaliksik sa mga usaping ito. Malinaw na makikita na iwinaksi na ninyong lahat ang mga atas administratibong inilabas Ko. Kung hindi ninyo naiintindihan ang disposisyon ng Diyos, kung gayon ay malamang na malalabag ninyo ang disposisyon Niya. Ang paglabag sa disposisyon Niya ay katumbas ng pagpukaw sa galit ng Diyos Mismo, at sa ganitong pagkakataon, ang pangwakas na bunga ng mga ikinilos mo ay ang paglabag sa mga atas administratibo. Ngayon dapat mong mapagtanto na kapag nababatid mo ang diwa ng Diyos ay maiintindihan mo rin ang Kanyang disposisyon—at kapag naiintindihan mo ang Kanyang disposisyon, maiintindihan mo rin ang mga atas administratibo. Hindi na kailangan pang sabihin na karamihan sa napapaloob sa mga atas administratibo ay sumasaklaw sa disposisyon ng Diyos, ngunit hindi lahat ng disposisyon Niya ay ipinahayag sa mga atas administratibo; kaya, dapat ninyong pagbutihin pa ang pagpapaunlad ng pagkaunawa ninyo sa disposisyon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos
Ang bawat pangungusap na sinabi Ko ay naglalaman sa loob nito ng disposisyon ng Diyos. Makabubuti para sa inyo na pagbulayan ang mga salita Ko nang maigi, at tiyak na makikinabang kayo nang malaki mula sa mga ito. Napakahirap maunawaan ang diwa ng Diyos, ngunit nagtitiwala Akong kayong lahat ay may ilang ideya man lamang tungkol sa disposisyon ng Diyos. Umaasa Ako, kung gayon, na mas marami kayong ipakikita sa Akin na mga bagay na nagawa ninyo na hindi lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Saka Ako mapapanatag. Halimbawa, panatilihin ang Diyos sa puso mo sa lahat ng oras. Kapag kumilos ka, gawin ito ayon sa mga salita Niya. Hanapin ang mga layunin Niya sa lahat ng bagay, at magpigil sa paggawa ng hindi gumagalang at nagpapahiya sa Diyos. Lalong hindi mo dapat ilagay ang Diyos sa likod ng isip mo upang punan ang panghinaharap na kahungkagan sa puso mo. Kung gagawin mo ito, malalabag mo ang disposisyon ng Diyos. Muli, ipinapalagay na hindi ka kailanman gumawa ng lapastangang mga pahayag o mga reklamo laban sa Diyos sa buong buhay mo, at muli, ipinapalagay na nagagawa mong gampanan nang wasto ang lahat ng ipinagkatiwala Niya sa iyo at nagpapasakop din sa lahat ng mga salita Niya sa buong buhay mo, kung gayon ay naiwasan mong lumabag laban sa mga atas administratibo. Halimbawa, kung nasabi mong, “Bakit ko iniisip na hindi Siya ang Diyos?” “Sa tingin ko ang mga salitang ito ay wala nang iba pa kundi ilang kaliwanagan ng Banal na Espiritu,” “Sa palagay ko, hindi lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinakailangang tama,” “Hindi higit ng sa akin ang katauhan ng Diyos,” “Ang mga salita ng Diyos ay talagang hindi kapani-paniwala,” o iba pang mga mapanghusgang pahayag, kung gayon ay hinihimok Kong mangumpisal at magsisi ka sa iyong mga kasalanan nang mas madalas. Kung hindi, hindi ka kailanman magkakaroon ng pagkakataong mapatawad, dahil hindi ka nagkakasala sa tao, kundi sa Diyos Mismo. Maaaring naniniwala kang ang hinuhusgahan mo ay isang tao, ngunit hindi ito itinuturing ng Espiritu ng Diyos sa ganiyang paraan. Ang kawalang-galang mo sa katawang-tao Niya ay katumbas ng kawalang-galang sa Kanya. Alinsunod dito, hindi ka ba lumabag sa disposisyon ng Diyos? Dapat mong tandaang ang lahat ng ginawa ng Espiritu ng Diyos ay ginagawa upang ingatan ang gawain Niya sa katawang-tao at upang ang gawaing ito ay magawa nang mahusay. Kung makakaligtaan mo ito, kung gayon ay sinasabi Ko sa iyong isa kang taong hindi kailanman magtagumpay sa paniniwala sa Diyos. Dahil pinukaw mo ang poot ng Diyos, at kaya gagamit Siya ng nababagay na kaparusahan upang turuan ka ng aral.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos
Bagamat may elemento ng pagmamahal ang diwa ng Diyos, at maawain Siya sa bawat isang tao, nakaligtaan at nalimutan ng mga tao ang katotohanan na may dignidad din ang Kanyang diwa. Hindi komo may pagmamahal Siya ay maaari na Siyang salungatin nang buong laya ng mga tao, nang walang pinupukaw na damdamin o reaksyon sa Kanya, ni hindi nangangahulugan na komo may awa Siya ay wala na Siyang mga prinsipyo sa pagtrato Niya sa mga tao. Ang Diyos ay buhay; Siya ay tunay na umiiral. Hindi Siya isang kathang-isip na tau-tauhan ni anupamang ibang bagay. Dahil Siya ay umiiral, dapat tayong makinig na mabuti sa tinig ng Kanyang puso sa lahat ng oras, pansining mabuti ang Kanyang saloobin, at unawain ang Kanyang damdamin. Hindi natin dapat gamitin ang mga imahinasyon ng tao para tukuyin ang Diyos, ni hindi natin dapat igiit ang mga iniisip o ninanais ng tao sa Kanya, na nagiging sanhi upang tratuhin ng Diyos ang mga tao sa paraan ng tao batay sa mga imahinasyon ng tao. Kung gagawin mo ito, ginagalit mo ang Diyos, sinusubok ang Kanyang poot, at hinahamon ang Kanyang dignidad! Sa gayon, kapag naunawaan na ninyo ang katindihan ng bagay na ito, hinihimok Ko ang bawat isa sa inyo na maging maingat at mahinahon sa inyong mga kilos. Maging maingat at mahinahon din sa inyong pananalita—patungkol sa pagtrato ninyo sa Diyos, mas maingat at mahinahon kayo, mas mabuti! Kapag hindi mo nauunawaan kung ano ang saloobin ng Diyos, iwasang magsalita nang walang-ingat, huwag magpadalus-dalos sa iyong mga kilos, at huwag basta-basta magbansag. Ang mas mahalaga pa, huwag magsalita nang patapos na walang batayan. Sa halip, dapat kang maghintay at maghanap; ang mga kilos na ito ay pagpapahayag din ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Higit sa lahat, kung magagawa mo ito, at higit sa lahat, kung angkin mo ang saloobing ito, hindi ka sisisihin ng Diyos sa iyong kahangalan, kamangmangan, at kawalan ng pang-unawa sa mga dahilan sa likod ng mga bagay-bagay. Sa halip, dahil sa iyong saloobing takot na magkasala sa Diyos, paggalang sa Kanyang mga layunin, at kahandaang magpasakop sa Kanya, aalalahanin ka ng Diyos, gagabayan at liliwanagan ka, o magpaparaya Siya sa iyong kakulangan sa gulang at kamangmangan. Sa kabilang dako, kapag nawalan ka ng pitagan sa Kanya—na hinuhusgahan Siya ayon sa gusto mo o hinuhulaan at tinutukoy mo nang di-makatwiran ang Kanyang mga ideya—isusumpa ka ng Diyos, didisiplinahin ka, at parurusahan ka pa; o, maaari Siyang magkomento sa iyo. Marahil ay kasama ang iyong kahihinatnan sa komentong ito. Samakatuwid, nais Kong minsan pang bigyang-diin: Dapat maging maingat at mahinahon ang bawat isa sa inyo tungkol sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang walang ingat, at huwag magpadalus-dalos sa inyong mga kilos. Bago ka magsalita ng anuman, dapat kang tumigil at mag-isip: Magagalit ba ang Diyos sa kilos kong ito? Sa paggawa nito, natatakot ba ako sa Diyos? Kahit sa mga simpleng bagay, dapat mo pa ring subuking unawain ang mga tanong na ito, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iisip tungkol sa mga ito. Kung talagang makapagsasagawa ka ayon sa mga prinsipyong ito sa lahat ng aspeto, sa lahat ng bagay, sa lahat ng oras, at magkaroon ka ng gayong saloobin lalo na kapag mayroon kang hindi nauunawaan, lagi kang gagabayan ng Diyos at bibigyan ka ng isang landas na susundan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Sa bawat kapanahunan ng gawain ng Diyos, nagkakaloob Siya ng ilang salita sa mga tao at nagsasabi sa kanila ng ilang katotohanan. Ang mga katotohanang ito ay nagsisilbing daan na dapat sundan ng mga tao, ang daan na dapat nilang sundan, ang daan na nagbibigay-kakayahan sa kanila na magkaroon ng takot sa Diyos at makaiwas sa kasamaan, at ang daan na dapat isagawa at sundan ng mga tao sa kanilang buhay at sa buong paglalakbay nila sa buhay. Ito ang mga dahilan kaya ipinapahayag ng Diyos ang mga pagbigkas na ito sa sangkatauhan. Ang mga salitang ito na nagmumula sa Diyos ay dapat sundin ng mga tao, at ang pagsunod sa mga ito ay pagtanggap ng buhay. Kung hindi susundin ng isang tao ang mga ito, hindi isasagawa ang mga ito, at hindi isasabuhay ang mga salita ng Diyos, hindi isinasagawa ng taong ito ang katotohanan. Bukod pa riyan, kung hindi isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, hindi sila natatakot sa Diyos at hindi nila iniiwasan ang kasamaan, ni hindi rin nila mapapalugod ang Diyos. Ang mga taong hindi kayang palugurin ang Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang papuri, at walang kahihinatnan ang gayong mga tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Ang pagsunod sa daan ng Diyos ay hindi tungkol sa pagsunod sa mabababaw na regulasyon; sa halip, nangangahulugan ito na kapag nahaharap ka sa isang problema, ituring mo muna ito una sa lahat bilang isang sitwasyon na naisaayos ng Diyos, isang responsibilidad na naipagkaloob Niya sa iyo, o isang gawaing naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag nahaharap sa problemang ito, dapat mo ngang ituring ito bilang isang pagsubok ng Diyos sa iyo. Kapag nahaharap ka sa problemang ito, kailangan ay mayroon kang pamantayan sa puso mo, kailangan mong isipin na ang bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Kailangan mong pag-isipan kung paano mo haharapin ito sa isang paraan na matutupad mo ang iyong responsibilidad habang nananatili kang tapat sa Diyos, gayundin kung paano ito gawin nang hindi Siya ginagalit o hindi ka nagkakasala sa Kanyang disposisyon. … Ito ay dahil para sumunod sa daan ng Diyos, hindi natin maaaring hayaan ang anumang nangyayari sa atin o sa paligid natin, kahit ang maliliit na bagay; iniisip man natin na dapat itong bigyang-pansin o hindi, basta’t may anumang bagay tayong nakakaharap, hindi natin ito dapat hayaan. Lahat ng bagay na nangyayari ay dapat ituring na mga pagsubok na bigay sa atin ng Diyos. Ano sa palagay mo ang ganitong paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay? Kung mayroon kang ganitong klaseng saloobin, nagpapatibay ito sa isang katunayan: Sa iyong kalooban, may takot ka sa Diyos at handa kang umiwas sa kasamaan. Kung may hangarin kang palugurin ang Diyos, hindi malayong matugunan ng isinasagawa mo ang pamantayan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.
Madalas ay may mga taong naniniwala na ang mga bagay na hindi gaanong pinapansin ng mga tao at hindi karaniwang binabanggit ay maliliit na bagay lamang na walang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Kapag naharap sa ganito lamang na isyu, hindi ito gaanong pinag-iisipan ng mga taong ito, at hinahayaan lamang nila ito. Sa katunayan, kapag naranasan mo ang isyung ito, ito mismo ang panahon na dapat mong matutunan ang aral ng kung paano magkaroon ng takot sa Diyos at paano iwasan ang kasamaan, at lalong dapat mong malaman kung ano ang ginagawa ng Diyos kapag naranasan mo ito. Nasa tabi mo ang Diyos, inoobserbahan ang bawat salita at kilos mo, at minamatyagan ang lahat ng ginagawa mo at ang mga pagbabagong nagaganap sa iyong isipan—ito ay gawain ng Diyos. Nagtatanong ang ilang tao, “Kung totoo iyan, bakit hindi ko iyon naramdaman?” Hindi mo iyon naramdaman dahil hindi ka sumunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan bilang pangunahin mong daan; kaya hindi mo maramdaman ang banayad na gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, na nagpapamalas mismo ayon sa iba-ibang saloobin at kilos ng mga tao. Isa kang hangal! Ano ang malaking bagay? Ano ang maliit na bagay? Ang mga bagay na nauugnay sa pagsunod sa daan ng Diyos ay hindi nahahati sa pagitan ng malalaki o maliliit na bagay, lahat ng ito ay malalaking bagay—mauunawaan ba ninyo iyon? (Mauunawaan namin iyon.) Pagdating sa pang-araw-araw na mga bagay, may ilan na itinuturing ng mga tao na napakalaki at makabuluhan, at ang iba pa na itinuturing nilang maliliit na bagay. Madalas ituring ng mga tao ang malalaking bagay na ito na napakahalaga, at itinuturing nila ang mga ito na nagmula sa Diyos. Gayunman, habang lumalabas ang malalaking bagay na ito, dahil sa kamusmusan ng isip ng tao at dahil sa kanilang mahinang kakayahan, madalas ay malayo ang mga tao sa mga layunin ng Diyos, hindi sila makatanggap ng anumang mga paghahayag, at hindi sila makakuha ng anumang aktuwal na kaalaman na may halaga. Pagdating sa maliliit na bagay, hindi talaga napapansin ng mga tao ang mga ito at hinahayaan lamang na unti-unting mawala. Sa gayon, nawala sa mga tao ang maraming pagkakataong masuri sa harap ng Diyos at masubok Niya. Kung lagi mong kinaliligtaan ang mga tao, pangyayari, at bagay, at mga sitwasyong naisaayos ng Diyos para sa iyo, ano ang ibig sabihin niyan? Ang ibig sabihin niyan ay na bawat araw, at kahit bawat sandali, palagi mong tinatalikuran ang pagpeperpekto ng Diyos sa iyo, pati na ang Kanyang pamumuno. Tuwing nagsasaayos ang Diyos ng isang sitwasyon para sa iyo, lihim Siyang nakamasid, nakatingin sa iyong puso, inoobserbahan Niya ang iyong mga iniisip at pagwawari, minamasdan kung paano ka mag-isip, at hinihintay na makita kung paano ka kikilos. Kung isa kang pabayang tao—isang taong hindi kailanman naging seryoso tungkol sa daan ng Diyos, sa Kanyang mga salita, o sa katotohanan—hindi ka magiging maingat o hindi mo papansinin ang nais ng Diyos na tapusin o ang mga kinakailangang inasahan Niyang tugunan mo kapag nagsaayos Siya ng isang sitwasyon para sa iyo. Hindi mo rin malalaman kung paano nauugnay ang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay na nakakatagpo mo sa katotohanan o sa mga layunin ng Diyos. Pagkatapos mong harapin ang paulit-ulit na mga sitwasyon at pagsubok na tulad nito, nang walang nakikita ang Diyos na anumang resulta sa iyo, paano Siya magpapatuloy? Pagkatapos ng paulit-ulit na pagharap sa mga pagsubok, hindi mo dinakila ang Diyos sa puso mo, ni sineryoso ang mga sitwasyon na isinaayos ng Diyos para sa iyo, ni itinuring ang mga ito bilang mga pagsubok o tukso mula sa Diyos. Sa halip, sunud-sunod mo nang tinanggihan ang mga pagkakataong ibinigay ng Diyos sa iyo, at hinayaang makalampas ang mga ito nang paulit-ulit. Hindi ba sukdulang pagrerebelde ang ipinapakitang ito ng mga tao? (Oo.) Masasaktan ba ang Diyos dahil dito? (Oo.) Mali, hindi masasaktan ang Diyos! Minsan pa kayong nagulat na marinig Akong sabihin ang gayong bagay. Iniisip siguro ninyo: “Hindi ba sinabi kanina na palaging nasasaktan ang Diyos? Kung gayon ba ay hindi nasasaktan ang Diyos? Kung gayon, kailan nasasaktan ang Diyos?” Sa madaling salita, hindi masasaktan ang Diyos sa sitwasyong ito. Kaya, ano, kung gayon, ang saloobin ng Diyos sa uri ng pag-uugaling nakabalangkas sa itaas? Kapag tinatanggihan ng mga tao ang mga pagsubok at pagsusuring ipinadadala sa kanila ng Diyos, at kapag iniiwasan nila ang mga ito, iisa lamang ang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao. Anong saloobin ito? Tinatanggihan ng Diyos ang ganitong klaseng tao, sa kaibuturan ng Kanyang puso. May dalawang antas ng kahulugan para sa salitang “tanggihan.” Paano Ko dapat ipaliwanag ito mula sa Aking pananaw? Sa Aking kaibuturan, ang salitang “tanggihan” ay nangangahulugan ding kasuklaman at kamuhian. Ano naman ang isa pang antas ng kahulugan nito? Iyan ang bahaging nagpapahiwatig ng pagpapasailalim sa isang bagay. Alam ninyong lahat ang kahulugan ng “pagpapasailalim,” hindi ba? Sa madaling sabi, ang “tanggihan” ay isang salitang kumakatawan sa huling reaksyon at saloobin ng Diyos sa mga taong kumikilos sa ganitong paraan; iyon ay sukdulang pagkamuhi at pagkasuklam sa kanila, at kaya nagreresulta ito sa desisyon na pabayaan sila. Ito ang panghuling desisyon ng Diyos sa isang taong hindi kailanman sinunod ang daan ng Diyos at hindi kailanman nagkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Bakit nagawa ni Job na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan? Ano ang iniisip niya sa kanyang puso? Paano niya nagawang hindi gawin ang mga masasamang bagay na ito? Mayroon siyang pusong may takot sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pusong may takot sa Diyos? Nangangahulugan ito na ang kanyang puso ay takot sa Diyos, kayang dakilain ang Diyos, at na may lugar sa kanyang puso para sa Diyos. Hindi siya takot na makikita ito ng Diyos, o na magagalit ang Diyos. Sa halip, sa kanyang puso ay dinakila niya ang Diyos, na handa niyang palugurin ang Diyos, at handa niyang panghawakan ang mga salita ng Diyos. Kaya nagawa niyang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Masasabi na ng lahat ngayon ang katagang “natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan,” ngunit hindi nila alam kung paano ito nagawa ni Job. Sa katunayan, itinuring ni Job ang “pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” bilang pinakapangunahin at mahalagang bagay sa paniniwala sa Diyos. Samakatuwid, nagawa niyang panghawakan ang mga salitang ito, na para bang pinanghahawakan niya ang isang utos. Nakinig siya sa mga salita ng Diyos dahil dinakila niya ang Diyos. Hindi man maging kapansin-pansin ang mga salita ng Diyos sa mga mata ng tao, kahit na mga ordinaryong salita lamang ang mga ito, sa puso ni Job, ang mga salitang ito ay mula sa kataas-taasang Diyos; ang mga ito ang pinakadakila, pinakamahalagang mga salita. Kahit na hinahamak ng mga tao ang mga salitang ito, hangga’t ang mga ito ay mga salita ng Diyos, dapat itong sundin ng mga tao—kahit pa sila ay kinukutya o sinisiraan dahil dito. Kahit makaranas sila ng paghihirap o sila ay inuusig, dapat nilang matatag na panghawakan ang Kanyang mga salita hanggang sa huli; hindi nila maaaring isuko ang mga ito. Ito ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos. Dapat mong matatag na panghawakan ang bawat salitang iniaatas ng Diyos sa tao. Tungkol sa mga bagay na ipinagbabawal ng Diyos, o sa mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos, ayos lang kung hindi mo alam ang tungkol sa mga ito, ngunit kung alam mo ang tungkol sa mga ito, kung gayon ay dapat na magagawa mong lubos na iwasang gawin ang mga bagay na iyon. Dapat ay kaya mong magpakatatag, kahit na iwanan ka ng iyong pamilya, kutyain ng mga walang pananampalataya, o insultuhin at pagtawanan ng mga malapit sa iyo. Bakit kailangan mong magpakatatag? Ano ang iyong panimulang punto? Ano ang iyong mga prinsipyo? Ito ay, “Dapat kong matatag na panghawakan ang mga salita ng Diyos at kumilos ayon sa Kanyang mga pagnanais. Magiging matatag ako sa paggawa ng mga bagay na gusto ng Diyos, at magiging determinado akong iwanan ang mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Kung hindi ko alam ang layunin ng Diyos, ayos lang, ngunit kung alam ko at nauunawaan ko ang Kanyang layunin, kung gayon ay magiging determinado akong makinig at magpasakop sa Kanyang mga salita. Walang makakahadlang sa akin, at hindi ako matitinag kahit pa magwakas na ang mundo.” Ito ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.
Ang paunang kondisyon para makaiwas ang mga tao sa kasamaan ay ang pagkakaroon ng pusong may takot sa Diyos. Paano nabubuo ang isang pusong may takot sa Diyos? Sa pamamagitan ng pagdakila sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pagdakila sa Diyos? Ito ay kapag alam ng isang tao na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ang kanyang puso ay may takot sa Diyos. Bilang resulta, nagagamit niya ang mga salita ng Diyos kapag sinusuri ang anumang sitwasyon, at ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang kanyang pamantayan at batayan. Ito ang ibig sabihin ng pagdakila sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagdakila sa Diyos ay ang pagkakaroon ng Diyos sa iyong puso, upang ang puso mo ay manahan sa Diyos, ang hindi kaligtaan ang iyong sarili sa mga bagay na iyong ginagawa, at ang hindi subukang gawin ang mga bagay sa iyong sarili, kundi sa halip ay hayaan ang Diyos na mamahala. Sa lahat ng bagay, iniisip mo, “Naniniwala ako sa Diyos at sumusunod ako sa Diyos. Ako ay isa lamang munting nilalang na pinili ng Diyos. Dapat kong bitiwan ang mga pananaw, rekomendasyon, at desisyon na nagmumula sa sarili kong kalooban, at hayaan ang Diyos na maging Amo ko. Ang Diyos ang aking Panginoon, ang aking bato, at ang maliwanag na ilaw na gumagabay sa aking daan sa lahat ng aking ginagawa. Dapat kong gawin ang mga bagay ayon sa Kanyang mga salita at pagnanais, hindi ang unahin ang aking sarili.” Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng Diyos sa iyong puso. Kapag gusto mong gawin ang isang bagay, huwag kang kumilos nang biglaan o padalus-dalos. Isipin mo muna kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, kung masusuklam ang Diyos sa iyong mga kilos, at kung ang iyong mga kilos ay naaayon sa Kanyang mga layunin. Sa iyong puso, tanungin mo muna ang iyong sarili, mag-isip ka, at magnilay-nilay; huwag kang padalus-dalos. Ang pagiging padalus-dalos ay pagiging mapusok, at ang maudyukan ng init ng ulo at ng kalooban ng tao. Kung ikaw ay palaging padalus-dalos at mapusok, ipinapakita nito na ang Diyos ay wala sa iyong puso. Kaya kapag sinasabi mong dinadakila mo ang Diyos, hindi ba’t walang saysay ang mga salitang ito? Nasaan ang iyong realidad? Wala kang realidad, at hindi mo kayang dakilain ang Diyos. Kumikilos ka na gaya ng panginoon ng asyenda sa lahat ng bagay, ginagawa kung ano ang maibigan mo sa bawat pagkakataon. Sa ganitong kaso, kung sasabihin mo na mayroon kang isang pusong may takot sa Diyos, hindi ba ito kahangalan? Niloloko mo ang mga tao sa mga salitang ito. Kung ang isang tao ay may pusong may takot sa Diyos, paano ito aktuwal na naipamamalas? Sa pamamagitan ng pagdakila sa Diyos. Ang konkretong pagpapakita ng pagdakila sa Diyos ay ang pagkakaroon ng Diyos ng lugar sa kanyang puso—ang pangunahing lugar. Sa kanyang puso pinahihintulutan niya ang Diyos na maging kanyang Amo at humawak ng awtoridad. Kapag may nangyayari, mayroon siyang pusong nagpapasakop sa Diyos. Hindi siya padalus-dalos, ni mapusok, at hindi siya kumikilos nang marahas; sa halip, nagagawa niyang harapin ito nang mahinahon, at payapain ang kanyang sarili sa harap ng Diyos upang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Kung ginagawa mo ang mga bagay ayon sa salita ng Diyos o ayon sa sarili mong kalooban, at kung pinahihintulutan mong masunod ang iyong sariling kalooban o ang salita ng Diyos, ay nakadepende sa kung ang Diyos ay nasa iyong puso. Sinasabi mong nasa iyong puso ang Diyos, ngunit kapag may nangyayari, nagbubulag-bulagan ka, hinahayaan mong ang sarili mo ang masunod, at isinasantabi mo ang Diyos. Ito ba ang pagpapamalas ng isang pusong may Diyos? May ilang tao na nagagawang manalangin sa Diyos kapag may nangyayari, ngunit pagkatapos manalangin, patuloy nilang pinag-iisipan ang mga bagay-bagay, at iniisip, “Sa tingin ko ito ang dapat kong gawin. Sa tingin ko iyon ang dapat kong gawin.” Palagi mong sinusunod ang iyong sariling kalooban, at hindi ka nakikinig sa sinuman kahit paano pa sila nakikipagbahaginan sa iyo. Hindi ba ito ang pagpapamalas ng kawalan ng pusong may takot sa Diyos? Dahil hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo at hindi mo isinasagawa ang katotohanan, kapag sinabi mong dinadakila mo ang Diyos, at ikaw ay may pusong may takot sa Diyos, ang mga ito ay mga salitang walang kabuluhan. Ang mga taong ang puso ay walang Diyos, at hindi kayang dakilain ang Diyos, ay mga taong walang pusong may takot sa Diyos. Ang mga taong hindi kayang hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari, at walang pusong nagpapasakop sa Diyos, ay pawang mga taong walang konsiyensiya at katwiran. Kung ang isang tao ay tunay na may konsiyensiya at katwiran, kapag may nangyari, likas nilang magagawang hanapin ang katotohanan. Dapat muna nilang isipin, “Naniniwala ako sa Diyos. Naparito ako upang hanapin ang kaligtasan ng Diyos. Dahil ako ay may tiwaling disposisyon, palagi kong itinuturing ang aking sarili bilang ang tanging awtoridad sa anumang ginagawa ko; lagi akong sumasalungat sa mga layunin ng Diyos. Dapat akong magsisi. Hindi ako maaaring magpatuloy sa paghihimagsik laban sa Diyos sa ganitong paraan. Kailangan kong matutunan kung paano maging mapagpasakop sa Diyos. Kailangan kong hanapin kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo.” Ito ang mga kaisipan at adhikain na nagmumula sa katwiran ng isang normal na pagkatao. Ito ang mga prinsipyo at saloobin kung paano mo dapat gawin ang mga bagay. Kapag taglay mo katwiran ng normal na pagkatao, samakatuwid ay taglay mo ang saloobing ito; kapag hindi mo taglay ang katwiran ng normal na pagkatao, samakatuwid ay hindi mo taglay ang ganitong saloobin. Kaya naman ang pagkakaroon ng katwiran ng normal na pagkatao ay kinakailangan at labis na mahalaga. Ito ay direktang nauugnay sa pag-unawa ng mga tao sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang takot at pagpapasakop ni Job sa Diyos ay isang halimbawa sa sangkatauhan, at ang kanyang pagka-perpekto at ang pagkamatuwid ay ang rurok ng pagkatao na dapat taglayin ng tao. Kahit hindi niya nakita ang Diyos, natanto niya na tunay na umiiral ang Diyos, at dahil sa pagkatantong ito ay nagkaroon siya ng takot sa Diyos, at dahil sa takot niya sa Diyos, nagawa niyang magpasakop sa Diyos. Binigyan niya ang Diyos ng kalayaan na kunin ang lahat ng kanyang pag-aari, subalit hindi siya nagreklamo, at nagpakumbaba siya sa harap ng Diyos at sinabi sa Kanya, sa oras na ito, na kahit na kunin ng Diyos ang kanyang laman, masaya niyang hahayaan na gawin ito ng Diyos, nang walang reklamo. Ang kanyang buong asal ay dahil sa kanyang perpekto at matuwid na pagkatao. Ibig sabihin nito, bunga ng kanyang kawalang-sala, katapatan, at kabaitan, si Job ay naging matatag sa kanyang natanto at karanasan na tungkol sa pag-iral ng Diyos. Mula sa saligang ito inatasan niya ang kanyang sarili at gumawa ng pamantayan sa kanyang pag-iisip, pag-uugali, asal, at mga prinsipyo sa pagkilos sa harap ng Diyos na naaayon sa patnubay ng Diyos sa kanya at sa mga gawa ng Diyos na nakita niya sa lahat ng bagay. Sa paglipas ng panahon, ang kanyang mga karanasan ay nagdulot sa kanya ng tunay at totoong takot sa Diyos at nagawa niyang layuan ang kasamaan. Ito ang pinagmulan ng integridad na mahigpit na pinanghawakan ni Job. Si Job ay may isang matapat, walang sala, at mabait na pagkatao, at siya ay mayroong tunay na karanasan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, at paglayo sa kasamaan, pati na rin ang kaalaman na “si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis.” Dahil sa mga bagay na ito lamang niya nagawang tumayo nang matatag sa kanyang patotoo sa gitna ng mapaminsalang pag-atake ni Satanas, at dahil sa mga ito lamang niya nagawang hindi biguin ang Diyos at magbigay ng kasiya-siyang sagot sa Diyos nang dumating ang Kanyang mga pagsubok.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Si Job ay nagtaglay at naghangad ng mga bagay na ito kahit nang hindi nakikita ang Diyos o naririnig ang mga salita ng Diyos; bagaman hindi niya kailanman nakita ang Diyos, naintindihan niya kung paano pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay, at naintindihan din niya ang karunungan na pinapairal ng Diyos. Kahit hindi niya kailanman narinig ang mga salita na sinabi ng Diyos, alam ni Job na ang mga gawa ng paggantimpala sa tao at pagbawi mula sa tao ay nanggagaling lahat sa Diyos. Bagama’t ang mga taon ng kanyang buhay ay hindi naiiba sa buhay ng mga pangkaraniwang tao, hindi niya hinayaan ang pagiging pangkaraniwan ng kanyang buhay na maapektuhan ang kanyang kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, o maapektuhan ang kanyang pagsunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Sa kanyang mga mata, ang mga batas ng lahat ng bagay ay puno ng mga gawa ng Diyos, at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay maaaring makita sa anumang bahagi ng buhay ng isang tao. Hindi niya nakita ang Diyos, ngunit nagawa niyang maunawaan na ang mga gawa ng Diyos ay nasa lahat ng dako, at sa kanyang pangkaraniwang panahon sa lupa, sa bawat sulok ng kanyang buhay, nagawa niyang makita at maunawaan ang pambihira at kahanga-hangang mga gawa ng Diyos, at nagawa niyang makita ang nakamamanghang mga pagsasaayos ng Diyos. Ang pagkakatago at katahimikan ng Diyos ay hindi humadlang sa pagkaunawa ni Job sa mga gawa ng Diyos, at hindi rin nito naapektuhan ang kanyang kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Ang kanyang buhay ang naging katuparan, sa kanyang pang-araw-araw na buhay, ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, na nakatago sa gitna ng lahat ng bagay. Sa kanyang araw-araw na buhay narinig din niya at naintindihan ang tinig ng puso ng Diyos, at ang mga salita ng Diyos, na tahimik sa gitna ng lahat ng bagay, subalit nagpapahayag ng tinig ng Kanyang puso at ng Kanyang mga salita sa pamamagitan ng pamamahala sa mga kautusan sa lahat ng bagay. Kung gayon, nakikita mo na kung ang mga tao ay may pagkatao at paghahangad na katulad ng kay Job, maaari nilang makamit ang pagkaunawa at kaalaman na tulad ng kay Job, at maaari nilang makuha ang pagkaunawa at kaalaman tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, gaya ng nakuha ni Job. Ang Diyos ay hindi nagpakita kay Job o nagsalita sa kanya, ngunit nagawa ni Job na maging perpekto, at matuwid, at magkaroon ng takot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Sa madaling salita, kahit na hindi nagpakita o nangusap sa mga tao ang Diyos, ang mga gawa ng Diyos sa gitna ng lahat ng bagay at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay sapat na upang ang tao ay magkaroon ng kamalayan sa pag-iral, kapangyarihan, at awtoridad ng Diyos, at ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay sapat na upang ang taong ito ay sumunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Dapat kang tumuon sa pagtanggap at pagsasagawa ng katotohanan, at sa paggamit ng mga salita ng Diyos para ikumpara ang mga kalagayan mo at suriin ang mga ito, at pagkatapos ay baguhin ang mga maling pananaw at saloobin mo sa pagtrato sa bawat uri ng sitwasyon. Sa huli, dapat kang magtaglay ng isang may-takot-sa-Diyos na puso sa bawat sitwasyon, at hindi na kumilos nang padalus-dalos, sumunod sa mga sarili mong ideya, gumawa ng mga bagay ayon sa mga pagnanais mo, o mabuhay sa mga tiwaling disposisyon. Sa halip, lahat ng kilos at salita mo ay dapat nakabatay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Sa paraang ito, unti-unti kang makakabuo ng isang may-takot-sa-Diyos na puso. Ang isang may-takot-sa-Diyos na puso ay lumilitaw habang hinahangad ng isang tao ang katotohanan; hindi ito nanggagaling sa pagpipigil. Ang idinudulot lang ng pagpipigil ay isang uri ng pag-asal; ito ay isang uri ng mababaw na limitasyon. Ang tunay na may-takot-sa-Diyos na puso ay nakakamit sa pamamagitan ng laging pagtanggap ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at pagtanggap ng pagpupungos habang nararanasan ang Kanyang gawain. Kapag nakikita ng mga tao ang tunay na mukha ng sarili nilang katiwalian, malalaman nila ang kahalagahan ng katotohanan, at magagawa nilang magsikap sa katotohanan. Ang pagbubunyag ng kanilang tiwaling disposisyon ay magiging pakaunti nang pakaunti, at magagawa nilang mabuhay nang normal sa harap ng Diyos, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos araw-araw, at gumagawa ng mga tungkulin nila bilang mga nilikha. Ang isang may-takot-sa-Diyos na puso at pusong nagpapasakop sa Diyos ay lumilitaw sa prosesong ito. Ang lahat ng laging naghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga problema habang ginagawa ang mga tungkulin nila ay ang mga mayroong may-takot-sa-Diyos na puso. Alam ng lahat ng tumanggap ng disiplina at dumanas ng maraming pagpupungos kung ano ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos. Kapag nabunyag ang kanilang katiwalian, hindi lang sila nakakaramdam ng takot at pangamba sa puso nila, nararamdaman din nila ang poot ng Diyos at ang Kanyang pagiging maharlika. Sa sitwasyong ito, natural na lumilitaw ang takot sa puso nila.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ginagampanan mo man ang iyong tungkulin, nakikisalamuha ka man sa iba, o humaharap sa ilang partikular na isyu na nangyayari sa iyo, kailangan mong magkaroon ng ugaling naghahanap at nagpapasakop. Sa ganitong klase ng saloobin, masasabi na mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso. Ang magawang hanapin ang katotohanan at magpasakop dito ay ang landas sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kung wala kang saloobin ng paghahanap at pagpapasakop, at sa halip ay kumakapit ka sa iyong sarili, masyado kang palaban, at ayaw mong tanggapin ang katotohanan, at tutol ka sa katotohanan, kung gayon ay likas kang gagawa ng malaking kasamaan. Hindi mo mapipigilan iyon! Kung hindi hahanapin ng mga tao ang katotohanan kailanman upang malutas ito, ang kalalabasan nito sa huli ay hindi pa rin nila mauunawaan ang katotohanan gaano man karami ang kanilang maranasan, ilang sitwasyon man ang makaharap nila, ilang aral man ang itakda ng Diyos para sa kanila, at sa huli ay mananatili silang walang kakayahang pumasok sa katotohanang realidad. Kung hindi taglay ng mga tao ang katotohanang realidad, hindi nila makakayang sundan ang daan ng Diyos, at kung hindi nila kailanman masusundan ang daan ng Diyos, kung gayon ay hindi sila mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Palaging sinasabi ng mga tao na gusto nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin at sumunod sa Diyos. Gayon ba kasimple ang mga bagay-bagay? Talagang hindi. Ang mga bagay na ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng mga tao! Hindi madaling gampanan nang maayos ang tungkulin ng isang tao para bigyang-kasiyahan ang Diyos, at magkaroon ng takot sa Diyos at maiwasan ang kasamaan. Subalit sasabihin Ko sa inyo ang isang prinsipyo ng pagsasagawa: Kung may saloobin ka ng paghahanap at pagpapasakop sa harap ng mga bagay-bagay, poprotektahan ka nito. Ang pangunahing mithiin ay hindi ang maprotektahan ka. Ito ay ang maipaunawa sa iyo ang katotohanan, at makapasok ka sa katotohanang realidad, at matamo ang kaligtasan ng Diyos—ito ang pangunahing mithiin. Kung ganito ang pag-uugali mo sa lahat ng nararanasan mo, hindi mo na madarama na ang pagganap sa iyong tungkulin at pagtugon sa mga layunin ng Diyos ay mga hungkag na salita at mga sawikain; hindi na ito parang napakahirap. Sa halip, bago mo pa matanto, mauunawaan mo na ang ilang katotohanan. Kung susubukan mong dumanas sa ganitong paraan, tiyak na aani ka ng mga gantimpala. Hindi mahalaga kung sino ka, kung ilang taon ka na, kung gaano ka kaedukado, kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos, o kung anong tungkulin ang ginagampanan mo. Basta’t mayroon kang saloobin ng paghahanap at pagpapasakop, basta’t ganito ang nararanasan mo, sa huli, tiyak na mauunawaan mo ang katotohanan at makakapasok ka sa katotohanang realidad. Gayunman, kung hindi mo ugaling maghanap at magpasakop sa lahat ng nangyayari sa iyo, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, ni hindi mo magagawang pumasok sa katotohanang realidad.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Dapat madalas kayong humarap sa Diyos, kumain at uminom at magnilay-nilay sa Kanyang mga salita, at dapat ninyong tanggapin ang Kanyang disiplina at patnubay, at matutuhan ang aral ng pagpapasakop—napakamahalaga nito. Dapat kang makapagpasakop sa lahat ng kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay na isinaayos ng Diyos para sa iyo, at pagdating sa mga bagay na hindi mo lubos maarok, dapat kang manalangin nang madalas habang hinahanap ang katotohanan; sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa mga layunin ng Diyos ka makahahanap ng isang daan pasulong. Dapat kang magkaroon ng pusong may takot sa Diyos. Gawin ang dapat mong gawin nang maingat at listo, at mamuhay sa harap ng Diyos nang may pusong nagpapasakop sa Diyos. Madalas na patahimikin ang sarili mo sa harap Niya, at huwag maging pasaway. Kahit papaano man lang, kapag may nangyayari sa iyo, patahimikin muna ang iyong sarili, pagkatapos ay magmadaling manalangin, at sa pamamagitan ng pananalangin at paghahanap at paghihintay, unawain mo ang mga layunin ng Diyos. Hindi ba’t isa itong saloobin ng pagkatakot sa Diyos? Kung natatakot at nagpapasakop ka sa Diyos sa puso mo, at napatatahimik mo ang iyong sarili sa harap Niya at naaarok mo ang Kanyang mga layunin, kung gayon, sa ganitong uri ng pakikipagtulungan at pagsasagawa, mapoprotektahan ka, at hindi ka matutukso, ni hindi ka gagawa ng anumang bagay na makagagambala o makagugulo sa gawain ng iglesia. Hanapin ang katotohanan sa mga bagay na hindi mo malinaw na nakikita. Huwag bulag na manghusga o maglabas ng mga pagkondena. Sa ganitong paraan, hindi ka kapopootan ng Diyos, o itataboy Niya. Kung mayroon kang pusong may takot sa Diyos, matatakot kang magkasala sa Kanya, at kung may isang bagay na tumutukso sa iyo, mamumuhay ka sa harap ng Diyos nang may kilabot at pangamba, at mananabik kang magpasakop sa Kanya at palugurin Siya sa lahat ng bagay. Sa sandaling magkaroon ka ng gayong pagsasagawa at magawa mong mamuhay nang madalas sa gayong kalagayan, na madalas na pinatatahimik ang iyong sarili sa harap ng Diyos at madalas na lumalapit sa Kanya, saka mo lang hindi namamalayang maiiwasan ang tukso at masasamang bagay. Kung walang pusong may takot sa Diyos, o may pusong wala sa harapan Niya, may ilang kasamaan na makakaya mong gawin. Mayroon kang tiwaling disposisyon, at hindi mo ito makontrol, kaya’t kaya mong gumawa ng masama. Hindi ba’t magiging malubha ang mga kahihinatnan kung sakaling gagawa ka ng gayong kasamaan na bumubuo ng pagkagambala at kaguluhan? Kahit papaano, pupungusan ka, at kung malubha ang nagawa mo, itataboy ka ng Diyos, at ititiwalag ka sa iglesia. Gayunpaman, kung mayroon kang pusong nagpapasakop sa Diyos, at madalas na napatatahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at kung nangangamba at natatakot ka sa Diyos, hindi ba’t magagawa mong manatiling malayo sa maraming masamang bagay? Kung natatakot ka sa Diyos at sinasabing, “Nangangamba ako sa Diyos; natatakot akong magkasala sa Kanya, magambala ang Kanyang gawain at maudyukan ang Kanyang pagkapoot,” hindi ba’t isa itong normal na saloobin at isang normal na kalagayan na dapat taglay mo? Ano ang makapagdudulot ng iyong takot? Ang iyong kilabot ay magmumula sa isang pusong may takot sa Diyos. Kung may takot ka sa Diyos sa puso mo, iiwas at lalayo ka sa masasamang bagay kapag nakita mo ang mga ito, at sa gayon ay mapoprotektahan ka. Maaari bang matakot sa Diyos ang isang taong ang puso ay walang takot sa Kanya? Maiiwasan ba nito ang kasamaan? (Hindi.) Hindi ba’t mga mapangahas na tao ang mga hindi natatakot sa Diyos at hindi nangangamba sa Kanya? Maaari bang pigilan ang mga mapangahas na tao? (Hindi.) At hindi ba’t gagawin ng mga taong hindi mapigilan ang anumang naiisip nila nang walang pagsasaalang-alang? Ano ang mga bagay na ginagawa ng mga tao kapag kumikilos sila ayon sa sarili nilang kagustuhan, sa kanilang kasigasigan, sa kanilang tiwaling disposisyon? Sa nakikita ng Diyos, masasamang bagay ang mga ito. Kaya, dapat malinaw ninyong makita na mabuting bagay para sa tao na magkaroon ng pagkasindak sa Diyos sa puso—kung mayroon nito, matatakot ang isang tao sa Diyos. Kapag ang isang tao ay may Diyos sa puso niya at kayang matakot sa Diyos, magagawa niyang manatiling malayo sa masasamang bagay. Ang gayong tao ang may pag-asang mailigtas.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan
Kaugnay na mga Himno
Ang Mga Salita ng Diyos ay ang Paraan na Dapat Panatilihin ng Tao
Sundin ang Daan ng Diyos sa Lahat ng Bagay, Malaki man o Maliit
Maka-Diyos Iyong mga Madalas na Tahimik sa Harap ng Diyos
Dapat Magkaroon ang Tao ng Pusong May Takot sa Diyos