40. Ano ang ibig sabihin ng pagdadakila at pagpapatotoo sa Diyos

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang naranasan at nakita ninyo ay higit pa sa mga santo at propeta mula sa lahat ng kapanahunan, ngunit kaya ba ninyong magbigay ng patotoo na higit pa sa mga salita ng mga dating santo at propetang ito? Ang ipinagkaloob Ko sa inyo ngayon ay higit pa kay Moises at higit pa kay David, kung kaya’t hinihiling Ko na ang inyong patotoo ay malampasan ang kay Moises at ang inyong mga salita ay maging higit pa kay David. Sandaang beses ang Aking ibinibigay sa inyo—kaya’t hinihiling Ko rin sa inyo na katumbas noon ang ibalik sa Akin. Dapat ninyong malaman na Ako ang nagkakaloob ng buhay sa sangkatauhan, at kayo ang tumatanggap ng buhay mula sa Akin at dapat magpatotoo sa Akin. Ito ang inyong tungkulin na Aking ipinapadala sa inyo at nararapat ninyong gawin para sa Akin. Ipinagkaloob Ko na sa inyo ang lahat ng Aking kaluwalhatian, ipinagkaloob Ko sa inyo ang buhay na hindi kailanman natanggap ng hinirang na bayan, ang mga Israelita. Kung tutuusin, dapat kayong magpatotoo sa Akin at italaga ang inyong kabataan at ialay ang inyong buhay sa Akin. Ang sinumang pagkalooban Ko ng Aking kaluwalhatian ay dapat na magpatotoo sa Akin at mag-alay ng kanilang buhay para sa Akin. Matagal Ko na itong naitadhana. Mapalad kayo na ipinagkakaloob Ko ang Aking kaluwalhatian sa inyo, at ang inyong tungkulin ay magpatotoo sa Aking kaluwalhatian. Kung maniniwala kayo sa Akin upang magtamo lamang ng mga pagpapala, walang gaanong magiging kabuluhan ang Aking gawain, at hindi ninyo magagampanan ang inyong tungkulin. Ang nakita lamang ng mga Israelita ay ang Aking awa, pag-ibig, at kadakilaan, at ang nasaksihan lamang ng mga Hudyo ay ang Aking tiyaga at pagtubos. Kaunting-kaunti lamang ang nakita nila sa gawain ng Aking Espiritu; sa puntong ang naunawaan nila ay pawang katiting lang ng narinig at nakita ninyo. Nahigitan ng nakita ninyo maging ang mga pinunong saserdote sa gitna nila. Ang mga katotohanan na inyong naunawaan ngayon ay higit sa kanila; ang nakita ninyo ngayon ay higit pa sa nakita noong Kapanahunan ng Kautusan, pati na rin sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang naranasan ninyo ay higit pa maging sa naranasan nina Moises at Elias. Sapagkat ang naunawaan lamang ng mga Israelita ay ang batas ni Jehova, at ang nakita nila ay ang likuran lamang ni Jehova; ang naunawaan lamang ng mga Hudyo ay ang pagtubos ni Jesus, ang natangap nila ay ang biyaya lamang na ipinagkaloob ni Jesus, at ang nakita nila ay ang larawan lamang ni Jesus sa loob ng tahanan ng mga Hudyo. Ang nakikita ninyo ngayon ay ang kaluwalhatian ni Jehova, ang pagtubos ni Jesus, at ang lahat ng Aking mga gawa sa araw na ito. Gayundin, narinig na ninyo ang mga salita ng Aking Espiritu, pinahalagahan ang Aking karunungan, nasaksihan ang Aking kamanghaan, at natutunan ang Aking disposisyon. Nasabi Ko na rin sa inyo ang lahat ng Aking plano ng pamamahala. Ang nasaksihan ninyo ay hindi lamang isang mapagmahal at maawaing Diyos, kundi isang Diyos na puspos ng katuwiran. Nakita na ninyo ang Aking nakamamanghang gawain at nalaman ninyong puno Ako ng kamahalan at poot. Higit pa rito, batid ninyong minsan na Akong nagdala ng Aking nag-aalab na poot sa sambahayan ng Israel, at ngayon, nakarating na ito sa inyo. Higit pa ang nauunawaan ninyo sa Aking mga misteryo sa langit kaysa kina Isaias at Juan; higit pa ang nalalaman ninyo tungkol sa Aking pagiging kaibig-ibig at pagiging kagalang-galang kaysa sa lahat ng banal ng mga nakaraang kapanahunan. Ang natanggap ninyo ay hindi lamang ang Aking katotohanan, ang Aking daan, at ang Aking buhay, kundi isang pangitain at pahayag na higit pa kaysa kay Juan. Naunawaan ninyo ang higit na maraming misteryo, at nasaksihan na rin ang Aking tunay na mukha; higit pa ang natanggap ninyo sa Aking paghatol at higit pa ang nalalaman ninyo tungkol sa Aking matuwid na disposisyon. Kung kaya, kahit na ipinanganak kayo sa mga huling araw, ang inyong pang-unawa ay sa nauna at nakalipas, at naranasan na rin ninyo ang mga bagay sa kasalukuyan, at ang lahat ng ito ay personal Kong ginawa. Hindi labis ang hinihingi Ko sa inyo, sapagkat napakarami Ko nang naibigay sa inyo, at marami na ang nakita ninyo sa Akin. Samakatuwid, hinihiling Ko sa inyong magpatotoo para sa Akin sa mga banal ng mga nagdaang kapanahunan, at ito lamang ang nais ng Aking puso.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?

Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng kaalaman tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nagpapalampas ng pagkakasala, at ni hindi niya mapapalitan ng bago ang dati niyang pagkakilala sa Diyos. Alang-alang sa Kanyang patotoo, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, ipinapakita Niya ang Kanyang kabuuan sa publiko, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa publiko, na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, baguhin ang kanyang disposisyon, at magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at halimbawa ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ngayon, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at hinihiling Niya sa tao na magkamit ng kaalaman tungkol sa Kanya, magpasakop sa Kanya, at patotoo sa Kanya—kailangan nilang malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, magpasakop sa lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at kailangan nilang magpatotoo sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na ang lahat ng gawang isinasakatuparan Niya upang lupigin ang tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at praktikal, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagdaan sa Kanyang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya, at ginagamit din Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita lamang, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya nailigtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Ang pagpapatotoo sa Diyos una sa lahat ay patungkol sa pagsasalita tungkol sa iyong kaalaman sa gawain ng Diyos, kung paano nilulupig ng Diyos ang mga tao, kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, kung paano Niya binabago ang mga tao; patungkol ito sa pagsasalita kung paano Niya ginagabayan ang mga tao sa pagpasok sa katotohanang realidad, na nagtutulot sa kanila na malupig, maperpekto, at mailigtas Niya. Ang pagpapatotoo ay nangangahulugan ng pagsasalita tungkol sa Kanyang gawain at lahat ng naranasan mo. Tanging ang Kanyang gawain ang kayang kumatawan sa Kanya, at tanging ang Kanyang gawain ang kayang maghayag sa Kanya sa publiko, sa Kanyang kabuuan; ang Kanyang gawain ay nagpapatotoo sa Kanya. Ang Kanyang gawain at mga pagbigkas ay direktang kumakatawan sa Espiritu; ang gawaing ginagawa Niya ay isinasakatuparan ng Espiritu, at ang mga salitang sinasambit Niya ay sinasalita ng Espiritu. Ang mga bagay na ito ay ipinapahayag lamang sa pamamagitan ng katawang-tao ng Diyos, subali’t, ang katunayan, mga pahayag ito ng Espiritu. Lahat ng gawaing ginagawa Niya at lahat ng salitang sinasambit Niya ay kumakatawan sa Kanyang diwa. Kung, matapos bihisan ang Kanyang sarili ng laman at pumarito sa gitna ng tao, hindi nagsalita o gumawa ang Diyos, at pagkatapos ay inutusan kayong alamin ang Kanyang praktikalidad, Kanyang normalidad, at Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, magagawa mo ba? Magagawa mo bang alamin kung ano ang diwa ng Espiritu? Magagawa mo bang alamin ang mga katangian ng Kanyang katawang-tao? Dahil lamang sa naranasan ninyo ang bawa’t hakbang ng Kanyang gawain kaya Niya kayo hinihingan na magpatotoo tungkol sa Kanya. Kung wala kayong gayong karanasan, hindi Niya kayo pipiliting magpatotoo. Sa gayon, kapag nagpapatotoo ka sa Diyos, hindi mo lamang pinatototohanan ang Kanyang panlabas na normal na pagkatao, kundi pati na ang gawaing Kanyang ginagawa at ang landas na Kanyang tinatahak; patototohanan mo kung paano ka Niya nalupig at sa anong mga aspeto ka nagawang perpekto. Ito ang klase ng patotoo na dapat mong ibigay. Kung, saan ka man magtungo, humihiyaw ka ng: “Naparito ang ating Diyos upang gumawa, at ang Kanyang gawain ay talagang praktikal! Natamo na Niya tayo nang walang mga kilos na higit sa karaniwan, nang wala man lang anumang mga himala at kababalaghan!” Itatanong ng iba: “Ano ang ibig mong sabihin kapag sinasabi mo na hindi Siya gumagawa ng mga himala at kababalaghan? Paano ka Niya nalupig nang hindi gumagawa ng mga himala at kababalaghan?” At sasabihin mo: “Siya ay nagsasalita, at, kahit hindi nagpapakita ng anumang mga kababalaghan o himala, nalupig Niya tayo. Nalupig tayo ng Kanyang gawain.” Sa kahuli-hulihan, kung wala kang masabing anuman na may katuturan, kung hindi mo nasasabi ang mga detalye, ito ba ay tunay na patotoo? Kapag nilulupig ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga tao, ang Kanyang banal na mga salita ang gumagawa niyon. Hindi ito naisasakatuparan ng sangkatauhan; hindi ito isang bagay na nakakamit ng sinumang mortal, at kahit yaong mga may pinakamalalaking kakayahan sa normal na mga tao ay hindi ito kaya, sapagka’t ang Kanyang pagka-Diyos ay mas mataas kaysa sinumang nilikha. Hindi ito pangkaraniwan sa mga tao; ang Lumikha, matapos ang lahat, ay mas dakila kaysa sinumang nilikha. Ang mga nilikha ay hindi kayang maging mas mataas kaysa sa Lumikha; kung mas mataas ka kaysa sa Kanya, hindi Niya magagawang lupigin ka, at nalulupig ka lang Niya dahil mas mataas Siya kaysa sa iyo. Siya na nakakayang lupigin ang buong sangkatauhan ay ang Lumikha, at walang sinuman kundi Siya ang nakakagawa ng gawaing ito. Ang mga salitang ito ay “patotoo”—ang klase ng patotoo na dapat mong taglayin. Sa paisa-isang hakbang, naranasan mo ang pagkastigo, paghatol, pagpipino, mga pagsubok, mga pagkabigo, at mga pagdurusa, at nalupig ka na; naisantabi mo na ang mga kagustuhan ng laman, ang iyong mga personal na motibo, at ang matatalik na interes ng laman. Sa madaling salita, lubos nang nalupig ng mga salita ng Diyos ang iyong puso. Bagama’t hindi ka nakalago sa iyong buhay na katulad ng hinihingi Niya, alam mo ang lahat ng bagay na ito at lubos kang kumbinsido sa ginagawa Niya. Kaya, maaari itong tawaging patotoo, patotoo na tunay at totoo. Ang gawaing ipinarito ng Diyos na gawin, ang gawain ng paghatol at pagkastigo, ay para lupigin ang tao, nguni’t tinatapos din Niya ang Kanyang gawain, winawakasan ang kapanahunan, at isinasakatuparan ang gawain ng pagtatapos. Winawakasan Niya ang buong kapanahunan, inililigtas ang buong sangkatauhan, pinalalaya ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa huling pagkakataon; lubos Niyang natatamo ang sangkatauhan, na Kanyang nilikha. Dapat mong patotohanan ang lahat ng ito. Napakarami mo nang naranasan sa gawain ng Diyos, nakita na ito ng sarili mong mga mata at personal mo itong naranasan; kapag nakaabot ka na sa pinakadulo, kailangan ay magawa mong gampanan ang tungkuling nakaatas sa iyo. Sayang iyon! Sa hinaharap, kapag pinalalaganap ang ebanghelyo, dapat mong makayang magsalita tungkol sa sarili mong kaalaman, magpatotoo sa lahat ng iyong natamo sa puso mo, at gawin ang lahat. Ito ang dapat maabot ng isang nilikha. Ano ang aktuwal na kabuluhan ng yugtong ito ng gawain ng Diyos? Ano ang epekto nito? At gaano rito ang isinasakatuparan sa tao? Ano ang dapat gawin ng mga tao? Kapag nakakapagsalita ka nang malinaw tungkol sa lahat ng gawaing nagawa ng Diyos na nagkatawang-tao mula nang pumarito sa lupa, magiging husto ang iyong patotoo. Kapag nakakapagsalita ka nang malinaw tungkol sa limang bagay na ito: ang kabuluhan ng Kanyang gawain; ang mga nilalaman nito; ang diwa nito; ang disposisyon na kinakatawan nito; at ang mga prinsipyo nito, patutunayan nito na kaya mong magpatotoo sa Diyos, na tunay kang nagtataglay ng kaalaman. Ang Aking mga kinakailangan sa inyo ay hindi napakataas, at magagawa ng lahat ng nasa tunay na paghahabol. Kung nagpasya kang maging isa sa mga saksi ng Diyos, kailangan mong maunawaan kung ano ang kinapopootan ng Diyos at kung ano ang minamahal ng Diyos. Naranasan mo na ang marami sa Kanyang gawain; sa pamamagitan ng gawaing ito, kailangan mong malaman ang Kanyang disposisyon, maunawaan ang Kanyang mga layunin at Kanyang mga kinakailangan sa sangkatauhan, at gamitin ang kaalamang ito upang magpatotoo tungkol sa Kanya at tuparin ang iyong tungkulin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 7

Kapag nagpapatotoo para sa Diyos, dapat pangunahin kang magsalita tungkol sa kung paano hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, at kung anong mga pagsubok ang ginagamit Niya para pinuhin ang mga tao at baguhin ang kanilang mga disposisyon. Dapat din kayong magsalita tungkol sa kung gaano nang katiwalian ang naibunyag sa inyong karanasan, kung gaano na kayo nagdusa, kung gaano karaming bagay ang ginawa ninyo upang labanan ang Diyos, at kung paano kayo nalupig kalaunan ng Diyos. Magsalita kung gaano karaming tunay na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos ang mayroon kayo, at kung paano kayo dapat magpatotoo para sa Diyos at suklian Siya para sa Kanyang pag-ibig. Dapat ninyong lagyan ng diwa ang ganitong uri ng wika, habang inilalagay ito sa isang payak na paraan. Huwag pag-usapan ang mga walang kabuluhang teorya. Magsalita kayo nang mas praktikal; magsalita kayo nang mula sa puso. Ganito ninyo dapat danasin ang mga bagay-bagay. Huwag ninyong sangkapan ang inyong mga sarili ng mga tila malalim at hungkag na teorya para magpakitang-gilas; sa paggawa nito ay nagmumukha kayong mapagmataas at walang-katuturan. Dapat ay magsalita kayo nang higit tungkol sa mga tunay na bagay mula sa aktuwal ninyong karanasan, at mas magsalita nang mula sa puso; ito ay pinakakapaki-pakinabang sa iba, at pinakanararapat na makita nila. Dati, kayo ay mga taong labis na sumasalungat sa Diyos, mga pinakamalabong magpasakop sa Diyos, ngunit ngayon kayo ay nalupig—huwag ninyong kalilimutan iyan. Dapat pagbulay-bulayan at pag-isipan ang mga usaping ito nang higit pa. Sa sandaling maunawaan ng mga tao ang mga ito nang malinaw, malalaman nila kung paano magpatotoo, kung hindi, baka makagawa sila ng mga kilos na kahiya-hiya at walang-katuturan, na hindi nagpapatotoo para sa Diyos, kundi sa halip ay nagdadala ng kahihiyan sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon

Balang araw, habang ipinalalaganap mo ang ebanghelyo sa ibang bansa at may nagtanong sa iyo: “Kumusta ang pananampalataya mo sa Diyos?” masasabi mong: “Ang mga kilos ng Diyos ay lubhang kagila-gilalas!” Madarama niya na ang iyong mga salita ay nagkukuwento ng mga tunay na karanasan. Ito ang tunay na pagpapatotoo. Sasabihin mo na puno ng karunungan ang gawain ng Diyos, at ang Kanyang gawain sa iyo ay totoong nakakumbinsi sa iyo at nakalupig sa puso mo. Palagi mo Siyang mamahalin dahil higit Siyang karapat-dapat sa pagmamahal ng sangkatauhan! Kung masasabi mo ang mga bagay na ito, maaantig mo ang puso ng mga tao. Lahat ng ito ay pagpapatotoo. Kung nagagawa mong magbigay ng matunog na patotoo, na paluhain ang mga tao, ipinakikita nito na talagang isa kang taong nagmamahal sa Diyos, sapagkat nagagawa mong patotohanan na mahal mo ang Diyos, at sa pamamagitan mo, mapapatotohanan ang mga kilos ng Diyos. Sa iyong patotoo, nahihikayat ang iba na hangarin ang gawain ng Diyos, maranasan ang gawain ng Diyos, at sa anumang sitwasyong nararanasan nila, magagawa nilang manindigan. Ito lamang ang tunay na paraan ng pagpapatotoo, at ito mismo ang ipinagagawa sa iyo ngayon. Dapat mong makita na lubhang mahalaga ang gawain ng Diyos at karapat-dapat itong pahalagahan ng mga tao, na ang Diyos ay lubhang katangi-tangi at sagana; hindi lamang Siya nakapagsasalita, kundi nahahatulan din Niya ang mga tao, napipino ang kanilang puso, nadudulutan sila ng kagalakan, nakakamit sila, nalulupig sila, at nagagawa silang perpekto. Mula sa iyong karanasan makikita mo na ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig. Kaya gaano mo kamahal ang Diyos ngayon? Masasabi mo ba talaga ang mga bagay na ito nang taos-puso? Kapag nagagawa mong ipahayag ang mga salitang ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, magagawa mong magpatotoo. Kapag nakaabot na sa antas na ito ang iyong karanasan makakaya mong maging isang saksi para sa Diyos, at magiging karapat-dapat ka. Kung hindi ka umaabot sa antas na ito sa iyong karanasan, napakalayo mo pa rin. Normal para sa mga tao na magpakita ng mga kahinaan sa proseso ng pagpipino, ngunit pagkatapos ng pagpipino dapat mong masabi na: “Napakatalino ng Diyos sa Kanyang gawain!” Kung tunay na nagagawa mong magtamo ng praktikal na pagkaunawa sa mga salitang ito, ito ay magiging katangi-tangi sa iyo, at ang iyong karanasan ay magkakaroon ng halaga.

Ano ang dapat mong hangarin ngayon? Kaya mo mang magpatotoo para sa gawain ng Diyos o hindi, nagagawa mo mang maging isang patotoo at isang pagpapamalas ng Diyos o hindi, at angkop ka mang kasangkapanin Niya o hindi—ito ang mga bagay na dapat mong hangarin. Gaano karaming gawain ba ang talagang nagawa sa iyo ng Diyos? Gaano karami ba ang iyong nakita, gaano karami ang iyong naarok? Gaano karami ang iyong naranasan, at natikman? Nasubok ka man, napungusan, o nadisiplina ng Diyos, naisagawa sa iyo ang Kanyang mga kilos at gawain. Ngunit bilang isang mananampalataya sa Diyos at bilang isang taong handang hangarin na magawa Niyang perpekto, nagagawa mo bang magpatotoo para sa gawain ng Diyos batay sa iyong praktikal na karanasan? Maisasabuhay mo ba ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng iyong praktikal na karanasan? Nagagawa mo bang maglaan para sa iba sa pamamagitan ng iyong sariling praktikal na karanasan, at gugulin ang iyong buong buhay sa pagpapatotoo sa gawain ng Diyos? Para makapagpatotoo sa gawain ng Diyos, kailangan mong umasa sa iyong karanasan, kaalaman, at sakripisyong nagawa. Saka mo lamang mapapalugod ang Kanyang mga layunin. Ikaw ba ay isang taong nagpapatotoo sa gawain ng Diyos? Mayroon ka bang ganitong hangarin? Kung nagagawa mong magpatotoo sa Kanyang pangalan, at higit pa, sa Kanyang gawain, at kung naisasabuhay mo ang larawang kinakailangan Niya sa Kanyang mga tao, isa kang saksi para sa Diyos. Paano ka ba talaga nagpapatotoo sa Diyos? Ginagawa mo ito sa pamamagitan ng paghahangad at pananabik na isabuhay ang salita ng Diyos, at, sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng iyong mga salita, pagtutulot sa mga tao na malaman ang Kanyang gawain at makita ang Kanyang mga kilos. Kung tunay mong hinahangad ang lahat ng ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung ang tanging hangad mo ay magawang perpekto ng Diyos at mapagpala sa pinakahuli, hindi dalisay ang pananaw ng iyong pananampalataya sa Diyos. Dapat mong hangarin kung paano makita ang mga gawa ng Diyos sa tunay na buhay, kung paano Siya mapapalugod kapag ibinubunyag Niya sa iyo ang Kanyang mga layunin, at hangarin kung paano ka dapat magpatotoo tungkol sa Kanyang pagiging kamangha-mangha at karunungan, at kung paano magpatotoo kung paano ka Niya dinidisiplina at pinupungusan. Lahat ng ito ay mga bagay na dapat mong pinagninilayan ngayon. Kung ang mapagmahal-sa-Diyos na puso mo ay para lamang makabahagi ka sa kaluwalhatian ng Diyos matapos ka Niyang gawing perpekto, hindi pa rin ito sapat at hindi makakatugon sa mga kinakailangan ng Diyos. Kailangan mong magawang magpatotoo tungkol sa gawain ng Diyos, mabigyang-kasiyahan ang Kanyang mga hinihingi, at maranasan ang gawaing Kanyang nagawa sa mga tao sa praktikal na paraan. Pasakit man, mga luha, o kalungkutan, kailangan mong maranasan ang lahat ng ito sa iyong pagsasagawa. Layon nitong gawin kang perpekto bilang isang taong nagpapatotoo para sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Anong patotoo ang ibinibigay ng tao sa Diyos sa bandang huli? Nagpapatotoo ang tao na ang Diyos ang Diyos na matuwid, na ang Kanyang disposisyon ay katuwiran, poot, pagkastigo, at paghatol; nagpapatotoo ang tao sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang paghatol upang ang tao ay gawing perpekto, minahal na Niya ang tao, at iniligtas ang tao—ngunit gaano karami ang nakapaloob sa Kanyang pag-ibig? Mayroong paghatol, pagiging maharlika, poot, at sumpa. Bagama’t isinumpa ng Diyos ang tao noong araw, hindi Niya ganap na itinapon ang tao sa walang-hanggang hukay, kundi ginamit ang kaparaanang iyon upang pinuhin ang pananampalataya ng tao; hindi Niya pinatay ang tao, kundi kumilos Siya upang gawing perpekto ang tao. Ang diwa ng laman ay yaong kay Satanas—tamang-tama ang pagkasabi rito ng Diyos—ngunit ang mga katunayang isinasagawa ng Diyos ay hindi natatapos ayon sa Kanyang mga salita. Isinusumpa ka Niya upang mahalin mo Siya, at upang maunawaan mo ang diwa ng laman; kinakastigo ka Niya upang ikaw ay magising, upang tulutan kang malaman ang mga kakulangan sa iyong kalooban, at upang malaman ang lubos na kawalang-halaga ng tao. Sa gayon, ang mga sumpa ng Diyos, ang Kanyang paghatol, at ang Kanyang pagiging maharlika at poot—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Lahat ng ginagawa ng Diyos sa ngayon, at ang matuwid na disposisyon na nililinaw Niya sa inyong kalooban—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Gayon ang pag-ibig ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

Ngayon, maaari kang maghangad na magawang perpekto o maghangad ng mga pagbabago sa iyong panlabas na pagkatao at mapahusay ang iyong kakayahan, ngunit ang pinakamahalaga ay na nauunawaan mo na lahat ng ginagawa ngayon ng Diyos ay may kahulugan at kapaki-pakinabang: Ikaw na isinilang sa isang lupain ng karumihan ay nagkakaroon ng kakayahang makatakas sa karumihan at maipagpag ito, binibigyan ka nito ng kakayahang madaig ang impluwensya ni Satanas, at talikuran ang madilim na impluwensya ni Satanas. Sa pagtutuon sa mga bagay na ito, protektado ka sa lupaing ito ng karumihan. Sa huli, anong patotoo ang hihilinging ibigay mo? Ikaw ay isinilang sa isang lupain ng karumihan ngunit nagagawa mong maging banal, na hindi na muling mabahiran ng dumi kailanman, na mabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas ngunit inaalis sa iyong sarili ang impluwensya ni Satanas, na hindi masapian ni maligalig ni Satanas, at mabuhay sa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat. Ito ang patotoo, at ang katibayan ng tagumpay sa pakikipaglaban kay Satanas. Nagagawa mong maghimagsik laban kay Satanas, hindi ka na nagpapakita ng napakasasamang disposisyon sa iyong pagsasabuhay, kundi sa halip ay isinasabuhay mo yaong hinihiling ng Diyos na makamit ng tao nang likhain Niya ang tao: normal na pagkatao, normal na pakiramdam, normal na kabatiran, normal na matibay na pagpapasiyang mahalin ang Diyos, at katapatan sa Diyos. Ganyan ang patotoong ibinabahagi ng isang nilikha. Sabi mo, “Tayo ay isinilang sa isang lupain ng karumihan, ngunit dahil sa proteksyon ng Diyos, dahil sa Kanyang pamumuno, at dahil nalupig Niya tayo, naalis na natin sa ating sarili ang impluwensya ni Satanas. Nakakaya nating magpasakop ngayon dahil sa epekto ng paglupig ng Diyos, at hindi dahil sa mabuti tayo, o dahil likas nating mahal ang Diyos. Iyon ay dahil hinirang tayo ng Diyos, at itinalaga tayo noon pa man, kaya tayo nalupig ngayon, nagagawa nating magpatotoo sa Kanya, at maglingkod sa Kanya; gayundin, ito ay dahil hinirang Niya tayo at pinrotektahan, kaya tayo naligtas at napalaya mula sa kapangyarihan ni Satanas, at maaari nating talikuran ang karumihan at mapadalisay sa bansa ng malaking pulang dragon.”

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 2

Para sa mga yaong gagawing perpekto, ang hakbang na ito ng gawain ng pagiging nalupig ay hindi maaaring hindi isasagawa, sa sandaling nalupig ang isang tao ay saka pa lamang siya makararanas ng gawain ng pagiging ginagawang perpekto. Walang malaking kahalagahan sa pagganap lamang ng papel ng pagiging nalupig, hindi ito magtutulot sa iyo na maging akmang gamitin ng Diyos. Hindi ka magkakaroon ng daan na gampanan ang iyong bahagi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, sapagkat hindi mo hinahabol ang buhay, at hindi mo pinagsisikapan ang mga pagbabago at pagpapanibago ng iyong sarili, kung kaya wala kang tunay na karanasan sa buhay. Sa panahon ng gawaing ito nang paisa-isang hakbang, gumanap ka nang minsan bilang taga-serbisyo, at isang panghambing ngunit kung sa kasukdulan ay hindi mo pinagsikapang maging Pedro, at ang iyong pagsisikap ay hindi kaayon sa landas kung saan si Pedro ay ginawang perpekto, kung gayon, natural, hindi ka makararanas ng mga pagbabago sa iyong disposisyon. Kung ikaw ay isang taong naghahangad na magawang perpekto, kung gayon magpapatotoo ka, at sasabihin mo: “Sa hakbang-hakbang na gawaing ito ng Diyos, natanggap ko ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at bagaman nakapagtiis ako ng matinding pagdurusa, nalaman ko kung paano ginagawang perpekto ng Diyos ang tao, nakamit ko ang gawaing ginagawa ng Diyos, nagkaroon ako ng kaalaman sa pagkamatuwid ng Diyos, at ang Kanyang pagkastigo ay nagligtas sa akin. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay dumating sa akin, at nagdala sa akin ng mga pagpapala at biyaya; ang Kanyang paghatol at pagkastigo ang nag-ingat at dumalisay sa akin. Kung hindi ako nakastigo at nahatulan ng Diyos, at kung ang Kanyang masasakit na salita ay hindi dumating sa akin, hindi ko sana makikilala ang Diyos, at ni hindi ako maliligtas. Nakikita ko ngayon: Bilang isang nilikha, hindi lamang tinatamasa ng isang tao ang lahat ng bagay na nilikha ng Lumikha, ngunit, mas mahalaga, na lahat ng nilikha ay dapat magtamasa ng matuwid na disposisyon ng Diyos at ng Kanyang matuwid na paghatol, sapagkat ang disposisyon ng Diyos ay karapat-dapat sa pagtatamasa ng tao. Bilang isang nilikha na nagawang tiwali ni Satanas, dapat na tamasahin ng isa ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa Kanyang matuwid na disposisyon ay mayroong pagkastigo at paghatol, at, higit pa rito, mayroong dakilang pag-ibig. Bagaman hindi ko kayang lubos na matamo ang pag-ibig ng Diyos sa ngayon, nagkaroon naman ako ng mabuting kapalaran na makita ito, at dahil dito ako ay pinagpala.” Ito ang landas na nilakaran niyaong mga nakakaranas na magawang perpekto at ito ang kaalaman na sinasabi nila. Ang gayong mga tao ay pareho ni Pedro; mayroon silang parehong mga karanasan ni Pedro. Ang gayong mga tao ay yaon ding nakatamo ng buhay, at nagtataglay ng katotohanan. Kapag nararanasan nila hanggang sa katapus-tapusan, sa panahon ng paghatol ng Diyos tiyak na ganap nilang iwawaksi sa kanilang sarili ang impluwensya ni Satanas, at matatamo ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

Ngayon, ang mahalaga ay na kailangan ninyong malaman ang diwa ng tao, at kailangan ninyong malaman kung ano ang dapat ninyong pasukin; kailangan ninyong pag-usapan ang buhay pagpasok, at mga pagbabago sa disposisyon, kung paano talaga malupig, at paano ganap na magpasakop sa Diyos, paano magbahagi ng huling patotoo sa Diyos, at paano makakapagpasakop hanggang sa kamatayan. Kailangan mong tumuon sa mga bagay na ito, at yaong hindi makatotohanan o mahalaga ay kailangan munang isantabi at pabayaan. Ngayon, dapat mong mabatid kung paano malupig, at kung paano kumikilos ang mga tao matapos silang malupig. Maaari mong sabihin na nalupig ka na, ngunit makakapagpasakop ka ba hanggang sa kamatayan? Kailangan mong magawang sumunod hanggang sa kahuli-hulihan mayroon ka man o walang anumang kinabukasan, at hindi ka dapat mawalan ng pananampalataya sa Diyos anuman ang sitwasyon. Sa huli, kailangan mong matamo ang dalawang aspekto ng patotoo: ang patotoo ni Job—pagpapasakop hanggang sa kamatayan; at ang patotoo ni Pedro—ang sukdulang pagmamahal sa Diyos. Sa isang banda, kailangan mong maging kagaya ni Job: nawala ang lahat ng kanyang materyal na ari-arian, at pinahirapan siya ng karamdaman ng katawan, subalit hindi niya tinalikuran ang pangalan ni Jehova. Ito ang patotoo ni Job. Nagawang mahalin ni Pedro ang Diyos hanggang kamatayan—nang hinarap niya ang kanyang kamatayan, minahal pa rin niya ang Diyos, nang siya ay ipinako sa krus, minahal pa rin niya ang Diyos. Hindi niya inisip ang sarili niyang kinabukasan o hinangad ang magagandang pag-asa o maluluhong saloobin, at hinangad lamang niyang mahalin ang Diyos at magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos. Iyan ang pamantayang kailangan mong maabot bago ka maituring na nagpatotoo, bago ka maging isang tao na nagawang perpekto matapos na malupig.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 2

Kung naniniwala ang mga tao sa Diyos, at nararanasan ang mga salita ng Diyos nang may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayon ay makikita sa ganoong mga tao ang pagliligtas ng Diyos at ang pag-ibig ng Diyos. Nagagawa rin ng mga taong ito na magpatotoo sa Diyos; isinasabuhay nila ang katotohanan, at ang kanilang pinatototohanan ay ang katotohanan din, kung ano ang Diyos at ang disposisyon ng Diyos. Namumuhay sila sa gitna ng pagmamahal ng Diyos at nakita na nila ang pagmamahal ng Diyos. Kung nais ng mga tao na mahalin ang Diyos, dapat nilang matikman ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at makita ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos; sa gayon lamang makakayang gisingin sa kanila ang isang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at isang pusong matapat na ginugugol ang mga sarili nila sa Diyos. Hindi pinaiibig ng Diyos sa Kanya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salita o sa pamamagitan ng kanilang imahinasyon, at hindi Niya pinipilit ang mga tao na mahalin Siya. Sa halip, hinahayaan Niyang kusang-loob na ibigin nila Siya, at hinahayaan Niya na makita nila sa Kanyang gawain at mga pagsasalita ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, at matapos nito ay sumisibol sa kanila ang pagmamahal sa Diyos. Tanging sa ganitong paraan maaaring tunay na magpatotoo ang mga tao sa Diyos. Hindi minamahal ng mga tao ang Diyos dahil nahimok sila ng iba na gawin ito, at hindi rin ito panandaliang bugso ng damdamin. Minamahal nila ang Diyos sapagkat nakita na nila ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, nakita nila na marami sa Kanya ang karapat-dapat ibigin ng mga tao, sapagkat nakita na nila ang pagliligtas, karunungan, at mga kamangha-kamanghang gawa ng Diyos—at bunga nito, sila ay tunay na nagbibigay-papuri sa Diyos at tunay na hinahangad Siya, at may ganoong simbuyo ng damdamin na nagigising sa kanila na hindi sila maaaring mabuhay nang hindi nakakamit ang Diyos. Ang dahilan kung bakit nagagawang magbigay ng tumataginting na patotoo sa Kanya ang mga taong tunay na nagpapatotoo sa Diyos ay dahil ang kanilang patotoo ay nakasandig sa pundasyon ng tunay na kabatiran at tunay na paghahangad para sa Diyos. Ang ganoong patotoo ay hindi inihahandog sa isang bugso ng damdamin, ngunit ayon sa kanilang kaalaman sa Diyos at sa Kanyang disposisyon. Dahil nakilala na nila ang Diyos, sa pakiramdam nila ay tiyak na dapat silang magpatotoo sa Diyos, at gawin ang lahat ng naghahangad sa Diyos na makilala ang Diyos, at malaman ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at ang Kanyang pagiging praktikal. Tulad ng pag-ibig ng mga tao sa Diyos, ang kanilang patotoo ay kusang-loob, ito ay tunay, at may tunay na kabuluhan at halaga. Hindi ito pasibo o hungkag at walang-kabuluhan. Ang dahilan kung bakit ang mga umiibig lamang sa Diyos ang may pinakamataas na halaga at kahulugan sa kanilang mga buhay, at sila lamang ang tunay na naniniwala sa Diyos, ay dahil nagagawa ng mga taong ito na mamuhay sa liwanag ng Diyos at nagagawa nilang mamuhay para sa gawain at pamamahala ng Diyos. Ito ay dahil hindi sila namumuhay sa kadiliman, kundi namumuhay sila sa liwanag; hindi sila namumuhay nang walang-kahulugang mga buhay, bagkus ay mga buhay na pinagpala ng Diyos. Tanging ang mga taong nagmamahal sa Diyos ang nagagawang magpatotoo sa Diyos, sila lamang ang mga saksi ng Diyos, sila lamang ang pinagpala ng Diyos, at sila lamang ang nagagawang tumanggap ng mga pangako ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Kung Paano Ko Natutunan na Magpatotoo sa Diyos

Ang Nagagawang Pinsala ng Pagpapasikat

Kaugnay na mga Himno

Sa Pagsasabuhay ng Realidad Ka lang Maaaring Magpatotoo

Paano Magpatotoo sa Diyos sa Iyong Pananalig

Sinundan: 39. Paano hangaring matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan

Sumunod: 41. Paano maglingkod at magpatotoo sa Diyos alinsunod sa Kanyang layunin

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito