38. Ano ang ugnayan sa pagitan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan at pagiging naligtas
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Kung ninanais ng mga tao na maligtas kapag naniniwala sila sa Diyos, ang pinakamahalaga ay kung mayroon ba silang pusong may takot sa Diyos o wala, kung may puwang ba ang Diyos sa puso nila o wala, kung nagagawa ba nila o hindi na mamuhay sa harapan ng Diyos at mapanatili ang normal na ugnayan sa Diyos. Ang mahalaga ay kung ang mga tao ba ay nakapagsasagawa ng katotohanan at nagiging mapagpasakop sa Diyos o hindi. Ganyan ang landas at mga kondisyon para maligtas. Kung hindi nagagawa ng puso mong mamuhay sa harapan ng Diyos, kung hindi ka madalas na nananalangin sa Diyos at nakikipagbahaginan sa Diyos, at nawawalan ka ng normal na ugnayan sa Diyos, hindi ka maliligtas kailanman, dahil naharangan mo ang landas tungo sa kaligtasan. Kung wala kang anumang ugnayan sa Diyos, naabot mo na ang hangganan. Kung ang Diyos ay wala sa puso mo, walang saysay na sabihin na nananampalataya ka, na manalig sa Diyos sa turing lamang. Hindi mahalaga kung gaano karaming salita at doktrina ang nagagawa mong bigkasin, kung gaano na karami ang naging pagdurusa mo para sa pananalig mo sa Diyos, o kung gaano man karami ang mga kaloob mo; kung wala sa puso mo ang Diyos, at wala kang takot sa Diyos, walang halaga kung paano ka nananalig sa Diyos. Sasabihin ng Diyos, “Layuan mo Ako, ikaw na masamang tao.” Ikaw ay ituturing na masamang tao. Mawawalan ka ng ugnayan sa Diyos; hindi mo na Siya magiging Panginoon o ang iyong Diyos. Kahit na kinikilala mo na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at kinikilala mo na Siya ang Lumikha, hindi mo Siya sinasamba, at hindi ka nagpapasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Sinusunod mo si Satanas at mga diyablo; tanging si Satanas at mga diyablo ang mga panginoon mo. Kung nagtitiwala ka sa iyong sarili sa lahat ng bagay, at sinusunod ang sarili mong kalooban, kung nagtitiwala ka na ang kapalaran mo ay nasa sarili mong mga kamay, ang pinaniniwalaan mo kung gayon ay ang sarili mo. Kahit na sinasabi mong pinaniniwalaan at kinikilala mo ang Diyos, hindi ka kinikilala ng Diyos. Wala kang ugnayan sa Diyos, kaya sa huli ay nakatakda kang itaboy Niya, parusahan Niya, at itiwalag Niya; hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong tulad mo. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay iyong mga tumatanggap sa Kanya bilang ang Tagapagligtas, na tumatanggap na Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Nagagawa nilang taos-pusong gugulin ang sarili nila para sa Kanya at gampanan ang tungkulin ng isang nilikha; nararanasan nila ang gawain ng Diyos, isinasagawa nila ang Kanyang mga salita at ang katotohanan, at tinatahak nila ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Sila ay mga taong nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at sumusunod sa Kanyang kalooban. Maliligtas lamang ang mga tao kapag mayroon silang ganoong pananampalataya sa Diyos; kung wala, sila ay kokondenahin. Katanggap-tanggap ba ang pangangarap nang gising ng mga tao kapag nananalig sila sa Diyos? Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, maaari bang matamo ng mga tao ang katotohanan kapag palagi silang kumakapit sa kanilang sariling mga kuru-kuro at malabo at mahirap maunawaang mga imahinasyon? Hinding-hindi. Kapag ang mga tao ay nananalig sa Diyos, dapat nilang tanggapin ang katotohanan, maniwala sa Kanya gaya ng hinihingi Niya, at magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos; noon lamang nila matatamo ang kaligtasan. Wala nang iba pang paraan bukod dito—anuman ang ginagawa mo, hindi ka dapat mangarap nang gising. Ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito ay napakahalaga para sa mga tao, hindi ba? Isa itong panggising sa inyo.
Ngayong narinig na ninyo ang mga mensaheng ito, dapat nauunawaan na ninyo ang katotohanan at malinaw na sa inyo kung ano ang napapaloob sa kaligtasan. Kung ano ang gusto ng mga tao, ano ang pinagsisikapan nila, at ang pinakagusto nilang gawin—wala rito ang mahalaga. Ang pinakamahalaga ay ang pagtanggap sa katotohanan. Sa huling pagsusuri, ang matamo ang katotohanan ang pinakamahalaga, at na ang nagpapahintulot sa iyo na magkaroon ng takot sa Diyos at ang pag-iwas sa kasamaan ay ang tamang landas. Kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos at palagi mong pinagtutuunan ang paghahangad ng mga bagay-bagay na walang kaugnayan sa katotohanan, kung gayon, ang pananampalataya mo ay walang kinalaman sa katotohanan, at walang kinalaman sa Diyos. Maaaring sinasabi mong pinaniniwalaan at kinikilala mo ang Diyos, subalit ang Diyos ay hindi mo Panginoon, Siya ay hindi mo Diyos, hindi mo tinatanggap na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran mo, hindi ka nagpapasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos para sa iyo, hindi mo kinikilala ang totoo na ang Diyos ang katotohanan—sa gayon ang mga pag-asam mo ng kaligtasan ay nawasak; kung hindi mo kayang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, tinatahak mo ang landas ng pagkawasak. Kung ang lahat ng bagay na iyong hinahangad, pinagtutuunan, ipinagdarasal, at isinasamo ay batay sa mga salita ng Diyos, at sa kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kung may lumalagong pagkaunawa ka na ikaw ay nagpapasakop sa Lumikha, at sumasamba sa Lumikha, at nadaramang ang Diyos ang iyong Panginoon, ang iyong Diyos, kung mas nagagalak kang magpasakop sa lahat ng pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos para sa iyo, at ang ugnayan mo sa Diyos ay patuloy na nagiging mas malapit, at nagiging mas normal higit kailanman, at kung ang pagmamahal mo sa Diyos ay nagiging mas dalisay at totoo higit kailanman, kung gayon, ang iyong mga reklamo at maling pagkaunawa sa Diyos, at ang iyong magagarbong ninanasa sa Diyos, ay patuloy na magiging mas kaunti, at lubos mo nang matatamo ang takot sa Diyos at ang pag-iwas sa masama, na ang ibig sabihin ay nakapasok ka na sa landas ng kaligtasan. Bagama’t ang pagtahak sa landas ng kaligtasan ay may kasamang disiplina, pagpupungos, paghatol, at pagkastigo ng Diyos, at nagsasanhi ang mga ito na magdusa ka ng labis na pasakit, ito ang pag-ibig ng Diyos na dumarating sa iyo. Kung hinahangad mo lamang na pagpalain kapag naniniwala ka sa Diyos, at hinahangad mo lamang ang katayuan, kasikatan at pakinabang, at hindi ka kailanman dinisiplina, o pinungusan, o hinatulan at kinastigo, kung gayon bagama’t mayroon kang madaling buhay, ang puso mo ay patuloy na lalayo sa Diyos, mawawala sa iyo ang normal na ugnayan sa Diyos, at hindi ka na rin magiging handang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos; gugustuhin mo nang maging sarili mong amo—lahat ng ito ay patunay na ang landas na tinatahak mo ay hindi ang tamang landas. Kung naranasan mo na ang gawain ng Diyos nang ilang panahon at may lumalagong pagkaunawa kung paanong ang sangkatauhan ay napakalalim na nagawang tiwali, at malamang talaga na lumaban sa Diyos, at kung nababalisa ka na darating ang araw na gagawa ka ng isang bagay na paglaban sa Diyos, at natatakot ka na malamang na magkakasala ka sa Diyos at lilisanin ka Niya, at kaya nadarama na wala nang mas nakakatakot pa kaysa ang labanan ang Diyos, kung gayon ay magkakaroon ka ng pusong may takot sa Diyos. Madarama mo na kapag ang mga tao ay nananalig sa Diyos, hindi sila dapat malihis palayo sa Diyos; kung malihis sila palayo sa Diyos, kung malihis sila palayo sa pagdisiplina ng Diyos, at sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, ito ay katumbas ng pagkawala ng proteksyon at pangangalaga ng Diyos, ng pagkawala ng mga pagpapala ng Diyos, at katapusan na ito ng mga tao; maaari na lamang silang maging mas ubod ng sama, sila ay magiging tulad ng mga tao ng relihiyon, at malamang pa rin na lumaban sa Diyos habang naniniwala sila sa Diyos—at kung ganito, sila ay magiging mga anticristo. Kung mapagtatanto mo ito, mananalangin ka sa Diyos, “O Diyos! Pakiusap, hatulan at kastiguhin Mo po ako. Sa lahat ng bagay na ginagawa ko, nagsusumamo po ako na siyasatin Mo ako. Kung gumagawa ako ng isang bagay na lumalabag sa katotohanan at kumokontra sa Iyong mga layunin, nawa ay hatulan Mo po ako at kastiguhin nang husto—hindi maaaring wala po sa akin ang Iyong paghatol at pagkastigo.” Ito ang tamang landas na dapat tahakin ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan
May isang kasabihan na dapat ninyong itala. Naniniwala Ako na napakahalaga ng kasabihang ito, dahil para sa Akin, naiisip ito nang napakaraming beses bawat araw. Bakit ganoon? Dahil tuwing nakakaharap Ko ang isang tao, tuwing naririnig Ko ang kuwento ng isang tao, at tuwing naririnig Ko ang karanasan o patotoo ng isang tao tungkol sa paniniwala sa Diyos, lagi Kong ginagamit ang kasabihang ito para matukoy sa Aking puso kung ang indibiduwal na ito ang uri ng taong nais ng Diyos at ang uri ng taong gusto ng Diyos. Kaya, sa gayon: ano ang kasabihang ito? Ngayon ay napasabik Ko kayong lahat nang husto. Kapag inihayag Ko ang kasabihan, marahil ay madidismaya kayo, dahil ang ilan ay sinasabi lamang ito nang hindi taos-puso sa loob ng maraming taon ngunit hindi ito ginagawa. Gayunman, ni minsan ay hindi Ko man lamang ito sinabi nang hindi taos-puso. Nananahan sa puso Ko ang kasabihang ito. Kaya, ano ang kasabihang ito? Ito iyon: “Sundan ang daan ng Diyos: Matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.” Hindi ba napakasimpleng parirala nito? Magkagayunman, sa kabila ng kasimplihan nito, madarama ng mga taong tunay na may malalim na pagkaunawa sa mga salitang ito na may malaking kahalagahan ang mga ito, na napakahalaga ng kasabihang ito para sa pagsasagawa ng isang tao, na naaayon ito sa wika ng buhay na naglalaman ng katotohanang realidad, na ito ay panghabambuhay na layunin para sa mga nagsisikap na palugurin ang Diyos, at na ito ay panghabambuhay na daan na dapat sundan ng sinumang may konsiderasyon sa mga layunin ng Diyos. … Anuman ang inyong kasalukuyang pagkaunawa sa kasabihang ito o paano man ninyo ito tinatrato, sasabihin Ko pa rin ito sa inyo: Kung maisasagawa ng mga tao ang mga salita ng kasabihang ito at mararanasan ang mga ito, at makakamit ang pamantayan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, mapapanatag sila na sila ay maliligtas at tiyak na maganda ang kanilang kahihinatnan. Gayunman, kung hindi mo matugunan ang pamantayang inilatag ng kasabihang ito, masasabi na walang nakakaalam sa kahihinatnan mo.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Sa bawat kapanahunan ng gawain ng Diyos, nagkakaloob Siya ng ilang salita sa mga tao at nagsasabi sa kanila ng ilang katotohanan. Ang mga katotohanang ito ay nagsisilbing daan na dapat sundan ng mga tao, ang daan na dapat nilang sundan, ang daan na nagbibigay-kakayahan sa kanila na magkaroon ng takot sa Diyos at makaiwas sa kasamaan, at ang daan na dapat isagawa at sundan ng mga tao sa kanilang buhay at sa buong paglalakbay nila sa buhay. Ito ang mga dahilan kaya ipinapahayag ng Diyos ang mga pagbigkas na ito sa sangkatauhan. Ang mga salitang ito na nagmumula sa Diyos ay dapat sundin ng mga tao, at ang pagsunod sa mga ito ay pagtanggap ng buhay. Kung hindi susundin ng isang tao ang mga ito, hindi isasagawa ang mga ito, at hindi isasabuhay ang mga salita ng Diyos, hindi isinasagawa ng taong ito ang katotohanan. Bukod pa riyan, kung hindi isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, hindi sila natatakot sa Diyos at hindi nila iniiwasan ang kasamaan, ni hindi rin nila mapapalugod ang Diyos. Ang mga taong hindi kayang palugurin ang Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang papuri, at walang kahihinatnan ang gayong mga tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinakailangan, at may pambihirang kabuluhan, dahil ang lahat ng ginagawa Niya sa tao ay may kinalaman sa Kanyang pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Natural lamang na ang gawaing ginawa ng Diyos kay Job ay hindi naiiba, kahit na si Job ay perpekto at matuwid sa paningin ng Diyos. Sa madaling salita, kahit ano pa ang ginagawa ng Diyos o ang paraan na ginagamit Niya para gawin ito, kahit ano pa ang halaga, o ang Kanyang nilalayon, ang pakay ng Kanyang mga kilos ay hindi nagbabago. Ang Kanyang pakay ay upang ipasok sa tao ang mga salita ng Diyos, pati na rin ang mga kinakailangan at ang mga layunin ng Diyos para sa tao; sa madaling salita, ito ay upang ipasok sa tao ang lahat ng pinaniniwalaan ng Diyos na positibo alinsunod sa Kanyang mga hakbang, na nagbibigay sa tao ng pagkaunawa sa puso ng Diyos at pagkaintindi sa diwa ng Diyos, at nagpapahintulot sa kanya na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at nang sa gayon ay magkaroon ng daan upang matamo ng tao ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan—ang lahat ng ito ay isang aspeto ng pakay ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ang isa pang aspeto ay, dahil si Satanas ang mapaghahambinganan at nagsisilbing gamit-pangserbisyo sa gawain ng Diyos, ang tao ay madalas na ibinibigay kay Satanas; paraan ito na ginagamit ng Diyos upang makita ng mga tao ang kasamaan, kapangitan, at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas sa gitna ng mga pagtukso at pag-atake nito, na nagiging dahilan upang kamuhian ng mga tao si Satanas at magawang malaman at makilala ang mga bagay na negatibo. Ang prosesong ito ay nagbibigay-daan sa kanila upang unti-unti nilang mapalaya ang kanilang mga sarili mula sa pamamahala ni Satanas, at mula sa mga paratang, panggugulo, at pag-atake nito—hanggang, salamat sa mga salita ng Diyos, ang kanilang kaalaman sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, ang kanilang pananampalataya sa Diyos at takot sa Diyos, ay magdala sa kanila ng tagumpay laban sa mga pag-atake at paratang ni Satanas; doon lamang sila ganap na maiaadya mula sa kapangyarihan ni Satanas. Ang paglaya ng mga tao ay nangangahulugan na si Satanas ay natalo, ito ay nangangahulugan na hindi na sila pagkain sa bibig ni Satanas—na sa halip na lunukin sila, pinakawalan sila ni Satanas. Ito ay sa kadahilanang ang mga gayong tao ay matuwid, may pananampalataya, may pagpapasakop, at may takot sa Diyos, at dahil tuluyan silang kumakawala kay Satanas. Nagdadala sila ng kahihiyan kay Satanas, ginagawa nilang duwag si Satanas, at tuluyan nilang tinatalo si Satanas. Ang kanilang matibay na paniniwala sa pagsunod sa Diyos, at ang pagpapasakop at takot nila sa Diyos ang tumatalo kay Satanas, at nagiging dahilan kung bakit ganap silang isinusuko ni Satanas. Ang mga taong tulad nito lamang ang tunay na nakamtan ng Diyos, at ito ang tunay na obhektibo ng Diyos sa pagliligtas sa tao. Kung nais nilang mailigtas, at nais nilang ganap na makamit ng Diyos, ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay dapat humarap sa mga maliliit at malalaking tukso at pag-atake na galing kay Satanas. Ang mga taong nangingibabaw sa mga tukso at pag-atake na ito at nagagawang ganap na talunin si Satanas ay ang mga nailigtas ng Diyos. Ibig sabihin, ang mga tao na iniligtas ng Diyos ay iyong mga sumailalim sa mga pagsubok ng Diyos, at ang mga tinukso at inatake ni Satanas nang hindi mabilang na pagkakataon. Nauunawaan ng mga taong iniligtas ng Diyos ang mga layunin at mga hinihingi ng Diyos, at nagagawa nilang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi nila tinatalikdan ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan sa gitna ng mga panunukso ni Satanas. Ang mga iniligtas ng Diyos ay nagtataglay ng katapatan, sila ay may mabubuting puso, napaghihiwalay nila ang pag-ibig at poot, may pagkaunawa sila sa hustisya at sila ay makatwiran, at nagagawa nilang magmalasakit sa Diyos at pahalagahan ang lahat ng sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay hindi naigagapos, namamanmanan, napararatangan, o naaabuso ni Satanas; sila ay ganap na malaya, sila ay ganap na napalaya at napakawalan na. Si Job ay isang tao ng kalayaan, at ito ang tiyak na kahulugan kung bakit ipinasa siya ng Diyos kay Satanas.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Kapag nais ng Diyos na maangkin ang puso ng isang tao, isasailalim Niya ang taong iyon sa maraming pagsubok. Sa panahon ng mga pagsubok na ito, kung hindi maangkin ng Diyos ang puso ng taong iyon o makita na may anumang saloobin ang taong ito—ibig sabihin, kung hindi nakikita ng Diyos na nagsasagawa o kumikilos ang taong ito sa isang paraan na nagpapakita ng pagkatakot sa Kanya, at kung hindi rin Niya nakikita sa taong ito ang isang saloobin at matibay na pagpapasya na umiwas sa kasamaan—pagkaraan ng maraming pagsubok, hindi na sila pagpapasensyahan ng Diyos, at hindi na Siya magpaparaya sa kanila. Hindi na Niya susubukin ang taong ito, at hindi na Siya gagawa pa sa kanila. Kaya, ano ang ipinahihiwatig nito sa kahihinatnan ng taong ito? Nangangahulugan ito na wala silang kahihinatnan. Maaaring walang nagawang kasamaan ang taong ito; marahil ay wala siyang nagawang nakakagambala at hindi siya nagsanhi ng kaguluhan. Marahil ay hindi niya hayagang nilabanan ang Diyos. Gayunman, nananatiling tago ang puso ng taong ito sa Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng malinaw na saloobin at pananaw sa Diyos, at hindi makita nang malinaw ng Diyos kung naibigay nila ang kanilang puso sa Kanya o kung hinahangad nilang magkaroon ng takot sa Kanya at iwasan ang kasamaan. Nauubos ang pasensya ng Diyos sa gayong mga tao, at hindi na Siya magsasakripisyo para sa kanila, maaawa sa kanila, o gagawa sa kanila. Nagwakas na ang pamumuhay ng isang tao nang may pananampalataya sa Diyos. Ito ay dahil, sa lahat ng maraming pagsubok na naibigay ng Diyos sa kanila, hindi natamo ng Diyos ang resultang nais Niya. Sa gayon, may ilang tao na hindi Ko kailanman nakitaan ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Paano ito makikita? Ang mga taong ito ay maaaring naniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, at sa tingin, kumilos sila nang masigla; nakabasa ng maraming aklat, nangasiwa sa maraming gawain, nakapuno ng isang dosena o mas marami pang kuwaderno, at naging dalubhasa sa napakaraming salita at doktrina. Gayunman, kailanman ay walang anumang nakikitang paglago sa kanila, hindi pa rin makita ang kanilang mga pananaw sa Diyos, at malabo pa rin ang kanilang saloobin. Sa madaling salita, hindi makita ang nilalaman ng kanilang puso; laging balot at selyado ang kanilang puso—selyado ang mga ito sa Diyos. Dahil dito, hindi pa Niya nakita ang tunay na nilalaman ng kanilang puso, hindi pa Niya nakita sa mga taong ito ang anumang tunay na pagkatakot sa Kanya, at, bukod pa riyan, hindi pa Niya nakita kung paano sinusunod ng mga taong ito ang Kanyang daan. Kung hindi pa rin natatamo ng Diyos ang gayong mga tao hanggang ngayon, matatamo ba Niya sila sa hinaharap? Hindi! Ipagpipilitan ba Niya ang mga bagay na hindi matatamo? Hindi! Ano, kung gayon, ang kasalukuyang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao? (Tinatanggihan Niya sila at binabalewala.) Binabalewala Niya sila!
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Nararapat na katakutan ang Diyos at magpasakop sa Kanya, dahil ang Kanyang katauhan at Kanyang disposisyon ay hindi kapareho ng sa isang nilalang at mas mataas sa mga nilalang. Ang Diyos ay umiiral nang mag-isa at walang katapusan, at hindi Siya isang nilalang, at nararapat na matakot at magpasakop sa Diyos lamang; hindi karapat-dapat ang tao para dito. Kaya, lahat ng nakaranas na ng Kanyang gawain at tunay na nakakilala sa Kanya ay nagkakaroon ng pusong may takot sa Kanya. Gayunman, yaong mga ayaw bumitaw sa kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya—yaong mga talagang hindi Siya itinuturing na Diyos—ay walang pusong may takot sa Kanya, at bagama’t sumusunod sila sa Kanya, hindi sila nalupig; sila ay likas na mapaghimagsik na mga tao. Ang nais Niyang makamtan sa pamamagitan ng paggawa ng gayon ay para lahat ng nilalang ay magkaroon ng pusong may takot sa Lumikha, sumasamba sa Kanya, at nagpapasailalim sa Kanyang kapamahalaan nang walang pasubali. Ito ang huling resultang nais makamit ng lahat ng Kanyang gawain. Kung lahat ng taong nakaranas na ng gayong gawain ay walang pusong may takot sa Diyos, kahit kaunti, at kung ang kanilang dating pagiging mapaghimagsik ay hindi man lamang nagbabago, siguradong ititiwalag sila. Kung ang saloobin ng isang tao sa Diyos ay para lamang hangaan Siya o magpakita ng paggalang sa Kanya mula sa malayo, at hindi para mahalin Siya kahit katiting, ito ang resultang naabot ng isang taong walang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at wala sa taong iyon ang mga kalagayan para magawang perpekto. Kung hindi natamo ng napakaraming gawain ang tunay na pagmamahal ng isang tao, hindi pa nakamit ng taong iyon ang Diyos at hindi niya tunay na hinahanap ang katotohanan. Ang isang taong hindi mahal ang Diyos ay hindi mahal ang katotohanan at sa gayon ay hindi makakamit ang Diyos, lalong hindi niya matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang gayong mga tao, paano man nila nararanasan ang gawain ng Banal na Espiritu, at paano man nila nararanasan ang paghatol, ay hindi magawang magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Ito ay mga taong hindi mababago ang likas na pagkatao at may nakakasuklam na mga disposisyon. Lahat ng walang may-takot-sa-Diyos na puso ay ititiwalag, upang maging mga pakay ng kaparusahan, at maparusahan tulad ng mga gumagawa ng kasamaan, upang magdusa nang higit pa kaysa sa mga nakagawa ng masasamang bagay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao
Sa kanilang paniniwala sa Diyos, kung ang mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso, kung wala silang pusong nagpapasakop sa Diyos, hindi lamang sila hindi makakagawa ng anumang gawain para sa Kanya, kundi bagkus ay magiging mga taong gumagambala sa Kanyang gawain at lumalaban sa Kanya. Ang paniniwala sa Diyos ngunit hindi nagpapasakop o natatakot sa Kanya, at sa halip ay nilalabanan Siya, ang pinakamalaking kahihiyan para sa isang mananampalataya. Kung kaswal lang at walang pagpipigil ang pananalita at pag-uugali ng mga mananampalataya na tulad ng mga walang pananampalataya, mas buktot pa sila kaysa mga walang pananampalataya; sila ay napakatipikal na mga demonyo. Yaong mga nagbubulalas ng kanilang makamandag at malisyosong pananalita sa loob ng iglesia, na nagkakalat ng mga tsismis, nagpupukaw ng kawalan ng pagkakaisa, at iginugrupu-grupo ang mga kapatid—dapat ay natiwalag na sila sa iglesia. Subalit dahil ibang panahon na ngayon ng gawain ng Diyos, hinihigpitan ang mga taong ito, sapagkat walang dudang ititiwalag sila. Lahat ng nagawang tiwali ni Satanas ay may mga tiwaling disposisyon. May ilang tao na nagtataglay ng tiwaling disposisyon lamang, samantalang ang iba ay hindi ganito: Hindi lamang sila mayroong mga tiwali at satanikong disposisyon, kundi napakamalisyoso rin ng kanilang likas na pagkatao. Hindi lamang inihahayag ng kanilang mga salita at kilos ang kanilang mga tiwali at satanikong disposisyon; ang mga taong ito, bukod dito, ang totoong mga diyablo at si Satanas. Ang pag-uugali nila ay nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos, nakakagulo ito sa buhay pagpasok ng mga kapatid, at nakakasira sa normal na buhay ng iglesia. Sa malao’t madali, ang mga lobong ito na nakadamit-tupa ay kailangang alisin; dapat gamitan ng walang-awang saloobin, ng saloobin ng pagtanggi, ang dapat gamitin para sa mga alipores na ito ni Satanas. Ito lamang ang pumapanig sa Diyos, at yaong mga hindi nakakagawa nito ay nagtatampisaw sa putikan na kasama ni Satanas. Ang Diyos ay palaging nasa puso ng mga taong tunay na naniniwala sa Kanya, at palagi silang may-takot-sa-Diyos na puso, isang mapagmahal-sa-Diyos na puso. Dapat gawin ng mga naniniwala sa Diyos ang mga bagay-bagay nang maingat at masinop, at lahat ng ginagawa nila ay dapat maging alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos at makalugod sa Kanyang puso. Hindi dapat maging matigas ang kanilang ulo, na ginagawa ang anumang gusto nila; hindi iyan nababagay sa banal na kaangkupan. Hindi dapat magwala ang mga tao, na iwinawagayway ang bandila ng Diyos kung saan-saan habang nagyayabang at nanggagantso kahit saan; ito ang pinakasuwail na uri ng pag-uugali. May mga panuntunan ang mga pamilya, at may mga batas ang mga bansa—hindi ba lalo na sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba higit na mas mahigpit pa ang mga pamantayan nito? Hindi ba higit na mas marami pa itong atas administratibo? Ang mga tao ay malayang gawin ang gusto nila, ngunit ang mga atas administratibo ng Diyos ay hindi maaaring baguhin kung kailan gustuhin. Ang Diyos ay isang Diyos na hindi nagpapalampas ng kasalanan ng mga tao; Siya ay isang Diyos na nilalagay sila sa kamatayan. Hindi pa ba ito alam talaga ng mga tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan
Kung maliligtas ka ay hindi depende sa kung gaano ka na katanda o ilang taon ka nang nagtatrabaho, at lalo nang hindi ito depende sa kung gaano karami ang mga kredensyal mo. Bagkus, depende ito sa kung nagbunga na ang iyong paghahabol. Kailangan mong malaman na yaong mga naliligtas ay ang “mga puno” na nagbubunga, hindi ang mga puno na may malalagong dahon at saganang bulaklak subali’t hindi nagbubunga. Kahit nakagugol ka na ng maraming taon sa paggala-gala sa mga lansangan, ano ang halaga niyon? Nasaan ang iyong patotoo? Napakaliit ng iyong may-takot-sa-Diyos na puso kumpara sa iyong pusong nagmamahal sa iyong sarili at sa iyong mahahalay na pagnanasa—hindi ba napakasama ng ganitong klaseng tao? Paano sila magiging uliran at huwaran para sa pagliligtas? Ang iyong kalikasan ay hindi na mababago, napakasuwail mo, wala ka nang pag-asang maligtas! Hindi ba ang gayong mga tao ang ititiwalag? Hindi ba ang oras na matatapos ang Aking gawain ang siyang oras ng pagdating ng huling araw mo? Napakarami Kong nagawang gawain at napakarami Kong nasambit na salita sa gitna ninyo—gaano karami nito ang tunay na nakapasok sa inyong mga tainga? Gaano karami nito ang nakapagpasakop na kayo? Kapag natapos ang Aking gawain, iyon ang magiging oras na titigil kang kontrahin Ako, na titigil kang kalabanin Ako. Habang Ako’y gumagawa, patuloy kayong kumikilos laban sa Akin; hindi kayo sumusunod sa Aking mga salita kahit kailan. Ginagawa Ko ang Aking gawain, at ginagawa mo ang iyong sariling “gawain,” gumagawa ng sarili mong munting kaharian. Kayo’y walang iba kundi mga soro at mga aso, ginagawa ang lahat para kontrahin Ako! Palagi ninyong sinusubukang yakapin yaong mga naghahandog sa inyo ng kanilang buong pagmamahal—nasaan ang inyong pusong may takot? Lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang! Wala kayong pagpapasakop o pagkatakot, at lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang at lapastangan! Maliligtas ba ang ganyang klaseng tao? Ang mga taong sekswal na imoral at mahalay ay palaging gustong akitin ang makikiring haliparot sa kanila para sa sarili nilang kasiyahan. Hindi Ko talaga ililigtas ang gayong sekswal na imoral na mga demonyo. Kinamumuhian Ko kayong maruruming demonyo, at ang inyong kahalayan at pagiging haliparot ay magsasadlak sa inyo sa impiyerno. Ano ang masasabi ninyo para sa inyong mga sarili? Nakakadiri kayong maruruming demonyo at masasamang espiritu! Nakasusuklam kayo! Paano maliligtas ang gayong klaseng basura? Maliligtas pa rin ba sila na nabibitag sa kasalanan? Ngayon, ang katotohanang ito, ang daang ito, at ang buhay na ito ay hindi umaakit sa inyo; bagkus, naaakit kayo sa pagkakasala; sa pera; sa reputasyon, katanyagan at pakinabang; sa mga kasiyahan ng laman; sa kaguwapuhan ng mga lalaki at kariktan ng mga babae. Ano ang nagbibigay ng karapatan sa inyo na pumasok sa Aking kaharian? Ang inyong larawan ay higit pa kaysa sa Diyos, ang inyong katayuan ay mas mataas pa kaysa sa Diyos, maliban pa sa inyong kabantugan sa mga tao—naging idolo na kayo na sinasamba ng mga tao. Hindi ba kayo naging ang arkanghel? Kapag inihahayag na ang mga kalalabasan ng mga tao, na kung kailan rin malapit nang matapos ang gawain ng pagliligtas, marami sa inyo ang magiging mga bangkay na wala nang pag-asang maligtas at kailangang itiwalag. Sa oras ng gawain ng pagliligtas, Ako ay mabait at mabuti sa lahat ng tao. Kapag natapos na ang gawain, ang mga kalalabasan ng iba’t ibang uri ng mga tao ay mahahayag, at sa oras na iyon, hindi na Ako magiging mabait at mabuti, sapagka’t ang mga kalalabasan ng mga tao ay mahahayag na, at bawa’t isa ay pagsasama-samahin ayon sa kanilang uri, at mawawalan na ng saysay ang paggawa ng anumang iba pang gawain ng pagliligtas, dahil ang kapanahunan ng pagliligtas ay nakalipas na, at, dahil nakalipas na, hindi na ito babalik.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 7
Kaugnay na mga Himno
Sa Pagkatakot Lang sa Diyos na Malalayuan ang Kasamaan
Dapat Maniwala ang mga Tao sa Diyos nang May Pusong May Takot sa Diyos
Anong Klaseng Tao ang Hindi Maliligtas?
Hanapin ang Katotohanan sa Lahat ng Bagay upang Magawang Perpekto