37. Paano matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang isang tunay na nilalang ay kailangang malaman kung sino ang Lumikha, para saan nilikha ang tao, paano isagawa ang mga responsibilidad ng isang nilalang, at paano sambahin ang Panginoon ng lahat ng nilikha, kailangang maunawaan, maintindihan, malaman, at isaalang-alang ang mga layon, naisin, at hinihiling ng Lumikha, at kailangang sundin ang daan ng Lumikha—ang magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.
Ano ang magkaroon ng takot sa Diyos? At paano maiiwasan ng isang tao ang kasamaan?
Ang “magkaroon ng takot sa Diyos” ay hindi nangangahulugan ng di-maipaliwanag na sindak at takot, ni hindi ng paglayo, ni hindi ng pagpapalayo, ni hindi rin ito pag-iidolo o pamahiin. Sa halip, ito ay paghanga, paggalang, pagtitiwala, pag-unawa, pagmamalasakit, pagpapasakop, pagtatalaga, pagmamahal, at walang-kundisyon at walang-reklamong pagsamba, pagbabayad-utang, at pagpapasailalim. Kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi magkakaroon ng tunay na paghanga, tunay na pagtitiwala, tunay na pag-unawa, tunay na pagmamalasakit o pagpapasakop ang sangkatauhan, kundi ng takot lamang at pagkabalisa, pagdududa, di-pagkakaunawaan, paglayo, at pag-iwas; kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi posible na masundan ng sangkatauhan ang daan ng Diyos; kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi magkakaroon ng tunay na pagsamba at pagpapasailalim ang sangkatauhan, kundi ng bulag na pag-iidolo at pamahiin lamang; kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi posibleng makasunod ang sangkatauhan alinsunod sa daan ng Diyos, o magkakaroon ng takot sa Diyos, o iiwas sa kasamaan. Bagkus, bawat aktibidad at pag-uugali ng tao ay mapupuno ng paghihimagsik at pagsuway, ng mapanirang mga pahiwatig at mapanirang-puring mga paghusga tungkol sa Kanya, at ng masamang asal na taliwas sa katotohanan at sa tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos.
Kapag nagkaroon na ng tunay na pagtitiwala sa Diyos ang sangkatauhan, magiging tunay na ang kanilang pagsunod sa Kanya at pag-asa sa Kanya; sa tunay na pagtitiwala at pag-asa sa Diyos lamang maaaring magkaroon ng tunay na pagkaunawa at pagkaintindi ang sangkatauhan; kasama ng tunay na pagkaintindi sa Diyos ang tunay na pagmamalasakit sa Kanya; sa tunay na pagmamalasakit lamang sa Diyos maaaring tunay na magpasakop ang sangkatauhan; sa tunay na pagpapasakop lamang sa Diyos magkakaroon ng tunay na pagtatalaga ang sangkatauhan; sa tunay na pagtatalaga lamang sa Diyos maaaring magbayad-utang ang sangkatauhan nang walang kundisyon at walang reklamo; sa tunay na pagtitiwala at pag-asa, tunay na pag-unawa at pagmamalasakit, tunay na pagpapasakop, tunay na pagtatalaga at pagbabayad-utang lamang tunay na malalaman ng sangkatauhan ang disposisyon at diwa ng Diyos, at malalaman ang identidad ng Lumikha; kapag tunay na nilang nakilala ang Lumikha, saka lamang magigising sa kalooban ng sangkatauhan ang tunay na pagsamba at pagpapasailalim; kapag may tunay na silang pagsamba at pagpapasailalim sa Lumikha, saka lamang magagawang isantabi ng sangkatauhan ang kanilang masasamang gawi, ibig sabihin, maiwasan ang kasamaan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita
Ngayon, gusto ng lahat na maging isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa masama. Kung gayon, ano ang kahulugan ng daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Masasabing may kinalaman dito ang paghahanap at pagpapasakop sa Diyos, at pagpapasakop sa Kanya nang ganap at lubusan. May kinalaman ito sa pagiging tunay na may pangamba at takot sa Diyos, nang walang anumang elemento ng panlilinlang, paglaban, o paghihimagsik. Ito ay pagiging ganap na dalisay sa puso at lubos na tapat at mapagpasakop sa Diyos. Ang katapatan at pagpapasakop na ito ay dapat ganap, hindi medyo lang; hindi ito nakadepende sa oras o lugar, o kung gaano katanda ang isang tao. Ito ang paraan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa masama. Sa proseso ng ganitong paghahanap, unti-unti mong makikilala ang Diyos at mararanasan ang Kanyang mga gawa; mararamdaman mo ang Kanyang pag-aalaga at proteksyon, madarama ang katotohanan ng Kanyang pag-iral, at mararamdaman ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Sa wakas, talagang mararamdaman mo na ang Diyos ay nasa lahat ng bagay, at Siya at nasa tabi mo lamang. Magkakaroon ka ng ganitong uri ng realisasyon. Kung hindi mo sinusunod ang daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, kung gayon ay hindi ka kailanman magkakamit ng kaalaman tungkol sa mga bagay na ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tao ang Pinakamalaking Nakikinabang sa Pamamahala ng Diyos
Perpekto si Job, may takot siya sa Diyos at umiiwas siya sa kasamaan, at na nagtataglay siya ng malaking kayamanan at kagalang-galang na katayuan. Para sa isang pangkaraniwang tao na nakatira sa ganitong kapaligiran at sa ilalim ng naturang mga kondisyon, ang pagkain ni Job, ang kalidad ng kanyang buhay, at ang iba’t ibang aspeto ng kanyang personal na buhay ay ang mga pagtutuunan ng pansin ng karamihan sa mga tao; dahil dito, kailangan nating ipagpatuloy ang pagbabasa ng mga kasulatan: “At ang kanyang mga anak ay nagsiyaon at nagsipagdaos ng kapistahan sa bahay ng bawat isa sa kanya-kanyang kaarawan; at sila’y nangagsugo, at ipinatawag ang kanilang tatlong kapatid na babae upang magsikain at magsiinom na kasalo nila. At nangyari, nang makaraan ang mga araw ng kanilang pagpipista, na si Job ay nagsugo, at pinapagbanal sila, at bumangong maaga sa kinaumagahan, at naghandog ng mga handog na susunugin ayon sa bilang nilang lahat: sapagkat sinabi ni Job, ‘Marahil ang aking mga anak ay nangagkasala, at itinakwil ang Diyos sa kanilang mga puso.’ Ganito ang patuloy na ginawa ni Job” (Job 1:4–5). … Kapag inilalarawan ng Bibliya ang pagpipista ng mga anak na lalaki at babae ni Job, hindi nababanggit si Job; sinasabi lamang na ang kanyang mga anak na lalaki at babae ay madalas na kumain at uminom nang magkakasama. Sa madaling salita, hindi siya nagdaraos ng mga kapistahan, at hindi rin siya sumasama sa kanyang mga anak na lalaki at babae sa pagkain nang marangya. Kahit mayaman, at nagtataglay ng maraming ari-arian at mga tagapagsilbi, ang buhay ni Job ay hindi maluho. Ang kayamanan niya ay hindi nagdulot na magpakasasa siya sa marangyang kapaligiran ng pamumuhay, o magpakasasa sa mga kasiyahan ng laman o kialimutan na mag-alay ng mga sinusunog na handog dahil sa kanyang kayamanan, at lalong hindi ito naging sanhi nang unti-unting paglayo ng kanyang puso sa Diyos. Kung gayon, maliwanag na disiplinado si Job sa kanyang uri ng pamumuhay, hindi sakim o nakatuon sa kasiyahan bilang bunga ng mga pagpapala sa kanya ng Diyos, at hindi rin nakatuon ang kanyang pansin sa kalidad ng buhay. Sa halip, siya ay mapagpakumbaba at may mababang-loob, hindi siya mahilig magpasikat, at siya ay mapagbantay at maingat sa harap ng Diyos. Madalas niyang ikinokonsidera ang mga biyaya at pagpapala ng Diyos, at patuloy na nagkimkim ng may-takot-sa-Diyos na puso. Sa kanyang araw-araw na buhay, madalas ay maagang bumabangon si Job upang mag-alay ng mga handog na susunugin para sa kanyang mga anak na lalaki at babae. Sa madaling salita, si Job ay hindi lamang may takot sa Diyos, umasa rin siya na ang kanyang mga anak ay magkakaroon din ng takot sa Diyos at hindi magkakasala laban sa Diyos. Walang lugar sa puso ni Job ang materyal na kayamanan, ni hindi nito napalitan ang posisyon na hawak ng Diyos; maging para sa kapakanan ng kanyang sarili o ng kanyang mga anak, ang lahat ng ikinikilos ni Job araw-araw ay may kinalaman sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Ang kanyang takot sa Diyos na si Jehova ay hindi tumigil sa kanyang bibig, kundi isinakatuparan niya ito, at ipinakita sa bawat bahagi ng kanyang araw-araw na pamumuhay. Ang aktwal na asal na ito ni Job ay nagpapakita sa atin na siya ay tapat, at nagtaglay ng diwa na may pagmamahal sa katarungan at mga bagay na positibo. Ang madalas na pagsugo at pagpapabanal ni Job sa kanyang mga anak na lalaki at babae ay nangangahulugan na hindi niya pinahintulutan o sinang-ayunan ang asal ng kanyang mga anak; sa halip, sa kanyang puso siya ay tumututol sa kanilang pag-uugali, at kinondena sila. Napagpasyahan niya na ang pag-uugali ng kanyang mga anak na lalaki at babae ay hindi kalugud-lugod sa Diyos na si Jehova, at kaya naman madalas niya silang pagsabihan na pumunta sa harap ng Diyos na si Jehova at ikumpisal ang kanilang mga kasalanan. Ipinapakita sa atin ng mga kilos ni Job ang isa pang bahagi ng kanyang pagkatao, kung saan siya ay hindi kailanman sumama sa mga taong madalas na nagkakasala at sumusuway sa Diyos, at sa halip ay nilayuan at iniwasan ang mga ito. Bagama’t ang mga taong ito ay ang kanyang mga anak na lalaki at babae, hindi niya tinalikuran ang kanyang sariling mga prinsipyo ng pagkilos dahil sa sila ay sarili niyang pamilya, at hindi niya pinagbigyan ang kanilang mga kasalanan dahil sa sarili niyang damdamin. Sa halip, hinimok niya silang mangumpisal at makamit ang kapatawaran ng Diyos na si Jehova, at binigyan niya sila ng babala na huwag talikuran ang Diyos para sa kapakanan ng kanilang mga sariling sakim na kasiyahan. Ang mga prinsipyo kung paano pinakitunguhan ni Job ang iba ay hindi maihihiwalay mula sa mga prinsipyo ng kanyang takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Minahal niya ang mga tinanggap ng Diyos, at kinasuklaman ang mga itinaboy ng Diyos; minahal niya ang mga taong may-takot-sa-Diyos sa kanilang mga puso, at kinasuklaman niya ang mga gumagawa ng kasamaan o nagkakasala laban sa Diyos. Ang ganitong pagmamahal at pagkasuklam ay makikita sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay, at ito ang tunay na pagkamatuwid ni Job na nakita ng mga mata ng Diyos. Natural lamang na ito rin ang pagpapahayag at pagsasabuhay ng tunay na pagkatao ni Job sa kanyang mga ugnayan sa iba sa kanyang araw-araw na pamumuhay na dapat nating matutuhan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Matapos sabihin ng Diyos kay Satanas na, “Lahat niyang tinatangkilik ay nasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay,” umalis si Satanas, at matapos noon ay sumailalim na si Job sa biglaan at mababangis na pag-atake: Una, ninakaw ang kanyang mga baka at mga asno at pinatay ang ilan sa mga tagapaglingkod niya; sumunod, sinunog ang ilan sa kanyang mga tupa at mga tagapaglingkod; matapos noon, kinuha ang mga kamelyo niya at pinatay pa ang mga tagapaglingkod niya; sa huli, namatay ang mga anak niyang lalaki at babae. Ang sunud-sunod na pag-atake na ito ay ang paghihirap na dinanas ni Job sa unang tukso. Ayon sa iniutos ng Diyos, ang mga ari-arian at mga anak lamang ni Job ang pinuntirya ni Satanas sa panahon ng mga pag-atake, at hindi niya sinaktan si Job. Gayunman, mula sa pagiging isang mayamang tao na nagmamay-ari ng malaking kayamanan, si Job ay biglang naging isang tao na wala kahit na anong ari-arian. Walang sinuman ang may kakayahang matagalan ang mga kagila-gilalas na biglaang pag-atake na ito o tumugon sa mga ito nang maayos, ngunit si Job ay nagpakita ng kanyang pambihirang kakayahan. Nagbibigay ang Kasulatan ng sumusunod na salaysay: “Nang magkagayo’y bumangon si Job, at pinunit ang kanyang balabal, at inahitan ang kanyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba.” Ito ang unang reaksyon ni Job pagkatapos niyang marinig na nawala sa kanya ang kanyang mga anak at lahat ng kanyang ari-arian. Higit sa lahat, hindi siya mukhang nagulat, o natakot, at lalong hindi siya nagpahayag ng galit o poot. Nakikita mo, sa gayon, na nakilala na niya sa kanyang puso na ang mga sakunang ito ay hindi isang aksidente, o gawa ng kamay ng tao, at lalong hindi dala ng paghihiganti o kaparusahan. Sa halip, dumating sa kanya ang mga pagsubok ni Jehova; si Jehova ang nagnais na kunin ang kanyang ari-arian at mga anak. Napaka-mahinahon at malinaw ng pag-iisip ni Job noon. Ang kanyang perpekto at matuwid na pagkatao ang tumulong sa kanya upang makagawa ng mga makatwiran at likas na tumpak na mga paghatol at pagpapasya tungkol sa mga sakunang dumating sa kanya, at dahil dito, nagawa niyang kumilos nang may pambihirang kahinahunan: “Nang magkagayo’y bumangon si Job, at pinunit ang kanyang balabal, at inahitan ang kanyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba.” Ang “pinunit ang kanyang balabal” ay nangangahulugan na wala siyang suot, at walang pagmamay-ari; ang “inahitan ang kanyang ulo” ay nangangahulugang bumalik siya sa Diyos bilang isang bagong silang na sanggol; ang “nagpatirapa sa lupa at sumamba” ay nangangahulugang dumating siya sa mundo nang hubad, at wala pa ring pag-aari sa ngayon, ibinalik siya sa Diyos na tila isang bagong silang na sanggol. Ang saloobin ni Job sa lahat ng sinapit niya ay hindi maaaring makamit ng anumang nilikha ng Diyos. Ang kanyang pananampalataya kay Jehova ay hindi kapani-paniwala; ganito ang kanyang takot sa Diyos, ang kanyang pagpapasakopsa Diyos, at hindi lamang siya nagpasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa kanya, ngunit pati na rin sa pagkuha mula sa kanya. Higit pa rito, nagawa niyang ibalik sa Diyos ang lahat ng kanyang pag-aari, kasama na ang kanyang buhay.
Ang takot at pagpapasakop ni Job sa Diyos ay isang halimbawa sa sangkatauhan, at ang kanyang pagka-perpekto at ang pagkamatuwid ay ang rurok ng pagkatao na dapat taglayin ng tao. Kahit hindi niya nakita ang Diyos, natanto niya na tunay na umiiral ang Diyos, at dahil sa pagkatantong ito ay nagkaroon siya ng takot sa Diyos, at dahil sa takot niya sa Diyos, nagawa niyang magpasakop sa Diyos. Binigyan niya ang Diyos ng kalayaan na kunin ang lahat ng kanyang pag-aari, subalit hindi siya nagreklamo, at nagpakumbaba siya sa harap ng Diyos at sinabi sa Kanya, sa oras na ito, na kahit na kunin ng Diyos ang kanyang laman, masaya niyang hahayaan na gawin ito ng Diyos, nang walang reklamo. Ang kanyang buong asal ay dahil sa kanyang perpekto at matuwid na pagkatao. Ibig sabihin nito, bunga ng kanyang kawalang-sala, katapatan, at kabaitan, si Job ay naging matatag sa kanyang natanto at karanasan na tungkol sa pag-iral ng Diyos. Mula sa saligang ito inatasan niya ang kanyang sarili at gumawa ng pamantayan sa kanyang pag-iisip, pag-uugali, asal, at mga prinsipyo sa pagkilos sa harap ng Diyos na naaayon sa patnubay ng Diyos sa kanya at sa mga gawa ng Diyos na nakita niya sa lahat ng bagay. Sa paglipas ng panahon, ang kanyang mga karanasan ay nagdulot sa kanya ng tunay at totoong takot sa Diyos at nagawa niyang layuan ang kasamaan. Ito ang pinagmulan ng integridad na mahigpit na pinanghawakan ni Job. Si Job ay may isang matapat, walang sala, at mabait na pagkatao, at siya ay mayroong tunay na karanasan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, at paglayo sa kasamaan, pati na rin ang kaalaman na “si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis.” Dahil sa mga bagay na ito lamang niya nagawang tumayo nang matatag sa kanyang patotoo sa gitna ng mapaminsalang pag-atake ni Satanas, at dahil sa mga ito lamang niya nagawang hindi biguin ang Diyos at magbigay ng kasiya-siyang sagot sa Diyos nang dumating ang Kanyang mga pagsubok.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Pinagdusahan ni Job ang pamiminsala ni Satanas, ngunit hindi pa rin niya itinakwil ang pangalan ng Diyos na si Jehova. Ang kanyang asawa ang unang nagpakita at umatake kay Job sa pamamagitan ng pagganap sa katauhan ni Satanas sa paraang makikita ng tao. Inilalarawan ito sa orihinal na teksto nang ganito: “Nang magkagayo’y sinabi ng kanyang asawa sa kanya, ‘Pinananatili mo pa rin ba ang iyong integridad? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka’” (Job 2:9). Ito ang mga salitang sinabi ni Satanas na nagbabalat-kayong tao. Ang mga ito ay isang pag-atake, at isang bintang, pati na rin pang-aakit, tukso, at paninirang-puri. Matapos mabigo sa pag-atake sa laman ni Job, tuluyang inatake ni Satanas ang integridad ni Job, na gustong gamitin ito upang isuko ni Job ang kanyang integridad, talikuran ang Diyos, at hindi na magpatuloy sa pamumuhay. Tulad nito, gusto ring gamitin ni Satanas ang mga salitang ito upang akitin si Job: Kung itinakwil ni Job ang pangalan ni Jehova, hindi niya kailangang pagtiisan ang ganoong paghihirap; maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa paghihirap ng laman. Nahaharap sa payo ng kanyang asawa, pinagsabihan siya ni Job sa pagsasabing, “Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng isa sa mga hangal na babae. Ano? Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Matagal nang alam ni Job ang mga salitang ito, ngunit pinatunayan ng pagkakataong ito ang katotohanan na alam nga ni Job ang mga ito.
Noong pinayuhan siya ng kanyang asawa na sumpain ang Diyos at mamatay na, ang ibig nitong sabihin ay: “Ganito ka tratuhin ng Diyos mo, bakit hindi mo Siya isumpa? Paano mo pa nagagawang mabuhay? Hindi patas sa iyo ang iyong Diyos, ngunit sinasabi mo pa rin na ‘purihin ang pangalan ni Jehova.’ Paano Niya nagagawang magdulot ng sakuna sa iyo samantalang pinupuri mo ang Kanyang pangalan? Magmadali ka at talikuran mo ang pangalan ng Diyos, at huwag ka nang sumunod sa Kanya. Sa ganitong paraan, matatapos ang mga problema mo.” Sa mga sandaling ito, nakita ang pagpapatotoo na ninais na makita ng Diyos kay Job. Walang karaniwang tao na makapagpapatotoo nang ganito, at hindi rin natin ito nababasa sa anumang mga kuwento sa Bibliya—ngunit nakita na ng Diyos ang mga ito bago pa man sinabi ni Job ang mga naturang mga salita. Gusto lamang gamitin ng Diyos ang pagkakataong ito upang pahintulutan si Job na patunayan sa lahat na ang Diyos ay tama. Nahaharap sa payo ng kanyang asawa, hindi lamang hindi isinuko ni Job ang kanyang integridad o kaya ay tumalikod sa Diyos, kundi sinabi rin niya sa kanyang asawa: “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” May bigat ba ang mga salitang ito? Dito, mayroon lamang isang katotohanan na kayang magpatunay sa bigat ng mga salitang ito. Ang bigat ng mga salitang ito ay na pinagtibay ng Diyos ang mga ito sa Kanyang puso, ang mga ito ang ninais ng Diyos, ang mga ito ang ninais na marinig ng Diyos, at ang mga ito ang kalalabasang hinangad na makita ng Diyos; ang mga salitang ito rin ang pinakamahalagang bahagi ng patotoo ni Job. Dito, napatunayan ang pagiging perpekto, pagkamatuwid, pagkakaroon ng takot sa Diyos, at pag-iwas ni Job sa kasamaan. Ang kahalagahan ni Job ay nakasalalay sa kung paano, nang tuksuhin siya, at kahit noong puno ang kanyang buong katawan ng mga namamagang pigsa, noong pinagtiisan niya ang sukdulang paghihirap, at noong pinayuhan siya ng kanyang asawa at kamag-anak, nasabi pa rin niya ang ganoong mga salita. Sa madaling salita, sa kanyang puso, naniniwala siya na kahit ano pang tukso, o gaano man kabigat ang pagtitiis o paghihirap, kahit pa dumating ang kamatayan sa kanya, hindi siya tatalikod sa Diyos o tatanggi sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Samakatwid, nakikita mo na hawak ng Diyos ang pinakamahalagang lugar sa kanyang puso, at na ang Diyos lamang ang nasa kanyang puso. Dahil dito kaya mababasa natin ang mga paglalarawan sa kanya sa Kasulatan bilang: Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa pamamagitan ng kanyang mga labi. Siya ay hindi lamang di-nagkasala sa kanyang mga labi, kundi maging sa kanyang puso, hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos. Hindi siya nagsabi ng masasakit na salita tungkol sa Diyos, at hindi rin siya nagkasala laban sa Diyos. Hindi lamang basta pinagpala ng kanyang bibig ang pangalan ng Diyos, ngunit sa kanyang puso ay pinuri rin niya ang pangalan ng Diyos; ang kanyang bibig at puso ay iisa. Ito ang tunay na Job na nakita ng Diyos, at ito ang tunay na dahilan kung bakit pinahalagahan ng Diyos si Job.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Bakit nagawa ni Job na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan? Ano ang iniisip niya sa kanyang puso? Paano niya nagawang hindi gawin ang mga masasamang bagay na ito? Mayroon siyang pusong may takot sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pusong may takot sa Diyos? Nangangahulugan ito na ang kanyang puso ay takot sa Diyos, kayang dakilain ang Diyos, at na may lugar sa kanyang puso para sa Diyos. Hindi siya takot na makikita ito ng Diyos, o na magagalit ang Diyos. Sa halip, sa kanyang puso ay dinakila niya ang Diyos, na handa niyang palugurin ang Diyos, at handa niyang panghawakan ang mga salita ng Diyos. Kaya nagawa niyang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Masasabi na ng lahat ngayon ang katagang “natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan,” ngunit hindi nila alam kung paano ito nagawa ni Job. Sa katunayan, itinuring ni Job ang “pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” bilang pinakapangunahin at mahalagang bagay sa paniniwala sa Diyos. Samakatuwid, nagawa niyang panghawakan ang mga salitang ito, na para bang pinanghahawakan niya ang isang utos. Nakinig siya sa mga salita ng Diyos dahil dinakila niya ang Diyos. Hindi man maging kapansin-pansin ang mga salita ng Diyos sa mga mata ng tao, kahit na mga ordinaryong salita lamang ang mga ito, sa puso ni Job, ang mga salitang ito ay mula sa kataas-taasang Diyos; ang mga ito ang pinakadakila, pinakamahalagang mga salita. Kahit na hinahamak ng mga tao ang mga salitang ito, hangga’t ang mga ito ay mga salita ng Diyos, dapat itong sundin ng mga tao—kahit pa sila ay kinukutya o sinisiraan dahil dito. Kahit makaranas sila ng paghihirap o sila ay inuusig, dapat nilang matatag na panghawakan ang Kanyang mga salita hanggang sa huli; hindi nila maaaring isuko ang mga ito. Ito ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos. Dapat mong matatag na panghawakan ang bawat salitang iniaatas ng Diyos sa tao. Tungkol sa mga bagay na ipinagbabawal ng Diyos, o sa mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos, ayos lang kung hindi mo alam ang tungkol sa mga ito, ngunit kung alam mo ang tungkol sa mga ito, kung gayon ay dapat na magagawa mong lubos na iwasang gawin ang mga bagay na iyon. Dapat ay kaya mong magpakatatag, kahit na iwanan ka ng iyong pamilya, kutyain ng mga walang pananampalataya, o insultuhin at pagtawanan ng mga malapit sa iyo. Bakit kailangan mong magpakatatag? Ano ang iyong panimulang punto? Ano ang iyong mga prinsipyo? Ito ay, “Dapat kong matatag na panghawakan ang mga salita ng Diyos at kumilos ayon sa Kanyang mga pagnanais. Magiging matatag ako sa paggawa ng mga bagay na gusto ng Diyos, at magiging determinado akong iwanan ang mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Kung hindi ko alam ang layunin ng Diyos, ayos lang, ngunit kung alam ko at nauunawaan ko ang Kanyang layunin, kung gayon ay magiging determinado akong makinig at magpasakop sa Kanyang mga salita. Walang makakahadlang sa akin, at hindi ako matitinag kahit pa magwakas na ang mundo.” Ito ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Sa aling mga bagay ng inyong pang-araw-araw na buhay kayo mayroong takot sa Diyos na puso? At sa aling mga bagay kayo walang takot sa Diyos na puso? Nagagawa mo bang kamuhian ang isang tao kapag napapasama niya ang loob mo o naaapektuhan ang iyong mga interes? At kapag kinamumuhian mo ang isang tao, kaya mo bang parusahan siya at maghiganti? (Oo.) Kung gayon, lubha kang nakakatakot! Kung wala kang takot sa Diyos na puso, at nakagagawa ng masasamang bagay, kung gayon, napakalubha nitong masamang disposisyon mo! Ang pagmamahal at pagkamuhi ay mga bagay na dapat taglayin ng normal na pagkatao, ngunit kailangan mong makita nang malinaw ang pagkakaiba sa pagitan ng iyong minamahal at ng iyong kinamumuhian. Sa puso mo, dapat mong mahalin ang Diyos, mahalin ang katotohanan, mahalin ang mga positibong bagay, at mahalin ang iyong mga kapatid, samantalang dapat mong kamuhian si Satanas at ang mga diyablo, kamuhian ang mga negatibong bagay, kamuhian ang mga anticristo, at kamuhian ang masasamang tao. Kung nagagawa mong pigilan at gantihan ang iyong mga kapatid dahil sa galit, lubhang nakakatakot iyan, at iyan ang disposisyon ng isang masamang tao. Ang ilang tao ay mayroon lamang kapoot-poot na mga saloobin at ideya—masasamang ideya, pero hinding-hindi sila gagawa ng anumang masama. Hindi masasamang tao ang mga ito dahil kapag may nangyayari, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan, at binibigyang-pansin nila ang mga prinsipyo sa kung paano sila umasal at humarap sa mga bagay-bagay. Kapag nakikipag-ugnayan sa iba, hindi sila humihingi sa mga ito ng labis sa nararapat; kung nakakasundo nila nang maayos ang tao, patuloy silang makikipag-ugnayan dito; kung hindi nila nakakasundo, hindi sila makikipag-ugnayan. Halos hindi ito nakakaapekto sa pagganap ng kanilang tungkulin o sa kanilang buhay pagpasok. Ang Diyos ay nasa puso nila at mayroon silang takot sa Diyos na puso. Ayaw nilang magkasala sa Diyos, at natatakot silang gawin iyon. Bagama’t maaaring magkimkim ang mga taong ito ng ilang maling saloobin at ideya, nagagawa nilang maghimagsik at abandonahin ang mga iyon. Nakakapagpigil sila sa kanilang mga kilos, at hindi bumibigkas ng isang salita na hindi naaangkop, o nagkakasala sa Diyos. Ang isang taong nagsasalita at kumikilos sa ganitong paraan ay isang taong mayroong mga prinsipyo at nagsasagawa ng katotohanan. Ang iyong personalidad ay maaaring hindi tugma sa personalidad ng ibang tao, at maaaring ayaw mo sa kanya, ngunit kapag kasama mo siyang gumagawa, nananatili kang walang pinapanigan at hindi mo ibubunton ang mga pagkadismaya mo sa paggawa ng iyong tungkulin, o ilalabas ang mga pagkadismaya mo sa mga interes ng pamilya ng Diyos; mapapangasiwaan mo ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Ano ang ipinamamalas nito? Ito ay isang pagpapamalas ng pagkakaroon ng takot sa Diyos na puso. Kung mayroon kang higit pa riyan, kapag nakita mo na may ilang kakulangan o kahinaan ang ibang tao, kahit na napasama niya ang loob mo o nagkaroon siya ng pagkiling laban sa iyo, may kakayahan ka pa ring tratuhin siya nang tama at mapagmahal siyang tulungan. Ang ibig sabihin nito ay may pagmamahal ka, na ikaw ay isang taong nagtataglay ng pagkatao, na ikaw ay isang taong mabait at kayang magsagawa ng katotohanan, na ikaw ay isang matapat na taong nagtataglay ng mga katotohanang realidad, at na ikaw ay isang taong may takot sa Diyos na puso. Kung maliit pa rin ang iyong tayog ngunit mayroon kang kahandaan, at handa kang magpunyagi para sa katotohanan, at magsikap gawin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, at nagagawa mong harapin ang mga bagay-bagay at pakitunguhan ang iba nang may prinsipyo, maituturing din ito na pagkakaroon ng takot sa Diyos na puso kahit papaano; pinakabatayan ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos
Kapag naging buhay na ang katotohanan sa iyo, kapag inobserbahan mo ang isang taong lapastangan sa Diyos, walang takot sa Diyos, at pabasta-basta habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, o ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, tutugon ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at matutukoy at mailalantad mo sila ayon sa kinakailangan. Kung hindi mo naging buhay ang katotohanan, at nabubuhay ka pa rin sa loob ng iyong satanikong disposisyon, kapag nakatuklas ka ng masasamang tao at mga diyablong nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan ka; isasantabi mo sila, nang walang paninisi mula sa iyong budhi. Iisipin mo pa nga na ang sinumang nagdudulot ng mga kaguluhan sa gawain ng iglesia ay walang kinalaman sa iyo. Gaano man nagdurusa ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, wala kang pakialam, hindi ka nakikialam, o nakokonsiyensiya—ginagawa ka nitong isang taong walang konsensiya o katwiran, isang hindi mananampalataya, isang trabahador. Kinakain mo ang sa Diyos, iniinom ang sa Diyos, at tinatamasa ang lahat ng nagmumula sa Diyos, ngunit pakiramdam mo ay walang kinalaman sa iyo ang anumang pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ginagawa ka nitong isang traydor na kumakagat sa kamay na nagpapakain sa iyo. Tao ka ba kung hindi mo pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Isa itong demonyo na isiniksik ang sarili sa iglesia. Nagpapanggap kang naniniwala sa Diyos, nagkukunwaring isang hinirang na tao, at nais mong samantalahin ang sambahayan ng Diyos. Hindi mo isinasabuhay ang buhay ng isang tao, mas para kang halimaw kaysa tao, at malinaw na isa ka sa mga hindi mananampalataya. Kung isa kang taong tunay na naniniwala sa Diyos, kahit na hindi mo pa nakakamit ang katotohanan at buhay, kahit papaano ay magsasalita at kikilos ka na nasa panig ng Diyos; kahit papaano, hindi ka tatayo lang nang walang ginagawa kapag nakikita mong nakokompromiso ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; kapag nauudyok kang magbulag-bulagan, makokonsensiya ka, at hindi mapapalagay, at sasabihin mo sa iyong sarili, “Hindi ako puwedeng maupo lang dito at walang gawin, kailangan kong tumayo at magsalita, kailangan kong umako ng responsabilidad, kailangan kong ilantad ang masamang pag-uugaling ito, kailangan kong pigilan ito, upang hindi mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi maabala ang buhay iglesia.” Kung naging buhay mo na ang katotohanan, hindi ka lamang magkakaroon ng ganitong tapang at pagpapasya, at magagawa mong maunawaan nang lubusan ang pangyayari, kundi matutupad mo rin ang pananagutan na dapat mong pasanin para sa gawain ng Diyos at para sa mga kapakinabangan ng Kanyang sambahayan, at ang iyong tungkulin ay matutupad. Kung puwede mong ituring ang iyong tungkulin bilang responsabilidad at obligasyon mo at bilang atas ng Diyos, at nadarama mo na kailangan ito upang makaharap ka sa Diyos at sa iyong konsiyensiya, hindi ba isinasabuhay mo ang integridad at dignidad ng normal na pagkatao? Ang iyong mga gawa at pag-uugali ang magiging “pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” na sinasabi Niya. Isinasagawa mo ang diwa ng mga salitang ito at isinasabuhay ang realidad ng mga ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kaugnay na mga Himno
Yaong mga May Takot sa Diyos ay Pinupuri ang Diyos sa Lahat ng Bagay
Ang Kailangang Landas sa Pagkatakot sa Diyos at Paglayo sa Kasamaan