36. Paano magkakamit ng pagpapasakop sa Diyos ang isang tao

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, likas na nagpapasakop sa Diyos ang tao at nagpapasakop sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay likas na may maayos na katinuan at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas, pumurol at pinahina ni Satanas ang orihinal na katinuan, konsensiya, at pagkatao ng tao. Sa gayon, nawala niya ang kanyang pagpapasakop at pag-ibig sa Diyos. Nalihis ang katinuan ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at nagiging mas madalas at mas matindi ang kanyang pagiging mapanghimagsik sa Diyos. Nguni’t hindi pa rin ito batid ni kinikilala ng tao, at walang tigil lang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ibinubunyag ng mga pagpapahayag ng kanyang katinuan, kaunawaan, at konsensiya ang disposisyon ng tao; dahil wala sa ayos ang kanyang katinuan at kaunawaan, at sukdulan nang pumurol ang kanyang konsensiya, kaya mapanghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katinuan at pananaw ng tao, hindi posible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, gayundin ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi maayos ang katinuan ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya akmang gamitin ng Diyos. Tumutukoy “ang normal na katinuan” sa pagpapasakop at pagiging tapat sa Diyos, sa paghahangad sa Diyos, sa pagiging ganap tungo sa Diyos, at sa pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Tumutukoy ito sa pagiging isa sa puso at isip tungo sa Diyos, at hindi pasadyang lumalaban sa Diyos. Hindi ganito ang pagkakaroon ng lihis na katinuan. Mula noong ginawang tiwali ni Satanas ang tao, nakabuo na siya ng mga kuru-kuro ukol sa Diyos, at wala siyang katapatan sa Diyos o paghahangad sa Kanya, at lalo na ang pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Sadyang sinasalungat at hinahatulan ng tao ang Diyos, at, bukod pa riyan, pumupukol sa Kanya ng mga pagtuligsa sa Kanyang likuran. Hinahatulan ng tao ang Diyos nang patalikod, nang may malinaw na kaalamang Siya ang Diyos; walang intensiyon ang tao na magpasakop sa Diyos, at gumagawa lamang ng mga bulag na kahilingan at pakiusap sa Kanya. Ang gayong mga tao—mga taong may lihis na katinuan—ay walang kakayahang makilala ang sarili nilang pag-uugaling kasuklam-suklam o ang pagsisihan ang kanilang pagiging mapanghimagsik. Kung may kakayahan ang mga taong makilala ang mga sarili nila, bahagya nilang nabawi na ang kanilang katinuan; habang mas naghihimagsik sa Diyos ang mga taong hindi pa nakakikilala sa mga sarili nila, mas wala sa ayos ang kanilang katinuan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Hindi kayang magpasakop ng tao sa Diyos dahil sinapian siya ng dumating na dati. Ang mga bagay na dumating na dati ay nagluwal ng kung ano-anong uri ng mga kuru-kuro at iba’t ibang imahinasyon tungkol sa Diyos sa mga tao, at ang mga ito ang naging larawan ng Diyos sa mga isip nila. Sa gayon, ang pinaniniwalaan nila ay ang sarili nilang mga kuru-kuro, at ang mga pamantayan ng sarili nilang guni-guni. Kung ikukumpara mo ang Diyos na gumagawa ng praktikal na gawain ngayon sa Diyos ng sarili mong guni-guni, nagmumula kay Satanas ang pananampalataya mo, at nadungisan ng mga sarili mong kagustuhan—hindi nais ng Diyos ang ganitong uri ng pananampalataya. Gaano man katayog ang mga kredensyal nila, at gaano man sila kasigasig—kahit na naglaan na sila ng habambuhay na pagsisikap sa gawain Niya, at ginawang martir ang mga sarili nila—hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang sinumang may ganitong pananampalataya. Pinagkakaloob lamang Niya sa kanila ang maliit na biyaya at hinahayaan silang tamasahin ito nang maikling panahon. Ang ganitong mga tao ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan. Hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa loob nila, at isa-isang ititiwalag ng Diyos ang bawat isa sa kanila. Bata man o matanda, yaong mga hindi nagpapasakop sa Diyos sa pananampalataya nila at mayroong mga maling layon ay yaong mga sumasalungat at gumagambala, at walang alinlangang ititiwalag ng Diyos ang ganitong mga tao. Yaong mga taong wala ni katiting na pagpapasakop sa Diyos, na kinikilala lamang ang pangalan Niya, at mayroong kaunting muwang sa kabutihan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos, subalit hindi sumasabay sa mga hakbang ng Banal na Espiritu, at hindi nagpapasakop sa kasalukuyang gawain at mga salita ng Banal na Espiritu—namumuhay ang ganitong mga tao sa gitna ng biyaya ng Diyos, at hindi Niya kakamtin o gagawing perpekto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya Mo sa Diyos, Dapat Kang Sumunod sa Diyos

Para mailigtas ng Diyos ang sangkatauhan, sa isang punto ay kailangan Niyang ipahayag ang katotohanan para mahatulan at malinis ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao; hikayatin ang mga tao na unawain ang katotohanan, at kilalanin ang Diyos at magpasakop sa Kanya; turuan ang mga tao kung paano sila dapat umasal at kung paano sila makakatahak sa tamang landas; at sabihin sa mga tao kung paano nila dapat isagawa ang katotohanan, paano nila magagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin at kung paano sila makapapasok sa mga katotohanang realidad. Sa isa pang punto, kailangan Niyang ilantad ang mga kaisipan at pananaw ni Satanas. Kailangan Niyang ilantad at suriin ang iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala sa paggawang tiwali ni Satanas sa mga tao, upang matukoy ng mga tao ang mga ito. Pagkatapos, maaalis na ng mga tao ang mga satanikong bagay na ito mula sa kanilang puso, malilinis sila at makakamit nila ang kaligtasan. Sa ganitong paraan, mauunawaan ng mga tao kung ano ang katotohanan, at matutukoy rin nila ang disposisyon ni Satanas, ang kalikasan ni Satanas at ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala nito. Kapag kinilala ng mga tao na ang Diyos ang Lumikha at may pananalig sila na sumunod sa Diyos, makikita nila ang kapangitan ni Satanas sa kaibuturan ng kanilang puso, at ganap nilang maitatakwil si Satanas. Pagkatapos, ang puso ng mga taong ito ay ganap nang makababalik sa Diyos. Kahit papaano man lang, kapag ang puso ng isang tao ay nagsisimula nang bumalik sa Diyos pero hindi pa ganap na nakababalik, ang ibig sabihin, kapag ang puso niya ay hindi pa pinaghaharian ng katotohanan, at hindi pa natatamo ng Diyos, sa takbo ng kanyang buhay ay gagamitin niya ang salita ng Diyos upang tukuyin, suriin, at kilatisin ang lahat ng pahayag na ikinikintal ni Satanas sa mga tao at sa huli ay magagawa niyang talikdan si Satanas. Sa ganitong paraan, liliit nang liliit ang puwang ni Satanas sa puso ng mga tao, hanggang sa ganap itong mawala. Mapapalitan ito ng salita ng Diyos, ng mga aral na ibinibigay ng Diyos sa mga tao, ng mga katotohanang prinsipyo na itinutustos ng Diyos, at iba pa. Ang buhay na ito ng pagiging positibo at ng katotohanan ay unti-unting magkakaugat sa mga tao at ookupa ng pinakamalaking puwang sa kanilang puso, at bilang resulta, magkakaroon ng kapamahalaan ang Diyos sa puso ng mga tao. Ibig sabihin, kapag ang iba’t ibang kaisipan, pananaw, maling pananampalataya at maling paniniwala na ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao ay natutukoy at nakikilatis, kaya kinamumuhian at tinatalikuran ng mga tao ang mga ito, unti-unting ookupa sa puso ng mga tao ang katotohanan. Unti-unti itong magiging buhay ng mga tao at aktibo silang magpapasakop at susunod sa Diyos. Paano man gumawa at mamuno ang Diyos, aktibong magagawang tanggapin ng mga tao ang katotohanan at ang salita ng Diyos at makapagpapasakop sa gawain ng Diyos. Bukod pa roon, sa pamamagitan ng karanasang ito, aktibo silang magsusumikap sa katotohanan at magkakamit ng pagkaunawa sa katotohanan. Ganito nagkakaroon ng tunay na pananalig sa Diyos ang mga tao, at habang lalong nagiging malinaw sa kanila ang katotohanan, lalong lumalaki ang kanilang pananalig. Kapag may tunay na pananalig sa Diyos ang mga tao, nagsasanhi rin ito na matakot sila sa Diyos. Kapag may takot sa Diyos ang mga tao, may pagnanais silang makamit ang Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, at handa silang magpasakop sa Kanyang kapamahalaan. Nagpapasakop sila sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at nagpapasakop sa mga plano ng Diyos para sa kanilang tadhana. Nagpapasakop sila sa bawat araw at sa lahat ng espesyal na sitwasyong itinatakda ng Diyos para sa kanila. Kapag may ganitong kahandaan at pagkauhaw ang mga tao, aktibo rin nilang tatanggapin ang mga hinihingi ng Diyos sa kanila at magpapasakop sila sa mga ito. Habang lalong nagiging malinaw sa mga tao ang mga resulta nito, at lalong nagiging totoo, ang mga pahayag, kaisipan at pananaw ni Satanas ay mawawalan ng epekto sa puso ng mga tao. Sa madaling salita, mababawasan nang mababawasan ang kontrol at impluwensiya ng mga pahayag, kaisipan at pananaw ni Satanas sa mga tao.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 15

Habang nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, sa pamamagitan ng paglalantad at paggabay ng Kanyang mga salita, nagsisimula na silang makilatis at matuklasan ang ugat ng katiwalian, kabuktutan, at kapangitan ng sangkatauhan, pati na rin ang diwa ng pagiging antagonistiko ng tao sa Diyos, sa gayon, nauunawaan nila kung bakit hindi kaayon ng tao ang Diyos—dahil ang diwa ng tao ay likas na hindi kaayon ng sa Diyos, tulad ng tubig at langis na hindi kailanman maghahalo. Kapag nagbago ang diwa ng isang panig para tumugma sa isa pa, saka sila pwedeng magkaisa. Kaya, sino ang layong baguhin ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahayag sa katotohanan? Mga tao. Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan at hinahatulan at kinakastigo ang mga tao, nilulutas ang mga tiwaling disposisyon nila at lahat ng nasa kanila na taliwas sa katotohanan at hindi kaayon ng Diyos, para maging kaayon sila ng Diyos at lahat ng nasa kanila ay makakaayon sa katotohanan. Sa ganitong paraan, mawawala ang mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Kung hindi maaalis ang tiwaling disposisyon mo, hindi malulutas ang mga isyu tulad ng pagiging mapagbantay, maling pagkaunawa, pagtanggi, pagdududa, pag-aalinlangan mo, at maging ang pagiging mapaghimagsik at pagkondena mo sa Diyos. Pawang mga bagay ang mga ito na nananahan sa kalikasan ng tao; pundamental ang mga ito sa mga tao. Kung nalulutas ang mga tiwaling disposisyong ito sa pundamental na antas na ito, mas nagiging madali para sa mga tao na magpasakop sa Diyos. Kahit na hindi umaayon ang mga sinasabi o ginagawa ng Diyos sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, hindi nila huhusgahan o kokondenahin ang Diyos. Kahit mamatay sila at mapunta sa impiyerno, hindi sila magrereklamo laban sa Diyos kundi kamumuhian lang nila ang sarili nila dahil hindi nila hinangad ang katotohanan, naniniwalang nararapat sa kanila ang kaparusahan. Ang mga gayong tao lang ang tunay na nagpapasakop sa Diyos, walang hadlang sa pagitan nila at ng Diyos. Nauunawaan nila ang katotohanan, nalinis na ang katiwalian nila, at kaya nilang magpasakop sa Diyos at hindi na muling magkaroon ng mga kuru-kuro, pagiging mapaghimagsik, o paglaban. Pwede na silang maging kaayon ng Diyos, at nang may katotohanan bilang buhay nila, magkakaroon sila ng buhay na kaayon ng Diyos. Sa loob ng buhay na ito, mayroong tunay na pagpapasakop sa Diyos at tunay na pagsamba sa Diyos.

—Pagbabahagi ng Diyos

Aling tiwaling disposisyon ang dapat malutas upang matutuhan ang aral ng pagpapasakop? Ang disposisyon ng kayabangan at pagmamagaling, na siyang pinakamatinding hadlang sa mga taong nagsasagawa ng katotohanan at nagpapasakop sa Diyos. Ang mga taong may mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon ang pinakamalamang na mangatwiran at sumuway, lagi nilang iniisip na tama sila, kaya naman wala nang mas apurahan pa kaysa sa paglutas at pagpungos sa mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon ng isang tao. Sa sandaling maging maayos ang asal ng mga tao at tumigil na sa pangangatwiran para sa kanilang sarili, malulutas ang problema ng paghihimagsik, at magagawa na nilang magpasakop. Kung magagawa ng mga taong makamit ang pagpapasakop, hindi ba’t kailangan na taglay nila ang isang partikular na antas ng pagkamakatwiran? Dapat taglay nila ang katwiran ng isang normal na tao. Halimbawa, sa ilang bagay, kung ginawa man natin ang tamang bagay o hindi, kung hindi nasisiyahan ang Diyos, dapat nating gawin kung ano ang sinasabi Niya, at ituring ang Kanyang mga salita bilang pamantayan para sa lahat ng bagay. Makatwiran ba ito? Gayon ang katwiran na dapat masumpungan sa mga tao bago ang anupaman. Kahit gaano pa tayo magdusa, at kahit ano pa ang ating mga layunin, pakay, at dahilan, kung hindi nasisiyahan ang Diyos—kung hindi natugunan ang Kanyang mga hinihingi—kung gayon walang pag-aalinlangang hindi nakaayon ang ating mga kilos sa katotohanan, kaya dapat tayong makinig at magpasakop sa Diyos, at hindi natin dapat subukang magpalusot o mangatwiran sa Kanya. Kapag nagtataglay ka ng gayong pagkamakatwiran, kapag nagtataglay ka ng katwiran ng isang normal na tao, madaling lutasin ang iyong mga problema, at magiging tunay kang mapagpasakop. Kahit ano pa ang sitwasyong kinalalagyan mo, hindi ka magiging rebelde, at hindi mo sasalungatin ang mga hinihingi ng Diyos; hindi mo susuriin kung tama ba o mali, mabuti ba o masama ang mga hinihingi ng Diyos, at magagawa mong sumunod—at dahil dito ay malulutas ang iyong kalagayan ng pangangatwiran, pagmamatigas, at pagrerebelde. May ganito bang mga mapaghimagsik na kalagayan ang lahat ng tao sa loob nila? Madalas lumilitaw ang mga kalagayang ito sa mga tao, at iniisip nila sa kanilang sarili, “Hangga’t makatwiran ang aking diskarte, mga panukala, at mga mungkahi, kahit labagin ko pa ang mga katotohanang prinsipyo, hindi ako dapat pungusan, dahil hindi naman ako gumawa ng masama.” Isang pangkaraniwang kalagayan ito sa mga tao. Ang pananaw nila ay na kung hindi sila nakagawa ng masama, hindi sila dapat pungusan; ang mga taong nakagawa lamang ng masama ang dapat pungusan. Tama ba ang pananaw na ito? Siyempre hindi. Pangunahing pinupuntirya ng pagpupungos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kung may tiwaling disposisyon ang isang tao, dapat siyang pungusan. Kung pinungusan lang siya matapos makagawa ng masama, huli na ito masyado, dahil nakagawa na siya ng pinsala. Kung nalabag ang disposisyon ng Diyos, manganganib ka, at maaaring hindi na gumawa sa iyo ang Diyos—kung magkagayon, ano pa ang silbi na pungusan ka? Wala nang ibang magagawa pa kundi ang ibunyag at itiwalag ka. Ang pangunahing problema na pumipigil sa mga tao na magpasakop sa Diyos ay ang kanilang mapagmataas na disposisyon. Kung tunay na nagagawa ng mga taong tanggapin ang paghatol at pagkastigo, magagawa nilang epektibong lutasin ang sarili nilang mapagmataas na disposisyon. Kahit sa ano pang antas nila ito nagagawang lutasin, kapaki-pakinabang ito sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Ang pagtanggap ng paghatol at pagkastigo ay pinakapangunahin sa lahat, upang malutas ang sariling tiwaling disposisyon, para mailigtas ng Diyos. At kung tunay ngang nagagawa ng mga taong makamit ang lubos na pagpapasakop sa Diyos, kailangan pa rin ba nilang maranasan ang paghatol at pagkastigo? Kailangan pa rin ba nilang maranasan ang pagpupungos? Hindi na nila kailangan, dahil nalutas na ang kanilang mga tiwaling disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos

Hindi mababago ng mga tao ang sarili nilang disposisyon; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa pagdurusa at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pagdidisiplina at pagpupungos ng Kanyang mga salita. Pagkatapos noon, saka lamang sila magiging mapagpasakop at matapat sa Diyos, at hindi na magpapadalus-dalos sa pakikitungo sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng paglalantad, paghatol, pagdidisiplina, at pagpupungos ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na nagagawa nilang magpasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain, kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, nagagawa nilang isantabi ang mga kuru-kurong ito at maluwag sa loob na magpasakop.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos

Kung malamang na magkamali ka ng pagkaunawa sa Diyos kapag may ginagawa ang Diyos na mga bagay na taliwas sa iyong mga kuru-kuro—at malamang na maghimagsik pa nga laban sa Diyos, at ipagkanulo Siya—kung gayon ay malayong magawa mo na magpasakop sa Diyos. Habang ang tao ay tinutustusan at dinidiligan ng salita ng Diyos, nagsisikap talaga siya para sa iisang mithiin, na magawang makamtan ang walang kondisyon, lubos na pagpapasakop sa Diyos sa dakong huli—kung kailan, ikaw, ang nilikhang ito, ay nakaabot na sa kinakailangang pamantayan. May mga panahon na sinasadya ng Diyos na gumawa ng mga bagay na taliwas sa mga kuru-kuro mo, at sinasadya Niyang gumawa ng mga bagay na salungat sa mga ninanais mo, at maaari pa ngang tila taliwas sa katotohanan, walang pagsasaalang-alang sa iyo, at hindi umaayon sa iyong mga sariling kagustuhan. Ang mga bagay na ito ay maaaring mahirap para sa iyo na tanggapin, maaaring hindi mo maunawaan ang mga bagay na ito, at gaano mo man suriin ang mga ito, maaaring mali ang mga ito sa iyo at hindi mo magawang tanggapin ang mga ito, maaaring madama mo na wala sa katwiran ang Diyos para gawin ito—ngunit ang totoo, sinadya ng Diyos na gawin ito. Ano ang pakay ng Diyos sa paggawa ng mga bagay na ito? Ito ay para subukin at ibunyag ka, para makita kung magagawa mo bang hanapin ang katotohanan o hindi, kung may tunay ka bang pagpapasakop sa Diyos o wala. Huwag maghanap ng batayan para sa lahat ng ginagawa at hinihingi ng Diyos, at huwag magtanong kung bakit. Walang silbi ang subukang mangatwiran sa Diyos. Kailangan mo lang kilalanin na ang Diyos ang katotohanan at magkaroon ng kakayahan na lubos na magpasakop. Kailangan mo lang kilalanin na ang Diyos ang iyong Lumikha at ang iyong Diyos. Mas mataas ito kaysa anumang pangangatwiran, mas mataas kaysa anumang makamundong karunungan, mas matayog kaysa anumang moralidad, etika, kaalaman, pilosopiya, o tradisyonal na kultura ng tao—mas mataas maging sa mga damdamin ng tao, sa pagiging matuwid ng tao, at sa tinaguriang pag-ibig ng tao. Mas mataas ito kaysa anupaman. Kung hindi ito malinaw sa iyo, darating ang isang araw sa malao’t madali na may mangyayari sa iyo at babagsak ka. Pinakamababa nang magrerebelde ka sa Diyos at tatahak sa lihis na landas; kung sa huli ay magagawa mong magsisi, at makilala ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at makilala ang kahalagahan ng gawain ng Diyos sa iyo, magkakaroon ka pa rin ng pag-asang maligtas—ngunit kung ikaw ay mahulog dahil sa bagay na ito at hindi mo nagawang bumangon, wala ka nang pag-asa. Hinahatulan man, kinakastigo, o isinusumpa ng Diyos ang mga tao, ang lahat ng ito ay para mailigtas sila, at hindi sila dapat matakot. Ano ang dapat mong ikatakot? Dapat mong katakutan ang pagsasabi ng Diyos ng, “Itinataboy kita.” Kapag sinabi ito ng Diyos, nasa panganib ka: Ibig sabihin nito ay hindi ka ililigtas ng Diyos, na wala ka nang pag-asang maligtas. Kaya, sa pagtanggap sa gawain ng Diyos, dapat na maunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos. Anuman ang iyong ginagawa, huwag mong hanapan ng mali ang mga salita ng Diyos, at sabihing, “Ayos lang ang paghatol at pagkastigo, pero ang pagkondena, pagsumpa, pagwasak—hindi ba’t ibig sabihin noon ay katapusan na ng lahat sa akin? Ano pa ang silbi ng pagiging isang nilikha? Kaya hindi na ako magiging isang nilikha, at hindi Ka na magiging Diyos ko.” Kung tinatanggihan mo ang Diyos at hindi ka naninindigan sa iyong patotoo, maaaring itakwil ka talaga ng Diyos. Alam ba ninyo ito? Gaano man katagal nang nananalig ang mga tao sa Diyos, gaano man karaming daan ang nalakbay na nila, gaano man karami ang gawain na nagawa na nila, o gaano man karaming tungkulin ang nagampanan na nila, ang lahat ng ginawa nila sa panahong ito ay para mapaghandaan ang isang bagay. Ano iyon? Naghahanda sila para magkaroon sa huli ng lubusang pagpapasakop sa Diyos, ng walang kondisyong pagpapasakop. Ano ang ibig sabihin ng “walang kondisyon”? Ang ibig sabihin nito ay hindi ka mangangatwiran, at wala kang sasabihin tungkol sa mga sarili mong obhektibong dahilan, ibig sabihin nito ay wala kang magiging walang-saysay na pagtutol; hindi ka karapat-dapat para dito, dahil isa kang nilikha. Kapag gumagawa ka ng walang-saysay na pagtutol sa Diyos, mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan, at kapag sinusubukan mong mangatwiran sa Diyos—muli, mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan. Huwag kang makipagtalo sa Diyos, huwag mo palaging subukang isipin ang dahilan, huwag kang magpumilit na makaunawa bago magpasakop, at huwag magpasakop kapag hindi mo nauunawaan. Kapag ginawa mo ito, mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan, kung gayon ay hindi lubos ang iyong pagpapasakop sa Diyos; ito ay pagpapasakop na depende sa sitwasyon at may kondisyon. Ang mga gumagawa ba ng kondisyon para sa kanilang pagpapasakop sa Diyos ay mga tao na tunay na nagpapasakop sa Diyos? Tinatrato mo ba ang Diyos bilang Diyos? Sinasamba mo ba ang Diyos bilang ang Lumikha? Kung hindi, hindi ka kinikilala ng Diyos. Ano ang dapat mong maranasan para matamo ang walang pasubali at walang kondisyong pagpapasakop sa Diyos? At paano ka dapat dumanas? Una, dapat tanggapin ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at dapat nilang tanggapin ang pagpupungos. Bukod pa rito, dapat nilang tanggapin ang atas ng Diyos, dapat nilang hangarin ang katotohanan habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, dapat nilang maunawaan ang iba’t ibang aspeto ng katotohanan na may kaugnayan sa buhay pagpasok, at matamo ang pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos. Kung minsan, ito ay lampas sa kakayahan ng mga tao, at wala silang mga kapasidad na makabatid para matamo ang pagkaunawa sa katotohanan, at kaya lamang makaunawa nang kaunti kapag nagbabahagi ang iba sa kanila o sa pamamagitan ng pagkatuto ng mga aral mula sa iba’t ibang sitwasyong nilikha ng Diyos. Ngunit kailangan mong malaman na dapat kang magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos, hindi mo dapat subukang mangatwiran sa Diyos o gumawa ng mga kondisyon; ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kung ano ang nararapat na gawin, sapagkat Siya ang Lumikha at ikaw ay isang nilikha. Dapat kang magkaroon ng saloobin ng pagpapasakop, at hindi ka dapat palaging humihingi ng dahilan o nagsasalita tungkol sa mga kondisyon. Kung wala ka ng kahit na pinakapayak na saloobin ng pagpapasakop, at malamang pa na magduda o mag-ingat sa Diyos, o mag-isip, sa iyong puso, “Kailangan kong makita kung ililigtas talaga ako ng Diyos, at kung talagang matuwid ang Diyos. Sinasabi ng lahat na ang Diyos ay pag-ibig—kung gayon, kailangan kong makita kung may pag-ibig nga talaga sa ginagawa sa akin ng Diyos, kung pag-ibig talaga ito,” kung palagi mong sinusuri kung ang ginagawa ng Diyos ay naaayon sa mga kuru-kuro at panlasa mo, o maging sa pinaniniwalaan mo na katotohanan, kung gayon ay mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan, at nasa panganib ka: Malamang na malalabag mo ang disposisyon ng Diyos. Ang mga katotohanang may kinalaman sa pagpapasakop ay mahalaga, at walang katotohanan ang maaaring lubos at malinaw na maipaliliwanag sa pamamagitan lamang ng dalawang pangungusap; ang lahat ng ito ay nauugnay sa iba’t ibang kalagayan at katiwalian ng mga tao. Ang pagpasok sa katotohanang realidad ay hindi matatamo sa isa o dalawang taon—o sa tatlo o lima. Nangangailangan ito ng pagdanas ng maraming bagay, pagdanas ng maraming paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pagdanas ng maraming pagpupungos. Kapag natamo mo na ang kakayahang magsagawa ng katotohanan, saka lamang magiging epektibo ang paghahangad mo sa katotohanan, at saka ka lamang magtataglay ng katotohanang realidad. Tanging ang mga nagtataglay ng katotohanang realidad ang mga may tunay na karanasan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Sa kanyang paniniwala sa Diyos, hinangad ni Pedro na bigyang-kasiyahan ang Diyos sa lahat ng bagay, at hinangad na magpasakop sa lahat ng nagmula sa Diyos. Wala ni katiting na reklamo, nagawa niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol, gayundin ang pagpipino, kapighatiankanyang buhay, at walang isa man dito na maaaring magpabago sa kanyang mapagmahal-sa-Diyos na puso. Hindi ba ito ang sukdulang pagmamahal sa Diyos? Hindi ba ito ang katuparan ng tungkulin ng isang nilikha? Sa pagkastigo man, paghatol, o kapighatian, lagi kang may kakayahang maging mapagpasakop hanggang kamatayan, at ito ang dapat makamit ng isang nilikha, ito ang kadalisayan ng pagmamahal sa Diyos. Kung makakamtan ng tao ang ganito, siya ay isang kuwalipikadong nilikha, at wala nang ibang mas nagbibigay-kasiyahan sa mga layunin ng Lumikha. Ipagpalagay nang nakakagawa ka para sa Diyos, subalit hindi ka nagpapasakop sa Diyos, at hindi mo kayang tunay na mahalin ang Diyos. Sa ganitong paraan, hindi mo lamang hindi natupad ang tungkulin ng isang nilikha, kundi ikokondena ka rin ng Diyos, dahil ikaw ay isang taong hindi nagtataglay ng katotohanan, na walang kakayahang magpasakop sa Diyos, at naghihimagsik sa Diyos. Pinahahalagahan mo lamang ang paggawa para sa Diyos, at hindi mo pinahahalagahan ang pagsasagawa ng katotohanan o pagkilala sa iyong sarili. Hindi mo nauunawaan o nakikilala ang Lumikha, at hindi ka nagpapasakop o nagmamahal sa Lumikha. Ikaw ay isang taong likas na mapaghimagsik laban sa Diyos, kaya nga ang gayong mga tao ay hindi minamahal ng Lumikha.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Ang mga aral ng pagpapasakop ang pinakamahirap, ngunit ang mga iyon din ang pinakamadali. Sa anong paraan mahirap ang mga iyon? (Ang mga tao ay may sariling mga ideya.) Hindi ang pagkakaroon ng mga ideya ng mga tao ang problema—anong tao ba ang walang mga ideya? Lahat ng tao ay may puso at utak, lahat sila ay may sariling mga ideya. Hindi iyon ang problema rito. Kung gayon, ano kaya iyon? Ang problema ay ang tiwaling disposisyon ng tao. Kung wala kang tiwaling disposisyon, magagawa mong magpasakop kahit ilan pa ang iyong mga ideya—hindi magiging isyu ang mga ito. Kung ganito ang katwiran ng isang tao at sinasabi niyang, “Kailangan kong magpasakop sa Diyos sa lahat ng bagay. Hindi ako magdadahilan o hindi ko ipipilit ang sarili kong mga ideya, hindi ako gagawa ng sarili kong pasya tungkol sa bagay na ito,” hindi ba’t madali para sa kanya ang magpasakop? Kung hindi gagawa ang isang tao ng sarili niyang mga pasya, tanda iyan na hindi siya mapagmagaling; kung hindi niya ipinipilit ang sarili niyang mga ideya, tanda iyan na may katwiran siya. Kung kaya rin niyang magpasakop, nakaya na niyang isagawa ang katotohanan. Ang hindi pagkakaroon ng mga sariling pagtukoy ng isang tao at hindi paggigiit sa mga sarili niyang ideya ay mga paunang kondisyon para makapagpasakop. Kung taglay mo ang dalawang katangiang ito, magiging madali para sa iyo na magpasakop at makamit ang pagsasagawa ng katotohanan. Kaya, bago ka magpasakop, dapat mong taglayin ang mga ito, at alamin kung paano ka dapat kumilos at kung ano ang dapat mong gawin upang magkaroon ng saloobin ng pagsasagawa ng katotohanan. Hindi naman talaga ito ganoon kahirap—pero hindi rin ito ganoon kadali. Bakit ito mahirap? Mahirap ito dahil may tiwaling disposisyon ang tao. Kahit ano pang mentalidad o kalagayan ang mayroon ka kapag isinasagawa ang pagpapasakop, kung hinahadlangan ka nito sa pagsasagawa ng katotohanan, ang kaisipan o kalagayang iyon ay nagmumula sa tiwaling disposisyon. Iyon ang simpleng katunayan ng usapin. Kung lulutasin mo ang mga tiwaling disposisyon ng pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, pagmamataas, paghihimagsik, pagiging kakatwa, at matigas ang ulo at panghuhusga, at pagiging mapagmatigas, magiging madali para sa iyo na magpasakop. Kaya, paano dapat lutasin ang mga katiwaliang ito? Dapat kang manalangin kapag ayaw mong magpasakop, dapat kang magnilay-nilay sa iyong sarili at magtanong: “Bakit hindi ko magawang magpasakop sa Diyos? Bakit palagi kong iginigiit na gawin ang mga bagay sa sarili kong paraan? Bakit hindi ko kayang hanapin ang katotohanan at isagawa ito? Ano ang ugat ng problemang ito? Isinasagawa ko dapat ang pagsunod sa Diyos, at isinasagawa ko dapat ang katotohanan, hindi isinasakatuparan ang sarili kong kalooban o mga sarili kong pagnanais. Magagawa ko dapat na magpasakop sa mga salita ng Diyos, sa Kanyang mga pamamatnugot, at pagsasaayos. Iyon lamang ang naaayon sa mga layunin ng Diyos.” Ang pagkakamit ng ganitong uri ng kalalabasan ay nangangailangan ng pananalangin sa Diyos at paghahanap sa katotohanan. Kapag naunawaan mo ang katotohanan, maisasagawa mo ito nang mas madali; pagkatapos, magagawa mong maghimagsik laban sa laman at bitiwan ang mga alalahanin nito. Kung nauunawaan mo ang katotohanan sa puso mo pero hindi mo mabitiwan ang mga pakinabang ng laman, katayuan, banidad at reputasyon, mahihirapan kang isagawa ang katotohanan. Ito ay dahil, sa puso mo, inuuna mo ang mga pakinabang ng laman, banidad, at reputasyon nang higit sa lahat. Ibig sabihin nito na hindi mo minamahal ang katotohanan—sa halip, mahal mo ang katayuan at reputasyon. Kaya paano dapat lutasin ang isyung ito? Dapat kang manalangin, hanapin ang katotohanan, at dapat mong ganap na makita ang diwa ng mga bagay tulad ng katayuan at reputasyon. Dapat hindi ka masyadong abala sa mga bagay na ito, at kinakailangang ituring ang pagsasagawa ng katotohanan bilang mahalaga, at pahalagahan ito nang higit sa lahat. Kapag ginawa mo ang lahat ng ito, magkakaroon ka ng determinasyong isagawa ang katotohanan. Minsan hindi kayang isagawa ng mga tao ang katotohanan. Kailangan silang pungusan, at kailangan nilang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, para ganap na maging malinaw ang diwa ng problema at maging mas madaling isagawa ang katotohanan. Sa katunayan, ang pinakamalaking hadlang sa pagsasagawa ng katotohanan ay kapag ang sariling kalooban ng isang tao ay napakalakas at nauuna ito bago ang lahat—ibig sabihin, kapag nauuna ang pansariling interes ng isang tao bago ang lahat ng iba pa, kapag nauuna ang sarili niyang reputasyon at katayuan bago ang anupaman. Iyon ang dahilan kung bakit palaging may mapagsariling-kalooban ang mga tao kapag may mga bagay na nangyayari, at ginagawa ang anumang personal na magdudulot ng pakinabang sa kanila, nang walang anumang pagsasaalang-alang sa mga katotohanang prinsipyo. Palagi silang humahawak sa mga sariling ideya nila. Ano ba ang ibig sabihin ng humawak sa mga sariling ideya ng isang tao? Ang ibig sabihin nito ay magtakda: “Kung gusto mo ito, gusto ko iyon. Kung gusto mo ang sa iyo, ipipilit ko ang sa akin.” Pagpapakita ba ito ng pagpapasakop? (Hindi.) Hindi talaga ito paghahanap ng katotohanan, kundi pagpipilit ng sariling paraan ng isang tao. Ito ay mapagmataas na disposisyon, at isang hindi makatwirang pagpapamalas. Kung, isang araw, magagawa mong magkaroon ng kamalayan na ang mga kagustuhan at pagtatakda mo ay salungat sa katotohanan; kung magagawa mong itanggi ang iyong sarili at makita ang iyong pagkatao, hindi na naniniwala sa iyong sarili, at pagkatapos niyon ay unti-unting hindi ginagawa ang mga bagay sa sarili mong paraan bulag na gumawa ng mga pagtutukoy, pero nagagawa mong hanapin ang katotohanan, manalangin sa Diyos at sumandal sa Kanya, iyan ang tamang pagsasagawa. Bago mo kumpirmahin kung anong uri ng pagsasagawa ang umaayon sa katotohanan, dapat kang maghanap. Iyan talaga ang tamang bagay na dapat gawin, ito ang dapat gawin. Kung hihintayin mo pang pungusan ka bago maghanap, medyo pasibo ito, at malamang na makaantala ito sa mga bagay-bagay. Ang matutunang hanapin ang katotohanan ay napakahalaga. Ano ang mga pakinabang ng paghahanap sa katotohanan? Una, maiiwasan ng isang taong sumunod sa sarili niyang kalooban at kumilos nang padalus-dalos; pangalawa, maiiwasan ng isang tao ang mga pagbubunyag ng katiwalian at mga masamang kahihinatnan; pangatlo, matututunan ng isang tao kung paano maghintay at maging matiyaga, at mapigilang magkamali sa pamamagitan ng pag-iisip sa mga bagay-bagay nang malinaw at tama. Makakamit ang lahat ng bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Kapag natutunan mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, madidiskubre mong walang bagay na simple, na kung hindi ka alerto at hindi ka magsisikap, hindi mo maayos na magagawa ang mga bagay-bagay. Pagkatapos na makapagsanay nang ganito nang ilang panahon, lalo kang magiging hinog at batikan kapag nangyari ang mga bagay-bagay sa iyong buhay. Magiging mas malumanay at mas mahinahon ang iyong saloobin, at sa halip na maging mapusok, mapagsapalaran, at mapagkumpitensiya, magagawa mong hanapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at magpasakop sa Diyos. Pagkatapos, ang problema ng mga pagbubunyag ng mga tiwali mong disposisyon ay malulutas. Kaya, magiging madali para sa iyo na magpasakop, hindi naman talaga iyon ganoon kahirap. Maaaring medyo mahirap ito sa simula, pero puwede kang magtiyaga, maghintay at patuloy na maghanap sa katotohanan hanggang sa malutas mo ang problemang iyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan

Nakatalagang tungkulin ng tao ang pagsunod sa salita ng Diyos at pagpapasakop sa mga hinihingi ng Diyos. At kung may sinasabi ang Diyos na hindi ayon sa mga kuru-kuro ng tao, hindi ito dapat analisahin o siyasatin ng tao. Sinuman ang kinokondena o itinitiwalag ng Diyos, gaano man karaming tao ang magkakaroon ng mga kuru-kuro at paglaban, hindi magbabago magpakailanman ang pagkakakilanlan ng Diyos, ang diwa Niya, ang disposisyon Niya, at ang katayuan Niya. Siya ay Diyos magpakailanman. Dahil wala kang pag-aalinlangan na Siya ang Diyos, ang tangi mong responsabilidad, ang tanging bagay na dapat mong gawin, ay sundin ang sinasabi Niya at magsagawa ayon sa salita Niya; ito ang landas ng pagsasagawa. Hindi dapat magsiyasat, mag-analisa, magtalakay, tumanggi, kumontra, maghimagsik, o magtakwil ang isang nilikha sa mga salita ng Diyos; kinamumuhian ito ng Diyos, at hindi ito ang nais Niyang makita sa tao. Paano nga ba dapat tratuhin ang mga salita ng Diyos? Paano mo ito dapat isagawa? Ang totoo, napakasimple nito: matutong sumunod sa mga ito, pakinggan ang mga ito gamit ang puso mo, tanggapin ang mga ito gamit ang puso mo, unawain at arukin ang mga ito gamit ang puso mo, at pagkatapos ay isagawa at ipatupad ang mga ito gamit ang puso mo. Ang naririnig at naaarok mo sa puso mo ay dapat na malapit na konektado sa pagsasagawa mo. Huwag paghiwalayin ang dalawang ito; lahat ng bagay—ang isinasagawa mo, kung saan ka nagpapasakop, ang ginagawa mo mismo, lahat ng pinagsusumikapan mo—ay dapat na nauugnay sa mga salita ng Diyos, pagkatapos, dapat kang magsagawa ayon sa mga salita Niya at ipatupad ang mga ito sa pamamagitan ng mga kilos mo. Iyon ang ibig sabihin ng pagpapasakop sa mga salita ng Lumikha. Ito ang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Ekskorsus

Ano ang mga prinsipyo ng pagpapasakop? Ang mga ito ay ang makinig sa mga salita ng Diyos at magpasakop, at magsagawa alinsunod sa sinasabi ng Diyos. Huwag kang magkimkim ng sarili mong mga intensyon, at hindi ka rin maaaring maging kapritsoso. Malinaw mo mang nauunawaan ang mga salita ng Diyos o hindi, dapat mong mapagpakumbabang isagawa ang mga ito, at gawin ang mga bagay-bagay ayon sa Kanyang mga hinihingi. Mula sa proseso ng pagsasagawa at pagdanas, hindi namamalayang mauunawaan mo ang katotohanan. Kung sinasabi ng iyong bibig na nagpapasakop ka sa Diyos, ngunit hindi ka kailanman bumibitiw at naghihimagsik laban sa iyong panloob na mga plano at hangarin, hindi ba’t ito ay pagsasalita ng isang bagay at pag-iisip ng iba? (Oo.) Hindi ito tunay na pagpapasakop. Kung hindi ka tunay na magpapasakop, marami kang hihingiin sa Diyos sa tuwing may mangyayari sa iyo, at sa loob-loob mo ay maiinip ka na matugunan ng Diyos ang iyong mga hinihingi. Kung hindi gagawin ng Diyos ang ninanais mo, magdadalamhati ka at sasama ang loob mo nang husto, labis kang magdurusa, at hindi ka makapagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at sa mga kapaligirang itinakda ng Diyos para sa iyo. Bakit ganito? Dahil palagi kang mayroong mga sarili mong hinihingi at hinahangad, at hindi mo kayang bitiwan ang sarili mong mga personal na ideya, at gusto mong ikaw ang masusunod. Kaya, sa tuwing nakatatagpo ka ng mga bagay-bagay na salungat sa iyong mga kuru-kuro, hindi mo kayang magpasakop, at mahirap para sa iyo na magpasakop sa Diyos. Bagamat alam ng mga tao sa teorya na dapat silang magpasakop sa Diyos at dapat nilang bitiwan ang sarili nilang mga ideya, sadyang hindi nila ito mabitiwan, palagi silang natatakot na madehado at mawalan. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t pinahihirapan sila nito nang husto? Hindi ba’t lalong tumitindi ang kanilang pagdadalamhati kung gayon? (Oo.) Kung kaya mong bitiwan ang lahat, at bitiwan ang mga bagay na gusto mo at hinihingi mo ngunit salungat sa mga layunin ng Diyos, kung kaya mong maagap at kusang-loob na bitiwan ang mga ito, at hindi makipagkasunduan sa Diyos, bagkus ay maging handang gawin ang hinihingi ng Diyos, mababawasan ang paghihirap sa loob mo at ang mga balakid.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 11

Ano ang praktikal na panig ng isang nagpapasakop na saloobin? Ganito iyon: Dapat mong magawang tanggapin ang mga salita ng Diyos. Bagama’t mababaw ang buhay pagpasok mo, at hindi sapat ang tayog mo, at kulang pa sa lalim ang kaalaman mo sa praktikal na panig ng katotohanan, nagagawa mo pa ring sumunod sa Diyos at magpasakop sa Kanya—iyon ang saloobin ng pagpapasakop. Bago mo makamit ang ganap na pagpapasakop, dapat ka munang magkaroon ng isang saloobin ng pagpapasakop, ibig sabihin, dapat mong tanggapin ang mga salita ng Diyos, paniwalaang tama ang mga iyon, tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan at ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at magawang itaguyod ang mga iyon bilang mga patakaran kahit pa wala kang maayos na pagkaarok sa mga prinsipyo. Iyon ay isang uri ng saloobin ng pagpapasakop. Dahil hindi pa nagbabago ang disposisyon mo ngayon, kung gusto mong makamit ang tunay na pagpapasakop sa Diyos, dapat ka munang magkaroon ng mentalidad ng pagpapasakop at maghangad na magpasakop, at sabihing, “Magpapasakop ako anuman ang gawin ng Diyos. Wala akong masyadong nauunawaang katotohanan, pero alam ko na kapag sinabi sa akin ng Diyos kung anong gagawin, gagawin ko ito.” Nakikita ito ng Diyos bilang isang saloobin ng pagpapasakop. Sinasabi ng ilang tao, “Paano kung mali ako sa pagpapasakop sa Diyos?” Magagawa bang magkamali ng Diyos? Ang Diyos ay katotohanan at katwiran. Hindi nagkakamali ang Diyos; marami lang talagang ginagawa ang Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao. Dapat mong sabihin, “Sumasang-ayon man o hindi sa aking mga kuru-kuro ang ginagawa ng Diyos, tutuon lamang ako sa pakikinig, pagpapasakop, pagtanggap, at pagsunod sa Diyos. Ito ang dapat kong gawin bilang isang nilikha.” Kahit pa may mga taong hinuhusgahan ka bilang taong pikit-matang nagpapasakop, hindi ka dapat mag-alala. Nakasisiguro ang puso mo na ang Diyos ay katotohanan, at na dapat kang magpasakop. Tama ito, at iyon ang klase ng mentalidad na dapat mayroon ang isang tao sa kanyang pagpapasakop. Tanging ang mga taong nagtataglay ng gayong mentalidad ang makapagkakamit sa katotohanan. Kung wala kang mentalidad na tulad nito, kundi sinasabi mong, “Hindi ako nagpaparaya kapag iniinis ako ng iba. Walang makapanloloko sa akin. Masyado akong matalino at hindi ako mapapasakop sa anumang bagay! Anumang kaharapin ko, kailangan ko itong tingnan at suriin. Kapag lamang naaayon ito sa mga pananaw ko, at matatanggap ko ito, saka ako magpapasakop”—saloobin ba iyon ng pagpapasakop? Hindi iyon saloobin ng pagpapasakop; kawalan iyon ng mapagpasakop na mentalidad, kawalan ng layunin sa puso ng isang tao na magpasakop. Kung sinasabi mong, “Kahit na diyos pa ito, kailangan ko pa ring tingnan ito. Kahit pa mga hari at reyna ay ganoon din ang pagtrato ko. Ang sinasabi mo sa akin ay walang saysay. Totoong isa akong nilikha, pero hindi ako hangal—kaya huwag Mo akong tratuhin na para bang ganoon ako,” kung gayon ay tapos ka na; wala ka ng mga kondisyon para matanggap ang katotohanan. Walang anumang pagkamakatwiran ang gayong mga tao. Wala silang taglay na normal na pagkatao, kung gayon hindi ba’t sila ay halimaw? Kung walang pagkamakatwiran, paano makakamit ng isang tao ang pagpapasakop? Para makamit ang pagpapasakop, dapat munang magkaroon ang isang tao ng mapagpasakop na mentalidad. Kapag mayroong mentalidad ng pagpapasakop ay saka lamang masasabing may pagkamakatwiran ang isang tao. Kung wala siyang mentalidad ng pagpapasakop, wala siyang anumang pagkamakatwiran. Ang mga tao ay mga nilikha; paano nila malinaw na makikita ang Lumikha? Sa loob ng 6,000 taon ay hindi pa nagawang maunawaan ng buong sangkatauhan ang isa sa mga ideya ng Diyos, kaya paanong sa isang iglap ay mauunawaan ng mga tao kung ano ang ginagawa ng Diyos? Hindi mo ito kayang maunawaan. Maraming bagay ang ginagawa na ng Diyos sa loob ng libu-libong taon, at ang ibinunyag na ng Diyos sa sangkatauhan, pero kung hindi Niya ito ipinaliwanag sa mga tao, hindi pa rin nila mauunawaan. Siguro ay literal mong nauunawaan ngayon ang mga salita Niya, pero kakaunti lang ang talagang mauunawaan mo paglipas ng dalawampung taon. Ganito kalaki ang agwat sa pagitan ng mga tao at ng mga hinihingi ng Diyos. Dahil dito, dapat magtaglay ng pagkamakatwiran at ng mentalidad ng pagpapasakop ang mga tao. Mga langgam at uod lamang ang mga tao, pero hinihiling nilang makita nang malinaw ang Lumikha. Lubha itong hindi makatwiran. Palaging nagrereklamo ang ilang tao na hindi sinasabi ng Diyos sa kanila ang mga hiwaga Niya, at hindi direktang ipinaliliwanag ang katotohanan, palaging pinaghahanap ang mga tao. Pero ang pagsasabi ng mga ganitong bagay ay hindi tama, at hindi makatwiran. Gaano karami sa lahat ng salitang ito na sinabi sa iyo ng Diyos ang nauunawaan mo? Gaano karaming salita ng Diyos ang kaya mong isagawa? Ang gawain ng Diyos ay palaging nangyayari nang hakbang-hakbang. Kung noong 2,000 taon na ang nakakalipas ay sinabi na ng Diyos sa mga tao ang tungkol sa gawain Niya sa mga huling araw, mauunawaan kaya nila? Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Panginoong Jesus ay naging wangis ng makasalanang laman, at naging handog para sa kasalanan para sa buong sangkatauhan. Kung sa panahong iyon ay sasabihin Niya ito sa mga tao, sinong makakaunawa? At ngayon, nauunawaan ng mga taong katulad ninyo ang ilang konseptuwal na teorya, pero pagdating sa mga katotohanang tulad ng tunay na disposisyon ng Diyos, ang layunin ng Diyos sa pagmamahal sa sangkatauhan, at ang pinagmulan at plano sa likod ng mga bagay na ginawa ng Diyos nang panahong iyon, hindi iyon magagawang maunawaan ng mga tao kailanman. Ito ang hiwaga ng katotohanan; ito ang diwa ng Diyos. Paano ito malinaw na makikita ng mga tao? Lubos na hindi makatwiran na hilingin mong makita nang malinaw ang Lumikha. Masyado kang mapagmataas at masyadong mataas ang tingin mo sa mga abilidad mo. Hindi dapat hilingin ng mga tao na makita nang malinaw ang Diyos. Mabuti na nga kung mauunawaan nila ang ilan sa katotohanan. Pagdating naman sa iyo, sapat nang tagumpay ang maunawaan mo ang kaunting katotohanan. Samakatwid, makatwiran bang magkaroon ng mentalidad ng pagpapasakop? Ganap na makatwirang bagay ang gawin ito. Ang mentalidad at saloobin ng pagpapasakop ang pinakamababang dapat taglayin ng bawat nilikha.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 3

Para makamit ang pagpapasakop sa Diyos, dapat munang tanggapin ng isang tao ang katotohanan at isagawa ito, at dapat magpasakop ang isang tao sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Iyon ang unang hadlang. Kaya, ano ang napapaloob sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos? Kinapapalooban ang mga ito ng mga tao, pangyayari, at bagay na pinalilitaw ng Diyos sa paligid mo. Minsan, pupungusan ka ng mga tao, pangyayari at mga bagay na ito, minsan tutuksuhin ka nila, o susubukin ka, o aabalahin ka, o gagawin kang negatibo—pero hangga’t kaya mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, magagawa mong may matutunang isang bagay, magkamit ng tayog, at magkaroon ng lakas para lumaban. Ang pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ang pinakapangunahing aralin sa pagpapasakop sa Diyos. Kabilang sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ang mga tao, pangyayari, bagay, at iba’t ibang sitwasyon na pinalilitaw ng Diyos sa paligid mo. Kaya paano ka dapat tumugon kapag nahaharap ka sa ganitong mga sitwasyon? Ang pinakapangunahing bagay ay ang tumanggap mula sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “tumanggap mula sa Diyos”? Ang pagrereklamo at paglaban—pagtanggap ba ito mula sa Diyos? Ang paghahanap ng mga katwiran at mga pagdadahilan—pagtanggap ba ito mula sa Diyos? Hindi. Kaya, paano mo ba dapat isagawa ang pagtanggap mula sa Diyos? Kapag may nangyayari sa iyo, una ay kumalma ka, hanapin ang katotohanan, at magsagawa ng pagpapasakop. Huwag kang magdahilan o mangatwiran. Huwag mong subukang suriin o ipalagay kung sino ang tama at kung sino ang mali, at huwag mong suriin kung kaninong pagkakamali ang mas mabigat, at kung kanino ang mas magaan. Isa bang saloobin ng pagtanggap mula sa Diyos ang palaging pagsusuri sa mga bagay na ito? Ito ba ay saloobin ng pagpapasakop sa Diyos? Hindi ito saloobin ng pagpapasakop sa Diyos, o ng pagtanggap mula sa Diyos, o ng pagtanggap sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang pagtanggap mula sa Diyos ay bahagi ng mga prinsipyo para sa pagsasagawa ng pagpapasakop sa Diyos. Kung sigurado kang ang lahat ng bagay na nangyayari sa iyo ay saklaw ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, na nangyayari ang mga bagay na iyon dahil sa mga pagsasaayos at kabutihang-loob ng Diyos, matatanggap mo ang mga ito mula sa Diyos. Magsimula ka sa hindi pagsusuri sa tama at mali, hindi pagdadahilan para sa iyong sarili, hindi paghahanap ng mali ng iba, hindi pagbubusisi, hindi pag-uusisa sa mga obhetibong sanhi ng kung ano ang nangyari, at hindi paggamit sa iyong utak bilang tao para suriin at busisiin ang mga bagay-bagay. Ang mga ito ang mga detalye ng kung ano ang dapat mong gawin para tumanggap mula sa Diyos. At ang paraan para isagawa ito ay ang magsimula sa pagpapasakop. Kahit na may mga kuru-kuro ka o kung hindi malinaw ang mga bagay-bagay sa iyo, magpasakop ka. Huwag mong simulan sa pagdadahilan o paghihimagsik. At pagkatapos magpasakop, hanapin ang katotohanan, manalangin sa Diyos at maghanap mula sa Kanya. Paano ka ba dapat manalangin? Sabihin mo, “O Diyos, pinamatnugutan mo ang sitwasyong ito para sa akin bunga ng Iyong kabutihang-loob.” Ano ang ibig sabihin kapag sinabi mo ito? Ibig sabihin na mayroon ka nang saloobin ng pagtanggap sa iyong puso at kinilala mo na pinamatnugutan ng Diyos ang sitwasyong iyon para sa iyo. Sabihin mo: “O Diyos, hindi ko po alam kung paano magsagawa sa sitwasyong nakaharap ko ngayon. Hinihiling ko sa Iyo na bigyan Mo ako ng kaliwanagan at gabayan ako, at ipaunawa sa akin ang Iyong layunin, para makakilos ako nang ayon dito, at hindi maging mapaghimagsik ni mapanlaban, at huwag sumandig sa sarili kong kalooban. Handa akong isagawa ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga prinsipyo.” Pagkatapos manalangin, makakaramdam ka ng kapayapaan sa iyong puso, at natural mong bibitawan ang iyong mga pagdadahilan. Hindi ba’t ito ay isang pagbabago sa iyong pag-iisip? Inihahanda nito ang daan para hanapin at isagawa mo ang katotohanan, at ang tanging problema na lang ay kung paano mo dapat isagawa ang katotohanan kapag naunawaan mo ito. Kung muli kang nagbubunyag ng paghihimagsik kapag dumarating ang panahong kailangan mong isagawa ang katotohanan, dapat kang muling manalangin sa Diyos. Sa sandaling malutas ang iyong paghihimagsik, natural na magiging madali para sa iyo na isagawa ang katotohanan. Kapag lumilitaw ang mga problema, dapat matuto kang manahimik sa harapan ng Diyos at hanapin ang katotohanan. Kung palagi kang nagagambala ng mga panlabas na bagay, kung palaging pabago-bago ang iyong kalagayan, ano ang nagdudulot niyan? Ito ay dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at dahil ang tiwali mong disposisyon ang namamayani sa loob mo—hindi mo mapigilan ang iyong sarili. Sa mga pagkakataong tulad nito, dapat kang magnilay-nilay sa sarili at hanapin ang problema sa loob mo. Hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos at tingnan kung ano ang inilalantad ng mga ito. Pagkatapos, makinig sa mga sermon at pagbabahagi, o mga himno ng mga salita ng Diyos. Tingnan mo ang sarili mong kalagayan batay sa mga salitang ito. Ganyan mo puwedeng makita kung anong mga problema ang nariyan sa loob mo, at ang pagkakamit ng kaliwanagan sa mga problemang ito ay magpapadaling tugunan ang mga ito.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan

Kung naniniwala ka sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kung gayon ay dapat kang maniwala na ang mga pang-araw-araw na pangyayari, mabuti man o masama ang mga ito, ay hindi basta na lamang nagaganap. Hindi ito dahil may isang sinasadyang magpahirap sa iyo o pumuntirya sa iyo; lahat ng ito ay isinaayos at pinamatnugutan ng Diyos. Bakit pinamamatnugutan ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ito? Hindi ito para ilantad kung sino ka o upang ibunyag at itiwalag ka; ang pagbubunyag sa iyo ay hindi ang panghuling mithiin. Ang mithiin ay gawin kang perpekto at iligtas ka. Paano ka ginagawang perpekto ng Diyos? At paano ka Niya inililigtas? Nagsisimula Siya sa pamamagitan ng pagpapabatid sa iyo ng iyong sariling tiwaling disposisyon, at sa pamamagitan ng pagpapaalam sa iyo ng iyong kalikasang diwa, ng iyong mga pagkakamali, at kung ano ang kulang sa iyo. Tanging sa pag-alam sa mga bagay na ito at pagkakaroon ng malinaw na pag-unawa ng mga ito mo lamang makakayang itaguyod ang katotohanan at unti-unting maiwaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Ito ang Diyos na nagkakaloob sa iyo ng pagkakataon. Ito ang awa ng Diyos. Dapat mong malaman kung paano sasamantalahin ang pagkakataong ito. Hindi ka dapat sumalungat sa Diyos, makipagtalo sa Diyos, o magkamali ng pagkaunawa sa Kanya. Lalo na kapag naharap sa mga tao, pangyayari, at bagay na isinasaayos ng Diyos sa paligid mo, huwag laging pakiramdaman na hindi ayon sa nais mo ang mga bagay-bagay, huwag laging naisin na matakasan sila o laging magreklamo tungkol sa Diyos at magkamali ng pagkaunawa sa Diyos. Kung lagi mong ginagawa ang mga bagay na iyon, kung gayon ay hindi mo dinaranas ang gawain ng Diyos, at magiging napakahirap para sa iyo na pumasok sa katotohanang realidad. Anumang makaharap mo na hindi mo ganap na maunawaan, kapag lumilitaw ang mga paghihirap, dapat mong matutuhang magpasakop. Dapat kang magsimula sa paglapit sa Diyos at higit na pananalangin. Sa ganyang paraan, bago mo pa mamalayan, magkakaroon ng pagbabago sa iyong panloob na kalagayan, at magagawa mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang iyong suliranin. Sa gayon, magagawa mong maranasan ang gawain ng Diyos. Habang nagaganap ito, ang katotohanang realidad ay mahuhubog sa loob mo, at sa ganito ka susulong at sasailalim sa isang pagbabago ng kalagayan ng iyong buhay. Sa sandaling napagdaanan mo na ang pagbabagong ito at nagtataglay ka ng katotohanang realidad na ito, mag-aangkin ka rin ng tayog, at kasama ng tayog ang buhay.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Pangyayari, at Bagay sa Malapit

Ang pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ang pinakapangunahing aral na kinakaharap ng bawat isang tagasunod ng Diyos. Ito rin ang pinakamalalim na aral. Kung hanggang saang antas mo nagagawang magpasakop sa Diyos, ganoon kalaki ang iyong tayog, at ganoon kalaki ang iyong pananampalataya—magkakaugnay ang mga bagay na ito. Aling mga katotohanan ang kailangan mong taglayin para maabot ang lubos na pagpapasakop? Una, hindi ka puwedeng humingi ng anuman sa Diyos—katotohanan ito. Paano mo maipapatupad ang katotohanang ito? Kapag may hiningi ka sa Diyos, gamitin mo ang katotohanang ito para pag-isipan at pagnilayan ang iyong sarili. “Ano ang mga hinihingi ko sa Diyos? Naaayon ba ang mga ito sa katotohanan? Makatwiran ba ang mga ito? Saan nagmula ang mga ito? Nagmula ba ang mga ito sa mga sarili kong imahinasyon, o ang mga ito ay mga kaisipan na ibinigay ni Satanas sa akin?” Ang totoo ay wala sa mga bagay na ito. Ang mga ideyang ito ay bunga ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kailangan mong himayin ang mga motibo at pagnanais sa likod ng mga hindi makatwirang hinihinging ito, at tingnan kung akma ba ito sa katwiran ng normal na pagkatao o hindi. Ano ba ang dapat mong hangarin? Kung isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, dapat mong hangaring maging isang tagasunod, tulad ni Pedro. Sinabi ni Pedro, “Kung tatratuhin ako ng Diyos na parang laruan, paanong hindi ako maghahanda at papayag?” Hindi nauunawaan ng ilang tao ang sinabing ito ni Pedro. Tinatanong nila: “Kailan pa tinrato ng Diyos ang mga tao na parang mga laruan at ibinigay tayo kay Satanas? Hindi ko nakita iyon. Naging napakabuti ng Diyos sa akin, napakamapagbigay-loob. Ang Diyos ay hindi ganoong uri ng Diyos. Labis ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao, kaya bakit Niya tatratuhin ang mga tao na parang mga laruan? Hindi iyon tugma sa katotohanan. Isa itong maling pagkaunawa sa Diyos at hindi tunay na kaalaman sa Diyos.” Pero saan nagmula ang mga salitang ito ni Pedro? (Nagmula ang mga ito sa kanyang kaalaman sa Diyos, na nakamit matapos dumaan sa lahat ng uri ng mga pagsubok.) Dumaan si Pedro sa napakaraming pagsubok at pagpipino. Isinantabi niya ang lahat ng kanyang mga personal na hinihingi, plano, at pagnanais, at hindi niya hiningi na may anumang gawin ang Diyos. Hindi siya nagkaroon ng mga sarili niyang kaisipan noon, at isinuko niya ang kanyang sarili nang lubos sa Diyos. Inisip niya: “Magagawa ng Diyos ang anumang gusto Niyang gawin. Magagawa Niya akong isailalim sa mga pagsubok, magagawa Niya akong ituwid, magagawa Niya akong hatulan o kastiguhin. Magagawa Niyang magpalitaw ng mga sitwasyon para pungusan ako, magagawa Niya akong pagtimpiin, magagawa Niya akong ihagis sa yungib ng leon o lungga ng mga lobo. Anuman ang gawin ng Diyos, tama ito, at magpapasakop ako sa anumang bagay. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan. Hindi ako magkakaroon ng anumang reklamo o anumang kapasyahan.” Hindi ba’t ito ay lubos na pagpapasakop? Iniisip minsan ng mga tao: “Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan, kaya bakit wala akong nadiskubreng anumang katotohanan sa bagay na ito na ginawa ng Diyos? Tila kahit ang Diyos ay gumagawa ng mga bagay na hindi umaayon sa katotohanan minsan. Nagkakamali rin ang Diyos minsan. Pero kahit ano pa man, ang Diyos ay Diyos, kaya magpapasakop ako!” Ang ganitong uri ba ng pagpapasakop ay lubos? (Hindi.) Ito ay pagpapasakop na may pinipili; hindi ito tunay na pagpapasakop. Kontra ito sa kung paanong inisip ito ni Pedro. Sa pagtrato sa iyo na parang laruan, hindi na kailangang ipaliwanag ang dahilan sa iyo o magmukhang patas at makatwiran sa iyo. Puwede ka naman talagang tratuhin sa anumang paraan; hindi na kailangang talakayin ang mga bagay-bagay sa iyo o ipaliwanag ang mga katunayan at katwiran. Kung hindi maitutuloy ang mga bagay-bagay nang walang pahintulot mo, tinatrato ka na ba nitong parang laruan? Hindi—pagbibigay iyon sa iyo ng kumpletong karapatang pantao at kalayaan, at buong respeto. Pagtrato ito sa iyo bilang isang tao, at hindi bilang isang laruan. Ano ang isang laruan? (Isa itong bagay na walang awtonomiya at walang karapatan.) Pero isa lang ba itong bagay na walang anumang karapatan? Paano maipapatupad ang mga salita ni Pedro? Halimbawa, sabihin na nating medyo matagal-tagal ka nang naghahanap sa isang partikular na paksa, pero hindi mo pa rin naunawaan ang layunin ng Diyos. O, sabihin nating lampas 20 taon ka nang nananalig sa Diyos at hindi mo pa rin alam kung tungkol saan ang lahat ng ito. Hindi ka ba dapat magpasakop sa sitwasyong ito? Kailangan mong magpasakop. At saan nakabatay ang pagpapasakop na ito? Nakabatay ito sa sinabing ito ni Pedro: “Kung tatratuhin ako ng Diyos na parang laruan, paanong hindi ako maghahanda at papayag?” Kung palagi mong hinaharap ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at ginagamit ang mga iyon para sukatin ang lahat ng ginagawa ng Diyos, para sukatin ang mga salita at gawain ng Diyos, hindi ba ito panghuhusga sa Diyos, hindi ba ito paglaban sa Diyos? Akma nga kaya ang lahat ng ginagawa ng Diyos sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao? At kung hindi, sa gayon ba ay hindi mo ito tinatanggap o sinusunod? Sa gayong mga pagkakataon, paano mo dapat hanapin ang katotohanan? Paano mo dapat sundin ang Diyos? Kinapapalooban ito ng katotohanan; dapat maghanap ng sagot mula sa mga salita ng Diyos. Kapag nananalig sila sa Diyos, dapat manatili ang mga tao sa lugar ng isang nilikha. Anumang oras, nakatago man o nagpakita sa iyo ang Diyos, nadarama mo man ang pagmamahal ng Diyos o hindi, dapat alam mo kung ano ang iyong mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin—dapat mong maunawaan ang mga katotohanang ito tungkol sa pagsasagawa. Kung nakakapit ka pa rin sa iyong mga kuru-kuro, na sinasabing, “Kung malinaw kong makikita na nakaayon ang bagay na ito sa katotohanan at nakaayon sa aking mga kaisipan, magpapasakop ako; kung hindi malinaw sa akin at hindi ko makumpirma na ang mga ito ay gawa ng Diyos, maghihintay muna ako sandali, at magpapasakop ako kapag natitiyak ko nang gawa ito ng Diyos,” isang tao ba ito na nagpapasakop sa Diyos? Hindi. Isa itong kondisyunal na pagpapasakop, hindi lubos, at ganap na pagpapasakop. Hindi umaayon ang gawain ng Diyos sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao; hindi umaayon ang pagkakatawang-tao sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at lalong hindi ang paghatol at pagkastigo. Talagang nahihirapan ang karamihan ng tao na tanggapin ito at magpasakop dito. Kung hindi mo kayang magpasakop sa gawain ng Diyos, kaya mo bang tuparin ang tungkulin ng isang nilikha? Talagang imposible iyon. Ano ang tungkulin ng isang nilikha? (Ang lumugar sa posisyon ng isang nilikha, tanggapin ang atas ng Diyos at magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos.) Tama iyon, iyon ang ugat nito. Hindi ba’t madaling solusyunan ang isyung ito? Ang tumayo sa lugar ng isang nilikha at magpasakop sa Lumikha, ang iyong Diyos—ito ang dapat itaguyod ng bawat nilikha. Napakarami ng mga katotohanang hindi mo nauunawaan o nalalaman. Hindi mo maarok ang mga layunin ng Diyos, kaya hindi mo tatanggapin ang mga katotohanan o magpapasakop sa mga ito—tama ba iyon? Halimbawa, hindi mo nauunawaan ang ilang propesiya, kaya hindi mo kinikilala na mga salita ng Diyos ang mga iyon? Hindi mo ito maitatanggi. Ang mga salitang iyon ay palaging mga salitang mula sa Diyos, at nilalaman ng mga ito ang katotohanan. Kahit hindi mo nauunawaan ang mga ito, mga salita pa rin ng Diyos ang mga ito. Kung hindi natupad ang ilang salita ng Diyos, ibig bang sabihin nito na hindi mga salita ng Diyos ang mga ito, na hindi katotohanan ang mga ito? Kung sinasabi mo: “Kung hindi ito natupad marahil ay hindi ito mga salita ng Diyos. Baka nahaluan na ito,” anong uri ng saloobin ito? Isa itong saloobin ng pagrerebelde. Dapat mayroon kang katwiran. Ano ba ang katwiran? Ano ang batayan ng pagkakaroon ng katwiran? Nakabatay ito sa pagtayo sa lugar ng isang nilikha at sa pagpapasakop sa Lumikha, ang iyong Diyos. Ito ang katotohanan; isang walang-hanggan at hindi nagbabagong katotohanan. Kailangan bang nakabatay ang pagpapasakop sa Diyos sa kung alam mo o nauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos, o sa kung ipinakita ba o hindi ng Diyos sa iyo ang Kanyang mga layunin? Kailangan bang nakabatay ito sa lahat ng ito? (Hindi.) Saan ito nakabatay? Nakabatay ito sa katotohanan ng pagpapasakop. Ano ang katotohanan ng pagpapasakop? (Ang pagtayo sa lugar ng isang nilikha at pagpapasakop sa Lumikha.) Ito ang katotohanan ng pagpapasakop. Kailangan mo bang suriin ang tama at mali? Kailangan mo bang isaalang-alang kung tama ba ang ginawa ng Diyos o hindi para makamit ang lubos na pagpapasakop? Kailangan bang malinaw at lubusang ipaliwanag ng Diyos ang aspektong ito ng katotohanan para magpasakop ka? (Hindi, hindi Niya kailangan.) Ano pa man ang ginagawa ng Diyos, dapat mong isagawa ang katotohanan ng pagpapasakop—sapat na iyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan

Kapag nahaharap sa mga problema sa tunay na buhay, paano mo dapat alamin at unawain ang awtoridad ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? Kapag naharap ka sa ganitong mga problema at hindi mo alam kung paano unawain, harapin, at danasin ang mga ito, anong saloobin ang dapat mong angkinin upang ipakita ang iyong intensyong magpasakop, ang iyong pagnanais na magpasakop, at ang realidad ng iyong pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Una, dapat mong matutuhan ang maghintay; sunod, dapat mong matutuhang maghanap; kasunod, dapat mong matutuhang magpasakop. Ang “paghihintay” ay nangangahulugan na paghihintay sa panahon ng Diyos, hinihintay ang mga tao, pangyayari, at bagay na Kanyang isinaayos para sa iyo, naghihintay sa Kanyang mga layunin na unti-unting maibunyag sa iyo. Ang ibig sabihin ng “paghahanap” ay pagmamasid at pag-unawa sa maalalahaning mga layunin ng Diyos para sa iyo sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, at bagay na inilatag Niya, pag-unawa sa katotohanan sa pamamagitan ng mga ito, pag-unawa sa dapat maisagawa ng tao at mga paraang dapat nilang sundin, pag-unawa sa mga resulta na nais na makamtan ng Diyos sa mga tao at ano ang mga gusto Niyang magawa sa kanila. Ang “pagpapasakop,” mangyari pa, ay tumutukoy sa pagtanggap sa mga tao, pangyayari, at bagay na isinaayos ng Diyos, pagtanggap sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at, sa pamamagitan nito, ay malaman kung paano idinidikta ng Lumikha ang kapalaran ng tao, kung paano Niya tinutustusan ang tao ng Kanyang buhay, kung paano Niya pinapagana ang katotohanan sa tao. Lahat ng bagay sa ilalim ng mga pagsasaayos at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay sumusunod sa natural na mga batas, at kung pagpasyahan mo na hayaan ang Diyos na isaayos at diktahan ang lahat para sa iyo, dapat mong matutuhan ang maghintay, dapat mong matutuhan ang maghanap, at dapat mong matutuhan ang magpasakop. Ito ang saloobin na dapat magkaroon ang bawat tao na nagnanais magpasakop sa awtoridad ng Diyos, ang pangunahing katangian na dapat taglayin ng bawat tao na nagnanais tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Upang magkaroon ng ganoong saloobin at para magkaroon ng ganoong katangian, dapat ay lalo kang magpunyagi. Ito ang tanging paraan para makapasok sa tunay na realidad.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

Sa lahat ng tao, si Noe ay isang taong may takot sa Diyos, nagpapasakop sa Diyos, at kinukumpleto ang atas ng Diyos na karapatdapat siyang tularan; sinang-ayunan siya ng Diyos, at dapat siyang maging isang huwaran para sa mga sumusunod sa Diyos ngayon. At ano ang pinakanatatangi tungkol sa kanya? Iisa lamang ang saloobin niya sa mga salita ng Diyos: ang makinig at tumanggap, tumanggap at magpasakop, at magpasakop hanggang kamatayan. Dahil sa saloobing ito, na pinakanatatangi sa lahat, ang siyang dahilan kaya nakamit niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Pagdating sa mga salita ng Diyos, hindi siya pabasta-basta, hindi niya iniraos lang ang mga bagay-bagay, at hindi niya sinuri, inanalisa, nilabanan, o tinanggihan ang mga ito sa kanyang isipan at pagkatapos ay kinalimutan na; sa halip, nakinig siya nang taimtim, tinanggap ang mga ito, nang paunti-unti, nang buong puso, at pagkatapos ay pinagnilayan kung paano isasagawa ang mga ito, paano gagawin ang mga ito ayon sa orihinal na layon, nang hindi binabaluktot ang mga ito. At habang pinagninilayan niya ang mga salita ng Diyos, lihim niyang sinabi sa kanyang sarili, “Ito ang mga salita ng Diyos, ito ay mga tagubilin ng Diyos, atas ng Diyos, may tungkulin ako, kailangan kong magpasakop, hindi ko maaaring laktawan ang anumang mga detalye, hindi ako maaaring sumalungat sa mga hinihiling ng Diyos, ni maaari kong laktawan ang alinman sa mga detalye ng sinabi Niya, o kung hindi ay hindi ako angkop na tawaging tao, hindi ako magiging karapat-dapat sa atas ng Diyos, at hindi magiging karapat-dapat sa Kanyang pagdakila. Sa buhay na ito, kung mabibigo akong kumpletuhin ang lahat ng sinabi at ipinagkatiwala sa akin ng Diyos, kung gayon ay magkakaroon ako ng mga pagsisisi. Higit pa riyan, magiging hindi ako karapat-dapat sa atas ng Diyos at sa Kanyang pagdakila sa akin, at mawawalan ako ng mukha para bumalik sa harapan ng Lumikha.” Lahat ng naisip at napagbulayan ni Noe sa kanyang puso, bawat pananaw at saloobin niya, ang lahat ng ito ang tumukoy na nagawa niyang isagawa ang mga salita ng Diyos sa huli, at gawing realidad ang mga salita ng Diyos, isakatuparan ang mga salita ng Diyos, upang matupad at maisakatuparan ang mga iyon sa pamamagitan ng pagsisikap niya at maging isang realidad sa pamamagitan niya, at upang hindi mauwi sa wala ang atas ng Diyos. Makikita sa lahat ng inisip, sa lahat ng ideyang umusbong sa kanyang puso, at sa kanyang saloobin sa Diyos, na si Noe ay karapat-dapat sa atas ng Diyos, siya ay isang taong pinagkatiwalaan ng Diyos, at isang taong pinaboran ng Diyos. Minamasdan ng Diyos ang bawat salita at gawa ng mga tao, pinagmamasdan Niya ang kanilang mga iniisip at ideya. Sa paningin ng Diyos, ang makapag-isip si Noe na tulad nito, hindi Siya nagkamali ng pinili; kinayang pasanin ni Noe ang atas ng Diyos at ang tiwala ng Diyos, karapat-dapat na tumanggap ng pagtitiwala ng Diyos, at nagawa niyang kumpletuhin ang atas ng Diyos: Siya lamang ang pinili sa buong sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Ekskorsus

May tunay na pananalig sa Diyos si Abraham, at ipinapakita nito ang isang bagay, na isang tapat na tao si Abraham. Ang nag-iisang saloobin niya sa mga salita ng Diyos ay pagsunod, pagtanggap, at pagpapasakop—susundin niya anuman ang sabihin ng Diyos. Kung sasabihin ng Diyos na itim ang isang bagay, kahit pa hindi itim ang tingin dito ni Abraham, paniniwalaan niya na totoo ang sinabi ng Diyos, at magiging kumbinsido siyang itim nga ito. Kung sasabihin ng Diyos na puti ang isang bagay, magiging kumbinsido siyang puti nga iyon. Ganoon lang ito kasimple. Sinabi ng Diyos sa kanya na pagkakalooban siya ng Diyos ng isang anak, at inisip ni Abraham, “Isang daan taong gulang na ako, pero kung sinabi ng Diyos na bibigyan Niya ako ng anak, nagpapasalamat ako sa aking Panginoon, sa Diyos!” Wala siyang masyadong maraming ibang ideya, nanampalataya lang siya sa Diyos. Ano ba ang diwa ng pananampalatayang ito? Nanampalataya siya sa diwa at pagkakakilanlan ng Diyos, at totoo ang kaalaman niya tungkol sa Lumikha. Hindi siya tulad ng mga taong iyon na nagsasabing nananamplataya sila na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at ang Lumikha ng sangkatauhan, pero may mga pagdududa sila sa puso nila gaya ng, “Totoo bang nagmula sa mga unggoy ang mga tao? Sinasabing ang diyos ang lumikha ng lahat ng bagay, pero hindi naman ito nakita ng mismong mata ng mga tao.” Anuman ang sinasabi ng Diyos, ang mga taong iyon ay laging nasa pagitan ng pananampalataya at pagdududa, at nakabatay sila sa nakikita nila para matukoy kung totoo o huwad ang mga bagay. Pinagdududahan nila ang anumang hindi nila makita gamit ang mga mata nila, kaya sa tuwing naririnig nilang magsalita ang Diyos, naglalagay sila ng mga tandang pananong sa likod ng mga salita Niya. Maingat, masikap, at masusi nilang sinusuri at inaalisa ang bawat katunayan, usapin, at utos na inilalatag ng Diyos. Iniisip nila na sa kanilang pananampalataya sa Diyos, dapat nilang suriin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan nang may saloobin ng siyentipikong pagsasaliksik, para malaman kung talagang katotohanan nga ang mga salitang ito, kung hindi ay malamang na madaya o malinlang sila. Pero hindi ganito si Abraham, nakinig siya sa salita ng Diyos nang may dalisay na puso. Gayumpaman, sa pagkakataong ito, hiningi ng Diyos kay Abraham na ihandog sa Kanya ang kaisa-isang anak ni Abraham na si Isaac. Nagdulot ito ng pasakit kay Abraham, pero pinili pa rin niyang magpasakop. Nananamplataya si Abraham na hindi nagbabago ang mga salita ng Diyos, at na magiging realidad ang mga salita ng Diyos. Ang mga nilikhang tao ay dapat tumanggap at magpasakop sa salita ng Diyos bilang isang natural na bagay, at sa harap ng salita ng Diyos, ang mga nilikhang tao ay walang karapatang pumili, lalong hindi nila dapat analisahin o suriin ang salita ng Diyos. Ito ang saloobing pinanghawakan ni Abraham patungkol sa salita ng Diyos. Kahit na labis na nasasaktan si Abraham, at kahit na ang pagmamahal niya sa anak niya at ang pag-aatubili niyang isuko ang anak niya ay nagdulot sa kanya ng matinding hinagpis at pasakit, pinili pa rin niyang isauli ang anak niya sa Diyos. Bakit niya isasauli si Isaac sa Diyos? Noong hindi pa hiningi ng Diyos kay Abraham na gawin ito, walang dahilan para kusang loob niyang isauli ang anak niya, pero dahil hiningi na ito ng Diyos, kailangan niyang isauli ang anak niya sa Diyos, walang pwedeng idahilan, at hindi niya dapat subukang mangatwiran sa Diyos—ito ang saloobing pinanghawakan ni Abraham. Nagpasakop siya sa Diyos nang may ganitong uri ng dalisay na puso. Ito ang ninais ng Diyos at ito ang ginustong makita ng Diyos. Ang pag-uugali ni Abraham at ang nakamit niya pagdating sa usapin ng paghahandog kay Isaac ang mismong gustong makita ng Diyos, at ang usaping ito ay ang pagsubok at pagkumpirma ng Diyos sa kanya. At gayumpaman, hindi tinrato ng Diyos si Abraham tulad ng naging pagtrato Niya kay Noe. Hindi sinabi ng Diyos kay Abraham ang mga dahilan sa likod ng usaping ito, ang proseso, o ang lahat ng tungkol dito. Isang bagay lang ang alam ni Abraham, ito ay na hiningi ng Diyos sa kanya na isauli si Isaac—iyon lang. Hindi niya alam na sa paggawa nito, sinusubok siya ng Diyos, ni hindi niya alam kung ano ang gustong makamit ng Diyos sa kanya at sa kanyang mga inapo matapos siyang sumailalim sa pagsubok na ito. Hindi sinabi ng Diyos kay Abraham ang anuman sa mga ito, binigyan lang siya ng simpleng utos, isang kahilingan. At kahit na napakasimple ng mga salitang ito ng Diyos, at walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao, natupad ni Abraham ang mga inaasahan ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng kagustuhan at hinihingi ng Diyos: Inihandog niya si Isaac bilang sakripisyo sa altar. Ang bawat galaw niya ay nagpakita na ang paghahandog niya kay Isaac ay hindi pagraos lang sa mga bagay-bagay, na hindi niya ito ginagawa nang pabasta-basta, bagkus ay ginagawa niya ito nang tapat, at nang mula sa kaibuturan ng puso niya. Kahit na hindi niya kayang isuko si Isaac, kahit na masakit ito sa kanya, nang maharap siya sa hinihingi ng Lumikha, pinili ni Abraham ang paraang walang sinumang tao ang makakagawa: ganap na pagpapasakop sa hinihingi ng Lumikha, pagpapasakop nang walang pakikipagkompromiso, walang mga pagdadahilan, at walang anumang kondisyon—kumilos siya nang ayon mismo sa hiningi ng Diyos. At ano ang taglay ni Abraham, nang magawa niya ang hiningi ng Diyos? Sa isang banda, nasa loob niya ang tunay na pananalig sa Diyos; tiyak siya na ang Lumikha ay Diyos, ang Diyos niya, ang Panginoon niya, ang Siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at ang lumikha ng sangkatauhan. Ito ay tunay na pananalig. Sa isa pang banda, mayroon siyang dalisay na puso. Sumampalataya siya sa bawat salitang binigkas ng Lumikha, at nagawa niyang tanggapin nang simple at direkta ang bawat salitang binigkas ng Diyos. Pero sa isa pang aspekto, gaano man kahirap ang hiningi ng Lumikha, gaano man ito kasakit sa kanya, ang saloobing pinili niya ay pagpapasakop, hindi ang pagtatangkang mangatwiran sa Diyos, o lumaban, o tumanggi, kundi kompleto at ganap na pagpapasakop, pagkilos at pagsasagawa ayon sa hiningi ng Diyos, ayon sa bawat salita Niya, at sa utos na ibinigay Niya. Katulad ng hiningi at ginustong makita ng Diyos, inihandog ni Abraham si Isaac bilang sakripisyo sa altar, inihandog niya si Isaac sa Diyos—at nagpatunay ang lahat ng ginawa niya na pinili ng Diyos ang tamang tao, at na sa mata ng Diyos, matuwid siya.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Ekskorsus

Magkakaroon ka lang ng tunay na pagpapasakop sa Diyos kapag mayroon kang tunay na pananampalataya. Tanging kapag kaya mong tunay na magpasakop sa Diyos na ang tunay na pagtitiwala sa Diyos ay dahan-dahang sisibol mula sa kalooban mo. Magtatamo ka ng tunay na pagtitiwala sa proseso ng tunay na pagpapasakop sa Diyos, ngunit kung wala kang tunay na pagtitiwala, magagawa mo bang tunay na magpasakop sa Diyos? (Hindi.) Ang mga bagay na ito ay magkakaugnay, at hindi ito isang usapin ng mga regulasyon o lohika. Ang katotohanan ay hindi pilosopiya, hindi ito lohikal. Ang mga katotohanan ay magkakaugnay at ganap na hindi mapaghihiwalay. Kung sinasabi mo na, “Upang magpasakop sa Diyos, dapat may pagtitiwala ka sa Diyos, at kung may pagtitiwala ka sa Diyos, dapat kang magpasakop sa Diyos,” ito ay isang regulasyon, isang parirala, isang teorya, isang matayog na pananaw! Ang mga bagay ukol sa buhay ay hindi mga regulasyon. Paulit-ulit mong kinikilala sa salita na ang Makapangyarihang Diyos ang tanging Tagapagligtas mo at ang nag-iisang tunay na Diyos, ngunit mayroon ka bang tunay na pagtitiwala sa Diyos? Ano ang inaasahan mo upang ikaw ay maging matatag kapag nakatagpo mo ang paghihirap? Maraming tao ang tumatanggap sa Makapangyarihang Diyos dahil nagpahayag Siya ng maraming katotohanan. Tinatanggap nila Siya upang makapasok sila sa kaharian ng langit. Gayunman, kapag naharap sila sa pagdakip at mga paghihirap, maraming tao ang umaatras, maraming tao ang nagtatago sa kanilang mga tahanan at hindi nangangahas na gampanan ang kanilang mga tungkulin. Sa panahong ito, ang mga salitang sinambit mo—“Nananalig ako sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, nananalig ako sa pagkontrol ng Diyos sa tadhana ng tao, at ang aking tadhana ay nasa kamay ng Diyos”—ay matagal nang naglaho nang walang iniwang bakas. Ito ay isa lamang bukambibig para sa iyo. Yamang hindi ka nangangahas na isagawa at maranasan ang mga salitang ito, at hindi ka namumuhay sa mga salitang ito, mayroon ka bang tunay na pagtitiwala sa Diyos? Ang diwa ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay hindi lamang ang paniniwala sa pangalan ng Diyos, kundi ang pananalig sa katotohanan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kailangan mong gawing bahagi ng buhay mo ang katotohanang ito, gawin itong tunay na patotoo ng buhay mo. Kailangan mong mamuhay sa mga salitang ito. Nangangahulugan itong hinahayaan mo ang mga salitang ito na gabayan ang iyong pag-uugali at gabayan ang direksyon at mga mithiin ng mga pagkilos mo kapag naharap ka sa mga sitwasyon. Bakit mo kailangang mamuhay sa mga salitang ito? Halimbawa, sabihin nating magagawa mong pumunta sa isang dayuhang bansa upang maniwala sa Diyos at gampanan ang tungkulin mo, at iniisip mong ito ay mabuti. Ang alituntunin ng malaking pulang dragon ay hindi umiiral sa ibayong dagat, at walang pag-uusig ng mga paniniwala; ang paniniwala sa Diyos ay hindi maglalagay sa buhay mo sa panganib, kaya hindi ka dapat makipagsapalaran. Samantala, ang mga mananampalataya ng Diyos sa kalupaang Tsina ay nasa panganib ng pagdakip anumang oras; nakatira sila sa lungga ng demonyo, at iyan ay napakamapanganib! Pagkatapos isang araw, sinabi ng Diyos na, “Nananalig ka sa Diyos sa ibayong dagat sa loob ng maraming taon, at nagkamit ng ilang karanasan sa buhay. May lugar sa kalupaang Tsina, ang mga kapatid doon ay mga kulang pa sa gulang pagdating sa buhay. Dapat kang bumalik at akayin sila gaya ng isang pastol.” Ano ang gagawin mo kapag naharap ka sa ganitong responsabilidad? (Magpasakop at tanggapin ito.) Maaaring sa panlabas ay matatanggap mo ito, ngunit hindi mapapalagay ang puso mo. Sa iyong higaan sa gabi, iiyak ka at mananalangin sa Diyos na, “Diyos ko, alam Mo ang kahinaan ko. Napakababa ng tayog ko, kahit bumalik ako sa kalupaan, hindi ko magagawang akayin gaya ng isang pastol ang mga hinirang ng Diyos! Hindi ba puwedeng pumili Ka ng ibang pupunta roon? Ang atas na ito ay nakarating sa akin, at gusto kong pumunta, ngunit natatakot ako na, kung pumunta ako, hindi ko ito maisasakatuparan nang maayos, na hindi ko magagawang gampanan ang tungkulin ko nang matiwasay, at na mabibigo akong matugunan ang Iyong mga layunin! Hindi ba puwedeng manatili ako sa ibayong dagat ng dalawang taon pa?” Anong pagpili ang ginagawa mo? Hindi ka lubos na tumatangging pumunta, ngunit hindi ka rin lubos na pumapayag na pumunta. Ito ay palihim na pag-iwas. Ito ba ay pagpapasakop sa Diyos? Ito ay isang napakalinaw na paghihimagsik sa Diyos. Ang pag-ayaw mo na bumalik ay nangangahulugan na nagtataglay ka ng mga damdaming lumalaban. Alam ba ito ng Diyos? (Alam Niya.) Sasabihin ng Diyos, “Huwag kang pumunta. Hindi Ako nagiging malupit sa iyo. Binibigyan lang kita ng isang pagsubok.” Sa ganitong paraan, ibinunyag Ka niya. Minamahal mo ba ang Diyos? Nagpapasakop ka ba sa Diyos? Mayroon ka bang tunay na pagtitiwala? (Wala.) Ito ba’y kahinaan? (Hindi.) Ito ay paghihimagsik, ito ay pagsalungat sa Diyos. Ang pagsubok na ito ay nagbunyag na wala kang tunay na pagtitiwala sa Diyos, wala kang tunay na pagpapasakop, at hindi ka nananalig na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Sinasabi mo na, “Hangga’t natatakot ako, may katwiran ako sa pagpiling huwag pumunta. Hangga’t ang buhay ko ay nasa panganib, puwede akong tumanggi. Hindi ko kailangang tanggapin ang atas na ito at puwede kong piliin ang sarili kong landas. Puwede akong mapuno ng mga reklamo at mga hinaing.” Anong uri ng pagtitiwala ito? Walang tunay na pagtitiwala rito. Kahit gaano pa katayog ang mga sawikaing isinisigaw mo, magkakaroon ba ito ng anumang epekto ngayon? Walang kahit ano. Ang mga pangako mo ba ay magkakaroon ng anumang epekto? May idudulot ba itong kabutihan kung ang ibang tao ay magbabahaginan sa katotohanan at kikilos upang kumbinsihin ka? (Hindi.) Kahit pa pumunta ka sa kalupaan nang hindi bukal sa loob mo pagkatapos nilang kumilos upang kumbinsihin ka, ito ba ay maituturing na tunay na pagpapasakop? Hindi ito ang paraan ng pagpapasakop na nais ng Diyos sa iyo. Kung pupunta ka nang hindi bukal sa loob mo, mawawalan ng kabuluhan ang pagpunta mo. Hindi gagawa ang Diyos sa iyo, at wala kang makakamit na anuman mula rito. Hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao na gumawa ng mga bagay-bagay. Dapat bukal ito sa loob mo. Kung ayaw mong pumunta, kung gusto mong tumahak ng isang alternatibong daan, at kung palagi kang humahanap ng paraan upang tumakas, tumanggi, at umiwas, kung gayon ay hindi mo kailangang pumunta. Kapag ang iyong tayog ay sapat na ang laki at mayroon kang ganoong tiwala, boluntaryo mong hihilinging pumunta, na sinasabing, “Pupunta ako, kahit na walang sinuman ang may gusto. Ngayon, talagang hindi na ako natatakot, at ibubuwis ko ang buhay ko! Hindi ba’t ang buhay ay bigay ng Diyos? Anong labis na nakatatakot tungkol kay Satanas? Ito ay isang laruan sa kamay ng Diyos, at hindi ko ito kinatatakutan! Kung hindi ako madadakip, ito ay dahil sa biyaya at awa ng Diyos. Kung mangyaring madakip ako, ito’y dahil pinahintulutan ito ng Diyos. Kahit na mamatay ako sa bilangguan, dapat pa rin akong magpatotoo para sa Diyos! Dapat may ganito akong determinasyon—ipagkakatiwala ko ang buhay ko sa Diyos. Gagamitin ko kung ano ang naunawaan, naranasan, at nalaman ko sa buhay ko at makikipagbahaginan ako rito sa mga kapatid na walang pagkaunawa at kaalaman. Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng parehong tiwala at determinasyon gaya ng sa akin, at makalalapit sila sa harap ng Diyos at makapagpapatotoo para sa Kanya. Dapat kong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at pasanin ang mabigat na pasaning ito. Bagaman ang pagpapasan ng mabigat na pasaning ito ay nangangailangan ng pagbabakasakali at pagsasakripisyo ng aking buhay, hindi ako natatakot. Hindi ko na iniisip ang sarili ko; may Diyos ako, ang buhay ko ay nasa kamay Niya, at bukal-sa-loob akong nagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos Niya.” Pagkatapos mong bumalik, kailangan mong magdusa sa kapaligirang iyon. Maaaring mabilis kang tatanda, puputi ang buhok mo, at kukulubot ang mukha mo. Maaaring magkasakit ka o arestuhin at usigin, o kaya naman ay mapunta ka sa panganib ng kamatayan. Paano mo haharapin ang mga problemang ito? Ito ay muling nangangailangan ng tunay na pagtitiwala. Puwedeng bumalik ang ilang tao bunsod ng determinasyon, ngunit ano ang gagawin nila kapag naharap sila sa mga paghihirap na ito matapos nilang bumalik? Dapat kang magpasya at manalig sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kahit na ikaw ay magka-edad nang bahagya o magkasakit nang bahagya, ang mga ito ay mga bagay na hindi gaanong mahalaga. Kung magkasala ka sa Diyos at tanggihan ang Kanyang atas, mawawala sa iyo ang pagkakataong magawang perpekto ng Diyos sa buhay na ito. Sa buhay mo, kung magkasala ka sa Diyos at tanggihan ang Kanyang atas, iyan ay magiging isang walang hanggang dungis! Ang mawalan ng oportunidad na ito ay isang bagay na hindi mo mababayaran nang kahit anong bilang ng taon ng kabataan mo. Para saan ang pagkakaroon ng isang malusog at malakas na katawan? Para saan ang pagkakaroon ng magandang mukha at magandang hugis ng katawan? Kahit na mabuhay ka hanggang walumpung taon at ang isip mo ay matalas pa rin, kung hindi mo kayang unawain ang kahulugan ng kahit isang pangungusap na sinambit ng Diyos, hindi ba’t iyan ay labis na kahabag-habag? Lubos itong magiging kahabag-habag. Kaya, ano ang pinakaimportante at pambihirang bagay na dapat makamit ng mga tao kapag lumapit sila sa harap ng Diyos? Ito ay ang tunay na pananampalataya sa Diyos. Kahit ano pa ang mangyari sa iyo, kung ikaw ay nagpapasakop muna, kahit na mayroon kang ilang maliit na maling pagkaunawa tungkol sa Diyos sa oras na iyon, o hindi mo masyadong nauunawaan kung bakit kumikilos ang Diyos sa ganyang paraan, hindi ka magiging negatibo at mahina. Gaya ng sinabi ni Pedro na, “Kung pinaglalaruan man ng Diyos ang mga tao na para bang sila ay mga laruan, ano ang karaingang maaaring magkaroon ang mga tao?” Kung wala ka kahit ng ganitong maliit na pagtitiwala, magagawa mo pa rin bang magpasakop gaya ni Pedro? Madalas, ang ginagawa ng Diyos sa iyo ay akma at makatwiran, nakahanay sa iyong tayog, mga imahinasyon, at kuru-kuro. Gumagawa ang Diyos ayon sa iyong tayog. Kung hindi mo pa rin ito matanggap, maisasakatuparan mo pa rin ba ang pagpapasakop ni Pedro? Iyan ay lalong magiging imposible. Kaya, dapat kang maghangad tungo sa direksyong ito at mithiing ito. Sa ganitong paraan mo lamang maisasakatuparan ang tunay na pananampalataya sa Diyos.

Kung walang tunay na pananampalataya ang mga tao, kaya ba nilang magpasakop sa Diyos? Mahirap sabihin iyan. Tanging sa pagkakaroon lamang ng tunay na pagtitiwala sa Diyos na sila ay tunay na makakapagpasakop sa Kanya. Ganyan talaga iyan. Kung hindi ka tunay na nagpapasakop sa Diyos, hindi ka na magkakaroon ng mga oportunidad na tanggapin ang kaliwanagan ng Diyos, patnubay, o pagiging perpekto. Itinaboy mo ang lahat ng oportunidad na ito upang ikaw ay magawang perpekto ng Diyos. Hindi mo gusto ang mga ito. Tinatanggihan, iniiwasan, at tuloy-tuloy mong iniilagan ang mga ito. Palagi mong pinipili ang isang kapaligiran na may mga kaginhawahan ng laman at malaya sa pagdurusa. Ito ay isang problema! Hindi mo mararanasan ang gawain ng Diyos. Hindi mo mararanasan ang patnubay ng Diyos, ang pamumuno ng Diyos, at ang pangangalaga ng Diyos. Hindi mo nakikita ang mga gawa ng Diyos. Bilang resulta, hindi mo makakamit ang katotohanan at hindi mo makakamit ang tunay na pagtitiwala—wala kang makakamit na anuman!

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Totoong Pagpapasakop Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pagtitiwala ang Isang Tao

Dapat maunawaan ng mga tao na may isang pangunahing prinsipyo sa pagtrato sa mga nilikha ang Lumikha, na siya ring pinakamataas na prinsipyo. Kung paano tratuhin ng Lumikha ang mga nilikha ay lubos na nababatay sa Kanyang plano ng pamamahala at sa Kanyang mga hinihingi sa gawain; hindi Niya kailangang sumangguni kaninuman, ni hindi Niya kailangang pasang-ayunin sa Kanya ang sinuman. Anuman ang dapat Niyang gawin at paano man Niya dapat tratuhin ang mga tao, ginagawa Niya, at, anuman ang Kanyang ginagawa o paano man Niya tinatrato ang mga tao, lahat ng ito ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at sa mga prinsipyo ng paggawa ng Lumikha. Bilang isang nilikha, ang tanging dapat gawin ay magpasakop sa Lumikha; hindi dapat gumawa ang isang tao ng sarili niyang pagpili. Ito ang katwirang dapat mayroon ang mga nilikha, at kung wala nito ang isang tao, hindi siya nararapat tawaging isang tao. Dapat maunawaan ng mga tao na ang Lumikha ay laging magiging ang Lumikha; nasa Kanya ang kapangyarihan at mga katangian upang mangasiwa at magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa sinumang nilikha ayon sa gusto Niya, at hindi kailangang magkaroon ng dahilan para gawin iyon. Ito ang Kanyang awtoridad. Wala ni isa man sa mga nilikha ang may karapatan o karapat-dapat humatol kung tama ba o mali ang ginagawa ng Lumikha, o kung paano Siya dapat kumilos. Walang nilikha ang may karapatang mamili kung tatanggapin ba niya ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha; at walang nilikha ang may karapatang masunod sa kung paano nagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos ang Lumikha sa kanyang kapalaran. Ito ang pinakamataas na katotohanan. Anuman ang nagawa na ng Lumikha sa Kanyang mga nilikha, at paano man Niya nagawa na iyon, isa lamang ang dapat gawin ng mga taong Kanyang nilikha: hanapin, magpasakop, alamin, at tanggapin ang lahat ng inilagay ng Lumikha. Ang magiging resulta sa huli ay na maisasakatuparan na ng Lumikha ang Kanyang plano ng pamamahala at matatapos na ang Kanyang gawain, na naging sanhi upang sumulong ang Kanyang plano ng pamamahala nang walang anumang mga sagabal; samantala, dahil natanggap na ng mga nilikha ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha, at nagpasakop na sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, matatamo na nila ang katotohanan, mauunawaan na ang mga layunin ng Lumikha, at malalaman na ang Kanyang disposisyon. May isa pang prinsipyo na kailangan Kong sabihin sa inyo: Anuman ang ginagawa ng Lumikha, anumang uri ng mga pagpapamalas ang ipinapakita Niya, at malaki man o maliit ang Kanyang ginagawa, Siya pa rin ang Lumikha; samantalang ang buong sangkatauhan, na Kanyang nilikha, anuman ang kanilang nagawa, at gaano man sila katalentado o katalino, ay nananatiling mga nilikha. Tungkol naman sa mga taong nilikha, gaano man karaming biyaya at gaano man karaming pagpapala ang natanggap nila mula sa Lumikha, o gaano man kalaking awa, mapagmahal na kabaitan, o kabutihan, hindi sila dapat maniwala na naiiba sila sa madla, o mag-isip na maaari silang makapantay sa Diyos at na mataas na ang kanilang katungkulan sa lahat ng nilalang. Ilang kaloob man ang naigawad sa iyo ng Diyos, o gaano kalaking biyaya ang naibigay Niya sa iyo, o gaano kabait ka man Niya natrato, o nabigyan ka man Niya ng ilang espesyal na talento, wala sa mga ito ang mga yaman mo. Ikaw ay isang nilikha, at sa gayon ay magiging isa kang nilikha magpakailanman. Huwag na huwag mong iisipin na, “Isa akong munting sinta sa mga kamay ng Diyos. Hinding-hindi ako aabandonahin ng Diyos, ang saloobin ng Diyos sa akin ay lagi nang magiging isang pagmamahal, pagmamalasakit at magigiliw na paghaplos, na may kasamang mga bulong ng aliw at payo.” Bagkus, sa mga mata ng Lumikha, katulad ka ng lahat ng iba pang nilikha; maaari kang gamitin ng Diyos kung gusto Niya, at mapangangasiwaan ka rin Niya kung gusto Niya, at maaari Niyang isaayos kung gusto Niya na gampanan mo ang anumang papel sa lahat ng uri ng tao, kaganapan, at bagay. Ito ang kaalamang dapat magkaroon ang mga tao, at ang katwirang dapat nilang taglayin. Kung mauunawaan at matatanggap ng tao ang mga salitang ito, magiging mas normal ang kaugnayan nila sa Diyos, at magtatatag sila ng napaka-makatwirang kaugnayan sa Kanya; kung mauunawaan at matatanggap ng tao ang mga salitang ito, ibabagay nila nang wasto ang kanilang katayuan, lalagay sa kanilang lugar doon, at paninindigan ang kanilang tungkulin.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pag-unawa Lamang sa Katotohanan Malalaman ng Isang Tao ang mga Gawa ng Diyos

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Paano Maging Tunay na Masunurin sa Diyos at Maligtas Niya

Kaugnay na mga Himno

Ang Isang Nilikha ay Dapat Magpasailalim sa Pamamatnugot ng Diyos

Sinundan: 35. Ang ugnayan sa pagitan ng pagpapasakop sa Diyos at kaligtasan

Sumunod: 37. Paano matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 3: Simula nang pag-aralan natin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, Kapatid na Zhang, Kapatid na Xu, simula nang pag-aralan natin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, mas lalong kinokondena ng mga pastor at elder ng relihiyon ang Makapangyarihang Diyos, ginagawa nila ang lahat para hadlangan tayo sa pag-aaral ng totoong daan. Hindi ito naiba sa pagkalaban at pagkondena noon ng mga Judiong Fariseo sa Panginoong Jesus! Nag-iisip-isip ako nitong, bakit dalawang beses na nagpakita ang Diyos sa katawang-tao para gumawa at makalawang nakaharap ang pagkondena at pang-uusig ng lahat ng relihiyon at ng gobyernong ateista? Sa mga huling araw, nagpapakita at gumagawa ang Makapangyarihang Diyos para lamang ipahayag ang katotohanan, sa pagsasalita at paggawa para linisin at iligtas ang sangkatauhan. Bakit matindi ang galit kay Cristo ng mga relihiyon at ng gobyernong Komunista ng Tsina? na pinakikilos pa nila ang media corp at sandatahang puwersa ng pulisya para ikondena, lapastanganin, hulihin at patayin si Cristo? Dahil dito naaalala ko noong narinig ni Haring Herodes na ang Hari ng mga Judio, o ang Panginoong Jesus ay isinilang, ipinapatay niya ang lahat ng lalaking sanggol sa Bet-lehem na wala pang dalawang taong gulang. Mas gugustuhin niyang ipapatay ang libu-libong inosenteng mga sanggol kaysa hayaang mabuhay si Cristo. Noong dumating ang Diyos sa katawang-tao para sa kaligtasan ng sangkatauhan, bakit hindi tinanggap ng mga relihiyon at gobyerno ang Kanyang pagdating kundi galit na galit na kinondena at nilapastangan ang pagpapakita at gawain ng Diyos? Bakit inubos niya ang kabuhayan ng buong bansa para lang maipako sa krus si Cristo? Bakit napakasama ng sangkatauhan at matindi ang galit laban sa Diyos?

Sagot: Ang tanong na ito ay napakahalaga, at iilan lamang sa buong sangkatauhan ang makauunawa dito nang lubusan! Ang dahilan ng matinding...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito