32. Paano tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ako ay matuwid, Ako ay mapagkakatiwalaan, at Ako ang Diyos na nagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao! Ibubunyag Ko agad kung sino ang totoo at kung sino ang huwad. Huwag kang mangamba, lahat ng bagay ay kumikilos ayon sa Aking oras. Sino ang taos na nagnanais sa Akin, sino ang hindi—sasabihin Ko sa inyo, isa-isa. Siguraduhin lamang ninyong kumain nang mabuti, uminom nang mabuti, at lumapit sa Akin kapag kayo ay nasa presensya Ko, at Ako Mismo ang gagawa ng Aking gawain. Huwag kayong labis na masabik sa mga agarang resulta; ang Aking gawain ay hindi isang bagay na maisasagawa agad-agad. Nakapaloob dito ang Aking mga hakbang at ang Aking karunungan, at iyan ang dahilan kung kaya mabubunyag ang Aking karunungan. Hahayaan Ko kayong makita kung ano ang ginagawa ng Aking mga kamay—ang pagpaparusa sa kasamaan at paggantimpala sa kabutihan. Ako ay talagang walang pinapaboran na kahit na sino. Ikaw na tapat na nagmamahal sa Akin, tapat Kitang mamahalin, at yaon namang mga hindi tapat na nagmamahal sa Akin, ang Aking poot ay mamamalagi magpakailanman sa kanila, upang maalala nila magpakailanman na Ako ang tunay na Diyos, ang Diyos na nagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao. Huwag kang kumilos ng isang paraan kapag kaharap ang kapwa ngunit ibang paraan kapag nakatalikod sila; malinaw Kong nakikita ang lahat ng ginagawa mo, at kahit malinlang mo ang iba, hindi mo Ako malilinlang. Malinaw Kong nakikita iyong lahat. Hindi posibleng maitago mo ang anumang bagay; ang lahat ay nasa Aking mga kamay. Huwag mong isiping napakatalino mo dahil nagagawa mong makinabang mula sa mga munti mong pagmamanipula. Sinasabi Ko sa iyo: gaano man karaming plano ang gawin ng tao, libo-libo man o sampu-sampung libo, sa huli ay hindi sila makatatakas mula sa Aking palad. Lahat ng bagay ay kontrolado ng Aking mga kamay, lalo naman ang isang tao! Huwag mo Akong subukang iwasan o pagtaguan, huwag mong subukang manlinlang o magtago. Maaari kayang hindi mo pa rin nakikita na ang Aking maluwalhating mukha, ang Aking poot at Aking paghatol, ay naibunyag na sa madla? Sinumang hindi nagnanais sa Akin nang tapat, agad at walang-awa Ko silang hahatulan. Ang Aking awa ay umabot na sa sukdulan; wala nang natitira pa roon. Huwag na kayong maging mga paimbabaw, at itigil na ninyo ang inyong mga gawing mararahas at pabaya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 44

Ang maging mananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan na lahat ng ginagawa mo ay kailangang dalhin sa Kanyang harapan at sumailalim sa Kanyang masusing pagsusuri. Kung maihaharap ang iyong ginagawa sa Espiritu ng Diyos ngunit hindi sa katawang-tao ng Diyos, nagpapakita ito na hindi ka pa masusing nasusuri ng Kanyang Espiritu. Sino ang Espiritu ng Diyos? Sino ang taong pinatototohanan ng Diyos? Hindi ba Sila iisa at pareho? Ang tingin sa Kanila ng karamihan ay dalawang magkahiwalay na nilalang, naniniwalang ang Espiritu ng Diyos ay Espiritu ng Diyos, at ang taong pinatototohanan ng Diyos ay isang tao lamang. Ngunit hindi ka ba nagkakamali? Sa kaninong pangalan gumagawa ang taong ito? Yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay walang espirituwal na pang-unawa. Ang Espiritu ng Diyos at ang Kanyang nagkatawang-taong laman ay iisa, dahil ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa katawang-tao. Kung ang taong ito ay hindi mabait sa iyo, magiging mabait ba ang Espiritu ng Diyos? Hindi ka ba nalilito? Ngayon, lahat ng hindi matanggap ang masusing pagsusuri ng Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring maperpekto. Tingnan mo ang lahat ng ginagawa mo, at tingnan mo kung maaari ba itong dalhin sa harap ng Diyos. Kung hindi mo madadala ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos, ipinapakita nito na masamang tao ka. Mapeperpekto ba ang masasamang tao? Lahat ng iyong ginagawa, bawat kilos, bawat layunin, at bawat tugon ay dapat dalhin sa harap ng Diyos. Kahit ang iyong pang-araw-araw na espirituwal na buhay—ang iyong mga dalangin, ang iyong pagiging malapit sa Diyos, kung paano ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ang pakikipagbahaginan mo sa iyong mga kapatid, at ang buhay mo sa loob ng iglesia—at ang iyong paglilingkod na bilang magkatuwang ay maaaring dalhin sa harap ng Diyos para sa Kanyang masusing pagsusuri. Ang gayong pagsasagawa ang tutulong sa iyo na lumago sa buhay. Ang proseso ng pagtanggap sa masusing pagsusuri ng Diyos ang proseso ng pagdadalisay. Kapag mas matatanggap mo ang masusing pagsusuri ng Diyos, mas napapadalisay at mas umaayon ka sa mga layunin ng Diyos, kaya hindi ka maaakit sa kahalayan, at mabubuhay ang puso mo sa Kanyang presensya. Kapag mas tinatanggap mo ang Kanyang masusing pagsusuri, mas napapahiya si Satanas at mas tumataas ang kakayahan mong maghimagsik laban sa laman. Kaya, ang pagtanggap sa masusing pagsusuri ng Diyos ay isang landas ng pagsasagawa na dapat sundan ng mga tao. Anuman ang ginagawa mo, kahit kapag nakikipagbahaginan ka sa iyong mga kapatid, maaari mong dalhin ang iyong mga kilos sa harap ng Diyos at hangarin ang Kanyang masusing pagsusuri at hangaring magpasakop sa Diyos Mismo; gagawin nitong mas tama ang iyong pagsasagawa. Kung dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos, saka ka lamang magiging isang tao na nabubuhay sa presensya ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso

Kailangan mong gamitin ang panalangin bilang isang paraan upang tanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos sa lahat ng bagay. Kapag nagdarasal ka, bagamat hindi Ako personal na nakatayo sa iyong harapan, sumasaiyo ang Banal na Espiritu, at nagdarasal ka kapwa sa Akin Mismo at sa Espiritu ng Diyos. Bakit ka naniniwala sa katawang-taong ito? Naniniwala ka dahil taglay Niya ang Espiritu ng Diyos. Maniniwala ka ba sa taong ito kung wala sa Kanya ang Espiritu ng Diyos? Kapag naniniwala ka sa taong ito, naniniwala ka sa Espiritu ng Diyos. Kapag natatakot ka sa taong ito, natatakot ka sa Espiritu ng Diyos. Ang pananampalataya sa Espiritu ng Diyos ay pananampalataya sa taong ito, at ang pananampalataya sa taong ito ay pananampalataya rin sa Espiritu ng Diyos. Kapag nagdarasal ka, nadarama mong sumasaiyo ang Espiritu ng Diyos at na ang Diyos ay nasa iyong harapan, at sa gayon ay nagdarasal ka sa Kanyang Espiritu. Sa panahong ito, karamihan sa mga tao ay masyadong takot na dalhin ang kanilang mga kilos sa harap ng Diyos; bagamat maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Anumang bagay na hindi makayanan ang masusing pagsusuri ng Diyos ay hindi nakaayon sa katotohanan, at nararapat na isantabi; kung hindi ay nagkakasala ka sa Diyos. Kaya, kailangan mong ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, kapag nagdarasal ka, kapag nagsasalita at nagbabahagi ka sa iyong mga kapatid, at kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin at ginagawa ang iyong gawain. Kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, sumasaiyo ang Diyos, at hangga’t tama ang iyong intensyon at iyon ay para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, tatanggapin Niya ang lahat ng ginagawa mo; dapat mong buong taimtim na ialay ang iyong sarili sa pagganap sa iyong tungkulin. Kapag nagdarasal ka, kung mayroon kang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at hangad mo ang malasakit, pangangalaga at masusing pagsusuri ng Diyos, kung ang mga bagay na ito ang iyong hangarin, magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Halimbawa, kapag nagdarasal ka sa mga pulong, kung bubuksan mo ang iyong puso at magdarasal ka sa Diyos at sasabihin mo sa Kanya kung ano ang nasa puso mo nang hindi ka nagsisinungaling, siguradong magiging epektibo ang iyong mga dalangin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso

Ang pagkakaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos ay nangangahulugan ng kakayahang hindi pagdudahan o tanggihan ang anuman sa Kanyang gawain at magpasakop sa Kanyang gawain. Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng mga tamang layunin sa presensya ng Diyos, hindi paggawa ng mga plano para sa sarili mo, at pagsasaalang-alang muna sa mga interes ng pamilya ng Diyos sa lahat ng bagay; nangangahulugan ito ng pagtanggap sa pagsusuri ng Diyos at pagpapasakop sa mga plano ng Diyos. Kailangan mong magawang patahimikin ang iyong puso sa presensya ng Diyos sa lahat ng iyong ginagawa. Kahit hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, kailangan mo pa ring tuparin ang iyong mga tungkulin at responsibilidad sa abot ng iyong makakaya. Kapag nabunyag na sa iyo ang mga layunin ng Diyos, kumilos ayon sa mga ito, at hindi na magiging huli ang lahat. Kapag naging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, magkakaroon ka rin ng normal na mga kaugnayan sa mga tao. Para magkaroon ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, dapat maitatag ang lahat sa pundasyon ng mga salita ng Diyos, dapat magampanan mo ang iyong tungkulin alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa kung ano ang hinihingi ng Diyos, dapat mong ituwid ang mga pananaw mo, at dapat mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Dapat mong isagawa ang katotohanan kapag nauunawaan mo ito, at kahit ano pang mangyari sa iyo, dapat kang manalangin sa Diyos at maghanap nang may pusong nagpapasakop sa Diyos. Sa pagsasagawa nang ganito, mapapanatili mo ang isang normal na kaugnayan sa Diyos. Kasabay ng pagganap mo nang maayos sa iyong tungkulin, dapat mo ring tiyakin na wala kang ginagawang anumang bagay na hindi kapaki-pakinabang sa pagpasok sa buhay ng mga hinirang ng Diyos, at wala kang sinasabi na hindi makakatulong sa mga kapatid. Kahit papaano man lang, dapat wala kang gawin na labag sa iyong konsensya at hinding-hindi ka dapat gumawa ng anumang bagay na nakakahiya. Hinding-hindi mo dapat gawin, lalong-lalo na, iyong pagrerebelde o paglaban sa Diyos, at hindi mo dapat gawin ang anumang bagay na nakakaabala sa gawain o buhay ng iglesia. Maging makatarungan at marangal sa lahat ng bagay na ginagawa mo at tiyakin na bawat kilos mo ay kaaya-aya sa harap ng Diyos. Bagama’t maaaring mahina ang laman kung minsan, kailangan mong magawang unahin ang mga interes ng pamilya ng Diyos, nang walang pag-iimbot para sa sarili mong kapakinabangan, nang walang ginagawang anumang bagay na makasarili o kasuklam-suklam, na madalas na pinagninilayan ang sarili. Sa ganitong paraan, magagawa mong madalas na mamuhay sa harap ng Diyos, at ang kaugnayan mo sa Diyos ay magiging normal na normal.

Sa lahat ng ginagawa mo, kailangan mong siyasatin kung ang iyong mga layunin ay tama. Kung nagagawa mong kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal. Ito ang pinakamababang pamantayan. Usisain mo ang iyong mga layunin, at kung malaman mo na nagkaroon ng mga maling layunin, maghimagsik ka laban sa mga ito at kumilos ka ayon sa mga salita ng Diyos; sa gayon ay magiging isa kang taong matuwid sa harap ng Diyos, na nagpapakita naman na ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, at na lahat ng iyong ginagawa ay para sa kapakanan ng Diyos, hindi para sa iyong sariling kapakanan. Sa lahat ng iyong ginagawa at lahat ng iyong sinasabi, itama ang iyong puso at maging makatarungan sa iyong mga kilos, at huwag patangay sa iyong mga damdamin, ni huwag kumilos ayon sa sarili mong kalooban. Ito ang mga prinsipyong kailangang sundin ng mga sumasampalataya sa Diyos sa kanilang pag-uugali.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?

Yaong mga may kakayahang isagawa ang katotohanan ay makakayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa mga bagay na kanilang ginagawa. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba, at lagi mong nais na makuha ang papuri at paghanga ng iba, at hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang gayong mga tao ay walang may takot sa Diyos na puso. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging tapat, kung natupad ang iyong mga pananagutan, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at intindihin ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kung mahina ang iyong kakayahan, kung mababaw ang iyong karanasan, o kung hindi ka bihasa sa iyong mga propesyunal na gawain, kung gayon ay maaaring may ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at maaaring hindi ka makakuha ng magagandang resulta—ngunit nagawa mo ang lahat ng iyong makakaya. Hindi mo binibigyang-kasiyahan ang iyong mga makasariling paghahangad o kagustuhan. Sa halip, binibigyan mo ng palagiang pagsasaalang-alang ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi ka makapagkamit ng magagandang resulta sa iyong tungkulin, naituwid naman ang puso mo; kung, dagdag pa rito, kaya mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema sa iyong tungkulin, maaabot mo ang pamantayan sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at, kasabay nito, magagawa mong pumasok sa katotohanang realidad. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng patotoo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon

Lahat kayo ay mga taong gumagampan ng mga tungkulin. Kahit papaano, dapat mayroon kang matapat na puso at dapat pahintulutan mo ang Diyos na makita na sinsero ka—saka mo lang makakamit ang pagbibigay-liwanag, pagtanglaw, at paggabay ng Diyos. Ang napakahalagang bagay ay na tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos. Hindi mahalaga kung ano ang mga hadlang na nariyan sa pagitan mo at ng ibang tao, kung gaano mo pinapahalagahan ang sarili mong banidad at reputasyon, at kung ano ang mga intensiyong kinikimkim mo na hindi mo maipagtapat sa isang simpleng paraan, ang lahat ng ito ay dapat unti-unting magbago. Hakbang-hakbang, dapat palayain ng bawat indibidwal ang kanilang sarili mula sa mga tiwaling disposisyon at mga paghihirap na ito, at dapat nilang malampasan ang mga hadlang na dulot ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Bago mo malampasan ang mga hadlang na ito, talaga bang matapat ang puso mo sa Diyos? Nagtatago at nagkukubli ka ba ng mga bagay-bagay sa Kanya o nagkukunwari ka ba at nililinlang mo Siya? Dapat maging malinaw ito sa iyo sa puso mo. Kung may mga ganitong bagay sa puso mo, dapat mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Huwag ninyong ipagbakasakali ang mga bagay-bagay at sabihing, “Ayaw kong igugol ang buong buhay ko para sa Diyos. Gusto kong magsimula ng pamilya at mamuhay nang sarili kong buhay. Sana hindi ako siyasatin at kondenahin ng Diyos.” Kung itatago mo ang lahat ng bagay na ito mula sa Diyos—ibig sabihin, ang mga intensiyon, mithiin, plano, at mga layon sa buhay na kinikimkim mo sa loob ng puso mo—at kung itatago mo ang mga pananaw mo sa maraming bagay at mga paniniwala tungkol sa pananalig sa Diyos, kung gayon ay malalagay ka sa alanganin. Kung itinatago mo ang mga walang kuwentang bagay na ito at hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito, ipinapakita nito na hindi mo mahal ang katotohanan, at na mahirap para sa iyo na tanggapin at kamtin ang katotohanan. Maaari mong itago ang mga bagay-bagay sa ibang tao, pero hindi mo maaaring itago ang mga ito sa Diyos. Kung hindi ka nagtitiwala sa Diyos, bakit ka nananampalataya sa Kanya? Kung mayroon kang mga sikreto, at nag-aalala kang bababa ang tingin ng mga tao sa iyo kung magtatapat ka tungkol sa mga ito, at wala kang tapang na magsalita, kung gayon, maaari kang magtapat lang sa Diyos. Dapat kang manalangin sa Diyos, magtapat ng masasamang intensiyon na kinikimkim mo sa iyong pananampalataya sa Kanya, ng mga bagay na nagawa mo alang-alang sa iyong hinaharap at kapalaran, at kung paano ka nagsumikap para sa kasikatan at pakinabang. Ilatag mo ang lahat ng ito sa harap ng Diyos at ibunyag mo ang mga ito sa Kanya; huwag mong itago ang mga ito sa Kanya. Gaano man karaming tao ang pinagsarhan mo ng iyong puso, huwag mong isara ang puso mo sa Diyos—dapat mong buksan ang puso mo sa Kanya. Iyan ang pinakamababang antas ng sinseridad na dapat taglay ng mga taong nananampalataya sa Kanya. Kung may puso kang bukas sa Diyos at hindi sarado sa Kanya, at kaya mong tanggapin ang pagsisiyasat Niya, paano ka Niya titingnan? Kahit na hindi ka magtapat sa iba, kung kaya mong magtapat sa Diyos, ituturing ka Niya bilang isang matapat na tao na may matapat na puso. Kung kayang tanggapin ng matapat mong puso ang pagsisiyasat Niya, kung gayon, napakahalaga nito sa paningin Niya, at tiyak na may gagawin Siyang gawain sa iyo. Halimbawa, kung may nagawa kang mapanlinlang na bagay sa Diyos, didisiplinahin ka Niya. Pagkatapos, dapat mong tanggapin ang Kanyang pagdidisiplina, agad na magsisi at magtapat sa harap Niya, at aminin ang iyong mga kamalian; dapat mong aminin ang iyong paghihimagsik at katiwalian, tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, alamin ang iyong mga tiwaling disposisyon, at dapat kang magsagawa ayon sa mga salita Niya, at tunay na magsisi. Ito ang patunay ng iyong taos-pusong pananampalataya sa Diyos at tunay na pananalig sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao

Kapag may mga saloobin ang mga tao, may pagpipilian sila. Kung may mangyari sa kanila at magkamali sila ng desisyon, dapat silang magbago at magdesisyon nang tama; hinding-hindi nila dapat panindigan ang kanilang pagkakamali. Matalino ang ganitong mga tao. Pero kung alam nilang nagkamali sila ng desisyon at hindi sila nagbago, sila ay isang taong hindi nagmamahal sa katotohanan, at hindi talaga gusto ng gayong tao ang Diyos. Halimbawa, sabihin nang gusto mong maging pabasta-basta kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Sinusubukan mong magpakatamad, at sinusubukang iwasan ang masusing pagsisiyasat ng Diyos. Sa gayong mga pagkakataon, magmadali kang lumapit sa Diyos para manalangin, at pagnilay-nilayan mo kung tama bang kumilos nang ganito. Tapos, pag-isipan mo ito: “Bakit ba ako nananampalataya sa Diyos? Maaaring makalusot sa mga tao ang gayong pagpapabasta-basta, pero makakalusot ba ito sa Diyos? Dagdag pa rito, nananampalataya ako sa Diyos hindi para magpakatamad—ito ay para maligtas. Ang pagkilos ko nang ganito ay hindi pagpapahayag ng normal na pagkatao, ni hindi ito kaibig-ibig sa Diyos. Hindi, maaaring magpakatamad ako at gawin ang gustuhin ko sa mundo sa labas, pero nasa sambahayan ng Diyos na ako ngayon, nasa ilalim na ako ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at nasa ilalim ng masusing pagsisiyasat ng mga mata ng Diyos. Isa akong tao, dapat akong kumilos ayon sa aking konsensiya, hindi ko maaaring gawin kung ano lang ang maibigan ko. Dapat akong kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ako dapat maging pabasta-basta, hindi ako maaaring magpakatamad. Kaya paano dapat ako kumilos para hindi maging tamad, para hindi maging pabasta-basta? Dapat magsikap ako. Ngayon-ngayon lang, pakiramdam ko ay napakamatrabaho nitong gawin nang ganito, gusto ko sanang umiwas sa paghihirap, pero ngayon nauunawaan ko na: Maaaring matrabaho itong gawin nang ganoon, pero epektibo ito, kaya naman ganoon ito dapat gawin.” Kapag gumagawa ka at natatakot ka pa ring mahirapan, sa mga pagkakataong iyon, dapat manalangin ka sa Diyos: “O Diyos! Tamad at tuso akong tao, nagsusumamo ako sa Iyo na disiplinahin ako, na pagalitan ako, upang makaramdam ang konsensiya ko, at makaramdam ako ng kahihiyan. Ayaw kong maging pabasta-basta. Nagsusumamo ako sa Iyo na gabayan Mo ako at bigyan ako ng kaliwanagan, na ipakita sa akin ang aking paghihimagsik at kapangitan.” Kapag nananalangin ka nang gayon, nagninilay-nilay at sinusubukang kilalanin ang iyong sarili, dahil dito ay uusbong ang pakiramdam ng pagsisisi, at magagawa mong kapootan ang iyong kapangitan, at ang maling kalagayan sa iyong puso ay magsisimulang magbago, at magagawa mong pagbulay-bulayan ito at sabihin sa iyong sarili, “Bakit ako pabasta-basta? Bakit lagi kong sinusubukang magpakatamad? Ang kumilos nang ganito ay walang kakonse-konsensiya o katwiran—isa pa rin ba akong taong nananampalataya sa Diyos? Bakit hindi ko sineseryoso ang mga bagay-bagay? Hindi ba’t kailangan ko lang maglaan nang kaunti pang panahon at pagsisikap? Hindi naman ito mabigat na pasanin. Ito ang nararapat kong gawin; kung hindi ko man lang ito magagawa, karapat-dapat ba akong tawaging isang tao?” Bunga nito, magpapasya at mangangako ka: “O Diyos! Nabigo Kita, tunay ngang lubos akong nagawang tiwali, wala akong konsensiya o katwiran, wala akong pagkatao, gusto ko sanang magsisi. Nagsusumamo ako na patawarin Mo ako, talagang magbabago ako. Kung hindi ako magsisisi, parusahan Mo ako.” Pagkatapos nito, magbabago ang iyong pag-iisip, at magsisimula kang magbago. Kikilos at gaganap ka ng iyong mga tungkulin nang may katapatan, nang hindi na masyadong pabasta-basta, at magagawa mo nang magdusa at magbayad ng halaga. Mararamdaman mong napakasarap gawin ang iyong tungkulin sa ganitong paraan, at ang iyong puso ay magkakaroon ng kapayapaan at kagalakan. Kapag kayang tanggapin ng mga tao ang pagsusuri ng Diyos, kapag kaya nilang manalangin sa Kanya at umasa sa Kanya, magbabago ang kanilang kalagayan sa madaling panahon. Kapag nabaligtad ang negatibong kalagayan ng puso mo, at naghimagsik ka laban sa sarili mong mga layunin at sa mga makasariling pagnanais ng laman, kapag nagagawa mong bitiwan ang kaginhawahan at layaw ng laman, at kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at hindi ka na padalos-dalos at walang ingat, magkakaroon ka ng kapayapaan sa iyong puso at hindi ka uusigin ng iyong konsensiya. Madali bang maghimagsik laban sa laman at kumilos nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos sa ganitong paraan? Hangga’t may masidhing paghahangad para sa Diyos ang mga tao, maaari silang maghimagsik laban sa laman at maisasagawa nila ang katotohanan. At hangga’t nagagawa mong magsagawa sa ganitong paraan, magugulat ka na lang na nakakapasok ka na pala sa katotohanang realidad. Hinding-hindi ito magiging mahirap.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos

Kapag may sinumang gumugugol ng kaunting oras para pangasiwaan o obserbahan ka, o umuunawa sa iyo nang malalim, sumusubok na kausapin ka nang masinsinan at tuklasin kung ano ang naging kalagayan mo sa panahong ito, at kapag medyo mabagsik pa kung minsan ang kanilang pag-uugali, at pinupungusan, dinidisiplina, at pinagsasabihan ka nila nang kaunti, lahat ng ito ay dahil tapat at responsable sila sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ka dapat magkaroon ng anumang negatibong saloobin o emosyon tungkol dito. Ano ang ibig sabihin kung kaya mo itong tanggapin kapag pinapangasiwaan, inoobserbahan, at sinusubukan kang unawain ng iba? Na sa puso mo, tinatanggap mo ang pagsusuri ng Diyos. Kung hindi mo tinatanggap ang pangangasiwa, pag-oobserba, at pagtatangka ng mga tao na unawain ka—kung ayaw mong tanggapin ang lahat ng ito—magagawa mo bang tanggapin ang pagsusuri ng Diyos? Ang pagsusuri ng Diyos ay mas detalyado, malalim, at tumpak kaysa kapag sinusubukan ng mga tao na unawain ka; ang mga hinihingi ng Diyos ay mas partikular, mahirap, at malalim. Kung hindi mo matanggap ang pangangasiwa ng mga hinirang na tao ng Diyos, walang kabuluhang mga salita lamang ba ang sinasabi mo na kaya mong tanggapin ang pagsusuri ng Diyos? Para magawa mong tanggapin ang pagsusuri at pagsisiyasat ng Diyos, dapat mo munang tanggapin ang pangangasiwa ng sambahayan ng Diyos, ng mga lider at manggagawa, o ng mga kapatid.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 7

Anuman ang mangyari sa paligid mo, dapat kang manalangin sa Diyos tungkol sa lahat ng bagay. Dapat lagi mong hanapin ang katotohanan, pigilan ang iyong sarili, tiyakin na namumuhay ka sa presensiya ng Diyos, at dapat lagi kang mayroong normal na ugnayan sa Diyos. Sinusuri ng Diyos ang mga tao sa lahat ng oras, at gumagawa ang Banal na Espiritu sa loob ng ganitong mga uri ng tao. Paano sinusuri ng Diyos ang puso ng isang tao? Hindi lamang Siya tumitingin gamit ang Kanyang mga mata, nagsasaayos Siya ng mga kapaligiran para sa iyo at inaantig Niya ang puso mo. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil kapag nagsasaayos ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, nakikita ng Diyos kung nagagalit at nasusuklam ka rito, o nagugustuhan mo ito at nagpapasakop ka rito, kung pasibo kang naghihintay o aktibong naghahanap sa katotohanan. Binabantayan ng Diyos kung paano nagbabago ang puso at mga kaisipan mo, at kung saang direksyon nauuwi ang mga ito. Ang kalagayan sa puso mo ay minsan positibo, at kung minsan ay negatibo. Kung kaya mong tanggapin ang katotohanan, matatanggap mo mula sa Diyos ang mga tao, pangyayari at bagay, at ang iba’t ibang kapaligiran na isinasaayos Niya para sa iyo, at mahaharap mo ang mga ito nang tama. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, lahat ng iyong kaisipan at ideya, lahat ng iyong opinyon, at lahat ng iyong mood ay magbabago batay sa mga salita ng Diyos. Magiging malinaw ito sa iyo, at susuriin din ng Diyos ang lahat ng ito. Kahit na hindi mo ito sasabihin sa sinumang tao, o hindi mo ipagdarasal ang tungkol dito, at iisipin mo lang ito sa puso mo at sa sarili mong mundo, mula sa perspektiba ng Diyos, magiging napakalinaw nito—mahahalata Niya ito. Nakikita ng mga mata ng tao ang panlabas na hitsura mo, ngunit nakikita ng Diyos ang puso mo, ganoon Siya kalapit sa iyo. Kung nararamdaman mo ang pagsisiyasat ng Diyos, namumuhay ka sa Kanyang presensiya. Kung hindi mo talaga maramdaman ang Kanyang pagsisiyasat, namumuhay ka sa sarili mong mundo, at namumuhay ka sa sarili mong mga nararamdaman at tiwaling disposisyon, at kung gayon, magkakaproblema ka. Kung hindi ka namumuhay sa presensiya ng Diyos, kung mayroong malaking distansya sa pagitan mo at ng Diyos, at malayo ka sa Kanya, kung hindi mo man lang isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at kung hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, malalaman ng Diyos ang lahat ng ito. Magiging napakadali para sa Kanya na makita ito. Kaya, kapag mayroon kang determinasyon at layon, at handa kang magawang perpekto ng Diyos, at maging isang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos at may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, kapag taglay mo ang kapasyahang ito, at nakapagdarasal at nakapagsusumamo ka nang madalas para sa mga bagay na ito, at nakakapamuhay sa presensiya ng Diyos, hindi kailanman inilalayo ang sarili mo sa Diyos o iniiwan Siya, malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, at alam din ng Diyos ang mga ito.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya

Nauunawaan man ng mga tao ang katotohanan o hindi, hindi sila dapat gumawa ng masama, hindi dapat gumawa ng mga bagay na nakabatay sa kanilang mga ambisyon at pagnanais, at hindi dapat magkaroon ng kaisipang nagbabakasakali, dahil sinisiyasat ng Diyos ang puso ng tao at ang buong mundo. Ano ba ang saklaw ng “buong mundo”? Kasama rito ang kapwa materyal at di-materyal na mga bagay. Huwag subukang sukatin ang Diyos, ang awtoridad ng Diyos, o ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos gamit ang sariling isip. Ang mga tao ay mga nilalang at walang kabuluhan ang buhay nila—paano nila masusukat ang kadakilaan ng Lumikha? Paano nila masusukat ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Lumikha sa paglikha Niya sa lahat ng bagay at ang pagiging may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? Huwag na huwag kayong gagawa ng mga kamangmangan o masasamang bagay. Siguradong magdudulot ng kaparusahan ang paggawa ng masama, at kapag isang araw ay ibinunyag ka ng Diyos, higit pa sa inaasahan mo ang matatamo mo, at sa araw na iyon ay tatangis ka at magngangalit ang mga ngipin mo. Dapat kang kumilos na may pagkilala sa sarili. Sa ilang bagay, bago ka ibunyag ng Diyos, mas makakabuti na ikompara ang sarili sa mga salita ng Diyos, magnilay sa sarili at ilantad ang mga nakatagong bagay, tuklasin ang mga problema mo mismo, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para malutas ang mga iyon—huwag mo nang hintaying ibunyag ka ng Diyos. Kapag ibinunyag ka ng Diyos, hindi ba parang wala kang ginagawa? Sa panahong iyon, nakagawa ka na ng pagsalangsang. Mula sa pagsisiyasat sa iyo ng Diyos hanggang sa pagbubunyag sa iyo, ang halaga mo at ang opinyon ng Diyos ukol sa iyo ay maaaring magkaroon ng isang malaking pagbabago. Ito ay dahil habang sinisiyasat ka ng Diyos, binibigyan ka Niya ng mga pagkakataon at ipinagkakatiwala sa iyo ang mga inaasam Niya, hanggang sa sandaling mabunyag ka. Mula sa pagkakatiwala ng Diyos ng mga inaasam Niya sa isang tao hanggang sa mauwi sa wala sa huli ang mga inaasam Niya, ano kaya ang nararamdaman ng Diyos? Nakakaranas ito sa matinding pagbagsak. At anong magiging kahihinatnan para sa iyo? Sa mga hindi gaanong seryosong kaso, maaaring maging pakay ka ng pagkamuhi ng Diyos, at isasantabi ka. Ano ang ibig sabihin ng “isasantabi”? Ibig sabihin nito ay pananatilihin at oobserbahan ka. At anong kahihinatnan sa mas seryosong mga kaso? Sasabihin ng Diyos, “Pasaway ang taong ito at hindi nga karapat-dapat na magserbisyo. Hinding-hindi Ko ililigtas ang taong ito!” Kapag nabuo na ng Diyos ang ideyang ito, wala ka na talagang kalalabasan, at kapag nangyari iyon, puwede kang lumuhod at tumulo ang dugo mo pero wala na itong magagawa, dahil nabigyan ka na ng Diyos ng sapat na mga pagkakataon pero hindi ka kailanman nagsisi at nagmalabis ka na. Samakatuwid, anumang problema ang mayroon ka o anumang katiwalian ang ipinapakita mo, palagi mo dapat pagnilayan at kilalanin ang sarili mo sa liwanag ng mga salita ng Diyos o hilingin mo sa mga kapatid na ituro ang mga ito sa iyo. Ang pinakaimportante ay dapat mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, lumapit ka sa Diyos, at hilingin sa Kanya na liwanagan at tanglawan ka. Anumang pamamaraan ang gamitin mo, ang mas maagang pagtuklas ng mga problema at pagkatapos ay paglutas sa mga ito ay ang epektong nakakamit sa pamamagitan ng pagninilay sa sarili, at ito ang pinakamagandang bagay na magagawa mo. Huwag mo nang hintaying ibunyag ka ng Diyos at itiwalag ka bago ka magsisi, dahil magiging masyado nang huli para manghinayang! Kapag ibinunyag ng Diyos ang isang tao, labis na ba Siyang napopoot o sobra na Siyang nahahabag? Mahirap sabihin ito, walang nakakaalam, at hindi Ko ito maipapangako sa iyo—ikaw ang bahala sa landas na tinatahak mo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)

Kaugnay na mga Himno

Paano Magtatag ng Normal na Kaugnayan sa Diyos

Dapat Mong Tanggapin ang Pagsisiyasat ng Diyos sa Lahat ng Bagay

Dapat Tanggapin ng mga Tao ang Pagsisiyasat ng Diyos sa Lahat ng Ginagawa Nila

Sinundan: 31. Paano isagawa ang pagiging isang matapat na tao

Sumunod: 33. Ang mga pagbabagong idinudulot sa mga tao ng pagkakamit sa katotohanan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 2: Matagal na naming narinig na ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nagpatotoo na tungkol sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. At Siya ang Makapangyarihang Diyos! Nagpapahayag Siya ng mga katotohanan at gumaganap sa Kanyang gawaing paghatol sa mga huling araw, ngunit karamihan sa mga tao ng mga relihiyosong lipunan ay naniniwala lahat na babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba nang nasa mga alapaap. Ito ay dahil malinaw na nagsabi ang Panginoong Jesus na: “At kung magkagayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo’y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (Mateo 24:30). Ipinropesiya rin ng Libro ng Pahayag: “Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawa’t mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya” (Pahayag 1:7). Pinananatili ko rin ang paniniwalang babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba nang nasa mga alapaap upang direkta tayong dalhin sakaharian ng langit. Tinatanggihan namin ang Panginoong Jesus na hindi bumaba nang nasa mga alapaap. Sinasabi ninyo na ang pagbabalik ng Panginoon ay pagbabalik sa katawang-tao at pagbaba nang palihim. Ngunit walang nakakaalam tungkol dito. Gayunman, ang lantarang pagbaba ng Panginoonnang nasa mga alapaap ay ganap! Kaya hinihintay naming bumaba ang Panginoonnang nasa mga alapaap at lantarang magpakita upang dalhin tayo nang direkta sa kaharian ng langit. Tama ba ang aming pag-unawa o hindi?

Sagot: Pagdating sa paghihintay sa Panginoon na bumaba nang nasa mga alapaap, hindi tayo dapat umasa sa mga paniniwala at imahinasyon ng...

Tanong 16: Sabi n’yo ang Makapangyarihang Diyos ang pagpapakita ng Diyos sa mga huling araw, at ang tunay na daan. Sinasabi n’yo rin na ang Diyos ang lumikha sa mundong ito, at naghahari sa kung anong nangyayari sa daigdig, na ang gawain ng Diyos ang gumabay at nagligtas sa sangkatauhan. Ano ang basehan n’yo para patotohanan ang mga sinasabi n’yo? Kaming mga taga-Partido Komunista ay pawang mga ateista, at hindi kumikilala sa pag-iral ng Diyos o sa paghahari Niya sa lahat. Lalong hindi namin kinikilala ang sinasabi n’yong pagpapakita at gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang Jesus na pinaniniwalaan ng Kristiyanismo ay malinaw na isang tao. May mga magulang Siya, at may mga kapatid. Ganunpaman, ang Kristiyanismo ay malinaw na nag-uutos na kilalanin Siyang Cristo, at sambahin bilang Diyos. Talagang hindi ito kapani-paniwala. Kagaya lang ni Jesus ang Makapangyarihang Diyos na pinaniniwalaan N’yo, malinaw na isa lang s’yang ordinaryong tao. Kaya bakit kailangan ninyong ipilit na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao? Bakit kailangan n’yong patotohanan na Siya ang Cristong Tagapagligtas ng mga huling araw na naging tao? Talagang kalokohan at kabaliwan ito hindi ba? Hindi totoo na mayroong Diyos sa mundong ito. Lalong hindi totoo na may umiiral na Diyos bilang Diyos na nagkatawang-tao. Buong tapang ninyong sinasabing ang isang ordinaryong tao ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Ano ang basehan ng sinasabi n’yong ito? Maipahahayag n’yo ba ang mga saligan, at basehan ng inyong paniniwala?

Sagot: Espiritu ang Diyos. Hindi Siya nakikita o nahahawakan ng tao. Pero maraming ginagawa ang Espiritu ng Diyos, at nagsasabi ng mga...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito