31. Paano isagawa ang pagiging isang matapat na tao

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, pagiging totoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay para lamang sumipsip sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit doble ang hirap nito para sa inyo. Maraming tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang tapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi tapat. Siyempre pa, alam na alam Ko kung gaano kahirap sa inyo ang maging tapat. Sapagkat matatalino kayong lahat, napakahusay sa pagtimbang sa mga tao gamit ang sarili ninyong makitid na panukat, ginagawa nitong mas payak ang gawain Ko. At yamang ang bawat isa sa inyo ay niyayakap sa dibdib ang mga lihim ninyo, isa-isa Ko kayong ilalagay sa kapahamakan upang “turuan” sa pamamagitan ng apoy, nang sa gayon pagkatapos nito ay maaari kayong maging desidido sa paniniwala ninyo sa mga salita Ko. Sa huli, hihilahin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay matapat na Diyos,” pagkatapos ay hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy na, “Mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Ipinagpapalagay Kong hindi kayo magiging kasing matagumpay na tulad ninyo ngayon. At lalong hindi kayo magiging kasing “lalim at mahirap unawain” na tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang tao, pinaghihirapan nilang maging “maayos ang asal,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong tinatratong basta-basta ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong ayaw isagawa ang katotohanan. Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman. Kung nakalulugod sa iyo ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubha kang nagagalak na maging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos, gumagawa nang masigasig nang walang nakakakita, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at nagsisikap ka lamang na maging tapat na tao. Kung handa kang maging matapat, kung handa kang gugulin ang lahat-lahat mo, kung magagawa mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at manindigan sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa puntong ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, sinasabi Ko na ang gayong mga tao ay ang mga tinutustusan sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

Sa panahong ito, karamihan sa mga tao ay masyadong takot na dalhin ang kanilang mga kilos sa harap ng Diyos; bagamat maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Anumang bagay na hindi makayanan ang masusing pagsusuri ng Diyos ay hindi nakaayon sa katotohanan, at nararapat na isantabi; kung hindi ay nagkakasala ka sa Diyos. Kaya, kailangan mong ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, kapag nagdarasal ka, kapag nagsasalita at nagbabahagi ka sa iyong mga kapatid, at kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin at ginagawa ang iyong gawain. Kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, sumasaiyo ang Diyos, at hangga’t tama ang iyong intensyon at iyon ay para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, tatanggapin Niya ang lahat ng ginagawa mo; dapat mong buong taimtim na ialay ang iyong sarili sa pagganap sa iyong tungkulin. Kapag nagdarasal ka, kung mayroon kang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at hangad mo ang malasakit, pangangalaga at masusing pagsusuri ng Diyos, kung ang mga bagay na ito ang iyong hangarin, magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Halimbawa, kapag nagdarasal ka sa mga pulong, kung bubuksan mo ang iyong puso at magdarasal ka sa Diyos at sasabihin mo sa Kanya kung ano ang nasa puso mo nang hindi ka nagsisinungaling, siguradong magiging epektibo ang iyong mga dalangin. …

Ang maging mananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan na lahat ng ginagawa mo ay kailangang dalhin sa Kanyang harapan at sumailalim sa Kanyang masusing pagsusuri. Kung maihaharap ang iyong ginagawa sa Espiritu ng Diyos ngunit hindi sa katawang-tao ng Diyos, nagpapakita ito na hindi ka pa masusing nasusuri ng Kanyang Espiritu. Sino ang Espiritu ng Diyos? Sino ang taong pinatototohanan ng Diyos? Hindi ba Sila iisa at pareho? Ang tingin sa Kanila ng karamihan ay dalawang magkahiwalay na nilalang, naniniwalang ang Espiritu ng Diyos ay Espiritu ng Diyos, at ang taong pinatototohanan ng Diyos ay isang tao lamang. Ngunit hindi ka ba nagkakamali? Sa kaninong pangalan gumagawa ang taong ito? Yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay walang espirituwal na pang-unawa. Ang Espiritu ng Diyos at ang Kanyang nagkatawang-taong laman ay iisa, dahil ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa katawang-tao. Kung ang taong ito ay hindi mabait sa iyo, magiging mabait ba ang Espiritu ng Diyos? Hindi ka ba nalilito? Ngayon, lahat ng hindi matanggap ang masusing pagsusuri ng Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring maperpekto. Tingnan mo ang lahat ng ginagawa mo, at tingnan mo kung maaari ba itong dalhin sa harap ng Diyos. Kung hindi mo madadala ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos, ipinapakita nito na masamang tao ka. Mapeperpekto ba ang masasamang tao? Lahat ng iyong ginagawa, bawat kilos, bawat layunin, at bawat tugon ay dapat dalhin sa harap ng Diyos. Kahit ang iyong pang-araw-araw na espirituwal na buhay—ang iyong mga dalangin, ang iyong pagiging malapit sa Diyos, kung paano ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ang pakikipagbahaginan mo sa iyong mga kapatid, at ang buhay mo sa loob ng iglesia—at ang iyong paglilingkod na bilang magkatuwang ay maaaring dalhin sa harap ng Diyos para sa Kanyang masusing pagsusuri. Ang gayong pagsasagawa ang tutulong sa iyo na lumago sa buhay. Ang proseso ng pagtanggap sa masusing pagsusuri ng Diyos ang proseso ng pagdadalisay. Kapag mas matatanggap mo ang masusing pagsusuri ng Diyos, mas napapadalisay at mas umaayon ka sa mga layunin ng Diyos, kaya hindi ka maaakit sa kahalayan, at mabubuhay ang puso mo sa Kanyang presensya. Kapag mas tinatanggap mo ang Kanyang masusing pagsusuri, mas napapahiya si Satanas at mas tumataas ang kakayahan mong maghimagsik laban sa laman. Kaya, ang pagtanggap sa masusing pagsusuri ng Diyos ay isang landas ng pagsasagawa na dapat sundan ng mga tao. Anuman ang ginagawa mo, kahit kapag nakikipagbahaginan ka sa iyong mga kapatid, maaari mong dalhin ang iyong mga kilos sa harap ng Diyos at hangarin ang Kanyang masusing pagsusuri at hangaring magpasakop sa Diyos Mismo; gagawin nitong mas tama ang iyong pagsasagawa. Kung dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos, saka ka lamang magiging isang tao na nabubuhay sa presensya ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso

Para mahangad ang pagiging tapat na tao, kailangan mong umasal nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos; kailangan mong sumailalim sa paghatol, pagkastigo, at pagpupungos. Kapag nalinis na ang iyong tiwaling disposisyon at nagagawa mong isagawa ang katotohanan at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, saka ka lamang magiging isang tapat na tao. Ang mga taong mangmang, hangal, at taos-puso ay ganap na hindi matatapat na tao. Sa paghingi na maging tapat ang mga tao, hinihiling sa kanila ng Diyos na magkaroon sila ng normal na pagkatao, na iwaksi nila ang kanilang pagiging mapanlinlang at ang kanilang mga pagbabalatkayo, na hindi pagsinungalingan at lansihin ang iba, na gampanan nang may katapatan ang kanilang tungkulin, at magawang mahalin Siya at magpasakop sa Kanya nang tunay. Ang mga indibidwal na ito lamang ang mga tao ng kaharian ng Diyos. Hinihingi ng Diyos na maging mabubuting sundalo ni Cristo ang mga tao. Ano ang mabubuting sundalo ni Cristo? Kailangan ay taglay nila ang katotohanang realidad at kaisa sila ni Cristo sa puso at isip. Sa anumang oras at lugar, kailangan ay kaya nilang dakilain at patotohanan ang Diyos, at kaya nilang gamitin ang katotohanan upang makipagdigma laban kay Satanas. Sa lahat ng bagay, kailangan sila ay nasa panig ng Diyos, nagpapatotoo, at ipinamumuhay ang katotohanang realidad. Kailangan ay kaya nilang ipahiya si Satanas at magwagi ng mga kahanga-hangang tagumpay para sa Diyos. Iyon ang ibig sabihin ng maging mabuting sundalo ni Cristo. Ang mabubuting sundalo ni Cristo ay mga mananagumpay, sila ang mga taong napagtatagumpayan si Satanas. Sa paghingi na maging tapat at hindi maging mapanlinlang ang mga tao, hindi hinihingi sa kanila ng Diyos na maging hangal sila, bagkus ay iwaksi ang kanilang mapanlinlang na mga disposisyon, magtamo ng pagpapasakop sa Kanya at magdala sila ng kaluwalhatian sa Kanya. Ito ang makakamit sa pagsasagawa sa katotohanan. Hindi ito pagbabago sa pag-uugali ng isang tao, hindi ito usapin ng pagsasalita nang mas madalas o mas madalang, hindi rin ito tungkol sa kung paano kumilos ang isang tao. Sa halip, tungkol ito sa layuning nasa likod ng pananalita at mga kilos ng isang tao, ng mga kaisipan at ideya ng isang tao, ng mga ambisyon at ninanais ng isang tao. Ang lahat ng nabibilang sa mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon at sa kamalian ay kailangang mabago sa pinakaugat nito, upang umayon ito sa katotohanan. Para magtamo ang isang tao ng pagbabago sa disposisyon, kailangan ay magawa niyang maunawaan ang diwa ng disposisyon ni Satanas. Kung kaya mong maunawaan ang diwa ng isang mapanlinlang na disposisyon, na ito ay disposisyon ni Satanas at ang mukha ng diyablo, kung kaya mong kamuhian si Satanas at talikdan ang diyablo, magiging madali para sa iyo na iwaksi ang tiwali mong disposisyon. Kung hindi mo alam na may mapanlinlang na kalagayan sa kalooban mo, kung hindi mo nakikilala ang mga pagbubunyag ng isang mapanlinlang na disposisyon, hindi mo malalaman kung paano hanapin ang katotohanan upang malutas ito, at magiging mahirap para sa iyo na baguhin ang iyong mapanlinlang na disposisyon. Kailangan mo munang makilala kung anu-anong bagay ang nabubunyag sa iyo, at kung anong aspekto ng isang tiwaling disposisyon ang mga ito. Kung ang mga ibinubunyag mo ay mula sa isang mapanlinlang na disposisyon, kamumuhian mo ba ito sa iyong puso? At kung oo, paano ka dapat magbago? Kailangan mong pungusan ang iyong mga intensyon at itama ang iyong mga pananaw. Kailangan mo munang hanapin ang katotohanan tungkol sa usaping ito para malutas ang iyong mga problema, sikaping matamo ang hinihingi ng Diyos at mapalugod Siya, at maging isang taong hindi sinusubukang lansihin ang Diyos o ang ibang tao, maging iyong mga medyo hangal o mangmang. Ang tangkaing lansihin ang isang taong hangal o mangmang ay napakaimoral—ginagawa ka nitong isang diyablo. Para maging isang tapat na tao, kailangang hindi mo linlangin o pagsinungalingan ang sinuman. Subalit, para sa mga diyablo at kay Satanas, kailangan mong maging matalino sa pagpili ng iyong mga salita; kung hindi, malamang ay maloko ka ng mga ito at makapagdala ka ng kahihiyan sa Diyos. Sa matalinong pagpili sa iyong mga salita at sa pagsasagawa ng katotohanan, saka mo lamang magagawang mapagtagumpayan at maipahiya si Satanas. Ang mga taong mangmang, hangal, at matigas ang ulo ay hindi kailanman magagawang maunawaan ang katotohanan; maaari lamang silang malihis, mapaglaruan, at mayurakan ni Satanas, at sa huli, sila ay malalamon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili

Ano ang pinakamahalagang pagsasagawa para sa isang matapat na indibidwal? Ito ay ang pagbubukas ng puso ng isang tao sa Diyos. Pero ano ang ibig sabihin ng pagbubukas? Ang ibig sabihin nito ay pagbabahagi ng iyong mga iniisip, intensiyon, at ng mga bagay na pinamumunuan Niya sa iyo, at pagkatapos ay paghahanap sa katotohanan mula sa Kanya. Nakikita ng Diyos ang lahat ng bagay nang may lubos na kalinawan, anuman ang ibinubunyag mo. Kung kaya mong ipahayag ang mga damdamin mo sa Diyos, magtapat sa Kanya tungkol sa mga bagay-bagay na itinatago mo sa iba, malinaw na ipinapahayag ang mga ito nang walang itinatagong anumang bagay, at ipinapahayag ang mga kaisipan mo kung ano ang mga ito, nang walang anumang intensiyon, kung gayon ito ay pagiging bukas. Minsan, ang pagsasalita nang matapat ay maaaring makasakit o makasama ng loob ng iba. Sa mga ganitong pagkakataon, masasabi ba ng sinuman na, “Masyado kang matapat magsalita, masyadong nakakasakit, at hindi ko ito matanggap”? Hindi, hindi nila iyon sasabihin. Kahit na paminsan-minsan kang makakapagsabi ng isang bagay na nakakasakit sa iba, kung magtatapat ka at hihingi ng tawad, inaamin na walang karunungan ang mga salita mo at na hindi mo isinaalang-alang ang mga kahinaan nila, mapapansin nila na wala kang masamang intensiyon. Mauunawaan nila na isa kang matapat na tao na nakikipag-usap lang sa isang direkta at walang taktikang paraan. Hindi sila makikipagtalo sa iyo, at sa mga puso nila, magugustuhan ka nila. Sa ganitong paraan, magkakaroon ba ng hadlang sa pagitan ninyo? Kung walang mga hadlang, maiiwasan ang alitan, at mabilis na malulutas ang mga problema, tinutulutan kang mamuhay sa isang kalagayan na malaya at maalwan. Ito ang kahulugan ng “ang matatapat na tao lamang ang makapamumuhay nang masaya.” Ang pinakamahalagang parte ng pagiging matapat na tao ay ang pagtatapat muna sa Diyos at pagkatapos ay matutong magtapat sa iba. Magsalita ka nang matapat, sinsero, at mula sa puso. Magsumikap ka na maging isang taong may dignidad, karakter, at integridad, iwasan mong magsalita ng mga walang kabuluhang pakitang-tao o sa paraang mapanlinlang, at iwasan mong magsalita sa nakapandaraya o nakalilihis na paraan. Ang isa pang aspekto ng pagiging matapat na tao ay ang paggampan sa tungkulin mo nang may matapat na saloobin at matapat na puso. Kahit papaano, umasa ka sa iyong konsensiya para gabayan ang mga kilos mo, pagsikapan mong sundin ang mga katotohanang prinsipyo, at pagsikapan mong tugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Hindi sapat na kilalanin lamang ang mga bagay na ito sa salita, at ang simpleng pagkakaroon ng isang partikular na saloobin ay hindi nangangahulugan na isinasagawa mo ang katotohanan. Nasaan ang realidad ng pagiging matapat na tao sa ganyan? Hindi sapat ang pagbibigkas lang ng mga sawikain nang hindi nagtataglay ng realidad. Kapag sinisiyasat ng Diyos ang mga indibidwal, inoobserbahan Niya hindi lamang ang puso nila, kundi pati na ang mga kilos, asal, at pagsasagawa nila. Kung sinasabi mo na nais mong maging isang matapat na tao pero kapag may anumang nangyari sa iyo, nagagawa mo pa ring magsinungaling at manlinlang, ito ba ang pag-uugali ng isang matapat na tao? Hindi, hindi ganito; ito ay pagsasabi ng isang bagay pero iba ang kahulugan. Nagsasabi ka ng isang bagay pero iba ang ginagawa mo, pabasta-basta kang nanlilinlang ng iba at nagbabanal-banalan. Tulad ka lang ng mga Pariseo na kayang bumigkas ng lahat ng kasulatan mula sa simula hanggang sa dulo habang ipinapaliwanag ang mga ito sa mga tao, pero nabibigong magsagawa ayon sa mga kasulatan kapag may anumang nangyayari sa kanila. Palagi silang inuudyukan ng pagnanais para sa mga pakinabang ng katayuan, hindi sila handang talikuran ang kanilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ang mga Pariseo ay mga mapagpaimbabaw sa paraang ito. Hindi nila tinahak ang tamang landas, ang landas nila ay hindi ang tamang landas, at kinasusuklaman ng Diyos ang kanilang uri.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao

Para isagawa ang pagiging matapat na tao, kailangan mo munang matutunang buksan ang puso mo sa Diyos at magsabi ng mga taos-pusong salita sa Kanya sa panalangin araw-araw. Halimbawa, kung nagsinungaling ka ngayon na hindi napansin ng ibang tao, pero wala kang lakas ng loob na ipagtapat ito sa lahat, kahit papaano, dapat mong dalhin sa harap ng Diyos ang mga kamaliang nasuri at natuklasan mo at ang mga kasinungalingang nasabi mo para mapagnilayan, at sabihin na: “O Diyos, muli akong nagsinungaling para protektahan ang sarili kong mga interes, at nagkamali ako. Pakiusap, disiplinahin Mo ako kung muli akong magsinungaling.” Nalulugod ang Diyos sa ganitong saloobin at tatandaan Niya ito. Maaaring mangangailangan ng matinding pagsisikap para malutas mo ang tiwaling disposisyong ito ng pagsasabi ng mga kasinungalingan, pero huwag kang mag-alala, nasa tabi mo ang Diyos. Gagabayan ka Niya at tutulungan kang malampasan ang paulit-ulit na paghihirap na ito, binibigyan ka ng tapang na magbago mula sa hindi pag-amin ng iyong mga kasinungalingan tungo sa pag-amin ng iyong mga kasinungalingan at pagkakaroon ng kakayahan na lantarang ihayag ang iyong sarili. Bukod sa aaminin mo ang iyong mga kasinungalingan, magagawa mo ring ihayag kung bakit ka nagsisinungaling, at ang intensiyon at mga motibo sa likod ng iyong mga kasinungalingan. Kapag nagkaroon ka ng tapang na lampasan ang hadlang na ito, na kumawala sa kulungan at kontrol ni Satanas, at patuloy na umabot sa punto kung saan hindi ka na magsisinungaling, unti-unti ka nang mamumuhay sa liwanag, sa ilalim ng paggabay at pagpapala ng Diyos. Kapag nalampasan mo ang hadlang ng mga pagpigil ng laman, at kaya mong magpasakop sa katotohanan, lantarang ibunyag ang iyong sarili, at hayagang ideklara ang iyong paninindigan, at wala kang mga pag-aalinlangan, ikaw ay may kasarinlan at magiging malaya. Kapag namumuhay ka nang ganito, hindi ka lamang magugustuhan ng mga tao, malulugod din ang Diyos. Bagamat nakakagawa ka pa rin ng mga kamalian at nakakapagsabi ng mga kasinungalingan, at paminsan-minsan ay may mga personal ka pa ring mga intensiyon, mga lihim na motibo, o mga makasarili at kasuklam-suklam na pag-uugali at kaisipan, matatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maibubunyag ang iyong mga intensiyon, aktuwal na kalagayan, at mga tiwaling disposisyon sa harap Niya at maghahanap sa katotohanan mula sa Kanya. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan, magkakaroon ka ng landas ng pagsasagawa. Kapag tama ang landas mo ng pagsasagawa, at kumikilos ka sa tamang direksiyon, magiging maganda at maliwanag ang kinabukasan mo. Sa paraang ito, mamumuhay ka nang panatag ang puso mo, matutustusan ang espiritu mo, at makakaramdam ka ng kasiyahan at katuparan. Kung hindi ka makalaya sa mga pagpigil ng laman, kung palagi kang napipigilan ng mga damdamin, mga pansariling interes, at mga satanikong pilosopiya, nagsasalita at kumikilos sa malihim na paraan, at palagi kang nagtatago sa mga anino, kung gayon namumuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Gayumpaman, kung nauunawaan mo ang katotohanan, nakakalaya ka sa mga pagpigil ng laman, at nagsasagawa ka sa katotohanan, unti-unti kang magtataglay ng wangis ng tao. Magiging prangka at diretso ka sa mga salita at gawa mo, at magagawa mong ihayag ang iyong mga opinyon, ideya, at ang mga kamaliang nagawa mo, tinutulutan ang lahat ng tao na makita nang malinaw ang mga ito. Sa huli, makikilala ka ng mga tao bilang isang bukas na tao. Ano ang isang bukas na tao? Ito ay isang taong nagsasalita nang may lubos na katapatan, pinaniniwalaan ng lahat ng tao na ang mga salita niya ay tototo. Kahit na di-sinasadyang nagsisinungaling o nagsasabi sila ng maling bagay, kaya silang patawarin ng mga tao, dahil alam nilang hindi ito sinasadya. Kung napagtatanto nila na nagsinungaling sila o nakapagsabi ng mali, humihingi sila ng tawad at itinatama nila ang kanilang sarili. Ito ay isang bukas na tao. Ang ganitong tao ay nagugustuhan at pinagkakatiwalaan ng lahat. Kailangan mong umabot sa antas na ito para makamit ang tiwala ng Diyos at tiwala ng iba. Hindi ito simpleng gampanin—ito ang pinakamataas na antas ng dignidad na maaaring taglayin ng isang tao. Ang ganitong tao ay may respeto sa sarili. Kung hindi mo makamit ang tiwala ng ibang tao, paano ka aasang makukuha mo ang tiwala ng Diyos? May mga indibidwal na namumuhay nang hindi marangal, palagi silang nag-iimbento ng mga kasinungalingan at inaasikaso nila ang mga gampanin sa pabasta-bastang paraan. Wala silang ni katiting na pagpapahalaga sa responsabilidad, tinatanggihan nila ang pagpupungos, lagi silang gumagamit ng mga nakalilinlang na katwiran at hindi sila gusto ng lahat ng taong nakakasalamuha nila. Namumuhay sila nang walang anumang pakiramdam ng hiya. Maituturing ba talaga silang mga tao? Ganap nang nawala ang pagkatao ng mga taong itinuturing ng iba na nakakainis at hindi maaasahan. Kung hindi maibigay ng ibang tao ang tiwala nila sa mga ganitong tao, mapagkakatiwalaan ba sila ng Diyos? Kung nagkikimkim ng pagkainis sa kanila ang ibang tao, magugustuhan ba sila ng Diyos? Hindi gusto ng Diyos ang mga ganitong tao, kinasusuklaman Niya sila, at hindi maiiwasang matitiwalag sila. Bilang tao, ang isang tao ay dapat maging matapat at tumupad sa mga pangako niya. Paggampan man ng mga gawa para sa iba o para sa Diyos, dapat tuparin ng tao ang sinabi niya. Kapag nakuha na niya ang tiwala ng mga tao at kaya na niyang mapalugod at mapanatag ang Diyos, sila ay maituturing nang matapat na tao. Kung ikaw ay mapagkakatiwalaan sa mga kilos mo, hindi ka lang magugustuhan ng iba, kundi tiyak na magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa pagiging matapat na indibidwal, mapapalugod mo ang Diyos at makapamumuhay ka nang may dignidad. Samakatwid, ang katapatan ang dapat na pinagmumulan ng asal ng isang tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao

Upang maging isang tapat na tao, dapat mo munang ilantad ang iyong puso upang matingnan ito ng lahat, makita ang lahat ng iniisip mo, at masilayan ang iyong tunay na mukha. Kailangan ay hindi mo subukang magpanggap, o pagtakpan ang iyong sarili. Saka lamang magtitiwala ang iba sa iyo at ituturing kang isang matapat na tao. Ito ay ang pinakasaligang pagsasagawa, at isang pang-unang kailangan sa pagiging isang matapat na tao. Kung palagi kang nagpapanggap, palaging nagkukunwaring banal, marangal, dakila, at mataas ang pagkatao; kung hindi mo hinahayaang makita ng mga tao ang iyong katiwalian at iyong mga kapintasan; kung inihaharap mo ang isang huwad na imahe sa mga tao upang maniwala sila na ikaw ay may integridad, na ikaw ay dakila, mapagsakripisyo sa sarili, makatarungan, at di-makasarili, hindi ba’t panlilinlang at kabulaanan ito? Hindi ba makikita ng mga tao ang tunay mong pagkatao, pagtagal-tagal? Kaya, huwag kang magpanggap o magtakip sa iyong sarili. Sa halip, ilantad ang sarili mo at ang puso mo para makita ng iba. Kung mailalantad mo ang puso mo para makita ng iba, at mailalantad mo ang lahat ng iniisip mo at mga balak—kapwa positibo at negatibo—hindi ba’t katapatan iyon? Kung nailalantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, kung gayon makikita ka rin ng Diyos. Sasabihin Niya: “Kung nailantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, tiyak na tapat ka sa harapan Ko.” Ngunit kung inilalantad mo lamang ang sarili mo sa Diyos kapag hindi nakikita ng ibang tao, at palaging nagpapanggap na dakila at marangal o di-makasarili kapag kasama sila, ano ang iisipin sa iyo ng Diyos? Ano ang sasabihin Niya? Sasabihin Niya: “Isa kang napakamapanlinlang na tao. Ikaw ay napakamapagpaimbabaw at kasuklam-suklam, at hindi ka isang matapat na tao.” Sa gayon ay kokondenahin ka ng Diyos. Kung nais mo na maging isang matapat na tao, nasa harapan ka man ng Diyos o ng ibang tao, dapat magawa mong magbigay ng isang dalisay at tapat na salaysay tungkol sa panloob mong kalagayan at mga salita sa puso mo. Madali ba itong makamtan? Nangangailangan ito ng panahon ng pagsasanay, pati na ng madalas na pagdarasal sa Diyos at pag-asa sa Diyos. Kailangan mong sanayin ang iyong sarili na sabihin nang simple at hayagan ang mga salitang nasa iyong puso tungkol sa lahat ng bagay. Sa ganitong uri ng pagsasanay, magagawa mong umunlad. Kung makaranas ka ng matinding paghihirap, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan; kailangan mong makipaglaban sa puso mo at madaig ang laman, hanggang sa maisagawa mo na ang katotohanan. Sa pagsasanay sa sarili mo nang ganito, paunti-unti, magbubukas nang dahan-dahan ang puso mo. Lalo ka pang magiging dalisay, at iba na ang magiging epekto ng mga salita at kilos mo sa dati. Mababawasan nang mababawasan ang iyong mga kasinungalingan at pandaraya, at magagawa mong mamuhay sa harap ng Diyos. Sa gayon, sa totoo, ay magiging matapat na tao ka na.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Ang pagsasanay sa sarili na maging isang matapat na tao ay pangunahing isang usapin ng paglutas sa problema ng pagsisinungaling, pati na ng paglutas sa tiwaling disposisyon ng isang tao. Ang paggawa rito ay nangangailangan ng isang mahalagang gawain: Kapag napagtanto mong ikaw ay nakapagsinungaling sa isang tao at nalinlang mo siya, dapat kang magtapat sa kanya, maglantad ng iyong sarili, at manghingi ng tawad. Malaki ang pakinabang ng pagsasagawang ito sa kalutasan ng pagsisinungaling. Halimbawa, kung nalinlang mo ang isang tao o kung may karumihan o personal na hangarin sa mga salitang iyong sinabi sa kanya, dapat mo siyang lapitan at suriin ang iyong sarili. Dapat mong sabihin sa kanya: “Ang sinabi ko sa iyo ay isang kasinungalingan, nakadisenyo ito upang protektahan ang sarili kong pride. Nabalisa ako matapos ko itong sabihin, kaya nanghihingi ako sa iyo ng tawad ngayon. Pakiusap, patawarin mo ako.” Magiging masaya ang pakiramdam ng taong iyon. Mapapaisip siya kung paanong mayroong isang tao na, matapos magsinungaling, ay manghihingi ng tawad dahil dito. Ang gayong lakas ng loob ay isang bagay na talagang hinahangaan niya. Ano ang mga pakinabang na natatamo ng isang tao sa pagsasagawa niyon? Ang layunin nito ay hindi ang matamo ang paghanga ng iba, kundi ang mas epektibong mapigilan at mahadlangan ang sarili sa pagsisinungaling. Kaya, pagkatapos magsinungaling, kailangan mong isagawa ang paghingi ng tawad sa paggawa niyon. Habang mas sinasanay mo ang iyong sarili na isagawa ang pagsusuri, paglalantad sa iyong sarili, at paghingi ng tawad sa mga tao nang ganito, lalong gaganda ang mga resulta—at mababawasan nang mababawasan ang pagsisinungaling mo. Ang pagsasagawa ng pagsusuri at paglalantad sa iyong sarili upang maging matapat na tao at mapigilan ang iyong sarili na magsinungaling ay nangangailangan ng lakas ng loob, at ang paghingi ng tawad sa isang tao matapos magsinungaling sa kanya ay nangangailangan ng mas higit pang lakas ng loob. Kung isasagawa mo ito sa loob ng isa o dalawang taon—o marahil sa loob ng tatlo hanggang limang taon—garantisadong makakikita ka ng malilinaw na resulta, at hindi ka mahihirapang maiwaksi ang mga kasinungalingan. Ang pagwawaksi ng mga kasinungalingan sa iyong sarili ang unang hakbang tungo sa pagiging matapat na tao, at hindi ito magagawa nang walang tatlo o limang taon ng pagsisikap. Matapos malutas ang problema ng pagsisinungaling, ang ikalawang hakbang ay lutasin ang problema ng panlilinlang at panlalansi. Minsan, hindi kinakailangan ng isang taong magsinungaling para manlansi at manlinlang—maisasakatuparan ang mga bagay na ito sa pamamagitan lamang ng pagkilos. Maaaring mukhang hindi nagsisinungaling ang isang tao, ngunit nagkikimkim pa rin siya ng panlilinlang at panlalansi sa kanyang puso. Siya ang pinakanakaaalam nito, dahil napag-isipan na niya ito nang lubusan at naisaalang-alang nang mabuti. Magiging madali para sa kanya na makilala ito matapos magnilay-nilay kalaunan. Sa sandaling malutas na ang problema ng pagsisinungaling, kung ihahambing ay bahagyang mas magiging madali nang lutasin ang mga problema ng panlilinlang at panlalansi. Ngunit kailangang magtaglay ang isang tao ng pusong may takot sa Diyos, dahil ang tao ay pinangingibabawan ng intensiyon kapag siya ay nanlilinlang at nanlalansi. Hindi ito mahihiwatigan ng iba mula sa labas, ni hindi nila makikilatis ito. Tanging ang Diyos ang makasisiyasat nito, at tanging Siya ang nakaaalam nito. Samakatuwid, malulutas lamang ng isang tao ang mga problema ng panlilinlang at panlalansi sa pamamagitan ng pag-asa sa pagdarasal sa Diyos at pagtanggap sa Kanyang pagsisiyasat. Kung ang isang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan o natatakot sa Diyos sa kanyang puso, hindi malulutas ang kanyang panlilinlang at panlalansi. Maaari kang magdasal sa harap ng Diyos at umamin sa iyong mga pagkakamali, maaari kang magtapat at magsisi, o maaari mong himayin ang iyong tiwaling disposisyon—sabihin nang matapat kung ano ang iyong iniisip noong panahong iyon, kung ano ang iyong sinabi, kung ano ang iyong layunin noon, at kung paano ka nanlinlang. Kung tutuusin ay madaling gawin ang lahat ng ito. Gayunpaman, kung hihingin sa iyo na ilantad ang iyong sarili sa isa pang tao, maaaring mawala ang lakas ng loob at determinasyon mo dahil gusto mong makaiwas sa kahihiyan. Kung ganoon ay labis kang mahihirapang magtapat at maglantad ng iyong sarili. Marahil ay kaya mong aminin, nang pangkalahatan, na paminsan-minsan ay namamalayan mong nagsasalita o kumikilos ka batay sa mga personal mong layunin at hangarin; na mayroong antas ng panlilinlang, karumihan, mga kasinungalingan o panlalansi sa mga bagay na iyong ginagawa o sinasabi. Subalit, kapag may nangyari at kakailanganin mong suriin ang iyong sarili, ilantad kung paano nangyari ang mga bagay-bagay mula sa umpisa hanggang sa huli, ipaliwanag kung alin sa mga salitang iyong sinabi ang mapanlinlang, kung ano ang hangarin sa likod ng mga iyon, kung ano ang iniisip mo, at kung nagiging mapaminsala o masama ka man o hindi, ayaw mong maging partikular o magbigay ng mga detalye. Pagtatakpan pa nga ng ilang tao ang mga bagay-bagay, sasabihing: “Ganoon lang talaga ang mga bagay-bagay. Medyo mapanlinlang, mapaminsala, at hindi maaasahang tao lang talaga ako.” Ipinakikita nito ang kawalan nila ng kakayahang harapin nang tama ang kanilang tiwaling diwa, o kung gaano sila kamapanlinlang at kamapaminsala. Ang mga taong ito ay laging nasa kondisyon at kalagayan ng pag-iwas. Palagi nilang pinatatawad at pinagbibigyan ang kanilang sarili, at hindi nila magawang magdusa o magbayad ng halaga upang maisagawa ang katotohanan ng pagiging matapat na tao. Maraming taong ilang taon nang nangangaral ng mga salita at mga doktrina, palaging sinasabing: “Masyado akong mapanlinlang at mapaminsala, palaging may panlalansi sa aking mga kilos, at hindi ko talaga tinatrato nang taos-puso ang mga tao.” Ngunit matapos iyong isigaw sa loob ng napakaraming taon, nananatili silang kasing mapanlinlang ng dati, dahil kailanman ay hindi sila mariringgan ng tunay na pagsusuri o pagsisisi kapag inilalantad nila ang mapanlinlang na kalagayang ito. Hinding-hindi sila naglalantad ng kanilang sarili sa iba o nanghihingi ng tawad matapos magsinungaling o manlansi ng mga tao, lalong hindi sila nagbabahagi tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan ng paghihimay at pagkakilala sa sarili sa mga pagtitipon. Hindi rin nila kailanman sinasabi kung paano nila nakilala ang kanilang sarili o kung paano sila nagsisi tungkol sa gayong mga usapin. Hindi nila ginagawa ang mga bagay na ito, na nagpapatunay na hindi nila kilala ang kanilang sarili at hindi sila tunay na nagsisi. Kapag sinasabi nilang sila ay mapanlinlang at gusto nilang maging matapat na tao, nagsisigaw lang sila ng mga salawikain at nangangaral ng doktrina, wala nang iba. Maaaring ginagawa nila ang mga bagay na ito dahil sinusubukan nilang umayon sa nangingibabaw na opinyon at sumunod sa nakararami. O, maaaring itinutulak sila ng kapaligiran ng buhay iglesia na iraos lang ang mga bagay-bagay at magpanggap. Alinman doon, ang gayong mga nagsisigaw ng salawikain at nangangaral ng doktrina ay hinding-hindi magsisisi nang tunay, at talagang hindi nila matatamo ang pagliligtas ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Para masanay sa pagiging matapat, dapat magkaroon ka ng isang landas, at dapat magkaroon ka ng isang pakay. Una, lutasin mo ang problema ng pagsisinungaling. Kailangan mong malaman ang diwa sa likod ng pagsasabi mo ng mga kasinungalingang ito. Kailangan mo ring suriin kung ano ang mga hangarin at motibong nag-uudyok sa iyo na sabihin ang mga kasinungalingang ito, kung bakit taglay mo ang gayong mga hangarin, at kung ano ang diwa ng mga iyon. Kapag nalinaw mo na ang lahat ng isyung ito, lubusan mo nang maiintindihan ang problema sa pagsisinungaling, at kapag may nangyari sa iyo, magkakaroon ka ng mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kung magpapatuloy ka nang may gayong pagsasagawa at karanasan, tiyak na makakikita ka ng mga resulta. Balang araw ay sasabihin mong: “Madaling maging matapat. Nakakapagod masyado ang pagiging mapanlinlang! Ayaw ko nang maging mapanlinlang na tao, na laging kailangang isipin kung ano ang mga kasinungalingang sasabihin at kung paano pagtatakpan ang aking mga kasinungalingan. Tulad ito ng pagiging isang taong may sakit sa pag-iisip, may mga kontradiksyon ang sinasabi—isang taong hindi karapat-dapat na tawaging ‘tao’! Nakapapagod ang ganoong uri ng buhay, at ayaw ko nang mabuhay nang ganoon!” Sa pagkakataong ito, magkakaroon ka ng pag-asang maging tunay na matapat, at mapatutunayan nito na nagsimula ka nang umusad tungo sa pagiging matapat na tao. Pambihirang tagumpay ito. Siyempre pa, maaaring may ilan sa inyo na, kapag nagsimula kayong magsagawa, ay mapapahiya pagkatapos magsalita ng matatapat na salita at maglantad ng inyong sarili. Mamumula ang inyong mukha, mahihiya kayo, at matatakot kayong mapagtawanan ng iba. Ano ang dapat ninyong gawin, kung gayon? Kailangan pa rin ninyong manalangin sa Diyos at hilingin na bigyan Niya kayo ng lakas. Sabihin mo na: “O Diyos, gusto ko pong maging isang matapat na tao, ngunit natatakot po akong pagtawanan ako ng mga tao kapag sinabi ko ang totoo. Hinihiling ko po na iligtas Mo ako mula sa gapos ng aking satanikong disposisyon; hayaan Mo po akong mamuhay sa Iyong mga salita, at mapalaya.” Kapag nagdasal ka nang ganito, magkakaroon ng higit na liwanag sa puso mo, at sasabihin mo sa sarili mo: “Mabuting isagawa ito. Ngayon, naisagawa ko na ang katotohanan. Sa wakas, naging isang matapat na tao rin ako.” Habang nagdarasal ka nang ganito, bibigyang liwanag ka ng Diyos. Gagaawa ang Diyos sa puso mo, at aantigin ka Niya, tinutulutan kang pahalagahan kung ano ang pakiramdam ng maging isang tunay na tao. Ganito dapat isagawa ang katotohanan. Sa pinakasimula ay wala kang landas, ngunit sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan ay makahahanap ka ng landas. Kapag nagsisimulang hangarin ng mga tao ang katotohanan, hindi masasabing talagang may pananampalataya sila. Mahirap para sa mga tao ang hindi magkaroon ng landas, pero kapag naunawaan na nila ang katotohanan at nagkaroon na sila ng landas ng pagsasagawa, nasisiyahan dito ang kanilang mga puso. Kung nagagawa nilang isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo, makasusumpong ng kaginhawahan ang kanilang puso, at magtatamo sila ng kalayaan at pagpapalaya.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Maraming aspekto ang saklaw ng pagsasagawa ng katapatan. Sa madaling salita, ang pamantayan para sa pagiging matapat ay hindi lamang nakakamit sa pamamagitan ng iisang aspekto; dapat makaabot ka sa pamantayan sa maraming aspekto bago ka maging matapat. Iniisip lagi ng ilang tao na kailangan lang nilang huwag magsinungaling upang maging matapat. Tama ba ang pananaw na ito? Ang hindi pagsisinungaling lamang ba ang napapaloob sa pagiging matapat? Hindi—may kaugnayan din ito sa ilan pang aspekto. Una, anuman ang kinakaharap mo, isang bagay man ito na nakita mismo ng sarili mong mga mata o isang bagay na sinabi sa iyo ng ibang tao, pakikisalamuha man ito sa mga tao o pag-aayos ng problema, tungkulin man ito na nararapat mong gampanan o isang bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, dapat mong harapin ito palagi nang may matapat na puso. Paano ba dapat isagawa ng isang tao ang pagharap sa mga bagay-bagay nang may matapat na puso? Sabihin mo kung ano ang iniisip mo at magsalita nang matapat; huwag mangusap ng mga walang kabuluhang salita, pabibo, o mga salitang masarap pakinggan, huwag mambola o magsalita ng mga bagay na mapagpaimbabaw at huwad, bagkus sabihin ang mga salitang nasa iyong puso. Ito ang pagiging isang taong matapat. Ang pagpapahayag ng tunay na mga saloobin at pananaw na nasa iyong puso—ito ang dapat gawin ng mga taong matapat. Kung hindi mo kailanman sinasabi ang iniisip mo, at nabubulok na lang ang mga salita sa puso mo, at laging salungat ang sinasabi mo sa iniisip mo, hindi iyan ang ginagawa ng isang matapat na tao. Halimbawa, ipagpalagay na hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, at kapag nagtatanong ang mga tao kung ano ang nangyayari, sinasabi mong, “Gusto kong gawin nang maayos ang tungkulin ko, pero sa iba’t ibang kadahilanan, hindi ko nagagawa iyon.” Sa totoo lang, alam mo sa puso mo na hindi ka naging masigasig, subalit hindi mo sinasabi ang totoo. Sa halip ay nakakahanap ka ng maraming dahilan, pangangatwiran, at palusot para pagtakpan ang mga katunayan at iwasan ang responsabilidad. Iyan ba ang ginagawa ng isang matapat na tao? (Hindi.) Niloloko mo ang mga tao at iniraraos lang ang mga bagay-bagay sa pagsasabi ng mga bagay na ito. Ngunit ang diwa ng nasa loob mo, ng mga intensiyong nasa iyong kalooban, ay isang tiwaling disposisyon. Kung hindi mo mabubunyag at masusuri ang mga ito, hindi madadalisay ang mga ito—at hindi iyan maliit na bagay! Dapat kang magsalita nang tapat, “Medyo nagpapaliban ako sa paggawa ng aking tungkulin. Naging pabasta-basta ako at hindi nag-asikaso. Kapag maganda ang timpla ko, nakakaya kong magsikap nang kaunti. Kapag masama ang timpla ko, tinatamad ako at ayaw kong magsikap, at ninanasa ko ang mga kaginhawahan ng laman. Kaya, hindi epektibo ang mga pagtatangka kong gawin ang aking tungkulin. Nagbabago na ang sitwasyon nitong nakaraang ilang araw, at sinisikap kong ibigay ang lahat ko, pagbutihin ang aking kasanayan, at isagawa nang maayos ang aking tungkulin.” Pagsasalita ito nang taos-puso. Ang isang paraan ng pagsasalita ay hindi taos-puso. Dahil sa takot mong mapungusan, na matuklasan ng mga tao ang mga problema mo, at na panagutin ka ng mga tao, nakahanap ka ng maraming dahilan, pangangatwiran, at palusot para pagtakpan ang mga katunayan, na pinatitigil muna ang ibang mga tao sa pag-uusap tungkol sa sitwasyon, pagkatapos ay ipinapasa mo sa iba ang responsabilidad, upang maiwasan mong mapungusan ka. Ito ang pinagmumulan ng iyong mga kasinungalingan. Gaano man magsalita ang mga sinungaling, ang ilan sa sinasabi nila ay siguradong totoo at tunay na nangyari. Ngunit ang ilang mahalagang bagay na sinasabi nila ay maglalaman ng kaunting kasinungalingan at kaunting motibo nila. Kaya, napakahalagang matukoy at maipagkaiba ang totoo at ang hindi totoo. Gayunman, hindi ito madaling gawin. Ang ilan sa sinasabi nila ay magkakaroon ng dungis at magiging mabulaklak, ang ilan sa sinasabi nila ay aayon sa mga katunayan, at ang ilan sa sinasabi nila ay magiging taliwas sa mga katunayan; sa gayon na nagkagulo-gulo ang tunay at hindi tunay, mahirap matukoy ang totoo sa hindi totoo. Ito ang pinakamapanlinlang na klase ng tao, at ang pinakamahirap na matukoy. Kung hindi nila matanggap ang katotohanan o hindi nila magawang maging tapat, talagang ititiwalag sila. Alin kung gayon ang landas na dapat piliin ng mga tao? Alin ang daan tungo sa pagiging matapat? Dapat kayong matutong magsalita ng katotohanan at magawang magbahagi nang hayagan tungkol sa tunay ninyong mga kalagayan at mga problema. Ganyan magsagawa ang matatapat na tao, at tama ang gayong pagsasagawa. Ang mga taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran ay handang lahat na magsikap na maging matapat. Ang matatapat na tao lamang ang tunay na nagagalak at panatag, at sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng katotohanan para makamit ang pagpapasakop sa Diyos matatamasa ng isang tao ang tunay na kaligayahan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao

Kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba, kailangan mo munang ipakita sa kanila ang iyong tunay na nararamdaman at ang iyong katapatan. Kung, habang nagsasalita at nakikipagtulungan at nakikipag-ugnayan sa iba, ang mga salita ng isang tao ay walang ingat, mabulaklak, kaaya-aya ngunit mababaw, pambobola, hindi responsable, at kathang-isip, o kung nagsasalita lamang siya upang makakuha ng pabor sa iba, ang kanyang mga salita ay walang anumang kredibilidad, at hindi siya tapat ni bahagya. Ito ang paraan niya ng pakikipag-ugnayan sa ibang tao, maging sinuman ang mga ibang taong iyon. Ang gayong tao ay walang matapat na puso. Ang taong ito ay hindi matapat. Sabihin nating nasa isang negatibong kalagayan ang isang tao, at taos-puso niyang sinasabi sa iyo: “Sabihin mo sa akin kung bakit ako napakanegatibo. Hindi ko talaga ito maunawaan!” At ipagpalagay nang sa katunayan, nauunawaan mo sa iyong puso ang kanyang problema, pero hindi mo sinabi sa kanya, sa halip ay sinabi mong: “Wala iyan. Hindi ka naman negatibo; ganyan din ako.” Ang mga salitang ito ay malaking pampalubag-loob sa taong iyon, ngunit hindi sinsero ang iyong saloobin. Nagiging pabasta-basta ka sa kanya; kaya, para mas maging komportable at magaan ang loob niya, umiwas ka sa pagsasalita nang matapat sa kanya. Hindi ka masigasig na tumutulong sa kanya at diretsahang inihahayag ang kanyang problema, para maalis niya ang pagiging negatibo. Hindi mo nagawa ang nararapat gawin ng isang matapat na tao. Para lamang maalo siya at para matiyak na walang pagkakalayo o hindi pagkakasundo sa pagitan ninyo, naging pabasta-basta ka na lang sa kanya—at hindi ito ang pagiging isang matapat na tao. Kaya, upang maging isang matapat na tao, ano ang dapat mong gawin kapag nahaharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon? Kailangan mong sabihin sa kanya kung ano ang nakita at natukoy mo: “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang nakita ko at kung ano ang naranasan ko. Ikaw ang magpapasya kung ang sinasabi ko ay tama o mali. Kung ito ay mali, hindi mo ito kailangang tanggapin. Kung ito ay tama, sana ay tanggapin mo ito. Kung may sabihin ako na mahirap para sa iyo na marinig o nakakasakit sa iyo, sana ay kaya mo itong tanggapin mula sa Diyos. Ang layunin at hangarin ko ay ang tulungan ka. Malinaw kong nakikita ang suliranin: Dahil pakiramdam mo ay napahiya ka, walang nagpapadama sa iyo na importante ka, at sa tingin mo ay mababa ang tingin ng lahat sa iyo, na inaatake ka, at hindi ka pa kailanman nagawan ng ganito kalaking pagkakamali, hindi mo ito matanggap at nagiging negatibo ka. Ano sa tingin mo—ito ba talaga ang nangyayari?” At pagkarinig nito, madarama nila na ito nga talaga ang nangyayari. Ito talaga ang nasa puso mo, pero kung hindi ka matapat na tao, hindi mo ito sasabihin. Ang sasabihin mo, “Madalas din akong maging negatibo,” at kapag narinig ng taong ito na ang lahat ay nagiging negatibo, iisipin niya na normal lang para sa kanya na maging negatibo, at sa huli, hindi niya aalisin ang pagiging negatibo. Kung ikaw ay isang matapat na tao at tinutulungan mo siya nang may matapat na saloobin at matapat na puso, matutulungan mo siyang maunawaan ang katotohanan at maisantabi ang kanyang pagiging negatibo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao

Ang pagiging matapat na tao ay hinihingi ng Diyos sa tao. Ito ay isang katotohanan na kailangang isagawa ng tao. Ano, kung gayon, ang mga prinsipyong dapat sundin ng tao sa mga pakikitungo nila sa Diyos? Maging sinsero: Ito ang prinsipyo na dapat sundin kapag nakikisalamuha sa Diyos. Huwag gayahin ang pagsasagawa ng mga walang pananampalataya na paninipsip o pambobola; hindi kailangan ng Diyos ang paninipsip at pambobola ng tao, sapat na ang maging tapat. At ano ba ang ibig sabihin ng maging tapat? Paano ba ito dapat isagawa? (Buksan lamang ang iyong puso sa Diyos, nang walang halong pagpapanggap o walang ikinukubling anuman o itinatagong anumang sikreto, makipag-ugnayan sa Diyos nang may tapat na puso, at magsalita nang diretsahan, nang walang anumang masamang layunin o panloloko.) Tama iyan. Upang maging matapat, dapat mo munang isantabi ang iyong mga pansariling pagnanasa. Sa halip na magtuon ng pansin sa kung paano ka itinuturing ng Diyos, dapat mong ipagtapat ang iyong sarili sa Diyos at sabihin ang anumang nasa puso mo. Huwag pag-isipan o isaalang-alang kung ano ang mga magiging kahihinatnan ng mga salita mo; sabihin kung anuman ang iniisip mo, isantabi ang mga motibasyon mo, at huwag magsalita ng mga bagay upang makamtan lamang ang ilang layunin. Mayroon kang masyadong maraming mga personal na layunin at adulterasyon, palagi kang nagtatantiya sa paraan ng iyong pagsasalita, isinasaalang-alang ang, “Dapat ko itong sabihin, at hindi iyon, dapat akong mag-ingat tungkol sa aking sasabihin. Gagawin ko ito sa paraang nakikinabang ako, at natatakpan ang aking mga pagkukulang, at mag-iiwan ng magandang impresyon sa diyos.” Hindi ba’t ito ay pagkikimkim ng mga motibo? Bago mo ibuka ang iyong bibig, puno ang isip mo ng mga buktot na kaisipan, makailang beses mong binabagu-bago ang gusto mong sabihin, nang sa gayon kapag lumabas na ang mga salita mula sa iyong bibig hindi na napakadalisay ng mga ito, at hindi na tunay kahit bahagya man lamang, at naglalaman na ng sarili mong mga motibo at mga pakana ni Satanas. Hindi ito ang pagiging sinsero; ito ay ang pagkakaroon ng masasamang motibo at layunin. Dagdag pa rito, kapag nagsasalita ka, lagi mong pinakikiramdaman ang mga ekspresyon ng mukha ng mga tao at ang tingin ng kanilang mga mata: Kung may positibo silang ekspresyon sa kanilang mukha, tuloy ka sa pagsasalita; kung wala naman, sinasarili mo ito at wala kang sinasabi; kung hindi maganda ang tingin ng mga mata nila, at tila hindi nila nagugustuhan ang kanilang naririnig, pinag-iisipan mo itong mabuti at sinasabi mo sa iyong sarili, “Sige, may sasabihin akong isang bagay na magiging interesado ka, na makapagpapasaya sa iyo, na magugustuhan mo, at kung saan kagigiliwan mo ako.” Ganito ba ang pagiging sinsero? Hindi. May ilang tao na hindi nag-uulat kapag nakakakita sila ng isang tao na gumagawa ng kasamaan at nagdudulot ng kaguluhan sa iglesia. Iniisip nila, “Kung ako ang unang mag-uulat nito, maaaring mapasama ko ang loob ng taong iyon, at kung sakaling nagkamali ako, kailangan kong mapungusan. Hihintayin ko na lang ang iba na mag-ulat nito, at makikisali na lang ako sa kanila. Kahit magkamali kami, hindi naman ito malaking usapin—hindi mo naman puwedeng hatulan ang maraming tao. Gaya ng kasabihan, ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril.’ Hindi ako magiging ganoong ibon; isa kang hangal kung igigiit mong iunat ang iyong leeg.” Ito ba ay pagiging sinsero? Siguradong hindi. Ang gayong tao ay tuso talaga; kung siya ay magiging isang lider sa iglesia, isang taong nangangasiwa, hindi ba’t magdudulot siya ng kawalan sa gawain ng iglesia? Sigurado ito. Ang gayong tao ay hindi dapat gamitin. Kaya ba ninyong kilatisin ang gayong uri ng tao? Sabihin na natin, na may isang lider na gumawa ng ilang masamang bagay at ginulo ang gawain ng iglesia, pero walang nakakaalam kung ano talaga ang nangyayari sa taong ito, ni hindi rin alam ng nasa Itaas kung ano talaga ang pagkatao niya—ikaw lang ang nakakaalam kung ano talaga ang nangyayari sa kanya. Matapat mo bang sasabihin ang isyu sa Itaas sa gayong mga kalagayan? Ang isyung ito ang pinakanagbubunyag sa tao. Kung itinago mo ang usaping ito at wala kang sinabi kaninuman, kahit sa Diyos, at naghintay ka hanggang dumating ang araw na ang lider na iyon ay nakagawa na ng napakaraming kasamaan na nagdulot ng kaguluhan sa gawain ng iglesia, at nailantad at napangasiwaan na siya ng lahat, saka ka pa lang tatayo at magsasabi, “Alam ko na noon pa na hindi siya isang mabuting tao. Kaso iniisip ng iba na mabuti siya; kung nagsalita ako, walang maniniwala sa akin. Kaya, hindi ako nagsalita. Ngayong gumawa na siya ng ilang masamang bagay at alam na ng lahat kung sino talaga siya, puwede na akong magsalita tungkol sa tunay na nangyayari sa kanya,” iyon ba ay pagiging sinsero? (Hindi.) Kung sa tuwing may nalalantad na problema ng isang tao, o may inuulat na problema, lagi kang sumusunod sa karamihan at huli ka nang tumatayo at naglalantad o nag-uulat ng problema, ikaw ba ay sinsero? Wala sa mga ito ang pagiging sinsero. Kung hindi mo gusto ang isang tao, o may nagpasama ng loob mo, at alam mong hindi siya isang masamang tao, ngunit dahil mababaw ka, namumuhi ka sa kanya at gusto mo siyang paghigantihan, na gawin siyang katawa-tawa, maaari kang mag-isip ng mga paraan at maghanap ng mga pagkakataon na magsabi ng ilang masamang bagay tungkol sa kanya sa Itaas. Maaaring nagpapahayag ka lang ng mga katunayan, hindi mo naman kinokondena ang taong iyon, pero kapag ipinapahayag mo ang mga katunayang iyon, nabubunyag ang iyong hangarin: Gusto mong gamitin ang kamay ng Itaas o na may sabihin ang Diyos upang pangasiwaan siya. Sa pamamagitan ng pag-uulat sa Itaas ng tungkol sa mga problema, sinusubukan mong makamit ang iyong layon. Maliwanag na may halo itong mga personal na layunin, at tiyak na hindi ito pagiging sinsero. Kung siya ay isang masamang tao na nanggugulo sa gawain ng iglesia, at iniulat mo ito sa Itaas upang maprotektahan ang gawaing iyon, at higit pa roon, ang mga problemang inuulat mo ay ganap na totoo, iba iyon sa pangangasiwa ng mga bagay sa pamamagitan ng mga satanikong pilosopiya. Ito ay bunga ng pagpapahalaga sa katarungan at responsabilidad, at ito ang pagsasakatuparan ng iyong katapatan; ganito naipamamalas ang pagiging sinsero.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikalawang Bahagi)

Kung ang isang tao ay bukas at matuwid, siya ay isang matapat na tao. Ganap na niyang binuksan ang kanyang puso at espiritu sa Diyos, at wala siyang itinatago, at walang pinagtataguan. Naibigay na niya nang lubusan sa Diyos ang kanyang puso, at naipakita na niya ito sa Diyos, na nangangahulugang naibigay na niya ang buong pagkatao niya sa Diyos. Kaya, mawawalay pa ba siya sa Diyos? Hindi na, kaya madali na para sa kanya ang magpasakop sa Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na mapanlinlang siya, aaminin niya iyon. Kung sinasabi ng Diyos na mayabang siya at mapagmagaling, aaminin din niya iyon, at hindi lang niya basta aaminin ang mga bagay na ito at titigil na lang doon—nagagawa niyang magsisi, magpunyagi para sa mga katotohanang prinsipyo, at ayusin iyon kapag napagtatanto niyang siya ay nagkamali, at ituwid ang kanyang mga pagkakamali. Bago pa niya malaman, naitama na niya ang marami sa kanyang mga maling gawi, at unti-unting mababawasan ang kanyang pagiging mapanlinlang, mapanloko, at pabasta-basta. Habang namumuhay siya nang mas matagal sa ganitong paraan, magiging mas tapat at kagalang-galang siya, at mas mapapalapit siya sa mithiing maging matapat na tao. Iyon ang kahulugan ng mamuhay sa liwanag. Lahat ng kaluwalhatiang ito ay sa Diyos! Kapag namumuhay ang mga tao sa liwanag kagagawan iyon ng Diyos—hindi iyon isang bagay na dapat nilang ipagyabang. Kapag namumuhay sa liwanag ang mga tao, nauunawaan nila ang bawat katotohanan, mayroon silang pusong may takot sa Diyos, alam nila kung paano hanapin at isagawa ang katotohanan sa bawat suliraning makaharap nila, at namumuhay sila nang may konsensiya at katwiran. Bagama’t hindi sila matatawag na matutuwid na tao, sa mga mata ng Diyos ay mayroon silang kaunting wangis ng tao, at kahit paano, hindi nakikipagtunggali sa Diyos ang kanilang mga salita at gawa, kaya nilang hanapin ang katotohanan kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, at may puso silang nagpapasakop sa Diyos. Samakatuwid, medyo ligtas at nakasisiguro sila, at hindi posibleng pagtaksilan nila ang Diyos. Bagaman wala silang napakalalim na pagkaunawa sa katotohanan, nagagawa nilang sumunod at magpasakop, mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso, at kaya nilang umiwas sa kasamaan. Kapag binigyan sila ng gawain o tungkulin, nagagawa nila itong gawin nang buong puso at isip, at sa abot ng kanilang makakaya. Ang ganitong klase ng tao ay mapagkakatiwalaan, at may kumpiyansa ang Diyos sa kanila—ang mga taong tulad nito ay nabubuhay sa liwanag. Ang mga nabubuhay ba sa liwanag ay nagagawang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos? Maikukubli pa rin ba nila ang kanilang mga puso sa Diyos? Mayroon pa ba silang mga lihim na hindi nila masabi sa Diyos? Mayroon pa ba silang anumang itinatagong kahina-hinalang mga panloloko? Wala na. Lubos na nilang binuksan ang kanilang puso sa Diyos, at wala na silang anumang inililihim o itinatago. Kaya nilang magtapat sa Diyos, makipagbahaginan sa Kanya tungkol sa anumang bagay, at ipaalam sa Kanya ang lahat ng bagay. Wala silang hindi sasabihin sa Diyos at wala silang hindi ipapakita sa Kanya. Kapag naaabot ng mga tao ang pamantayang ito, nagiging madali, malaya at maluwag ang kanilang buhay.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Maaari ka bang maging matapat na tao kung sasabihin mo lamang ito? (Hindi, kailangang mayroon kang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao.) Ano ang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao? Una, ang hindi pagkakaroon ng pagdududa sa mga salita ng Diyos. Isa iyon sa mga pagpapamalas ng isang matapat na tao. Bukod dito, ang pinakamahalagang pagpapamalas ay ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay—ito ang pinakamahalaga. Sinasabi mong ikaw ay matapat, pero palagi mong iniiwasang isipin ang mga salita ng Diyos at ginagawa lang ang anumang gusto mo. Pagpapamalas ba iyon ng isang matapat na tao? Sinasabi mo, “Bagama’t mahina ang kakayahan ko, mayroon akong matapat na puso.” Gayunpaman, kapag may tungkulin na itinalaga sa iyo, natatakot kang magdusa at magpasan ng responsabilidad kung hindi mo ito magagawa nang maayos, kaya nagpapalusot ka para iwasan ang tungkulin mo o nagmumungkahi ka na iba na lang ang gumawa nito. Pagpapamalas ba ito ng isang matapat na tao? Malinaw na hindi. Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging tapat sa tungkulin na dapat nilang gampanan, at magsikap na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Naipapamalas ito sa iba’t ibang paraan: Ang isa ay ang pagtanggap sa iyong tungkulin nang may matapat na puso, hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng iyong laman, hindi nagiging walang sigla sa iyong tungkulin, at hindi nagpapakana para sa sarili mong pakinabang. Iyon ang mga pagpapamalas ng katapatan. Ang isa pa ay ang pagganap nang maayos sa iyong tungkulin nang buong puso at buong lakas mo, paggawa sa mga bagay-bagay nang tama, at pagsasapuso at pagmamahal sa iyong tungkulin para palugurin ang Diyos. Ito ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang matapat na tao habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Kung hindi mo isasakatuparan ang iyong nalalaman at nauunawaan, at kung 50 o 60 porsyento lang ng iyong pagsisikap ang iyong ibinibigay, kung gayon ay hindi mo ibinibigay rito ang buong puso at lakas mo. Sa halip, ikaw ay tuso at nagpapakatamad. Matatapat ba ang mga taong gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Walang silbi sa Diyos ang gayong mga tuso at mapanlinlang na tao; dapat silang itiwalag. Matatapat na tao lamang ang ginagamit ng Diyos para gumanap ng mga tungkulin. Kahit ang mga tapat na trabahador ay kailangang maging matapat. Ang mga taong palaging pabasta-basta at tuso at naghahanap ng paraan para magpakatamad ay pawang mapanlinlang, at mga demonyo silang lahat. Wala sa kanila ang tunay na nananalig sa Diyos, at ititiwalag silang lahat. Iniisip ng ibang tao, “Ang pagiging matapat na tao ay tungkol lamang sa pagsasabi ng totoo at hindi pagsisinungaling. Sa totoo lang, madali lang maging matapat na tao.” Ano ang palagay mo sa sentimyentong ito? Napakalimitado nga ba ng saklaw ng pagiging matapat na tao? Hinding-hindi. Dapat mong ilantad ang iyong puso at ibigay ito sa Diyos; ito ang saloobin na dapat mayroon ang isang matapat na tao. Iyon ang dahilan kung bakit napakahalaga ng isang matapat na puso. Ano ang implikasyon nito? Ito ay na kaya ng isang pusong tapat na kontrolin ang iyong asal at baguhin ang kalagayan mo. Magagabayan ka nitong gumawa ng mga tamang desisyon, at magpasakop sa Diyos at makamit ang Kanyang pagsang-ayon. Ang ganitong puso ay tunay na mahalaga. Kung mayroon kang matapat na pusong gaya nito, dapat kang mamuhay sa ganoong kalagayan, ganoon ka dapat umasal, at ganoon mo dapat igugol ang iyong sarili.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Dapat isa kang taong matapat, dapat magkaroon ka ng pagpapahalaga sa responsabilidad kapag humaharap ka sa mga problema, at dapat mong subukan ang lahat ng paraan at hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga ito. Hinding-hindi ka dapat maging tuso. Kung ang iniisip mo lang ay ang pag-iwas sa responsabilidad at paghuhugas-kamay rito kapag lumilitaw ang mga problema, makokondena ka pa dahil sa ugaling ito sa gitna ng mga walang pananampalataya, bukod pa sa sambahayan ng Diyos! Ang pag-uugaling ito ay kinokondena at isinusumpa ng Diyos, at ito ay kinasusuklaman at tinatangihan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat, at nasusuklam Siya sa mga taong mapanlinlang at madaya. Kung isa kang tusong tao at kumikilos ka nang madaya, hindi ba’t mamumuhi ang Diyos sa iyo? Hahayaan ka lang ba ng sambahayan ng Diyos na makalusot? Sa malao’t madali, papapanagutin ka. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat at ayaw naman Niya sa mga taong tuso. Dapat malinaw itong maunawaan ng lahat, at huwag nang maguluhan at gumawa ng mga kahangalan. Ang panandaliang kamangmangan ay maaaring pangatwiranan, pero kung talagang hindi tinatanggap ng isang tao ang katotohanan, masyadong matigas ang ulo niya. Marunong humawak ng responsabilidad ang mga taong matapat. Hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan; iniingatan lamang nila ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Mayroon silang mababait at matatapat na puso na gaya ng mga mangkok ng malinaw na tubig kung saan makikita mo ang ilalim sa isang sulyap. Wala rin silang itinatago sa kanilang mga kilos. Ang isang taong mapanlinlang ay laging nandadaya, laging nagpapanggap, pinagtatakpan at ikinukubli ang mga bagay, at binabalot nang husto ang sarili nila. Walang makakilatis sa ganitong uri ng tao. Hindi makilatis ng mga tao ang kanilang mga saloobin, pero kaya ng Diyos na masiyasat ang mga bagay sa kaibuturan ng kanilang puso. Kapag nakikita ng Diyos na hindi sila matapat na tao, na tuso sila, na hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan, palagi Siyang nililinlang, at hindi kailanman ibinibigay ang puso nila sa Kanya—ayaw ng Diyos sa kanila, at kinasusuklaman at tatalikuran sila ng Diyos. Anong klase ng mga tao ang umuunlad sa gitna ng mga walang pananampalataya, at iyong matatamis ang dila at mabilis mag-isip? Malinaw ba ito sa inyo? Ano ang diwa nila? Masasabi na lahat sila ay napakahirap na makilatis, sobrang mapanlinlang at tuso nilang lahat, sila ang tunay na mga diyablo at Satanas. Maaari bang iligtas ng Diyos ang mga ganitong tao? Wala nang higit pang kinasusuklaman ang Diyos kundi ang mga diyablo—mga taong mapanlinlang at tuso—at hinding-hindi ililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Hinding-hindi kayo dapat maging ganitong uri ng tao. Iyong mga palaging nagmamasid at alerto kapag nagsasalita sila, na may kumpiyansa at magaling at gumaganap ng isang karakter para bumagay sa sitwasyon kapag pinapangasiwaan nila ang mga usapin—sinasabi Ko sa iyo, pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga gayong tao, hindi na maililigtas pa ang mga taong gaya nito. Tungkol sa lahat ng nabibilang sa kategorya ng mga mapanlinlang at tusong tao, kahit gaano pa kagandang pakinggan ang mga salita nila, lahat ng ito ay mapanlinlang, maladiyablong salita. Kapag mas magandang pakinggan ang kanilang mga salita, mas lalong mga diyablo at Satanas ang mga taong ito. Sila mismo ang klase ng mga tao na pinakakinasusuklaman ng Diyos. Talagang ito ay tama. Ano ang masasabi ninyo: Matatanggap ba ng mga taong mapanlinlang, madalas magsinungaling, at mahusay mambola, ang gawain ng Banal na Espiritu? Kaya ba nilang makamit ang pagbibigay-liwanag at pagtanglaw ng Banal na Espiritu? Hinding-hindi. Ano ang saloobin ng Diyos ukol sa mga taong mapanlinlang at tuso? Itinataboy Niya ang mga ito, isinasantabi Niya ang mga ito at hindi pinapansin, itinuturing Niya sila bilang kauri ng mga hayop. Sa paningin ng Diyos, ang gayong mga tao ay nakabihis lamang ng anyong tao at sa diwa, sila ay mga diyablo at Satanas, sila ay mga naglalakad na bangkay, at hinding-hindi sila ililigtas ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8

Kapag ginagawa ng mga tao ang tungkulin nila o ang anumang gawain sa harap ng Diyos, dapat na dalisay ang kanilang puso: Dapat na tila isang mangkok ito ng sariwang tubig—napakalinaw at walang karumihan. Kung gayon, anong uri ng saloobin ang tama? Anuman ang iyong ginagawa, nagagawa mong ibahagi sa iba kung anuman ang nasa iyong puso, anuman ang mga ideya na maaaring mayroon ka. Kung may magsabing hindi gagana ang paraan mo ng paggawa ng mga bagay-bagay, at magmungkahi siya ng iba pang ideya, at sa tingin mo ay isa itong magandang ideya, isuko mo ang sarili mong paraan, at gawin mo ang mga bagay-bagay ayon sa iniisip niya. Sa paggawa nito, makikita ng lahat na kaya mong tumanggap ng mga mungkahi ng iba, pumili ng tamang landas, kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at nang hayagan at malinaw. Walang kadiliman sa iyong puso, at kumikilos at nagsasalita ka nang taos-puso, umaasa sa isang saloobin ng katapatan. Nagsasalita ka nang diretsahan. Kung ganito ang isang bagay, ganito nga ito; kung hindi naman, hindi talaga. Walang mga pandaraya, walang mga lihim, isang napakalantad na tao lamang. Hindi ba’t isa iyang uri ng saloobin? Isa itong saloobin sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay, at kumakatawan ito sa disposisyon ng isang tao. Sa kabilang banda, maaaring may isang taong hindi kailanman nagiging bukas at nagpaparating sa iba ng kung ano ang kanyang iniisip. At sa lahat ng kanyang ginagawa, hindi siya kailanman sumasangguni sa iba, sa halip ay pinananatili niyang sarado ang kanyang puso sa iba, na tila parati siyang nakabantay laban sa iba sa bawat pagkakataon. Mahigpit niyang ikinukubli ang kanyang sarili hanggat maaari. Hindi ba’t ito ay isang taong mapanlinlang? Halimbawa, may ideya siya na sa tingin niya ay napakahusay, at iniisip niya na, “Sasarilinin ko muna ito sa ngayon. Kung ibabahagi ko ito, baka gamitin ninyo ito at nakawin ninyo ang karangalang para sa akin, at hindi iyon maaari. Magpipigil ako.” O kung mayroong isang bagay siyang hindi lubos na nauunawaan, iisipin niyang: “Hindi ako magsasalita sa ngayon. Kung magsasalita ako, at may sinumang magsasabi ng isang mas mahalagang bagay, hindi ba’t magmumukha akong hangal? Malalantad ako sa lahat, makikita nila ang kahinaan ko rito. Hindi ako dapat magsalita ng anuman.” Anuman ang mga konsiderasyon, anuman ang pinagbabatayang motibo, natatakot siyang malantad sa lahat. Palagi niyang hinaharap ang sarili niyang tungkulin at ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay nang may ganitong uri ng perspektiba at saloobin. Anong uri ito ng disposisyon? Isang baliko, mapanlinlang, at buktot na disposisyon. Sa panlabas, tila sinabi na niya sa iba ang lahat ng sa akala niya ay kaya niyang sabihin, subalit sa likod nito, itinatago niya ang ilang bagay. Ano ang itinatago niya? Hindi siya kailanman nagsasabi ng mga bagay na may kinalaman sa kanyang reputasyon at mga interes—iniisip niyang pribado ang mga bagay na ito at hindi niya kailanman binabanggit ang tungkol sa mga ito kaninuman, kahit pa sa kanyang mga magulang. Hindi niya kailanman sinasabi ang mga bagay na ito. Problema ito! Sa palagay mo ba, kung hindi mo sasabihin ang mga bagay na ito ay hindi ito malalaman ng Diyos? Sinasabi ng mga tao na alam ng Diyos, subalit makatitiyak ba sila sa puso nila na alam nga ng Diyos? Hindi kailanman natatanto ng mga tao na “Alam ng Diyos ang lahat; iyong iniisip ko sa aking puso, kahit na hindi ko pa ito ibinubunyag, palihim na sinisiyasat iyon ng Diyos, ganap na alam iyon ng Diyos. Wala akong anumang maitatago sa Diyos, kaya’t dapat ko itong sabihin, dapat akong hayagang makipagbahaginan sa aking mga kapatid. Maganda man o hindi ang aking mga kaisipan at ideya, dapat kong sabihin ang mga ito nang tapat. Hindi ako maaaring maging baliko, mapanlinlang, makasarili, o kasuklam-suklam—dapat akong maging isang matapat na tao.” Kung kakayanin ng mga tao na mag-isip nang ganito, ito ang tamang saloobin. Sa halip na hanapin ang katotohanan, karamihan sa mga tao ay may kani-kanilang sariling mga adyenda. Napakahalaga para sa kanila ng sarili nilang mga interes, reputasyon, at ang posisyon o katayuang pinanghahawakan nila sa isip ng ibang tao. Ang mga bagay na ito lamang ang pinakaiingat-ingatan nila. Napakahigpit ng pagkapit nila sa mga bagay na ito at itinuturing ang mga ito bilang kanilang sariling buhay. At hindi gaanong mahalaga sa kanila kung paano sila ituring o itrato ng Diyos; sa ngayon, binabalewala nila iyon; sa ngayon, isinasaalang-alang lamang nila kung sila ang namumuno sa grupo, kung mataas ba ang tingin sa kanila ng ibang tao, at kung matimbang ba ang kanilang mga salita. Ang una nilang inaalala ay ang pag-okupa sa posisyong iyon. Kapag sila ay nasa isang grupo, ang ganitong uri ng katayuan, at ganitong mga uri ng oportunidad ang hanap ng halos lahat ng tao. Kapag masyado silang talentado, siyempre gusto nilang maging pinakamataas sa grupo; kung medyo may abilidad naman sila, gugustuhin pa rin nilang humawak ng mas mataas na posisyon sa grupo; at kung mababa ang hawak nilang posisyon sa grupo, pangkaraniwan lamang ang kakayahan at mga abilidad, gugustuhin din nilang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, hindi nila gugustuhing maging mababa ang tingin sa kanila ng iba. Sa reputasyon at dignidad nagtatakda ng limitasyon ang mga taong ito: Kailangan nilang panghawakan ang mga bagay na ito. Maaaring wala silang integridad, at hindi nila taglay ang pagsang-ayon ni pagtanggap ng Diyos, pero hinding-hindi maaaring mawala sa kanila ang respeto, katayuan, o paggalang na hinahangad nila mula sa iba—na siyang disposisyon ni Satanas. Pero walang kamalayan ang mga tao tungkol dito. Ang paniniwala nila ay dapat silang kumapit sa kapirasong reputasyong ito hanggang sa pinakahuli. Wala silang kamalay-malay na kapag ganap na tinalikdan at isinantabi ang mga walang kabuluhan at mabababaw na bagay na ito saka lamang sila magiging totoong tao. Kung iniingatan ng isang tao ang mga bagay na ito na dapat iwaksi bilang buhay, mawawala ang kanyang buhay. Hindi nila alam kung ano ang nakataya. Kaya, kapag kumikilos sila, lagi silang may reserbasyon, lagi nilang sinusubukang protektahan ang sarili nilang reputasyon at katayuan, inuuna nila ang mga ito, nagsasalita lamang para sa kanilang sariling kapakinabangan, upang huwad na ipagtanggol ang kanilang sarili. Lahat ng ginagawa nila ay para sa kanilang sarili. Sumusugod sila agad sa anumang bagay na nagniningning, ipinapaalam sa lahat na naging kabahagi sila nito. Ang totoo, wala naman itong kinalaman sa kanila, subalit ayaw na ayaw nilang mapag-iwanan, lagi silang natatakot na hamakin ng ibang tao, lagi silang nangangamba na sabihin ng ibang tao na wala silang kuwenta, na wala silang anumang kayang gawin, na wala silang kasanayan. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay kontrolado ng kanilang mga satanikong disposisyon? Kapag nagagawa mong bitiwan ang mga bagay na gaya ng reputasyon at katayuan, higit na mas magiging panatag at malaya ka; matatahak mo ang landas ng pagiging tapat. Ngunit para sa marami, hindi ito madaling makamit. Kapag lumitaw ang kamera, halimbawa, hindi magkamayaw sa pagpunta sa harapan ang mga tao; gusto nilang nakikita ang kanilang mukha sa kamera, mas matagal na makuhanan, mas mabuti; takot silang hindi makuhanang mabuti, at magsasakripisyo nang husto para sa pagkakataong makuha ito. At hindi ba ito kontrolado lahat ng kanilang mga satanikong disposisyon? Ito ang mga sataniko nilang disposisyon. Nakuhanan ka na—ano na ngayon? Mataas na ang tingin sa iyo ng mga tao—ano naman ngayon? Iniidolo ka nila—ano naman ngayon? Pinatutunayan ba ng anuman dito na mayroon kang katotohanang realidad? Walang anumang halaga ang mga ito. Kapag kaya mong mapagtagumpayan ang mga bagay na ito—kapag wala ka nang pakialam sa mga ito, at hindi mo na nararamdamang mahalaga ang mga ito, kapag hindi na nakokontrol ng reputasyon, banidad, katayuan, at paghanga ng mga tao ang iyong mga saloobin at pag-uugali, lalong-lalo na kung paano mo gampanan ang iyong tungkulin—kung gayon, lalong magiging epektibo, at mas dalisay ang pagganap mo sa iyong tungkulin.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Kung isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, at nagagawa mong tanggapin ang katotohanan, hindi masyadong magiging mahirap ang pagiging matapat na tao. Madarama mo na higit na madali ito. Alam na alam ng mga mayroong personal na karanasan na ang pinakamalalaking balakid sa pagiging matapat na tao ay ang pagiging mapaminsala ng mga tao, ang kanilang pagiging mapanlinlang, kanilang kabuktutan, at kanilang mga kasuklam-suklam na hangarin. Hangga’t nananatili ang mga tiwaling disposisyong ito, magiging napakahirap ng pagiging matapat na tao. Kayong lahat ay nagsasanay na maging matatapat na tao, kaya’t may kaunti kayong karanasan dito. Kumusta ang naging mga karanasan ninyo? (Araw-araw ay isinusulat ko ang lahat ng basura at kasinungalingang nasabi ko. Pagkatapos, sinusuri at hinihimay ko ang aking sarili. Natuklasan kong may partikular na hangarin sa likod ng karamihan sa mga kasinungalingang ito, at na sinabi ko ang mga ito alang-alang sa banidad at pag-iwas sa kahihiyan. Kahit na alam kong hindi naaayon sa katotohanan ang sinasabi ko, hindi ko pa rin mapigilang magsinungaling at magpanggap.) Ito ang napakahirap sa pagiging matapat na tao. Hindi mahalaga kung may kamalayan ka man dito o wala; ang susing usapin ay nagmamatigas ka pa ring ipagpatuloy ang pagsisinungaling, kahit na nalalaman mong mali ang ginagawa mo, upang maisakatuparan ang iyong mga layunin, upang mapanatili ang sarili mong imahe at reputasyon, at anumang pahayag ng kawalan ng kaalaman ay isang kasinungalingan. Ang susi sa pagiging matapat na tao ay ang paglutas sa iyong mga motibo, iyong mga hangarin, at iyong mga tiwaling disposisyon. Ito ang tanging paraan upang malutas ang ugat ng problema ng pagsisinungaling. Ang makamit ang mga personal na layunin ng isang tao, o ang personal na makinabang, masamantala ang isang sitwasyon, mapaganda ang imahe niya, o makuha ang pagsang-ayon ng iba—ito ang mga hangarin at layunin ng mga tao kapag nagsisinungaling sila. Ang ganitong uri ng pagsisinungaling ay naghahayag ng isang tiwaling disposisyon, at ito ang pagkilatis na kailangan mo tungkol sa pagsisinungaling. Kaya, paano dapat lutasin ang tiwaling disposisyong ito? Nakasalalay ang lahat ng ito sa kung minamahal mo ang katotohanan o hindi. Kung kaya mong tanggapin ang katotohanan at magsalita nang hindi isinusulong ang iyong sarili; kung kaya mong itigil ang pagsasaalang-alang sa sarili mong mga interes at sa halip ay isaalang-alang ang gawain ng iglesia, ang mga layunin ng Diyos, at ang mga interes ng mga hinirang ng Diyos, ititigil mo na ang pagsisinungaling. Magagawa mong magsalita nang makatotohanan, at tuwiran. Kung wala ang tayog na ito, hindi mo magagawang magsalita nang makatotohanan, patutunayan nito na kulang ang tayog mo at na hindi mo kayang isagawa ang katotohanan. Kung kaya, ang pagiging matapat na tao ay nangangailangan ng isang proseso ng pag-unawa sa katotohanan, isang proseso ng pagtaas ng tayog. Kapag tiningnan natin ito nang ganito, imposibleng maging matapat na tao nang walang walo hanggang sampung taon ng karanasan. Ang panahong ito ay ang proseso ng paglago sa buhay ng isang tao, ang proseso ng pag-unawa at pagtatamo sa katotohanan. Maaaring itanong ng ilang tao: “Talaga bang ganoon kahirap ang paglutas sa problema ng pagsisinungaling at ang pagiging matapat na tao?” Depende iyon sa kung sino ang tinutukoy mo. Kung isa itong taong nagmamahal sa katotohanan, magagawa niyang itigil ang pagsisinungaling pagdating sa mga partikular na bagay. Ngunit kung isa itong taong hindi nagmamahal sa katotohanan, ang pagtigil sa pagsisinungaling ay lalo pang magiging mahirap.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Lubhang mahalaga ang hinihingi ng Diyos na katapatan. Ano ang dapat mong gawin kung makakaranas ka ng maraming kabiguan habang isinasagawa mo ang katapatan at nahihirapan ka nang husto rito? Dapat ka bang maging negatibo at umatras, at talikuran ang iyong pagsasagawa sa katotohanan? Ito ang pinakamalinaw na indikasyon kung mahal ba ng isang tao ang katotohanan o hindi. Pagkatapos magsagawa ng katapatan sa loob ng ilang panahon, iniisip ng ilang indibidwal na, “Ang pagiging matapat ay masyadong mahirap—hindi ko matiis ang pinsalang ginagawa nito sa aking banidad, pride, at reputasyon!” Bilang resulta, hindi na nila gustong maging matapat. Sa realidad, dito nakasalalay ang hamon ng pagiging matapat na tao, at karamihan sa mga indibidwal ay naiipit sa puntong ito at hindi makaranas nito. Kaya, ano ang kailangan para maisagawa ang pagiging matapat na tao? Anong uri ng tao ang kayang magsagawa ng katotohanan? Una sa lahat, dapat mahal ng isang tao ang katotohanan. Siya ay dapat na maging isang taong nagmamahal sa katotohanan—iyan ay tiyak. May mga taong tunay na nagtatamo ng mga resulta pagkatapos ng ilang taon ng pagdanas ng pagsasagawa ng katapatan. Unti-unti nilang nababawasan ang kanilang kasinungalingan at panlilinlang, at talagang sila ay nagiging likas na matatapat na tao. Maaari kaya na habang dumaranas sila ng pagsasagawa ng katapatan, hindi sila naharap sa mga paghihirap o nagdurusa sa isang punto? Tiyak na tiniis nila ang labis na pagdurusa. Ito ay dahil mahal nila ang katotohanan kaya nagawa nilang magdusa para isagawa ito, magpatuloy sa pagsasalita nang makatotohanan at paggawa ng mga praktikal na bagay, na maging matatapat na tao, at sa wakas ay makamit ang pagpapala ng Diyos. Para maging isang matapat na tao, dapat mahal ng isang tao ang katotohanan at magtaglay siya ng puso na nagpapasakop sa Diyos. Ang dalawang salik na ito ang pinakamahalaga. Ang lahat ng taong nagmamahal sa katotohanan ay may mapagmahal-sa-Diyos na puso. At madali para sa mga taong nagmamahal sa Diyos na isagawa ang katotohanan, at kaya nilang tiisin ang anumang uri ng pagdurusa para mapalugod ang Diyos. Kung may mapagmahal-sa-Diyos na puso ang isang tao, kapag ang kanilang pagsasagawa sa katotohanan ay naharap sa kahihiyan o mga dagok at pagkabigo, makakaya nilang tiisin ang kahihiyan at pagdurusa para mapalugod ang Diyos, basta’t nasisiyahan ang Diyos. Samakatwid, may kakayahan silang isagawa ang katotohanan. Siyempre, ang pagsasagawa ng anumang aspekto ng katotohanan ay may kasamang partikular na antas ng hirap, at mas lalong mahirap ang pagiging matapat na tao. Ang pinakamalaking paghihirap ay ang hadlang ng mga tiwaling disposisyon ng tao. Lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya. Halimbawa, ang mga kasabihang “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” o “Walang mapapala ang tao nang walang sinasabing kasinungalingan.” Ang mga ito ay mga halimbawa ng isang satanikong pilosopiya at tiwaling disposisyon. Pinipili ng mga taong magsinungaling para tapusin ang mga bagay-bagay, makamit ang mga pansariling pakinabang, at maisakatuparan ang mga layon nila. Hindi madaling maging matapat na tao kapag taglay ng isang tao ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon. Dapat manalangin ang isang tao sa Diyos at umasa sa Kanya, at laging pagnilayan ang sarili, at kilalanin ang sarili, para unti-unting maghimagsik laban sa laman, talikuran ang mga pansariling interes, at iwaksi ang banidad at pride. Higit pa rito, dapat tiisin ng isang tao ang iba’t ibang uri ng paninirang-puri at panghuhusga bago sila magiging isang matapat na tao na kayang magsalita ng katotohanan at umiwas sa pagsisinungaling. Sa loob ng panahon kung saan isinasagawa ng isang tao ang pagiging matapat na tao, hindi maiiwasan na maharap sa maraming kabiguan at mga sandali kung saan nabubunyag ang katiwalian ng isang tao. Maaaring may mga pagkakataon kung kailan hindi tumutugma ang mga salita at kaisipan ng isang tao, o ang mga sandali ng pagkukunwari at panlilinlang. Gayunman, ano pa man ang mangyari sa iyo, kung nais mong sabihin ang katotohanan at maging isang tapat na tao, dapat ay kaya mong bitiwan ang iyong pride at banidad. Kapag hindi mo nauunawaan ang isang bagay, sabihin mong hindi mo nauunawaan; kapag hindi maliwanag sa iyo ang isang bagay, sabihin mong hindi ito maliwanag. Huwag kang matakot na hamakin ka ng iba o na maliitin ka ng iba. Sa pamamagitan ng palagiang pagsasalita mula sa puso at pagsasabi ng katotohanan sa ganitong paraan, matatagpuan mo ang kagalakan, kapayapaan, at ang pakiramdam ng paglaya sa puso mo, at hindi na maghahari sa iyo ang banidad at pride. Kanino ka man nakikipag-ugnayan, kung maipapahayag mo kung ano talaga ang iniisip mo, masasabi sa iba ang nilalaman ng puso mo, at hindi ka magpapanggap na alam mo ang mga bagay na hindi mo naman alam, iyan ay isang tapat na saloobin. Minsan, maaaring hamakin ka ng mga tao at tawagin kang hangal dahil palagi mong sinasabi ang katotohanan. Ano ang gagawin mo sa gayong sitwasyon? Dapat mong sabihin, “Kahit na tawagin akong hangal ng lahat, maninindigan ako na maging isang tapat na tao, at hindi isang mapanlinlang na tao. Magsasalita ako nang tapat at alinsunod sa mga katunayan. Bagamat ako ay marumi, tiwali, at walang halaga sa harapan ng Diyos, sasabihin ko pa rin ang katotohanan nang walang pagkukunwari o pagbabalat-kayo.” Kung magsasalita ka sa ganitong paraan, magiging matatag at payapa ang puso mo. Upang maging isang tapat na tao, dapat mong bitiwan ang iyong banidad at pride, at upang masabi mo ang katotohanan at maipahayag ang mga tunay mong damdamin, hindi mo dapat katakutan ang pangungutya at pang-aalipusta ng iba. Kahit na tratuhin ka ng iba na parang isang hangal, hindi ka dapat makipagtalo o hindi mo dapat ipagtanggol ang sarili mo. Kung maisasagawa mo ang katotohanan sa ganitong paraan, ikaw ay magiging isang tapat na tao. Kung hindi mo bibitiwan ang mga kagustuhan ng laman, at banidad at pride, kung lagi mong hinahanap ang pagsang-ayon ng iba, nagkukunwaring alam mo ang hindi mo alam, at namumuhay alang-alang sa banidad at pride, kung gayon, hindi ka magiging matapat na tao—ito ay praktikal na paghihirap. Kung ang puso mo ay palaging napipigilan ng banidad at pride, malamang magsisinungaling ka at magpapanggap. Dagdag pa rito, kapag minaliit ka ng iba o inilantad nila ang totoo mong sarili, mahihirapan kang tanggapin ito, at mararamdaman mo na nagdusa ka ng malaking kahihiyan—mamumula ang mukha mo, bibilis ang tibok ng puso mo, at mababalisa ka at hindi mapapakali. Para malutas ang problemang ito, kakailanganin mong magtiis ng kaunti pang pasakit at dumaan sa ilan pang pagdadalisay. Kakailanganin mong maunawaan kung saan nakasalalay ang ugat ng problema, at sa sandaling maunawaan mo nang malinaw ang mga usaping ito, magagawa mong bawasan nang kaunti ang pasakit mo. Kapag lubos mong naunawaan ang mga tiwaling disposisyong ito at kaya mong talikuran ang banidad at pride mo, magiging mas madali para sa iyo na maging isang matapat na tao. Hindi mo na iindahin kung kukutyain ka ng ibang tao kapag nagsasabi ka ng katotohanan at nagpapahayag ng iyong saloobin, at paano ka man husgahan o tratuhin ng iba, makakaya mong pasanin ito at tumugon nang tama. Pagkatapos, magiging malaya ka sa pagdurusa, at palaging magiging panatag at masaya ang puso mo, at makakamit mo ang kalayaan at kasarinlan. Sa paraang ito, maiwawaksi mo ang katiwalian at maisasabuhay mo ang wangis ng tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Paano Lulutasin ang Problema sa Pagsisinungaling at Pandaraya?

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Dapat Kang Maging Matapat Upang Maligtas

Kung Paano Ko Nilutas ang Aking Katusuhan at Panlilinlang

Kaugnay na mga Himno

Pinagpapala ng Diyos Yaong mga Matapat

Dapat Tanggapin ng mga Tao ang Pagsisiyasat ng Diyos sa Lahat ng Ginagawa Nila

Napakagalak na Maging Taong Tapat

Sinundan: 30. Bakit kailangang maging matapat na tao upang matamo ang kaligtasan

Sumunod: 32. Paano tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 16: Sabi n’yo ang Makapangyarihang Diyos ang pagpapakita ng Diyos sa mga huling araw, at ang tunay na daan. Sinasabi n’yo rin na ang Diyos ang lumikha sa mundong ito, at naghahari sa kung anong nangyayari sa daigdig, na ang gawain ng Diyos ang gumabay at nagligtas sa sangkatauhan. Ano ang basehan n’yo para patotohanan ang mga sinasabi n’yo? Kaming mga taga-Partido Komunista ay pawang mga ateista, at hindi kumikilala sa pag-iral ng Diyos o sa paghahari Niya sa lahat. Lalong hindi namin kinikilala ang sinasabi n’yong pagpapakita at gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang Jesus na pinaniniwalaan ng Kristiyanismo ay malinaw na isang tao. May mga magulang Siya, at may mga kapatid. Ganunpaman, ang Kristiyanismo ay malinaw na nag-uutos na kilalanin Siyang Cristo, at sambahin bilang Diyos. Talagang hindi ito kapani-paniwala. Kagaya lang ni Jesus ang Makapangyarihang Diyos na pinaniniwalaan N’yo, malinaw na isa lang s’yang ordinaryong tao. Kaya bakit kailangan ninyong ipilit na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao? Bakit kailangan n’yong patotohanan na Siya ang Cristong Tagapagligtas ng mga huling araw na naging tao? Talagang kalokohan at kabaliwan ito hindi ba? Hindi totoo na mayroong Diyos sa mundong ito. Lalong hindi totoo na may umiiral na Diyos bilang Diyos na nagkatawang-tao. Buong tapang ninyong sinasabing ang isang ordinaryong tao ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Ano ang basehan ng sinasabi n’yong ito? Maipahahayag n’yo ba ang mga saligan, at basehan ng inyong paniniwala?

Sagot: Espiritu ang Diyos. Hindi Siya nakikita o nahahawakan ng tao. Pero maraming ginagawa ang Espiritu ng Diyos, at nagsasabi ng mga...

Tanong 7: Ang CCP ay isang rebolusyonaryong partido. Ang pinaniniwalaan nito ay kabastusan at karahasan, ibig sabihin, pag-agaw sa kapangyarihan nang may karahasan! Kung tatanggapin natin ang katwiran ng CCP, “Ang isang kasinungalingan ay nagiging katotohanan kung uulit-ulitin nang sampung libong beses.” Gaano man karaming tao ang nagdududa sa salita nito, tumatanggi at hindi naniniwala rito, walang pakialam ang CCP kahit bahagya, at patuloy pa rin itong nagsisinungaling at nanlilinlang. Basta’t makakamtan nito ang mga agarang epekto at minimithi nito, wala itong pakialam sa magiging kapalit! Kung magrebelde at magprotesta ang mga tao laban dito, gagamit ito ng mga tangke at machine gun para lutasin ang lahat. Kapag kailangan, gagamit ito ng mga bomba atomika at missile para labanan ang mga puwersa ng kalaban. Maaaring gawin ng CCP ang lahat para manatili ito sa paghahari. Nang ipahayag sa publiko ang kaso sa Zhaoyuan sa Shandong, ang CCP ay nagpasimula ng maramihang pagpapadala ng mga sandatahang pulis para supilin at arestuhin ang mga Kristiyano anuman ang mangyari. Sino ang makakapigil dito? Sino ang nangahas na lumaban? Kahit nang makita ng mga dayuhan ang panloloko ng CCP, ano ang magagawa nila? Maraming paraan ang CCP para labanan ang pagtuligsa ng mga demokratikong puwersa ng mga taga-Kanluran. Gumagamit ito ng pera para ayusin ang lahat. May kasabihan nga na, “Sinumang tumanggap ng regalo ay ibinebenta ang kanyang kalayaan.” Paunti nang paunti ang mga bansang tumutuligsa sa CCP ngayon. Takot ang puwersa ng mga kaaway ng CCP na iparinig ang kanilang opinyon. Paano man n’yo ito sabihin, naigigiit pa rin ng CCP ang paghahari nito. Hangga’t may kapangyarihan ang Communist Party, kayong mga nananalig sa Diyos ay hindi makakaasang maging malaya! Ang pagpapakita at gawain ng Diyos sa China ay talagang kamumuhian at ipagbabawal ng CCP. Makamtan man ng CCP ang mithiin nitong magbuo ng ateismo sa China o hindi, hindi ito titigil kailanman sa pag-aresto at pagsupil sa inyo! Matagal na itong malinaw sa akin. Kaya nga tinututulan kong mabuti ang pananalig n’yo sa Makapangyarihang Diyos. Para sa kapakanan n’yo ’yan, hindi n’yo ba nauunawaan?

Sagot: Napakasama ng CCP, pero umuunlad pa rin ito sa mundo at walang nangangahas na hadlangan ito. Ibig kayang sabihin n’yan ay permanente...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito