3. Ang mga mananampalatayang Katoliko ay nakikinig sa mga pari, ang mga pari ay nakikinig sa mga obispo, at ang mga obispo ay nakikinig sa Santo Papa. Gaano mo man kahusay na ibahagi ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, maliban kung ipahayag ng Santo Papa at ng mga pari ang pagdating ng Panginoon, hindi namin ito matatanggap—kaming mga Katoliko ay nakikinig sa mga pari at sa Santo Papa.
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Dapat muna kaming magsitalima sa Diyos bago sa mga tao” (Mga Gawa 5:29).
“Ang mga tao ay hindi bumabaling sa Kanya na humahampas sa kanila, ni hinanap si Jehova ng mga hukbo. Kaya’t puputulin ni Jehova sa Israel ang ulo’t buntot, ang sanga ng palma at ang tambo, sa isang araw. Ang matanda at ang marangal na tao, siya ang ulo; at ang propeta na nagtuturo ng mga kabulaanan, siya ang buntot. Sapagkat silang mga namumuno sa mga taong ito ay siyang nangliligaw; at silang pinamumunuan ay nawawasak” (Isaias 9:13–16).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Hindi nagmamahal sa katotohanan ang ilang tao, lalo na sa paghatol. Sa halip, nagmamahal sila sa kapangyarihan at mga kayamanan; ang mga taong ganoon ay tinatawag na mga mapaghanap ng kapangyarihan. Hinahanap lamang nila ang mga denominasyon sa mundo na may kapangyarihan, at hinahanap lamang nila ang mga pastor at mga gurong galing sa mga seminaryo. Bagaman tinanggap na nila ang daan ng katotohanan, hindi sila lubos na nananampalataya, at wala silang kakayahang ibigay ang buong puso at isip nila; ang mga bibig nila ay bumibigkas ng mga salita ng paggugol ng mga sarili nila para sa Diyos, ngunit ang kanilang mga mata ay nakatuon sa mga dakilang pastor at guro, at hindi nila sinusulyapang muli si Cristo. Ang isipan nila ay puno ng mga kaisipan ng kasikatan, pakinabang, at kaluwalhatian. Hindi sila naniniwalang ang isang ganoon kaliit na tao ay may kakayahang lupigin ang napakarami, na ang isang taong hindi kapansin-pansin ay kayang maperpekto ang tao. Iniisip nilang imposibleng ang mga hamak na ito na kasama ng alikabok at mga tambak ng dumi ay ang mga taong hinirang ng Diyos. Naniniwala silang kung ang gayong mga tao ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos, ang langit at lupa ay mababaliktad, at ang lahat ng tao ay tatawa nang tatawa. Naniniwala silang kung pinili ng Diyos ang gayong mga tao upang gawing perpekto, kung gayon ang mga dakilang taong iyon ay magiging Diyos Mismo. Ang mga pananaw nila ay may bahid ng kawalan ng pananampalataya; higit pa sa hindi pananampalataya, sila ay mga walang katwirang hayop lamang. Sapagkat pinahahalagahan lamang nila ang katayuan, katanyagan, at kapangyarihan, at pinahahalagahan lamang nila ang malalaking grupo at denominasyon, at wala silang ni katiting na pagpapahalaga sa mga inakay ni Cristo. Sila ay mga nagkakanulo lamang na tumalikod kay Cristo, sa katotohanan, at sa buhay.
Hindi mo hinahangaan ang pagpapakumbaba ni Cristo, pero pinagpipitagan mo ang mga huwad na pastol na iyon na may prominenteng katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, pero kinagigiliwan mo iyong mahahalay na nakikisabay sa karumihan ng mundo. Ngumingisi ka lang sa pasakit ni Cristo ng kawalan ng lugar na mapagpahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na naghahanap ng mga handog at namumuhay sa kahalayan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masaya mong inihahagis ang sarili mo sa mga bisig ng mga walang habas at sutil na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang mga puwersa. Gayumpaman, patuloy mong tinataglay ang saloobin na nahihirapan kang tanggapin ang gawain ni Cristo at ayaw mo itong tanggapin. Ito ang tanging dahilan kung bakit sinasabi Kong wala kang pananalig na kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nangingibabaw sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at kamay. Sa puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Sa puso mo, habambuhay Siyang hindi mahalaga, habambuhay na hindi karapat-dapat na katakutan. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensiya, at malayo sa pagiging matayog.
Ano’t anuman, sinasabi Kong ang lahat ng hindi nagpapahalaga sa katotohanan ay mga hindi mananampalataya at mga nagkakanulo sa katotohanan. Ang mga gayong tao ay hindi kailanman makatatanggap ng pagsang-ayon ni Cristo. Natukoy mo na ba ngayon kung gaano kalaki ang kawalan ng pananampalatayang nasa kalooban mo, at kung gaano kalaki ang pagkakanulo kay Cristo na mayroon ka? Ikaw ay Aking hinihikayat nang ganito: Dahil pinili mo na ang daan ng katotohanan, dapat mong ilaan ang sarili mo nang buong puso; huwag kang mag-alinlangan o maging hindi buo ang loob. Dapat mong maunawaan na ang Diyos ay hindi Diyos ng mundo ni ng sinumang iisang tao, kundi Diyos ng lahat ng totoong nananampalataya sa Kanya, ng lahat ng sumasamba sa Kanya, at ng lahat ng mga deboto at tapat sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?
Masdan mo ang mga lider ng bawat relihiyon at bawat denominasyon—lahat sila ay mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at binibigyang-kahulugan nila ang Bibliya nang wala sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Lahat sila ay umaasa sa mga kaloob at kaalaman sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila ay wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kunsabagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at makakapangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano makaakit ng iba at kung paano gumamit ng ilang panlalansi. Ginagamit nila ang mga bagay na ito para linlangin ang mga tao, at para dalhin ang mga tao sa harapan nila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay naniniwala sa Diyos, ngunit sa realidad, sinusunod nila ang mga lider na ito. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila ay nagsasabing, “Kailangang konsultahin namin ang aming lider tungkol sa mga usapin ng pananalig.” Tingnan kung paanong kailangan ng mga tao ang pagpayag at pagsang-ayon ng iba pagdating sa pananalig sa Diyos at pagtanggap sa tunay na daan—hindi ba ito problema? Nagiging ano na kung gayon ang mga lider na iyon? Hindi ba sila nagiging mga Pariseo, huwad na mga pastol, mga anticristo, at mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan? Ang ganyang mga tao ay kapareho ng uri ni Pablo. … Noon, hindi mahigpit ang Diyos sa mga tao, tunay man o hindi ang kanilang pananampalataya sa Kanya, sumunod man sila sa iba, o hindi man nila hinangad ang katotohanan, dahil pauna na Niyang inorden na, sa huling yugto, ang lahat ng paunang itinadhana at hinirang Niya ay kailangang humarap sa Kanya at tumanggap ng Kanyang paghatol. Kung, pagkatapos tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, ang mga tao ay patuloy pa ring sasamba at susunod sa iba, kung hindi nila hahangarin ang katotohanan at sa halip ay hahangarin ang mga pagpapala at korona, kung gayon ito ay hindi mapapatawad. Ang mga gayong tao ay pareho ng kay Pablo ang magiging katapusan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Iyong mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay laging sumusunod sa iba: Kung sinasabi ng mga tao na ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ikaw man ay magsasabi rin na ito ay gawain ng Banal na Espiritu; kung sinasabi ng mga tao na ito ay gawain ng masamang espiritu, mag-aalinlangan ka na rin o sasabihin din na ito ay gawain ng masamang espiritu. Lagi mong ginagaya ang mga sinasabi ng iba, at hindi mo kayang kumilatis mag-isa ng kaibhan ng kahit ano, ni hindi mo kayang mag-isip para sa iyong sarili. Ito ay isang tao na walang paninindigan, na walang pagkilatis—ang gayong tao ay walang-kuwentang kaawa-awa! Lagi mong inuulit ang mga sinasabi ng iba: Sinasabi ngayon na ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ngunit malamang na balang araw ay may magsasabi na hindi ito gawain ng Banal na Espiritu, at na ito sa katunayan ay walang iba kundi mga gawa ng tao—ngunit hindi mo ito makilatis, at kapag nasaksihan mong sinasabi ito ng iba, sinasabi mo rin ang gayong bagay. Ito ay talagang gawain ng Banal na Espiritu, ngunit sinasabi mo na gawain ito ng tao; hindi ba’t naging isa ka sa mga lumalapastangan laban sa gawain ng Banal na Espiritu? Sa bagay na ito, hindi ba’t sumasalungat ka sa Diyos dahil wala kang pagkilatis? Marahil, may isang hangal na susulpot isang araw at magsasabing “ito ay gawain ng masamang espiritu,” at kapag narinig mo ang mga salitang ito, hindi mo na alam ang gagawin, at muli kang mapipigilan ng mga sinasabi ng iba. Tuwing may nagpapasimuno ng ligalig, hindi mo magawang manindigan, at ito ay dahil hindi mo taglay ang katotohanan. Ang paniniwala sa Diyos at paghahangad na makilala ang Diyos ay hindi isang madaling bagay. Hindi matatamo ang mga bagay na ito sa pagtitipon-tipon lamang at pakikinig sa mga sermon, at hindi ka mapeperpekto sa pamamagitan ng bugso ng damdamin lamang. Dapat mong maranasan, at malaman, at magtaglay ng prinsipyo sa iyong mga pagkilos, at makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag sumailalim ka na sa mga karanasan, makakaya mong kilalanin ang maraming bagay—makakaya mong kilalanin ang pagkakaiba ng mabuti at masama, ng katarungan at kabuktutan, ng kung ano ang sa laman at dugo at kung ano ang sa katotohanan. Dapat mong makilala ang pagkakaiba ng mga bagay na ito, at sa pagsasagawa nito, anuman ang mangyari, hindi ka kailanman maliligaw. Ito lamang ang iyong totoong katayuan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos
Ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay dapat magpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya. Huwag mong itaas o tingalain ang sinumang tao; huwag ilagay sa una ang Diyos, ipangalawa ang mga tao na iyong tinitingala, at ipangatlo ang iyong sarili. Walang sinumang taong dapat magkaroon ng lugar sa iyong puso, at hindi mo dapat isaalang-alang ang mga tao—lalo na ang mga pinag-aalayan mo ng benerasyon—na kapareho ng Diyos, na Kanyang kapantay. Hindi ito matatagalan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian
Ang pinakamahalaga sa pagsunod sa Diyos ay na dapat alinsunod ang lahat sa mga pinakabagong salita ng Diyos: Maging ikaw man ay naghahangad ng buhay pagpasok o na tugunan ang mga layunin ng Diyos, ang lahat ay dapat nakasentro sa mga pinakabagong salita ng Diyos. Kung ang iyong ibinabahagi at hinahangad na pasukin ay hindi nakasentro sa mga pinakabagong salita ng Diyos, isa kang estranghero sa mga salita ng Diyos, at ganap na walang gawain ng Banal na Espiritu. Ang gusto ng Diyos ay ang mga taong sumusunod sa Kanyang mga yapak. Gaano man kahanga-hanga at kadalisay ang naunawaan mo noon, hindi ito gusto ng Diyos, at kung hindi mo magagawang isantabi ang gayong mga bagay, ang mga ito ay magiging napakalaking hadlang sa iyong pagpasok sa hinaharap. Lahat niyaong nagagawang sumunod sa kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Sinundan din ng mga tao sa mga kapanahunang lumipas ang mga yapak ng Diyos, ngunit hindi sila nakasunod hanggang sa kasalukuyan; ito ang pagpapala ng mga tao sa mga huling araw. Yaong mga nagagawang sumunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, at nagagawang sumunod sa mga yapak ng Diyos, na sumusunod sa Diyos saanman Niya sila akayin—ito ang mga tao na pinagpala ng Diyos. Yaong mga hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi pa nakapasok sa gawain ng mga salita ng Diyos, at gaano man sila gumawa, o gaano man katindi ang kanilang pagdurusa, o gaano man sila magparoo’t parito, walang anuman dito ang may kabuluhan sa Diyos, at hindi Niya sila sasang-ayunan. Sa ngayon, lahat ng sumusunod sa pinakabagong mga salita ng Diyos ay nasa daloy ng Banal na Espiritu; yaong mga estranghero sa mga pinakabagong salita ng Diyos ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang gayong mga tao ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. … Ang “pagsunod sa gawain ng Banal na Espiritu” ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa mga kasalukuyang layunin ng Diyos, ang magawang kumilos alinsunod sa kasalukuyang mga hinihingi ng Diyos, ang magawang magpasakop at sundan ang Diyos sa kasalukuyan, at ang pagpasok alinsunod sa pinakabagong mga pagbigkas ng Diyos. Tanging ito ang isang tao na sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu at nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang gayong mga tao ay hindi lamang may kapabilidad na matanggap ang pagsang-ayon ng Diyos at makita ang Diyos, kundi malalaman din nila ang disposisyon ng Diyos mula sa pinakabagong gawain ng Diyos, at malalaman din ang mga kuru-kuro at pagrerebelde ng tao, at kalikasan at diwa ng tao, mula sa Kanyang pinakabagong gawain; bukod dito, nagagawa nilang unti-unting matamo ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa panahon ng kanilang paglilingkod. Ang mga tao lamang na kagaya nito ang nagagawang kamtin ang Diyos, at tunay na nakasumpong na sa tunay na daan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak
Ang pinakamabuting gawin ng mga taong nagsasabi na sumusunod sila sa Diyos ay imulat ang kanilang mga mata at tumingin nang husto upang makita kung sino talaga ang pinaniniwalaan nila: Ang Diyos ba talaga ang pinaniniwalaan mo, o si Satanas? Kung alam mo na hindi ang Diyos ang pinaniniwalaan mo, kundi ang sarili mong mga idolo, ang pinakamabuting gawin ay huwag mong sabihin na isa kang mananampalataya. Kung talagang hindi mo alam kung sino ang iyong pinaniniwalaan, muli, ang pinakamabuting gawin ay huwag mong sabihin na isa kang mananampalataya. Ang pagsasabi niyon ay kalapastanganan! Walang sinumang pumipilit sa iyo na manampalataya sa Diyos. Huwag ninyong sabihing nananampalataya kayo sa Akin; sawa na Ako sa ganyang pananalita, at ayaw Ko nang marinig iyong muli, dahil ang sinasampalatayanan ninyo ay ang mga idolo sa inyong puso at ang lokal na mga maton sa inyo. Lahat ng umiiling kapag naririnig nila ang katotohanan, na ngumingisi kapag nakakarinig sila ng tungkol sa kamatayan, ay mga supling ni Satanas, at sila iyong ititiwalag. Marami sa iglesia ang hindi makakilatis. Kapag nangyayari ang mga insidente kung saan nalilihis ang mga tao, mapagpumilit na pumapanig sila kay Satanas; pakiramdam pa nga nila ay labis silang naaagrabyado na tinatawag silang mga alipin ni Satanas. Bagama’t maaaring sabihin ng mga tao na hindi sila makakilatis, lagi silang nasa panig na walang katotohanan, hindi sila pumapanig sa katotohanan kailanman sa kritikal na panahon, hindi sila tumatayo at nakikipagtunggali kailanman para sa katotohanan. Wala ba talaga silang pagkilatis? Bakit mapagpumilit silang pumapanig kay Satanas? Bakit hindi sila nagsasabi kailanman ng isang salitang makatarungan o makatwiran para suportahan ang katotohanan? Talaga bang nangyari ang sitwasyong ito dahil sa panandalian nilang kalituhan? Kapag mas kaunting pagkilatis ang mayroon ang mga tao, mas hindi nila nagagawang pumanig sa katotohanan. Ano ang ipinapakita nito? Hindi ba nito ipinapakita na gustong-gusto ng mga taong walang pagkilatis ang kasalanan? Hindi ba nito ipinapakita na sila ay ang mga tapat na supling ni Satanas? Bakit ba palagi nilang nagagawang pumanig kay Satanas at umayon sa salita nito? Bawat salita at gawa nila, ang mga ekspresyon sa kanilang mga mukha, ay sapat na lahat upang patunayan na hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan; sa halip, sila ay mga taong namumuhi sa katotohanan. Sapat nang kaya nilang pumanig kay Satanas upang patunayan na talagang mahal ni Satanas ang walang-kuwentang mga diyablong ito na ginugugol ang kanilang buhay sa pakikipaglaban para sa kapakanan ni Satanas. Hindi ba napakalinaw ng lahat ng katotohanang ito? Kung talagang isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, bakit wala kang pagpapahalaga sa mga nagsasagawa ng katotohanan, at bakit ka sumusunod kaagad sa mga hindi nagsasagawa ng katotohanan kapag tiningnan ka nila nang bahagya? Anong klaseng problema ito? Wala Akong pakialam kung may pagkilatis ka o wala. Wala Akong pakialam kung malaki ang halagang ibinayad mo. Wala Akong pakialam kung malakas ang mga puwersa mo, at wala Akong pakialam kung isa kang lokal na maton o isang lider na tagadala ng bandila. Kung malakas ang mga puwersa mo, dahil lamang iyon sa tulong ng lakas ni Satanas. Kung mataas ang iyong prestihiyo, dahil lamang iyon sa napakarami sa paligid mo ang hindi nagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi ka pa napapatalsik, dahil iyon sa hindi pa panahon para sa gawain ng pagpapatalsik; sa halip, ito ang panahon para sa gawain ng pagtitiwalag. Hindi kailangang magmadaling patalsikin ka ngayon. Naghihintay lamang Ako sa pagdating ng araw na iyon na maparusahan kita kapag naitiwalag ka na. Sinumang hindi nagsasagawa ng katotohanan ay ititiwalag!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan