1. Bakit dapat manalig ang mga tao sa Diyos?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa” (Genesis 1:1).
“At sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon ng liwanag;’ at nagkaroon ng liwanag. At nakita ng Diyos ang liwanag, na ito ay mabuti, at inihiwalay ng Diyos ang liwanag sa kadiliman. At tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, at tinawag Niya ang kadiliman na Gabi. At nagkahapon at nagkaumaga ang unang araw” (Genesis 1:3–5).
“At sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapwa tubig.’ At ginawa ng Diyos ang kalawakan, at inihiwalay ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan, sa tubig na nasa itaas ng kalawakan: at nagkagayon” (Genesis 1:6–7).
“At sinabi ng Diyos, ‘Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako,’ at lumitaw ang tuyong lupain, at nagkagayon. At tinawag ng Diyos ang tuyong lupain na Lupa, at ang kapisanan ng tubig ay tinawag Niyang mga Dagat: at nakita ng Diyos na mabuti. At sinabi ng Diyos, ‘Sibulan ang lupa ng damo, pananim na nagkakabinhi, at punong kahoy na namumunga ayon sa kanyang pagkakahoy, na taglay ang kanyang binhi sa ibabaw ng lupa,’ at nagkagayon” (Genesis 1:9–11).
“At sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang maghiwalay ng araw sa gabi; at maging pinakatanda, at pinakabahagi ng panahon, ng mga araw at ng mga taon: At maging pinakatanglaw sa kalawakan ng langit, upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa:’ at nagkagayon” (Genesis 1:14–15).
“At sinabi ng Diyos, ‘Bukalan nang sagana ang tubig ng mga gumagalaw na nilikha na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa itaas ng lupa sa bukas na kalawakan ng himpapawid.’ At nilikha ng Diyos ang malalaking hayop sa dagat, at ang bawat may buhay na nilikha na gumagalaw, na ibinukal na sagana ng tubig, ayon sa kani-kanyang uri at ang lahat na may pakpak na ibon, ayon sa kani-kanyang uri: at nakita ng Diyos na ito ay mabuti” (Genesis 1:20–21).
“At sinabi ng Diyos, ‘Bukalan ang lupa ng mga may buhay na nilikha ayon sa kani-kanyang uri, ng bakahan at ng mga nilikha na umuusad, at ng mga hayop sa lupa, ayon sa kani-kanyang uri:’ at nagkagayon. At nilikha ng Diyos ang hayop sa lupa ayon sa kanyang uri, at ang bakahan ayon sa kanyang uri, at ang bawat umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kani-kanyang uri: at nakita ng Diyos na ito ay mabuti” (Genesis 1:24–25).
“At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa’t umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa. At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae” (Genesis 1:26–27).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang Diyos ang Siyang may kataas-taasang kapangyaihan sa lahat ng bagay at nangangasiwa sa lahat ng bagay. Nilikha Niya ang lahat ng narito, at pinangangasiwaan Niya ang lahat ng narito; kasabay nito, may kataas-taasang kapangyarihan siya sa lahat ng narito, at tinutustusan Niya ang lahat ng narito. Ito ang katayuan ng Diyos, at ang Kanyang pagkakakilanlan. Para sa lahat ng bagay at sa lahat ng narito, ang tunay na pagkakakilanlan ng Diyos ay ang Lumikha at ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay. Iyan ang pagkakakilanlan na taglay ng Diyos, na natatangi sa lahat ng bagay. Wala ni isa sa mga nilikha—sa sangkatauhan man o sa espirituwal na mundo—ang maaaring gumamit ng anumang kaparaanan o katwiran para magkunwaring Diyos o pumalit sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, sapagkat Siya lamang, sa lahat ng bagay, ang nagtataglay ng pagkakakilanlan, kapangyarihan, awtoridad, at kakayahang ito na magkaroon ng kataas-taang kapangyarihan sa lahat ng bagay: ang ating natatanging Diyos Mismo. Siya ay nabubuhay at naglalakad sa lahat ng bagay; maaari din Siyang umangat sa pinakamataas na lugar, sa ibabaw ng lahat ng bagay. Maaaring magpakumbaba Siya Mismo at maging tao, maging isa sa mga may laman at dugo, makaharap sa mga tao at makibahagi sa kanilang kaligayahan at kalungkutan, samantalang kasabay nito, inuutusan Niya ang lahat ng narito, at pinagpapasyahan ang kapalaran ng lahat ng narito at kung saang direksyon patungo ang lahat ng ito. Bukod pa riyan, ginagabayan Niya ang kapalaran ng buong sangkatauhan, at pinapatnubayan ang direksyon ng pag-usad ng sangkatauhan. Ang isang Diyos na tulad nito ay dapat sambahin, dapat magpasakop ang lahat sa Kanya, at kilalanin ng lahat ng taong may buhay. Sa gayon, saanmang grupo o uri ng sangkatauhan ka nabibilang, ang paniniwala sa Diyos, pagsunod sa Diyos, pagkatakot sa Diyos, pagtanggap sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at pagtanggap sa Kanyang mga pagsasaayos para sa iyong kapalaran ang tanging pagpipilian—ang kinakailangang pagpili—para sa sinumang tao, para sa sinumang may buhay.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X
Sa kalakhan ng sansinukob at ng kalangitan, di-mabilang na mga nilikha ang nabubuhay at nagpaparami, na sumusunod sa batas ng buhay sa isang walang katapusang siklo, at sumusunod sa isang tuntuning hindi nagbabago. Yaong mga namamatay ay dala-dala ang mga kuwento ng mga buhay na tao, at yaong mga buhay na tao ay inuulit ang parehong kalunos-lunos na kasaysayan ng mga pumanaw na. Kaya nga, hindi maiwasan ng sangkatauhan na tanungin: Bakit tayo nabubuhay? At bakit kailangan nating mamatay? Sino ang naghahari sa mundong ito? At sino ang lumikha ng sangkatauhang ito? Tunay bang nilikha ng kalikasan ang sangkatauhan? Kaya ba talagang kontrolin ng sangkatauhan ang kanyang sariling kapalaran? … Ito ang mga bagay na walang tigil na itinatanong ng sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon. Sa kasamaang-palad, habang mas nahuhumaling ang tao sa mga katanungang ito, mas nagkakaroon siya ng pagkauhaw sa siyensya. Handog ng siyensya ang panandaliang kaluguran at pansamantalang kasiyahan ng laman, ngunit hindi nito kayang palayain ang tao mula sa pag-iisa, pagkalumbay, at halos di-maitagong takot at kawalan ng magagawa sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Ginagamit lamang ng sangkatauhan ang kaalaman sa siyensya na nakikita ng kanyang mata at nauunawaan ng kanyang utak upang gawing manhid ang kanyang puso. Gayunma’y hindi sapat ang gayong kaalaman sa siyensya upang pigilan ang sangkatauhan sa pagsisiyasat sa mga hiwaga. Ganap na hindi alam ng sangkatauhan kung sino ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa sansinukob at sa lahat ng bagay, lalo na ang simula at hinaharap ng sangkatauhan. Ang tao ay nabubuhay lamang, nang sapilitan, sa gitna ng batas na ito. Walang makakatakas dito at walang makakapagpabago rito, sapagkat sa gitna ng lahat ng bagay at sa taas ng sansinukob ay Iisa lamang ang nagmumula sa walang hanggan hanggang walang hanggan na nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Siya Yaong hindi pa nakikita ng tao kailanman, Yaong hindi pa nakikilala ng sangkatauhan kailanman, na ang pag-iral ay hindi pa napaniwalaan ng sangkatauhan kailanman—gayunma’y Siya ang nagbuga ng hininga sa mga ninuno ng sangkatauhan at nagbigay ng buhay sa sangkatauhan. Siya Yaong nagtutustos at nangangalaga sa sangkatauhan, na nagpapahintulot na ang sangkatauhan ay umiral; at Siya Yaong nakagabay sa sangkatauhan hanggang ngayon. Higit pa rito, Siya at Siya lamang ang inaasahan ng sangkatauhan para sa pananatiling buhay. Siya ang nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at sa lahat ng nabubuhay sa sansinukob. Pinamamahalaan Niya ang apat na panahon, at Siya ang kumokontrol sa mga pagbabago ng hangin, nagyeyelong hamog, niyebe, at ulan. Siya ang nagdadala ng sikat ng araw sa sangkatauhan at nagpapasimula sa gabi. Siya ang naglatag ng langit at lupa, na nagbibigay sa tao ng mga kabundukan, lawa, at ilog, at lahat ng nabubuhay roon. Ang Kanyang mga gawa ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang kapangyarihan ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang karunungan ay nasa lahat ng dako, at ang Kanyang awtoridad ay nasa lahat ng dako. Bawat isa sa mga batas at tuntunin na ito ay kongkretong pagpapamalas ng Kanyang mga gawa, isang pagbubunyag ng Kanyang karunungan at awtoridad. Sino ang makatatakas mula sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? At sino ang makatatakas mula sa Kanyang mga pagsasaayos? Lahat ng bagay ay umiiral sa ilalim ng Kanyang paningin, at bukod pa rito, lahat ng bagay ay nabubuhay sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang Kanyang mga gawa at Kanyang kapangyarihan ay nag-iiwan sa sangkatauhan na walang pagpipilian kundi kilalanin na Siya ay totoong umiiral, pati na ang katunayan na nagtataglay Siya ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Wala maliban sa Kanya ang makapaghahari sa sansinukob, lalong walang makapaglalaan nang walang katapusan para sa sangkatauhang ito. Nagagawa mo mang kilalanin ang mga gawa ng Diyos, at nagagawa mo mang maniwala sa pag-iral ng Diyos, walang duda na ang Diyos ang nag-orden sa iyong kapalaran, at walang duda na ang Diyos ang Siyang palaging may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang Kanyang pag-iral at awtoridad ay hindi nakasalalay sa kung ang mga ito ay kinikilala at naiintindihan ng tao o hindi. Siya lamang ang nakakaalam ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng tao, at Siya lamang ang maaaring magpasya sa kapalaran ng sangkatauhan. Nagagawa mo mang tanggapin ang katunayan na ito, hindi na magtatagal bago masaksihan ng sangkatauhan ang lahat ng ito sa kanyang sariling mga mata, at ito ang katunayan na malapit nang isakatuparan ng Diyos. Ang sangkatauhan ay nabubuhay at namamatay sa ilalim ng mga mata ng Diyos. Ang tao ay nabubuhay para sa pamamahala ng Diyos, at ipinipikit ang kanyang mga mata sa pinakahuling pagkakataon para sa pamamahalang ito. Ang tao ay dumarating at umaalis nang paulit-ulit, paroo’t parito. Walang eksepsyon, lahat ng ito ay bahagi ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ng Kanyang pagsasaayos. Ang pamamahala ng Diyos ay patuloy na sumusulong; hindi ito kailanman tumigil. Papangyarihin Niyang malaman ng sangkatauhan ang Kanyang pag-iral, manampalataya sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mamasdan ang Kanyang mga gawa, at magbalik sa Kanyang kaharian. Ito ang Kanyang plano, at ang gawain na Kanyang pinamamahalaan sa loob ng libu-libong taon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos
Nilikha ng Diyos ang mundong ito, nilikha Niya ang sangkatauhang ito at, bukod dito, Siya ang arkitekto ng sinaunang kulturang Griyego at ng sibilisasyon ng tao. Ang Diyos lamang ang umaalo sa sangkatauhang ito, at ang Diyos lamang ang nagbabantay sa sangkatauhang ito gabi at araw. Ang pag-unlad at pagsulong ng tao ay hindi mapaghihiwalay mula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang kasaysayan at hinaharap ng sangkatauhan ay hindi makakatakas mula sa mga pagsasaayos na ginagawa ng mga kamay ng Diyos. Kung isa kang tunay na Kristiyano, tiyak na maniniwala ka na ang pagbangon at pagbagsak ng anumang bansa o bayan ay nasasailalim sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ang Diyos lamang ang nakakaalam sa kapalaran ng anumang bansa o bayan, at ang Diyos lamang ang namamahala sa landasin ng sangkatauhang ito. Kung nais ng sangkatauhan na magkaroon ng isang magandang kapalaran, kung nais ng isang bansa na magkaroon ng isang magandang kapalaran, ang lahat ay dapat na magpatirapa sa Diyos at sumamba sa Kanya, at lumapit sa harap ng Diyos para magsisi at magtapat ng kasalanan sa Kanya, o kung hindi, ang magiging kapalaran at hantungan ng tao ay isang hindi maiiwasang kalamidad.
Magbalik-tanaw kayo sa panahon kung kailan binuo ni Noe ang arka: Ang sangkatauhan ay lubhang tiwali, at sila ay lumihis palayo mula sa mga pagpapala ng Diyos, hindi na binabantayan ng Diyos, at nawalan na ng mga ipinangako ng Diyos. Sila ay namumuhay sa kadiliman, nang wala ang liwanag ng Diyos. Pagkatapos, sila ay naging likas na mahalay, at masama hanggang sa antas na hindi na kaaya-ayang tingnan. Ang ganitong mga tao ay hindi na maaaring makatanggap ng pangako ng Diyos; hindi na sila karapat-dapat na makasaksi sa mukha ng Diyos o kaya ay makarinig sa tinig ng Diyos, sapagkat tinalikuran na nila ang Diyos, isinantabi na nila ang lahat ng Kanyang ipinagkaloob sa kanila, at kinalimutan na nila ang mga salita ng Diyos na nagtuturo. Ang kanilang puso ay lumihis nang papalayo nang papalayo mula sa Diyos at, pagkatapos nito, sila ay naging imoral hanggang sa puntong nawala na ang kanilang katwiran at pagkatao, at sumama na sila nang sumama. Pagkatapos, sila ay tumahak patungo sa kamatayan at sumailalim sa poot at kaparusahan ng Diyos. Si Noe lamang ang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, kung kaya’t narinig niya ang tinig ng Diyos at ang Kanyang mga tagubilin. Itinayo ni Noe ang arka ayon sa mga tagubilin ng salita ng Diyos, at tinipon doon ang lahat ng uri ng buhay na nilalang. At sa ganitong paraan, nang maihanda na ang lahat ng bagay, sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagwasak sa mundo. Si Noe lamang at ang pito pang miyembro ng kanyang pamilya ang nakaligtas sa pagkalipol, dahil sumamba si Noe kay Jehova at umiwas sa kasamaan.
Ngayon ay tingnan ninyo ang kasalukuyang panahon: Ang matutuwid na tao na kagaya ni Noe, na kayang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, ay hindi na umiiral. Ngunit ang Diyos ay nagpapakita pa rin ng kagandahang-loob sa sangkatauhang ito at nagpapakita pa rin ng pagpaparaya sa sangkatauhan sa huling kapanahunang ito. Hinahanap ng Diyos iyong mga nag-aasam na Siya ay magpakita, hinahanap iyong mga nakikinig sa Kanyang mga salita, hinahanap iyong mga hindi nakakalimot sa Kanyang atas at mga naghahandog ng kanilang puso at katawan sa Kanya, at hinahanap iyong mga kasingmapagpasakop at kasing-di-lumalaban ng mga sanggol sa Kanyang harapan. Kung ilalaan mo ang iyong sarili sa Diyos, nang hindi nahahadlangan ng anumang puwersa, tatratuhin ka ng Diyos nang may pabor at ipagkakaloob Niya sa iyo ang Kanyang mga pagpapala. Kung ikaw ay may mataas na katayuan, prestihiyosong reputasyon, saganang kaalaman, napakaraming ari-arian, at suporta ng maraming tao, subalit nananatili kang hindi nagugulo ng mga bagay na ito at humaharap ka pa rin sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang tawag at ang Kanyang atas at upang gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ang magiging pinakamakabuluhang misyon sa lupa at ang pinakamakatarungang gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos alang-alang sa katayuan o sarili mong mga layon, ang lahat ng iyong gagawin ay susumpain at, mas lalo na, kasusuklaman ng Diyos. Maaaring ikaw ay isang presidente, isang siyentipiko, isang pastor, o isang elder, ngunit gaano pa man kataas ang iyong katungkulan, kung gagamitin mo ang iyong abilidad at kaalaman para isakatuparan ang iyong sariling gawain, ikaw ay palaging magiging bigo, at palaging pagkakaitan ng mga pagpapala ng Diyos, sapagkat hindi tinatanggap ng Diyos ang anumang ginagawa mo, at hindi Niya kinikilala na ang iyong ginagawa ay makatarungan, o kinikilala na ikaw ay kumikilos para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Sasabihin Niya na ang lahat ng bagay na ginagawa mo ay gumagamit ng kaalaman at lakas ng tao upang subukang itulak palayo ang proteksyon ng Diyos sa tao, at na pagtatatwa ito sa mga pagpapala ng Diyos. Sasabihin Niya na dinadala mo ang sangkatauhan patungo sa kadiliman, patungo sa kamatayan, at patungo sa simula ng isang pag-iral na walang limitasyon kung saan walang Diyos ang tao at nawala sa tao ang Kanyang mga pagpapala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
Mula nang magsimula ang mga agham panlipunan, ang puso ng tao ay sinakop na ng agham at kaalaman. Pagkatapos nito, ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa paghahari sa sangkatauhan, na iniwan ang tao na walang sapat na puwang para sambahin ang Diyos, at na may mas kakaunting mga kondisyon na kapaki-pakinabang para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay bumaba nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung walang puwang para sa Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at hungkag. Pagkatapos nito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at politiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, ng teorya ng ebolusyon ng tao, at ng iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao, upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at ang Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga mito at alamat. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwawalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, at nagwawalang-bahala sa pag-iral ng Diyos at sa doktrina na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang pananatiling buhay ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bansa at mga bayan ay hindi na mahalaga sa kanila, at namumuhay ang tao sa isang hungkag na mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang nagkukusang hanapin kung saan ginagawa ngayon ng Diyos ang Kanyang gawain, o hanapin kung paanong Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan at ang nagsasaayos sa hantungan ng tao. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay nababawasan nang nababawasan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakasibilisadong bansa ay nagpapahayag ng mga ganitong hinaing. Sapagkat kung wala ang gabay ng Diyos, kahit pa pigain ng mga pinuno at sosyolohista ang mga utak nila para maingatan ang sibilisasyon ng tao, wala itong silbi. Walang tao ang makapupuno sa kahungkagan sa puso ng tao, dahil walang tao ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa mga problema ng kahungkagan. Ang agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, kasiyahan, at kaginhawahan ay nagdadala lamang ng pansamantalang konsuwelo sa tao. Kahit pa mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa pagiging hindi patas ng lipunan. Hindi mahahadlangan ng pagkakaroon ng mga bagay na ito ang pag-aasam at pagnanais ng tao na tumuklas. Ito ay dahil ang tao ay nilalang ng Diyos at ang mga walang katuturang sakripisyo at pagtuklas ng tao ay magdudulot lamang ng patindi nang patinding pagkabagabag sa tao, at magdulot na ang tao ay palagiang malagay sa pagkabalisa, nang hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap, hanggang sa puntong ang tao ay matakot na sa agham at kaalaman, at lalo nang matakot sa pakiramdam ng kahungkagan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bansa o sa isang bansa na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na tuklasin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan, lalo nang wala kang kakayahang takasan ang di-maipaliwanag na pakiramdam ng kahungkagan. Ang gayong mga penomeno, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyologo na mga panlipunang penomeno, ngunit walang dakilang tao ang maaaring lumitaw upang lutasin ang mga gayong problema. Kung tutuusin, ang tao ay tao, at ang katayuan at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinumang tao. Ang kailangan ng sangkatauhan ay hindi lang ang isang patas na lipunan kung saan ang lahat ng tao ay kumakain nang sapat, pantay-pantay, at malaya; ang kailangan ng sangkatauhan ay ang pagliligtas ng Diyos at ang Kanyang pagtutustos ng buhay sa kanila. Kapag natatanggap ng tao ang itinutustos na buhay ng Diyos at ang pagliligtas ng Diyos, saka lamang malulutas ang kanyang mga pangangailangan, pagnanais na tumuklas, at ang kahungkagan sa puso niya. Kung ang mga tao ng isang bansa o ng isang bayan ay hindi makatanggap ng pagliligtas at pagbabantay ng Diyos, ang gayong bansa o bayan ay uusad patungo sa paglubog, patungo sa kadiliman, at bilang resulta, lilipulin ito ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
Sa kalawakan ng mundo, ang mga karagatan ay nagiging mga kabukiran, at ang mga kabukiran ay nagiging mga karagatan, nang napakaraming beses. Maliban sa Kanya na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay sa gitna ng lahat ng bagay, walang sinuman ang may kakayahang umakay at gumabay sa sangkatauhang ito. Walang sinumang “makapangyarihang tao” ang nagpapakapagod o naghahanda para sa sangkatauhang ito, lalo nang walang sinumang nakakaakay sa sangkatauhang ito na kumilos tungo sa hantungan ng liwanag at lumaya sa mga kawalan ng katarungan ng mundo ng tao. Naghihinagpis ang Diyos sa kinabukasan ng sangkatauhan, nagdadalamhati Siya sa pagbagsak ng sangkatauhan, at nasasaktan Siya na hakbang-hakbang na naglalakad ang sangkatauhan patungo sa pagkabulok at sa landas na wala nang balikan. Wala pang sinumang nakaisip tungkol dito: Saan maaaring tumungo ang gayong sangkatauhan, na lubusang dumurog sa puso ng Diyos at tumalikod sa Kanya para hanapin ang masama? Ito mismo ang dahilan kung bakit walang sumusubok na damhin ang galit ng Diyos, kung bakit walang naghahanap sa daang nakakalugod sa Diyos o sumusubok na mapalapit sa Diyos, at lalong higit na walang sinuman ang nagtatangkang unawain ang pagdadalamhati at pasakit ng Diyos. Kahit matapos marinig ang tinig ng Diyos, ang tao ay nagpapatuloy sa sarili nitong landas, patuloy na tinatalikuran ang Diyos, umiiwas sa biyaya at kalinga ng Diyos, at lumalayo sa katotohanan ng Diyos, mas ginugustong ibenta ang sarili nito kay Satanas, ang kaaway ng Diyos. At sino na ang nakapag-isip, kapag nagpupumilit ang tao sa katigasan ng kanyang ulo, kung paano tatratuhin ng Diyos ang sangkatauhang ito na labis na nagbabalewala sa Kanya? Walang nakakaalam na ang dahilan ng paulit-ulit na mga paalaala at panghihikayat ng Diyos sa tao ay dahil inihanda na Niya sa Kanyang mga kamay ang mga kalamidad na wala pang katulad, mga kalamidad na hindi kakayanin ng katawan at kaluluwa ng tao, hindi lamang isang kaparusahan sa laman, kundi mga kaparusahan na pumupuntirya sa kaluluwa ng tao. Kailangan mong malaman ito: Anong klase ng galit ang pakakawalan ng Diyos kapag hindi natupad ang plano Niya, at kapag hindi nasuklian ang Kanyang mga paalaala at panghihikayat? Isang bagay ito na hindi pa kailanman naranasan o nalaman ng sinumang nilikha. Kaya sinasabi Ko, ang mga kalamidad na ito ay wala pang katulad, at hindi na mauulit kailanman. Sapagkat ang plano ng Diyos ay minsan lamang likhain ang sangkatauhan, at minsan lamang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang unang pagkakataon, at ito rin ang huli. Samakatwid, walang makakaunawa sa mga masidhing layunin at taimtim na pag-aasam ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pagkakataong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao
Nilikha ng Diyos ang mundong ito at dinala rito ang tao, isang buhay na nilalang na pinagkalooban Niya ng buhay. Pagkatapos, nagkaroon ng mga magulang at kamag-anak ang tao, at hindi na nag-iisa. Mula nang unang makita ng tao ang materyal na mundong ito, itinadhana siyang umiral sa loob ng pag-orden ng Diyos. Ang hininga ng buhay mula sa Diyos ang sumusuporta sa bawat nabubuhay na nilalang sa kanilang paglaki hanggang sa kanilang pag-abot sa hustong gulang. Sa panahon ng prosesong ito, walang nakadarama na umiiral at lumalaki ang tao sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos; sa halip, naniniwala siya na ang tao ay lumalaki sa ilalim ng biyaya ng pagpapalaki ng mga magulang, at na ang sarili niyang instinto sa buhay ang nag-uudyok sa kanyang paglaki. Ito ay dahil hindi alam ng tao kung sino ang nagkaloob ng buhay niya, o kung saan ito nanggaling, lalo nang hindi niya alam kung paano lumilikha ng mga himala ang instinto ng buhay. Ang alam lang niya ay na pagkain ang saligan ng pagpapatuloy ng kanyang buhay, na pagtitiyaga ang pinagmumulan ng pag-iral ng buhay niya, at na ang mga paniniwala sa kanyang isipan ang puhunan kung saan nakadepende ang kanyang pananatiling buhay. Tungkol sa biyaya at panustos ng Diyos, ganap na walang kamalayan ang tao, at sa ganitong paraan niya inaaksaya ang buhay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos…. Wala kahit isang tao, na binabantayan ng Diyos sa araw at gabi, ang nagkukusang sumamba sa Kanya. Ginagawa lang ng Diyos ang gawain sa tao, kung saan wala siyang mga ekspektasyon, gaya ng Kanyang pinlano. Ginagawa Niya iyon sa pag-asang balang araw, magigising ang tao mula sa panaginip nito at biglang matatanto ang halaga at kabuluhan ng buhay, ang halagang ibinayad ng Diyos para sa lahat ng Kanyang ipinagkaloob dito, at ang pananabik ng Diyos na masidhing nag-aasam na manumbalik ang tao sa Kanya. Wala pang sinumang sumuri sa mga lihim ukol sa pinagmulan at pagpapatuloy ng buhay ng tao. Diyos lamang, na nakauunawa sa lahat ng ito, ang tahimik na nagtitiis ng pasakit at mga dagok na idinudulot ng tao, na nakatanggap ng lahat mula sa Diyos ngunit walang utang na loob. Natural lang na tinatamasa ng tao ang lahat ng idinudulot ng buhay, at, gayundin, “natural lang” na ang Diyos ay ipinagkakanulo, kinakalimutan, at hinuhuthutan ng tao. Gayon kaya talaga kahalaga ang plano ng Diyos? Gayon kaya talaga kahalaga ang tao, ang buhay na nilalang na ito na nagmula sa kamay ng Diyos? Ang plano ng Diyos ay siguradong mahalaga; gayunman, ang buhay na nilalang na ito na nilikha ng kamay ng Diyos ay nabubuhay para sa kapakanan ng Kanyang plano. Samakatwid, hindi puwedeng sirain ng Diyos ang Kanyang plano dahil sa pagkamuhi sa sangkatauhang ito. Para sa kapakanan ng Kanyang plano at para sa hiningang inilabas Niya kaya tinitiis ng Diyos ang lahat ng pagdurusa, hindi para sa laman ng tao kundi para sa buhay ng tao. Ginagawa Niya iyon para mabawi hindi ang laman ng tao kundi ang buhay na inihinga Niya. Ito ang Kanyang plano.
Lahat ng dumarating sa mundong ito ay kailangang magdaan sa buhay at kamatayan, at karamihan sa kanila ay nagdaan na sa siklo ng kamatayan at muling pagsilang. Yaong mga nabubuhay ay malapit nang mamatay, at ang mga patay ay malapit nang magbalik. Lahat ng ito ay ang landas ng buhay na isinaayos ng Diyos para sa bawat buhay na nilalang. Ngunit ang landas at siklong ito ay ang mismong katunayan na nais ng Diyos na makita ng tao: na ang buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa tao ay walang katapusan, hindi nakagapos sa pagkapisikal, sa panahon, o sa espasyo. Ganoon ang misteryo ng buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa tao, at patunay na ang buhay ay nagmula sa Kanya. Bagama’t marami ang hindi naniniwala na ang buhay ng tao ay nagmula sa Diyos, hindi maiiwasang tinatamasa ng tao ang lahat ng nagmumula sa Diyos, pinaniniwalaan man niya o itinatatwa ang pag-iral ng Diyos. Kung sakaling dumating ang araw na biglang magbago ang isipan ng Diyos at naisin Niyang bawiin ang lahat ng umiiral sa lupa at ang buhay na ibinigay Niya, mawawala na ang lahat. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang buhay para tustusan ang lahat ng bagay, kapwa buhay at walang buhay, na dinadala ang lahat sa magandang kaayusan sa bisa ng Kanyang dakilang kapangyarihan at awtoridad—ito ay isang katunayan na walang makakaisip o makakaarok. Ang mga di-maarok na katunayang ito ang mismong pagpapamalas at katibayan ng puwersa ng buhay ng Diyos. Ngayon, may sasabihin Ako sa iyo na isang lihim: Ang kadakilaan at kapangyarihan ng buhay ng Diyos ay di-maarok ng sinumang nilikha. Gayon ito ngayon, tulad noon, at magkakagayon ito sa darating na panahon. Ang pangalawang lihim na ihahayag Ko ay ito: Ang pinagmulan ng buhay ng lahat ng nilalang ay ang Diyos; gaano man ang kanilang pagkakaiba sa anyo o kayarian ng buhay, at anumang uri sila ng buhay na nilalang, walang nilalang ang maaaring sumalungat sa landas ng buhay na itinakda ng Diyos. Sa anumang kaso, ang nais Ko lang ay maunawaan ito ng tao: Kung walang pangangalaga, proteksiyon, at panustos ng Diyos, hindi matatanggap ng tao ang lahat ng dapat niyang matanggap, gaano man siya kasigasig na sumusubok o kahirap na nakikibaka. Kung wala ang panustos ng buhay mula sa Diyos, nawawalan ang tao ng kahalagahan ng pagiging buhay at ng kabuluhan ng buhay. Paanong matutulutan ng Diyos ang tao, na pabayang nagsasayang sa halaga ng Kanyang buhay, na maging labis na walang inaalala? At tulad ng nasabi Ko dati: Huwag kalimutan na ang Diyos ang pinagmumulan ng iyong buhay. Kung mabigo ang tao na itangi ang lahat ng naipagkaloob ng Diyos, hindi lamang babawiin ng Diyos ang ibinigay Niya sa simula, kundi ay pagbabayarin Niya ang tao nang doble ng halaga ng lahat ng naibigay Niya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao
Ang sangkatauhan, na lumayo mula sa panustos ng buhay ng Makapangyarihan sa lahat, ay walang alam sa kung ano ang layunin ng kanilang pag-iral, subalit natatakot pa rin sa kamatayan. Wala silang tulong o masasandalan, ngunit atubili pa ring ipikit ang kanilang mga mata, at pinatatatag nila ang kanilang sarili upang itaguyod ang kanilang laman, na may mga espiritung walang pakiramdam, at umiiral sila sa isang buhay na walang dangal sa mundong ito. Sa ganitong paraan ka namumuhay, walang pag-asa, na tulad ng iba, walang layunin. Tanging ang Siyang Banal ng alamat ang magliligtas sa mga tao na, nananaghoy sa gitna ng kanilang pagdurusa, ay desperadong umaasam sa Kanyang pagdating. Ang gayong paniniwala ay matagal nang nananatiling hindi naisasakatuparan sa mga walang kamalayan. Gayumpaman, nananabik pa rin sila nang ganito. Ang Makapangyarihan sa lahat ay may habag sa mga taong ito na nagdusa nang labis; kasabay nito, nakakaramdam Siya ng pagtutol sa mga taong ito na talagang walang anumang kamalayan, dahil kailangan Niyang maghintay nang napakatagal bago Siya makatanggap ng sagot mula sa mga tao. Gusto Niyang maghanap, hanapin ang iyong puso at ang iyong espiritu, at dalhan ka ng tubig at pagkain, upang magising ka at hindi ka na mauhaw o magutom. Kapag pagod ka na at nararamdaman mo ang kaunti sa kapanglawan ng mundong ito, huwag kang magulumihanan, huwag manangis. Yayakapin ng Makapangyarihang Diyos, ang Tagapagbantay, ang iyong pagdating anumang oras. Siya ay nagbabantay sa iyong tabi. Siya ay naghihintay na bumalik ka, hinihintay ang araw na biglang babalik ang iyong alaala: kapag natanto mo na ikaw ay nagmula sa Diyos, at na sa hindi malamang panahon ay nawalan ka ng direksiyon, sa hindi malamang panahon ay nawalan ka ng malay sa daan, at sa hindi malamang panahon ay nagkaroon ka ng isang “ama”; kapag natanto mo, higit pa rito, na ang Makapangyarihan sa lahat ay palaging nagbabantay, naghihintay roon nang napakatagal na panahon sa iyong pagbabalik. Labis Siyang nananabik, naghihintay ng tugon na walang sagot. Ang Kanyang pagbabantay ay walang katumbas na anumang halaga, at ito ay para sa kapakanan ng puso at espiritu ng tao. Marahil ang Kanyang pagbabantay ay walang tiyak na katapusan, o marahil ito ay nagwakas na. Ngunit dapat mong malaman kung saan talaga naroroon ang iyong puso at espiritu sa mismong sandaling ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat