1. Nagpapatotoo ka na ang Panginoon ay naging tao, palihim na bumaba sa lupa, at nagsasagawa ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos. Paano ito naging posible? Malinaw na ipinopropesiya ng Biblia, “At kung magkagayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo’y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian(Mateo 24:30). “Narito, siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita siya ng bawa’t mata, at ng nangagsiulos sa kaniya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa kaniya(Pahayag 1:7). Naniniwala kami na kapag bumalik ang Panginoon, dapat Niyang gawin ito sa mga ulap at hayagan na magpapakita sa lahat ng mga tao. Gayunpaman nagpatotoo ka na ang Panginoon ay naging tao na at palihim na bumaba sa lupa, na kung saan ay ganap na naiiba sa aming pag-unawa. Anong nangyayari dito?

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“At kami ay mayroon ding mas siguradong salita ng hula; na mabuti ang inyong ginagawa kung ito’y inyong sinusundan, na gaya ng sa isang ilawang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso: Na maalaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag. Sapagka’t hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga taong banal ay nagsalita buhat sa Diyos, na nangaudyukan ng Banal na Espiritu” (2 Pedro 1:19–21).

“Narito, Ako’y pumaparitong gaya ng magnanakaw. Mapalad siyang nagpupuyat, at nag-iingat ng kaniyang mga damit, na baka siya’y lumakad na hubad, at makita nila ang kaniyang kahihiyan” (Pahayag 16:15).

“Kaya’t kung hindi ka magpupuyat ay paririyan Akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong panahon paririyan Ako sa iyo” (Pahayag 3:3).

“Kayo rin naman ay mangagsihanda: sapagka’t sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating” (Lucas 12:40).

“Sapagka’t gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa Kaniyang kaarawan. Datapuwa’t kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito” (Lucas 17:24–25).

“Datapuwa’t pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin Siya” (Mateo 25:6).

“Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig ng Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko” (Pahayag 3:20).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Sa loob ng ilang libong taon, pinanabikan na ng tao na masaksihan ang pagdating ng Tagapagligtas. Pinanabikan na ng tao na mamasdan si Jesus na Tagapagligtas sakay ng isang puting ulap habang Siya ay bumababa, nang personal, sa gitna ng mga nanabik at naghangad sa Kanya sa loob ng libu-libong taon. Hinangad na rin ng tao na bumalik ang Tagapagligtas at muli nilang makasama; ibig sabihin, inasam nilang bumalik si Jesus na Tagapagligtas, na nahiwalay sa mga tao sa loob ng libu-libong taon, at muling isakatuparan ang gawain ng pagtubos na Kanyang ginawa sa mga Judio, maging mahabagin at mapagmahal sa tao, patawarin ang mga kasalanan ng tao at pasanin ang mga kasalanan ng tao, at pasanin maging ang lahat ng paglabag ng tao at palayain ang tao mula sa kasalanan. Ang pinananabikan ng tao ay ang maging katulad ng dati si Jesus—isang Tagapagligtas na kaibig-ibig, mabait, at kapita-pitagan, na hindi kailanman napopoot sa tao, at hindi kailanman sinasaway ang tao, kundi pinatatawad at pinapasan ang lahat ng kasalanan ng tao, at mamamatay pa sa krus, tulad ng dati, para sa tao. Mula nang lumisan si Jesus, ang mga disipulong sumunod sa Kanya, gayundin ang lahat ng banal na naligtas salamat sa Kanyang pangalan, ay desperadong nananabik sa Kanya at naghihintay sa Kanya. Lahat ng naligtas sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo sa Kapanahunan ng Biyaya ay matagal nang nananabik sa masayang araw na yaon sa mga huling araw kung kailan si Jesus na Tagapagligtas ay bababa sakay ng isang puting ulap upang humarap sa lahat ng tao. Mangyari pa, ito rin ang sama-samang inaasam ng lahat ng tumatanggap sa pangalan ni Jesus na Tagapagligtas ngayon. Lahat sa buong sansinukob na nakakaalam sa pagliligtas ni Jesus na Tagapagligtas ay matagal nang desperadong nananabik na biglang dumating si Jesucristo upang tuparin ang sinabi ni Jesus habang nasa lupa: “Babalik Ako tulad ng Aking paglisan.” Naniniwala ang tao na, kasunod ng pagkapako sa krus at pagkabuhay na mag-uli, bumalik si Jesus sa langit sakay ng isang puting ulap upang umupo sa Kanyang lugar sa kanang kamay ng Kataas-taasan. Sa gayon ding paraan, bababang muli si Jesus sakay ng isang puting ulap (ang ulap na ito ay tumutukoy sa ulap na sinakyan ni Jesus nang bumalik Siya sa langit), sa mga taong matagal nang desperadong nananabik sa Kanya sa loob ng libu-libong taon, at na tataglayin Niya ang imahe at pananamit ng mga Judio. Matapos magpakita sa tao, pagkakalooban Niya sila ng pagkain, at pabubukalin ang tubig na buhay para sa kanila, at mamumuhay Siya sa piling ng tao, puspos ng biyaya at puspos ng pagmamahal, buhay at tunay. Ang lahat ng gayong kuru-kuro ang pinaniniwalaan ng mga tao. Subalit hindi ito ginawa ni Jesus na Tagapagligtas; ginawa Niya ang kabaligtaran ng inakala ng tao. Hindi Siya dumating sa mga naghangad sa Kanyang pagbalik, at hindi Siya nagpakita sa lahat ng tao habang nakasakay sa puting ulap. Dumating na Siya, ngunit hindi alam ng tao, at nananatili silang walang alam. Naghihintay lamang ang tao sa Kanya nang walang layon, nang hindi namamalayan na bumaba na Siya sakay ng isang “puting ulap” (ang ulap na Kanyang Espiritu, Kanyang mga salita, Kanyang buong disposisyon at lahat ng kung ano Siya), at ngayon ay kasama ng isang grupo ng mga mananagumpay na Kanyang gagawin sa mga huling araw. Hindi ito alam ng tao: Sa kabila ng lahat ng pagsuyo at pagmamahal ng banal na Tagapagligtas na si Jesus sa tao, paano Siya makagagawa roon sa mga “templo” na pinamamahayan ng karumihan at maruruming espiritu? Bagama’t matagal nang hinihintay ng tao ang Kanyang pagdating, paano Siya maaaring magpakita sa mga kumakain ng laman ng masasama, umiinom ng dugo ng masasama, at nagsusuot ng mga damit ng masasama, na naniniwala sa Kanya ngunit hindi Siya kilala, at patuloy na nanghuhuthot sa Kanya? Alam lamang ng tao na si Jesus na Tagapagligtas ay puspos ng pagmamahal at umaapaw ang habag, at na Siya ang handog dahil sa kasalanan, na puspos ng pagtubos. Gayunman, walang ideya ang tao na Siya ang Diyos Mismo, na nag-uumapaw sa pagkamakatuwiran, kamahalan, galit, at paghatol, na nagtataglay ng awtoridad, at puno ng dignidad. Samakatuwid, bagama’t sabik na sabik ang tao at nagmimithi sa pagbalik ng Manunubos, at maging ang kanilang mga dalangin ay umaantig sa “Langit,” hindi nagpapakita si Jesus na Tagapagligtas sa mga naniniwala sa Kanya ngunit hindi Siya kilala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”

Kung, katulad ng ipinapalagay ng tao, si Jesus ay muling darating at tatawagin pa ring Jesus sa mga huling araw, at darating pa rin na nakasakay sa puting ulap, bumababa sa mga tao sa larawan ni Jesus: hindi ba ito isang pag-uulit ng Kanyang gawain? Kaya ba ng Banal na Espiritu na manatili sa luma? Ang lahat ng pinaniniwalaan ng tao ay mga kuru-kuro, at ang lahat ng nauunawaan ng tao ay ayon sa literal na kahulugan, at ayon din sa kanyang likhang-isip; ang mga ito ay hindi tumutugma sa mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi umaayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi gagawa ang Diyos sa ganoong paraan; hindi hunghang at hangal ang Diyos, at ang Kanyang gawain ay hindi kasingpayak ng iyong iniisip. Ayon sa lahat ng haka-haka ng tao, darating si Jesus na nakasakay sa isang ulap at bababa sa kalagitnaan ninyo. Mapagmamasdan ninyo Siya na, sakay ng puting ulap, magsasabi sa inyo na Siya si Jesus. Mapagmamasdan din ninyo ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay, at inyong malalaman na Siya si Jesus. At kayo ay muli Niyang ililigtas, at Siya ang inyong magiging makapangyarihang Diyos. Kayo ay Kanyang ililigtas, at bibigyan ng bagong pangalan, at ang bawat isa sa inyo ay bibigyan Niya ng isang puting bato, pagkatapos nito, kayo ay pahihintulutan na makapasok sa kaharian ng langit at tatanggapin sa paraiso. Hindi ba’t ang mga paniniwalang ito ay mga kuru-kuro ng tao? Gumagawa ba ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao o Siya’y gumagawa nang salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba’t ang lahat ng kuru-kuro ng tao ay nagmumula kay Satanas? Hindi ba’t ginawa nang tiwali ni Satanas ang lahat ng tao? Kung ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain ayon sa mga kuru-kuro ng tao, hindi ba’t Siya ay magiging si Satanas? Hindi ba’t magiging kapareho lang Niya ng uri ang mga nilalang Niya? Dahil ang mga nilalang Niya ay nagawa na ngayong napakatiwali ni Satanas, na ang tao ay naging pagsasakatawan na ni Satanas, kung gagawa ang Diyos ayon sa mga bagay ni Satanas, hindi ba’t magiging kakampi Siya ni Satanas? Paano mauunawaan ng tao ang gawain ng Diyos? Kaya, hindi kailanman gagawa ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao, at hindi Siya kailanman gagawa sa mga paraan na iyong ipinapalagay. Mayroong mga nagsasabi na sinabi ng Diyos Mismo na Siya ay darating na nasa ulap. Totoo na sinabi ito ng Diyos Mismo, ngunit hindi mo ba alam na walang tao ang makaaarok sa mga hiwaga ng Diyos? Hindi mo ba alam na walang tao ang makakapagpaliwanag sa mga salita ng Diyos? Ikaw ba ay nakatitiyak nang walang bahid ng pagdududa na niliwanagan at pinagliwanag ka ng Banal na Espiritu? Tiyak na hindi sa ipinakita sa iyo ng Banal na Espiritu sa gayong tuwirang paraan? Ang Banal na Espiritu ba ang nagturo sa iyo ng mga ito, o ang mga sarili mong kuru-kuro ang nagdulot sa iyo na isipin ito? Sinabi mo, “Sinabi ito ng Diyos Mismo.” Ngunit hindi natin maaaring gamitin ang ating mga sariling kuru-kuro at pag-iisip upang sukatin ang mga salita ng Diyos. Para naman sa mga salita ni Isaias, kaya mo bang ipaliwanag nang may buong katiyakan ang kanyang mga salita? Pinangangahasan mo bang ipaliwanag ang kanyang mga salita? Dahil hindi ka naglalakas-loob na ipaliwanag ang mga salita ni Isaias, bakit ka nangangahas na ipaliwanag ang mga salita ni Jesus? Sino ang mas mataas, si Jesus o si Isaias? Yamang ang sagot ay si Jesus, bakit mo ipinaliliwanag ang mga salita ni Jesus? Sasabihin ba sa iyo ng Diyos ang Kanyang gawain nang pauna? Wala ni isang nilalang ang maaaring makaalam, kahit na ang mga sugo ng langit, ni ang Anak ng tao, kaya paano mo malalaman?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Ang pagpapakita ng Diyos ay tumutukoy sa Kanyang pagdating sa lupa upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dala ang Kanyang sariling pagkakakilanlan at disposisyon, at sa pamamaraang likas sa Kanya, Siya ay bumababa sa sangkatauhan upang isakatuparan ang gawain ng pagsisimula ng isang kapanahunan at pagwawakas ng isang kapanahunan. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi isang klase ng seremonya. Ito ay hindi isang tanda, isang larawan, isang himala, o isang uri ng malaking pangitain, at lalong hindi ito isang prosesong pangrelihiyon. Ito ay isang tunay at aktwal na katunayan na nahihipo at nakikita ng sinuman. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi upang kumilos nang wala sa loob, o para sa anumang pangmadaliang pagsasagawa; sa halip, ito ay para sa isang yugto ng gawain sa Kanyang plano ng pamamahala. Ang pagpapakita ng Diyos ay laging makabuluhan at laging nagtataglay ng ilang kaugnayan sa Kanyang plano ng pamamahala. Ang tinatawag na pagpapakita rito ay lubos na naiiba mula sa uri ng “pagpapakita” kung saan ang Diyos ay gumagabay, umaakay, at nagliliwanag sa tao. Isinasakatuparan ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang dakilang gawain sa tuwing inihahayag Niya ang Sarili Niya. Ang gawaing ito ay naiiba mula sa gawain ng alinmang iba pang kapanahunan. Hindi ito kayang isipin ng tao, at hindi pa naranasan kailanman ng tao. Ito ay gawain na nagsisimula ng isang bagong kapanahunan at nagwawakas ng lumang kapanahunan, at ito ay isang bago at pinahusay na uri ng gawain para sa kaligtasan ng sangkatauhan; bukod dito, ito ay gawain na nagdadala sa sangkatauhan sa bagong kapanahunan. Ito ang kahulugan ng pagpapakita ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Ngayon nagsimula na ang bagong gawain ng Diyos, at ito rin ang simula ng bagong kapanahunan. Dinadala ng Diyos sa Kanyang tahanan yaong mga tinubos upang simulan ang Kanyang bagong gawain ng pagliligtas. Sa pagkakataong ito, mas masusi kaysa sa mga nakaraang panahon ang gawain ng pagliligtas. Hindi ang Banal na Espiritu na gumagawa sa tao ang nagdudulot sa kanya na magbago nang mag-isa, ni hindi rin ang katawan ni Jesus na nagpapakita sa mga tao upang isagawa ang gawaing ito, at pinakalalong hindi isinasakatuparan ang gawaing ito sa pamamagitan ng ibang paraan. Sa halip, ang Diyos na nagkatawang-tao ang gumagawa ng gawain at Siya Mismo ang nangangasiwa nito. Ginagawa Niya ito sa ganitong paraan upang akayin ang tao patungo sa bagong gawain. Hindi ba ito isang dakilang bagay? Hindi ginagawa ng Diyos ang gawaing ito sa pamamagitan ng isang bahagi ng pagkatao o sa pamamagitan ng mga propesiya; sa halip, ang Diyos Mismo ang gumagawa nito. Maaaring sabihin ng ilan na hindi ito dakilang bagay at na hindi ito makapagdadala ng labis na kasiyahan sa tao. Ngunit sasabihin Ko sa iyo na hindi lamang ito ang gawain ng Diyos, kundi isang bagay na mas malaki at mas higit pa.

Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan, kundi sa isang napakakaraniwang katawan. Bukod dito, hindi lamang ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, ito rin ang katawan kung saan bumabalik ang Diyos sa katawang-tao. Isa itong napakapangkaraniwang katawang-tao. Wala kang makikitang anumang nag-aangat sa Kanya mula sa iba, ngunit maaari kang magkamit mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi pa dating narinig. Itong hamak na katawang-taong ito ang kumakatawan sa lahat ng mga salita ng katotohanan mula sa Diyos, nangangasiwa sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at nagpapahayag ng kabuuan ng disposisyon ng Diyos upang maintindihan ng tao. Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na maunawaan ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng mga lihim na ito—mga lihim na wala pang sinumang taong nakapagsabi sa iyo, at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan. Siya ang pintuan mo patungo sa kaharian, at gabay mo patungo sa bagong kapanahunan. Nagtataglay ng maraming mga hiwagang di-maarok ang gayong karaniwang katawang-tao. Maaaring di-malirip sa iyo ang Kanyang mga gawa, ngunit ang buong layunin ng lahat ng gawain Niya ay sapat na upang hayaan kang makitang hindi Siya, gaya ng inaakala ng mga tao, isang simpleng katawang-tao. Sapagkat kinakatawan Niya ang kalooban ng Diyos at ang pangangalagang ipinakita ng Diyos para sa sangkatauhan sa mga huling araw. Bagaman hindi mo naririnig ang mga salita Niya na tila yumayanig sa mga kalangitan at lupa, bagaman hindi mo nakikita ang mga mata Niya na tulad ng mga lumalagablab na apoy, at bagaman hindi mo natatanggap ang disiplina ng Kanyang pamalong bakal, gayunman, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita na mapagpoot ang Diyos, at mababatid na nagpapakita ang Diyos ng habag para sa sangkatauhan; makikita mo ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang karunungan Niya, at bukod dito, matatanto ang malasakit ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita ang Diyos na nasa langit na namumuhay kasama ng mga tao sa lupa, at bigyang-kakayahan ang tao na mabatid, sundin, igalang, at mahalin ang Diyos. Ito ang dahilan kung bakit bumalik Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng mga Tao

Hindi mahirap magsiyasat tungkol sa gayong bagay, ngunit kinakailangan nito na malaman ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito: Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, ilalahad Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang sagot ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspeto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam. Hindi matutukoy ang diwa sa panlabas na anyo; bukod pa riyan, ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman maaaring umayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi ba ang panlabas na anyo ni Jesus ay salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba ang Kanyang mukha at pananamit ay hindi nakapagbigay ng anumang mga palatandaan tungkol sa Kanyang tunay na identidad? Hindi ba kinontra ng mga sinaunang Fariseo si Jesus dahil mismo sa tiningnan lamang nila ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi nila isinapuso ang mga salitang nagmula sa Kanyang bibig? Inaasahan Ko na hindi na uulitin ng bawat isang kapatid na naghahangad sa pagpapakita ng Diyos ang trahedya ng kasaysayan. Huwag kayong maging mga Fariseo ng makabagong panahon na muling magpapako sa Diyos sa krus. Dapat ninyong isiping mabuti kung paano malugod na sasalubungin ang pagbabalik ng Diyos, at dapat kayong magkaroon ng malinaw na isipan kung paano maging isang taong nagpapasakop sa katotohanan. Ito ang responsibilidad ng bawat isang naghihintay na bumalik si Jesus sakay ng ulap. Dapat nating kusutin ang ating espirituwal na mga mata para luminaw, at hindi tayo dapat malubog sa mga salita ng labis-labis na pantasya. Dapat nating pag-isipan ang praktikal na gawain ng Diyos, at tingnan ang praktikal na aspeto ng Diyos. Huwag magpatangay o magpadala sa inyong mga pangangarap nang gising, na laging nananabik sa araw na ang Panginoong Jesus, na nakasakay sa ulap, ay biglang bumaba sa inyo, at dalhin kayong mga hindi nakakilala o nakakita sa Kanya kailanman, at hindi nakakaalam kung paano gawin ang Kanyang kalooban. Mas mabuti pang pag-isipan ang mas praktikal na mga bagay!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Hindi ninyo alam kung ano ang Diyos, hindi ninyo alam kung ano si Cristo, hindi ninyo alam kung paano magpitagan kay Jehova, hindi ninyo alam kung paano pumasok sa gawain ng Banal na Espiritu, at hindi ninyo alam kung paano makatukoy sa pagitan ng gawain ng Diyos Mismo at ng mga panlilinlang ng tao. Ang alam mo lamang ay husgahan ang anumang salita ng katotohanang ipinahayag ng Diyos na hindi naaayon sa iyong sariling mga kaisipan. Nasaan ang iyong kapakumbabaan? Nasaan ang iyong pagsunod? Nasaan ang iyong katapatan? Nasaan ang iyong hangaring hanapin ang katotohanan? Nasaan ang iyong pagpipitagan sa Diyos? Sinasabi Ko sa inyo, yaong mga naniniwala sa Diyos dahil sa mga tanda ay tiyak na nasa kategorya ng mga pupuksain. Yaong mga walang kakayahang tanggapin ang mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategoryang isasailalim sa walang-hanggang pagkalipol. Maraming taong walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at gagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at parurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo” ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapakawala ng tunay na landas at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mayabang. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayon kababang-uri? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan ito ay isang tanda ng paghatol. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mayabang, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang patapos; bukod pa riyan, huwag kayong maging kaswal at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na nagsasalita nang patapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang iba. Lahat kayo ay dapat magkaroon ng katinuan at maging mga taong tumatanggap sa katotohanan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa

Sinundan: Panimula

Sumunod: 2. Tungkol sa pagbalik ng Panginoon, malinaw na nakasaad sa Biblia, “Nguni’t tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang(Mateo 24:36). Walang nakakaalam kung kailan darating ang Panginoon, subalit ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nagpapatotoo na ang Panginoong Jesus ay bumalik na. Paano mo nalaman ito?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito