2. Tungkol sa pagbalik ng Panginoon, malinaw na nakasaad sa Biblia, “Nguni’t tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang(Mateo 24:36). Walang nakakaalam kung kailan darating ang Panginoon, subalit ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nagpapatotoo na ang Panginoong Jesus ay bumalik na. Paano mo nalaman ito?

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“At pagkahating gabi ay may sumigaw, ‘Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin Siya’” (Mateo 25:6).

“Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig sa Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko” (Pahayag 3:20).

“Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin” (Juan 10:27).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Yamang hinahanap natin ang mga bakas ng yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang mga layunin ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagbigkas Niya. Ito ay dahil kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos; kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga bakas ng yapak ng Diyos, nakaligtaan ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na natagpuan na nila ang mga bakas ng yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi makakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, lalong hindi makakapagpakita sa paraang iginigiit ng tao na magpakita Siya. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpili at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin at sarili Niyang mga pamamaraan. Anuman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat isang tao ang Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, at dapat, higit pa, na kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga bakas ng yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasakop sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at magpasakop.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Ngayon, gumawa ang Diyos ng bagong gawain. Maaaring hindi mo magawang tanggapin ang mga salitang ito, at maaaring tila hindi pangkaraniwan ang mga ito sa iyo, ngunit ang ipapayo Ko sa iyo ay huwag ilantad ang iyong naturalesa sa ngayon, sapagkat yaon lamang mga tunay na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran sa harap ng Diyos ang maaaring magkamit ng katotohanan, at yaon lamang mga tunay na deboto ang maliliwanagan at magagabayan Niya. Natatamo ang mga resulta sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan nang may mahinahong kapanatagan, hindi sa pakikipag-away at pakikipagtalo. Kapag sinabi Kong “ngayon, gumawa ang Diyos ng bagong gawain,” tinutukoy Ko ang pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Marahil ay hindi nakakaligalig sa iyo ang mga salitang ito; marahil ay kinasusuklaman mo ang mga ito; o marahil pa nga ay may malaking interes ka sa mga iyon. Anuman ang sitwasyon, sana ay kayang harapin ng lahat ng tunay na nasasabik na magpakita ang Diyos ang katunayang ito at mabigyan ito ng kanilang maingat na pagsusuri, sa halip na magsalita nang patapos tungkol dito; iyan ang dapat gawin ng isang matalinong tao.

Hindi mahirap magsiyasat tungkol sa gayong bagay, ngunit kinakailangan nito na malaman muna ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito: Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, dadalhin Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban ito ng buhay, at ituro ang daan para rito. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, para patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan makilala ang kaibhan batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang susi ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspekto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang sinusuri lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi pinapansin ang Kanyang diwa, ipinapakita nito na ang tao ay mangmang at ignorante.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Ang Diyos ay walang-imik, at hindi pa nagpakita sa atin kailanman, subalit hindi pa humihinto ang Kanyang gawain kailanman. Sinisiyasat Niya ang buong daigdig, at inuutusan ang lahat ng bagay, at minamasdan ang lahat ng salita, gawa, at kilos ng tao. Pinatutupad Niya ang Kanyang pamamahala nang may plano at mga hakbang, nang tahimik at hindi nakapagpapayanig sa langit at lupa, subalit ang Kanyang mga yapak ay sumusulong, nang paisa-isa, palapit nang palapit sa sangkatauhan, at ang Kanyang luklukan ng paghatol ay itinatag sa sansinukob na simbilis ng kidlat, na ang kasunod ay bumababa kaagad ang Kanyang luklukan sa ating kalagitnaan. Napakamaharlika ng tanawing iyon, napakarangal at napakataimtim na tagpo! Parang kalapati, at parang umaatungal na leon, dumarating ang Espiritu sa kalagitnaan nating dagsa-dagsa. Siya ang karunungan, Siya ang pagiging matuwid at maharlika, at tahimik Siyang bumababa sa gitna natin, na taglay ang awtoridad at puno ng mapagmahal na kabaitan at awa. Walang nakakaalam sa Kanyang pagdating, walang sumasalubong sa Kanyang pagdating, at, higit pa rito, walang nakakaalam sa lahat ng Kanyang gagawin. Ang buhay ng tao ay nagpapatuloy tulad ng dati, hindi nagbabago ang kanyang puso, at lumilipas ang mga araw tulad ng dati. Ang Diyos ay namumuhay sa piling natin, tulad ng isang ordinaryong tao, bilang isa sa pinakahindi kapansin-pansin na mga tagasunod at isang ordinaryong mananampalataya. Mayroon Siyang sarili Niyang mga paghahangad, sarili Niyang mga layon, at, higit pa rito, mayroon Siyang pagka-Diyos na hindi taglay ng ordinaryong mga tao. Walang sinumang nakapansin sa pag-iral ng Kanyang pagka-Diyos, at hindi nahiwatigan ng sinuman ang pagkakaiba sa pagitan ng Kanyang diwa at ng diwa ng tao. Namumuhay tayo na kasama Siya, malaya at walang takot, sapagkat sa ating paningin Siya ay isa lamang hindi kapansin-pansin na mananampalataya. Minamasdan Niya ang bawat kilos natin, at lahat ng ating mga iniisip at ideya ay nakalantad sa Kanyang harapan. Walang sinumang may interes sa Kanyang pag-iral, walang sinumang nakakaisip ng anuman tungkol sa papel na Kanyang ginagampanan, at, higit pa rito, walang sinumang may kahit katiting na hinala tungkol sa Kanyang pagkakakilanlan. Ipinagpapatuloy lamang natin ang ating mga paghahangad, na para bang wala Siyang kinalaman sa atin …

Nagkataon, nagpapahayag ng sipi ng mga salita ang Banal na Espiritu “sa pamamagitan” Niya, at kahit parang hindi ito inaasahan, magkagayunman ay kinikilala natin ito bilang isang pagbigkas na nagmumula sa Diyos at malugod itong tinatanggap mula sa Diyos. Iyon ay dahil, sino man ang nagpapahayag ng mga salitang ito, basta’t nagmumula ito sa Banal na Espiritu, dapat nating tanggapin ang mga ito at hindi natin maaaring tanggihan ang mga ito. Ang susunod na pagbigkas ay maaaring dumating sa pamamagitan ko, o sa pamamagitan mo, o sa pamamagitan ng ibang tao. Sino man iyon, lahat ay biyaya ng Diyos. Subalit sino man iyon, hindi natin maaaring sambahin ang taong ito, sapagkat anuman ang mangyari, hindi posibleng ang Diyos ang taong ito, ni hindi tayo mamimili sa anumang paraan ng isang ordinaryong taong kagaya nito na maging ating Diyos. Ang ating Diyos ay lubhang dakila at kagalang-galang; paano Siya maaaring palitan ng isang labis na hindi kapansin-pansin na tao? Bukod pa riyan, naghihintay tayong dumating ang Diyos at dalhin tayo pabalik sa kaharian ng langit, kaya paano makakaya ng isang labis na hindi kapansin-pansin na tao ang gayon kahalaga at kahirap na gawain? Kung muling pumarito ang Panginoon, kailangan ay sakay Siya ng puting ulap, para makita Siya ng lahat ng tao. Napakaluwalhati niyon! Paano Siya posibleng palihim na makakapagtago sa isang grupo ng ordinaryong mga tao?

Subalit ang ordinaryong taong ito, na nakatago sa gitna ng mga tao, ang gumagawa ng bagong gawain upang iligtas tayo. Hindi Siya nagbibigay sa atin ng anumang mga paliwanag, ni hindi rin Niya sinasabi kung bakit Siya naparito, kundi ginagawa lamang Niya ang gawaing layon Niyang gawin nang ayon sa Kanyang plano at proseso. Ang Kanyang mga salita at pagbigkas ay lalo pang nagiging mas madalas. Mula sa pag-aliw, panghihikayat, pagpapaalala, at pagbabala, hanggang sa pagsaway at pagdidisiplina; mula sa tinig na banayad at maamo, hanggang sa mga salitang mahigpit at maharlika—lahat ng ito ay nagpaparamdam sa tao ng labis na awa at pagkatakot. Lahat ng Kanyang sinasabi ay tumatama sa mga lihim na nakatago sa ating kaibuturan; ang Kanyang mga salita ay tumutusok sa ating mga puso, tumutusok sa ating mga espiritu, at iniiwan tayong puno ng matinding kahihiyan, na halos hindi natin malaman kung saan tayo magtatago. Nagsisimula tayong magkaroon ng mga pagdududa kung talagang mahal tayo ng Diyos na nasa puso ng taong ito at kung ano talaga ang balak Niyang gawin. Marahil ay maaari lamang tayong madala paitaas matapos magtiis ng mga pagdurusang ito? Sa ating isipan, nagtutuos tayo … tungkol sa ating hantungan at tungkol sa ating kapalaran sa hinaharap. Gayunman, tulad ng dati, walang sinuman sa atin ang naniniwala na nagkatawang-tao na ang Diyos upang gumawa sa gitna natin. Kahit nasamahan Niya tayo sa matagal na panahon, kahit nagsalita na Siya ng napakaraming salita sa ating harapan, ayaw pa rin nating tanggapin ang gayong ordinaryong tao bilang Diyos ng ating hinaharap, at lalong ayaw rin nating ipagkatiwala ang pagkontrol sa ating hinaharap at ating kapalaran sa hindi kapansin-pansin na taong ito. Mula sa Kanya nagtatamasa tayo ng walang-katapusang panustos ng tubig na buhay, at sa pamamagitan Niya ay namumuhay tayo ng isang buhay ng tao at Diyos nang harap-harapan. Ngunit nagpapasalamat lamang tayo sa biyaya ng Panginoong Jesus sa langit, at hindi natin binigyang-pansin kailanman ang damdamin ng ordinaryong taong ito na nagtataglay ng pagka-Diyos. Tulad ng dati, patuloy Niyang ginagawa ang Kanyang gawain na mapagkumbabang nakatago sa katawang-tao, na ipinapahayag ang tinig ng Kanyang puso, na para bang hindi Niya nadarama ang pagtanggi sa Kanya ng sangkatauhan, na para bang walang-hanggang pinatatawad ang kawalan ng hustong gulang at kamangmangan ng tao, at magpakailanmang mapagparaya sa walang galang na saloobin ng tao sa Kanya.

Nang hindi natin namamalayan, inakay na tayo ng hindi kapansin-pansin na taong ito sa sunod-sunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Dumaranas tayo ng di-mabilang na pagsubok at ng napakaraming pagtutuwid, at sinusubok tayo ng kamatayan. Nalalaman natin ang matuwid at maharlikang disposisyon ng Diyos, natatamasa rin natin ang Kanyang mapagmahal na kabaitan at awa, napagtatanto ang dakilang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, nasasaksihan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at namamasdan ang sabik na layunin ng Diyos na iligtas ang tao. Sa mga salita ng ordinaryong taong ito, nalalaman natin ang disposisyon at diwa ng Diyos, nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, nalalaman ang kalikasang diwa ng tao, at nakikita ang landas tungo sa kaligtasan at pagiging perpekto. Ang Kanyang mga salita ay nagiging sanhi upang tayo ay “mamatay,” at nagiging sanhi upang tayo ay “ipanganak na muli”; ang Kanyang mga salita ay naghahatid sa atin ng ginhawa, at nagdudulot din sa atin ng matinding pagkakonsensiya at pakiramdam ng pagkakautang; ang Kanyang mga salita ay naghahatid sa atin ng kagalakan at kapayapaan, ngunit pati na ng walang-katapusang pasakit. Kung minsan ay para tayong mga kordero sa Kanyang mga kamay, kakatayin kung gusto Niya; minsan ay pinaka-itinatangi Niya tayo, at tinatamasa natin ang Kanyang magiliw na pagmamahal; kung minsan ay para tayong kaaway Niya, at sa ilalim ng Kanyang titig ay nagiging abo tayo dahil sa Kanyang poot. Tayo ang sangkatauhang iniligtas Niya, tayo ang mga uod sa Kanyang paningin, at tayo ang mga ligaw na tupa na araw at gabi ay determinado Niyang hanapin. Maawain Siya sa atin, kinapopootan Niya tayo, ibinabangon Niya tayo, inaaliw at hinihikayat Niya tayo, ginagabayan Niya tayo, binibigyang-liwanag Niya tayo, itinutuwid at dinidisiplina Niya tayo, at isinusumpa pa nga tayo. Gabi’t araw, hindi Siya tumitigil sa pag-aalala tungkol sa atin, at pagpoprotekta at pag-aalaga sa atin, hindi kailanman umaalis sa ating tabi. Ibinubuhos Niya ang lahat ng dugo ng puso Niya at ibinabayad ang buong halaga para sa atin. Sa loob ng mga pagbigkas ng di-kapansin-pansin at ordinaryong katawang-tao na ito, natamasa natin ang kabuuan ng Diyos at namasdan ang hantungang naipagkaloob sa atin ng Diyos. Sa kabila nito, nagdudulot pa rin ng gulo ang banidad sa ating puso, at labag sa loob pa rin natin na aktibong tanggapin ang isang taong tulad nito bilang ating Diyos. Bagama’t nabigyan Niya tayo ng napakaraming manna, napakaraming matatamasa, wala sa mga ito ang makakaagaw sa lugar ng Panginoon sa ating puso. Iginagalang natin ang espesyal na identidad at katayuan ng taong ito nang may malaking pag-aatubili. Basta’t hindi Siya nagsasalita upang hilingin sa atin na kilalanin na Siya ang Diyos, hindi tayo kailanman magkukusang kilalanin Siya bilang ang Diyos na malapit nang dumating subalit matagal nang gumagawa sa gitna natin.

Patuloy ang Diyos sa Kanyang mga pagbigkas, gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan at ng maraming perspektiba upang pagsabihan tayo kung ano ang dapat nating gawin, habang kasabay nito, ipinapahayag ang tinig ng nilalaman ng Kanyang puso. Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, binibigyan tayo ng mga ito ng daang dapat nating tahakin, at nagbibigay-kakayahan sa atin na maarok kung ano ba mismo ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, nagsisimula tayong magbigay-pansin sa tono at paraan ng Kanyang pagsasalita, at hindi namamalayan, sinisimulan nating pansinin ang tinig ng puso ng hindi kapansin-pansing taong ito. Ibinubuhos Niya ang Kanyang puso at kaluluwa para sa atin, hindi makatulog at hindi makakain alang-alang sa atin, umiiyak para sa atin, bumubuntong hininga para sa atin, at dumaraing sa sakit para sa atin; nagtitiis Siya ng kahihiyan para sa kapakanan ng ating hantungan at kaligtasan; at lumuluha at nagdurugo ang Kanyang puso dahil sa ating pagkamanhid at paghihimagsik. Walang ordinaryong tao ang may pagiging ganito at mga ganitong pag-aari, at walang tiwaling tao ang maaaring magkaroon o magkamit ng mga ito. Siya ay may pagpaparaya at pagtitiis na hindi taglay ng ordinaryong tao, at ang Kanyang pagmamahal ay hindi isang bagay na mayroon ang sinumang nilikha. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakaalam sa lahat ng ating iniisip, o makakakilala nang lubos sa ating kalikasan at diwa, o makakahatol sa paghihimagsik at katiwalian ng sangkatauhan, o makakakausap sa atin at makakagawa sa atin nang gaya nito nang kumakatawan sa Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang nagtataglay ng awtoridad, karunungan, at dignidad ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at mga pag-aari ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos ay lumalabas nang buong-buo sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagpapakita sa atin ng daan at makapaghahatid sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagsisiwalat ng mga hiwagang hindi pa naipaalam ng Diyos mula noong paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagliligtas sa atin mula sa panggagapos ni Satanas at sa ating sariling mga tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos; Ipinapahayag Niya ang boses ng puso ng Diyos, ang mga panghihikayat ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Nagbukas na Siya ng isang bagong kapanahunan, ng isang bagong panahon, at nagpasimula ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, naghatid Siya sa atin ng pag-asa, at winakasan Niya ang ating pamumuhay sa isang malabong kalagayan, at binigyang-kakayahan Niya ang ating buong pagkatao na ganap na mamasdan ang landas tungo sa kaligtasan. Nalupig na Niya ang ating buong pagkatao at nakamit ang ating puso. Mula noong sandaling iyon, nagkamit ng kamalayan ang ating puso, at tila muling nabuhay ang ating espiritu: Ang ordinaryo at hindi kapansin-pansin na taong ito, ang taong ito na namumuhay kasama natin at tinatanggihan natin sa loob ng napakahabang panahon—hindi ba’t Siya ang Panginoong Jesus, na lagi nang nasa ating isipan, sa paggising man o sa panaginip, at ating inaasam-asam gabi’t araw? Siya nga! Siya talaga! Siya ang ating Diyos! Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay! Binigyan Niya tayo ng kakayahang muling mabuhay at makita ang liwanag at pinatigil na ang ating puso sa paglalaboy-laboy. Nagbalik na tayo sa tahanan ng Diyos, nagbalik na tayo sa harap ng Kanyang luklukan, kaharap natin Siya, nasaksihan na natin ang Kanyang mukha, at nakita na natin ang daan tungo sa hinaharap. Sa panahong ito, ganap na Niyang nalupig ang ating puso; hindi na tayo nagdududa kung sino Siya, hindi na tayo kumokontra sa Kanyang gawain at Kanyang salita, at nagpapatirapa tayo sa Kanyang harapan. Wala tayong ibang ninanais kundi sundan ang mga yapak ng Diyos sa nalalabing bahagi ng ating buhay, at upang magawa Niya tayong perpekto, at masuklian natin ang Kanyang biyaya, at masuklian ang Kanyang pagmamahal sa atin, at masunod ang Kanyang mga pangangasiwa at pagsasaayos, at makipagtulungan sa Kanyang gawain, at gawin ang lahat ng ating makakaya upang matapos ang ipinagkakatiwala Niya sa atin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 4: Mamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo

Sinundan: 1. Nagpapatotoo ka na ang Panginoon ay naging tao, palihim na bumaba sa lupa, at nagsasagawa ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos. Paano ito naging posible? Malinaw na ipinopropesiya ng Biblia, “At sa gayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kaya magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at makikita nila ang Anak ng tao na napaparitong nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian(Mateo 24:30). “Narito, Siya ay pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawat mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya(Pahayag 1:7). Naniniwala kami na kapag bumalik ang Panginoon, dapat Niyang gawin ito sa mga ulap at hayagan na magpapakita sa lahat ng mga tao. Gayunpaman nagpatotoo ka na ang Panginoon ay naging tao na at palihim na bumaba sa lupa, na kung saan ay ganap na naiiba sa aming pag-unawa. Anong nangyayari dito?

Sumunod: 3. Pinatototohanan mo na nagbalik na sa katawang-tao ang Panginoong Jesus. Kung gayon nasaan ang Panginoon ngayon? Bakit hindi pa namin Siya nakikita? Pinaniniwalaan lamang ang isang bagay kapag nakita na ito, kaya ang katotohanan na hindi pa namin Siya nakikita ay nagpapatunay na hindi pa nagbabalik ang Panginoon. Maniniwala ako kapag nakita ko ito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito