Ang Biblia ay patotoo sa gawain ng Diyos; sa pagbabasa lamang ng Biblia nalalaman ng mga nananalig sa Panginoon na nilikha ng Diyos ang kalangitan at ang lupa at lahat ng bagay, at nakikita ang magagandang gawa ng Diyos, ang Kanyang kadakilaan at pagka-makapangyarihan. Marami sa mga salita ng Diyos ang nasa Biblia pati na ang mga patotoo tungkol sa mga karanasan ng tao; makapagbibigay ang mga ito ng panustos sa buhay ng tao at ng dakilang aral, kaya ang gusto kong hanapin ay, talaga bang magtatamo tayo ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagbabasa ng Biblia? Maaari bang walang landas tungo sa buhay na walang hanggan sa loob ng Biblia?

Abril 19, 2018

Sagot:

Sa pagbabasa ng Biblia nauunawaan natin na ang Diyos ang Lumikha ng kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay at sinisimulan nating makilala ang Kanyang kamangha-manghang mga gawa. Ito ay dahil ang Biblia ay isang patotoo sa unang dalawang yugto ng gawain ng Diyos. Ito ay isang talaan ng mga salita at gawain ng Diyos at ang patotoo ng tao noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Kaya, napakahalaga ng Biblia sa ating pananampalataya. Isipin ninyo, kung hindi dahil sa Biblia, paano natin mauunawaan ang salita ng Panginoon at makikilala ang Panginoon? Paano pa natin masasaksihan ang mga gawa ng Diyos at sisimulang magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos? Kung hindi tayo nagbabasa ng Biblia, paano pa natin masasaksihan ang tunay na patotoo ng lahat ng banal sa lahat ng panahon na sumusunod sa Diyos? Kaya, ang pagbabasa ng Biblia ay mahalaga sa pagsampalataya, at walang sinumang nananalig sa Panginoon na dapat lumihis mula sa Biblia kailanman. Masasabi mong, siya na lumilihis mula sa Biblia ay hindi maaaring manalig sa Panginoon. Napatunayan na ito sa mga karanasan ng mga banal sa lahat ng panahon. Wala ni isang nangangahas na ikaila ang kahalagahan at kahulugan ng pagbabasa ng Biblia sa pagsampalataya. Kaya, ang tingin ng lahat ng banal sa lahat ng panahon at nananalig sa pagbabasa ng Biblia ay isa itong napakahalagang bagay. Sinasabi pa nga ng ilan na, ang pagbabasa ng Biblia at pagdarasal ay kasinghalaga ng dalawang paa natin para makalakad, na kung wala ang alinman dito ay hindi tayo uusad. Ngunit sinabi na ng Panginoong Jesus na, “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin. At ayaw kayong magsilapit sa akin, upang kayo’y magkaroon ng buhay(Juan 5:39–40). Nalilito ang ilang tao. Iniisip nila: Kung ang Biblia ay isang talaan ng salita ng Diyos at patotoo ng tao, ang pagbabasa ng Biblia ay dapat magbigay sa atin ng buhay na walang hanggan. Kung gayon bakit sinabi ng Panginoong Jesus na walang buhay na walang hanggan sa Biblia? Ang totoo, hindi ito isang napakahirap na ideya. Basta’t nauunawaan natin ang tunay na pangyayari at diwa ng mga salita at gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya gayundin ang epekto ng mga salita at gawaing ito, likas nating matatanto kung bakit hindi tayo maaaring tumanggap ng buhay na walang hanggan sa pagbabasa ng Biblia. Noong Kapanahunan ng Kautusan, ang mga salita ng Diyos na si Jehova higit sa lahat ang nagpalaganap ng mga batas, mga kautusan at mga ordenansang susundin ng tao. Ang Kanyang mga salita ay karaniwang isang uri ng gabay para sa sangkatauhan, mula pa sa kanilang kamusmusan, sa buhay sa lupa. Hindi kasama sa mga salitang ito ang pagbabago ng disposisyon sa buhay ng tao. Kaya ang mga salita ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan ay pawang nakatuon sa pagpapasunod sa mga tao sa mga batas at kautusan. Bagama’t katotohanan ang mga salitang ito, kinakatawan ng mga ito ang napakapayak na katotohanan. Noong Kapanahunan ng Biyaya, ang mga salita at gawain ng Panginoong Jesus ay nakatuon sa gawain ng pagtubos. Ang mga salitang inilabas Niya ay tungkol sa katotohanan ng pagtubos at itinuro nito sa mga tao na dapat silang mangumpisal ng kanilang mga kasalanan at magsisi at umiwas na magkasala at gumawa ng masama. Itinuro din ng mga salitang ito sa mga tao ang tamang paraan ng pagdarasal sa Panginoon at sinabi sa mga tao na dapat nilang mahalin ang Panginoon nang buong puso’t kaluluwa, mahalin ang kanilang kapwa gaya ng kanilang sarili, maging mapagparaya at matiyaga, at patawarin ang iba nang makapitumpung pitong beses, atbp. Lahat ng ito ay kasama sa daan tungo sa pagsisisi. Kaya, sa pagbabasa ng Biblia, mauunawaan lamang natin ang gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Natatanto natin na lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos at natututunan natin kung paano mabuhay sa lupa at sumamba sa Diyos. Nauunawaan natin kung ano ang kasalanan, sino ang mga pinagpala ng Diyos at sino ang isinumpa ng Diyos. Nalalaman natin kung paano ikumpisal ang ating mga kasalanan at magsisi sa Diyos. Natututo tayong magpakumbaba, magtiis, at magpatawad, at alam natin na nararapat tayong magpasan ng krus upang masundan ang Panginoon. Nakikita natin mismo ang walang-hangganang awa at habag ng Panginoong Jesus, at natatanto na sa pagharap lamang sa Panginoong Jesus nang may pananampalataya natin matatamasa ang Kanyang saganang biyaya at katotohanan. Ang mga salita at gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya ayon sa nakatala sa Biblia ang katotohanang sinambit ng Diyos ayon sa Kanyang plano ng pagliligtas sa sangkatauhan at sa mga pangangailangan ng sangkatauhan sa panahong iyon. Ang mga katotohanang ito ay walang lubos na kakayahang baguhin ang ating disposisyon sa buhay at tulutan tayong mapadalisay, maligtas, at magawang perpekto. Sa gayon, ang mga salitang inilabas ng Panginoong Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya ay maaari lamang tawaging daan tungo sa pagsisisi, ngunit hindi ang daan tungo sa buhay na walang hanggan.

Kaya ano ang daan tungo sa buhay na walang hanggan? Ang daan tungo sa buhay na walang hanggan ay ang landas ng katotohanan na nagtutulot sa tao na mabuhay magpakailanman, ibig sabihin, ito ang landas na nagtutulot sa tao na iwaksi ang mga gapos at kontrol ng kanyang pagiging likas na makasalanan, baguhin ang kanyang disposisyon sa buhay, at tulutan siyang mamuhay sa katotohanan, at lubusang makalaya sa impluwensya ni Satanas, at maging kaayon ni Cristo. Tinutulutan nito ang tao na makilala, masunod, at pagpitaganan ang Diyos upang hindi na sila muling magkasala na kontrahin o pagtaksilan ang Diyos. Yaon lamang maaaring magkamit ng epektong ang matatawag na daan tungo sa buhay na walang hanggan. Ang tao ay namamatay dahil sa kasalanan. Kung ipamumuhay ng tao ang katotohanan at lulutasin ang problema ng kasalanan, bibiyayaan siya ng Diyos ng buhay na walang hanggan. Kaya, sa pamamagitan lamang ng pagtanggap ng pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw natin matatamasa ang daan tungo sa buhay na walang hanggan na ipinagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Sabi ng Panginoong Jesus, “Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya; At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man(Juan 11:25–26). Ipinapakita nito na ang buhay at kamatayan ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Ito ang awtoridad ng Diyos, at walang taong makakapagbago ng sarili niyang tadhana. Yaon lamang mga nagkakamit ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagtanggap ng gawain ng Diyos sa mga huling araw at nagtatamo ng katotohanan bilang sarili nilang buhay ang maaaring magtamo ng buhay na walang hanggan. Sigurado talaga iyan. Kaya, nang makumpleto ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya, nangako Siya na babalik Siya, at sinabi Niya noon, “Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka’t hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating(Juan 16:12–13). Ang mga katotohanang ipinahayag ng nagbalik na Panginoong Jesus ang tanging daan tungo sa buhay na walang hanggan, at ipinapakita niyan na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Bakit wala sa Biblia ang daan tungo sa buhay na walang hanggan? Una sa lahat ay dahil nakatala sa Biblia ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, ngunit wala roon ang lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos sa mga huling araw para padalisayin at iligtas ang sangkatauhan. Samakatwid, wala sa Biblia ang daan tungo sa buhay na walang hanggan. Gayunman, hindi nito winawalang-halaga ang Biblia bilang patotoo sa Diyos o ang epekto nito sa mga mambabasa. Ito’y dahil ang patotoo ng Diyos sa Biblia ay totoo, dahil ang paglikha ng Diyos sa kalangitan, lupa at lahat ng bagay ay totoo, at dahil ang patotoo ng pagsunod at katapatan sa Diyos ng mga henerasyon ng mga banal ay totoo na ang lugar ng Biblia sa puso ng tao ay hindi nagbago kailanman. Masasabi ng isang tao na lumago at nahinog ang mga henerasyon ng mga banal dahil sa kaliwanagang natanggap nila mula sa Biblia. Sa kabila ng mga katotohanan na nanatili ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan sa kanila, naroon pa rin ang kanilang likas na kademonyohan, at hindi pa sila tunay na napadalisay, gayunma’y matibay ang pananampalataya at katapatan ng mga banal sa Diyos. Marami ang naging martir para sa Panginoon, at lumikha silang lahat ng maganda at matunog na patotoo sa Kanya. Ito ang mga resulta ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya. Malinaw sa ating lahat na napakaraming nananampalataya sa Panginoon, at kahit hindi pa sila napapadalisay, hindi pa nagbabago ang disposisyon nila sa buhay, at wala silang tunay na pagkaunawa sa Diyos, gayunpaman ay tunay ang kanilang pananampalataya. Hindi pa pinababayaan ng Diyos ang mga taong ito, kundi sa halip ay naghihintay sila sa pagbalik ng Panginoon sa mga huling araw, kung kailan sila ay itataas sa Kanyang harapan, dadalisayin, at gagawing perpekto. Sa ganitong paraan, lahat ng tunay na nananampalataya sa Panginoon at nagmamahal sa katotohanan ay makakamit ang daan tungo sa buhay na walang hanggan na ipinagkaloob ng Diyos sa mga huling araw. Ngayo’y nauunawaan na natin kung bakit hindi maipagkakaloob ng Biblia ang buhay na walang hanggan, tama ba?

—mula sa Mga Klasikong Tanong at Sagot Tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Paano nabuo ang Biblia? Anong ba talaga ang Biblia?

Maraming Kristiyano ang nagbabasa ng Bibliya araw-araw, kaya alam mo ba kung paano nabuo ang Bibliya at anong uri ng aklat ito? Basahin ang artikulong ito para matuto pa at malalaman mo kung paano dapat tratuhin nang tama ng mga Kristiyano ang Bibliya.