Sa loob ng huling dalawang libong taon, ang pananalig ng tao sa Panginoon ay nakabatay sa Biblia, at ang pagparito ng Panginoong Jesus ay hindi pinasisinungalingan ang Lumang Tipan. Matapos magawa ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw, lahat ng tumatanggap sa Makapangyarihang Diyos ay magtutuon sa pagbabasa ng Kanyang mga salita at bihira nang magbabasa ng Biblia. Ang gusto kong hanapin ay, matapos tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, ano ba talaga ang tamang paraang nararapat gawin ng isang tao sa Biblia, at paano ito dapat gamitin ng isang tao? Saan kailangang nakabatay ang pananalig ng isang tao sa Diyos para makatahak sa landas ng pananalig at matamo ang pagliligtas ng Diyos?
Sagot:
Ang Biblia ay isang tunay na talaan ng unang dalawang yugto ng gawain ng Diyos. Sa madaling salita, ito ang patotoo ng unang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, na tinatapos ang patnubay at pagtubos sa sangkatauhan pagkatapos ng paglikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, pati na ng sangkatauhan. Mula sa pagbabasa ng Biblia, nakikita ng lahat kung paano inakay ng Diyos ang mga tao sa Kapanahunan ng Kautusan at tinuruan silang mamuhay sa Kanyang harapan at sambahin Siya. Nakikita rin natin kung paano tinubos ng Diyos ang sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya at pinatawad sila sa lahat ng kanilang nakaraang mga kasalanan habang binibigyan sila ng kapayapaan, kagalakan, at lahat ng uri ng biyaya. Hindi lamang nakikita ng mga tao na nilikha ng Diyos ang sangkatauhan patuloy silang ginabayan, kundi na pagkatapos niyon ay tinubos Niya sila. Samantala, naglaan at pinrotektahan din ng Diyos ang sangkatauhan. Bukod pa rito, mababasa natin mula sa mga propesiya sa Biblia na sa mga huling araw, magliliyab na parang apoy ang mga salita ng Diyos upang hatulan at linisin ang Kanyang mga tao. Ililigtas ng mga ito ang sangkatauhan mula sa lahat ng kasalanan at tutulungan tayo na makatakas mula sa madilim na impluwensya ni Satanas upang tayo ay ganap na makabalik sa Diyos at sa huli ay magmana ng Kanyang mga pagpapala at pangako. Ito ang ibig sabihin ng Diyos nang sabihin Niyang, “ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.” Samakatuwid, makikita ng sinumang matiyagang magbasa ng Biblia ang ilan sa mga kilos ng Diyos at makikilala ang Kanyang pag-iral at ang pagka-makapangyarihan at karunungang ginamit Niya sa paglikha, na nangingibabaw, at kumokontrol sa lahat ng bagay sa langit at sa lupa. Kaya, ang Biblia ay lubhang makahulugan sa mga tao sa pananalig sa Diyos, pagkilala sa Diyos, at pagtahak sa tamang landas ng pananampalataya. Sinumang matapat na nananalig sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan ay makakahanap ng isang layunin at direksyon sa buhay sa pamamagitan ng pagbabasa ng Biblia, at matututong manalig sa Kanya, umasa sa Kanya, sumunod sa Kanya, at sumamba sa Kanya. Lahat ng ito ay mga epekto ng patotoo ng Biblia sa Diyos; hindi ito maikakailang katotohanan.
…………
Ang halaga ng Biblia ay lubos na nakabatay sa talaan nito ng unang dalawang yugto ng gawain ng Diyos. Kung mababasa ng mga tao ang mga pagbigkas at gawain ng Diyos dito, at magkakaroon sila ng pananampalataya at kaalaman tungkol sa pagka-makapangyarihan at karunungang ginagamit Niya sa paglikha at pamamahala sa lahat ng bagay, magkakaroon ito ng malaking kahalagahan sa mga tao sa pagkilala, pagsunod, at pagsamba sa Diyos. Dahil dito, ang Biblia ay isang patotoo lamang sa gawain ng Diyos, at makakatulong sa mga nananalig na makabuo ng pundasyon. Siyempre, kailangan din ng lahat ng nananalig sa Diyos ang aklat na ito. Matutulungan ng Biblia ang mga tao na maunawaan ang unang dalawang yugto ng gawain ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, at lubha itong kapaki-pakinabang sa kanilang pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa buhay. Gayunman, hindi nito mapapalitan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, lalo na ang Kanyang kasalukuyang mga binibigkas; matutulungan lamang tayo nitong maunawaan ang unang dalawang yugto ng gawain ng Diyos at malaman ang Kanyang disposisyon, pagka-makapangyarihan, at karunungan. Ito lamang ang paraan ng pagtingin sa Biblia na kaayon ng puso ng Diyos, at dapat nating paniwalaan na ito rin ang karaniwang intensyon ng bawat isa sa mga may-akda at tagatala ng Biblia.
—mula sa Ang Pagbabahagi mula sa Itaas
Ang Biblia ay isang talaan lamang ng gawain ng Diyos, at isang patotoo sa Diyos; bagama’t malaking tulong ito para maliwanagan ang sangkatauhan, hindi pa rin nito mapapalitan ang gawain ng Banal na Espiritu sa anumang kalagayan. Para sa atin na may pananampalataya sa Diyos, ang pagtatamo ng kaligtasan ay kailangang ibatay sa gawain ng Banal na Espiritu. Kung susundin lamang natin ang Biblia nang wala ang gawain ng Banal na Espiritu, tatahak tayo sa sarili nating landas. Ang kabiguan ng mga Fariseo na nananalig sa Diyos ngunit nilalabanan Siya ay nagsisilbing magandang paglalarawan na maling ibatay lamang ang pananampalataya ng isang tao sa Biblia at hindi sa gawain ng Banal na Espiritu. Marami nang nagsaliksik sa Biblia sa nagdaang mga taon, ngunit wala silang kaliwanagan at paglilinaw ng Banal na Espiritu, at sa huli’y hindi sila nagkamit ng pagkaunawa sa katotohanan o ng kaalaman tungkol sa Diyos. Samakatwid, tayo na nananampalataya sa Diyos ay kailangang unawain at gamitin nang wasto ang Biblia. Huwag tayong pikit-matang manampalataya ni sumamba sa Biblia kailanman. Nakikita natin ang salita ng Diyos sa Biblia gayundin kung paano ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain para iligtas ang tao, ngunit ang pagkaunawa natin dito ay laging magiging napakalimitado, lalo na tungkol sa salita ng Diyos. Kung walang kaliwanagan at paglilinaw ng Banal na Espiritu, maisasaulo natin ang bawat salita ng Diyos, ngunit hindi pa rin natin mauunawaan ang katotohanan. Pinatotohanan na ito ng napakaraming banal sa buong kasaysayan na nakaranas na ng gawain ng Diyos. May ilang relihiyoso na may bulag na pananampalataya at pagsamba sa Biblia, ngunit sa kanilang puso’y hindi sila nagpipitagan sa Diyos, at nililimitahan nila ang Diyos ayon sa sarili nilang mga paniwala at imahinasyon. Kapag ginagawa ng Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ang Kanyang gawain ng paghatol at ipinapahayag ang mga katotohanan na maglilinis at magliligtas sa tao, hindi nakikilala ng mga taong ito ang Kanyang tinig. Sa halip, tinutuligsa at nilalabanan nila ang Diyos, walang-ingat nila Siyang hinuhusgahan at nilalapastangan. Kapag nakikita nila na kumakain at umiinom ng salita ng Makapangyarihang Diyos ang mga miyembro ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos sa kanilang mga pagtitipon at ang pagsangguni sa Biblia ay naging gawain na nila kapag may libre silang oras, lalo pa nilang tinutuligsa at hinuhusgahan sila. Talaga bang nauunawaan nila ang katotohanan o nakikilala ang Diyos? Siguradong hindi! Sila yaong sumasamba sa Biblia na lumalaban sa Diyos, tulad ng mga Fariseo. Nang makita ng mga Fariseo na ang ibinahagi lamang ng mga alagad ng Panginoong Jesus ay ang gawain at mga salita ng Panginoong Jesus sa kanilang mga pagtitipon, hinusgahan sila ng mga Fariseo, na sinasabi na hindi nila binasa ang mga Banal na Kasulatan, kundi ang mga salita lamang ng Panginoong Jesus. Kahalintulad ito ng sinasabi ng mga pastor at elder sa panahong ito; tinutuligsa nilang lahat ang gawain ng Diyos nang hindi nalalaman ang kahulugan ng sumunod sa Diyos o ang maranasan ang gawain ng Diyos. At ang magagawa lamang nila ay ipaliwanag ang Biblia, magdaos ng mga seremonyang pangrelihiyon, at sumunod sa mga regulasyong pangrelihiyon. Kung ang Lumang Tipan lamang ang nabasa ng mga nananalig sa Panginoon noong Kapanahunan ng Biyaya nang magtipun-tipon sila, matatamo kaya nila ang pagsang-ayon ng Panginoong Jesus? Ngayo’y nagbalik na ang Panginoong Jesus, nagpahayag ng katotohanan, at ginagawa ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Maaari ba nating isantabi ang mga salita at gawain ng Diyos sa mga huling araw habang nakakapit tayo sa mga ritwal at panuntunan ng Biblia? Ano ba talaga ang ibig sabihin ng manalig sa Diyos? Kung ang isang nananalig ay hindi kumakain, umiinom, at nagdaranas ng kasalukuyang salita ng Diyos, pananampalataya nga ba iyan sa Diyos? Maraming relihiyoso na wala ng kahit na pinakamahalagang kaalaman at mga katotohanan tungkol sa pananalig sa Diyos. Pakiramdam nila ay salita ng Diyos ang buong Biblia at na kailangang sundin ng sunud-sunod na mga henerasyon ang Biblia, at na ang pagkapit nang mahigpit sa Biblia ay katumbas ng pananampalataya sa Diyos. Naaayon ba iyan sa katotohanan ng pananampalataya sa Diyos? Ang gawain ng Diyos ay palaging sumusulong at umuunlad, at kahit sa Kapanahunan ng Milenyong Kaharian, gagamitin pa rin ng Diyos ang Kanyang salita para pamunuan ang buong sangkatauhan. Hindi sumusunod ang Diyos sa mga regulasyon—ang Diyos ay palaging bago at hindi naluluma, at ang Kanyang mga salita at gawain ay palaging sumusulong, hindi tumitigil, subalit maraming hindi makaunawa sa puntong ito. Hindi ba nakakatawa sila? Matapos tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, hindi pa rin malinaw sa maraming tao kung paano tratuhin ang Biblia alinsunod sa kalooban ng Diyos. Ang katotohanan sa isyung ito ay malinaw na ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos, kaya basahin natin ang ilang talata ng Kanyang salita.
Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ngayon, hinihimay-himay Ko ang Biblia sa ganitong paraan at hindi ito nangangahulugan na kinasusuklaman Ko ito, o itinatanggi ang halaga nito bilang sanggunian. Ipinaliliwanag Ko at nililinaw ang likas na halaga at mga pinagmulan ng Biblia sa iyo upang pigilan ka sa pananatiling walang alam. Dahil ang mga tao ay napakaraming pananaw tungkol sa Biblia, at karamihan sa mga iyon ay mali; ang pagbabasa ng Biblia sa paraang ito ay hindi lamang humahadlang sa kanila mula sa pagkakaroon ng kung ano ang nararapat, ngunit, mas mahalaga, pinipigilan nito ang gawain na Aking nilalayong gawin. Ito ay isang napakalaking abala para sa gawain ng hinaharap, at nagbibigay lamang ng mga balakid, hindi kapakinabangan. Kaya, ang itinuturo Ko lamang sa iyo ay ang substansya at ang kuwentong napapaloob sa Biblia. Hindi Ko sinasabi na huwag mong basahin ang Biblia, o ipangalandakan mo na ito ay lubusang walang halaga, kundi magkaroon ka ng wastong kaalaman at pananaw sa Biblia. Huwag maging masyadong nakatuon sa isang panig lamang! Kahit na ang Biblia ay isang aklat ng kasaysayan na isinulat ng mga tao, itinatala rin nito ang karamihan ng mga prinsipyo ng sinaunang mga banal at propeta sa paglilingkod sa Diyos, gayundin ang mga kamakailang karanasan ng mga apostol sa paglilingkod sa Diyos—lahat ng ito ay talagang nakita at nalaman ng mga taong ito, at maaaring magsilbi bilang sanggunian para sa mga tao ng kapanahunang ito sa paghahabol sa totoong landas” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 4).
“Ito ay dahilan sa sinundan ng Biblia ang ilang libong taon ng pantaong kasaysayan at lahat ng tao ay itinuturing ito na parang Diyos hanggang sa punto na ang mga tao sa mga huling araw ay pinalitan na ng Biblia ang Diyos. Ito ay isang bagay na talagang kinapopootan ng Diyos. Kaya sa Kanyang libreng panahon, kinailangan Niyang liwanagin ang kuwentong napapaloob at ang pinagmulan ng Biblia. Kung hindi, maaari pa ring palitan ng Biblia ang lugar ng Diyos sa mga puso ng mga tao at maaari nilang kondenahin at sukatin ang mga pagkilos ng Diyos batay sa mga salita sa Biblia. Ang paliwanag ng Diyos sa kakanyahan, sa pagkakabuo, at sa mga kakulangan ng Biblia ay lubusang hindi pagkakaila sa pag-iral nito, ni kinokondena nito ang Biblia. Sa halip, ito ay upang magbigay ng makatuwiran at angkop na paliwanag, upang mapanumbalik ang orihinal na imahe ng Biblia, at upang ituwid ang mga maling-pagkaunawa na mayroon ang mga tao tungo sa Biblia nang sa gayon magkaroon ang lahat ng tao ng tamang pananaw rito, hindi na sambahin ito, at hindi na mga nawawala—napapagkamalian nila ang kanilang bulag na pananampalataya sa Biblia bilang pananalig at pagsamba sa Diyos, at hindi pa nga nila pinangangahasang harapin ang totoong pinagmulan nito at ang mahihinang punto nito. Matapos magkaroon ang lahat ng dalisay na pagkaunawa sa Biblia maaari nilang isantabi ito nang walang alinlangan at matapang na tanggapin ang mga bagong salita ng Diyos. Ito ang layunin ng Diyos sa ilang kabanatang ito. Ang katotohanang nais sabihin ng Diyos sa mga tao rito ay na walang teorya o katunayan ang makapapalit sa kasalukuyang gawain o mga salita ng Diyos, at walang makapapalit sa posisyon ng Diyos. Kung hindi kaya ng mga taong itakwil ang lambat ng Biblia, hindi sila kailanman makakalapit sa harapan ng Diyos. Kung nais nilang makalapit sa harapan ng Diyos, kailangan muna nilang linisin ang kanilang mga puso sa anumang maaaring pumalit sa Kanya—sa ganitong paraan mabibigyang-kasiyahan ang Diyos” (Panimula sa Ang mga Salita ni Cristo nang Siya’y Naglakad sa mga Iglesia sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).
“Kung nais mong lumakad sa bagong landas ngayon, sa gayon kailangan mong lisanin ang Biblia, dapat mong higitan ang mga libro ng propesiya o kasaysayan na nasa Biblia. Saka ka lamang maaaring makalakad sa bagong landas nang maayos, at saka ka lamang makakapasok sa bagong kaharian at sa bagong gawain. Dapat mong maunawaan kung bakit, ngayon, hinihiling na huwag mong basahin ang Biblia, kung bakit mayroong ibang gawain na hiwalay sa Biblia, kung bakit ang Diyos ay hindi na naghahanap ng mas bago, mas detalyadong pagsasagawa sa Biblia, kung bakit sa halip ay mayroong mas makapangyarihang gawain sa labas ng Biblia. Ito ang lahat ng dapat ninyong maunawaan. Kailangan mong malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng luma at bagong gawain, at kahit na hindi mo binabasa ang Biblia, dapat kaya mo itong suriin; kung hindi, sasambahin mo pa rin ang Biblia, at magiging mahirap para sa iyo na makapasok sa bagong gawain at sumailalim sa mga bagong pagbabago. Yamang mayroong mas mataas na paraan, bakit mag-aaral ng mas mababa, makalumang paraan? Yamang may bagong mga pagbigkas, at mas bagong gawain, bakit mamumuhay sa gitna ng lumang makasaysayang mga talaan? Ang mga bagong pagbigkas ay maaaring makapaglaan sa inyo, na nagpapatunay na ito ang bagong gawain; ang mga lumang talaan ay hindi magagawang pagsawain ka, o tutugon sa iyong kasalukuyang pangangailangan, na nagpapatunay na kasaysayan ang mga ito, at hindi gawain ng dito at ngayon. Ang pinakamataas na paraan ay ang pinakabagong gawain, at sa bagong gawain, kahit gaano pa kataas ang daan ng nakaraan, ito pa rin ay kasaysayan ng mga pagninilay ng mga tao, at kahit gaano pa ang halaga nito bilang sanggunian, ito pa rin ay lumang landas. Kahit na ito ay naitala sa ‘banal na aklat,’ ang lumang landas ay kasaysayan; kahit na walang nakatala nito sa ‘banal na aklat,’ ang bagong landas ay ang dito at ngayon. Ang ganitong paraan ang maaaring magligtas sa iyo, at maaari kang mabago ng ganitong paraan, dahil ito ay gawain ng Banal na Espiritu” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1).
Lumabas ang Lumang Tipan nang wakasan ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, at ang Bagong Tipan nang wakasan ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain ng pagtubos. Nitong huling 2,000 taon, wala nang ibang mas laganap na nailathala o nabasa kaysa sa Biblia, at nakatanggap ng malaking kaliwanagan ang sangkatauhan mula sa Biblia. Dahil nakatala sa Biblia ang mga salita ng Diyos na ipinahayag Niya sa panahon ng Kanyang gawain, at nagsisilbi rin itong nakasulat na salaysay ng mga karanasan at patotoo ng mga taong ginamit ng Diyos, mula rito’y makikita ng mga tao na mayroong Diyos, at mayroon ding pagpapakita at gawain ng Diyos. Mula rito, makikilala nila ang katotohanan na ang Diyos ang Lumikha at Namumuno sa lahat ng bagay, at malalaman din nila ang dalawang yugto ng gawain sa Kapanahunan ng Kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya na ginawa ng Diyos matapos likhain ang sangkatauhan. Totoo ito lalo na sa talaan tungkol sa Kapanahunan ng Biyaya sa Biblia, nang personal na isinagawa ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain ng pagtubos, ipinagkaloob ang Kanyang saganang biyaya sa sangkatauhan, at ipinahayag ang maraming katotohanan. Tinutulutan tayo nitong makita ang tunay na pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan, maunawaan na kailangang manampalataya at magpasakop ang tao sa Diyos para matahak ang tamang landas sa buhay, at na maaari lamang nating matanggap ang pagliligtas ng Diyos at matamo ang pagsang-ayon Niya kapag namuhay tayo mismo sa katotohanan. Ito ang mga resulta na nakamtan ng dalawang yugto ng gawain ng Diyos sa sangkatauhan. Kung hindi sa talaang inilaan ng Biblia, mahihirapan nang husto ang sangkatauhan na maunawaan ang naunang gawain ng Diyos. Kaya nga kailangang basahin nating mga nananampalataya sa Diyos ang Biblia. Gayunman, gaano man kahalaga ang Biblia, hindi natin ito dapat ipantay sa Diyos, at ang mas mahalaga, huwag natin itong gamitin para kumatawan sa Diyos o pumalit sa Kanyang gawain. Samakatwid ay kailangan nating tratuhin ang Biblia nang wasto, na hindi pikit-matang nananampalataya o sumasamba rito. Bukod pa riyan, sa isyu kung alin ang mga salita ng Diyos at kung alin ang mga salita ng tao, malinaw na ipinahihiwatig sa Biblia kung ano ang sinabi ng Diyos at kung ano ang sinabi ng tao; malinaw sa isang sulyap. Gayunman, maraming taong walang pagkaunawa pagdating sa mga sulat ng mga apostol at mga bahagi tungkol sa mga karanasan at patotoo ng tao. Naniniwala pa nga ang ilan na anumang mga salitang nagmumula sa kaliwanagang hatid ng Banal na Espiritu, o anumang mga salitang naaayon sa katotohanan ay mga salita ng Diyos. Pero hindi ba walang katuturan iyan? Maipapahayag ba ng tao ang salita ng Diyos? Kapag naliliwanagan at iniilawan ng Espiritu ang tao at tumatanggap ang tao ng kaunting liwanag, ibig bang sabihin ay inihahayag ng Banal na Espiritu ang mga salita ng Diyos sa tao o binibigyang-inspirasyon siya ng mga ito? Ang nilayong epekto ng gawain ng Banal na Espiritu ay upang ipaunawa sa tao ang katotohanan at makapasok siya sa realidad nito. Ang patotoo kaya ng tao tungkol sa pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa realidad nito ay talagang mga salitang ipinahayag ng Diyos? Kailangan nating malinawan nang husto na kahit nakaalinsunod sa katotohanan ang mga salita ng tao, hindi aktuwal na maituturing ang mga ito na katotohanan mismo, o mga salita ng Diyos. Ang mga salita ng tao at ang mga salita ng Diyos ay hindi maaaring banggitin sa parehong sukatan dahil mga salita lamang ng Diyos ang katotohanan; mga salita lamang ng Diyos ang maaaring tumubos at magligtas sa tao at maging buhay ng tao. Maaari lamang katawanin ng mga salita ng tao ang sarili nilang mga karanasan at pag-unawa, at para lamang gawing sanggunian. Maaaring makatulong at magpasigla ang mga ito sa mga tao, ngunit talagang hindi nito mapapalitan ang mga salita ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos sa Biblia ay hindi magkakasalungat kailanman, at kung ikukumpara mo ang mga salita ng tao sa mga salita ng Diyos sa Biblia, hindi maiiwasang magkaroon ng ilang salungatan. Gayunman, walang salungatan sa gawain o mga salita ng Diyos sa pagdaan ng mga panahon. Ang mga salita ng Diyos na si Jehova, ang mga salita ng Panginoong Jesus na nakatala sa Biblia, at ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw: Ang pinagmulan ng lahat ng ito ay ang gawain ng isang Diyos. Lahat ng ito ay nagmumula sa mga salita ng Banal na Espiritu. Ito ay isang katotohanang hindi mapapabulaanan ninuman. Gayunman, maraming relihiyosong tao ang madalas kumuha ng mga salita ng tao sa loob ng Biblia at ikumpara ang mga ito sa kasalukuyang mga salita ng Diyos. Ginawa rin ito ng mga Fariseo, na laging ginagamit ang mga salita sa mga Banal na Kasulatan para saliksikin at ikumpara ang mga ito sa mga salita ng Panginoong Jesus. Dahil dito, nakakita ng ilang dahilan ang mga Fariseo para tanggihan ang Panginoong Jesus, at hibang pa Siyang nilabanan at tinuligsa, hanggang sa ipako pa nila sa krus ang Panginoong Jesus. Kaya, ano ang problema rito? Marami ngayon ang hindi pa rin ito malinaw na nauunawaan. Hindi nagagawa ang gawain ng Diyos kahit kailan nang batay sa Biblia, at bukod pa riyan ay hindi napipigilan ng Biblia ang Diyos. Kung lagi nating pag-aaralan ang Diyos batay sa Biblia, o susukatin ang gawain ng Diyos ngayon sa ganyang paraan, paulit-ulit tayong mabibigo, at magiging mas matindi pa ang ating mga pagkahulog. Ngayo’y maraming relihiyosong tao ang gumagamit sa mga salita mula sa Biblia para pag-aralan ang Makapangyarihang Diyos at ang Kanyang gawain sa mga huling araw, at sumisipi pa sa Biblia nang wala sa konteksto para tuligsain at labanan ang Makapangyarihang Diyos. Kinukuha nila ang mga salita sa Biblia, lalo na ang mga salita ng tao, at ipinapalit ang mga ito sa mga salita ng Diyos. Bukod pa riyan, mali ang pakahulugan nila sa mga salita ng Diyos at ang paggamit nila ng mga salita ng tao para tuligsain at labanan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ito mismo ang ginawa ng mga Fariseo sa paglaban sa Panginoong Jesus, kaya ano ang ibubunga nito? Isusumpa pa rin sila ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa aba nilang mga nagpapako sa Diyos sa krus” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan). Kung patuloy nating gagamitin ang mga doktrina sa Biblia para labanan ang Diyos, ilalantad tayo bilang mga anticristo at isusumpa ng Diyos. Hindi ba totoo iyan?
Itinuturo sa atin ng kabiguan ng mga relihiyosong Fariseong ito sa kanilang pananampalataya sa Diyos na kapag gumagawa ng bagong gawain ang Diyos, kailangang tumingin ang tao sa labas ng umiiral na kasulatan at tanggapin nila at magpailalim sila sa kasalukuyang mga salita at gawain ng Diyos. Katulad ito ng kung paano kinailangang sumunod ng tao, sa Kapanahunan ng Kautusan, sa mga batas at kautusang inilabas ng Diyos na si Jehova upang matamo ang mga pagpapala ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, pumarito ang Panginoong Jesus para gawin ang Kanyang gawain ng pagtubos, at kinailangan ng tao na lumabas sa batas para tanggapin at magpailalim sa mga salita at gawain ng Panginoong Jesus upang matanggap nila ang Kanyang pagsang-ayon. Sa mga huling araw, ginagawa ng Makapangyarihang Diyos ang gawain ng paghatol simula sa tahanan ng Diyos. Winakasan na Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at sinimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Samakatwid ay kailangan nating tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at isagawa at danasin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos para matamo natin ang gawain ng Banal na Espiritu, mamuhay tayo sa katotohanan, at maging isang tao na kilala ang Diyos, nagpapailalim at nagpipitagan sa Diyos, at isang taong natatamo ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagliligtas. Ito lamang ang paraan para makapasok ang tao sa Kanyang kaharian. Mula rito ay makikita natin na ang ating pananampalataya sa Diyos ay kailangang makasabay sa gawain ng Diyos at kailangan nating matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, dahil noon lamang natin mauunawaan ang katotohanan, makikilala ang Diyos, at makakapasok sa realidad ng katotohanan. Kung ang ating pananampalataya ay batay lamang sa pagbabasa ng Biblia at mahigpit na pagsunod sa teksto ng Biblia, malamang na paalisin at isantabi tayo ng gawain ng Diyos, tulad lamang ng mga Fariseo noon, na sumunod lamang sa mga Banal na Kasulatan ngunit nilabanan ang Diyos, sa gayo’y naghatid sila ng mga sumpa ng Diyos sa kanilang sarili. Pagsunod ba sa Biblia ang batayan ng ating pananampalataya sa Diyos? Kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu sa ating pananampalataya sa Diyos, nalihis na tayo sa tunay na daan, at walang paraan para matamo ang pagliligtas ng Diyos. Samakatwid, hindi maaaring ibatay ang ating pananampalataya sa mahigpit na pagsunod sa Biblia; kailangan nating sumabay sa gawain ng Diyos, basahin ang kasalukuyang mga salita ng Diyos at matamo ang gawain ng Banal na Espiritu. Ito ang pundasyon ng pananampalataya sa Diyos at siyang pinakamahalagang aspeto nito. Ngayo’y dapat maging malinaw na sa atin kung paano natin dapat unawain ang Biblia bilang mga nananalig at kung saan kailangang ibatay ang paniniwala ng isang tao sa Diyos para matanggap nila ang pagsang-ayon ng Diyos sa pagtahak sa landas ng pananampalataya, hindi ba?
—mula sa Mga Sagot sa mga Tanong sa Screenplay
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.