Bakit hindi maililigtas ang mga sumusuway sa Diyos

Abril 21, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Nagbabago ang gawain ng Banal na Espiritu araw-araw. Mas tumataas ito sa bawat hakbang, ang pahayag ng bukas ay mas mataas kaysa sa ngayon, umaakyat nang mas mataas sa bawat hakbang. Ganito ang gawain ng pagperpekto ng Diyos sa tao. Kung hindi makasasabay ang mga tao, maaari silang itaboy anumang oras. Kung wala silang puso ng pagkamasunurin, hindi sila makasusunod hanggang sa pinakahuli. Nakalipas na ang dating kapanahunan; ito ay isang bagong kapanahunan. At sa isang bagong kapanahunan, isang bagong gawain ang dapat isakatuparan. Lalung-lalo na sa huling kapanahunan kung saan ay gagawing perpekto ang tao, magsasagawa ang Diyos ng mas bagong gawain, nang mas mabilis, kaya kung walang pagsunod sa mga puso nila, mahihirapan ang mga tao na sumunod sa mga yapak ng Diyos. Hindi sumusunod ang Diyos sa anumang mga patakaran, at hindi rin Niya itinuturing na hindi nagbabago ang anumang yugto ng gawain Niya. Sa halip, ang gawaing ginagawa Niya ay mas bago pa at mas mataas pa. Sa bawat yugto, nagiging higit na praktikal ang gawain Niya, at lalong umaayon sa aktwal na mga pangangailangan ng tao. Pagkatapos maranasan ng mga tao ang ganitong gawain ay saka lamang nila matatamo ang huling pagpapabago ng disposisyon nila. Ang kaalaman ng tao sa buhay ay umaabot sa mas mataas pang mga antas, at kaya, gayundin, ang gawain ng Diyos ay umaabot sa mas mataas pang mga antas. Sa gayon lamang magagawang perpekto ang tao at magiging marapat na magamit ng Diyos. Gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan sa isang banda upang salungatin at baligtarin ang mga kuru-kuro ng tao, at sa kabila banda naman ay upang akayin ang tao tungo sa isang mas mataas at mas makatotohanang kalagayan, tungo sa pinakamataas na dako ng paniniwala sa Diyos, upang sa huli, magagawa ang kalooban ng Diyos. Lahat ng mga may masuwaying kalikasan na sinasadyang sumalungat ay itataboy ng yugtong ito ng matulin at malakas na pagsulong na gawain ng Diyos; tanging ang mga handang sumunod at nagagalak na magpakumbaba ng sarili lamang ang makasusulong hanggang sa katapusan ng daan. Sa ganitong uri ng gawain, dapat matuto kayong lahat kung paano magpasakop at kung paano isantabi ang mga kuru-kuro ninyo. Dapat kayong maging maingat sa bawat hakbang na gagawin mo. Kung pabaya kayo, tiyak na tatanggihan kayo nang may paghamak ng Banal na Espiritu, magiging nakagagambala sa gawain ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos

Bakit ka naniniwala sa Diyos? Karamihan ng mga tao ay nalilito sa tanong na ito. Palagi silang mayroong dalawang lubos na magkaibang pananaw tungkol sa praktikal na Diyos at sa Diyos na nasa langit, na nagpapakitang naniniwala sila sa Diyos hindi para sumunod sa Kanya, kundi para makatanggap ng ilang mga pakinabang, o para makatakas sa pagdurusa na dala ng sakuna; saka lamang sila medyo masunurin. May pasubali ang pagsunod nila; ito ay alang-alang sa mga pansarili nilang pag-asam, at ipinilit sa kanila. Kaya, bakit ka nga ba naniniwala sa Diyos? Kung dahil lamang ito sa kapakanan ng mga pag-asam mo at tadhana mo, mas makabubuti pang huwag ka na lamang maniwala. Ang ganitong paniniwala ay panlilinlang sa sarili, pagpapanatag sa sarili, at paghanga sa sarili. Kung hindi itinayo ang pananampalataya mo sa pundasyon ng pagsunod sa Diyos, parurusahan ka sa huli sa pagsalungat sa Kanya. Lahat yaong mga hindi naghahangad ng pagsunod sa Diyos sa pananampalataya nila ay sumasalungat sa Kanya. Hinihiling ng Diyos na hanapin ng mga tao ang katotohanan, na mauhaw sila sa mga salita Niya, kainin at inumin ang mga salita Niya, at isagawa ang mga ito, upang makamit nila ang pagsunod sa Diyos. Kung ang mga ito ang tunay mong mga layon, tiyak na itataas ka ng Diyos, at tiyak na magiging mapagbiyaya sa iyo. Ito ay hindi mapagdududahan at hindi mababago. Kung ang layon mo ay hindi sumunod sa Diyos, at mayroon kang ibang mga pakay, lahat ng sinasabi at ginagawa mo—ang panalangin mo sa harap ng Diyos, at maging ang bawat kilos mo—ay magiging pagsalungat sa Kanya. Maaaring ikaw ay malumanay magsalita at may banayad na asal, maaaring mukhang wasto ang bawat kilos at pagpapahayag mo, at maaaring mukha kang isang taong sumusunod, ngunit pagdating sa mga layon mo at sa mga pananaw mo tungkol sa pananampalataya sa Diyos, pagsalungat sa Diyos ang lahat ng ginagawa mo; kasamaan ang lahat ng ginagawa mo. Ang mga taong lumilitaw bilang masusunurin tulad ng mga tupa, ngunit nagkikimkim ang mga puso ng masasamang pakay, ay mga lobong nakadamit ng pang-tupa. Tuwiran silang nagkakasala sa Diyos, at hindi ititira ng Diyos ang kahit isa sa kanila. Ibubunyag ng Banal na Espiritu ang bawat isa sa kanila at ipapakita sa lahat na yaong mga mapagkunwari ay tiyak na kamumuhian at tatanggihan ng Banal na Espiritu. Huwag mag-alala: Pakikitunguhan at itatapon ng Diyos ang bawat isa sa kanila nang sunud-sunod.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya Mo sa Diyos, Dapat Kang Sumunod sa Diyos

Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang manampalataya sa lahat ng mga salita ng Diyos at sa lahat ng gawain Niya. Ibig sabihin, yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang sumunod sa Kanya. Kung hindi mo kayang gawin ito, kung gayon ay hindi mahalaga kung naniniwala ka sa Diyos o hindi. Kung naniniwala ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi mo Siya kailanman sinunod, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makasusunod ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Ang pinakamapanghimagsik sa lahat ay ang mga sadyang lumalabag at lumalaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Palaging may poot ang saloobin nila sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman nagalak na magpasakop o magpakumbaba ng sarili nila. Dinadakila nila ang mga sarili nila bago ang iba at hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nilang pinakamahusay sa pangangaral ng salita, at ang pinakabihasa sa paggawa sa iba. Hindi nila kailanman itinatapon ang mga “kayamanang” nasa pag-aari nila, kundi itinuturing ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit nila ang mga ito para magsermon sa mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay mga “hindi palulupig na mga bayani,” na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang pinakamataas nilang tungkulin. Bawat taon, bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang “sagrado at hindi malalabag” na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging “mga hari” sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng mga demonyong ito na makipagsanib at gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko? Kahit ang mga medyo masunurin lamang ay hindi makapagpapatuloy hanggang sa katapusan, lalong hindi itong mga maniniil na wala ni katiting na pagsunod sa mga puso nila!

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos

Ang susi sa pagsunod sa Diyos ay ang pagpapahalaga sa bagong liwanag, at ang magawang tanggapin ito at isagawa ito. Ito ang nag-iisang tunay na pagsunod. Yaong mga salat sa kaloobang maghangad sa Diyos ay walang kakayahang sadyang magpasakop sa Kanya, at maaari lamang sumalungat sa Diyos bilang kinalabasan ng kasiyahan nila sa nakasanayan na. Hindi kayang sumunod ng tao sa Diyos dahil sinapian siya ng dumating na dati. Ang mga bagay na dumating na dati ay nagbigay sa mga tao ng lahat ng uri ng mga kuru-kuro at mga guni-guni tungkol sa Diyos, at ang mga ito ang naging larawan ng Diyos sa mga isip nila. Sa gayon, ang pinaniniwalaan nila ay ang sarili nilang mga kuru-kuro, at ang mga pamantayan ng sarili nilang guni-guni. Kung ikukumpara mo ang Diyos na gumagawa ng aktwal na gawain ngayon sa Diyos ng sarili mong guni-guni, nagmumula kay Satanas ang pananampalataya mo, at nadungisan ng mga sarili mong kagustuhan—hindi nais ng Diyos ang ganitong uri ng pananampalataya. Gaano man katayog ang mga kredensyal nila, at gaano man sila kasigasig—kahit na naglaan na sila ng habambuhay na pagsisikap sa gawain Niya, at ginawang martir ang mga sarili nila—hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang sinumang may ganitong pananampalataya. Pinagkakaloob lamang Niya sa kanila ang maliit na biyaya at hinahayaan silang tamasahin ito nang maikling panahon. Ang ganitong mga tao ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan. Hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa loob nila, at isa-isang aalisin ng Diyos ang bawat isa sa kanila. Bata man o matanda, yaong mga hindi sumusunod sa Diyos sa pananampalataya nila at mayroong mga maling layon ay yaong mga sumasalungat at umaabala, at walang alinlangang aalisin ng Diyos ang ganitong mga tao. Yaong mga taong wala ni katiting na pagsunod sa Diyos, na kinikilala lamang ang pangalan Niya, at mayroong kaunting muwang sa kabutihan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos, subalit hindi sumasabay sa mga hakbang ng Banal na Espiritu, at hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain at mga salita ng Banal na Espiritu—namumuhay ang ganitong mga tao sa gitna ng biyaya ng Diyos, at hindi Niya kakamtin o gagawing perpekto. Ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagsunod nila, sa pamamagitan ng pagkain, pag-inom, at pagtamasa nila sa mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagdurusa at pagpipino sa mga buhay nila. Tanging sa pamamagitan ng ganitong pananampalataya maaaring magbago ang mga disposisyon ng mga tao, at saka lamang nila maaaring taglayin ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Ang pagiging hindi nalulugod sa pamumuhay sa gitna ng biyaya ng Diyos, ang aktibong pananabik at paghahanap sa katotohanan, at paghahangad na makamit ng Diyos—ito ang kahulugan ng sadyang pagsunod sa Diyos at ito ang mismong uri ng pananampalatayang nais Niya. Ang mga taong walang ibang ginagawa kundi tamasahin ang biyaya ng Diyos ay hindi maaaring gawing perpekto o mabago, at paimbabaw lahat ang pagsunod, pagkamaka-Diyos, pagmamahal, at pagtitiis nila. Hindi magagawang tunay na makilala ang Diyos ng yaong mga nagtatamasa lamang ng biyaya ng Diyos, at kahit makilala nila ang Diyos, paimbabaw lamang ang kaalaman nila, at sinasabi nila ang mga bagay na tulad ng “mahal ng Diyos ang tao,” o “mahabagin ang Diyos sa tao.” Hindi nito kinakatawan ang buhay ng tao, at hindi ipinapakitang tunay na nakikilala ng mga tao ang Diyos. Kung kapag pinipino sila ng mga salita ng Diyos, o dumarating sa kanila ang mga pagsubok Niya, ay hindi nagagawang sumunod ng mga tao sa Diyos—kung, sa halip, ay nagiging mapagduda sila, at bumabagsak—hindi sila masunurin ni katiting. Sa loob nila, maraming patakaran at paghihigpit tungkol sa pananampalataya sa Diyos, mga lumang karanasang bunga ng maraming taon ng pananampalataya, o ng iba’t ibang patakarang nakabatay sa Biblia. Kaya bang sumunod sa Diyos ang ganitong mga tao? Puspos ang mga taong ito ng mga pantaong bagay—paano sila makasusunod sa Diyos? Ang “pagsunod” nila ay ayon sa pansarili nilang kagustuhan—nanaisin ba ng Diyos ang pagsunod na tulad nito? Hindi ito pagsunod sa Diyos, kundi pagkapit sa mga patakaran; ito ay pagpapalugod at pagpapahinahon sa kanilang mga sarili. Kung sinasabi mong pagsunod ito sa Diyos, hindi ka ba lumalapastangan laban sa Kanya? Isa kang Ehiptong Faraon. Gumagawa ka ng kasamaan, at malinaw na nakikibahagi ka sa gawain ng pagsalungat sa Diyos—ganito ka ba nais maglingkod ng Diyos? Mas makabubuting magmadali ka sa pagsisisi, at subukang magkamit ng kaunting kamalayan sa sarili. Kung mabibigo ka rito, mas mainam na umuwi ka na lamang; mas makabubuti iyon sa iyo kaysa sa ipinahahayag mong paglilingkod sa Diyos. Hindi ka mang-aabala at manggugulo; mababatid mo ang lugar mo, at mamumuhay nang maayos—hindi ba mas mainam iyon? At hindi ka maparurusahan sa pagsalungat sa Diyos!

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya Mo sa Diyos, Dapat Kang Sumunod sa Diyos

Nakabatay sa kanilang pag-uugali ang pamantayang ginagamit ng mga tao upang hatulan ang ibang mga tao; matuwid yaong ang asal ay mabuti, habang buktot yaong ang asal ay karumal-dumal. Ang pamantayan ng Diyos sa paghatol sa mga tao ay batay sa kung nagpapasakop ba o hindi sa Kanya ang kanilang diwa; matuwid na tao ang nagpapasakop sa Diyos, samantalang ang hindi nagpapasakop ay kaaway at isang buktot na tao, mabuti man o masama ang pag-uugali ng taong ito at kung tama man o mali ang kanyang pananalita. Nais ng ilang tao na gumamit ng mabubuting gawa upang magtamo ng magandang hantungan sa hinaharap, at nais ng ilang mga tao na gumamit ng maiinam na salita upang magkamit ng mabuting hantungan. Maling naniniwala ang lahat na natutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao pagkaraang mamasdan ang kanilang pag-uugali o pagkaraang makinig sa kanilang pananalita; kaya maraming tao ang nagnanais samantalahin ito upang linlangin ang Diyos na gawaran sila ng isang panandaliang pagtatangi. Sa hinaharap, ang mga taong makaliligtas sa isang kalagayan ng pamamahinga ay napagtiisan na ang lahat ng araw ng pagdurusa at nakapagpatotoo na rin para sa Diyos; lahat sila ay magiging mga tao na tinupad na ang kanilang mga tungkulin at kusa nang nagpasakop sa Diyos. Yaong mga nais lamang gamitin ang pagkakataon na gawin ang paglilingkod na kasama ang balak na iwasan ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi pahihintulutang manatili. May mga naaangkop na pamantayan ang Diyos para sa pag-aayos ng mga kalalabasan ng bawat tao; hindi Siya basta gumagawa ng mga kapasiyahang ito ayon sa mga salita at asal ng isang tao, o gumagawa Siya ng mga ito batay sa kung paano kumikilos ang isang tao sa isang tagal ng panahon. Lubos na hindi siya magiging maluwag hinggil sa buktot na asal ng isang tao dahil sa nakaraang paglilingkod nito sa Kanya, o hindi rin Niya ililigtas ang isang tao mula sa kamatayan dahil sa minsanang gugulin para sa Diyos. Walang sinuman ang makaiiwas sa paghihiganti para sa kanilang kabuktutan, at walang sinuman ang mapagtatakpan ang kanilang masamang pag-uugali at sa gayon ay makaiiwas sa mga paghihirap ng pagkawasak. Kung totoong matutupad ng mga tao ang sarili nilang tungkulin, nangangahulugan ito na walang hanggang matapat sila sa Diyos at hindi hinahangad ang mga pabuya, tumatanggap man sila ng mga biyaya o nagdurusa sa kasawian. Kung matapat sa Diyos ang mga tao kapag nakikita nila ang mga biyaya, ngunit nawawala ang kanilang katapatan kapag hindi nila nakikita ang anumang mga biyaya, at kung, sa huli, ay hindi pa rin nila nagagawang magpatotoo para sa Diyos o tuparin ang mga tungkuling kasalukuyang hawak nila, magiging mga pakay pa rin sila ng pagkawasak kahit pa dati na silang nakapagbigay ng matapat na paglilingkod sa Diyos. Sa madaling salita, hindi maaaring makaligtas hanggang sa kawalang-hanggan ang mga taong buktot, o makapapasok sa pamamahinga; tanging ang mga matuwid ang mga panginoon ng pamamahinga.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply