Nagagamit Din sa Pamilya ang mga Prinsipyo

Pebrero 17, 2025

Ni Mike, Timog Korea

Noong Oktubre ng 2004, tinanggap naming mag-asawa ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at sumunod ang dalawa naming anak sa pananampalataya sa Diyos. Partikular na masaya ako, iniisip na, “Nananampalataya ang aming buong pamilya sa Diyos. Kung lahat kami ay puwedeng maligtas at makapasok sa kaharian, magiging kahanga-hangang bagay iyon!” Pagkatapos niyon, ginawa naming mag-asawa ang aming mga tungkulin. Mas masigasig ang asawa ko kaysa sa akin, at palagi kong nadarama na mas hinangad niya ang katotohanan kaysa sa akin.

Noong 2013, habang naglilingkod ang asawa ko bilang isang lider ng grupo, sa isang pulong ay pinuna ng lider ng iglesia na si Wang Jing ang mga paglihis at mga problema ng aking asawa sa kanyang paggawa sa mga tungkulin niya. Kalaunan, pinanghawakan ng aking asawa ang mga pagbubunyag ni Wang Jin ng katiwalian, nanghusga siya nang padalus-dalos, at ipinagkalat ang mga iyon, na nagdulot para magkaroon ang mga kapatid ng mga pagtatangi laban kay Wang Jing, nagresulta sa maraming gampanin na hindi naipatupad at malubhang pagkagambala ng buhay iglesia. Maraming beses na nakipagbahaginan sa kanya ang lider at ang diyakono, pero tutol at dismayado siya, nakikipagtalo pa nga at nangangatwiran, nang walang kahit kaunting pagkakilala sa sarili niya. Dahil doon, tinanggal siya ng iglesia sa posisyon niya. Pagkatapos siyang tanggalin, hindi siya nagpakita ng tanda ng pagsisisi at patuloy na naghanap siya ng kapintasan kay Wang Jing, nagkakalat kung saan-saan ng mga panghuhusga at pagtsitsismis. Dahil sa kanyang palagiang panggagambala at panggugulo sa buhay iglesia, inilantad at iniulat siya ng ilang kapatid. Kalaunan, kasunod ng pagboto na ipinasa ng 80% ng mga miyembro ng iglesia, tinukoy ang asawa ko bilang isang masamang tao at pinatalsik siya. Noong panahong iyon, nang mangyari ito, napakasakit nito. Nang isipin ko kung paano tinalikuran ng asawa ko ang kanyang propesyon para gawin ang kanyang tungkulin magmula noong magsimula siyang manampalataya sa Diyos, hinaharap ang lahat ng uri ng paghihirap sa loob ng maraming taon, ngayong pinatalsik siya, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay tapos na ang lahat sa kanya? Wala nang kahit anong pag-asa ng kaligtasan. Gayumpaman, wala man lang pakialam ang asawa ko at sinabi niyang, “Nananampalataya ako sa Diyos. Walang saysay na pinatalsik nila ako. Mananampalataya pa rin ako sa Diyos kahit pagkatapos kong mapatalsik.” Dahil nakikita kong gumawa siya ng maraming kasamaan pero hindi pa rin niya kilala ang sarili niya pagkatapos niyon, at na hindi siya kumbinsido at masama ang loob sa desisyon ng iglesia, nadama kong hindi naman labis ang pagpapatalsik sa kanya ng iglesia. Pagkatapos siyang patalsikin, maraming kapatid na dumalaw sa bahay namin ang nakipagbahaginan sa kanya at inuudyukan siyang pagnilayan at kilalanin ang sarili niya, pero ayaw talaga niya itong tanggapin at nakipagtalo nang walang katwiran, sinasabing laban sa kanya ang mga lider at manggagawa kaya pinatalsik siya. Bukod doon, nagpatuloy siyang magkimkim ng sama ng loob kay Wang Jing.

Kalaunan, hiningi ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng iglesia na tingnan muli ang mga dating miyembro na pinaalis o pinatalsik para malaman kung may tunay na nagsisi ang mga ito at puwedeng tanggaping muli. Naisip ko, “Kalipikado ba ang asawa ko para tanggaping muli? Mula nang patalsikin siya, hindi pa siya nagnilay at nagkamit ng kaalaman sa mga kilos niya, at patuloy niyang pinanghawakan ang kanyang mga naunang ideya laban kay Wang Jing, hinuhusgahan ito nang patalikod. Hindi siya nagpakita ng tanda ng pagsisisi, kaya ayon sa mga prinsipyo, hindi siya dapat tanggaping muli.” Pero naisip ko, “Magmula nang pinatalsik siya, palagi pa rin niyang binabasa ang mga salita ng Diyos, at sinusuportahan kami sa paggawa namin ng aming mga tungkulin, at inaasikaso pa rin niya ang pamilyang ito, at inaalagaan ang aking paralisado, nakaratay na ina. Hindi ba siya puwedeng bigyan ng isa pang pagkakataon?” Noong panahong iyon, tinutulungan ko ang mga lider sa pag-aayos ng mga materyal ng mga pinatalsik at pinaalis na miyembro. Tinanong ng anak kong babae kung puwede bang tanggapin muli sa iglesia ang kanyang nanay, at palagi ring itinatanong ng asawa ko kung puwede siyang tanggaping muli. Dahil nakikita niyang hindi ko kailanman sinabi kahit minsan na puwede, inakusahan ako ng asawa ko na wala akong puso. Nang marinig ko ito, sumama ang loob ko. Naisip ko, “‘Kapag ang isang lalaki at babae ay ikinasal, ang kanilang pagmamahalan ay malalim.’ Kung hindi ko tutulungan ang asawa kong matanggap muli, hindi mapapalagay ang konsensiya ko, at parehong sasama ang loob sa akin ng asawa at anak ko.” Sa pag-iisip ko nito, nakipag-usap ako sa mga lider, sinasabing, “Magmula noong patalsikin siya, matatag na nagpatuloy ang asawa ko sa pananampalataya sa Diyos. Puwede ba siyang tanggaping muli sa iglesia?” Nakipagbahaginan sa akin ang mga lider, sinasabing, “May mga prinsipyo ang iglesia sa muling pagtanggap sa mga tao. Ang mga nagpatuloy lamang na ipangaral ang ebanghelyo at nagpakita ng tunay na pagsisisi pagkatapos patalsikin o paalisin ang maaaring tanggaping muli. Hinding-hindi dapat magdulot muli ng kaguluhan sa iglesia ang mga tinanggap muli. Kung susukatin sa mga prinsipyong ito, kahit na hindi ka sinalungat ng asawa mo sa iyong pananalig at nagpakita siya ng ilang mabuting pag-uugali magmula noong patalsikin siya, hindi niya kailanman pinagnilayan o kinilala ang masasamang nagawa niya na nakagulo sa buhay iglesia, at nananatili siyang hindi kumbinsido at dismayado sa pagpapatalsik sa kanya. Isa siyang taong hindi dapat tanggaping muli.” Nang marinig ko ang pagbabahaginan ng mga lider, napahiya ako. Alam na alam ko na mula nang patalsikin ang asawa ko, hindi man lang niya kinilala ang masasamang gawa niya noon, at nagpatuloy pa ngang sumama ang loob niya sa lider na nagpatalsik sa kanya, at hindi niya kailanman pinagnilayan ang sarili niya para baguhin ang mga bagay-bagay sa kabila ng pakikipagbahaginan ng iba sa kanya. Palagi siyang nakikipagtalo sa pamamagitan ng kanyang baluktot na lohika. Dahil namuhay akong kasama siya sa loob ng maraming taon, nauunawaan kong mabuti kung anong klaseng tao siya. Siya ay partikular na mayabang, palalo, at mapilit kahit walang katwiran. Mula nang mag-asawa kami, anuman ang mangyari, ni minsan ay hindi niya kailanman inaming mali siya. Kapag nagsalita na ako ng mabubuting salita sa kanya, saka lang siya kakalma. Pinatahimik ko ang aking isip at pinagnilayan ang sarili ko, iniisip na, “Malinaw kong alam na hindi natugunan ng asawa ko ang mga kondisyon para sa pagtanggap muli, pero bakit ko pa rin siya ipinaglalaban at ipinagtatanggol?”

Kalaunan, sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang ilang tao ay masyadong nagtitiwala sa mga damdamin, tumutugon sila sa anumang nangyayari sa kanila batay sa kanilang mga damdamin; sa kanilang puso, alam na alam nilang mali ito, gayunpaman ay hindi pa rin nila magawang maging obhetibo, lalo na ang kumilos ayon sa prinsipyo. Kapag palaging napipigilan ng mga damdamin ang mga tao, kaya ba nilang isagawa ang katotohanan? Napakahirap nito! Ang kawalan ng kakayahan ng maraming tao na isagawa ang katotohanan ay pangunahing bunga ng mga damdamin; itinuturing nila ang mga damdamin bilang napakahalaga, inuuna nila ang mga ito. Mga tao ba sila na nagmamahal sa katotohanan? Tiyak na hindi. Ano ang mga damdamin, sa diwa? Ang mga ito ay uri ng tiwaling disposisyon. Ang mga pagpapamalas ng mga damdamin ay mailalarawan gamit ang ilang salita: paboritismo, pagprotekta sa iba nang walang prinsipyo, pagpapanatili ng mga pisikal na relasyon, at pagkiling; ito ang mga damdamin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?). “Anong mga isyu ang may kaugnayan sa mga damdamin? Una ay kung paano mo sinusuri ang iyong sariling mga kapamilya, at kung paano mo hinaharap ang mga bagay na ginagawa nila. Natural na kasama rito sa ‘ang mga bagay na ginagawa nila’ kapag kanilang ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, kapag hinuhusgahan nila ang mga tao kapag nakatalikod ang mga ito, kapag lumalahok sila sa ilang pagsasagawa ng mga hindi mananampalataya, at iba pa. Kaya mo bang harapin ang mga bagay na ito nang patas? Kapag kailangan mong magsulat ng isang pagsusuri sa iyong mga kapamilya, magagawa mo ba ito nang obhetibo at patas, nang isinasantabi ang iyong sariling mga damdamin? May kinalaman ito sa kung paano mo hinaharap ang iyong mga kapamilya. Dagdag pa rito, nagkikimkim ka ba ng mga damdamin sa mga taong kasundo mo o sa mga dati nang tumulong sa iyo? Kaya mo bang tingnan ang kanilang mga kilos at asal sa isang obhetibo, patas, at tumpak na paraan? Kung ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia, magagawa mo bang agad na iulat o ilantad sila pagkatapos mo itong malaman? Gayundin, nagtataglay ka ba ng mga damdamin sa mga taong medyo malapit sa iyo o sa mga may interes na pareho sa iyo? Mayroon ka bang patas at obhetibong pagsusuri, depinisyon, at paraan ng pagharap sa kanilang mga kilos at pag-uugali? Ipagpalagay na ang mga taong ito, na may sentimental na koneksyon sa iyo, ay pinangasiwaan ng iglesia ayon sa mga prinsipyo, at hindi naaayon sa iyong sariling mga kuru-kuro ang kinalabasan nito—paano mo ito haharapin? Magagawa mo bang sumunod?(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 2). Matalim na inilantad ng mga salita ng Diyos ang ugat ng problema. Napipigilan ako ng mga damdamin ko. Alam na alam ko na ginambala at ginulo ng asawa ko ang buhay iglesia at hinusgahan niya ang lider, at na hindi siya kailanman tunay na nagsisi kahit na pagkatapos mapatalsik, ginagawa siya nitong hindi angkop para tanggaping muli ng iglesia, pero dahil natakot akong tawagin akong walang puso ng asawa at anak ko, at nag-alala akong masisira ang pagsasama namin, sumalungat ako sa mga prinsipyo para ipagtanggol siya. Sinamantala ko ang aking tungkulin para ipagtanggol siya, umaasang tatanggapin siyang muli sa iglesia. Napakatindi ng damdamin ko! Hinihingi sa atin ng sambahayan ng Diyos na tanggaping muli ang mga tunay na nagsisi pagkatapos paalisin o patalsikin. Pagpaparaya at habag ito ng Diyos, binibigyan ang mga tao ng tsansang magsisi hanggang sa pinakamataas na posibleng antas. Kung kayang kapootan at pagsisihan ng mga taong ito ang kanilang mga kilos, bumabawi sa kanilang mga pagsalangsang sa pamamagitan ng mga tunay na kilos, ipinapakita nito na hindi pa nila ganap na naiwala ang kanilang pagkatao at katwiran at na, kahit papaano, tunay ang kanilang pananalig sa Diyos. Gayumpaman, ang mga hindi talaga tumanggap ng katotohanan at gumawa ng maraming masasamang bagay ay mga taong ang kalikasang diwa ay tutol sa katotohanan at kinamumuhian ang katotohanan at hindi sila kailanman magsisisi. Ititiwalag ang gayong mga tao. Sumalungat ako sa mga prinsipyo, nagtitiwala sa mga damdamin ko, at ginustong tanggaping muli sa iglesia ang isang masamang tao, hinahayaan siyang magpatuloy sa panggugulo sa buhay iglesia. Sa paggawa nito, hindi ba’t ginugulo ko ang gawain ng iglesia? Nang mapagtanto ko ito, lubos akong nagsisisi at ayaw ko nang mamuhay ayon sa mga damdamin ko.

Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahangad ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga napopoot at naghihimagsik sa Diyos—ito ang mga taong kinasusuklaman ng Diyos, at dapat din natin silang kasuklaman. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. … Noong Kapanahunan ng Biyaya, sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Sino ang Aking ina? At sino-sino ang Aking mga kapatid?’ ‘Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit, ay siyang Aking kapatid na lalaki at Aking kapatid na babae, at ina.’ Umiiral na ang mga salitang ito noon pang Kapanahunan ng Biyaya, at lalo pang mas malinaw ang mga salita ng Diyos ngayon: ‘Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos.’ Diretsahan ang mga salitang ito, ngunit madalas na hindi naaarok ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga ito. Kung itinatatwa at sinasalungat ng isang tao ang Diyos, na siya ay isinusumpa ng Diyos, ngunit siya ay magulang o kamag-anak mo, at sa tingin mo ay hindi naman siya mukhang masamang tao, at maayos ang pagtrato niya sa iyo, baka hindi mo magawang kamuhian ang taong iyon, at baka manatili siyang malapit mong kaugnayan, hindi nagbabago ang relasyon ninyo. Ikababahala mo na marinig na kinamumuhian ng Diyos ang gayong mga tao, at hindi mo magagawang pumanig sa Diyos at malupit na tanggihan ang taong iyon. Lagi kang napipigilan ng mga damdamin, at hindi mo ganap na mapakawalan ang mga ito. Ano ang dahilan nito? Nangyayari ito dahil masyadong matindi ang iyong mga damdamin, at hinahadlangan ka ng mga itong maisagawa ang katotohanan. Mabait sa iyo ang taong iyon, kaya hindi mo maatim na kamuhian siya. Makakaya mo lang siyang kamuhian kung sinaktan ka nga niya. Ang pagkamuhing iyon ba ay aayon sa mga katotohanang prinsipyo? Gayundin, ginagapos ka ng tradisyunal na mga haka-haka, na iniisip na isa siyang magulang o kamag-anak, kaya kung kamumuhian mo siya, kasusuklaman ka ng lipunan at lalaitin ng publiko, kokondenahing walang paggalang, walang konsiyensiya, at ni hindi nga tao. Iniisip mo na magdurusa ka ng pagkondena at kaparusahan ng langit. Kahit gusto mong kamuhian siya, hindi iyon kakayanin ng konsiyensiya mo. Bakit gumagana nang ganito ang konsiyensiya mo? Ito ay dahil isang paraan ng pag-iisip ang naitanim na sa kalooban mo buhat nang ikaw ay bata pa, sa pamamagitan ng pamana ng iyong pamilya, ang turong ibinigay sa iyo ng mga magulang mo, at ang indoktrinasyon ng tradisyonal na kultura. Ang paraang ito ng pag-iisip ay nakaugat nang napakalalim sa puso mo, at dahil dito ay nagkakaroon ka ng maling paniniwala na ang paggalang sa magulang ay ganap na likas at may katwiran, at na ang anumang minana mo mula sa mga ninuno mo ay palaging mabuti. Una mo itong natutunan at nananatili pa rin itong nangingibabaw, na lumilikha ng isang malaking sagabal at kaguluhan sa iyong pananampalataya at pagtanggap sa katotohanan, na iniiwan kang walang kakayahan na isagawa ang mga salita ng Diyos, at mahalin ang minamahal ng Diyos at kapootan ang kinapopootan ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hinihingi sa atin ng Diyos na tratuhin ang mga tao nang may prinsipyo ng pagmamahal sa mga minamahal ng Diyos at ng pagkamuhi sa mga kinamumuhian ng Diyos. Dapat nating tratuhin nang may pagmamahal ang mga nagmamahal sa katotohanan at nagtataguyod sa gawain ng iglesia, at dapat nating kasuklaman at tanggihan ang masasamang tao na namumuhi sa katotohanan, lumalaban sa Diyos, at nanggugulo sa gawain ng Diyos. Ang pagsasagawa lamang sa ganitong paraan ang umaayon sa layunin ng Diyos. Gayumpaman, napigilan ako ng mga damdamin ko at hindi ko nagawang mahalin ang minamahal ng Diyos at kamuhian ang kinamumuhian ng Diyos. Dahil alam kong nakagawa ng kasamaan ang asawa ko para guluhin ang buhay iglesia at na tahasan niyang tinanggihan ang katotohanan, at na ang diwa niya ay sa isang masamang tao na namumuhi sa katotohanan, at na dapat siyang patalsikin at itiwalag, sumalungat ako sa mga prinsipyo, sinusubukang tanggapin siyang muli ng iglesia. Napakatindi ng mga damdamin ko! Naniwala ako sa mga kasabihang gaya ng “Kapag ang isang lalaki at babae ay ikinasal, ang kanilang pagmamahalan ay malalim,” “Mas matimbang ang dugo kaysa tubig,” at “Ang tao ay hindi patay; paano siya magiging malaya mula sa emosyon?” Dahil namumuhay ako sa mga satanikong lason na ito, hindi ko na nagawang matukoy ang masama at mabuti, ang tama at mali. Sa lahat ng bagay, namuhay ako ayon sa mga damdamin ko, nang walang anumang prinsipyo. Dahil nakikita kong patuloy ang aking asawa sa pagsuporta sa akin at sa ang aming mga anak sa paggawa namin ng aming mga tungkulin, inaasikaso ang mga gawaing bahay, at inaalagaan ang paralisado kong ina kahit pagkatapos niyang mapatalsik, pakiramdam ko ay may utang ako sa kanya. Kung hindi ko siya ipaglalaban, natakot akong magagalit sa akin ang mga anak ko at sasama ang loob nila sa akin. Para mapanatili ang aking mga maka-lamang emosyonal na ugnayan at ang aking imahe bilang isang mabuting asawa at ama, kumampi ako sa kanya at ipinagtanggol siya, sinusubukang tanggapin siyang muli ng iglesia, pinapayagan siyang patuloy na guluhin ang buhay iglesia at ang buhay pagpasok ng mga kapatid. Isa itong masamang gawa at tunay na walang konsensiya at pagkatao. Hindi tayo kailanman sinabihan ng Diyos na magpakita ng konsensiya sa masasamang tao, ni hindi Niya sinasabi na walang puso, o hindi makatao ang pagtanggi sa mga satanikong kamag-anak. Sa halip, hinihingi Niya sa atin na mahalin ang minamahal Niya at kamuhian ang kinamumuhian Niya. Nang mapagtanto ko ito, naging mas malinaw ang isip ko, at handa akong kumilos ayon sa mga prinsipyo, na hindi na ipinagtatanggol ang asawa ko o kumikilos batay sa mga damdamin ko.

Pagkatapos kong maranasan ang mga bagay na ito, inakala kong nagkamit na ako ng kaunting kabatiran sa diwa ng mga damdamin. Gayumpaman, kalaunan ay naharap ako sa pagpapatalsik sa aking panganay na anak na babae. Noong Disyembre 2020, ginagawa ko ang aking tungkulin nang malayo sa bahay. Isang araw, bigla akong nakatanggap ng isang liham mula sa bahay na nagsasabing ang aking panganay na anak na babae, na nabunyag bilang isang masamang tao, ay pinatalsik sa iglesia dahil sa panggagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia at paggawa ng maraming masasamang bagay nang hindi nagsisisi. Nagulat ako nang oras na iyon at lubos na nasaktan, at hindi ko maiwasang magreklamo, “Bakit pinatalsik din ang aking panganay na anak? Noong panahong iyon, isinuko niya ang pag-aaral niya para gawin ang mga tungkulin niya. Sa kabila ng mga balakid, ni minsan ay hindi niya kailanman inantala ang mga tungkulin niya. Ngayon siya ay pinatalsik; hindi ba’t ibig sabihin nito ay wala nang pag-asa para sa kaligtasan?” Tuwing ipinipikit ko ang aking mga mata, pumapasok sa isip ko ang mga nakalipas na pangyayari. Dati, kaming apat sa pamilya ay nanampalataya sa Diyos. Madalas naming sabay-sabay na binabasa ang mga salita ng Diyos, umaawit ng mga himno, at nagbabahaginan ng katotohanan. Ngayon, kaming dalawa na lang ng bunsong anak ko ang natira. Sa pag-iisip ko nito, lubos akong nasaktan. Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos! Pinatalsik ang panganay kong anak. Alam kong katuwiran Mo ito. Pero hindi ko talaga ito lubos maisip; hindi ko kayang bitiwan ang mga damdamin ko. Bigyang-liwanag at gabayan Mo nawa ako para maunawaan ko ang layunin Mo.” Noong panahong iyon, ginagawa namin ang stage play na Ang Digmaan ng Pagpapatalsik sa Isang Masamang Tao. Ang bida, na nasaktan at negatibo dahil sa pagpapatalsik sa tatay niya, ay nasa kaparehong kalagayan ko. Dahil nakita ko na nagtiwala ang tauhan sa mga salita ng Diyos upang mapagtagumpayan ang pagpipigil ng mga damdamin niya, lubos akong naantig. Naisip ko, “Dapat din akong magtiwala sa Diyos, isagawa ang katotohanan, at manindigan sa aking patotoo. Ngayon, dahil alam kong pinatalsik ang anak ko, nalungkot ako, pero nananampalataya akong matuwid ang Diyos. Ang pagpapaalis o pagpapatalsik ng iglesia sa sinuman ay batay sa diwa ng taong iyon, at walang sinumang naagrabyado. Dapat akong magpasakop at tumigil sa pagrereklamo at paglaban sa Diyos.”

Kalaunan, huminahon ako para pagnilayan ang palagiang pag-uugali ng panganay na anak ko at sinuri kong muli ang abiso ng pagpapatalsik, kinukumpirmang talagang masamang tao siya na nakagawa ng maraming masasamang bagay. Sa panlabas, mukha siyang makatwiran at hindi masyadong nagsasalita, pero kapag sangkot na ang mga interes niya, nabubunyag na ang mga tunay na kulay niya. Noon, nang tanggalin at ibukod ang asawa ko para sa pagninilay, si Wang Jing, ang lider, ay nagbahagi sa anak ko tungkol sa masasamang gawa ng asawa ko. Bukod sa hindi siya nakinig, ipinagtanggol pa niya ang asawa ko, sinasabing, “Hindi ko pa nakita ang mga pag-uugaling ito. Hindi ako naniniwalang ginulo ng nanay ko ang buhay iglesia.” Kahit paanong pagbabahagi ang gawin ng lider, ayaw niya itong tanggapin at sinabi niyang siniil at inagrabyado ng lider ang nanay niya, patuloy na ginugulo ang buhay iglesia. Dahil sa pag-uugali niya, tinanggal siya ng iglesia. Mula noon, nagkimkim siya ng sama ng loob kay Wang Jing. Kalaunan, sa panlabas, mukhang umayos siya at binitiwan ito. Pagkalipas ng ilang panahon, nahalal siya bilang isang lider ng iglesia. Nang panahong iyon, inilipat si Wang Jing sa gawaing nakabatay sa teksto dahil nabigo siyang gumawa ng tunay na gawain, kaya, pinaghigantihan ng anak ko si Wang Jing. Hindi lamang niya ito tinanggal sa gawaing nakabatay sa teksto, kundi naghanda rin siya ng mga materyal para mapatalsik ito sa iglesia. Noong panahong iyon ay sinabi ko sa kanya, “Dapat nakabatay sa mga prinsipyo ang pagpapaalis mula sa iglesia. Kung may isang taong pinatalsik nang di-makatarungan, paggawa iyon ng kasamaan; isa iyong seryosong pagsalangsang. Isa lamang huwad na lider si Wang Jing na hindi kayang gumawa ng anumang tunay na gawain, pero hindi siya isang masamang tao at hindi siya pasok sa mga pamantayan para sa pagpapatalsik.” Maraming beses akong nakipagbahaginan sa anak ko, pero ayaw niyang makinig, iginigiit niya na masamang tao si Wang Jing at isang anticristong nararapat patalsikin. Kalaunan, hindi sapat ang ebidensiya niya laban kay Wang Jing, at hindi sumang-ayon ang mga lider, manggagawa, at kapatid. Hindi siya sumuko at patuloy na palihim na nagtipon ng impormasyon, dahil determinado siyang patalsikin si Wang Jing sa iglesia. Hindi lang niya gustong patalsikin si Wang Jing, kundi pinarusahan at siniil niya rin ang asawa at anak ni Wang Jing, inililihis at hinihikayat ang mga kapatid na tanggihan at itakwil ang asawa ni Wang Jing, at tinakot pa ngang tatanggalin ito, na nagdulot ng matinding pasakit at pagkanegatibo sa pamilya ni Wang Jing. Noong tanggalin ang panganay na anak ko, naroon ako, bilang isang diyakono ng iglesia, at dahil hindi ko siya ipinagtanggol, nagkimkim siya ng sama ng loob sa akin. Kalaunan, noong nagsulat siya ng mga ebalwasyon, inilarawan niya ako bilang hindi makatao, lubos na makasarili, walang pakiramdam, walang awa, at binigyan ako ng napakapangit na ebalwasyon.

Sa pagninilay-nilay ko sa pag-uugali ng anak ko, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag pinupungusan ang mga anticristo, ang saloobin nila ay hindi pagtanggap at pagsunod. Sa halip, laban at tutol sila rito, na nagbubunga ng pagkamuhi. Kinamumuhian nila sa kaibuturan ng puso nila ang bawat taong nagpupungos sa kanila, nagbubunyag ng mga kahiya-hiya nilang sikreto at naglalantad ng mga aktuwal nilang sitwasyon. Gaano katindi ang pagkamuhi nila sa iyo? Nagngangalit ang mga ngipin nila sa pagkamuhi, hiling nila na maglaho ka sa paningin nila, at nararamdaman nila na hindi kayo pwedeng umiral sa iisang mundo. Kung ganito ang pakikitungo ng mga anticristo sa mga tao, kaya ba nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos na naglalantad at kumokondena sa kanila? Hindi. Ang sinumang maglalantad sa kanila ay kamumuhian nila dahil sa paglalantad sa kanila at sa pagiging hindi pabor sa kanila, at gaganti sila. Nais nilang mawala sa paningin nila ang taong nagpungos sa kanila. Hindi nila matiis na makita ang taong ito na namumuhay nang maayos. Kung mamamatay o daranas ng sakuna ang taong ito, matutuwa sila; hangga’t nabubuhay ang taong ito at gumagawa pa rin ng tungkulin niya sa sambahayan ng Diyos, at nagpapatuloy ang mga bagay-bagay gaya ng dati, nakakaramdam sila ng pagdurusa, pagkabalisa, at pagkayamot sa puso nila. Kapag hindi sila makapaghiganti sa isang tao, palihim nila itong isinusumpa, o ipinagdarasal pa nga nila na parusahan at gantihan ng Diyos ang taong iyon, at na tugunan ng Diyos ang mga hinaing nila. Kapag naramdaman ng mga anticristo ang ganitong pagkamuhi, nagreresulta ito sa mga sunud-sunod na pagkilos. Kabilang sa mga pagkilos na ito ang paghigiganti at mga sumpa, at siyempre, may ilan ding pagkilos gaya ng pag-frame, paninira, at pagkondena sa iba, na nag-uugat sa pagkamuhi. Kapag may nagpupungos sa kanila, sisiraan nila ang taong iyon nang patalikod. Kapag sinabi ng taong iyon na tama ang isang bagay, sasabihin nilang mali ito. Babaluktutin nila ang lahat ng positibong bagay na ginagawa ng taong iyon at gagawin nila itong negatibo, nagpapakalat sila ng mga kasinungalingang ito at nagsasanhi ng kaguluhan habang nakatalikod ang mga ito. Uudyukan at aakitin nila ang iba na mangmang at hindi malinaw na nakakaunawa ng mga bagay-bagay o hindi nakakakilatis, para pumanig sa kanila ang mga taong ito at suportahan sila. Malinaw na walang anumang ginawang masama ang taong nagpupungos sa kanila, pero gusto pa rin nilang paratangan ng masasamang gawa ang taong ito, para maling paniwalaan ng lahat na ginagawa ng mga taong ito ang mga ganitong uri ng bagay, at magsama-sama ang lahat para itakwil ang taong ito. Ginugulo ng mga anticristo ang buhay-iglesia sa ganitong paraan at ginugulo ang mga tao sa paggampan ng tungkulin nila. Ano ang layon nila? Layon nilang pahirapan ang taong nagpupungos sa kanila at himukin ang lahat na abandonahin ang taong ito. May ilang anticristo rin na nagsasabi: ‘Pinungusan at pinahirapan mo ako, kaya hindi ko rin gagawing madali para sa iyo ang mga bagay-bagay. Ipapatikim ko sa iyo kung ano ang pakiramdam ng mapungusan at maabandona. Paano mo man ako tratuhin, ganoon din kita tatratuhin. Kung hindi mo gagawing madali para sa akin ang mga bagay-bagay, huwag kang umasa na magiging madali rin para sa iyo ang mga ito!’(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na talagang mabagsik at may hangaring maminsala ang mga anticristo, partikular nilang kinamumuhian ang mga naglalantad o sumasalungat sa kanila, hindi sila susuko hanggang sa mapabagsak at mawasak nila ang mga ito. Sa paghahambing ko nito sa pag-uugali ng panganay na anak ko, nagkamit ako ng kaunting pagkilatis sa kanya. Dahil ginulo niya ang buhay iglesia sa pagtatanggol niya sa kanyang ina, tinanggal siya, at nagkimkim siya ng sama ng loob laban sa lider, kay Wang Jing, naghihintay siya ng pagkakataong makapaghiganti. Matapos magkamit ng isang posisyon, ginawa niya ang makakaya niya upang gamitin ang kanyang kapangyarihan para idiin at pahirapan si Wang Jing at ang pamilya nito. Kahit paano man nakipagbahaginan sa kanya ang lahat na hindi pasok si Wang Jing sa mga pamantayan para sa pagpapaalis o pagpapatalsik, ayaw niya talagang makinig, iginigiit niya ang pagpapatalsik kay Wang Jing sa iglesia. Nakita ko na ang disposisyon ng anak ko ay sobrang mapanlinlang at may hangaring maminsala, at na palagi niyang pinoprotektahan ang masamang tao at gumaganti sa tumututol, tumatangging tumigil hanggang sa mawasak niya ang iba. Napagtanto ko na diyablo siya at dapat talagang patalsikin. Kung mananatili siya sa iglesia, patuloy lang siyang manggagambala at manggugulo, at magiging isang salot sa iglesia.

Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Nakikihalubilo ka pa rin ngayon sa mga demonyong iyon at tinatrato sila nang may konsensiya at pagmamahal, ngunit sa pangyayaring ito, hindi ka ba nag-aabot ng mabubuting layon kay Satanas? Hindi ka ba kakampi ng mga demonyo? Kung umabot na ang mga tao sa puntong ito at hindi pa rin nila mapag-iba ang mabuti sa masama, at patuloy na bulag na maging mapagmahal at maawain nang walang anumang pagnanais na hangarin ang mga layunin ng Diyos o magawang kunin bilang kanila sa anumang paraan ang mga layunin ng Diyos, magiging higit na kahabag-habag ang kanilang mga katapusan. Kaaway ng Diyos ang sinumang hindi naniniwala sa Diyos sa katawang-tao. Kung nakapag-uukol ka ng budhi at pagmamahal sa isang kaaway, hindi ka ba salat sa pagpapahalaga sa katarungan? Kung bumabagay ka sa mga yaong kinamumuhian Ko at hindi Ko sinasang-ayunan, at nag-uukol pa rin ng pagmamahal o pansariling damdamin sa kanila, hindi ka ba mapaghimagsik kung gayon? Hindi mo ba sinasadyang labanan ang Diyos? Nagtataglay ba ng katotohanan ang gayong tao? Kung nag-uukol ng budhi ang mga tao patungkol sa mga kaaway, pagmamahal sa mga demonyo, at habag kay Satanas, hindi ba nila sinasadyang gambalain ang gawain ng Diyos sa gayon? Yaong mga tao na naniniwala lamang kay Jesus at hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, gayundin yaong mga pasalitang inaangkin na naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ngunit gumagawa ng masama, ay pawang anticristo, kahit hindi pa banggitin yaong mga hindi man lamang naniniwala sa Diyos. Magiging mga pakay ng pagwasak ang lahat ng taong ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Sa pamilya ng Diyos, si Cristo ang may kapangyarihan, at ang katotohanan ang naghahari. Pinatalsik ng iglesia ang anak ko batay sa diwa niya, sumusunod sa mga prinsipyo sa pagpapatalsik. Pero noong mangyari ito sa akin, hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos. Hindi ko nagawang maunawaan ang maladiyablong diwa ng anak ko, kaya nakisimpatya at naawa ako sa kanya. Akala ko ay nanampalataya na siya sa Diyos mula pagkabata, at isinuko niya ang pag-aaral niya, tiniis ang pagdurusa at nagbayad ng halaga hanggang ngayon; bakit siya pinatalsik? Kaya sa puso ko ay nagreklamo ako sa Diyos, nangangatwiran sa Kanya. Hindi ba’t ito ang mismong inilantad ng Diyos bilang “nag-aabot ng mabubuting layon kay Satanas? at kakampi ng mga demonyo?” Hindi ba’t sinasalungat at nilalabanan ko ang Diyos? Nanampalataya ako sa Diyos sa loob ng maraming taon, kinain at ininom ang napakaraming salita Niya, at madalas kong sinasabi sa iba na “ang pagpapaalis at pagpapatalsik sa isang tao ay dapat batay sa mga prinsipyo, hindi sa mga damdamin, kahit na magulang mo pa ito mismo,” pero noong patalsikin ang asawa at anak ko, sadya kong nilabag ko ang mga panuntunan, ginusto kong manatili sila sa iglesia dahil sa damdamin, hindi ba’t kinukunsinti ko ang panggugulo ng masasamang tao sa gawain ng iglesia? Pagkampi ito sa panig ng mga masasamang tao, paglaban ito sa Diyos! Nang mapagtanto ko ito, sa puso ko ay medyo natakot ako, kaya, nanalangin ako sa Diyos, handa akong magsisi sa Kanya at makalaya sa pagpipigil ng mga damdamin.

Pagkatapos ay binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Natutukoy ang kalalabasan ng lahat ayon sa diwang nagmumula sa kanilang asal, at palagi itong angkop na natutukoy. Walang sinumang makapapasan sa mga kasalanan ng iba; higit pa, walang sinumang makatatanggap ng kaparusahan na nauukol sa iba. Ito ay lubos. … Sa huli, ang mga gumagawa ng pagkamatuwid ay mga gumagawa ng pagkamatuwid, at ang mga tagagawa ng masama ay mga tagagawa ng masama. Tutulutang makaligtas sa kalaunan ang mga gumagawa ng katuwiran, samantalang wawasakin ang mga tagagawa ng masama. Ang mga banal ay mga banal; hindi sila madumi. Ang madudumi ay madudumi, at walang isa mang bahagi nila ang banal. Ang mga taong wawasakin ay ang lahat ng masasama, at ang mga makaliligtas ay ang lahat ng mga matuwid—kahit pa gumaganap ng mga matuwid na gawa ang mga anak ng masasama, at kahit pa gumagawa ng masasamang gawa ang mga magulang ng mga matuwid. Walang ugnayan sa pagitan ng isang naniniwalang esposo at ng isang walang pananampalatayang esposa, at walang ugnayan sa pagitan ng mga naniniwalang anak at mga walang pananampalatayang magulang; ganap na hindi magkaayon ang dalawang uring ito ng mga tao. Bago pumasok sa pamamahinga, may pisikal na mga kamag-anak ang isang tao, ngunit sa sandaling pumasok sa pamamahinga ang isang tao, wala na siyang anumang pisikal na mga kamag-anak na masasabi. Yaong mga gumagawa ng kanilang tungkulin ay mga kaaway ng mga yaong hindi gumagawa ng kanilang tungkulin; yaong mga nagmamahal sa Diyos at yaong mga napopoot sa Kanya ay magkasalungat sa isa’t isa. Yaong mga papasok sa pamamahinga at yaong mga nawasak na ay dalawang di-magkaayong uri ng mga nilikha. Ang mga nilikha na tumutupad sa kanilang mga tungkulin ay magagawang makaligtas, habang yaong mga hindi tumutupad sa kanilang mga tungkulin ay magiging mga pakay ng pagkawasak; higit pa rito, magtatagal ito hanggang sa kawalang-hanggan. … May mga pisikal na ugnayang umiiral sa pagitan ng mga tao ng ngayon, gayundin ang mga pagkakaugnay sa dugo, ngunit sa hinaharap, babasagin ang lahat ng ito. Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa. Yaong mga nasa pamamahinga ay maniniwala na may Diyos at magpapasakop sa Diyos, samantalang yaong mga mapaghimagsik laban sa Diyos ay pawang mawawasak. Hindi na iiral sa lupa ang mga pamilya; paano pa magkakaroon ng mga magulang o mga anak o mga ugnayan ng mag-asawa? Ang mismong hindi pagkakatugma ng paniniwala at kawalang-paniniwala ay lubos na papatid sa gayong mga pisikal na ugnayan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na matuwid at banal ang Diyos. Itinatakda ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga tao nang walang anumang maka-lamang damdamin, tinatrato nang pantay at makatarungan ang lahat. Para pagpasyahan ang kalalabasan ng isang tao, hindi humahatol ang Diyos batay sa kung gaano ang tila tinalikuran o ginugol niya sa kanyang sarili, kundi sa halip, ito ay batay sa kanyang diwa at mga kilos, at nakatakdang itiwalag ang masasamang tao. Hindi ko naunawaan ang katuwiran ng Diyos, kaya, nang mabalitaan kong pinatalsik ang anak ko, hindi ko hinanap ang katotohanan o isinaalang-alang ang kalikasang diwa niya para makita kung anong uri ng tao ba talaga siya, kundi sa halip, namuhay ako sa mga damdamin ko, nakikisimpatya at naaawa sa kanya. Ngayon ay nakita ko na nang malinaw na bagama’t kaya ng anak ko na isuko ang pag-aaral niya at gawin ang mga tungkulin niya, magtiis ng pagdurusa, at magbayad ng halaga, ang lahat ng pagsisikap niya ay upang magkamit ng katayuan at reputasyon. Nang mawala niya ang posisyon niya, at naapektuhan ang mga interes niya, ganap na nalantad ang malupit na kalikasan niya. Akala ko dati ay nanampalataya sa Diyos ang buong pamilya namin, at na maaari kaming maligtas lahat at makapasok sa kaharian ng langit, pero ngayon ay nakita ko na sarili kong kuru-kuro at imahinasyon ito. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan o kaya kinamumuhian ang katotohanan, at hindi talaga magbabago ang kanilang satanikong disposisyon sa kabila ng ilang taong pananampalataya sa Diyos, paano siya maliligtas? Sa pamamagitan ng karanasan ng pagpapatalsik sa aking anak at asawa, nakita ko na bagama’t sa simula ay nanampalataya ang aming buong pamilya sa Diyos, nakatanggap ng panustos ng mga salita ng Diyos, at ginawa ang aming kani-kanyang mga tungkulin, pagkatapos ng ilang taon, unti-unting nabunyag ang diwa ng lahat at ang landas na tinahak namin. Maraming ginawang masasamang bagay ang asawa at panganay ko at nalantad sila bilang masasamang tao; kami ay dalawang di-magkaayong uri ng mga tao, at walang puwedeng makatulong o makapagligtas sa isa’t isa Naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa hinaharap, kapag pumasok ang sangkatauhan sa marikit na dako, mawawala na ang mga ugnayan sa pagitan ng mag-asawa, sa pagitan ng ama at anak na babae, o sa pagitan ng ina at anak na lalaki na inaakala ng mga tao na kanilang matatagpuan. Sa oras na iyon, susundan ng bawat tao ang sarili niyang uri, at ang mga pamilya ay nabasag na. Dahil sa ganap na pagkabigo, hindi na muling gagambalain ni Satanas ang sangkatauhan, at hindi na magkakaroon ng mga tiwaling satanikong disposisyon ang mga tao. Nawasak na yaong mga mapaghimagsik na tao, at tanging ang mga tao na nagpapasakop ang mananatili. Sa gayon, kakaunting pamilya ang buong makaliligtas; paano makapagpapatuloy sa pag-iral ang mga pisikal na ugnayan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Hindi ko naunawaan ang gawain ng Diyos, at pinrotektahan ko ang aking asawa at anak ayon sa mga damdamin ko, gustong panatilihin ang aming relasyon bilang pamilya sa laman, halos makagawa na ng mga kilos ng paglaban sa Diyos. Napakahangal at bulag ko! Akala ko, “Hindi na ako mapipigilan ng mga damdamin ko. Kailangan kong makalaya sa gapos ng mga damdamin at magpasakop sa sitwasyong ito.” Unti-unti, bumuti ang kalagayan ko, at hindi ko na gaanong naramdaman ang sakit.

Pagkatapos kong maranasan ang lahat ng ito, naging mas mapangkilatis ako sa aking pamilya. Binitiwan ko ang mga damdamin ko para sa kanila mula sa kaibuturan ng aking puso. Kasabay nito, nakita ko rin nang malinaw na ang pamumuhay ayon sa mga damdamin ay nagdudulot sa isang tao para hindi niya magawang matukoy ang mabuti at masama, ang tama at mali, at makakaya pang gawin ang mga bagay na sumasalungat sa mga katotohanang prinsipyo, lumalaban at naghihimagsik laban sa Diyos. Talagang kaaway ng Diyos ang mga damdamin. Dahil sa pamumuhay ayon sa damdamin, nagiging imposible ang pagsasagawa ng katotohanan. Nakita ko rin na napakababa ng tayog ko, na napakatindi ng mga damdamin ko, wala akong tunay na pagpapasakop sa Diyos, at kinailangan kong maranasan ang paghatol at pagkastigo ng Diyos para mabago ang tiwaling disposisyon ko.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply