Ang Dahilan Kung Bakit Napakaabala Ko

Pebrero 17, 2025

Ni Stanley, Timog Korea

Isa akong lider ng pangkat ng mga nagdidilig sa iglesia. Inakala ko na ang sinumang gustong maging isang kalipikado at maabilidad na lider ng pangkat, kailangang siya mismo ang umako ng lahat, at ganoon din kalaki ang inasahan ko sa sarili ko. Sa sandaling mapansin kong may kailangang gawin sa pangkat namin, gaano man ito kalaki o kaliit, ako mismo ang nagkukusang gumawa nito, kabilang na ang ilang pangkalahatang gawain. Inako ko pa nga ang mga trabahong magagawa naman ng mga kapatid ko, nagmamagandang-loob na sinasabing, “Ako na diyan, hindi mo na kailangang gawin iyan.” Sa tuwing nangyayari ito, nakakaramdam ako ng di-maipaliwanag na pagmamalaki, at na talagang isa akong mapagmalasakit at responsableng lider ng pangkat. Sa paglipas ng panahon, nilalapitan ako ng mga kapatid ko sa tuwing mayroon silang anumang uri ng problema. Pinuri rin ako ng superbisor ko dahil sa paglalaan ng mahabang oras sa paggampan ng aking tungkulin at dahil kaya kong magtiis ng hirap at magbayad ng halaga. Labis akong nasiyahan nang marinig ito, dahil ipinaramdam nito sa akin na isa talaga akong maabilidad na lider ng pangkat.

Kalaunan, parami nang paraming mga bagong mananampalataya ang tumanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at mas lalong dumami ang mga baguhan na kailangan kong diligan kaysa dati. Dagdag pa sa pakikipagtipon sa mga bagong mananampalataya araw-araw, sinanay ko rin sila, tinuturuan sila kung paano mag-host ng mga pagtitipon, kung paano ipalaganap ang ebanghelyo, at iba pa. Napakahigpit na ng iskedyul ko, pero higit pa rito, kailangan ng mga kapatid sa pangkat ko ang aking pahintulot kahit sa pagsasaayos ng mga pagtitipon para sa mga bagong mananampalataya. Sa sobrang dami ng dapat gawin, madalas akong mag-alala dahil sa maliliit na bagay na ito, na nakagambala sa aking iskedyul at naging dahilan kaya naging masyado akong abala para gawin ang aking mga debosyonal. Bagaman talagang abala ako araw-araw at hindi kailanman walang ginagawa, hindi ko gaanong sinusubaybayan ang mga gampaning dapat unahin. Madalas akong mabalisa dahil dito, pero hindi ko alam kung ano ang gagawin tungkol dito. Minsan, tinanong ako ng sister na nakapareha ko, “Palagi mong sinasabi na abala ka, pero ano ba talaga ang ginagawa mo araw-araw?” Nang maharap sa katanungang ito ng sister ko, pakiramdam ko ay masyado akong naagrabyado na hindi siya nakisimpatiya sa akin. Kalaunan, kapag nagkakaproblema ang mga kapatid sa pagdidilig ng mga bagong mananampalataya at lumalapit sila sa akin para pag-usapan ito, nagrereklamo ako sa loob-loob ko: “Isa itong pangunahing prinsipyo na kailangang makabisa ng mga tagadilig. Bakit kayo lumalapit sa akin para lutasin ang gayong mga simpleng problema— hindi ba ninyo ito kayang matutunang gawin nang kayo-kayo lang? Ayaw ninyo lang bang magsikap?” Ayaw kong patuloy na asikasuhin ang mga bagay na iyon, at pakiramdam ko ay dapat pangasiwaan ito ng mga kapatid ko nang hindi umaasa sa iba. Pero naisip ko rin, “Ako ang lider ng pangkat. Kung hindi ko aasikasuhin ang mga problemang ito at sa halip ay hahayaan ang mga kapatid na mangasiwa sa mga ito, hindi ba niyon pabababain ang aking halaga bilang lider ng pangkat? Baka may magsabi na hindi ko tinutupad ang aking mga responsabilidad at na iniiwasan ko ang aking mga tungkulin? Kapag nalaman ng lider, sasabihin ba niyang wala akong kakayahan? Hindi bale na—kung isa itong bagay na kaya kong gawin nang mag-isa, gagawin ko na lang.” Kaya madalas na patuloy na ginagawa ko na mismo ang lahat ng gawain ng pangkat, mula sa malalaking gampanin gaya ng pagsasaayos ng mga pagtitipon, at paglulutas ng mga problema ng mga bagong mananampalataya, hanggang sa maliliit na bagay gaya ng pagtulong sa mga kapatid na maghatid ng mga mensahe, at paghahanap ng mga taong gagawa ng mga pangkalahatang gawain. Nagmadali akong gawin ang mga bagay na ito, kahit na hindi ko naman talaga gusto, para walang magduda sa akin bilang isang lider ng pangkat. Hindi ko mailarawan kung gaano ako kapagod kung minsan, ginagawa ang napakaraming iba’t ibang bagay nang sabay-sabay. Ang tanging nagawa ko ay aluin ang sarili ko sa pamamagitan ng pag-iisip na, “Sabagay, isa akong lider ng pangkat. Dapat handang magsikap nang husto ang mga lider ng pangkat.” At nang ganoon-ganoon lang, patuloy kong inaako ang lahat ng bagay, kapwa malalaki at maliliit, sa sarili kong mga kamay, namumuhay sa isang kalagayan ng walang katapusang pagiging abala. Bagamat dahil sa pagiging napakaabala ko araw-araw ay nakuha ko ang paghanga at pagsang-ayon ng ilan sa aking mga kapatid, walang kapayapaan o kagalakan sa puso ko. Palagi kong nararamdaman na gumagawa ako ng problema sa tungkulin ko, at wala akong panahon para gumawa ng maraming mahahalagang gampanin dahil lubog ako sa maliliit na bagay.

Isang beses, binanggit ko ang mga suliranin ko sa lider, at pagkatapos niyang magbahagi sa akin, saka lang ako nagkamit ng ilang prinsipyo ng pagsasagawa. Tinanong niya ako, “Hindi ba masyadong marami ang inaako mong trabaho? Kung hindi mo hahayaan ang mga kapatid sa sarili nilang gawain at sa halip ay papasanin mo ang lahat ng ito, tiyak na magiging abala ka. Maaari mo silang hayaan na magsanay sa paggawa ng ilang hindi gaanong mahahalagang gampanin. Kahit na hindi nila ito magawa nang maayos, hindi nito lubos na maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Kung talagang isa itong trabaho na hindi kayang gawin ng iba, kung gayon, dapat ikaw mismo ang gumawa nito. Pero kung kaya itong gawin ng ibang tao, at hindi mo sila pahihintulutang sumubok o bigyan ng pagkakataong magsagawa, at sa halip ay inaako mo ang lahat sa sarili mo, hindi ba’t minamaliit mo sila, at nagpapakitang-gilas ka lang? Iyan ay pagpapamalas ng katiwalian.” Tumpak ang pagbabahagi niya tungkol sa kalagayan ko. Inakala ko noon na kapag marami ang ginagawa ko, ipinapakita nito na nagdadala ako ng pasanin, pero hindi ko kailanman pinagnilayan kung ang mga kilos ko ay batay sa mga prinsipyo, o kung nadungisan ang mga ito. Nang pag-isipan ko ito, ang lihim kong motibo sa pag-ako sa lahat ng bagay sa tungkulin ko ay para magpakitang-gilas, sa halip na magdala ng pasanin. Sa ilang pagkakataon, hindi iyon dahil hindi kaya ng ibang tao na gumawa ng gampanin o na wala silang oras, sa halip, iyon ay dahil inakala ko na kapag mas marami akong ginagawa, mas lalong sasang-ayon sa akin ang lahat, at sasabihin nila na isa akong maabilidad na lider ng pangkat na responsable at nagdadala ng pasanin sa kanyang tungkulin. Itinuring ko ang paggawa ng tungkulin ko bilang isang pamamaraan para makuha ang paghanga ng iba. Nanatili akong “abala” at “nagdala ng pasanin” para maipakita ang aking halaga bilang lider ng pangkat at makakuha ng puwang sa mga puso ng iba. Dahil mali ang mga intensyon ko sa aking tungkulin at laging gusto kong protektahan ang aking katayuan, karamihan sa gawain ng pangkat ay pasan ko, at walang anumang pagkakataon ang mga kapatid ko para magsagawa. At dahil may limitasyon ang kaya kong gawin, sa huli ay naantala ang ilang mahahalagang gampanin, na sa gayon ay nakapipinsala sa gawain ng iglesia at sa buhay ng aking mga kapatid.

Kalaunan, matapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko nang kaunti ang mga problema ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Pinatototohanan ng ilang tao ang kanilang sarili gamit ang wika, at nangungusap ng ilang salita na nagpapasikat sa kanila, habang ang ibang tao naman ay gumagamit ng mga pag-uugali. Ano ang mga pagpapamalas ng isang tao na gumagamit ng mga pag-uugali para patotohanan ang kanyang sarili? Sa panlabas, nakikibahagi siya sa ilang pag-uugaling naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, na tumatawag sa pansin ng mga tao, at na nakikita ng mga tao bilang sadyang marangal at medyo naaayon sa mga moral na pamantayan. Ang mga pag-uugaling ito ang nagpapaisip sa mga tao na marangal sila, na mayroon silang integridad, na talagang mahal nila ang Diyos, na napakamaka-Diyos nila, at talagang nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, at na sila ay mga tao na naghahangad sa katotohanan. Madalas silang nagpapakita ng ilang mabubuting pag-uugali sa panlabas para ilihis ang mga tao—hindi ba’t nangangamoy din ito ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Kadalasan, itinataas at pinatototohanan ng mga tao ang kanilang sarili gamit ang mga salita, gumagamit ng malinaw na pananalita para ipahayag kung paano sila naiiba mula sa mga masa at kung paanong may mas matatalinong opinyon sila kaysa sa iba, upang gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanila at tingalain sila. Gayuman, may ilang kaparaanan na hindi kinapapalooban ng tahasang pananalita, kung saan ang mga tao sa halip ay gumagamit ng mga panlabas na pagsasagawa para patotohanang mas magaling sila kaysa sa iba. Pinag-isipang mabuti ang ganitong mga uri ng pagsasagawa, dinadala ng mga ito ang isang motibo at isang tiyak na layon, at sadya ang mga ito. Nabalot at naproseso ang mga ito para ang makikita ng mga tao ay ilang pag-uugali at pagsasagawa na nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, na marangal, maka-Diyos, at umaayon sa malasantong pagiging disente, at na nagmamahal pa nga sa Diyos, may takot sa Diyos, at nakaayon sa katotohanan. Nakakamtan nito ang kaparehong layon ng itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili at nagagawang mataas ang tingin ng mga tao sa kanila at sinasamba sila. Nakatagpo o nakakita na ba kayo ng gayong bagay? Nagtataglay ba kayo ng ganitong mga pagpapamalas? Hiwalay ba sa totoong buhay ang mga bagay na ito at ang paksang ito na tinatalakay Ko? Sa totoo lang, hindi hiwalay ang mga ito. … Umiinom ng kape ang ilang tao para sumigla sa gabi bilang paghahanda sa pagpupuyat sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Nag-aalala ang mga kapatid sa kanilang kalusugan at nagluluto ng sabaw ng manok para sa kanila. Kapag naubos na nila ang sabaw, sinasabi ng mga tao na ito, ‘Salamat sa diyos! Natamasa ko ang biyaya ng diyos. Hindi ito marapat sa akin. Ngayong naubos ko na ang sabaw ng manok na ito, dapat akong maging mas mahusay sa paggawa ng aking mga tungkulin!’ Sa realidad, ipinagpapatuloy nilang gawin ang kanilang mga tungkulin sa kaparehong paraan na kadalasan nilang ginagawa, nang hindi man lang itinataas ang kanilang kahusayan. Hindi ba’t sila ay nagpapanggap? Nagpapanggap sila, at ang uri ng pag-uugali na ito ay palihim ding itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili; ang kalalabasang nakakamtan nito ay para sang-ayunan sila ng mga tao, mataas ang tingin sa kanila, at maging masugid na tagasunod nila. Kung may ganitong uri ng pag-iisip ang mga tao, hindi ba’t nakalimutan nila ang Diyos? Wala na sa mga puso nila ang Diyos, kaya sino ang iniisip nila gabi’t araw? Ito ay ang kanilang ‘mabuting lider,’ ang kanilang ‘sinisinta.’ Napakamapagmahal ng ilang anticristo sa karamihan ng mga tao sa panlabas, at gumagamit sila ng mga pamamaraan kapag nagsasalita sila, para makita ng mga tao na mapagmahal sila, at gugustuhing mapalapit sa kanila. Ngumingiti sila sa sinumang mapalapit sa kanila at nakikipag-ugnayan sa kanila, at nakikipag-usap sila sa gayong mga tao nang may napakabanayad na tono. Kahit na nakikita pa nila ang ilang mga kapatid na naging di-maprinsipyo sa kanilang mga kilos, at dahil doon ay napinsala ang mga interes ng iglesia, hindi nila pinupungusan ang mga kapatid na ito kahit katiting, hinihimok lang sila at inaaliw sila, at sinusuyo sila habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin—sinusuyo nila nang sinusuyo ang mga tao hanggang sa nadala na nila ang lahat sa harap nila. Unti-unting naaantig ang mga tao ng mga anticristong ito; sobrang sinasang-ayunan ng lahat ang kanilang mga mapagmahal na puso at tinatawag silang mga tao na nagmamahal sa Diyos. Sa kalaunan, sinasamba sila ng lahat at hinahangad ang kanilang pagbabahaginan sa bawat usapin, sinasabi nila sa mga anticristong ito ang lahat ng kanilang mga pinakakaibuturan na saloobin at damdamin, hanggang sa puntong hindi na man lang sila nagdarasal sa Diyos o naghahangad ng katotohanan sa mga salita ng Diyos. Hindi ba’t nailihis ang mga taong ito ng mga anticristong ito? Isa pa ito sa ibang paraang ginagamit ng mga anticristo para ilihis ang mga tao. Kapag nakikibahagi kayo sa mga pag-uugali at pagsasagawang ito, o nagkikimkim ng mga layuning ito, nababatid ba ninyong may problema rito? At kapag nababatid mo na ito, mababago mo ba ang takbo ng iyong mga kilos? Kung mapagninilayan mo ang iyong sarili at makararamdam ng tunay na pagsisisi kapag nabatid mo at nasuri na may problema ang iyong pag-uugali, mga pagsasagawa, o mga layunin, pinatutunayan nitong naibaligtad mo na ang iyong takbo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). Mula sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, nakita ko na sa panlabas, gumagamit ang mga tao ng iba’t ibang “mabubuting” pag-uugali na umaayon sa mga kuru-kuro ng tao para makuha ang paghanga at pagpapahalaga ng iba, pero sa diwa, ang mga pag-uugaling ito ay isang paraan lamang ng palihim na pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili, na masyadong mapagpaimbabaw at madaling makapanlilinlang ng mga tao. Nang maisip ko ito, nakita ko na ganoon akong klase ng tao. Sa panlabas tila abala ako sa pagganap ng aking tungkulin araw-araw, nagtitiis ng paghihirap, nagbabayad ng halaga, at inaako ang lahat sa sarili ko—tila isa akong kalipikado at maabilidad na lider ng pangkat. Pero sa likod ng lahat ng iyon, nagkikimkim ako ng sarili kong kasuklam-suklam at lihim na intensyon, na makuha ang paghanga ng mga tao. Naisip ko kung paanong nilalapitan ako ng mga kapatid para magtanong tungkol sa lahat ng uri ng bagay, malalaki man o maliliit, sa takbo ng kanilang mga tungkulin, at kung paanong umasa sila sa akin para malutas ang lahat. Ang totoo, maaari naman nilang talakayin at lutasin ang ilan sa mga problemang iyon nang hindi ako isinasangkot. Pero ang isipin na pinagkakatiwalaan at hinahangaan ako ng lahat ang nagtulak sa akin para isantabi ang aming mga prayoridad sa gawain at ako mismo ang gumawa ng lahat, kahit na wala akong oras, para lamang maprotektahan ang aking pride at katayuan. Kung minsan, hindi ako nakakakain para mag-host ng isang pagtitipon para sa mga bagong mananampalataya, hi himu kin ako ng mga sister na huminto muna at kumain. Sa totoo lang, lihim akong natutuwa sa isiping nakikita nila akong masyadong abala sa aking mga tungkulin para magawang kumain man lang. Naisip ko na talagang hinahangaan nila ako at na iniisip nila na kaya kong magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga, at na isa akong maabilidad na lider ng pangkat. Dahil sa pagiging “abala,” natamasa ko rin ang lahat ng uri ng “mga pribilehiyo” at nakuha ang simpatiya ng iba, na ginamit ko upang pagtakpan ang ilang paglihis at kakulangan ko. Halimbawa, kapag hindi ako nakapagsulat ng isang artikulo ng patotoong batay sa karanasan sa buhay, pinangangatwiranan ko ito sa pamamagitan ng pagsasabi sa sarili ko na masyado akong abala. Kapag hindi natatapos sa oras ang ilang gampanin ng pangkat na responsabilidad ko, pinagbibigyan ko ang sarili ko at sinasabing ito ay dahil masyado akong abala. At kapag lumilitaw ang mga paglihis at pagkakamali sa tungkulin ko at hindi ako nakakukuha ng magagandang resulta sa pagdidilig ng mga bagong mananampalataya, ganoon din ang idinadahilan ko sa mga kapatid para bigyan nila ako ng palugit. Ganoon-ganoon lang, nanatili akong abala buong araw, ipinapakita sa mga tao na isa akong mahusay na lider ng pangkat na may mahigpit na iskedyul. Bukod sa pinahalagahan ako ng aking superbisor, hinangaan at inasahan din ako ng ilang kapatid. At gayumpaman, kasabay niyon, pinagtatakpan ko rin ang mga paglihis at pagkakamali sa gawain ko. Kasuklam-suklam talaga ang mga intensyon ko! Naisip ko kung bakit gustung-gusto ng mga kapatid na lapitan ako sa tuwing nagkakaproblema sila at inaasahan nila na ako ang gumawa sa lahat— ito ay dahil unang-una, sinikap kong akuin ang lahat sa sarili ko. Hinangaan ako ng mga kapatid ko, nagkaroon ako ng puwang sa mga puso nila, at sa tuwing nagkakaproblema sila, hindi sila nanalangin at umaasa sa Diyos, o naghahanap ng mga katotohanang prinsipyo, sa halip ay nilalapitan lang nila ako para tanungin. Sa pamamagitan ng pananatiling abala sa ganoong paraan, talagang kumikilos lang ako ayon sa gusto ko, palihim na nagpapakitang-gilas, inaakit ang puso ng mga tao, at inilalayo sila sa Diyos.

Noong panahong iyon, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na minsan kong nabasa: “May ilang taong tila talagang masigla sa pananampalataya nila sa Diyos. Gustong-gusto nilang mag-asikaso at magmalasakit sa mga aktibidad ng iglesia, at palagi silang nangunguna. Gayumpaman, sa hindi inaasahan, nadidismaya nila ang lahat sa sandaling maging mga lider na sila. Hindi sila tumutuon sa paglutas sa mga praktikal na problema ng hinirang na mga tao ng Diyos, sa halip ay ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila upang kumilos para sa kapakanan ng sarili nilang reputasyon at katayuan. Gustong-gusto nilang magpasikat para igalang sila ng iba, at palagi nilang kinukuwento kung paano nila ginugugol ang sarili nila at paano sila nagpapakasakit para sa Diyos, pero hindi nila inilalaan ang mga pagsisikap nila sa paghahanap sa katotohanan at sa buhay pagpasok nila. Hindi ito ang inaasahan sa kanila ng sinuman. Kahit na nagpapakaabala sila sa gawain nila, nagpapasikat sa bawat okasyon, nangangaral ng ilang salita at doktrina, nakakamit ang paggalang at pagsamba ng ilang tao, inililihis ang puso ng mga tao, at pinatatatag ang katayuan nila, ano ang resulta nito sa huli? Kung gumagamit man ang mga taong ito ng maliliit na pabor para suhulan ang iba, o nagpapakitang-gilas ng kanilang mga kaloob at abilidad, o gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan para ilihis ang mga tao at sa pamamagitan noon ay matamo ang kanilang magandang opinyon, anumang pamamaraan ang gamitin nila para makuha ang loob ng mga tao at magkaroon ng puwang sa puso ng mga ito, ano ang nawala sa kanila? Nawala sa kanila ang oportunidad na makamit ang katotohanan habang ginagawa ang mga tungkulin ng isang lider. Gayundin, dahil sa iba’t ibang pagpapamalas nila, naipon nang naipon ang masasama nilang gawa na magdadala ng kanilang pangwakas na kalalabasan. Gumagamit man sila ng maliliit na pabor para manuhol at manlinlang ng mga tao, o nagpapasikat ng kanilang mga sarili, o nagpapakitang-tao para ilihis ang mga tao, at gaano man karaming benepisyo at gaano man kalaking kasiyahan ang tila nakukuha nila sa paggawa nito sa panlabas, kung titingnan ito ngayon, tama ba ang landas na ito? Ito ba ang landas ng paghahanap sa katotohanan? Isa ba itong landas na makapagdadala ng kaligtasan sa isang tao? Malinaw na hindi ito. Gaano man katalino ang mga pamamaraan at pandarayang ito, hindi maloloko ng mga ito ang Diyos, at ang lahat ng ito sa huli ay kokondenahin at kasusuklaman ng Diyos, dahil nakatago sa likod ng ganoong mga pag-uugali ay ang ambisyon ng tao at isang saloobin at diwa ng pagsalungat sa Diyos. Sa puso ng Diyos, talagang hindi Niya kailanman kikilalanin ang mga taong ito bilang mga taong gumagawa ng kanilang mga tungkulin, at sa halip ay tutukuyin Niya ang mga ito bilang mga taong gumagawa ng masama. Anong hatol ang ipinapataw ng Diyos kapag hinaharap ang mga taong gumagawa ng masama? ‘Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.’ Kapag sinabi ng Diyos, ‘Magsilayo kayo sa Akin,’ saan Niya gustong pumunta ang ganoong mga tao? Ipinapasa Niya ang mga ito kay Satanas, sa mga lugar na kinasasakupan ng mga pulutong ng mga Satanas. Ano ang pangwakas na kahihinatnan para sa kanila? Pahihirapan sila ng masasamang espiritu hanggang sa mamatay sila, na ang ibig sabihin ay lalamunin sila ni Satanas. Hindi gusto ng Diyos ang mga taong ito, na nangangahulugang hindi Niya ililigtas ang mga ito, hindi sila mga tupa ng Diyos, lalong hindi mga tagasunod Niya, kaya hindi nabibilang ang mga ito sa mga taong ililigtas Niya. Ganito inilalarawan ng Diyos ang mga taong ito. Kaya, ano talaga ang kalikasan ng pagtatangkang kunin ang loob ng mga tao? Ito ay paglakad sa landas ng isang anticristo; pag-uugali at diwa ito ng isang anticristo. Higit pang malubha rito ay ang diwa ng pakikipagtagisan laban sa Diyos para sa hinirang na mga tao Niya; mga kaaway ng Diyos ang ganoong mga tao. Ganito inilalarawan at ikinakategorya ang mga anticristo, at ganap na tumpak ang lahat ng ito(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Aytem: Sinusubukan Nilang Kuhain ang Loob ng mga Tao). Tumpak na ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang problema ko. Mula nang maging lider ng pangkat, sinubukan kong akuin ang lahat sa sarili ko. Sa panlabas, isa akong maunawain, maalalahaning lider ng pangkat na aktibong tumutulong sa mga kapatid ko sa anumang kinakailangang gawin, pero ang tunay kong intensyon at layon ay gumawa ng mga bagay-bagay na tumutugon para sa sarili kong reputasyon at katayuan, para makuha ang puso ng mga tao, at matamo ang kanilang paghanga. Iyon ay isang uri ng pandaraya at panlilinlang! Katulad lang ako ng mga opisyal sa ilalim ng malaking pulang dragon, na nanlilinlang sa mga ordinaryong tao sa pamamagitan ng paggawa ng kaunting trabaho para lang pagmukhaing kahanga-hanga ang kanilang sarili sa ilalim ng pagkukunwaring “naglilingkod sa mga tao,” para igalang sila ng mga tao at paulanan sila ng mga papuri. Ganoon din ako— sa panlabas, abala ako sa pagganap ng tungkulin ko, pero lihim kong ninanais na isipin ng mga tao na nagsusumikap ako, at gusto kong hangaan at sambahin nila ako. Dahil inako ko mismo ang lahat, walang ibang nabigyan ng maraming pagkakataon para magsagawa sa kanilang mga tungkulin. Hinahangaan pa rin nila ako gayumpaman, hanggang sa punto na sa tuwing nagkakaproblema sila, hindi nila hinahanap ang Diyos, sa halip ay umaasa sila sa akin para lutasin ang mga iyon. Walang puwang ang Diyos sa mga puso nila. Hindi ko talaga ginagampanan nang tama ang tungkulin ko! Malinaw na gumagawa ako ng masama at tumatahak sa landas ng anticristo! Nanalangin ako sa Diyos at hiniling sa Kanya na gabayan ako sa paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo para malutas ang aking mga problema at huminto ako sa pagkilos batay sa aking tiwaling disposisyon.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi hinihingi sa iyo na akuin ang lahat nang mag-isa, ni hindi hinihingi sa iyo na magpakamatay sa katatrabaho, o maging ‘ang tanging bulaklak na namumukadkad’ o taong mapagsarili; bagkus, hinihingi sa iyong matutuhan kung paano makipagtulungan nang maayos sa iba, at gawin ang lahat ng makakaya mo, para tuparin ang mga responsabilidad mo, para ibuhos ang buong lakas mo. Iyon ang ibig sabihin ng pagganap sa iyong tungkulin. Ang pagganap sa iyong tungkulin ay paggamit sa lahat ng lakas at liwanag na taglay mo upang magkamit ng isang resulta. Sapat na iyon. Huwag mong palaging subukang magpasikat, palaging magsabi ng matatayog na bagay, at gawin ang mga bagay-bagay nang mag-isa. Dapat matutuhan mo kung paano makipagtulungan sa iba, at dapat mas tumuon ka sa pakikinig sa mga mungkahi ng iba at pagtuklas sa kanilang mga kalakasan. Sa ganitong paraan, magiging madali ang pakikipagtulungan nang maayos. Kung palagi mong sinusubukan na magpasikat at ikaw ang masunod, hindi ka nakikipagtulungan nang maayos. Ano ang ginagawa mo? Nagdudulot ka ng kaguluhan at nangmamaliit ng iba. Ang pagdudulot ng kaguluhan at pangmamaliit ng iba ay pagganap sa papel ni Satanas; hindi iyon pagganap ng tungkulin. Kung palagi kang gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng kaguluhan at nangmamaliit ka ng iba, gaano man katinding pagsisikap ang gugulin mo o pag-iingat ang gawin mo, hindi iyon maaalala ng Diyos. Maaaring hindi ka gaanong malakas, ngunit kung may kakayahan kang makipagtulungan sa iba, at nagagawa mong tumanggap ng angkop na mga mungkahi, at kung tama ang iyong mga motibasyon, at napoprotektahan mo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, isa kang tamang tao. Kung minsan, sa iisang pangungusap, nalulutas mo ang isang problema at nakikinabang ang lahat; kung minsan, matapos kang magbahagi sa iisang pahayag ng katotohanan, lahat ay nagkakaroon ng isang landas ng pagsasagawa, at nagagawang sama-samang magtulungan nang maayos, at lahat ay nagpupunyagi sa iisang mithiin, at magkakapareho ng mga pananaw at opinyon, kaya partikular na epektibo ang gawain. Kahit marahil ay walang makaalala na ikaw ang gumanap sa papel na ito, at hindi mo marahil maramdaman na gumawa ka ng malaking pagsisikap, makikita ng Diyos na ikaw ay taong nagsasagawa ng katotohanan, isang taong kumikilos ayon sa mga prinsipyo. Aalalahanin ng Diyos ang paggawa mo nito. Tinatawag itong tapat na pagganap sa iyong tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan). Mula sa mga salita ng Diyos, malinaw kong nakita ang mga problema ko at nakahanap ako ng ilang landas ng pagsasagawa. Kung gusto kong gampanan nang tama ang tungkulin ko, kailangan kong matutong makipag-ugnayan nang maayos sa iba, at tumuon sa pagpapahintulot sa kanila na gamitin ang kanilang mga kalakasan. May mga limitasyon sa kung ano ang kayang gawin ng isang tao nang mag-isa— walang sinuman ang may kakayahang gawin ang lahat ng trabaho nang mag-isa. Magkakamit lamang tayo ng magagandang resulta sa ating mga tungkulin kapag lahat tayo ay kaisa sa puso at isipan at kapag nagagamit ang lahat ng ating kani-kanyang kalakasan. Kapag may mga tamang intensiyon lamang ang mga tao, gaya ng pangangalaga sa gawain ng iglesia, nila nagagampanan ang kanilang mga tungkulin nang naaayon sa mga layunin ng Diyos. Iyon ay higit na mas epektibo kaysa sa isang tao na umaako ng lahat ng gawain. Noon, hindi ko lang pinagod ang sarili ko sa pagiging abala at pagmamadali, at pagsisikap na mamukod-tangi, gumawa rin ako ng problema sa mga tungkulin ko. Hindi nagamit ang mga kalakasan ng mga kapatid ko, at naantala ang maraming mahahalagang gawain. Sa paghahambing ng pagbubunyag ng mga salita ng Diyos sa sarili kong pag-uugali, sa wakas ay naunawaan ko kung bakit sinasabi ng Diyos na ang palagiang pagpapakitang-gilas sa tungkulin ng isang tao at hindi pakikipagtulungan nang maayos sa iba ay nakagagambala sa gawain ng iglesia.

Pagkatapos niyon, sinadya kong isagawa ang mga salita ng Diyos. Hinati ko ang gawain sa isang lohikal na paraan: Pangunahin kong inako ang responsabilidad ng pagsusubaybay sa mahahalagang gampanin, at itinalaga ko ang iba pang mga trabaho sa mga naaangkop na kapatid batay sa kanilang mga kadalubhasaan. Kapag nagkakaproblema ang iba na hindi nila kayang lutasin, hinahanap naming lahat ang mga prinsipyo nang sama-sama. Kapag naunawaan na ng mga kapatid ang mga prinsipyo, natural silang nagkakaroon ng direksyon at ng isang landas sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Ngayong matagal-tagal ko nang isinasagawa ang mga salita ng Diyos, natuklasan ko na nagdadala ng higit na pasanin ang mga kapatid sa kanilang mga tungkulin kaysa dati. Nagagawa nilang magkusa at hanapin ang mga prinsipyo para malutas ang ilang problema, at nakukumpleto nila ang ilang gampanin nang sila-sila lang sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos. Kung minsan, kapag nahihirapan ako sa mga gampaning responsable ako, humihingi rin ako ng tulong sa aking mga kapatid, at marami akong nakakamit mula rito. Paganda nang paganda ang mga resultang nakukuha ng pangkat namin sa aming gawain sa pamamagitan ng pakikipagtulungan nang ganito. Nakapagsasagawa ang mga kapatid sa iba’t ibang antas at nakagagawa sila ng kaunting pag-usad. Mas magaang at payapa na ang pakiramdam ko. Unti-unti, nakahahanap ako ng oras para pagnilayan ang mga problema sa sarili kong gawain, at nagsimula akong normal na magsulat muli ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Hindi na ako mukhang kasing-abala gaya ng dati, kundi mas madali ko nang natutukoy ang mga paglihis at problema sa gawain, at naging mas mahusay ako sa tungkulin ko.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman