Ang Pananampalataya Ba sa Diyos ay Para Lang sa Kapayapaan at mga Pagpapala
Noong anim na taong gulang ako, nalaman ng aking ina na may karelasyon ang aking ama, at dahil sa pagkabigla mula sa natuklasan, nagkaroon siya ng sakit sa pag-iisip. Makalipas ang dalawang taon, pumanaw ang aking ama mula sa sakit, at naghirap kami dahil sa mga bayarin sa pagpapagamot at pagpapalibing. Gayumpaman, tingin ng tiyuhin at tiyahin ko mula sa panig ng aking ama na walang saysay ang pagtulong sa balo at anak ng kanilang kapatid. Nakaranas ako at ang aking ina ng maraming pang-aapi at malamig na pagtrato, at labis na nagdusa sa aming buhay. Noong panahong iyon, nagsimula nang manampalataya sa Diyos ang aking ina, at lagi niyang sinasabi sa akin, “Kung hindi tayo mananampalataya sa Diyos, hindi tayo magtatagal sa mundong ito.” Sinabi rin niya na nawala na lang ang kanyang sakit sa pag-iisip nang manampalataya siya sa Diyos. Dahil dito, labis akong nagpasalamat sa Diyos. Noong iniwasan at inapi ako ng mga kaklase ko, tahimik akong nanalangin sa Diyos. Sa gulat ko, pagkatapos noon, isang kaklase na hindi ko nakakasundo dati ang kusang-loob na tumulong sa akin at hindi ako hinayaang apihin ng iba. Naramdaman ng aking batang kaluluwa noon na talagang mabuti ang manampalataya sa Diyos, at ang Diyos ang aking haligi tuwing kailangan ko Siya, at gusto kong igugol ang sarili ko para sa Diyos at gumawa ng tungkulin tulad ng aking ina kapag lumaki na ako. Nang mag-hayskul na ako, nagsimula na akong pormal na dumalo sa mga pagtitipon. Minsan humihingi ako ng pahintulot na umalis sa klase para dumalo sa mga pagtitipon kahit na nangangahulugan itong mahuhuli ako sa klase. Palagi na akong may sakit noon pa man at madalas akong nahihilo at nangangailangan ng mga ineksiyon at gamot, pero matapos kong manampalataya sa Diyos, nagsimulang gumanda ang pakiramdam ko. Ito ay mas malalim pang pagdanas ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Minsan sa isang pagtitipon, noong narinig ko ang mga kapatid na nagsasalita tungkol sa kung paanong ngayon ang mahalagang oras para gawin ang mga tungkulin, napaisip ako, “Talagang mapalad ako na mabuhay sa panahon ng pagkakatawang-tao ng Diyos, pagpapahayag ng katotohanan at pagliligtas ng sangkatauhan. Kailangan kong samantalahin ang pagkakataong ito, ibuhos ang lahat sa aking pananalig at gampanan nang maayos ang aking tungkulin.” Noong panahong iyon, hindi ako nag-atubiling magdesisyon na huminto sa sikat na paaralan na aking pinapasukan, at sinimulan kong gampanan ang aking tungkulin kasama ang aking mga kapatid. Inisip ko na basta’t maayos ang pagsasagawa ko ng pananalig at masigasig kong ginagampanan ang aking tungkulin, tiyak na pagkakalooban ako ng Diyos ng biyaya at sisiguraduhing lahat ay magiging maayos at maginhawa para sa akin. Mula noon, dumalo na ako sa mga pagtitipon at ginampanan ko ang aking tungkulin, umulan man o umaraw. Kapag taglamig, walang direktang bus papunta sa lugar kung saan ako nagdidilig ng mga baguhan, kaya nagbibisikleta ako nang ilang oras para makarating doon. Medyo nahirapan ang aking katawan, pero naisip ko na sulit lahat ng mga paghihirap hangga’t natatanggap ko ang pangangalaga at mga pagpapala ng Diyos.
Noong Abril 2020, ginampanan ko ang aking tungkulin nang malayo sa aming tahanan. Isang tanghali, bigla kong naramdaman ang mabilis at matinding pagtibok ng aking puso, nanikip ang aking dibdib na halos hindi ako makahinga, at nagsimula akong manginig at makaramdam ng panghihina. Hindi ko halos mahawakan ang chopstick na ginagamit ko para kumain ng tanghalian. Hindi ako komportable, pero hindi naman ako gaanong nag-alala. Naisip ko, “May problema na ako sa puso mula pagkabata. Nagkakaroon ako ng mga palpitasyon kapag pagod ako pero hindi naman ito malaking isyu, kaya malamang na hindi rin ito sa pagkakataong ito. Bukod pa rito, ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at ang aking katawan at kalusugan ay nasa Kanyang mga kamay. Hangga’t ako’y nananatiling matatag sa aking tungkulin, tiyak na poprotektahan ako ng Diyos at sisiguraduhin na walang mangyayari sa akin.” Noong gabing iyon, medyo bumuti na ang aking pakiramdam. Sa mga sumunod na araw, nanalangin ako sa Diyos at ipinaubaya ko sa Kanyang mga kamay ang aking karamdaman. Nagkakaroon ako ng mga palpitasyon at nakakaramdam ng sobrang pagod kapag masyado akong nagsasalita, pero nagagawa ko pa ring regular na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at patuloy na gawin ang aking tungkulin. Naisip ko na marahil ay sinusubukan ako ng Diyos sa ganitong sitwasyon, at hangga’t lalo kong ginagampanan ang aking tungkulin, ako ay bibiyayaan ng Diyos at unti-unti na akong gagaling. Pero nagulat ako na pagkatapos noon, muli na naman akong inatake. Kumakain ako ng hapunan, nang walang anu-ano, nagsimula akong magkaroon ng mga palpitasyon, nanginig ang aking mga kamay at hindi ko mahawakan ang pagkain gamit ang chopsticks ko. Maya-maya pa, nagsimula na akong manginig at bumilis ang tibok ng aking puso. Namula ang aking mukha, nanlamig at namanhid ang aking mga kamay at paa, at hindi mapigilan ang aking pangangatal. Nagsimula akong maghabol ng hininga at nakaramdam ako ng paninikip ng dibdib na hindi ko pa naranasan dati. Natakot ako na hindi na muling makahinga pa kaya patuloy akong nanalangin sa Diyos, sinasabi ko, “Diyos ko, ayaw ko pang mamatay, iligtas Mo po ako.” Diniinan ng isang kapatid ang emergency acupuncture point ko at binigyan ako ng ilang agarang gamot. Makalipas ang sampung minuto, tumigil ang aking kumbulsiyon, pero hinang-hina ang pakiramdam ko at lubhang napakahirap para sa akin na magsalita. Dinala ako ng kapatid na ito sa ospital para masuri at sinabi sa akin ng doktor na likas na akong may sakit sa puso. Habang tumatanda ako at naiipon ang dumi sa aking dugo at lalong nababarahan ang aking mga ugat, mas mababawasan ang dugong inilalabas ng aking puso at lalong lalala ang aking kondisyon. Walang gamot para sa aking sakit at ang tanging magagawa ko lang ay uminom ng ilang Chinese herbs at magpahinga. Kung wala nang mga susunod na atake, ayos lang ako, pero kung aatakihin muli ako, maaaring maging napakadelikado nito. Kung palagi akong aatakihin, babagsak ang katawan ko, at ang pinakamalala, baka mangailangan pa ako ng operasyon. Hindi ko maiwasang mag-alala, iniisip ko, “Patuloy at masigasig kong ginagawa ang aking tungkulin, kaya bakit hindi ako pinoprotektahan ng Diyos? Bakit lumala ang aking kondisyon?” Tahimik akong nanalangin sa Diyos, “Diyos ko, Ikaw ay makapangyarihan sa lahat at ang aking kalusugan ay nasa Iyong mga kamay. Hindi ko hinihiling na maging kasinglusog ng isang normal na malusog na tao, at hindi bale nang medyo mas mahina ako, basta huwag lang akong aatakihin muli at unti-unti na akong gumaling. Hindi na kakayanin ng katawan ko ang lahat ng mga pag-atakeng ito. Kung tuluyan nang bumagsak ang kalusugan ko, ano nang gagawin ko pagkatapos?” Mula noon, kahit na umiinom ako ng gamot, palagi akong nag-aalala na muli akong aatakihin, at araw-araw kong ipinagdarasal sa Diyos ang aking kalusugan. Gayumpaman, patuloy akong nakaranas ng madalas na problema sa puso. Magiging maayos ako sa loob ng ilang araw at pagkatapos ay biglang magkakaroon ng isa pang atake, pagkatapos nito ay manghihina ako. Nang makitang mahina ang pangangatawan ko, pinauwi ako ng iglesia upang magpahinga at gawin ang anumang tungkulin na kaya kong gawin.
Habang nasa bahay, hindi bumuti ang aking kalusugan sa kabila ng pag-inom ng mga halamang-gamot. Patuloy akong nagkaroon ng mga palpitasyon at pamamanhid sa aking mga kamay, na sinamahan pa ng kumbulsiyon at pangangapos ng hininga. Sa sobrang sikip ng aking dibdib, para akong malalagutan ng hininga. Ang pang-emerhensiyang gamot na iniinom ko ay pansamantalang pinapawi ang mga sintomas, pero palagi ring bumabalik ang mga ito. Habang may sakit ako, kahit ang pagpihit sa higaan ay sobrang nakakapagod sa akin at ako ay magkakaroon ng mga palpitasyon. Kalahating araw o higit pa akong nakahiga sa kama. Pakiramdam ko ay labis akong nag-iisa at walang magawa. Ang mga luha ko ay walang patid sa pag-agos, at sumasagi sa isip ko ang mga reklamo at hindi pagkaunawa. Wala pa akong nakitang ibang tao na may ganito kadalas na atake sa puso. Nanghihina na ako noon. Kung magpapatuloy ito, mamamatay ba ako? Walang pera ang pamilya ko para ipambayad sa aking operasyon, kaya patuloy na lang ba akong magtitiis? Mahigit 20 taong gulang lang ako, kailangan ko bang gugulin ang nalalabing araw ng buhay ko na patuloy na lang inaatake at halos may kapansanan na? Baka isang araw bumulagta na lang ako at mamatay. “Diyos ko, nitong mga taong ito ay tinalikuran ko ang aking pag-aaral at isinakripisyo ko ang aking kabataan para sumunod sa Iyo. Hindi ako humingi ng kahit ano, ang hiling ko lang ay panatilihin Mo akong ligtas at walang pinsala, kaya bakit po lumala ang aking kondisyon? Kahit na nagkasakit ako, patuloy kong ginawa ang aking tungkulin. Bakit hindi Mo ako pinrotektahan? Kailan po ba ako gagaling?” Habang mas lalo akong nag-iisip, mas lalo akong nakararamdam ng pagkaagrabyado at kalungkutan, at madalas akong nakahiga sa aking kama at umiiyak. Madalas akong bumili ng mga gamot na naririnig kong kapaki-pakinabang para sa sakit sa puso. Mga Chinese medicine lang ang ginagamit ko upang maiwasan ang mga side effect mula sa western medicine. Pero pagkatapos ng ilang beses na pag-inom ng mga halamang gamot, hindi pa rin ako bumubuti. Madalas akong mag-isip ng negatibo. Ang ilang mga kapatid na nakakita sa aking pinagdadaanan ay nagbabahagi sa akin ng mga layunin ng Diyos, sinasabi nila sa akin na dapat akong matuto mula sa sitwasyon, at dapat kong hanapin ang katotohanan upang malutas ang aking tiwaling disposisyon. Ang ilan ay naghahanap din ng mga video ng patotoong batay sa karanasan sa mga pinagdaanang karamdaman upang maibahagi sa akin. Ito ay nagkaroon ng kaunting epekto sa akin: Hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos sa aking karamdaman, at ako ay nagreklamo lamang sa halip na kamtin ang katotohanan. Nasaan na ang aking patotoo? Kailangan kong tumigil sa pagiging masama at simulan ang paghahanap ng katotohanan upang malutas ang aking mga problema. Nang mapagtanto ko ito, nanalangin ako sa Diyos, sinabi ko, “Makapangyarihang Diyos, teoretikal kong nauunawaan na ang Iyong mabubuting layunin ang nasa likod ng aking karamdaman, at ang lahat ng ginagawa Mo ay mabuti. Subalit ang mga palagiang pag-atake ay talagang nagdudulot ng matinding pagdurusa sa aking laman. Ako ay talagang nanlulumo at nalulumbay. Diyos ko, alam kong masama ang aking kalagayan, at handa akong bumaling sa Iyo at tumigil sa pagiging negatibo. Ako nawa ay bigyang-liwanag at gabayan Mo upang tunay kong maunawaan ang aking sarili, at ilayo Mo ako mula sa negatibong kalagayang ito.”
Pagkatapos noon, nagsimula akong maghanap ng mga sipi ng mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa aking kalagayan. Isang araw, nabasa ko ang sipi na ito: “Ang ‘paniniwala sa Diyos’ ay nangangahulugan ng paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng konsepto patungkol sa paniniwala sa Diyos. Bukod pa riyan, ang paniniwala na mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na paniniwala sa Diyos; sa halip, ito ay isang uri ng simpleng pananampalataya na may matitinding kahulugang pangrelihiyon. Ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa paniniwala na ang Diyos ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang Kanyang mga salita at Kanyang gawain, inaalis ang tiwaling disposisyon ng isang tao, tinutugunan ang mga layunin ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay sa buhay ang matatawag na ‘pananampalataya sa Diyos.’ Subalit madalas ituring ng mga tao ang paniniwala sa Diyos bilang isang simple at walang-kabuluhang bagay. Nawala na sa mga taong naniniwala sa Diyos sa ganitong paraan ang kahulugan ng maniwala sa Diyos, at bagama’t maaari silang patuloy na maniwala hanggang sa kahuli-hulihan, hindi nila kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, dahil tumatahak sila sa maling landas. Mayroon pa ring mga nananampalataya sa Diyos ngayon ayon sa mga salita at sa hungkag na doktrina. Hindi nila alam na wala silang diwa ng paniniwala sa Diyos, at hindi nila matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Nagdarasal pa rin sila sa Diyos para mapagpala ng kapayapaan at sapat na biyaya. Huminto tayo, patahimikin natin ang ating puso, at itanong sa ating sarili: Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos talaga ang pinakamadaling bagay sa lupa? Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap ng maraming biyaya mula sa Diyos? Talaga bang ang mga taong naniniwala sa Diyos nang hindi Siya nakikilala o naniniwala sa Diyos subalit kinakalaban Siya ay napapalugod ang mga layunin ng Diyos?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). Itinatanong ng Diyos: “Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos talaga ang pinakamadaling bagay sa lupa? Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap ng maraming biyaya mula sa Diyos? Talaga bang ang mga taong naniniwala sa Diyos nang hindi Siya nakikilala o naniniwala sa Diyos subalit kinakalaban Siya ay napapalugod ang mga layunin ng Diyos?” Napahiya ako sa bawat tanong ng Diyos. Kahit matagal na akong nananampalataya sa Diyos, wala akong ideya kung ano ang tunay na pananalig. Sinasabi ng Diyos na ang tunay na pananalig ay nangangailangan ng pagdanas ng gawain at mga salita ng Diyos, pagpapasakop sa bawat sitwasyong ibinibigay ng Diyos, at paghahanap sa katotohanan at Kanyang mga layunin na nakapaloob sa mga ito, pagninilay sa tiwaling disposisyon at mga karumihan sa iyong pananalig upang makamit ang pagkaunawa sa katotohanan at kaalaman tungkol sa Diyos at makapasok sa katotohanang realidad. Tanging ang ganitong uri ng pananalig ang makapagtatamo ng papuri mula sa Diyos. Kung ang nais lamang ng mga tao ay makamit ang biyaya at pagpapala mula sa Diyos, pero hindi nila hinahanap ang layunin ng Diyos kapag nahaharap sila sa mga hindi kanais-nais na sitwasyon, at hindi nila nararanasan ang mga salita at gawain ng Diyos, kung gayon, ito ay pananalig sa pangalan lamang, ito ay relihiyosong pananalig. Hindi tinatanggap ng Diyos ang ganitong pananalig. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol, pagkastigo, pagsubok at pagpipino sa mga huling araw. Tanging sa pagdanas ng paghatol ng mga salita ng Diyos, pagiging nasubok ng iba’t ibang sitwasyong pinamamatnugutan ng Diyos, paghahanap sa katotohanan, at pagkakilala sa sarili at sa Diyos sa pamamagitan ng mga bagay na ito, na umuunlad ang buhay ng isang tao. Naisip ko ang ilang kapatid na mas malubha pa ang sakit kaysa sa akin, at idineklara nang hindi magagamot ng mga ospital, pero hinanap pa rin nila ang katotohanan sa kabila ng kanilang karamdaman, nalaman nila ang kanilang katiwalian, itinuwid nila ang kanilang mga maling pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos at nagkaroon sila ng kaunting pag-unlad. Bagamat sinasabi kong nananampalataya ako sa Diyos sa mga taong nagdaan, at madalas akong nagbabahagi sa iba tungkol sa pangangailangan na maranasan ang mga salita at gawain ng Diyos sa pananalig, noong ako mismo ang nagkasakit, hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos, at namuhay ako sa isang negatibong kalagayan na hindi ko matakasan. Kaya nang magkasakit ako, wala akong nakamit na katotohanan. Napagtanto ko na nagdurusa ako hindi dahil sa sitwasyong pinamatnugutan ng Diyos, kundi dahil hindi ko hinanap ang katotohanan. Dahil nananampalataya ako sa Diyos, dapat akong magpasakop, dapat kong hanapin ang katotohanan sa kabila ng aking karamdaman at panindigan ang aking patotoo upang mapalugod ko ang Diyos. Ito dapat ang aking katwiran. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, nanalangin ako sa Diyos, at sinabing, “Anuman po ang mangyari sa aking karamdaman, handa akong magpasakop at tumuon sa paghahanap sa katotohanan upang malutas ang aking mga problema.”
Kalaunan, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Magmula ng ang tao ay magsimulang maniwala sa Diyos, itinuturing ng tao ang Diyos na isang kornukopya, isang Swiss Army na lanseta, at itinuturing ang sarili niya na pinakamalaking pinagkakautangan ng Diyos, na para bang ang pagsisikap na makakuha ng mga pagpapala at pangako mula sa Diyos ay ang kanyang likas na karapatan at obligasyon, habang ang responsibilidad ng Diyos ay ang ingatan at pangalagaan ang tao at magbigay ng pangtustos sa kanya. Ganito ang pangunahing pagkaunawa sa ‘paniniwala sa Diyos,’ ng lahat ng taong naniniwala sa Diyos, at ito ang kanilang pinakamalalim na pagkaunawa sa konsepto ng paniniwala sa Diyos. Mula sa kalikasang diwa ng tao hanggang sa kanyang pansariling hangarin, wala sa mga ito ang may kinalaman sa takot sa Diyos. Hindi maaari na ang layunin ng tao sa paniniwala sa Diyos ay may kinalaman sa pagsamba sa Diyos. Ibig sabihin, hindi kailanman itinuring o naintindihan ng tao na ang paniniwala sa Diyos ay nangangailangan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos, at pagsamba sa Diyos. Sa harap ng ganitong mga kalagayan, ang diwa ng tao ay halatang-halata. At ano ang diwa na ito? Ito ay ang puso ng tao na may masamang hangarin, nagkikimkim ng pagtataksil at panlilinlang, walang pagmamahal sa pagiging patas at pagiging matuwid, o sa mga bagay na positibo, at ito ay kamuhi-muhi at sakim. Ang puso ng tao ay hindi na magiging mas sarado pa sa Diyos; hindi pa talaga niya ito ibinigay sa Diyos. Hindi pa kailanman nakita ng Diyos ang tunay na puso ng tao, at hindi rin Siya kailanman sinamba ng tao. Gaano man kalaki ang halagang binabayaran ng Diyos, o gaano man karaming gawain ang Kanyang ginagawa, o gaano man karami ang binibigay Niya sa tao, ang tao ay nananatiling bulag dito, at lubos na walang malasakit. Hindi kailanman ibinigay ng tao ang kanyang puso sa Diyos, gusto niya lang na pangalagaan mismo ang kanyang puso, gumawa ng kanyang mga sariling desisyon—ang ibig sabihin ay hindi niya nais na sundan ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan, o magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi niya rin gusto na sambahin ang Diyos bilang Diyos. Ganito ang kalagayan ng tao sa kasalukuyan. Ngayon tingnan muli natin si Job. Una sa lahat, gumawa ba siya ng kasunduan sa Diyos? Mayroon ba siyang mga natatagong motibo sa kanyang matibay na paghawak sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan? Noong panahong iyon, ang Diyos ba ay nagsalita sa sinuman tungkol sa paparating na katapusan? Sa panahong iyon, ang Diyos ay hindi nangako sa kanino man tungkol sa katapusan, at sa ganitong kalagayan nagawa ni Job na matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Ang mga tao ba sa ngayon ay maaaring maihambing kay Job? Masyadong maraming pagkakaiba; sila ay nasa magkakaibang mga antas. Kahit na kakaunti lamang ang kaalaman ni Job tungkol sa Diyos, naibigay na niya ang kanyang puso sa Diyos at pagmamay-ari na ito ng Diyos. Siya ay hindi kailanman gumawa ng kasunduan sa Diyos, at walang marangyang hinahangad o hinihingi sa Diyos; sa halip, naniwala siya na ‘Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis.’ Ito ay kung ano ang kanyang nakita at nakuha mula sa pagiging totoo sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan sa maraming taon ng buhay. Gayundin, nakamit niya ang kinalabasan na nakapaloob sa mga salitang ito: ‘Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?’ Ang dalawang pangungusap na ito ay nagsasaad ng kanyang nakita at nalaman bilang resulta ng kanyang saloobin sa pagpapasakop sa Diyos sa mga naranasan niya sa buhay, at ang mga ito rin ang kanyang mga pinakamakapangyarihang sandata kung saan nagtagumpay siya laban sa mga panunukso ni Satanas, at ang saligan ng kanyang katatagan sa patotoo sa Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Ganap na inilantad ng Diyos ang mga pananaw ng mga tao tungkol sa pananampalataya. Hindi tinatrato ng mga tao ang Diyos bilang Diyos, kundi bilang isang kornukopya, isang Swiss Army knife, ang tingin nila sa kanilang mga sarili ay mga pinakadakilang pinagkakautangan ng Diyos, at buong kasakiman silang humihingi ng biyaya sa Kanya. Ang ganitong uri ng pananampalataya ay marumi at transaksyunal at walang bahid ng sinseridad. Direktang nagsalita ang Diyos sa aking kasalukuyang kalagayan. Noong dumaranas ng hirap ang aking pamilya at wala kaming matakbuhan, naranasan ko ang mga pagpapala at pangangalaga ng Diyos, kaya inakala ko na sisiguraduhin ng Diyos na mamumuhay kami ng aking ina nang mapayapa at walang problema. Inakala ko na dahil sa pananampalataya sa Diyos ay habambuhay na akong ganap na ligtas sa paghihirap. Kung may mangyari man, poprotektahan ako ng Diyos at pananagutan Niya ang aking kapakanan. Sa loob ng mga taong iyon, nagkaroon ako ng ganitong pangangarap nang gising sa aking paghahangad, at ang pagkamit ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos ang nagsilbing motibasyon ko na talikuran ang lahat para gawin ang aking tungkulin. Nang ako ay magkasakit at hindi ako pinagaling ng Diyos, agad akong nagbago. Para bang nawasak ang matagal ko nang pag-asa. Nagsimula akong makipagtalo sa Diyos batay sa mga bagay na aking tinalikuran at ginugol sa mga nakaraang taon. Tinanong ko ang Diyos kung bakit Niya ako tinrato nang ganoon, at ayaw ko pa ngang manalangin o magbasa ng Kanyang mga salita. Namuhay ako sa isang negatibo at mapaghimagsik na kalagayan. Pinrotektahan at inalagaan ako ng Diyos sa lahat ng mga taong iyon, at pinagkalooban ako ng mga materyal na biyaya at pagpapala nang dahil sa awa sa aking mababang tayog, pero hindi man lang ako nagpasalamat at lalo pang naging sakim. Matapos kong gumugol nang kaunti, hiningi kong protektahan ako ng Diyos habambuhay, at nang hindi Niya iyon ginawa, nagalit ako sa Kanya. Labis akong walang kahihiyan at katwiran! Si Job ay walang anumang hiningi sa Diyos, siya ay natakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan anuman ang sitwasyon o kapaligiran. Nang pagpalain siya ng Diyos, pinasalamatan niya ang Diyos, pero nang magbago ang kanyang sitwasyon at nawala ang kanyang ari-arian, pinatay ang kanyang mga anak at nagkaroon siya ng masasakit na pigsa, nanatili siyang may pananalig at takot sa Diyos, at hindi kailanman nagreklamo sa Kanya. Pinuri pa nga niya ang pangalan ng Diyos. Kahit gaano pa nagbago ang kanyang sitwasyon, nagawa pa rin niyang manatili sa kanyang posisyon bilang isang nilikha at magpasakop sa Diyos. Si Job ay isang tunay na mananampalataya ng Diyos. Napahiya ako sa kanyang pagkatao at katwiran. Wala akong tunay na pananampalataya sa Diyos, at tinrato ko lang Siya na parang isang Swiss Army knife. Ninais ko ang mga biyaya at pagpapala ng Diyos sa lahat ng pagkakataon. Hindi ako makapaniwala sa aking kasakiman! Naisip ko ang pulutong na pinakain ng Panginoong Jesus ng limang tinapay at dalawang isda noong Kapanahunan ng Biyaya. Hindi sila interesado sa Kanyang sermon, at hangad lamang nilang matamo ang mga biyaya, pagpapala at kapakinabangan mula sa Kanya. Sila ay mga oportunista lamang at walang pananampalataya. Nakita ko na ang aking kasakiman ay hindi naiiba sa pulutong na nais lamang mapakain at mapuno ang kanilang mga tiyan. Naging napakasama ko at tiyak na nagawa kong masuklam at mandiri ang Diyos. Kung patuloy akong mananampalataya batay sa mga ganitong pananaw, hindi ko kailanman makakamit ang katotohanan at kaligtasan kahit na buong buhay pa akong manampalataya. Nakita ko na ang aking karamdaman ay ang mas malaking biyaya na ibinigay sa akin ng Diyos. Kung hindi ako nabunyag sa pamamagitan ng aking karamdaman, hindi ko mapapansin ang labis kong paghahangad sa mga pagpapala, kung gaano ako kasakim at kasuklam-suklam. Kung nagkagayon, wala na akong pagkakataon para magbago. Hindi ako tinrato ng Diyos batay sa aking mga ginawa, at tinulungan pa ako sa pamamagitan ng mga kapatid at ako ay Kanyang binigyang-liwanag at ginabayan upang maunawaan ko ang Kanyang mga layunin sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Hiyang-hiya ako at nakokonsensiya, hindi ako karapat-dapat na ibigin at iligtas ng Diyos. Luhaan akong nanalangin sa Diyos, at sinabi ko, “Diyos ko, sa pagkakabunyag sa pamamagitan ng karamdaman, nalaman ko na humihingi lamang ako ng biyaya mula sa Iyo sa mga taong ito, at nagrereklamo kapag hindi ko ito nakukuha. Napakalaki ng pagkakautang ko sa Iyo at hindi ako karapat-dapat na maging isang mananampalataya Mo. Alam ko na marami akong katiwalian at kailangan ko ang karamdamang ito upang pinuhin at dalisayin ang aking sarili. Kahit pa mamuhay ako nang may karamdamang ito habambuhay, magpapasakop ako rito at hindi na muling magrereklamo sa Iyo.” Sa gulat ko, nang magbago ang saloobin ko, unti-unting gumaling ang katawan ko. Nabawasan ang mga atake ko at unti-unti ko nang nagagawa ang tungkulin ko.
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng higit na pang-unawa sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kahit gaano pa karaming bagay ang mangyari sa kanya, ang uri ng tao na isang anticristo ay hindi kailanman sumusubok na harapin ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan na nasa mga salita ng Diyos, lalong hindi nila sinusubukang makita ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos—ito ay dahil ganap silang hindi naniniwala na ang bawat linya ng mga salita ng Diyos ay katotohanan. Paano man ibinabahagi ng sambahayan ng Diyos ang katotohanan, nananatiling hindi nakikinig ang mga anticristo, at bunga nito ay wala silang tamang saloobin anuman ang sitwasyong kinakaharap nila; partikular na, pagdating sa kung paano nila hinaharap ang Diyos at ang katotohanan, matigas na tumatanggi ang mga anticristo na isantabi ang kanilang mga kuru-kuro. Ang diyos na kanilang pinaniniwalaan ay isang diyos na nagsasagawa ng mga tanda at kababalaghan, ang isang sobrenatural na diyos. Sinumang nakakagawa ng mga tanda at kababalaghan—si Guanyin Bodhisattva man, si Buddha, o si Mazu—tinatawag nilang mga diyos. Naniniwala sila na ang mga diyos na may taglay na pagkakakilanlan ng diyos ang tanging makakagawa ng mga tanda at kababalaghan, at ang mga hindi nakakagawa, gaano man karami ang katotohanang kanilang naipapahayag, ay hindi tiyak na mga diyos. Hindi nila nauunawaan na ang pagpapahayag ng katotohanan ay ang dakilang kapangyarihan at pagka-makapangyarihan-sa-lahat ng Diyos; sa halip, iniisip nila na ang paggawa lamang ng mga tanda at kababalaghan ang dakilang kapangyarihan at pagka-makapangyarihan-sa-lahat ng mga diyos. Kaya, tungkol sa praktikal na gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa pagpapahayag ng katotohanan para lupigin at iligtas ang mga tao, sa pagdidilig, pagpapastol, at pangunguna sa mga hinirang na tao ng Diyos, sa pagpaparanas sa kanila ng aktuwal na paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos, at para maunawaan ang katotohanan, mawaksi ang mga tiwaling disposisyon nila, at maging mga tao na nagpapasakop at sumasamba sa Diyos, at iba pa—itinuturing ng mga anticristo ang lahat ng ito bilang gawain ng tao, at hindi ng Diyos. Sa isipan ng mga anticristo, dapat magtago ang mga diyos sa likod ng isang altar at himukin ang mga tao na mag-alay sa kanila, kinakain ang mga pagkaing inihahandog ng mga tao, nilalanghap ang usok ng insensong sinusunog ng mga tao, tumutulong kapag may problema ang mga ito, ipinapakitang napakamakapangyarihan nila at nagbibigay ng agarang tulong sa mga tao sa saklaw ng kung ano ang nauunawaan ng mga tao, at tinutugunan ang kanilang mga pangangailangan, kapag humihingi ng tulong ang mga tao at taimtim sila sa kanilang mga pagdalangin. Para sa mga anticristo, ang diyos lamang na kagaya nito ang isang tunay na diyos. Samantalang hinahamak naman ng mga anticristo ang lahat ng ginagawa ng Diyos sa kasalukuyan. At bakit ganoon? Kung pagbabatayan ang kalikasang diwa ng mga anticristo, ang kinakailangan nila ay hindi ang gawain ng pagdidilig, pagpapastol, at pagliligtas na ginagawa ng Lumikha sa mga nilikha, kundi ang kasaganaan at katuparan ng mga pangarap sa lahat ng bagay, upang huwag maparusahan sa buhay na ito, at mapunta sa langit sa paparating na mundo. Kinukumpirma ng kanilang pananaw at mga pangangailangan ang kanilang diwa ng pagkamuhi sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabinlimang Aytem (Unang Bahagi)). Noong una kong mabasa ang sipi na ito, medyo nagulat ako: Hindi ba’t inilalarawan nito ang mismong kalagayan ko ngayon? Dati, alam ko lang na mali ang perspektiba ko tungkol sa paghahangad sa aking pananalig, pero matapos kong basahin ang sipi na ito, napagtanto ko na sa buong panahong ito, nananampalataya lang ako sa Diyos na nasa aking mga kuru-kuro at imahinasyon. Noon, tinamasa ko ang maraming biyaya ng Diyos at nasaksihan ang ilan sa Kanyang mga gawa. Ito ang awa at proteksyon sa atin ng Diyos, at ang Kanyang pagbubukas ng daan para sa atin ayon sa ating mga problema, na magbibigay-daan sa atin na mamuhay ng normal na buhay at magkaroon ng angkop na sitwasyon para sa pagsunod sa Kanya. Kapag unti-unti ko nang nauunawaan ang ilang katotohanan, namamatnugot ang Diyos ng mga angkop na sitwasyon para linisin at baguhin ako batay sa kung ano ang kinakailangan sa buhay ko, at hahayaan akong magtamo ng kaalaman tungkol sa Kanya. Isa itong paraan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Gayunman, matapos kong tamasahin ang labis na biyaya ng Diyos, nilimitahan ko Siya sa aking mga kuru-kuro, naniwala ako na Siya ang Diyos na nagkakaloob ng mga biyaya at pagpapala. Noong hindi tumugma sa mga inaasahan ko ang mga pagkilos ng Diyos, hinusgahan ko Siya batay sa aking mga kuru-kuro, naniwala ako na dapat Niya akong protektahan at huwag hayaang lumubha ang aking sakit. Kinilala ko ang pangalan ng Diyos sa salita, pero nanampalataya ako sa malabong Diyos na nasa aking mga kuru-kuro at imahinasyon. Ito ay kalapastanganan sa Diyos. Nang mapagtanto ko ito, natakot ako at lalo kong nakita kung paanong ang karamdamang ito ay isang uri ng biyaya para sa akin, na tutulungan akong ituwid ang aking mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Lahat ng iyon ay pag-ibig at pagliligtas ng Diyos. Mabilis akong nanalangin sa Diyos upang magsisi. Ang aking karamdaman ay hindi minsanan lang, ito ay paulit-ulit at pasumpong-sumpong, kaya kailangan kong maghanap ng landas para makapasok.
Kalaunan, nakita ko ang mga siping ito ng mga salita ng Diyos: “Maaari mong isipin na ang paniniwala sa Diyos ay tungkol sa pagdurusa, o paggawa ng lahat ng bagay para sa Kanya; maaari mong isipin na ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay para mapayapa ang iyong laman, o upang maging maayos ang lahat sa buhay mo, o upang maging komportable at magaan ang lahat sa iyo. Gayunman, wala sa mga ito ang mga layuning dapat iugnay ng mga tao sa kanilang paniniwala sa Diyos. Kung naniniwala ka dahil sa mga layuning ito, mali ang iyong pananaw, at imposible ka talagang magawang perpekto. Ang mga kilos ng Diyos, ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang karunungan, Kanyang mga salita, at Kanyang pagiging kamangha-mangha at di-maarok ay pawang mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Dahil sa pagkaunawang ito, dapat mong gamitin ito upang alisin sa puso mo ang lahat ng personal mong mga kahilingan, inaasahan, at kuru-kuro. Kapag inalis mo ang mga ito, saka mo lamang matutugunan ang mga kundisyong hinihingi ng Diyos, at sa pamamagitan lamang ng paggawa nito ka magkakaroon ng buhay at mapapalugod ang Diyos. Ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay upang mapalugod Siya at maisabuhay ang disposisyon na Kanyang hinihingi, upang maipamalas ang Kanyang mga kilos at kaluwalhatian sa pamamagitan ng grupong ito ng hindi karapat-dapat na mga tao. Ito ang tamang pananaw para sa paniniwala sa Diyos, at ito rin ang layuning dapat mong hangarin. Dapat ay mayroon kang tamang pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos at dapat mong hangaring matamo ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at magawang isabuhay ang katotohanan, at lalo nang kailangan mong makita ang Kanyang praktikal na mga gawa, Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa buong sansinukob, gayundin ang praktikal na gawaing Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Maaaring pahalagahan ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang aktuwal na mga karanasan, kung paano talaga ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila at kung ano ang mga layunin Niya sa kanila. Ang layunin ng lahat ng ito ay upang alisin ang tiwali at satanikongng disposisyon ng mga tao. … Ang mga tao lamang na tunay na naghahanap sa katotohanan, naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, at naghahangad ng buhay ang mga tunay na naniniwala sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). “Naniniwala ka sa Diyos at sumusunod sa Kanya, kaya kailangan na mayroon kang pusong mapagmahal sa Diyos. Kailangan mong isantabi ang iyong tiwaling disposisyon, kailangan mong hangaring tugunan ang mga layunin ng Diyos, at kailangan mong tuparin ang tungkulin ng isang nilikha. Dahil naniniwala at sumusunod ka sa Diyos, dapat mong ialay ang lahat sa Kanya, at hindi ka dapat gumawa ng mga personal na pagpili o paghingi, at dapat mong makamit ang katugunan sa mga layunin ng Diyos. Dahil ikaw ay nilikha, dapat kang magpasakop Panginoong lumikha sa iyo, sapagkat ikaw ay likas na walang kapamahalaan sa iyong sarili, at walang kakayahang kontrolin ang sarili mong tadhana. Dahil isa kang taong naniniwala sa Diyos, dapat kang maghangad ng kabanalan at pagbabago” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, medyo naunawaan ko ang Kanyang mga hinihingi. Sa ating pananalig, huwag nating hanapin ang mga pagpapala at kapayapaan, sa halip ay manatili tayo sa ating posisyon bilang mga nilikha upang maranasan natin ang gawain ng Diyos, maunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang Kanyang disposisyon sa iba’t ibang sitwasyon, at sa pamamagitan ng mga ganitong sitwasyon ay mapagnilayan at makilala natin ang ating sarili at matalikuran natin ang ating pagnanasa para sa mga pagpapala at ang ating mga karumihan. Tanging sa ganitong paraan lamang natin makakamit ang pagbabago ng disposisyon at matatamo ang kaligtasan. Noon, ang aking pananalig ay nakabatay sa pagkakamit ng biyaya. Kaya kahit na matagal akong nagkasakit, hindi ko kailanman hinanap ang katotohanan at nagdusa ang aking buhay. Noong magpasakop ako, noong hanapin ko ang katotohanan at magsimula kong maranasan ang mga salita at gawain ng Diyos, nagsimula kong maunawaan ang mabubuting layunin ng Diyos. Medyo nahirapan ang aking laman, pero itinuwid ng sitwasyong ito ang mga mali kong pananaw tungkol sa pananalig at binigyang-daan ako nito na malaman ang aking mga kasuklam-suklam na layunin sa aking pananalig at maituwid ang mga iyon sa tamang oras. Ito ay mas dakila pang halimbawa ng awa at pag-ibig ng Diyos, nakahihigit pa sa mga biyaya at pagpapala Niya sa aking laman. Hindi pa ako lubos na gumagaling at minsan ay nagkakaroon pa rin ako ng mga pag-atake. Hindi ako pwedeng makontento na lang na magpasakop at hindi magreklamo tungkol sa Diyos, kailangan kong patuloy na hanapin ang Kanyang layunin, pagnilayan kung anong katiwalian ang aking naipakita, kung aling mga aspekto ko ang kinamumuhian pa rin ng Diyos, at tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos upang lutasin ang tiwali kong disposisyon. Ito ang daan na kailangan kong tahakin. Matapos kong mapagtanto ito, pakiramdam ko ay nabawasan ang pagkalayo ko sa Diyos, naging mas maagap ako sa aking tungkulin, sinimulan kong pagtuunan ng pansin ang pagsusuri sa mga problema sa aking gawain, pinag-aralan ko ang mga prinsipyo na may kaugnayan sa mga larangan kung saan ako ay nagkukulang, at nagsimula akong makakita ng kaunting pag-unlad sa aking mga kasanayang propesyonal. Unti-unti, nagsimula nang bumuti ang aking kalusugan, at ang mga pag-atake ay naging mas madalang. Salamat sa Diyos sa paggabay sa akin upang makamit ko ang ganitong pagkaunawa at pagbabago.