Pagkatuto Matapos Mapungusan at Maiwasto

Enero 24, 2022

Ni Sophia, Nederland

Noong Mayo 2021, ipinaalam sa akin ng isang sister na sinabihan siya ni Sister Lilah na hindi bababa sa tatlong lider ng iglesia ang mga huwad na lider na hindi gumagawa ng praktikal na gawain, at na hindi makilala ng mga kapatid ang mga huwad na lider na ito. Matapos kong marinig ang kanyang ulat, naisip ko: “Napakayabang ni Lilah. Kung talagang malaking problema ang tatlong lider na ito ng iglesia, hindi ba dapat ay matagal na silang napalitan? Sa pagsasabing ang tatlong lider na ito ng iglesia ay pawang mga huwad na lider, hindi ba hinuhusgahan niya ang mga lider?” Nagsimula akong magkaroon ng partikular na pananaw kay Lilah. Naisip ko na baka hindi mabuti ang kanyang pagkatao. Inalam ko kung ano ang karaniwang pag-uugali ni Lilah, kung mahilig ba siyang bumanggit ng mga problema sa mga lider at manggagawa habang nakatalikod sila, at ang kundisyon ng kanyang pagkatao. Nang simulan kong alamin iyon, nalaman ko na sa lahat ng kapatid, sinabi ni Lilah na may isa pang lider na walang pagkakilala at hindi gumawa ng praktikal na gawain. Dahil dito ay lalo akong naghinala na hindi mabuti ang pagkatao ni Lilah. Lagi niyang pinipintasan ang mga lider sa harap ng mga kapatid—ito ba ay dahil sa mali ang kanyang mga intensyon at gusto niya mismong maging lider, kaya nagkakalat siya ng maling palagay laban sa mga lider para hadlangan ang kanilang gawain? Kung gusto talaga ni Lilah na protektahan ang gawain ng iglesia, dapat ay ipaalam niya iyon sa mga nakatataas, tapos ay isasaayos ng mga nakatataas na siyasatin at patunayan ng isang tao ang sitwasyon, at itanong din kung ano ang iniisip ng ibang mga mananampalataya. Kung matuklasan nila na talagang may isang huwad na lider, magagawa nila na angkop itong pamahalaan. Pero hindi iniulat ni Lilah ang sitwasyon sa nakatataas na mga lider. Sa halip, patuloy niyang binanggit ang mga problema ng mga lider na iyon sa lahat ng kapatid. Ang ginagawa niya ay hinuhusgahan niya ang mga lider. Kaya, pinuntahan ko si Lilah para makipagbahaginan sa kanya. Sinabi ko sa kanya, “Kung natuklasan mo na may mga problema ang mga lider at manggagawa, dapat mong iulat iyon sa nakatataas, at huwag itong sabihin nang basta-basta sa harap ng mga kapatid. Dahil sa ginagawa mo, magkakaroon sila ng maling palagay laban sa mga lider at tatanggi silang makipagtulungan sa gawain ng mga lider. Nakakasira ang ugaling ito sa gawain ng iglesia. Bukod diyan, nabanggit mo ang mga problema ng ilang lider habang nakatalikod sila, at ito ay panghuhusga sa mga lider.” Sinabihan ko siya na pagnilayan ang kanyang mga intensyon at mithiin sa pagsasabi at paggawa ng mga bagay na ito, at sa huli, binalaan ko siya, “Kung patuloy mong huhusgahan nang ganito ang mga lider habang nakatalikod sila, guguluhin at gagambalain ang gawain ng iglesia, maaaring mawalan ka ng pagkakataong gampanan ang iyong mga tungkulin.” Matapos kong asikasuhin ang mga bagay-bagay na may kinalaman kay Lilah, nadama ko na natupad ko na ang mga responsibilidad ko bilang isang lider, at na pinoprotektahan ko ang gawain ng iglesia.

Hindi inaasahan, isang araw sa isang pagtitipon, bigla akong tinanong ng isang nakatataas na lider, “Bakit mo pinaalis si Lilah? Ano ang ginawa niyang mali?” Medyo nalito ako sa biglaang tanong na ito. Naisip ko, “Hindi ko pinaalis si Lilah kahit kailan. Kung pinalitan siya, walang akong anumang alam tungkol doon.” Tapos ay sinabi sa akin ng lider ko na totoo ang mga problemang ipinaalam ni Lilah, at na ang mga lider na iniulat niya, sa totoo lang, ay mga huwad na lider na kinailangang palitan. Tapos ay iwinasto ako ng lider ko dahil nagpadalus-dalos ako sa pamamahala ko sa usapin ni Lilah. Sabi niya, dahil lang sa iniulat niya ang mga problema tungkol sa ilang lider, nagpasya na ako na nagpadalus-dalos siya sa paghusga sa mga lider at masama ang pagkatao niya. Ang mga kilos ko ay katumbas ng pagpigil at pagkondena sa mga taong hinirang ng Diyos. Sinuman ang nagsabi ng katotohanan ay pinigilan at pinarusahan. Wala itong ipinagkaiba sa ginagawa ng CCP, na lumilikha ng isang kapaligiran ng “Marahas na Panunupil”. Matapos akong iwasto ng lider ko, nahirapan akong tanggapin iyon. Talagang hindi ko inisip na nananakot ako, ni hindi ko gustong parusahan si Lilah. Bukod pa riyan, ang mga lider sa iglesia ni Lilah ang nagpalit sa kanya. Wala talaga akong kinalaman doon. Paano ako naging katulad ng CCP dahil doon? Tapos niyon, hindi ko mapigilang isipin kung bakit pinakitunguhan ako nang ganito ng lider ko. Saan ba talaga nagsisimula ang problema sa akin? Ginunita ko ang sinabi ng lider ko, “Inilarawan mo ang mga kilos ni Lilah na ‘panghuhusga sa mga lider,’ tapos ay agad siyang pinigilan at pinaalis ng iba. Kung hindi mo siya inilarawan nang ganoon, napaalis ba siya nang gayon kadali?” Pinag-isipan ko ito habang nagninilay ako. Naisip ko, kahit hindi ako ang nagpaalis kay Lilah, at kahit hindi ko sinadyang parusahan o pigilan siya, dahil isa akong lider, matapos kong ituring ang problema niya na “padalus-dalos na paghusga sa mga lider,” hindi na nagkaroon ng magandang impresyon sa kanya ang mga kapatid. Nang may lumitaw na mga problema o paglihis sa kanyang mga tungkulin, naisip siguro ng kanyang mga lider sa iglesia na mahilig siyang manghusga ng mga tao at masama ang kanyang pagkatao, kaya pinaalis nila siya. Ang nagpasimula ng sunud-sunod na mga pangyayari na humantong sa pagpapaalis sa kanya ay ang pagtukoy ko sa kanya. Pero ano ang naging batayan ko sa pagpapasya na nagkasala siya ng “panghuhusga sa mga lider”? Talaga bang panghuhusga sa mga tao ang ginawa niya? Nang pagnilayan ko ang mga tanong na ito, natuklasan ko na mayroon akong ilang maling pananaw. Naisip ko na ang pag-uulat tungkol sa mga lider at manggagawa ay dapat gawin ayon sa isang proseso. Direkta mong papayuhan ang taong kinukuwestiyon, o kaya nama’y ipararating mo ang isyu sa nakatataas nilang mga lider at manggagawa at hahayaan mong sila ang magsiyasat at mag-asikaso roon. Kung hindi, naisip ko, hinuhusgahan mo ang mga lider habang nakatalikod sila. Sinabi ni Lilah na may mga problema sa apat na iba’t ibang lider, pero hindi niya sinabi sa mga lider mismo o ipinaalam ang mga isyu sa mga nakatataas sa kanila. Sa halip, ilang beses siyang nagsalita tungkol sa mga lider na ito sa mga kapatid, na sinasabi na hindi sila gumawa ng praktikal na gawain, nagsalita lang sila tungkol sa mga titik at doktrina, at sila ay mga huwad na lider. Akala ko ugali niyang manghusga sa mga lider, kaya kinondena ko siya batay sa ugaling ito nang hindi aktwal na sinisiyasat at tinutuklas kung totoo ba ang sinabi ni Lilah. Kung totoo ang sinabi ni Lilah, na mga huwad na lider ang apat na taong ito, ginawa niya ito para ilantad ang mga huwad na lider. Itinaguyod niya ang mga prinsipyo ng katotohanan at kumilos nang makatarungan, na nangangahulugan na pinananagutan at pinoprotektahan niya ang gawain ng iglesia. Ang isang taong matapat na inuulat ang mga problema at nangangahas na magsabi ng totoo nang walang takot sa katayuan at kapangyarihan ng mga huwad na lider ay isang mabuting tao sa iglesia, isang taong dapat na linangin. Kung hindi tumutugma sa mga tunay na pangyayari ang mga problemang inuulat niya, o kung mali ang paratang niya sa mga lider at manggagawa, ito ay paninirang-puri at pinapaamin mo ang iba sa kasalanan, padalus-dalos mong hinuhusgahan ang mga tao, at ginagambala ang gawain ng iglesia. Kung madalas niya itong ginagawa, ang gayong tao ay isang masamang tao na hindi mabuti ang pagkatao na kailangang pakitunguhan ayon sa mga prinsipyo. Ngayon, ang mga tunay na pangyayari ay nagpatunay na ang mga lider na iniulat ni Lilah ay talagang mga huwad na lider na hindi gumawa ng praktikal na gawain. Lahat ng iniulat niya ay naaayon sa mga tunay na pangyayari. Hindi niya talaga hinusgahan ang mga lider. Totoo ang sinasabi niya at inilalantad niya ang mga huwad na lider. Ang isang taong katulad niyon, na makatarungan, ay nararapat na suportahan, hindi basta-basta paratangan at ikondena. Kung pararatangan nang ganito ang mga tao, sino ang mangangahas na sabihin ang katotohanan? Hindi ko naunawaan ang ibig sabihin ng ilantad ang mga huwad na lider at husgahan ang mga tao. Nang mangyari ang mga bagay-bagay, hindi ako naghanap ng mga prinsipyo, kundi padalus-dalos kong kinondena ang isang mabuting tao. Wala akong takot sa Diyos sa puso ko, at kung hindi natuklasan ng lider ko na walang prinsipyo ang pagpapaalis kay Lilah at kung hindi ito napigil sa tamang oras, baka nakagawa ako ng kasamaan. Nang pagnilayan ko ito, sinisi ko nang husto ang sarili ko nang matanto ko na mali ako, kaya humarap ako sa Diyos at nagdasal para ipahayag ang kahandaan kong tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo at ang Kanyang pagpupungos at pagwawasto, at hiniling ko ang Kanyang patnubay sa pagtatamo ng kaalaman tungkol sa sarili kong tiwaling disposisyon.

Sa oras ng aking debosyonal, nakita ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang simpleng gawain. Ang mga taong hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ay hindi kailanman maaaring maglingkod sa Diyos. Kung ang disposisyon mo ay hindi pa nahatulan at nakastigo ng mga salita ng Diyos, ang disposisyon mo ay kumakatawan pa rin kay Satanas, na nagpapatunay na pinaglilingkuran mo ang Diyos ayon sa iyong mabubuting layunin, na ang paglilingkod mo ay batay sa iyong satanikong kalikasan. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong pagkatao, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong iniisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos; lubos kang gumagawa nang naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Matatawag ba itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang disposisyon mo sa buhay ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, magiging mas matigas ang ulo mo dahil sa paglilingkod mo, at sa gayon ay mapapalalim ang iyong tiwaling disposisyon. Dahil dito, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong pagkatao, at mga karanasang mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ito ang mga karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya ng tao sa pamumuhay sa mundo. Ang mga taong tulad nito ay maitutulad sa mga Pariseo at mga pinuno ng relihiyon. Kung hindi sila kailanman magigising at magsisisi, tiyak na magiging mga huwad na Cristo at mga anticristo sila na manlilinlang sa mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang nabanggit na mga huwad na Cristo at mga anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang pagkatao at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, nanganganib silang mapalayas anumang oras. Sa mga naglilingkod sa Diyos na gumagamit ng mga karanasan nila sa loob ng maraming taon upang makuha ang puso ng ibang tao, mapangaralan at makontrol sila, at magkaroon ng mataas na katayuan—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nagtatapat ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tinatalikuran ang mga benepisyo ng posisyon—ang mga taong ito ay babagsak sa harap ng Diyos. Sila ay mga kauri ni Pablo, nagpapalagay na nakatataas sila at ipinangangalandakan ang kanilang mga kuwalipikasyon. Hindi gagawing perpekto ng Diyos ang mga taong tulad nito. Ang ganitong uri ng paglilingkod ay humahadlang sa gawain ng Diyos. Ang mga tao ay palaging kumakapit sa nakalipas. Kumakapit sila sa mga kuru-kuro ng nakalipas, sa lahat ng bagay mula sa nakaraan. Malaking sagabal ito sa kanilang paglilingkod. Kung hindi mo kayang iwaksi ang mga ito, magiging hadlang ang mga ito sa buong buhay mo. Hindi ka pupurihin ng Diyos ni katiting, kahit pa mabali ang mga binti mo sa pagtakbo o ang likod mo sa paggawa, kahit pa mapatay ka sa paglilingkod mo sa Diyos. Sa kabaligtaran: sasabihin Niya na ikaw ay isang masamang tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon). Ibinunyag nang husto ng salita ng Diyos ang aking kalagayan. Matagal na akong lider, kaya pakiramdam ko ay marami na akong naranasan, may kaunting pagkaintindi sa mga prinsipyo, natuto na mula sa aking mga karanasan, at akala ko ay alam ko na kung paano tingnan ang mga tao at bagay-bagay, pati na kung paano harapin ang mga problema. Unti-unti, mas lalo akong naging mayabang at inakalang mas matuwid kaysa sa iba, walang puwang ang Diyos sa puso ko, at kapag may nangyaring mga bagay-bagay, inakala ko na alam ko lahat ang nangyayari, kaya kapag may naisip akong ideya, pinaniwalaan ko na tama iyon, at na iyon ang paraan kung paano dapat gawin ang mga bagay-bagay. Hindi ako nagdasal para maghanap ng mga prinsipyo, nagsagawa lang ako sa paraan na inakala kong tama. Nang ipaalam sa akin ang mga isyu tungkol kay Lilah, hindi talaga ako nagdasal sa Diyos, at hindi ko hinanap kung paano isagawa ang katotohanan o kumilos ayon sa mga prinsipyo sa bagay na ito. Ang unang reaksyon ko ay ang ipalagay na may problema sa kanyang pagkatao, na mahilig siyang manghusga sa iba, kaya inalam ko partikular na kung masama ba ang kanyang pagkatao, at kung madalas ba niyang tinalakay ang mga problema sa mga lider at manggagawa nang kontakin o kausapin niya ang iba. Nang malaman ko na tinatalakay pa rin ni Lilah ang mga problema ng isa pang lider sa mga kapatid, padalus-dalos ko siyang tinukoy na “nanghuhusga sa mga tao” at “sumisira sa gawain ng iglesia.” Ayon sa prinsipyo, dapat ay pinuntahan ko ang mga taong nakakakilala sa mga lider at siniyasat kung ang mga lider bang ito na binanggit ni Lilah ay talagang gumagawa ng praktikal na gawain at kung sila ba ay mga huwad na lider, upang mapagtibay kung totoo ba ang sinabi ni Lilah, at makagawa ng tumpak na paghatol sa usapin. Pero dahil sa sarili kong kayabangan, pagmamatuwid sa sarili, at padalus-dalos na ugali, at dahil hindi ko hinanap ang prinsipyo sa usaping ito, at wala akong takot sa Diyos sa puso ko, pikit-mata at padalus-dalos ko siyang inilarawan, na humantong sa pagpapalit, pagpigil, at pagbubukod sa kanya. Paulit-ulit nang binigyang-diin ng sambahayan ng Diyos na kailangan nating suportahan ang mga taong hinirang ng Diyos sa pag-uulat ng mga problema sa mga lider at manggagawa, protektahan ang mga nagbibigay ng opinyon sa kanilang mga lider at manggagawa, siyasatin nang husto at malinaw kapag inilalantad o inuulat ng mga taong hinirang ng Diyos ang mga lider at manggagawa, at inaasikaso nang patas ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo. Pero kontrolado ako ng sarili kong mayabang na kalikasan, padalus-dalos kong binansagan ang isang tao, hindi ako kumilos ayon sa prinsipyo, inilarawan at pinigilan ko ang isang mabuting tao, pinrotektahan at kinunsinti ko ang mga huwad na lider, at lubos kong nilabag ang mga pagsasaayos sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi gumawa ng praktikal na gawain ang mga huwad na lider at pininsala nila ang gawain ng iglesia, pero sa halip na asikasuhin ang mga iyon, kinondena ko ang taong nag-ulat tungkol sa problema. Hindi ba ako ginawa nitong protektor ng mga huwad na lider? Kabahagi ako sa kasamaan ng mga huwad na lider na ito. Naging kasabwat ako ni Satanas! Ginawa ko ang tungkulin ko batay sa isang mayabang na disposisyon, at ito ay paggawa ng kasamaan at paglaban sa Diyos. Kung nagpatuloy ito, kamumuhian ako at tatanggihan ng Diyos. Habang nagninilay ako, naalala kong sinabi ng lider ko na lumilikha ako ng isang kapaligiran ng “Marahas na Panunupil” na tulad ng CCP, at nang pag-isipan ko itong mabuti, tama siya. Matapos kong paratangan si Lilah na nanghuhusga ng mga tao, ibinahagi ko sa kanya na huwag siyang basta-basta magsalita tungkol sa kawalan niya ng kasiyahan sa mga lider, at pagkatapos ay binalaan ko siya na baka mawalan siya ng tungkulin kung magpapatuloy siya. Ano ang ipinagkaiba ng paraan ko sa paraan ng malaking pulang dragon? Walang kalayaan sa pagsasalita sa lupain ng pulang dragon, at hindi pinapayagang magsalita ang mga tao tungkol sa mga opisyal ng pamahalaan. Sa sandaling gawin nila iyon, laban sila sa Partido, at aarestuhin sila at isasailalim sa lahat ng uri ng pamamaraan at pagpapahirap para magpasakop sila, at hindi sila nangangahas na magsalitang muli. Kung sakaling walang ingat o pabaya ang mga opisyal ng malaking pulang dragon sa kanilang mga tungkulin, hindi pinapayagan ang mga tao na ilantad sila o magkomento. Kung may nagpo-post ng mga komento online, sa magagaang na kaso, binabalaan at tinatakot sila ng mga pulis, at sa mas mabibigat na kaso, sila ay deretsahang kinakasuhan ng krimen, pinarurusahan o sinesentensyahan. Sinumang nangangahas na ilantad ang Partido Komunista ay aakusahan ng “pagpapabagsak sa kapangyarihan ng estado,” tapos ay sesentensyahan at ikukulong. Sa lupain ng malaking pulang dragon, hindi maaaring matapat na iulat ang mga sakuna ni anumang balitang nakakasama sa Partido Komunista. Yaong mga gumagawa nito ay nagbubunyag ng mga lihim ng estado at sesentensyahang makulong. Ginagawa ito ng malaking pulang dragon para patahimikin ang mga tao at takutin silang magsabi ng totoo. Kung galit ka, lunukin mo lang iyon. Namumuhay ang mga tao sa pagkakimi at takot, at nawawala ang kalayaan nilang magsalita. Habang iniisip kong muli ang ginawa ko, hindi ba katulad na katulad ito ng paglikha ng kapaligiran ng “Marahas na Panunupil” na tulad ng CCP? Kung may sinabing anumang masama ang sinuman tungkol sa mga lider o manggagawa, inaakusahan ko sila nang padalus-dalos na nanghuhusga sila ng mga lider at manggagawa para patahimikin sila at lumilikha ako ng kapaligirang nakakatakot, para mamuhay sa pagkakimi at takot ang mga hinirang ng Diyos, at hindi na mangahas na ilantad o iulat ang mga huwad na lider dahil takot sila na baka pahirapin ng mga lider ang mga bagay-bagay para sa kanila. Ngayon, inilantad na at iniulat ng isa sa mga taong hinirang ng Diyos ang mga huwad na lider, pero pinigilan ko siya at kinondena. Kung magkaroon ng mga problema o paglihis balang araw sa sarili kong mga tungkulin, at sa halip na iulat ako sa mga nakatataas sa akin, tinalakay ito ng mga kapatid at sila-sila mismo ang naglantad sa akin, kung mabalitaan ko iyon, ipapasya ko ba na hinuhusgahan nila ako at parurusahan ko sila, o paaalisin ko pa sila at patatalsikin? Dahil sa likas kong pagkatao, tiyak na kaya kong gawin iyon. Kung hindi ako nagsisi at patuloy kong ginawa iyon, magiging isa akong anticristo, lalabagin ko ang disposisyon ng Diyos, at palalayasin Niya ako! Matapos kong pagnilayan ang mga bagay na ito, natakot ako dahil sa nagawa ko. Mahigit dalawang taon na akong naglingkod bilang isang lider. Hindi ko ginustong pigilan o parusahan kailanman ang mga taong hinirang ng Diyos, pero nakaya ko pa ring padalus-dalos na ikondena si Lilah. Ang kinalabasan nito ay na pinigilan na siya. Nakagawa na ako ng isang masamang bagay. Nakadama ako ng matinding pagsisisi, kaya humarap ako sa Diyos at nagdasal para sabihin na handa akong tunay na magsisi at na kapag may nangyaring mga bagay-bagay sa hinaharap, gusto kong magkaroon ng takot sa Diyos sa puso ko, hanapin pa ang katotohanan, at kumilos ayon sa mga prinsipyo.

Sa pamamagitan ng pagpupungos at pagwawastong ito, natanto ko rin na mayroon akong mga maling pananaw. Akala ko kapag napiling lider ang isang tao, mas magaling siya kaysa ordinaryong mga kapatid sa iglesia at may karapatan siyang magsalita, at kapag ang mga lider at manggagawa ay gumagawa ng gawain ng iglesia, obligado ang mga taong hinirang ng Diyos na suportahan at protektahan siya. Kahit may matuklasan kang problema, hindi mo iyon dapat talakayin nang walang ingat sa ibang mga kapatid. Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nagpabago sa aking mga pananaw at nagturo sa akin ng papel ng mga lider at manggagawa sa iglesia. Sabi sa salita ng Diyos, “Kapag ang isang tao ay napili ng mga kapatid na maging lider, o itinaas ng ranggo ng sambahayan ng Diyos para gawin ang isang gawain o gampanan ang isang tungkulin, hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang espesyal na katayuan o pagkakakilanlan o na ang mga katotohanang nauunawaan niya ay mas malalim at mas marami kaysa sa ibang mga tao—lalo nang hindi ito nangangahulugan na ang taong ito ay nagpapasakop sa Diyos, at hindi Siya pagtataksilan. Hindi rin ito nangangahulugan na kilala niya ang Diyos, at may takot siya sa Diyos. Sa katunayan, hindi niya natamo ang anuman dito; ang pagtaas ng ranggo at paglilinang ay pagtataas lamang ng ranggo at paglilinang sa pinakatuwirang paraan, at hindi katumbas nito na itinadhana at pinatunayan na siya ng Diyos. Ang pagtaas ng kanyang ranggo at paglilinang sa kanya ay nangangahulugan lamang na itinaas na siya ng ranggo, at naghihintay na malinang. At ang huling kalalabasan ng paglilinang na ito ay depende sa kung hinahangad ng taong ito ang katotohanan, at kung kaya niyang piliin ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Samakatuwid, kapag itinaas ng ranggo at nilinang ang isang tao sa iglesia para maging lider, itinataas lamang siya ng ranggo at nililinang sa literal na paraan; hindi ito nangangahulugan na karapat-dapat na siyang lider, o mahusay na lider, na kaya na niyang gawin ang gawain ng isang lider, at kayang gawin ang tunay na gawain—hindi ganoon. Hindi malinaw na nakikita ng karamihan sa mga tao ang tungkol sa mga bagay na ito, at tinitingala nila ang mga itinaas ng ranggong ito na umaasa sa kanilang mga imahinasyon, pero isa itong pagkakamali. Kahit ilang taon pa sila maaaring nanalig, taglay nga ba talaga ng mga itinaas ng ranggo ang realidad ng katotohanan? Maaaring hindi. Nagawa ba nilang isakatuparan ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Maaaring hindi. Alam ba nila ang kanilang responsibilidad? Taglay ba nila ang pananagutan? Kaya ba nilang magpasakop sa Diyos? Kapag may nakaharap silang isang isyu, nagagawa ba nilang hanapin ang katotohanan? Walang nakakaalam sa lahat ng ito. Mayroon bang pusong may takot sa Diyos ang mga taong ito? At gaano kalaki ang takot nila sa Diyos? Malamang bang sundin nila ang sarili nilang kalooban kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay? Magagawa ba nilang hanapin ang Diyos? Sa panahon na ginagampanan nila ang gawain ng mga lider, regular at madalas ba silang humaharap sa Diyos para alamin ang kalooban ng Diyos? Nagagabayan ba nila ang mga tao sa pagpasok sa realidad ng katotohanan? Tiyak na wala silang kakayahan sa gayong mga bagay agad-agad. Hindi pa sila nakatanggap ng pagsasanay at napakakaunti ng kanilang karanasan, kaya wala silang kakayahan sa mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit ang pagtataas ng ranggo at paglinang sa isang tao ay hindi nangangahulugang nauunawaan na niya ang katotohanan, ni hindi nito sinasabi na kaya na niyang gampanan ang kanyang tungkulin nang maayos. Kaya ano ang layunin at kabuluhan ng pagtataas ng ranggo at paglilinang sa isang tao? Ito ay na ang taong iyon, bilang isang indibiduwal, ay itinaas ng ranggo para masanay, para mas madiligan at maturuan, para maipaunawa sa kanya ang mga prinsipyo ng katotohanan, at ang mga prinsipyo ng paggawa ng iba’t ibang bagay, at ang mga prinsipyo, kaparaanan, at sistema ng paglutas sa iba’t ibang problema, gayundin, kapag nahaharap siya sa iba’t ibang uri ng sitwasyon at mga tao, paano mamahala at makipag-ayos sa mga ito alinsunod sa kalooban ng Diyos, at sa paraan na pumoprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ipinahihiwatig ba nito na ang taong may talento na itinataas ng ranggo at nililinang ng sambahayan ng Diyos ay sapat ang kakayahang gawin ang kanyang gawain at gampanan ang kanyang tungkulin sa oras ng pagtataas ng ranggo at paglilinang o bago ang pagtataas ng ranggo at paglilinang? Siyempre hindi. Samakatuwid, hindi maiiwasan na, sa panahon ng paglilinang, mararanasan ng mga taong ito ang maiwasto, matabas, mahatulan at makastigo, malantad at maging ang mapalitan; ito ay normal, at ito ang ibig sabihin ng sanayin at linangin(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Naunawaan ko mula sa salita ng Diyos na kapag nililinang ng iglesia ang isang tao para maging isang lider, iyon ay dahil ang taong ito ay may partikular na kakayahan, natatanggap ang katotohanan, responsable sa kanyang mga tungkulin, o may mga kasanayan sa kanyang gawain. Binibigyan siya nito ng pagkakataong sanayin ang kanyang sarili, pero hindi ito nangangahulugan na naalis na niya sa kanyang sarili ang katiwalian o naunawaan na niya ang katotohanan at nakapasok sa realidad. Hindi ito nangangahulugan na kwalipikadong lider ang isang tao, ni hindi ito nangangahulugan na ang taong ito ay isang namumukod-tanging indibiduwal sa iglesia, o mayroon siyang anumang espesyal na identidad o katayuan sa iglesia. Ang paglilingkod bilang isang lider sa iglesia ay isang atas at isang responsibilidad. Hindi talaga ito isang katayuan. Kapag isa kang lider, hindi iyon nangangahulugan na may tiyak kang katayuan at karapatang magsalita, o na igagalang ka ng mga tao, o na titingalain ka ng iyong mga kapatid hanggang sa punto na hindi sila puwedeng magtalakayan kapag nagkamali ka. Maling pananaw ang mga iyon. Kailangan ng isang lider na tanggapin ang patnubay at mga mungkahi ng mga kapatid, dahil ito lang ang nagtutulot sa kanya na mas maunawaan ang kanyang sariling mga problema at paglihis sa kanyang gawain, at hinahayaan siyang baguhin ang mga bagay-bagay pagdating ng panahon. Higit pa riyan, kung matuklasan ng mga kapatid na hindi gumagawa ng praktikal na gawain ang mga lider at manggagawa, dapat nilang isagawa ang katotohanan sa pamamagitan ng pag-uulat at paglalantad sa gayong mga tao at protektahan ang gawain ng iglesia. Ito ang tamang saloobing dapat nating taglayin para sa ating mga lider at manggagawa. Ang ganitong pagtrato lamang sa mga lider at manggagawa ang umaayon sa mga prinsipyo. Binago ng salita ng Diyos ang mga maling ideya at pananaw ko at ipinakita sa akin kung paano tratuhin nang tama ang responsibilidad ng isang lider at ang pangangasiwa ng mga taong hinirang ng Diyos. Ginusto kong bumaling sa Diyos, at habang ginagampanan ko ang aking mga tungkulin, sinuman ang nag-ulat tungkol sa mga lider o manggagawa, dapat ko iyong asikasuhing mabuti. Kasabay niyon, dapat akong tumanggap ng higit pang patnubay mula sa aking mga kapatid.

Sa isang pagtitipon, ibinahagi ng lider namin, “Nakikita ng ilang tao ang iba na inuulat o inilalantad ang mga lider, at tapos ay binabatikos o kinokondena nila ang mga nag-ulat. Kahit karaniwan ay napakaseryoso ng gayong mga tao sa kanilang mga tungkulin, hindi talaga sila masunurin sa Diyos.” Masakit at nakakalungkot lalo na ang marinig ang pagbabahaging iyon mula sa lider ko, at hindi ko napigilang tumulo ang mga luha ko. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, sa pagwawasto at paglalantad sa akin ng lider ko sa ganitong paraan, mabuti ang Iyong mga layunin. Kung hindi, madarama ko pa rin na nagbago na nang kaunti ang disposisyon ko at medyo naging masunurin na ako sa Iyo. Ngayon ko lang natanto na malayo pa akong makatugon sa pamantayan ng tunay na pagsunod sa Iyo. Pero handa akong magsikap at maghangad na maging isang taong sumusunod sa Iyo.” Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagtulot sa akin na maunawaan ang Kanyang kalooban. Sabi sa mga salita ng Diyos, “Hindi mababago ng mga tao ang sarili nilang disposisyon; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa pagdurusa at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pakikitungo, pagdidisiplina, at pagtatabas ng Kanyang mga salita. Pagkatapos noon, saka lamang sila magiging masunurin at matapat sa Diyos, at hindi na magpapadalus-dalos sa pakikitungo sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng paglalantad, paghatol, pagdidisiplina, at pakikitungo ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na nagagawa nilang magpasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain, kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, nagagawa nilang isantabi ang mga kuru-kurong ito at maluwag sa loob na magpasakop(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos). Naunawaan ko mula sa salita ng Diyos na ang mga taong masunurin ay yaong mga nakagawa ng pagbabago sa disposisyon at kumikilos alinsunod sa prinsipyo, matapos maranasan ang paghatol, pagkastigo, pagpupungos, pagwawasto, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos. Ang gayong mga tao, habang naniniwala sa Diyos at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, ay kayang hanapin ang katotohanan at gawin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo kapag nakaranas sila ng mga bagay-bagay, lalo na ng malalaking isyung may kinalaman sa prinsipyo. Kapag may mga pagpili silang gagawin na may kinalaman sa kanilang landas sa buhay, nakakaya nila gumawa ng tamang pagpili batay sa salita ng Diyos at sa katotohanan. Kung sinusunod mo lang ang Diyos sa mga bagay na walang halaga o para magpakitang-tao, pero kumikilos ka ayon sa sarili mong kagustuhan o natural na personalidad sa mga usaping may kinalaman sa prinsipyo o mahahalagang isyu, isang tao ka pa rin na sumusuway sa Diyos. Dati-rati, lagi kong iniisip na kaya kong talikdan ang aking pamilya at trabaho upang gumugol para sa Diyos, na anumang tungkulin ang isinaayos ng iglesia para sa akin, puwede kong tanggapin at sundin iyon, na kapag naharap ako sa mga paghihirap, puwede kong basahin ang salita ng Diyos at magdasal sa Diyos, at laging sikaping umisip ng mga paraan para magampanan nang mas maayos ang aking mga tungkulin. Akala ko ang saloobing ito sa aking mga tungkulin ay nangangahulugan na medyo masunurin ako sa Diyos. Pero patungkol kay Lilah, nakita ko na puwede ko pa ring pikit-matang asikasuhin ang mga bagay-bagay ayon sa sarili kong kagustuhan at padalus-dalos na kondenahin at pigilan siya, na nagpapatunay na pinaghaharian pa rin ng aking mga tiwaling satanikong disposisyon ang puso ko. Kahit karaniwan ay seryoso ako at matapat sa aking mga tungkulin, pagdating sa mga usaping may kinalaman sa mga prinsipyo at mahahalagang isyu, puwede pa rin akong kumilos ayon sa sarili kong kagustuhan nang may mayabang na disposisyon. Nakita ko na hindi ko naunawaan ang katotohanan, hindi pa nagbago ang aking disposisyon, at hindi pa rin ako masunurin sa Diyos. Kung hindi sa pagpupungos at pagwawasto ng lider ko, at sa paghahayag ng salita ng Diyos, hindi ko sana nakilala talaga ang sarili ko.

Ngayon, sa ilang mahahalagang bagay na may kinalaman sa mga prinsipyo ng katotohanan, maaari kong sadyang hanapin ang katotohanan at kung paano gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at hindi na ako nangangahas na kumilos nang pikit-mata batay sa aking mayabang na disposisyon. Madalas din akong nagdarasal sa Diyos: Marami pa rin akong tiwaling disposisyon at maling pananaw, kaya kailangan kong maranasan ang paghatol at pagkastigo, pagpupungos at pagwawasto, at pagtutuwid at pagdisiplina ng Diyos para makapagsisi at makapagbago. Dalangin ko na bibigyang-liwanag at gagabayan ako ng Diyos para mas maunawaan ko ang aking pagkasuwail at katiwalian, at tunay akong makasunod sa Kanya. Salamat sa Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Sa Likod ng Katahimikan

Ni Li Zhi, TsinaHindi ako masyadong palasalita, at hindi ako madalas nagsasabi at nagsasalita mula sa puso. Akala ko iyon ay dahil sa...

Leave a Reply